Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikalimang Bahagi) Ikatlong Seksiyon
Ikaapat na Kaso: Pandaraya sa Paggamit ng mga Handog Para Mabayaran ang mga Utang
Dati, noong nasa mainland Tsina Ako, kinailangan naming makahanap ng medyo ligtas na lugar para makapagpulong ang mga magkakatrabaho, kaya nakahanap kami ng pamilyang magho-host. Handa kaming patuluyin ng pamilyang ito at tulungang protektahan ang lugar na iyon. Gayumpaman, paglipas ng ilang panahon, naisip ng pamilya, “Mukhang balak ninyong magtipon dito nang pangmatagalan. Hindi kayo maaaring makipagkita kahit saan maliban sa bahay ko, kaya dapat kong gamitin ang pagkakataong ito para samantalahin ang sitwasyon. Hindi ba’t hangal ako kung hindi ko gagawin iyon?” Minsan, nang magtipon kami para sa isang pulong ng mga magkakatrabaho at hindi pa nakarating ang lahat ng kasali sa pulong, may isang taong pumunta sa bahay ng pamilyang nagho-host nang walang malinaw na dahilan, at umupo ito sa sala at hindi na umalis. Dumating ang pamilyang nagho-host at sinabi nila na naroon ang taong ito para maningil ng utang, at nanghiram daw sila ng pera sa taong ito ilang taon na ang nakalipas at hindi pa nila ito nababayaran. Ano sa tingin ninyo ang nangyayari dito? Puwede namang dumating ang taong ito noon pa, o puwedeng kalaunan pa, pero nagkataon talaga na dumating ang taong ito sa eksaktong oras na iyon para maningil ng utang. Nagkataon lang ba ito, o sinadya ba itong planuhin ng isang tao sa ganitong paraan? Hindi mo maiiwasang magsuspetsa. May kahina-hinalang nangyayari. Ano nga ba ang nangyayari? Hindi ba’t may masasamang intensiyon ang pamilya at sinadya nilang papuntahin ang taong iyon? (Oo.) Sabi Ko, “Paalisin ninyo siya kaagad.” Sabi ng pamilya, “Hindi siya aalis hangga’t hindi siya nababayaran.” Sabi Ko, “Bakit hindi mo siya bayaran?” Kung anu-ano ang isinagot ng pamilya, nagpapahiwatig na hindi nila ito babayaran kahit na mayroon silang pera—gusto nilang makalibre sa utang. Naghintay roon ang naniningil ng utang at hindi pa rin ito umaalis hanggang sa malapit nang dumating ang ilan pang katrabaho. Ano ang planong gawin ng pamilyang nagho-host? Hindi ba’t isa itong planadong pakana? (Oo.) Maya-maya, may sinabihan Ako na bigyan ng pera ang pamilya at paalisin agad ang naniningil ng utang. Matapos bigyan ng pera, sa loob ng kalahating oras, umalis na ang naniningil ng utang. Batay sa ating sentido-komun, hindi na dapat bumalik ang naniningil ng utang, pero hindi pa tapos ang isyung ito. Makalipas ang isang buwan, bumalik uli ang naniningil ng utang bago ang isang pulong ng mga katrabaho. Sinabi ng pamilyang nagho-host na noong nakaraan, kapiraso lang ng utang ang nabayaran, hindi lahat. Ano ang layon nila sa pagsasabi nito? Para muling pabayaran sa sambahayan ng Diyos ang utang ng pamilya. Katulad ito ng dati, matapos itong bigyan ng pera, umalis na ang naniningil ng utang. Simula noon, sa tuwing pumupunta kami roon para magpulong, hindi na bumalik pa ang naniningil ng utang dahil nabayaran na namin ang utang ng pamilya sa dalawang hulugan. Nag-alala ang pamilya na kung humingi sila ng malaking halaga kaagad, hindi kami papayag na magbayad, kaya dalawang hulog ang hiningi nila. Paano dapat ituring ang perang ito? Ipinahiram ba ito ng sambahayan ng Diyos sa pamilya, o minanipula ba ng pamilya ang