Ikasampung Aytem: Hinahamak Nila ang Katotohanan, Lantarang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikatlong Bahagi) Ikatlong Seksiyon

4. Ang Kanilang Pag-uugali Kapag Sila ay Inaangat o Tinatanggal

Sa iglesia, may ilang tao na may kaunting kakayahan at kaunting kapabilidad sa gawain. Kapag inaangat sila, labis silang masigasig, aktibo nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, umaako sila ng responsabilidad, handang magbayad ng halaga, at may katapatan din. Gayumpaman, kapag tinanggal sila sa kanilang posisyon dahil sa kawalan ng kakayahang magampanan ang gawain at nawala ang kanilang katayuan, nagbabago ang kanilang saloobin sa Diyos. Noong may katayuan sila, ganito sila makipag-usap sa Diyos: “Ang mga kapatid sa ating pamilya ay ganito, ang gusali ng ating pamilya ay kailangang ipagawa, ang bakuran ng ating pamilya ay kailangang linisin….” Tungkol sa “ating pamilya” ang lahat ng bagay. Noong iniangat sila, naging bahagi sila ng sambahayan ng Diyos, tila kaisa sila ng Diyos sa puso, parang pamilya, na kayang asikasuhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos nang may pagsasaalang-alang sa puso ng Diyos at nang kasama Niya, at kayang makipag-ugnayan sa Diyos bilang kapantay. Nang iniangat sila at nailagay sila sa isang mahalagang posisyon, nakaramdam sila ng karangalan, at kasabay nito, naramdaman nila ang kanilang responsabilidad. Kapag nakikipag-usap sa Akin o sa mga kapatid, madalas nilang sinasabi ang “ating pamilya.” Kung maririnig mo ito, iisipin mo na hindi naman masama ang taong ito, na may mabuti siyang puso, mabait, itinuturing na sarili niyang tahanan ang sambahayan ng Diyos, labis na nagmamalasakit at may napakalaking responsabilidad sa lahat ng bagay, at maagap na pinag-iisipan ang lahat ng bagay, mukha siyang isang taong naghahangad sa katotohanan at masigasig sa pagbabayad ng halaga. Pero ganito pa rin ba siya magsalita pagkatapos siyang matanggal? Kapag siya ay natanggal, hindi na ganoon ang kanyang lagay ng loob—nawala na ang saloobing iyon. Hindi na niya sinasabi ang “ating pamilya,” at kapag inatasan siyang gumawa ng isang bagay, hindi na siya ganoon kasigasig. Ano ang iniisip niya? “Noong inangat mo ako, may katayuan ako, at buong-puso akong kasama mo. Ngayong wala na akong katayuan, hindi na tayo pamilya, kaya gawin mo ito nang mag-isa. Huwag kang sumangguni sa akin sa kung paano mo ito ginagawa, at huwag mo nang ipaalam sa akin, wala itong kinalaman sa akin. Magpapasa na lang ako ng mga mensahe para sa iyo at iyon na iyon—gagawin ko nang kaunti ang anumang iutos mo sa akin, pero hindi na ako kaisa ng puso mo.” Pagkatapos ay itinuturing ka niyang tagalabas. Kapag inatasan mo siyang gumawa ng isang bagay, gumagawa lang siya na parang nagtatrabaho siya para sa ibang tao, paimbabaw na iniraraos ang mga bagay-bagay. Dati ay maaaring gumagawa siya ng limang gawain, pero ngayon ay isa o dalawa na lang, iniraraos lang niya ang proseso, nang pabasta-pabasta, gumagawa ng mga paimbabaw na gawain at iyon na iyon. Bakit ganito? Sabi niya: “Noon, buong-puso akong kasama mo, tumutulong sa iyo sa kung anu-anong bagay, itinuturing ang iyong mga usapin bilang aking sariling mga usapin, bilang pareho nating gawain, gumagawa ako sa iyong ngalan. Pero pagkatapos ay basta mo na lang akong tinanggal nang hindi man lang isinasaalang-alang ang aking damdamin! Hindi mo isinasaalang-alang ang aking damdamin—paanong gagawa ako para sa iyo? Kung iaangat ako at bibigyan ako ng katayuan, ayos lang iyon. Pero kung hindi mo ako bibigyan ng katayuan, kalimutan mo na lang ito. Kung may gusto kang ipagawa sa akin uli, hindi na ito magiging kasinghusay ng dati. Kung gagamitin mo ako, kailangan mo akong bigyan ng kasikatan at katayuan. Kung walang katayuan, at uutusan mo lang ako at inaasahan mong gagawa ako ng ilang gawain, nasaan ang pagkilala roon? Dapat may paliwanag!” Ngayon kapag nagsasalita ka, hindi na ito epektibo. Kapag hiniling mo sa kanyang gawin ang isang bagay, hindi na siya kasingdedikado gaya ng dati, hindi na niya iniaalay ang kanyang buong puso at isipan; nagbago na ang kanyang saloobin. Kung hihilingin mo sa kanyang gawing muli ang isang bagay, o kung hihilingin ng sambahayan ng Diyos na gawin niya ang isang bagay, itinuturing niya ito bilang isang karagdagang gawain, bilang isang usapin ng tagalabas, na para bang malaking karangalan na para sa iyo ang paggawa niya nito. Pakiramdam niya na kung hindi niya gagawin ito, tila hindi ito makatarungan, lalo na at nananampalataya siya sa Diyos. Pero kung gagawin man niya ito, ginagawa niya ito nang labag sa loob at iniraraos lamang ito. Bakit niya ito ginagawa? Iniisip niya, “Nagtiwala ako sa iyo nang 100% noon, itinuring ko ang iyong mga usapin na parang aking sariling mga usapin, pero pagkatapos ay binalewala mo lang ako nang ganoon-ganoon na lang, na nakasakit sa puso ko at sa aking pagpapahalaga sa sarili; hindi mo ako binigyang-pansin. Sige, kung hindi ka mabuti sa akin, huwag mo akong sisihin kung wala akong puso. Kung gagamitin mo akong muli, imposible nang maging katulad ako ng dati, dahil