Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikasampung Bahagi) Unang Seksiyon
II. Ang mga Interes ng mga Anticristo
D. Ang Kanilang mga Kinabukasan at Kapalaran
Anong paksa ang pinagbahaginan natin noong huli nating pagtitipon? (Nagbahagi ang Diyos tungkol sa mga paraan kung paano itinuturing ng mga anticristo ang titulong “tagapagserbisyo.” Una, nagbahagi ang Diyos kung paano binibigyang-kahulugan ng Diyos ang titulong “tagapagserbisyo.” Nagbahagi rin ang Diyos tungkol sa pagkakaiba ng isang taong iniwan na ang kalagayan ng isang tagapagserbisyo at ng isang taong nananatili pa ring tagapagserbisyo, at panghuli ay naghimay ang Diyos ng mga pananaw at paghahangad ng mga anticristo ukol sa titulong “tagapagserbisyo.”) Kaya, ano ang pananaw at saloobin ng mga anticristo sa titulong “tagapagserbisyo”? Ano ang sinasabi at ginagawa nila? (Ang saloobin ng mga anticristo sa titulong “tagapagserbisyo” ay isang pagtanggi at pagkasuklam. Hindi nila tinatanggap ang titulo kahit kanino pa ito galing, at naniniwala silang nakakababa ng dangal ang pagiging tagapagserbisyo. Naniniwala silang hindi itinatakda ng Diyos ang mga tagapagserbisyo batay sa diwa ng sangkatauhan, kundi sa halip ay hinahamon at kinukutya ng Diyos ang pagkakakilanlan at halaga ng tao.) (Sinasabi ng mga anticristo ang sikat na pariralang ito: “Hindi ako magpapakapagod nang walang nakakakita habang ang iba ay nakakakuha ng atensyon.” Gusto lang ng mga anticristo na magserbisyo sa kanila ang iba at iniisip nilang nakakahiyang gawain ang magserbisyo sa Diyos, kaya kapag napagtanto nilang sila mismo ay mga tagapagserbisyo, ayaw na nilang ipagpatuloy ang pagseserbisyo sa sambahayan ng Diyos at sa halip ay sisimulan nilang maghanap ng paraan para makaiwas, at magdudulot pa nga sila ng mga paggambala at panggugulo, at gagawa ng mga mapanirang bagay.) Batay sa saloobin ng mga anticristo ukol sa titulong “tagapagserbisyo,” ano ang nakikita nating diwa nila? (Ang diwa nila ay isang diwang mapanlaban sa Diyos at namumuhi sa katotohanan.) At ano ang disposisyong ito, kapag ang diwa nila ay isang diwang mapanlaban sa Diyos at sa katotohanan? (Isa itong buktot at malupit na disposisyon.) Tama, isa itong buktot at malupit na disposisyon. Ano ang unang motibasyon at intensyon ng mga anticristo sa pananampalataya nila sa Diyos? Anong gusto nilang makamit? Ano ang mga ambisyon at pagnanais nila? Dumarating ba sila para maging mga tagapagserbisyo? Dumarating ba sila batay sa saloobin ng pagiging mabuting tao at pagsunod sa tamang landas sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos? (Hindi.) Kaya ano ang dahilan ng pagdating nila? Para mas tumpak, dumarating sila para sa mga pagpapala, at para maging partikular, naghahangad silang mamuno bilang mga hari, mamuno bilang mga hari kasama ng Diyos, at naghahangad sila ng matatayog at mga dakilang bagay. Kaya, kapag sinasabi ng Diyos na mga tagapagserbisyo ang mga tao, ganap itong salungat at taliwas sa mga ambisyon at pagnanais ng mga anticristo na maghangad ng mga pagpapala at mamuno bilang mga hari, iba ito sa mga inaasahan nila, at hindi nila kailanman naisip na bibigyan ng Diyos ng ganitong titulo ang mga tao. Hindi matanggap ng mga anticristo ang katunayang ito. At anong mga bagay ang kaya nilang gawin kapag hindi nila matanggap ang katunayang ito? Naghahangad ba silang matanggap ang katunayang ito at mabago ang sarili nila? Hindi sila naghahangad na matanggap ang katunayang ito, ni naghahangad na mabago ang mga ambisyon at disposisyon nila. Samakatwid, kapag nasabihan sila na sila ay mga tagapagserbisyo at naalis ang intensyon at pagnanais nilang magtamo ng mga pagpapala, hindi na sila nakakapanindigan sa iglesia. Sa sandaling mapagtanto nila ang katotohanan at malamang ang mga taong tulad nila na may ganoong mga pagpapamalas ay mga tagapagserbisyo, tuluyan na silang nawawalan ng pag-asa at ibinubunyag nila ang tunay nilang kulay. Hindi sila naghahangad na mabago ang sitwasyon nila bilang mga tagapagserbisyo, ni naghahangad na mabago ang maling saloobin at pananaw nila ukol sa titulong “mga tagapagserbisyo” at sundan ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Kaya, kahit ano pang mga pagsasaayos ang gawin ng Diyos, ang ganoong mga tao ay hindi magpapasakop o tatanggap ng mga iyon, at hindi nila hahanapin ang katotohanan. Sa halip, pinipilit nilang isipin ang paraan ng tao para maalis sa kanila ang titulong ito, at gagawin nila ang lahat para maiwaksi ang pagkakakilanlang ito. Batay sa pagpapamalas na ito na ipinapakita ng mga anticristo, sagad sa kailaliman ng pagkatao ang pagtutol ng mga anticristo sa katotohanan. Hindi nila minamahal ang katotohanan, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, at may sarili silang mga ideya at kuru-kuro tungkol sa katotohanan, pero hindi sa normal na paraan. Sa halip, sa kaibuturan ng mga puso nila ay nakakaramdam sila ng matinding pagtutol, pagkamuhi, at maging pagkamapanlaban sa mga positibong bagay at sa katotohanan—ito ang diwa ng mga anticristo.
