Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikasampung Bahagi) Ikalawang Seksiyon

Kung titingnan, parang napakabait, edukado, at kagalang-galang ng mga salita ng mga anticristo. Kahit sino pa ang lumabag sa prinsipyo o gumambala at gumulo sa gawain ng iglesia, hindi inilalantad o pinupuna ng mga anticristo ang mga taong ito; nagbubulag-bulagan sila, pinapaniwala ang mga tao na mapagbigay sila sa lahat ng bagay. Anumang mga katiwaliang ipinapakita ng mga tao o kasamaang ginagawa nila, maunawain at matiisin ang anticristo. Hindi siya nagagalit, o nagwawala, hindi siya maiinis at maninisi ng mga tao kapag gumagawa ang mga ito ng mali at napipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sinuman ang gumagawa ng masama at nanggugulo sa gawain ng iglesia, hindi niya pinapansin, na para bang wala itong kinalaman sa kanya, at hinding-hindi niya pasasamain ang loob ng mga tao dahil dito. Ano ba ang ipinag-aalala nang husto ng mga anticristo? Kung ilang tao ang nagpapahalaga sa kanila, at kung ilang tao ang nakakakita sa kanila kapag nagdurusa sila, at pumupuri sa kanila dahil dito. Naniniwala ang mga anticristo na ang pagdurusa ay hinding-hindi dapat walang kapalit; anumang paghihirap ang kanilang tinitiis, anumang halaga ang kanilang binabayaran, anumang mabubuting gawa ang kanilang ginagawa, gaano man sila mapagmalasakit, mapagpaubaya, at mapagmahal sa iba, dapat isagawa ang lahat ng ito sa harap ng iba para mas maraming tao ang makakita nito. At ano ang layon nila sa pagkilos nang ganito? Upang makuha ang loob ng mga tao, upang mapasang-ayon ang mas maraming tao sa kanilang mga kilos, sa kanilang asal, at sa kanilang karakter sa puso ng mga ito, inaaprubahan sila. May mga anticristo pa nga na nagsisikap magtatag ng isang imahe ng kanilang sarili bilang “isang mabuting tao” sa pamamagitan ng panlabas na mabuting pag-uugaling ito, para mas maraming tao ang lumapit sa kanila para humingi ng tulong. Halimbawa, nagiging mahina ang isang tao at naniniwala siya na karamihan sa mga tao ay walang pagmamahal, na napakamakasarili nila, at ayaw nilang tumulong sa iba at hindi sila mabuting puso, at pagkatapos ay naiisip nila ang “mabuting tao” na iyon na sa katunayan ay isang anticristo. O, nakakaranas ng isang paghihirap ang isang tao sa kanyang gawain at hindi niya alam kung paano ito lulutasin. Wala siyang maisip na sinumang makakatulong, at ang unang taong naiisip niya ay ang “mabuting tao” na ito na sa katunayan ay isang anticristo. Ayaw nang gawin ng isang tao ang tungkulin niya, nais niyang hangarin ang mundo, hangarin ang kapangyarihan at kayamanan, at mamuhay ayon sa gusto niya, at bagama’t nagiging sobrang negatibo at mahina, hindi siya nagdarasal sa Diyos o nakikipagbahaginan sa sinuman, at sa sitwasyong ito, naiisip nila ang “mabuting tao” na iyon na sa katunayan ay isang anticristo. Habang nagpapatuloy ang mga bagay sa ganitong paraan, hindi na nagdarasal sa Diyos ang mga taong ito o nagbabasa ng mga salita ng Diyos kapag sila ay nahaharap sa mga isyu, sa halip, nais nilang umasa sa “mabuting tao” na ito na sa katunayan ay isang anticristo para tulungan sila. Binubuksan lamang nila ang kanilang puso at sinasabi kung ano ang nasa puso nila sa taong ito na mapagpalugod ng tao, hinihiling sa taong ito na lutasin ang mga suliranin nila; kinikilala at sinusunod nila ang anticristong ito. At hindi ba’t natamo na, kung gayon, ang pakay ng anticristo? Kapag natamo ng anticristo ang kanyang pakay, hindi ba’t nagiging mas mataas ang katayuan niya sa iglesia kaysa ng mga ordinaryong tao? At kapag maaari siyang maging numero uno at maging isang mahalagang tao sa iglesia, talaga bang nasisiyahan siya? Hindi, hindi siya nasisiyahan. Anong pakay ang nais niyang makamit? Nais niyang mas marami pang tao ang sumang-ayon sa kanya, humanga sa kanya, at sumamba sa kanya, na magkaroon siya ng puwang sa puso ng mga tao, at lalo na ang tingalain siya ng mga tao, umasa sa kanya, at sumunod sa kanya kapag nahaharap ang mga tao sa mga suliranin sa pananalig nila sa Diyos at walang mapupuntahan. Mas higit na malubha ito kaysa sa pagnanais ng anticristo na maging numero uno at maging mahalagang tao sa iglesia. Anong napakalubha rito? (Nakikipagtuos sila sa Diyos para magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao. Gusto nilang direktang palitan ang Diyos.) (Mahirap kilatisin ang mga ganitong tao. Gumagamit sila ng panlabas na magandang pag-uugali para ilihis ang iba, na nagiging dahilan para hindi na hanapin