Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikalimang Bahagi) Ikaapat na Seksiyon
Itinuturing ng mga anticristo ang sarili nila na engrande, dakila, at marangal. Kung babasahin nila ang mga salita ng Diyos, dapat nilang piliin ang mga banal na pagbigkas, ang mga salitang sinabi ng Diyos mula sa ikatlong langit, o basahin ang ilang malalim na salita ng Diyos na mahirap maunawaan at lubos na maintindihan ng mga karaniwan at ordinaryong tao. Ang ninanais nila sa mga salita ng Diyos ay hindi ang katotohanan o ang landas sa pagsasagawa, kundi ang matugunan ang pagkamausisa nila, ang mga walang kabuluhan nilang kaisipan, at ang mga ambisyon at pagnanais nila. Kaya, kung makakakita ka ng ilang tao sa paligid mo na binabalewala ang mas karaniwan at madaling maunawaang mga bahagi ng mga salita ng Diyos, ang mga salitang sinabi ng Diyos mula sa perspektiba ng pagkatao, o hindi man lang kinakanta ang mga ito kapag nilapatan ng musika, at sa halip ay tinitingnan, pinapakinggan, o binabasa nila ang mga piling salita ng Diyos, may problema ang mga gayong tao. Maaaring itanong ng ilan, “Anong uri ng problema? Problema ba ito sa kanilang pag-iisip o isang sikolohikal na problema?” Wala sa dalawa; may problema ang gayong mga tao sa kanilang disposisyon. Napansin ba ninyo na ang ilang tao, kapag kumakanta ng mga himno ng mga salita ng Diyos, ay hindi kinakanta ang mga may kaugnayan sa mga katotohanan tungkol sa pang-araw-araw na buhay, na ayaw nilang kumanta ng mga himno tungkol sa pagkilala sa sarili, iyong mga naglalantad ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, mga relihiyosong kuru-kuro, at mga maling pananaw sa pananampalataya sa Diyos, pati na rin iyong mga himno kung saan hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat? Lalo na tungkol sa mga salita at nilalaman ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ang mga himno na nagpapatotoo sa kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos, na nagpupuri at nagpapatotoo sa Diyos na nagkatawang-tao, hindi sila kumakanta ni isang salita ng mga ito, at nasusuklam sila sa sandaling simulang kantahin ng iba ang mga ito. Pero kapag kumakanta sila tungkol sa pagpapatotoo at pagpupuri sa Diyos sa langit, sa Espiritu ng Diyos, tungkol sa pagpapatotoo sa matuwid na disposisyon, kadakilaan, mga gawa, mga atas administratibo, at poot ng Diyos, kumakanta sila nang buong sigla at nagbubunyag pa nga ng di-maipaliwanag na pagpapahayag. Kapag kinakanta nila ang gayong mga himno, nagiging kakaiba sila; napapangiwi ang mukha nila at lumilitaw ang masama nilang asal. Kapag kinakanta nila ang tungkol sa matuwid at maharlikang disposisyon ng Diyos, hinahampas nila ang mesa at ipinapadyak ang mga paa nila, at nagagalit sila; kapag tungkol sa pagpapakawala ng poot ng Diyos at pagdudulot ng malalaking sakuna sa buong sangkatauhan, kinakanta nila ang mga ito nang tiim-bagang, namumula at namamaga ang mukha nila. Hindi ba’t may problema sa espiritu ng gayong mga tao? Halimbawa, sinabi ng Diyos, “Kapag pinakawalan Ko ang malaking poot, mayayanig ang mga bansa”; pagkatapos mailapat ang pahayag na ito sa musika, nagbabago ito mula sa unang panauhan at nagiging, “Kapag pinakawalan ng Diyos ang malaking poot, mayayanig ang mga bansa” sa ikatlong panauhan. Ang normal na mentalidad ay na ito ay mga salita ng Diyos, na ito ay pag-unawa sa disposisyon ng Diyos sa pamamagitan ng pagkanta ng Kanyang mga salita, at pag-unawa sa disposisyon ng Diyos at sa mentalidad at konteksto ng pagsasalita ng Diyos mula sa ikatlong panauhan, mula sa perspektiba ng tao. Ito