Mula sa mga sagot ninyo ngayon lang, nakikita Kong hindi ninyo naibuod ang nilalaman ng bawat pagbabahaginan, at pagkatapos ay hindi kayo nagdasal-nagbasa o nagnilay. Noong nakaraan ay nagbahaginan tayo tungkol sa tatlong pangunahing aspekto: Ang una ay ang pagtukoy kung ano ang mga tagapagserbisyo; ang ikalawa ay ang mga paraan kung paano itinuturing ng mga anticristo ang titulong “tagapagserbisyo” o, para maging partikular, kung ano talaga ang mga pagpapamalas at pag-uugali ng pagtutol nila na maging mga tagapagserbisyo, at kung ano talaga ang mga dahilan sa likod niyon; at ang ikatlo ay kung ano ang layunin ng mga anticristo sapagkat ayaw nilang maging mga tagapagserbisyo, ibig sabihin, ano ang mga ambisyon nila, at ano ang layunin nila sa pananampalataya sa Diyos. Sa madaling salita, pinagbahaginan natin ang tungkol sa nakapaloob na paksang “ang mga paraan kung paano itinuturing ng mga anticristo ang titulong ‘tagapagserbisyo’” mula sa tatlong aspektong ito, at sa pamamagitan ng tatlong aspektong ito ay hinimay natin ang iba’t ibang pagsasagawa at pag-uugaling ginagamit ng mga anticristo sa pagharap nila sa titulong “tagapagserbisyo,” pati na ang mga kaisipan at pananaw nila tungkol dito. Hindi ninyo pinag-iisipan ang nilalaman ng bawat pagbabahaginan pagkatapos ninyo itong mapakinggan. Panandalian lang ninyong natatandaan ang mga bagay na ito, pero kung mahabang panahon ang lilipas, ni hindi ninyo matatandaan ang mga bagay na ito. Kung gusto ninyong maunawaan at makamit ang katotohanan, dapat kayong magsumikap sa puso ninyo at madalas na magdasal-magbasa at magnilay—nasa puso ninyo dapat ang mga bagay na ito. Kung hindi, kung hindi mo isasapuso ang mga bagay na ito at hindi magsisikap, at hindi mo iisipin ang mga bagay na ito sa puso mo, wala kayong anumang makakamtan. Sinasabi ng ilang tao, “Napakalayo sa akin ng usapin ng mga anticristo. Hindi ko balak na maging isang anticristo at hindi ako isang masamang tao na gaya nila. Buong-pagtalima na lang akong magiging pinaka-walang-halagang tao, at ayos lang iyon sa akin. Gagawin ko ang anumang ipapagawa sa akin at hindi ko susundan ang landas ng isang anticristo. Bukod pa rito kahit na may kaunti akong disposisyon ng anticristo, unti-unti ko itong babaguhin sa paglipas ng panahon, at karaniwang tiwaling disposisyon lang iyon at hindi ganoon kalala. Walang saysay na pakinggan ito.” Tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Bakit hindi? Kung gustong matamo ng isang tao ang pagbabagong disposisyonal, pinakamahalaga ay dapat niyang maarok kung anong mga kalagayan, kaisipan, at pananaw ang puwedeng mabuo mula sa mga tiwaling disposisyon niya sa lahat ng uri ng sitwasyon. Sa pamamagitan lamang ng pag-arok sa mga bagay na ito niya malalaman kung ano ang sarili niyang mga tiwaling disposisyon, kung sa anong mga aspekto niya nilalabanan ang Diyos at sinasalungat ang katotohanan, at kung anong mga bagay sa loob niya ang sumasalungat sa katotohanan; sa sandaling malaman niya ang mga bagay na ito, malulutas na niya ang mga problema at tiwaling disposisyong ito, at magkakamit na siya ng pagpasok sa katotohanang realidad. Kung wala kang pag-arok sa iba’t ibang tiwaling disposisyon na nabubunyag o sa iba’t ibang kalagayang puwedeng lumitaw sa iba’t ibang sitwasyon, at wala kang pag-arok sa mga paraan kung paano sinasalungat ng mga bagay na ito ang katotohanan o kung saan nagmumula ang mga problema, paano mo malulutas ang mga problemang ito kung ganoon? Kung gusto mong malutas ang mga problemang ito, dapat mo munang maarok kung nasaan ang pinagmumulan ng mga ito, kung ano ang mga kalagayan ng mga ito, kung saan nanggagaling ang mga partikular na problema, at pagkatapos ay simulan mong lutasin kung paano ka papasok. Sa ganitong paraan, isa-isang malulutas ang mga tiwaling disposisyon mo at ang iba’t ibang kalagayang lumilitaw. Tila hindi pa masyadong maliwanag sa inyo ang tungkol sa pagpasok sa katotohanang realidad o sa paglutas sa mga tiwaling disposisyon at pagkakamit ng pagbabagong disposisyonal; wala pa rin kayo sa tamang landas.