ng iba ang katotohanan sa mga salita ng Diyos o magbahagi sa katotohanan kapag may problema sila, kundi sa halip ay sumandal at tumingala sa mga anticristong ito, ipinapalutas sa mga anticristo ang mga problema nila at itinuturing ang mga salita ng mga anticristo bilang ang katotohanan, na nagiging sanhi ng lalo pang paglayo nila mula sa Diyos. Isa itong mas tuso at mapaminsalang pamamaraan.) Tama, naunawaan at nasabi ninyong lahat ang mahalagang punto, na ang mga anticristo ay humahawak ng posisyon at nag-uugat sa puso ng mga tao at nais palitan ang Diyos. May isang nagsasabi, “Kapag hinahanap ko ang Diyos, hindi ko Siya mahanap; hindi ko Siya makita. Kapag hinahanap ko ang mga salita ng Diyos, sobrang kapal ng libro, napakaraming salita, at mahirap makahanap ng mga sagot. Pero kung lalapit ako sa taong ito, agad akong nakakakuha ng mga sagot; parehong magaan at kapaki-pakinabang ito.” Kita mo, dahil sa mga kilos niya, hindi lamang siya sinasamba ng mga tao sa puso nila, kundi binibigyan din siya ng puwang sa puso nila. Gusto niyang palitan ang Diyos—ito ang pakay ng anticristo sa paggawa ng mga bagay na ito. Maliwanag na sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito, nagtagumpay na ang anticristo sa simula pa lang; may puwang na ang anticristong ito sa puso ng mga taong hindi nakakakilatis, at may mga taong sumasamba at tumitingala na sa kanya. Ito ang pakay na nais makamit ng anticristo. Kung ang isang tao ay may problema at nananalangin sa Diyos sa halip na maghanap sa anticristo, hindi nasisiyahan ang anticristo, at iniisip niya na, “Bakit palagi kang lumalapit sa diyos? Bakit palagi mong iniisip ang diyos? Bakit hindi mo ako nakikita o naiisip? Lubos akong mapagpakumbaba at mapagpasensiya, kaya kong talikuran ang mga bagay-bagay at igugol ang sarili ko nang labis, at nagbibigay ako sa kawanggawa, kaya bakit hindi ka sa akin lumalapit? Napakarami kong tulong sa iyo. Bakit wala ka man lang konsensiya?” Nalulungkot at nababalisa ang anticristong ito at nagagalit siya—nagagalit sa taong iyon at sa Diyos. Para makamit ang pinakapakay niya, ipinagpapatuloy niya ang pagpapanggap, patuloy siyang nagbibigay sa kawanggawa at nananatiling mapagpasensiya at mapagparaya, nagpapakita siya ng kababaang loob, at nagsasalita siya ng may kabutihan, hindi niya sinasaktan kailanman ang iba, at madalas siyang nagbibigay ng ginhawa kapag sinusubukan ng mga tao na kilalanin ang sarili nila. May isang taong nagsasabing: “Mapaghimagsik ako; isa akong diyablo at isang Satanas.” Sumasagot siya: “Hindi ka diyablo o isang Satanas. Maliit na problema lang ito. Huwag mong masyadong ibaba ang sarili mo at huwag maliitin ang sarili mo. Itinaas tayo ng diyos; hindi tayo mga ordinaryong tao, at hindi mo dapat maliitin ang sarili mo. Mas mabuti ka kaysa sa akin; mas tiwali ako kaysa sa iyo. Kung isa kang diyablo, ako ay isang buktot na diyablo. Kung isa kang buktot na diyablo, kung gayon, dapat akong bumaba sa impiyerno at magdusa sa perdisyon.” Ganito niya tulungan ang mga tao. Kung may isang taong umamin na nagdulot ng kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos o sa gawain ng iglesia, sinasabi ng anticristo sa taong ito: “Hindi naman malaking bagay na magdulot ng kawalan sa gawain ng iglesia habang ginagawa ang tungkulin mo at ang medyo pagkaligaw. Dati na akong nakapagdulot ng mas malalaking kawalan kaysa sa iyo at natahak ko ang mas higit pang mga baluktot na landas. Baguhin mo lang kung paano mo ginagawa ang mga bagay-bagay sa hinaharap, hindi ito problema. Kung pakiramdam mo ay hindi ito makayanan ng konsensiya mo, may pera ako at babayaran ko ang kawalan para sa iyo, kaya huwag ka nang mag-alala. Kung mayroon kang anumang problema sa hinaharap, lumapit ka lang sa akin at gagawin ko ang lahat para matulungan ka, at kung anuman ang kaya kong gawin, gagawin ko agad.” Ang anticristo ay may ganitong pakiramdam ng “personal na katapatan,” pero para saan ba talaga niya ito ginagawa? Talaga bang tinutulungan ka niya? Pinipinsala ka niya, dinadala ka sa kapahamakan—nahulog ka sa tukso ni Satanas. Naghuhukay siya ng butas para sa iyo, at tumalon ka naman agad; nahulog ka sa patibong at iniisip mo pa rin na maganda roon, at napinsala ka ng anticristong ito nang hindi mo man lang namamalayan—anong kahangalan ito! Ganito tratuhin, linlangin, at pinsalain ni Satanas at ng mga anticristo ang mga tao. Sabi ng anticristo: “Ayos lang kung isasaalang-alang mo nang kaunti ang mga interes ng sambahayan ng diyos at