Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikapitong Bahagi) Ikatlong Seksiyon

2. Pagbebenta ng mga Aklat ng mga Salita ng Diyos para sa Personal na Pakinabang

Susunod, pagbabahaginan natin ang pangalawang aspekto, ito ay ang aktuwal na pag-uugali at pamamaraan ng mga anticristo sa pagtrato sa mga salita ng Diyos bilang mga kalakal. Ang pamamaraang ito ay kinabibilangan ng ganitong uri ng anticristo na tinatrato ang iba’t ibang uri ng mga aklat ng mga salita ng Diyos bilang mga kalakal. Kapag nakuha nila ang mga aklat na ito ng mga salita ng Diyos, naniniwala silang nakuha na nila ang puhunan para kumita ng pera, na mayroon na silang mga ari-ariang kailangan para gawin ito. Ang mga aklat na ito, kung saan nakaimprenta ang mga salita ng Diyos, ay nagiging mga ari-arian nila, mga kalakal na balak nilang ibenta, at ang mga bagay na ginagamit nila para kumita ng labis-labis na tubo. Ipinagkakait ng mga anticristo ang mga aklat na ito, hindi ipinamamahagi ang mga ito ayon sa prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos kundi hinahangad nilang kumita ng tubo sa hindi tamang paraan batay sa kanila mismong mga layunin. Ano ang prinsipyo ng pamamahagi ng mga aklat sa sambahayan ng Diyos? Ito ay para ipamahagi ang mga ito sa lahat ng mahilig magbasa ng mga salita ng Diyos at sa mga nauuhaw sa katotohanan, at gawin ito nang libre. Gaano man karaming tao ang tumatanggap ng mga ito o gaano man karaming aklat ang ipinamahagi, palaging walang bayad ito. Kapag nananampalataya sa Diyos sa Kristiyanismo, hindi libre ang Bibliya; kailangan itong bilhin. Pero ngayon, libreng ipinamahagi ng sambahayan ng Diyos ang mga salitang ito ng Diyos at ang mga aklat na ito, na isang mahalagang punto. Gayumpaman, lumilitaw ang problema kapag nakakakuha ng mga aklat na ito ang mga anticristo at hindi libreng ipinamamahagi ang mga ito, nang ayon sa prinsipyo. Sa ilalim ng mga normal na sitwasyon, ipinamamahagi ng mga may kaunting may-takot-sa-Diyos na puso ang mga aklat na ito nang libre ayon sa prinsipyo, nang hindi naniningil o naghahangad na makapagtamo ng labis-labis na tubo sa hindi tamang paraan. Gayumpaman, ang mga anticristo lamang ang nag-iisip na dumating na ang pagkakataon para makapagnegosyo kapag nakakuha sila ng mga aklat na ito. Kaya lumilitaw ang ambisyon at kasakiman nila: “Ang pamimigay ng gayon kakakapal at kagagandang aklat nang libre—hindi ba’t pagkalugi naman iyon? Hindi ba’t kahangalan ang hindi ito pagkakitaan? Bukod dito, hindi mabibili sa ibang lugar ang mga aklat na ito, at nanaisin itong basahin ng karamihan sa mga nananampalataya sa diyos, anuman ang halaga nito.” Kapag naintindihan nilang ganito ang mentalidad ng mga tao, nagsisimulang makabuo ng mga partikular na kaisipan ang mga anticristo: “Hindi ko puwedeng palampasin ang pagkakataong ito na kumita; bihira ang mga ganitong pagkakataon. Sa pamamahagi ng mga aklat, dapat kong hati-hatiin ang mga tao ayon sa mga antas, sisingilin ko nang mas malaki ang mayayaman, katamtamang presyo sa mga karaniwang tao, mas mababang presyo sa mahihirap o hindi talaga ako mamamahagi sa kanila, magbibigay ako ng diskwento sa mga pumupuri sa akin, at maniningil ako nang mas malaki sa mga hindi ko kasundo.” Naaayon ba ito sa mga patakaran ng sambahayan ng Diyos para sa pamamahagi ng mga aklat? (Hindi.) Pagnenegosyo ito. Nakakabuo ng mga ganitong uri ng ideya ang mga anticristo; isinasantabi kung ipinamamahagi ba nila ang mga aklat ayon sa mga regulasyon at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, pag-usapan muna natin kung paano nila tinatrato ang mga salita ng Diyos. Kapag nasa mga kamay na nila ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, pinapahalagahan ba nila ang mga ito? (Hindi.) Hindi sila interesado sa paraan ng pamumuhay o sa katotohanang sinasabi sa mga salita ng Diyos; hindi nila pinapahalagahan ang mga ito at hindi nga sila nag-uusisa tungkol dito kahit kaunti. Paimbabaw lang nilang binabasa nang pahapyaw ang mga aklat, kaswal na binubuklat at sinusulyapan ang mga pahina: “Tinatalakay lang nito ang tungkol sa kung paano ginagawa ng diyos ang gawain ng paghatol sa mga tao, kung paano niya nalupig ang isang grupo ng mga tao, at kung paano niya binibigyan ang mga tao ng magandang destinasyon. Walang mga detalye roon tungkol sa hinaharap ng sangkatauhan, kaya hindi masyadong interesante ang aklat na ito. Bagaman