sambahayan ng Diyos para ibigay ito sa kanila? (Minanipula nila ang sambahayan ng Diyos.) Sa katunayan, nilansi ng pamilya ang sambahayan ng Diyos para ibigay sa kanila ang pera. Kaya, bakit ibinigay ng sambahayan ng Diyos ang pera sa kanila? Hindi ba puwedeng hindi na lang namin ibinigay sa kanila ang pera? Tutal, makatwiran at legal naman kung hindi namin ibigay ang pera sa kanila, pero ibig sabihin niyon ay hindi makakapagpulong ang mga magkakatrabaho. Kaya, ano ba ang katwiran namin sa pagbibigay nito sa kanila? Noong panahong iyon, ang iniisip Ko ay ang ituring ang perang ito bilang bayad sa upa. Kung umupa kami ng isang hostel o sports arena, hindi ba’t gagastos din kami ng pera? Hindi kami puwedeng magpulong sa mga lugar na iyon at hindi rin ito ligtas. Dito, tinutulungang protektahan ng pamilya ang lugar na ito at nakakasiguro kami sa aming kaligtasan, kaya makatwiran ba para sa sambahayan ng Diyos na gumastos ng kaunting pera para mabayaran ang mga utang nila? (Oo.) Kaya lang, hindi ibinigay ang pera sa matapat na paraan. Gayumpaman, sa isang kapaligiran tulad ng bansa ng malaking pulang dragon, madalas na kinakailangang gawin ang ganitong uri ng bagay.
May masamang pagkatao ang ilang tao, at hindi sila lubos na handang gawin ang tungkulin ng pagho-host. Ginagamit natin sila para protektahan ang lugar na kinaroroonan natin, kaya kailangan natin silang tulutan na makinabang nang kaunti sa sitwasyon. Subalit, pagkatapos nilang makinabang, puwede pa ba silang maligtas? Hindi na. Hindi naman sa ayaw silang iligtas ng Diyos, kundi hindi puwedeng magkamit ng kaligtasan ang ganitong uri ng tao. Nilalansi at sinasamantala nila ang sinuman. Kapag ginagawa nila ang mga tungkulin nila at sinusubukan nilang maghanda ng mabubuting gawa, palagi silang nagtatangkang makapanghuthot ng isang kanais-nais na bagay mula rito, at kahit sino man ang nakakasalamuha nila, sumusunod sila sa prinsipyo na palaging makinabang at hindi kailanman magpadehado. Ito ang prinsipyong sinusunod nila sa paggawa ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kaya, saan nanggagaling ang “mabubuting gawa” na ito? Binili at binayaran ng sambahayan ng Diyos ang mga ito, sa halip na ang mga taong ito mismo ang maghanda ng mabubuting gawa; hindi sila naghahanda ng mabubuting gawa. Nagbibigay sila ng lugar, gumagastos ng pera ang sambahayan ng Diyos, at itinuturing nito iyon bilang bayad sa upa. Wala itong kinalaman sa mabubuting gawa, at hindi nila ito mabubuting gawa. Anong klaseng pag-uugali ito kapag ang isang tao ay nagpapanggap na nagbibigay ng lugar para sa mga kapatid sa ngalan ng sambahayan ng Diyos para madayang makakuha ng pera o ng mga gamit sa sambahayan ng Diyos? Anong klaseng karakter mayroon ang ganitong uri ng tao? Puwede bang gunitain ng Diyos ang pag-uugali nila? Ano ang ranggo ng karakter nila sa puso ng mga tao at sa puso ng Diyos? Ang paghahanda ng mabubuting gawa ay isang bagay na dapat mong ihanda—naghahanda ka ng mabubuting gawa alang-alang sa iyong hantungan, at ang lahat ng ginagawa mo ay para sa sarili mo, hindi para sa iba. Sa pamamagitan ng paggawa ng dapat mong gawin, nakatanggap ka na ng gantimpala, at natamo mo na ang kanais-nais na bagay na nilayon mo, kaya, ano ang tingin ng Diyos sa iyo sa puso Niya? Gumagawa ka ng mabubuting bagay para may makamit