Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikalimang Bahagi) Ikalawang Seksiyon

Tungkol sa pagpapamalas na ito ng pakikialam at pagbibigay-kahulugan sa mga salita ng Diyos, mayroon ba kayong mga halimbawa? (Noong ginagawa ang ika-20 na video ng album ng koro, sinabi ng Diyos na isa-isang ilista ang mga kasulatan sa screen. Noong panahong iyon, naisip ng ilang kapatid na masyadong mahaba ang mga kasulatan at binura nila ang ilang parirala. Kalaunan, natuklasan ng Diyos ang isyung ito at hinimay Niya ito nang labis na mahigpit, sinabing ito ay paglapastangan sa mga salita ng Diyos.) Tungkol naman sa mga orihinal na salita ng Diyos na nakatala sa Bibliya, ang mga iyon ay mga salita ng Diyos at hindi dapat ibahin ng mga tao, at gayundin sa mga propesiya ng ilang propeta; mga salita rin ng Diyos ang mga ito, ang Diyos ang inspirasyon sa mga ito at hindi rin dapat baguhin ang mga ito. Sa Aking pananaw, bagama’t ang mga salitang ito ay wala na sa orihinal na wika at mga isinalin na, ang kahulugan ng isinaling teksto ay naging higit na tumpak sa loob ng maraming taon ng mga pagbabago. Dapat mo itong kilalanin. Samakatwid, ang mga salitang ito, kung gagamitin sa regular na pagbabahaginan, ay hindi kailangang ilahad nang buo; sapat nang maipahayag ang buod. Gayumpaman, hindi dapat baguhin ang mga aktuwal na katunayan. Kung magsisipi, ang mga orihinal na kumpletong pangungusap ang dapat na kunin. Ano ang palagay ninyo sa prinsipyong ito? (Maganda ito.) Bakit ito gagawin sa ganitong paraan? Sinasabi ng ilang tao, “Nakaraan na ang lahat ng iyan, kailangan ba nating maging masyadong seryoso?” Hindi, tungkol ito sa isang saloobin, isang pag-iisip. Sa nakaraan man, kasalukuyan, o hinaharap, ang mga salita ng Diyos ay mga salita ng Diyos at hindi dapat ipantay sa mga salita ng tao. Dapat tratuhin ng mga tao ang mga salita ng Diyos nang may mahigpit na saloobin. Pagkatapos maisalin ang Bibliya mula sa orihinal na teksto patungo sa iba’t ibang wika, maaaring hindi tumugma nang eksakto sa orihinal ang ilang kahulugan, o maaaring may mga pagkakaiba sa pagitan ng pangungusap na isinalin at ng orihinal na teksto. Maaaring magdagdag ang mga tagasalin, “Tandaan: ganito ganyan,” o maglagay sa loob ng mga panaklaw, “O isinalin bilang….” Tingin ba ninyo, ang lahat ng taong nagsalin ng mga orihinal na teksto ng Bibliya ay mga mananampalataya sa Diyos? (Hindi lahat.) Tiyak na hindi sila mga taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, kaya bakit nila napapangasiwaan ang gampaning ito nang may gayong katumpakan? Tinatawag ito ng mga walang pananampalataya bilang pagiging propesyonal, pero dapat itong tawagin ng mga mananampalataya sa Diyos bilang pagkakaroon ng isang may-takot-sa-Diyos na puso. Kung wala ka man lang ng ganitong labis na may-takot-sa-Diyos na puso, isa ka pa rin bang mananampalataya sa Diyos?

Dapat kang magkaroon ng tapat na saloobin sa mga salita ng Diyos, at kapag ikaw ay nakikipagtipon at nakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, pagkatapos mong basahin ang mga ito, puwede mong isama ang mga personal mong karanasan habang tinatalakay mo ang kaalaman mo at ang natutunan mo mula sa mga karanasang ito. Gayumpaman, hindi mo dapat ituring ang mga salita ng Diyos bilang sarili mong mga pribadong akda at bigyang-kahulugan ang mga ito ayon sa iyong nais. Hindi ka kailangan ng mga salita ng Diyos para ipaliwanag mo ang mga ito, ni hindi mo maipaliliwanag ang mga ito nang malinaw o naiintindihan. Sapat nang mayroon kang kaunting kaliwanagan at pagtanglaw o karanasan, ngunit ang subukang ipaliwanag ang katotohanan, o ang subukang gamitin ang iyong paliwanag upang maunawaan ng mga tao ang layunin