Ikasampung Aytem: Hinahamak Nila ang Katotohanan, Lantarang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikaanim na Bahagi) Ikaapat na Seksiyon
4. Paniniktik sa mga Salita ng Diyos Kung Kailan Niya Lilisanin ang Mundo at Kailan Matatapos ang Kanyang Dakilang Gawain
Ang ikaapat na aytem ay na tinitiktikan ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos tungkol sa kung kailan Niya lilisanin ang mundo at kailan matatapos ang Kanyang dakilang gawain. Hindi ito masyadong natalakay sa mga salita ng Diyos. Sa mga limitadong salitang ito, kung ang nilalaman ay isang paksa na partikular na alalahanin ng mga tao, gaano man ka-hindi halata o natatago ang mga salitang ito, mahahanap nila ang mga ito. Pagkatapos mahanap ang mga ito, minamarkahan nila ang mga ito gamit ang isang panulat, itinuturing ang mga ito bilang mahahalagang salita na dapat basahin. Ibinabahagi at binabasa nila ang mga salitang ito para balaan at aluin ang kanilang sarili sa tuwing may pagkakataon. Siyempre, para sa mga anticristo, ang mas mahalaga sa kanila ay hindi kung kailan lilisanin ng Diyos ang mundo o kung kailan matatapos ang Kanyang dakilang gawain, kundi ang mga katunayang nilalayon ng Diyos na maisakatuparan sa likod ng mga salitang ito. Ang pinakainaasam-asam ng mga anticristo sa kanilang puso ay ang personal na masaksihan sa buhay nila ang dakilang eksena ng paglisan ng Diyos sa mundo. Mangangahulugan ito na ang Diyos na kanilang sinunod ay ang tamang Diyos, hindi maling diyos ang napili nila, hindi rin sila nagkamali sa pinili nilang sundan. Kapag nakumpirma ang mga ito, naniniwala silang mas lalaki ang tsansa nila na mapagpala. Bukod dito, kung masasaksihan nila sa kanilang buhay ang eksena ng paglisan ng Diyos sa mundo at ang eksena ng pagtatapos ng dakilang gawain ng Diyos, ibig sabihin nito, magiging mas matibay ang pananalig nila, at susundan nila ang Diyos nang walang pag-aalinlangan. Ang makita ang eksenang ito ay mangangahulugan na ang kanilang mga dating pag-aalinlangan at hindi pagkaarok sa Diyos, at ang mga paninira, paghusga, at pagtanggi na kanilang naranasan mula sa iba, ay mawawala na, hindi na sila mapipigilan ng mga ito. Sa isang banda, inaabangan ng mga anticristo ang pagdating ng araw na ito, at sa kabilang banda, pinagmamasdan nila ang kasalukuyang ginagawa ng Diyos sa lupa, kung malapit nang matapos ang Kanyang gawain, kung halos tapos na ang mga salitang kailangan Niyang sabihin, kung may tunay na katapatan ang mga taong sumusunod sa Kanya, at kung sila ay nagawa nang ganap. Sa pagmamasid sa mga taong sumusunod ngayon kay Cristo, napapansin ng mga anticristo na may mahinang pananalig ang karamihan sa mga tao, madalas magkamali sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, at marami ang madalas na napupungusan dahil nagbunyag sila ng mga tiwaling disposisyon habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin. Ang ilan ay ipinadala pa nga sa mga grupong B, ibinukod, o pinatalsik. Mula sa mga palatandaang ito, pakiramdam nila, “Ang araw ng pagtatapos ng dakilang gawain ng diyos ay tila malayo pa, sobrang nakakadismaya ito! Pero ano naman ang magagawa sa kawalan ng pasensya ng isang tao? Anong problema ang malulutas nito?” Dahil ang mga anticristo ay hindi naniniwala sa mga salita ng Diyos, hindi tinatanggap ang katotohanan, walang espirituwal na pang-unawa, at hindi nauunawaan ang katotohanan, hindi nila masukat kung normal o hindi ang epekto ng gawain ng Diyos sa mga tao. Hindi nila maintindihan kung talagang nagkaroon ng epekto ang nagawa ng Diyos sa mga tao; kung tunay na makapagliligtas at makapagpapabago ng mga tao ang mga salita ng Diyos; kung ang mga tao, habang tinatanggap ang mga salitang ito, ay nagbago, tunay na may nakamit, o nakatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos; ni kung maaaring makapasok sa kaharian ng langit at makatanggap ng mga pagpapala ang mga taong ito—at, hindi nila maunawaan o maipaliwanag ang mga katunayang namamasdan ng kanilang sariling mga mata. Nababalot ng hamog na hindi mapawi ang bawat pangyayaring nakikita nila, bawat pangyayaring iniisip nila. “Hindi maintindihan at mahirap makilatis ang lahat ng usaping ito, mahirap maarok. Tunay bang umiiral ang mga pangyayari ng paglisan ng diyos sa mundo at ang pagtatapos ng dakilang gawain ng diyos? Maaari ba talagang magkatotoo ang mga ito?” Sa isang banda, pinipilit ng mga anticristo ang kanilang sarili na maniwala na ang Diyos na sinusunod nila ay ang Diyos, pero kasabay nito, hindi nila maiwasang magduda: “Siya ba ay diyos? Tao siya, hindi ba? Hindi maganda ang mag-isip nang ganito. Karamihan sa mga tao ay naniniwala na diyos siya, kaya dapat din akong maniwala. Pero hindi, hindi ko makumbinsi ang sarili kong paniwalaan ito! Saan ko makikita na diyos siya? Kaya ba niyang tapusin ang dakilang gawain ng diyos? Kaya ba niyang gawin ang gawain ng diyos? Kaya ba niyang katawanin ang diyos? Kaya ba