Ikalimang Aytem: Nililihis, Inaakit, Pinagbabantaan, at Kinokontrol Nila ang mga Tao (Ikaapat na Seksiyon)

May mga kondisyon bang hinahanap ang mga anticristo para mang-akit ng mga tao? Inaakit ba nila ang mga taong nagmamahal sa katotohanan at tunay na nagpapasakop sa Diyos? (Hindi.) Ang mga taong nagmamahal sa katotohanan at nagpapasakop sa Diyos ay nagtataglay ng kaunting pagkilatis, hindi sila maaakit, at hindi sila susunod sa mga anticristo. Kaya, sino ang inaakit ng mga anticristo? Sa puso nila, ang pinakapinapaboran ng mga anticristo ay ang mga taong magaling mambola ng mga taong may katayuan, na magaling magpalakas at makipag-usap sa mga tao, at ang ilang taong nakagawa ng masasamang bagay at natatakot na mapatalsik at sa gayon ay ginagawa ang makakaya nila upang mapalugod ang mga anticristo. Ginagamit ng mga anticristo ang kondisyon na poprotektahan nila ang mga ito upang akitin ang mga tao at makuha ang loob ng mga ito, hinahayaang makalapit ang mga ito. Karamihan sa mga taong inaakit ng mga anticristo, maliban sa mga bagong mananampalataya na hindi nakauunawa sa katotohanan, ay ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Ang lahat ba ng hindi nagmamahal sa katotohanan ay nagtataglay ng konsensiya at katwiran? Wala sa kanila ang mabuti, at hindi pinipili ng Diyos ang gayong mga tao. Inaakit ng mga anticristo ang mga taong ito at inaakay sila na parang payaso. Iniisip pa nga nilang nagkamit sila ng opisyal na posisyon at may katayuan, at labis silang nasisiyahan sa puso nila. Hindi ba’t walang kahihiyan ito? Anong iba pang uri ng tao ang inaakit ng mga anticristo? (Ang mga taong medyo masama ang pagkatao.) Eksakto, ang masasamang tao. Paano tinatrato ng mga anticristo ang masasamang tao? Pinoprotektahan nila ang mga ito. Halimbawa, ipagpalagay nating may masamang tao sa iglesia, at iniuulat ng lahat ng kapatid na partikular na masama ang taong ito, nagdudulot ng kaguluhan sa iglesia sa tuwing nariyan ito, inaabala ang lahat sa paggawa ng tungkulin ng mga ito, at ginugulo ang gawain ng iglesia. Hangga’t hinihingi sa kanyang gumawa ng isang tungkulin, ang gawain ng iglesia ay daranas ng kawalan. Ngunit ang tingin ng mga anticristo sa gayong masasamang tao ay kapaki-pakinabang at inaakit nila ang mga ito sa panig nila upang pagsilbihan sila. Hindi pinatatalsik ng mga anticristo ang masasamang tao; sa halip, pinoprotektahan nila ang mga ito. Maliban na lang kung may mga partikular na masamang taong hindi sumusuporta sa isang anticristo o nakakikilatis dito—haharapin niya ang mga ito. Hangga’t binobola ng isang masamang tao ang anticristo, sinusuportahan ito, at hindi ito nilalabanan, inaakit at kinukuha nito ang loob nila upang mapalakas ang sarili nitong puwersa. Ngayon, paano nakakasundo ng mga anticristo ang mga taong ito na hindi naghahangad sa katotohanan? Ang paraan ng pakikisalamuha nila ay talagang pambobola at paggamit ng matatamis na pananalita sa isa’t isa. Saanman pumunta ang mga anticristo, nagkukumpulan ang masasamang taong ito kasama ng mga anticristo na parang mga langaw. Talagang hindi sila nagsasama-sama upang magbahaginan tungkol sa katotohanan, dahil lahat sila ay tutol dito, at wala sa kanilang naghahangad na lutasin ang mga isyu sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan. Ang sinasabi lang nila ay ang mga bagay na sinasabi ng mga walang pananampalataya, kadalasan silang naghahasik ng alitan sa pamamagitan ng mga tsismis, nangmamaliit ng iba at nagtataas ng kanilang sarili, at nagkokonsultahan tungkol sa mga paraan para parusahan ang mga tao. Higit pa rito, pinag-aaralan nila kung paano mag-iingat laban sa sambahayan ng Diyos, tinatalakay kung paano kokomprontahin ang Itaas, kung paano malalaman nang mas maaga kung may taong gustong magsumbong sa mga isyu nila at kung paano tutugon sa sandaling malaman nila ito. Ito ang mga bagay na tinatalakay ng grupong ito ng masasamang tao. Kapag magkakasama sila, kailanman ay hindi sila nagbabahaginan ng mga bagay tulad ng paggawa ng kanilang mga tungkulin, at kailanman ay hindi sila nagbabahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga isyu. Halimbawa, hindi nila kailanman tinatalakay ang mga