Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi) Unang Seksiyon

II. Ang mga Interes ng mga Anticristo

B. Ang Sarili Nilang Reputasyon at Katayuan

Noong huli ay nagbahaginan tayo tungkol sa ikasiyam na aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Gumawa tayo ng simpleng paglalagom niyon. Sa ilang subseksiyon natin hinati-hati ang mga interes ng mga anticristo para sa ating paghihimay-himay? (Tatlong subseksiyon. Ang una ay ang sariling seguridad ng mga anticristo, ang pangalawa ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, at ang pangatlo ay ang mga pakinabang.) Ang mga interes na nauugnay sa mga anticristo ay kinapapalooban ng tatlong subseksiyon na ito: ang kanilang sariling seguridad, katayuan, at mga pansarili nilang pakinabang—tama ba? (Oo.) Ang unang subseksiyon, ang kanilang sariling seguridad, ay medyo madaling maunawaan. Nauugnay ito sa mga mapanganib na kapaligiran na nakakaharap nila, at ito ay tumutukoy sa mga direktang interes ng mga anticristo: ang kanilang pansariling seguridad. Halos tapos na tayong magbahaginan tungkol sa subseksiyon na ito. Ang pangalawang subseksiyon ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Nagbahaginan tayo noong huli tungkol sa ilan sa mga pagpapamalas nito, ngunit iyon ay medyo malawak na mga termino. Sa palagay Ko lahat kayo ay mayroon lang konseptuwal na pagkaarok at kaalaman sa subseksiyon na ito. Kung hindi Ako magbibigay sa inyo ng ilang halimbawa, at ng ilang detalyado at kongkretong pagsusuri, maaaring magtaglay lamang kayo ng kaunting doktrinal at literal na pagkaunawa sa aspektong ito ng diwa at mga pagpapamalas ng mga anticristo, at maaaring hindi ninyo makikilala ang alinman sa mga tunay at partikular na pagpapakita at pagpapamalas na ito. Mula sa perspektiba ninyo, pagdating sa pagbabahaginan tungkol sa mga paksang ito, mas mainam kung mas detalyado, hindi ba? (Oo.) Gusto ninyong makarinig ng mga bagay na nakahanda na; ayaw ninyo iyong mga bagay na kailangan pa ninyong alamin. Pagkatapos ninyong makinig sa mga sermon na ito, gumagawa ba kayo ng sariling pag-aaral? Kung magbabahagi Ako nang sobrang detalyado, pakiramdam ba ninyo na masyado Akong metikuloso at mahaba ang sinasabi? Maaaring sabihin ninyo na, “Talagang minamaliit Mo ang aming IQ; ganoon ba talaga kababa ang kakayahan namin? Sapat na ang magbigay Ka ng isa o dalawang halimbawa lang. Bukod pa rito, pagdating sa paghihimay-himay sa diwa ng mga anticristo, medyo marami na tayong napagbahaginan tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa kanilang pagmamahal sa katayuan at kapangyarihan. Bakit ang pagbabahaginan natin sa mga interes ng mga anticristo ay tumatalakay rin sa paksang ito? Hindi ba’t masyado nang paulit-ulit at maselan ito? Talaga bang kinakailangang magbahaginan tungkol dito?” Sa totoo lang, hindi naman masama ang kaunting pag-uulit. Kung magbabahaginan tayo mula sa lahat ng anggulo, magkakaroon kayo ng mas masusing pagkaunawa sa aspektong ito ng diwa ng mga anticristo. Dagdag pa rito, kapag nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, hindi kayo dapat umiwas sa pag-uulit. May ilang katotohanan na napagbahaginan na sa loob ng maraming taon ngunit wala pa ring mga tao na nakakapasok sa mga ito. Tama ba na palaging sikapin na umiwas sa pag-uulit, at palaging maghanap ng mga bagong estilo at ekspresyon? (Mali ito.) Ang katotohanan mismo ay malapit na nauugnay sa buhay ng mga tao. Ang lahat ng iba’t ibang bagay at tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga tao sa buhay nila, ang kanilang mga pagpapamalas, at ang mga pananaw at saloobin nila sa iba’t ibang uri ng mga bagay ay palaging nangyayari nang paulit-ulit araw-araw. Ang pagbabahaginan sa katotohanan at paghihimay-himay sa iba’t ibang nilalaman at diwa mula sa iba’t ibang anggulo ay lubos na kapaki-pakinabang para sa pagpasok ng mga tao sa katotohanan. Noong huli, nagbahaginan tayo sa isang simple at malawak na paraan tungkol sa pangalawang subseksiyon ng mga interes ng mga anticristo: ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Ngayon, magbibigay Ako ng ilang halimbawa upang detalyado tayong makapagbahaginan tungkol dito. Siyempre, kung nakapagkamit kayo ng kaunting bagong pagkaunawa o nakapagtamo ng kaunting paghahayag o liwanag batay sa pundasyon ng Aking pagbabahagi, o kung nakakita kayo ng ilang kaugnay na halimbawa sa takbo ng inyong sariling karanasan o buhay, maaari rin kayong makilahok sa pagbabahaginan. Susunod, partikular tayong maghihimay-himay, mula sa perspektiba ng mga interes ng mga anticristo, kung ano ang ipinapamalas ng mga anticristo pagdating sa kanilang sariling reputasyon at katayuan, kung anong mga tiwaling disposisyon ang ibinubunyag ng mga anticristo, at kung sa anong mga paraan ibinubunyag ng mga anticristo ang gayong mga kalikasang diwa.

