Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikaanim na Bahagi) Ikatlong Seksiyon
Nakagawa ang Diyos ng napakaraming gawain at nakapagsalita ng napakaraming salita sa mga huling araw, at naranasan ito ng mga tao, at nasaksihan ng sarili nilang mga mata ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos. Sa anumang perspektiba ito tinitingnan, hindi mapapabulaanan na nagpahayag na ang Diyos ng napakaraming katotohanan at nagliligtas ng napakaraming tao, at walang sinumang dapat na kumuwestiyon dito. Gaano man kaordinaryo at kanormal ang Diyos na nagkatawang-tao, gaano man Siya tila hindi kapansin-pansin para sa tao, dapat pa ring tanggapin ng mga tao ang mga salita Niya bilang ang katotohanan. Sinasabi ng ilan, “Dahil napakahamak at napakaordinaryo ng diyos na nagkatawang-tao, at hindi man lang dakila, paano kami mapapahanga sa kanya? Kaya ba ng gayong ordinaryong katawang-tao ang anumang dakilang gawain? Talaga bang makakatanggap kami ng malalaking pagpapala mula sa kanya? Hindi namin alam; ang magagawa lang namin ay tratuhin siya bilang isang ordinaryong tao.” Sinasabi ng iba, “Dahil hindi kami kumbinsido sa ilang bagay na ginawa mo, at nagdulot sa amin ng mga kuru-kuro ang ilan sa mga ito, at ang iba naman ay hindi namin maarok, at dahil may mga sinabi ka na hindi katanggap-tanggap para sa amin, hindi ka maaaring kumatawan sa diyos sa langit—kaya, dapat ka naming labanan hanggang sa pinakahuli. Kung hihilingin mo sa amin na ipalaganap ang ebanghelyo, hindi namin gagawin iyon; kung hihilingin mo sa amin na gawin ang aming tungkulin, hindi rin namin gagawin iyon; at kung hihilingin mo sa amin na tanggapin ang katotohanan, hindi namin ito tatanggapin. Lalabanan ka namin hanggang sa pinakahuli—tingnan natin kung ano ang magagawa mo sa amin.” Sa puso ng mga taong ito na hindi talaga tumatanggap sa katotohanan, mayroong libo—sampung libong—mga dahilan para itatwa ang gawain ng Diyos, para itatwa na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at para itatwa ang Kanyang nagkatawang-taong laman. Ngunit may isang bagay na maaaring hindi masyadong malinaw sa kanila: Gaano man karami ang dahilan nila, kung hindi nila tinatanggap ang mga katotohanang ito, hindi sila maliligtas. Kung hindi mo tinatanggap ang Aking persona o kung hindi ka nagpapasakop sa gawain ng Diyos, ayos lang iyon—hindi kita pipilitin. Pero kung hindi mo kikilalanin ang mga salitang ito ng Diyos bilang ang katotohanan at kung hindi mo isasagawa ang mga ito bilang ang katotohanan, sasabihin Ko sa iyo ito nang may buong katapatan: Hinding-hindi ka maliligtas, at hindi ka kailanman makakapasok sa pintuan ng kaharian ng langit. Kung iiwasan mo ang mga salitang ito ng Diyos, ang mga katotohanang ito, at si Cristo na gumagawa at nagliligtas sa sangkatauhan, kung gayon, gaano man karaming doktrina ang nauunawaan mo, o gaano man katindi ang paghihirap na tinitiis mo, hindi mo makakamit ang katotohanan; isa ka lang basura. Ano man ang dahilan mo sa pananampalataya sa Diyos, at ano man ang layon mo sa paggawa ng iyong tungkulin, hindi ka maliligtas. At kung hindi ka maliligtas, anong mga pagpapala ang matatanggap mo? May ilang tao na nakikipagtunggali sa Diyos sa langit, at ang iba naman ay sa Diyos sa lupa, at nangangahas silang kuwestiyunin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, hanggang sa puntong wala na nga silang pakialam kung ano ang magiging kalalabasan at hantungan nila. Hindi ba’t ubod ng sama ito? Napakabuktot ng mga mababang-uri na ito! Ang bawat isa sa kanila ay masamang tao. Silang lahat ay mga hindi mananampalataya, oportunista, mga taong walang kahihiyan, at ito ang diwa ng mga anticristo.
