Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikalimang Bahagi) Ikaapat na Seksiyon

Ikaanim na Kaso: Pagpapakapagod Para Magtamo ng Katungkulan Alang-alang sa Pagkain at Pananamit

Pagkatapos manampalataya sa Diyos, maraming tao ang palaging naghahangad ng katayuan at na tingalain sila ng ibang tao. Sa sambahayan ng Diyos, palagi nilang gustong mamukod-tangi sa karamihan at maging pinuno ng grupo. Alang-alang sa mga bagay na ito, tinatalikuran nila ang mga pamilya at propesyon nila, nagtitiis sila ng paghihirap at nagbabayad ng halaga, hanggang sa wakas ay nakakamit nila ang kanilang mithiin at nagiging lider sila. Pagkatapos maging lider, tunay na nagiging iba ang pamumuhay ng mga taong ito. Ipinapamalas nila ang bawat aspekto ng imahe at istilong dati nang nasa kanilang isipan tungkol sa kung paano kumikilos ang mga taong may katungkulan, mula sa pananamit, pag-aayos, hanggang sa paraan ng pagsasalita at pagkilos. Natututo silang magsalita na parang isang opisyal, natututo silang utus-utusan ang mga tao, at natututo silang ipaasikaso sa mga tao ang mga pribadong usapin nila. Sa madaling salita, natututo silang maging isang opisyal. Kapag pumupunta sila sa isang lugar para maging lider, ibig sabihin ay pumupunta sila roon para maging isang opisyal. Ano ang ibig sabihin ng pagiging opisyal? Na sila ay “nagpapakapagod para magtamo ng katungkulan alang-alang sa pagkain at pananamit.” Isa itong usapin na nauukol sa mga pisikal na kasiyahan. Pagkatapos maging lider, ano ang nag-iba sa buhay nila kumpara sa dati? Iba na ang kinakain, sinusuot, at mga ginagamit nila. Kapag kumakain sila, partikular sila sa pagiging masustansiya at masarap nito. Partikular sila sa tatak at istilo ng mga damit na isinusuot nila. Kapag nakaisang taon na sila bilang isang lider sa isang partikular na lugar, nagiging maputla at mataba sila; mula ulo hanggang paa, nakasuot sila ng mga damit na may tatak; at pawang mamahalin ang tatak ng selpon, kompiyuter, at mga kasangkapan nila sa bahay. Ganito ba ang mga kondisyon nila bago sila naging lider? (Hindi.) Pagkatapos maging lider, hindi sila nagsikap kumita ng pera, kaya saan nila kinuha ang perang pambili ng lahat ng bagay na ito? Idinoneyt ba sa kanila ng mga kapatid ang mga bagay na ito, o inilaan ba sa kanila ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay na ito? Ni minsan ba ay nabalitaan ninyo na naglaan ang sambahayan ng Diyos ng mga bagay na ito sa bawat lider at manggagawa? (Hindi.) Kung gayon, paano nila nakuha ang mga ito? Ano’t anuman, ang mga ito ay hindi mga bagay na nakuha nila sa pamamagitan ng sarili nilang pagsisikap; sa halip, ang mga ito ay mga bagay na nakuha nila matapos silang magkamit ng katayuan at maging isang “opisyal”—kung saan natatamasa nila ang mga pakinabang ng katayuan—sa pamamagitan ng pangingikil sa iba, pandaraya, at pagsamsam. Sa mga iglesia sa lahat ng dako, may mga tao bang ganito sa iba’t ibang antas ng mga lider at manggagawa na nakasalamuha ninyo? Noong una silang maging lider, wala silang pag-aari, pero sa loob ng wala pang tatlong buwan, mayroon na silang mga mamahaling kompiyuter at selpon. Pagkatapos maging lider, iniisip ng ibang tao na dapat silang magtamasa ng mataas na pamantayan ng pagtrato—kapag lumalabas sila, dapat may sasakyan sila; dapat mas maganda kaysa sa ginagamit ng mga karaniwang tao ang mga kompiyuter at selpon na ginagamit nila, dapat mula sa mamahaling tatak, at kailangan nilang magpalit ng bago kapag luma na ang modelo nito. May ganito bang mga panuntunan ang sambahayan ng Diyos? Hindi kailanman nagkaroon ng mga ganitong panuntunan ang sambahayan ng Diyos, at wala ni isang kapatid ang nag-iisip ng ganito. Kaya, saan galing ang mga bagay na ito na tinatamasa ng mga lider na ito? Sa isang banda, nakuha nila ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng pangingikil sa mga kapatid at pagpapabili sa mayayamang tao ng mga bagay na ito para sa kanila sa pamamagitan ng pagpapanggap ng paggawa ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Bukod pa rito, sila mismo ang bumili ng mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagdidispalko at pagnanakaw ng mga handog. Hindi ba’t mga tampalasan silang kumukuha ng pagkain at inumin nang may pandaraya? May kaibahan ba ito sa mga tao sa ilang naunang kaso na ibinahagi Ko? (Wala.) Ano ang pagkakapareho ng mga ito? Pawang