hindi masyadong interesante ang aklat, maraming tao ang gustong magbasa nito. Maganda ito; maaari ko itong pagkakitaan.” Kapag napasakamay nila ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, nagiging mga kalakal ang mga ito, na nangangahulugang maraming tao, ilang tao kahit papaano, ang kailangang gumastos ng pera para bilhin ang mga aklat na ito. Nanghihimasok ang mga anticristo at ginagawa nilang isang transaksyon ang libreng pamamahagi ng mga aklat na ito ng sambahayan ng Diyos, ibinebenta ang mga ito sa ilalim ng pagbabalatkayo ng pananampalataya sa Diyos, paggawa ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at pagiging responsable sa pamamahagi ng mga aklat ng mga salita ng Diyos. Para sa Diyos, walang bayad na itinutustos ang mga binigkas Niyang salita sa lahat ng nakikinig nang mabuti sa Kanyang mga salita; libre ang mga ito, walang hinihinging anumang kapalit. Ang hinihingi lamang sa mga tao ay tumanggap, magsagawa, at dumanas, para makamit ang pagpapasakop sa mga salita ng Diyos, at para maging isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Pagkatapos ay nasiyahan ang Diyos, nakamit ang Kanyang mithiin, at hindi binigkas nang walang saysay ang Kanyang mga salita. Gumiginhawa ang Kanyang pakiramdam dahil dito. Ito ang hangarin ng Diyos at ang layunin din ng Kanyang anim na libong taong gawain ng pamamahala na isinakatuparan sa tao, ang pinakamagandang pagnanais ng Lumikha para sa mga nilikha. Itinutustos ng Diyos ang Kanyang mga salita, kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya, at kung ano ang Kanyang mga layunin nang walang bayad at tuluy-tuloy sa mga sumusunod sa Kanya. Isa itong napakalinis, banal na gawain, isang napakagandang gawa; walang transaksyon na sangkot dito. Para sa bawat taong nakikinig nang mabuti at nananabik sa mga salita ng Diyos, walang katumbas na halaga ang bawat pangungusap na sinasabi ng Diyos. Libreng tinatanggap ng mga tao mula sa Diyos ang katotohanan at ang Kanyang mga salita, at sa kaibuturan ng kanilang puso, ang gusto nilang gawin para sa Diyos ay suklian Siya, matugunan ang Kanyang mga layunin, at tulutan Siya na makaramdam ng kaginhawahan, para mabilis na matapos ang dakila Niyang gawain. Ito ang tahimik na pagkakaintindihan na dapat umiiral sa pagitan ng Lumikha at ng nilikhang sangkatauhan. Gayumpaman, ginagawang isang transaksyon ng mga anticristo ang bagay na ito. Sinasamantala nila ang pagkakataon ng pagsasalita at paggawa ng Diyos, pati na rin ang pangangailangan ng mga tao sa pagtutustos ng mga salita ng Diyos, para maghangad ng personal na kapakinabangan at makakuha ng pera at mga benepisyong hindi nila dapat makuha. Hindi ba’t karapat-dapat sumpain ang isang tao dahil sa gayong pag-uugali? Sa alin sa mga pahayag ng Diyos mo nakita o narinig na nagsasalita ang Diyos sa sangkatauhan nang may kapalit na kabayaran? Magkano para sa isang pangungusap, magkano para sa isang sipi, para sa isang sermon, para sa isang aklat, o para sa isang pagkakataon ng pagpupungos, o paghatol at pagkastigo, o pagpipino, o pagtutustos ng buhay? Sinabi ba kailanman ng Diyos ang gayong mga salita? (Hindi.) Hindi kailanman sinabi ng Diyos ang mga gayong bagay. Ang bawat pangungusap, sipi, at bahaging sinambit ng Diyos, ang bawat pagkakataon ng pagpupungos, pagkakastigo at paghatol, at pagsubok at pagpipino na tinatanggap ng mga tao mula sa Diyos, pati na rin ang pagtutustos at pagbibigay-lakas ng mga salita ng Diyos, at iba pa—sa lahat ng ito, alin sa mga ito ang masusukat sa pera? Alin sa mga ito ang puwedeng makuha ng mga tao kapalit ng pera o mga materyal na bagay, o sa pamamagitan ng pagbabayad ng makamundong halaga? Wala sa mga ito. Walang katumbas na halaga ang lahat ng ginagawa ng Diyos, lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos. Dahil mismo walang katumbas na halaga ang mga ito, dahil walang anumang pera o materyal na bagay na puwedeng ipagpalit ng mga tao para sa mga pag-aari ng Diyos at Kanyang pagiging Diyos, sinasabi ng Diyos na itinutustos Niya ang Kanyang mga salita sa mga tao nang walang bayad. Gayumpaman, hindi nakikita ng mga anticristo ang walang katumbas na halaga at napakahalagang kalikasan ng mga katotohanan at kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano Siya na Kanyang ipinapahayag; sa halip, hinahangad nilang makuha nang di-wasto ang labis na tubo mula sa mga ito, na labis na kahiya-hiya!

