Ikasampung Aytem: Hinahamak Nila ang Katotohanan, Lantarang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikalawang Bahagi) Ikalawang Seksiyon
May ilang tao na natututo nang kaunti tungkol sa kasaysayan, nakakaunawa ng kaunting politika, at, sa isang banda, gusto nilang magpakitang-gilas; sa isa pang banda, iniisip nila, “Ang diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng diwa at katotohanan ng diyos. Alam niya ang katunayan na ang diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at nauunawaan niya ang mga detalye nito. Kaya, kung nauunawaan ko ang politika at kasaysayan, kaya ko na bang matugunan ang kanyang mga pangangailangan? Kaya ko na bang matugunan ang kanyang kuryosidad tungkol sa lahat ng bagay na ito?” Sinasabi Ko sa iyo, nagkakamali ka! Ang pinakakinasusuklaman Ko ay una, ang politika, at ang pangalawa, ang kasaysayan. Kung tatalakayin mo ang tungkol sa kasaysayan, kung magbabahagi ka ng mga nakakatawang anekdota na parang kuwento, o kaswal na makikipagdaldalan para lang palipasin ang oras, ayos lang. Pero kung ituturing mo ang mga salitang ito, ang mga usaping ito, bilang seryosong paksa para talakayin sa Akin, para sumipsip, lumikha ng ugnayan, nagkakamali ka; hindi Ko nais na pakinggan ang mga ito. May ilang tao na nagkakamali sa pag-iisip na, “Ibinabahagi mo ang katotohanan at nangunguna ka sa mga pagtitipon para sa mga tao dahil kailangan mo; sa kaibuturan mo, ang pinakagusto mo ay malaking kaguluhan sa mundo. Natatakot kang hindi sapat ang kaguluhan sa mundo. Kapag may sakuna, sino ang nakakaalam kung gaano ka kasaya nang walang nakakakita, marahil ay nagsisindi ka pa ng mga paputok para magdiwang!” Sinasabi Ko sa iyo, hindi ganyan ang nangyayari. Kahit na mamatay at bumagsak ang malaking pulang dragon, mananatili Ako kung ano Ako. Tinatanong ng ilang tao, “Hindi Ka ba matutuwa kapag bumagsak ang malaking pulang dragon? Kapag ang malaking pulang dragon ay nawasak at naparusahan, hindi ba’t dapat Kang magpaputok ng mga paputok? Hindi ba’t dapat Kang magdaos ng isang malaking piging at magdiwang kasama ng mga hinirang ng Diyos?” Sabihin mo sa Akin, ito ba ang dapat Kong gawin? Tama o mali ba na gawin ito? Umaayon ba ito sa katotohanan? Sinasabi ng ilan: “Labis na inusig ng malaking pulang dragon ang mga hinirang ng Diyos, ito ay nagpakalat ng mga walang batayang tsismis tungkol sa Diyos at siniraan ang Kanyang pangalan, nilapastangan at hinusgahan ang Diyos. Hindi ba’t dapat tayong magdiwang kapag natanggap na nito ang kabayaran nito?” Kung magdiriwang kayo, pinapayagan Ko ito, dahil mayroon kayong inyong mga lagay ng loob. Kung kayong lahat ay masaya, nananatiling gising sa loob ng tatlong araw at gabi, nagtitipon upang basahin ang mga salita ng Diyos, kumakanta ng mga himno at sumasayaw upang purihin ang katuwiran ng Diyos, nagagalak na sa wakas ay winasak at niyurakan ng Diyos ang malaking pulang dragon, ang kaaway, sa ilalim ng Kanyang mga paa, at ang mga hinirang ng Diyos ay hindi na magdurusa sa pang-uusig at pagpapahirap nito, hindi na hindi makakauwi sa kanilang mga tahanan, at sa wakas ay makakabalik na sa kanilang mga pamilya, ang lagay ng loob ng lahat ay kauna-unawa. Kung nais ninyong magdiwang at magpahinga sa ganitong paraan, pumapayag Ako. Ngunit para sa Akin, gagawin Ko ang nararapat Kong gawin; hindi Ako nakikilahok sa mga aktibidad na ito. Tinatanong ng ilang tao: “Bakit Ka may ganyang saloobin? Hindi ba’t ito ay nakakapanghina ng loob ng mga tao? Bakit hindi Ka magpakita ng kaunting alab ng damdamin? Kung wala Ka sa pinakakritikal na sandali, paano kami magdiriwang?” Ang pagdiriwang ay hindi mali, pero may isang bagay na kailangan nating ibahagi nang malinaw: Sabihin nating naparusahan ang malaking pulang dragon, inalis na ito ng Diyos; ang diyablong haring ito, na minsang naglingkod upang gawing perpekto ang mga hinirang ng Diyos, ay nawasak at napuksa—kaya, paano naman ang tayog ng mga hinirang ng Diyos? Gaano karaming katotohanan ang inyong naunawaan? Kung kayong lahat ay makakagawa ng inyong mga tungkulin nang pasok sa pamantayan, at pawang mga nilikha na pasok sa pamantayan, kayang matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan, kung saan ang bawat tao ay nagtataglay ng tayog nina Job at Pedro, at lahat ay naligtas na, kung gayon ay tunay na masayang sandali ito, isang bagay na karapat-dapat ipagdiwang. Gayumpaman, kung isang araw ay bumagsak ang malaking pulang dragon at ang inyong tayog ay hindi umaabot sa antas ng tapat na paggawa sa inyong mga tungkulin, kung wala pa ring takot sa Diyos sa inyo, at hindi ninyo magawang umiwas sa kasamaan, napakalayo sa tayog nina Job at Pedro, hindi kayang tunay na magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi maituturing bilang mga nilikhang pasok sa pamantayan, kung gayon ano ang inyong ikatutuwa? Hindi ba’t ito ay pagpapakasaya lamang sa walang kabuluhang kagalakan? Ang gayong pagdiriwang ay walang kahulugan at walang halaga. Sinasabi ng ilang tao: “Labis kaming inuusig ng malaking pulang dragon; tiyak na ayos lang naman na kamuhian namin ito? Ang kilalanin ang diwa nito ay ayos lang, hindi ba? Labis kami nitong inusig; bakit hindi kami maaaring maging masaya kapag ito ay naalis na?” Ayos lang na maging masaya, na ipahayag ang inyong mga emosyon. Gayumpaman, kung iniisip mo na ang pagkawasak ng malaking pulang dragon ay nangangahulugan ng pagtatapos ng plano ng pamamahala ng Diyos, na ang sangkatauhan ay naligtas na, itinutumbas ang pagkawasak ng malaking pulang dragon sa pagtatapos ng plano ng pamamahala ng Diyos, gayundin sa iyong sariling kaligtasan at pagiging perpekto, hindi ba’t mali ang pagkakaintindi na ito? (Mali nga ito.) Kaya, ano ang inyong nauunawaan ngayon? Tungkol sa kaaway ng Diyos, ang malaking pulang dragon, ang tadhana nito at kung paano ito ay mga usapin na ng Diyos, at walang kaugnayan ang mga ito sa iyong paghahangad sa pagbabago ng disposisyon o kaligtasan. Ang malaking pulang dragon ay isa lamang hambingan, gamit-pangserbisyo, na nasasailalim sa mga pamamatnugot ng Diyos. Ano man ang ginagawa nito at kung paano ito ginagamit ng Diyos upang magserbisyo ay mga usapin na ng Diyos, walang kaugnayan sa mga tao. Samakatwid, kung masyado kang nag-aalala tungkol sa kapalaran nito, na hinahayaan mo itong makaabala sa iyong puso, kung gayon ay may suliranin, may problema. Ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, kasama na ang malaking pulang dragon, at lahat ng mga diyablo, at mga Satanas, kaya ano man ang ginagawa ng mga diyablo at Satanas, kung paano man sila, ay walang kaugnayan sa iyong buhay pagpasok o pagbabago ng disposisyon. Ano ang may kaugnayan sa iyo? Kailangan mong kilalanin ang buktot at malupit na diwa ng paglaban nito sa Diyos, ang diwa nito na antagonistiko sa Diyos at kaaway ng Diyos—ito ang kailangan mong maunawaan. Tungkol naman sa iba pa, kung ano mang mga sakuna ang idudulot dito ng Diyos, kung paano pinamamatnugutan ng Diyos ang kapalaran nito, wala itong kaugnayan sa iyo, at ang malaman ito ay walang silbi. Bakit wala itong silbi? Dahil kahit na malaman mo, hindi mo maiintindihan kung bakit kumikilos ang Diyos sa gayong paraan. Kahit na makita mo ito, hindi mo malalaman kung bakit pinipili ng Diyos na kumilos sa gayong paraan, hindi mo kayang lubusang maunawaan ang katotohanan sa likod nito. Tatapusin Ko na ang paksang ito rito sa ilang maikling pahayag lamang na ito.
Ang mga pagpapamalas ng mga anticristo sa paggamit ng paninipsip, pambobola, at mga salitang masarap pakinggan, siyempre, ay makikita rin sa mga ordinaryong tiwaling tao, ngunit ano ang pagkakaiba ng mga anticristo sa mga ordinaryong tiwaling tao? Sa kanilang paninipsip, pambobola, at mga salitang masarap pakinggan, ay walang respeto, walang sinseridad. Sa halip, ang pakay nila ay paglaruan, subukan, at gamitin ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya’t lumilitaw ang mga pagsasagawang ito; mayroon silang sariling mga layon. Nais nilang paglaruan ang ordinaryong taong nakikita nila sa kanilang harapan sa pamamagitan ng paninipsip, pambobola, at mga salitang masarap pakinggan, upang lokohin si Cristo, upang hindi makita ni Cristo kung sino talaga sila, anong klaseng mga tiwaling disposisyon ang mayroon sila, anong klaseng integridad, anong klaseng diwa ang taglay nila, at sa aling kategorya ng tao sila nabibilang. Nais nilang manloko at manlinlang, tama ba? (Oo.) Sa kanilang paninipsip, pambobola, at mga salitang masarap pakinggan, mayroon bang kahit isang sinserong salita? Wala ni isa. Ang intensyon at pakay ng mga anticristo ay ang manlinlang, manloko, at manlaro. Hindi ba’t ang mga pagsasagawang ito ang diwa ng mga anticristo na nanghahamak sa katotohanan? (Oo.) Iniisip nila na ang lahat ng ordinaryong tao ay gustong makarinig ng magagandang salita, natutuwa sa pambobola, at gustong magpaalipin ang iba sa kanila, na nagbibigay sa kanila ng pakiramdam ng kahalagahan at nagpapakita na ang kanilang katayuan ay tila mas iginagalang at mas engrande kaysa sa karaniwang tao. Sa kabaligtaran, kung ang isang tao ay labis na nagpapakaalipin sa harap ni Cristo, walang integridad at dignidad, nagsasalita nang paligoy-ligoy, palaging sinusubukang manlinlang, at palaging sinusubukang pagtakpan ang mga katunayan, tinatrato si Cristo nang may pagpapanggap at kabulaanan, bukod sa hindi tatanggapin ni Cristo ang anuman sa mga ito, maiinis pa Siya sa iyo sa Kanyang puso. Hanggang sa anong antas? Sasabihin ng Diyos na ang taong ito ay kasuklam-suklam, hindi nagsasalita ng kahit isang katotohanan, iniisip lamang kung paano sumipsip, hindi mabuti, hindi isang positibong karakter—ang gayong tao ay hindi maaasahan at hindi mapagkakatiwalaan. Hindi maaasahan at hindi mapagkakatiwalaan; ito ang depinisyong ibinibigay sa mga gayong tao. Sa panlabas, itong dalawang parirala lamang na ito, ngunit sa aktuwal, ang gayong tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan, hindi makakamtan ang katotohanan, at malamang na hindi maliligtas. Ano ang kahalagahan at halaga ng pananampalataya ng gayong tao sa Diyos kung hindi naman niya makakamit ang katotohanan at malamang na hindi siya maliligtas? Kung hindi siya nagdudulot ng mga pagkagambala o kaguluhan, maaari lamang siyang gumanap ng papel ng isang hambingan o gamit-panserbisyo sa sambahayan ng Diyos, tulad lamang ng malaking pulang dragon. Ano ang ibig sabihin ng gumanap ng papel ng isang bagay? Ibig sabihin ay pansamantala, gumagawa hangga’t kaya nila, tulad ng paghila sa isang kariton, na nagpapatuloy hangga’t hindi nila ito naitutumba. Bakit sila pinapagampan ng isang papel? Dahil ang mga gayong tao ay hindi naghahangad ng katotohanan. Labis nilang kinamumuhian at hinahamak ang katotohanan sa kanilang puso, labis nilang pinagtatawanan at pinaglalaruan ang katotohanan, kaya ang kanilang pinakawakas ay tiyak na magiging katulad ng kay Pablo, hindi makakarating sa dulo. Samakatwid, ang gayong uri ng tao ay maaari lamang gumanap ng papel ng isang pansamantalang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos. Sa isang banda, tinutulutan nila ang mga tunay na naghahangad sa katotohanan na lumago sa pagkilatis at pag-unawa. Sa isa pang banda, ginagawa nila ang anumang kaya nila sa sambahayan ng Diyos, nagseserbisyo hangga’t kaya nila, dahil ang mga gayong tao ay hindi makakarating sa dulo ng landas.
