Ikasampung Aytem: Hinahamak Nila ang Katotohanan, Lantarang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Unang Bahagi) Ikalawang Seksiyon
A. Hinahamak ang Pagiging Matuwid ng Diyos
Ang mga taong gaya ng mga anticristo ay laging tinatrato ang pagiging matuwid at ang disposisyon ng Diyos nang may mga kuru-kuro, mga pagdududa, at paglaban. Iniisip nilang, “Isang teorya lamang na matuwid ang diyos. Mayroon ba talagang gayong bagay gaya ng pagiging matuwid sa mundong ito? Ni minsan sa tanang buhay ko, hindi ko pa ito nasumpungan o nakita. Napakadilim at napakasama ng mundo, at ang masasamang tao at mga diyablo ay matatagumpay sa buhay, at kontentong namumuhay. Hindi ko pa nakitang natikman nila ang nararapat sa kanila. Hindi ko makita kung nasaan dito ang pagiging matuwid ng diyos; napapaisip ako, umiiral nga ba talaga ang pagiging matuwid ng diyos? Sino ang nakakita na nito? Wala pang nakakita nito, at walang makapagpapatunay nito.” Ito ang iniisip nila sa kanilang sarili. Hindi nila tinatanggap ang lahat ng gawain ng Diyos, ang lahat ng Kanyang salita, at ang lahat ng Kanyang pamamatnugot sa pundasyon ng paniniwalang Siya ay matuwid, bagkus lagi silang nagdududa at nanghuhusga, laging puno ng mga kuru-kuro, na hindi naman nila kailanman hinahanapan ng katotohanan para malutas. Laging ganito kung maniwala ang mga anticristo sa Diyos. May tunay ba silang pananalig sa Diyos? Wala. Lagi na lang may saloobin ng pagdududa ang mga anticristo pagdating sa pagiging matuwid ng Diyos. Siyempre, mayroon silang mga pagdududa tungkol sa disposisyon ng Diyos, sa Kanyang kabanalan, at sa kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya. Hindi nila pinaniniwalaan ang mga iyon, kundi pinagbabatayan lamang nila kung ano ang nakikita ng kanilang mga mata—kung hindi nila nakikita ang isang bagay gamit ang kanilang mga mata mismo, hindi sila maniniwala rito kailanman. Katulad lang sila ni Tomas, na palaging pinagdududahan ang Panginoong Jesus, hindi naniniwala na ang Panginoong Jesus ay muling nabuhay mula sa pagkamatay, hindi naniniwala sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Magagawa bang maniwala ng gayong mga basurang tulad ng mga anticristo, na walang espirituwal na pagkaunawa o hindi hinahangad ang katotohanan, na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan? Magagawa ba nilang maniwala sa Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan? Wala silang pinaniniwalaan sa mga ito; sa puso nila, palagi silang may mga pagdududa. Base sa diwa ng mga anticristo, pinagbabatayan nila ang nakikita ng mga mata nila, kaya sila ay mga materyalista. Hindi nila makita ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at hindi sila naniniwala na katotohanan ang Kanyang mga salita, na ang mga ito ay mga katunayan na Kanyang naisakatuparan na. Dahil wala silang espirituwal na pagkaunawa, at walang tunay na pananalig, wala silang paraan para makita ang mga kilos ng Diyos. Ang totoo ay may tinatago silang motibo sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Sila ay mga walang habas na nanggugulo—mga alipin ni Satanas. Magagawa bang matuklasan ng isang tao na hindi tumatanggap sa katotohanan o naniniwala sa pag-iral ng Diyos, na tinitingnan ang lahat ng bagay gamit ang mga mata ng tao, ang pag-iral ng katotohanan? Magagawa ba nilang matutunan ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa sangkatauhan? Siguradong hindi. Tinitingnan nila ang mga bagay nang nagsisiyasat, naghihinala, at nang may saloobin na nagdududa, at nilalabanan pa nga nila ang lahat ng ginagawa ng Diyos, kaya ang mga anticristo ay hindi naniniwala sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Mayroon silang mga pagdududa at hindi nila ito tinatanggap. Anong mga pag-uugali ng mga anticristo ang nagpapakita sa iba na hindi nila tinatanggap ang