lehitimong bagay tulad ng pagsuporta at pagtulong sa mga kapatid na naging negatibo at mahina at walang lakas na gawin ang mga tungkulin nila, o ang paghahanap ng mga solusyon at landas para mapabuti ang pagiging epektibo ng mga partikular na aspekto ng gawain ng iglesia. Pinag-uusapan nila kung paano lilinlangin ang Itaas at kung paano lilinlangin ang sambahayan ng Diyos, tinitiyak na hindi malalaman ng sambahayan ng Diyos ang mga katunayan tungkol sa kanila. Sa sandaling matuklasang may taong nakikipag-ugnayan sa Itaas o nagsumbong tungkol sa sitwasyon nila, itinuturing nila itong isang banta sa posisyon nila at nakakasira sa mga gawain nila. Walang tigil nilang iniimbestigahan kung sino ang may kagagawan nito, hinahanap ang mga pinagsususpetsahan, at sa sandaling mahanap nila ang mga ito, ihihiwalay nila ang taong iyon, ililipat sa ibang lugar, at pagkatapos ay maglalabas ng mga utos na nagbabawal sa sinuman na isumbong ang sitwasyon nila sa Itaas. Tinitiyak nitong walang sinumang mangangahas na isumbong sila. Ganap na nakokontrol ng mga anticristo ang iglesia sa ganitong paraan. Walang paraan para malaman ng Itaas kung anong kasamaan ang ginagawa nila nang walang nakakakita, hanggang sa matuklasan ng Itaas ang sitwasyon at matukoy ang kahinaan nila, pagkatapos ay mag-uutos ng imbestigasyon sa kanila at sa huli ay papalitan o patatalsikin sila. Kaya ng grupong ito ng mga anticristo at masasamang tao na guluhin ang gawain ng iglesia sa loob lang ng ilang buwan, at kaya nilang idulot sa mga kapatid na paghinalaan ang isa’t isa, sirain ang isa’t isa, ilantad ang isa’t isa, at atakihin ang isa’t isa, hinahati ang iglesia. Ito ang kahihinatnan ng panlilihis ng mga anticristo sa mga tao at pagkokontrol sa iglesia. Sa ganitong paraan inililihis ng mga anticristo ang lahat ng taong hindi naghahangad sa katotohanan at inaakit pa nga ang ilang kapaki-pakinabang na masamang tao upang kontrolin ang iglesia, pinatitibay ang sarili nilang posisyon at awtoridad. Kung makikinig sa kanila ang masasamang tao, poprotektahan nila ang mga ito. Kung hindi, hinaharap muna nila ang masasamang tao. Kung susunod sa kanila ang masasamang tao at mahihingan ng tulong at maaakit, hahayaan nila ang mga itong maging mga tauhan nila, mga galamay at mata nila sa paggawa ng masasamang bagay, palihim na nagmamanman sa mga kapatid, inaalam kung sino ang may mga pagtutol sa kanila, kung sino ang nakakikilatis sa mga kilos nila, kung alin sa masasamang gawa nila ang natuklasan, at kung sino ang palaging gustong makipag-ugnayan sa Itaas para isumbong ang mga isyu nila. Partikular na iniimbestigahan ng mga anticristo at masasamang tao ang mga usaping ito, kung saan sila pinaka nag-aalala. Madalas ay sama-sama nilang tinatalakay ang mga panlaban na hakbang, itinuturing na mga kaaway ang mga taong nakakikilatis sa kanila o naghihinala sa kanila. Naghahanap sila ng mga dahilan upang parusahan ang isang tao ngayon at bukas ay kikilos sila para parusahan ang isa pa; gumagamit pa nga sila ng iba’t ibang katwiran at palusot para udyukan ang hinirang na mga tao ng Diyos na paalisin at patalsikin ang mga indibidwal na ito. Sa sandaling ang mga anticristo ay maging mga lider o manggagawa, gagawin nila ang mga bagay na ito. Sa ilang buwan lang, kaya nilang isadlak sa kaguluhan ang iglesia, pinapatay pa nga ang matinding sigasig ng isang iglesia ng mga bagong mananampalataya na parang tubig sa apoy. Samakatwid, ang mga anticristo ay tunay na mga kaaway ng Diyos at mga kaaway ng hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi talaga ito eksaherasyon—tumpak na tumpak ito! Kung saan humahawak ng kapangyarihan ang mga anticristo o masasamang tao, sumasama ang kapaligiran ng iglesia. Wala talagang buhay iglesia, walang normal na pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos, at walang kapaligiran ng pagbabahaginan sa katotohanan. Sa halip, puno ito ng intriga at walang pagpipigil na maling pag-asal. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kontrol ng diyablo. Magkakaroon ba ng anumang magandang resulta kung may kontrol ang diyablo? Kapahamakan lang ang maidudulot nito sa hinirang na mga tao ng Diyos—tiyak at walang duda iyon.

