Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi) Ikalimang Seksiyon
Sa iglesia, mayroon bang mga tao na nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon ngunit hindi naghahangad man lang sa katotohanan, at palaging naghahangad ng katayuan at reputasyon? Ano ang mga pagpapamalas ng mga ganitong tao? Masasabi ba ninyo na ang ganitong uri ng tao ay isang tao na palaging nagbabandera ng kanilang sarili, na mahilig lumikha ng mga orihinal na kaisipan at magbulalas ng tila mga importanteng ideya? Ano-anong uri ng mga bagay ang madalas nilang ginagawa? (May isang tao na nagpapahayag ng kanyang pananaw, at para sa lahat ng iba, tila tama ito, pero upang ipakita kung gaano sila katalino, nagsasabi sila ng ibang pananaw, na sa tingin ng mga tao ay mas tama, at na magpapabulaan sa pananaw ng naunang tao, sa gayon ay naipapakita kung gaano sila katalino.) Ito ay tinatawag na pagpapakitang-gilas. Tinatanggihan nila ang mga pananaw ng ibang tao, at pagkatapos ay nagsasabi sila ng kanilang sariling natatanging perspektiba, isang perspektiba na kahit sila mismo ay hindi naniwala na ito ay makatotohanan o balido—isang simpleng islogan—subalit kailangan nilang ipakita sa mga tao kung gaano sila katalino at hikayatin ang lahat na makinig sa kanila. Kailangang palagi silang naiiba, palaging kailangang makaisip ng mga orihinal na kaisipan, at palagi silang naglilitanya ng tila mga importanteng ideya, at gaano man kaposible at kapraktikal ang sinasabi ng ibang tao, kailangan nilang bumoto laban dito, at humanap ng iba’t ibang dahilan at palusot para iwaksi ang mga pananaw ng ibang tao. Ito ang mga pinakakaraniwang pag-uugali ng mga tao na nagsisikap na makaisip ng mga orihinal na kaisipan at maglitanya ng tila mga importanteng ideya. Hindi mahalaga kung wasto o naaangkop ang mga ikinilos ng isang tao, tatanggalin at babalewalain nila ito. Kahit malinaw nilang alam na kumilos nang naaangkop ang taong ito, sinasabi pa rin nila na hindi angkop ang kanyang mga kilos, at ipinapalabas nila na para bang maaari sanang mas hinusayan ng taong ito, at na talagang hindi sila mas mababa kaysa sa taong iyon. Iniisip ng mga taong gaya nito na walang sinuman ang kasinggaling nila, na sila ay mas mahusay kaysa sa ibang tao sa lahat ng aspekto. Para sa kanila, ang lahat ng sinasabi ng ibang tao ay mali; ang ibang tao ay walang halaga, at sila mismo ay magaling sa lahat ng aspekto. Kahit na magkamali sila at mapungusan, labag sa loob nila ang magpasakop, hindi nila tatanggapin ang katotohanan kahit kaunti, at maaari din na makaisip sila ng sangkatutak na palusot, na magiging dahilan para akalain ng iba na hindi sila nagkamali, at na hindi sila dapat napungusan. Ang mga taong mahilig mag-isip ng mga orihinal na kaisipan at maglitanya ng tila mga importanteng ideya ay mayayabang at mga nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba sa ganitong paraan. Sa totoo lang, ang karamihan ng mga taong ito ay walang tunay na talento, at hindi nila magawa nang maayos ang anumang bagay, ang anumang gawin nila ay nagiging isang malaking kaguluhan. Ngunit wala silang pagkilala sa sarili, at iniisip nila na mas magaling sila kaysa sa ibang tao, at nangangahas silang makialam at makisali sa anumang ginagawa ng ibang tao, at patuloy silang naglilitanya ng tila mga importanteng ideya, palaging nagnanais na pahalagahan at pakinggan sila ng iba. Anuman ang sitwasyon, o saang grupo man sila kasama, nais lamang nila na pagsilbihan at pakinggan sila ng iba; ayaw nilang maglingkod o makinig sa sinuman. Hindi ba’t