ka na mga interes mo, hindi para makamit ang katotohanan o ang buhay, lalong hindi para palugurin ang Diyos. Maililigtas pa rin ba ng Diyos ang mga ganitong tao? Hindi, hindi Niya gagawin. Naghahanda lang sila ng isang maliit na mabuting gawa at gumagampan ng isang maliit na obligasyon at tungkulin, pero iniaabot nila ang kanilang kamay at humihingi sila ng kabayaran mula sa sambahayan ng Diyos, paunti-unti nilang pineperahan ang sambahayan ng Diyos, at nag-iisip sila ng iba’t ibang paraan para lansihin ang sambahayan ng Diyos at magkamit ng mga kanais-nais na bagay, at sinisiguro nilang hindi sila madedehado kahit kailan, na para bang nakikipagnegosyo sila. Sa ganitong paraan, ang mabuting gawa na ito ay hindi isang mabuting gawa—naging isang masamang gawa ito, at bukod sa hindi ito gugunitain ng Diyos, aalisin Niya ang karapatan ng mga taong ito na maligtas. Nang pagbayarin ng pamilyang nagho-host ang sambahayan ng Diyos sa utang ng pamilyang iyon, medyo likas ba itong madaya? Ito ang ginagawa ng mga anticristo. Kapag gusto nila ng pera, hindi nila ito hinihingi sa matapat na paraan; sa halip, likas na madaya ang paraan nila, sinasamantala ang pagkakataon para makapangikil. Inililigtas ba ng Diyos ang mga nangingikil ng mga handog sa Diyos? (Hindi, hindi Niya inililigtas.) Kung nagsisisi ang mga taong ito at mayroon silang tunay na pananampalataya, dapat ba silang maligtas? (Hindi.) Bakit? (Ang katunayan na kaya nilang dayain ang sambahayan ng Diyos ay nangangahulugan na walang puwang ang Diyos sa puso nila—sila ay tipikal na mga hindi mananampalataya.) Magsisisi ba ang mga hindi mananampalataya? Ang klase ng mga hindi mananampalataya na mga anticristo ay hindi magsisisi. Nakasentro sa lahat ng ginagawa nila ang sarili nilang mga interes, at hinding-hindi sila magsisisi kahit mamatay sila. Hindi nila inaamin na may nagawa silang mali, o na may nagawa silang masama, kaya ano ang pagsisisihan nila? Ang pagsisisi ay para sa mga taong may pagkatao, na may konsensiya at katwiran, at na kayang makita nang malinaw ang sarili nilang katiwalian at aminin ito. Nang gawin ng pamilyang nagho-host na iyon ang isang maliit na tungkulin, kinailangan nilang makapanghuthot ng kanais-nais na bagay mula rito, at ni hindi nila pinalampas ang ganitong pagkakataon. Lubha silang manloloko. Ito ang ikaapat na kaso.
Ikalimang Kaso: Paghingi ng Sahod Para sa Paggawa sa Sambahayan ng Diyos
Sa mainland Tsina, may ilang gawain na medyo mapanganib at delikado, at nangangailangan ng mga tao na medyo matalino at may mga partikular na kalipikasyon para gumawa. Noong panahong iyon, may isang tao na may mga kalipikasyong ito, kaya nagsaayos ng gawain ang Itaas para sa Kanya. Habang ginagawa niya ang gawaing ito, mayroon siyang hiningi, sinasabi na simula nang gawin niya ang gawaing ito, hindi na niya magawa ang kanyang regular na trabaho araw-araw, at medyo nahihirapan nang makaraos ang pamilya niya. Binigyan siya ng sambahayan ng Diyos ng kaunting pera para sa mga gastusin sa pamumuhay, at tuwang-tuwa siya rito at tinanggap niya ang gawaing ibinigay sa kanya; subalit, hindi gaanong mahusay ang paggampan niya sa gawain. Pagkalipas ng ilang panahon, wala nang problema ang pamilya niya na makaraos sa buhay, pero may ibang nangyari na binanggit niya sa sambahayan ng Diyos, at binigyan siya ng