5. Kung Paano Hinaharap ng mga Anticristo ang Katayuan Nila sa Iglesia
Ngayon, pagbabahaginan natin ang huling paksa tungkol sa mga interes ng mga anticristo: kung paano hinaharap ng mga anticristo ang katayuan nila sa iglesia. Pagdating sa katayuan nila sa iglesia, kung anong mga pagpapamalas ang ipinapakita ng mga anticristo, kung ano ang mga ginagawa nila, at kung ano ang mga pananaw at disposisyong diwa nila kapag ginagawa nila ang mga bagay na iyon—hahatiin natin ang mga ito sa tatlong aspekto at isa-isang hihimayin ang mga ito. Ang unang aspekto ay “may pagkukunwari,” ang ikalawa ay “may pagpapanggap,” at ang ikatlo ay “sa pamamagitan ng pangingibabaw sa lahat.” Ang bawat isa sa tatlong aspektong ito ay isinulat sa kaunting salita at maituturing na pinaikli, pero marami sa iba’t ibang kilos, pagpapamalas, at bukambibig ng mga anticristo, pati na sa mga saloobin at disposisyon nila ang nakapaloob sa bawat isa. Pag-isipan na ninyo ngayon kung bakit tinukoy Ko ang tatlong aspektong ito para pagbahaginan ang paksa ngayong araw. Paano ninyo binigyang-kahulugan sa mga isip ninyo ang paksang kung paano hinaharap ng mga anticristo ang katayuan nila sa iglesia pagkatapos ninyo itong basahin? Ano ang mga naging ideya ninyo? Ang tumatakbo sa isip ng karamihan ng tao ay walang dudang ang paniniil ng mga anticristo, ang paggiit nila ng katayuan, ang pagkuha nila sa loob ng mga tao, at ang pag-agaw nila ng kapangyarihan sa iglesia, ibig sabihin, palagi nilang gustong maging mga opisyal, igiit ang katayuan nila, hawakan ang kapangyarihan, at kontrolin ang mga tao—sa madaling salita, ito ang mga bagay na iniisip ng mga tao. Ito ay medyo halatang mga aspektong madalas na ipinapamalas ng mga anticristo sa iglesia, kaya bukod sa mga ito, ano pa ang ibang pagpapamalas na hindi nakikita ng mga tao? Ano pa ang ginagawa ng mga anticristo para may matibay silang mapanghawakan sa iglesia, para magkamit ng katayuan at mataas na karangalan at para makakuha pa nga ng kapangyarihan at makontrol ang mas maraming tao? Ano pa ang ibang pagpapamalas nila? Ang mga bagay na ito ay ang mga mas mapanligaw, lihim na mapanira, at pailalim na paraan at diskarteng ginagamit ng mga anticristo, at puwede ring ang mga hindi nalalamang kaisipan at nakatagong intensyon at mithiin sa kaibuturan ng mga puso nila, tama ba? Kaya, isa-isa nating pagbahaginan ang tungkol sa mga ito.
a. Nang may Pagkukunwari
Ang unang aspekto ay “nang may pagkukunwari.” Ang literal na kahulugan ng salitang “pagkukunwari” ay madaling unawain at malinaw na hindi ito kapuri-puri. Kapag sinasabing ang isang tao ay magaling sa pagkukunwari, na ang lahat ng ginagawa niya ay pagkukunwari, na ang lahat ng ginagawa niya ay di-maaarok ng iba, at mababaw lang siyang kumikilos at nakikipag-usap sa iba, kung ganoon, ang isang taong kumikilos at umaasal sa ganoong paraan ay paniguradong isang napakamapanlinlang na tao. Hindi siya matapat na tao, at hindi siya isang simple, taong taos-puso, kundi sa halip ay napakagaling niya sa pagmamanipula ng isip, napakapino niya, at napakagaling niya sa panlilinlang ng iba. Ito ang pinakapangunahing pagkaunawa sa salitang “pagkukunwari.” Kaya, kung ganoon ay ano ang kaugnayan sa pagitan ng pag-uugali at mga kilos ng mga anticristo at ng ganitong uri ng pag-uugali? Ano ang ginagawa nila na nagpapakitang may diwa sila ng pagkukunwari? Ano ba talaga ang layunin nila sa pagkukunwari? Ano ba talaga ang intensyon nila? Bakit kailangan nilang magkunwari? Malapit ang kaugnayan ng mga bagay na ito sa paksang pagbabahaginan natin ngayon.