Kakabahagi Ko lang tungkol sa saloobin ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos. Kapag hinaharap ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, hindi nila hinahanap ang katotohanan o ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa loob ng mga ito. Hindi nila hinahangad na maunawaan mula sa mga salita ng Diyos kung paano makamit ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at lalong hindi nila hinahangad na maunawaan ang mga layunin ng Diyos, para puwede silang maging isang tao na tumutugon sa mga layunin Niya. Sa halip, gusto nilang mahanap sa mga salita ng Diyos ang kanilang ninanais na hantungan, pati na rin ang iba’t ibang pakinabang na nais nila, pati na kung makakatanggap ba sila ng mga pagpapala at kung paano sila makakatanggap ng mas maraming biyaya sa buhay na ito, at kung makakatanggap ba sila nang higit na mas marami sa darating na mundo, at iba pa. Ito ang mga bagay na hinahanap nila sa mga salita ng Diyos. Samakatwid, kahit sa anong perspektiba mo man ito tingnan, hindi kailanman itinuturing ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, ni iniisip na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at dapat tanggapin ng sangkatauhan. Ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos ay na nais nilang gamitin ang mga salita ng Diyos para makuha ang ninanais nilang mga pagpapala at hantungan. Nais nilang gamitin ang mga salita ng Diyos bilang pambuwelo para makamit ang mga bagay na hinahangad nila at matamo ang mga layon nila. Batay sa paghahangad nila, sa landas na tinatahak nila, at sa saloobin nila sa mga salita ng Diyos, isang grupo ng mga hindi mananampalataya ang mga taong ito, isang grupo ng mga oportunista. Kapag hindi mahanap ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos ang ninanais nilang mga pakinabang at hantungan, o kapag, sa proseso ng pag-aaral sa mga salita ng Diyos, nadidismaya sila sa mga salita ng Diyos tungkol sa mga kinabukasan at kapalaran, o sa mga pangako ng Diyos sa sangkatauhan, at hindi matugunan ang mga pagnanais nila, walang habas at walang pag-aalinlangang isinasantabi nila ang mga salita ng Diyos na hawak nila, tinatalikuran at inaabandona nila ang Diyos, at hinahangad nila ang buhay na nais nila. Hindi sila lumalapit sa Diyos para tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos, hindi nila itinuturing ang mga ito bilang ang katotohanan, sa halip, nais nilang gamitin ang mga salita ng Diyos para makamit ang kanilang mga personal na layon at matugunan ang kanilang mga personal na pagnanais at ambisyon. Dahil dito, walang pagod nilang hinahanap ang mga salita ng Diyos para sa kalalabasan at hantungan nila. Hinahanap nila kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa mga sakuna, ang Kanyang mga pagsisiwalat tungkol sa mga misteryo, ang Kanyang mga pagsisiwalat tungkol sa pag-unlad ng sangkatauhan, at ang ilang lingid-sa-kaalaman na impormasyon tungkol sa gawain Niya. Ito ang nilalaman na mahalaga sa kanila. Hindi sila interesado sa kahit anong bagay na labas sa saklaw na ito. Madalas pa nga nilang hinahamak at nilalabanan ang ilang hinihingi ng Diyos sa tiwaling sangkatauhan. Nakakaramdam pa nga sila ng pagtutol sa paglalantad ng Diyos sa tiwaling sangkatauhan. Madalas silang nakakahanap ng kamalian sa paggamit ng salita at sa tono ng pananalita sa mga salita ng Diyos, at sinusubukan nilang makahanap ng puwede nilang gamitin laban sa Diyos. Halimbawa, kapag inilalantad ng Diyos ang sangkatauhan bilang “mga patutot” at “mga bayaran,” sinasabi nila: “Paanong matatawag na mga salita ng diyos ang mga ito? Hindi magsasalita ang diyos sa ganitong paraan! Dapat magsalita ang diyos sa pino, malumanay, at mapagsaalang-alang na paraan.” Pagdating sa ilang salita ng Diyos na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, hindi naaayon sa gramatika ng tao, at hindi naaayon sa nakasanayang pangangatwiran ng mga tiwaling tao, iniisip nila, “Hindi mga salita ng diyos ang mga ito; hindi magsasalita ang diyos sa ganitong paraan! Ang diyos ay napakataas, dakila, at hindi maarok, kaya paanong magiging napakaordinaryo ng mga salita niya? Paanong lubos na hindi naaayon ang mga ito sa nakasanayang pangangatwiran? Kung ang katotohanan ang mga salita ng diyos, dapat ipahayag ang mga ito sa paraang pahahalagahan, sasambahin, at hahangaan ng lahat. Dapat hindi maarok ang lahat ng ito—ganoon dapat ang mga salita ng diyos!” Pagdating sa mga salita ng Diyos, mayroon silang iba’t ibang kuru-kuro, iba’t ibang limitasyon, at iba’t ibang hinihingi pa nga. Batay sa mga hinihingi at limitasyon nila, makikita na ang diwa ng mga anticristo ay ang diwa ni Satanas. Ang saloobin nila sa Diyos at sa mga salita ng Diyos ay ang magsaliksik, lumaban, manghusga, maghanap ng isang bagay na puwedeng gamitin laban sa Diyos, at maghanap ng kamalian. Wala silang ginugugol na anumang pagsisikap sa katotohanan sa mga salita ng Diyos, hindi rin sila nagpapasakop dito, ni hindi nila tinatanggap, o isinasagawa ito. Samakatwid, ang diwa ng mga anticristo ay ang diwa ni Satanas at ng masasamang espiritu. Kung paano tratuhin ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos ay ganoon din ang pagtrato nila sa Diyos. Kinakatawan ng mga salita ng Diyos ang Diyos Mismo. Ang lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay kumakatawan sa Kanyang disposisyon, Kanyang diwa, at higit pa rito, kumakatawan ito sa Kanyang pagkakakilanlan at katayuan. Ang mga salitang ito ay ipinapahayag man ng katawang-tao ng Diyos o ng Espiritu ng Diyos, at anuman ang nilalaman na ipinapahayag Niya, walang duda na kumakatawan ang mga salitang ito sa Diyos. Samakatwid, ang pagsasaliksik at pagsusuri ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos at ang pagkakaroon nila ng mga kuru-kuro tungkol sa mga ito ay katumbas ng pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Sinisiyasat nila ang Diyos. Hindi sila naniniwala sa mga salita ng Diyos at hindi nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos, na nangangahulugan na hindi rin sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, at tiyak na hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at lalong wala silang kakayahang magpasakop sa Diyos. Ito ang diwa ng mga anticristo.