sambahayan ng Diyos ng karagdagang pera para sa mga gastusin sa pamumuhay, para tiyakin na makakaraos siya. May pag-aatubili siyang sumang-ayon na magpatuloy sa paggawa ng kanyang gawain, pero gaano kahusay niya itong ginawa? Naging malaki itong problema. Kung gusto niyang gawin ang isang bagay, gagawa siya nang kaunti, at kung ayaw niyang gawin ito, wala talaga siyang gagawin. Dahil dito, naantala ang gawain at nagdusa ng ilang kawalan ang gawain ng iglesia, at kinailangan itong ayusin ng ibang tao. Kalaunan, nakipag-ugnayan sa kanya ang sambahayan ng Diyos para sabihin na higit niyang pagsumikapan ang gawain niya, at na patuloy siyang tutulungan ng sambahayan ng Diyos na lutasin ang anumang paghihirap na mayroon siya. Hindi niya ito direktang sinabi sa sambahayan ng Diyos nang harap-harapan, pero pribado niyang sinabi sa ilang kapatid, “Ang mga gastusin ba sa pamumuhay ang kulang ako? Anong malaking problema ang masosolusyunan ng kaunting perang iyan? Sa paggawa ko sa gawaing ito, nilulutas ko ang napakalaking isyu para sa sambahayan ng diyos. Dapat ding lutasin ng sambahayan ng diyos ang malalaking isyu para sa akin. Ngayon, wala pang pera ang anak ko para sa matrikula, at hindi pa ito nasosolusyunan. Ang kaunting perang ito ay hindi ang kulang sa akin.” Ang mga salitang ito ang tunay niyang iniisip, pero hindi niya ito masabi nang harap-harapan sa sambahayan ng Diyos; sa halip, nabunyag ito nang pribado siyang maglabas ng saloobin. Paano dapat lutasin ang sitwasyong ito? Dapat ba siyang patuloy na gamitin ng sambahayan ng Diyos, o maghanap na lang ng iba? (Maghanap ng iba.) Bakit? Nabunyag na ang karakter at diwa niya. Bukod sa gusto niyang suportahan ng sambahayan ng Diyos ang kabuhayan ng pamilya niya, gusto rin niya na bayaran ng sambahayan ng Diyos ang matrikula ng anak niya, at kalaunan ay sinabi niya na may sakit ang asawa niya at gusto niyang bayaran ng sambahayan ng Diyos ang pagpapagamot nito. Hindi ba’t dumami na nang dumami ang hinihingi niya? Akala niya, malaki na ang naiambag niya sa paggawa ng maliit na bagay na ito para sa sambahayan ng Diyos, at na dapat ibigay ng sambahayan ng Diyos ang lahat ng kailangan niya nang walang kondisyon. Kung nagtrabaho siya sa isang regular na trabaho, makakaya ba niyang pag-aralin ang anak niya sa isang unibersidad? Makakaya ba niyang bayaran ang pagpapagamot sa asawa niya? Hindi ito sigurado. Kung gayon, nang gawin niya ang kaunting gawaing ito sa sambahayan ng Diyos, bakit palagi siyang humihingi ng pera sa sambahayan ng Diyos? Ano ang iniisip niya? Ano ang pananaw niya sa usaping ito? Inakala niya na kung wala siya, walang ibang gagawa ng gawain sa sambahayan ng Diyos, kaya kailangan niyang samantalahin ang pagkakataong ito na makahanap ng mga dahilan para humingi sa sambahayan ng Diyos ng mas marami pang pera, at na dapat hindi niya ito palampasin nang walang nakukuha, at na kung mapalampas niya ang pagkakataong ito, wala na. Hindi ba’t ito ang ibig niyang sabihin? Inisip niya na ang paggawa sa gawaing ito ay parang paggawa ng trabaho at pagkita ng pera, kaya dapat lang na mangikil siya nang husto sa sambahayan ng Diyos. Pagkatapos, nang mapagtanto niyang hindi siya makapangikil sa sambahayan ng Diyos, hindi na niya ginawa ang gawain niya. Isa ba itong tao na tunay na nananampalataya sa Diyos? (Hindi.)