mga anticristo ito? Ganito kayabang ang mga anticristo at ganito nila inaakalang mas matuwid sila kaysa sa iba; ganito kalubha ang kawalan nila ng katwiran. Nagsasalita lamang sila tungkol sa mga paimbabaw na doktrina, at kapag tinutukoy ng iba ang kanilang mga pagkakamali, kinakailangan nilang baluktutin ang mga salita at lohika, at magsalita sa isang huwad at magandang pakinggan na paraan, para iparamdam sa mga tao na tama sila. Kahit gaano pa ka-tama ang opinyon ng isang tao, gagamitin ng mga anticristo ang kanilang kahusayan sa pagsasalita para ipalabas na mali ito, at hikayatin ang lahat na tanggapin ang kanilang sariling opinyon. Ganitong uri ng mga tao ang mga anticristo—napakahusay nila sa panlilihis ng iba, kaya nilang ilihis ang mga tao hanggang sa malito ang mga ito, mawala sa direksiyon, at hindi na malaman kung ano ang tama sa mali. Sa huli, ang lahat ng walang pagkilatis ay tuluyang malilihis at mabibihag ng mga anticristong ito. May mga taong nanlilihis sa iba nang ganito sa karamihan sa mga iglesia. Kapag nagbabahagi ng katotohanan ang hinirang na mga tao ng Diyos o nagbabahagi ng kanilang patotoong batay sa karanasan, palaging tumatayo ang mga anticristo at nagpapahayag ng kanilang sariling mga pananaw. Hindi nila binubuksan ang kanilang puso para magbahagi ng kanilang karanasan at kaalaman sa tapat na paraan; sa halip, palagi nilang tinutukoy ang mga bagay-bagay at nagbibitiw ng mga mapangbatikos at iresponsableng komento tungkol sa mga karanasan at kaalaman ng ibang tao, para ipangalandakan kung gaano sila katalino, at makamit ang kanilang pakay na mahikayat ang iba na pahalagahan sila. Ang mga anticristo ay napakabihasa sa pagsasalita tungkol sa mga salita at doktrina; hindi sila kailanman makakapagbahagi ng tunay na patotoong batay sa karanasan, at hindi sila kailanman nagsasalita tungkol sa pagkakilala sa sarili. Sa halip, palagi silang naghahanap ng mga problema sa ibang tao at pinalalaki ang mga ito. Hindi mo kailanman makikita ang mga anticristo na tumatanggap ng mga opinyon ng ibang tao nang may bukas na isipan, o maagap na nagbabahagi tungkol sa kanilang sariling mga tiwaling disposisyon at inilalantad ang kanilang sarili sa iba. Tiyak na hindi mo sila makikitang nagbabahagi tungkol sa kung ano ang mga kinimkim nilang mali at kakatwang pananaw, at kung paano nila binago ang mga ito, at tiyak na hindi mo sila naririnig na umaamin sa mga kamaliang nagawa nila o sa kanilang mga pagkukulang…. Gaano man katagal nakikisalamuha ang mga anticristo sa iba, palagi nilang ipinaparamdam sa ibang tao na wala silang anumang katiwalian, na sila ay ipinanganak na mga banal at perpektong tao, at na dapat silang sambahin ng iba. Ang mga taong tunay na nagtataglay ng katwiran ay hindi gustong pahalagahan o sambahin sila ng iba. Kung talagang pinahahalagahan at sinasamba sila ng ibang tao, itinuturing nila itong nakakahiya, dahil alam nila na mga tiwaling tao sila na may mga tiwaling disposisyon, at na hindi sila nagtataglay ng mga katotohanang realidad. Alam nila ang kanilang sariling abilidad, kaya anumang katiwalian ang ibinubunyag nila, at anumang maling pananaw ang naiisip nila, kaya nilang magbahagi tungkol sa mga bagay na ito sa makatotohanang paraan at ipaalam sa iba ang tungkol sa mga ito, at kapag ginagawa nila ito, sobrang magaan, malaya at masaya ang pakiramdam nila. Hindi nila nararamdaman kahit kaunti na mahirap itong gawin. Kahit na hinuhusgahan sila ng ibang tao, minamaliit sila, tinatawag silang bobo, o kinamumuhian sila, hindi gaanong sumasama ang loob nila. Sa kabaligtaran, pakiramdam nila ay talagang normal lang ito at kaya nila itong harapin sa wastong paraan. Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, natural na magbubunyag sila ng katiwalian. Hindi mahalaga kung aaminin mo ito o hindi, isa itong katunayan. Kung kaya mong makilala ang iyong sariling katiwalian, mabuting bagay iyon, at mas mabuti pa nga kung malinaw rin itong nakikita ng iba, nang sa gayon ay hindi ka nila sasambahin o pahahalagahan. Ang mga taong nakakaunawa sa katotohanan at nagtataglay ng kaunting katwiran ay kayang magbukas ng kanilang puso at magbahagi tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili; hindi sila nahihirapan dito. Subalit napakahirap nito para sa mga anticristo. Itinuturing nilang mga hangal ang mga taong nagtatapat nang taos-puso, at itinuturing nilang mga loko-loko iyong mga nagsasalita tungkol sa kanilang pagkakilala sa sarili at iyong mga nagsasalita nang matapat. Samakatwid, lubusang minamaliit ng mga anticristo ang mga taong iyon. Kung may isang tao na nakakaunawa sa katotohanan at lubos siyang sinasang-ayunan ng lahat, ituturing ng mga anticristo ang taong iyon bilang isang pako sa kanilang mga mata at tinik sa kanilang tagiliran, at huhusgahan at kokondenahin nila ito. Pabubulaanan nila ang mga wastong isinasagawa at ang mga positibong bagay na taglay ng taong iyon at palalabasing hindi tama at baluktot na pagkaunawa ang mga ito. Kahit sino pa ang gumagawa ng isang bagay na kapaki-pakinabang sa iglesia o sa mga kapatid, mag-iisip ang mga anticristo ng mga paraan para maliitin, kutyain, at gawing katawa-tawa ang mga ito; kahit gaano pa kabuti ang nagawa ng isang tao, o gaano man ito napakinabangan ng mga tao, iisipin ng mga anticristo na wala itong kabuluhan, at babalewalain at mamaliitin nila ito, ibinababa hanggang sa punto na magmumukha itong ganap na walang halaga. Samantala, kung gumagawa ang mga anticristo ng kaunting kabutihan, gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para ipagmalabis at palakihin ito, ipakita ito sa lahat, ipaalam na sila ang gumawa nito, at na ito ay kanilang kapuri-puring serbisyo, upang tratuhin sila ng mga kapatid nang may espesyal na paggalang, palagi silang aalalahanin, at makaramdam ang mga ito ng lubos na pasasalamat sa kanila, at matandaan kung ano ang mabuting bagay tungkol sa kanila. Ang lahat ng anticristo ay may kakayahang kumilos nang ganito, gayundin ang mga taong nagtataglay ng disposisyon ng mga anticristo. Sa aspektong ito, walang ipinagkaiba ang mga anticristo sa mga mapagpaimbabaw na Pariseo; sa katunayan, mas masahol pa sila sa mga ito. Ito ang mga pinakakaraniwan at pinakalitaw na tipikal na pagpapamalas ng mga anticristo.
Ano ang saloobin na kinikimkim ng mga anticristo kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay? Gusto nilang gumawa ng mabubuting bagay sa harap ng iba, at gusto nilang gumawa ng masasamang bagay nang palihim. Gusto nilang malaman ng lahat ang mga mabubuting bagay na ginagawa nila, at pagtakpan ang lahat ng masasamang bagay para walang makakaalam tungkol dito, hanggang sa punto na wala ni isang salita ang makakalabas, at naoobliga silang gawin ang lahat ng kanilang makakaya para itago ang mga ito. Kasuklam-suklam ang ganitong disposisyon ng mga anticristo, hindi ba? Ano ang pakay ng pagkilos ng mga anticristo sa ganitong paraan? (Ito ay para pangalagaan ang kanilang reputasyon at katayuan.) Tama. Sa panlabas, mukhang hindi sila nakikipagkompetensiya para sa katayuan o nagsasabi ng kahit ano alang-alang sa