Ipinagkakait ng ilang anticristo ang mga salita ng Diyos, hindi ipinamamahagi ang mga ito sa mga kapatid sa ilalim nila para pahirapan ang mga tao, para itaguyod ang kanilang sariling reputasyon at prestihiyo, at para ipadama sa iba na nakakatakot at makapangyarihan sila. Kaya, sa ilang iglesia kung saan ang mga gayong masasamang tao at anticristo ang may kapangyarihan, walang nababasang mga salita ng Diyos o napapakinggang mga sermon ng Diyos ang mga kapatid. Hindi ba’t kasumpa-sumpa ang mga gayong tao? Ano ang turing nila sa mga salita ng Diyos? Bilang kanilang personal na pag-aari. Ibinibigay ng Diyos ang Kanyang mga salita sa mga tunay na nananampalataya at sumusunod sa Diyos; hindi ito ibinibigay sa iisang indibidwal lamang, at siguradong hindi ito personal na pag-aari ng sinuman. Binibigkas sa lahat ng sangkatauhan ang mga salita ng Diyos, at walang sinuman ang puwedeng pumigil sa pagsasalita ng Diyos para sa anumang dahilan o palusot. Pero gayon mismo ang papel na ginagampanan ng mga anticristo, umiiba sa nakagawian para gawin ito. Pagkatapos matanggap ng ilang anticristo ang mga pinakabagong recording ng sermon, pinakikinggan muna nila ang mga ito, at kung may natuklasan silang bagong liwanag at kung may ilang nilalamang hindi nila alam, nagpapasya silang huwag ipamahagi ang serye ng sermon na ito sa mga nasa kanilang pamamahala. Ipinagkakait nila ang mga recording ng sermon nang hindi alam ng iba. Ano ang layon ng pagkakait? Ang layon ay magpakitang-gilas sa mga pagtitipon, na katumbas ng pagbebenta. Sa pamamagitan ng pagpapakitang-gilas na ito, kapag narinig ng mga tao sa ilalim nila ang nilalamang hindi pa nila naririnig dati, na pawang bago, hinahangaan nila ang mga anticristo, at sa ganitong paraan natutupad ang mithiin ng mga anticristo. Hindi maikakaila na sa mga iglesia sa iba’t ibang lugar, siguradong may ilang tao na hindi agaran o ganap na namamahagi ng mga sermon ng pagbabahaginan o ng mga recording; siguradong may mga gayong indibidwal. Bukod dito, namamahagi ang ilang anticristo ng mga aklat ng mga salita ng Diyos batay sa saloobin ng mga tao sa kanila, ibinibigay ang mga ito sa mga nakikisama o pumupuri sa kanila. Kahit na libre ang mga aklat, hindi lahat ay madaling nakakatanggap ng mga ito; nakokompromiso ang prinsipyo ng libre at agarang pamamahagi sa mga kamay ng mga anticristo, na napapailalim sa iba’t ibang kondisyon. Maaaring labag sa loob nilang ibigay ang mga aklat sa mga nasa panig nila o nakikinig sa kanila, pero hindi sa agarang paraan; para sa mga hindi sumasang-ayon sa kanilang mga pananaw o sumasalungat pa nga sa kanila, maaaring ibigay ng mga anticristo ang mga piling aklat o hindi talaga ibigay. Hindi lamang naghahangad ang mga anticristo na makakuha ng labis na tubo sa pamamahagi ng mga aklat ng mga salita ng Diyos, kundi ginagamit din nila ito upang akitin ang mga tao, makuha ang kanilang suporta, pati na rin para supilin at pahirapan ang iba—may kakayahan silang gumawa ng lahat ng uri ng kasamaan. Kaya pa nga nilang pagbantaan ang mga tao, sinasabing kung may magsasalita laban sa kanila, hindi boboto sa kanila, o boboto laban sa kanila, maaari nilang ipagkait ang mga salita ng Diyos bilang paraan ng pagkilos laban sa taong iyon. Samakatwid, ang ilang tao, sa takot na hindi agarang makatanggap ng mga aklat ng mga salita ng Diyos o mga recording ng sermon, ay natatakot sa mga anticristo. Kahit na gumagawa ng kasamaan ang mga anticristo at sila mismo ay nakakaranas ng hindi patas na pagtrato, hindi sila nangangahas na iulat ang mga ito, natatakot na supilin at pahirapan sila ng mga anticristo, na mawalan sila ng ugnayan sa nasa Itaas, at mawalan ng pagdidilig at pagtutustos ng nasa Itaas. Mayroon bang mga gayong tao? Siguradong mayroon, isang daang porsyento. Gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawain ang mga anticristo; hindi lamang sila nakikipaglaban para sa kapangyarihan at kita, bumubuo ng mga paksyon, at lumilikha ng kanilang mga nagsasariling kaharian, kundi wala na rin silang itinatangi pagdating sa pamamahagi ng mga salita ng Diyos. Sinasamantala nila ang anumang bagay na maaaring magbigay-daan sa kanila para di-wastong makakuha ng mga pakinabang, at makuha ang kanilang posisyon at kapangyarihan; wala silang pinalalampas, kabilang na ang mga salita ng Diyos. Nangyari na ba sa inyong iglesia ang mga bagay na ito, sa paligid ninyo? Pinagbabantaan ng ilang anticristo ang mga nasa ilalim nila, sinasabing, “Kung hindi ninyo ako ihahalal, kung iuulat ninyo ako sa itaas, kung hindi ninyo ako magugustuhan, kung magsusumbong kayo at nalaman ko, hindi na kayo makakatanggap ng mga recording ng sermon. Puputulin ko ang inyong panustos, iiwanan ko kayong walang pagkain, uuhawin ko kayo hanggang mamatay, gugutumin ko kayo!” Hindi ba’t malupit ang disposisyon ng mga anticristo? Napakalupit nito! May kakayahan silang gumawa ng lahat ng uri ng masamang bagay.