Sinasabi ng ilan: “Ang diyos na nagkatawang-tao ay masyadong hamak at ordinaryo. Madalas na nagkakaroon ako ng mga kuru-kuro dahil sa kanyang mga salita at kilos, at ni hindi naaayon ang mga ito sa mga imahinasyon ko. Nakikita ko na isang ordinaryong tao lamang ang diyos na nagkatawang-tao. Hindi siya kumakatawan sa diyos, kaya gaano man karaming katotohanan ang ipinapahayag niya sa kanyang mga salita at gawain, hindi siya katulad ng diyos.” Saan nagmumula ang mga salitang ito? Ano ang kinakatawan ng mga ito? Hindi ba’t kumakatawan ang mga ito kay Satanas? Sa simula hanggang sa katapusan, hindi kailanman kinilala ni Satanas ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Hindi nito kailanman pinaniwalaan na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at tiyak na hindi nito kailanman tinanggap ang mga salita ng Diyos. Kaya naman, kapag nakikipag-usap sa Diyos si Satanas, nais nitong kausapin ang Diyos nang parang kapantay nito ang Diyos. Ang paraan ng pagsasalita nito ay para tuyain at kutyain ang Diyos, para lansihin ang Diyos, at walang puwang ang Diyos sa puso nito. At eksaktong kapareho ng kay Satanas ang mga ginagawa at sinasabi ng mga anticristo. Pareho ang diwa nila, maliban sa hindi nakikita ng sangkatauhan si Satanas, samantalang ang mga anticristo ay nakikita at nahahawakan; sila ay mga Satanas na nakadamit ng balat ng tao. Kung hindi sila mga Satanas, hindi nila magagawa at masasabi ang mga gayong bagay. Madalas na nagsisinungaling si Satanas, at naniniwala ito na mga kasinungalingan din ang mga salita ng Diyos. Madalas na nilalansi ni Satanas ang mga tao at ito ay baliko, mapanlinlang, at buktot, at naniniwala ito na nagsasalita ang Diyos sa parehong paraan. Ano man ang sabihin ng Diyos, palaging may idadagdag ang mga anticristo sa mga salita ng Diyos, ikinakabit ang sarili nilang pakahulugan at gumagawa ng mga di-makatwirang paliwanag. Higit pa rito, iniisip pa nga nila na ang ilang salita ng Diyos ay hindi kasingtalino ng sa kanila, hindi umaabot sa kanilang antas at matataas na pamantayan, at hindi sapat para malupig ang tiwaling sangkatauhan. Kaya, gusto nilang dalhin sa harap ng ilang tao ang mga paraan, tono, at nilalaman ng mga salita ng Diyos para suriin at husgahan ang mga ito, at higit pa rito, para punahin at kondenahin ang mga ito. Ano ang pakay nila sa paggawa nito? Habang sumusunod sa Diyos, inaasam nila na makamit ang kinabukasan at kapalaran na nais nila mula sa Diyos na ito, at hinihintay nilang makamit ang hantungang nais nila mula sa Diyos na ito. Kaya bakit kumikilos pa rin sila nang ganito? Hindi ba’t parang sinasampal lang nila ang sarili nila? Isa lang ang dahilan. Iyon ay, sa mga mata nila, masyadong karaniwan at ordinaryo ang mga salitang sinasabi ng gayong Diyos—masyado ring ordinaryo ang mga kilos Niya. Hindi ang gayong Diyos ang nais nilang igalang, o ang Siyang nasa imahinasyon nila, at hindi nila Siya kaayon. Kung susunod sila sa gayong Diyos, maaaring gumuho lahat ng kanilang hantungan, kinabukasan at kapalaran. Kaya naman, masidhi nilang sinusuway ang gayong Diyos. Hinuhusgahan nila Siya, sinisira Siya, at sinusubukan nilang isabotahe, guluhin, at sirain ang gawain Niya, para hindi na Niya magawa ito. Pagkatapos ay matutupad nila ang pakay nila. Sinasabi ng ilan: “Kung matutupad ang pakay nila, hindi ba’t mawawala ang hantungan nila?” Sadyang hindi kinikilala ng ganitong klase ng tao ang pag-iral ng Diyos, at hindi rin nila kinikilala ang katawang-tao ng Diyos, lalo na ang katunayan ng pagliligtas sa sangkatauhan ng Kanyang gawain ng pamamahala. Pumupusta at nagsusugal lang sila. Kung talagang mapapabagsak ang Diyos na ito, maaari na nilang gawin ang anumang gusto nila, at hindi na nila kakailanganin pang magdusa ng mga gayong paghihirap sa sambahayan ng Diyos. Mapapanatag na silang bumalik sa mundo, sa mga buktot na kalakaran, at sa tinatawag nilang normal na buhay. Hindi na nila kakailanganing magtiis ng anumang sakuna, hindi na nila kakailanganing sumailalim sa anumang uri ng pagpipino, at lalong hindi na nila kakailanganing magtiis sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Mawawala na ang lahat ng ito, at magpapatuloy ang mundo tulad ng dati. Ito ang pinananabikan nila sa kanilang mga pangarap. Hindi ba’t masama ang mga taong ito? Ano ang ugat ng pagiging napakasama nila? (Ang diwa nila ay Satanas, kaya kinamumuhian nila ang Diyos.) Sa katunayan, sa kaibuturan ng puso ng mga anticristong demonyong ito, sa espiritu nila, nararamdaman nila ito—alam nila kung ano ang tingin ng Diyos sa mga taong katulad nila. Kinamumuhian ng Diyos ang mga taong katulad nila. Hindi sila kaayon ng Diyos. Kinasusuklaman ng Diyos ang pagkatao at kalikasan nila. Kaya, gaano man sila magsikap at gaano man nila hilinging makatanggap ng mga pagpapala, hindi nakadepende sa kagustuhan nila ang kanilang panghuling resulta. Hindi nila mababago ang alinman sa mga katunayan. Hindi sila kaayon ng Diyos. Hindi sila kaayon ng mga salita ng Diyos. Hindi sila kaayon ni Cristo. Kung gayon, ano ang magiging katapusan nila? Lahat sila ay nakatakdang mamatay. Mayroon silang kaunting pagkaunawa sa resultang ito sa puso nila, kaya bakit nananatili pa rin sila sa sambahayan ng Diyos? Sadyang hindi sila handang bitiwan ang gayong magandang pagkakataon na makatanggap ng mga pagpapala, kaya gusto nilang sumugal, “Kung susugal ako nang ganito, baka makatanggap pa rin ako ng mga pagpapala. Baka makalusot at makaligtas pa rin ako. Baka kung hindi maging maingat ang diyos at hindi magbabantay, makakalusot ako sa pintuan ng kaharian ng langit.” Sa ganitong ilusyon ng mga “baka sakali,” patuloy silang sumasabay lang sa agos sa loob ng sambahayan ng Diyos, pero hindi kailanman nagbabago ang pananaw at saloobin nila tungkol sa Diyos. Hinahamak nila ang mga salita ng Diyos, hinahamak ang katotohanan, at hinahamak ang lahat ng positibong bagay.
Hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat. Nang marinig ito ng ilan, iniisip nila: “Hindi ba’t masyadong mababa ang pamantayang ito? Ilang taon na kaming nananampalataya sa diyos, bakit niya kami sinasabihan ngayon na ‘maging matapat’? Kung ito ang salita ng diyos, dapat malalim ito, dapat higit na mas matayog ito, mas mahirap unawain, higit na mas hindi abot ng tao. Ang kailangan natin ay mas matataas na pamantayan ng mga hinihingi, hindi itong mga ordinaryo, walang kabuluhan, mababang pamantayan na mga hinihingi.” Hindi nauunawaan ng gayong mga tao kung ano ang katotohanang realidad. Kapag naririnig ng mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ang pangangaral na ito, nababagabag sila, pero sa pamamagitan ng pagbabahaginan, karanasan, at ilang panahon ng pagdaan sa panahong ito, napagtatanto nila na ang mga salitang ito mula sa Diyos ang mga kinakailangan ng mga tao. Bakit ang mga ito ang kailangan ng mga tao? Lubhang nagawang tiwali ni Satanas ang tao, kaya, walang taong matapat; puno ng kasinungalingan ang mundong ito, at totoo rin ito sa mga nananampalataya sa Diyos. Araw-araw, sunod-sunod ang mga kasinungalingang sinasabi ng mga tao; punong-puno ang pananalita nila ng mga kasinungalingan at panlilinlang ni Satanas. Kaya, inilatag ng Diyos itong pinakasimple at pinakatuwirang hinihingi sa tao: maging matapat. Sa paglipas ng panahon at sa pamamagitan ng karanasan, nagkakaroon ng pagkaunawa ang mga tao sa mga salita ng Diyos, at ng pagkaarok sa mga hinihingi at mga layunin Niya; sa ilalim ng patnubay at direksiyon ng mga salita Niya, unti-unti nilang napagtatanto kung gaano kapraktikal ang mga salita Niya, kung paano dapat maunawaan at pasukin ang bawat salita Niya, kung bakit walang salita Niya ang hindi makabuluhan, na ang lahat ng salita Niya ang kinakailangan ng sangkatauhan, kung gaano naaarok ng Diyos ang mga tao nang lubusan at nakikilatis sila, at na nauunawaan Niyang mabuti ang katiwalian nila. Ito ang prosesong pinagdadaanan ng isang ordinaryong tao. Subalit kapag nakikita ng mga anticristo ang pariralang ito kung saan hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao, tinitingnan nila ito nang may saloobin ng paghamak, panunuya, pang-uuyam, at maging ng paglaban. Pagkatapos nilang magkaroon ng opinyon tungkol sa pariralang ito, binabalewala na nila ito, tumitindi ang paghamak nila sa Diyos, at mas tumitindi ang pangmamata nila sa Kanya at sa mga salita Niya, hanggang sa puntong hindi na nila pinag-aaralan ang salita Niya. Kapag nagsasalaysay ang ilang tao tungkol sa kanilang mga karanasan kung paano nila ibinunyag ang kanilang mapanlinlang na disposisyon, at kung paano sila nagsisi at nagsikap na maging matapat, umuusbong ang paglaban, pagkasuklam, at paghamak sa isipan ng mga anticristong ito. Bukod sa hindi nila tinatanggap ang sinasabi ng mga taong iyon, nakakaramdam din sila ng paglaban at pagkasuklam sa karanasan at kaalamang pinagbabahaginan ng mga kapatid, hanggang sa puntong nakakaramdam sila ng pagkamuhi at paghamak sa mga taong maraming ibinabahagi at may mas higit na kaalaman. Iniisip nila, “Mga hangal kayo. Sinasabi ng diyos sa inyo na maging matapat at basta lang ninyong ginagawa ito. Bakit ba napakamasunurin ninyo? Bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga salitang sinasabi ko? Tingnan ninyo ako—wala ni isa sa inyo ang nakakaalam kung ano ang tunay kong kalagayan, walang nakakaalam kung gaano ako kamapanlinlang at katuso. At hindi ko sasabihin sa inyo ang mga bagay na iyon; sa tingin ba ninyo ay karapat-dapat kayo na marinig ang mga iyon?” Ito ang saloobin nila tungkol sa hinihingi ng Diyos; bukod sa tumatanggi silang tanggapin ito, nilalabanan at kinokondena rin nila ito. Hindi ba’t ito ang mga pagpapamalas ng mga hindi mananampalataya? Mga tipikal na hindi mananampalataya ang mga ito. Sa panlabas, hindi nila hayagang kinondena ang salita ng Diyos, hindi nila sinunog sa pugon ang mga aklat ng salita Niya. Sa panlabas, binabasa nila ang salita ng Diyos at nakikinig sila ng mga sermon araw-araw, at nagbabahaginan sila sa mga pagtitipon, pero sa katunayan, umusbong sa kaibuturan ng puso nila ang matinding pagkasuklam, paglaban, at pagtanggi sa salita ng Diyos. Sa madaling salita, sa mismong sandali na nakabuo sila ng mga kuru-kuro tungkol sa salita ng Diyos, tinanggihan na nila ito. May ilan na nagsasabi: “Tinanggihan na ba ng mga anticristong iyon ang salita ng Diyos bago pa Niya sinabi ang mga bagay na iyon?” Sa puntong iyon, hindi pa nila ito tinatanggihan. Bakit? Dahil marami silang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, at dahil sa mga ito, pinahalagahan at hinangaan nila Siya, at itinuring Siyang isang dakilang tao. Ngunit nang ipahayag ng Diyos ang mga salita Niya, ganap na nagbago ang pananaw nila tungkol sa Kanya, at sinabi nila: “Sa katunayan, napakaordinaryo ng mga salitang sinasabi ng diyos! Napakasimple ng mga ito, napakatuwiran, at napakadaling unawain: Ako mismo ay kayang magsabi ng mga gayong salita! Hindi ba’t sinasabi ng lahat na dakila ang diyos? Kung gayon, bakit niya sasabihin sa atin na maging matapat? Kung ang diyos