ginamit nila ang posisyon nila para lustayin ang mga handog at kumuha ng mga handog sa pamamagitan ng pangingikil. Sinasabi ng ilang tao, “Sa paggawa sa sambahayan ng Diyos at sa pagiging isang lider o manggagawa, hindi ba’t kalipikado silang magtamasa ng mga bagay na ito? Hindi ba’t kalipikado silang makibahagi sa mga handog sa Diyos kasama Siya?” Sabihin mo sa Akin, kalipikado ba sila? (Hindi.) Kung kailangan nilang bumili ng ilang gamit para magawa ang gawain ng sambahayan ng Diyos, sa ganitong kaso, may mga panuntunan ang sambahayan ng Diyos na nagsasabing puwede nilang bilhin ang mga bagay na iyon, pero bumibili ba ang mga taong ito ng mga gamit nang alinsunod sa mga nakatakda sa mga panuntunan? (Hindi.) Ano ang nakikita ninyo na nagpapahiwatig na hindi nila ginagawa iyon? (Kung talagang kailangan nila ito para sa gawain, iisipin nila na ayos na ang isang kagamitan hangga’t puwede pa itong gamitin, pero hinahangad ng mga anticristo ang mga mamahaling gamit na may tatak, at ginagamit nila ang mga pinakamaganda sa lahat ng bagay. Batay rito, makikita natin na ginagamit nila ang katayuan nila para tamasahin ang mga materyal na bagay na ito.) Tama. Kung kailangan ito para sa gawain, ayos na ang isang kagamitan hangga’t puwede pa itong gamitin. Bakit kailangan pa nilang gumamit ng mga sobrang magarbo at mamahaling bagay? Isa pa, nang bilhin nila ang mga bagay na ito, nakilahok ba ang iba sa pagdedesisyon at sumang-ayon ba ang mga ito? Hindi ba’t problema ito? Kung nakilahok ang iba sa desisyon, puwede kayang sumang-ayon silang lahat na bumili ng mga mamahaling bagay na ito? Tiyak na hindi. Napakalinaw na nakuha ng mga anticristo ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagnanakaw sa mga handog. Napakalinaw nito. Isa pa, mayroong panuntunan ang sambahayan ng Diyos—sa bawat iglesia, ang pangangalaga sa mga handog o ang pakikipagtulungan para gumampan ng gawain ay hindi trabaho ng iisang tao lang kahit kailan. Kaya, bakit nagagawa ng mga taong ito, bilang mga indibidwal, na gamitin at gastusin ang mga handog ayon sa gusto nila? Hindi ito naaayon sa mga prinsipyo. Hindi ba’t pagnanakaw ng mga handog ang kalikasan ng mga ginagawa nilang ito? Binili nila ang mga bagay na ito at nakuha nila ang mga ito nang walang pag-apruba o pagsang-ayon ng iba pang mga lider at manggagawa, lalong hindi nila ito ipinaalam sa ibang tao, at walang nakakaalam sa ginagawa nila. Hindi ba’t ang kalikasan nito ay medyo katulad ng pagnanakaw? Ito ay tinatawag na pagnanakaw ng mga handog. Ang pagnanakaw ay panloloko. Bakit ito tinatawag na panloloko? Dahil binili nila ang mga magarbong kagamitang ito at nakuha nila ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapanggap ng paggawa ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Tinatawag na pandaraya ang ganitong uri ng pag-uugali, at tinatawag itong panloloko. Kalabisan ba ang paglalarawan Ko rito sa ganitong paraan? Pinalalaki Ko lang ba ang isang maliit na usapin? (Hindi.) Hindi lang ito, kundi matapos manatili sa isang lugar ang mga diumano’y lider na ito sa loob ng ilang panahon, sinusuri nila nang malinaw kung anong gawain ang ginagawa sa mundo ng mga kapatid doon, anong mga koneksiyon sa lipunan ang mayroon ang mga ito, at anong mga pakinabang ang puwede nilang mahuthot at makuha mula sa mga taong ito, at kung anong mga koneksiyon ang puwede nilang gamitin. Halimbawa, sinuman sa mga kapatid ang nagtatrabaho sa ospital, sa isang kagawaran ng gobyerno, o sa isang bangko, o sinuman ang negosyante, kanino mang pamilya ang nagmamay-ari ng tindahan, kotse, o malaking bahay, at iba pa, malinaw nilang sinusuri ang mga bagay na ito. Kasama ba sa saklaw ng gawain ng mga lider na ito ang mga bagay na ito? Bakit nila sinusuri ang mga bagay na ito? Gusto nilang gamitin ang mga koneksiyong ito, at gamitin ang mga kapatid na ito na may mga espesyal na posisyon sa mundo para magserbisyo sa kanila, maglingkod sa kanila, at magbigay sa kanila ng kaginhawahan. Akala mo ba ay ginagawa nila ito para gawin ang gawain ng iglesia, at para magbahagi tungkol sa katotohanan upang matugunan ang mga suliranin ng mga hinirang ng Diyos? Iyon ba ang ginagawa nila? May intensyon at layunin sa likod ng lahat ng ginagawa nilang ito. Kapag gumagawa ang mga tunay na lider at manggagawa, nakatuon sila sa paglutas ng mga problema at paggawa nang maayos sa gawain ng iglesia. Hindi