Isang araw, nang lumabas Ako, nakasalubong Ko ang isang kakilala. Bago pa man Ako makapagsalita, tinanong na niya Ako, “Matagal na simula noong huli tayong magkita. Araw-araw akong naghihintay sa iyo rito, sobra akong nangungulila sa iyo na hindi ako makapanatili sa bahay. Lagi kitang hinahanap sa mga tao na pumaparoo’t parito!” Naisip Ko, baka medyo may sakit sa pag-iisip ang taong ito. May usapan ba tayo? Bakit mo Ako hihintayin dito araw-araw? Dahil nagkita na rin naman tayo, mag-usap tayo tungkol sa isang pangunahing usapin. Tinanong Ko siya, “Kumusta ka nitong mga nakaraang araw?” Sumagot siya, “Ay, huwag mo nang itanong. Mula noong huli tayong magkita, lagi kitang iniisip kaya hindi ako makakain o makatulog. Umaasa lang ako na makikita kita balang araw.” Sabi Ko, “Mag-usap tayo tungkol sa isang pangunahing usapin. Kumusta ang kalagayan mo sa panahong ito?” “Mabuti naman. Ayos lang naman.” “Nagkaroon ba ng halalan sa inyong iglesia? Pareho pa rin ba ang lider?” “Hindi, inihalal nila si ganito at ganyan.” “Kumusta siya?” “Okey naman siya.” “Kung gayon, bakit tinanggal ang dating lider ng iglesia?” “Hindi ko alam; okey lang naman siya.” “Idetalye mo, huwag mo lang palaging sabihing ‘okey.’ Ito ba ay dahil hindi niya kayang gampanan ang mga kongkretong gawain?” “Okey naman siya sa tingin ko.” “Kumusta naman ang pagkatao ng bagong halal na lider? Kumusta ang kanyang pagkaarok sa katotohanan? Kaya ba niyang gumampan ng kongkretong gawain?” “Okey naman siya.” Kahit ano pa ang itanong Ko sa kanya, palaging “okey” ang sagot niya, kaya napakahirap niyang kausap. Kaya umalis na lang Ako. Ano ang tingin mo sa kuwentong ito? Ano ang dapat na maging pamagat sa kuwentong ito? (“Okey.”) Ang pamagat ng kuwentong ito ay “Okey.” Sa Aking pakikipag-ugnayan sa maraming tao, kakaunti ang nagsasalita nang batay sa katwiran ng tao, lalong walang nagsasalita ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang bibig ng karamihan ng mga tao ay puno ng kasinungalingan, walang kuwentang salita, mga panlilinlang, at mga mapagmataas na salita; wala ni isang makatotohanang pahayag. Ni hindi Ko nga hinihingi na bawat pangungusap na sabihin mo ay dapat naaayon sa katotohanan o may katotohanang realidad, ngunit sa pinakamababa, dapat ay magawa mong magsalita tulad ng isang tao, magpakita ka ng kaunting sinseridad, magpakita ng kaunting totoong damdamin. Kung wala ang mga ito, posible bang magkaroon ng pag-uusap? Hindi. Lagi kang nagsasabi ng mga walang kabuluhang salita at kasinungalingan; kapag nahaharap sa mga sitwasyon, lumalabas ang lahat ng walang kuwentang salita, panlilinlang, mga nakakainsultong salita, at mapagmataas na salita, at mga salita ng pangangatwiran at pagtatanggol ang lumilitaw, kaya imposibleng magkapalagayang-loob o makapag-usap, tama ba? (Tama.)