katayuan, pero ang lahat ng ginagawa at sinasabi nila ay alang-alang sa pagprotekta at pagpapanatili ng kanilang katayuan, at alang-alang sa pagtataglay ng mataas na katanyagan at magandang pangalan. Minsan, nagsusumikap pa nga sila na magkaroon ng katayuan sa loob ng isang grupo nang hindi hinahayaang makita ng sinuman na ginagawa nila ito. Kahit na nagrerekomenda sila para sa isang tao, na kung saan ay nagsasagawa sila ng ilang bagay na dapat gawin ng taong ito, gusto nilang makaramdam ang taong kanilang nirekomenda ng labis na pasasalamat sa kanila, at ipaalam dito na nagkaroon lamang ito ng pagkakataon na gumampan ng tungkuling ito dahil sa kanilang rekomendasyon. Hinding-hindi palalampasin ng mga anticristo ang ganitong pagkakataon. Iniisip nila na, “Kahit na nirekomenda kita, ako pa rin ang lider mo, kaya’t hindi mo ako mahihigitan.” Malinaw na malinaw ang pagkahilig ng mga anticristo sa katayuan at reputasyon. Upang makipagkompetensiya para sa katayuan at maprotektahan ito, hindi nila pinalalampas ang kahit isang sulyap o isang hindi sinasadyang salita mula sa sinuman, lalo na ang anumang bagay na nangyayari sa alinmang sulok. Napapansin ng mga anticristo ang lahat ng bagay na ito, malaki man o maliit, at paulit-ulit na naglalaro sa kanilang isipan ang mga salitang sinabi ng ibang tao. Ano ang pakay nila sa paggawa nito? Nasisiyahan ba sila sa mga pakikipag-argumento? Hindi; ito ay dahil gusto nilang makahanap sa lahat ng ito ng paraan at pagkakataon para maprotektahan ang kanilang katayuan. Ayaw nilang magdusa ng mga kawalan ang kanilang katayuan o pangalan dahil sa pansamantalang kapabayaan o kawalan ng pag-iingat. Alang-alang sa katayuan, natutunan nila kung paano magkaroon ng “kabatiran” sa lahat ng bagay; sa tuwing may sinasabi ang isang kapatid na pakiramdam nila ay walang galang o nagpapahayag ng opinyong sumasalungat sa kanilang sariling opinyon, hindi nila ito pinalalagpas; sineseryoso nila ito, detalyadong nagsasaliksik at malalim na nagsusuri, at pagkatapos ay naghahanap ng naaayong tugon para harapin ang kanilang sinabi, hanggang sa punto na matibay na naitatag ang kanilang katayuan sa isipan ng lahat at lubos na hindi matitinag. Sa sandaling masira ang kanilang pangalan o makarinig sila ng ilang salita na makakapinsala rito, agad nilang susubaybayan ang pinagmulan at susubukang maghanap ng mga dahilan at paliwanag para matubos ang kanilang sarili. Samakatwid, anuman ang tungkuling ginagawa ng mga anticristo, hindi mahalaga kung mga lider man sila at manggagawa man sila o hindi, ang bawat bagay na pinagkakaabalahan nila at ang bawat salitang binibigkas nila ay para sa kanilang katayuan, at hindi puwedeng ihiwalay sa pagnanais nila na maprotektahan ang kanilang mga interes. Sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo, wala silang anumang konsepto ng pagsasagawa ng katotohanan o ng pagprotekta sa interes ng sambahayan ng Diyos. Samakatwid, ang diwa ng mga anticristo ay tumpak na mabibigyang-depinisyon bilang ang sumusunod: Sila ay mga kaaway ng Diyos; sila ay isang grupo ng mga diyablo at Satanas na pumarito para manggulo, manggambala, at mangwasak sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Sila ay mga alipores ni Satanas; hindi sila mga tao na sumusunod sa Diyos, ni mga kasapi ng sambahayan ng Diyos, hindi rin sila mga tao na tatanggap ng pagliligtas ng Diyos.
