Ikalimang Aytem: Nililihis, Inaakit, Pinagbabantaan, at Kinokontrol Nila ang mga Tao (Ikalawang Seksiyon)

Isang Paghihimay Kung Paano Nililihis, Inaakit, Pinagbabantaan, at Kinokontrol ng mga Anticristo ang mga Tao

I. Isang Paghihimay Kung Paano Inililihis ng mga Anticristo ang mga Tao

Noong huling pagtitipon, tinapos natin ang ating pagbabahaginan tungkol sa pang-apat na aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Sa araw na ito, sisimulan natin ang pagbabahaginan tungkol sa panlimang aytem: kung paano nililihis, inaakit, pinagbabantaan, at kinokontrol ng mga anticristo ang mga tao. May apat na pandiwang sangkot sa aspektong ito ng mga pagpapamalas ng mga anticristo, at mula sa apat na pandiwang ito at sa pag-uugali ng mga anticristo, makikita natin ang kanilang mga disposisyon. Ang unang pandiwa ay “inililihis.” Anong uri ng disposisyon ang nakapaloob dito? Ito ay kabuktutan. Ngayon, paano naman ang “inaakit”? Kadalasan ba ay magaganda o hindi magagandang salita ang ginagamit sa pang-aakit? (Magagandang salita.) Kaya, anong uri ng disposisyon ang kumokontrol sa pag-uugaling ito? Kabuktutan. Paano naman ang “tinatakot” at “kinokontrol”—anong disposisyon ang kumokontrol sa mga ito? (Kalupitan.) Tama iyan, kalupitan. Mula sa panlimang aytem, makikita natin ang mga disposisyon ng mga anticristo. Ano ang mga pangunahing pagpapamalas ng mga anticristo sa aytem na ito? (Kabuktutan at kalupitan.) Ang dalawang disposisyong ito ng kabuktutan at kalupitan ay parehong napaka prominente at malinaw. Isa-isa nating talakayin ang mga pag-uugaling ito, simula sa “inililihis.” Ano ang karaniwang kahulugan ng terminong “inililihis”? May sangkot ba ritong anumang pagpapamalas ng pagkamatapat? May anumang matapat na salita ba rito? (Wala.) Walang matatapat na salita rito—huwad ang lahat ng ito, paggamit ito ng mga maling impresyon, maling pahayag, at mga mapanlinlang na salita para mapaniwala ang iba na tama ang sinasabi ng isang tao, sa gayon ay hinihikayat ang iba na kilalanin at pagkatiwalaan siya. Ito ang ibig sabihin ng “inililihis.” Nakakamit ba ng mga taong nalihis ang katotohanan o tumatahak ba sila sa tamang landas? Hindi nila nakakamit ang alinman sa mga bagay na ito. Ang pag-uugali at pagsasagawa ng panlilihis ng mga tao ay talagang negatibo sa halip na positibo. Ang mga taong nailihis ay talagang nalinlang; hindi nila nauunawaan ang mga aktuwal na katunayan, ang tunay na sitwasyon, o ang tunay na konteksto, at pagkatapos ay pinipili nila ang maling landas at direksyon, at ang maling tao para sundan. Ito ang epekto ng panlilihis sa mga taong nahuhulog dito. Katulad ito ng mga patalastas sa isang pamilihan: Napakahusay ng pagkakasulat sa mga ito, at kapag nakita ang mga ito ng mga tao, agad nila itong pinaniniwalaan, pero pagkatapos nilang bumili, napagtatanto nilang walang pakinabang ang mga produkto. Pagkakalinlang iyon. Kaya, ano ang layunin sa likod ng pag-asal ng mga anticristo sa paraang nakakapaglihis ng mga tao? Ano ang mga paraang ginagamit nila, ano ang mga salitang sinasabi nila, at ano ang mga bagay na ginagawa nila upang manlihis ng mga tao? Pag-usapan muna natin ang layunin nila. Kung wala talaga silang layunin, kakailanganin ba nilang magsikap o magsabi ng magagandang bagay para mang-akit at manlihis ng mga tao? May kasabihan ang mga walang pananampalataya, “Walang libreng tanghalian.” Kung hindi mo makikita ang totoo rito, malilinlang ka. Ganito talaga kabuktot ang mundo, nagpapakana ang mga tao laban sa isa’t isa at inaabuso nila ang isa’t isa. Ganito ang buhay ng tiwaling sangkatauhan. Bakit pinagsisikapan ng mga anticristo ang pagsasalita nang paliguy-ligoy upang manlihis ng mga tao? Nagsasalita at kumikilos sila nang may malinaw na layunin, na ito ay ang makipagkompetensiya para sa kapangyarihan at kontrol sa mga tao—walang duda ito. Walang pinagkaiba ang mga layunin nila sa mga layunin ng mga politiko. Kaya, anong mga estratehiya ang ginagamit ng mga anticristo para manlihis ng mga tao? Paano nila ito ginagawa? Una, ineengganyo ka nilang magustuhan sila. Sa sandaling maganda na ang impresyon mo sa kanila, hindi ka na mag-iingat laban sa kanila: Pagkakatiwalaan mo na sila, at pagkatapos ay tatanggapin mo na ang kanilang pamumuno at bukal sa loob kang sumusunod sa kanila. Magiging handa kang makinig sa anumang sabihin nila at anumang ipagawa nila sa iyo. Ano ang ibig sabihin ng kahandaang makinig na ito? Ibig sabihin nito ay hindi pagsasagawa ng pagkilatis, at pakikinig at pagsunod nang walang mga prinsipyo. Maisasakatuparan ba ng mga anticristo ang epekto ng panlilihis sa mga tao gamit ang mga salita o paraan ng pagkondena? Talagang hindi. Kaya, anong mga paraan ang karaniwan nilang ginagamit upang maisakatuparan ang epektong ito? Kadalasan, gumagamit sila ng mga salitang naaayon sa mga kuru-kuro ng tao pati na ng mga doktrina ng sentimyento ng tao. Minsan ay nagsasalita rin sila ng ilang salita at doktrinang naaayon sa katotohanan. Ginagawa