ang katwiran at reaksiyon ng normal na pagkatao. Pero paano ito kinakanta ng mga anticristo? Hindi nila binabago ang ikatlong panauhan, pero iba ang pag-iisip nila kaysa sa mga normal na tao. Kapag kinakanta ng mga normal na tao ang “Diyos,” iniisip nila, “Ito ang mga gawa ng Diyos, mga salita ng Diyos; ito ang sinasabi ng Diyos.” Ngunit paano naman kapag kumakanta ang mga anticristo? Ang pag-iisip nila ay, “Ito ang ginawa ko, ang sinabi ko, ang poot na papakawalan ko, ang disposisyon na ibubunyag ko.” Hindi ba’t naiiba ito? Bagama’t hindi sila nangangahas na hayagang kantahin sa harap ng lahat ang “Kapag pinakawalan ko ang malaking poot, mayayanig ang mga bansa,” ganoon nila ito kinakanta sa puso nila. Iniisip nila na sila mismo ang nagpapakawala ng poot at nagpapayanig sa mga bansa, kaya kinakanta nila ang mga salitang ito nang may tunay na emosyon. Hindi ba’t nagpapahiwatig ito ng problemang nakapaloob sa kanila? Mula sa simula hanggang sa wakas, ang dahilan kung bakit hindi kinikilala ng mga anticristo ang Diyos ay dahil gusto nilang maging Diyos. Gusto nilang itatag ang sarili nila habang ikinakaila ang Diyos, hinihimok nila ang mga tao na maniwala na sila ang Diyos at kilalanin sila bilang ang Diyos ng sangkatauhan. Iyon mismo iyon. Samakatwid, kapag nagbabasa ng isang sipi kung saan nagsasalita ang Diyos tungkol sa Kanyang pagka-Diyos, ang mga taong may katwiran ng normal na pagkatao ay naaarok ito at nagdarasal-nagbabasa nito mula sa perspektiba ng ikatlong panauhan, pinagbubulayan nila ang mga layunin ng Diyos. Gayumpaman, ang mga anticristo ay iba. Habang kinakanta o binabasa nila ang mga salitang ito, nakadarama sila ng pagnanais na ipahayag ang gayong disposisyon, na mamuhay sila mismo sa loob ng gayong disposisyon at diwa. Layon nilang palitan ang Diyos, tinatangka nilang gayahin ang tono ng pananalita, paraan, diksiyon, at disposisyon ng Diyos sa loob ng Kanyang mga pagbigkas, ang tono ng Kanyang pananalita, ang lahat ng Kanyang pagpapahayag, at ang mga disposisyon na Kanyang ibinubunyag. Sila ay mga ganap na anticristo. Dahil hindi nila kayang magsalita nang gaya sa Diyos, hindi nila kayang ipahayag ang disposisyon ng Diyos, at nabibigo sila sa panggagaya nila, kapag nagsasalita ang Diyos sa Kanyang pagka-Diyos, sa wakas ay nakikita ng mga anticristo ang pagkakataon nila na gayahin ang Diyos at ang pagtatangkang maging Diyos. Ang mga pagbigkas ng Diyos mula sa perspektiba ng Kanyang pagka-Diyos ay nagbibigay ng mga palatandaan at direksiyon sa mga anticristo, ipinapaalam sa kanila kung paano nagsasalita ang Diyos, ang tonong ginagamit Niya para makipag-usap sa tao, at ang paraan, perspektiba, at intonasyon na ginagamit Niya para makipag-usap sa tao. Isa ito sa mga layon nila sa pagpapahalaga at pagsamba sa mga salitang binigkas ng Diyos sa Kanyang pagka-Diyos. Samakatwid, sa pang-araw-araw na buhay, madalas na posibleng makikita ang ilang tao na ginagaya ang tono ng Diyos para pangaralan ang iba gamit ang pagdadahilan ng pagpapakaresponsable sa gawain ng sambahayan ng Diyos o sa buhay ng mga kapatid. Sinisipi pa nga nila ang kada salita ng Diyos para sermonan, kondenahin, pungusan, at ilantad ang mga tao. Ang pakay sa likod ng mga kilos nila, kapag sinusuri mula sa ugat at konteksto ng maraming katunayan, ay hindi tunay na mula sa katapatan, sa pagpapahalaga sa katarungan, o responsabilidad—sa halip, tinatangka nilang gawin ang gawain ng Diyos mula sa posisyon ng Diyos at mula sa perspektiba ng Diyos, at nilalayon nilang palitan ang Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi naman