Naantig ba kayo sa alinman sa pinagbahaginan natin ngayon? Aling bahagi ang umantig sa inyo? (Ang huling bahagi, iyon ay nang hinimay-himay ng Diyos ang mapagkompetensiyang kalikasan ng mga anticristo.) Hindi maganda na palaging nakikipagkompetensiya. Ang pag-uugaling ito ay nauugnay sa mga anticristo at sa pagkawasak. Hindi ito mabuting landas. Ano ang dapat gawin ng mga tao kapag mayroon silang mga pagpapamalas at pagbubunyag na ito? Ano ang dapat na gawin nilang pasya? Paano nila maiiwasan ang mga bagay na ito? Ito ang mga problemang dapat na pinakapinag-iisipan at pinakapinagninilay-nilayan ng mga tao ngayon, at ang mga ito rin ay mga problemang nakakaharap ng mga tao sa bawat araw. Kung paano nila maiiwasang makipagkompetensiya kapag nangyayari ang mga bagay-bagay, at kung paano nila dapat lutasin ang pasakit at pagkabalisa sa kanilang puso pagkatapos nilang makipagkompetensiya—ito ay isang problema na dapat harapin ng bawat tao. Ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, kaya nakikipagkompetensiya silang lahat para sa katanyagan, pakinabang, at dangal, at mahirap para sa kanila na umiwas sa pakikipagkompetensiya. Kaya, kung hindi nakikipagkompetensiya ang isang tao, ibig bang sabihin nito ay naalis na niya ang disposisyon at diwa ng mga anticristo? (Hindi, ito ay isang panlabas lang na pangyayari. Kung hindi nalutas ang kanilang panloob na disposisyon, kung gayon ay hindi malulutas ang problema ng kanilang pagtahak sa landas ng mga anticristo.) Kaya, paano malulutas ang problema ng kanilang pagtahak sa landas ng mga anticristo? (Sa isang aspekto, dapat nilang maunawaan ang usaping ito, at dapat silang lumapit sa Diyos para manalangin kapag ibinubunyag nila ang mga kaisipan na magsumikap para sa katayuan. Dagdag pa rito, dapat nilang ilantad ang kanilang sarili sa mga kapatid, at pagkatapos ay sadyang maghimagsik laban sa mga hindi wastong kaisipang ito. Dapat din nilang hilingin sa Diyos na hatulan, kastiguhin, pungusan, at disiplinahin sila. Pagkatapos, magagawa na nilang tumahak sa tamang landas.) Napakagandang sagot niyan. Gayumpaman, hindi ito madaling makamit, at mas lalong mahirap ito para sa mga taong mahal na mahal ang reputasyon at katayuan. Hindi madaling talikuran ang reputasyon at katayuan—makakamit lang ito ng mga tao sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Sa pag-unawa lamang sa katotohanan makikilala ng isang tao ang kanyang sarili, makikita nang malinaw ang kahungkagan ng paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at makikita nang malinaw ang katotohanan ng katiwalian ng sangkatauhan. Saka lamang maaabandona ng isang tao ang katayuan at reputasyon kapag tunay na niyang nakilala ang kanyang sarili. Hindi madaling iwaksi ang sariling tiwaling disposisyon. Kung napansin mo na wala sa iyo ang katotohanan, na marami kang kakulangan, at nagbubunyag ng masyadong maraming katiwalian, subalit hindi mo sinisikap na hangarin ang katotohanan, at nagpapanggap at nagpapaimbabaw ka, na pinaniniwala mo ang mga tao na kaya mong gawin ang anumang bagay, ilalagay ka nito sa panganib—sa malao’t madali, darating ang panahon na makakasalubong ka ng mga balakid at ikaw ay babagsak. Kailangan mong aminin na wala sa iyo ang katotohanan, at buong tapang mong harapin ang realidad. Mayroon kang mga kahinaan, nagbubunyag ng katiwalian, at lahat ng uri ng kakulangan ay nasa iyo. Normal lang ito, dahil isa kang karaniwang tao, hindi ka superhuman o makapangyarihan, at kailangan mong kilalanin iyan. Kapag hinahamak o tinutuya ka ng ibang mga tao, huwag kaagad tumugon nang may pagkasuklam dahil lamang sa hindi kaaya-aya ang sinasabi nila, o tanggihan ito dahil naniniwala kang mayroon kang kakayahan at perpekto ka—hindi dapat