niyang tapusin ang plano ng diyos? Kaya ba niyang iligtas ang sangkatauhan? Kaya ba niyang akayin ang mga tao sa isang magandang hantungan?” Lahat ng kaisipang ito at ang iba pang mga katulad nito ay nagiging mga kandadong hindi mabuksan, hindi mabasag sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo. Iniisip nila, “Ano ang dapat kong gawin? Gayumpaman, mayroong pinakamataas na prinsipyo: Maghintay at magtiis; ang siyang nagtitiis hanggang wakas ay maliligtas. Bagama’t hindi ko hinahangad ang katotohanan, may sarili akong mga tuntunin. Kung hindi aalis ang iba, hindi rin ako aalis. Kung susunod ang iba, susunod din ako. Susunod lang ako sa agos. Kung sasabihin ng lahat na diyos siya, tatawagin ko siyang diyos. Kung titigil ang lahat sa pananampalataya at itatakwil ang diyos, gagawin ko rin iyon. Ang batas ay hindi maipatutupad kapag lahat ay lumalabag, hindi ba?” Kapag nakikita nila na umaabot na sa rurok ang pagpapalaganap ng gawain ng Diyos, lihim silang nagagalak sa kanilang puso: “Buti na lang at hindi ako umalis noong lubusan akong nagdududa at nanghihina. Tingnan mo kung ano ang idinulot ng pananalig ko ngayon. Malapit na ang araw, at parami nang parami ang mga taong sumusunod sa diyos. Lalo na sa ibang bansa, sinisiyasat ng mga tao mula sa iba’t ibang bansa ang tunay na daan, at dumarami ang bilang ng mga mananampalataya. Ang sambahayan ng diyos ay gumagawa ng mas marami pang mga video, pelikula, himno, at patotoo, na umaakit ng higit na atensiyon. Ang mga gayong resulta ay hindi kayang makamit ng sinumang tao; tanging ang gawain ng diyos ang makakagawa nito. Ang karaniwang taong ito ay malamang na si cristo, ang diyos. Dahil siya si cristo, ang diyos, tiyak na magkakatotoo ang kanyang mga salita. Kung hindi magkakatotoo ang kanyang mga salita, hindi siya ang diyos. Ayon sa lohikal na pangangatwiran, may katuturan at tama ang kongklusyong ito. Kung siya ang diyos, darating ang araw na lilisanin niya ang mundo; kung siya ang diyos, kaya niyang tapusin ang kanyang dakilang gawain. Batay sa lahat ng palatandaang ito, kumikilos sa isang positibong direksiyon, patungo sa isang mabuting layon ang mga tao sa iglesia na sumusunod sa diyos. Napaka-ideyal ng lahat, napakapositibo ng lahat. Mas mabuti ito kaysa sa pagsunod sa mga makamundong kalakaran; walang pag-asa sa paghahangad sa mga iyon, nauuwi lamang ito sa pagdurusa ng maling pagtrato at sa huli ay pagkawasak. Kung nananampalataya ang isang tao sa diyos, at masaksihan niya ang araw ng paglisan ng diyos sa mundo at pagtatapos ng kanyang dakilang gawain, at makibahagi siya sa kaluwalhatian ng diyos—napakalaking karangalan niyon!” Sa pag-iisip nito, pakiramdam nila: “Bakit napakatalino ko? Pinili ko ang landas na ito; mukhang ako ang may mataas na IQ at mahusay na katalinuhan.” Hindi nila ito kinikilala bilang biyaya ng Diyos, kundi bilang kanilang sariling talino, kanilang sariling galing. Kaylaking kahibangan ang ideyang ito!
Iniisip ng mga anticristo, “Ang usapin ng paglisan ng diyos sa mundo at pagtatapos ng dakilang gawain ng diyos ay naiiba sa mga usapin ng mga pangako at pagpapala ng diyos, ng kanyang mga sumpa at kaparusahan, at ng kanyang mga propesiya tungkol sa mga kalamidad—hindi puwedeng madaliin ang usaping ito; kailangan ng mga tao ang 12/10 na pagtitiis at 20/10 na pagtitiyaga para hintayin ang pagdating ng araw na iyon. Dahil kapag dumating na ang araw na iyon, maisasakatuparan na ang lahat. Kung hindi ko kayang magtiis ngayon, kung hindi ko kaya ang kalungkutan, at hindi ko kaya ang pagdurusang ito, maiiwan ako kapag dumating na ang araw na iyon. Palapit na ang katapusan; pagkatapos magdusa nang husto, magiging hangal ako kung hindi ko kayang magtiis pa nang kaunti!” Kaya, para sa mga anticristo, may isang paraan lamang para makita ang pagdating ng araw na iyon: Masunurin at matiyagang maghintay, huwag mag-apura, at matutong magtiis. Iniisip nila, “Dahil pinili kong sumugal, dapat akong matutong magtiis, dahil hindi maliit na bagay ang pagtitiis na ito. Kung magtitiis ako hanggang sa huli, sa oras na maisakatuparan na ang bagay na ito, isang malaking pagpapala ang makakamit ko! Kung hindi ako magtitiis sa panahong ito, mahaharap ako sa malaking kalamidad. Ang usaping ito ay maaaring maging isa sa dalawang landas; ito ay maaaring magdala ng malaking pagpapala o ng malaking kalamidad.” Kita mo, hindi hangal ang mga anticristo, hindi ba? Wala silang espirituwal na pang-unawa at hindi sila naniniwala sa katotohanan, sila ay mga hindi mananampalataya—pero paano nila nasusuri ang usaping ito nang napakatumpak at napakadetalyado? Angkop ba ang ganitong uri ng pagsusuri? (Hindi.) Sabihin mo sa Akin, dapat bang magkaroon ng gayong “seryosong” saloobin ang mga tao sa mga salita ng Diyos? Sinasabi ng ilang tao: “Malaking usapin ito, na may kinalaman sa kinabukasan at tadhana ng isang tao, at may kaugnayan sa pagtatapos ng dakilang gawain ng diyos. Hindi