Maraming tao ang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, na naniniwalang ang mga salitang ito ay may kaugnayan lamang sa Diyos na nasa langit, sa Espiritu ng Diyos, at sa Diyos na hindi nakikita at hindi nahahawakan. Dahil napakalayo ng Diyos na iyon, kaya itinuturing ang Kanyang mga salita na may sapat na lalim upang matawag na katotohanan. Gayumpaman, ang ordinaryong taong ito sa kanilang harapan, isang taong nakikita at naririnig kapag nagsasalita, ay pinag-iisipan na walang gaanong kaugnayan sa katotohanan, sa Diyos, o sa diwa ng Diyos. Ito ay dahil Siya ay nakikita at napakalapit sa mga tao, hindi Niya naaapektuhan ang kanilang puso o mata sa anumang paraan, at hindi Siya nagdudulot ng anumang pakiramdam ng palaisipang kuryosidad sa kanila. Pakiramdam ng mga tao, ang ordinaryo, nahahawakan, at nagsasalitang taong ito ay masyadong madaling maintindihan, masyadong madaling makilatis. Iniisip pa nga nila na kaya nila Siyang mabatid at makilatis sa isang tinginan lang. Bilang resulta, hindi namamalayan ng mga tao na tinatrato nila si Cristo nang tulad ng kung paano nila tinatrato ang isang tao, nang tulad ng kung paano nila tinatrato ang sinumang taong may katayuan o kapangyarihan. Naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Paano maitutumbas si Cristo sa mga tiwaling taong may katayuan at kapangyarihan? Kapag ang mga tao ay sumisipsip at nambobola sa mga tiwaling indibidwal na may katayuan at kapangyarihan, nakakamit nila ang mga pakinabang at ang pagpapahalaga ng mga ito. Ang mga tiwali ay nasisiyahan dito; nais nila ang paninipsip, pambobola, at pagpapalapad ng papel, dahil pinagmumukha sila nitong marangal at mataas, na lalong nagbibigay-diin sa kanilang sariling katayuan at kapangyarihan. Gayumpaman, si Cristo, na may diwa ng Diyos, ay ang eksaktong kabaligtaran. Kapag ang isang tao ay may katayuan at kasikatan, hindi ito dahil sa sila ay may marangal na diwa o karakter; kaya, kailangan nilang gamitin ang lahat ng uri ng paraan upang makuha ang pag-iidolo at pambobola ng iba upang maipakita nila ang kanilang kasikatan at katayuan. Sa kabaligtaran, si Cristo, na may diwa ng Diyos, ay likas na nagtataglay ng pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, na mas mataas kaysa sa diwa at katayuan ng sinumang nilikha. Ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa ay umiiral nang obhetibo, na hindi nangangailangan ng pagpuri ng sinumang nilikha upang Siya ay mapatunayan; ni hindi Niya kailangan ang paninipsip o pambobola upang maipakita ang Kanyang pagkakakilanlan, diwa, o ang Kanyang marangal na katayuan. Ito ay dahil isang likas na katunayan na si Cristo ay nagtataglay ng diwa ng Diyos; hindi ito ipinagkakaloob sa Kanya ng sinumang tao, lalong hindi ito nakukuha sa pamamagitan ng maraming taon ng karanasan kasama ng sangkatauhan. Ibig sabihin, kahit wala ang lahat ng nilikha, ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos ay mananatiling ganoon; kahit walang sinumang nilikha na sumasamba o sumusunod sa Diyos, ang diwa ng Diyos ay nananatiling hindi nagbabago—ito ay isang katunayang hindi nagbabago. Ang mga anticristo ay maling naniniwala na anuman ang sinasabi o ginagawa ni Cristo, kailangang gumamit ang mga tao ng mga salitang masarap pakinggan, kailangan nilang pumalakpak, kailangang sumunod, at kailangang sumipsip upang matugunan ang mga kagustuhan ni Cristo at hindi sumalungat sa Kanyang mga layunin, iniisip nila na dahil dito ay maaaring maramdaman ni Cristo ang pag-iral ng Kanyang pagkakakilanlan at katayuan. Ito ay isang malubhang pagkakamali! Paano nakakamit ng sinuman sa tiwaling sangkatauhan na may kasikatan, kapangyarihan, at katayuan ang kanilang kasikatan at kapangyarihan? (Sa pamamagitan ng paninipsip at pagpapalapad ng papel.) Ito ay isang aspekto. Bukod dito, sa pangunahin, ito ay sa pamamagitan ng kanilang pakikibaka at pagsisikap sa mga tao, maging sa pamamagitan ng manipulasyon, at sa pamamagitan ng pagkamit o pagsamsam nito gamit ang iba’t ibang paraan. Iyon ay isang reputasyon lamang, isang mataas na posisyon o ranggo sa mga tao. Ang mataas na posisyong ito, mataas na ranggo, at mataas na katayuan ay nagiging dahilan upang mamukod-tangi ang isang tao sa karamihan, maging isang lider, isang tagapagpasya na may karapatang magdesisyon. Pero ano ang diwa ng taong ito na may katayuan at kasikatan, sino ang tumatayo nang nakakataas sa gitna ng mga tao? May pagkakaiba ba sila sa iba? Ang kanilang pagkakakilanlan at diwa ay parehong-pareho sa sinumang ordinaryong tiwaling tao; sila ay isang ordinaryong nilikha na ginawang tiwali sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, may kakayahang ipagkanulo ang katotohanan at mga positibong bagay, na may kakayahang pagbaligtarin ang tama at mali, sumalungat sa mga katunayan, gumawa ng kasamaan, lumaban sa Diyos, at suwayin at isumpa ang Langit. Ang kanilang tunay na pagkakakilanlan at diwa ay iyong sa isang taong ginawang tiwali ni Satanas, sa isang taong may kakayahang lumaban