ganito ang iyong saloobin sa gayong mga salita. Ano ang dapat na maging saloobin mo? Dapat mong sabihin sa iyong sarili, “May mga pagkakamali ako, tiwali at may kapintasan ang lahat ng bagay tungkol sa akin, at isang ordinaryong tao lamang ako. Anuman ang kanilang paghamak at panunuya sa akin, may katotohanan ba rito? Kung parte ng sinasabi nila ay totoo, dapat ko itong tanggapin mula sa Diyos.” Kung may ganito kang saloobin, katunayan ito na kaya mong pangasiwaan nang tama ang katayuan, reputasyon, at mga sinasabi ng ibang tao patungkol sa iyo. Hindi madaling isantabi ang katayuan at reputasyon. Para sa mga taong medyo may kaloob, medyo mahusay ang kakayahan, o nagtataglay ng kaunting karanasan sa gawain, mas mahirap isantabi ang mga bagay na ito. Bagama’t minsan ay sinasabi nila na isinantabi na nila ang mga ito, hindi nila magawa ang mga ito sa kaibuturan ng puso nila. Sa sandaling pinahihintulutan ng sitwasyon at mayroon silang pagkakataon, magpapatuloy silang magsumikap para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan gaya ng dati, dahil mahal ng lahat ng tiwaling tao ang mga bagay na ito, sadyang medyo mas mahina lang ang pagnanais ng mga walang kaloob o talento na maghangad ng katayuan. Ang mga may taglay na kaalaman, talento, magandang hitsura, at espesyal na kapital, ay talagang may matinding pagnanais para sa reputasyon at katayuan, hanggang sa puntong puno na sila ng ambisyon at pagnanais na ito. Ito ang pinakamahirap para sa kanila na isantabi. Kapag wala silang katayuan, ang pagnanais nila ay nasa yugtong nag-uumpisa pa lamang. Kapag nagkaroon na sila ng katayuan, kapag pinagkakatiwalaan na sila ng sambahayan ng Diyos ng ilang mahahalagang gampanin, at lalo na kung nakapagtrabaho na sila nang maraming taon at malawak na ang kanilang karanasan at malaki na ang puhunan, ang pagnanais ay hindi na bago, kundi nag-ugat na ito, namukadkad, at malapit nang magbunga. Kung ang isang tao ay palaging may pagnanais at ambisyon na gumawa ng mga dakilang bagay, maging sikat, maging isang dakilang tao, kung gayon, sa sandaling gumawa siya ng malaking kasamaan, at magkaroon ng epekto ang mga kahihinatnan nito, ganap na magiging katapusan na niya, at siya ay matitiwalag. Kaya, bago pa ito humantong sa malaking kalamidad, dapat niyang baguhin kaagad ang sitwasyon, habang may oras pa. Sa tuwing ginagawa mo ang anumang bagay, at sa anumang konteksto, dapat mong hanapin ang katotohanan, isagawa ang pagiging isang taong matapat at masunurin sa Diyos, at isantabi ang paghahangad sa katayuan at reputasyon. Kapag palagi kang nag-iisip at nagnanais na makipagkompetensiya para sa katayuan, kailangan mong matanto kung anong masasamang kahihinatnan ang kahahantungan ng ganitong uri ng kalagayan kung hindi ito malutas. Kaya huwag magsayang ng oras sa paghahanap sa katotohanan, sugpuin ang pagnanais mo na makipagkompetensiya para sa katayuan habang nag-uumpisa pa lang ito, at palitan ito ng pagsasagawa ng katotohanan. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, mababawasan ang iyong pagnanais at ambisyon na makipagkompetensiya para sa katayuan, at hindi ka manggugulo sa gawain ng iglesia. Sa ganitong paraan, maaalala at sasang-ayunan ng Diyos ang iyong mga ginawa. Kaya ano ang sinusubukan Kong bigyang-diin? Ito iyon: Dapat alisin mo sa iyo ang mga pagnanais at ambisyon mo bago mamulaklak at magbunga ang mga ito at mauwi sa matinding kalamidad. Kung hindi mo lulutasin ang mga ito habang maaga pa, mapapalampas mo ang isang magandang oportunidad; at sa sandaling nauwi na