maging maingat ka na lang sa hinaharap. Maaaring itama ang bagay na ito, walang sinumang gagawa nito nang sinasadya. Sino sa atin ang maaaring maging perpektong tao? Walang sinuman sa atin ang perpekto; lahat tayo ay tiwali. Dati akong mas masahol kaysa sa iyo. Payuhan natin ang isa’t isa sa hinaharap. Bukod pa rito, kahit na nakaranas ng ilang kawalan ang sambahayan ng diyos, hindi ito tatandaan ng diyos. Lubos na mapagpatawad at mapagparaya ang diyos sa tao. Kung kaya nating magpakita ng pagtitiis sa isa’t isa, hindi ba’t mas lalong kaya ng diyos na magtiis? Kung sasabihin ng diyos na hindi niya tatandaan ang mga pagsalangsang natin, kung gayon, wala na tayong anumang pagsalangsang.” Gaano man kalaking pagkakamali ang magagawa ng isang tao, binabalewala lang ito ng anticristo gamit ang isang biro at pinapalampas, ipinapakita kung gaano kalaki ang puso niya, at kung gaano siya kabuting-loob, kadakila, at kamatiisin. Sa kabaligtaran, dahil dito, maling pinaniniwalaan ng mga tao na palaging inilalantad ng Diyos ang mga tao sa Kanyang mga pagbigkas, palaging gumagawa ng isyu tungkol sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at palaging naghahanap ng mali. Kung sumalangsang o naghimagsik ang isang tao, pinupungusan siya, hinahatulan, at kinakastigo ng Diyos, na para bang wala Siyang malasakit sa mga tao. Gayumpaman, kayang tiisin at patawarin ng anticristo ang mga tao sa lahat ng sitwasyon; napakadakila at kagalang-galang nila. Hindi ba’t totoo ito? May ilan ding anticristo na nagsasabing, “May ganitong kasabihan ang mga walang pananampalataya: ‘Sa isang malaking sambahayang may maraming ari-arian, walang halaga ang kaunting nasayang.’ Napakalaki ng sambahayan ng diyos, at nagbibigay ang diyos ng masaganang pagpapala. Hindi malaking bagay na mag-aksaya nang kaunti; napakarami nang ipinagkakaloob ng diyos sa atin. Hindi ba’t marami na tayong naaksaya? At ano ang ginawa ng diyos sa atin? Hindi ba’t tiniis lang ng diyos ang lahat ng iyon? Mahina at tiwali ang tao, at matagal na itong nakita ng diyos, kaya kung nakita na niya ito, bakit hindi niya tayo pinarurusahan? Pinatutunayan nito na ang diyos ay mapagpasensiya at maawain!” Anong klaseng pananalita ito? Gumagamit sila ng mga salitang parang tama at naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao para ilihis ang mga tao at itulak sila sa tukso, para guluhin ang pananaw nila at iligaw sila, at para magkamali sila sa pagkaunawa sa Diyos, nang sa gayon ay hindi sila magkaroon ng kahit katiting na pagnanais o kagustuhang magpasakop sa Kanya. Sa pang-uudyok, panlilinlang, at panlilihis ng mga anticristo, tuluyang nawawalan ang mga tao ng konsensiya, at lahat sila ay nagsisimulang sumunod at magpasakop sa mga anticristo.

Ang mga anticristo ay partikular na sanay magpanggap kapag kasama ng ibang tao. Katulad ng mga Pariseo, sa panlabas ay mukha silang napakamatiisin sa mga tao at mapagpasensiya, mapagpakumbaba at mabait—tila masyado silang maluwag at matiisin sa lahat ng tao. Kapag humaharap sa mga problema, lagi nilang ipinapakita kung gaano sila kamatiisin sa mga tao mula sa katayuan nila, at sa bawat aspekto, mukha silang may magandang kalooban at may malawak na pag-iisip, hindi naghahanap ng mali sa iba, at nagpapakita sa mga tao kung gaano sila karangal at kabait. Sa katunayan, may ganito ba talagang taglay na mga diwa ang mga anticristo? Kumikilos sila para sa ikakabuti ng iba, matiisin sila sa mga tao, at kaya nilang tumulong sa mga tao sa lahat ng sitwasyon, ngunit ano ang nakatago nilang motibo sa paggawa ng mga bagay na ito? Gagawin pa rin ba nila ang mga bagay na ito kung hindi nila sinusubukang makuha ang loob at ang pabor ng mga tao? Ganito ba talaga ang mga anticristo kapag walang nakakakita? Ganito ba talaga sila kapag kasama ng ibang tao—mapagpakumbaba at mapagpasensiya, matiisin sa iba, at tumutulong sa iba nang may pagmamahal? Nagtataglay ba sila ng ganitong diwa at disposisyon? Ganito ba ang karakter nila? Talagang hindi. Pagpapanggap ang lahat ng ginagawa nila at ginagawa ang mga ito upang ilihis ang mga tao at makuha ang pabor ng mga tao, nang sa gayon ay mas marami pang tao ang magkaroon ng magandang impresyon sa mga anticristo sa puso nila, at nang sa gayon ay sila ang unang iisipin at hihingan ng tulong ng mga tao kapag may problema. Para makamit ang pakay na ito, sadyang nagpapakana ang mga anticristo para magpakitang-gilas sa harap ng iba, para magsabi at gumawa ng mga tamang bagay. Bago sila magsalita, walang