ng Diyos ay imposible. Ito ay maling paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay. Halimbawa, nabasa ng ilang tao sa mga salita ng Diyos na mahal ng Diyos ang matatapat na tao. Minsang sinabi ng Diyos sa tao, “Ang magiging pananalita ninyo ay, Oo, oo; Hindi, hindi: sapagkat ang humigit pa rito ay buhat sa masama” (Mateo 5:37). Ngayon, ang mga salita ng Diyos ay panawagan din sa mga tao upang maging matapat. Kung gayon, ano ang tamang saloobin na dapat taglayin sa mga salita at hinihingi ng Diyos? Maghanap sa mga salita ng Diyos: Sinabi ng Diyos, “Ang magiging pananalita ninyo ay, Oo, oo; Hindi, hindi.” Kung gayon, paano ba mismo umaasal ang matatapat na tao sa paningin ng Diyos? Paano magsalita ang matatapat na tao, paano sila kumilos, paano nila hinaharap ang kanilang tungkulin, at paano sila maayos na gumagawa kasama ng iba? Dapat hanapin ng mga tao sa mga salita ng Diyos ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa na ito at dapat silang maging matapat na mga taong hinihingi Niya. Ito ang tamang saloobin, ang saloobing dapat taglayin ng mga naghahanap sa katotohanan. Kaya paano umaasal ang mga hindi naghahanap o nagmamahal sa katotohanan, at ang mga may pusong walang takot sa Diyos at sa Kanyang mga salita? Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, iniisip nila, “Hinihingi ng diyos na maging matapat ang mga tao; iyon ang sinabi ng panginoong Jesus dati. Ngayon, sinasabing muli ng diyos sa mga tao na maging matapat. Alam ko na ito—hindi ba’t ang matatapat na tao ay iyong mga taos-puso? Hindi ba’t tulad ito ng sinasabi ng mga tao, na ang mga taong taos-puso ay palaging mamamayani, na payapa ang buhay ng mabubuti, at na kasalanan ang dayain ang mga taos-puso? Masdan mo, iwinawasto ng diyos ang mga kawalang-katarungan na dinanas ng mga taos-puso.” Ang mga salitang ito ba ang katotohanan? Ang mga ito ba ang mga katotohanang prinsipyong natukoy nila mula sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Kaya ano ang mga salitang ito? Maaari bang tawagin ang mga ito na maling pananampalataya at isang panlilinlang? (Maaari.) Ang mga walang espirituwal na pang-unawa o hindi nagmamahal sa katotohanan ay palaging iniuugnay ang mga salita ng Diyos sa kung ano ang pinaniniwalaan ng sangkatauhan na nakalulugod sa tainga at tama. Hindi ba’t ibinababa nito ang halaga ng mga salita ng Diyos? Hindi ba’t ginagawa nitong parang isang uri ng islogan sa sangkatauhan ang katotohanan, isang argumento sa kung paano umasal? Nananawagan ang Diyos sa mga tao na maging matapat, ngunit binabalewala ng mga taong ito kung paano umasal ang mga matapat, kung paano maging matapat, at kung ano ang mga panuntunan ng pagiging matapat, at walang kahihiyang inihahayag na hilingin ng Diyos sa mga tao na ang mga ito ay maging taos-puso, at na ang mga taong taos-puso, inutil, at hangal ay pawang matapat. Hindi ba’t isa itong maling pakahulugan sa mga salita ng Diyos? Mali ang pakahulugan nila sa mga salita ng Diyos, ngunit iniisip pa rin nila na sila ay napakatatalino, kasabay nito ay iniisip nila na ang mga salita ng Diyos ay hindi hihigit dito: “Hindi ganoon kalalim ang katotohanan, hindi ba’t tungkol lang ito sa pagiging taong taos-puso? Simple lang ang maging isang taong taos-puso: Huwag magnakaw at huwag murahin ang mga tao o manakit ng iba. ‘Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.’ Maging mabait sa iba sa lahat ng bagay, maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba, maging mabuting tao, at payapa ang buhay ng mabubuti.” Marami silang sinasabi, ngunit wala sa mga iyon ang naaayon sa katotohanan; ang mga iyon ay walang iba kundi mga maling pananampalataya at mga panlilinlang. Tila nagtataglay iyon ng ilang kaugnayan sa mga salita ng Diyos, tila mayroon itong kaunting koneksiyon sa mga ito, ngunit pagkatapos pagbulayan at kilatisin ng isang tao ang naturang usapin, napagtatanto niyang ito ay walang iba kundi panlilihis, walang iba kundi mga panlilinlang na gumugulo sa isipan ng mga tao. Halimbawa, sinasabi ng Diyos na may pagmamahal sa Kanyang diwa, na mahal Niya ang tao. Ang pagmamahal ng Diyos sa tao ay ipinapakita sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga sinasabi, sa paraan ng Kanyang pagtrato sa tao, sa Kanyang mga maingat na pagsusumikap na iligtas ang tao, at sa iba’t ibang aspekto ng Kanyang paggawa sa tao, at kasabay ng pagpapakita ng Kanyang pagliligtas sa tao, ang layunin ng Diyos at ang mga paraan kung paano Niya inililigtas ang tao ay naipapakita rin para malaman ng mga tao ang pagmamahal ng Diyos. Ano ang iniisip ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa? “Ang diyos ay diyos na nagmamahal sa tao, nais ng diyos na maligtas ang bawat tao at ayaw niyang mapahamak ang sinuman. Sinabi ng diyos na ang nagbalik-loob na alibughang anak ay higit pa sa ginto.” Sinabi ba ito ng Diyos? Ito ba ang mga orihinal na salita ng Diyos? (Hindi.) Ano pa ang sinasabi nila? “Ang pagliligtas ng isang buhay ay higit pa sa pagbuo ng isang pitong-palapag na pagoda” at “Ang Buddha ay mabait.” Hindi ba’t binabaliktad nila ang mga bagay-bagay? Malinaw na nagkukunwari lang silang espirituwal, na nauunawaan nila ang mga salita ng Diyos, at na minamahal nila ang katotohanan; halatang sila ay mga tagalabas, karaniwang tao, at hangal na walang espirituwal na pang-unawa. Marami na Akong nakilalang gayong tao—sila ay mga padalos-dalos, matapang magsalita pero walang utak, ang mga kaisipan at mga lumilitaw sa isipan nila ay pawang mga maling pananampalataya, panlilinlang, at panghuhuwad. Ang mga nagtataglay ng mga pinakamataas na kapangyarihang ilihis ang iba at madalas na nagagamit ang mga maling pananampalataya at panlilinlang at ilang tila tamang teolohikal na argumentong ito para ilihis ang iba, pinipilit ang iba na sundin at isagawa ang sinasabi nila—mga anticristo ang mga taong ito. Sa panlabas, tila napaka-espirituwal nila, madalas na nag-uulit ng mga sipi ng mga salita ng Diyos sa harap ng iba, at kapag tapos na silang bigyang-kahulugan nang wala sa katwiran ang mga ito, naglalabas sila ng mga maling pananampalataya at panlilinlang. Ang mga gayong tao ay matatagpuan sa bawat iglesia. Tinutulungan at pinapangunahan nila ang mga tao habang diumano’y nagsisipi at nakikipagbahaginan sa mga salita ng Diyos, pero ang totoo, ang itinuturo nila sa mga tao ay hindi ang hinihingi ng mga salita ng Diyos sa tao, ni hindi ang mga katotohanang prinsipyo na nilalaman ng mga salita ng Diyos, kundi sa halip mga maling pananampalataya at panlilinlang na binuo nila sa pamamagitan ng pagpoproseso, pagbibigay-kahulugan, at pagbubuo ng imahinasyon batay sa mga salita ng Diyos, na nagiging sanhi ng paglihis ng mga tao mula sa mga salita ng Diyos at sa halip ay pagsunod sa kanila, na nagiging sanhi ng kaguluhan at pagkalihis ng mga tao. Halimbawa, may mga nagsasabi: “Sa paggawa ng kanyang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala, naranasan na ng diyos ang pag-abandona at paglaban ng buong sangkatauhan; ang diyos ay diyos, at walang hangganan ang kanyang puso! Tulad ng sinasabi ng mga tao, ‘Ang pusong malawak ay maaaring magparaya,’ at ‘Hindi pa huli ang lahat para maghiganti ang isang maginoo.’ Napakadakila ng diyos!” Sa panlabas, tila nagpapatotoo sila sa Diyos at sa kung ano ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos sa mga tao, pero anong mensahe talaga ang naibabahagi nila? Ito ba ang katotohanan? Ito ba talaga ang diwa ng Diyos? (Hindi.) Kanino sila nagpapatotoo? Nagpapatotoo sila sa punong ministro. Inihahalintulad nila ang Diyos sa isang punong ministro, sa isang ginoo—hindi ba’t kalapastanganan ito? Makikita ba ang gayong mga salita sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Saan nagmula ang mga salitang ito? Mula kay Satanas. Bukod sa hindi nagpapatotoo para sa Diyos ang mga anticristo, binabaluktot din nila ang mga katunayan at nilalapastangan nila ang Diyos, madalas inililihis ang mga walang pundasyon, ang mga walang tunay na pananalig sa Diyos, at ang mga walang kakayahang maunawaan ang katotohanan. Ang mga taong ito ay mababa ang tayog, walang pundasyon, at walang kakayahang maarok ang katotohanan, at kaya nalilihis sila ng mga maling pananampalataya at panlilinlang na ito. Itinuturing ng mga anticristo ang mga maling pananampalataya at panlilinlang bilang mga espirituwal na kasabihan, at ang isang bagay na sinasabi nila tungkol sa pagmamahal ng Diyos ay, “Nais ng diyos na maligtas ang bawat tao at ayaw niyang mapahamak ang sinuman.” Kapag nagsasalita tungkol sa hinihingi ng Diyos sa tao, ang isa pang bagay na sinasabi nila ay, “Payapa ang buhay ng mabubuti.” At tungkol sa hindi pag-alala ng Diyos sa mga pagsalangsang ng mga tao at sa pagbibigay Niya sa kanila ng isang pagkakataong magsisi, sinasabi nila, “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Makikita ba ang mga gayong salita sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Bakit Ako lubos na nagagalit sa sandaling marinig Ko ang mga salitang ito? Bakit Ako lubhang nababahala sa mga ito? Bakit Ako nayayamot nang sobra? Ilang taon na bang binabasa ng mga taong ito ang mga salita ng Diyos? Mapurol ba ang isip nila, o nabaliw na ba sila? Saan sa mga salita ng Diyos nabanggit ang mga gayong bagay? Kailan hiningi ng Diyos na maging taos-puso ang mga tao? Kailan hiningi ng Diyos na sumunod ang mga tao sa kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari”? Ito ba ang ginagawa ng Diyos? Saan, sa mga maling pananampalataya at panlilinlang na itinataguyod nila, maaaring makita ang anumang kaugnayan sa hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, sa Kanyang mga layunin, at sa mga katotohanang prinsipyo? Ganap na walang kaugnayan ang mga ito. Halimbawa, hinahayaan ng Diyos na magkaroon ang mga tao ng mga mithiin, kalooban, at hangarin, pero ang sinasabi ng mga anticristo ay: “Hinihikayat tayo ng diyos na magkaroon ng mga hangarin. May isang kasabihan na naglalarawan nito nang maayos: ‘Ang isang sundalo na hindi nais maging heneral ay hindi isang mabuting sundalo.’” Ang kasabihang ito ay isang uri ng panlipunang kalakaran, isang panlipunang pananaw—angkop ba itong gamitin sa sambahayan ng Diyos? Ito ba ay kapaki-pakinabang? (Hindi.) Alin sa mga salita ng Diyos ang umaayon sa pahayag na ito? Nauugnay ba ito sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Kung gayon, bakit sinasabi ito ng mga anticristo? Ang pakay nila sa pagsasabi nito ay para iparamdam nang malalim sa mga tao na napaka-espirituwal nila, na may pagkaunawa at kaliwanagan sila mula sa mga salita ng Diyos, na may kakayahan silang maarok ang katotohanan, at na hindi sila mga ignorante at ordinaryong tao. Pero natutupad ba nito ang inaasahan nilang layunin? Kapag naririnig ninyo ang mga salitang ito, nakakaramdam ba kayo ng pagsang-ayon o pagkasuklam sa inyong puso? (Pagkasuklam.) Sa anong paraan kayo nakakaramdam ng pagkasuklam dito? (Inuugnay ng mga anticristo ang mga panlilinlang ni Satanas sa mga salita ng Diyos, kaya nagkakamali sila ng pagkaunawa sa mga ito. Walang espirituwal na pang-unawa ang lahat ng