nasira na ang ating relasyon. Hindi ako madaling utus-utusan, na darating kapag tinawag at aalis kapag pinaalis. Sino ba ako? Kung hindi lang dahil sa pananampalataya sa diyos, papayag ba akong manipulahin ako nang ganito ng iba?” Kapag natanggal ang mga anticristo at nawala ang kanilang katayuan, maaaring magbago nang husto ang kanilang saloobin. Noong may katayuan pa sila, kahit na tinatawag nilang “ating pamilya” ang sambahayan ng Diyos at madalas nila itong banggitin, hindi talaga nila itinuturing na kanilang sariling usapin ang mga usapin ng sambahayan ng Diyos. Pagkatapos matanggal at mawalan ng katayuan, kung hihilingin ng sambahayan ng Diyos na gawin nila ang kanilang tungkulin, ayaw nilang gawin ito nang walang negosasyon, at kahit na ganoon, nanghihingi pa sila ng paliwanag o ng isang uri ng pagkilala. Sinasabi pa nga ng ilan, “Noong huli ay tinanggal mo ako, basta mo na lang akong binalewala. Kung gusto mo akong gumawa ng isang bagay ngayon, maliban kung ang taong ginagamit ng banal na espiritu mismo ang makipag-usap sa akin, o ang diyos na nagkatawang-tao mismo ang makipag-usap sa akin, kalimutan mo na!” Sobrang yabang nila! Sabihin ninyo sa Akin, dapat bang gamitin ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao? (Hindi.) Iniisip nila na mahalaga sila, pero ang totoo, hindi pinahahalagahan ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. Kahit gaano pa kahusay ang iyong talento, kakayahan, o kasanayan sa pamumuno, hindi ka gagamitin ng sambahayan ng Diyos. Maaaring magtanong ang ilan, “Dahil ba ito sa ayaw Mong yumukod sa masasamang tao?” Hindi; ito ang atas administratibo ng sambahayan ng Diyos at ang prinsipyo nito sa paggamit ng mga tao. Kung papayagang makahawak ng kapangyarihan ang mga anticristo sa sambahayan ng Diyos, magiging mabuti o masamang bagay ba ito para sa mga kapatid, para sa iglesia? (Masamang bagay.) Kaya bang gawin ng sambahayan ng Diyos ang ganoon kasamang bagay? Hinding-hindi. Bago nabunyag na anticristo sila, atubiling inangat sila ng sambahayan ng Diyos upang magserbisyo. Noong nabunyag na anticristo sila, maaari pa ba silang iangat ng sambahayan ng Diyos? Hindi ito posible. Sila ay nagpapantasya at nangangarap nang gising. Ganito mag-isip ang ilang anticristo: “Hmp, hindi makakakilos ang sambahayan ng diyos nang wala ako. Walang sinuman sa sambahayan ng diyos ang makakagawa ng gawaing ito bukod sa akin. Sino ang makakapalit sa akin?” Gusto ng mga anticristo na magpahayag nang ganito. Ipakita natin sa kanila kung ang gawain ng Diyos ay makapagpapatuloy nang maayos at makokompleto nang wala ang mga anticristong ito sa sambahayan ng Diyos.

Ang maayos na pag-usad at pag-unlad ng iba’t ibang uri ng gawain sa sambahayan ng Diyos ngayon—may kaugnayan ba ito sa pagpapaalis at pagpapatalsik sa lahat ng uri ng anticristo at masamang tao mula sa iglesia? Napakalaki ng kaugnayan nito! Hindi ito napagtatanto ng mga anticristo; hindi nila alam na dahil mismo sa pagpapaalis, pagpapatalsik, at paghihigpit sa kanila kaya maayos na nakakausad ang gawain ng sambahayan ng Diyos—nagyayabang pa nga sila at nagrereklamo! Ano ang nirereklamo mo? Iniisip mong may talento at katalinuhan ka, kakayahan at kapabilidad sa gawain, pero ano ang kaya mong gawin sa sambahayan ng Diyos? Ginagampanan lamang ng mga taong ito ang papel ng mga alipin ni Satanas, ng panggugulo at pagsasabotahe sa gawain ng Diyos. Kung wala ang kanilang presensiya, ang buhay iglesia ng mga hinirang na tao ng Diyos, ang buhay ng paggawa sa kanilang mga tungkulin, at ang kanilang pang-araw-araw na buhay ay pawang magiging mas tahimik, mas maayos, at mas payapa—isang bagay na hindi natatanto ng mga anticristo. Sobra ang pagpapahalaga ng mga anticristo sa kanilang mga kapabilidad at hindi nila natatanto kung ano talaga sila. Iniisip nila na hindi makakakilos ang sambahayan ng Diyos kung wala sila, na hindi maisasakatuparan ang gawain at hindi makapagpapatuloy ang iba’t ibang aytem ng propesyonal na gawain kung wala sila. Hindi nila nauunawaan na ang katuwiran at katotohanan ang may kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos. Bakit hindi nila alam? Bakit hindi maunawaan ng mga anticristo ang ganoon kasimpleng bagay? Ipinapakita lamang nito na ang mga anticristo ay may diwa na tutol sa katotohanan at mapanlaban dito. Dahil mismo sa tutol sila sa katotohanan at mapanlaban sila sa katotohanan kaya hindi nila alam kung ano ang katotohanan, hindi nila alam kung ano ang mga positibong bagay. Sa kabaligtaran, iniisip nila na ang kanilang mga buktot, mapaminsalang pag-uugali na lumalaban sa Diyos ay mabuti at tama, walang anumang pagkakamali. Naniniwala sila na sila lamang ang nakakaunawa sa katotohanan, tapat sa Diyos, at sila lamang ang karapat-dapat na humawak ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos. Nagkakamali sila! Ang katotohanan ang may kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos. Dapat kondenahin, itakwil, at itiwalag ang lahat ng anticristo; hindi sila maaaring magkaroon ng lugar sa sambahayan ng Diyos at maaari lamang silang itakwil magpakailanman.