nila binibigyang-pansin ang mga bagay na walang kinalaman sa gawain ng iglesia. Nakatuon lang sila sa pagtatanong kung sino sa iglesia ang taos-pusong gumagawa ng tungkulin nila, sino ang epektibo sa tungkulin nila, sino ang kayang tumanggap at magsagawa sa katotohanan, at sino ang tapat sa paggawa ng tungkulin nila. Pagkatapos, inaangat nila ang mga ito, at iniimbestigahan ang mga taong nagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan, at hinaharap ang mga ito ayon sa prinsipyo. Tanging ang mga taong nagsasagawa nang ganito ang mga tunay na lider at manggagawa. Ginagawa ba ng mga anticristo ang mga bagay na ito? (Hindi.) Ano ang ginagawa nila? Gumagawa sila ng mga bagay-bagay at ng mga paghahanda para unti-unting makuha ang mga kanais-nais na bagay para sa sarili nila, at alang-alang sa sarili nilang mga interes, pero hindi sila nagsusumikap sa gawain ng iglesia, at hindi nila ito tinatrato nang may pagpapahalaga. Samakatwid, pagkatapos nilang magkaroon ng posisyon sa isang partikular na lugar, halos alam na nila kung sino sa mga kapatid ang makakapagbigay ng kung anong mga serbisyo para sa kanila. Halimbawa, ang sinumang nagtatrabaho sa pabrika ng gamot ay puwedeng magbigay sa kanila ng libreng gamot kapag nagkasakit sila, at magbigay sa kanila ng de-kalidad na imported na gamot; ang sinumang nagtatrabaho sa bangko ay puwedeng gawing madali para sa kanila ang magdeposito o mag-withdraw ng pera; at iba pa. Napakalinaw nilang sinusuri ang mga bagay na ito. Tinitipon nila ang mga taong ito, wala silang pakialam kung mabuti ang pagkatao ng mga taong ito o hindi. Basta’t sumusunod sa kanila ang mga taong ito at handang maging mga katuwang at tagasuporta nila, bibigyan ng mga anticristo ang mga ito ng mga kanais-nais na bagay, papanatilihing malapit sa kanila at tutustusan at poprotektahan ang mga ito, habang nagtatrabaho ang mga taong ito para patatagin ang posisyon ng mga anticristong ito sa iglesia, at mapanatili ang mga puwersa ng mga anticristong ito. Kaya, kung gusto mong malaman kung gumagawa ng tunay na gawain ang isang lider ng iglesia, tanungin mo siya tungkol sa totoong sitwasyon ng mga kapatid sa iglesiang iyon, at kung kumusta ang takbo ng gawain ng iglesia, at makikita mo nang malinaw kung talaga bang gumagawa siya ng totoong gawain. Malinaw na sinusuri ng ilang tao ang mga usapin sa pamilya at sitwasyon ng pamumuhay ng mga kapatid sa iglesia. Kung tatanungin mo sila kung sino ang nagtatrabaho sa pabrika ng gamot, kung kaninong pamilya ang nagmamay-ari ng tindahan, kaninong pamilya ang may sasakyan, kaninong pamilya ang may malaking negosyo, o kung sino ang nagtatrabaho sa anumang lokal na kagawaran at puwedeng makatulong sa mga kapatid, masasabi nila ito sa iyo nang tumpak. Kung tatanungin mo sila kung sino ang naghahangad sa katotohanan, sino ang pabaya sa kanyang tungkulin, sino ang anticristo, sino ang nagtatangkang makakuha ng loob ng mga tao, sino ang epektibo sa pangangaral ng ebanghelyo, o kung ilan ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo doon sa lokal na lugar, hindi nila alam ang mga bagay na ito. Anong klaseng mga tao ito? Gusto nilang gamitin ang lahat ng koneksiyong panlipunan sa lugar nila, at pag-isahin ang mga ito para maging isang maliit na grupong panlipunan. Kaya, hindi puwedeng tawaging isang iglesia ang lugar kung nasaan ang mga lider na ito. Pagkatapos nila rito, naging isang grupong panlipunan na ito. Kapag nagtitipon-tipon ang mga taong ito, hindi nila ipinagtatapat ang nasa puso nila at hindi sila nagbabahaginan ng kanilang pagkaunawang batay sa karanasan; sa halip, tinitingnan nila kung sino ang may mas malalakas na koneksiyon, sino ang may mataas na posisyon sa lipunan at napakamatagumpay, sino ang kilalang-kilala sa lipunan, sino ang may impluwensiya sa lipunan, at sino ang makapagbibigay ng mga espesyal na maginhawang serbisyo at mga kanais-nais na bagay sa lider. Kung sino man ang mga taong ito, mayroon silang posisyon sa puso ng lider. Hindi ba’t ito ang ginagawa ng mga anticristo? (Oo.) Ano ang ginagawa ng mga anticristo? Binubuo ba nila ang iglesia? Sinisira nila ang iglesia at winawasak nila ang iglesia, at ginugulo at ginagambala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Lumilikha sila ng nagsasarili nilang kaharian, ng sarili nilang pribadong grupo, at paksiyon. Ito ang ginagawa ng mga anticristo.