Kumpara sa mga normal na tao, mas matindi ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang reputasyon at katayuan, at isa itong bagay na nasa loob ng kanilang disposisyong diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng mga anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, wala nang iba pa. Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay, at ang kanilang panghabambuhay na layon. Sa lahat ng kanilang ginagawa, ang una nilang isinasaalang-alang ay: “Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng magandang reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?” Iyon ang unang bagay na kanilang iniisip, na sapat na patunay na mayroon silang disposisyon at diwa ng mga anticristo; iyon ang dahilan kaya isinasaalang-alang nila ang mga bagay sa ganitong paraan. Maaaring sabihin na para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, lalong hindi mga bagay na panlabas sa kanila na makakaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang saloobin. Kung gayon, ano ang kanilang saloobin? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw. At kaya para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, ano man ang kapaligiran na tinitirhan nila, ano man ang gawain na kanilang ginagawa, ano man ang kanilang hinahangad, ano man ang kanilang mga layon, ano man ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo, at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay reputasyon at katayuan pa rin. Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, itinuturing nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan bilang katumbas ng pananalig sa Diyos at binibigyan ang mga ito ng pantay na pagpapahalaga. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Masasabi na sa puso ng mga anticristo, naniniwala sila na ang paghahangad ng katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang paghahangad ng reputasyon at katayuan; ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay ang paghahangad din sa katotohanan, at ang magkamit ng reputasyon at katayuan ay ang magkamit ng katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang reputasyon, pakinabang o katayuan, na walang humahanga sa kanila, o nagpapahalaga sa kanila, o sumusunod sa kanila, sobrang bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, “Bigo ba ang gayong pananalig sa diyos? Wala na ba itong pag-asa?” Madalas na tinitimbang nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso, pinag-iisipan nila kung paano sila magkakapuwesto sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng matayog na reputasyon sa iglesia, nang sa gayon ay makinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at suportahan sila kapag kumikilos sila, at sumunod sa kanila saanman sila magpunta; nang sa gayon ay sila ang may huling salita sa iglesia, at ang may kasikatan, pakinabang, at katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay sa puso nila. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao. Bakit palagi silang nag-iisip ng ganoong mga bagay? Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, matapos marinig ang mga sermon, hindi ba talaga nila nauunawaan ang lahat ng ito, hindi ba talaga nila nagagawang makilala ang lahat ng ito? Talaga bang hindi nabago ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan ang kanilang mga kuru-kuro, ideya, at opinyon? Hindi talaga iyon ang kaso. Ang problema ay nasa kanila, ito ay lubos na dahil hindi nila minamahal ang katotohanan, dahil sa puso nila, tutol sila sa katotohanan, at bilang resulta, lubos nilang hindi tinatanggap ang katotohanan—na natutukoy ng kanilang kalikasang diwa.

Pagkatapos makinig ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, parang nakahanap sila ng direksiyon sa puso nila. Ngunit ano nga ba talaga ang diumano’y direksiyon na ito? Ito ay ang pagtatamo nila ng isang uri ng kasangkapan—o, maaaring sabihin ng isang tao, isang uri ng kapaki-pakinabang na sandata—na nagbibigay sa kanila ng mas higit pang katiyakan sa pagtamo ng katayuan. Kaya, ginagamit nila ang pagkakataong ito para higit na makinig, magbasa, matuto, makipagbahaginan, at magsagawa, at unti-unting makarating sa punto kung saan kaya nilang magsalita ng maraming salita at doktrina, at mangaral ng maraming diumano’y sermon na hindi malilimutan at nakahihikayat sa mga tao na pahalagahan sila. Sa sandaling maarok nila ang mga doktrinang ito na sa tingin ng mga tao ay maganda pagdating sa literal na kahulugan ng mga ito, para bang nakahawak na sila sa isang bagay na magsasalba sa kanila sa buhay, at nakakita na sila ng direksiyon at liwanag sa bukang-liwayway. Kaya, hindi nakikinig ang mga anticristo sa mga sermon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos alang-alang sa kanilang pagsasagawa o para sumunod sa daan ng Diyos, at lalong hindi nila ginagawa ang mga bagay na ito para maunawaan ang Kanyang mga layunin. Ginagawa nila ang mga ito para makuha ang loob ng mga tao at maakit ang mas maraming tao na sumamba at sumunod sa kanila gamit ang mga salita ng Diyos, o gamit ang mga teoryang ito na pinaniniwalaan nilang espirituwal, o sa pamamagitan ng pangangaral ng matatayog na sermon. Hindi nakikitang nagiging isang uri ng daluyan, isang uri ng hagdan, at isang uri ng kasangkapan ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, at ang Kanyang daan na ginagamit ng mga taong ito para magtamo ng katayuan at katanyagan sa gitna ng iba. Kaya, kahit sa anong paraan ninyo ito tingnan, hindi kayo makakakita ng anumang tunay na pananalig o tunay na pagpapasakop sa loob ng mga anticristo. Sa kabaligtaran, gaano man sila magsikap sa pakikinig ng mga sermon at pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at gaano man tila “kamaka-diyos” ang kanilang pananampalataya sa Kanyang mga salita, may isang bagay na hindi maikakaila, iyon ay na habang ginagawa ng mga anticristo ang mga bagay na ito, ang kanilang layunin at plano ay hindi para sumunod sa kalooban ng Diyos, at lalong hindi ito para gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin; ayaw nilang maging pinakamaliit sa mga tagasunod o maging mga nilikha, masunuring tumatanggap sa atas ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos nang may magandang pag-uugali. Sa halip, gusto lang nilang gamitin ang mga bagay na ito para makamit ang kanilang mga indibidwal na layon, para magkaroon ng puwang sa puso ng iba, at magkaroon ng positibong pagsusuri sa harap ng Diyos—iyon lang ang gusto nila. Kaya, gaano man ipangaral ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, at gaano man katama, katayog, ka-espirituwal, at kaangkop sa panlasa ng mga tao ang mga sermong ipinangangaral nila, wala silang magiging pagsasagawa at pagpasok. Kasabay nito, magbubunga ng mas maraming “prutas” ang kanilang paghahangad sa katayuan at reputasyon. Bakit Ko sinasabi ito? Sinasabi Ko ito dahil anuman ang gawin ng mga taong gaya nito, anuman ang kanilang makamit sa pamamagitan ng matinding pagsisikap, ang direksiyon at mga layong hinahangad nila, at ang motibo at pinagmulan na kinikimkim nila sa kaibuturan ng kanilang puso sa tuwing kumikilos sila, ay hindi maihihiwalay mula sa katayuan at reputasyon na mahigpit na nakakabit sa kanilang sariling mga interes.