Ang ilang anticristo ay may taglay na kaunting kaloob, kaunting kakayahan, at kaunting kapabilidad, at bihasa sa pakikipag-agawan sa kapangyarihan. Iniisip nila na sa sambahayan ng Diyos, sila ang dapat na iangat at mailagay sa mahahalagang posisyon. Pero kung titingnan ang sitwasyon ngayon, hindi iyon ang nangyayari. Kinondena, pinaghigpitan, at tinanggihan ang mga taong ito, at pinaalis o pinatalsik pa nga ang iba mula sa iglesia. Hindi nila kailanman inakala na ang mga “dakilang” taong tulad nila, na may mahuhusay na abilidad at labis na pambihirang talento, ay aktuwal na mabibigo sa sambahayan ng Diyos at matatakwil. Sadyang hindi nila ito maunawaan. Kaya, dapat ba tayong patuloy na gumawa sa kanila? Hindi na kailangan. Maaari ka bang mangatwiran sa mga Satanas? Ang pangangatwiran sa mga Satanas ay tulad ng pangangaral sa bingi; iisa lamang ang paraan para mailarawan ang mga Satanas—hindi tinatablan ng pangangatwiran. Tulad ng sinasabi ng ilang tao, “Hinihiling ng diyos na maging matapat ang mga tao, pero ano ba ang mabuti sa pagiging matapat? Ano ang mali sa iilang kasinungalingan, sa panlilinlang sa mga tao? Ano ang mali sa pagiging baluktot at mapanlinlang? Ano ang mali sa pagiging hindi tapat? Ano ang mali sa pagiging tuso, sa pagiging pabasta-basta? Ano ang mali sa paghusga sa diyos? Ano ang mali sa pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa diyos? Ano ang mali sa paghihimagsik laban sa diyos, ano ba ang malaking pagkakamali roon? Hindi naman talaga ito usapin ng prinsipyo!” May ilang tao pa nga na nagsasabi, “Hindi ba’t napakanormal lamang para sa isang taong may kapabilidad na magtatag ng kanyang nagsasariling kaharian? Sa mundong ito, ang lahat ay tungkol sa malaking isda na kumakain sa maliit na isda, isang mundo ng malalakas na tumutugis sa mahihina. Kung may abilidad ka, dapat mong itayo ang iyong nagsasariling kaharian, ano ang mali roon? Ang bawat isa ay may kapangyarihan ayon sa kanilang kakayahan, at dapat nilang pamahalaan ang dami ng tao ayon sa makakaya ng kanilang kapangyarihan!” Sinasabi ng iba, “Ano ang mali sa pagiging malandi? Ano ang problema sa kalandian? Ano ang mali sa pagsunod sa mga buktot na kalakaran?” At iba pa. Pagkatapos ninyong marinig ang mga salitang ito, ano ang nararamdaman ninyo? (Nasusuklam.) Nasusuklam lamang? Pagkarinig sa mga salitang ito, mararamdaman ng isang tao, “Pareho tayong nakasuot ng balat ng tao, kaya bakit ang ilang tao ay hindi lamang hindi namumuhi sa mga negatibong bagay bagkus ay pinapahalagahan pa ang mga ito? At bakit namumuhi ang ilang tao sa mga bagay na ito? Bakit may ganoong kalaking pagkakaiba sa pagitan ng mga tao? Bakit ang mga taong tutol sa katotohanan at sa mga positibong bagay ay hindi nagmamahal sa mga positibong bagay? Bakit nila pinapahalagahan nang husto ang mga negatibong bagay, itinuturing pa nga ang mga ito bilang kayamanan? Bakit hindi nila makita ang kabuktutan at pagiging kasuklam-suklam ng mga negatibong bagay na ito?” Ang mga gayong pagninilay ay lumilitaw sa puso ng mga tao. Kapag naririnig ang mga salitang iyon mula sa mga anticristo, nakakaramdam ang mga tao ng pagkasuklam sa isang banda at pagkawalang-masabi sa kabilang banda. Hindi na mababago ang kalikasan ng mga gayong tao; hindi nila kayang magbago, kaya sinabi ng Diyos na hindi Niya inililigtas ang mga diyablo o mga Satanas. Ang pagliligtas ng Diyos ay para sa sangkatauhan, hindi para sa mga hayop o mga demonyo. Ang mga taong tulad ng mga anticristong ito ang mismong tinutukoy ng Diyos na mga diyablo at hayop; hindi sila maaaring ibilang sa sangkatauhan. Malinaw ito, hindi ba?