Nakipag-ugnayan Ako sa inyo sa loob ng napakaraming taon, pero tinatanong Ko ba kung ano ang trabaho ng mga pamilya ninyo, kung gaano kayaman ang pamilya ninyo at kung ano ang pinagmulan ninyo? (Hindi.) Bakit hindi Ko tinatanong ang mga bagay na ito? Walang kabuluhan ang pagtatanong ng mga iyon. Hindi ang lipunan ang sambahayan ng Diyos. Hindi mo kailangang sumipsip o magpalakas sa iba. Walang anumang kaugnayan sa pananampalataya sa Diyos ang pagtatanong tungkol sa mga bagay na ito. Huwag gawing lipunan ang sambahayan ng Diyos. Ano man ang pinagmulan ng pamilya mo, mahirap man ito o mayaman, kung anong kapaligiran ang tinitirhan mo, sa lungsod o probinsiya man ito, hindi ito mahalaga. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, kahit gaano pa kataas ang posisyon mo sa lipunan noon, hindi na iyon mahalaga. Hindi Ko titingnan iyon. Kapag nakikipag-usap Ako sa mga tao, hindi Ko kailanman tinatanong ang sitwasyon ng pamilya nila. Kung gusto nilang pag-usapan ito, makikinig Ako, pero hindi Ko kailanman itinuring ang mga bagay na ito na mahalagang impormasyon na kailangan Kong itanong, lalong hindi Ko sinubukang unti-unting kumuha ng ilang impormasyon para gamitin ang mga tao. Gayumpaman, kapag nagtatanong ang mga anticristo tungkol sa mga bagay na ito, tiyak na hindi lang ito para makipagkuwentuhan; sa halip, ginagawa nila ito para unti-unting makakuha ng ilang kanais-nais na bagay. Halimbawa, kung sino man ang may pamilyang nagmamay-ari ng tindahan ng mga produktong pangkalusugan at puwedeng magpahintulot sa kanila na bumili ng mga produktong pangkalusugan sa presyong bultuhan, nakikipaglapit sila sa pamilyang ito; o kung sino man ang may kaibigang magagamit nila para makatulong sa kanila na bumili ng magagandang bagay, maaalala nila ito. Gumagawa sila ng listahan ng mga “koneksiyon” na ito at ng mga taong ito na sa tingin nila ay may mga espesyal na talento, at ginagamit nila ang mga taong ito sa mga mahahalagang pagkakataon. Iniisip nila na pawang may talento ang mga taong ito at malaki ang pakinabang ng mga ito sa kanila. Tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan, at na nabibilang sa mundo at kay Satanas ay mas nagbibigay-halaga sa mga bagay na ito kaysa sa buhay at sa katotohanan. Kung dating karaniwang manggagawa sa lipunan ang isang partikular na tao, at sa sandaling malaman ito ng isang lider, ayaw niyang bigyang-pansin ang taong ito kahit gaano pa ito kasigasig na naghahangad sa pananalig nito, pero kapag nakikita ng lider na dating isang kadre ang isang tao at maykaya ang pamilya nito, na may mataas na istilo ng pamumuhay at namumuhay sa mataas na antas sa lipunan, at sumisipsip siya sa taong ito, isa ba itong mabuting lider? (Hindi.) Naranasan na ba ninyo ang ganitong uri ng pagtrato? Ano ang iniisip ninyo sa loob-loob ninyo pagkatapos maranasan ang ganitong pagtrato? Naramdaman ba ninyo na walang pagmamahal o pagmamalasakit sa sambahayan ng Diyos? Kinakatawan ba ng mga anticristo ang sambahayan ng Diyos? Hindi nila kinakatawan ang sambahayan ng Diyos. Kinakatawan nila si Satanas. Ang paraan ng pagkilos nila, at ang diwa nila ay pawang kay Satanas at walang anumang kinalaman sa katotohanan. Kinakatawan lang nila ang sarili nila. Pagkatapos mapasakamay ang mga “koneksiyon” na ito at makipag-ugnayan sa mga ito, may ilan ding anticristo na gumagamit sa mga koneksiyong ito para mag-asikaso ng mga pribado nilang usapin, o magsaayos pa nga ng trabaho para sa mga kapamilya nila. Sabihin ninyo sa Akin, nangyayari ba ang mga ganitong bagay? (Oo.) Kayang-kaya ng mga anticristo na gawin ang mga bagay na ito. Kayang gumawa ng kahit ano ng isang tao na walang konsensiya, walang kahihiyan, at sobrang makasarili at mababa—kaya niyang gawin ang anumang uri ng bagay na hindi naaayon sa katotohanan, at na ganap na lumalabag sa moralidad at konsensiya ng isang tao. Kaya, sa mga mata ng mga anticristo, ang paggamit ng posisyon nila para pangasiwaan ang mga pribado nilang usapin, unti-unting makakuha ng mga pakinabang at ng ganoong uri ng bagay ang pinaka-normal na bagay