Ikalimang Aytem: Nililihis, Inaakit, Pinagbabantaan, at Kinokontrol Nila ang mga Tao (Ikaanim na Seksiyon)

IV. Isang Paghihimay Kung Paano Kinokontrol ng mga Anticristo ang mga Tao

Ang pagkontrol sa mga tao ay isa sa mga taktikang ginagamit ng mga anticristo. Paano nila kinokontrol ang mga tao? Ang mga anticristo ay may higit sa isang set ng mga paraan para sa pagkontrol sa mga tao; marami sila niyon. Naranasan na ba ninyo ito kahit minsan? Ang ilang indibidwal ay maaaring hindi kailanman naglingkod bilang mga lider, pero nagkikimkim sila ng pagnanais na kontrolin ang iba—ito ang mga katangian ng isang anticristo. Anuman ang kanilang edad, lokasyon, o mga pangyayari, gusto nilang magkaroon ng kontrol sa mga tao. Kahit sa mga usapin ng pagkain, pagtatrabaho, o sa iba’t ibang larangan ng kadalubhasaan o propesyonal na usapin, gusto nilang pakinggan sila ng mga tao, at hindi nila palalagpasin ang sinumang hindi nakikinig sa kanila. Ni hindi nila makontrol ang pagnanais nilang humawak ng kapangyarihan sa iglesia. Ang tingin nila rito ay pagtupad sa responsabilidad at obligasyon nila, iniisip na ginagawa lang nila ang bahagi nila, hindi napapagtanto na ito ang ambisyon at pagnanais nila, na ito ang tiwaling disposisyon nila. Kaya, paano kinokontrol ng isang anticristo ang mga tao? Halimbawa, kapag nahalal sila bilang lider, sa pinakaunang araw, nagsisimula silang mag-isip, “Hindi regular ang mga gawi sa pagkain at pang-araw-araw na rutina ng mga taong ito; maraming trabahong dapat gawin. May mga kaakibat na mahalagang responsabilidad ang pagiging isang lider—isa itong mabigat na pasanin!” Ginugugol ng anticristo ang buong maghapon nang nakakulong sa kuwarto niya, nagsusulat ng dalawa o tatlong pahina ng materyal. Ano ang nasa materyal na ito? Una, may kinalaman ito sa pagkain. Dapat kumain sa mga partikular na oras, sa mga partikular na lugar, nang may partikular na dami ng pagkain. Almusal nang 6:30 ng umaga, tanghalian nang 12:30 ng tanghali, at hapunan nang 6:30 ng gabi—dapat kumain sa tatlong oras na ito, hindi mas maaga o mas huli nang isang minuto. Anuman ang mga pangyayari ay dapat nasa oras ka, kahit na umulan o magsimulang bumagyo, at kung lalabagin mo ang mga panuntunang ito, hindi ka makakakuha ng pagkain. Pagkatapos nariyan ang usapin ng mga pang-araw-araw na rutina, na napakahalaga. Dapat kang bumangon nang 6:00 tuwing umaga, kahit gaano ka pa nagpuyat noong nakaraang gabi. Dapat kang magpahinga pagkatapos ng tanghalian nang 1:00 ng hapon, at matulog agad nang 10:00 tuwing gabi. Kapag natapos na nilang gumawa ng mga panuntunan sa pagkain at mga pang-araw-araw na rutina, marami pa ring ibang partikular na patakaran. Halimbawa, dapat kang kumain sa mga nakatalagang lugar at hindi gumawa ng anumang ingay habang kumakain. Ang bawat tao ay kinakailangang magsuot ng partikular na damit, at iba pa. Masyadong detalyado ang mga panuntunang ito, mas higit pa sa mga atas administratibo sa sambahayan ng Diyos. Ang pang-araw-araw na maliliit na detalyeng ito ay walang kinalaman sa katotohanan. Basta’t organisado at angkop ang pang-araw-araw na buhay at mga gawi sa pagkain ng isang tao, hindi nakakapinsala sa kalusugan niya, ang pagsunod sa prinsipyong ito ay sapat na dapat. Hindi na kinakailangan ng ganoong mga detalyadong patakaran. Kaya bakit lumilikha ang anticristo ng ganoon kadetalyadong mga panuntunan? Sinasabi niya, “Hindi mabuti na maiwang hindi pinamamahalaan ang mga tao. Hindi kailanman nabanggit sa mga salita ng diyos ang mga usaping ito, at kung wala ang mga partikular na detalyeng ito, magiging hindi disiplinado, walang kaayusan, at walang anumang wangis ng tao ang buhay natin. Ngayong ako na ang lider, puwede kayong maremedyuhang lahat. Hindi na kayo mga tupang pagala-gala; may mag-aalaga na sa inyo.” Ang mga mahalaga at hindi mahalagang usapin ng pang-araw-araw na buhay, katulad ng damit, pagkain, tirahan, at transportasyon ay maingat na naayos lahat. Pagkatapos ay nagsasabi sila ng “lihim” sa iyo, sinasabi, “Hindi kailanman binanggit ng mga salita ng diyos ang mga partikular na detalyeng ito ng pang-araw-araw na buhay. Dahil lang hindi tinalakay ng diyos ang tungkol dito ay hindi nangangahulugang hindi natin ito dapat malaman. Dapat akuin nating mga tao ang gawain ng lahat ng detalyadong usapin na ito na hindi kailanman tinalakay ng diyos.” Gumagawa sila ng set ng mga panuntunan at patakaran sa labas ng mga salita ng Diyos, tila detalyado at malinaw na tinukoy na may mga tuwirang termino, para palitan ang katotohanan at pamunuan ang iba. Sa sandaling ilabas ang mga partikular at malinaw na tinukoy na patakarang ito, inaasahang susunod ang mga tao sa mga tinatawag na panuntunan nila. Kung may sinumang hindi susunod, susuway, magwawalang-bahala, o lalabag sa mga panuntunang ito, pupungusan ito ng anticristo. Pagkatapos itong pungusan, sinisiguro niyang tinatanggap ng taong iyon ang mga panuntunang ito at tinatanggap ang mga ito mula sa Diyos. Ginagamit niya ang mga bagay na ito para palitan ang katotohanan at pamunuan ang mga tao, kaya anong uri ng landas ang tatahakin ng mga taong ito? Susunod lang sila sa mga patakaran at ritwal, sinusunod lang ang kaugalian. Sa ilalim ng ganoong pamumuno, puwedeng maling