Kung makatagpo kayo ng mga gayong anticristo, paano ninyo sila pangangasiwaan? Mangangahas ba kayong iulat sila sa Itaas? Mangangahas ba kayong magkaisa at tanggihan sila? (Oo.) Sinasabi mong oo ngayon, pero kapag aktuwal ka nang nahaharap sa kanila, baka hindi ka maglakas-loob; aatras ka, iisipin mo, “Maliit ang tayog ko, bata ako, mahina at nag-iisa ako. Kung talagang magtutulungan ang mga anticristo para apihin ako, hindi ba’t katapusan ko na? Nasaan ang Diyos? Sino ang makikinig sa mga hinaing ko? Sino ang tutugon sa aking mga hinaing at ipaghihiganti ako? Sino ang titindig para sa akin?” Bakit napakaliit ng pananalig mo? Nagiging duwag ka kapag nahaharap sa isang anticristo, pero paano kung mismong si Satanas ang magbanta sa iyo—titigil ka na ba sa pananampalataya sa Diyos? Ano ang gagawin mo kung hindi ipinamahagi ng isang anticristo ang mga salita ng Diyos sa iyo? Paano kung pinagbayad ka para sa mga aklat ng mga salita ng Diyos? Paano kung sa tuwing ipinamamahagi ng anticristo ang mga aklat ng mga salita ng Diyos sa iyo, pinapahirapan ka niya at mabagsik siyang nagsasalita? Madali bang harapin ang sitwasyong ito? Hayaan mong sabihin Ko sa iyo ang isang matalinong estratehiya: Tuwing malapit nang ipamahagi ang mga aklat, dapat kayong tumabi sa anticristo, masigasig na magsalita ng matatamis na salita, masiglang pinupuri at kinikilala ito para makuha ang kanyang tiwala. Kapag naipamahagi na niya ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at mga recording ng sermon sa iyo, saka ka humanap ng pagkakataon para iulat siya sa Itaas. Kung walang paraan upang iulat siya sa Itaas, humanap ka ng pagkakataon na makipagkaisa sa mga mapagkilatis na kapatid para pigilan at igapos ang anticristo. Tunay itong pagtatanggal ng pinsala sa iglesia at pinakanaaayon sa mga layunin ng Diyos. Maaaring magtanong ang ilan, paano kung matuklasan ng anticristo ang planong ito? Kung wala kang kumpiyansa sa pagkakataong ito, maghintay ka ng susunod na pagkakataon. Kapag mayroon ka nang lakas ng loob at tama na ang mga kondisyon, saka ka kumilos. Sa madaling salita, kung natatakot ka na puputulin ng anticristo ang iyong panustos, huwag ka munang magpahalata nang husto. Huwag mong ilantad ang sarili mo o hayaang mahalata ka ng anticristo. Kapag nakapagtamo ka na ng sapat na tayog, kapag mayroon ka nang mga angkop na tao, mga tamang tao, at mas maraming tao, na maaaring tumindig kasama mo sa pagsalungat sa anticristo, na kayang makakilatis at tumanggi sa anticristo, saka mo puwedeng putulin ang ugnayan mo sa anticristo. Ano ang palagay mo sa estratehiyang ito? (Maganda.) Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ba’t panlilinlang ito ng iba? Hindi ba’t gusto ng Diyos na maging tapat tayong mga tao? Tila hindi ito matapat.” Panlilinlang ba ito sa iba? (Hindi.) Pakikipaglaro ito sa isang diyablo. Katanggap-tanggap ang anumang paraan kapag nakikitungo sa isang anticristo, na isang diyablo.