sa mundo, at hindi na ito dapat pang pag-usapan at kilatisin o unawain. Katulad lang ito ng kung paanong sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Magpakapagod para magtamo ng katungkulan alang-alang sa pagkain at pananamit.” Ito rin ang layong hinahangad ng mga anticristo sa pagiging lider. Katulad ng paghahangad nila, nagsisikap din sila sa direksiyong ito nang walang kahit katiting na paninisi sa sarili, ginagamit ang kapangyarihan na hawak nila at ang posisyon nila para pagbantaan ang mga kapatid para gawin ng mga ito ang mga bagay-bagay, na parang makatwiran lang naman ito, at nagbabanggit ng iba’t ibang pagsasagawa at hinihingi sa mga kapatid na hindi umaayon sa mga prinsipyo. Ginagamit at inuutus-utusan ng mga lider na ito ang ilang tao na magulo ang isip at walang pagkilatis, nang labag sa kanilang kalooban, at puwedeng may ilang tao pa nga na gumagamit ng sarili nilang pera para gumawa ng mga bagay-bagay para sa mga lider pero hindi sila makapagsalita, iniisip ng mga taong ito na sa paggawa nito, ginagawa nila ang tungkulin nila at naghahanda sila ng mabubuting gawa. Sasabihin Ko sa iyo: Sa totoo lang, mali ka. Sa paggawa nito, hindi ka naghahanda ng mabubuting gawa; sa halip, tinutulungan mo ang isang masamang tao sa paggawa ng masasamang bagay, at pinapalakas mo ang kapangyarihan ng isang masamang tao. Bakit Ko sinasabi ito? Kapag ginagawa mo ang mga bagay na ito, hindi ito naaayon sa mga prinsipyo. Hindi mo ginagawa ang tungkulin mo. Tinutulungan mo ang isang anticristo na magpakana para sa mga pansarili niyang pakinabang, at inaasikaso mo ang mga pribado niyang usapin. Hindi ito ang tungkulin mo; hindi ito ang responsabilidad mo. Hindi ito ang atas na ibinigay sa iyo ng Diyos, hindi rin ito ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Sa paggawa nito, pinaglilingkuran mo si Satanas at gumagawa ka para kay Satanas. Tatandaan ka ba ng Diyos dahil sa paggawa mo para kay Satanas? (Hindi.) Kung gayon, ano ang tatandaan ng Diyos? May isang parirala sa Bibliya. Sinabi ng Panginoong Jesus: “Katotohanan ang sinasabi Ko sa inyo, bagama’t ginawa ninyo ito sa isa sa mga pinakamababa sa Aking mga kapatid, sa Akin ninyo ito ginawa” (Mateo 25:40). Ito ang itinakda ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Kung kaya mong gumawa ng isang bagay para sa mga pinakamababang kapatid, tiyak na ginawa ang bagay na iyon ayon sa mga prinsipyo at hinihingi ng Diyos. Hindi ka tumitingin sa kung gaano kataas ang katayuan ng isang tao, kundi ginagawa mo ang mga bagay ayon sa prinsipyo. Ang ilang tao ay gumagawa lamang ng mga bagay, nagsisikap at nagtatrabaho para sa mga may katayuan, at masigasig nilang sinusuportahan ang mga ito, pero kung may ipinapagawa sa kanila ang isang taong walang katayuan, kahit pa isa itong tungkulin o responsabilidad na dapat nilang gawin, binabalewala lang nila ito. Kung gayon, paano inilalarawan ang mga bagay na ginagawa nila? Sa pananaw ng Diyos, ang mga bagay na ito ay inilalarawan bilang paggawa para kay Satanas, at hinding-hindi Niya tatandaan ang mga bagay na ito. Ito ang ikaanim na kaso. Mayroon na ba sa inyo ang nakakita ng ganitong mga kaso? (Oo, may nakita ako, O Diyos. Dati, noong may isang anticristo na lider sa amin, ginamit niya ang posisyon niya para itabi para sa sarili niya ang masasarap na pagkain, mga kapaki-pakinabang na kagamitan, kolorete, at iba pang mga gamit na idinonate ng mga kapatid. Expired na ang ibang gamit pero hindi pa rin niya ibinigay sa mga kapatid ang mga ito; nilustay niya ang lahat ng ito. Bumili rin siya ng down jacket, pero nang makita niya na bumili rin ang isang sister ng down jacket na hindi mahal at maganda ang kalidad, nag-isip siya ng iba’t ibang sasabihin para lokohin ang sister tungkol sa down jacket nito, at pinagastos niya ng mas malaking pera ang sister para bilhin ang sarili niyang down jacket.) Masasabi na masamang tao ang bawat anticristo, at na wala silang pagkatao, walang konsensiya, at talagang mababa ang karakter nila. Kailangang mabunyag at matiwalag sa huli ang mga taong ito.