nitong madali para sa kanilang maisakatuparan ang layon nilang manlihis ng mga tao, at malamang din na tanggapin sila ng mga tao. Halimbawa, kapag ang mga kapatid ay may ginagawang mali, nagdudulot ng mga kalugihan sa gawain ng iglesia, at negatibo ang pakiramdam at nanghihina, hindi nakikipagbahaginan sa katotohanan ang mga anticristo para suportahan at tulungan ang mga ito. Sa halip, sinasabi nila, “Karaniwang pangyayari sa mga tao ang manghina—normal ito. Madalas din akong mahina. Hindi naaalala ng diyos ang mga bagay na ito.” Sa realidad, alam ba nila kung naaalala ng Diyos ang mga bagay na ito o hindi? Hindi, hindi nila alam. Sinasabi nila, “Hindi mahalaga kung hindi napangasiwaan nang maayos ang bagay na ito. Itama mo na lang ito sa susunod. Hindi ito alam ng sambahayan ng diyos, at walang nagtatanong dito. Basta’t hindi ko ito iuulat sa nakakataas, hindi ito malalaman ng nakakataas na pamunuan, at tiyak na hindi ito malalaman ng itaas, at pagkatapos ay hindi rin ito malalaman ng diyos—samakatwid, hindi bibigyang-pansin ng diyos ang usaping ito. Tayong lahat ay mga tiwaling tao; may katiwalian ka, at ganoon din ako. Bilang lider, para akong isang magulang: Responsabilidad ko ang anumang pagkakamaling nagagawa ninyo. Kasalanan ko ang pagkakaroon ng mababang tayog at na hindi ko nagagawang suportahan at tulungan kayo, na humantong sa inyong paggawa ng mga maling bagay. Kung may mas mataas na tayog ako, natulungan ko sana kayo, at hindi sana kayo nagkamali. Nasa akin ang pananagutan sa bagay na ito. Kahit na puwedeng nakapagdulot ito ng kaunting kawalan sa gawain ng iglesia, puwedeng tayo mismo ang magproseso nito, at iyon na ang magiging katapusan ng usaping ito. Walang dapat magtanong tungkol sa usaping ito, at walang dapat mag-ulat nito sa nakakataas; atin-atin na lang ito. Kung hindi ko ito babanggitin sa ibang kapatid, walang mag-uulat nito sa mga nakakataas, at kakalimutan na ang usaping ito. Kailangan lang nating magdasal at sumumpa sa harap ng diyos na hindi na natin kailanman uulitin ang ganitong bagay o ang ganitong pagkakamali. Bilang lider, may responsabilidad akong protektahan kayo. Napakatayog ng diyos—makatotohanan bang hilingin natin ang kanyang proteksyon? Isa pa, hindi pinagkakaabalahan ng diyos ang maliliit na bagay na ito sa buhay ng mga tao, kaya ang responsabilidad ng pagprotekta sa inyo ay lubos na nagiging pananagutan ko bilang isang lider. Mababa ang tayog ninyo, kaya aakuin ko ang pananagutan kung magkakamali kayo. Huwag kayong mag-alala, kung darating ang panahon na talagang magkakaroon ng problema, at matutuklasan o malalaman ng itaas ang tungkol dito, ipaglalaban ko kayo.” Kapag narinig ito ng mga tao, iisipin nila, “Mabuti ito! Alalang-alala ako sa pag-ako ng responsabilidad—napakabuti ng lider na ito!” Hindi ba’t nailihis na sila? May anumang bagay bang naaayon sa katotohanan sa sinabi ng mga anticristo? May anumang bagay bang kapaki-pakinabang o nakakapagpalakas sa mga tao? May anumang bagay bang nangangasiwa sa mga usapin batay sa mga prinsipyo? (Wala.) Kaya, anong uri ng mga salita ang mga ito? Ang mga ito ay mga salitang gumagamit ng mga sentimyento, pakikiramay, at kapatawaran ng tao upang bumuo ng mga ugnayan, nagbibigay-diin sa mga damdamin at pakikipagkaibigan, para dalhin ang relasyon sa isang partikular na antas, ipinaparamdam sa mga tao na ang mga anticristo ay partikular na maunawain, partikular na mapagpatawad at mapagparaya sa mga tao. Pero walang mga prinsipyo o mga katotohanan dito. Ano ang mababaw na pang-unawang ito? Pagbabale-wala lang ito sa mga bagay-bagay, para itong panunuyo ng isang bata. Anong mga estratehiya ang ginagamit dito? Panunuyo, panlilinlang, pagbuo ng mga koneksyon, pagbabale-wala sa mga bagay-bagay, at pagkukunwaring isang mabuting tao, lahat sa kapinsalaan ng mga interes ng mga kapatid, at pagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, upang maisakatuparan ang layon nilang manloko at manlihis ng mga tao. Ano ang pangwakas na kahihinatnan nito? Idinudulot nito sa mga taong lumayo sa Diyos, mag-ingat laban sa Diyos, at mas mapalapit sa mga anticristo. Kahit pagkatapos mailihis, sinasabi ng mga taong ito, “Pagkatapos ng pagkakamali kong iyon, alalang-alala ako. Maraming beses akong nagdasal sa Diyos, pero hindi Niya pinagaan ang loob ko. Nanghina at nabalisa ang puso ko, at wala akong mahanap na kalutasan sa Diyos. Pero ngayon ay ayos na ito; basta’t lalapit ako sa lider, malulutas ang lahat ng problema ko. Talagang napakasuwerte kong magkaroon ng ganoong lider. Ang lider namin ay mahusay kaysa sa sinuman!” Sa puntong ito, nalipat na ang kanilang mga puso at pananaw sa mga anticristo, at nakontrol na sila ng mga ito. Paano sila nakontrol ng mga anticristo? Dahil nakakahanap sila ng pakiramdam ng kapanatagan sa mga anticristong ito. Nakakatanggap sila ng pakikiramay, at sa kaibuturan ng puso nila ay nakakatanggap sila ng kasiyahan at kaginhawahan. Ipinapakita nito na nailihis na sila.

