Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikaanim na Bahagi) Unang Seksiyon

III. Kinamumuhian ang mga Salita ng Diyos

Ipagpapatuloy natin ngayon ang pagbabahaginan sa ikasampung aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo: “Kinamumuhian nila ang katotohanan, hayagang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos,” na tumututok sa ikatlong bahagi, na kinamumuhian nila ang mga salita ng Diyos. Sa huling pagtitipon, nagbahaginan tayo sa dalawang aspekto ng bahaging ito. Ano ang dalawang iyon? (Ang una ay na pinakikialaman at binibigyang-kahulugan ng mga anticristo nang wala sa katwiran ang mga salita ng Diyos. Ang isa pa ay na itinatatwa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos kapag hindi umaayon ang mga ito sa kanilang mga kuru-kuro.) Ang dalawang aspekto ay may kinalaman sa pagkamuhi ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos. Malinaw na makikita sa maraming paraan ang pagkamuhi ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos; konektado ito sa diwa nila, sa saloobin nila sa Diyos, at sa kung paano nila tinatrato ang lahat ng aspektong may kaugnayan sa Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay sumasaklaw sa maraming paksa, kaya, ang pagkamuhi ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos ay hindi isang simpleng saloobin na mayroon sila sa Kanyang mga salita. Maraming aspekto ang mga dahilan ng kanilang pagkamuhi sa Kanyang mga salita, hindi iisa lang. Sa huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa dalawang partikular na pagpapamalas ng kung paano kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos. Ngayon, magbabahaginan tayo sa isa pang pagpapamalas.

C. Inuusisa ng mga Anticristo Kung Nagkakatotoo ang mga Salita ng Diyos

Kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos—mayroon ba silang tunay na pananampalataya sa sinasabi ng Diyos, sa lahat ng nilalaman na sinabi ng Diyos? (Wala.) May aktuwal na ebidensiya nito. Hindi sila tunay na nananampalataya, kaya ano ang kanilang saloobin sa kung tumutugma ba sa realidad ang lahat ng salita ng Diyos, kung magkakatotoo ba ang mga ito, o kung totoo ba ang mga ito? Tunay ba silang nananampalataya, o nagdududa ba sila at atubiling nagmamasid sa kanilang puso? Mariin silang nagdududa at atubiling nagmamasid sa kanilang puso. Ngayon, magbabahaginan tayo sa pagpapamalas na ito ng mga anticristo: Inuusisa nila kung nagkakatotoo ang mga salita ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “inuusisa”? Bakit ginagamit ang salitang “inuusisa”? (O Diyos, ang pag-usisa ay nangangahulugan ng lihim na pagmamasid, paninilip.) Ang paliwanag na ito ay tama sa kabuuan. Nauunawaan ng lahat ngayon ang kahulugan ng “inuusisa”; ito ay ang manood at atubiling magmasid nang palihim, tumingin nang patago nang hindi napapansin ng iba, kumilos sa dilim, hindi nang hayagan o hayaan ang iba na makakita; maliit na taktika ito. Malinaw na ang taong gumagawa ng taktikang ito ay hindi gumagawa nito nang hayagan kundi nang palihim. Kaya, mula sa mga pagpapamalas at paliwanag na ito, anong uri ng pag-uugali ito kapag inuusisa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos? (Pagkamuhi sa katotohanan.) Ano ang nagpapatunay na ito ay pagkamuhi sa katotohanan? Bakit hindi na lang basahin ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos nang matapat, makatarungan, at hayagan? Bakit sila nag-uusisa? Talaga bang isang uri ng kilos ang pag-uusisa? Mula sa paliwanag nito, malinaw na hindi isang bagay na ginagawa nang lantaran ang pag-uusisa; hindi ito isang bagay na makikilatis mula sa panlabas na mga anyo, ekspresyon, o kilos. Sa halip, nakakubli ang lahat ng kaisipang ito, nakatago sa puso, hindi nakikita ng iba, at mahirap tukuyin kung ano ang iniisip nila batay sa kanilang mga ekspresyon at mga kilos—ito ay tinatawag na pag-uusisa. Isa itong saloobin sa mga salita ng Diyos na hindi puwedeng lumitaw nang hayagan; malinaw na isa itong maling saloobin. Isa itong saloobin ng pagtrato sa mga salita ng Diyos mula sa perspektiba ng isang ikatlong partido, mula sa isang mapanlaban na pananaw, mula sa pananaw ng may pag-aatubiling pagmamasid, pagsisiyasat, pagdududa, at pagkontra. Mula sa mga pag-uugaling ito, masasabi ba na ang pag-usisa ng mga anticristo sa kung magkakatotoo ba ang mga salita ng Diyos ay isang pagpapamalas ng pagkamuhi sa mga salita ng Diyos na seryoso sa kalikasan? (Oo.) Ang pag-usisa ng mga anticristo sa kung magkakatotoo ba ang mga salita ng Diyos ay sumasalamin sa kanilang disposisyon at tunay na saloobin sa mga salita ng Diyos, na nabubunyag sa kanilang puso, mga kaisipan, at mga lihim na opinyon.