Noon, may isang pamilya na may tatlong miyembro na pumunta sa ibang bansa para gawin ang tungkulin nila. Pagdating doon, araw-araw nilang iginigiit sa mga kapatid na ipasyal sila para bumili ng mga gamit—ang ilan sa kanila ay gustong bumili ng down jacket, ang ilan ay pantalon, at ang iba naman ay mga sapatos. Nagdadahilan sila, hindi raw sila nakapagdala ng sapat na pera. Kung wala naman pala silang sapat na pera, hindi na sana sila namimili ng mga gamit, pero gusto pa rin nilang bumili, at ayaw nila sa mga karaniwang bagay, magagara ang gusto nila, at ang mga kapatid ang nagbabayad gamit ang sariling pera ng mga ito. Habang ginagawa ng pamilya ang tungkulin nila sa loob ng ilang panahon, hindi na nagugustuhan ng mga tao ang pag-uugali nila—masyadong magara ang kinakain, tinitirhan, at ang mga gamit nila! Nagpabili pa nga sa mga kapatid ng gatas ang ama ng pamilya, at iniinom niya ito na parang tubig kapag nauuhaw siya. Ilang tao ba sa mundong ito ang nagagawang uminom ng gatas na parang tubig ito? Anong klaseng mga tao sila dapat? Kalaunan, nagpabili siya ng mga dalandan at kahel sa mga kapatid, at bumili ang mga ito ng isang malaking bag, na inubos ng pamilyang ito sa loob lamang ng dalawang araw. Pagkatapos nito, sinabi ng ama na gusto nila ng ilang bitamina, kaya nagpabili siya sa mga kapatid ng mga cherry, ginamit pa niya Akong dahilan at sinabi niya, “Kailangan mong bumili ng mga cherry para sa diyos!” Sinabi Ko, “Taglamig ngayon. Hindi pa panahon para kumain ng mga cherry. Hindi Ko kakainin iyon; huwag na ninyo Akong ibili.” Sinabi ng ama, “Kailangan pa rin nating bumili!” Nang makabili ang mga kapatid ng isang kahon ng mga cherry, naubos agad ito ng pamilya niya. Hindi pa Ako nakakita ng sinumang ganito kalakas kumain—parang kanin lang ang prutas at parang tubig lang ang gatas sa kanila. Tapos, kapag oras na ng kainan, nakita nila na may isda at kinain nila ito nang parang gutom na gutom sila. Masusuklam kayo sa paraan nila ng pagkain—para silang mga patay-gutom na multo na hindi pa kailanman nakakain ng masarap na pagkain noon. Inisip nila na dapat nilang samantalahin ang pagkakataong ito na magkaroon ng magagandang bagay, kaya sabik silang nagkukumahog para magpakabusog. Sa huli, napakaraming nakain ng bata na nagkasakit tuloy ito. Pagkatapos nito, may sinabi ang bata na may baluktot na lohika: “Kung hindi ko kinain ang isdang iyon para sa diyos, hindi sana ako nagkasakit!” Ni wala Ako roon nang kinain niya ito, at wala Akong kaalam-alam tungkol dito. Kinain niya iyon nang kusa—paanong sa Akin niya ito isinisisi? Pero talagang sinisi niya Ako. Paano dapat pangasiwaan ang mga ganitong tao? (Dapat silang alisin.) Ano sila? (Mga diyablo at Satanas.) Mga diyablo sila. Noong panahong iyon, sinabi Ko sa mga lokal na lider ng iglesia, “Paalisin at palayasin sila rito, ipadala sa pinakamalayong posibleng lugar. Ayaw Ko nang makitang muli ang pagmumukha nila!”

Nakabisita na Ako sa ilang iglesia at marami-rami na Akong nakasalamuhang kapatid. Nakita ko na ang iba’t ibang klase ng buktot at masamang tao, pero kakaunti lang ang mga taong nakakaugnayan Ko nang normal. Talagang walang paraan para makasalamuha ang karamihan ng tao, at napakaraming tao na hindi tinatablan ng katwiran. May baluktot at maling lohika ang lahat ng sinasabi nila, at ipinepresenta nila ang mga kabulaanan na para bang totoo ang mga ito—mga hayop, diyablo, at Satanas sila, at wala silang katiting na pagkatao o katwiran. Ang mga ganitong klase ng tao ay bumubuo ng hindi bababa sa isang-katlo ng mga tao sa bawat iglesia. Walang sinuman sa kanila ang may anumang halaga, at wala sa kanila ang maliligtas; dapat silang itiwalag sa lalong madaling panahon. Ang mga taong gusto Kong nakakasalamuha ay iyong mga kayang tumanggap sa katotohanan, na medyo matapat, at kayang magsalita nang galing sa puso nila. Anuman ang ipinapakita nilang mga katiwalian o ang mga paglihis nila, hangga’t handa silang magbahagi tungkol sa katotohanan at kaya nilang tumanggap sa katotohanan, kaya Ko silang pakisamahan. Pagdating naman sa mga mapanlinlang na tao na mahilig mansamantala ng iba, hindi Ko sila binibigyang-pansin. Palaging gustong ipangalandakan ng ilang tao ang sarili nila kapag naroroon Ako at gusto nilang tingalain Ko sila. Magkaiba ang mga ikinikilos nila kapag kaharap Ako at kapag nakatalikod Ako upang malansi nila Ako. Mga diyablo ang mga ganitong tao, at dapat silang ipadala sa pinakamalayong posibleng lugar; ayaw Ko na silang makitang muli kahit kailan. Kapag may mga kahinaan at kakulangan ang mga tao, puwede Ko silang suportahan at tustusan, at kapag mayroon silang mga tiwaling disposisyon, puwede Akong magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, pero hindi Ako nakikipag-ugnayan sa mga diyablo o nakikinig sa sinasabi nila. May ilang tao na mga bagong mananampalataya at may ilang katotohanan na hindi nila nauunawaan, kaya nagagawa nilang magsalita at kumilos nang may kamangmangan. Puwede tayong magbahagi tungkol sa katotohanan, pero kung nauunawaan mo ang ilang katotohanan at sinasadya mong magsanhi ng gulo, kung kumikilos ka nang hindi makatwiran sa Akin at hinahanapan mo Ako ng kamalian, hindi kita pagtitiyagaan. Bakit hindi kita