nakakaalam kung ilang beses nilang sinasala o pinoproseso ang mga salita nila sa kanilang isipan. Sadya silang magpapakana at pipigain nila ang kanilang utak, pag-iisipan ang kanilang salita, ekspresyon, tono, boses, at maging ang tingin na ipinupukol nila sa mga tao at ang tono ng kanilang pagsasalita. Pag-iisipan nila kung sino ang kausap nila, kung matanda ba o bata ang taong iyon, kung mas mataas ba o mas mababa ang katayuan ng taong iyon kaysa sa kanila, kung iginagalang ba sila ng taong iyon, kung lihim bang may sama ng loob sa kanila ang taong iyon, kung ang personalidad ba ng taong iyon ay katugma ng sa kanila, kung ano ang tungkuling ginagawa ng taong iyon, at kung ano ang posisyon nito sa iglesia at sa puso ng mga kapatid nito. Maingat nilang oobserbahan at masigasig na pag-iisipan ang mga bagay na ito, at kapag napag-isipan na nila ang mga ito, nakakaisip sila ng mga paraan kung paano lapitan ang iba’t ibang uri ng tao. Anuman ang paraan ng pagtrato ng mga anticristo sa iba’t ibang uri ng tao, ang tanging pakay nila ay ang mahimok ang mga tao na igalang sila, na hindi na sila ituring bilang mga kapantay, bagkus ay tingalain sila, para mas maraming tao ang humanga at tumingala sa kanila kapag nagsasalita sila, tangkilikin at sundin sila kapag may ginagawa sila, at patawarin at ipagtanggol sila kapag nagkamali sila, at mahimok ang mas maraming tao na makipaglaban para sa kanila, magreklamo nang matindi para sa kanila, at manindigan para makipagtalo sa Diyos at kontrahin Siya kapag sila ay ibinunyag at itinakwil. Kapag nawawalan sila ng kapangyarihan, nagagawa nilang magkaroon ng napakaraming tao na tutulong, magpapahayag ng suporta, magtatanggol sa kanila, na nagpapakita na ang katayuan at kapangyarihan na sadyang binalak na palaguin ng mga anticristo sa iglesia ay malalim nang nag-ugat sa puso ng mga tao, at na hindi nasayang ang kanilang “puspusang pagsisikap.”

Nagsisikap ang mga anticristo na pamahalaan at harapin ang kanilang katayuan, katanyagan, reputasyon, at awtoridad sa mga tao sa abot ng makakaya nila—hindi sila magpapakatamad, hindi sila magiging malambot ang puso, at lalong hindi sila magiging pabaya. Inoobserbahan nila ang ekspresyon sa mga mata ng bawat isa, ang mga personalidad nila, ang mga pang-araw-araw na gawain, ang mga paghahangad, ang mga saloobin sa mga positibo at negatibong bagay ng mga taong ito, at higit pa rito ay inoobserbahan nila ang pananalig at katapatan ng bawat isa sa pananampalataya ng mga ito sa Diyos, pati na rin ang saloobin ng mga taong ito tungkol sa paggugol ng sarili para sa Diyos at sa pagtupad ng mga tungkulin, at iba pa—nagsisikap sila nang husto para sa mga bagay na ito. Kaya, batay sa saloobin nila, umiiwas sila at binabantayan nila ang kanilang sarili laban sa mga taong naghahangad ng katotohanan at may kakayahang kumilatis sa kanila, at nagsasalita at kumikilos nang maingat kapag kasama ang mga ganitong tao. Kapag kasama nila ang mga taong may mahihinang personalidad, na madalas negatibo at hindi nakakaunawa sa katotohanan, at ilang tao na hangal at may mahinang pang-unawa sa katotohanan, madalas nilang ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya para ipakita ang sarili nila, palaging nagpapakitang-gilas na parang isang palabas sa sirkus at sinasamantala ang bawat pagkakataon para magpakitang-gilas. Halimbawa, kapag nasa mga pagtitipon, karamihan sa mga tao ay sumasang-ayon sa kanila, may iilang tao na naiinis sa kanila, at mas maraming tao ang walang kakayahang makilatis sila, kaya nagsisimula silang magpakitang-gilas at maghanap ng mga oportunidad para magbahagi. Nagbabahagi sila tungkol sa sarili nilang mga karanasan, sa kanilang nakaraang “maluwalhating kasaysayan,” sa kagalingang nakamit nila sa sambahayan ng Diyos, at pati sa kung paano sila pinahalagahan at personal na pinungusan ng nasa Itaas—hindi nila kayang palampasin ang kahit isang pagkakataong gaya nito. Kahit sino man ang kasama nila o ano man ang okasyon, iisa lang talaga ang ginagawa ng mga anticristo: Sila ay nagpapakitang-gilas; ibig sabihin, nagpapasikat lang sila. Ito ang diwa ng mga anticristo: Sila ay tutol sa katotohanan, buktot, at walang kahihiyan. Hanggang saan sila nagpapakitang-gilas? Marahil ay nasaksihan na ninyo mismo ang ilan. Ang ilan sa kanila ay malinaw na nakikitang nagpapakitang-gilas, nagmamayabang, nagtatangkang kunin ang loob ng mga tao, at sinasamantala ang mga pagkakataong mahikayat ang iba na pahalagahan sila. Kinamumuhian sila ng ilang tao, hindi