ay napakadakila, kung talagang kataas-taasan siya, hindi niya dapat bigyan ang mga tao ng mga napakaliit at napakababang hinihingi!” Nang mabasa nila ang salita ng Diyos, at naramdaman na mababaw ito, at na hindi ito tumutugma sa mga kuru-kuro ng mga tao, o umaayon sa maringal na imahe at pagkakakilanlan ng Diyos, nagkaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa salita ng Diyos. Sa likod ng pagkakaroon nila ng mga kuru-kurong ito, umusbong ang matinding pagkasuklam sa loob nila para sa mga salita ng Diyos, at kasunod nito, tuluyan nang gumuho ang pader na may hawak ng kanilang mga imahinasyon at kuru-kuro tungkol sa Diyos. Ano ang resulta ng pagguho na ito? Mula sa kaibuturan ng kanilang puso, itinakwil at kinondena nila ang salita ng Diyos. Kaya, ano ang pumapasok sa isipan ng mga anticristo kapag ipinangangaral ng mga tao ang salita ng Diyos? Para silang mga miron, nagmamasid lang mula sa isang tabi. Kapag may naririnig silang pumupuri sa mga salita ng Diyos o nakikipagbahaginan tungkol sa karanasan sa mga salita ng Diyos, ang mga anticristong ito ay mga miron lang din, nagmamasid lang mula sa isang tabi, at hindi sila kailanman nagsasabi ng “Amen” sa kaibuturan ng kanilang puso. Minsan, kinukutya pa nga nila ang mga tao, sinasabi nila, “Ano ba ang napala mo sa pagiging matapat? Bagama’t sinusubukan mong maging matapat, hindi tiyak na ililigtas ka ng diyos, at hindi rin tiyak na pagpapalain ka. Napakakaunti lang ng mga taong makakatanggap ng mga pagpapala. Kung wala akong makukuhang anumang pagpapala, dapat wala rin ni isa sa inyo ang makakakuha!” Ang kalikasang diwa ng isang anticristo ay kontra sa salita ng Diyos at sa Diyos Mismo, at dahil dito, hindi kayang tanggapin ng mga anticristo ang salita ng Diyos, at lalong hindi nila kayang magpasakop sa salita ng Diyos. Kung hindi nila tatanggapin ang salita ng Diyos at hindi sila magpapasakop dito, may makukuha ba silang karanasan dito? Wala, kung gayon, ano ang personal na kaalamang sinasabi nila? Lahat ito ay imahinasyon, hinuha, doktrina, o teorya lamang, o kung minsan pa nga ay magagandang-pakinggan na salita na ginagaya nila mula sa ibang tao, at dahil dito, imposibleng magkaroon sila ng anumang karanasan o kaalaman sa mga salita ng Diyos. Kaya, dahil sa iba’t ibang saloobin na kinikimkim ng mga anticristo tungkol sa Diyos at sa salita Niya, at dahil sa kanilang kalikasang diwa, kahit na 10 taon, 20 taon na silang nananampalataya sa Diyos, o mas matagal pa, hanggang sa araw na ito, hinding-hindi mo maririnig sa kanila o makikita sa kanila ang anumang karanasan sa salita ng Diyos, at lalong hindi mo makikita ang katiting na kaalaman tungkol sa Diyos. Hindi mo maririnig sa pananalita nila ang tungkol sa pagkakaroon nila ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos, at pagkakaroon ng kaliwanagan sa pamamagitan ng paglalantad ng Diyos, at pagdating sa punto sa huli kung saan wala na silang maling pagkaunawa sa Diyos o na hindi na sila nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya. Wala silang ganitong karanasan, at wala rin silang ganitong kaalaman. Ito ang dahilan kung bakit hindi makamit ng mga anticristo ang katotohanan o kung bakit wala silang anumang masabing personal na karanasan o kaalaman, gaano man sila magsikap sa pag-aaral ng salita ng Diyos. Gumagaya lang sila sa pagbabasa at pagsasaulo ng ilang sikat na sipi mula sa salita ng Diyos na madalas na sinisipi ng mga kapatid; iniraraos lang nila ang mga gawain at sumasabay lang sila sa agos, at pagkatapos, patuloy silang nag-iisip sa paraang katulad pa rin ng dati. Hindi nila nilulutas ang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nabubuo sa loob nila, o ang mga alitan at problemang lumilitaw sa pagitan nila at ng Diyos, gaano man kalaki ang mga ito. Palagi silang sinusundan ng mga kuru-kuro at problemang ito. Ano ang mga kahihinatnan ng hindi nila paglutas sa mga problemang ito? Palalim nang palalim ang sama ng loob sa puso nila, at palaki nang palaki ang pagkamuhi nila sa Diyos. Kung magpapatuloy sila sa ganitong paraan, ano ang magiging mga kahihinatnan habang tumatagal ang pananampalataya nila sa Diyos? Mahihimok ba sila ng mga naipong sama ng loob at mga kuru-kurong ito na bitiwan ang kinabukasan, kapalaran at intensiyon nila na magkamit ng mga pagpapala? (Hindi.) Kung hindi malulutas ang mga problemang ito, ano ang magiging huling resulta? (Sasabog sila.) Medyo prangka ang salitang “sasabog.” Paano sila sasabog? Ilan ang paraan? (Naaalala ko ang mga salita ng Diyos na nabasa ko dati, “Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, maaari silang magbago mula sa isang nakangiti at ‘mabait’ na tao tungo sa isang pangit at mabangis na mamamatay-tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao).) Ano ang pinagmulan ng pagiging mamamatay-tao nila? Kapag nabigo ang pagnanais nila na makakuha ng mga pagpapala, hindi na sila nagpapanggap, at sinasabi nila, “Hindi ito magiging madali sa sinuman sa atin, kaya hindi ko na kailangang ilihim o itago ito—nananampalataya ako sa diyos para lang makakuha ng mga pagpapala. Kung nalaman ko lang na hindi ako makakakuha