ito maaaring maliitin. Dapat kalkulahin ng mga tao ang eksaktong taon at buwan kung kailan lilisanin ng diyos ang mundo. Bukod dito, kailangang masuri ang pamamaraan at eksena ng paglisan ng diyos na ibinubunyag sa implikasyon ng mga salita ng diyos. Kung hindi ito sineseryoso at sinusuri nang lubusan, ang mapalampas ang gayon kagandang bagay ay magdudulot ng walang katapusang pagsisisi; hindi na muling makikita ang gayong pangyayari. Lalo na kapag natapos na ang dakilang gawain ng diyos, at dumating na ang araw at sandali ng pagkaluwalhati ng diyos, kailangang mas higit pa ang malaman ng mga tao.” Pagkatapos ay may nagtatanong, “Paano natin malalaman kung hindi nagsasabi ang Diyos?” “Kung gayon, dapat kang manalangin na ibunyag ito sa iyo ng diyos sa isang panaginip, tulad ni Juan sa Aklat ng Pahayag. Kung makakatanggap ka ng isang pangitain, kung makikita mo ang araw ng pagtatapos ng dakilang gawain ng diyos sa iyong panaginip o pangitain, sa isang iglap ay lubusan nitong mapapatibay ang iyong pananalig. Ang iyong pagtitiyaga, ang iyong paghihintay, ay hindi na magiging isang pormalidad o isang bagay na ginagawa mo lamang; sa halip, kusa kang maghihintay at magtitiis nang ganito mula sa kaibuturan ng iyong puso. Iyon ay magiging napakaganda!” Katanggap-tanggap ba ang pamamaraang ito? (Hindi.)
Kahit gaano man katagal kailangan ng sangkatauhan ang Diyos na nagkatawang-tao, darating din ang araw na matatapos ang Kanyang gawain sa katawang-tao. Ibig sabihin, lilisanin din ng taong ito ang sangkatauhan; tiyak na darating ang oras na ito. Patapos na ang gawain ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos. Tungkol sa kung ito ay magtatapos sa loob ng sampung taon, dalawampung taon, limampung taon, walumpung taon, o isang daang taon, hindi na natin ito kailangan pang suriing mabuti. Sadyang ganito lamang ang paraan ng pagsasalita ng Diyos. Ano ang ibig sabihin kapag sinabing ito ay paraan ng pagsasalita ng Diyos? Ibig sabihin nito ay kung ilang taon ba talaga ang konsepto ng Diyos tungkol sa “katapusan”—tiyak na iba sa mga tao ang konsepto ng Diyos sa oras. May silbi ba para sa atin na siyasatin kung ilang taon ito mismo? Wala, wala itong silbi. Bakit wala? Dahil nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng ito, hindi ito isang bagay na maaaring makamit ng mga tao sa pamamagitan ng pagtatanong, ni isang bagay na, kapag nalaman ng mga tao, ay magagamit nila para limitahan ang Diyos. Ginagawa ng Diyos ang nais Niya. Ang tanging dapat gawin ng mga tagasunod ng Diyos ay ang hangarin ang katotohanan, gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin, kamtin ang buhay, tahakin ang landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at maging mga nilikhang tunay na pasok sa pamantayan. Sa ganitong paraan, tunay ngang matatapos ang dakilang gawain ng Diyos, at makakapagpahinga ang Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pagpapahinga ng Diyos? Ibig sabihin, magkakaroon ng pahinga ang sangkatauhan. Kapag may lugar nang mapagpapahingahan ang sangkatauhan, makakapagpahinga na ang Diyos. Ang pahinga ng Diyos ay ang pahinga ng sangkatauhan. Kapag may normal na kapaligiran ng pamumuhay at kaayusan ang sangkatauhan, nagbibigay ito ng kapahingahan sa Diyos. Tungkol sa kung kailan magkakaroon ng ganitong kapaligiran ng pamumuhay ang sangkatauhan, kung kailan nila maaabot ang hakbang na ito, at kung kailan matatapos ng Diyos ang Kanyang dakilang gawain at kailan papasok sa Kanyang lugar ng pahingahan, nasa plano ng Diyos ang lahat ng ito; mayroon Siyang iskedyul. Kung anong panahon mangyayari ang iskedyul ng plano ng Diyos, kung aling taon, buwan, oras, at minuto, ang Diyos lang Mismo ang nakakaalam. Hindi kailangang malaman ng mga tao, at walang silbi na sabihin pa sa iyo. Kahit na sabihin sa iyo ang eksaktong taon, buwan, oras, at minuto, maaari ba iyong maging buhay mo? Buhay ba iyon? Hindi nito puwedeng palitan ang buhay. Ang tanging dapat gawin ng mga nilikha ay makinig sa mga salita ng Diyos, tanggapin ang mga salita ng Diyos, at magpasakop sa mga salita ng Diyos, maging mga tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Ngunit ang palaging pagnanais na siyasatin ang mga salita ng Diyos, para tiktikan kung natutupad ba ang mga salita ng Diyos, tingnan, suriin, at siyasatin ang pagiging tama ng mga salita ng Diyos—hindi ito ang dapat gawin ng mga nilikhang tao. Iyong mga nagpupumilit na tumahak sa landas na ito at gumawa ng mga bagay na ito ay malinaw na hindi ang mga nilikhang nais ng Diyos. Hindi sila kumikilos ayon sa Kanyang mga hinihingi, hindi namumuhay ayon sa mga tuntunin at regulasyong itinakda ng Diyos para sa mga tao. Sa mga mata ng Diyos, mga kaaway sila ng Diyos; mga diyablo at Satanas sila, hindi mga pakay ng pagliligtas ng Diyos. Kaya, tungkol sa kung kailan lilisanin ng Diyos ang mundo, kung kailan matatapos ang Kanyang dakilang gawain, at kung kailan darating