Takot ba kayo sa mga anticristo? Paano kung talagang may isang anticristo sa paligid mo, sa mismong iglesia mo. Napansin mo na sila; may kapangyarihan at katayuan sila, at maraming tao ang sumusuporta sa kanila. May paksyon sila, ilang matapat na tagasunod. Matatakot ka ba sa kanila? Ang sabi ng ilan ay matatakot sila. Tama bang matakot? Kahit papaano ay mayroong isang magandang aspekto sa pagkatakot na ito. Bakit Ko sinasabi iyon? Kung natatakot ka sa kanila, ipinapakita nito na sa iyong puso ay naniniwala kang masama sila, na kaya ka nilang pahirapan at saktan, na hindi sila mabuting tao o taong naghahangad sa katotohanan—kahit papaano ay mayroon kang ganitong pagkaunawa at pagkilatis sa kanila sa iyong puso. Bagaman maaaring hindi mo magawang matukoy sila bilang isang anticristo o makilatis na anticristo sila, sa pinakamababa ay alam mo na hindi sila mabuting tao, hindi isang taong naghahangad sa katotohanan, hindi isang matuwid o mabait na tao, o isang matapat na tao, kaya natatakot ka sa kanila. Anong uri ng mga tao ang karaniwang kinatatakutan ng mga normal at ordinaryo o taos-pusong tao, bukod sa mga demonyo? (Masasamang tao.) Natatakot ang lahat sa masasamang tao. Sa pinakamababa, alam mo sa puso mo na masama ang taong ito. Sa batayang ito, obserbahan mo ang kanilang saloobin sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo; tingnan mo kung isinasagawa nila ang katotohanan, at kilatisin ang iba’t iba nilang pag-uugali, at unawain at kilatisin mo ang diwa nila sa pamamagitan ng kanilang mga pag-uugali. Sa huli, kung matutukoy mo na anticristo sila, kung gayon, magkakaroon ng isa pang aspekto ang takot mo—ang pagkilatis sa kanila. Bagaman sa puso mo ay maaaring natatakot ka sa kanila hindi ka papanig sa kanila, at tatanggihan mo sila sa puso mo—mabuti o masamang bagay ba ito? (Mabuting bagay.) Kung hilingin nilang sumama ka sa kanila sa paggawa ng masama, papayag ka ba? Magkakaroon ka ba ng pagkilatis tungkol dito sa puso mo? Kung hilingin nilang sumama ka sa kanila sa pang-aabuso sa Diyos o sa panghuhusga sa Kanya, papayag ka ba? Kung hilingin nilang makipagtulungan ka sa kanila sa pagpapahirap sa iba, at hindi ipamahagi ang mga aklat ng mga salita ng Diyos sa ilang indibidwal, papayag ka ba? Bagaman maaaring hindi ka 100% sigurado na hindi ka papayag na gawin ang mga ito, sa pinakamababa, magkakaroon ka ng pagkilatis sa puso mo tungkol sa kanilang mga kilos. Maaaring gumawa ka ng ilang bagay kasama nila nang labag sa loob mo at nang napipilitan, pero dahil lamang ito sa pinilit ka, at hindi ito kusang-loob; kahit papaano, hindi ikaw ang magiging pangunahing may pakana, sa pinakamalubha, magiging kasabwat ka sa kanilang mga krimen. Bagaman maaaring hindi mo sila ilantad o galitin sa personal, hindi ka rin kikilos bilang tagasunod o kasabwat nila. Ito ay, sa isang antas, pagtanggi sa anticristo. Karamihan sa mga tao, dahil sa takot nila sa masasamang tao at mga anticristo, ay nagagawa lamang magkompromiso para protektahan ang kanilang sarili, kaya’t ang magawa mong gawin ito bilang pansamantalang hakbangin ay maituturing nang maganda. Pero ang pag-abot ba sa antas na ito ay maituturing nang paninindigan sa iyong patotoo? Maituturing ba itong pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo? Maituturing ba itong pananagumpay kay Satanas? Sa mga mata ng Diyos, hindi. Kaya, paano mo mapaninindigan ang patotoo mo? Lahat kayo ay walang landas, at nagkokompromiso lang kayo para protektahan ang sarili ninyo: “Gumagawa sila ng masama, pero hindi ako nangangahas na sumama sa kanila sa paggawa ng masama; natatakot akong maparusahan. Masasama silang tao; gumagawa sila ng masasamang bagay para pahirapan ang mga tao. Pero ayos lang basta’t hindi ako mismo ang nagpahirap sa sinuman. Hindi ako ang masisisi sa kasamaang iyon.” Kung magagawa mo ito kahit papaano, medyo ayos na rin iyon; nagiging mapagpalugod ka lang ng mga tao at nananatiling nyutral, at hindi mo nagagawang magpatotoo. Kung gayon, ano ang dapat gawin para makapagpatotoo? Sa doktrina, dapat mong tanggihan ang masasamang tao, tanggihan at ilantad ang mga anticristo, at pigilan ang mga anticristo na magwala habang gumagawa ng masasamang bagay sa sambahayan ng Diyos at magdulot ng mga kawalan sa sambahayan ng Diyos. Pero alam mo ba kung paano mismo gawin ito? (Iulat at sabihin ito sa Itaas.) Iyan ba ang saklaw ng mga responsabilidad at obligasyong matutupad ninyo? Iyan ba ang lahat ng patotoong mapaninindigan ninyo, lahat ng tayog na mayroon