Ang mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos ay hindi natatakot na magpasan ng paghihirap habang ginagawa ang tungkulin nila. Hindi binabanggit ng ilang tao ang mga paghihirap ng pamilya nila habang ginagawa ang tungkulin nila. Gumagawa ng mga tungkulin ng pagho-host ang ilang tao sa mahihirap na lugar, at kapag dumating ang mga kapatid at walang bigas na makain, lumalabas sila para manghiram ng pera pero wala silang sinasabing kahit ano. Kung magsasabi sila, mabibigyan ba sila ng sambahayan ng Diyos ng pera? (Oo.) Kayang bayaran ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay na kailangan nila sa pagho-host sa mga kapatid. Kung gayon, bakit hindi sila nagsasabi? Kung iaalok mo ito sa kanila, tatanggihan nila ito. Pagkatapos lumabas para manghiram ng pera, sila mismo ang unti-unting magbabayad nito. Ayaw nila ng pera mula sa sambahayan ng Diyos. Ang mga anticristo ang mismong kabaligtaran nito. Nagtatakda sila ng mga kondisyon at inaabot nila ang kamay nila at humihingi sila bago pa makatapos ng anumang gawain. Bakit napakadali para sa kanila na iabot ang kamay nila? Paano nila nagagawang iabot ang kamay nila nang “nakatitiyak sa sarili”? Walang kahihiyan ang mga ganoong tao, hindi ba? Pagkatapos humingi ng kaunting pera, gusto pa nila ng dagdag. Kung hindi sila bibigyan ng pera, hindi sila gagawa ng anumang gawain—wala silang gagawin hangga’t wala silang nakikitang kapalit: “Katumbas ng ibabayad mo sa akin ang dami ng gawaing gagawin ko. Kung hindi mo ako babayaran, huwag ka nang magpagawa sa akin ng anumang gawain para sa iyo. Trabaho ito para sa akin, at kung hindi ako makikinabang dito, hindi ko ito gagawin. Inilalagay ko sa panganib ang sarili ko para gawin ang tungkulin ko, kaya dapat lang na may kapalit ito para sa akin, at dapat matumbasan nito ang ibinibigay ko. Hindi ako puwedeng madehado!” Kaya, kailangan nilang hingin ang mga bagay na sa tingin nila ay nararapat sa kanila, at kailangan nilang maghanap ng mga dahilan para hingin ito—kailangan nilang pigain ang utak nila, at mag-isip ng iba’t ibang paraan para hingin ito. Kung maibibigay ito sa kanila, mas lalong mainam iyon, at kung hindi ito maibibigay sa kanila, iiwan nila ang lahat at aalis sila, at hindi sila magdurusa ng anumang kawalan. Bukod pa rito, sa tingin nila ay may kasamang panganib ang lahat ng gawaing ito na ginagawa ng sambahayan ng Diyos, at na kung hindi sila bibigyan ng sambahayan ng Diyos ng mga bagay na hinihingi nila, matatakot ito na iuulat nila ito, at na walang ibang tao sa sambahayan ang naaangkop, kaya dapat silang gamitin nito, at na kung gagamitin sila nito, dapat itong magbayad sa kanila. Hindi ba’t medyo likas itong madaya? Hindi ba’t medyo likas itong mapagsamantala? Maituturing ba na mga mananampalataya ang mga ganitong tao? Sila ay mga hindi mananampalataya na hindi parte ng sambahayan ng Diyos—ni hindi sila mga kaibigan ng iglesia. Kapag nakikita ng mga kaibigan ng iglesia na mabubuting tao ang mga mananampalataya, tumutulong sila sa pagprotekta sa mga mananampalataya, at sa paggawa ng ilang bagay. Puwedeng pagpalain nang kaunti ang mga ganitong tao. Sa kabaligtaran, nananampalataya sa Diyos ang mga anticristo para lamang makakuha ng mga kanais-nais na bagay. Kung hindi sila makakakuha ng mga kanais-nais na bagay, hindi nila gagawin ang anumang tungkulin, hindi gagampanan ang anumang obligasyon, at hindi igugugol ang sarili nila kahit kaunti. Kapag isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na gampanan nila ang isang tungkulin, tinatanong muna nila kung