nila sinabi kailanman na gusto nilang palitan ang Diyos.” Hindi nila kailangang sabihin ito; mahahalata ito sa pamamagitan lang ng pagmamasid sa diwa, ugat, at motibasyon ng mga kilos nila; matutukoy na ito ang panggugulo at mga pamamaraan ng isang anticristo. Anuman ang pagpapamalas, ang kagustuhang maging Diyos, ang pagkimkim ng layuning ito sa anumang paraan—iyon ba ang dapat gawin ng isang taong may katwiran ng normal na pagkatao? (Hindi.) Maaari bang tukuyin ang gayong tao bilang isang anticristo batay lamang dito? (Oo.) Ang puntong ito lang ay sapat na. Kahit gaano kalaki ang tayog mo, kung palagi mong gusto na maging Diyos, at walang pakundangan mong ginagaya ang Diyos, iginigiit sa iba na ituring at itrato ka bilang Diyos, ang gayong mga kilos, pag-uugali, at disposisyon ay bumubuo sa diwa ng isang anticristo. Ang puntong ito lang ay sapat na para matukoy ang isang tao bilang isang anticristo. Hindi ito disposisyon ng isang anticristo, o isang bakas ng pag-uugali ng isang anticristo, kundi isang pagpapamalas ng pagkakaroon ng diwa ng isang anticristo.
Sabihin mo sa Akin, alin ang may mas malubhang kalikasan: ang kagustuhang maging Diyos o ang pagkakaroon ng mga ambisyon at pagnanais na palaging maghanap ng katayuan? (Ang kagustuhang maging Diyos.) Ang mga tao ay may mga ambisyon, mayayabang na disposisyon, at hilig nilang igiit ang katayuan nila, kung minsan ay tinatamasa ang mga kapakinabangang bunga ng katayuang ito, pinapahalagahan ito—isa itong tiwaling disposisyon, at maaari itong magbago. Gayumpaman, ang kagustuhang maging Diyos, paggaya sa tono ng pananalita ng Diyos, paggaya sa paraan ng pananalita ng Diyos, at maging ang ganap na pagsipi sa kada salita ng Diyos, pagbigkas sa kada salita nito para magkaroon ng maling paniniwala ang iba na kaya ng isang tao na magsalita at kumilos katulad ng Diyos, ang kanilang tono at paraan ng pananalita ay sobrang kahawig ng sa Diyos, sa huli ay napapaniwala nang mali ang iba na sila ay Diyos o halos kapareho ng Diyos, at tinatrato pa nga sila ng iba bilang Diyos—problema iyon; ito ay isang isyu na walang kalutasan, isang karamdaman na walang lunas. Ang kagustuhan ba na maging Diyos ay isang maliit na usapin? Natutukoy ang pagkakakilanlan ng Diyos batay sa Kanyang diwa. Ang diwa at disposisyon ng laman kung saan ang Diyos ay nagkatawang tao ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng Kanyang mga personal na pagsisikap o hindi nalilinang ng lipunan, mga bayan, ng sangkatauhan, o ng sinumang indibidwal, ni hindi ito nililinang ng Diyos Mismo. Sa halip, likas na nagtataglay ang Diyos ng diwa ng Diyos. Hindi Niya kailangan ng tulong o kooperasyon ng tao, o ng anumang pagbabago sa kapaligiran o panahon. May pagkakakilanlan ang Diyos bilang Diyos, kaya matagal nang natukoy ang Kanyang diwa; isa itong likas na bagay. Ang Kanyang kakayahan na maipahayag ang katotohanan ay hindi isang bagay na Kanyang natutunan sa mga tao, hindi rin ito isang bagay na sila ang naglinang. Hindi naiintindihan nang mabuti ng mga anticristo ang usaping ito. Hangal silang naniniwala na kung napakahusay nilang magagaya ang tono at paraan ng pananalita ng Diyos, itinuturing sila ng mga tao na mas mala-Diyos, kung gayon ay kalipikado silang maging Diyos. Bukod pa rito, sa pagsasabi ng ilang walang-kabuluhan, di-praktikal, di-maarok na diumano’y “mga salita ng Diyos” na nagdudulot sa mga tao na malito at maguluhan, iniisip nila na maaaring ituring sila ng mga tao bilang Diyos, at maaari silang magkaroon ng pagkakataon na maging Diyos. Hindi ba’t isa itong mapanganib na usapin?