kayo? Bukod sa pag-uulat sa isang anticristo, ano pa ang magagawa ninyo? (Puwede muna naming tipunin ang mga katunayan ng palagiang pag-uugali at masamang gawa ng anticristo, at pagkatapos ay pagbahaginan ang pagkilatis sa anticristo kasama ang mga kapatid batay sa mga katunayang ito. Kapag nagkaroon na ng pagkilatis ang mga kapatid sa anticristo, maaari silang umaksyong lahat para ilantad ang anticristo, at pagkatapos ay, palalayasin namin ang anticristo sa iglesia.) Tama ang mga hakbang at proseso, pero paano naman ang ilang espesyal na kaso? Nagsasalita ka mula sa posisyon ng isang lider, pero paano kung isang ordinaryong mananampalataya ang makatagpo ng isang anticristo? Hindi ba’t parang itlog iyon na bumangga sa isang bato? Ano ang gagawin ninyo sa mga gayong sitwasyon? Hayaan ninyong ikuwento Ko sa inyo ang isang istorya tungkol sa pagrehistro at pag-uulat ng kita at gastusin. May isang taong namamahala sa pagtatala ng mga accounts, isang talaan para sa mga panlabas na account at isa pang talaan para sa mga panloob na account. Isang araw, nakita sa talaan na may nawawalang dalawang daang dolyar sa panloob na account. Kalaunan, dumating ang superbisor para suriin ang mga account at nakita niya na may nawawalang halaga; sabi niya, “Punitin ang panloob na account. Panatilihin na lang ang panlabas na account, para walang ebidensya.” Hindi sumang-ayon ang isang taong naroroon, sabi nito, “Handog ito. Gaano mang kalaking pera ito, pera ito ng Diyos; hindi mo puwedeng gawin ito.” Hindi nagsalita ang superbisor, habang nagkomento naman ang isa pang tao, “Ano ba ang dalawang daang dolyar? Kapag nandarambong ang mga anticristo, libu-libo ang halaga.” At kaya, ganoon nilutas ng mga taong iyon ang usapin. Gayumpaman, pagkatapos niyon, naramdaman ng isang tao na mali ang paraang iyon at iniulat ito pataas sa grupo ng mga gumagawa ng desisyon. Sinabi ng grupo na hindi malaking halaga ang dalawang daang dolyar, at na masyado silang abala para harapin ito. Nang iniulat ito sa mga lider ng iglesia, hindi rin nila ito tinugunan at binalewala nilang lahat ang usaping iyon. Nadismaya ang taong nag-ulat ng isyu, sinabi nito, “Bakit ganito ang lahat ng taong ito? Paano nila nagagawang maging labis na iresponsable sa mga handog sa Diyos? Ang lakas pa ng loob nilang manlinlang nang tahasan!” Ang sama ng loob niya sa usaping ito. Isang araw, nang binisita Ko ang mga taong iyon, iniulat ng taong iyon ang isyu sa Akin, sinabi nito na pabaya ang taong gumagawa ng accounting, na ginulo nito ang account, at sa huli ay nagkaroon ng nawawalang halaga. Bagaman hindi masyadong malaki ang isyung ito, malaking isyu naman ang mga saloobin ng bawat taong sangkot. Hindi tinugunan ng mga diumano’y superbisor at lider ang isyu. Hindi lamang nila hindi pinaalis ang taong gumagawa ng accounting, naghanap pa sila ng dahilan para protektahan ito. Ang taong nag-ulat ng isyu ay patuloy itong inuulat; gayumpaman, ibinukod siya ng maraming tao. Sabihin ninyo sa Akin, anong uri ng mentalidad mayroon ang taong ito nang iulat niya ang isyu? Kung kapareho sila ng saloobin ng iba pang tao—iyong nagsabi ng, “Dalawang daang dolyar lang ito, bakit mo ba pinalalaki pa ito? Kapag nandarambong ang mga anticristo, libu-libo ang halaga”—iuulat pa rin kaya niya ito? Hindi. Kung sinabi niya, “Hindi ko naman pera iyon; kung sino man ang gustong mandambong nito ay gawin na nila—sila ang mananagot dito. Tutal, wala naman akong dinambong na kahit ano, kaya hindi ko kailangang managot dito”; o “Iniulat ko na ito sa grupong gumagawa ng desisyon at sa mga lider ng iglesia, at hindi nila ako pinansin, kaya nagawa ko na ang bahagi ko at hindi ko na kailangang mag-abala pa”—kung ganito ang kanyang saloobin, magagawa pa kaya niyang magpursigi na iulat ito nang walang tigil? Siguradong hindi; karamihan sa mga tao ay titigil na pagkatapos nilang iulat ito sa grupong gumagawa ng desisyon. Pero kung kailan nakapag-ulat na ang taong ito sa grupong gumagawa ng desisyon ay saka niya narinig ang Aking pagbabahagi tungkol sa mga kuwento nina Noe at Abraham. Matapos makinig, naantig siya, inisip niya, “Pagkatapos marinig ang mga salita ng Diyos, sinunod ni Noe ang mga ito sa loob ng maraming taon nang hindi sumusuko. Pero ako, naharap ako sa maliit na suliranin at hindi ko na magawang magpursigi—hindi ito ang dapat gawin ng isang tao!” Kaya nagpursigi siya sa pag-uulat hanggang sa wakas ay makarating ito sa Itaas, at tinugunan ng Itaas ang isyu. Sa tingin ba ninyo ay maraming