Alin sa mga salita ng Diyos ang inuusisa ng mga anticristo? Sa kanilang pananaw, alin sa mga salita ng Diyos ang karapat-dapat sa kanilang palihim, malalim na pagsisiyasat at pagsusuri? Ibig sabihin, aling partikular na mga nilalaman na sinabi ng Diyos ang partikular silang interesado, habang madalas na pinagdududahan at pinagmamasdan ang mga ito nang may pag-aatubili sa kanilang puso? Alin sa mga salita ng Diyos ang pinaniniwalaan ng mga anticristo na karapat-dapat pag-ukulan ng oras at enerhiya sa pag-uusisa sa kanilang puso? (Ang ilan sa mga propesiya, mga misteryo, at mga salita ng Diyos na may kinalaman sa kinabukasan, tadhana, at hantungan ng mga tao.) Mga propesiya, hantungan, misteryo—ito ang mga bagay na inaalala ng karamihan sa mga tao at ang talagang hindi kailanman mabitiwan ng mga anticristo sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa partikular, alin sa mga salita ng Diyos ang mas inaalala ng mga anticristo at madalas nilang inuusisa sa kanilang puso? Dahil may kinalaman ito sa kung magkakatotoo ba ang mga salitang ito, sa kung maisasakatuparan ba ang mga ito, sa kung makikita ba nila ang aktuwal na katuparan ng kanilang mga nakamit, ang inaalala ng mga anticristo ay tiyak na ang mga ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan, tama ba? (Tama.) Gayundin, ang mga salitang may kinalaman sa pagsumpa at pagparusa ng Diyos sa mga tao, pagparusa sa masasamang tao, pagparusa sa lahat ng kumokontra sa mga salita ng Diyos. At nariyan din ang mga propesiya ng mga sakuna—hindi ba’t bahagi rin ito ng inaalala ng mga anticristo? (Oo.) Ano pa? (Ang mga salita tungkol sa kung kailan aalis ang Diyos sa lupa.) Kung kailan aalis ang Diyos sa lupa, kung kailan luluwalhatiin ang Diyos, kung kailan matatapos ang dakilang gawain ng Diyos, kung kailan wawakasan ng Diyos ang sangkatauhang ito, tama ba? (Tama.) Ilan lahat ang mga aytem na ito? (Apat.) Ang una ay ang mga salita ng Diyos ng mga pangako at mga pagpapala sa tao. Ang ikalawa ay ang mga salita ng Diyos ng pagsumpa at pagparusa sa tao. Ang ikatlo ay ang mga salita ng Diyos na nagpopropesiya ng sakuna. Ang ikaapat ay ang mga salita ng Diyos kung kailan Niya lilisanin ang mundo at kailan matatapos ang Kanyang dakilang gawain. At mayroon pang isa, ang pinakamahalagang aytem, isang kategorya ng mga salita ng Diyos na gustong-gustong usisain ng mga anticristo, at iyon ay ang mga salita ng Diyos tungkol sa Kanyang disposisyon, Kanyang pagkakakilanlan, at Kanyang diwa. Bakit idadagdag ang panghuling aytem na ito? Hindi naniniwala ang mga anticristo na magkakatotoo ang mga salita ng Diyos; madalas nilang usisain ang mga salita ng Diyos, kaya ano ang pangunahing pumupukaw ng kanilang pagdududa, na humahantong sa kanilang pag-usisa sa mga salita ng Diyos? Pangunahin nilang hindi pinaniniwalaan ang Diyos. Likas na mga hindi mananampalataya ang mga anticristo, mga diyablo sila; pinagdududahan nila ang pag-iral ng Diyos, hindi sila naniniwala na may Diyos sa mundong ito, hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos, o sa lahat ng ginagawa ng Diyos. Kaya, ganap silang nagdududa sa disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos. Dahil sa kanilang pagdududa, ano ang gagawin nila? Kung nagagawa nilang pagdudahan ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, kung gayon, pagdating sa mga salitang may kinalaman sa disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos, babasahin lang ba nila ang mga ito nang walang pag-unawa o reaksiyon? Magagawa ba nilang matatag na paniwalaan at tanggapin ang mga salitang ito? (Hindi.) Halimbawa, kung palaging pinaghihinalaan ng isang tao na ampon siya, kaya ba niyang paniwalaan na ang kanyang mga magulang ang tunay niyang magulang? Kaya ba niyang paniwalaan na taos ang pagmamahal, proteksiyon, at ang lahat ng sakripisyong ginawa ng kanyang mga magulang para sa kanyang kinabukasan? (Hindi.) Kapag nagdududa at hindi siya naniniwala sa lahat ng ito, hindi ba’t gagawa siya ng ilang bagay nang palihim? Halimbawa, minsan ay maaaring makinig siya nang palihim sa mga pag-uusap ng kanyang mga magulang para malaman kung pinag-uusapan ng mga ito ang kanyang pinagmulan. Karaniwan din siyang magmamasid nang mabuti at palaging magtatanong sa kanyang mga magulang tungkol sa kung saan siya ipinanganak, sino ang nagluwal sa kanya, at kung ano ang timbang niya noong ipinanganak siya—palagi siyang magtatanong tungkol sa mga bagay na ito. Kung papaluin o didisiplinahin siya ng kanyang mga magulang, mas titindi pa ang kanyang mga paghihinala. Kahit ano ang gawin ng mga magulang niya, palagi siyang magiging mapagmatyag at magdududa. Kahit gaano kabuti ang pagtrato sa kanya ng kanyang mga magulang, hindi niya mabitiwan ang pagiging maingat sa puso niya. Kaya, hindi ba’t nagaganap nang palihim ang lahat ng pagkamaingat na ito, ang lahat ng panloob na aktibidad, kaisipan, at saloobing ito? Sa sandaling pagdudahan niya kung ang kanyang mga magulang ang tunay niyang mga magulang, tiyak na gagawa siya ng ilang bagay nang walang nakakakita. Samakatwid, sapagkat ang kalikasan ng mga anticristo ay tulad ng sa mga hindi mananampalataya, tiyak na hindi nila pinaniniwalaan, kinikilala, o tinatanggap ang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos. Sa ganitong saloobin ng hindi paniniwala, hindi pagkilala, at hindi pagtanggap, talaga bang pinaniniwalaan at tinatanggap nila sa kanilang puso ang mga salitang may kinalaman sa disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos? Tiyak na hindi. Hangga’t may kinalaman ito sa mga salita tungkol sa disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos, nagkikimkim sila ng pagdududa, pagkontra, at may pag-aatubiling pagmamasid sa kanilang puso. Huwag muna nating idetalye ang aspektong ito sa ngayon.