Sabi nga, aanihin mo ang iyong itinanim. Kahit ano pang uri ng mahusay na kakayahan at mga kaloob ang tinataglay ng mga anticristo, o anumang maka-diyos at espirituwal na pagpapamalas ang ipinapakita nila, dahil kinikimkim nila ang ambisyon at pagnanais na gumamit ng kapangyarihan at kontrolin ang hinirang na mga tao ng Diyos, at dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan at hinahanap lamang nila ang reputasyon at katayuan, kaya ba nilang magsagawa nang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos? Kaya ba nilang tugunan ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa kanilang mga kilos? (Hindi.) Kung gayon, ano ang magiging mga kahihinatnan ng kanilang mga kilos at pag-uugali? (Tiyak na ang pagtatatag nila ng kanilang sariling kaharian at na sila ang nasusunod.) Tama. Kahit ano pa ang gawin ng mga anticristo, ito ang magiging resulta sa huli. Kaya, ano ang nagdudulot ng ganitong kahihinatnan? Ang pangunahing dahilan nito ay ang kawalan nila ng kakayahan na tanggapin ang katotohanan. Sila man ay pungusan, hatulan, o kastiguhin, hindi ito tatanggapin ng mga anticristo sa kanilang puso. Anuman ang kanilang ginagawa, palaging may sariling mga pakay at layunin ang mga anticristo, palagi silang kumikilos ayon sa kanilang sariling plano, at ang kanilang saloobin sa mga pagsasaayos at sa gawain ng sambahayan ng Diyos ay, “Maaaring mayroon kang isang libong plano, pero mayroon akong isang patakaran”; ang lahat ng ito ay natutukoy ng kalikasan ng mga anticristo. Maaari bang baguhin ng mga anticristo ang kanilang mentalidad at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Tiyak na imposible iyon, maliban na lang kung direktang hihingin ng Itaas sa kanila na gawin ito, kung saan ay medyo magagawa nila ito nang may pag-aalinlangan, dahil kinakailangan. Kung wala man lang silang ginawa, malalantad at matatanggal sila. Sa ganitong mga sitwasyon lang sila nakagagawa ng kaunting tunay na gawain. Ito ang saloobin ng mga anticristo sa paggawa ng mga tungkulin; ito rin ang saloobin nila sa pagsasagawa ng katotohanan: Kapag kapaki-pakinabang para sa kanila ang pagsasagawa ng katotohanan, kapag sasang-ayunan at hahangaan sila ng lahat dahil dito, siguradong gagawin nila ito at gagawa sila ng mga pakitang-tao na pagsusumikap na nagmumukhang katanggap-tanggap para sa iba. Kung hindi sila nakikinabang sa pagsasagawa ng katotohanan, kung walang nakakakita nito, at hindi rin ito nakikita ng mga nakatataas na lider, kung gayon, sa ganitong mga pagkakataon, tiyak na hindi nila isasagawa ang katotohanan. Nakasalalay sa konteksto at sitwasyon ang kanilang pagsasagawa sa katotohanan, at isinasaalang-alang nila kung paano nila ito gagawin sa paraang makikita ng iba, at kung gaano kalaki ang mga makukuhang pakinabang; mayroon silang mahusay na pag-arok sa mga bagay na ito, at kaya nilang umangkop sa iba’t ibang sitwasyon. Isinasaalang-alang nila sa lahat ng oras ang kanilang sariling kasikatan, pakinabang at katayuan, at hindi nagpapakita ng anumang pagsasaalang-alang para sa mga layunin ng Diyos, at dahil dito, nabibigo silang isagawa ang katotohanan at itaguyod ang mga prinsipyo. Binibigyang-pansin lamang ng mga anticristo ang kanilang sariling kasikatan, pakinabang, katayuan, mga pansariling interes, at ang hindi nila pagkamit ng anumang pakinabang o pagbabandera nila sa kanilang sarili ay hindi katanggap-tanggap, at malaking abala para sa kanila ang pagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi pinapansin ang kanilang mga pagsisikap, at kahit na gumagawa sila sa harap ng iba ngunit hindi nakikita ang kanilang gawain, kung gayon, hindi sila magsasagawa ng anumang katotohanan. Kung ang gawain ay direktang isinasaayos ng sambahayan ng Diyos, at wala silang magagawa kundi gawin ito, isinasaalang-alang pa rin nila kung makikinabang ba ang kanilang katayuan at reputasyon dito. Kung mainam ito para sa kanilang katayuan at mapapaangat nito ang kanilang reputasyon, ibinubuhos nila ang lahat ng mayroon sila sa gawaing ito at ginagalingan nila ang trabaho rito; pakiramdam nila ay nasapul nila ang dalawang ibon sa isang bato. Kung hindi ito makabubuti sa kanilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at ang paggawa nito nang hindi maayos ay makapagpapasama sa kanilang imahe, umiisip sila ng paraan o dahilan para matakasan ito. Anuman ang tungkuling gampanan ng mga anticristo, lagi silang kumakapit sa iisang prinsipyo: Dapat silang magkaroon ng kaunting nakamit pagdating sa reputasyon, katayuan, o sa kanilang mga interes, at hindi sila dapat magkaroon ng anumang kawalan. Ang klase ng gawaing pinakagusto ng mga anticristo ay kapag hindi nila kailangang magdusa o magbayad ng anumang halaga, at may pakinabang iyon sa kanilang reputasyon