May ilang anticristo, kapag pumasok sila sa isang iglesia upang humawak ng isang posisyon ng pamumuno, na nag-iimbestiga muna kung sino sa iglesia ang madalas na nag-ulat ng mga isyu sa Itaas dati. Gusto nilang ilayo ang gayong mga tao sa kanila, at hindi sila tumutuloy sa bahay ng mga ito kahit na kaya naman silang patuluyin ng mga ito. Kung may isang taong magaling sumipsip sa mga tao, palaging umaaligid sa lider, at nagpapalakas, doon nila pinaplanong tumuloy sa bahay ng taong iyon. May nagsasabi, “Dalawang sister na ang pinatutuloy niya.” Sumasagot ang anticristo, “Hindi puwede iyon, palipatin mo sila sa ibang lugar.” Sinasabi ng taong iyon, “Hindi puwedeng basta mo na lang palipatin ang mga tao kapag gusto mo; medyo nababagay ang dalawang sister na iyon sa lugar na iyon—maaaring maapektuhan ng paglilipat sa kanila ang paggampan nila sa kanilang mga tungkulin.” Sumasagot siya, “Bilang isang lider, ang sinasabi ko ang masusunod, at dapat mo akong sundin!” Pagkatapos ay sapilitan niyang pinalilipat ang dalawang sister. Bakit pinagpipilitan niyang tumuloy sa bahay na ito? Dahil ang pamilyang ito ay walang muwang at mahina, hindi nagiging banta sa anticristo. Kahit ano pang masasamang bagay ang ginagawa niya o gaano kalubha ang pag-uugali niya kapag walang nakakakita, hindi siya isusumbong ng pamilya. Kaya, naghahanap siya ng ganitong uri ng lugar na matutuluyan. Pagkalipas ng ilang panahon, dinadala niya roon ang masasamang kasamahan niya, at ginagawa nila ang masasamang gawain nila roon, tinatalakay nila ang mga panlaban na hakbang at nagpapakana kung paano parurusahan si ganito at ganyan. Kapag lumilitaw sa iglesia ang isang anticristo o masamang tao, naghahanap muna siya ng mga taong gusto niya at kaya niyang samantalahin, pinalalawak at pinatatatag ang puwersa niya una sa lahat. Pinababayaan muna niya ang mga taong nakauunawa sa katotohanan sa ngayon, upang hindi mailagay sa panganib ang sarili niyang posisyon. Hindi pa muna niya ginagambala ang kasalukuyang kaayusan. Pagkatapos mapatatag ang kanyang posisyon at makahanap ng mga angkop na kasabwat, sinisimulan na niyang talakayin ang mga panlaban na hakbang upang parusahan at harapin ang mga kapatid na naghahangad sa katotohanan. Paano niya pinarurusahan at hinaharap ang mga ito? Una, inaakit niya ang mga taong sumasang-ayon sa kanya, na walang pagkilatis sa kanya, at na mapakikinabangan niya. Kung may mga taong hindi niya maaakit o na nakakikilatis sa kanya, naghahanap siya ng palusot o katwiran upang ihiwalay o paalisin ang mga ito. Anong uri ng disposisyon ang nabubunyag sa pag-uugali ng mga anticristong ito? (Kalupitan.) Saanman sila humahawak ng mga posisyon ng pamumuno, nagiging masama ang kapaligiran ng lugar na iyon. Nagagambala ang kaayusan ng buhay iglesia. Kung hindi ka makikinig sa kanila, masisiil, malilimitahan, o mapaaalis o mapapatalsik ka pa nga. May ilang anticristo na kumikilos na parang mga sanggano, basagulero, o palaaway. Kahit pagkatapos manampalataya sa Diyos, gusto pa rin nilang makakuha ng posisyon, kumilos nang mapang-api sa sambahayan ng Diyos, at kontrolin ang mga hinirang na tao ng Diyos. Sa ganitong paraan, ginugulo nila ang iglesia. Kung walang pagkilatis ang mga tao, malilihis at makokontrol nila ang mga ito, sa huli ay hahantong sa sariling kamatayan ng mga ito.

Halos natapos na natin ang ating talakayan sa kung paano inaakit ng mga anticristo ang mga tao. Habang pinapakinggan ninyo itong mga bagay na tinatalakay Ko, pakiramdam ba ninyo ay medyo bihira lang ito? Nagulat ba kayo, na naisip ninyo na, “Puwede ba talagang mangyari ito? Imposible ito, hindi ba? Paanong umiiral ang ganitong mga tao sa kalipunan ng mga mananampalataya?” Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo, mas magiging masahol pa ito kaysa rito. Ang lahat ng tao ay nagkukunwaring may wangis ng tao kapag kaharap nila ang iba, ngunit ang ugali nila kapag walang nakakakita ang nagbubunyag ng tunay nilang mukha. Ang mga salita at kilos nila habang kaharap ang iba ay pagpapanggap lamang, isang huwad na impresyon. Ang sinasabi at ginagawa nila kapag walang nakakakita ang sumasalamin sa tunay nilang katauhan. Kung ang isang tao ay umaasta sa isang paraan sa harap ng mga tao at sa ibang paraan kapag walang nakakakita, dapat ninyong makilatis kung alin ang tunay at alin ang huwad, hindi ba? Ang isang anticristo ay maaaring lumitaw na napakagalang sa harap ng mga tao, ngunit kung malalaman ng mga ito kung ano ang ginagawa ng anticristo kapag walang nakakakita, maiinis sila rito. Mararamdaman ng mga ito na kahiya-hiyang makitungo sa anticristo, na hindi siya isang taong may integridad, kundi malupit at makitid ang utak. Kung ganoon, makakasundo ba ng anticristo ang mga normal na tao? Hindi, hindi niya makakasundo ang mga ito. Hindi ito isang usapin ng isang normal na taong may ilang masamang gawi, kundi isang usapin ng kanyang disposisyon. Sa sandaling makita ninyo ang kanyang disposisyon, mapapagtanto ninyong hindi siya tao, kundi isang halimaw, isang diyablo. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang pakiramdam kapag nakikisalamuha ang mga tao sa mga hayop? Katulad ito ng pagdadala ng baboy sa loob ng bahay, nililinisan ito, sinusuotan ng maliliit na damit, at tinatrato bilang isang alagang hayop. Kinabukasan, makikita mong naging koral na ng baboy ang bahay. Kumakain ito, umiinom, at dumudumi sa bahay nang walang anumang pagsasaalang-alang sa kalinisan. Saka mo mapagtatanto na hindi ka puwedeng mag-alaga ng mga baboy sa ganitong paraan—mga hayop sila! Sa panlabas, ang mga taong tulad ng mga anticristo ay puwedeng magmukhang may kaunting kakayahan at pinalaki nang maayos, o maaaring minsan silang naging tanyag na tao sa lipunan, nakakuha ng kaunting paggalang. Pero karamihan sa kanila ay para lang mga hayop, na walang kahit konsensiya at katwiran. Nagtataglay ba sila ng normal na pagkatao? (Hindi.) Kapag walang normal na pagkatao, maituturing pa rin ba silang tao? Matatanggap ba ninyo ang kanilang pamumuno? Ano ang mangyayari kapag napasakamay ng ganoong mga tao ang mga kapatid? Malilihis at maaakit ang mga ito, at tiyak na magdurusa ang mga ito. Ang mga anticristo ay mga diyablo, at wala silang konsensiya o katwiran. Sa panlabas, tila napakamapagmahal, napakamaunawain, at napakamaawain nila sa mga paghihirap, kahinaan, at emosyonal na pangangailangan ng ilang tao. Sa realidad, ito ay mga taong pinapaboran nila at nambobola sa kanila. Ngunit kung magiging banta ang mga taong ito sa kanilang katayuan o reputasyon, kahit ang mga ito ay hindi tatratuhin nang may kabaitan, sa halip ay imoral na pakikitunguhan gamit ang mas mapaminsala pang mga pamamaraan, nang wala ni katiting na awa o pagpaparaya. Ang pagmamahal at pagpaparaya ng mga anticristo ay pawang palabas lang, at ang mithiin nila ay talagang hindi ang dalhin ang mga tao sa harapan ng Diyos, kundi ang hikayatin ang mga itong sambahin at sumunod sa kanila. Ang layunin nila sa pambibitag sa mga tao sa ganitong paraan ay ang patatagin ang sarili nilang posisyon at kamtin ang pagsamba at pagsunod ng mga tao. Kahit ano pang paraan ang gamitin ng mga anticristo upang ilihis at akitin ang mga tao, isang bagay ang sigurado: Pipigain nila ang utak nila at gagamitin nila ang anumang paraang kinakailangan alang-alang sa sarili nilang kapangyarihan at katayuan. Ang isa pang katiyakan ay na kahit na ano pang gawin nila, hindi nila ito ginagawa para gampanan ang mga tungkulin nila, at talagang hindi nila ito ginagawa para tuparin nang maayos ang mga tungkulin nila; sa halip, ginagawa nila ito upang maisakatuparan ang mithiin nilang humawak ng kapangyarihan sa loob ng iglesia. Higit pa rito, kahit ano pang gawin nila, hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at talagang hindi nila isinasaalang-alang ang mga interes ng hinirang na mga tao ng Diyos. Sa diksiyonaryo ng mga anticristo, wala ang dalawang konsiderasyong ito; likas na wala sila ng mga ito. Anuman ang antas ng pamumuno nila, hindi sila nagpapakita ng kahit kaunting malasakit sa mga interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga hinirang na tao ng Diyos. Sa mga kaisipan at pananaw nila, walang kaugnayan at hindi nababagay sa kanila ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Iniisip lang nila ang sarili nilang posisyon at ang sarili nilang mga interes. Mula rito, makikita na ang kalikasang diwa ng mga anticristo, bukod sa pagiging buktot, ay partikular na makasarili at kasuklam-suklam. Kumikilos lang sila alang-alang sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, nang hindi binibigyan ng ni katiting na pansin ang buhay at kamatayan ng iba. Ang sinumang nagiging banta sa kanilang posisyon ay sumasailalim sa imoral na panunupil at pagbubukod, at pinarurusahan nang pinakamatindi. Kung minsan, kapag isinusumbong ang mga anticristo dahil sa paggawa ng napakaraming kasamaan at natutuklasan ng Itaas ang tungkol sa mga iyon, at pakiramdam nila ay mawawala na ang posisyon nila, lumuluha sila nang mapait. Sa panlabas, tila nagsisisi sila at mukhang nanunumbalik sa Diyos, pero ano ang tunay na dahilan sa likod ng mga luha nila? Ano talaga ang pinagsisisihan nila? Nalulungkot at nagdurusa sila dahil nawala sa kanila ang loob ng mga tao, ang sarili nilang posisyon, at ang reputasyon nila. Ito ang nakapaloob sa mga luha nila. Kasabay nito, pinagpaplanuhan na nila ang mga susunod nilang hakbang para mapatatag ang posisyon nila, matuto sila sa mga pagkakamali nila, at makabalik sila. Batay sa pag-uugaling ito ng mga anticristo, hindi sila kailanman nakakaramdam ng pagsisisi o nagdurusa dahil sa mga pagsalangsang nila at sa mga tiwaling disposisyong ibinunyag nila, at talagang hindi nila tunay na makikilala ang sarili nila o magsisisi. Maaari silang lumuhod sa harapan ng Diyos, lumuha nang mapait, pagnilayan at isumpa ang kanilang sarili, pero isa itong palabas na naglalayong ilihis ang mga tao, at puwede pa ngang paniwalaan ng ilang tao na totoo ito. Posible na, sa sandaling iyon, totoo ang damdamin nila. Gayumpaman, kailangang matandaan na kahit kailan, hindi makakaranas ang mga anticristo ng tunay na pagsisisi. Kahit na isang araw ay mabunyag at matiwalag sila, hindi sila makakaramdam ng tunay na pagsisisi. Kikilalanin lang nila ang sarili nilang pagkabigo, na pumalpak sila sa pagganap nila at isiniwalat ang lahat ng masama nilang gawa. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil, batay sa kalikasan ng mga anticristo na namumuhi sa katotohanan at sa Diyos, hindi nila kailanman tatanggapin ang katotohanan. Samakatwid, ang pagkakilala sa sarili ng mga anticristo ay palaging mali. Tatanggapin lang nilang nawala sa kanila ang loob ng mga tao dahil nabigo silang samantalahin ang mga pagkakataon na makuha ang kapangyarihan at mapatatag ang posisyon. Ang pagsisisi at pagdurusa nila ay para sa mga kadahilanang ito. Kapag nagdadalamhati ang mga anticristo, puwede rin silang lumuha, pero bakit sila umiiyak? Ano ang nasa likod ng mga luha nila? Lumuluha sila dahil naisiwalat ang marami nilang masamang gawa at nawala ang kanilang posisyon. Kung kaya nilang tunay na magsisi at lumuha dahil sa paggawa ng masama at pakiramdam na may pagkakautang sila sa Diyos, hindi sila gagawa ng ganoon karaming kasamaan. Hindi sila nakokonsensiya at hindi nila inaamin ang masasama nilang gawa—paano ngayon lilitaw ang tunay na pagsisisi? Pagkatapos gumawa ng kasamaan, hindi sila nakakaramdam ng pagsisisi; talagang wala silang pakialam, ang nararamdaman lang nila ay napahiya sila at nagmukha silang katawa-tawa. Puwedeng bumagsak nang bahagya ang damdamin nila. Sa kabila ng panlabas na pag-asta na parang walang mali, sa realidad, sa kaibuturan ay para silang pipi na tumitikim ng mapapait na damong-gamot—nagdurusa nang tahimik. Nakakaranas sila ng samu’t saring emosyon sa puso nila at lumuluha sila nang mapait, pero walang tunay na pagsisisi. Ito ang tunay na kalagayan ng mga pangyayari. Kung minsan, maaaring magsabi ang mga anticristo ng mga salitang masarap pakinggan, gaya ng, “Mahina kasi ang kakayahan ko kaya hindi ko nagawa nang maayos ang trabaho ko at nakagawa ako ng ilang bagay na nakakagulo at nakakagambala; nabigo akong manguna at hindi ako karapat-dapat sa pamumuno. Nawa ay disiplinahin at sumpain ako ng diyos. Kung magpapasya kayong hindi ako piliin para sa pamumuno sa hinaharap, hindi ako magrereklamo.” Pagkatapos na pagkatapos nito, bigla silang iiyak. May ilang taong walang pagkilatis na nahahabag sa kanila, at nagsasabi, “Huwag kang umiyak, pipiliin ka ulit namin sa hinaharap.” Pagkarinig nito, agad silang tumatahan. Nakikita na ba ninyo ngayon ang tunay nilang kulay? Kapag nagsasabi sila ng ilang magandang salita, ito ay para makuha ang loob ng mga tao, ilihis ang mga ito, at linlangin ang mga ito, at nahuhulog pa nga rito ang ilan. Sa tuwing lumuluha ang mga anticristo, walang dudang may motibo sa likod nito. Kapag nagsisimula na silang kuwestiyunin ng mga taong sumasamba sa kanila at nagiging alanganin ang katayuan nila, umiiyak sila. Sa sobrang pagkabalisa nila ay hindi na sila makakain o makatulog, paulit-ulit nilang sinasabi sa pamilya nila, “Paano ako magpapatuloy kung wala ako sa posisyon ng pamumuno?” Sumasagot ang pamilya nila, “Hindi ba’t maayos naman ang pamumuhay mo noong wala kang katayuan? Bakit hindi mo maipagpatuloy ang pamumuhay?” Sumasagot sila, “Kung hindi dahil sa katayuan ko, matatanggap ko pa rin ba ang mga pakinabang na ito? Magiging maluwag pa rin ba ang pamumuhay natin? Bakit napakahangal mo?” Sa tahanan nila, lantarang sinasabi ng ilan, “Ano ang punto ng pamumuhay nang walang katayuan? Ano ang kahulugan ng buhay? Iilan lang tayo sa pamilya, at sa bahay, ang iilang ito lang ang mapapangasiwaan ko. Isa lang akong ulo ng tahanan, at hindi mataas ang katayuan ko. Dapat akong humawak ng katungkulan sa iglesia; kung hindi, sayang ang buhay ko. Isa pa, kung wala ang posisyong ito sa iglesia, magiging ganito ba kaganda ang buhay ng pamilya natin?” Kapag walang nakakakita ay matapat silang nagsasalita, at nalalantad ang mga ambisyon nila. Hindi ba’t isa itong taong walang kahihiyan? Ang panlilihis ng mga anticristo ay hindi isang paminsan-minsang pagsalangsang—sinasadya ito. Kung mga paminsan-minsan at hindi sinasadyang masamang kilos ang mga ito, hindi sila maituturing na mga anticristo. Ang mga anticristo ay sadyang nanlilihis ng mga tao; kontrolado sila ng kalikasan ni Satanas. Ito ang dahilan kung bakit palagi silang nanlilihis ng mga tao, sadya nilang ginagamit ang pamamaraang ito para kontrolin ang mga ito at sa huli ay magkaroon sila ng kapangyarihan. Sa katunayan, ang layunin ng anticristo sa panlilihis at pagkokontrol ng mga tao ay ang mahikayat ang mga itong makinig sa kanya, sumunod sa pamumuno niya, at lumayo sa Diyos. Napakalinaw ng mga layunin ng anticristo; nilalayon niyang makipagkompetensiya sa Diyos para sa mga tao. Ang mga kilos niya ay hindi mga panandaliang pagpapakita ng katiwalian, ni ginagawa nang padalos-dalos, nang labag sa loob, at tiyak na hindi inoobliga ng mga espesyal na sitwasyon. Ito ay ganap na dahil sa buktot niyang kalikasan, sa matataas na mga ambisyon at pagnanais niya, sa mapaminsalang disposisyon niya, at sa maraming pakana niya. Ang kakayahan niyang magawa ang mga bagay na ito ngayon ay tinutukoy ng kalikasang diwa niya: Pagkatapos manampalataya sa Diyos, kinimkim niya ang mga layunin at pakanang ito, naghihintay lang na maging lider para simulang tuparin ang mga pangarap na ito at maisakatuparan ang mga mithiin niya. Ito ang tunay na kalagayan ng puso ng isang anticristo, at kahit kaunti ay hindi ito nagbabago.