Ang limang pagpapamalas ng pag-uusisa ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos na katatalakay pa lang ay halos komprehensibo at tipikal. Inuusisa ng mga anticristo ang partikular na nilalaman at pokus ng mga salita ng Diyos. Tungkol naman sa maraming salita na kaugnay sa buhay pagpasok, mga salitang ginagamit ng Diyos para bigyang-ginhawa ang mga tao, ipaliwanag ang ilang misteryo, o ilantad ang tiwaling disposisyon ng tao, at iba pa, may pakialam ba ang mga anticristo sa mga salitang ito? (Wala.) Para sa kanila, walang halaga ang mga salitang ito. Bakit? Dahil hindi mahal ng mga anticristo ang katotohanan, hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at hindi nila nilalayong tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos o ang pagliligtas ng Diyos. Wala silang mga gayong plano, kaya itinuturing nila ang mga salitang may kaugnayan sa mga pagbabago ng disposisyon ng tao at buhay pagpasok bilang hindi mahalaga, hindi sulit basahin, pag-isipan, o isapuso. Hindi sila interesado sa mga salitang ito. Iniisip nila, “Ano ba ang kinalaman ng mga salitang iyon sa kinabukasan at tadhana namin? Ano ang kinalaman ng mga iyon sa aming hantungan? Ang mga salitang iyon ay tungkol sa maliliit na usapin, hindi sulit basahin o pakinggan. Kung talagang nababahala ang isang tao, kung walang ibang magagamit na solusyon, puwede namang pansamantala niyang basahin ang mga salitang iyon para punan ang kahungkagan sa puso, o para malampasan ang ilang napakahirap na balakid at lutasin ang ilang mahirap na suliranin—iyon lang. Ang sabihing makapagbabago ng disposisyon ng isang tao ang mga salitang iyon, paanong ganoon lang ito kasimple?” Sa simula pa lang ay wala silang layunin na baguhin ang kanilang disposisyon, walang plano na tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang ang buhay, ang daan, o ang katotohanan. Ang kanilang kinabukasan at hantungan ang nais nila, pati na kapangyarihan. Kaya, hindi nila sineseryoso ang mga gayong salita, ni isinasapuso ang mga ito. Ang implikasyon, mula sa perspektiba ng mga anticristo, ay na hindi sulit sa kanilang pagsisiyasat ang mga salitang ito, at lalong hindi sulit sa kanilang oras na suriin at imbestigahan kung ang mga ito ang katotohanan o kung kaya bang baguhin ng mga ito ang mga tao. Para sa mga anticristo, anumang salitang may kaugnayan sa kanilang tadhana at hantungan, sa kanilang sariling pagkakakilanlan, katayuan, sa lahat ng kanilang personal na interes, at iba pa, ay may kabuluhan, ang mga ito ang pinakamahalaga. Sinasabi ng ilang tao: “Dahil para sa mga anticristo ay napakahalaga ng mga bahaging ito ng mga salita ng Diyos at lubos nilang binibigyang-pansin ang mga ito, paano masasabi na inuusisa nila ang mga salita ng Diyos? Hindi ba’t medyo maling akusasyon ito? Hindi ba’t medyo malayo na ito at hindi masyadong angkop?” (Hindi. Hindi naniniwala ang mga anticristo na tiyak na magkakatotoo at maisasakatuparan ang mga salita ng Diyos, hindi sila naniniwala na seryoso ang Diyos sa Kanyang sinasabi, at na talagang mangyayari ang Kanyang sinasabi. Hindi nila binabasa ang mga salita ng Diyos nang may mentalidad ng pananampalataya at pagkilala, kundi nagmamasid sila kung magkakatotoo nga ba ang mga salita ng Diyos.) Ganito ba ang nangyayari? (Oo.) Pinahahalagahan ng mga anticristo ang mga salitang ito dahil maaaring matugunan ng mga ito ang mga pagnanais nila. Bukod dito, kung maisasakatuparan ang mga salitang ito, matutugunan nito ang mga ambisyon nila. Kung maaarok nila ang mga salitang ito at panghahawakan ang mga ito, kung gayon, kapag nagkatotoo na ang mga salitang ito, tama ang naging pasya nila, at tamang hakbang ang pagsunod nila sa Diyos. Gayumpaman, ang kanilang pagpapahalaga sa mga salitang ito ay hindi nangangahulugan na matatanggap nila ang mga ito bilang ang katotohanan sa kaibuturan nila, bilang nagmumula sa Diyos, hindi rin masasabi na tinatanggap nila ang mga salitang ito sa kanilang puso bilang mga salita ng Diyos. Sa kabaligtaran, habang pinahahalagahan nila ang mga salitang ito, pinagdududahan nila ang mga ito sa kanilang puso, nagmamasid lamang sila nang may pag-aatubili. Maaari ding sabihin na ang mga salitang ito ay puwedeng maging ebidensiya at bentaha para sa kanila na itatwa ang Diyos at itatwa ang yugtong ito ng gawain ng Diyos sa anumang sandali, sa anumang oras at lugar. Palagi silang nagmamasid at matiyagang sumusubaybay para makita kung ang mga salitang ito ay natutupad at naisasakatuparan sa bawat hakbang ng gawain ng Diyos at sa bawat panahon na inaakay ng Diyos ang mga tao. Malinaw na palaging nakatuon ang mga anticristo sa kung magkakatotoo ba ang mga salita ng Diyos. Sa panahong ito, hindi kailanman nagbago ang kanilang saloobin ng pagkamapanlaban sa Diyos, paglaban sa Diyos, at pagsisiyasat at pagsusuri sa Diyos. Sila ay mapanlaban sa Diyos at sinisiyasat nila ang Diyos, palaging inuusisa ang bawat kilos at salita ng Diyos sa kanilang puso; kasabay nito, sinusubukan din nilang kondenahin ang Diyos at ang gawain ng Diyos. Hindi ba’t isa itong tuloy-tuloy na pagpapamalas ng paglaban ng mga anticristo sa Diyos? (Oo.) Mula sa mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, mayroon bang anumang pahiwatig ng pagtanggap sa mga salita ng Diyos? Anumang pahiwatig ng pagpapasakop? Anumang pahiwatig ng pagtrato sa Diyos bilang Diyos? (Wala.) Susunod, isa-isa nating pagbabahaginan ang mga aytem na ito.