katotohanan o inaamin ang diwa ng Diyos? Marami ang ganitong mga partikular na pag-uugali. Halimbawa: Kapag may lumilitaw na problema sa gawain ng iglesia, gaano man kalala ang paninisi para dito o anuman ang mga kahihinatnan nito, ang unang reaksiyon ng isang anticristo ay maghugas-kamay at ipasa ang sisi sa iba. Upang huwag managot, ilalayo pa niya ang atensyon ng iba sa kanya, nagsasalita ng ilang bagay na tama at masarap-pakinggan at nagpapakita ng paimbabaw na pagkilos, para mapagtakpan ang katotohanan ukol sa usapin. Sa mga ordinaryong pagkakataon, hindi ito makikita ng mga tao, pero kapag may nangyayari sa isang anticristo, nalalantad ang kanyang kapangitan. Gaya ng isang hedgehog, na nakatayo lahat ang tusok-tusok nitong balahibo, pinoprotektahan nito ang sarili nang ginagawa ang lahat ng paraan, ayaw umako ng anumang responsabilidad. Anong uri ng saloobin ito? Hindi ba’t saloobin ito ng hindi paniniwalang matuwid ang Diyos? Hindi siya naniniwala na sinisiyasat ng Diyos ang lahat o na ang Diyos ay matuwid; gusto niyang gamitin ang sarili niyang mga pamamaraan para protektahan ang kanyang sarili. Naniniwala siya na, “Kung hindi ko poprotektahan ang sarili ko, walang ibang gagawa nito para sa akin. Hindi rin ako mapoprotektahan ng diyos. Sinasabi nilang matuwid siya, pero kapag nasuong sa gulo ang mga tao, talaga nga bang tinatrato niya sila nang patas? Imposible—hindi iyon ginagawa ng diyos.” Kapag nahaharap sa problema o pang-uusig, wala silang nararamdamang tulong, at iniisip nila, “Kaya, nasaan na ang diyos? Hindi siya nakikita o nahahawakan ng mga tao. Walang makatutulong sa akin; walang makapagbibigay sa akin ng katarungan at makapagtataguyod ng pagiging patas para sa akin.” Iniisip nila na ang tanging paraan para maprotektahan nila ang kanilang sarili ay sa pamamagitan ng sarili nilang mga pamamaraan, na kung hindi, magdurusa sila sa kawalan, maaapi at mauusig—at na kasama rito ang sambahayan ng Diyos. Ang isang anticristo ay naiplano na ang lahat para sa kanyang sarili bago pa man may anumang mangyari sa kanya. Sa isang bahagi, ang ginagawa niya ay sinisikap niyang magkunwaring isang makapangyarihang tao para walang sinumang mangangahas na pasamain ang loob niya, o guluhin siya, o apihin siya. Ang isa pang bahagi ay ang kanyang palaging pagsunod sa mga pilosopiya ni Satanas at sa mga batas ng pag-iral nito. Ano ang mga iyon, sa pangkalahatan? “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Hayaan lang ang mga bagay-bagay kung hindi naman personal na nakakaapekto ang mga ito sa iyo,” “Ang matitinong tao ay mahusay sa pag-iingat sa sarili, tanging hangad nila ay hindi magkamali,” kumikilos ayon sa sitwasyon, nagiging tuso at mautak, “Hindi ako aatake maliban na lang kung inatake ako,” “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” “Sumambit ng mabubuting salita na umaayon sa mga damdamin at katwiran ng iba, dahil naiinis ang iba sa pagiging prangka,” “Ang matalinong tao ay nagpapasakop sa mga sitwasyon,” at iba pang katulad na mga satanikong pilosopiya. Hindi niya mahal ang katotohanan, ngunit tinatanggap ang mga pilosopiya ni Satanas na para bang mga positibong bagay ang mga ito, naniniwalang mapoprotektahan siya ng mga satanikong pilosopiyang ito. Namumuhay siya ayon sa mga bagay na ito; hindi siya nagsasalita ng katotohanan sa sinuman, bagkus ay palagi siyang nagsasabi ng mga bagay na nakalulugod, nambobola, nagbibigay-puri, hindi nakapagpapasama ng loob ng sinuman, nag-iisip ng mga paraan upang maipakitang-gilas ang kanyang sarili para pahalagahan siya ng iba. Ang mahalaga lamang sa kanya ay ang sarili niyang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at wala siyang ginagawang kahit ano para pangalagaan ang gawain ng iglesia. Sinumang gumagawa ng bagay na masama at pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi niya ito inilalantad o iniuulat, bagkus nagkukunwaring hindi niya ito nakita. Kung titingnan ang mga prinsipyo niya sa pag-aasikaso sa mga bagay-bagay at sa pagharap niya sa mga nangyayari sa paligid niya, mayroon ba siyang anumang kaalaman ukol sa matuwid na disposisyon ng Diyos? Mayroon ba siyang anumang pananalig dito? Wala siyang pananalig. Ang “wala” rito ay hindi nangangahulugang wala siyang kamalayan ukol dito, kundi na mayroon siyang mga pagdududa tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos sa kanyang puso. Hindi niya tinatanggap ni inaamin na matuwid ang Diyos. Kapag nakikita niya ang maraming tao na nagpapatotoo na naghahari ang katotohanan at pagiging matuwid sa sambahayan ng Diyos, nilalabanan at hinuhusgahan niya ito sa kanyang puso, sinasabi niyang, “Bakit hindi pa napaparusahan ang malaking pulang dragon sa pang-uusig nito sa mga hinirang na tao ng diyos? Ang masasamang tao na kabilang sa mga walang pananampalataya ay inaapi ang mga hinirang na tao ng diyos, at sinisiraan ang mga ito, at hinuhusgahan ang mga ito, ngunit wala pa rin silang natatanggap na kaparusahan. Lahat sila ay nasa maginhawang kalagayan—bakit lagi na lang ang mga mananampalataya sa diyos ang inaapi?” Sa puso niya, hindi siya naniniwala sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Hindi siya naniniwala na tinatrato ng Diyos ang bawat tao nang matuwid, ni naniniwala na bibigyan ng Diyos ang bawat tao nang ayon sa nararapat dito, nang ayon sa mga gawa nito, at na ang mga naghahangad lamang sa katotohanan ang pagpapalain ng Diyos at magkakamit ng magandang hantungan. Hindi naniniwala ang mga anticristo sa mga bagay na ito. Sinasabi nila sa kanilang sarili, “Kung totoo ang mga ito, bakit hindi ko pa nakikita ang mga ito? Sinasabi mo na pagpapalain ng diyos ang mga naghahangad sa katotohanan. Buweno, si ganito-at-ganyan sa aming iglesia ay naghahangad sa katotohanan, ginugugol ang kanyang sarili para sa diyos, at ginagawa niya nang napakatapat ang kanyang tungkulin. Ano ang naging kahihinatnan niyon para sa kanya? Tinutugis siya ng malaking pulang dragon kaya halos hindi na siya makauwi; nagkahiwa-hiwalay na ang kanyang pamilya—ni hindi niya makita ang kanyang mga anak. Iyon ba ang pagiging matuwid ng Diyos? At si ganito-at-ganyan naman ay nakulong dahil sa pananampalataya sa Diyos, at doon sa bilangguan ay pinahirapan siya hanggang sa halos mamatay na siya. Kung gayon, nasaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos? Nanindigan siya sa kanyang patotoo; hindi siya naging Hudas. Bakit hindi siya pinagpala at pinrotektahan ng Diyos? At bakit pinahintulutan ng Diyos na bugbugin siya ng malaking pulang dragon hanggang sa halos mamatay na siya? Mayroon ding lider sa aming iglesia na iniwan ang kanyang pamilya at propesyon para sa gawain ng iglesia. Ginampanan niya ang kanyang tungkulin sa loob ng maraming taon at dumaan siya sa maraming paghihirap, ngunit sa huli, siya ay kinondena at pinaalis dahil sa kaunting kasamaan na nagawa niya at panggugulo sa gawain ng iglesia. Nasaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos? At may ilang kapatid na gumagawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos sa murang edad, nagtitiis sila ng mga paghihirap at nagpapakapagod, ngunit sa sandaling magkamali sila at malabag nila ang mga prinsipyo, sila ay pinupungusan. Ang ilan sa kanila ay umiiyak nang labis dahil sa takot na mapaalis at matiwalag, nang walang sinumang umaalo sa kanila. Bakit hindi ko makita ang pagiging matuwid ng Diyos doon? Sa anong paraan ba mismo naipapamalas ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa mga bagay na ito? Bakit hindi ko ito makita? At nariyan din ang personal kong sitwasyon—maaaring medyo pabaya ako sa paggawa ng tungkulin ko, at maaaring minsan ay nagpapakita ako ng kaunting