salitang sinasabi nila.) Nagsasabi lang ang mga anticristo ng mga salitang sumasalamin sa kawalan ng espirituwal na pang-unawa, na nagiging sanhi ng pagkasuklam at pagtutol ng mga tao kapag naririnig nila ang mga ito. Malinaw na hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos, hindi nila maarok ang mga ito, at wala silang kakayahan at abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos, subalit nagpapanggap silang nauunawaan nila ang mga ito at walang kahihiyang binibigyang-kahulugan ang mga ito sa iba, na nagsasabi ng mga di-kaugnay at amatyur na salita na nagiging sanhi ng pagkasuklam ng mga tao, na walang naidudulot na pagpapatibay, at sa halip ay nakakagulo sa mga kaisipan ng mga tao. Talagang kasuklam-suklam ito! Ano ang dapat ninyong gawin kapag nakatagpo kayo ng gayong mga tao? (Dapat nating himayin ang mga nakalilinlang na bahagi sa sinasabi nila.) Paano ninyo ito dapat na gawin? Sa katunayan, napakadali lang nito. Sabihin mo sa kanila: “Ang pagkaarok mo sa mga salita ng Diyos pagkatapos mong basahin ang mga ito ay parang walang katuturan sa akin.” Sasagot sila, “Parang hindi naman, pakiramdam ko ay mabuti ito.” Sasabihin mo, “Iniisip mong mabuti ito ano man ang mangyari, kaya batay sa pangangatwiran mo, ibig sabihin ba na ang mga salita ng Diyos ay katumbas ng mga maling pananampalataya at panlilinlang ng tao? Kung sumasang-ayon ka sa mga maling pananampalataya at panlilinlang na ito, bakit mo pa binabasa ang mga salita ng Diyos? Hindi mo na kailangang basahin ang mga ito. Malubha na ngayon ang problema mong ito—itinuturing mo ang mga salita ng Diyos bilang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ng buktot na sangkatauhan, bilang mga pamamaraan ng pangangasiwa sa mga bagay at pananaw ng buktot na sangkatauhan. Sa pananaw mo, ang matatapat na taong sinasabi ng Diyos ay pareho lang sa mga taong taos-puso, sobrang hangal, at uto-uto. Binibigyan mo ng kahulugan ang bawat salitang binigkas ng Diyos gamit ang mga terminolohiya ng tao, ipinapantay ang mga ito sa mga panlilinlang at kasabihang binuo ng buktot na sangkatauhan. Ibig mo bang sabihin, kung gayon, na ang mga salita ng Diyos ay mga salita ng tao, wika ng tao, at mga maling pananampalataya at panlilinlang ng tao? Sa ganitong paraan ng pag-unawa sa mga salita ng Diyos, hindi mo naaarok ang mga ito; nilalapastangan mo ang mga ito at nilalapastangan mo ang Diyos.” Kaya ba ninyong lahat na sabihin nang malinaw ang mga salitang ito? Kung ang kahulugan ng mga salita ng Diyos ay katulad ng sinasabi ng mga anticristo, bakit hindi na lang direktang sabihin ng Diyos ang mga salitang iyon? Kapag sinasabi ng Diyos sa mga tao na maging matapat, bakit hindi na lang Niya sabihin sa kanila na maging taos-puso at maging mabubuting tao at tapusin na roon? Ito ba ay pagkakaiba lang sa pagpili ng mga salita? (Hindi.) Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at nakapaloob sa mga ito ang isang landas para sa pagsasagawa ng mga tao. Kung ang mga tao ay kumikilos at namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, puwede silang maging mga taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, mga taong naaayon sa mga layunin ng Diyos. Samantala, ang pagkilos at pamumuhay ayon sa sinasabi ng mga tao ay nagiging sanhi para maging ganap na malabo ang isip ng isang tao, maging isang ganap na buhay na Satanas. Naiintindihan ba ninyo ang puntong ito? Ano ang magiging resulta kung kikilos at magsasagawa kayo ayon sa sinabi ng Diyos na maging matapat na tao? At ano ang magiging resulta kung kikilos at mamumuhay kayo ayon sa sinasabi ng mga tao na mabuti o taos-pusong tao? Hindi ba’t magiging iba ang mga resulta? (Oo.) Kaya, ano ang