at katayuan. Sa kabuuan, anuman ang ginagawa nila, isinasaalang-alang muna ng mga anticristo ang sarili nilang mga interes, at kumikilos lang sila kapag napag-isipan na nilang lahat iyon; hindi sila tunay, sinsero, at lubos na nagpapasakop sa katotohanan nang walang pakikipagkompromiso, kundi ginagawa nila ito nang may pagpili at may kondisyon. Anong kondisyon ito? Ito ay na dapat maingatan ang kanilang katayuan at reputasyon, at hindi sila dapat mawalan ng anuman. Kapag natugunan ang kondisyong ito, saka lang sila magpapasya at pipili kung ano ang gagawin. Ibig sabihin, pinag-iisipang mabuti ng mga anticristo kung paano tatratuhin ang mga katotohanang prinsipyo, ang mga atas ng Diyos, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, o kung paano haharapin ang mga bagay na kaharap nila. Hindi nila isinasaalang-alang kung paano tugunan ang mga layunin ng Diyos, kung paano iingatang huwag mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung paano mapalulugod ang Diyos, o kung paano makikinabang ang mga kapatid; hindi ang mga ito ang isinasaalang-alang nila. Ano ang isinasaalang-alang ng mga anticristo? Kung maaapektuhan ba ang kanilang sariling katayuan at reputasyon, at kung bababa ba ang kanilang katanyagan. Kung ang paggawa ng isang bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, subalit magdurusa naman ang kanilang sariling reputasyon at mapagtatanto ng maraming tao ang kanilang tunay na tayog at malalaman kung anong uri ng kalikasang diwa ang mayroon sila, kung gayon, tiyak na hindi sila kikilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ang paggawa ng tunay na gawain ay magiging sanhi para maging mataas ang tingin sa kanila, tingalain sila at hangaan sila ng mas maraming tao, tulutan silang magkamit ng mas higit pang katanyagan, o magkaroon ng awtoridad ang kanilang mga salita at mas maraming tao pa ang magpasakop sa kanila, kung gayon ay pipiliin nilang gawin ito sa ganoong paraan; kung hindi naman, hinding-hindi nila pipiliin na isantabi ang sarili nilang mga interes para isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga kapatid. Ganito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Hindi ba ito makasarili at kasuklam-suklam? Sa anumang sitwasyon, itinuturing ng mga anticristo na pinakamahalaga ang kanilang katayuan at reputasyon. Walang sinumang maaaring makipagkompetensiya sa kanila. Anumang pamamaraan ang kailangan, basta’t nakukuha ang loob at napapasamba nito ang mga tao sa kanila, gagawin ito ng mga anticristo. Kapag may ibang tao na pinahahalagahan at sinasang-ayunan ng hinirang na mga tao ng Diyos dahil sa kanilang pagpapatotoo sa Diyos, gagamitin din ng mga anticristo ang pamamaraang ito para kunin ang loob ng mga tao. Ngunit hindi nagtataglay ng katotohanan ang mga anticristo, o ng praktikal na karanasan, kaya pinipiga nila ang kanilang utak na gumawa ng isang hanay ng mga teorya na nagpapatotoo para sa Diyos batay sa mga imahinasyon ng tao, nagsasalita kung gaano kadakila ang Diyos, kung gaano kamahal ng Diyos ang tao, kung paanong nagbabayad ng halaga ang Diyos para iligtas ang tao, at kung gaano nagpapakumbaba at nagtatago ang Diyos. Pagkatapos nilang magpatotoo para sa Diyos sa ganitong paraan, ang natatamo nilang kinalalabasan ay na mas lalo pa silang pinahahalagahan ng mga tao, at nagkakaroon sila ng mas malaking puwang sa puso ng mga tao, at walang puwang para sa Diyos. Kung nakikita nila na ang pagsasalita tungkol sa pagkakilala sa sarili ay maaaring magtulak sa mga tao na higit silang pagkatiwalaan, hangaan, at pahalagahan, madalas nilang pag-uusapan ang tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili, at madalas na hihimayin ang kanilang sarili. Hihimay-himayin nila ang katunayan na sila ay isang diyablo, na hindi sila tao, na wala silang katwiran, na hindi nila hinahangad ang katotohanan, at na hindi nila taglay ang katotohanan. Magbabahagi sila tungkol sa ilang paimbabaw, walang kabuluhang paksa para ilihis ang iba, kuhanin ang tiwala ng mga ito, at kumuha ng marami pang tao na pupuri at hahanga sa kanila. Ganito kumilos ang mga anticristo. Kung ang isang partikular na pamamaraan ng pagbabahagi ng patotoong batay sa karanasan ay magbibigay-daan sa kanila para magtamo ng pagsang-ayon at paghanga ng ibang tao, hindi sila mag-aatubiling gamitin ito. Pagtutuunan, pagsisikapan, at pag-iisipan talaga nila nang husto ang pamamaraang ito. Sa kabuuan, ang layon at motibo nila sa paggawa ng lahat ng ito ay umiikot lamang sa katayuan at reputasyon. Hindi mahalaga kung ito ay ang kanilang panlabas na wika, mga pamamaraan, pag-uugali, o isang uri ng kaisipan, pananaw, o pamamaraan ng paghahangad, umiikot ang lahat ng ito sa reputasyon at katayuan. Ganito gumagawa ang mga anticristo.

