Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Unang Bahagi) Ikaapat na Seksiyon

Isang Paghihimay sa mga Anticristo na Ginagawa ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon, Hindi Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian

I. Kung Ano ang mga Interes ng Diyos at Kung Ano ang mga Interes ng mga Tao

Sa pagkakataong ito, magbabahaginan tayo tungkol sa ikasiyam na aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo—ginagawa nila ang kanilang tungkulin para lang maging tanyag sila at maisakatuparan ang kanilang sariling mga interes at ambisyon; hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ipinagkakanulo pa ang mga interes na iyon, ipinagpapalit para sa kanilang personal na kaluwalhatian. Sa ating pang-araw-araw na buhay, madalas nating binibigyang-diin ang mga interes ng Diyos at ng sambahayan ng Diyos. Gayumpaman, madalas na hindi isinasaalang-alang ng ilang tao ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, sa halip ay inuuna at isinisentro nila ang sariling mga interes sa lahat ng bagay. Talagang makasarili ang mga taong ito. Higit pa rito, sa pangangasiwa nila sa mga gawain, madalas nilang pinangangalagaan ang sarili nilang mga interes na nakapipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, hanggang sa punto na gagawa pa nga sila ng hindi direktang kahilingan sa sambahayan ng Diyos para matugunan ang sarili nilang mga pagnanais. Ano ang pinakamahalagang salita rito? Ano ang pangunahing tinutukoy rito? (Interes.) Ano ang ibig sabihin ng “interes”? Ano ang kasama sa terminong ito? Ano ang itinuturing ng iba bilang mga interes ng mga tao? Ano ang saklaw ng mga interes ng mga tao? Katayuan, reputasyon, at mga bagay na may kinalaman sa mga materyal na interes. Halimbawa, kapag inililihis ng isang tao ang iba para hangaan at sambahin siya, hinahangad lang niya ang sariling sikolohikong mga interes; mayroon ding mga materyal na interes, na hinahangad ng mga tao sa pamamagitan ng pagsasamantala sa iba, pagkuha ng mga benepisyo para sa sarili nila, o pagnanakaw ng ari-arian ng sambahayan ng Diyos, bilang ilang halimbawa. Palaging naghahanap ng pakinabang ang mga anticristo. Naghahangad man sila ng sikolohiko o materyal na interes, sakim at walang kabusugan ang mga anticristo, at susubukan nilang kunin ang mga bagay na ito lahat para sa sarili nila. Ang mga bagay na may kinalaman sa mga interes ng isang tao ang pinakanagbubunyag sa kanila. Ang mga interes ay malalim na nauugnay sa buhay ng bawat tao, at ang lahat ng bagay na nakakasalamuha ng isang tao sa bawat araw ay may kinalaman sa mga interes nila. Halimbawa, kapag may sinasabi ka o nag-uusap tungkol sa isang bagay, anong mga interes ang kasama? Kapag nag-uusap ang dalawang tao tungkol sa isang isyu, isang usapin ito ng kung sino ang mahusay magsalita at sino ang hindi, sino ang hinahangaan ng ibang tao at sino ang minamaliit ng ibang tao, at isa rin itong usapin ng magkakaibang kahihinatnan ng magkaibang paraan nila ng pagsasalita. Hindi ba’t isa itong usapin ng mga interes? Kaya, ano ang ginagawa ng mga tao kapag nangyayari sa kanila ang ganitong mga uri ng isyu? Ginagawa ng mga tao ang makakaya nila para magpasikat, nagpapakahirap mag-isip para ayusin ang mga salita nila upang malinaw na maipaliwanag ang paksa, at upang mas eleganteng maipahayag ang mga salita, at mas kasang-a-sang-ayong pakinggan, at upang magkaroon din ng maayos na estraktura, at mag-iiwan ng pangmatagalang impresyon sa mga tao. Gamit ang ganitong pamamaraan, gamit ang kahusayang magsalita, utak, at kaalaman ng isang tao para makuha ang pabor ng mga tao at mag-iwan ng malalim na impresyon sa kanila—ito ay isang uri ng interes. Anong iba pang mga aspekto ang kasama sa mga interes na hinahangad ng mga tao? Kapag abala sila sa gawain nila, palaging tinitimbang ng mga tao ang bagay-bagay, nagkakalkula, at nagninilay-nilay sa isipan nila, nagpapakahirap mag-isip kung anong mga aksiyon ang makakabuti sa interes nila, anong mga aksiyon ang hindi makakabuti sa interes nila, anong mga aksiyon ang makakapagpalago ng interes nila, anong mga aksiyon ang kahit papaano ay hindi makasasama sa mga interes nila, at anong mga aksiyon ang makapagbibigay sa kanila ng pinakamalaking kaluwalhatian at pinakamaraming materyal na pakinabang, at na gagawin silang pinakamalaking benepisyado. Ito ang dalawang interes na ipinaglalaban ng mga tao sa tuwing may mga isyung nangyayari sa kanila. Nakatuon sa dalawang aspektong ito ang mga interes na hinahangad ng mga tao at wala nang iba: sa isang banda, ang pagtamo ng mga materyal na benepisyo, o kahit paano ay hindi mawalan, at mapagsamantalahan ng iba; sa kabilang banda, sa sikolohikong antas, ang mahikayat ang mga tao na tingalain at hangaan sila, at makuha ang loob ng mga tao. Minsan, upang makamit ang kapangyarihan at katayuan, kaya pa ngang talikuran ng mga tao ang mga materyal na interes—ibig sabihin, magkakaroon sila ng kaunting kawalan para pagkatapos ay magkamit ng mas malaking pakinabang kaysa sa iba. Sa madaling salita, ang mga bagay na ito na nauugnay sa reputasyon, katayuan, kaluwalhatian at mga materyal na bagay ng mga tao ay saklaw lahat sa kategorya ng mga interes ng mga tao, at ang lahat ng ito ay mga interes na hinahangad ng mga tao.