gayong tao sa inyo? Kung makaharap kayo ng gayong sitwasyon, ilan sa inyo ang magpupursigi tulad ng taong ito? Iisipin din ba ninyo na hindi malaking halaga ang dalawang daang dolyar, na hindi ito malaking usapin, at sa gayon ay iisipin ninyo na hindi kailangang sumunod nang mahigpit sa mga prinsipyo o maging masyadong seryoso, at na puwede kayong maghintay hanggang sa magkaroon ng malaking nawawalang halaga bago kayo mag-ulat? Iisipin ba ninyo, “Ano’t anuman, natupad ko na ang responsabilidad ko. Bahala na ang mga lider kung tutugunan nila ito o hindi. Isa lang akong ordinaryong mananampalataya, may limitasyon ang aking kapangyarihan, limitado lang ang kaya kong gawin. Naiulat ko na ito, natupad ko na ang obligasyon ko; hindi ko na problema ang iba pa”? Hindi ba’t ganito kayo mag-iisip? At kung may susupil sa iyo, hindi ba’t matatakot kang iulat ito? Humaharap sa pang-aapi ang taong ito habang nasa proseso ng pag-uulat ng isyu, sinisisi at kinokondena sila ng ilang tao, at palaging naghahanap ang mga ito ng paraan para pahirapan sila. Napakasama ng mga taong ito! Naaalala Ko ang ilang indibidwal na ito—bakit Ko sila naaalala? Kinain nila ang pagkain ng sambahayan ng Diyos at tinamasa ang lahat ng katotohanang itinustos ng Diyos, pero gayon ang kanilang saloobin sa mga handog ng Diyos. Puwede ba silang ituring na mga tao ng sambahayan ng Diyos? Hindi sila karapat-dapat! Hindi nila kailangang manindigan sa kanilang patotoo, dahil wala silang ganitong karakter. Pero dahil hindi nila magawa kahit na ang dapat nilang gawin, nararapat pa rin ba silang manatili sa sambahayan ng Diyos? Dapat bang maalala ang mga gayong tao? Gusto ba ninyo ang mga gayong tao? (Hindi.) Kung gayon, anong uri ng mga tao ang gusto ninyo? (Ang mga sumusunod sa mga prinsipyo, ang mga nagpupursiging protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos hanggang sa wakas.) Nasusuklam Ako sa mga walang kuwentang taong takot sa makapangyarihan pero nagiging matapang sa harap ng mga taong taos-puso. Nasusuklam din Ako sa mga pumipinsala sa mga nagtutustos sa kanila, sa mga walang interes sa katotohanan, at lalo na sa mga nakinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon pero hindi pa rin nauunawaan man lang ang katotohanan, o nagbago kahit kaunti, at patuloy na lumalaban at nagbabantay laban sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso. Kung walang malinaw na kaso ng mga gayong tao na gumagawa ng masama, maaaring hindi sila matawag na mga anticristo, pero nasusuklam Ako sa kanila. Gaano katindi ang Aking pagkasuklam? Kasingtindi ng sa mga anticristo. Bakit? Tinatrato ng mga anticristo ang salita ng Diyos bilang isang kalakal na ibebenta, ikakalakal, at ipagpapalit, para kumita mula rito. Habang ang ganitong uri ng tao ay maaaring hindi kumita mula sa mga salita ng Diyos, mahihinuha natin mula sa kanilang saloobin sa mga salita ng Diyos na tulad lamang sila ng mga anticristo, na hindi sila sumusunod sa daan ng Diyos, o wala man lang silang simple at pinakapangunahing saloobin na dapat nilang taglayin sa mga handog ng Diyos, at na pinipinsala nila ang nagtutustos sa kanila. Anong uri sila? Mga Hudas sila, na ipinagbili ang Panginoon at ang kanilang mga kaibigan. Matapos ninyong marinig ang kuwentong ito, ano ang mga naiisip ninyo? Kaya ba ninyong sumunod sa mga prinsipyo at pangatawanan ang inyong paninindigan sa gayong mga sitwasyon? Kung wala kang kuwenta, na palaging umaatras, palaging takot sa puwersa ng mga anticristo, takot na mapahirapan nila, takot na mapinsala ng kanilang puwersa, at sa puso mo ay palagi kang takot, at wala kang karunungan para tumugon dito, palaging nakikipagkompromiso sa mga anticristo, hindi naglalakas-loob na iulat o ilantad sila, o maghanap ng iba para makaisa mo para tanggihan sila, kung gayon, hindi ka isang taong makakapanindigan sa iyong patotoo sa Diyos—wala kang kuwenta, pinipinsala mo ang nagtutustos sa iyo. Kapag tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang mga kalakal, ginagamit ang mga ito para di-wastong kumita nang labis para sa kanilang sarili, para pagbantaan ka, at putulin ang iyong panustos, kung hindi mo pa rin sila matanggihan sa gayong mga sitwasyon, isa ka bang mananagumpay? Karapat-dapat ka bang maging tagasunod ni Cristo? Kung wala ka kahit ang abilidad na matamo ang mga salita at ang espirituwal na panustos na libreng ibinibigay sa iyo ng Diyos, at hindi mo man lang magawang kainin, inumin, o tamasahin ang mga bagay na ito, gaano ka kawalang kuwenta?