tiwaling disposisyon, ngunit may talento pa rin naman ako. Bakit hindi itaas ng sambahayan ng Diyos ang ranggo ko?” Sa lahat ng gayong mga bagay, hindi makita ng mga anticristo kung ano ang tunay na nangyayari. Nakikita lamang nila ang mga panlabas na pangyayari, ngunit hindi nila makita kung ano ang mga layunin ng Diyos sa likod ng mga bagay. Ang kaibuturan ng kanilang mga puso ay puno ng mga pag-aalinlangan at pagdududa, ng mga ideya at kuru-kuro—at maraming gusot sa kanilang puso na hindi nila maituwid. Sa tuwing naiisip nila ang mga bagay na ito, napupuno sila ng hinanakit, ng pagkondena at paglapastangan sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Dahil naagrabyado sila, sinasabi nila sa kanilang sarili: “Kung matuwid ang Diyos, bakit pinupungusan ang mga taong totoo? Kung siya ay matuwid, bakit hindi niya pinapalampas ang mga tao kapag nagpapakita ang mga ito ng kaunting katiwalian? Kung siya ay matuwid, bakit ang ilang tao, na gumanap ng kanilang tungkulin at nagtiis nang labis, ay tinatanggal, dahil lamang sa hindi paggawa ng aktuwal na gawain? Kung siya ay matuwid, bakit kami, na sumusunod sa kanya nang may labis na debosyon, ay inuusig at pinapahirapan at posibleng makulong, at sa ilang pagkakataon, ay pinapatay pa nga sa bugbog?” Walang malinaw na paliwanag ang mga anticristo para sa alinman sa mga pangyayaring ito. Hindi nila alam kung ano ang nangyayari sa mga ito; hindi nila ito makita nang malinaw. Madalas, tinatanong nila ang kanilang sarili: “Matuwid ba o hindi ang diyos na sinasampalatayanan ko? Umiiral ba ang matuwid na diyos o hindi? Nasaan siya? Kapag kami ay nahaharap sa mga suliranin, kapag kami ay inuusig—ano ba ang ginagawa niya? Kaya ba niya kaming iligtas, o hindi? Kung ang diyos ay matuwid, bakit hindi niya lipulin si Satanas? Bakit hindi niya lipulin ang malaking pulang dragon? Bakit hindi niya pinarurusahan ang buktot na sangkatauhang ito? Bakit hindi niya kami binibigyan ng katarungan at bakit hindi niya itinataguyod ang pagiging patas para sa amin, na nananampalataya sa kanya at nagdusa na nang labis? Bakit hindi niya kami ipinagtatanggol? Kinamumuhian namin ang mga diyablo at si Satanas, at kinamumuhian namin ang masasamang tao—bakit hindi ipinaghihiganti ng diyos ang aming mga hinanakit?” Sunud-sunod na “bakit” ang walang tigil na lumalabas mula sa puso ng isang anticristo, parang machine gun, na hindi makontrol sa anumang paraan. Kapag hindi nila makontrol ang mga bagay na ito, bakit hindi sila lumapit sa Diyos para manalangin at maghanap, o magbasa ng Kanyang mga salita at lumapit sa mga kapatid para makipagbahaginan? Hindi ba’t isa-isa nilang malulutas ang mga problemang ito kapag nagkagayon? Mahirap ba talagang lutasin ang mga problemang ito? Kung ang magiging saloobin mo ay ang pagpapasakop sa Diyos at sa katotohanan, ang pagtanggap sa katotohanan, ang mga problemang ito ay mawawala—lahat ito ay malulutas. Bakit hindi iyon magawa ng mga anticristo? Dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan, o pinaniniwalaan na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, o inaamin ang katotohanan. Hindi sila makapagpasakop sa lahat ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at lalong hindi nila matanggap mula sa Kanya ang lahat ng bagay na nangyayari. Kaya ang puso ng mga anticristo ay puno ng mga pagdududa tungkol sa pagiging matuwid ng Diyos. Kapag nahaharap sila sa mga pagsubok ang mga pagdududa na pumupuno sa kanilang puso ay sasabog, at sa loob nila, kukuwestiyunin nila ang Diyos: “Kung matuwid ang diyos, bakit niya hinahayaang magdusa kami nang labis? Kung matuwid ang diyos, bakit hindi niya kaawaan kaming mga nagtiis ng matinding paghihirap sa pagsunod kay cristo? Kung matuwid ang diyos, bakit hindi niya pinoprotektahan kaming mga ginugugol ang aming sarili para sa kanya at