sa Diyos, kaya ang kanilang kasikatan at katayuan ay nagiging mga walang kabuluhang titulo lamang. Ang mga walang awa, malupit, at mapaminsala, na handang pumatay o manakit ng iba para sa katayuan at kasikatan, ay nakakakuha ng matataas na posisyon. Ang mga kayang magpakana, na may mga pamamaraan at marunong magplano, ay nagiging lider ng mga tao. Ang mga indibidwal na ito ay mas mapaminsala, brutal, at buktot kaysa sa mga ordinaryong tiwaling tao. Gusto nilang tinatrato sila ng walang iba kundi nang may mga salitang masarap pakinggan, pagpapalapad ng papel, paninipsip, at pambobola. Kung sasabihin mo ang katotohanan sa kanila, ilalagay mo ang iyong buhay sa panganib. Dinadala ng mga anticristo ang mga makamundong tuntunin ng laro at mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo sa sambahayan ng Diyos, ginagamit ang mga ito sa kanilang mga pakikisalamuha kay Cristo. Iniisip nila na kung gusto ni Cristo na maitatag nang matibay ang Kanyang sarili, siguradong gusto rin Niyang may mga sumisipsip, nambobola sa Kanya at nagsasabi sa Kanya ng mga salitang masarap pakinggan. Sa paggawa nito, itinuturing nila, sa di-halatang paraan, ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos bilang isang miyembro lamang ng tiwaling sangkatauhan, na siyang paraan ng mga anticristo. Samakatwid, ang disposisyon na ipinapakita ng mga anticristo sa kanilang pakikisalamuha kay Cristo ay walang duda na buktot. Sila ay may buktot na disposisyon, mahilig maghaka-haka at magbulay-bulay tungkol sa mga iniisip ng mga tao, mahilig magtantiya ng mga salita at ekspresyon ng iba, at mahilig gumamit ng ilang paraan, ilang tuntunin ng laro na ginagamit ng mga sekular na tao sa pakikitungo kay Cristo at sa mga usaping may kinalaman sa kanilang pakikisalamuha kay Cristo. Ano ang pinakamalubhang pagkakamali nila? Bakit nila nagagawang kumilos nang ganito? Nasaan ang ugat? Sinasabi ng Diyos na ang Diyos na nagkatawang-tao ay isang ordinaryong tao. Natuwa ang mga anticristo nang marinig ito, sinasabi nila: “Kung gayon ay pakikitunguhan kita bilang isang ordinaryong tao; ngayon ay mayroon na akong batayan kung paano ka pakikitunguhan.” Kapag sinabi ng Diyos na ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay may diwa ng Diyos, tumutugon ang mga anticristo: “Diwa ng diyos? Bakit hindi ko ito makita? Nasaan ito? Paano ito naipapamalas? Ano ang kanyang ibinubunyag upang patunayan na mayroon siyang diwa ng diyos? Ang alam ko lamang ay sumipsip at bolahin ang mga may katayuan. Hindi ako kailanman maaaring magkamali sa paninipsip at pambobola sa mga tao; palaging ito ang tamang gawin. Ano’t anuman, mas mabuti ito kaysa sa pagsasabi ng katotohanan.” Ito ang kabuktutan ng mga anticristo. Ganito hindi naniniwala o hindi tumatanggap sa katotohanan ang mga anticristo, namumuhay lamang sa pamamagitan ng pilosopiya ni Satanas.
Sinasabi ng ilang tao: “Gusto ng lahat ang mga taong kayang sumipsip, mambola, at magsabi ng mga salitang masarap pakinggan; tanging ang Diyos ang ayaw sa mga gayong tao. Kaya, anong uri ng tao ang talagang gusto ng Diyos? Paano ba dapat makipag-ugnayan ang isang tao sa Diyos para magustuhan Niya?” Alam ba ninyo? (Gusto ng Diyos ang mga matapat na tao, mga taong nagsasabi ng kanilang saloobin sa Diyos, mga taong nagsasabi ng nasa kanilang puso at nakikipagbahaginan sa Diyos nang walang panlilinlang.) May iba pa ba? (Iyong mga may-takot-sa-Diyos na puso, na kayang makinig at tumanggap ng mga salita ng Diyos.) (Iyong mga may pusong nakatuon sa sambahayan ng Diyos, na kaisa ng puso ng Diyos.) Lahat kayo ay nagbanggit na ng ilang aspekto ng pagiging matapat na tao na dapat isagawa. Ang pagiging matapat na tao ay hinihingi ng Diyos sa tao. Ito ay isang katotohanan na kailangang isagawa ng tao. Ano, kung gayon, ang mga prinsipyong dapat sundin ng tao sa mga pakikitungo nila sa Diyos? Maging sinsero: Ito ang prinsipyo na dapat sundin kapag nakikisalamuha sa Diyos. Huwag gayahin ang pagsasagawa ng mga walang pananampalataya na paninipsip o pambobola; hindi kailangan ng Diyos ang paninipsip at pambobola ng tao. Sapat na ang maging sinsero. At ano ba ang ibig sabihin ng maging sinsero? Paano ba ito dapat isagawa? (Buksan lamang ang iyong puso sa Diyos, nang walang halong pagpapanggap o walang ikinukubling anuman o itinatagong anumang sikreto, makipag-ugnayan sa Diyos nang may matapat na puso, at magsalita nang deretsahan, nang walang anumang masamang layunin o panloloko.) Tama iyan. Upang maging sinsero, dapat mo munang isantabi ang iyong mga pansariling pagnanais. Sa halip na magtuon ng pansin sa kung paano ka itinuturing ng Diyos, dapat mong ipagtapat ang iyong sarili sa Diyos at sabihin ang anumang nasa puso mo. Huwag pagbulay-bulayan o isaalang-alang kung ano ang mga magiging kahihinatnan ng mga salita mo; sabihin kung anuman ang iniisip mo, isantabi ang mga motibasyon mo, at huwag magsalita ng mga bagay upang makamtan lamang ang ilang layunin. Mayroon kang masyadong maraming mga personal na intensyon at