Ano ang kalikasan ng paghahangad ng mga tao sa mga interes na ito? Bakit hinahangad ng mga tao ang mga bagay na ito? Marapat bang hangarin ang mga ito? Makatwiran ba ito? Naaayon ba ito sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao? Ito ba ang pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga nilikha? Sa mga salita ng Diyos, binanggit ba Niya na “dapat ninyong hangarin at palawakin ang sarili ninyong mga interes. Huwag ninyong isakripisyo ang mga interes ninyo dahil lang sa nananampalataya kayo sa Diyos at tumutupad ng isang tungkulin. Dapat ninyong pahalagahan ang katayuan, reputasyon, at kapangyarihan ninyo, at protektahan ang mga bagay na ito sa lahat ng paraan. Kung binibigyan ka ng Diyos ng katayuan, dapat mong pahalagahan ito at gawin itong kaluwalhatian mo sa halip na kahihiyan mo. Atas ito ng Diyos sa iyo”—minsan na ba itong nasabi ng Diyos? (Hindi.) Dahil walang ganito sa mga salita ng Diyos, ano kung gayon ang hinihingi ng Diyos sa mga nilikha sa Kanyang puso? Paano hinihingi ng Diyos na isaalang-alang ng mga tao ang mga interes? Sa isang banda, nais ng Diyos na talikuran ng mga tao ang kanilang mga interes—ito ay sa pangkalahatang termino; bukod pa rito, binibigyan ng Diyos ang mga tao ng mga angkop na landas ng pagsasagawa sa mas marami pang aspekto, sinasabi sa mga tao kung paano umasal upang makasunod sila sa landas na dapat nilang tahakin, kung paano magsagawa gaya nang dapat gawin ng isang nilikha, anong mga pananaw at saloobin ang dapat mayroon ang mga tao patungkol sa mga materyal na bagay, kasikatan at pakinabang, at kung paano sila dapat pumili. Hindi na kailangang sabihin pa na bagama’t ang mga salita ng Diyos ay hindi direktang nagsasabi sa mga tao kung paano ituring ang mga interes, ipinahihiwatig na ipinapahayag din ng Kanyang mga salita kung ano ang mga pananaw ng Diyos tungkol sa mga interes ng tiwaling sangkatauhan, at ipinaliliwanag nang napakalinaw na dapat isantabi ng mga tao ang kanilang sariling mga pananaw, kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, umasal ayon sa posisyon nila bilang nilikha, at manatili sa kanilang puwesto. Sa puso ng Diyos, sadya ba Niyang pinagkakaitan ang mga tao ng kanilang mga interes sa pamamagitan ng paghingi na kumilos sila sa ganitong paraan? Talagang hindi. Sinasabi ng ilang tao na, “Sa iglesia, palaging pinag-uusapan ang mga interes ng sambahayan ng diyos at ang mga interes ng iglesia, pero bakit walang nag-uusap tungkol sa mga interes nating mga tao? Sino ang nangangalaga sa ating mga interes? Hindi ba’t dapat mayroon din tayong mga karapatang pantao? Dapat din tayong bigyan ng mga kaunting pakinabang. Bakit hindi man lang tayo binibigyan ng maliit na bagay? Bakit lahat ng interes ay nasa diyos? Hindi ba’t makasarili rin ang diyos?” Ang pagsasabi nito ay labis na mapaghimagsik at taksil. Malinaw na maling sabihin ang bagay na ito. Ang isang taong may pagkatao ay tiyak na hindi kayang magsabi nito, mga diyablo lang ang nangangahas na magsabi ng iba’t ibang mapaghimagsik na bagay. May iba namang nagsasabi na: “Palaging sinasabi ng Diyos sa mga tao na huwag isipin ang kanilang pansariling mga interes. Palagi Niyang sinasabi na huwag magpakana para sa sariling kapakanan. Gusto ng mga tao na mamukod-tangi sa pamamagitan ng paggawa o pagtamo ng isang bagay na naghihikayat sa lahat ng tao na sambahin sila. Sinasabi ng Diyos na isa itong ambisyon. Gusto ng mga tao na ipaglaban ang pansariling mga interes, kumain ng masasarap na pagkain, magpakasaya sa buhay, naisin ang kaginhawahan ng laman, at mamuhay nang marangal sa gitna ng sangkatauhan. Sinasabi ng Diyos na pinagbibigyan lamang ng mga tao ang sarili nilang mga interes sa ganitong paraan, at dapat nilang isantabi ang mga ito. Kung isasantabi natin ang lahat ng interes na ito, paano tayo makapamumuhay nang mas maganda?” Kung hindi naiintindihan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, palagi silang may salungatan sa mga hinihingi ng Diyos, at palagi silang makikipag-alitan sa Diyos tungkol sa mga bagay na ito. Katulad ito ng ilang magulang na nagtatrabaho nang husto sa kalahati ng buhay nila para palakihin ang kanilang mga anak at pagod na pagod na kaya