Ang mga anticristo ay mga taong ayaw mapag-iwanan ng iba. Ayaw nilang dumepende sa iba, ayaw nilang tumanggap ng mga utos, tagubilin, at atas ng ibang tao, at ayaw nilang maging karaniwan at hamakin ng iba. Sa halip, mga tao silang nagnanais ng katanyagan, na maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, at labis silang pahalagahan ng iba. Bukod dito, sa iglesia at sa ibang tao, lalo pa nilang gustong maging mga taong nag-uutos at nagtatagubilin sa iba na gumawa ng mga bagay para sa kanila. Gusto nilang ipatupad ang kagustuhan nila sa pamamagitan ng sarili nilang katanyagan, impluwensiya, at ng kapangyarihang hawak nila, at ayaw nilang maging mga karaniwang taong puwedeng utus-utusan at tagubilinan ng sinumang gumawa ng mga bagay-bagay. Ito ang mga paghahangad at pagnanais ng mga anticristo sa gitna ng ibang tao. Medyo sensitibo ang mga anticristo pagdating sa katayuan nila sa ibang tao. Kapag nasa isang grupo, hindi sila naniniwalang may anumang kabuluhan ang edad at pisikal na kalusugan nila. Ang pinaniniwalaan nilang mahalaga ay kung ano ang tingin sa kanila ng karamihan, kung binibigyan ba sila ng oras at lugar ng karamihan sa pananalita at kilos nila, kung mataas o pangkaraniwan ang katayuan at posisyon nila sa mga puso ng karamihan, kung mataas o pangkaraniwan o hindi espesyal ang tingin sa kanila ng karamihan, at iba pa; kung ano ang palagay ng karamihan sa mga kredensiyal nila sa pananalig sa Diyos, kung gaano kabigat ang mga salita nila sa mga tao, ibig sabihin, kung gaano karaming tao ang sumasang-ayon sa kanila, kung gaano karaming tao ang pumupuri sa kanila, nagpapakita sa kanila ng pagsuporta, nakikinig nang mabuti sa kanila, at tinatandaan ang mga sinasabi nila; higit pa rito, kung ang tingin sa kanila ng karamihan ay may malakas o mahinang pananalig, kung gaano sila kadeterminadong magtiis ng pagdurusa, kung gaano kalaki ang isinasakripisyo at iginugugol nila, kung ano ang mga kontribusyon nila sa sambahayan ng Diyos, kung mataas o mababa ang katungkulang hawak nila sa sambahayan ng Diyos, kung ano na ang dati nilang pinagdusahan, at kung anong mahahalagang bagay ang nagawa nila—pinakapinahahalagahan nila ang mga bagay na ito. Madalas na inuuri ng mga anticristo ang posisyon at pagkakasunod-sunod sa isip nila, madalas nilang ikinukumpara kung sino ang may pinakamaraming kaloob sa iglesia, kung sino ang pinakamahusay magsalita at magaling magpahayag sa iglesia, kung sino ang magaling sa mga propesyonal na kasanayan at pinakamaalam sa teknolohiya. Habang pinagkukumpara nila ang mga bagay na ito, palagi silang nagsusumikap na mag-aral ng iba’t ibang propesyonal na kasanayan, nagsisikap na maging maalam at may kadalubhasaan sa mga ito. Pangunahing pinagtutuunan ng pansin ng mga anticristo ang pagsusumikap sa pagbibigay ng mga sermon at kung paano ipapaliwanag ang mga salita ng Diyos sa paraang nakakapagpasikat sila at nakukumbinsi ang iba na tingnan sila nang mataas. Habang pinagsisikapan nila ito, hindi nila hinahanap kung paano maunawaan ang katotohanan o kung paano pumasok sa katotohanang realidad, kundi sa halip ay pinag-iisipan nila kung paano matatandaan ang mga salitang ito, kung paano nila maipapangalandakan ang mga kalakasan nila sa mas marami pang tao, para mas marami pang tao ang makaalam na talagang pambihira sila, na hindi sila basta mga karaniwang tao, na may kakayahan sila, at na mas mataas sila kaysa sa mga karaniwang tao. Dahil may ganitong uri ng mga ideya, layunin, at pananaw, namumuhay ang mga anticristo kasama ang mga tao na gumagawa ng lahat ng uri ng iba’t ibang bagay. Dahil taglay nila ang mga pananaw na ito, at dahil taglay nila ang mga paghahangad at ambisyong ito, hindi nila maiwasang magdulot ng magagandang pag-uugali, mga tamang bukambibig, at lahat ng uri ng mabubuting kilos, malalaki at maliliit. Ang mga pag-uugali at kilos na ito ay nagdudulot sa mga taong walang espirituwal na pang-unawa, na hindi talaga naghahangad ng katotohanan at nakatuon lang sa pagkakaroon ng magandang pag-uugali, na mainggit at humanga sa mga anticristo, at tumulad at sumunod pa nga sa kanila, at sa ganitong paraan, natutupad ang layunin ng mga anticristo. Kapag may ganoong mga intensyon at ambisyon ang mga anticristo, paano sila umaasal? Ito ang pagbabahaginan natin ngayon. Isa itong paksang karapat-dapat na pagtuunan ng pansin at alamin ng bawat isa sa inyo.