adulterasyon; palagi kang nagtatantiya sa paraan ng iyong pagsasalita, isinasaalang-alang ang, “Dapat ko itong sabihin, at hindi iyon, dapat akong mag-ingat tungkol sa aking sasabihin. Gagawin ko ito sa paraang makikinabang ako, at matatakpan ang aking mga pagkukulang, at mag-iiwan ng magandang impresyon sa diyos.” Hindi ba’t ito ay pagkikimkim ng mga motibo? Bago mo ibuka ang iyong bibig, puno ang isip mo ng mga tusong kaisipan, makailang beses mong binabago para itama ang gusto mong sabihin, kaya nang lumabas na ang mga salita mula sa iyong bibig hindi na napakadalisay ng mga ito, at hindi na tunay kahit bahagya man lamang, at naglalaman na ng sarili mong mga motibo at mga pakana ni Satanas. Hindi ito ang pagiging sinsero; ito ay ang pagkakaroon ng masasamang motibo at layunin. Dagdag pa rito, kapag nagsasalita ka, lagi mong pinakikiramdaman ang mga ekspresyon ng mukha ng mga tao at ang tingin ng kanilang mga mata: Kung may positibo silang ekspresyon sa kanilang mukha, tuloy ka sa pagsasalita; kung wala naman, sinasarili mo ito at wala kang sinasabi; kung hindi maganda ang tingin ng mga mata nila, at tila hindi nila nagugustuhan ang kanilang naririnig, pinag-iisipan mo itong mabuti at sinasabi mo sa iyong sarili, “Sige, may sasabihin akong isang bagay na magiging interesado ka, na makapagpapasaya sa iyo, na magugustuhan mo, at kung saan kagigiliwan mo ako.” Ganito ba ang pagiging sinsero? Hindi. May ilang tao na hindi nag-uulat kapag nakakakita sila ng isang tao na gumagawa ng kasamaan at nagdudulot ng kaguluhan sa iglesia. Iniisip nila, “Kung ako ang unang mag-uulat nito, maaaring mapasama ko ang loob ng taong iyon, at kung sakaling nagkamali ako, kailangan kong mapungusan. Hihintayin ko na lang ang iba na mag-ulat nito, at makikisali na lang ako sa kanila. Kahit na magkamali kami, hindi naman ito malaking usapin—hindi mo naman puwedeng hatulan ang maraming tao. Gaya ng kasabihan, ‘Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril.’ Hindi ako magiging ganoong ibon; isa kang hangal kung igigiit mong iunat ang iyong leeg.” Ito ba ay pagiging sinsero? Siguradong hindi. Ang gayong tao ay tuso talaga; kung siya ay magiging isang lider ng iglesia, o isang superbisor, hindi ba’t magdudulot siya ng kawalan sa gawain ng iglesia? Sigurado ito. Ang gayong tao ay hindi dapat gamitin. Kaya ba ninyong kilatisin ang gayong uri ng tao? Sabihin na natin, na may isang lider na gumawa ng ilang masamang bagay at ginulo niya ang gawain ng iglesia, pero walang nakakaalam kung ano talaga ang nangyayari sa taong ito, ni hindi rin alam ng ang Itaas kung ano talaga ang pagkatao niya—ikaw lang ang nakakaalam kung ano talaga ang nangyayari sa kanya. Matapat mo bang sasabihin ang isyu sa ang Itaas sa gayong mga kalagayan? Ang isyung ito ang pinakanagbubunyag sa tao. Kung itinago mo ang usaping ito at wala kang sinabi kaninuman, kahit sa Diyos, at naghintay ka hanggang dumating ang araw na ang lider na iyon ay nakagawa na ng napakaraming kasamaan na nagdulot ng kaguluhan sa gawain ng iglesia, at nailantad at napangasiwaan na siya ng lahat, saka ka pa lang tatayo at magsasabing, “Alam ko na noon pa na hindi siya isang mabuting tao. Kaso iniisip ng iba na mabuti siya; kung nagsalita ako, walang maniniwala sa akin. Kaya, hindi ako nagsalita. Ngayong gumawa na siya ng ilang masamang bagay at alam na ng lahat kung sino talaga siya, puwede na akong magsalita tungkol sa tunay na nangyayari sa kanya,” iyon ba ay pagiging sinsero? (Hindi.) Kung sa tuwing may nalalantad na problema ng isang tao, o may inuulat na problema, lagi kang sumusunod sa karamihan at huli ka nang tumatayo at naglalantad sa kanila o nag-uulat ng problema, ikaw ba ay sinsero? Wala sa mga ito ang pagiging sinsero. Kung hindi mo gusto ang isang tao, o may nagpasama ng loob mo, at alam mong hindi siya isang masamang tao, ngunit dahil makitid ang isip mo, namumuhi ka sa kanya at gusto mo siyang paghigantihan, na gawin siyang katawa-tawa, maaari kang mag-isip ng mga paraan at maghanap ng mga pagkakataon na magsabi ng ilang masamang bagay tungkol sa kanya sa ang Itaas. Maaaring nagpapahayag ka lang ng mga katunayan, hindi mo naman kinokondena ang taong iyon, pero kapag ipinapahayag mo ang mga katunayang iyon, nabubunyag ang iyong hangarin: Gusto mong gamitin ang kamay ng ang Itaas o na may sabihin ang Diyos upang pangasiwaan siya. Sa pamamagitan ng pag-uulat sa ang Itaas ng tungkol sa mga problema, sinusubukan mong makamit ang iyong layon. Maliwanag na may halo itong mga personal na intensyon, at tiyak na hindi ito pagiging sinsero. Kung siya ay isang masamang tao na nanggugulo sa gawain ng iglesia, at iniulat mo ito sa ang Itaas upang maprotektahan ang gawaing iyon, at higit pa roon, ang mga problemang inuulat mo ay ganap na totoo, iba iyon sa pangangasiwa ng mga bagay sa pamamagitan ng mga satanikong pilosopiya. Ito ay bunga ng pagpapahalaga sa katarungan at responsabilidad, at ito ang pagsasakatuparan ng iyong katapatan; ganito naipamamalas ang pagiging sinsero.