1. Pag-uusisa sa mga Salita ng mga Pangako at mga Pagpapala ng Diyos sa Tao

Ang unang aytem ay na inuusisa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos ng mga pangako at mga pagpapala. Mula nang simulan ng Diyos ang Kanyang gawain at nagsalita Siya, marami Siyang sinabi sa sangkatauhan, sa Kanyang mga hinirang na tao, at sa mga nakikinig sa Kanyang mga salita tungkol sa kung anong mga pagpapala at biyaya ang ipagkakaloob Niya sa mga tao, kung anong mga pagpapala ang ipinapangako Niya sa mga tao, at iba pa. Sa iba’t ibang panahon, okasyon, o konteksto, sinasabi ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod ang tungkol sa mga pagpapala at pangako, ipinapaalam sa kanila na kung matutupad nila ang ilang bagay, pagpapalain sila ng Diyos sa mga partikular na paraan, at makakatanggap sila ng ilang pagpapala at pangako, at iba pa. Hindi mahalaga kung anong panahon sinabi ng Diyos ang mga salitang ito o kung kanino man ipinangako ng Diyos ang mga ito, sinabi ang mga salitang ito sa ilalim ng ilang partikular na konteksto at sa isang partikular na kapaligiran. Higit pa rito, ang mga pangako at pagpapala na ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ay may kaugnayan sa kanilang mga positibong pagpapamalas, tulad ng paghahangad sa katotohanan, pagbabago sa disposisyon, at tunay na pagpapasakop sa Diyos. Ipinapahiwatig na may kondisyon ang mga pangako at pagpapala ng Diyos sa mga tao. Hindi ang mga tao ang may huling salita sa mga kondisyong ito, at hindi rin natutukoy ang mga ito ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao; sa halip, natutukoy ang mga ito ayon sa mga pamantayan at mga hinihingi ng Diyos, na may sangkot na ilang prinsipyo at tuntunin. Tungkol sa kung paano nagkakatotoo, natutupad, at naisasakatuparan ang mga salita ng Diyos sa iba’t ibang tao, tiyak na hindi ito basta-bastang ginagawa ng Diyos—sa halip, may batayan ito. Ang parehong gawa na ginawa ng iba’t ibang tao ay maaaring magresulta sa iba’t ibang pagtrato mula sa Diyos. Halimbawa, maaaring may dalawang tao na namumuno sa tig-iisang iglesia; ang isa ay madalas na tumatanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw at madalas na nagtitiis ng pagdidisiplina, na nagreresulta sa mabilis na paglago sa tayog. Sa kabaligtaran, ang pangalawa ay maaaring medyo manhid at mabagal tumugon, na nagreresulta sa mas mabagal na pag-usad. Mula sa perspektiba ng tao, ang dalawang taong ito na gumagawa ng parehong gawain at nagpapakita ng magkatulad na pag-uugali ay dapat makatanggap ng parehong pagpapala at pagtrato mula sa Diyos. Gayumpaman, pagdating sa buhay pagpasok na kanilang nararanasan at nakakamit sa paggawa ng kanilang mga tungkulin at sa kanilang buhay, o sa panlabas na biyayang natatanggap nila, magkakaroon ng mga tiyak na pagkakaiba. Ang mga “tiyak na pagkakaiba” na ito ay, siyempre, hindi di-maiiwasan. Kaya, paano inilalaan ng Diyos ang mga diumano’y pagpapala at iba’t ibang pagtrato, o kaliwanagan, pagtanglaw, at iba pang mga pakinabang na natatanggap ng mga tao mula sa Diyos? May iba’t ibang paraan ang Diyos sa pakikitungo sa iba’t ibang tao. Ang ilang tao ay tamad, banidoso, mahilig makipagkompetensiya, at mainggitin, at habang handa silang gumugol ng sarili at magtiis ng ilang paghihirap sa panlabas, sadyang hindi nila kayang tanggapin o isagawa ang katotohanan. Sa kabilang banda, ang ilang tao ay masipag; kahit na mayroon silang parehong mga tiwaling disposisyon, medyo matapat at mapagpakumbaba sila. Kaya nilang tanggapin ang katotohanan at tanggapin ang pagpupungos. Taimtim nilang tinatanggap at nauunawaan ang lahat ng sinasabi ng Diyos at ang bawat kapaligiran na isinasaayos ng Diyos para sa kanila, habang tinatrato rin ito nang taimtim. Kaya, sa panlabas, maaaring pareho ang gawain at ang dami ng gawain na ginagawa ng dalawang tao, pero magkakaloob ang Diyos ng iba’t ibang pagpapala at iba’t ibang kaliwanagan at pagtanglaw batay sa kanilang iba’t ibang disposisyon at mga paghahangad. Sa panlabas, ang taong tumatanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw ay maaaring mas magdurusa pa at madalas na magtitiis ng pagdidisiplina, pero mas malaki rin ang makakamit nila. Sa kabaligtaran, nahaharap sa mas kaunting pagdidisiplina ang taong manhid at mapurol ang isip, nagdurusa siya nang mas kaunti, kaya mas mabagal ang kanyang paglago sa buhay at mas kaunti ang kanyang nakakamit. Sa kaibuturan, sino ang tunay na tumatanggap ng mga pagpapala at pangako ng Diyos? (Ang taong mas nagdurusa at madalas tumatanggap ng pagdidisiplina.) Maaaring tila nadidisiplina ang taong tumatanggap ng mga pangako at pagpapala ng Diyos, madalas na nahaharap sa mga dagok, nagbubunyag ng katiwalian, at nalalantad, pero madalas nilang natatanggap ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos. Sa kabilang banda, namumuhay nang komportable, masaya, at malaya ang taong hindi nadidisiplina. Kapag tamad sila, hindi sila dinidisiplina; kapag naiinggit sila, hindi sila dinidisiplina; kapag iresponsable sila sa kanilang gawain, hindi sila dinidisiplina—nagpapakasasa pa nga sila sa mga pakinabang ng katayuan at namumuhay nang kontento. Sino ang pinipili ng mga taong may espirituwal na pang-unawa, na tunay na nakakaarok sa mga bagay-bagay, at nagmamahal sa mga positibong bagay? Pinipili nila ang taong nagtitiis ng pagdidisiplina, madalas na nahaharap sa mga dagok, at nakatatanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw; itinuturing nila ang gayong tao na tunay na pinagpapala ng Diyos. Nagnanais na maging ganoong uri ng tao ang mga taong naghahangad sa katotohanan. Handa silang palaging mamuhay sa harap ng Diyos, kahit na nangangahulugan ito ng madalas na pagtanggap ng pagdidisiplina at pagtutuwid ng Diyos. Naniniwala sila na ito ay pagpapala ng Diyos at tunay na pangako ng Diyos. Ang pagkakaroon ng mga karanasan at mga pakinabang na ito ay nagpapatunay sa pag-iral ng mga pagpapala at pangako na sinabi ng Diyos. Pero paano ito tinitingnan ng mga anticristo? Hindi sinusukat ng mga anticristo ang mga pangako at pagpapala ng Diyos batay sa kung gaano karaming katotohanan ang nauunawaan ng isang tao, kung gaano karaming katotohanan ang kanilang nakamit, o kung gaano karaming positibong pakinabang ang kanilang natanggap. Sa halip, sinusukat nila kung gaano karami ang nakamit batay sa perspektiba ng mga pakinabang ng laman at ng mga materyal na interes. Sino sa palagay ninyo ang kinaiinggitan ng mga anticristo? (Ang taong hindi nagtitiis ng pagdidisiplina.) Kinaiinggitan ng mga anticristo ang taong tamad at hindi tapat, na hindi nahaharap sa anumang pagdidisiplina at nagtatamasa sa mga pakinabang ng katayuan. Na kinaiinggitan ng mga anticristo ang mga gayong indibidwal ay nagpapatunay na may problema sa paraan ng kanilang pagtingin sa mga bagay-bagay; natutukoy ito ng kanilang kalikasang diwa.