ang araw ng pagkaluwalhati ng Diyos, ano ang dapat na tamang pananaw ng sangkatauhan sa mga salitang ito ng Diyos at sa usaping ito? Dapat maniwala ang isang tao na tiyak na magkakatotoo ang mga bagay na ito na sinabi ng Diyos, at kasabay nito, umasa sa pagtatapos ng dakilang gawain ng Diyos, sa pagdating ng kaharian ng Diyos, sa pagpapakita ng Diyos sa kaluwalhatian sa di-mabilang na mga tao, at sa maagang pagpasok ng Diyos sa kapahingahan. Ito ang dapat asahan at ipanalangin ng mga nilikhang tao, ng mga sumusunod sa Diyos. Wasto at hindi paniniktik ang paggawa niyon. Gayumpaman, ang palaging paggamit ng kung magkakatotoo ang mga salita ng Diyos bilang kasangkapan para bantaan ang Diyos, para magtakda ng mga kondisyon sa Diyos, iyon ay tinatawag na paniniktik at iyon ang ginagawa ng mga kaaway ng Diyos; ang palaging pagpapasya kung magbabayad ng halaga, kung tatalikdan ang lahat, at kung gagawin ang tungkulin batay sa kung magkakatotoo ang mga salita ng Diyos ay ang mga ginagawa rin ng mga kaaway. Dapat tratuhin ng mga tunay na nilikha ang mga salita ng Diyos, ang pagkakakilanlan ng Diyos, at ang anumang bahagi ng sinasabi ng Diyos mula sa perspektiba ng mga nilikha, hindi mula sa perspektiba ni Satanas, ng mga masamang diyablo, o ng mga kaaway ng Diyos.
5. Paniniktik sa mga Salita ng Diyos Tungkol sa Kanyang Disposisyon, Kanyang Pagkakakilanlan, at Kanyang Diwa
Ang susunod na aytem na pagbabahaginan natin ay kinasasangkutan ng mga salita ng Diyos tungkol sa Kanyang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa. Malawak ang saklaw ng mga salitang ito; karamihan sa mga nilalaman ng mga salita ng Diyos ay tumutukoy sa Kanyang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa. Sa isang banda, ang paraan at tono ng pagsasalita ng Diyos, pati na ang nilalaman, ay nagtutulot sa mga tao na makita ang disposisyon ng Diyos, makita ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa. Sa kabilang banda, malinaw ang mga salitang ginagamit ng Diyos para sabihin sa sangkatauhan, para ihayag sa sangkatauhan ang Kanyang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa. Tungkol sa dalawang bahaging ito ng nilalaman, sa isang banda, mula sa ipinahihiwatig ng mga salita ng Diyos, sa nilalaman ng mga salita ng Diyos, sa kalikasan ng mga salita ng Diyos, pati na rin sa tono at mga tagapakinig ng Kanyang pananalita, makikita ng isang tao ang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos. Sa kabilang banda, malinaw ang mga salitang ginagamit ng Diyos para sabihin sa mga tao kung anong uri ng disposisyon ang mayroon Siya, kung anong uri ng pagkakakilanlan at diwa ang mayroon Siya. Ang dalawang bahaging ito ng nilalaman ay mga bagay na pangunahing binabalewala ng mga anticristo; hindi nila mauunawaan ang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos mula sa mga ito, at tiyak na hindi sila maniniwala sa lahat ng ito na may kinalaman sa Diyos. Dahil sila ay mga hindi mananampalataya, hindi sila naniniwala na maaaring kumatawan sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos ang mga salitang binigkas ng bibig ng Diyos. Gayumpaman, may isang punto na hindi nila maaaring itanggi: malinaw na inihayag ng mga salita ng Diyos sa mga tao kung anong uri ng disposisyon mayroon ang Diyos, kung anong uri ng pagkakakilanlan mayroon ang Diyos, at kung ano ang Kanyang diwa—hindi nila maitatanggi ang bahaging ito ng Kanyang mga salita. Dahil lang sa hindi nila ito maitatanggi, ibig na bang sabihin nito ay may tunay silang pagtanggap at pagkilala? Hindi nila kinikilala ang mga salitang ito. Sa kabaligtaran, tungkol sa nilalaman ng disposisyon ng Diyos—ang Kanyang katuwiran, kabanalan, pagmamahal, awtoridad, at iba pang mga katangiang may kinalaman sa Kanyang mga pag-aari at pagiging Diyos—na sinasabi ng Diyos, bukod sa pagpapakita ng paghamak, pagwawalang-bahala, at pagpapabaya, tinitingnan din ng mga anticristo ang mga salitang ito mula sa perspektiba ng paniniktik. Halimbawa, kapag sinabi ng Diyos na Siya ay matuwid, magsisimulang magsiyasat ang isang anticristo: “Matuwid ka? Wala pang sinuman sa mundo ang naglakas-loob na sabihing matuwid siya. Dahil naglalakas-loob kang sabihin ito, suriin natin ito. Sa anong mga paraan ka matuwid? Aling mga gawa mo ang matuwid? Ayaw kong maniwala! Kung tunay na natutupad ang pahayag na ito, kung tunay kang gumagawa ng ilang matuwid na gawa na makakakumbinsi sa akin, saka ko tatanggapin na matuwid ka. Pero kung hindi ako makukumbinsi sa ginagawa mo, huwag mo akong sisihin sa pagiging prangka. Hinding-hindi ko kikilalanin na may matuwid kang disposisyon!” Sa wakas, dumating ang araw na hinihintay nila: Ang isang partikular na lider, sa kabila ng pagbabayad ng malaking halaga at pagdurusa nang husto, ay nailarawan sa huli bilang isang huwad na lider at tinanggal dahil hindi siya nakagawa ng aktuwal na gawain. Pagkatapos matanggal, naging negatibo siya, nagkaroon ng mga maling