resulta ng pamumuhay bilang isang matapat na tao? (Pagkakaroon ng normal na pagkatao, kakayahang sumamba sa Diyos, pagiging prangka, at kakayahang maging diretsahan at bukas sa Diyos. Kung aasal ang isang tao bilang taos-puso o mabuting tao ayon sa depinisyon ng mga tao, nagiging mas tuso at bihasa sila sa pagbabalatkayo, nagsasalita lang sila ng mga kaaya-ayang salita, namumuhay sila ayon sa pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ni Satanas, at sila ay nagiging isang buhay na Satanas.) Kita mo, may pagkakaiba, hindi ba? Ang pagkilos at pamumuhay ayon sa tinatawag ng Diyos na isang matapat na tao ay mas nagpapadalisay sa puso ng isang tao; nagiging bukas sa Diyos ang puso nila, at nagagawa nilang ibigay ang puso nila sa Diyos nang walang pagbabalatkayo, pandaraya, o panghuhuwad. Hindi nagtatago ang puso nila mula sa Diyos kundi nakabukas lang ito sa Kanya; kung ano ang kanilang iniisip sa loob nila ay naipapakita at naisasabuhay sa panlabas, at kung ano ang naipapakita at naisasabuhay sa panlabas ay katugma ng nasa loob nila. Ito ang nais ng Diyos; ito ang katotohanan. Sa kabilang banda, ano ang mga prinsipyo ng pag-asal at prinsipyo ng pagsasagawa para sa mga tinatawag ng mga tao na taos-puso o mabuti? Sa katunayan, pagpapanggap ang lahat ng ito. Hindi nila agarang sinasabi kung ano ang iniisip nila, ni hindi nila hinahayaang makita ito ng iba. Hindi nila sinasaktan nang walang pakundangan ang pagpapahalaga sa sarili o mga interes ng iba, pero ang hindi pananakit sa iba ay para din sa pag-iingat sa sarili nila. Maingat sila sa panloob at nagbabalatkayo sa panlabas, tila partikular silang deboto, mapagparaya, mapagpasensiya, at mahabagin. Pero walang nakakakita kung ano ang iniisip nila sa panloob; mayroong katiwalian, paglaban, at paghihimagsik sa loob nila, pero hindi ito makita ng iba. Sa panlabas, nagpapanggap sila na labis silang nakapagpapatibay, banayad, at mabait. Kahit gaano karaming masamang bagay ang ginagawa nila, o kahit gaano sila kamapanghimagsik o kabuktot sa panloob, walang nakakaalam. Sa panlabas, handa rin silang tumulong sa iba at magbigay sa nangangailangan, palaging handang tumugon, isang tunay na buhay na Lei Feng. Ngumingiti sila at ipinapakita nila sa iba ang kanilang pinakamagandang katangian sa lahat ng oras, at kahit gaano sila lumuluha sa pribado, palagi silang nakangiti sa harap ng iba, na pinaparamdam sa mga tao na napapatibay sila. Hindi ba’t ito ang tinatawag ng mga tao na isang mabuting tao? Kung ihahambing ang mabuting taong ito sa isang matapat na tao, alin ang positibo? Alin ang nagtataglay ng katotohanang realidad? (Ang matapat na tao.) Taglay ng mga matapat na tao ang katotohanang realidad, minamahal sila ng Diyos, at sumusunod sila sa mga pamantayan ng Diyos ayon sa hinihingi Niya, samantalang ang mga mabuti at taos-pusong tao ay hindi; sila mismo ang uri ng mga tao na kinokondena at itinataboy ng Diyos. Kapag binibigyang-kahulugan ng mga anticristo nang wala sa katwiran ang matatapat na tao na hinihingi ng Diyos bilang mga mabuti o taos-pusong tao lang, hindi ba’t isa itong uri ng di-halatang pagkondena sa sinabi ng Diyos? Hindi ba’t paglapastangan ito sa mga salita ng Diyos? Hindi ba’t paglapastangan ito sa katotohanan? Isa itong malinaw na katunayan. Hindi nauunawaan ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, lalong hindi nila nauunawaan kung ano ang katotohanan, subalit gumagamit sila ng mga maling argumento at bulag na inilalapat ang sarili nilang mga pakahulugan, nagpapanggap na nakakaunawa kahit wala silang kaalam-alam, lubhang binibigyan ng maling kahulugan ang mga salita ng Diyos ayon sa kagustuhan nila, at nililihis at ginugulo ang iba. Kikilos ba kayo nang ganito? Ang pagpapanggap ng isang tao na nauunawaan niya ang mga salita ng Diyos kahit malinaw naman na hindi niya nauunawaan ang mga ito at, batay sa literal niyang pag-unawa, paggamit ng kanyang sariling bokabularyo, mga pagpapahayag, at mga pananaw para bigyang-kahulugan at limitahan ang mga salita ng Diyos—ito ang disposisyon ng isang anticristo.