maniwala ang mga tao gamit ang sarili nilang mga kuru-kuro, “Kung kaya kong panatilihin ang mga panlabas na patakaran at pormalidad, kung kaya kong sumunod sa iskedyul ng paggising, pagtulog, at pagkain, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay isinasagawa ko ang katotohanan? Hindi ba’t maliligtas ako kung ganoon?” Ganoon ba talaga kasimple ang kaligtasan? Napakadali bang matamo ng katotohanan? Tumutukoy lang ba ang katotohanan sa pag-uugali ng tao? Hindi. Paano itinuturing ng anticristo ang mga pagbabago sa disposisyon ng mga tao, sa pagkaunawa ng mga ito sa katotohanan, at sa pagsasagawa sa katotohanan? Itinuturing niya ang mga ito na para bang katumbas ng pagsunod sa pampublikong kaayusan o pagsunod sa mga batas ng bansa. Pinapaniwala pa nga niya nang mali ang mga tao na ang mga panuntunan at patakarang ito ay mas mataas at mas kongkreto at praktikal kaysa sa mga salita ng Diyos. Sa realidad, ginagamit niya ang mga bagay na ito para ilihis at kontrolin ang mga tao, mahigpit na kinokontrol ang pag-uugali nila. Hindi niya nilulutas ang mga problema gamit ang katotohanan, ni hinihikayat ang mga taong mamuhay, kumilos, at gumawa ng kanilang mga tungkulin ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa halip, artipisyal siyang nagbabalangkas ng pangkat ng mga panuntunan, patakaran, at sistema para sundin ng mga tao. Ano ang layunin niya? Gusto niyang sumang-ayon sa kanya ang mga tao, isipin nilang mautak siya, at sundin ang pamumuno niya sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagsunod sa mga panuntunan at patakarang ito. Sa ganitong paraan, naisasakatuparan niya ang mga mithiin niya. Nilalayon niyang maisakatuparan ang mithiin niyang kontrolin ang lahat ng bagay tungkol sa lahat ng tao sa pamamagitan ng pagpigil at pagpapare-pareho sa pag-uugali ng mga tao. At siguro, tungkol sa mga motibo niya sa pagkilos, puwedeng wala siyang lantad na pagnanais sa katayuan, pero ang pinakakinahihinatnan ay na nakokontrol niya ang mga tao, at namumuhay at kumikilos ang mga tao nang ganap na ayon sa mga panuntunan at patakarang itinakda niya. Sa ganoong sitwasyon, may puwang pa rin ba ang katotohanan sa puso ng mga tao? Wala na. Walang espirituwal na pang-unawa ang mga anticristo, at hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Kung isasabuhay mo ang buhay iglesia mo kasama sila, ipapagawa nila ang ganito sa iyo ngayon at ang ganyan bukas, pangunahing hindi makapagbahagi tungkol sa mga katotohanang prinsipyo. Sa halip, bibigyan ka lang nila ng sangkatutak na patakarang susundin. Puwedeng pagod na pagod ka na sa pagsunod sa kanila, pero hindi puwedeng hindi ka susunod sa kanila. Hindi ka nila papayagang kumilos nang malaya. Isang paraan ito ng pagkontrol ng mga anticristo sa mga tao.

Ano ang pangunahing kinokontrol ng isang anticristo sa mga tao? (Ang mga kaisipan nila.) Tama iyon; pangunahin niyang kinokontrol ang mga kaisipan ng mga tao. Hindi lang ito tungkol sa pagkontrol sa sinasabi at ginagawa ng mga tao. Sa ilalim ng pagkukunwaring pagbabahagi tungkol sa katotohanan, gumagamit siya ng mga walang kabuluhang teorya at tusong maling pangangatwiran para ilihis ka, sa layuning kontrolin ang mga kaisipan mo, idinudulot sa iyong sundin siya at sundan ang kanyang pamumuno. Ito ang ibig sabihin ng panlilihis at pagkontrol sa mga tao. Kung hindi mo susundin ang mga tagubilin niya, puwede mong maramdaman na parang sumasalungat ka sa katotohanan, at puwede mo pa ngang maramdamang may pagkakautang ka sa kanya o parang hindi mo kayang humarap sa kanya. Isa itong tanda na nasa ilalim ka na ng kontrol niya. Gayumpaman, kung hindi mo isasagawa ang katotohanan o hindi ka magpapasakop sa Diyos, mararamdaman mo ba sa puso mong may pagkakautang ka sa Diyos? Kung hindi, wala kang konsensiya at pagkatao. Kung kaya mong sundin ang anticristo sa halip na isagawa ang katotohanan, nang walang anumang pakiramdam ng pagkabalisa sa puso mo o pagkakonsensiya, ibig nitong sabihin ay nasa ilalim ka ng kontrol niya. Ang pinakakaraniwang palatandaan ng kontrol ng anticristo ay na sa saklaw ng awtoridad niya, siya lang ang may huling pasya. Kung wala siya, walang sinumang nangangahas na magdesisyon o lumutas ng isang usapin. Kung wala siya, ang iba ay nagiging parang mga batang naliligaw, mangmang kung paano magdasal, maghanap, o kumonsulta sa isa’t isa, umaasal na parang mga papet o mga patay na tao. Tungkol sa palaging sinasabi ng mga anticristo para manlihis at magkontrol ng mga tao, hindi natin iyon idedetalye rito. Tiyak na marami silang ginagamit na pahayag at taktika, at ang mga resultang kahihinatnan ng mga iyon ay makikitang nangyayari sa mga taong nalilihis. Hayaan ninyong magbigay Ako ng halimbawa. May ilang indibidwal na may karaniwang kakayahan, hindi masyadong masama, na tapat na gumagawa ng tungkulin nila at madalang maging negatibo. Gayumpaman, pagkatapos makipagtrabaho sa isang anticristo para gawin ang tungkulin nila sa loob ng ilang panahon, umaasa na sila sa anticristo. Pinipili nilang sumunod sa pamumuno ng anticristo sa lahat ng bagay, at nagiging pangunahing suporta nila ang anticristo. Sa sandaling mahiwalay sila sa anticristong ito, nagiging hindi sila epektibo sa lahat ng ginagawa nila. Kapag wala ang