nagkaroon na sila ng iba’t ibang karamdaman. Nag-aalala ang mga magulang na baka bumigay na ang katawan nila at wala nang susuporta sa kanilang mga anak, kaya bumibili sila ng ilang produktong pangkalusugan. Ang mga anak naman ay walang kaalam-alam at nang makita nila ang mga produktong ito, sinasabi nila: “Ni hindi nga ako nakakabili ng bagong mga damit sa loob ng ilang taon, paanong nakakabili ka pa rin ng mga produktong pangkalusugan? Dapat iniipon mo ang perang iyan para sa pagkokolehiyo ko.” Nakakasakit ba sa damdamin ng mga magulang ang pahayag na ito? Ginagawa ng mga magulang ang lahat ng ito hindi para sa kanilang sariling mga interes, at hindi dahil gusto nilang tamasahin ang kaginhawahan ng laman, o dahil gusto nilang mabuhay nang mas matagal at mas komportable at makibahagi sa magandang kapalaran ng mga anak nila sa hinaharap. Hindi ito para sa mga dahilang ito. Para saan nila ito ginagawa? Ginagawa nila ito alang-alang sa kanilang mga anak. Hindi ito naiintindihan ng mga anak at sinisisi pa nga nila ang kanilang mga magulang—hindi ba’t ito ay pagtataksil? (Oo.) Kung hindi naiintindihan ng mga anak ang mga layunin ng mga magulang nila, maaaring hindi sila magkasundo, hanggang sa punto ng pagkakaroon ng pagtatalo, at masaktan ang damdamin ng mga magulang nila. Kaya naman, nauunawaan ba ninyo ang puso ng Diyos? Ito ay isang usapin ng pag-unawa sa katotohanan. Bakit kinokondena ng Diyos ang mga kaugalian ng mga tao ng pagtugon sa sarili nilang mga interes at ambisyon? Dahil ba makasarili ang Diyos? Dahil ba sinasabi ng Diyos sa mga tao na huwag maghangad ng mga pansariling interes para gawin silang dukha at kahabag-habag? (Hindi.) Tiyak na hindi ganoon. Nais ng Diyos na maging mabuti ang mga tao, at pumaparito ang Diyos para gawin ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa mga tao upang magkaloob ng mga pagpapala sa sangkatauhan at dalhin ang mga tao sa isang magandang hantungan. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para makamit ng mga tao ang katotohanan at makamit ang buhay, upang maging karapat-dapat silang tumanggap ng pangako at mga pagpapala ng Diyos. Gayumpaman, lubos na ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao at mayroon silang mga tiwaling disposisyon, at dapat silang magdusa nang labis para makamit ang katotohanan at buhay. Kung hinahangad ng lahat ang mga pansariling interes at gustong mamuhay ng maginhawang buhay para matugunan ang labis na mga pagnanasa ng laman, ngunit hindi naman nagsusumikap na hangarin ang katotohanan, ano ang mga kahihinatnan? Hindi nila matatamo ang katotohanan, at hindi sila madadalisay at maliligtas. Ano ang mga kahihinatnan ng hindi nila pagkaligtas? Silang lahat ay dapat mamatay sa mga sakuna. Ito ba ang panahon para magpakasasa sa kasiyahan ng laman? Hindi. Ang sinumang hindi nakakapagkamit ng katotohanan ay dapat mamatay. Kaya, hinihingi ng Diyos sa mga tao na talikuran ang makalamang mga interes nila at hangarin ang katotohanan. Ito ay para sa kapakanan ng mga tao, para sa kapakanan ng buhay nila, at para sa kapakanan ng kaligtasan nila. Kapag nakamit na ng mga tao ang katotohanan at naligtas na, darating anumang oras ang pangako at mga pagpapala ng Diyos. Walang nakakaalam kung ilang daan o libong beses na mas malaki kaysa sa mga kasiyahan ng laman na iniisip ng mga tao ang mga pagpapalang ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao. Paanong hindi nakikita ng mga tao ang mga ito? Bulag ba silang lahat sa mga ito? Bakit, kung gayon, palaging hinihingi ng Diyos sa mga tao na isantabi ang kanilang sariling mga interes at ipagtanggol ang mga interes ng Diyos at mga interes ng sambahayan ng Diyos? Sino ang makakapagpaliwanag ng bagay na ito? (Hinihingi ng Diyos sa mga tao na talikuran ang mga pansariling interes dahil ang mga tao ay ginawang tiwali ni Satanas, at ang mga interes nila ay hindi naaayon sa katotohanan. Sa pag-uutos sa mga tao na ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, tinuturuan ng Diyos ang mga tao kung paano sila kumilos at mamuhay nang tama. Ito ay dahil din ang lahat ng gawaing ginagawa ng Diyos ay para iligtas ang mga tao, at kung may isang taong hindi alam kung paano ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi siya karapat-dapat na tawaging tao.) May ilang praktikal na punto sa sinasabi mo. (May isang bagay akong gustong idagdag. Nahumaling ako sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Pakiramdam ko ay mayroon akong ilang kaloob at na dapat itaas ang aking ranggo bilang superbisor. Gayunpaman, sa tuwing eleksiyon, natatalo ako, at sinisisi ko ang Diyos sa puso ko—bakit hindi ipinagkakaloob sa akin ng Diyos ang munting hiling na ito? Sa kalaunan, matapos dumanas ng ilang kabiguan, binasa ko ang mga salita ng Diyos at pinagnilayan ang sarili ko, at napagtanto ko na madalas akong naiinggit at nakikipag-away dahil sa paghahangad ko ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi ako nakikipagtulungan nang maayos sa mga kapatid ko. Hindi lamang sa wala akong nagawang anumang pag-usad sa buhay ko, kundi nagdulot din ako ng ilang kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Napagtanto kong ang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at mga pansariling interes ay hindi isang tamang pananaw sa buhay o tamang layon na dapat hangarin; isa itong maling pananaw na ikinikintal ni Satanas sa mga tao upang malihis sila, at napakamapanganib ng gayong paghahangad. Sinasabi ng Diyos sa mga tao na huwag maghangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan hindi dahil gusto Niyang bigyan sila ng problema, hindi rin dahil gusto Niyang pahirapan sila, kundi dahil isa itong napakamapanganib na landas, at ang gayong mga paghahangad ay magdudulot lamang sa huli ng pagwawakas nang walang napapala.) Sa pagsasabing “walang napapala” at “napakamapanganib,” ano sa tingin ninyo ang panganib na tinutukoy niya? Usapin lang ba talaga ito ng pagwawakas nang walang napapala at wala nang iba? Anong klaseng landas ito? (Ang landas tungo sa pagkawasak.) Ang ganitong paghahangad ay isang landas ng paglaban sa Diyos. Hindi ito paghahangad ng katotohanan, kundi paghahangad ng katayuan at katanyagan. Paglakad ito sa landas ng mga anticristo. Kahit gaano pa kamarapat sa tingin mo ang mga kahilingan at adhikain mo, hindi ito ang nais ng Diyos, hindi ang ganitong uri ng paghahangad. Hindi nais ng Diyos na maghangad ka sa ganitong paraan. Kung ipipilit mong manatili sa sarili mong landas, kung gayon, ang huling kahihinatnan mo ay hindi lamang magwawakas ka nang walang napapala, kundi tatahak ka rin sa isang landas ng paglaban sa Diyos. Ano ang panganib dito? Lalabanan mo ang Diyos, magagalit sa Diyos at kokontra sa Kanya, at maninindigan laban sa Kanya, at ang kalalabasan ay pagkawasak. Mayroon pa bang idadagdag? (Diyos, may gusto akong idagdag. Ngayon lang ay itinanong ng Diyos, bakit ayaw ng Diyos na ipagtanggol ng mga tao ang sarili nilang mga interes, bagkus ay ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Sa pagkakaintindi ko, nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, at ang lahat ng bagay ay nagmumula sa Diyos. Ang bawat bagay na nilikha ng Diyos ay para sa mga tao. Anuman ang ginagawa ng Diyos—kabilang na ang dalawang beses na pagkakatawang-tao Niya para gawin ang lahat ng gawaing ito, at kasama na rin ng lahat ng gawaing ito ngayon ang pagtatatag ng iglesia—sa katunayan, lahat ito ay alang-alang sa pagliligtas sa mga tao. Kapag nananampalataya na ang mga tao sa Diyos, nagsisimulang mamuhay ng buhay iglesia, at nakakagawa ng mga tungkulin nila, mayroon na silang landas ng kaligtasan. Samakatwid, ang paghiling ng Diyos sa atin na isantabi ang ating mga pansariling interes ay hindi pagkakait, sapagkat tayo rin mismo ang makikinabang sa huli sa pagtatanggol sa mga interes ng Diyos at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos.) Mabuti talaga. Ang pangkalahatang kahulugan ng pinagbabahaginan ninyo ay tama kung tutuusin. May mga taong nag-uusap tungkol sa personal nilang mga karanasan, at may iba namang nag-uusap tungkol dito mula sa teoretikal na perspektiba. Sa pangkalahatan, ang nauunawaan ninyo ay katulad na ideya na ang mga interes ng Diyos ay marapat at ang mga interes ng mga tao ay hindi marapat. Ang mga interes lamang ng Diyos ang maaaring tawaging mga interes, samantalang ang mga interes ng mga tao ay hindi dapat umiral. Lalo