Mula sa paksang tinalakay sa itaas, dapat ninyong maunawaan ang katotohanang kailangan ninyong mapasok. Sa isang aspekto, dapat ninyong kilatisin ang mga anticristo at masasamang taong nagbubunyag ng ganoong mga pag-uugali at kalikasang diwa. Sa iba pa, dapat din ninyong ikumpara ang inyong sarili para makita kung nagpapakita kayo ng mga pag-uugaling ito. Ngayon, kung may makikita kayong pagkakatugma sa sinasabi ninyo at sa pananalita ng mga anticristo, o kung kapwa kayo nagpapakita ng mga parehong pag-uugali sa mga parehong sitwasyon, kaya ba ninyong kilatisin ang mga pagkakapareho sa nabunyag ninyong disposisyon o sa pagsasagawa sa pagitan ninyo at ng mga anticristo? Kaya ba ninyong arukin ang katotohanang ibinahagi rito sa pamamagitan ng ilang halimbawang tinalakay Ko o ang mga detalye, salita, at kilos na inilarawan sa mga halimbawang iyon, o kaya ba ninyong unawain ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao na isiniwalat dito? Kaya ba ninyong makinig nang ganito? Mula sa anong perspektiba kayo nakikinig? Kung ganap ninyong nakikilatis ang mga disposisyon at diwang ito ng mga anticristo at tinitingnan ninyo ang mga pag-uugali at gawing ito mula sa perspektiba ng isang tagamasid, makakamit ba ninyo ang katotohanan? (Hindi.) Kung ganoon, mula sa anong perspektiba kayo dapat makinig? (Sa pagkukumpara ng sarili.) Ikumpara ninyo ang inyong sarili—ito ang pinakapangunahing bagay. Ano pa? (Sangkapan ng katotohanan ang sarili.) Tama, dapat ninyong maunawaan ang katotohanang kailangan ninyong maunawaan sa bawat halimbawang tinatalakay Ko. Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay nakauunawa lang ng mga katunayan, habang ang mga taong may espirituwal na pang-unawa at nagtataglay ng mahusay na kakayahan, ay nakauunawa at nagkakamit ng katotohanan mula sa mga iyon. Kaya ba ninyong ibuod ang mga katotohanang nakapaloob sa mga kuwento at halimbawang natalakay? Ang pagbabahaginan tungkol sa mga partikular na kuwento o halimbawa ay naglalayong matulungan ang mga taong maiugnay ang mga iyon sa realidad, mas mabuting maunawaan ang iba’t ibang usaping nasasalamin sa realidad, at mapalalim ang ideya nila sa iba’t ibang pagpapamalas at diwa na may kaugnayan sa aspektong ito ng katotohanan. Sa madaling salita, pagdating sa aspektong ito ng katotohanan o kalikasang diwa, mag-iisip ka ng isang partikular na halimbawa o eksena. Sa ganoong paraan, kapag naunawaan mo ang iyong sarili o nakilatis mo ang iba, magkakaroon ka ng biswal na pang-unawa na mas madaling arukin, mas praktikal, at mas kongkreto kaysa sa pagbabasa lang ng teorya o teksto. Kung teksto lang ito at wala kang karanasan dito, ang pang-unawa mo sa teksto ay maaaring maging limitado sa mga mismong salita, palaging napipigilan ng sarili mong mga limitadong karanasan, at nananatili lang sa saklaw na iyon. Gayumpaman, kung magdaragdag Ako ng mga partikular na halimbawa, gagawa ng ilang kuwento, ilang eksena, mga partikular na salita at kilos, at pag-uugali sa pagbabahagi Ko, magkakaroon ito ng pansuportang epekto sa pag-unawa mo sa katotohanan sa aspektong ito. Kung makakamit ang epektong ito, ibig nitong sabihin ay naunawaan mo ang aspektong ito ng katotohanan. Anong antas ng pang-unawa ang dapat mong maabot para maituring itong pang-unawa? Hindi ito kailangang maging 100 porsyento, pero ang pag-arok, depinisyon, konsepto, at kaalaman mo sa aspektong ito ng katotohanan ay dapat na napatibay kahit papaano. Ano ang ibig sabihin ng pagpapatibay na ito? Ibig sabihin nito ay nagiging medyo dalisay ito, talagang walang anumang pantaong kaalaman, kuru-kuro, imahinasyon, o haka-hakang pinaghalo, o kaunti ng mga bagay na ito na pinaghalo. Ito ang mga epekto ng ganoong mga halimbawa. Puwedeng kilala mo ang mga tao o alam mo ang mga pangyayaring binabanggit Ko sa ilan sa mga halimbawang ito, o may pakikipag-ugnayan pa nga at medyo pamilyar sa ganoong mga tao, o baka nakatagpo ka na ng ganoong mga pangyayari at nasaksihan mo pa nga ang buong proseso ng paggawa ng mga taong ito ng ganoong mga bagay. Pero ano ang mga pakinabang nito sa pang-unawa at pagkilala mo sa katotohanan? Posible na nakasama mo sa tirahan ang ganoong mga tao, nakita mong naganap ang mga kuwentong gaya nito, at naranasan mo mismo ang lahat ng nangyari sa mga kuwentong ito, pero hindi ibig sabihin niyon na nauunawaan mo ang aspektong ito ng katotohanan. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Huwag mong ipagpalagay na dahil alam mo o pamilyar ka sa tao o pangyayaring sinasabi Ko ay hindi mo na kailangang pakinggan ang mga detalye o ang katotohanan at ang partikular na paksang pinagbabahaginan dito. Magiging malaking pagkakamali iyon. Kahit na kilalang-kilala mo ang taong iyon, hindi ibig sabihin nito na naunawaan at naarok mo na ang katotohanan dito. Bakit pinapaalala Ko ito sa inyo? Ito ay para hindi kayo masyadong maging interesado sa mga detalye. Sa tuwing makakakita kayo ng taong gumagawa ng ganito at ginagawa siyang halimbawa ng Diyos, pinagtatawanan ninyo siya at kinukutya ang ganoong mga tao. Ito ba ang tamang maging saloobin sa katotohanan? (Hindi.) Anong saloobin ito? Hindi ba’t pagkalihis ito ng landas? Ito ay may pagkiling na pag-arok. Dahil sa mga maliwanag na halimbawa, kuwento, at partikular na tao at pangyayaring ito kaya tunay na napapahalagahan ng lahat ng tao kung ano ang paghahayag ng mga tao ng tiwaling disposisyon, ang tunay na masaksihan kung ano ang paghahayag ng tiwaling disposisyon at kalikasang diwa ng mga tao, kung ano ang kalikasang diwa ng mga tao, kung ano ang tiwaling disposisyon, kung anong uri ng landas ang tinatahak ng mga taong may partikular na uri ng tiwaling disposisyon at kalikasang diwa, kung ano ang minamahal nila, kung ano ang lawak ng mga emosyon nila, kung paano sila umaasal at nakikitungo sa mundo at kung ano ang pananaw nila sa buhay, kung ano ang mga prinsipyo nila sa pakikitungo sa mga bagay-bagay, at kung ano ang maaaring saloobin nila sa Diyos at sa katotohanan. Dahil mismo sa mga halimbawang ito, sa mga partikular na indibidwal at mga kongkretong pangyayaring ito, kaya napagsasama nang mas mabuti ng mga tao ang katotohanang realidad at ang pagbubunyag ng Diyos sa diwa ng tao, nagkakamit ng medyo mas malinaw at mas tumpak na pananaw sa mga ito. Kaya, ano ang ibig Kong sabihin sa likod ng mga salitang ito? Ito ay na hindi mo dapat maliitin ang mga kuwentong ito. Anumang uri ng kuwento ang isalaysay Ko, kanino mang kuwento ito, o sa anumang uri ng tao ang kuwentong ito, iisa lang ang mithiin, at iyon ay ang tulungan kang maunawaan ang katotohanan. Kung makakamit mo ang katotohanan mula rito, nakamit na ang ninanais na epekto. Samakatwid, maaari ka lang mabigyang-daan ng mga kuwentong ito na maunawaan ang ilang mababaw na katotohanan sa unang beses na marinig mo ang mga ito, na maarok ang mababaw na kahulugan o literal na interpretasyon. Gayumpaman, habang patuloy na lumalago ang iyong tayog, habang tumatanda ka, habang lumalago ka sa buhay sa pamamagitan ng iba’t ibang sitwasyon, unti-unti ring nagiging hinog ang buhay mo, at nagkakaroon ka ng iba’t ibang pagkaunawa sa mga pangyayari sa mga kuwentong ito at sa kalikasang diwa, pag-uugali, at pagpapamalas ng iba’t ibang indibidwal na nasasalamin dito. Paano nabubuo ang mga pagkaunawang ito? Nagmumula ang mga ito sa mga katotohanang nakapaloob sa mga kuwentong ito, hindi mula sa mismong mga kuwento. Kung pagkukuwento lang ito, gaya ng kuwento ng “Ang Batang Sumigaw na May Lobo,” pagkatapos mo itong mapakinggan, iyon na ang lahat; wala itong kinalaman sa katotohanan. Tinuturuan lang nito ang mga tao kung paano kumilos: Napakatuwiran at napakababaw nito. Pero pagdating sa katotohanan, ang lalim ng ganoong kuwento ay lumalagpas sa mabababaw na kahulugang madaling maunawaan ng isang tao. Tinatalakay nito ang tiwaling disposisyon at kalikasang diwa ng mga tao, nakapaloob dito kung paano kikilatisin ang mga tao, kung paano pipiliin ang landas ng isang tao, kung paano haharapin ang katotohanan, at kung ano dapat ang mga saloobin ng mga tao bilang tugon sa mga hinihingi ng Diyos. Nakapaloob dito kung ano ang dapat tanggihan ng mga tao at kung ano ang dapat nilang