anticristo, hindi na sila umuusad sa pagganap ng tungkulin nila, at kahit kapag nahaharap sila sa problema, hindi nila magawang makakuha ng mga resulta sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan. Magagawa lang nilang hintaying bumalik ang anticristo at lutasin ito para sa kanila. Sa realidad, dating may kakayahang mangasiwa ng ganoong mga bagay ang mga indibidwal na ito dahil sa kakayahan, talino, karanasan, at pinagmulan nila bago ang pagkontrol ng anticristo, pero pagkatapos makontrol ng anticristo, wala na ngayong nangangahas na magdesisyon o magbigay ng malilinaw na solusyon para pangasiwaan ang mga usapin nang wala roon ang anticristo. Tila nakulong na ang mga kaisipan nila, katulad ng mga katangian ng mga taong nasa kalagayang medyo mala-gulay. Anong mga bagay ang ginawa ng anticristong kumokontrol sa mga taong ito para idulot sa kanilang magpakita ng ganoong mga pag-uugali? Siguradong nagkaroon ng ilang tahasang kasabihan o pahayag para idulot sa kanilang sumunod sa puso at isip. Malamang na nagkaroon din ng mga partikular na pahayag, pananaw, o kilos na sinang-ayunan ng mga taong ito. Gayumpaman, ganap na walang katotohanang realidad ang mga anticristo. Ang mga pahayag at pananaw nila, kahit na tama, ay naglalayong manlihis ng mga tao at hindi kumakatawan sa anumang katotohanang realidad sa mga taong ito. Hinahangaan ng ilang tao ang mga anticristo dahil talagang nagtataglay sila ng kaunting kaloob at talento. Gayumpaman, hindi ipinapahiwatig ng mga katangiang ito na tinataglay nila ang katotohanang realidad. Ang mga taong sumasamba sa mga anticristo ay sumasamba sa mga ito dahil hindi nila taglay ang katotohanan at hindi nila kayang kumilatis ng mga tao, na siyang dahilan kung bakit kaya nilang sambahin ang mga anticristo at maging ang ilang kilala at dakilang espirituwal na tao. Puwedeng mailihis ng mga anticristo ang ilang tao, pero pansamantala lang ito, at sa sandaling mapagtanto ng mga tao na kaya lang ng mga anticristong magsalita tungkol sa mga espirituwal na teorya at hindi ang magsagawa ng katotohanan, na walang anumang nagawa ang mga anticristo para ingatan ang gawain ng iglesia at tunay na mga mapagpaimbabaw na Pariseo ang mga ito, tatanggihan at kamumuhian nila ang mga ito. Napakaraming pagkakataon na ginagamit ng mga anticristo ang mga kaloob at husay nila sa pananalita para ilihis ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan. Halimbawa, kung magbibigay ka ng isang makatwirang suhestiyon, dapat sang-ayunan ng lahat ang tamang mungkahing ito at patuloy na magbahaginan tungkol dito, at ito ang tamang landas at nagpapakita ito ng pagkamatapat at pagiging responsable sa tungkulin nila, pero iniisip ng anticristo sa puso niya, “Bakit hindi ako ang unang nakaisip ng mungkahing iyon?” Sa kaibuturan nila ay inaamin nilang tama ang mungkahi, pero kaya ba nila itong tanggapin? Dahil sa kalikasan nila, lubos nilang hindi tatanggapin ang tama mong suhestiyon. Gagawin nila ang lahat ng posibleng gawin para tanggihan ang mungkahi mo, pagkatapos ay mag-iisip sila ng alternatibong plano para iparamdam sa iyo na lubos na hindi magagawa ang mungkahi mo, at mas maganda ang plano nila. Gusto nilang maramdaman mong wala kang magagawa nang wala sila at na sa pagtatrabaho lang kasama sila magiging epektibo ang lahat ng tao. Kapag wala sila, walang trabahong magagawa nang tama, at ang lahat ng tao ay nawawalan ng halaga at walang kahit anong magawa. Ang estratehiya ng anticristo ay ang palaging lumitaw na bago at kakaiba at magsabi ng mga grandiyosong pahayag. Kahit gaano pa katama ang mga pahayag ng ibang tao, tatanggihan niya ang mga iyon. Kahit na tumutugma ang mga suhestiyon ng ibang tao sa sarili niyang mga ideya, kung hindi siya ang unang nagmungkahi sa mga iyon, hindi niya kailanman kikilalanin o gagamitin ang mga iyon. Sa halip, gagawin niya ang lahat ng makakaya niya para maliitin ang mga iyon, pagkatapos ay kokontrahin at kokondenahin ang mga iyon, tuloy-tuloy na pupunahin ang mga iyon hanggang sa maramdaman ng taong nagbibigay ng mga suhestiyon na mali ang mga ideya niya at aminin ang sarili niyang pagkakamali. Saka lang ito titigilan ng anticristo sa wakas. Nasisiyahan ang mga anticristo na itinataguyod ang kanilang sarili habang minamaliit ang iba, naglalayong idulot na sambahin sila ng iba at ilagay sila sa sentro. Ang sarili lang nila ang hinahayaan nilang mangibabaw, habang ang iba ay puwede lang manatili sa likuran. Ang anumang sabihin o gawin nila ay tama, at ang anumang sabihin o gawin ng iba ay mali. Madalas silang nagsusulong ng mga bagong pananaw para kontrahin ang mga pananaw at kilos ng iba, hinahanapan ng mali ang mga suhestiyon ng iba at ginagambala at tinatanggihan ang mga mungkahi ng iba. Sa ganitong paraan, dapat na makinig sa kanila ang ibang tao at kumilos ayon sa mga plano nila. Ginagamit nila ang mga paraan at estratehiyang ito para tuloy-tuloy kang tanggihan, atakihin, at iparamdam sa iyo na parang wala kang kakayahan, sa gayon ay ginagawa kang lalong mas mapagpasakop sa kanila, mas humahanga sa kanila at mas mataas ang tingin sa kanila. Sa ganoong paraan, lubusan ka nilang nakokontrol. Ito ang proseso kung paano sinusupil at kinokontrol ng mga anticristo ang mga tao.