Paano inuusisa ng mga anticristo kung natutupad ang mga salita ng Diyos ng mga pangako at pagpapala sa tao? Kapag isinasaad ng mga salita ng Diyos kung sino ang Kanyang pinagpapala, sino ang tumatanggap ng Kanyang mga pangako, at sino ang puwedeng tumanggap ng mga pangako mula sa Diyos, paano ito pinagmamasdan ng mga anticristo? Sinasabi nila, “Ang mga taong nagbabayad ng halaga para sa diyos ay tumatanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw, mayroon silang pagdidisiplina at patnubay ng diyos, at itinuturing na iyon na pagtanggap ng mga pagpapala? Pagpapala ng diyos ang madisiplina? Tanging mga hangal ang mag-iisip nang ganoon! Hindi ba’t kawalan iyon? Hindi ba’t nakakasira iyon sa reputasyon ng isang tao? At tinatawag pa iyon na pagpapala ng diyos? Ganoon ba nagkakatotoo at naisasakatuparan ang mga salita ng diyos? Kung ganoon nga, ayaw kong maging gayong klase ng tao, ayaw kong maghangad ng pagdurusa at magbayad ng halaga. Hindi ko tinatanggap ang ganitong paraan ng paggawa ng diyos; anong klaseng katotohanan ito? Paano iyon maituturing na pagliligtas sa mga tao?” Lumilitaw ang pagkontra sa kanilang puso; hindi nila tinatanggap ang pagpapala at pag-akay ng Diyos sa ganitong paraan, hindi nila tinatanggap ang pagkakaloob ng Diyos ng buhay sa mga tao sa ganitong paraan, at hindi nila tinatanggap na ginagawa ng Diyos ang katotohanan sa mga tao sa ganitong paraan. Siyempre, maaari din na may mga tao sa paligid ng mga anticristo na, mula nang manampalataya sa Diyos, ay nagkaroon na ng matagumpay na negosyo, kumita ng mas maraming pera, nakabili ng mga sasakyan at bahay, at bumuti ang kanilang materyal na buhay, naging mayaman. Nang makita ito, iniisip ng mga anticristo, “Pagkatapos manampalataya sa diyos, natanggap nila ang mga pagpapala at natamasa ang biyaya ng diyos. Mula sa mga katunayang ito, tila naisakatuparan sa mga gayong tao ang mga pangako at pagpapala ng diyos sa tao; nagkatotoo ang mga salita ng diyos. Tila may awtoridad nga ang mga salita ng diyos; tama ang pagtanggap sa yugtong ito ng gawain ng diyos, at makakatanggap ng maraming pagpapala ang isang tao, magiging maayos ang takbo ng lahat ng bagay, at makakatanggap ng biyaya mula sa diyos ang isang tao.” Pagkatapos masaksihan ang mga gayong katunayan, sa puso nila, pansamantalang may kaunting pagkilala at paniniwala ang mga anticristo sa mga pangako at pagpapala ng Diyos. Siyempre, ang pagkilala at paniniwalang ito ay dapat na may kasamang paalala na nagsasabing “nangangailangan ng karagdagang beripikasyon.” Sa kanilang pang-araw-araw na buhay, patuloy na pinagmamasdan at kinokolekta ng mga anticristo ang iba’t ibang ebidensiya para beripikahin na nagkakatotoo at natutupad ang mga pagpapala at pangako ng Diyos sa maraming tao. Habang nagmamasid, nangangalap ng ebidensiyang ito ang mga anticristong ito, sinusubukang tingnan kung sino ang nakatanggap ng mga pagpapala at pangako ng Diyos, kung ano ang nagawa ng mga taong ito, ang kanilang mga saloobin sa Diyos, paano nila sinusunod ang Diyos, at ang kanilang mga pananaw. Siyempre, sa panahong ito ng patuloy na pagmamasid at pangangalap ng ebidensiya, tinatangka rin ng mga anticristo na gayahin ang pag-uugali, mga kilos, at pananaw ng mga nakatanggap ng mga pagpapala at pangako ng Diyos. Kung sila mismo ay makatanggap ng ilang materyal na pagpapala, pagtrato, at kasiyahan, sumasang-ayon sila sa loob-loob nila: “Hindi mga walang kabuluhang salita ang mga pagpapala at pangako ng diyos; puwedeng maisakatuparan ang mga ito. Tila diyos nga ang diyos na ito, talagang may kakayahan siya. Kaya niyang magkaloob ng mga pagpapala at pangako sa mga tao, magdala ng ilang pakinabang, at tugunan ang ilang pangangailangan nila sa partikular na mga interes. Tila dapat patuloy ko siyang paniwalaan at sundin; hindi ako dapat mahuli o magpabaya.” Mula simula hanggang katapusan, atubiling nagmamasid ang mga anticristo. Pero may nakakapansin ba kapag ginagawa nila ito? Nagmamasid ba sila nang may pag-atubili sa harapan ng lahat, sinasabi sa lahat na, “Hindi ako naniniwala sa mga pagpapala at pangakong ito ng diyos”? (Hindi.) Sa panlabas, hindi mo mapapansin. Nakikita mo sila na kahanay ng lahat, tinatalikuran ang kanilang mga trabaho, buhay may-asawa, pamilya, at iba pa, at ginagawa rin ang kanilang mga tungkulin kasama ng lahat, gumigising nang maaga at natutulog nang dis-oras ng gabi, nagtitiis ng hirap at nagbabayad ng halaga. Hindi sila nagsasalita ng mga salitang nagdudulot ng kaguluhan o ng mga negatibong salita, hindi nagpapahayag ng mga paghatol, hindi gumagawa ng masasamang bagay, at hindi nagdudulot ng kaguluhan. Gayumpaman, may isang bagay pa rin: Kahit gaano man sila kumilos nang patago sa panlabas, ang kanilang mga panloob na pananaw at kaisipan ang nangingibabaw at nag-iimpluwensiya sa kanilang pag-uugali. Sa kaibuturan, hindi maitatago sa Diyos ang kanilang atubiling pagmamasid at pag-uusisa sa mga salita ng Diyos. Kaya, anong mga aspekto ng mga anticristo ang puwedeng itago mula sa mga tao pero hindi sa Diyos? Nakikita lamang ng mga tao