Ano ang pagkakaiba ng nilalaman sa pagitan ng mga salita ng Diyos at ng tao, at sa pagitan ng katotohanan at doktrina? Ang mga salita ng Diyos ay nagdudulot sa mga tao na mas magkaroon ng katwiran at konsensiya, kumilos nang may prinsipyo, at mas mapuno ng realidad ng mga positibong bagay ang pamumuhay nila. Ang mga salita ng tao, sa kabilang banda, ay maaaring magmukhang ganap na nababagay sa kagustuhan at kuru-kuro ng mga tao, ngunit ang mga ito ay hindi ang katotohanan, puno ang mga ito ng mga patibong, tukso, at maling paniniwala at panlilinlang, at kung kikilos ang mga tao ayon sa mga salitang ito, ang pamumuhay nila ay mas malalayo sa Diyos, at sa mga pamantayan ng Diyos. Ang mas malala, mas magiging masama at katulad kay Satanas ang paraan ng pamumuhay ng mga tao. Kapag ganap na nabubuhay at kumikilos ang mga tao ayon sa mga maling paniniwala at panlilinlang ng tao, kapag tinanggap nila nang buong-buo ang mga argumentong ito, nabubuhay silang katulad ni Satanas. At hindi ba’t ang pamumuhay ng gaya ni Satanas ay nagpapahiwatig na sila si Satanas? (Oo.) “Matagumpay” silang naging isang buhay na Satanas. Sinasabi ng ibang tao, “Hindi ako naniniwala. Gusto ko lang maging isang taong taos-puso na nagugustuhan ng iba. Nais kong maging isang taong itinuturing ng karamihan na mabuti, at pagkatapos ay titingnan ko kung kinalulugdan ako ng diyos o hindi.” Kung hindi ka naniniwala sa sinasabi ng Diyos, humayo ka at tingnan, at—alamin kung ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, o kung ang mga kuru-kuro ng tao ang katotohanan. Ito ang pagkakaiba ng diwa ng mga salita ng Diyos at ng mga salita ng tao. Ito ang mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng katotohanan at mga maling paniniwala at panlilinlang. Paano man umaangkop sa panlasa ng tao ang mga maling paniniwala at panlilinlang, hindi nila maaaring maging buhay ang mga ito; samantala, gaano man kadaling unawain ang mga salita ng Diyos, gaano man ang pagiging karaniwan nito, gaano man ito kasalungat sa mga kuru-kuro ng mga tao, ang diwa ng mga ito ay ang katotohanan, at kung ang ginagawa at pamumuhay ng mga tao ay naaayon sa mga prinsipyo ng salita ng Diyos, kalaunan, balang araw, sila ay magiging mga tunay na kalipikadong nilikha, at magkakaroon ng kakayahang matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan. Sa kabaligtaran, kung ang mga tao ay hindi nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos at hindi kumikilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, hindi sila puwedeng maging mga kalipikadong nilikha. Ang mga kilos nila at ang landas na tinatahak nila ay itataboy lang ng Diyos; isa itong katunayan. Sa pagbabahaginang ito, may bago na ba kayong pagkaunawa o konsepto sa mga salita ng Diyos? Ano ang mga salita ng Diyos? Ang mga ito ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay—walang huwad dito. Ang mga anticristo lang, iyong mga likas na tutol sa mga positibong bagay at namumuhi sa mga ito, ang nanghahamak sa mga salita ng Diyos, ang hindi tumuturing sa mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, at ang tumatanggi sa katunayang ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hindi nila kailanman tatanggapin ang mga salita ng Diyos bilang buhay nila; isa silang grupo ng mga tao na wala nang pag-asang