anong mga kanais-nais na bagay ang iniaalok nito, at kung wala itong iniaalok na anumang kanais-nais, hindi nila ito gagawin. Ano ang pagkakaiba nila sa mga manloloko sa mundo ng mga walang pananampalataya? Nagnanais pa rin ang mga taong ito na maligtas, at pagpalain ng Diyos. Hindi ba’t humihingi sila ng mga imposibleng bagay? Kung hindi napakababa ng pagkatao ng mga taong ito at kung may kahihiyan sila, paano nila magagawang isipin ang mga gayong baluktot na paraan ng pagkilos sa puso nila? Paano sila magkakaroon ng ganitong saloobin sa paggawa ng tungkulin nila? Kaya ba ninyong gawin ang mga bagay na ito? (Oo, kaya rin namin.) Hanggang sa anong antas? May limitasyon ba? Sa anong punto ninyo maiisip na napakalubha na nito, at na hindi na ninyo kayang patuloy na gawin ang mga bagay na ito? (Minsan nakakaramdam ng pang-uusig ang puso ko, at inuusig ang konsensiya ko. May mga oras din na natatakot ako na ilalantad ng iba ang mga bagay na nagawa ko, kaya hindi ko na ginagawa ang mga iyon.) Anuman ang ginagawa ng mga tao, napakahalaga ng karakter nila. Ang taong walang kahit kaunting kahihiyan ay kayang gumawa ng anumang masamang bagay. Siya ay lubusang isang masamang tao. Walang limitasyon sa anumang ginagawa niya, at hindi siya kumikilos ayon sa konsensiya niya. Anong klase ng mga tao ang walang konsensiya sa pagkatao nila? Sila ay mga hayop at demonyo, at hindi sila ililigtas ng Diyos. Ang mga taong kayang kumuha ng mga handog sa Diyos at mangikil sa mga handog sa Diyos nang may pandaraya habang ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain, at na humihingi ng kabayaran mula sa sambahayan ng Diyos ay hindi mabubuting tao. Inaakala nila na madaling lansihin ang sambahayan ng Diyos, at na walang may responsabilidad sa pag-aalaga sa mga gamit sa sambahayan ng Diyos, at na walang nagmamay-ari sa mga gamit sa sambahayan ng Diyos, kaya puwede nilang angkinin at madayang kunin ang mga bagay na ito ayon sa gusto nila. Iniisip nila na sa paggawa nito, nakakuha sila ng pakinabang. Talaga bang ganoon kadaling makuha ang pakinabang na ito? Hindi malaki ang pakinabang na nakuha mo, pero ano ang kahihinatnan ng pagkuha nito? Ang mawalan ka ng buhay.
Kung tunay na may pagkatao at kaunting konsensiya ang isang tao, makakaya ba niyang gawin ang mga bagay na ito? Nananampalataya ka sa Diyos, pero kaya mo Siyang dayain at kaya mong mangikil sa mga handog na para sa Kanya. Anong klaseng tao ka? Tao ka pa ba? Mga demonyo lang ang gumagawa ng mga ganitong bagay. Hindi ginagawa ng mga hayop ang mga ganitong bagay. Tingnan mo ang isang aso. Pinalaki ito ng may-ari, at pinoprotektahan ng aso ang bahay para sa may-ari nito. Kapag may dumating na masamang tao, nagbibigay ito ng babala at inaatake nito ang masamang tao. Hinahabol nito ang sinumang kumukuha sa mga gamit ng may-ari nito. Kapag nakakatakas ang mga manok, pato, at gansa ng amo nito, tumutulong itong hanapin ang mga iyon. Kapag nag-aaway ang mga baboy sa bahay ng amo nito, sinusubukan itong pigilan ng aso. Alam ng aso na gusto ng amo nito na bantayan ng aso ang mga baboy, kaya natutupad ng aso ang responsabilidad na ito. Hindi nangangatwiran ang aso sa amo nito at nagsasabi, “Binantayan ko ang mga baboy para sa iyo, kaya bakit hindi mo ako binibigyan ng manok o ng anumang makakain?” Hindi nito kailanman sinasabi iyon. Kahit aso ay kayang protektahan ang tahanan ng amo nito, at gampanan ang mga obligasyon para sa amo nito nang walang hinihinging kabayaran, pero hindi man lang mapantayan ng mga taong ito ang mga hayop. Pagkatapos gampanan ang isang