Dati, natuklasan ng Itaas na may isang taong may masamang pagkatao sa isang partikular na iglesia, na palaging gumagawa ng mga nakakagulo at nakakagambalang bagay nang walang anumang tanda ng pagsisisi, kaya sinabi nila sa lokal na lider ng iglesia na alisin ang taong ito. Nang marinig ito ng lokal na lider ng iglesia, naisip niya, “Alisin siya? Kailangan ko itong pag-isipan. Isa siya sa akin—hindi puwedeng basta-basta na lang ninyo siyang aalisin. Kailangan ko siyang ipaglaban. Hindi nauunawaan ng itaas ang tunay na kalagayan ng mga usapin. Talagang sobra naman ang subukan siyang alisin nang ganoon-ganoon lang. Masyado siyang masasaktan!” Sumang-ayon siya sa salita na alisin ang taong ito, pero sa kanyang puso, wala siyang layuning gawin iyon. Alam mo ba kung paano niya ito pinangasiwaan? Pinagbulayan niya ito, “Paano ko pakikitunguhan ang sitwasyong ito sa paraang ang mga taong nasa ilalim ko ay masisiyahan sa akin bilang lider nila at hindi ako kasusuklaman ng itaas?” Pagkatapos itong pag-isipan, nakabuo siya ng plano. Sama-sama niyang ipinatawag ang lahat para sa isang pagtitipon at sinabi, “Ngayong araw, may espesyal na usapin tayong pakikitunguhan. Ano ito? May isang taong hindi masyadong nagugustuhan ng itaas, at gusto nilang alisin ang taong ito. Kaya, ano ang dapat nating gawin tungkol dito? Pagpasyahan nating lahat kung aalisin natin ang taong ito o hindi sa pamamagitan ng botohan.” Binilang ang resulta ng botohan, at mga 80–90 porsiyento ng mga tao ang sumang-ayon na alisin ang taong ito, pero may ilang botong tutol. Hindi natin pag-uusapan kung ang mga tutol na ito ay mga matibay na tagasunod ng masamang tao o kung ginawa nila ito sa ibang kadahilanan, anu’t ano man, may ilang taong hindi sumang-ayon, at hindi nagkakaisa ang opinyon. Pagkatapos ay sinabi ng lider, “Sa pamamagitan ng botohan, napansin kong may mga magkakaibang tinig. Isa itong mahalagang usapin, at dapat nating igalang ang mga tinig na ito. Kailangan nating magsagawa ng demokrasya. Tingnan ninyo kung gaano kaganda ang Kanluraning sistemang demokratiko: Dapat din tayong magsagawa nang tulad niyon sa iglesia, dapat nating pagsikapan sa abot ng ating makakaya na magkaroon ng demokrasya at mga karapatang pantao. Ngayon, dahil may ilang botong tutol, hindi natin puwedeng alisin ang taong ito. Dapat nating igalang ang mga opinyon ng ating mga kapatid. Sino ang mga kapatid? Sila ay hinirang na mga tao ng diyos! Hindi natin puwedeng balewalain ang kanilang mga opinyon. Kahit na isa lang sa hinirang na mga tao ng diyos ang hindi sumasang-ayon, hindi natin puwedeng ituloy ang pag-aalis.” Sa realidad, walang batayan ang sinabi niya, kailanman ay walang ganoong sinabi ang Diyos. Nagsasalita lang siya nang walang katuturan. Kalaunan, nang matuklasan ng Itaas na hindi pa rin naaalis ang masamang tao, hiningi nila sa lokal na lider na madaliin na ito. Nangako siya, na sinasabi “Sige, gagawin ko na ito agad.” Ano ang ibig sabihin ng pangako niya? Ibig sabihin nito ay magpapaliban-liban siya. Inisip niya, “Hinihingi ninyo sa akin na alisin siya, pero hindi ko ito magagawa agad-agad. Malay natin, kung lumipas ang sapat na panahon, baka makalimutan na ninyo ang tungkol dito, at hindi ko na siya kakailanganing alisin.” Kalaunan, sama-sama niyang ipinatawag ang lahat para sa isa pang pagtitipon at isa pang botohan. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan at pagkilatis, naging malinaw sa lahat na kailangan talagang alisin ang taong iyon. Nabawasan ang mga botong tutol, pero may isa pa ring botong tutol sa pag-aalis sa taong iyon. Hindi na naman ito inalis ng lider, na sinasabi, “Hangga’t may isang botong tutol dito, hindi natin siya puwedeng alisin.” Naisip ng karamihan ng mga tao, “Kung iniutos ng Itaas ang pag-aalis, alisin mo siya. Sigurado namang nakikita ng Itaas ang totoo sa bagay na ito? Sigurado namang hindi sila nagkamali?” Isa bang prinsipyo ang pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng Itaas? Ito ba ang katotohanan? (Oo.) Hindi alam ng lider na ito na ito ang katotohanan. Ano ang ginawa niya? Sinabi niya, “May isa pa ring botong laban dito, kaya hindi natin siya puwedeng alisin. Dapat nating lubos na igalang ang mga opinyon ng ating mga kapatid. Ito ang tinatawag na pinakamataas na karapatang pantao.” Kalaunan, nang muling nagtanong ang Itaas tungkol sa usaping ito, patuloy silang pinakitunguhan ng lider sa isang pabasta-bastang paraan at patuloy na nagpaliban-liban. Sa huli, nang makita ng Itaas na hindi niya inaalis ang masamang tao, tinanggal at inalis din nila siya. Ginawa siya ng Itaas na lider, at hindi siya nakinig sa kanila; may awtoridad ang Itaas na gamitin siya at tanggalin siya—isa itong atas administratibo. Kasunod nito, inalis din ang mga kakampi niya. Kailangan bang pagbotohan ng lahat ang mga pagsasaayos ng Itaas? (Hindi.) Bakit hindi? Hindi ninyo maipaliwanag kung bakit; mukhang medyo katulad kayo ng naguguluhang lider na iyon, tama ba? Sabihin ninyo sa Akin, ang mga salita bang ito na ibinabahagi Ko sa inyo ay mga doktrina o mga