ginagawa ang aming mga tungkulin, o pinoprotektahan ang aming mga pamilya? Kung matuwid ang diyos, bakit niya hinahayaan ang ilang tao na tapat na nananampalataya sa Kanya na mamatay sa bilangguan, sa mga kamay ng malaking pulang dragon?” Pagkatapos ay magsisimula silang magreklamo laban sa diyos: “Kung matuwid ang diyos, hindi niya kami dapat hayaang magdusa nang labis; kung matuwid ang diyos, hindi niya kami dapat disiplinahin at ilantad nang walang sapat na dahilan; kung matuwid ang diyos, dapat siyang maging mapagparaya sa lahat ng masasamang gawa na ginagawa namin, at dapat niyang patawarin ang lahat ng aming pagkanegatibo at kahinaan, at pagpasensiyahan ang lahat ng aming pagsalangsang. Kung hindi mo man lang magawa ang mga bagay na ito, hindi ka isang matuwid na diyos!” Ang lahat ng ito ay mga bagay na nasa isipan ng mga anticristo. Sila ay puno ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at hindi man lang nila hinahanap ang katotohanan upang lutasin ang mga ito. Pagdating ng araw na sila ay ilalantad, ang mga kuru-kurong iyon ay tiyak na sasabog. Gayon ang pangit na pag-iisip at tunay na mukha ng mga anticristo.
Hindi inaamin o tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, lalo na ang katunayan na ang Diyos ay ang Lumikha, kaya para sa kanila, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay nananatiling isang malaking tanong na wala pang kasagutan. At sa paglipas ng panahon, at sa paglitaw ng iba’t ibang pangyayari at isyu, ang kanilang tanong na iyon ay lumalaki nang lumalaki—at unti-unti, ito ay nagiging ekis. Ano ang ibig sabihin ng ekis na iyon? Ibig sabihin nito ay tinatanggihan nila nang lubos ang katunayan na ang Diyos ay matuwid. At kapag naiguhit na ang ekis na iyon—kapag itinanggi na ng isang anticristo ang pagiging matuwid ng Diyos—lahat ng kanyang mga pantasya at kagustuhan ay nauuwi sa wala. Isipin ninyo ito: Ano ang panimulang punto na nagdudulot ng gayong resulta? (Iniisip ng mga anticristo na sa pananampalataya sa Diyos, sila ay dapat na pagpalain at protektahan ng Diyos. Kaya, kapag ang Diyos ay gumagawa ng gawain na hindi naaayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, nararamdaman nilang hindi Siya matuwid, at hindi nila ito matanggap mula sa Kanya. Bukod dito, hindi sila nananalangin sa Diyos at naghahanap sa katotohanan kapag lumilitaw ang kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at hindi nila malutas agad ang mga ito. Sa ganoong paraan, naiipon at nagkakapatong-patong ang kanilang mga kuru-kuro—iyon ang nagdudulot ng gayong resulta sa huli.) Ang binabanggit ninyo ay tungkol sa mga panlabas na pangyayari; hindi ninyo natutukoy ang ugat. Bakit Ko nasasabi ito? Dahil may isang bagay sa ugat ng kakayahan ng mga anticristo na kumilos nang ganito at magkaroon ng gayong mga pananaw, ng kanilang kakayahan na pagdudahan at itatwa ang Diyos. Ito ay tinutukoy ng kalikasang diwa ng isang anticristo, siyempre. Iyon ang ugat—tapusin na natin doon. Ang pangunahing ugat na dahilan, kung gayon, ay na sa pinakasimula, ang mga anticristo ay walang pagmamahal o pagtanggap sa katotohanan. Bakit hindi nila tinatanggap ang katotohanan? Ito rin ay may ugat: Hindi nila inaamin na ang Diyos ay ang katotohanan, na ang Kanyang mga salita ay ang katotohanan—at dahil hindi nila inaamin iyon, hindi nila ito matanggap. Dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan, magagawa ba nilang tingnan ang anumang problema mula sa perspektiba ng katotohanan? (Hindi.) Hindi nila magagawa iyon—kaya, ano ang mga kahihinatnan? Hindi nila lubos na mauunawaan ang mga bagay na nangyayari sa kanila, anuman ang mga ito—ang malalaki o maliliit na bagay na nangyayari sa paligid nila, pati na ang mga salita ng iba. Hindi nila lubos na matatarok ang mga tao o mga pangyayari—hindi nila lubos na mauunawaan ang anumang