sila pinapansin ng ilan, at kinukutya pa nga sila, ngunit wala silang pakialam. Ano ba ang inaalala nila? Ang inaalala nila ay kung ang kanilang pagpapakitang-gilas ay mag-iiwan ng malalim na impresyon sa mga tao, kung maipapakita ba nito sa mga tao kung paano sila naglalakas-loob na magsabi ng mga bagay-bagay, na mayroon silang tapang, estilo ng pamumuno, talento sa pamumuno, tapang para hindi mataranta sa harap ng lahat, at higit sa lahat, ang kakayahang pangasiwaan ang mga bagay-bagay nang hindi natataranta. Nasisiyahan sila kapag naipapaunawa at naipapakita nila sa mga tao ang mga bagay na ito, at iyon ang dahilan kung bakit ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para magpakitang-gilas sa sandaling magkaroon sila ng pagkakataon, at ginagawa nila ito nang walang pagpipigil, walang anumang alinlangan, at walang anumang kahihiyan. Ito ang ginagawa ng mga anticristo. Kapag palagi Akong nagbabahagi tungkol sa pangunahing paksa sa mga pagtitipon, may ilang tao na inaantok habang nakikinig sa Akin. O kaya naman, kapag nagbabahagi Ako tungkol sa pangunahing paksa, may ibang mga bagay pa rin sa isipan ng mga tao at hindi madali para sa kanila na bigyang-pansin ang sinasabi Ko. Sa mga sitwasyong gaya nito, nakikipagkuwentuhan Ako nang kaunti, nagbabahagi ng isang kuwento o ng isang biro. Ang mga bagay at mga kuwentong ito ay karaniwang may kinalaman sa ilang tiwaling disposisyon at kalagayang ipinapakita ng mga tao sa buhay nila. Gumagamit Ako ng mga kuwento o biro para gisingin nang kaunti ang mga tao upang mas makaunawa sila. Kapag nakikita ito ng mga anticristo, iniisip nila, “Nagbibiro ka sa mga sermon mo sa mga pagtitipon. Kaya ko rin iyon, magaling din ako tulad mo. Gagawa lang ako ng walang kuwentang biro at patatawanin ang lahat, at matutuwa silang lahat dito—ang galing, diba! Kaswal lang akong magkukuwento, at pagkatapos ay wala nang magkakagustong dumalo sa mga pagtitipon, gugustuhin na lamang nilang marinig ang mga kuwento ko.” Nakikipagkompetensiya sila sa Akin tungkol dito. May saysay ba sa pakikipagkompetensiya nila sa Akin tungkol dito? Bakit Ako nagsasalaysay ng mga kuwento? Bakit Ako nakikipagkuwentuhan? Maiintindihan ng mga tao ang ilang bagay mula sa Aking pakikipag-usap at mga kuwento, at nakakatulong ito sa kanila na maunawaan ang katotohanan sa magaang paraan—ito ang Aking pakay. Gayumpaman, sinasamantala ito ng mga anticristo at sinusubukang makinabang dito, sinasabing, “Sa mga pagtitipon, sa oras na napakahalaga at makabuluhan, nakikipagkuwentuhan ka lang, kaya gagawin ko rin iyon.” Pareho ba palagi ang pakikipagkuwentuhan? Ang mga anticristo, ang mga walang kuwentang ito, ay hindi man lang nakakaunawa sa katotohanan, kaya ano ang mapapala sa pakikipagkuwentuhan nila? Ano ang mapapala sa kanilang mga kuwento o biro? Masyadong mababaw at kaswal ang pagtrato ng mga hayop na ito na walang espirituwal na pag-unawa sa mga seryosong bagay tulad ng pagbabahagi ng katotohanan at pagkukuwento. Anong uri ng mga tao ang gumagawa nito? Mga anticristo, mga taong walang espirituwal na pag-unawa, at ang mga taong hindi naghahangad ng katotohanan ay mahilig gumawa ng mga ganitong bagay.

Ang mga mata ng mga kapatid, ang mga mata ng karamihan sa mga tao, ay halos hindi makapansin ng anumang pagkakamali sa mga kilos ng pagpapanggap ng mga anticristo. Bakit ganito? Ito ay dahil pinagtatakpan at itinatago ng mga anticristo ang mga pagkakamali nila at hindi ka hahayaang makita ang mga ito; itinatago nila ang kanilang buktot na parte, ang kanilang imoral na parte, at ang kanilang masamang parte sa likod ng mga nakasarang pinto. Nasaan nga ba itong “sa likod ng mga nakasarang pinto”? Ito ang mga lugar na hindi mo nakikita, ibig sabihin, sa kanilang tahanan, sa lipunan, sa kanilang trabaho, sa harap ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan; ito ang mga lugar na hindi mo nakikita o nakakatagpo. Ang mga salita at kilos nila na nakikita at nararanasan mo ay ganap na ang parte nila na nagpapanggap, ang parte nila na kanila nang pinaganda. Ang parte nila na hindi mo nakikita ay ang tunay na diwa nila, ang kanilang tunay na mukha. At ano ang kanilang tunay na mukha? Kapag kasama ang pamilya nilang walang pananampalataya, sinasabi nila ang iba’t ibang uri ng masasamang salita—mga reklamo, mga mapaghinanakit na salita, at mga salitang mapanlaban sa iba, mga salitang humuhusga at kumokondena sa mga kapatid, mga reklamo tungkol sa pagiging hindi matuwid ng sambahayan ng Diyos—sinasabi