Para sa mga anticristo, kung ang reputasyon o katayuan nila ay inaatake at inaalis, mas seryosong bagay pa ito kaysa sa pagtatangkang kitilin ang kanilang buhay. Kahit gaano pa karaming sermon ang pakinggan nila o kahit gaano pa karaming salita ng Diyos ang basahin nila, hindi sila makakaramdam ng kalungkutan o pagsisisi na hindi nila naisagawa kailanman ang katotohanan at natahak ang landas ng mga anticristo, o na nagtataglay sila ng kalikasang diwa ng mga anticristo. Sa halip, lagi silang nag-iisip ng paraan upang magkamit ng katayuan at pataasin ang kanilang reputasyon. Masasabi na ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay ginagawa upang magpakitang-gilas sa harap ng iba, at hindi ginagawa sa harap ng Diyos. Bakit Ko nasasabi ito? Ito ay dahil labis na nahuhumaling ang gayong mga tao sa katayuan na itinuturing nila ito bilang pinakabuhay na nila, bilang panghabambuhay nilang layon. Higit pa rito, dahil mahal na mahal nila ang katayuan, hindi sila kailanman naniniwala sa pag-iral ng katotohanan, at masasabi pa ngang hinding-hindi sila naniniwala na mayroong Diyos. Kaya, gaano man sila magkalkula upang magkamit ng reputasyon at katayuan, at gaano man nila subukang magpanggap upang lokohin ang mga tao at ang Diyos, sa kaibuturan ng kanilang puso, wala silang kamalayan o pagkadismaya, lalo na ng anumang pagkabalisa. Sa kanilang patuloy na paghahangad sa reputasyon at katayuan, walang-pakundangan din nilang itinatanggi ang nagawa ng Diyos. Bakit Ko sinasabi iyon? Sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo, naniniwala siya, “Lahat ng reputasyon at katayuan ay nakakamtan sa pamamagitan ng sariling pagsusumikap ng tao. Sa pagkakamit lamang ng matibay na posisyon sa gitna ng mga tao at pagkakamit ng reputasyon at katayuan niya matatamasa ang mga pagpapala ng diyos. May halaga lamang ang buhay kapag ang mga tao ay nagkakamit ng ganap na kapangyarihan at katayuan. Ito lamang ang pamumuhay na parang isang tao. Sa kabaligtaran, walang silbi ang mamuhay sa paraang sinasabi sa salita ng diyos—para magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng diyos sa lahat ng bagay, ang bukal sa loob na lumugar sa posisyon ng isang nilikha, at mamuhay gaya ng isang normal na tao—walang titingala sa gayong tao. Dapat pagsumikapan ng isang tao ang kanyang katayuan, reputasyon, at kaligayahan; dapat ipaglaban ang mga ito at sunggaban nang may positibo at maagap na saloobin. Walang ibang magbibigay ng mga ito sa iyo—ang pasibong paghihintay ay hahantong lang sa kabiguan.” Ganito magkalkula ang mga anticristo. Ito ang disposisyon ng mga anticristo. Kung umaasa kang tatanggapin ng mga anticristo ang katotohanan, aaminin ang mga pagkakamali, at magkakaroon ng tunay na pagsisisi, imposible ito—hinding-hindi nila ito kayang gawin. Taglay ng mga anticristo ang kalikasang diwa ni Satanas, at kinamumuhian nila ang katotohanan, kaya, kahit saan man sila magpunta, kahit na pumunta sila sa dulo ng mundo, hinding-hindi magbabago ang ambisyon nila ng paghahangad ng reputasyon at katayuan, at pati na rin ang kanilang pananaw sa mga bagay-bagay, o ang landas na kanilang tinatahak. Sasabihin ng ilang tao na: “May ilang anticristo na kayang baguhin ang kanilang pananaw sa bagay na ito.” Tama ba ang pahayag na ito? Kung talagang kaya nilang magbago, mga anticristo pa rin ba sila? Ang mga may kalikasan ng isang anticristo ay hinding-hindi magbabago. Ang mga nagtataglay ng disposisyon ng isang anticristo ay magbabago lamang kung hahangarin nila ang katotohanan. Ang ilang tao na tumatahak sa landas ng isang anticristo ay gumagawa ng kasamaan na gumugulo sa gawain ng iglesia, at bagama’t naklasipika sila bilang mga anticristo, matapos