bagay. Ang ilang bagay sa panlabas ay tila katulad ng sinasabi nila, ngunit hindi ganoon ang diwa ng mga ito. Ito ay may kinalaman sa katotohanan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan o tinatanggap ito, mauunawaan mo ba ang katotohanan na kaugnay sa mga bagay na ito? Hindi, kaya ang magagawa mo lamang ay suriin at pag-aralan ang mga bagay gamit ang mga mata ng tao, gamit ang kaalaman ng tao, at gamit ang utak ng tao. Anong mga resulta ang ibubunga ng gayong pag-aaral? Tutugma ba ito sa katotohanan? Aayon ba ang mga ito sa mga hinihingi at layunin ng Diyos? Hindi kailanman. Tulad ng sa kuwento ni Job, na alam ng lahat ng nananampalataya sa Diyos. Ang lahat ng umaamin at tumatanggap sa katotohanan at kayang manampalataya sa Diyos at magpasakop sa Kanya ay nagpupuri at humahanga kay Job sa kanilang puso; lahat sila ay nagnanais na maging isang taong katulad ni Job. Pinupuri at hinahangaan din nila ang mga pagpapahayag ni Job ng pagpupuri sa Diyos at ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos sa gitna ng mga pagsubok sa kanya. Kayang maunawaan ng mga tao sa kanilang puso na ang iba’t ibang kapighatian at paghihirap na naranasan ni Job ay gawain ng Diyos. Sa kabuuan, si Job, bilang isang tao, ay nagsisilbing adhikain para sa lahat ng naghahangad sa katotohanan. Lahat sila ay nais sundan ang halimbawa ni Job at maging tulad niya. Kaya, paano nakakamit ang gayong positibong kalalabasan? Ano ang pundasyon nito? Ang taos-pusong paniniwala at pag-amin na ito ay ang katotohanan, na ang lahat ng ito ay gawa ng Diyos—sa pundasyong ito na unti-unting hinihiling ng isang tao na maging tulad ni Job, na maging isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Pinaniniwalaan nila ang lahat ng ito at inaamin ito sa kanilang puso, at sa huli, nakakamit nila ang isang adhikain patungo rito, na kanilang hinahangad sa kanilang buhay. Upang makamit ang gayong resulta, ang pinakapangunahing bagay ay iyong inaamin ng isang tao ang lahat ng ito at pinaniniwalaan ito sa kanyang puso. Kaya, ang mga anticristo ba ay may ganitong pag-amin at paniniwala? Wala. Paano tinitingnan ng mga anticristo ang lahat ng pinagdaanan ni Job? Iniisip ba nila na may kahalagahan ang lahat ng ginawa ng Diyos? Nakikita ba nila na ang lahat ng ito ay pinamamahalaan ng Diyos? Hindi nila iyon nakikita, ni hindi nila nakikita na may kahalagahan sa lahat ng ginawa ng Diyos. Ano ang nakikita nila rito? Si Job ay may maraming kayamanan, may mga tupa at baka siya na makapupuno sa isang bundok, at mga pinakamarilag na mga anak na lalaki at babae sa lupain. Ito ang kanilang nakikita. At pagkatapos, matapos ang lahat ng kanyang mga paghihirap, muli siyang pinagpala ng Diyos. Ano ang nakikita nila roon? Sasabihin nila, “May ibinigay siyang kapalit sa mga pagpapalang iyon—pinagpaguran niya ang mga iyon. Tama lang na ipagkaloob ng diyos ang mga iyon.” Sa kanilang pangkalahatang pagkaunawa sa usaping ito, ang pananaw ba ng mga anticristo ay isang pananaw kung saan tinatanggap nila ang katotohanan at nagpapasakop sila sa Diyos? (Hindi.) Anong uri ang kanilang pananaw kung gayon? Mayroon lamang isang pananaw ang mga anticristo sa pagtingin sa buong usaping ito, at iyon ay ang pananaw ng isang hindi mananampalataya. Ang isang hindi mananampalataya ay tinitingnan kung mayroong pakinabang na nakukuha, o kalamangan na nakakamit, o kung nakakaranas ng kawalan; kung paano magsamantala, at kung paano hindi magsamantala; kung ano ang magdudulot ng kawalan at pagdurusa; at kung ano ang hindi sulit gawin, at kung ano ang sulit. Ito ang pananaw ng mga hindi mananampalataya. Ang mga hindi mananampalataya ay tinitingnan, pinakikitunguhan, at ginagawa ang lahat ng bagay sa ganitong paraan, nang may ganitong uri ng diwa. Ito ang saloobin ng mga anticristo sa matuwid na disposisyon ng Diyos.