nila ang lahat ng ito, walang itinitirang kahit ano, at hindi nagpipigil kahit kaunti. Kapag kasama ang kanilang mga kamag-anak at kaibigan, pinag-uusapan nila ang sekular na mundo at tsismis tungkol sa ibang pamilya, sumasali sila sa lahat ng sekular na aktibidad ng mga walang pananampalataya, at aktibo pa ngang nakikilahok sa mga kasalan at libing. Nakikipagtsismisan sila sa mga walang pananampalataya, hinuhusgahan at isinusumpa nila ang iba, nagpapakalat sila ng mga tsismis tungkol sa mga tao at naninira sa mga ito nang patalikod—sinasabi nila ang lahat ng bagay na ito. Kapag kasama ang mga walang pananampalataya, habang nakikitungo sa ibang tao, nanloloko sila ng mga tao, bumubuo ng mga grupo, nang-aatake ng mga tao, at sa lugar ng trabaho, kaya nilang idiin ang iba, isumbong ang iba, at yurakan ang iba para makakuha ng mas mataas na posisyon—kaya rin nilang gawin ang lahat ng ito. Kapag kasama ang kanilang mga pamilya o ang mga walang pananampalataya, hindi sila mapagpasensiya, matiisin, o mapagpakumbaba, kundi sa halip ay lubusan nilang ipinapakita ang tunay na kulay nila. Sa sambahayan ng Diyos, sila ay mga lobong nakadamit-tupa, at kapag kasama nila ang mga walang pananampalataya, mga taong hindi nananampalataya sa Diyos, ipinapakita nila ang lobong mukha nila para makita ng lahat; nakikipaglaban sila sa mga walang pananampalataya para sa mga interes nila, para sa isang salita, para sa isang kasabihan, at walang humpay na makikipagtalo sa mga walang pananampalataya para sa pinakamaliit na interes hanggang sa pamulahan sila ng kanilang mukha. Kung wala silang nakakamit na pakinabang o kung napupungusan sila sa sambahayan ng Diyos, umuuwi sila at nagwawala, gumagawa sila ng gulo, at kumikilos sa paraang katatakutan sila ng pamilya nila. Sa harap ng mga walang pananampalataya, wala silang kagandahang-asal bilang Kristiyano, at hindi rin sila nagpapatotoo gaya ng nararapat gawin ng mga Kristiyano—sila ay ganap na isang lobo, hindi na maituturing na isang tao. Sa sambahayan ng Diyos at sa harap ng mga kapatid, nangangako sila, nanunumpa, nagpapahayag ng determinasyon nila, at nagpapakita ng kahandaang gumugol ng kanilang sarili para sa Diyos at tila may pananalig sa Diyos. Subalit kapag kasama nila ang mga walang pananampalataya, ang kanilang mga paghahangad at paniniwala ay katulad ng sa mga walang pananampalataya. Sumusunod pa nga ang iba sa mga sikat na tao gaya ng ginagawa ng mga walang pananampalataya at ginagaya nila ang pananamit ng mga sikat na tao bawat araw, nakabuyangyang ang itaas na parte ng katawan, may magulong buhok at makapal na makeup—hindi sila mukhang tao at hindi rin mukhang multo. Nagsusuot sila ng mga nauusong damit at nakikisabay sa uso bawat araw, pakiramdam nila ay napakasarap ng buhay, at sa kaibuturan ng kanilang puso, wala silang anumang nararamdamang pagkasuklam sa paraan ng pamumuhay ng mga walang pananampalataya. Gumagawa ng maraming bagay ang mga anticristo at nagsusumikap para makasiguro sa posisyon nila sa iglesia at magkaroon ng katanyagan at katayuan sa puso ng mga tao. Ang pagsisikap na ito ay ganap na ginagawa para matamo ang mga pakay nila at upang pahalagahan at sambahin sila ng iba. Ang mga pag-uugali, pamamaraan, at panlabas na pagpapakitang ito ay isang malinaw na paghahambing sa kung paano sila namumuhay sa likod ng mga nakasarang pinto, at ang kanilang mga kilos at pag-uugali sa likod ng mga tao ay tiyak na hindi mga bagay na dapat ginagawa ng isang Kristiyano. Sa ganitong malinaw na paghahambing, matutukoy natin na ang lahat ng kanilang ginagawa at ipinapakita sa harap ng mga kapatid ay pawang pagpapanggap, na hindi ito totoo at hindi isang likas na pagpapakita. Nagpapanggap lamang ang mga anticristo para matamo ang mga pakay nila, dahil kung hindi, hinding-hindi nila ikokompromiso ang sarili nila para gawin ang mga bagay na ito. Base sa ginagawa nila at sa mga pagpapakita ng mga disposisyon nila sa likod ng mga nakasarang pinto, gayundin sa mga sarili nilang paghahangad, hindi nila mahal ang katotohanan, hindi nila mahal ang mga positibong bagay, hindi nila mahal ang kagandahang-asal at katuwiran, lalong hindi mahal ang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga, o sumunod sa landas ng Kristiyano. Samakatwid, ang mabubuting pag-uugaling ito na ipinapakita nila ay hindi nagmumula sa puso nila, hindi boluntaryo ang mga ito, hindi totoo, kundi taliwas sa sarili nilang kagustuhan, ginagawa para makita ng iba at makuha ang pabor at loob ng mga