ang pag-uugali ng iba, nakikita lamang nila ang ibinubunyag ng iba—ang Diyos, sa kabilang banda, ay hindi lamang tinitingnan ang mga ito kundi, higit sa lahat, pinagmamasdan Niya ang puso at mga kaloob-loobang kaisipan ng mga tao. Ang mga pag-uugali at pagbubunyag ng isang tao ay medyo paimbabaw, pero ang kaibuturan ng puso ng isang tao ay hindi nakikita, kung saan nakatago ang kanilang mas malalalim na kaisipan at ang maraming elemento ng kanilang kalikasan. Kapag inuusisa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos tulad ng Kanyang mga pangako at pagpapala, sa panlabas ay maaaring iniaalay nila ang kanilang oras at nagbabayad sila ng pisikal na halaga, pero hindi nila ganap na inilalaan sa Diyos ang kanilang puso. Ano ang mga kongkretong pagpapamalas ng hindi ganap na paglalaan ng kanilang puso sa Diyos? Anuman ang kanilang ginagawa o ang tungkulin na ginagampanan nila, hindi nila ibinubuhos ang lahat ng kanilang lakas dito at hindi nila ito ginagawa nang walang pasubali, sa halip ay tinitiyak lamang nila na walang mga halatang kamalian at na tama ang pangunahing direksiyon ng kabuuang proseso. Bakit nagagawa nila ito? Sa kaibuturan ng kanilang puso, sa kaloob-looban ng kanilang pagkatao, nagkikimkim sila ng isang kaisipan: “Naisasakatuparan man o hindi ang mga salita ng diyos, ito ang nagtatakda kung maliligtas ako ng diyos at kung siya nga ang aking diyos. Kung hindi masasagot ang katanungang ito, maging ang pagiging totoo ng pagkakakilanlan at diwa ng diyos ay karapat-dapat ding kuwestiyunin.” Nang may mga gayong kaisipan sa kanilang kaibuturan, maaari pa rin kaya silang magkaroon ng tunay na puso para sa Diyos? Hinahadlangan sila ng mga malalim na kaisipang ito sa kanilang puso, patuloy silang binabalaan: Huwag ibigay ang iyong tunay na puso sa diyos, huwag ibigay ang lahat-lahat, iraos mo lang ang anumang ginagawa mo, at huwag kang maging hangal; magtira ka para sa sarili mo, siguraduhing may daan kang malalabasan, at huwag mong ipagkatiwala ang iyong buhay o ang iyong mga pinakamahalagang bagay sa diyos na ito na hindi pa kilala. Ganito sila mag-isip sa kanilang puso. Napansin ba ninyo ito? (Hindi.) Ang mga anticristong ito, sa mga pagtitipon at sa pakikisalamuha sa iba, ay maaaring mabait sa panlabas, normal na nakikisama, at nagbabahagi pa nga ng ilan sa kanilang sariling kabatiran, pagkaunawa, at karanasan at maaaring nagpapakita sila ng panlabas, mababaw, karaniwang mga pag-uugali at pagpapamalas na dapat taglayin ng isang mananampalataya; gayumpaman, walang paglago o pag-unlad sa kanilang pagkatakot sa Diyos o sinseridad sa Kanya. Paano man magbayad ng halaga ang mga taong ito o ilang taon man nilang ginagawa ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, isang bagay ang tiyak: Hindi lumalago ang buhay nila—wala silang buhay. Sa anong mga aspekto naipapamalas ang kawalan ng buhay na ito? Kapag nahaharap sa mga sitwasyon, hindi nila hinahanap ang mga prinsipyo ni kaunti; kontento na sila kung nagpapatuloy ang kasalukuyang gawain, hindi nila kailanman itinuturing na pamantayan ng kanilang pagsasagawa ang mga prinsipyong sinasabi ng Diyos, paimbabaw lang nilang tinatanggap ang pagsusubaybay, pangangasiwa, at pamumuno ng ibang tao, at hindi nila tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos. Nangangahulugan ito na hanggang sa malinaw nilang makumpirma kung kanino tunay na natutupad ang mga pangako at pagpapala ng Diyos, kung kaninong grupo ng mga tao natatamo ang mga ito, at hanggang makumpirma nila na sila mismo ay tunay na makatatanggap mula sa Diyos ng mga pangako at pagpapala na ibinibigay ng Diyos sa tao, hindi magbabago ang kanilang mga prinsipyo at pamamaraan ng pagkilos, pati na rin ang kanilang saloobin sa mga salita ng Diyos. Sa isang banda, palagi nilang pinapaalalahanan ang kanilang sarili, habang pinaplano sa loob-loob nila ang kanilang pakikipag-argumento sa Diyos. Ano ang pokus ng kanilang pakikipag-argumento sa Diyos? Iniisip nila: “Ang mga pangako at pagpapala mo ay hindi pa natutupad. Hindi ko pa nakikitang naisasakatuparan ang mga ito, at hindi ko makita kung paano ka gumagawa, kaya hindi ko makumpirma ang iyong pagkakakilanlan. Kung hindi ko makumpirma ang iyong pagkakakilanlan, paano ko maituturing ang mga salita mong ito bilang ang katotohanan, bilang mga salita ng diyos?” Hindi ba’t nakikipagtalo sila sa Diyos tungkol sa usaping ito sa loob-loob nila? Sinasabi nila, “Kung hindi ko mapatunayan ang mga pagpapalang ipinapangako mong ipagkakaloob sa mga tao, at ang lahat ng iba’t ibang nilalaman ng iyong mga pangako sa mga tao, kung gayon, hindi puwedeng maging isang daang porsiyento ang pananalig ko sa iyo. Palaging may mga karumihan sa loob nito, at hindi ako ganap na makapaniwala.” Ito ang saloobin ng mga anticristo. Nakakatakot ba ang gayong saloobin? (Oo.) Ang ganitong uri ng saloobin ay medyo kahalintulad sa kasabihan ng mga walang pananampalataya, “Huwag pakawalan ang lawin hangga’t hindi mo pa nakikita ang kuneho.” Sinasabi nila: “Ikaw ang diyos, dapat mayroon kang kapangyarihan na