Ayaw ng Diyos sa mga taong sumisipsip, nambobola, o nagsasalita ng mga salitang masarap pakinggan. Kung gayon, anong uri ng tao ang gusto ng Diyos? Paano gusto ng Diyos na makipag-ugnayan at makipagbahaginan ang mga tao sa Kanya? Gusto ng Diyos ang mga matapat na tao, gusto Niya na ang mga tao ay maging sinsero sa Kanya. Hindi mo kailangang isaalang-alang ang tono ng Kanyang boses at ekspresyon o sumipsip sa Kanya; kailangan mo lang maging sinsero, magkaroon ng sinserong puso, magkaroon ng pusong walang pagtatago, pagtatakip, o pagbabalatkayo, at hayaan mong magkatugma ang iyong panlabas na anyo sa iyong puso. Ibig sabihin, kapag pinapakitunguhan mo si Cristo at nakikipag-ugnayan ka sa Kanya, hindi mo kailangang magpakahirap, gumawa ng “takdang-aralin,” o maghanda o gumawa ng kahit ano nang maaga; wala sa mga ito ang kinakailangan. Gusto ng Diyos ang sinseridad: taos-puso, normal, at natural na pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan. Kahit may masabi kang mali o gumamit ka ng mga hindi angkop na salita, hindi ito problema. Halimbawa, sabihin nating pumunta Ako sa isang lugar at tinanong Ako ng kusinero, “Mayroon bang bawal sa iyo na pagkain? Ano ang mga pagkaing kinakain mo at hindi mo kinakain? Ano ang dapat kong ihanda?” Sabi Ko: “Huwag masyadong maalat, walang maanghang na pagkain, at saka, hindi masyadong mamantika at walang pritong pagkain. Sa mga pangunahing pagkain, alinman sa kanin o pansit ay ayos na.” Malalim ba ang mga tagubiling ito? (Hindi.) Mauunawaan ito agad ng sinumang marunong magluto, nang hindi na kailangan pang mag-isip-isip, magbulay-bulay, o magkaroon ng detalyadong paggabay o paliwanag. Magluto ka lang ayon sa iyong karanasan, ito ay isang simpleng bagay. Ngunit kahit ang pinakamadaling bagay ay hindi magawa ng mga tao dahil sa kanilang mga tiwaling disposisyon at pagkamakasarili. Sinabi Ko na huwag masyadong mamantika, ngunit sa pagluluto, naglagay siya ng isang malaking kutsarang mantika para sa kaunting ulam na gulay, halos prituhin niya ito, kaya sobrang mamantika ang lasa. Sinabi Ko na huwag masyadong maalat, at nilagyan lang niya ng kaunting asin, kaya halos wala nang lasa. Sa dami ng mantika at napakatabang na lasa, masarap pa ba ito? Ni hindi magawa ng kusinero ang maliit na bagay na ito nang tama, at sinasabi pa nito, “Mahirap maarok ang mga layunin ng diyos. Bawat salita na sinasabi ng diyos ay ang katotohanan; mahirap para sa mga tao na isagawa ito!” Ano ang ibig sabihin ng “mahirap isagawa”? Hindi dahil mahirap itong isagawa, kundi dahil hindi mo ito isinasagawa. Napakatindi ng iyong pagkamakasarili; palagi kang may sariling mga layunin at mga personal na adulterasyon. Palagi mong gustong gawin ang mga bagay ayon sa iyong sariling kagustuhan, ginagawa ang lahat ayon sa iyong sariling panlasa. Sabi Ko: “Huwag magluto ng maanghang na pagkain. Kung gusto ninyong lahat ng maanghang na pagkain, maghanda kayo ng hindi maanghang na pagkain para sa Akin.” Pero kapag nagluluto sila, pinipilit nilang gawin itong maanghang; ganado silang kumakain at nasasarapan dito. Sabi Ko: “Sinabi Ko sa iyo na huwag itong gawing maanghang. Bakit inanghangan mo pa rin ito?” “Kailangan talaga na maanghang ang pagkaing ito. Hindi ito masarap kung walang anghang, nawawala ang lasa nito kung walang anghang.” Anong klaseng tao ito? May mabubuti ba siyang layunin? May ilang tao na mahilig kumain ng karne; sabi Ko, “Kung gusto mo ng karne, magluto ka ng ulam na may maraming karne para sa sarili mo. Lagyan mo ng kaunting karne ang iluluto mo para sa Akin, o lutuan mo na lang Ako ng gulay.” Pumapayag siya agad, ngunit sa pagluluto, binabalewala niya ang kahilingan Ko, naglalagay siya ng malalaking piraso ng karne sa kaldero, nagdaragdag pa ng sili. Mamantika na ang karne, at piniprito pa niya ito, niluluto niya ang lahat ng pagkain ayon sa kanyang matinding panlasa. Kung hindi Ko siya hahayaang gawin ito, hindi ito katanggap-tanggap sa kanya; sinasabi pa niya: “Napakahirap mong pasiyahin. Masarap ito! Lahat ay kumakain nito, pero bakit ayaw mo? Hindi ba’t niluluto ko ito para sa iyo? Ang pagkain ng mas marami ay mabuti para sa iyong kalusugan, nagbibigay ito ng lakas sa iyo. Kung malusog ka, hindi ba’t makakapangaral ka ng mas maraming sermon? Inaalala ko ang kapakanan mo at ng mga kapatid sa iglesia.” Hindi ba’t lubhang nakagugulo ang taong ito? May matindi siyang pagnanais sa lahat ng bagay, may sarili siyang opinyon at ideya sa lahat ng bagay. Huwag nang sabihin pa kung taglay ba niya ang katotohanan o hindi, ni wala nga siya ng pinakabatayang pagkatao. Ito ba ay pagiging sinsero? (Hindi.) Sa simula, nang tinanong Ako ng taong ito, parang disente naman siya, parang makakapagluto naman siya nang mahusay. Ngunit nang inihain na ang pagkain, alam Ko na—maganda ang kanyang pagsasalita, parang mabuti siya sa Akin, pero sa katunayan, siya ay makasarili at kasuklam-suklam.