tao. May ilang nagsasabing, “Paano ba sila nakikinabang sa pagkuha ng loob ng mga tao?” Dito naiiba ang mga anticristo sa mga ordinaryong tao; ang pakinabang na ito ay napakahalaga para sa kanila. Kaya, ano ang pakinabang na ito? Ito ay, kapag nakatayo sila sa gitna ng mga tao, walang sinuman ang hindi nakakakilala sa kanila, walang sinuman ang hindi sumasang-ayon, walang sinuman ang hindi pumupuri sa kanila, at walang sinuman ang hindi sumasamba sa kanila. Hinahanap ng mga tao ang anticristo kapag may problema sila, sa halip na hanapin ang Diyos at magdasal sa Kanya. At kapag sinasamba ng lahat ang anticristo at umiikot ang kanilang mundo sa kanya, ano ang nararamdaman ng anticristo? Pakiramdam niya ay para siyang isang diyos o isang ekstraordinaryong tao, at para bang nakalutang siya sa mga ulap, na sobrang saya, na naiiba sa kung paano namumuhay ang isang ordinaryong tao. Kapag siya ay kasama ng mga tao, pinupuri at hinahangaan siya ng lahat, at itinatanghal siya na para bang mga bituing nagkukumpol-kumpol sa paligid ng buwan—napakagandang pakiramdam nito, at punong-puno ng kasiyahan, kaginhawahan, at kaligayahan sa puso niya! Ito mismo ang ninanais ng mga anticristo. Gayumpaman, kung walang sinuman sa isang grupo ng mga tao ang nagbibigay ng anumang pansin sa anticristo, kakaunti lang ang nakakaalam ng pangalan niya, kung walang sinuman ang nakakaalam sa mga kalakasan niya, kung itinuturing siya sa isipan ng karamihan bilang isang ordinaryong tao, isang taong walang anumang espesyal na katangian, walang anumang kalakasan, walang anumang katangi-tangi tungkol sa kanya, anumang bagay na maaaring pag-ukulan ng paghanga o paggalang ng ibang tao, o anumang bagay na maaaring mapag-usapan ng sinuman nang may paghanga, kung gayon, nagsasanhi ito ng hindi komportable at masamang pakiramdam sa puso ng anticristo; hindi niya nararamdaman na para siyang isang diyos o na parang lumulutang siya sa mga ulap. Para sa kanya, ang mamuhay nang ganito ay masyadong nakakabagot, masyadong hindi komportable, masyadong nakakasakal, masyadong hindi kasiya-siya, at hindi sulit. Iniisip niya na kung siya ay magiging isang ordinaryong tao lang sa buong buhay niya, gumagampan ng ilang tungkulin at nagiging isang kalipikadong nilikha, anong kasiyahang mayroon sa gayong buhay? Bakit sobrang kaunti ang kasiyahan sa pananampalataya sa Diyos? Para sa anticristo, masyadong mababa ang pamantayang ito, at kailangang itaas ito. Ngunit paano nga ba ito maitataas? Dapat niyang dagdagan ang kasikatan niya para tingalain at lubos siyang igalang ng mga tao, at makapamuhay siya nang marangya. Kaya naman, kapag nagdadasal siya, hindi siya nagdadasal nang mag-isa sa bahay, kundi kinakailangan niyang pumunta sa iglesia para magdasal, magdasal kapag nakikipagtipon sa mga kapatid, magdasal nang malakas, magdasal nang maayos ang gramatika, lohikal, organisado, at maingat, nagdarasal para marinig ng lahat ng naroroon, para marinig ng lahat ng naroroon ang kahusayan niya sa pagsasalita at malinaw na pag-iisip, at malaman na mayroon siyang sariling paghahangad. Kapag nagbabasa siya ng mga salita ng Diyos, hindi rin niya ito binabasa nang mag-isa sa bahay. Una, naghahanda siya sa bahay, at pagkatapos ay binabasa niya para marinig ng iba, nang sa gayon ay marinig ng ibang tao na ang lahat ng salita ng Diyos na binabasa niya ay importante, napakahalagang lahat. Anuman ang ginagawa niya, palagi niyang ginagawa ang mga takdang-aralin niya sa likod ng mga nakasarang pinto, at saka lamang siya lumalapit sa iba kapag handa na siya, kapag ang tingin ng ibang tao sa kanya ay kagalang-galang at kapag sinasang-ayunan na siya. Mayroon pa ngang ilan na nagsasanay at naghahanda sa bahay sa harap ng salamin bago ito iharap sa iba. Kapag iniharap nila ito sa iba, hindi ito ang pinaka-orihinal na lagay nito, kundi dumaan na ito sa maraming proseso, naproseso na sa pamamagitan ng mga kaisipan, pananaw, tiwaling disposisyon, tusong pakana at lihim na pamamaraan ng anticristo. Upang makamit ang pakay nila ng pagkakaroon ng katayuan at kasikatan sa iglesia at sa mga tao, hindi uurong ang mga anticristo sa pagbabayad ng anumang halaga para gawin ang mga bagay na ito. Kaya, ano ang tawag sa lahat ng bagay na ito? Ang mga ito ba ay mga totoong pagpapakita? Ang mga ito ba ay mga kaugaliang dapat gawin ng isang taong naghahangad ng pagbabagong disposisyonal? (Hindi.) Lahat ng ito ay nagmumula sa pagpapanggap; masyadong nagpapanggap ang mga anticristo na ito ay nakakasuka na!