pagtitiyagaan? Hindi ka isang tao na puwedeng maligtas, kaya bakit kita pagtitiyagaan? Ang pagtitiyaga sa isang tao ay nangangahulugan na kaya Ko siyang tiisin at pagpasensiyahan. Mapagpasensiya Ako sa mga mangmang at sa karaniwang tiwaling tao, pero hindi sa mga kaaway o diyablo. Kung ang mga diyablo at kaaway ay magkukunwaring magsabi sa iyo ng mga bagay na magandang pakinggan at susuhulan ka, lalansihin ka, o bibigyan ka ng pansamantalang kaligayahan, magagawa mo bang paniwalaan ang sinasabi nila? (Hindi.) Bakit? Dahil hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan, nakita mo na ito nang malinaw, at nabunyag na ang mga taong ito. Hindi sila matapat sa mga bagay na sinasabi nila, at kapag nakikipagbahaginan sila tungkol sa katotohanan, puro paimbabaw lang ito, at mahirap kilatisin kung totoo o hindi ang sinasabi nila. Kung nakikita mo ang mga bagay na ito nang tumpak, makakasiguro ka na mga diyablo at Satanas sila. Sa pamamagitan lamang ng pagpapaalis o pagpapatalsik sa kanila tuluyang malulutas ang problema. Sinasabi ng ilan, “Bakit hindi maging medyo maluwag sa kanila?” Walang pag-asa na magsisisi ang mga taong ito; imposible para sa kanila na magsisi. Kagaya lang sila ni Satanas—gaano man kamakapangyarihan at katalino ang Diyos, sa perspektiba nito, hindi ito dapat ang diwa ng Diyos. Hindi nito itinuturing na Diyos ang Diyos, at iniisip nito na ang mga tusong pakana nito ay karunungan, na ang kalikasang diwa nito ang katotohanan, at na ang Diyos ay hindi ang katotohanan. Ito ay isang tunay na Satanas, at nakatakda itong maging mapanlaban sa Diyos hanggang sa huli. Kaya, ang masasamang tao ay nakatadhana na hindi magawang mahalin ang katotohanan at hangarin ang katotohanan, at dahil dito, hindi sila inililigtas ng Diyos. Ang pagpapaalis sa kanila mula sa iglesia at ang pagpapatalsik sa kanila mula sa sambahayan ng Diyos ang pinakatamang desisyon at hindi ito mali kahit kaunti.

Hindi kailanman babaguhin ng mga anticristo na pinagbahaginan at hinimay Ko ngayon ang direksiyon at mga layon na hinahangad nila. Inuuna nila ang pansariling interes sa lahat ng hinahangad nila, ginagamit ang lahat ng lakas nila at pinipiga ang utak nila para makakuha ng pagkain at inumin sa sambahayan ng Diyos nang may pandaraya. Hindi nila kailanman taos-pusong ginugol ang sarili nila para sa Diyos; gusto lang nilang mandaya para makakuha ng pagkain at inumin, mga interes, at magandang pagtrato. Inaakala nila na hindi ito nakikita, hindi nalalaman, at hindi kayang siyasatin ng Diyos, kaya nakatuon sila sa paghahangad sa mga bagay na ito. Siyempre, ganito talaga ang kalikasang diwa nila—hindi nila mahal ang katotohanan, at hindi nila kayang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kaya nakatakda silang mailarawan bilang mga anticristo. Ito ang uri ng mga taong itinitiwalag ng Diyos, at ang uri ng mga tao na dapat patalsikin ng sambahayan ng Diyos kapag natuklasan sila. Mula sa pagkatuklas na nasa landas ng isang anticristo ang isang tao, hanggang sa paggawa nila ng mga sunod-sunod na bagay na hindi naaayon sa katotohanan, hanggang sa araw na mailarawan sila bilang isang anticristo, pawang ipinapakita nito sa lahat na hindi nagbabago ang mga anticristo. Ang panghuli nilang kalalabasan ay ang mapatalsik ng sambahayan ng Diyos at maitiwalag ng Diyos—hindi nila kayang magbago. Kaya, ano ang mabuting naidudulot sa inyo na malaman ang mga bagay na ito? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi kami nandaraya para makakuha ng pagkain at inumin. Hinahangad namin ang katotohanan at nais naming gawin ang aming tungkulin bilang mga nilikha. Sumusunod kami sa Diyos at nagpapasakop sa mga pamamatnugot at mga pagsasaayos Niya. Hindi kami kumikilos katulad ng mga anticristo, at hindi rin namin balak na tahakin ang landas ng mga anticristo. Ano ang silbi na malaman namin ang mga kasong ito?” Para sa mga ordinaryong kapatid, nagsisilbing babala sa bawat tao ang mga pagpapamalas at pagbubunyag na ito ng mga anticristo, at ipinapabatid sa kanila kung aling landas ang tama at kung aling mga pag-uugali at paraan ng paggawa sa mga bagay ang naaayon sa mga layunin ng Diyos. Para sa mga lider at mga manggagawa ng iglesia sa lahat ng antas, patunay ito ng pagkilatis sa mga anticristo na hango sa tunay na buhay. Ano ang mabuting naidudulot ng pagkilatis sa mga anticristo para sa gawain ng iglesia? Tinutulungan kayo nitong tukuyin nang tumpak ang mga anticristo at patalsikin ang mga ito sa iglesia sa tamang oras, ginagawang mas dalisay ang iglesia at malaya mula sa mga kaguluhan, pagkagambala, at pinsala ng mga anticristong ito, upang ang mga tunay na naghahangad sa katotohanan at kayang taos-pusong gumugol ng sarili nila para sa Diyos ay magkaroon ng isang malinis at tahimik na kapaligiran, malaya mula sa panggugulo ng mga diyablo at Satanas. Kaya, pagdating sa katotohanan ng pagkilatis sa mga anticristo, kinikilatis man ninyo sila mula sa perspektiba ng mga katunayan at pagpapamalas, o batay sa mga katotohanang prinsipyo, kailangan ninyong lubos na maunawaan ang parehong mga aspektong ito. Kapaki-pakinabang ito para sa buhay pagpasok ninyo at para sa gawain ng iglesia—isa itong bagay na dapat ninyong maintindihan.