na ang “mga interes ng mga tao”—ang pariralang ito, ang ekspresyong ito, ang katunayang ito—ay hindi isang bagay na dapat tamasahin ng mga tao. Ang mga interes ng Diyos ay nauuna sa lahat at dapat na ipagtanggol. Ito ang pinakasimpleng nauunawaan ninyo. Ibig sabihin, dapat magkaroon ng responsabilidad ang mga tao na ipagtanggol ang mga interes ng Diyos at dapat nilang tingnan nang tama ang mga interes ng Diyos, samantalang ang mga interes ng mga tao ay dapat tingnan nang may paghamak at alisin, sapagkat hindi gaanong maluwalhati ang mga interes ng mga tao. Mula sa pananaw ng tao—dahil sa ugat ay may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at sa loob-loob ay nadudungisan sila ng mga tiwaling disposisyon—lahat ng interes ng mga tao, sa kahit saang anggulo ninyo tingnan ang mga ito, at kung nahahalata man ang mga ito o hindi nahahalata, ay nabibilang sa kategorya ng hindi marapat. Kaya, kung maisasantabi man ng mga tao ang mga ito o hindi, napagtanto na nila na dapat isantabi ang mga interes ng mga tao, at na ang mga interes ng Diyos ang dapat ipaglaban at ipagtanggol. May pinagkasunduan sa puntong ito. Ngayong mayroon na tayong pinagkasunduan, magbahaginan tayo kung ano talaga ang mga interes ng Diyos.

Ano nga ba talaga ang mga interes ng Diyos? Maaari bang gawing pantay-pantay ang mga interes ng Diyos, mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ang mga interes ng iglesia? Maaaring sabihin na ang “Diyos” ay isang titulo, at kasingkahulugan din ito ng diwa ng Diyos. Paano naman ang “sambahayan ng Diyos” at ang “iglesia”? Ang sambahayan ng Diyos ay may malawak na saklaw, samantalang ang iglesia ay mas partikular. Maaari bang gawing pantay-pantay ang mga interes ng Diyos, mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ang mga interes ng iglesia? (Hindi, hindi maaari.) May ilang tao na nagsasabing hindi maaari, pero sa totoo lang, maaari nga ba? Parehong bagay ba ang mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, mga atas administratibo ng iglesia, at mga atas administratibo na ipinahayag ng Diyos? (Oo.) Pare-pareho lang ang mga ito. Mula sa perspektibang ito, maaaring ituring na pantay-pantay ang mga interes ng tatlong ito. Umiiral lamang ang sambahayan ng Diyos kasama ang Diyos at ang Kanyang hinirang na mga tao, at umiiral lamang ang iglesia kasama ang hinirang na mga tao na ito ng sambahayan ng Diyos. Ang iglesia ay isang mas partikular na “nasasakupang yunit” ng sambahayan ng Diyos. Ang sambahayan ng Diyos ay isang mas malawak na termino, samantalang ang iglesia ay mas partikular. Maaari bang gawing pantay-pantay ang mga interes ng Diyos, mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ang mga interes ng iglesia? Sa palagay ba ninyo ay dapat pantay-pantay ang mga ito? Hindi ninyo alam? Kung gayon, subukan muna nating pagpantay-pantayin ang mga ito para masuri. Halimbawa, ang kaluwalhatian ng Diyos ay interes ng Diyos. Ayos lang bang sabihin na ito ang kaluwalhatian ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Hindi ayos iyon. Ang sambahayan ng Diyos ay isang pangalan, hindi ito kumakatawan sa diwa ng Diyos. Ayos lang bang sabihin na ang kaluwalhatian ng Diyos ay ang kaluwalhatian ng iglesia? (Hindi.) Malinaw na hindi rin ayos iyon. Ang kaluwalhatian ng iglesia ay ang kaluwalhatian ng lahat ng kapatid. Ang pagpapantay nito sa kaluwalhatian ng Diyos ay labis na kapangahasan. Hindi kayang pasanin ng mga tao ang kaluwalhatiang ito, at gayundin ang sambahayan ng Diyos o ang iglesia. Mula sa perspektibang ito, maaari bang gawing pantay-pantay ang mga interes ng Diyos, mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ang interes ng iglesia? (Hindi, hindi maaari.) Hindi, hindi maaari. Mula sa ibang perspektiba, maaari bang gawing pantay-pantay ang parte ng gawain na ginagawa ng Diyos, ang parte ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at ang parte ng gawain ng iglesia? Halimbawa, sinasabi ng Diyos sa mga tao na ipangaral ang ebanghelyo at ipalaganap ang mga salita ng Diyos. Ito ay layunin ng Diyos, at ito rin ang iniaatas ng Diyos sa mga tao. Kapag ang atas na ito ay itinalaga sa sambahayan ng Diyos, maaari bang ipantay ang gawaing ito sa gawaing