realidad? (Mga realidad.) Kung isasagawa at ipapatupad ng mga tao ang mga ito, magiging tumpak ba ito? (Oo.) Kung tumpak ito, kailangan ba itong pagbotohan ng lahat? (Hindi.) Makakaagrabyado ba ng isang tao ang Itaas sa pag-uutos na alisin sila? Talagang hindi. Kaya, nang iutos ng Itaas ang pag-aalis sa masamang taong ito, at tumanggi ang lider na isakatuparan ito, ano ang problema rito? (Lantarang paglaban.) Higit pa ito sa basta lantarang paglaban, paglikha ito ng nagsasariling kaharian. Nang iutos ng Itaas ang pag-aalis sa masamang tao, nagpaliban-liban ang huwad na lider at hindi niya ito isinakatuparan, at nagdaos pa nga siya ng botohan at sinukat ang opinyon ng madla. Anong opinyon ng madla ang sinusukat niya? Ano ang opinyon ng madla? Ano ang karamihan? Nauunawaan ba o tinataglay ng karamihan ng mga tao ang katotohanan? (Hindi.) Hindi nagtataglay ng pagkilatis ang karamihan ng mga tao, kaya puwede ba silang maging mga taong nakakaunawa sa katotohanan? Sinukat pa nga ng lider na ito ang opinyon ng madla—talaga bang makakalutas iyon ng anumang problema? Kinakailangan ba ito? Ang karamihan ng mga tao ay walang pagkilatis, at personal na pinamahalaan at iniutos ng Itaas ang pag-aalis sa masamang tao, pero nagpaliban-liban ang anticristong ito at hindi niya inalis ang taong ito, kinakanlong at pinagtatakpan ang isang masamang tao, hinahayaan itong manatili sa iglesia at magdulot ng mga kaguluhan. Saanman may masasamang tao, may kaguluhan at kawalan ng kaayusan. Hindi nagagawa ng mga hinirang ng Diyos ang kanilang mga tungkulin nang normal, at hindi nakakausad ang gawain ng iglesia nang normal. Tanging ang agad na pag-aalis sa masasamang tao ang makakatiyak na uusad nang normal ang gawain ng iglesia. Gayumpaman, sa mga lugar kung saan may hawak na kapangyarihan ang mga anticristo, ang mga taong namiminsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, nagdudulot ng mga kaguluhan, kumikilos sa hindi makatwirang paraan, at gumagawa ng kanilang mga tungkulin nang walang kahit kaunting sinseridad, ay hindi maaalis. Ang mga anticristo ay nagwawala sa paggawa ng di-mabubuting bagay sa iglesia, kinakanlong at pinagtatakpan ang masasamang tao at hindi mananampalatayang iyon. Ano ang palusot nila sa paggawa nito? Ang palusot na mga opisyal sila, kaya sila ang dapat na maging mga panginoon ng ibang tao. Pinoporma nila ang kanilang sarili bilang mga opisyal sa sambahayan ng Diyos, at gusto nilang maging mga panginoon ng ibang tao. Sabihin ninyo sa Akin, sino ang panginoon ng tao? (Ang Diyos.) Ang Diyos at ang katotohanan ang Panginoon ng tao. Walang halaga ang mga anticristong iyon! Gusto nilang maging mga panginoon ng mga taong ito, pero ni hindi nila alam kung sino ang panginoon nila! Hindi ba’t mga kawatan sila? Ginagamit ng mga anticristo ang paraang ito upang sabihin sa mga tao: “Kaya kong maging panginoon ninyo. Kung kayo ay may anumang hinaing, anumang pagkadiskontento, o kung dumanas kayo ng anumang kawalang-katarungan o paghihirap, bilang lider ninyo, kaya ko itong ayusin para sa inyo.” Pagkatapos ay nalilihis ng mga anticristong iyon ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan o sa mga aktuwal na katunayan. Itinuturing sila ng mga ito bilang mga ninuno at Diyos na susundin at sasambahin. Ano ang nararamdaman ng mga nakakaunawa sa katotohanan kapag nakakaharap nila ang ganoong mga anticristo? Nasusuklam at nandidiri sila sa mga ito, sinasabing, “Gusto mong maging panginoon namin at kontrolin kami? Manigas ka! Pinili ka namin bilang lider namin para akayin mo kami sa harapan ng Diyos, hindi sa harapan mo.” Ibig sabihin nito ay nakita na nila ang totoo sa mga pakana ng mga anticristo. Ang mga anticristo ay nanlilihis ng mga tao sa palusot na pagiging mga panginoon ng mga tao, ipinapaisip sa mga tao na naaayon ito sa mga pangangailangan ng mga ito, emosyonal man ito, sikolohikal, espirituwal, o ibang pangangailangan. Ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan o sa mga aktuwal na katunayan ay madalas na nabibiktima ng panlilihis ng mga anticristo, hanggang sa puntong pagkatapos silang mailihis, hindi lang sa baka hindi na nila magawang makabalik at makapagnilay-nilay, kundi baka magsalita pa nga sila para sa mga anticristong iyon at ipagtanggol ang mga ito. Ang katunayang kaya nilang magsalita para sa mga anticristo at ipagtanggol ang mga ito ay sapat na nagpapakita na tunay na silang nailihis—hindi ba’t ito ang kaso? (Oo.) Bakit nananampalataya ang mga tao sa Diyos? Hindi ba’t para magtamo ng kaligtasan? Kung susunod ka sa mga anticristo, hindi ba’t nilalabanan mo ang Diyos at ipinagkakanulo Siya? Hindi ba’t pumapanig ka sa mga puwersang mapanlaban sa Diyos? Kung ganoon, gugustuhin ka pa rin ba ng Diyos? Kung sa pangalan ay susunod ka sa Diyos, pero susunod ka naman sa isang tao, paano ka titingnan at haharapin ng Diyos? Kung tatanggihan mo ang Diyos, hindi ba’t itataboy ka Niya? Kung ni hindi nauunawaan ng mga tao ang kaunting doktrinang ito, mauunawaan ba nila ang katotohanan? Hindi ba’t magulo ang isip ng mga taong ito?