pagkaunawa, nagreklamo, at nagsabi ng maraming sama ng loob at mapanghusgang bagay. Nang makarating ang usaping ito sa mga tainga ng anticristo at makita nila ito, sinabi ng anticristo, “Kung kahit ang isang tulad mo ay maaaring matanggal, kung gayon, mas masahol pa ito para sa mga katulad ko. Kung wala kang pag-asang maligtas, kung hindi ka naaayon sa mga layunin ng diyos, sino pa ang maaaring maging kaayon ng mga layunin ng diyos? Sino pa ang maaaring pansinin ng diyos?” Sa isang banda, ipinagtatanggol ng anticristo ang huwad na lider at humihingi siya ng katarungan para dito; sa kabilang banda, tinatanggap din niya ang mga sinasabing sama ng loob at mapanghusgang salita ng huwad na lider. Kasabay nito, lihim siyang nakikipagtalo sa Diyos sa kanyang puso: “Matuwid ba ang diyos? Kung gayon, bakit tinanggal ang isang taong nagdusa at nagbayad ng halaga para sa gawain ng iglesia? Ang taong ito ang pinakatapat sa iyo. Wala akong nakitang mas tapat pa kaysa sa kanya; wala akong nakitang nagdusa nang mas higit o nagbayad ng mas malaking halaga. Bumabangon siya nang maaga at natutulog nang dis-oras ng gabi, nagtitiis ng karamdaman, isinantabi ang kanyang damdamin para sa kanyang pamilya, at isinantabi ang kaginhawahan ng laman at ang mga kinabukasan ng laman, isinusugal ang kanyang buhay upang gumawa para sa iyo. Nakulong pa nga siya dati at hindi siya nagkanulo. Subalit, basta mo lang siyang tinanggal, basta mo lang siyang ibinunyag—matuwid ka ba talaga? Nasaan ang ebidensiya ng iyong pagiging matuwid? Bakit hindi ko ito makita?” Sa wakas, mayroon nang pinanghawakan ang anticristo laban sa gawain ng Diyos para kuwestiyunin ang pagiging matuwid ng disposisyon ng Diyos. Iniisip niya, “Kung matuwid ang diyos, hindi makakalusot ang karamihan sa mga tao; kung matuwid ang diyos, kailangan talagang maging maingat ng mga tao, at magiging napakahirap ng buhay. Ngayon, sa wakas ay may hawak na akong panlaban sa gawain ng diyos, kaya kong patunayan na hindi matuwid ang diyos, na nagpapadali sa mga bagay-bagay.” Dahil dito, lihim siyang nagagalak sa kanyang puso.
Ang hinirang na mga tao ng Diyos, sa pagsunod sa Diyos, ay palaging nakakaranas ng panunupil, pang-aaresto, at brutal na pang-uusig ng malaking pulang dragon. Sa mga iglesia sa iba’t ibang lugar, madalas na may naaaresto at inuusig na hinirang na mga tao ng Diyos. Madalas, may mga nadarapa o nagkakanulo sa Diyos at umaalis sa iglesia dahil dito. Gayumpaman, marami ring naninindigan sa kanilang patotoo sa kabila ng pang-aaresto at pang-uusig. Ginagamit ng Diyos ang pagseserbisyo ng malaking pulang dragon para ibunyag ang mga hindi mananampalataya na pumasok sa sambahayan ng Diyos para maghanap ng mga pagpapala, habang pineperpekto rin ang hinirang na mga tao na tunay na nananampalataya sa Diyos. Ito ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos. Pero paano tinitingnan ng mga anticristo ang usaping ito? Palagi silang may pagdududa sa Diyos: “Bakit hindi inililigtas ng diyos ang kanyang hinirang na mga tao mula sa pang-aaresto at pang-uusig ng malaking pulang dragon?” Pinagdududahan nila ang Diyos na nagkatawang-tao, palagi silang nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos sa kanilang puso: “Bakit dapat magdusa ang mga hinirang na tao ng diyos ng mga gayong pambubugbog at pagpapahirap? Dahil ito sa kanilang pananalig, dahil ayaw nilang maging mga Hudas. Pero nasaan ang diyos noong pinahihirapan sila? Bakit hindi sila inililigtas ng diyos? Hindi ba’t mahal ng diyos ang mga tao? Nasaan ang pagmamahal ng diyos? Posible kayang matiis ng diyos na hayaan ang mga nananampalataya sa kanya na labis na hamakin ng mga Satanas at ng mga masamang demonyo, at magtiis ng sobra-sobrang pagpapahirap? Ito ba ang pagmamahal ng diyos? Nasaan mismo ang pagpoprotekta ng diyos sa mga tao? Bakit hindi ko ito makita? Mukhang kailangan kong maging mas maingat. Bukod sa hindi kayang ilayo ng diyos ang mga tao mula sa tukso o panganib—sa kabaligtaran, kapag mas naghahangad ang isang tao, kapag mas matatag ang kapasyahan niya, at kapag mas sumusunod siya sa diyos, mas nahaharap siya sa mga pagsubok, at mas malamang na magdurusa siya ng pasakit at paghihirap. Dahil ganito kumikilos ang diyos, mayroon din akong mga kontra-hakbang. Nagdurusa sa gayong pagtrato ang mga taong ito dahil nagsakripisyo sila; kung hindi ako magbabayad ng gayong halaga, kung hindi ako maghahangad sa ganitong paraan, hindi ba’t maiiwasan ko ang mga pagsubok na ito? Kung wala ang mga pagsubok na ito, hindi ba’t maiiwasan ko ang gayong pagdurusa? Kung hindi ako magdurusa nang ganito, hindi ba’t mamumuhay ako nang komportable? Kung makakatanggap pa rin ako ng mga pagpapala, bakit ako magiging hangal na hayaang magtitiis ng lahat ng uri ng paghihirap at pasakit sa laman ko? Sinasabi ng diyos na mahal niya ang mga tao, pero hindi ko matanggap ang ganitong paraan ng pagmamahal ng diyos! Kayong lahat ay puwedeng