Gumagamit ang isang anticristo ng iba’t ibang paraan para ilihis at kontrolin ang mga tao; hindi isang kindat o kaunting salita ang nagdudulot sa mga taong sumunod sa kanya—hindi talaga iyon ganoon kasimple. Tungkol man ito sa pagkontrol sa mga tao o pagkontrol sa isang aspekto ng awtoridad, gaya ng mga desisyon sa mga tauhan, mga pinansiyal na usapin, o ang huling pasya, gagamit siya ng iba’t ibang taktika, at talagang hindi lang niya iyon gagamitin nang paminsan-minsan, bagkus ay tuloy-tuloy na pagsisikapang magpasikat at magpatotoo sa sarili niya hanggang sa hangaan at ihalal siya ng mga tao, at pagkatapos ay kanya na ang awtoridad. Inabot siya ng ilang panahon para maisakatuparan ang mithiing ito. Ang isa pang paraang ginagamit ng isang anticristo para ilihis at kontrolin ang mga tao ay ang palaging pagpapasikat at pagpapaalam sa lahat ng higit tungkol sa kanya, at pagpapaalam sa mas maraming tao ng tungkol sa mga ambag niya sa sambahayan ng Diyos. Halimbawa, puwede niyang sabihin, “Dati ay nakaisip ako ng ilang paraan para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at napataas nito ang pagiging epektibo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ngayon, ginagamit na rin ng ilang ibang iglesia ang mga paraang ito.” Sa realidad, marami-rami nang naipong karanasan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ang iba’t ibang iglesia, pero patuloy na ipinagyayabang ng anticristo ang tungkol sa mga tamang desisyon at tagumpay niya, ipinapaalam sa mga tao ang tungkol sa mga iyon, binibigyang-diin ang mga iyon, at inuulit ang mga iyon saanman siya pumunta hanggang sa malaman ng lahat. Ano ang mithiin niya? Ang itaguyod ang sarili niyang imahe at katanyagan, ang makakuha ng mas maraming papuri, suporta, at paghanga mula sa mas maraming tao, at ang idulot sa mga taong humingi ng tulong sa kanya sa lahat ng bagay. Hindi ba’t naisasakatuparan nito ang mithiin ng anticristo na ilihis at kontrolin ang mga tao? Karamihan ng mga anticristo ay kumikilos nang ganito, ginagampanan ang mga papel ng panlilihis, pambibitag, at pagkontrol sa mga tao. Sa anumang iglesia, grupo sa lipunan, o kapaligiran ng trabaho, sa tuwing lumilitaw ang isang anticristo, hindi namamalayan ng karamihan ng mga tao na nagsisimula na silang sumamba at tumingala sa kanya. Sa tuwing nahaharap sila sa mga paghihirap kung saan naguguluhan sila at nangangailangan ng taong magbibigay ng gabay, lalo na sa mga kritikal na sitwasyon na kailangang magdesisyon, iisipin nila ang anticristo na may kaloob. Naniniwala sila sa puso nila, “Kung nandito lang siya, maaayos ito. Siya lang ang makakapagbigay ng payo at mga suhestiyon para matulungan kaming makalagpas sa paghihirap na ito; siya ang may pinakamaraming ideya at solusyon, pinakamakabuluhan ang mga karanasan niya, at pinakamatalas ang isipan niya.” Hindi ba’t ang katunayang kayang sambahin ng mga taong ito ang anticristo nang ganoon katindi ay direktang nauugnay sa karaniwang paraan ng pagpapasikat, pagganap, at pagpapakitang-gilas niya? Kung nagpamalas siya ng katinuan sa mga salita at kilos niya, kung siya ay taong tahimik na gumawa at nagtrabaho nang husto, kung matipid siyang magsalita at masipag magtrabaho, hindi kailanman nagtatawag ng atensiyon o nagpapasikat, lalong hindi nagyayabang, hindi niya magagawang ilihis ang mga tao at idulot sa kanilang pahalagahan at hangaan siya. Kaya bakit madalang mahalal bilang mga lider at manggagawa ang ilang tao na medyo matapat at kayang magsagawa sa katotohanan at masipag magtrabaho? Ito ay dahil karamihan ng mga tao ay walang katotohanang realidad at hindi bihasa sa pagkilatis. May tendensiya ang mga tao na paboran ang mga nagtataglay ng mga kaloob, husay sa pagsasalita, at hilig sa pagpapasikat. Partikular silang naiinggit at sumasang-ayon sa ganoong mga tao, at gustong-gusto nilang makisalamuha sa mga ito. Dahil dito, ang mga anticristo ay likas na nagiging pinag-uukulan ng pagsamba at paghanga ng karamihan ng mga tao. Gayumpaman, ang mga anticristo ay may set ng mga paraan para sa pagkontrol sa mga tao, at hindi sila nagdadalawang-isip na maglaan ng oras at lakas na pangasiwaan ang katayuan nila at imahe nila sa puso ng mga tao, ang pinakamithiin ng lahat ng ito ay ang pagkakaroon ng kontrol sa mga tao. Ano ang ginagawa ng isang anticristo bago maisakatuparan ang mithiing ito? Ano ang saloobin niya sa katayuan? Hindi ito regular na pagkagiliw o inggit; isa itong pangmatagalang plano, isang sadyang layunin na makuha ito. Binibigyan niya ng partikular na halaga ang kapangyarihan at katayuan at ang tingin niya sa katayuan ay isang paunang kinakailangan sa pagsasakatuparan sa mithiing ilihis at kontrolin ang mga tao. Sa sandaling magkaroon siya ng katayuan, natural lang na matamasa niya ang lahat ng pakinabang na ito. Samakatwid, ang kakayahan ng isang anticristo na manlihis at magkontrol ng mga tao ay isang resulta ng masipag na pamamahala. Talagang hindi ito dahil nagkataong tinahak niya ang landas; ang lahat ng ginagawa niya ay sinadya, pinagplanuhan, at maingat na kinalkula. Para sa mga anticristo, ang makakuha ng kapangyarihan at maisakatuparan ang mithiin nilang magkontrol ng mga tao ay ang premyo—ito ang kalalabasang pinakaninanais nila. Ang paghahangad nila sa kapangyarihan at katayuan ay inudyukan, sinadya, intensiyonal, at masipag na pinamahalaan; ibig sabihin, kapag nagsasalita o kumikilos sila, matindi ang pagpapahalaga