isakatuparan ang mga pangako at pagpapala mo. Kung hindi maisasakatuparan ang iyong sinasabi, at hindi makakatamasa ng malalaking pagpapala ang mga taong nananampalataya sa iyo, hindi makakatamasa ng kaluwalhatian, kayamanan, at karangalan, hindi makakatamasa ng biyaya, at hindi makakatanggap ng iyong pagkalinga, kung gayon, bakit pa dapat sumunod sa iyo ang mga tao?” Sa mga mata ng mga anticristo, at sa kanilang mga kaisipan at pananaw, dapat mayroong ilang pakinabang sa pagsunod sa Diyos; hindi sila mag-aabalang kumilos kung walang mga pakinabang. Kung walang matatamasang kasikatan, pakinabang, o katayuan, kung hindi nila makukuha ang paghanga ng iba sa mga gawaing ginagawa nila o mga tungkuling ginagampanan nila, kung gayon, walang saysay na manampalataya sa Diyos at gawin ang kanilang mga tungkulin. Ang unang mga pakinabang na dapat nilang makuha ay ang mga pangako at pagpapala na binanggit sa mga salita ng Diyos, at dapat din nilang matamasa ang kasikatan, pakinabang, at katayuan sa loob ng iglesia. Iniisip ng mga anticristo na sa pananampalataya sa Diyos, kailangang maging nakatataas ang isang tao sa iba, kailangang hangaan, kailangang maging espesyal—sa pinakamababa, kailangang matamasa ng mga mananampalataya sa Diyos ang mga bagay na ito. Kung hindi, may kuwestiyon kung ang tunay na Diyos itong Diyos na pinananampalatayanan nila. Hindi ba’t ang lohika ng mga anticristo ay na itinuturing nilang ang katotohanan ang mga salitang “Ang mga mananampalataya sa diyos ay dapat magtamasa ng mga pagpapala at biyaya ng diyos”? Subuking suriin ang mga salitang ito: Katotohanan ba ang mga ito? (Hindi.) Ngayon ay malinaw na hindi katotohanan ang mga salitang ito, maling paniniwala ang mga ito, lohika ni Satanas ang mga ito, at walang kaugnayan sa katotohanan ang mga ito. Sinabi na ba ng Diyos na, “Kung mananampalataya sa Akin ang mga tao, tiyak na pagpapalain sila, at hindi kailanman magdurusa ng paghihirap”? Aling linya sa mga salita ng Diyos ang nagsasabi nito? Hindi kailanman sinabi o ginawa ng Diyos ang mga ganitong salita. Pagdating sa mga pagpapala at paghihirap, may katotohanan na dapat hanapin. Ano ang matalinong kasabihan na dapat sundin ng mga tao? Sinabi ni Job, “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng paghihirap?” (Job 2:10). Katotohanan ba ang mga salitang ito? Mga salita ito ng isang tao; hindi puwedeng itaas ang mga ito sa antas ng katotohanan, bagama’t medyo naaayon sa katotohanan ang mga ito. Sa anong paraan naaayon sa katotohanan ang mga ito? Nasa mga kamay ng Diyos kung pagpapalain o magdurusa man ng paghihirap ang mga tao, nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng ito. Ito ang katotohanan. Pinaniniwalaan ba ito ng mga anticristo? Hindi, hindi nila ito pinaniniwalaan. Hindi nila ito kinikilala. Bakit hindi nila ito pinaniniwalaan o kinikilala? (Ang pananampalataya nila sa Diyos ay para pagpalain sila—gusto lamang nilang mapagpala.) (Dahil masyado silang makasarili, at hinahangad lamang nila ang mga interes ng laman.) Sa kanilang pananampalataya, nais lamang ng mga anticristo na mapagpala, at ayaw nilang magdusa ng paghihirap. Kapag nakikita nilang pinagpala ang isang tao, nakinabang, nabiyayaan, at nakatanggap ng higit pang materyal na kasiyahan, malalaking bentaha, naniniwala silang ito ay ginawa ng Diyos; at kung hindi sila nakakatanggap ng mga gayong materyal na pagpapala, kung gayon ay hindi ito gawa ng Diyos. Ang pahiwatig nito ay, “Kung talagang ikaw ay diyos, puwede mo lang pagpalain ang mga tao; dapat mong iiwas ang mga tao sa paghihirap at hindi sila hayaang magdusa. Sa gayon lamang magkakaroon ng halaga at saysay ang pananampalataya ng mga tao sa iyo. Kung, pagkatapos sumunod sa iyo, patuloy pa ring nakakaranas ng paghihirap ang mga tao, kung patuloy silang nagdurusa, ano pa ang saysay na manampalataya sa iyo?” Hindi nila kinikilala na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay at pangyayari, na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. At bakit hindi nila ito kinikilala? Dahil natatakot ang mga anticristo na magdusa ng paghihirap. Gusto lamang nilang makinabang, magsamantala, magtamasa ng mga pagpapala; ayaw nilang tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan o pamamatnugot ng Diyos, kundi gusto lamang nilang makatanggap ng mga pakinabang mula sa Diyos. Ito ang makasarili at kasuklam-suklam na pananaw ng mga anticristo. Ito ay isang serye ng mga pagpapamalas na ipinapakita ng mga anticristo tungkol sa mga gayong salita ng Diyos tulad ng Kanyang mga pangako at pagpapala. Sa kabuuan, ang mga pagpapamalas na ito ay pangunahing kinabibilangan ng mga pananaw ng mga anticristo sa kanilang paghahangad, pati na rin ng kanilang mga pananaw, pagsusuri, at pagkaunawa sa ganitong uri ng bagay na ginagawa ng Diyos para sa mga tao. Bagama’t maaaring hindi nila lantarang sinisiraan o kinokontra ang mga salita ng Diyos, sa kaibuturan nila, ang pagharap nila sa ganitong uri ng mga salita mula sa Diyos at sa pamamaraan kung paano ginagawa ng Diyos ang ganitong uri ng bagay ay