silang tanggalin, nakakaramdam sila ng tunay na pagsisisi, at nagpapasya silang umasal muli nang tama, at pagkatapos ng panahon ng pagninilay-nilay, pagkilala sa sarili, at pagsisisi, sumasailalim sila sa isang tunay na pagbabago. Sa ganitong sitwasyon, ang mga taong ito ay hindi maaaring klasipikahin bilang mga anticristo; nagtataglay lamang sila ng disposisyon ng isang anticristo. Kung hahangarin nila ang katotohanan, maaari silang magbago. Gayumpaman, tiyak na masasabi na ang karamihan sa mga naklasipika bilang mga anticristo, mga pinaalis, o pinatalsik ng iglesia ay hindi tunay na magsisisi o magbabago. Kung mayroon man sa kanila ang magbago, bihira lang iyon. Magtatanong ang ilang tao: “Kung gayon, mali bang naiklasipika ang mga bihirang kasong iyon?” Imposible ito. Kung tutuusin, may nagawa naman talaga silang kasamaan, at hindi ito maaaring balewalain. Gayumpaman, kung magagawa nilang tunay na magsisi, kung handa silang gumawa ng tungkulin, at kung sila ay nagtataglay ng tunay na patotoo ng kanilang pagsisisi, maaari pa rin silang tanggapin ng iglesia. Kung lubusang tatanggi ang mga taong ito na aminin ang kanilang pagkakamali o magsisi pagkatapos silang maklasipika bilang mga anticristo, at patuloy nilang pangangatwiranan ang kanilang sarili sa anumang paraan, kung gayon, tumpak at ganap na tama na iklasipika sila bilang mga anticristo. Kung inamin nila ang kanilang mga pagkakamali at nakaramdam sila ng tunay na pagsisisi, paanong ikaklasipika pa rin sila ng iglesia bilang mga anticristo? Imposible iyon. Kahit sino pa sila, kahit gaano karaming kasamaan ang ginawa nila, o gaano kalubha ang kanilang mga kamalian, kung ang isang tao ay natukoy bilang isang anticristo o nagtataglay ng disposisyon ng isang anticristo ay nakasalalay sa kung nagagawa niyang tanggapin ang katotohanan at ang mapungusan, at kung taglay nila ang tunay na pagsisisi. Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan at ang mapungusan, kung taglay nila ang tunay na pagsisisi, at handa silang igugol ang buong buhay nila sa pagtatrabaho para sa Diyos, kung gayon, tunay itong nagpapahiwatig ng kaunting pagsisisi. Ang isang taong gaya nito ay hindi maaaring iklasipika bilang isang anticristo. Kaya ba talagang tanggapin ng mga tunay na anticristong iyon ang katotohanan? Talagang hindi. Ito ay tiyak na dahil sa hindi nila mahal ang katotohanan, at tutol sila sa katotohanan, na hindi nila kailanman magagawang bitiwan ang reputasyon at katayuan, mga bagay na mahigpit na nakakabit sa kanilang buong buhay. Matatag na naniniwala ang mga anticristo sa kanilang mga puso na kapag may reputasyon at katayuan, saka lamang sila magkakaroon ng dignidad at magiging tunay na mga nilikha, at na kapag may katayuan, saka lamang sila magagantimpalaan at makokoronahan, magiging marapat na sang-ayunan ng Diyos, magkakamit ng lahat ng bagay, at magiging isang totoong tao. Ano ang tingin ng mga anticristo sa katayuan? Tinitingnan nila ito bilang katotohanan; itinuturing nila ito bilang pinakamataas na layong dapat hangarin ng mga tao. Hindi ba’t problema iyon? Ang mga taong maaaring mahumaling sa katayuan sa ganitong paraan ay tunay na mga anticristo. Kauri sila ng mga taong katulad ni Pablo. Naniniwala sila na ang paghahangad sa katotohanan, paghahanap ng pagpapasakop sa Diyos, at paghahanap ng katapatan ay pawang mga proseso na umaakay sa isang tao sa pinakamataas na posibleng katayuan; mga proseso lamang ito, hindi ang layon at pamantayan ng pagiging isang tao, at na ginagawa lamang ang mga ito para makita ng Diyos. Ang pagkaunawang ito ay isang kalokohan at katawa-tawa! Ang mga kakatwang tao lamang na namumuhi sa katotohanan ang makakaisip ng gayong katawa-tawang ideya.