Ang mga anticristo ay tutol sa katotohanan, hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan—na malinaw na nagpapakita ng isang katunayan: Hindi kailanman kumikilos ang mga anticristo ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan—na siyang pinakalantarang pagpapamalas ng isang anticristo. Bukod sa reputasyon at katayuan, at sa pagiging pinagpala at ginagantimpalaan, isa pang bagay na hinahangad nila ay ang magtamasa ng mga kaginhawahan ng katawan at ng mga pakinabang ng katayuan; at dahil dito, natural na nagsasanhi sila ng mga pagkagambala at kaguluhan. Ipinapakita ng mga katunayang ito na ang kanilang hinahangad, at ang pag-uugali at pagpapamalas nila ay hindi minamahal ng Diyos. At ang mga ito ay tiyak na hindi ang mga kilos at pag-uugali ng mga taong naghahangad ng katotohanan. Halimbawa, ang ilang anticristo na katulad ni Pablo ay may determinasyong magdusa kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin, kaya nilang magpuyat buong gabi at hindi kumain kapag ginagawa ang kanilang gawain, kaya nilang supilin ang sarili nilang katawan, kaya nilang malampasan ang anumang sakit at paghihirap. At ano ang layon nila sa paggawa ng lahat ng ito? Ang ipakita sa lahat na kaya nilang isantabi ang kanilang sarili—na magpakasakit—pagdating sa atas ng Diyos; na para sa kanila, ang mayroon lamang ay tungkulin. Ipinapakita nila ang lahat ng ito sa harap ng ibang mga tao. Kapag may mga tao sa paligid, hindi sila nagpapahinga kahit kailangan na, sadya pa ngang pinahahaba ang oras nila sa gawain, gumigising nang maaga at natutulog nang gabing-gabi na. Ngunit kumusta naman ang kahusayan sa gawain at pagiging epektibo ng kanilang tungkulin kapag nagpapagod nang ganito ang mga anticristo mula umaga hanggang gabi? Ang mga bagay na ito ay hindi saklaw ng kanilang mga pagsasaalang-alang. Sinisikap lamang nilang gawin ang lahat ng ito sa harap ng iba, para makita ng ibang mga tao na nagdurusa sila, at makita kung paano sila gumugugol para sa Diyos nang hindi iniisip ang kanilang sarili. Tungkol naman sa kung ang tungkuling ginagampanan nila at ang gawaing ginagawa nila ay isinasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila talaga pinag-iisipan ito. Ang tanging iniisip nila ay kung nakita ba ng lahat ang mabuting ugaling ipinapakita nila, kung batid ba ito ng lahat, kung nag-iwan ba sila ng impresyon sa lahat, at kung maghihikayat ba ang impresyong ito na hangaan at sang-ayunan sila, kung sasang-ayunan ba sila ng mga taong ito kahit hindi nila alam at pupurihin sila sa pagsasabing, “Kaya talaga nilang tiisin ang hirap, hindi mapapantayan ng sinuman sa atin ang kanilang pagtitiis at pambihirang pagtitiyaga. Ito ay isang taong naghahangad sa katotohanan, na nagagawang magdusa at magtiis ng mabigat na pasanin, isa siyang haligi sa iglesia.” Kapag naririnig ito, nasisiyahan ang mga anticristo. Iniisip nila sa kanilang puso, “Napakamautak ko na nagkunwari ako nang gayon, napakatalino ko na ginawa ko ito! Alam ko na panlabas lamang ang titingnan ng lahat, at gusto nila ang mabubuting pag-uugaling ito. Alam ko na kung kikilos ako nang ganito, matatamo nito ang pagsang-ayon ng mga tao, magiging dahilan ito para aprubahan nila ako, hahangaan nila ako sa kaibuturan ng kanilang puso dahil dito, magiging mas positibo ang tingin nila sa akin, at hindi na ako hahamakin ng sinuman kailanman. At kung dumating ang araw na matuklasan ng itaas na hindi ako gumagawa ng tunay na gawain at tanggalin ako, siguradong maraming taong magtatanggol sa akin, iiyak para sa akin, at hihimukin akong manatili, at magsasalita alang-alang sa akin.” Palihim silang nagagalak sa huwad nilang pag-uugali—at hindi ba't nagpapakita rin ang kagalakang ito ng kalikasang diwa ng isang anticristo? At ano ang diwang ito? (Kabuktutan.) Tama iyan—ito ang diwa ng kabuktutan. Dahil pinangingibabawan nitong diwa ng kabuktutan, nagdudulot ang mga anticristo ng kalagayan ng pagiging kampante at paghanga sa sarili na nagdudulot sa kanilang lihim na magprotesta at lumaban sa Diyos sa mga puso nila. Sa panlabas, tila labis silang nagpapakasakit at matinding pagdurusa ang tinitiis ng laman nila, pero talaga bang isinasaalang-alang nila ang pasanin ng Diyos? Tunay ba nilang ginugugol ang sarili nila para sa Diyos? Kaya ba nilang gawin nang tapat ang tungkulin nila? Hindi, hindi nila kaya. Sa mga puso nila, palihim silang