pinaplanong gawin ng Diyos? Kung ano ang iniaatas ng Diyos ay parte rin ng Kanyang gawain, at ang partikular na parteng ito ay maaaring ipantay sa gawaing pinaplanong gawin ng Diyos. Kapag itinalaga sa iglesia ang atas na ito, maaari ba itong ipantay sa gawain ng Diyos? (Oo.) Oo, maaari. Isa sa dalawang halimbawang ito ay may kinalaman sa diwa ng Diyos, kung saan ang Diyos, ang sambahayan ng Diyos, at ang iglesia ay hindi maaaring gawing pantay-pantay. Ang isa pang halimbawa ay may kinalaman sa gawaing ginagawa ng Diyos, sa atas ng Diyos, at sa mas partikular, sa mga hinihingi ng Diyos para sa lahat—maaaring gawing pantay-pantay ang mga bagay na ito. Pagdating sa bagay-bagay na may kinalaman sa kaluwalhatian ng Diyos, pagkakakilanlan ng Diyos, diwa ng Diyos, at patotoo ng Diyos, maaari bang gawing pantay-pantay ang Diyos, ang sambahayan ng Diyos, at ang iglesia? (Hindi.) Ang sambahayan ng Diyos at ang iglesia ay hindi maaaring magtaglay ng patotoo at kaluwalhatiang ito, at hindi maaaring ipantay sa Diyos, ngunit kapag tungkol ito sa isang partikular na gawain o atas, maaaring pantay-pantay ang mga ito. Nagbahaginan na tayo noong nakaraan tungkol sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia, at marami tayong napag-usapan tungkol dito. Ngayon, pagtutuunan natin ang pagbabahaginan tungkol sa kung ano nga ba ang mga interes ng Diyos, at kung ano nga ba ang mga bagay na hindi alam ng mga tao, na hindi kailanman naisip ng mga tao, at na malapit na nauugnay sa Diyos at itinuturing na mga interes ng Diyos. Kung ito man ay isang pangngalan, isang kasabihan, o isang bagay na nauugnay sa diwa at pagkakakilanlan ng Diyos, aling mga bagay ang mga interes ng Diyos? (Ang kaluwalhatian ng Diyos.) Ang kaluwalhatian ng Diyos ay tiyak na, ang patotoo na natatamo ng Diyos mula sa mga tao. Ano-ano pa ang kabilang? Ang gawain ng Diyos, ang plano ng pamamahala ng Diyos, ang pangalan ng Diyos, ang patotoo ng Diyos, ang pagkakakilanlan ng Diyos, at ang katayuan ng Diyos—lahat ng ito ay mga interes Niya. Para sa Diyos, ano ang pinakamahalagang bagay na nais Niyang protektahan? Ito ba ang pangalan ng Diyos, ang kaluwalhatian ng Diyos, ang patotoo ng Diyos, o ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos? Ano nga ba mismo? Ang plano ng pamamahala ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan ay ang pinakamahalagang bagay na nais protektahan ng Diyos. Ang 6,000-taong plano ng pamamahala ng Diyos ay ang lahat ng gawain na pinaplanong gawin ng Diyos sa loob ng 6,000-taong panahon. Para sa Diyos, ito ang pinakamahalagang bagay. Maaaring sabihin na dapat ito ang interes ng Diyos na makikita sa mga mata ng mga nilikhang tao. Ang maaaring nauunawaan ng mga tao tungkol sa mga interes ng Diyos, at kung ano ang dapat maunawaan ng mga tao, ay maaaring hanggang doon na lang. Kasunod, pag-usapan natin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Pagdating sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, bukod sa pagtatanggol sa pangalan ng Diyos, kaluwalhatian ng Diyos, at patotoo ng Diyos, ano pang iniatas ng Diyos sa sangkatauhan na dapat ipagtanggol ng mga tao? (Ang plano ng pamamahala ng Diyos.) Tama, ang pinakamalaking atas ng Diyos sa sangkatauhan ay ang pinakamalaking interes ng sambahayan ng Diyos. Kung gayon, ano ang interes na ito? Ito ay para sa 6,000 taong plano ng pamamahala ng Diyos na isasakatuparan sa sangkatauhan, at siyempre kasama rito ang lahat ng uri ng aspekto. Kung gayon, ano-ano ang kasama rito? Kasama rito ang pagtatatag at pagbuo ng iglesia, at ang paghubog sa mga lider at manggagawa sa lahat ng antas ng iglesia, upang makapagpatuloy nang walang hadlang ang iba’t ibang gampanin ng iglesia at ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo—lahat ng ito ay may kinalaman sa mga interes ng iglesia. Ang mga ito ang pinakamahalagang bagay sa mga interes ng Diyos, sambahayan ng Diyos, at sa iglesia, na madalas nating pinag-uusapan. Para maipalaganap ang gawain ng Diyos, para maipagpatuloy nang walang sagabal ang plano ng pamamahala ng Diyos, para maisakatuparan nang walang sagabal ang layunin ng Diyos at kalooban ng Diyos sa sangkatauhan, at para maipalaganap ang mga salita ng