Ang pagnanais at ambisyon na maging Diyos ay palaging napupukaw sa puso ng mga anticristo. Habang itinatatwa at kinokondena nila ang mga salita ng Diyos, ginagaya rin nila ang tono ng Kanyang pananalita. Labis na kasuklam-suklam, buktot, walang kahihiyan, at ubod ng sama ang gayong gawain! Sila ay nahuhumaling at nababaliw sa pagnanais na maging Diyos. Hindi ba’t nakakasuklam iyon? (Oo.) Mayroon ba sa inyo ang nagkikimkim ng isang pagnanais na maging Diyos? Ang sinumang gustong maging Diyos ay kokondenahin! Ang sinumang gustong maging Diyos ay mamamatay! Ito ay isang katunayan, hindi ito isang pagmamalabis o isang pagtatangka na takutin ka. Hindi ka ba naniniwala? Subukan mo. Mag-isip ka sa gayong direksiyon, pagkatapos ay aksyunan mo ito, at tingnan mo kung kaya mo itong tiisin sa loob mo, alamin ang pakiramdam sa loob. Kung sa loob mo ay nararamdaman mo ang kaluguran, pagmamalaki, at kasiyahan sa gayong mga kilos, hindi ka mabuti, at nasa panganib ka. Pero kung ang gayong paraan ng pagkilos ay nagdudulot sa iyo na magsisi, makonsensiya, mahiya nang sobra na hindi ka na makaharap sa ibang mga tao o sa Diyos, kung gayon ay mayroon ka pang kaunting konsensiya, kaunting pagkamakatwiran ng normal na pagkatao. Maraming tao ang nagnanais na maging Diyos. Nang hindi nauunawaan ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, nang hindi nalalaman ang tono at paraan ng pananalita ng Diyos, nang hindi naaarok ang impormasyong ito, maaaring interesado sila sa ideya at may mga ambisyon at plano sila, pero dahil hindi nila alam kung paano magpapatuloy, hindi sila nangangahas na kumilos nang walang pakundangan. Sa pinakamalala, nagpapanggap silang espirituwal, para sila ay maligtas, maging banal, o maging karapat-dapat sa kaligtasan. Gayumpaman, kapag nakakuha sila ng impormasyon tungkol sa Diyos, magsisimulang umusbong ang mga ambisyon nila, at magsisimula na silang kumilos. Ano ang ginagawa nila? Isang malinaw na pagpapamalas ay na binabasa pa nila ang mas maraming mga malalim at di-maarok na salita na sinabi ng Diyos. Sa mga salitang ito, nagiging pamilyar sila sa saloobin, paraan, tono, at diksiyon ng pananalita ng Diyos, at pagkatapos ay sinusubukan nilang gayahin ang mga ito, pinag-aaralan nilang mabuti ang mga ito. Kung mas pamilyar sila, mas mainam iyon, hanggang sa puntong natutukoy na nila ang tono at paraan ng pananalita ng Diyos kahit na nakapikit ang mga mata nila. Taimtim nilang kinakabisado ang mga ito, at kasabay nito ay nagsasanay at nag-eensayo sila sa mga tao, ginagaya ang ganitong estilo, paraan, tono, at diksiyon sa kanilang pananalita, at pagkatapos ay malalim na dinaranas kung ang pagkilos at pagsasalita sa ganitong paraan ay nagbibigay sa kanila ng pakiramdam ng pagiging Diyos. Habang sila ay nagiging mas pamilyar at mahusay sa kanilang pagsasanay, hindi nila namamalayan na inilalagay nila ang kanilang sarili sa posisyon ng Diyos. Bigla na lang, isang araw, may magsasabi, “Ang pakiramdam at tono ng pananalita nila ay tila kahawig ng sa Diyos. Kapag kausap mo sila, pakiramdam mo ay kasama mo ang Diyos; ang mga salita nila ay katulad ng pananalita ng Diyos.” Pagkatapos na hindi sinasadyang marinig ang