Hindi isang paminsan-minsang pagpapamalas ng mga anticristo ang panlilihis ng mga tao; madalas nila itong ginagawa, ito ang kanilang hindi nagbabagong prinsipyo sa pagkilos, o puwedeng sabihing ito ang kanilang batayan, paraan, at kalakaran sa paggawa ng mga bagay-bagay—ito ang hindi nagbabagong estilo ng kanilang mga kilos. Kung hindi, sino na lang ang titingala sa kanila? Una sa lahat, hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Pangalawa, may masamang pagkatao sila. Pangatlo, wala rin silang may-takot-sa-Diyos na puso. Kaya paano nila nagagawang ganap na sumuko sa kanila, tumingala sa kanila, at humanga sa kanila ang mga tao? Sumasandig sila sa iba’t ibang diskarte at paraan upang magpasikat, ineengganyo ang mga taong tingalain at sambahin sila. Ginagamit nila ang mga paraang ito upang manlihis ng mga tao, binibigyan ang mga ito ng mga partikular na maling impresyon, ipinapakita sa mga ito na espirituwal sila, minamahal nila ang Diyos, nagbabayad sila ng halaga, madalas silang nagsasabi ng mga tamang salita at nagmumungkahi ng mga tamang teorya, at iniingatan nila ang mga interes ng mga kapatid. Pagkatapos, ginagamit nila ang mga maling impresyon na ito upang lumikha sa mga tao ng pakiramdam ng paggalang at paghanga, naisasakatuparan nila ang kanilang layong makapanlihis ng mga tao at mapasunod ang mga ito. Kapag nanlilihis sila ng mga tao nang ganito, naaayon ba sa katotohanan ang mga bagay na ginagawa nila? Bagama’t sinasabi nila ang lahat ng tamang bagay, tiyak na hindi naaayon sa katotohanan ang mga bagay na ginagawa nila. Hindi makikita ng mga taong walang pagkilatis ang problema. Tungkol sa diwa ng panlilihis ng mga tao, dahil sa kanilang mga kilos ay nagiging mahirap para sa mga taong makita na hindi sila naaayon sa katotohanan. Kung makikita ito, hindi ba’t mahahalata ng mga tao ang panloloko nila? Sa realidad, ang ginagawa at ang ibinubunyag nila ay isang huwad na espirituwalidad. Kaya, ano ang pagpapamalas ng huwad na espirituwalidad? Marami sa mga pag-uugali, kilos, at kasabihang nabibilang sa huwad na espirituwalidad ay tila tama, pero sa totoo ay mga panlabas na kilos lang ang mga iyon, at walang kinalaman sa pagsasagawa sa katotohanan. Katulad lang ng mga Pariseong lumaban sa Panginoong Jesus: Hawak nila ang mga Kasulatan at nagdarasal sila nang malakas sa mga kanto, sinasabing “O panginoon ko…,” ipinapakita sa mga tao ang kanilang kabanalan. Ang resulta, sa panahon ngayon naging alternatibong termino na ang “Pariseo” para sa mga taong mapagpaimbabaw. Aling pang-uri ang nilalagay sa unahan ng Pariseo? Mapagpaimbabaw. Sa katunayan, kahit hindi sabihin ang “mapagpaimbabaw,” hangga’t nababanggit ang salitang “Pariseo,” malalaman mo na hindi ito isang positibong salita—katulad ito ng “kawatan” o “diyablo” at taglay ang parehong kahulugan. Tungkol sa huwad na espirituwalidad, sa panahon ngayon, kaunting tao lang ang tumatalakay sa espirituwalidad, at sa tuwing may magbabanggit sa espirituwalidad, ano ang dinaragdag nila sa unahan nito? (Huwad.) Tama, huwad. Sa karamihan ng mga kaso, ang mga pagpapamalas ng mga anticristo na nanlilihis sa mga tao ay talagang mga pagpapamalas ng huwad na espirituwalidad. Ang mga salita, kilos, at pag-uugaling nauugnay sa huwad na espirituwalidad ay tila mabuti, medyo masigasig, at naaayon sa katotohanan. Kapag nakikita nilang nanghihina ang isang tao, kinakalimutan nila ang pagkain nila at nagmamadaling suportahan ito. Kapag nakikita nilang ang isang tao ay may problema sa tahanan, pinababayaan na nila ang mga personal nilang usapin at nagmamadaling tulungan ito. Gayumpaman, ang kanilang pagtulong ay binubuo ng pagbanggit ng mga partikular na tamang salita o mga masarap pakinggan at nakakaunawang salita, pero pagkatapos ng napakaraming talakayan, hindi naman talaga nalulutas ang mga aktuwal na isyu ng taong iyon. Ano ang layunin ng pagkilos nila nang ganito? Sadyang naaantig ang mga tao sa pag-uugali nila, at pakiramdam ng mga ito ay mabuti ang pagkakaroon ng ganitong lider na maaasahan sa mga panahon ng pangangailangan—talagang masaya ang mga ito. Samakatwid, masasabi na hindi lang gumagamit ang mga anticristo ng mga salita upang manlihis ng mga tao, kundi kasabay nito ay gumagamit din sila ng iba’t ibang pag-uugali upang ilihis ang mga ito, upang mapaniwala ang mga tao na masyado silang espirituwal, pambihira, at karapat-dapat sa tiwala at pagsandig ng mga ito. Puwede pa ngang isipin ng ilan, “Parang masyadong abstrakto ang pananampalataya sa Diyos, pero ang pananampalataya sa aming lider ay praktikal. Lubos itong tunay at totoo: Mahahawakan at makikita mo siya, at kapag may mga bagay kang pinakikitunguhan ay puwede mo siyang tanungin at kausapin nang direkta. Talagang maganda iyon!” Sa pagkakamit ng ganoong mga resulta, naabot ng mga anticristo ang mga layunin nila, pero ang mga taong nailihis nila ay nauuwing miserable. Pagkatapos mailihis ng mga anticristo sa loob ng ilang panahon, kapag ang mga taong ito ay muling humarap sa Diyos, hindi na nila alam kung paano magdasal o buksan ang puso nila sa Kanya. Higit pa rito, kapag nagsasama-sama ang mga taong ito, sila ay nagbobolahan, nagkukunwaring espirituwal, at nanlilihis at nandaraya sa isa’t isa. Sa huli, sinasabi pa nga ng mga anticristo, “Ang bawat kapatid sa ating iglesia ay nagmamahal sa diyos. Kapag nahaharap sa mga isyu, bawat isa sa kanila ay tumutugon nang tama sa sitwasyon—kahit na maaresto