5. Ang Kanilang Pag-uugali sa Iglesia sa mga Nagbabagong Sitwasyon

Depende sa lagay ng loob ng mga anticristo ang kanilang pagtrato kay Cristo—ilang aspekto ng aytem na ito ang napagbahaginan ngayon-ngayon lang? Tinatrato nila si Cristo sa isang partikular na paraan kapag nahaharap sa pagpupungos, isang aspekto iyon. Ano pa? (Kapag nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, kapag iniaangat o tinatanggal sila, at kapag tinutugis si Cristo.) Sa kabuuan, apat na aspekto iyon. Ipagpatuloy natin ang pagbabahaginan. Tutol ang mga anticristo sa katotohanan, kaya nananampalataya sila sa Diyos hindi upang matamo ang katotohanan—nananampalataya sila sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala; mayroon silang sariling mga plano, layunin, at adhikain. Bukod dito, gusto nila ang kapangyarihan at impluwensiya, kaya nananampalataya sila sa Diyos nang may saloobin ng paghihintay at pagmamasid muna. Paano sila naghihintay at nagmamasid? Ibig sabihin, habang nananampalataya sila, nagmamasid din sila kung dumarami ang bilang ng mga tao sa sambahayan ng Diyos, kung paano lumalaganap ang gawain ng ebanghelyo, kung maayos ba ito o hindi, at kung patuloy bang lumalawak ang impluwensiya ng sambahayan ng Diyos. Bukod dito, nagmamasid din sila kung dumarami ba ang bilang ng mga tao na gumagawa ng kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, kung dumarami ba ang mga taong handang magserbisyo para sa Diyos, at kung dumarami ba ang mga taong handang gumawa ng mga bagay para sa sambahayan ng Diyos. Nagmamasid din sila sa pinagmulan sa lipunan at antas ng edukasyon ng mga gumagawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos, kung ano talaga ang kanilang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Sa pamamagitan ng pagmamasid, nakikita nila na parami nang parami ang mga taong nananampalataya sa Diyos, dumarami ang bilang ng mga tao sa sambahayan ng Diyos, at mas maraming tao ang handang talikuran ang kanilang mga pamilya, trabaho, at mga kinabukasan upang gawin ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kapag napapansin nila ang mga bagay na ito, nararamdaman nila na hindi na sila puwedeng manatiling walang kibo at na dapat na rin silang maggugol ng kanilang sarili sa gawain ng sambahayan ng Diyos, sa hanay ng mga gumagawa ng mga tungkulin, upang maging kasapi para magkaroon din sila ng bahagi sa mga pagpapala sa hinaharap. Bagama’t puwede nilang gawin ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos at gumampan ng papel doon, hindi nila kailanman isinusuko ang kanilang mga kinabukasan at kapalaran, at patuloy silang nagkakalkula sa kanilang puso. Dahil ang grupong ito, ang mga anticristong ito, ay may mga gayong ambisyon at disposisyon, tinutukoy nito na ang kanilang saloobin kay Cristo at sa Diyos ay magbabago habang patuloy na tumataas ang katayuan at kasikatan ng sambahayan ng Diyos. Samakatwid, sa proseso ng paggawa ng kanilang mga tungkulin, sa isang banda, masigasig silang nagpaplano, nagkakalkula, at namamahala para sa kanilang sariling mga kinabukasan at kapalaran; sa kabilang banda, nagmamasid din sila sa pag-unlad ng sambahayan ng Diyos, sa impluwensiya nito sa ibang bansa at sa lokal, kung unti-unti bang dumarami ang bilang ng mga tao, kung patuloy bang lumalawak ang saklaw ng iglesia, kung nakikipag-ugnayan ba ang iglesia sa ilang kilalang tao sa lipunan, kung nakamtan ba nito ang isang antas ng katanyagan sa Kanluran, at kung nakapagtatag na ito ng matibay na pundasyon. Patuloy nilang binabantayan at inaalam ang mga bagay na ito. Kahit ang ilang tao na hindi sumasali sa gawain ng iglesia at hindi ginagawa ang kanilang mga tungkulin ay patuloy na nagkakalkula para sa kanilang sariling mga kinabukasan at kapalaran, nagpapakita ng malaking kuryosidad sa pag-unlad ng iglesia. Kaya, hinahanap nila ang impormasyong ito sa website ng iglesia at nagtatanong-tanong din sila tungkol sa mga bagay na ito sa loob ng iglesia. Kapag nalaman nila na maayos na lumalaganap ang gawain ng sambahayan ng Diyos sa ibang bansa at nagiging mas puno ng pag-asa, na mas maayos na lumalaganap ang gawain sa Kanluran at umuunlad ang sitwasyon, nakakaramdam sila ng kapanatagan sa kanilang puso. Nagpapahiwatig ba ng tunay na pagbabago sa kanila ang pakiramdam nila ng kapanatagan? (Hindi.) Habang nakakaramdam sila ng kapanatagan, ang kanilang saloobin sa Diyos na nagkatawang-tao, kay Cristo, ay kaunti pang “pagrespeto” at paghanga lamang, walang tunay na pagpapasakop.