tanggapin. Kung magagawa ninyong makinig sa ganitong paraan, sa tuwing makakarinig kayo ng mga sermon ay may makukuha kayo, magkakamit kayo ng mas maraming kaliwanagan at makauunawa ng mas maraming prinsipyo tungkol sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan, at makakaranas ng kaunting buhay pagpasok. Habang tumatanda ang mga tao, habang lumilipas ang panahon, habang nagbabago ang mga sitwasyong panlipunan, habang nagbabago ang mga kalakaran, patuloy na gumagawa ang katotohanan sa puso ng mga tao, at malalaman nila kung paano isasagawa ang katotohanan, at kung paano titingnan ang mga tao at bagay batay sa katotohanan. Ito ang ibig sabihin ng pagkakamit ng buhay—ang katotohanan ay puwedeng maging buhay ng isang tao. Samakatwid, kailanman isinasalaysay ang isang kuwento, huwag kayong makinig nang isang beses lang at isipin ninyong tapos na ito. Patuloy kayong makinig, at kung hindi ninyo maintindihan, puwede ninyo itong pagbahaginan. Kung nahihirapan kang arukin ito sa iyong kasalukuyang antas, maaaring dahil ito sa kulang ang tayog mo. Kung ganoon, pakinggan mo ang kaya mong arukin at piliin mo ang naaakma sa kasalukuyan mong tayog. Kung ang isang kuwento ay tila maliwanag kapag narinig mo ito pero kalaunan ay lumalabas na malalim, kung lagpas ito sa pag-arok mo, o hindi ito naaayon sa mga karanasan at sitwasyon mo sa buhay sa yugtong ito, ingatan mo ito sa puso mo at hayaan mong tumimo ito sa iyo. Kapag naharap ka sa mga kaparehong sitwasyon kalaunan, ang iningatan mo sa puso mo ay maaaring makita sa panlabas. Katulad lang ito ng bokabularyo at mga terminong pinag-aralan mo o ng impormasyong tinandaan mo sa utak mo. Araw-araw mo bang iniisip ang mga iyon? Malamang ay hindi. Hindi mo karaniwang iniisip ang mga iyon, pero kapag nalagay ka sa kapaligiran kung saan nauugnay ang mga termino, bokabularyo, o impormasyong ito, naiisip mo ang ilan sa mga ito. May mga alaala ang mga tao, at natural na nagtatabi sila ng ilang bagay sa utak nila. Sapat na ang mga bagay na ito para gamitin mo sa pang-araw-araw na buhay at puwedeng maging medyo kapaki-pakinabang, pero kung sadya mong susubukang gamitin ang mga ito at mahigpit na magpapatupad ng mga patakaran, mas malamang na magkakamali ka. Dapat ay piliin mo ang pakikinggan mo batay sa sarili mong tayog at sa mga sitwasyong naranasan mo. Sa ganitong paraan, mas magiging mabilis ang paglago mo. Ang mga taong marunong makinig ay magkakamit nang mas marami, habang ang mga taong hindi ay magkakamit nang mas kaunti, o baka wala talaga. Baka maramdaman pa nga nila na ayaw nilang makinig sa alinman sa mga kuwentong ito, na wala sa mga ito ang naglalaman ng katotohanan, at nagtataka kung bakit hindi Ko tinatalakay ang katotohanan sa halip na nakikipagdaldalan nang walang katuturan at nakikipagtsismisan sa lahat ng oras. Anong uri ng mga tao ang nagpapakita ng pag-uugaling ito? (Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa.) Ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa ay puwedeng mag-isip sa ganitong paraan. Puwede nilang isipin na kapag nagsesermon Ako, tinatalakay Ko lang ang mga pang-araw-araw na usaping ito; aba, ganoon din sila, kapag wala silang magawang anuman ay walang katuturan silang nakikipagdaldalan sa iba. Baka mas maraming tsismis ang alam mo kaysa sa mga kuwentong isinasalaysay Ko, pero nakapaloob ba ang katotohanan sa mga pakikipag-usap mo? (Hindi, hindi nakapaloob ang mga ito.) Kung hindi nakapaloob ang katotohanan sa mga ito, ingatan mong huwag magsalita nang walang pakundangan, o baka mauwi kang tinatalakay ang mga bagay na walang kaugnayan sa katotohanan. Nagkukuwento Ako para matulungan ang mga taong maunawaan ang katotohanan. Hindi ninyo Ako dapat pikit-matang gayahin. Dapat ay tumuon lang kayo sa paghahanap sa katotohanan, pag-unawa sa katotohanan, at pagsisikap na pangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo. Sa pananalita o sa mga kilos man ninyo, unahin ninyo ang pag-ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa ganitong paraan, unti-unti kayong makakapasok sa katotohanang realidad.