Ang mga katunayang kababahagi Ko lang ay ilan sa mga pagpapamalas ng mga anticristo na itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang mga kalakal. Hindi kinakain at iniinom ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos at hindi nila tinatanggap ang katotohanan, pahapyaw lang nilang binabasa at sinusulyapan ang mga salita ng Diyos para pagandahin ang kanilang sarili gamit ang mga ito. Tinatrato nila ang mga salita ng Diyos bilang kanilang ari-arian at personal na pag-aari, para magawa nilang makipagtransaksyon at makuha ang pera at mga pakinabang na nais nila, at para makontrol nila ang kalayaan ng mga hinirang na tao ng Diyos na basahin, kainin, at inumin ang mga salita ng Diyos. Masasamang tao, mga diyablo, mga hindi mananampalataya ang mga gayong anticristo; kauri sila ng mga walang pananampalataya! Dapat patalsikin, patalsikin magpakailanman ang sinumang gayon na lumilitaw sa sambahayan ng Diyos! Maglalakas-loob ba kayong tanggihan ang mga gayong tao kapag nakatagpo ninyo sila? Maglalakas-loob ba kayong magkaisa at ilantad sila? Dapat silang ilantad; dapat silang tanggihan. Pinaghaharian ng katotohanan ang sambahayan ng Diyos. Kung wala kang gayong tayog, pinatutunayan nito na hindi naging buhay sa loob mo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan. Kung kimi ka, natatakot sa mga Satanas, natatakot sa masasamang tao, mas pinipiling makipagkompromiso para maprotektahan ang sarili mo kaysa lumaban sa mga anticristo, kahit na nangangahulugan ito ng hindi pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos o hindi pagtamo sa mga ito, kung gayon, karapat-dapat kang mamatay sa gutom, at walang maaawa sa iyo kung ganoon ka. Kung maharap kayo sa mga gayong sitwasyon, paano kayo dapat pumili at magsagawa? Dapat ninyo silang ilantad kaagad. Hindi mga kalakal ang mga salita ng Diyos; ipinagkakaloob ito sa lahat ng hinirang na tao ng Diyos, hindi ito personal na pag-aari ng sinumang indibidwal. Walang sinuman ang may karapatang ipagkait o ariin ang mga salita ng Diyos para sa kanilang sarili. Dapat ipamahagi nang libre at nang walang bayad ang mga salita ng Diyos sa lahat ng hinirang na taong sumusunod sa Diyos. Karapat-dapat sumpain ang sinumang nagkakait ng mga ito, naghahangad na di-wastong kumita ng labis na halaga mula sa mga ito, o may mga personal na balak tungkol sa mga salita ng Diyos. Sila ay mga indibidwal na dapat labanan ng mga hinirang na tao ng Diyos para ilantad at tanggihan, at dapat silang paalisin at tanggalin.

Sapat bang inilalarawan ng dalawang aytem na Aking ibinahagi ngayon kung paano kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos? (Oo.) Hindi kailanman itinuturing ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, ni hindi nila pinahahalagahan, iniingatan, o tinatrato ang mga ito gaya ng mga salita ng Lumikha. Sa halip, ipinapakita nila ang kanilang mga karima-rimarim, kasuklam-suklam, at maruming hangarin sa bawat pagkakataon. Gusto lamang nilang gamitin ang mga salita ng Diyos para makamit ang kanilang mga karima-rimarim na mithiin, at maging sa mga materyal o di-materyal na bagay, gusto nilang gamitin ang mga salita ng Diyos para di-wastong makakuha ng kita para sa kanilang sarili, para makakuha ng pera at mga materyal na bagay, o para makamit ang kanilang mithiin na papurihan, tingalain, idolohin, at sundan sila ng mga tao. Kasuklam-suklam sa Diyos at dapat tanggihan ng mga tao ang mga bagay na ito. Sa tuwing may nakakatuklas sa gayong mga indibidwal o gayong mga nangyayaring bagay, dapat nilang ilantad at tanggihan ang mga ito, para pigilan ang mga gayong indibidwal na manindigan sa gitna ng mga hinirang na tao ng Diyos. May ilang nagsasabi na iuulat nila ito sa Itaas kung makatagpo sila ng mga gayong bagay, pero masyadong pasibo at mabagal iyon. Kung inuulat mo lang ang mga bagay na ito sa Itaas, napakawalang kuwenta mo! Napakarami mo nang nakain at nainom na mga salita ng Diyos at nakarinig ka na ng napakaraming sermon, pero ang alam mo lang ay gumawa ng ulat—ibig sabihin nito ay napakaliit ng tayog mo! Siguro naman mayroon ka pang ibang pamamaraan para pangasiwaan ang mga anticristo? Ang pag-uulat sa Itaas ang huling hakbang, isang hakbang na ginagawa lamang kapag talagang kinakailangan. Kung labis na marami ang kalaban mo, kung wala kang laban sa kanila, at wala kang pagkilatis, at hindi ka sigurado kung anticristo ang isang tao, maaaring hindi ka maglakas-loob na ilantad ang kanilang iba’t ibang pagpapamalas at mga kilos. Pero kung nakakasiguro kang anticristo sila at hindi ka pa rin naglalakas-loob na labanan, tanggihan, at talunin sila, hindi ba’t napakawalang kuwenta mo? Hindi nagagamit ang kaunting katotohanang nauunawaan mo. Sigurado ka bang katotohanan ang nauunawaan at naririnig mo? Kung oo, bakit hindi ka maglakas-loob na tumayo nang matatag at matuwid at labanan ang mga anticristo? Hindi naman ang mga anticristo ang mga namamahalang awtoridad—ano ang kinatatakot mo sa kanila? Maliban na lamang kung may sitwasyon na maaaring isumbong ka nila sa mga awtoridad kung bigla mo silang ilantad—sa ilalim ng mga gayong kalagayan, dapat kang mag-ingat, huwag silang galitin, at gumamit ng matatalinong pamamaraan para palihim na punahin at sirain ang mga anticristo, unti-unti silang itiwalag. Hindi ba’t mas kahanga-hanga ang tahimik silang itiwalag? (Oo.) Sige, hanggang dito na lang ang pagbabahagi para sa araw na ito. Paalam!

Setyembre 12, 2020

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.