gayong mga komento, napupuno ng walang-hanggang kasiyahan ang puso nila, pakiramdam nila ay nakamit na nila sa wakas ang kahilingan nila, na sa wakas ay naging Diyos na sila. Hindi ba’t tapos na sila sa ngayon? Bakit pipiliin ang landas ng pagwasak kung may ibang mga landas na puwedeng tahakin? Hindi ba’t ito ay paghahanap ng kamatayan? Kahit ang pagkikimkim ng gayong mga kaisipan ay mapanganib—ang aksiyunan ang mga kaisipang ito ay lalo pang mas mapanganib. Kung hindi na makokontrol ang mga kilos ng isang tao at sumusunod siya sa direksiyong ito hanggang sa wakas, determinadong magtagumpay rito at gawin itong isang realidad, kung gayon ay naging pakay na siya ng ganap na pagkawasak. Ang totoo, gumagawa at nagsusumikap ang ilang anticristo patungo sa direksiyong ito. Nakakita o nakasalamuha na ba kayo ng gayong mga tao? (Noong ako ay nasa mainland Tsina, nakakilala ako ng isang taong ginagaya ang tono ng pananalita ng Diyos at madalas na kinikimkim ang kaisipang maging Diyos. Noong panahong iyon, dalawa o tatlong tao ang tumuturing sa kanya bilang Diyos, at may isang tao pa nga na lumuhod at nagpatirapa sa harap niya nang makita siya.) Kahit hanggang saan pa subukan ng isang tao na maging Diyos, walang patutunguhan ang landas na ito. Nakilatis ba ninyo ito? Ang mga pagpapahayag at pagtutustos ng lahat ng salita ng Diyos para sa sangkatauhan ay para tulungan ang mga tao na maunawaan ang mga layunin ng Diyos at sa gayon ay makamit nila ang kaligtasan. Kung ang mga tao ay nagkakamali sa paniniwala na dahil ipinahayag ng Diyos ang mga mensaheng ito, dapat nilang pulutin mula sa mga ito ang mga detalye ng pagiging Diyos at sa gayon ay hangarin ang pag-iral bilang Diyos, paggaya sa Diyos, at pagiging Diyos, katapusan na nila. Ito ang landas patungo sa pagkawasak; huwag mo itong tutularan kailanman. Sinasabi ng ilang tao, “Medyo mahirap na hindi gayahin ang diyos. Sa tuwing naririnig kong nagsasalita ang diyos, iniisip ko kung gaano kadakila at kagalang-galang na pakinggan ang pagsasalita mula sa pagkakakilanlan ng diyos. Bakit ito labis na kaaya-aya at nakakabighani sa pandinig? Bakit iniisip ko na tiyak na kasiya-siya ang maging diyos kapag nagsasalita ang diyos? Iba ang tunog kapag ang taong may pagkakakilanlan ng diyos ang nagsasalita.” Kaya, nang hindi nila namamalayan, nagsisimula silang gayahin ang ilang tono at diksiyon ng Diyos. Bagama’t, sa kanilang mga personal na pagnanais, maaaring hindi nila gustuhing umiral bilang Diyos o maging Diyos nang napakahayagan, ano ang ugat ng kanilang panggagaya? Ito ba ay dahil pinapahalagahan nila ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos? (Hindi.) Kung gayon ay ano? (Ang ugat nito ay ang motibo ng kagustuhang maging Diyos.) Kung wala Ako ng pagkakakilanlan o katayuang ito at kung hindi Ko sinabi ang mga salitang ito, may gagaya ba sa Akin? Walang mag-aaksaya ng panahon sa Akin, walang hahanga sa Akin; hindi ba’t iyon ang katunayan? Noong wala Ako ng pagkakakilanlan at katayuang ito, nakikipag-usap at nakikipagbahaginan din Ako sa mga tao. Sino ang sumeryoso sa Akin noon? Sa sandaling nakita nila na bata pa Ako, walang mataas na pinag-aralan o mga kalipikasyon, at walang