Pagdating sa mga anticristo, anumang aspekto ng katotohanan ang pagbabahaginan ninyo, ang kanilang pamamaraan ng pag-arok at pag-unawa ay magiging iba kaysa sa mga taong naghahangad ng katotohanan. Pagkatapos marinig ang katotohanan, iniisip ng mga taong naghahangad nito na, “Hindi ko taglay ang aspektong ito ng katotohanan, at maiuugnay ko sa aking sarili ang kalagayang ito na ibinunyag ng Diyos. Bakit kaya, pagkatapos makinig dito, ay ramdam ko na puno ako ng pagsisisi at pagkakautang sa Diyos? Napakalayo ko pa rin sa paghahangad sa katotohanan, at malayo pa rin ako sa tunay na pagpapasakop. Nakararamdam ako ng sobrang takot; ito ay naging isang pampagising sa akin. Akala ko ay maayos ang lagay ko kamakailan, at hindi ko alam na hindi pala talaga ako isang tao na nagsasagawa ng katotohanan o nagpapalugod sa Diyos. Simula ngayon, kailangan kong maging maingat at masinop, at tumuon sa pananalangin sa harap ng Diyos at pagsusumamo sa Kanya para sa patnubay at pagtanglaw. Hindi ako dapat sumunod sa sarili kong kagustuhan. Lalaliman ko ang pagpasok sa aspektong ito ng katotohanan, at mayroon pa akong puwang para umusad. Sana ay magtakda ang Diyos ng isang kapaligiran na makapagpapahintulot sa akin na gumampan nang mas mabuti, at makapag-alay ng aking sinseridad at katapatan.” Ganito mag-isip ang mga taong naghahangad ng katotohanan. Kaya, paano naaarok ng mga anticristo ang iba’t ibang uri ng katotohanan? Pagkatapos marinig ang mga salita ng Diyos na sumasaway sa tao, ano ang iniisip nila? “Hindi ako naging mahusay roon, nagkaroon ako ng kapabayaan sa mga kilos ko, at lumitaw ang mga pagkakamali. Ilan kaya ang nakakaalam tungkol dito? Napakalinaw ng pagkakasabi ng mga salita ng diyos; ibig bang sabihin niyon ay nakilatis na niya ako? Kung gayon, hindi ito magandang kinalabasan; hindi ito ang gusto ko. Kung nakilatis na ako ng diyos, may iba pa bang nakakaalam tungkol dito? Kung may nakakaalam, mas malala pa nga iyon. Kung ang diyos lang ang nakakaalam, at wala nang iba, ayos lang iyon. Kung naririnig ng ilang tao ang mga salitang ito ng diyos na naglalantad sa tao at iniuugnay at ginagamit nila ang mga ito sa akin, magiging masama iyon para sa reputasyon ko. Kakailanganin kong mag-isip ng paraan para maremedyuhan ito. Paano ko ito mareremedyuhan?” Ganito magnilay-nilay ang mga anticristo. Halimbawa, pagkatapos makinig sa pagbabahagi ng Diyos tungkol sa kung paanong dapat na maging matapat ang mga tao, kaagad na iisipin ng isang anticristo na, “Ang mga hangal lamang ang nagsisikap na maging matapat na tao. Paanong magiging isang matapat na tao ang isang matalinong kagaya ko? Ang matatapat na tao ay mga tau-tauhan lang at mga hangal; sinasabi nila ang anumang pumapasok sa isipan nila, sinasabi nila sa ibang tao ang lahat at hinahayaan silang maintindihan ang lahat. Hinding-hindi ko gagawin iyon! Ang pagsasabi ng diyos na dapat tayong maging matapat na tao ay depende sa tao, kaya magiging matalinong tao na lang ako, at iyon na iyon. Tungkol sa pagiging matapat na tao, pipiliin ko na lang at pagpapasyahan kung kailan ako magiging ganoon. Magtatapat ako tungkol sa ilang bagay, pero hindi ko sasabihin ang lahat ng lihim at mga nakatagong bagay na iyon na kinikimkim ko sa kaibuturan ng aking puso, mga bagay na maaaring magpababa ng tingin ng mga tao sa akin kung sasabihin ko ang mga ito. Ano bang benepisyo ang mayroon sa pagiging matapat na tao? Sa tingin ko walang anumang benepisyo ito. Palaging hinihimay-himay ng ilang tao ang kanilang sarili, nagsisikap na maging matapat na tao at magsalita nang matapat, at naglalahad ng kanilang mga tiwaling disposisyon, pero hindi nila natamo ang biyaya ng diyos, at kapag dapat silang pungusan, pinupungusan pa rin sila; hindi sila binibigyan ng diyos ng anumang karagdagang pagtataas.” Patuloy silang nagninilay-nilay, “Kailangan kong pumili ng ibang daan. Hindi ito ang landas na dapat kong tahakin; ipapaubaya ko na lang ito sa iba. Paanong mamumuhay nang ganoon ang isang matalinong taong katulad ko?” Anumang aspekto ng katotohanan ang naririnig ng isang anticristo, ano ang mga kinakalkula nila sa puso nila? Kaya ba nilang maarok ang katotohanan nang buo? Kaya ba nilang tanggapin ito bilang ang katotohanan sa kaibuturan ng kanilang puso? Talagang hindi. Palagi silang nagkakalkula at nagpapakana, at patuloy na nagmamasid. Paano sila tumutugon sa huli? Nagbabago sila ayon sa sitwasyon, nakikiangkop sila sa mga kondisyon, sila ay mahusay at mautak sa kanilang pakikitungo sa ibang tao, at kumikilos nang ganap na palihim. Anuman ang kanilang ginagawa, anuman ang kanilang iniisip o kinakalkula sa kaibuturan, hindi nila maaaring ipaalam sa iba, ni ipaalam sa Diyos; hindi nila maaaring