sila ng malaking pulang dragon, kaya nilang lahat na manindigan sa kanilang patotoo. Hindi magkakaroon ng kahit isang Hudas sa atin—tinitiyak ko ito!” Ang nangyari, nang maaresto sila, karamihan sa kanila ay naging Hudas. Hindi ba’t isang grupo sila ng mga kawatan? Ginagamit ng mga anticristo ang mga walang kabuluhang salita at islogang ito upang lokohin, ilihis, at dayain ang mga kapatid. Karamihan ng mga tao ay hangal at ignorante, walang pagkilatis, at pinapayagan ang mga anticristo na umasal nang walang pakundangan. Matagal nang binigyang-diin ng mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas kung paano pangangasiwaan ang mga sitwasyon kapag dumating ang mga iyon at kung anong gawain ang isasagawa, na ang layon ay tiyaking magagawa ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos ang kanilang mga tungkulin sa isang ligtas na kapaligiran. Kapag nagkaroon ng mga pag-aresto at pag-uusig, dapat na mabawasan ang mga kawalan hangga’t maaari. Kung ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos ay maaaresto at makukulong, na ganap na mawawala ang kanilang buhay iglesia, hindi ba’t hahantong ito sa kakulangan sa kanilang buhay pagpasok? Kapag hindi nakakakain at nakakainom ng mga salita ng Diyos sa kulungan, magiging ganap ba ang buhay ng isang tao? Kaunting salita lang ng mga himno ang kaya nilang matandaan, at bawat araw ay nakasalalay ang kanilang buhay sa kaunting salitang iyon. Kapag nagdarasal sila sa gabi, nagagawa lang nila ito nang tahimik sa kanilang puso, at hindi sila nangangahas na igalaw ang kanilang mga labi. Ang tanging naiwan sa kanilang puso ay ang mga kaisipang tulad ng, “Huwag kang magtaksil, huwag kang maging Hudas, manindigan ka sa patotoo sa Diyos at luwalhatiin mo Siya, huwag mo Siyang bigyan ng kahihiyan,” wala nang iba—ganoon lang kaliit ang taglay na tayog ng mga tao. Hindi isinaalang-alang ng mga anticristo ang mga bagay na ito. Bakit sila tinawag na mga anticristo? Inaabuso nila ang iba at pinipinsala ang mga kapatid nang walang pag-aatubili! Hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas na gawin ng mga tao ang tungkulin nila sa isang ligtas na konteksto at umiwas sa mga aksidente hangga’t maaari, pero hindi sumusunod ang mga anticristo sa mga pagsasaayos ng gawain na ito kapag ginagawa nila ang kanilang mga trabaho. Sumisigaw at pikit-mata silang kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban, ipinagwawalang-bahala ang seguridad. May ilang hangal na indibidwal na walang pagkilatis at nag-iisip, “Bakit ba palaging binabanggit ng Itaas ang seguridad? Bakit ba takot na takot sila sa mga aksidente? Ano ba ang dapat katakutan? Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos!” Hindi ba’t kahangalan na magsabi ng ganoong mga bagay? Puwedeng mababa ang tayog mo, puwedeng wala kang pang-unawa, at puwedeng hindi mo makita ang totoo sa mga usapin, pero hindi ka puwedeng kumilos nang may kahangalan! Isinaayos ng Itaas kung paano dapat magtipon ang mga tao sa mga partikular na sitwasyon, at kung ano ang mga prinsipyong dapat nilang sundin—para saan ang lahat ng detalyadong pagsasaayos na ito? Ang mga ito ay talagang para protektahan ang mga hinirang ng Diyos, nang sa gayon ay makapagtipon-tipon sila at magawa nila nang normal at ligtas ang kanilang mga tungkulin. Ang seguridad ay nagbibigay-daan sa iyong patuloy na manampalataya sa Diyos, isabuhay ang iyong buhay iglesia at kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang normal. Kung maging ang iyong seguridad ay mawawala, kung maaaresto ka ng malaking pulang dragon, at sa kulungan ay hindi ka makakarinig o makakapagbasa ng mga salita ng Diyos, hindi makakaawit ng mga himno, at hindi ka makakadalo sa mga pagtitipon—paano ka pa ring makakapanampalataya sa Diyos? Baka maging isa ka lang mananampalataya sa pangalan lang. Walang pakialam ang mga anticristo sa mga usaping ito; wala silang pakialam sa buhay at kamatayan ng mga tao. Alang-alang sa pagbibigay ng kasiyahan sa sarili nilang mga ambisyon at pagnanais, hinihikayat nila ang lahat na tumindig at pikit-matang sumigaw, “Hindi kami natatakot sa mga pangyayari—nasa amin ang diyos!” Walang anumang nauunawaan ang mga hangal na tao at nalilihis ang mga ito ng mga salitang ito. Ang lahat ng tao ay may mga malabo at walang kabuluhang kaisipan, na nag-iisip, “Nananampalataya kami sa Diyos, at pinoprotektahan kami ng Diyos; kung may mangyari sa amin, may pahintulot ito ng Diyos.” Hindi ba’t walang kabuluhan ang mga salitang ito? Ganito kumilos ang mga anticristo at ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan. Kahit na puwedeng ang mga kapatid ay hindi nakakaunawa, bilang mga lider na madalas na nakikipagbahaginan sa mga pagsasaayos ng gawain, hindi ka dapat maging ignorante sa mga bagay na ito. Dapat mong isakatuparan ang gawain alinsunod sa mga pagsasaayos ng gawain at hindi dapat palaging gustuhing magsalita nang labis para bigyan ng kasiyahan ang mga ambisyon at pagnanais mo, iniisip pa nga na mas maraming taong nakikinig sa iyo, mas mabuti, at mas marami ang naroroon mas nagiging masigasig ang talumpati mo. Upang makuha ang loob ng mga taong nasa ilalim nila at mahikayat ang mga itong makinig sa kanilang direksyon, sama-samang tinitipon ng mga anticristo ang mga taong ito sa libreng oras ng mga ito, nang walang anumang pagsasaalang-alang sa seguridad ng kapaligiran, sa huli ay dinadala ang mga taong ito sa kanilang pagbagsak.