maliit na obligasyon, iniisip nila na dehado na sila, at pagkatapos tuparin ang ilang responsabilidad at maglaan ng kaunting pagsisikap, hindi sila nagiging komportable, pakiramdam nila ay parang hindi patas ang pagsasaayos, at na ginagamit lang sila, kaya nag-iisip sila ng iba’t ibang paraan para makaganti. Kapag nananampalataya ka sa Diyos, pinoprotektahan at inaakay ka ng Diyos, at pinagkakalooban ka Niya ng napakaraming katotohanan. Paanong hindi mo maisip na suklian Siya? Hindi mo naiisip na suklian Siya, pero hindi na iyon binubusisi ng Diyos. Subalit, kapag ginagampanan mo ang isang maliit na obligasyon, lumalapit ka sa Diyos para makabawi ka. Kapag ginagampanan mo ang isang maliit na obligasyon, gusto mong mangikil ng mga bagay-bagay at may makuha sa pamamagitan ng pandaraya—nag-iisip ka ng iba’t ibang paraan para makabawi sa ginawa mo. Hindi ba’t naghahangad ka ng kamatayan? Hindi ba’t marami na ang ibinigay ng Diyos sa iyo? Pagdating sa mga pagpapamalas ng mga tao, ano ba ang nararapat sa kanila? Ang mga tao ba ay nagtatamasa at nagmamay-ari ng mga bagay-bagay ngayon dahil nararapat ang mga ito sa kanila? Hindi. Ang mga iyon ay mga bagay na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo at mga bagay na pinagpala Niya na magkaroon ka. Napakarami mo nang natanggap. Ipinagkaloob ng Diyos sa iyo ang buhay, ang katotohanan, at ang daan nang walang anumang hinihinging kapalit. Paano mo Siya sinuklian? Kapag gumagawa ka ng kaunti mong obligasyon at tungkulin, sa loob-loob mo, pakiramdam mo ay nahihirapan ka at na nagdusa ka ng kawalan, at iniisip mo ang iba’t ibang paraan para makabawi ka. Kung gusto mong bumawi, puwede kang bigyan ng Diyos ng isang bagay bilang kapalit, pero pagkatapos mong makuha iyon, maliligtas ka pa rin ba? Darating ang araw na malalaman ng mga tao kung ano mismo ang pinakaimportante at pinakamahalaga. Hindi kailanman malalaman ng mga taong may diwa ng anticristo ang halaga ng katotohanan. Kapag dumating na ang araw na mabubunyag ang kalalabasan nila, at kapag nabunyag at naisapubliko na ang lahat, saka pa lang nila malalaman. Hindi ba’t huli na ang lahat sa oras na iyon? Malapit na ang kalalabasan ng lahat ng bagay, at lilipas ang lahat ng bagay. Tanging ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan Niya ang mananatili magpasawalang hanggan. Ang mga nagtataglay ng katotohanan at nagsasagawa ng mga salita ng Diyos ay mananatili kasama ng mga salita Niya, at ng katotohanan Niya. Ito ang halaga at lakas ng mga salita ng Diyos. Gayumpaman, hindi kailanman magiging malinaw sa mga anticristo ang katunayang ito, kaya pinipiga nila ang utak nila, nag-iisip sila ng iba’t ibang paraan at gumagamit ng lahat ng posibleng pamamaraan para magpakana ng iba’t ibang pakinabang sa pamamagitan ng pagpapanggap na nananampalataya sa Diyos, at gumagamit pa sila ng mga mas kahiya-hiyang madayang pamamaraan para makuha ang mga handog sa Diyos, at lustayin at samsamin ang mga handog sa Kanya. Ang lahat ng kilos at pag-uugali ng mga taong ito ay detalyadong nakatala sa kuwaderno ng Diyos. Kapag dumating ang araw na ibubunyag na ang mga kalalabasan nila, itatakda ng Diyos ang kalalabasan ng bawat tao batay sa mga talang ito. Totoo ang lahat ng ito. Naniniwala ka man o hindi, mabubunyag ang lahat ng bagay na ito. Ito ang ikalimang kaso. Anong klase ng tao ang lalaking ito? Marangal ba ang kanyang karakter o mababang-uri? (Mababang-uri.) Sa mga mata ng Diyos, hindi siya isang marangal na tao; siya ay mababa. Sa madaling salita, siya ay tinutukoy bilang isang “taong imoral.”