anumang katayuan sa lipunan, walang sinuman mula sa sarili Kong iglesia o sa ibang mga iglesia, wala sa mga taong gumagampan ng mga tungkulin nila at nakikisalamuha sa Akin, ang talagang sumeryoso sa Akin. Kahit na nagsalita Ako nang tama o tapat, walang pumansin sa Akin. Bakit? Kung wala kang pagkakakilanlan o katayuan, wala kang presensiya; walang halaga ang kahit anong sabihin mo, ito man ay tama o ang katotohanan. Maaari pa ngang itanggi ng mga tao ang anumang sinasabi mo, at sabihin nilang mali ang lahat ng ito. Kung gayon, may gagaya ba sa iyo? Isang napakakaraniwan at ordinaryong tao, na walang pagkakakilanlan o katayuan—sino ang mag-aaksaya ng panahon na gayahin ka? Sa paningin ng mga tao, ang gayong tao ay walang presensiya at hindi karapat-dapat na hangaan; masuwerte ka kung hindi ka nila aapihin. Anong magiging saysay ng panggagaya sa iyo? Gagayahin ka ba nila para lang mahamak, maapi, at madiskrimina sila ng iba? Sino ang ginagaya ng mga tao? Ginagaya nila ang mga tao na sa paningin nila ay may presensiya at kadakilaan, ang mga may katayuan at pagkakakilanlan. Sila ang ginagaya ng mga tao. Bakit pagkatapos magkaroon ng partikular na pagkakakilanlan at katayuan ang isang tao, siya ay tila nag-iiba sa paningin ng iba kapag sinasabi niya ang mga bagay na dati naman na niyang sinasabi? Paanong bigla na lang siyang nagmumukhang may presensiya at karapat-dapat na gayahin? Ano ba talaga ang ginagaya ng mga tao? Ang tinatanggap, ginagaya, at hinahangaan nila ay hindi ang katotohanan o mga positibong bagay, kundi ang panlabas na kadakilaan, ang paimbabaw na katayuan. Hindi ba’t iyon ang totoo? Kung wala Akong pagkakakilanlan o katayuan, kahit gaano pa Ako magsalita nang naaayon sa katotohanan o kahit gaano karaming espirituwal na salita ang sabihin Ko, maipapalaganap ba sa inyo ang mga salitang iyon? Hindi; walang mag-aaksaya ng panahon dito. Pero kapag mayroon na Ako ng pagkakakilanlan at katayuan Ko, ang ilan sa mga salitang madalas Kong sinasabi, ang mga kolokyal Kong salita, ang diksiyon Ko, ang paraan at estilo Ko ng pananalita—maraming tao ang nagsisimulang gayahin ang mga ito. Nasusuklam Ako kapag naririnig Ko ito. Gaano Ako nasusuklam? Parang gusto Kong masuka kapag naririnig Ko ito. Nasusuklam Ako sa sinumang gumagaya sa Akin, nasusuka Ako sa sinumang gumagaya sa Akin, hanggang sa punto na kinokondena Ko na sila! Ano ang layunin at layon sa likod ng panggagaya ng mga tao sa mga bagay na ito? Ito ay para gayahin ang tono ng pananalita ng Diyos, para maranasan ang pakiramdam ng maging Diyos; hindi ba’t iyon ang katunayan? Ito ay tungkol sa kagustuhan sa katayuan, kagustuhang magsalita mula sa isang posisyon ng katayuan, nagsasalita at kumikilos nang may tono at paraan ng isang taong may pagkakakilanlan at katayuan, para magmukha rin silang may katayuan, pagkakakilanlan, at halaga—hindi ba’t iyon naman talaga ang dahilan? Kung gagayahin mo ang isang ordinaryong tao, hindi ito malaking isyu; sa pinakamalala, isa lang itong mayabang na disposisyon. Pero kung gagayahin mo ang tono at paraan ng pananalita ng Diyos, doon nagsisimula ang problema. Hayaan mong sabihin Ko sa iyo, nilalagay mo ang sarili mo sa panganib.