Nang si Cristo ay gumagawa sa mainland Tsina, madalas na napapaisip ang mga anticristo, “Puwede bang maaresto ang diyos na nagkatawang-tao? Puwede ba siyang mapasakamay ng mga namamahalang awtoridad?” Nang mag-isip sila nang ganito, nagkaroon sila ng kaunting paghamak sa “maliit na taong ito.” Nang marinig nila na madalas walang matatawag na tirahan ang Diyos na nagkatawang-tao, walang lugar kung saan maihihilig ang Kanyang ulo, at nagtatago kung saan-saan para maiwasang maaresto, tuluyang nawawasak ang kanilang kaunting kuryosidad at atubiling “pagrespeto” para sa Diyos na nagkatawang-tao. Gayumpaman, nang mabalitaan nila na ang Diyos na nagkatawang-tao, si Cristo, ay nasa Estados Unidos, sa lupain ng kalayaan na pinapangarap ng sangkatauhan, nakaramdam sila ng inggit sa Diyos na nagkatawang-tao—hindi respeto, kundi inggit. Pero nang mabalitaan nila na ang Diyos na nagkatawang-tao ay nasa Kanluran, na tinanggihan, siniraan, kinondena, at hinusgahan kabilang sa sangkatauhan, nakaramdam ng matinding pagkabagabag sa kaibuturan ng kanilang puso ang mga anticristo: “Ikaw ay diyos, bakit hindi ka tinatanggap ng mga tao? Ikaw ay diyos, bakit hindi ka tinatanggap ng mundo ng relihiyon, sa halip ay nagpapakalat ito ng napakaraming walang batayang tsismis tungkol sa iyo? Bakit hindi mo ipagtanggol ang iyong sarili? Dapat kang kumuha ng isang grupo ng mga abogado! Tingnan mo ang mga mapanirang-puring salita sa online, ang mga tsismis na ginawa ng mundo ng relihiyon na pinagmumukha kang napakasama! Nahihiya kaming sumunod sa iyo, at nakakaasiwa ring banggitin ang mga bagay na ito. Kinokondena ka sa Silangan at sa Kanluran, tinatanggihan ng mundo ng relihiyon, ng sangkatauhan, ng mundong ito. Nakakawalang-dangal ang sumunod sa iyo.” Ito ang mentalidad ng mga anticristo. Habang nakakaramdam ng kawalang-dangal sa kanilang puso, nagkakaroon din sila ng paghamak at pagsimpatya—isang labis na nag-aatubiling pagsimpatya—para sa “maliit na taong ito” ayon sa kanilang nakikita sa Kanya sa kanilang mga mata at puso. Paano lumitaw ang ganitong pagsimpatya? Naisip nila, “Gumagawa ka ng gayong napakadakilang gawain nang hindi nag-aalala tungkol sa personal na kapakinabangan o kawalan, na puwedeng ituring na walang pag-iimbot na dedikasyon. Ano ba ang nilalayon mo sa pagtitiis ng gayong katinding pagdurusa at pamamahiya? Sa lohikal na pagsasalita, tiyak na mabuti kang tao; kung hindi, paano mo natitiis ang gayong napakatinding pamamahiya at ang gayong napakatinding pasakit? Nakakaawa ito at hindi madali; tiyak na agrabyado ang pakiramdam mo sa iyong puso.” Kaya, nakaramdam sila ng kaunting simpatiya para kay Cristo. Nagnilay sila, “Kung ako ito, hindi ko kayang tiisin ang gayong katinding pagdurusa; ipagtatanggol ko ang sarili ko sa sangkatauhan. Sa isang banda, kukuha ako ng isang grupo ng mga abogado para burahin ang mga maling tsismis sa online, at sa kabilang banda, magpapakita ako ng ilang himala at kababalaghan sa mundo ng relihiyon para makita nila kung sino ang diyos—kung sino ang totoo at sino ang huwad—para patahimikin ang bibig ng mga naninira at kumokondena, para parusahan sila at turuan sila ng leksiyon. Hindi ba’t hindi na sila maglalakas-loob na gawin pa ito? Bakit hindi mo gawin iyon? Bakit hindi mo kailanman ipinagtatanggol ang sarili mo? Dahil ba wala kang kapangyarihan, lakas ng loob, o tapang? Ano ba talaga ang nangyayari? Dahil ba sa kaduwagan? Hay, napakarami mong itinatago sa iyong puso, tinitiis mo ang napakalaking kawalang-katarungan at nananatili kang tahimik, patuloy na pinalalaganap ang gawain, at matiyaga at taimtim na kinakausap ang mga tao sa iglesia, tinutustusan sila, pero palagi silang may mga kuru-kuro at mapaghimagsik. Siguradong nagdurusa ang iyong puso! Dahil nakikita ko na kaya mong tiisin ang lahat ng ito, talaga ngang mabuti kang tao, karapat-dapat sa simpatiya.” Ganoon nabuo ang kanilang pagsimpatya. Ito ang simpatiya ng mga anticristo. Mula sa umpisa ng paglalantad sa mga anticristo hanggang ngayon, ito lamang ang uri ng “kabutihan” na kanilang nagawa. Gaano kahusay na nagawa ang “kabutihang” ito? Tunay ba ito? (Hindi.)

Sinusundan ng mga anticristo si Cristo at tinanggap nila ang mga salita na sinabi ni Cristo sa loob ng maraming taon, pero hindi nila kailanman naramdaman na karangalan ang magawang tanggapin si Cristo bilang kanilang Tagapagligtas sa buhay na ito, at hindi rin nila kailanman naramdaman na karangalan ang magdusa tulad ng pagdurusa ni Cristo, ang makondena at maitakwil ng mundo tulad ni Cristo. Sa halip, itinuturing nila ang mga pagdurusa ni Cristo bilang kalamangan at ebidensiya para hamakin at itatwa si Cristo. Wala silang kahandaan o saloobin na makibahagi sa lahat ng pagdurusang ito kasama si Cristo. Sa halip, nakatayo lamang sila at nanonood, pinagmamasdan ang lahat ng pagdurusang tinitiis ni Cristo, pinagmamasdan kung paano tinatrato ng sangkatauhan si Cristo, at ibinabatay nila ang kanilang pagtrato kay Cristo sa mga obserbasyong ito. Kapag ipinoproklama ang pangalan ng Diyos at unti-unting lumalaganap ang gawaing ebanghelyo sa lahat ng sangkatauhan, at mukhang maganda ang kinabukasan ng gawaing ebanghelyo, unti-unting lumalapit sa Diyos na nagkatawang-tao ang mga anticristo, nakakaramdam ng kaunting respeto at inggit sa Kanya. Kasabay nito, pinagsisikapan nila nang husto na makalapit sa sambahayan ng Diyos, nagsisikap na maging miyembro ng sambahayan ng Diyos at bahagi ng pagpapalaganap ng gawain ng Diyos. Ganoon lang ba iyon? Ganoon lang ba kasimple? Hindi; binabago nila ang kanilang saloobin sa sambahayan ng Diyos at kay Cristo batay sa kalagayan ng pagpapalawak ng iba’t ibang proyekto ng gawain sa sambahayan ng Diyos, ginagawa ito sa anumang oras at lugar. Kung maririnig nila na sa sangkatauhan, at lalo na sa Kanluran, sinasabi ng isang partikular na lahi ng mga tao, “Tunay