nila sa layunin at intensiyon, at sadyang tukoy ang mithiin nila. Halimbawa, ipinagyayabang nila ang pagiging isang partikular na antas ng lider o manggagawa, pagkakamit ng partikular na bilang ng tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, o paggawa ng iba’t ibang klasikong paraan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo; ipinangangalandakan nila ang mga karanasan at kalipikasyon nila. Ano ang kaisipan nila habang nagyayabang sila? Ano ang batayang motibo nila? Hindi ba’t pinag-iisipan nila kung anong mga salita ang dapat nilang gamitin at kung paano nila dapat haluan ng kasinungalingan ang katotohanan? Hindi pabasta-basta ang mga salita nila; ang lahat ng sinasabi nila ay may layunin, at talagang hindi lang ito isang usapin ng pagpuri sa sarili. Puwedeng lumitaw ang mga salita nila na partikular na maingat at may pinatutungkulan, nagpapakita ng matinding pagpapahalaga sa kagandahang-asal. Halimbawa, kung makakatagpo sila ng mga indibidwal na nakakaunawa sa katotohanan, magiging alerto ang puso nila, hindi sila kaswal na magsasabi o gagawa ng mga bagay-bagay sa presensiya ng mga ito, natatakot na makikilatis sila. Magiging mas disiplinado sila. Gayumpaman, kung nakikitungo sila sa mga bagong mananampalataya o pangkaraniwang mananampalataya, maingat nilang pag-iisipan kung ano ang sasabihin sa mga indibidwal na ito. Kung nakikitungo sila sa mga lider at manggagawa, pag-iisipan nila kung ano ang sasabihin sa grupong ito. Kung nakikitungo sila sa mga taong nakakaunawa ng propesyonal na kaalaman, pag-iisipan nila kung ano ang sasabihin sa mga taong ito. Sila ay partikular na matalino sa mga panlabas na usapin, alam nila kung sino ang kakausapin gamit ang anong mga salita at paano ipaparating nang epektibo ang mensahe nila—sadyang malinaw sa kanila ang lahat ng ito. Sa madaling salita, palaging may mga partikular na layunin ang mga anticristo kapag kumikilos sila. Ang mga salita, kilos, at asal nila, pati na ang partikular na pananalitang pinipili nila kapag nagsasalita sila, ay intensiyonal; hindi sila kumikilos dala ng panandaliang pagbubunyag ng katiwalian, mababang tayog, kahangalan o kamangmangan, na walang katuturan ang pinagsasasabi saanman sila magpunta—hindi talaga ito ganito. Sa pagsusuri sa mga paraan nila, sa paraan ng paggawa nila ng mga bagay-bagay, at sa pagpili nila ng mga salita, lumilitaw na medyo tuso at buktot ang mga anticristo. Alang-alang sa sarili nilang katayuan at para maisakatuparan ang mithiin nilang kontrolin ang mga tao, sinasamantala nila ang bawat pagkakataon para magpasikat, para gamitin ang kahit katiting na bagay, at hindi nila palalagpasin ang kahit isang pagkakataon. Sabihin ninyo sa Akin, ibubunyag ba ng ganoong mga tao ang mga katangiang ito sa harapan Ko? (Oo.) Bakit sinasabi ninyong gagawin nila ito? (Dahil ang kalikasang diwa nila ay ang magpasikat.) Pagpapasikat ba ang pinakamithiin ng isang anticristo? Ano ang mithiin niya sa pagpapasikat? Gusto niyang makakuha ng katayuan, at ito ang ibig nilang sabihin: “Hindi mo ba alam kung sino ako? Tingnan mo ang mga bagay na nagawa ko, ako ang gumawa sa mabubuting bagay na ito; medyo marami akong iniambag sa sambahayan ng Diyos. Ngayong alam mo na, hindi ba’t dapat mo akong bigyan ng mas makabuluhang gawain? Hindi ba’t dapat ay maging mataas ang tingin mo sa akin? Hindi ba’t dapat kang sumandig sa akin sa lahat ng gagawin mo?” Hindi ba’t sinasadya ito? Gusto ng mga anticristong kontrolin ang kahit sino, sinuman sila. Ano ang isa pang termino para sa kontrolin? Manipulahin, paglaruan—gusto ka lang nilang pamunuan. Halimbawa, kapag pinupuri ng mga kapatid na mahusay ang pagkakagawa sa isang bagay, agad na sinasabi ng anticristo na sila ang gumawa nito, tinitiyak na pasasalamatan sila ng lahat. Kikilos ba nang ganito ang isang tunay na makatwirang tao? Talagang hindi. Kapag gumagawa ang mga anticristo ng kaunting kabutihan ay gusto nilang malaman ito ng lahat, maging mataas ang tingin sa kanila at purihin sila—nasisiyahan sila rito. Anuman ang gawin nila, nais nilang makuha ang mga papuri at pagsamba ng mga tao, at handa silang tiisin ang kahit ano para makuha ito. Alang-alang sa katayuan at kapangyarihan, hindi hahayaan ng mga anticristo na mapalagpas nila ang anumang pagkakataong magpasikat, kahit na tila kalokohan ang pagpapasikat nila, o magaspang at kinaiinisan ng iba ang mga paraan nila—hindi pa rin nila palalagpasin ang ganoong mga pagkakataon. Gayundin, ginagamit nila ang anumang paraang kinakailangan para maisakatuparan ang mithiin nilang kontrolin ang mga tao, at ginagawa nila ang lahat para maisakatuparan ito. Masusi silang nagsisikap at pinipiga nila ang utak nila para mabuo ang mga pakana nila. Kapag may ginagawa silang mabuti, patuloy nila itong ipinangangalandakan at itinatampok sa lahat ng dako. Kung may ibang nakagawa ng mabuti, kinaiinggitan nila ito at sinusubukan ang lahat ng makakaya nila para masabi na dahil ito sa kanila o sinasabi nilang nagkaroon sila ng bahagi rito para angkinin ang papuri para sa kanilang sarili. Sa madaling salita, may mga taktika ang mga anticristo sa pagkontrol sa mga tao. Hindi talaga ito isang panandaliang panlilinlang, ni ilang paminsan-minsang kilos. Sa halip, marami silang ginagawa at sinasabi. Nakakalihis ang mga salita nila, nakakalihis ang mga kilos nila, at ang pinakamithiin nila sa paggawa at pagsasabi sa mga bagay na ito ay ang kontrolin ang mga tao.