ng mga pagpapala, matagal na sana akong umalis!” Sinasabi nila ang lahat ng salitang nasa puso nila at hindi sila natatakot na makondena. Bakit hindi sila natatakot sa pagkondena? Bakit nagagawa nilang iwaksi ang lahat ng pagpapanggap ng pagiging magalang at sumabog na lang? Dahil ayaw na nilang manampalataya at nais na nilang umalis. Maraming taon na nilang tiniis ang kahihiyan at paghihirap alang-alang sa mga layon nila, at nagsasagawa sila ayon sa mga estratehiyang ito at ginagamit nila ang mga estratehiyang ito bilang kanilang espirituwal na suporta. Ngayon, kapag nakikita nila na wala nang pag-asang makakuha sila ng mga pagpapala, pakiramdam nila ay mas mabuti pang iwaksi na lang ang lahat ng pagpapanggap ng pagiging magalang at hayagang sabihin na, “Isa lang akong hindi mananampalataya. Ayaw ko sa mga positibong bagay. Gusto kong hangarin ang mga makamundong bagay at gusto ko ang mga buktot na kalakaran. Sinasabi nila na ang mga salita ng diyos ang katotohanan at na kayang baguhin at iligtas ng mga salita ng diyos ang mga tao. Bakit hindi ko pa nakita iyon? Bakit hindi ko ito maranasan o maramdaman? Ano ang nabago ng salita ng diyos sa mga tao? Sa tingin ko, walang kuwenta ang mga salita ng diyos. Isang bagay lang ang may mga pinakakongkretong pakinabang, at iyon ay na pagpapalain at makakapasok sa kaharian ng langit ang mga sumusunod sa diyos. Totoo ang mga salitang ito. Hindi ako mananampalataya sa diyos kung hindi para sa pagkamit ng mga pagpapala! Nasaan ang diyos? Kung kayang iligtas ng diyos ang mga tao, bakit siya ipinako sa krus? Ni hindi niya mailigtas ang sarili niya!” Sinasabi nila kung ano talaga ang iniisip nila—hindi ba’t nabubunyag dito ang malademonyong katangian nila? Sumasabog na mula sa kanila ang mga kuru-kuro at sama ng loob na naipon sa loob ng maraming taon. Sa wakas, ipinapakita na ng mga anticristo ang totoo nilang kulay.
May ilang anticristo na madalas nagsasabi ng mga bagay na tulad ng: “Tinalikuran ko ang pamilya at propesyon ko, nagsikap ako nang husto, at labis na nagdusa sa aking pananampalataya sa diyos, at ano ba ang napala ko rito? Hindi ba’t ang diyos ay isang diyos na nagbibigay ng mga pagpapala sa mga tao? Hindi ba’t ang diyos ay isang diyos na nagbibigay ng mga biyaya sa mga tao? Kaya, ano ba ang napala ko?” Tinustusan ng Diyos ng napakaraming katotohanan ang tao, at napakarami Niyang ibinigay nang walang hinihinging kapalit; bagama’t lubos na kumokontra at naghihimagsik ang mga tao laban sa Diyos, hindi Niya ito tinatandaan, at pumaparito pa rin Siya para iligtas ang tao. Hindi nakikita ng mga anticristo kung gaano karami ang nakuha ng tao mula sa Diyos. Ano ba talaga ang ibig nilang sabihin kapag sinasabi nila, “Ano ba ang napala ko?” (Mga pagpapala.) Gusto ng mga anticristo ang lahat. Kaya nilang isuko ang lahat para manampalataya at sumunod sa Diyos, at iniisip nila na, sa paggawa nito, magkakaroon sila ng pagkakataon na magtagumpay, at magiging sulit ang lahat ng ginawa nila. Isinusuko nila ang mundo at ang kinabukasan nila, at sa hinaharap, nais nilang mapasakanila ang buong mundo. Ang nais nila bilang kapalit ay dapat mas mahalaga kaysa sa mga bagay na isinuko nila. Dapat mas mahalaga ito kaysa sa mga bagay na iyon at dapat makapagbibigay ito sa kanila ng mas malalaking pakinabang; saka lamang sila makikipagpalitan. Sa tingin ba ninyo ay sinasabi ng mga anticristo ang mga salitang ito sa sandali na galit sila habang sumasabog sila? (Hindi.) Tiyak na matagal nilang kinikimkim ang mga salitang ito bago tuluyang sumabog ang mga ito. Pagkatapos nito, nalantad na ang lahat ng iniisip at hinahangad ng mga anticristo sa mga nakalipas na taon, at natanggal na ang kanilang mga maskara. Ano ang pangunahing punto ng sinasabi nila? “Nanampalataya ako sa diyos at sinunod ko siya sa loob ng maraming taon, at ano ang napala ko?” Hindi ang katotohanan ang nais nilang makamit. Ayaw nila sa katotohanan. Ayaw nila ng buhay, ayaw nila ng pagbabago sa disposisyon, ayaw nila sa pagliligtas ng Diyos. Iniisip nilang sila ay mga perpektong tao at ayaw nilang makamit ang mga bagay na ito. Nais nilang magkamit ng dagdag na bagay, ng ilang mas malaking pagpapala kaysa sa mga maaaring makuha sa mundong ito. Ibig sabihin, gusto nilang ipagpalit ang mga bagay sa mundo na isinuko nila para sa mga pagpapalang ipinangako ng Diyos. Nais nilang matanggap ang pinakamalaking pagpapala mula sa Diyos. Kapag nakikita nilang hindi nila makakamit ang mga pagnanais nila, at wala na talagang pag-asa, dapat na silang sumuko. Pero kapag dumating na ang oras na gawin iyon, kung isasaalang-alang ang disposisyon nila, magagawa ba nilang tumigil doon? Hindi. May mga pamilya kung saan lahat ay mananampalataya, pero may lumilitaw na mga anticristo sa kanila. Kapag nakita ng mga anticristong ito na hindi sila makakatanggap ng mga pagpapala, sinisimulan nilang guluhin ang mga pamilya nila para pigilan ang mga ito na manampalataya. Pamilya pa ba ang mga ito? Magkalapit na pamilya sila pagdating sa panlabas na pisikal na anyo o ugnayan sa dugo. Pero kung titingnan natin ang landas na sinusunod ng bawat miyembro, bagama’t lahat sila