Diyos, maipakalat, at maiproklama nang mas malawakan sa mga tao, upang mas maraming tao ang lumapit sa Diyos—ito ang mga layon at ang pinakapuso ng lahat ng gawain ng Diyos. Tulad nito, anumang may kaugnayan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at sa mga interes ng iglesia ay tiyak na kaugnay sa kalooban ng Diyos at sa plano ng pamamahala ng Diyos. Sa partikular, ito ay isang usapin ng kung, sa bawat panahon at bawat yugto, nakakapagpatuloy ba ang gawain ng Diyos nang walang sagabal at kung naipapalaganap ba ito, at kung naisasakatuparan at umuusad ba ito nang maayos sa sangkatauhan. Kung ang lahat ng ito ay normal na nakakapagpatuloy, kung gayon, mapoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang iglesia, at mapoprotektahan din ang kaluwalhatian ng Diyos at ang patotoo ng Diyos. Kung nahahadlangan ang gawain ng Diyos sa sambahayan ng Diyos at sa iglesia, at hindi makapagpapatuloy nang walang sagabal, at nahahadlangan ang layunin ng Diyos at ang gawaing pinaplanong gawin ng Diyos, kung gayon, tiyak na lubos na mapipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia—konektado ang mga bagay na ito. Ibig sabihin, kapag lubos na napipinsala o nahahadlangan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia, tiyak na lubhang mapipigilan ang plano ng pamamahala ng Diyos, at lubos ding mapipinsala ang mga interes ng Diyos.

Pagkatapos magbahaginan tungkol sa kung ano ang mga interes ng Diyos, susunod nating pag-usapan kung ano ang mga interes ng mga tao. Bahagya lang nating napag-usapan ang tungkol sa mga interes ng mga tao, ngayon, pag-usapan natin ang kalikasan ng mga interes ng mga tao batay sa depinisyon ng mga ito, at tukuyin ang kalikasan ng mga ito. Bakit hinihiling ng Diyos na isantabi ng mga tao ang mga interes nila? Wala bang ganitong karapatan ang mga tao? Hindi ba binibigyan ng Diyos ng karapatang ito ang mga tao? Hindi ba nararapat sa mga tao ang mga karapatang ito? Hindi ba ganoon? Kung titingnan ito mula sa ilang aspektong iyon ng mga interes ng mga tao na pinag-usapan natin kanina, para saan naghahangad ng mga interes ang mga tao? (Para sa sarili nila.) Ang “para sa sarili nila” ay isang pangkalahatang pahayag. Sino ang sarili nila? (Ang mga Satanas.) Kung nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at kaya nilang mamuhay ayon sa katotohanan, at nagtatamo sila ng pagbabago sa disposisyon at naliligtas, at hinahangad nila kung ano ang gusto nila, hindi ba’t magiging kaayon ng Diyos ang paghahangad na ito? Ngunit bago pa ang pagbabago at pagliligtas, ang mga bagay na tanging hinahangad ng mga tao ay kasikatan at pakinabang, ang napakaraming aspektong nauugnay sa laman; lubos na mapanlaban at kontra sa katotohanan ang mga ito, isang napakalaking paglabag sa katotohanan, ang mga ito ang mismong kabaligtaran ng katotohanan. Kung sabihin ng isang tao na mahal niya ang katotohanan at hinahangad niya ang katotohanan, subalit sa diwa, ang layong hinahangad niya ay gawing tanyag ang sarili, magpakitang-gilas, gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, makamit ang kanyang sariling mga interes, at ang pagganap ng kanyang tungkulin ay hindi upang magpasakop o bigyang-kaluguran ang Diyos, at sa halip ay upang magtamo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, kung gayon ay hindi lehitimo ang kanyang paghahangad. At kung ganoon ang kaso, pagdating sa gawain ng iglesia, balakid ba ang kanyang mga kilos, o nakakatulong ba ang mga ito upang maisulong iyon? Malinaw na balakid ang mga ito; hindi napapasulong ng mga ito ang gawain ng iglesia. Ang ilang tao ay nagkukunwaring gumagawa ng gawain ng iglesia subalit naghahangad naman ng sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagpapatakbo ng sarili nilang operasyon, bumubuo ng sarili nilang maliit na grupo, ng sarili nilang munting kaharian—ginagawa ba ng ganitong uri ng tao ang kanyang tungkulin? Lahat ng gawaing ginagawa nila, sa esensya, ay nakakagambala, nakakagulo, at nakakapinsala sa gawain ng iglesia. Ano ang kahihinatnan ng paghahangad nila ng kasikatan, pakinabang, at katayuan? Una, naaapektuhan nito kung paano kinakain at iniinom ng mga taong hinirang ng Diyos ang salita ng Diyos nang