magbigay rito ng anumang interpretasyon na gusto ninyo; wala akong pakialam, hindi ko ito tatanggapin. Kailangang hindi ako makakuha ng atensiyon, kailangan kong umiwas, kailangan kong maging maingat at mapagbantay; hindi ko puwedeng hayaang mahuli ako ng diyos at pagtrabahuhin niya ako.” Kinikimkim ng mga anticristo ang mga bagay na ito sa kanilang puso, na pawang maling pagkaunawa, pagtutol, paghusga, at paglaban sa Diyos. Wala silang anumang kaalaman sa gawain ng Diyos. Habang tinitiktikan ang mga salita ng Diyos, tinitiktikan ang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos, nakakabuo sila ng mga gayong kongklusyon. Ibinabaon ng mga anticristo ang mga bagay na ito sa kailaliman ng kanilang puso, pinapaalalahanan ang kanilang sarili: “Sa pag-iingat nagmumula ang kaligtasan; mas mabuting lumipad nang walang nakakapansin; ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril; at malungkot sa itaas! Kailanman, huwag na huwag kang maging ang ibon na nag-uunat ng kanyang leeg, huwag umakyat nang masyadong mataas; mas mataas ang inakyat mo, mas masakit ang pagbagsak.” Hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at hindi sila naniniwala na matuwid at banal ang Kanyang disposisyon. Tinitingnan nila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at hinaharap nila ang gawain ng Diyos gamit ang mga perspektiba, kaisipan, at tusong pag-iisip ng tao, gumagamit ng lohika at pag-iisip ni Satanas para tukuyin ang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos. Maliwanag na hindi lang hindi tinatanggap o kinikilala ng mga anticristo ang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos; sa kabaligtaran, puno sila ng mga kuru-kuro, pagtutol, at paghihimagsik laban sa Diyos at wala silang kahit katiting na tunay na pagkakilala sa Kanya. Isang tandang pananong ang depinisyon ng mga anticristo sa gawain ng Diyos, sa disposisyon ng Diyos, at sa pagmamahal ng Diyos—puno ng pagdududa, at puno sila ng pag-aalinlangan at puno ng pagtatatwa at paninirang-puri dito; kung gayon, ano naman ang tungkol sa Kanyang pagkakakilanlan? Kumakatawan sa Kanyang pagkakakilanlan ang disposisyon ng Diyos; sa gayong pagtrato nila sa disposisyon ng Diyos, maliwanag ang kanilang pagtrato sa pagkakakilanlan ng Diyos—direktang pagtatatwa. Ito ang diwa ng mga anticristo.
Kahit anong bahagi ng mga salita ng Diyos ang harapin ng mga anticristo, kahit anong bahagi ng mga kilos ng Diyos ang kanilang harapin, ito man ay mga kilos ng Diyos sa lahat ng bagay o sa mga partikular na indibidwal, palagi nilang ginagamit ang mga perspektiba ng tao at lohika ni Satanas, pati na ang mga pamamaraan ng kaalaman at lohika, para bumuo ng kongklusyon at manghusga, sa halip na harapin ang mga ito bilang ang katotohanan at nang may pagtanggap. Samakatwid, hinggil sa mga salita tungkol sa disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos, at hinggil sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos at sa Espiritu ng Diyos, ang paraan ng mga anticristo ay talagang pareho, walang pagkakaiba. Sa pangkalahatan, ang lahat ng may kinalaman sa Diyos Mismo, lahat ng tungkol sa Lumikha, ay kanilang tinitiktikan, at pagkatapos ay bumubuo sila ng mga haka-haka, nagsisiyasat sila, at nagsusuri, na sa huli ay humahantong sa mga kongklusyon ng pagtatatwa at paninirang-puri. Mula sa anumang anggulo o sa anumang paraan harapin ng mga anticristo ang mga salitang ito ng Diyos, bakit palaging pagkondena at paninirang-puri ang mga kongklusyon na kanilang nabubuo? Bakit sila humahantong sa mga gayong kongklusyon? Totoo kaya na sa nilikhang sangkatauhan, walang sinuman ang kayang tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan? Ito ba ay isang hindi maiiwasang kalalabasan? Dahil ba ito sa Diyos? (Hindi.) Kung gayon, ano nga ba ang dahilan? (Dahil may kalikasan ang mga tao na lumalaban sa Diyos.) May kalikasan ang lahat na lumalaban sa Diyos. Bakit kaya pagkatapos basahin ang mga salitang ito, may mga taong nakakakilala na ang mga ito ang katotohanan at tumatanggap sa sinasabi ng Diyos, habang ang iba ay nagagawang itatwa, kondenahin, at siraan ang mga ito? Malinaw na ipinapakita nito ang isang problema, nagpapahiwatig na magkakaiba ang diwa sa loob ng mga tao. Ang mga anticristo, sa kanilang pagtrato sa mga salita ng Diyos, ay likas at personal na hindi tunay na tumatanggap sa mga ito. Dumarating sila nang may pagtutol at pagsusuri: “Sinasabi mong ikaw ay diyos, kung gayon kailangan kong makita, sa anong paraan ka nahahawig sa diyos? Sinasabi mong nagtataglay ka ng disposisyon ng diyos at ng pagka-diyos, kung gayon, kailangan kong makita kung alin sa iyong mga salita ang nagpapatunay na nagtataglay ka ng pagka-diyos at ng disposisyon ng diyos, anong mga gawa mo ang nagpapatunay na may pagkakakilanlan at diwa ka ng diyos. Nakagawa ka ba ng mga tanda at kababalaghan, o napagaling mo ba ang maysakit at nagpalayas ka ba ng mga demonyo? Isinumpa