mapanirang-puri, mapagduda, mapagkondena, at mapili. Kapag natutupad ang mga salita ng pangako at pagpapala ng Diyos sa ilang tao, pinupuri nila ang kapangyarihan ng Diyos at itinatanghal ang Kanyang pangalan at Kanyang pagmamahal. Gayumpaman, kapag hindi umaayon ang ginagawa ng Diyos sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga pangako at pagpapala, agad na itinatatwa ng mga anticristo sa puso nila ang pag-iral ng Diyos, pati na rin ang kawastuhan ng lahat ng ginagawa ng Diyos, at lalo nilang itinatatwa ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang katunayan na pinamamatnugutan at isinasaayos Niya ang kapalaran ng tao. Ang lahat ng pagpapamalas na ito ng mga anticristo ay maaaring hindi mabubunyag sa panlabas, at maaaring hindi nila ipapakalat ang kanilang mga pananaw gamit ang mga lantarang pahayag, pero hindi nagbabago ang perspektibang gamit nila sa atubiling pagmamasid at pag-uusisa sa mga salitang ito mula sa Diyos sa kanilang puso. Paano man magbahagi ang iba tungkol sa mga usapin ng buhay pagpasok o kung paano maliligtas ang mga tao, hindi maisasantabi ang mentalidad at saloobin ng mga anticristo sa pag-uusisa sa kung matutupad ba ang mga salitang ito ng Diyos tulad ng Kanyang mga pangako at pagpapala at kung paano maisasakatuparan ang mga ito. Maaaring pumapalakpak nang masigla at nagagalak ang mga anticristo, pinupuri ang kapangyarihan ng Diyos kapag natutupad ang mga pangako at pagpapala ng Diyos. Pero kapag hindi natupad o hindi nagkatotoo ayon sa kanilang mga kuru-kuro ang mga pangako at pagpapala ng Diyos, agad nilang palihim na sinusumpa at nilalait ang Diyos sa kanilang puso, at sinisiraan ang Kanyang pangalan. Kaya, sa pang-araw-araw na buhay, kahit na payapa at walang problema ang lahat ng bagay, mabilis na nagbabago ang kalagayan ng ilang tao. Kapag masaya sila, para silang nasa ikapitong langit, pero kapag malungkot sila, para silang nalulugmok sa impiyerno ng kawalan ng pag-asa. Pabago-bago ang kanilang lagay ng kalooban at hindi mawari, kaya naguguluhan ang iba sa kung ano ang nangyayari. Kapag masaya sila, sinasabi nila, “Tunay nga na diyos ang diyos. Ang diyos ay napakadakila, talagang umiiral ang awtoridad ng diyos, mahal na mahal ng diyos ang mga tao!” Pero kapag hindi sila masaya, nagiging napakahirap para sa kanila na bigkasin man lang ang salitang “diyos.” Ang parehong tao na malakas na pumupuri sa pangalan ng Diyos ay siya ring naninira, tumatatwa, lumalapastangan, umaabuso, at sumusumpa sa Diyos sa kanilang puso. Bumabangon sila nang maaga at natutulog nang dis-oras sa gabi upang gawin ang kanilang mga tungkulin, nagbabayad ng halaga na hindi kayang gawin ng karamihan, pero sila rin ang nagbubulalas ng kanilang pagkadismaya sa pamamagitan ng kanilang mga tungkulin, nagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, sadyang gumugulo sa gawain, at sadyang nagpapabaya sa pangangasiwa ng kanilang mga tungkulin at gawain. Sa panlabas, iisang tao lang ang lahat ng ito, pero batay sa kanilang mga pag-uugali, at mga disposisyon, parang dalawang magkaibang tao ang sangkot dahil sa mga gayong magkaibang pagpapamalas. Nagpapakita ito ng problema. Mula sa mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, malinaw na hindi talaga nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan o bilang mga salita ng Diyos. Dagdag pa rito, batay sa diwa ng mga anticristo, hindi nila kailanman ituturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, ni bilang mga katotohanang prinsipyo na dapat itaguyod sa buong buhay nila. Ito ang unang aytem ng pag-uusisa ng mga anticristo sa kung matutupad ba ang mga salita ng Diyos—inuusisa nila ang mga salita ng Diyos ng mga pangako at pagpapala. Para sa mga anticristo, ang mga pangako at pagpapala ng Diyos ay hindi maihihiwalay sa materyal na pagtrato, espirituwal na pagtrato, kapaligiran ng pamumuhay, at iba pang mga gayong bagay na kanilang tinatamasa sa buhay na ito, kaya nila binibigyan ng espesyal na atensiyon ang aspektong ito. Ginagamit nila ang katuparan ng mga salita ng Diyos ng mga pangako at pagpapala bilang pamantayan para sukatin ang lawak ng kapangyarihan ng Diyos at ang pagiging tunay ng pagkakakilanlan ng Diyos. Pinagbubulayan at pinag-iisipan nila ito nang palihim—ito ang ibig sabihin ng pag-uusisa. Hindi interesado ang mga anticristo sa iba’t ibang katotohanan tungkol sa buhay pagpasok na sinasabi ng Diyos. Gayumpaman, sa sandaling mabanggit ang mga salita ng Diyos ng mga pangako at pagpapala, nagliliwanag ang kanilang mga mata sa pag-iimbot, umuusbong ang kanilang pagnanais. Sa panlabas, sinasabi nila, “Dapat nating igugol ang ating sarili para sa diyos nang walang kondisyon, dapat nating gawin ang ating mga tungkulin ayon sa mga hinihingi ng diyos,” pero saan ba aktuwal na nakatuon ang mga mata nila? Nakatuon ang mga ito sa mga gayong salita ng Diyos tulad ng Kanyang mga pangako at pagpapala. Kapag nakuha na nila ang mga ito, hindi na sila bumibitiw. Ganito ang pag-uugali ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos ng mga pangako at pagpapala sa tao.