na mga salita ng Diyos ang mga salitang ito, talagang may awtoridad ang mga ito! Mula sa mga salita ng Diyos, nakikita namin ang diwa ng Diyos, nakakasiguro kaming Diyos ang ordinaryong taong ito, at ang daang ito ang tunay na daan,” lihim na nagagalak sa kanilang puso ang mga anticristo: “Buti na lang hindi ako umalis; ito nga ang tunay na daan! Tingnan mo, maging ang mga taga-Kanluran ay nagsasabi kung nasaan ang diyos na nagkatawang-tao. Dapat kong pakinggan pa ang kanyang mga salita, kailangan kong magmadali at makinig sa mga sermon!” Sa sandaling ito, nararamdaman ng mga anticristo na ang tinig ng Diyos ay napakaganda, labis na nagpapadalisay sa kanilang kaluluwa, at nararamdaman nilang dapat itong pahalagahan. Gayumpaman, kapag paminsan-minsang nahaharap sa mga kabiguan ang sambahayan ng Diyos sa pagpapalaganap ng gawain nito sa ibang bansa at sa sangkatauhan, o kapag nagugulo at naaapektuhan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, napapakialaman ng mga panlabas na puwersa, o kahit kapag nakakaranas ng ilang paghihirap ang sambahayan ng Diyos, muling nababahala sa kanilang puso ang mga anticristo: “Nasaan ang diyos na nagkatawang-tao? Nagsasalita ba siya? Paano pinangangasiwaan ang usaping ito? Itinatama ba ng diyos ang mga bagay-bagay? Natakot ba ang hinirang na mga tao ng diyos? May mga umalis na ba sa sambahayan ng diyos? May mga kilalang tao o mataas na tao ba mula sa mundo sa labas na nagsasalita o kumikilos para sa sambahayan ng diyos, o naninindigan para dito? Balita ko ay wala. Ano ang dapat gawin kung gayon? Katapusan na ba ng iglesia ng diyos? Dapat na ba akong umalis habang may pagkakataon pa?” Malaki ba ang kaguluhang ito? Sa sandaling ito, kapag nakikinig silang muli sa mga sermon ng Diyos, iniisip nila: “Huwag ka nang magsalita tungkol sa mga walang kabuluhang salitang iyon o magsalita pa nang napakatayog. Hindi na kita pinakikinggan ngayon. Puwedeng lamunin ng mundo ang sambahayan ng diyos anumang sandali; ano pa ang silbi ng mga salitang iyon? Maililigtas ba ng mga ito ang mga tao? Puwedeng mawala sa isang iglap ang impluwensiya ng sambahayan ng diyos; magkakawatak-watak ang mga tao nito nang ganoon-ganoon lang.” Ayaw na nilang makinig sa sinasabi Ko. May natitira pa bang respeto? May natitira pa bang simpatiya? (Wala na.) Ano ang natitira? Ang kagustuhan na lamang na manood at mangutya. Nagsasabi ang ilang tao ng masasamang bagay kapag walang nakaririnig, nagsasabi ng mga nakapipinsalang salita, at nagagalak sa mga kasawian ng sambahayan ng Diyos: “Sa tingin ko may paparating na problema, sa tingin ko ay hindi ka makakapanindigan. May silbi ba ang mga katotohanang iyon? Epektibo ba ang iyong mga salita? Ano na ngayon? Dumating na ang problema, hindi ba?” Lumilitaw ang kanilang pagkademonyo. Hindi ba’t lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay kagaya ng gagawin ng mga diyablo? Wala sila ng kahit na pinakabatayang moralidad ng tao; lubos silang buktot, kinakagat ang kamay na nagpapakain sa kanila! Kumakain sila mula sa sambahayan ng Diyos, tinatamasa ang pagtustos ng mga salita ng Diyos, tinatamasa ang proteksiyon at biyaya ng Diyos, pero sa unang tanda ng problema, pumapanig sila sa mga tagalabas, ipinagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at nagagalak sa mga kasawian nito. Ano sila, kung hindi mga diyablo? Sila ay mga diyablo mula ulo hanggang paa! Kapag nakikita nilang nagiging maganda ang takbo ng sambahayan ng Diyos, lumuluhod sila agad sa harap ng Diyos na nagkatawang-tao, na para bang mga tagasunod sila ng Diyos. Pero kapag nakita nilang kinukubkob at kinokondena ni Satanas ang sambahayan ng Diyos, hindi na sila nagpapatirapa sa harap ng Diyos. Sa halip, tumatayo sila nang may dignidad, naniniwalang masyado silang marangal para lumuhod sa kahit na sino, sabik na naghihintay na kutyain ka. Nagiging mas malakas din ang tono at lakas ng kanilang pananalita kapag kinakausap ka nila; nagsisimula silang magsalita na parang isang opisyal, kumikilos nang hindi normal, lumilitaw ang kanilang malademonyong tindig, mabilis na nagbabago. Sabihin mo sa Akin, kailan matatakot ang mga taong ito sa Diyos? (Hindi kailanman.) Mismo, totoong-totoo ang pahayag na iyan. Kauri ni Satanas ang mga taong ito; hindi sila kailanman matatakot sa Diyos dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan—kay Satanas sila. Ito ang satanikong kalikasang diwa, kahindik-hindik na mukha ng mga anticristo, na kay Satanas. Palagi silang handang kutyain ang sambahayan ng Diyos, palaging naghahanap ng pagkakataon na laitin ang Diyos na nagkatawang-tao, palaging naghahanda at nagtitipon ng mga materyal para itatwa si Cristo at itatwa ang diwa ng Diyos, at palagi silang handang pumanig sa mga tagalabas at ipagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kapag mas maraming problema ang kinakaharap ng sambahayan ng Diyos, mas masaya at mas nagagalak ang mga anticristo. Kapag normal na nagagawa ng mga kapatid ang kanilang mga tungkulin at maayos ang lahat ng tungkol sa gawain sa sambahayan ng Diyos, hindi sila komportable at hindi nasisiyahan, nagnanais na dumating agad ang mga problema sa sambahayan ng Diyos, umaasang hindi magpapatuloy nang maayos ang gawain ng sambahayan ng Diyos, na makakaranas ito ng mga pagkabigo at balakid. Sa madaling salita, kung maayos ang lahat sa sambahayan ng Diyos, at normal na nagagawa ng mga kapatid ang kanilang mga tungkulin at kumikilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, walang kagalakan sa kanilang puso ang mga anticristo. Kapag nakikinig sa mga salita ng Diyos ang mga kapatid, nagsasagawa ayon sa Kanyang mga salita, dinadakila ang Diyos at si Cristo, at nagagawang magpatotoo at dakilain si Cristo, ito ang pinakahindi-makayanan na panahon para sa mga anticristo, ang panahon na sila ay pinakahinahatulan at pinakanahihirapan.