mo na ba ang isang tao at namatay siya agad? May ibinangon ka na ba mula sa mga patay? Ano ang mismong nagawa mo na maaaring magpatunay na nagtataglay ka ng disposisyon ng diyos, ng pagkakakilanlan, at diwa ng diyos?” Palaging nais makita ng mga anticristo ang mga bagay na ito, mga bagay na lampas sa katotohanan, sa daan, at sa buhay, ginagamit ang mga bagay na ito para kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng Diyos, para kumpirmahin na ang sinusundan nila ay ang Diyos. Mali ang mismong simulaing ito. Ano ang pinakabatayang bagay na maaaring kumatawan sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos? (Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.) Ito ang pinakabatayang bagay. Bakit hindi naaarok ng mga anticristo maging ang pinakabatayang bagay na ito? Ito ang paksang kailangan nating talakayin. Hinahamak ng mga anticristo ang katotohanan at mga positibong bagay; tutol sila sa katotohanan at sa lahat ng positibong bagay; kinamumuhian nila ang katotohanan at mga positibong bagay. Sa lahat ng salita ng Diyos, hindi nila nakikita kung aling mga salita ang katotohanan o mga positibong bagay. Makikita ba ito ng kanilang mga malademonyong mata? Kung hindi nila ito makita, makikilala ba nila ito? Ang kanilang pagkabigo na kilalanin ang mga salitang ito bilang ang katotohanan ay nangangahulugang hindi nila kayang kilalanin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Tiyak ito. Ang mga anticristo, sa pagharap sa mga salita ng Diyos tungkol sa Kanyang disposisyon, Kanyang pagkakakilanlan, at Kanyang diwa, ay gumagamit ng paraan na gaya ng ginagamit nila sa iba pang mga salita ng Diyos, nagkakalkula, nagpapakana, at nagbubulay-bulay sa kanilang isipan. Kung agad na nagkakatotoo ang isang bagay na sinabi ng Diyos mula sa Kanyang pagkakakilanlan bilang Diyos, agad na nagbabago ang kanilang saloobin; kung ang Diyos, bilang Diyos, ay nagsasabi o gumagawa ng isang bagay na magagamit laban sa Kanya, mayroon din silang kaukulang kontra-hakbang, at agad na nagbabagong muli ang kanilang saloobin. Sila ang kumokondena sa Diyos, at sila rin ang nagsasabi na ang Diyos ay kagaya ng Diyos. Sa kanilang pananaw, kung nagtataglay ba ang Diyos ng disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos, nakakabuo sila ng mga kongklusyon tungkol dito batay lamang sa kung ano ang nakikita ng kanilang sariling mga mata at sa kanilang sariling mental na pagsusuri.
Sa nakaraang isa o dalawang taon, gumawa ang iglesia ng ilang video ng patotoong batay sa karanasan. Iba’t ibang tao ang nagbigay ng iba’t ibang patotoong batay sa karanasan, na nakatulong sa ilang taong may hindi matatag na pundasyon at iyong mga medyo nagdududa na makapagtatag ng ilang pundasyon. Siyempre, para sa mga anticristo, nagkaroon din ito ng partikular na papel sa pagpapatatag sa kanila. Ang mga indibidwal na nagpapatotoo ay may iba’t ibang edad, mula sa iba’t ibang uri ng lipunan, at ang ilan ay mula pa nga sa iba’t ibang bansa at etnisidad. Mula sa mga patotoong batay sa karanasan na kanilang ibinahagi, maliwanag na nagbago sila sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakamit nila ang katotohanan at buhay, at sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga salita ng Diyos, sa pagtanggap sa yugtong ito ng gawain ng Diyos, naunawaan nila ang maraming katotohanan, kinukumpirma na ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay nagtataglay ng pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Siyempre, pagkatapos makinig sa mga patotoong batay sa karanasan na ito, nagkaroon din ng kaunting lihim na kasiyahan sa kaloob-looban nila ang mga anticristo: “Buti na lang, hindi ko hayagang hinusgahan ang diyos. Buti na lang, hindi ako nagmadaling itatwa ang diyos. Batay sa mga patotoo ng napakaraming tao, tila tama ang daan na ito. Ang cristo na ito, ang ordinaryong taong ito, ay maaaring ang diyos nga. Maaaring tama ang pusta ko. Kung magpapatuloy ako sa landas na ito, at kung mas maraming tao ang magpapatotoo tungkol sa taong ito, kung mas maraming tao ang lalapit sa taong ito, at kung mas maraming tao ang magkukumpirma sa pagkakakilanlan at diwa ng taong ito, kung gayon, mas lalaki nang lalaki ang aking pag-asa at tsansang makatanggap ng mga pagpapala.” Habang atubiling nagmamasid, patuloy na hinihikayat ng mga anticristo ang kanilang sarili at pinapalakas ang kanilang loob: “Huwag magmadali. Maging matiyaga. Kailangan mo lang magtiis. Ang siyang nagtitiis hanggang wakas ay maliligtas. Batay sa kasalukuyang iba’t ibang palatandaan, mula sa lawak at paglago ng iglesia ngayon, parami nang parami ang mga taong nakakatindig at nakakapagpatotoo tungkol sa diyos na ito, na kinukumpirma na tama ang daan na ito. Kaya bakit ako magiging napakahangal, magmamadaling tumindig at itatwa ito? Huwag gawin iyon, huwag maging hangal. Maghintay pa ng tatlo hanggang limang taon. Kung mas maraming tao, mas maraming tanyag at