nakikipagkompetensiya sa Diyos, nag-iisip na, “Hindi ba sinabi mong hindi ko taglay ang katotohanan? Hindi ba sinabi mong may mga tiwaling disposisyon ako? Hindi ba sinabi mong mapagmataas at palalo ako, at na sinusubukan kong magtatag ng sarili kong kaharian? Hindi ba sinabi mong wala akong espirituwal na pang-unawa, na hindi ko nauunawaan ang katotohanan, kaya isa akong tagapagserbisyo? Ipapakita ko sa iyo kung paano ako magserbisyo, at kung ano ang iniisip sa akin ng mga kapatid kapag nagseserbisyo ako nang ganito at kumikilos ako nang ganito. Ipapakita ko sa iyo kung kaya kong makuha ang paghanga ng mas marami pang tao o hindi sa pamamagitan ng pagkilos nang ganito. At isang araw, kapag gusto mo akong patalsikin at kondenahin, tingnan ko kung paano mo talaga magagawa iyon!” Sa ganitong paraan nakikipagkompetensiya ang mga anticristo sa Diyos sa puso nila at sinusubukan nilang palitan ang paghahangad ng katotohanan ng mabubuting pag-uugaling ito. Sa paggawa nito, sinusubukan nilang pawalang-saysay ang praktikal na epekto ng paggawa ng Diyos at pamumuno Niya sa mga tao na isagawa ang katotohanan para magtamo sila ng pagbabagong disposisyonal. Sa diwa, ginagamit nila ang interpretasyong ito para pawalang-saysay at kondenahin ang gawain ng Diyos ng pagliligtas sa tao sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo, at naniniwala silang mali at hindi epektibong hatulan ng Diyos ang mga tao. Ang mga ideya at pananaw na ito ng mga anticristo ay buktot, lihim na mapanira, lumalaban sa Diyos, at salungat sa Diyos. Kapag hindi sila tahasang kinondena ng Diyos, nagsisimula silang makipagkompetensiya sa Diyos sa mga puso nila; kapag hindi sila inilantad ng Diyos at hindi Niya kinondena ang pag-uugali nila, nagsisimula silang gumamit ng pagkukunwari upang ilihis ang iba at makuha ang loob ng mga tao para itatwa ang mga salita ng Diyos at itatwa ang katunayang tanging ang paghahangad sa katotohanan ang puwedeng magdulot ng pagbabagong disposisyonal at ng katugunan ng mga layunin ng Diyos. Hindi ba ito ang diwa ng interpretasyon nila? Hindi ba may buktot na disposisyon ang mga anticristo? Sa likod ng pagdurusa nila, nagkikimkim sila ng ganoong mga ambisyon at adulterasyon, at iyon ang dahilan kung bakit kinasusuklaman ng Diyos ang ganoong mga tao at ganoong disposisyon. Gayumpaman, hindi kailanman nakikita o kinikilala ng mga anticristo ang katunayang ito. Pinagmamasdan ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao, samantalang nakikita lang ng tao ang panlabas na anyo ng tao—ang pinakamalaking kalokohan tungkol sa mga anticristo ay na hindi nila kinikilala ang katunayang ito, ni nakikita ito. Kaya ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang gamitin ang magandang pag-uugali para ipakita ang kanilang sarili at gawing kaakit-akit para isipin ng iba na kaya nilang magdusa at magtiis ng paghihirap, magtiis ng pagdurusa na hindi kaya ng mga karaniwang tao, gumawa ng trabahong hindi kaya ng mga karaniwang tao, para isipin ng iba na matitibay sila, na kaya nilang supilin ang sarili nilang katawan, at hindi nila isinasaalang-alang ang sarili nilang mga makalamang interes o kasiyahan. Kung minsan ay sadya pa nga nilang isusuot ang mga damit nila hanggang sa medyo dumumi na ang mga ito at hindi lalabhan ang mga ito, hindi lalabhan ang mga ito kahit na magsimula nang mamaho; ginagawa nila ang anumang magdudulot sa ibang taong sumamba sa kanila. Habang mas madalas nilang kaharap ang iba, lalo nilang ginagawa ang lahat para magpapansin nang makita ng iba na naiiba sila sa mga karaniwang tao, na ang pagnanais nilang gugulin ang sarili nila para sa Diyos ay mas malaki kaysa sa mga karaniwang tao, na ang determinasyon nilang magdusa ay mas matindi kaysa sa mga karaniwang tao, at na ang tibay nila sa pagtitiis ng pagdurusa ay mas matindi kaysa sa mga karaniwang tao. Nagdudulot ang mga anticristo ng ganoong mga pag-uugali sa ganitong mga uri ng sitwasyon, at nasa likod ng mga pag-uugaling ito ang pagnanais sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo na sambahin sila at maging mataas ang tingin sa kanila ng mga tao. At kapag naisakatuparan na nila ang mithiin nila, kapag narinig na nila ang mga papuri ng mga tao, at kapag nakita na nilang kinaiinggitan na sila ng mga tao, hinahangaan, at may mapagpahalagang tingin sa kanila, saka sila nasisiyahan at nakokontento sa mga puso nila.