Ano ang layunin ng anticristo sa pagkontrol sa mga tao? Ito ay ang magkamit ng katayuan at awtoridad sa puso ng mga tao. Sa sandaling magkaroon siya ng awtoridad at katayuan, matatamasa na niya ang mga pakinabang ng katayuan at ang iba’t ibang interes na idinudulot nito. Halimbawa, sa mga panahong mainit, habang ang iba ay nananatili sa mga kuwartong hindi air-conditioned, nananatili siya sa kuwartong air-conditioned. Sa oras ng pagkain, habang ang iba ay may tig-iisang bahagi ng mga gulay at kanin, nakakapagdagdag siya ng kaunting karne at sopas. Kapag pumapasok sa kuwartong walang mauupuan, kailangan ng ibang maupo sa sahig, nag-iiwan lang ng isang upuan na nakalaan para sa kanya. Ang espesyal na pagtratong ito ay ang resulta ng katayuan niya, at nasisiyahan siya sa pagpapakasasa sa mga pakinabang na kasama nito. Siyempre, hindi talaga sapat ang mga interes at kasiyahang ito para matupad ang mga ambisyon niya. Bukod sa kailangan niya ang mga materyal na pakinabang na ito na ibinibigay sa kanya ng katayuan niya, kailangan din niya ang banidad, kasiyahan, at pakiramdam ng kapanatagang idinudulot nito sa panloob niyang mundo. Ano ang mga pag-uugali ng mga taong nalihis, naakit, at nakontrol ng mga anticristo? Pinaghahambing nila ang katayuan, kapangyarihan, mga kaloob, at mga kakayahan, pati na ang pamilya at uring pinagmulan ng isa’t isa, at pinagkokompetensiyahan nila kung sino ang makakaisip ng mas maraming buktot na ideya at kung kaninong utak ang mas matalas. Pinagkokompetensiyahan din ng mga anticristo ng relihiyon kung sino ang pinakamatagal magdasal. Kung magdarasal ang isang tao nang sampung minuto, magdarasal ang isa pa nang dalawampu, at sa isang pagtitipon ay puwedeng wala na silang ibang gawin kundi walang humpay na magdasal, katulad ng mga taong bumibigkas ng mga kasulatan sa isang templong Budista, walang tigil na bumubulong. Pinapakinggan ba ng Diyos ang ganoong panalangin? Batay sa paraan ng pagdarasal nila, hindi gagawa sa kanila ang Banal na Espiritu. Tinitingnan nila kung sino ang kayang magdasal nang pinakamatagal, kung sino ang kayang magdasal sa pinakamalakas na boses na kayang madaig ang iba. Hindi ba’t malaking kalokohan ito? Ang mga kilos nila ay hindi kapani-paniwala at wala sa katwiran. Ito ang mga pagpapamalas na pangunahing nakikita sa mga taong nalihis at nakontrol ng mga anticristo; kapag pinamumunuan ng mga anticristo ang mga tao, ito ang resultang ibinubunga nito. Samakatwid, kung nalihis at nakontrol ka ng isang anticristo, titingalain mo siya, susundin siya, at pakikinggan siya sa lahat ng bagay. Wala kang ibang pakikinggan, kahit ang Diyos pa ang nagsasalita. Ito ang mga pag-uugaling ipapakita mo. Kapag kinokontrol ng mga anticristo ang mga tao, para bang si Satanas ang naghahari sa kanila. Kung nasa ilalim ka ng kontrol ni Satanas, at kung may puwang sa puso mo para sa tao at puwang para kay Satanas, hindi gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu—tatalikuran ka Niya. Hindi ba’t gusto mong sumunod sa mga anticristo? Hindi ba’t gusto mong tumingala sa kanila? Hindi ba’t gusto mong tanggapin ang kontrol at manipulasyon nila? Kung ganoon ay ibibigay ka sa kanila. Kung naniniwala ka na ang anumang sasabihin ng mga anticristo ay ang katotohanan, puwede kang makinig sa kanila at sumunod sa kanila, at pagkatapos ay ibibigay ka sa kanila. Gayumpaman, dapat mong panagutan ang mga kahihinatnan. Kung isang araw ay hindi ka magtamo ng kaligtasan, huwag mong sisihin ang Diyos o huwag kang magreklamo tungkol sa Kanya; wala itong kinalaman sa Diyos. Sarili mo itong desisyon, at dapat mong pagbayaran ang desisyon mo.

Halos natapos na natin ang ating pagbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng mga anticristo ng pagkontrol sa mga tao. Dapat maunawaan ng mga tao kung ano ang ibig sabihin ng makontrol. Sa panlabas, puwedeng lumitaw na ang ilang tao ay sumusunod sa Diyos, nakikinig sa mga sermon Niya, kumakain at umiinom ng mga salita Niya, nagsasabuhay ng buhay iglesia, at gumagawa ng mga tungkulin nila, at na hindi nila iniwan ang sambahayan ng Diyos. Kaya bakit nakokontrol sila ng mga anticristo? Ito ay pangunahing dahil wala sa kanila ang katotohanan. Una, nalihis ang mga taong ito ng mga anticristo, at pagkatapos ay partikular nilang hinangaan ang mga ito, na humantong sa pagkakakontrol ng mga ito sa kanila. Ano ang ibig sabihin ng makontrol? Ibig sabihin nito ay naiimpluwensiyahan at naigagapos ng mga ito. Kahit na ginagawa mo ang mga tungkulin mo, habang hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo sa pagganap ng tungkulin mo ay nalihis ka ng mga anticristo. Habang mas umaayon ang mga pahayag at pananaw nila sa sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, lalo mong itinuturing na tama at naaayon ang mga iyon sa katotohanan, at hindi mo na hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, ayaw mo nang independiyenteng mag-isip, at hindi mo na ibinabatay ang pagsasagawa mo sa mga salita ng Diyos. Naniniwala kang hindi talaga mali ang mga pananaw ng mga anticristo, at buong puso mong kinukumpirma ang mga iyon. Sa sandaling ganito na ang kaso, kung tunay kang nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos, mababalisa at mababagabag ka. Pakiramdam mo ay nabigo mo ang mga anticristo at na talagang hindi ka puwedeng kumilos sa ganitong paraan. Hindi ba’t ganap kang naigagapos ng mga pahayag at pananaw ng mga anticristo? Kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay, hindi mo alam kung paano humusga, maghanap, o sumunod batay sa mga salita ng Diyos. Hindi mo alam kung paano gawin iyon, hindi ka rin nangangahas na gawin iyon. Bakit hindi mo alam kung paano at