Ang mga anticristo ay bihasa sa pagsasabi ng mga dakilang bagay at sa paggamit ng ilang walang kabuluhan, huwad na espirituwal, at mga teoretikal na batayan upang manlihis ng mga tao. Marami na walang pagkilatis ang basta lang nakikinig sa kanila, at sumusunod ang mga ito sa mga anticristo paano man nila minamanipula ang mga ito, na nagreresulta sa gulo at pagkaaresto. Paano puwedeng lumitaw ang mga kaguluhang ito? Puwedeng sabihin ng ilan na ito ay dahil hindi pinrotektahan ng Diyos ang mga taong ito. Pero hindi ba’t pagrereklamo iyon tungkol sa Diyos? Hindi puwedeng isisi sa Diyos ang usaping ito. Pinahihintulutan ng Diyos na maranasan ng mga tao ang Kanyang gawain sa iba’t ibang sitwasyon. Kung isasakatuparan mo ang iyong pagsasagawa alinsunod sa mga prinsipyong batay sa mga pagsasaayos ng gawain, at kapag pinahihintulutan ng kapaligiran, kahit gaano pa karaming tao ang magtipon-tipon, makakakain at makakainom ka ng mga salita ng Diyos nang normal, mararanasan ang gawain ng Diyos, at magagawa ang mga tungkuling dapat mong gawin, pagkatapos ay aakayin ka ng Diyos at isasakatuparan Niya ang Kanyang gawain sa iyo. Kung lalabagin mo ang mga hinihingi galing sa Itaas at pikit-mata kang kikilos ayon sa sarili mong kalooban, at may mangyari, kahangalan at kamangmangan lang iyon. Hindi nilalayon ng Diyos na ipakulong ang lahat ng tao upang pinuhin sila. Ang Kanyang layunin ay ang maayos na makakain at makainom ng Kanyang mga salita ang bawat tao at makaranas ng Kanyang gawain. Gayumpaman, hindi ito nauunawaan ng mga anticristo. Pinaniniwalaan nila ang sarili nilang lohika, iniisip na sa pamamagitan ng proteksyon ng Diyos, walang dapat katakutan. Wala silang pang-unawa sa mga prinsipyo ng proteksyon ng Diyos at pikit-mata silang sumusunod sa mga patakaran, palaging binibigyang-kahulugan ang Diyos. Maraming tao ang nalilihis nila at kasama nilang kumikilos nang pikit-mata, ipinagwawalang-bahala ang mga pagsasaayos galing sa Itaas, at bilang resulta, may nangyayari—sila ay naaaresto at dumaranas ng pagpapahirap sa kulungan. Anong uri ng tayog ang taglay ng mga taong ito kapag nagkakaroon ng problema? May kaunting sigasig lang sila, nakakaunawa sila ng kaunting doktrina, at kaya nilang sumigaw ng ilang islogan, pero wala silang anumang kaalaman tungkol sa Diyos, wala silang tunay na pang-unawa, kaalaman, o karanasan sa katotohanan, at walang pang-unawa ng kung paano gumagawa ang Diyos upang iligtas ang mga tao. Sumasandig lang sila sa sigasig para sumunod sa Diyos at may kaunting determinasyon. Kaya ba ng mga taong may ganitong uri ng tayog na magbigay ng patotoo kapag sila ay naaresto at nakulong? Talagang hindi. Sa sandaling magtaksil sila, ano ang mga kahihinatnan? Nagsisimula silang mag-isip, “Hindi ba’t makapangyarihan sa lahat ang diyos? Ang lahat ng bagay ay nasa kanyang mga kamay, kaya bakit hindi niya ako iligtas? Bakit hinahayaan niya akong magdusa nang ganito? May diyos nga ba talaga? Posible kayang nagkamali kami sa pagiging masyadong masigasig? Kung nailigaw kami ng aming mga lider, bakit hindi sila dinidisiplina ng diyos? Bakit kami dinala rito ng diyos? Bakit pinahintulutan niyang maharap kami sa ganitong pangyayari?” Nagsisimulang lumitaw ang mga paninisi, na agad sinusundan ng pagtatatwa sa Diyos: “Ang mga kilos ng diyos ay hindi naaayon sa kalooban ng tao. Puwedeng hindi palaging tama ang kanyang mga kilos, at puwedeng hindi naman talaga siya ang katotohanan.” Sa huli, pagkatapos magdusa nang labis at pagtiisan ito sa loob ng ilang panahon, kahit ang kaunting doktrinang kanilang nalalaman at ang kaunting sigasig na taglay nila ay naglalaho. Itinatatwa nila ang Diyos at nawawalan sila ng pananalig, nagiging Hudas pa nga. Pagkatapos mapalaya sa kulungan, iniisip pa nga nila, “Ngayon ay hinding-hindi ko na ulit kailangang alalahanin ang mga pangyayari. Tingnan ninyo kung gaano kaganda ang kalagayan ng mga taong hindi nananampalataya sa diyos: Mayroon silang labis-labis na kalayaan doon sa labas. Anong ginagawa natin na nananampalataya nang palihim? Kung ipinagbabawal ng bansa ang pananampalataya, itigil na lang natin ang pananampalataya.” Kalaunan ba ay kaya pa ring manampalataya sa Diyos ng ganoong mga tao? (Hindi na.) Bakit hindi na nila kaya? Hindi na sila gusto ng Diyos. Minsan ka lang pipiliin ng Diyos, at nawala na ang tsansa mo, kaya hindi ka na gugustuhin ng Diyos sa pangalawang pagkakataon. Ano ang pag-asa ng ganoong mga tao na magkamit ng kaligtasan? Wala, wala nang natitirang pag-asa. Ito ang kahihinatnang sa huli ay idinudulot ng mga anticristo sa pamamagitan ng pag-asal nang walang pakundangan at paggamit ng mga partikular na huwad na espirituwal na teorya upang manlihis ng mga tao, na nagdudulot sa mga itong