ang mga ito sa matinding kalamidad, huli na ang lahat para lutasin ang mga ito. Kung wala ka man lang tibay ng loob para maghimagsik laban sa laman, magiging napakahirap para sa iyo na makatungtong sa landas ng paghahangad sa katotohanan; kung may nasasagupa kang mga dagok at kabiguan sa paghahangad mo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi ka natatauhan, mapanganib ito: May posibilidad na matitiwalag ka. Kapag naharap ang mga nagmamahal sa katotohanan sa isa o dalawang kabiguan at dagok pagdating sa kanilang reputasyon at katayuan, malinaw nilang nakikita na wala talagang anumang halaga ang reputasyon at katayuan. Nagagawa nilang lubos na talikuran ang katayuan at reputasyon, at pagpasyahan na, kahit hindi sila kailanman nagtataglay ng katayuan, patuloy pa rin nilang hahangarin ang katotohanan at gagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at ibabahagi ang kanilang patotoong batay sa karanasan, sa gayon ay matamo ang resulta ng pagpapatotoo sa Diyos. Kahit mga ordinaryong tagasunod sila, may kakayahan pa rin silang sumunod hanggang wakas, at ang tanging gusto nila ay ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang mga taong ito lamang ang tunay na nagmamahal sa katotohanan at may determinasyon. Maraming anticristo at masasamang tao ang naitiwalag ng sambahayan ng Diyos, at ang ilang naghahangad sa katotohanan, matapos makita ang kabiguan ng mga anticristo, ay nagninilay-nilay sa landas na tinahak ng mga taong iyon, at pinagninilay-nilayan din nila at kinikilala ang kanilang sarili. Mula rito, nagkakamit sila ng pagkaunawa tungkol sa layunin ng Diyos, nagpapasya na maging mga ordinaryong tagasunod, at nagtutuon sa paghahangad ng katotohanan at gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Kahit pa sinasabi ng Diyos na sila ay mga tagapagserbisyo o mga mabababang tao na walang kabuluhan, ayos lang sa kanila. Susubukan lang nilang maging mababang tao, maliit at hamak na mga tagasunod sa mga mata ng Diyos, na sa huli ay tatawagin ng Diyos na mga katanggap-tanggap na nilikha. Ang mga taong tulad nito ang mabubuti at sila ang mga sinasang-ayunan ng Diyos.
Gusto ng Diyos ang mga taong naghahangad ng katotohanan, at ang pinakakinapopootan Niyang ginagawa ng mga tao ay ang paghahangad sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Talagang itinatangi ng ilang tao ang katayuan at reputasyon, masyadong mahilig sa mga iyon, hindi maatim na isuko ang mga iyon. Pakiramdam nila palagi ay walang kagalakan o pag-asa sa buhay kapag walang katayuan at reputasyon, na may pag-asa lang sa buhay na ito kapag nabubuhay sila para sa katayuan at reputasyon, at kahit may kaunti silang kabantugan patuloy silang makikipaglaban, hinding-hindi sila susuko. Kung ito ang iniisip at pananaw mo, kung puno ng gayong mga bagay ang puso mo, wala kang kakayahang mahalin at hangarin ang katotohanan, wala kang tamang direksyon at mga pakay sa iyong pananalig sa Diyos, at wala kang kakayahang hangarin na kilalanin ang sarili mo, na iwinawaksi ang katiwalian at isinasabuhay ang wangis ng tao; hinahayaan mong magpatuloy ang mga bagay-bagay kapag ginagawa mo ang iyong tungkulin, wala kang anumang pagpapahalaga sa responsabilidad, at nasisiyahan ka lang sa hindi paggawa ng kasamaan, hindi pagsasanhi ng kaguluhan, at hindi napapaalis. Magagawa ba ng gayong mga tao ang kanilang tungkulin sa katanggap-tanggap na pamantayan? At maaari ba silang iligtas ng Diyos? Imposible. Kapag kumikilos ka alang-alang sa reputasyon at katayuan, iniisip mo pa nga na, “Hangga’t hindi masama