normal at paano nila nauunawaan ang katotohanan, hinahadlangan nito ang kanilang buhay pagpasok, pinipigilan silang pumasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, at inaakay sila patungo sa maling landas—na nakakapinsala sa mga taong hinirang, at dinadala sila sa kapahamakan. At ano ang ginagawa nito sa gawain ng iglesia sa huli? Ito ay panggugulo, pamiminsala, at pagbuwag. Ito ang kahihinatnang idinudulot ng paghahangad ng mga tao sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin sa ganitong paraan, hindi ba ito masasabing pagtahak sa landas ng isang anticristo? Kapag hinihingi ng Diyos na isantabi ng mga tao ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, hindi naman sa pinagkakaitan Niya ang mga tao ng karapatang mamili; bagkus, ito ay dahil habang hinahangad ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagagambala at nagugulo ng mga tao ang gawain ng iglesia at ang buhay pagpasok ng mga taong hinirang ng Diyos, at maaari pa ngang makaimpluwensiya sa pagkain at pag-inom ng maraming tao ng mga salita ng Diyos, sa pag-unawa nila sa katotohanan, at sa pagkamit nila ng kaligtasan ng Diyos. Ito ay isang katunayang hindi mapag-aalinlanganan. Kapag hinahangad ng mga tao ang sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, siguradong hindi nila hahangarin ang katotohanan at hindi nila matapat na tutuparin ang kanilang tungkulin. Magsasalita at kikilos lamang sila alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at lahat ng gawaing ginagawa nila, nang wala ni katiting na eksepsyon, ay alang-alang sa mga bagay na iyon. Ang umasal at kumilos sa gayong paraan ay walang pagdududang pagtahak sa landas ng mga anticristo; ito ay isang paggambala at panggugulo sa gawain ng Diyos, at lahat ng iba’t ibang kahihinatnan nito ay nakakahadlang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian at sa pagsasakatuparan sa kalooban ng Diyos sa loob ng iglesia. Kaya, maaaring sabihin ng isang tao nang may katiyakan na ang landas na tinatahak ng mga naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay ang landas ng paglaban sa Diyos. Ito ay sadyang paglaban sa Kanya, pagkontra sa Kanya—ito ay ang makipagtulungan kay Satanas sa paglaban sa Diyos at pagsalungat sa Kanya. Ito ang kalikasan ng paghahangad ng mga tao sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ang mali sa mga taong naghahangad ng pansarili nilang mga interes ay ang hinahangad nila ang mga mithiin ni Satanas, at ang mga ito ay masasama at mga hindi makatarungang layon. Kapag hinahangad ng mga tao ang mga personal na interes gaya ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, hindi nila namamalayang nagiging kasangkapan na pala sila ni Satanas, nagagamit na sila ni Satanas, at, higit pa rito, nagiging kinatawan sila ni Satanas. Isang negatibong papel ang ginagampanan nila sa iglesia; sa gawain ng iglesia, at sa normal na buhay iglesia at normal na paghahangad ng mga taong hinirang ng Diyos, ang epekto nila ay mang-abala at maminsala; mayroon silang masama at negatibong epekto. Kapag hinahangad ng isang tao ang katotohanan, nagagawa niyang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at ang pasanin ng Diyos. Kapag ginagawa niya ang kanyang tungkulin, itinataguyod niya ang gawain ng iglesia sa lahat ng aspekto. Nagagawa niyang dakilain ang Diyos at magpatotoo sa Diyos, pakinabang ang dulot niya sa mga kapatid, at sinusuportahan at tinutustusan niya ang mga ito, at nakakamit ng Diyos ang kaluwalhatian at patotoo, na nagdadala ng kahihiyan kay Satanas. Bilang resulta ng kanyang paghahangad, nagkakamit ang Diyos ng isang nilikha na tunay ngang may kakayahang matakot sa Diyos at tumalikod sa kasamaan, na nagagawang sambahin ang Diyos. Bilang resulta rin ng kanyang paghahangad, naisasakatuparan ang kalooban ng Diyos, at ang gawain ng Diyos ay umuunlad. Sa mga mata ng Diyos, positibo ang gayong paghahangad, ito ay matapat. Ang gayong paghahangad ay napakalaking pakinabang para sa mga hinirang ng Diyos, at lubos ding kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia, nakakatulong ito upang mapausad ang mga bagay-bagay, at sinasang-ayunan ito ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.