Ngayong araw, tinalakay Ko ang ilang kaso. Ang mga usaping ito ay pawang ilang pag-uugali, paraan ng paggawa ng mga bagay at mga pagpapamalas ng kalupitan, kawalang-kahihiyan, at ganap na kawalan ng moral na pamantayan ng mga anticristo. Ang mga kasong ito ay tiyak na ang mga nangyari na sa paligid ninyo, at masasabi na umiiral sa loob ninyo sa ilang antas ang mga paraan ng paggawa ng mga anticristo at ang mga pagpapamalas nila. Sa madaling salita, lahat kayo ay may ilang disposisyon ng mga anticristo at ilang pagsasagawa ng mga anticristo. Kaya, habang kinikilatis ninyo ang mga anticristo, dapat din ninyong tingnan, suriin, at pagnilayan ang sarili ninyong pag-uugali. Puwedeng sabihin ng ilang tao, “Palagi Mong tinatalakay ang mga gayong kaso, gayong tsismis, at masyado Kang detalyadong magtalakay. Paano ito nakakabuti sa pagpasok namin sa katotohanan? Ngayon, talagang abala kami sa mga tungkulin namin, at ayaw naming itala o pakinggan ang mga bagay na ito. Sa pagpasok sa katotohanan, sapat na ang kumapit sa dalawang bagay—ang isa ay pagpapasakop sa Diyos at ang isa pa ay ang maayos na paggawa ng tungkulin. Napakasimple lang nito!” Puwedeng simple nga ito sa teorya, pero sa tumpak at partikular na salita, hindi ito napakasimple. Kung nakakaunawa ka ng kaunting katotohanan, magiging magaspang at mababaw ang pagpasok mo, at kung pangkalahatan lang ang mga nauunawaan mong katotohanan, magiging kaunti lang din ang mga detalyeng mararanasan mo, at hindi ka kailanman madadalisay sa presensiya ng Diyos. Hinihiling ng Diyos sa mga tao na hangarin ang katotohanan at pumasok sa mga katotohanang realidad, kaya dapat maunawaan ng mga tao ang mga detalyeng ito. Ano ang nakikita ninyo mula rito? Nagpasya na ang Diyos na iligtas kayo, kaya dapat Siyang maging taimtim sa inyo at hinding-hindi dapat maging pabaya, magulo ang isip, o kontento sa puwede na o ayos lang. Para sa Diyos, hindi umiiral ang “pagiging puwede na,” “halos sakto na,” “marahil,” at “siguro.” Kung nais mong maligtas at tahakin ang landas ng kaligtasan, dapat mong maunawaan ang lahat ng detalyeng ito ng katotohanan. Kung hindi mo kaya ang gampanin ngayon, ayos lang—hindi pa huli para magsimulang pumasok ngayon sa mga detalye ng katotohanan. Kung kontento ka lang sa pagkakaroon ng saloobin ng paggawa nang maayos sa tungkulin mo nang hindi nagkakamali, at pagkakaroon ng kakayahang magpasakop kapag may nangyayari sa iyo, kung gayon, hindi ka kailanman makakapasok sa mga katotohanang realidad. Maraming partikular na detalye ang bawat katotohanang itinutustos ng Diyos sa mga tao, at kung hindi nauunawaan ng mga tao ang mga detalyeng ito, hindi nila kailanman mauunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos. Magandang bagay ba na seryoso ang Diyos sa mga tao? (Oo.) Tungkol man ito sa paggawa ng mga tungkulin nila, sa pagpapasakop nila, sa mga ugnayan nila sa iba, o sa kung paano nila hinaharap ang usapin ng kinabukasan at kapalaran nila, o kahit tungkol pa sa mga bagay na tinatalakay Ko ngayon, tulad ng kung paano makilatis ang mga anticristo, paano hindi tumahak sa landas ng isang anticristo, at paano iwaksi ang disposisyon ng isang anticristo, dapat isa-isa nilang maarok ang mga ito. Kapag tunay na ninyong nakikilatis ang mga detalyeng ito at hindi lang puro pangangaral ng kaunting simple at hungkag na doktrina ang alam ninyo, kung magkagayon, nakapasok na kayo sa mga katotohanang realidad. Tanging ang mga taong pumapasok sa mga katotohanang realidad ang may pagkakataon at pag-asa na maligtas; ang simpleng pangangaral ng mga salita at doktrina ay matatawag lamang na pagtatrabaho. Kung nais ng mga tao na makapasok sa mga katotohanang realidad, kailangan nilang magsimula sa mga detalyeng ito. Kung hindi, hindi sila kailanman magkakamit ng pagbabago sa disposisyon.

Abril 4, 2020