Nagtatanong ang mga anticristo tungkol sa iba’t ibang balita sa sambahayan ng Diyos. Kung hindi nila malaman sa loob ng mahabang panahon kung paano umuusad ang pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo sa sambahayan ng Diyos, kung paano umuunlad ang iba’t ibang propesyonal na gawain sa sambahayan ng Diyos, kung maayos bang nagpapatuloy ang mga ito, kung dumarami ba ang bilang ng mga tao sa ibang bansa, kung lumalawak ba ang saklaw ng iglesia, kung naitatag na ba sa iba’t ibang bansa ang mga iglesia, o kung hindi nila mabalitaan na mas maraming nag-aasam na indibidwal o mga kilalang tao sa lipunan ang pumapasok sa sambahayan ng Diyos, pakiramdam nila na nakakaburyo at hindi interesante ang pananampalataya sa Diyos na nagkatawang-tao. Tumitigil sila sa pagbibigay-pansin sa Diyos na nagkatawang-tao at naiisipan pa nga nilang sumali sa ibang mas masigla o mas maimpluwensiyang mga denominasyon. Gayumpaman, kapag minsan ay nakakarinig sila ng ilang magandang balita tungkol sa sambahayan ng Diyos, tulad ng mga video ng mga patotoo ng mga kapatid na nakakakuha ng interes at nakakakuha ng malaking atensiyon mula sa ilang organisasyon ng karapatang pantao, napupuno ng kaligayahan, pag-asa, at kagalakan ang kanilang puso. Halimbawa, kung napapansin o ibinabalita ng isang kilalang grupo ang sambahayan ng Diyos, mas lalo silang natutuwa at nasasabik: “Mukhang hindi naman talaga simple ang ordinaryong taong ito; mukhang may makakamit siyang isang dakilang bagay!” Kung ang pangalan ng iglesia ay masuwerteng mabanggit ng isang kilalang tao o maging ng isang lider, mas lalong napupukaw ang mga anticristo: “Sa buhay na ito, ginawa ko ang pinakamalaki at pinakatamang desisyon, iyon ay ang sumunod sa makapangyarihang diyos. Mula ngayon, napagpasyahan kong hindi na kailanman iwan ang makapangyarihang diyos, na ituring siya bilang diyos, at igalang siya sa aking puso, dahil ang diyos na ito ay iginagalang ni Ganito at ganoong lider. Kung iginagalang siya ng lider na ito, dapat ko rin siyang igalang. Nabanggit at kinilala ng mga lider ang diyos na ito, kaya ano pa ang pagsisisihan kung mananampalataya at susunod sa kanya? Hindi ba’t dapat ko siyang sundan nang mas matatag? Mula ngayon, determinado akong hindi na kailanman maisip pa ang ideya ng pag-alis sa ang iglesia ng makapangyarihang diyos. Dapat kong pagbutihin ang aking paggampan, pagtiisan ang mas maraming pagdurusa, magbayad ng mas malaking halaga, sumangguni nang mas madalas sa mga kapatid kapag gumagawa ng mga bagay, at sundin kung ano man ang sinasabi ng iglesia. Baka sa hinaharap, habang lumalawak at mas nakikilala ang iglesia, baka makakuha ako ng mataas na ranggo at maging tanyag!” Habang iniisip ito, sa kanilang puso ay natutuwa sila: “Sobrang ganda, sobrang tama ang naging desisyon ko! Napakatalino ko! Naisip ko pang umalis noon—napakahangal at mangmang ko noon! Bata pa ako noon at padalos-dalos, madaling gumawa ng mga maling desisyon at paghusga. Ngayong mas matanda na ako, naging mas matatag na ako at alam ko na kung paano magtago, at sa wakas nakakita na ako ng pag-asa. Buti na lang hindi ako umalis, hindi ako naniwala sa mga tsismis na iyon, at hindi ako nalihis o naimpluwensiyahan ng mga iyon. Napakamapanganib niyon! Kailangan kong maging mas maingat sa hinaharap. Mukhang ekstraordinaryo ang taong ito, at kailangan ko siyang tratuhin nang mabuti!” Sa kanilang pagkasabik at pagpapadalos-dalos, bumili sila ng ilang produktong pangkalusugan at ng ilang magandang bagay upang ihandog, isinulat sa mga ito: “Iniaalay sa aking minamahal na Diyos, kasama ang mga sumusunod na bagay.” Sa ibaba, nilagdaan nila: “Espesyal na ipinresenta, magalang na isinumite ni Ganito at ganoong tao sa ganito at ganoong petsa.” Isang espesyal at mahalagang regalo ito, pero may kuwento, may lihim na motibo sa likod nito. Kapag narinig ninyo ito, hindi ba’t sasabihin ninyo, “Ganito Mo ba nauunawaan ang mga alay na ibinibigay ng mga tao sa Diyos”? Hindi sa nauunawaan Ko ito sa ganitong paraan, at hindi lahat ng tao ay kumikilos sa ganitong paraan, at hindi lahat ng alay ay may ganitong mga motibo. Gayumpaman, hindi maikakaila na talagang naiimpluwensiyahan at inuudyukan ng mga gayong layunin at gayong pinagmulan ang pag-aalay ng ilang tao. Obhetibong pananaw ba ito? (Oo.)