May isang tao na ganito na madalas Kong makita; siya ay likas na mapagkalkula at mabilis mag-isip. Kapag nakikipag-ugnayan siya sa Akin, sa sandaling inumin Ko ang gamot Ko, mag-aabot na siya ng tubig; kapag paalis na Ako, kinukuha na niya ang bag Ko, at kapag nakikita niyang malamig sa labas, nag-aabot din siya ng balabal at guwantes. Iniisip Ko: Mabilis siya, pero bakit parang nakakaasiwa? Papasok man ako o lalabas, nagsusuot ng damit, sapatos, o sombrero, palaging may mas nauuna sa Akin. Ano sa palagay ninyo ang nararamdaman Ko? Dapat ba Akong matuwa o mainis? (Mainis.) Maiinis ba kayo sa ganitong klaseng ugali? (Oo.) Kung lahat kayo ay maiinis, sa palagay ba ninyo ay maiinis din Ako? (Oo.) May ilang tao na pagkatapos gawin ang lahat ng ito para sa Akin, ang nasisiyahan sa sarili at nagmamalaki, sinasabi nila: “Noong nagtatrabaho ako, gusto ako ng amo ko. Kahit saan ako pumunta, gusto ako ng mga tao dahil mabilis akong mag-isip.” Ang ipinahihiwatig ay na marunong silang magpalapad ng papel, sumipsip, at mambola; hindi sila manhid, mabagal, o hangal; mabilis silang kumilos at matalas mag-isip, kaya nagugustuhan sila saan man sila magpunta. Sinasabi nila na gusto sila ng lahat, ibig sabihin ay dapat Ko rin silang magustuhan. Gusto Ko ba sila? Inis na inis Ako sa kanila! Iniiwasan Ko ang mga gayong tao sa tuwing nakikita Ko sila. May iba pa na, dahil nakikita nila kung paanong ang mga bodyguard at sipsip na tauhan ng mga amo ng kriminal at ng mga punong demonyo ay binubuksan ang pinto ng kotse at pinoprotektahan ang ulo ng kanilang mga amo sa mundo, ginagawa rin nila ito para sa Akin. Bago pa Ako makasakay sa kotse, binubuksan na nila ang pinto, pagkatapos ay pinoprotektahan ang Aking ulo gamit ang kanilang kamay, tinatrato Akong katulad ng kung paano tinatrato ng mga walang pananampalataya ang isang namumunong kadre. Nasusuklam Ako sa mga gayong tao. Ang mga taong ito, na hindi naghahangad sa katotohanan kahit kaunti, ay may pagkatao na makasarili, kasuklam-suklam, at marumi, at wala silang anumang pakiramdam ng pagkahiya. Kapag nakikipag-ugnayan ka sa iba, sumisipsip at nambobola sa mga may katayuan at kasikatan, at walang tigil sa pagpapalapad ng papel, kahit ang ilang matuwid na tao ay nasusuklam dito at minamaliit nila ang gayong uri ng mga tao. Kung gagawin mo ito sa Akin, lalo Akong masusuklam. Huwag na huwag mong gagawin ito sa Akin; hindi Ko ito kailangan, kinasusuklaman Ko ito. Ang kailangan Ko ay hindi ang iyong paninipsip, pambobola, o pagpapalapad ng papel. Kailangan Ko na maging sinsero ka sa Akin, na magsalita nang mula sa puso kapag tayo ay nagkikita, na talakayin mo ang iyong pag-unawa, mga karanasan, at kakulangan, na talakayin ang katiwalian na iyong ibinubunyag sa proseso ng paggawa sa iyong tungkulin, at mga bagay na nararamdaman mong wala sa iyo sa iyong mga karanasan. Puwede kang maghanap at makipagbahaginan tungkol sa lahat ng bagay na ito, at puwede mo ring tuklasin ang mga ito. Anuman ang paksang ating pagbahaginan o pag-usapan, kailangan mong maging sinsero, at magkaroon ng ganitong puso at saloobin. Huwag mong isipin na sa pamamagitan ng paninipsip, pagpapalapad ng papel, pambobola, o pagpapakitang-tao ay makapag-iiwan ka ng magandang impresyon—ganap na wala itong silbi. Sa kabaligtaran, ang gayong ugali ay hindi lamang walang maidudulot na pakinabang kundi maaari ding magdulot ng malaking kahihiyan sa iyo at maglantad ng iyong kahangalan.
Ang mga taong hindi man lang kayang maging sinsero kay Cristo, anong uri ng mga tao sila? Kung sinsero ka sa pagtrato mo sa iba, natatakot kang malaman nila ang iyong tunay na kalagayan at sasaktan ka nila, natatakot ka na puwede kang lokohin, pagsamantalahan, tuyain, o hamakin ng iba. Gayumpaman, ano ang kinatatakutan mo sa pagiging sinsero kay Cristo? Kung may mga ganitong pangamba sa iyong puso, problema iyan. Kung hindi mo kayang maging sinsero, problema mo rin iyon; ito ay isang bahagi kung saan dapat mong hangarin ang katotohanan at dapat kang magsikap para sa pagbabago. Kung talagang naniniwala ka at kinikilala mo na ang taong nasa harap mo ay ang Diyos na iyong pinaniniwalaan, ang Diyos na iyong sinusunod, kung gayon ay hindi ka dapat makipag-ugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng paninipsip, pambobola, at pagsasalita ng mga salitang masarap pakinggan. Sa halip, maging sinsero, magsalita mula sa puso at magsabi ng mga salitang batay sa katunayan. Huwag magsabi ng mga bagay na naglalayong magpanggap, o magsabi ng mga kasinungalingan o mga salitang may pagtatago, o makisangkot sa panlalansi o pagpapakana. Ito ang pinakamainam na paraan upang makipag-ugnayan kay Cristo. Kaya ba ninyong makamit ito? Alin ang positibo: ang pagiging sinsero, o ang paninipsip at pambobola? (Ang pagiging sinsero.) Ang pagiging sinsero ay positibo, habang ang paninipsip at pambobola ay negatibo. Kung ang mga tao ay hindi kayang makamit ang positibong bagay na pagiging sinsero, nagpapahiwatig ito ng problema sa kanila, ng isang tiwaling disposisyon. Labis-labis ba ang hinihingi Kong ito? Kung iniisip ninyo na ito ay labis-labis, kung iniisip ninyo na hindi Ako karapat-dapat sa gayong pakikitungo, na hindi karapat-dapat para sa inyo na makipag-ugnayan sa Akin sa gayong sinserong paraan at nang may gayong sinserong saloobin, mayroon ba kayong mas magandang pamamaraan, mas magandang diskarte? (Wala.) Kung gayon, isagawa ninyo ang pamamaraang ito. Tapusin na natin ang ating pagbabahaginan sa aytem na ito sa puntong ito.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.