bakit hindi ka nangangahas? Hindi pa nagsasalita ang mga anticristo; hindi pa sila nagbibigay ng desisyon sa iyo o nakakapagpasya, at hindi pa nila sinasabi sa iyo ang kalalabasan o hindi ka pa nila itinuturo sa anumang direksiyon. Kaya hindi ka nangangahas na kumilos ayon sa pagkaarok mo, at natatakot kang mapunta sa maling landas, na gumawa ng pagkakamali. Hindi ba’t nakokontrol ka? Bakit ba takot na takot ka palagi? Talaga bang hindi malinaw ang mga salita ng Diyos? Hindi ba nasabi sa iyo ng mga salita ng Diyos ang mga prinsipyo o nasabi sa iyo ang gagawin? Bakit binabalewala mo ang mga salita ng Diyos at pinagpipilitan mong makinig sa mga anticristo? Nalilihis at nakokontrol ka ng mga anticristo. Halimbawa, sinabihan Ko ang isang tao na magtayo ng isang pader, partikular na sinasabi ang taas, haba, at lokasyon nito. Pagkatapos, dumating ang isang anticristo at sinabi: “Ayos na ang taas ng pader na ito, pero may problema rito. Kung itatayo mo ito nang ganito, guguho ba ito kapag umihip ang hangin?” Pagkarinig dito, sinabi ng taong iyon, “Magandang punto iyan, guguho kaya ito? Hindi naman sinabi ng Diyos, kaya hindi ko muna ito itatayo.” Nang kumustahin Ko siya kalaunan, tinanong Ko: “Bakit hindi mo pa itinatayo ang pader? Ilang araw na ang lumipas, pero hindi pa rin ito naitatayo—hindi ba’t inaantala mo ang mga bagay-bagay?” Sumagot siya na may nagpahayag ng pag-aalala tungkol sa pagguho ng pader sa pag-ihip ng hangin. Sinabihan Ko siyang gumamit ng posteng pansuporta kung nag-aalala siya sa hangin, at tinandaan niya ito. Kalaunan, bumalik ang anticristo para guluhin siya, sinasabi, “Sapat na ba ang isang poste? Hindi ba’t dapat ay dalawa ang gamitin mo?” Pinag-isipan ito ng tao, iniisip na sinabi lang ng Diyos na gumamit ng isang poste sa halip na dalawa, at hindi na naman niya alam ang gagawin. Pagkatapos labis na malihis at magulo ng anticristo, lahat ng salitang nauna Kong sinabi ay nawalan ng kabuluhan, at hindi na niya naipagpatuloy ang gawaing ito. Hindi ba’t katumbas ito ng pagkakakontrol ng anticristo? Kanino siya dapat makinig sa usaping ito? (Sa Diyos.) Kung ganoon ay bakit hindi siya nakinig sa mga salita ng Diyos? Ayaw ba niyang makinig? Gusto niya, pero nalihis siya ng isa sa mga maling paniniwala at panlilinlang ng anticristo. Sa sandaling nalihis na siya, sinunod na niya ang anticristo, na katumbas ng pagkakakontrol nito sa kanya. Kung naigapos at nalimitahan ng anticristo ang mga pag-uugali at kaisipan niya, nasa ilalim siya ng kontrol ng anticristo. Sa huli, hindi natupad ng taong ito ang tungkulin niya, at hindi siya nagpasakop sa Diyos o nakinig sa mga salita Niya. Sino ang nagdulot ng kinalabasang ito? Idinulot ito ng kamangmangan niya at hindi ito maihihiwalay sa panlilihis, panggugulo, at pagkontrol ng anticristo. Kaya, anong ibig sabihin ng nakialam nang ganito ang anticristo? Gusto niyang ipakita ang katalinuhan niya, at ang talagang sinasabi niya ay, “Bakit pikit-mata kang nakinig sa diyos nang sabihin niya sa iyong itayo rito ang pader na ito? Bakit napakasimple ng paraan ng pag-iisip mo? Kung itatayo mo rito ang pader, hindi ba’t guguho ito sa sandaling magsimulang umihip ang hangin? Ang pakikinig sa diyos ay hindi kasing tumpak ng pakikinig sa akin; kailangan mong makinig sa akin. Kung makikinig ka sa akin, masisiyahan ako, pero kung makikinig ka sa diyos, hindi ko iyon magugustuhan at hindi ako matutuwa. Hindi puwedeng makinig ka sa diyos—ano na ang mangyayari sa akin noon?” Hindi nila ito sinabi nang direkta; nakialam sila at sinadyang ginulo ang mga bagay-bagay. Pagkatapos ng pakikialam nila, hindi na matapos ang gawain, at nagmukha silang matalino, na ikinasiya nila. Kapag tinatagubilinan ng Diyos ang isang taong magtayo ng pader, dapat ay agad itong itayo ng taong iyon, pero ngayon, ang resulta ay hindi naitayo ang pader. Sino ang nagdulot sa resultang ito? Idinulot ito ng anticristo—nalihis, nagulo, at nakontrol ng anticristo ang taong ito. Katulad ito kung paano inakit ng ahas sina Adan at Eba. Sinabi ng Diyos kina Adan at Eba, “Sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.” Ang mga salitang ito ba ng Diyos ang katotohanan? Ang mga ito ang katotohanan, at hindi mo kailangang maunawaan ang kabuluhan ng mga ito; kailangan mo lang makinig at magpasakop. Anuman ang sitwasyon, hindi magbabago ang salita ng Diyos, at kung may gustong ipagawa sa iyo ang Diyos, gawin mo ito. Huwag mo itong suriin. Kahit hindi mo ito nauunawaan, dapat mong malaman na ang salita ng Diyos ay tama; dapat mong maunawaan ang kahulugang ito sa puso mo. Sa madaling salita, dapat mong malaman ang katotohanang ito una sa lahat. Umaayon man ang mga salita ng Diyos sa mga sarili mong kuru-kuro o hindi, nauunawaan mo man ang mga ito o hindi, at kahit gaano ka pa maguluhan, dapat mong panghawakan ang mga salita Niya. Ito ang responsabilidad at tungkulin mo. Sa sandaling maging determinado ka na rito, ano ang dapat mong gawin kapag muling dumating si Satanas para tuksuhin ka? Dapat mong panghawakan ang mga salita ng Diyos at sundan ang Kanyang daan—ito ang pinakapangunahing prinsipyo, huwag pansinin ang sinasabi ni Satanas. Ano ang panghuling resulta ng pakikinig nina Adan at Eba sa mga salita ng ahas? Nalihis at nakontrol sila ni Satanas. Sa isang kataga lang ng mga mapanlihis, malabo, at mala-diyablong salita, naimpluwensiyahan at nakontrol ni Satanas ang pag-uugali nina Adan at Eba. Isa itong resulta na ayaw makita ng Diyos. Ano ang layunin ng ahas sa pagsasabi ng mga salitang ito? Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ninais nitong guluhin ang kaisipan ng mga tao, impluwensiyahan ang pag-uugali nila, at hikayatin silang tumigil sa pakikinig at tumalikod sa mga salita ng Diyos. Sa sandaling naitanim ang aktibong kaisipang ito sa isip ng mga tao, sinundan na nila ang tinutukoy na landas. Ano ang layunin ni Satanas? Ito ay ang sabihing, “Huwag mong pakinggan ang sinasabi ng diyos. Kailangan mong makinig sa akin; kailangan mong kainin ang prutas na ito.” Sinabi sa kanila ng Diyos na huwag itong kainin, habang sinabi naman sa kanila ni Satanas na kainin ito. Sa huli, kinain ba nina Adan at Eba ang prutas? (Kinain nila.) Ganito kinontrol ni Satanas ang mga tao. Kapag nakinig ka sa mga mala-diyablong salita ng isang anticristo, puwede kang malito at maligaw, at malamang na hindi ka sumunod sa mga salita ng Diyos. Hindi ba’t ibig nitong sabihin ay naimpluwensiyahan at nakontrol ng anticristong ito ang pag-uugali at mga kaisipan mo? Ito ang kahulugan ng kontrol. Nakatagpo na ba kayo ng mga ganoong sitwasyon? Nakikita ng ilang taong may masamang layunin na natatapos mo ang isang gawain nang walang aberya at magkakamit ka ng mga resulta, mapapansin ka, at napapagtanto nilang hindi sila masyadong magkakaroon ng partisipasyon sa usaping ito. Kung mapapansin ka, sila ay hindi, kaya nagsusulong sila ng mga tila makatwirang pananaw o tanong para ilihis, guluhin, at kontrolin ka. Bilang resulta, naguguluhan ka, iniisip mong makatwiran din ang mga salita nila. Hindi mo na alam kung ano ang gagawin at hindi mo na maipagpatuloy ang tungkulin mo, kaya itinitigil mo ito. Hindi ba’t kalokohan ito? Sa simula, noong hindi ka pa nalilihis, medyo malinaw ang isip mo at alam mo ang gagawin, pero sa sandaling guluhin ka ng anticristo, nalito ka na at hindi mo na alam kung paano angkop na pangasiwaan ang mga bagay-bagay. Ano ang isyu rito? (Ang pagkakalihis.) Ang mga taong madaling malihis at makontrol ng mga anticristo o ni Satanas ay mga mangmang at naguguluhang tao. Tungkol sa mga pagpapamalas ng paraan ng panlilihis at pagkontrol ng mga anticristo sa mga tao, naging sapat na partikular ba ang pagbabahaginan natin? Dapat ay magawa mong makaunawa, at kapag may mga nangyayari sa iyo, dapat mong ihambing ang mga iyon sa iba’t ibang katotohanan para masalamin ang mga iyon sa mga salita mo, sa mga kilos mo, at sa diwa mo. Kasabay niyon, dapat mong subukang maunawaan at makilatis ang mga tao, pangyayari, at bagay-bagay sa paligid mo para magkaroon ka ng mas malinaw na pagkaunawa sa katotohanan at ng mas tumpak na pagkaunawa sa mga kalikasang diwa ng iba’t ibang tao.

Sa panahon ngayon, marami sa inyo ang kamakailan lang nakatagpo ang mga partikular na kalagayan at pagpapamalas ng iba’t ibang katotohanan. Bakit Ko sinasabing kamakailan lang ninyo nakatagpo ang mga iyon? Ito ay dahil kamakailan lang ninyo naunawaan ang ilang detalye, pero malayo pa rin ang lalakbayin bago ang tunay na pagpasok. Ang pang-unawa ay hindi katumbas ng pagpasok. Kapag nakakaunawa ka, ibig lang nitong sabihin na sa isip mo, medyo tumpak at mas tugma sa katotohanan ang pagkaunawa mo sa mga konsepto at kahulugan ng mga usaping ito, pero malayo ka pa rin sa personal na pagpasok. Ang pang-unawa, pagkilala, at kakayahang iugnay ang mga bagay na ito sa kalagayan mo at sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo ay hindi nangangahulugang may pagpasok ka. Dalawang magkahiwalay na bagay ang mga ito. Para maligtas ang isang tao at magkamit ng pagbabago sa disposisyon, nagsisimula ito sa pang-unawa sa lahat ng iba’t ibang katotohanan, at ang pagpasok sa katotohanang realidad ay nagsisimula sa pagsasagawa sa mga katotohanang ito. Kung nagkaroon kayo ng partikular na batayan sa pagkaunawa at pagpasok ninyo sa iba’t ibang katotohanan, nang hiningan Ko kayo ng mga halimbawa, maiisip agad ninyo ang mga sarili ninyong pagpapamalas o ang ilang bagay na nakita at naranasan ninyo. Lubos nitong mapapadali ang pagbabahagi Ko, at hindi Ko na kakailanganing magsalita nang masyadong detalyado dahil nagkaroon na kayo ng mga karanasan at kaya na ninyong abutin ang antas na iyon. Gayumpaman, kapag tinanong Ko kayo ngayon, kailangan ninyong mag-isip sa mismong sandaling ito, at kailangan din ninyong maghalughog at maghanap sa memorya ninyo. Kapag nakita Kong hindi ninyo alam ang mga bagay na ito at hindi ninyo mismo naranasan ang mga ito, kailangan Kong ipaliwanag nang detalyado ang mga ito, linawin ang mga pangunahin at pundamental na aspekto at mahalagang isyu ng mga usaping ito, at bigyan kayo ng panimulang pagkaunawa sa mga detalye ng iba’t ibang katotohanan para hindi kayo malito sa mga konseptuwal na aspekto o depinisyonal na aspekto kapag nagsagawa kayo, at para hindi ninyo mapaghalo ang mga ganap na magkaibang bagay o isipin na masyadong masalimuot ang mga bagay na ito—malinaw ninyong matutukoy ang pagkakaiba ng iba’t ibang aspekto. Sa ganitong paraan, sa susunod na magbahagi Ako tungkol sa mga bagay na ito, magiging madali na ito. Sa kasalukuyan, kinukulang pa rin kayo, kaya kailangan Kong palaging ipaliwanag ang mga ito nang detalyado. Gaano kalaking bahagi ng nilalaman ng mga pagbabahaginan sa mga pagtitipon natin ang kaya ninyong pag-isipan at intindihin? Kung sampung porsiyento lang, halos wala kayong tayog na maipagmamalaki, at kung tatlumpung porsiyento, ilan lang ang naunawaan ninyo. Kung aabot kayo sa limampung porsiyento, may partikular na tayog at pagpasok kayo, pero kung hindi ninyo kayang abutin iyon, wala kayong anumang pagpasok. Nauunawaan ninyo, hindi ba? Kung hindi pa rin ninyo nauunawaan kapag nagbabahagi Ako nang ganito, ibig nitong sabihin ay masyadong mahina ang kakayahan ninyo at imposible ninyong maunawaan ang katotohanan. Sige, diyan nagtatapos ang pagbabahaginan natin sa araw na ito. Hanggang sa muli!

Abril 17, 2019