ay mahigit 10 taon nang nananampalataya sa Diyos, nabubunyag ang ilan bilang mga anticristo, ang ilan naman ay naghahangad sa katotohanan at ginagawa nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin, at ang iba ay katamtaman lang na naghahangad sa katotohanan—kaya, nabubunyag ang kanilang kalikasang diwa. Siyempre, ang pinakamasama sa kanila ay ang mga anticristo, na dapat itakwil ng tao at patalsikin ng sambahayan ng Diyos. Kung gayon, pamilya ba ang mga ito? Ganito ba ang tunay na mga pamilya? Ni hindi sila parehong uri ng mga tao! Ang ilang tao ay nakapamuhay kasama ang mga diyablo sa loob ng maraming taon at itinuturing pa rin nila bilang kapamilya ang mga diyablong ito. Hindi nila kayang talikuran ang mga ito at hangal pa ngang pinaniniwalaan na ang mga ito ay mga mahal nila sa buhay. Anong klaseng mga mahal sa buhay ang mga ito? Pagkatapos ipakita ng mga anticristo ang sarili nila, nakikisangkot sila sa lahat ng klase ng kasamaan. Maaari pa ngang usigin nila ang mga tunay na mananampalataya sa pamilya nila. Ang mas masahol pa, maaari pa ngang isuko nila ang mga kapamilya nila sa mga buktot na gobyerno. Ipinagkakanulo ng ilang magulang ang mga anak nila, at ipinagkakanulo ng ilang anak ang mga magulang nila. Gaano man sila kalapit o kamagiliw sa isa’t isa, walang hindi gagawin ang mga anticristo. Dahil kayang ipagkanulo at usigin ng mga anticristo ang mga tunay na mananampalataya sa pamilya nila, hindi ba’t ibig sabihin nito ay mga kalaban sila? (Oo.) Ang paglitaw ng isa o dalawang anticristo sa iglesia ay nangangahulugan ng panganib para sa mga kapatid. Sa sandaling makita ng mga anticristo na hindi sila makakatanggap ng mga pagpapala, susuko na sila, hindi na sila mag-iingat, hindi na magtitimpi, at sisimulan nilang isipin na guluhin ang ibang mga kapatid. Ang ilang kapatid ay mahina, may maliit na tayog, at hindi nakakaunawa sa katotohanan. Ipinapakita ng mga anticristo sa mga kapatid na ito ang ilang tsismis sa internet, at pagkatapos ay sinususugan nila ang mga ito gamit ang kanilang mga eksaheradong paliwanag, sa gayon ay nagugulo at nalilihis nila ang mga kapatid na iyon, at sa huli ay nasisira nila ang mga ito. Siyempre, may pagkilatis naman ang ilang kapatid at agad nilang natutukoy ang mga anticristo. Kung lantaran nilang haharapin ang mga anticristo, magdudulot ito ng problema, kaya sapat na kung makakahanap sila ng matalinong paraan para ihiwalay ang mga ito para hindi makagulo o makapandamay ng iba ang mga ito. Dapat maging matalino ang mga tao kapag pinapangasiwaan ang mga Satanas.
Nananampalataya at sumusunod sa Diyos ang mga anticristo alang-alang sa kinabukasan at kapalaran nila. Kumakapit sila sa pagnanais nila para sa mga pagpapala at binibitbit nila ang kanilang mga ambisyon kapag pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos, at binabasa, tinatanggap, at ipinangangaral nila ang salita ng Diyos. Nakikipagkompromiso sila, nagtitiis ng kahihiyan, at nagtitiis ng iba’t ibang uri ng paghihirap sa sambahayan ng Diyos alang-alang sa kinabukasan at kapalaran nila. At pagkatapos ng maraming taon ng paghihintay at panonood, kapag nabigo ang kanilang mga pag-asa, aalis din sila sa iglesia at sa sambahayan ng Diyos dahil sa kinabukasan at kapalaran nila, dahil hindi matutupad ang pagnanais at layon nila na magkamit ng mga pagpapala. Ano ang kalalabasan ng mga gayong tao? Ititiwalag sila. At bakit sila ititiwalag? Pinagpapasyahan ba ng Diyos na huwag silang iligtas mula sa sandaling pumasok sila sa sambahayan Niya, o dahil may sarili silang mga problema? (May sarili silang mga problema.) Kapag pumapasok ang mga anticristo sa sambahayan ng Diyos, sila ay nagiging parang mga damo na sumasama sa trigo. Sinasabi ng ilang tao, “Pero hindi ba ito alam ng Diyos?” Alam ng Diyos ang tungkol dito; sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng ito. Hindi magbabago ang mga ganitong tao. Kahit nabasa na nila ang lahat ng salita ng Diyos, kahit nabasa na nila ang mga misteryo, ang hantungan ng tao, at ang iba’t ibang tiwaling disposisyon ng tao na naibunyag ng Diyos, at ang iba pang mga salita, wala itong silbi, dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Ang mga salitang sinasabi ng Diyos ay nakatuon sa buong sangkatauhan. Ang mga ito ay hindi itinatago sa sinuman, at ibinibigay ang mga ito nang pantay-pantay sa lahat. Maaaring basahin at pakinggan ng lahat ang mga salita ng Diyos, pero sa huli, hindi kailanman makakamit ng mga anticristo ang mga ito, sapagkat sila ay mga anticristo, diyablo, at Satanas. Hindi nagbago si Satanas matapos ang napakaraming taon sa tabi ng Diyos, kaya, hindi ba’t ganoon din ang mangyayari sa mga anticristo? Kahit araw-araw mong ipabasa sa kanila ang salita ng Diyos, hindi nila ito makakamit, sapagkat mga anticristo sila, at mayroon silang diwa ng isang anticristo. Hindi posibleng mahimok ang mga anticristo na isuko ang kanilang sariling mga interes o ang kanilang kinabukasan at kapalaran. Para itong paghihintay na maging puti ang uwak. Imposible ito. Gusto ng mga anticristo na makakita ng mga agarang pakinabang, at gusto rin nilang makakita ng mga