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng panlabas na mabuting pag-uugali ng mga anticristo ng pagtitiis ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga at sa tunay na pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, pagiging tapat, at taos-pusong paggugol ng sarili para sa Diyos? (Magkaiba ang intensyon. Ang mga taong tunay na gumugugol ng sarili nila para sa Diyos ay tumutuon sa paghahanap ng mga prinsipyo, sa mga resulta ng gawain, at sa pagiging epektibo sa gawain. Ang mga anticristo ay tila gumugugol ng sarili para sa Diyos sa panlabas, pero ito ay para lang mahikayat ang iba na tumaas ang tingin sa kanila. Hindi talaga nila isinasaalang-alang ang pagiging epektibo ng gawain o ang mga resulta ng gawain.) Tama iyan, may pagkakaiba sa intensiyon, motibasyon, at pinagmumulan ng pananalita at mga kilos nila—talagang magkaiba ito. Ang mga taong nagtitiis ng pagdurusa katulad nila at naghahangad ng katotohanan ay naghahanap ng mga prinsipyo sa panahon ng pagdurusang ito. Kahit paano, ipinapakita ng paghahanap sa mga prinsipyo na may mentalidad sila ng pagpapasakop; hindi nila sinusubukang gawin ang sarili nilang mga bagay o sinusubukang gumawa ng mga bagay para sa sarili nila, mayroon silang pagpapasakop at may-takot-sa-Diyos na puso sa mga kilos nila, at napakalinaw nilang nalalaman na ginagawa nila ang tungkulin nila at hindi sila nakikibahagi sa gawain ng tao. Bagaman tila nagtitiis din ng pagdurusa ang mga anticristo, basta na lang nilang ginagawa ito at nagpapanggap para makita ng mga tao; hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, wala silang pagpapasakop o may-takot-sa-Diyos na puso sa mga kilos nila, hindi namumuhay sa harap ng Diyos ang mga puso nila, at sinusubukan nilang gamitin ang ganoong pag-uugali at mga pagpapamalas para makuha ang loob ng mga tao at magpalakas sa mga tao. May pagkakaiba rito, hindi ba? Batay sa diwa ng pag-uugali ng mga anticristo, masasabi ba nating isang pagkukunwari ang pagtitiis nila ng pagdurusa? (Oo.) Sapat na ito para patunayang ang pag-uugali at pagpapamalas nila ng pagtitiis ng pagdurusa ay basta na lang nilang ginagawa at nagpapanggap para makita ng mga tao—hindi sila kumikilos sa harapan ng Diyos. Isang aspekto ito. Ang isa pang aspekto ay na wala nang mas bihasa sa pagkukunwari at panlilinlang kaysa sa mga anticristo—kaya napakagaling nilang makibagay, at madalas silang gumamit ng mga partikular na tusong paraan upang ilihis at linlangin ang mga tao para maisakatuparan ang mga layunin nilang hikayatin ang mga tao na sambahin sila. Dito sila pinakamagaling, nasa kaibuturan nila ito, likas nilang taglay ang tuso at pabago-bagong diwang ito. Halimbawa, may ilang anticristong tila napakabait at napakamapagpakumbaba ng mga salita at pag-uugali, na hindi kailanman naglalantad ng kahinaan ng iba, na marunong makibagay, na hindi madaling manghusga o magkondena ng iba, na, kapag negatibo at mahina ang mga tao ay agad na tumutulong. Pinapalabas nila na mabuting-loob at mabait sila, isang mabuting tao. Kapag nasa kagipitan ang mga tao, minsan ay tumutulong sila gamit ang mga salita, at minsan gamit ang ilang kilos; may mga pagkakataon pa ngang nagbibigay sila ng kaunting pera o materyal na bagay para tulungan sila. Sa panlabas, tila mabuti ang mga kilos nila. Sa isipan ng karamihan, ganito ang uri ng taong gusto nilang makilala at makasalamuha; hindi magiging banta o manggugulo sa kanila ang ganitong mga tao, at makakakuha sila ng malaking tulong mula sa mga ito—ng materyal o mental na tulong halimbawa, maging ng tulong sa mas matataas na espirituwal na teorya, at iba pa. Sa panlabas, walang ginagawang masama ang ganoong mga tao: Hindi nila ginagambala o ginugulo ang iglesia, at tila nagdadala sila ng pagkakasundo sa anumang grupong kinabibilangan nila; sa ilalim ng pamamalakad at pagpapagitna nila, tila masaya ang lahat, nagkakasundo ang mga tao, at walang mga pag-aaway o mga alitan. Kapag naroon sila, nararamdaman ng lahat kung gaano sila kabuting nagkakasundo-sundo, kung gaano sila kalapit sa isa’t isa. Kapag wala sila, nagsisimulang magtsismisan ang ilang tao, nagtatakwilan sa