maghangad ng panlabas na espirituwalidad at sigasig. Ano ang kinahinatnan? (Nasira sila.) Kung ililigtas man ng Diyos ang mga taong ito o hindi ay desisyon ng Diyos, pero kahit papaano sa ngayon, tila kapag umabot na sa puntong ito ang landas ng mga tao sa pananalig sa Diyos, ang mga kinabukasan at destinasyon nila ay talagang nasira. Kapag ang lahat ng ito ay nauwi rito, sino ang nagdulot nito? Ang mga anticristo ang nagdulot nito. Kung hindi sila masyadong pikit-matang kumilos sa halip ay kumilos sila alinsunod sa mga pagsasaayos ng gawain, pinangungunahan ang mga kapatid alinsunod sa mga hinihingi galing sa Itaas, at dinadala ang lahat ng tao sa harapan ng Diyos, hindi sana nangyari ang mga bagay na ito. May pag-asa pa rin ba sanang maligtas ang mga taong ito? (Oo.) Magkakaroon pa rin ng pag-asang maligtas ang mga taong ito. Dahil lubhang lumaki ang mga ambisyon at pagnanais ng mga anticristo, kung walang magpoprotekta sa kanila at makikinig sa kanila, pakiramdam nila ay nakakatamad at nakakainip ang buhay nila. Tinatrato nila ang mga taong iyon na naguguluhan bilang walang halagang tauhan at mga laruang mamanipulahin, pinapasunod silang lahat sa kanilang halimbawa. Pakiramdam nila ay may kakayahan sila at nagtataglay sila ng mga kasiyahan, at na makabuluhan ang buhay na ito. Para bigyan ng kasiyahan ang kanilang mga ambisyon at pagnanais, ginagamit nila ang mga tinatawag na espirituwal at masarap-pakinggang salitang ito upang ilihis ang mga taong sumusunod sa kanila, at pagkatapos mailihis ang mga ito, ginagawang tumaliwas ang mga ito sa tunay na daan at sa mga salita ng Diyos, ilayo ang mga sarili nito sa Diyos at sumunod sa kanila, at tahakin ang landas ng mga anticristo. Ano ang pangwakas na resulta? Nasira ang mga kinabukasan at destinasyon ng mga taong ito, at nawala ang tsansa ng mga ito sa kaligtasan. Ano ang mga kahihinatnan kapag ang mga tao ay hindi nananampalataya nang maayos sa Diyos kundi sumusunod sa ibang tao? Naiinggit pa rin ba kayo sa sinumang parang espirituwal? (Hindi na.) Paano naman ang terminong “espirituwal”? Wala itong kabuluhan. Ang mga tao ay sa laman—sila ay mga nilikha. Kung tunay kang espirituwal, hindi na iiral ang iyong laman, at gaano ka na kaespirituwal kung ganoon? Hindi ba’t walang kabuluhang pananalita lang iyon? Kaya, nakita mo, walang batayan ang mismong terminong “espirituwal”; walang kabuluhang pananalita lang ito. Sa hinaharap, kung makakarinig ka ng isang taong nagsasabing naghahangad siya ng espirituwalidad, sabihin mo sa kanya, “Dapat mong hangaring maging isang matapat na tao at ang pamumuhay sa harapan ng Diyos—mas makatotohanan iyon. Kung hahangarin mo ang espirituwalidad, wala itong patutunguhan! Huwag na huwag mong hahangarin ang espirituwalidad; hindi ito isang bagay na hinahangad ng mga tao—talagang wala itong batayan.” Sabihin ninyo sa Akin, pagkatapos manampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon, sino ang naging espirituwal na tao? Ang mga tanyag na tao at mga tagapagpaliwanag ng Bibliya ng mga relihiyon, espirituwal ba sila? Lahat sila ay mga mapagpaimbabaw, wala ni isa sa kanila ang espirituwal. Ginagamit ng mga taong nag-imbento ng terminong “espirituwal” ang walang kabuluhang salitang ito upang manlihis ng iba. Sila ay mga kawatan at diyablo. Anong uri ng tao ang makakapagsabi ng ganoong mga walang kabuluhang bagay? May espirituwal na pang-unawa ba sila? (Wala silang espirituwal na pang-unawa.) Kung ni hindi mo maintindihan kung ano ang dapat hangarin ng mga tao kapag nananampalataya sila sa Diyos o kung saan sila dapat na mapabilang, mauunawaan mo ba ang katotohanan? Isa kang likas na nilikha, isang miyembro ng sangkatauhan na nagawang tiwali ni Satanas. Pagdating sa pagiging kabilang sa isang bagay, nabibilang ka sa laman—iyon ang katangian ng mga tao. Siyempre, kung hinahangad mong maging sa laman, nabibilang ka kay Satanas: Pagtahak iyon sa landas ng mundo. Ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay dapat na maghangad sa katotohanan—tama iyon. Kung hinahangad ng mga taong maging espirituwal o maging pagmamay-ari ng Diyos, maaabot ba nila ang bagay na ito? Kahit paano pa nila ito hangarin, wala itong saysay. Hindi ito ang tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Samakatwid, ang paghahangad na maging espirituwal o maging pagmamay-ari ng Diyos ay isa lang islogan, isang huwad na espirituwal na teorya, na walang kaugnayan sa katotohanan. Kung nananampalataya ka sa Diyos at sumusunod ka sa Diyos, dapat mong isakatuparan nang maayos ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, at magawang magpasakop sa Diyos at magbigay-lugod sa Kanya. Ito ang katotohanang realidad.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.