maligtas. Matapos ang gayong pagbabahaginan, nauunawaan ng ilan na ang mga pagpapamalas na ito ay katumbas ng pakikialam at wala sa katwirang pagbibigay-kahulugan sa mga salita ng Diyos, na mga pagpapamalas ng mga anticristo. Masasabi ba ninyo na kasama rito ang mga nag-oorganisa ng mga salita ng Diyos? (Oo.) Kasama ba rito? Ano ang ibig sabihin ng pakikialam? (Ang ibig sabihin nito ay ang wala sa katwirang pag-alis o pagdagdag ng isang bagay, na nagpapabago sa orihinal na kahulugan ng mga salita ng Diyos. Ito ay pakikialam. Kung ang Kanyang mga salita ay inorganisa ayon sa mga prinsipyo, hindi ito pakikialam.) Tama iyan, iyan ang dapat ninyong maunawaan. Sa pagkaunawang ito, hindi kayo magkakaroon ng anumang mga alalahanin kapag nag-oorganisa ng mga salita ng Diyos, tama ba? Naaarok na ba ninyo ngayon ang mga prinsipyo nang mabuti? Kapag inatasan kang mag-organisa, hindi ito isang paanyaya para makialam ng mga salita. Mayroon ding mga gumagawa ng pagsasalin sa wika—inatasan ang mga taong ito na direktang isalin ang mga salita ng Diyos at isalin ang orihinal na kahulugan ng mga salita ng Diyos at ang mismong mga salita ng Diyos sa ibang wika, hindi na bigyang-kahulugan ang mga salita ng Diyos habang nagsasalin. Hindi ka kalipikadong magbigay ng kahulugan, at kailangan mong magbigay-pansin at maging maingat tungkol dito. Arukin nang mabuti ang mga prinsipyo, unawain kung ano ang maituturing na pakikialam at kung ano ang hindi—arukin nang mabuti ang mga prinsipyong ito, at magiging mahirap magkamali sa gayong paraan. Kung hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyong ito at palagi mong gustong dagdagan o baguhin ang kahulugan habang nag-oorganisa, palaging nararamdaman na ang paraan ng pagsabi ng Diyos ng isang bagay ay hindi masyadong ideyal o ang paraan ng pagsabi Niya ng iba pang bagay ay tila mali, iniisip na dapat itong sabihin sa isang partikular na paraan, ang gayong mga kaisipan ay magdudulot sa iyo na malamang na magawa ang pagkakamali ng pakikialam. Para sa mga tagasalin na nagsasabi, “Alam ko kung ano ang ibig sabihin ng pangungusap na ito ng mga salita ng Diyos, kaya magsasalin ako batay sa kahulugang iyon. Kapag naisalin na ito, hindi ba’t maiintindihan naman ito ng mambabasa at iyon na iyon? Hindi na kailangan pang maghanap o magdasal-magbasa; direkta silang tatanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw”—hindi ba’t isa itong pagkakamali? Nilalabag nito ang mga prinsipyo; ito ay wala sa katwirang pagbibigay-kahulugan sa mga salita ng Diyos. Bilang buod, huwag kailanman ituring ang mga salita ng Diyos nang katulad sa mga salita ng tao, tulad ng isang nobela, mga sinulat ng isang tanyag na tao, o isang bagay na may kinalaman sa akademikong talakayan. Bukod sa hindi pakikialam o pagbibigay-kahulugan nang wala sa katwiran, dapat humarap ang isang tao sa mga salita ng Diyos nang may saloobin ng paghahanap, pagtanggap, at pagpapasakop kapag kinakain at iniinom at dinarasal-binabasa ang mga ito. Sa ganitong paraan lang makikita ng isang tao ang katotohanan, mauunawaan ang mga layunin ng Diyos, mahahanap ang landas sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, at malulutas ang kanilang mga tiwaling disposisyon at ang iba’t ibang suliraning nararanasan sa paggampan ng tungkulin nila at sa buhay. Ang pagkamit sa ganitong resulta ay nagpapatunay na tama ang iyong saloobin sa mga salita ng Diyos. Ang ating pagbabahaginan tungkol sa unang pagpapamalas ng pagkamuhi ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos—pakikialam at pagbibigay-kahulugan sa mga salita ng Diyos nang wala sa katwiran—ay nagtatapos sa puntong ito.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.