isa’t isa, nagkakainggitan at nagtatalo sa bagay-bagay; tumitigil lang ang lahat sa pagtatalo kapag kasama nila ang mga anticristong ito at nananawagan ng kapayapaan. Tila napakagaling ng mga anticristong ito sa gawain nila, pero may isang bagay na nagpapakita kung ano talaga ang layunin nila: Ang lahat ng tinuturuan at pinamumunuan nila ay nakakabigkas ng mga salita at doktrina, kaya nilang lahat magmataas at magsermon sa iba, marunong silang lahat mambola ng mga tao at sumipsip sa mga ito, kaya nilang maging tuso at mapanlinlang, alam nila kung ano ang sasabihin sa iba’t ibang tao, nagiging mapagpalugod sila ng mga tao, at sa panlabas, tila payapang-payapa sila. Ano na ang nangyari sa iglesia dahil sa mga anticristong ito? Naging relihiyosong organisasyon na ito. At ang resulta? Namumuhay ang mga tao ayon sa satanikong pilosopiya nila, at ayaw na nilang hangarin ang katotohanan, at walang buhay pagpasok, at tuluyan nang nawala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa ganitong paraan nagdudulot ng pinsala ang mga anticristo sa mga kapatid at ipinapahamak sila—pero iniisip pa rin nilang nagkaroon sila ng malalaking kontribusyon, na nakagawa sila ng mga dakilang bagay para sa mga kapatid, at nakapagbigay sa kanila ng malalaking pagpapala. Madalas nilang turuan ang mga kapatid na maging mapagpakumbaba at mapagpasensya, na maging mapagparaya at mapagmalasakit kapag nakikita nilang may problema ang isang kapatid, na huwag maging magaspang magsalita o mapanakit sa iba, at tinuturuan nila ang iba kung ano ang postura kapag nakaupo o nakatayo o kung anong mga damit ang isusuot. Ang madalas nilang ituro sa mga kapatid ay hindi kung paano unawain ang katotohanan o pumasok sa katotohanang realidad, kundi kung paano sumunod sa mga patakaran at umasal nang maayos. Sa ilalim ng pagtuturo nila, ang mga pakikisalamuha ng mga tao ay hindi nakabatay sa mga salita ng Diyos, hindi sa mga katotohanang prinsipyo, kundi sa isang pakikipagkapwang pilosopiya ng pagiging mapagpalugod ng mga tao. Sa panlabas, walang nananakit sa isa’t isa, walang nagbabanggit ng mga kapintasan ng iba, pero walang nagsasabi sa sinuman kung ano talaga ang iniisip nila, at hindi sila naghahayag at nagbabahagi ng katiwalian, paghihimagsik, mga pagkukulang, at mga pagsalangsang nila. Sa halip, sa isang mababaw na antas, dumadaldal sila tungkol sa kung sino ang nagdusa at nagbayad ng halaga, kung sino ang naging tapat sa paggawa ng tungkulin niya, kung sino ang naging kapaki-pakinabang sa mga kapatid, kung sino ang nakagawa ng malalaking kontribusyon sa sambahayan ng Diyos, kung sino ang naaresto at nasentensiyahan dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo—iyon lang ang pinag-uusapan nila. Hindi lang magandang pag-uugali ang ipinapakita ng mga anticristo—ang pagiging tila mapagpakumbaba, mapagpasensiya, mapagparaya, at matulungin—para ipakita ang kanilang sarili at magkunwari; sinusubukan din nilang magpakita ng personal na halimbawa para hawahan ang iba ng magandang pag-uugaling ito, at hikayatin silang tularan ito. Ang layunin sa likod ng magandang pag-uugali nila ay walang iba kundi ang mapagtuunan sila ng pansin ng mga tao, ang mapataas ang tingin sa kanila ng mga tao. Kapag tinatalakay ng mga hinirang ng Diyos ang pagkakilala nila sa sarili at hinihimay ang sariling mga tiwaling disposisyon, sila naman ay nananahimik, at walang anumang pagtatangkang himayin ang sarili nilang katiwalian. Kapag isinisiwalat at pinupungusan ng mga kapatid ang mga pagbubunyag ng katiwalian ng isa’t isa, ang mga anticristo lang ang nagpapakita ng pagpapakumbaba, pagpapasensiya, at pagpaparaya sa lahat; hindi nila isinisiwalat ang katiwaliang ibinubunyag ng sinuman, at binabati at pinupuri pa nga nila ang mga kapatid dahil sa magandang pag-uugali ng mga ito, at sa kanilang pagbabago; ginagampanan nila ang papel ng mga mapagpalugod ng mga tao, nagkukunwaring mapagmahal, mapagmalasakit, mapagparaya, at mapagpalubag-loob. Ito ang mga pagpapamalas ng labis na pagiging bihasa ng mga anticristo sa pagkukunwari at panlilinlang at panlilihis ng mga tao.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.