ilantad ang mga bagay na ito sa Diyos, lalo na ang makipag-usap tungkol dito nang malinaw sa mga tao—naniniwala sila na ang mga bagay na ito ay personal na nilang buhay. Kaya, ang mga anticristo ay ang uri ng mga tao na talagang hindi kayang magsagawa ng katotohanan. Bukod sa hindi pagsasagawa ng katotohanan, hinahamak din nila ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan, at higit pa roon, kinukutya nila ang mga tao na napupungusan dahil nagkaroon ang mga ito ng ilang paglihis habang nagsasagawa ng katotohanan, o dahil nagkaroon ang mga ito ng mga maling pagliko, o nakagawa ng ilang pagkakamali, at tinatawanan nila ang mga ito mula sa isang tabi. Hindi sila naniniwala sa pagiging matuwid ng Diyos, lalong hindi sila naniniwala na ang iba’t ibang paraan ng pagtrato ng Diyos sa mga tao ay kinapapalooban ng katotohanan at pagmamahal ng Diyos sa mga ito; hindi naniniwala ang mga anticristo sa mga bagay na ito. Sa pananaw nila, naniniwala sila na ang lahat ng bagay na ito ay mga kasinungalingan na naglalayong linlangin ang mga tao; iniisip nila na ang mga ito ay pawang mga dahilan lamang, isang kumpol ng mga salita na magandang pakinggan. At ano ang madalas na lihim nilang ikinatutuwa? “Buti na lang hindi ako ganoon kahangal para ialok ang lahat; buti na lang, hindi ako nagsalita tungkol sa marurumi at mga pangit na bagay na iyon na kinikimkim ko sa kaibuturan; buti na lang, patuloy ko pa ring pinanghahawakan ang aking katayuan at reputasyon at ginagawa ang aking buong makakaya para hangarin ang mga ito, at nagpupursigi alang-alang sa mga ito. Kung hindi ako nagpursigi para sa sarili kong kapakanan, sino pa ang mag-aalala para sa akin?” Ang mga anticristo ay hindi lamang mapanlinlang, sila ay mga buktot din, tutol sila sa katotohanan, at malupit ang kanilang disposisyon; ibig sabihin, ang lahat ng aspekto ng tiwaling disposisyon na namamalas sa mga tiwaling tao ay nakumpirma na sa mga anticristo at higit pang “itinaas.” Kung nais mong tingnan ang mga tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, maghanap ka ng isang anticristo na hihimay-himayin at pakikitunguhan; iyon ang pinakamahusay na paraan sa paglalarawan ng isyu, at ang pinakamabisang paraan para makilatis ang tiwaling diwa ng tiwaling sangkatauhan at ang mukha ni Satanas. Kung gagamitin mo ang isang anticristo bilang pangunahing halimbawa, at hihimay-himayin at kikilalanin siya, mas malinaw mong mauunawaan ang mga bagay na ito.

Ang paghahangad ng mga anticristo ng katayuan at reputasyon ay mas higit pa kaysa sa paghahangad ng mga ordinaryong tao, at gayundin ang kanilang pagnanais para sa katayuan at reputasyon. Hindi ganoon kalaki ang pagnanais ng mga ordinaryong tao para sa katayuan at reputasyon, samantalang ang pagnanais na iyon sa mga anticristo ay napakalakas at halatang-halata. Sa sandaling nakaugnayan mo ang isang anticristo at nakausap siya at nakasama siya, malalantad sa harap mo ang kanyang kalikasang diwa, at agad mo siyang makikilatis. Ganito kalaki ang kanyang pagnanais. Kapag lumalim na ang iyong pakikipag-ugnayan sa kanya, makararamdam ka ng pagkasuklam sa kanya at itatakwil mo siya. Sa huli, hindi mo lang siya itatakwil, kokondenahin at isusumpa mo pa siya. Ang mga anticristo ay hindi mabubuting bagay; sila ay mga kaaway ng Diyos, at kaaway rin ng lahat ng naghahangad sa katotohanan. Ang mga anticristo ay tutol sa katotohanan, at kayang-kaya nilang gumawa ng iba’t ibang uri ng masasamang bagay alang-alang sa kanilang katayuan at reputasyon. Sa lahat ng kanilang ginagawa, magpapanggap sila, manggagaya, at makikisakay sa sitwasyon, nagkokompromiso alang-alang sa katayuan at reputasyon. Ang mismong mga kaluluwa at diwa ng mga taong tulad nito ay marumi; sila ay kasuklam-suklam. Wala silang kahit isang patak ng pagmamahal sa katotohanan o sa mga positibong bagay. Kasabay nito, ginagamit nila ang mga positibong bagay at ang pangangaral ng mga tamang salita at doktrina para ilihis ang mga tao, upang magkamit sila ng reputasyon at katayuan, at matugunan ang kanilang mga pagnanais at ambisyon. Ito ang pag-uugali at diwa ng mga anticristo. Hindi mo makikita kung ano ang hitsura ni Satanas, kung paano ito umaasal sa mundo at nakikitungo sa mga tao, at kung anong uri ng kalikasang diwa mayroon si Satanas; hindi mo alam kung anong klaseng bagay ba talaga si Satanas sa mga mata ng Diyos. Hindi ito problema; ang kailangan mo lang gawin ay pagmasdan at himay-himayin ang isang anticristo, at makikita mo ang lahat ng bagay na ito—ang kalikasang diwa ni Satanas, ang pangit na mukha ni Satanas, at ang kabuktutan at kalupitan ni Satanas—ang lahat ng ito ay makikita mo. Ang mga anticristo ay mga buhay na Satanas; sila ay mga buhay na demonyo.