Kapag kinakalkula ng mga anticristo ang lahat ng bagay sa kanilang isipan, sariling interes ang kanilang pangunahing isinasaalang-alang. Makasarili at kasuklam-suklam sila, may sariling kalkulasyon sa lahat ng bagay. Tungkol sa pag-usad ng iba’t ibang gawain sa sambahayan ng Diyos, karamihan sa mga naghahangad sa katotohanan, pati na rin ang karamihan sa mga ordinaryong mananampalataya, ay hindi nais malaman o usisain ang tungkol sa mga usaping ito, dahil walang kaugnayan sa paghahangad sa katotohanan ang pagkaalam sa mga pangkalahatang usaping ito. Walang silbi ang kaalaman tungkol sa mga ito; hindi ibig sabihin na may taglay kang buhay o katotohanan, ni hindi rin nangangahulugan na ang hindi pagkaalam sa mga ito ay nagpapahiwatig na maliit ang tayog mo. Ang mga usaping ito ay walang kaugnayan sa katotohanan at hindi nakakatulong sa pag-unawa sa katotohanan o sa pagkakaroon ng takot sa Diyos. Isang antas ito na puwedeng marating ng mga taong may katwiran. Gayumpaman, kumakapit nang mahigpit ang mga anticristo sa mga usaping ito, itinuturing ang mga ito bilang ang pinakamataas na katotohanan. Nagtatanong sila at nangangalap ng impormasyon tungkol sa mga usaping ito. Pagkatapos mangalap ng impormasyon tungkol sa mga usaping ito, hindi nila ito sinasarili; ipinapakalat nila ito sa lahat ng lugar, naniniwala silang mausisa ang bawat kapatid tungkol sa mga bagay na ito, kahit sa realidad, maraming tao ang hindi interesado. Ako mismo ay bihirang magtanong tungkol sa mga bagay na ito. Kung sakaling makatagpo Ko ang isang taong sangkot, maaaring mag-usap kami tungkol dito, pero hindi Ako aktibong naghahanap ng mga tao para magtanong. May isang sitwasyon lamang kung saan nagtatanong Ako: tungkol sa kung paano dapat gawin ang ilang gawain, ang pag-usad ng inyong gawain, at kung may mga problema o pagkukulang ba. Sa sitwasyon lamang na ito Ako nagtatanong, pero bukod dito, talagang hindi Ako nagtatanong dahil sa kuryosidad o alalahanin. May kinalaman lamang sa gawain ang mga tanong Ko, hindi sa pinagmulan ng impormasyon o kuryosidad. Ang mga anticristo, na hindi nagmamahal sa katotohanan, ay mahilig usisain ang mga bagay na ito, at may partikular silang layon sa paggawa nito. Ginagamit nila ang mga panlabas na sitwasyon at kapaligiran, kabilang na ang mga kalagayan ng iglesia sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang denominasyon, lahi, at grupong etniko, para hatulan ang pagiging tama o mali ng gawain ng Diyos at para hatulan pa nga kung si Cristo ba ang Diyos. Anong klaseng mga nilikha sila? Nananampalataya ba sila sa Diyos? Malinaw na sila ay mga hindi mananampalataya. Gaano man karaming katotohanan ang iyong pagbahaginan, hindi nila ito marinig o maunawaan. Gayumpaman, nagtatanong sila nang sobrang detalyado tungkol sa mga panlabas na pagsusuri ng iglesia at sa katayuan at sitwasyon ng iglesia sa iba’t ibang bansa, halos hindi na sila maipag-iiba sa mga hindi mananampalataya. Ito ang mga pagpapamalas ng mga hindi mananampalataya na may lihim na adyenda. Mayroon bang mga gayong tao sa paligid ninyo? Maaaring hindi ninyo napansin. Sa tuwing nagtitipon tayo at inilalantad natin ang iba’t ibang diwa ng mga anticristo, nakokondena ang ilan sa mga taong ito. Kapag nabubunyag, nagkukubli ang kanilang tunay na kulay, at hindi sila naglalakas-loob na ipakita ang kanilang sarili. Lalo na pagkatapos ng pagbabahaginang ito, may ilang tao na hindi na maglalakas-loob na magtanong. Pero kahit hindi na sila maglakas-loob na diretsahang magtanong, patuloy pa rin silang nangangalap ng mga sabi-sabi kapag walang nakatingin. Tumitigil sila sa pagtatanong sa mga kapatid pero palihim na nagtatanong sa internet. Bukod dito, nagsusumikap silang malaman kung ano ang iniisip at sinasabi ng mga walang pananampalataya, mga denominasyon, at mga bansang Kanluranin tungkol sa ating iglesia, halos parang nababaliw na sila. Hindi ba’t medyo kabaliwan na ito? Nahuhumaling sila, hindi nila mapigilan ang kanilang sarili. Imposibleng mapangatwiranan ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan at tutol sa katotohanan.