Sa mga salita ng Diyos, mayroong isang parirala: Ang Diyos ay isang Diyos na kinapopootan ang kasamaan. Ano ang tinutukoy ng “napopoot sa kasamaan”? Natatangi ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Ang kabanalan, katuwiran, awtoridad, at pagmamahal ng Diyos ay mga katangian na hindi taglay ng anumang nilikha o di-nilikha; kalapastanganan ang subukang gayahin ang mga ito. Dahil hindi mo taglay ang mga katangiang ito, bakit mo susubukang gayahin ang mga ito? Dahil hindi mo taglay ang mga ito, bakit mo susubukang maging Diyos? Sa panggagaya, hindi ba’t kinikimkim mo ang layuning maging Diyos, na maging Diyos? O dahil ba hinahangaan mo ang Diyos, dahil naiinggit ka sa Kanyang pagiging kaibig-ibig at sa Kanyang diwa, kaya ginagaya mo Siya? Siyempre hindi; wala kang katangian at tayog para dito. Gusto mo lang matugunan ang isang paghahangad na maging Diyos, para makamit ang paghanga at respeto ng mga tao, at para maranasan mo ang matrato bilang Diyos ng mga tao. Hindi ba’t kahiya-hiya ito? Ganap itong kahiya-hiya! Ang mismong panggagaya ay kasuklam-suklam na, at ang pagnanais na maging Diyos ay hindi lang nakakadiri; nararapat din itong kondenahin. Samakatwid, ngayon ay taimtim Kong sinasabi sa inyo na kahit ano pa ang sinabi Ko, kahit ano pa ang ginawa Ko, kahit ano pa ang sabihin o gawin Ko na nakakapukaw ng pagpipitagan, inggit, o selos sa puso ninyo, may isang bagay na dapat ninyong tandaan: Huwag ninyo Akong gayahin kailanman. Dapat ninyong bitiwan ang layunin na manggaya, dapat kayong maghimagsik laban sa mentalidad ng panggagaya, at iwasan ninyong salungatin ang disposisyon ng Diyos. Isa itong seryosong usapin! Kasuklam-suklam sa Diyos ang isang tiwaling tao na hindi rumerespeto sa tono ng pananalita, paraan ng pananalita, at disposisyon ng Diyos, at ginagamit ang mga ito para sa basta-bastang pambobola at pagmamanipula. Kung ginagawa mo ito, sinasalungat mo ang disposisyon ng Diyos—huwag mong gawin ito kailanman! Kahit na hindi Ko marinig na ginagaya mo ang paraan at tono ng pananalita ng Diyos na nagkatawang-tao, ang malaman Ko lang na mayroon kang gayong disposisyon at mga kaisipan ay lubos nang nakakasuklam sa Akin. Kung gagayahin mo ang tono ng Espiritu ng Diyos, na may layuning kausapin ang buong sangkatauhan o ang publiko, hindi ba’t hinahanap mo ang kamatayan? Dapat maging mapagbantay ang lahat sa bagay na ito; huwag mong gawin ito kailanman! Noon, may ilang taong nagtatanong, “Ano ang ibig sabihin ng pagsalungat sa disposisyon ng Diyos?” Ngayon, sasabihin Ko sa iyo ang isang bagay: Ang panggagaya sa tono at paraan ng pananalita ng Diyos, pati na rin ang isang serye ng mga bagay na may kinalaman sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, panlabas man o panloob, ay pawang maituturing na pagkakasala sa disposisyon ng Diyos. Dapat ninyong tandaan ito nang lubusan at huwag kailanman gawin ang pagkakasala na ito! Kung nagawa mo nga ang pagkakasala na ito at kaya mong agad na itama, paghimagsikan, at baguhin ang iyong sarili, may pag-asa pa. Gayumpaman, kung magpapatuloy ka sa landas na ito, ituturing kang isang anticristo, at hayaan mong sabihin Ko sa iyo ang katotohanan: Sa mga mata ng Diyos, wala nang pagkakataon para magbago pa sa oras na iyon—ganap na katapusan mo na. Tandaan, ang Diyos ay isang Diyos na kinapopootan ang kasamaan. Dapat mong tratuhin nang may lubos na pag-iingat ang bawat aspektong may kinalaman sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos at huwag mo itong balewalain. Kung ang paraan at tono ng pananalita ng Diyos ay ipapahayag mula sa bibig ng isang tiwaling tao, ito ay isang malaking pamamahiya at paglapastangan sa Diyos, isang bagay na hinding-hindi palalampasin ng Diyos. Hindi kailanman dapat gawin ng mga tao ang pagkakasala na ito. Nauunawaan mo ba? Kung gagawin mo ito, mamamatay ka! Kung hindi ka makikinig at maniniwala sa Akin, subukan mo ito, at kapag talagang nagdulot ka ng kapahamakan sa iyong sarili, huwag mo Akong sisihin na hindi Ko ito sinabi sa iyo.
Agosto 15, 2020
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.