panghabang-buhay na pakinabang sa hinaharap. Kung hindi nila makakamit o matutugunan ang isa sa mga bagay na ito, agad silang magiging mapanlaban, at maaaring umalis sila anumang oras. Sinusuri ng mga anticristo ang mga nakatagong kahulugan sa likod ng mga salita ng Diyos, pinakikinggan nila ang tono at pagkakabigkas ng mga ito, sinusubukan nilang hulaan ang kahulugan at layon ng mga salita Niya, para masukat nila ang iba’t ibang pakinabang na kanilang pinahahalagahan at nais na makuha. Posible bang maunawaan nila ang katotohanan kapag tinatrato nila ang salita ng Diyos nang may ganitong saloobin? (Hindi.) Kung gayon, ano’t anuman, ang mga anticristo ay kontra sa Diyos at mga mortal na kaaway ng Diyos at ng Kanyang salita. Sinasabi ng ilang tao: “Talagang mabuti noon si ganito. Bakit ganito na siya kumikilos ngayon? Matapos maibahagi sa kanya ang mga salita ng Diyos, sinabi niya na naunawaan niya ito at nangako siyang magsikap na gawin ang kanyang mga tungkulin, kaya bakit hindi niya kayang magbago?” Sasabihin Ko sa iyo ang totoo. Hindi lang sa hindi niya kayang magbago ngayon—hindi rin niya magagawang magbago sa hinaharap. Bakit ganito? Dahil wala siyang intensiyon na magbago. Isipin mo: Kung hindi makakahanap ang isang lobo ng makakaing tupa, kapag gutom na gutom na ito, minsan ay kakain na lang ito ng ilang bungkos ng damo at iinom ng tubig para maibsan ang gutom nito. Pero ibig bang sabihin nito ay nagbago na ang kalikasan ng lobo? (Hindi.) Kung gayon, kapag hindi gumagawa ng anumang kasamaan ang mga anticristo at pansamantala silang nagpapakita ng ilang mabuting pag-uugali, hindi ibig sabihin nito na nagbago na sila o na tinanggap na nila ang katotohanan. Sa sandaling lubha silang mapungusan sa paraan na nakakaapekto sa kapangyarihan at katayuan nila, at makita nila na wala silang pag-asa—na tiyak na matitiwalag sila—agad silang magiging negatibo, at bibitiwan nila ang kanilang gawain, at lilitaw ang orihinal at tunay nilang kulay. Sino ang makapagbabago sa mga ganitong tao? Walang plano ang Diyos na iligtas sila, ginagamit lang Niya ang mga katunayan para ibunyag at itiwalag sila. Kaya, dapat makilatis at itakwil ng lahat ang mga alipin na ito ni Satanas.
Ang pagkilatis sa mga anticristo ay katulad ng pagkilatis sa masasamang tao at kay Satanas, at ang paghihimay sa mga anticristo ay katulad ng paghihimay sa hindi nakikitang Satanas at mga diyablo. Ang mga anticristong hinihimay natin ngayon ay nakikita ng tao. Makikita mo ang ginagawa nila at maririnig mo ang sinasabi nila; makikita mo ang lahat ng pagpapamalas nila at malalaman mo ang mga layunin nila. Hindi mo makikita o mahahawakan si Satanas o ang mga diyablo sa espirituwal na mundo, kaya mananatili lang silang isang konsepto at titulo para sa iyo. Pero naiiba ang mga anticristo na hinihimay natin ngayon. Ang mga ito ay mga buhay na diyablo at Satanas. Sila ay mga diyablo at Satanas na nahahawakan, may laman at dugo. Kinokontra at itinatakwil ng mga diyablo at Satanas na ito ang Diyos sa espirituwal na mundo, at tutol sila sa bawat salitang sinasabi ng Diyos. Kapag pumupunta sila sa iglesia, ginagawa pa rin nila ang mga bagay na ito. Kinokontra, tinututulan, at itinatakwil pa rin nila ang mga salita ng Diyos katulad ng dati. Kadalasan, hinahamak pa nga nila ang mga salita ng Diyos. Hangga’t nagmumula ito sa bibig ng Diyos, nagdudulot ng maraming katanungan sa puso nila ang kahit napakaliit na bagay. Sasaliksikin, susuriin, at ipoproseso nila ito gamit ang isipan nila. Samakatwid, para sa mga anticristo, hindi ang mga salita ng Diyos ang layon ng pananampalataya nila. Hindi sila kailanman mananampalataya sa mga salita ng Diyos. Kahit gaano pa kapraktikal, katotoo, o katapat ang mga salita ng Diyos, hindi sila maniniwala sa mga ito. Kaya, batay sa mga puntong ito, hindi ba’t mga kaaway ng Diyos ang mga anticristo? Hindi ba’t napopoot sa katotohanan ang kalikasan nila? Ang mga ganitong uri ng tao ay ipinanganak na mga kaaway ng Diyos, sila ay ipinanganak na tutol sa katotohanan. Hindi nila kailanman ituturing o panghahawakan ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan. Dahil sa diwa nila, sa iba’t ibang pagpapamalas nila sa Diyos, at sa iba’t ibang saloobin nila sa mga salita ng Diyos, sa huli ay kinokondena ng mga salita ng Diyos at itinataboy ng Diyos ang mga ganitong uri ng tao. Kaya, makakamit ba nila ang pinakamalaking pakinabang na hinahangad nila—ang kinabukasan at kapalaran nila? Hinding-hindi. Samakatwid, kanino ba sinasabi ng Diyos ang mga pangako at pagpapala na ibibigay Niya sa sangkatauhan, at ang hantungan na inihanda Niya para sa sangkatauhan? Mayroon bang anumang parte ang mga anticristo sa mga bagay na ito? (Wala.) Ang kahanga-hangang hantungan na sinabi at ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan ay ibinibigay sa mga nilalayong iligtas ng Diyos, sa mga taong nananampalataya sa mga salita ng Diyos at tumatanggap sa mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan. Hindi ito ibinibigay sa mga anticristong kumokontra sa Diyos at tumatrato sa mga salita ng Diyos bilang mga kasinungalingan ng isang manloloko.
Abril 11, 2020