ang ginagawa ko at hindi nakakagulo, kahit mali ang motibo ko, walang makakakita niyon o magkokondena sa akin.” Hindi mo alam na sinisiyasat nang mabuti ng Diyos ang lahat. Kung hindi mo tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan, at itinataboy ka ng Diyos, tapos na ang lahat para sa iyo. Iniisip ng lahat ng walang may-takot-sa-Diyos na puso na matalino sila; sa katunayan, ni hindi nila alam kung kailan sila sumalungat sa Kanya. Hindi nakikita nang malinaw ng ilang tao ang mga bagay na ito; iniisip nila, “Hinahangad ko lang ang reputasyon at katayuan upang mas marami akong magawa, para makatanggap ako ng higit pang responsabilidad. Hindi ito nanggagambala o nanggugulo sa gawain ng iglesia, at lalong hindi nito pinipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Hindi ito malaking problema. Sadyang mahal ko ang katayuan at pinoprotektahan ko ang aking katayuan, pero hindi masamang gawa iyon.” Sa tingin, maaaring hindi mukhang masamang gawa ang gayong hangarin, pero saan humahantong iyon sa huli? Makakamit ba ng gayong mga tao ang katotohanan? Makakamtan ba nila ang kaligtasan? Talagang hindi. Samakatwid, ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay hindi tamang landas—kabaligtaran mismo ng paghahangad ng katotohanan ang direksyong iyon. Sa kabuuan, anuman ang direksyon o layon ng iyong hangarin, kung hindi ka nagninilay tungkol sa paghahangad sa katayuan at reputasyon, at kung nahihirapan kang isantabi ito, maaapektuhan niyon ang iyong buhay pagpasok. Hangga’t may puwang ang katayuan sa puso mo, lubos nitong makokontrol at maiimpluwensiyahan ang direksyon ng buhay mo at ang layon ng paghahangad mo, kaya nga magiging napakahirap sa iyo na pumasok sa katotohanang realidad, maliban pa sa mahihirapan kang baguhin ang iyong disposisyon; makamit mo man sa bandang huli ang pagsang-ayon ng Diyos, siyempre pa, ay hindi na kailangang sabihin pa. Bukod pa riyan, kung hindi mo kailanman magawang isuko ang paghahangad mo sa katayuan, maaapektuhan nito ang kakayahan mong gawin ang iyong tungkulin sa paraan na pasok sa pamantayan, kaya mahihirapan kang maging isang nilikha na pasok sa pamantayan. Bakit Ko sinasabi ito? Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, dahil ang paghahangad ng katayuan ay isang satanikong disposisyon, isa itong maling landas, bunga ito ng pagtitiwali ni Satanas, isa itong bagay na kinokondena ng Diyos, at ito mismo ang bagay na hinahatulan at dinadalisay ng Diyos. Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, pero nagmamatigas ka pa ring nakikipagkompetensiya para sa katayuan, walang-sawa mo itong iniingatan at pinoprotektahan, at laging sinusubukang makuha ito para sa iyong sarili. Hindi ba’t may kaunting katangian ng pagiging antagonistiko sa Diyos sa lahat ng ito? Hindi niloob ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, para sa huli ay maging isang nilikha sila na pasok sa pamantayan, isang maliit at hamak na nilikha—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libu-libong tao. Kaya, saanmang perspektiba ito tingnan, walang kahahantungan ang paghahangad ng katayuan. Gaano man kamakatwiran ang iyong pagdadahilan para hangarin ang katayuan, mali pa rin ang landas na ito, at hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Gaano ka man magpakahirap o gaano ka man magsakripisyo, kung nagnanais ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban, isa lamang ang kahihinatnan nito: Mabubunyag at matitiwalag ka, at mauuwi sa walang kahahantungan. Nauunawaan mo ito, hindi ba?
Marso 7, 2020