May ilang tao na hindi nagbabahagi sa mga pagtitipon kung wala muna silang naihandang draft. Kailangan muna nilang maghanda ng draft sa likod ng mga nakasarang pinto, baguhin nang paulit-ulit, ayusin, at pagandahin ito, at kapag handa na ito, saka lang sila magbabahagi sa harap ng mga kapatid. May isang nagsasabi sa kanila, “Magkakapatid tayong lahat dito. Magsalita ka lang nang matapat at makatotohanan sa mga pagtitipon. Sabihin mo lang ang kahit anong pumapasok sa isip mo. Iyon ang pinakamainam na paraan.” Sasagot siya ng, “Hindi, hindi ko kaya. Kung gagawin ko iyon, bababa ang tingin sa akin ng mga kapatid.” Kita mo, hindi namamalayang nakakapagsabi sila ng isang bagay na totoo. Sa bawat aspekto, gumagawa sila ng mga bagay para pangalagaan ang kanilang reputasyon at katayuan. May natatanging talento ang ilang tao, mga propesor, estudyante sa unibersidad, estudyanteng nagdodoktorado, o mga siyentipikong mananaliksik sa lipunan, ang gumagamit ng mga pagpapanggap at mga pinagandang pag-uugali para makipag-ugnayan sa mga tao upang mapatunayan ang sarili nila at mapangalagaan ang kanilang katayuan at reputasyon. Ibig sabihin, nagsusuot sila ng maskara kapag nakikisalamuha sa mga tao, at hindi alam ng mga tao kung ano ba talaga ang habol nila, kung sila ba ay may anumang kahinaan, ano ba mismo ang ginagawa nila sa likod ng mga nakasarang pinto, at palaging may bahid ng duda, palaging may kuwestiyon, pagdating sa pribadong buhay nila at kung paano sila umaasal. Hindi ba’t napakalalim ng pagpapanggap ng mga taong ito? Kung gayon, paano ninyo dapat harapin ang mga taong ito? Dapat ba na dahil sila ay hindi totoo sa iyo, magiging hindi totoo ka na rin sa kanila? Halimbawa, nagsasalita lamang sila ng magagalang na pakitang-tao kapag nakikipagkita sa iyo, kaya palagi ka na lang ding magalang sa kanila—katanggap-tanggap ba ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang angkop na paraan ng pakikisama sa kanila? (Kapag natuklasan mong nagpapakita sila ng mga ganitong pagpapamalas, dapat mo muna silang ilantad, ibahagi sa kanila ang tungkol sa kung ano ang tunay na kalikasang diwa ng ganitong uri ng disposisyon at kung ano ang intensiyon sa likod nito. Kung hindi nila tinatanggap ang sinasabi mo, hindi ka na dapat muling magbahagi pa sa kanila.) Dapat mo silang ilantad, at kung hindi nila tinatanggap ang sinasabi mo, layuan mo sila. Mayroon bang sinuman sa inyo na kaya pa rin nilang mailihis at sumasamba sa kanila? Sa tayog na mayroon kayo ngayon, kung tutuusin ay makikilatis ninyo nang kaunti ang mga halatang Pariseong ito, ngunit kung makakatagpo kayo ng isang mas may kakayahan, na kayang magpanggap, na malalim na naitatago ang sarili niya, makikilatis ba ninyo siya? Kung palaging tama ang kanilang sinasabi at ginagawa, kung tila wala silang mga pagkakamali at hindi kailanman nagkakamali, kung minsan ay nagiging negatibo at mahina ka sa ilang bagay pero sila ay hindi, at kung magkagayon man sila, kaya nila mismong lutasin ito at mabilis na umahon mula rito, pero hindi mo kaya, kung gayon, kapag nakatagpo mo ang mga ganitong tao, sasang-ayunan at sasambahin mo sila, at matututo ka mula sa kanila at susunod ka sa kanila; kung hindi mo makikilatis ang ganitong mga tao, hindi natin masasabi kung malilihis ka ba nila o hindi.

Ilang aspekto na ang napagbahaginan natin tungkol sa paksang ito ng pagpapanggap? Ang isang aspekto ay ang paggamit nila ng pagtitiis ng paghihirap bilang pagpapanggap. Sa kanilang puso, ayaw talaga nilang magtiis ng paghihirap at labis nilang tinututulan ito, gayumpaman ay lubha silang nag-aatubili na magtiis ng paghihirap, bitiwan ang mga bagay-bagay, at magbayad ng halaga para makamit ang kanilang mga pakay. Pagkatapos nilang magdusa, hindi pa rin nila ito matanggap nang buong-buo at pakiramdam nila ay hindi sulit ang paghihirap na ito dahil maraming tao ang hindi nakakaalam tungkol dito. Kaya, isinasapubliko nila ito kahit saan, sinasabihan ang maraming tao na walang alam tungkol dito. Sa huli, nalalaman ng ilang tao kung ano ang nangyari at nagkakaroon ng malalim na impresyon tungkol sa kanila, pinapahalagahan at sinasamba sila, sa gayon ay natatamo nila ang mga pakay nila. Mayroon ding ilan na nag-aanunsiyo ng kanilang sarili bilang mabuting tao, na magalang at masunurin, nais makisalamuha sa mga tao gamit ang ganitong imahe, pagkakakilanlan, at personalidad para paniwalaan ng mga tao na sila ay mabubuting tao at makipaglapit ang mga ito sa kanila. Itinuturing nilang layon nila ang pagiging mabuting tao gaya nito upang makatanggap ng paghanga mula sa higit pang maraming tao, nang sa gayon ay pahalagahan sila ng mga tao at madagdagan ang kasikatan nila. Hindi ba’t ganoon? (Oo, ganoon na nga.) Gamit ang ilang pamamaraan ng mga anticristo, nailantad at nahimay-himay natin ngayon ang mga nakatagong pakay sa likod ng kanilang mapagpanggap na pag-uugali at ang diwa ng kanilang pagpapanggap, kung anong mga bagay ang ginagawa at sinasabi nila, at kung anong mga pagpapamalas ang ipinapakita nila na nagpapatunay na nagpapanggap sila. Tatapusin na natin dito ang pagbabahaginan tungkol sa aspektong ito.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.