maalam na tao, mga taong may katayuan sa lipunan, ang magbibigay ng mas malakas na ebidensiya para kumpirmahin na ang ordinaryong taong ito ay si cristo, o kung mas maraming tao na bantog at may katayuan sa mundo ang sumali sa iglesia, at kung mas lumawak pa sa buong mundo ang iglesia, hindi ba’t may makakamit ako kung gayon? Hindi ba’t magkakaroon na ako ng malaking kalamangan kung gayon? Kung may kapangyarihan ang iglesia, hindi ba’t magkakaroon din ako ng kapangyarihan? Hinding-hindi ako dapat umalis! Kung tama ang lahat ng ito, kung ang taong ito ay talagang ang diyos, at kung itatakwil at itatatwa ko siya ngayon, mapapalampas ko ang lahat ng pagpapalang ito. Kailangan kong isugal ang lahat sa tao na ito. Kung sino siya sa kanyang pagkakakilanlan at diwa, kung sino ang kinakatawan ng kanyang disposisyon, wala na akong pakialam doon. Ang inaalala ko ay kung mas dumarami ang mga taong sumusunod sa kanya, kung nadaragdagan ba ang kapangyarihan at lawak ng iglesia. Kung umuunlad ito sa isang magandang direksiyon, at maaari pang lumago sa mga normal na sitwasyon, hindi ko na kailangang mag-alala tungkol sa kinabukasan ko. Kung siya talaga ang laman kung saan nagkatawang-tao ang diyos gaya ng ipinropesiya sa Bibliya, malaki ang magiging pagpapala at pakinabang sa akin.” Tuwing naiisip nila ito, nakakaramdam ng kaunting kaginhawahan at kagalakan ang mga anticristo sa kanilang puso: “Paano naman iyon? Kahit na hindi ako naniniwala na ang mga salita ng diyos ang katotohanan, puwede pa rin akong makatanggap ng mga pagpapala. Kahit hindi ako naniniwala na matuwid ang lahat ng gawa ng diyos, puwede pa rin akong manindigan. Kahit na hindi ako naniniwala na makapagliligtas ng mga tao ang diyos, maaari pa rin akong mabuhay. Kahit na hindi ako naniniwala na pinagmamasdan ng diyos ang kaibuturan ng puso ng tao, puwede ko pa ring gawin nang normal ang mga tungkulin ko sa iglesia. Hindi ako naniniwala sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at awtoridad ng diyos, hindi ako naniniwala na lahat ng ginagawa ng diyos ay makabuluhan, at hindi ako naniniwala na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at sa kapalaran ng buong sangkatauhan ang diyos—hindi ako naniniwala sa alinman sa mga ito, at ano naman? Hindi ako naniniwala sa pagkakakilanlan at diwa ng diyos, subalit iniraraos ko pa rin ang mga bagay sa iglesia. Hindi ba’t matuwid ang diyos? Iraraos ko lang ang gawain at sasabay lang ako sa agos sa iglesia nang ganito, nagtitiis lang. Sino ang puwedeng may gawin sa akin? Hindi ba’t puwede pa rin akong magtiis hanggang sa wakas at tiyak na maligtas?” Ano sa palagay ninyo, puwede bang magtagumpay ang ilusyon ng mga anticristo? (Hindi.) Kapag dumating ang araw na tunay nilang makita ang matuwid na disposisyon ng Diyos, nasaan na kaya sila? Kapag napilitan silang tunay na kilalanin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, na aminin na matuwid ang Diyos, kapag ipinakita sa kanila na talagang matuwid ang Diyos, nasaan na dapat sila? Puwede ba talaga silang maligtas? Maaari ba talagang magbunga ang kanilang pagtitiis? Puwede ba talaga nilang iraos lang ang gawain? Maaari bang ang kanilang pagtitiis, ang kanilang mga pagkokompromiso, ang kanilang matatag na pagtitiis sa mga paghihirap, ang kanilang tusong katalinuhan, ay tunay na makapagpapawalang-bisa sa kanilang masamang gawa ng paniniktik kung nagkakatotoo ang mga salita ng Diyos? Maaari ba talagang mapalitan ng kanilang ilusyon, mga kontra-hakbang, pagsasabwatan, pagpapakana, at lahat ng kanilang pinlano sa kanilang puso, kasama na ang kanilang paniniktik sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa Diyos, ang kanilang paghahangad sa katotohanan? Magiging daan ba ang mga ito upang sila ay maligtas? (Hindi.) Kung gayon, batay sa mga pagpapamalas na ito, bakit ang mga anticristo, na napakatuso at nangangasiwa sa lahat ng bagay nang walang iniiwang butas, na ginagawa ang lahat nang palihim, ay humahantong sa ganito? Mayroon lamang isang dahilan: Hindi nila hinaharap nang matapat ang mga salita ng Diyos, hindi nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, hindi sila nagpapasakop sa mga salita ng Diyos, sa halip ay tinitiktikan nila ang mga salita ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit humahantong sa ganito ang mga anticristo. Nauunawaan ninyong lahat ito, tama? Bagama’t hindi Ko pa sinabi sa inyo kung paano kumilos o paano tratuhin ang mga salita ng Diyos, sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga katunayang ito at paghihimay sa mga pananaw ng mga anticristo at sa kanilang saloobin tungkol sa mga salita ng Diyos, alam ninyong lahat kung anong uri ng saloobin sa mga salita ng Diyos at kung anong uri ng saloobin sa pag-arok ng mga salita ng Diyos ang pinakatama at ang mga saloobin na dapat taglayin ng isang nilikha, at na ang pagkakaroon ng mga saloobing ito ang dapat gawin ng isang nilikha.
Agosto 22, 2020