Ikalimang Aytem: Nililihis, Inaakit, Pinagbabantaan, at Kinokontrol Nila ang mga Tao (Unang Seksiyon)
Karagdagang Babasahin: Ang Kuwento nina Dabao at Xiaobao
Bago natin pormal na simulan ang ating pagbabahaginan sa araw na ito, hayaan muna ninyong magsimula Ako sa isang kuwento. Nasisiyahan ba kayong lahat na makinig sa mga kuwento? (Oo.) Ngayon, may prinsipyo ba sa pakikinig sa mga kuwento? Sa mga kuwentong isinasalaysay, dapat magawa mong maarok ang isang aspekto ng katotohanan, maunawaan ang isang aspekto ng mga layunin ng Diyos, matukoy ang isang aspekto ng kalikasang diwa ng tao, o matuklasan sa kuwento ang katotohanang realidad na dapat isagawa at pasukin ng mga tao. Ito ang kahulugan ng pagsasalaysay ng mga kuwento; hindi ito walang katuturang pagdadaldal, at tiyak na hindi ito tsismis. May ilang tao na, kapag nakikinig sa mga kuwento, ay naaarok lang ang mga pangyayari—anong uri sila ng tao? (Mga taong mahina ang kakayahan.) Ang ibig sabihin ng mahinang kakayahan ay hindi sila nag-iisip; pangunahin, wala silang espirituwal na pang-unawa. Anumang kuwento ang pinakikinggan nila, natatandaan lang nila ang mga pangyayari o nauunawaan ang ilang patakaran mula sa kuwento. Ngunit pagdating sa iba’t ibang katotohanang dapat maunawaan ng mga tao mula sa kuwento, hindi nila naaarok, nauunawaan, o naiintindihan ang mga iyon. Hindi ba’t ang pag-uugaling ito ay nagpapahiwatig ng pinakamababang espirituwal na pang-unawa? (Oo.) Sa inyo, mayroon na bang nagpakita ng ganitong uri ng pag-uugali pagkatapos makinig sa isang kuwento? Pagkatapos itong marinig, wala silang masyadong naunawaan, pakiramdam nila ay walang kabuluhan ang kuwento, at hindi mahalaga kung naikuwento man ito o hindi. May kakayahan bang makaarok ang ganoong mga tao? Kapag nakikinig kayo sa isang kuwento, makakakuha ba kayo ng kaunting pakinabang mula sa mga pangyayaring nakapaloob dito? Hindi mahalaga kung kaya ninyong unawain ang katotohanan mula rito, dapat ninyong maunawaan ang kasasabi Ko lang na prinsipyo tungkol sa pakikinig sa mga kuwento. Ngayon, simulan na natin ang kuwento.
May isang batang lalaking nagngangalang Xiaobao. Kamakailan, may isang partikular na lalaking nagpunta sa bahay niya, at ang lalaking ito ay madalas lumabas upang magpalaganap ng ebanghelyo kasama ang mga magulang ni Xiaobao. Isang araw, umalis ang mga magulang ni Xiaobao upang mag-asikaso ng ilang gawain, iniwan lang ang lalaki at si Xiaobao sa tahanan. Ang susunod na nangyari ay isang interesanteng kuwento. Dahil hindi masyadong kilala ni Xiaobao ang lalaki, nagpasya ang lalaking iyon na lumapit at makipagkaibigan kay Xiaobao habang naglalaro siya. Sinabi nito kay Xiaobao na kilala siya nito at alam pa nga nito ang kanyang pangalan. Natuwa si Xiaobao at naisip niyang hindi puwedeng masamang tao ang lalaki. Pagkatapos, tinanong ng lalaki si Xiaobao, “Xiaobao, kahit kailan ba ay nabanggit ako ng mga magulang mo kapag nag-uusap sila?” Sandaling nag-isip si Xiaobao at sinabi niya, “Hindi ko alam.” Sinabi ng lalaki, “Isa kang matapat na bata. Sinasabi ng mababait na bata kung ano ang nalalaman nila.” Tinanong ulit nito si Xiaobao, “Kahit kailan ba ay nabanggit ako ng mga magulang mo?” Sinabi pa rin ni Xiaobao na hindi niya alam. Nagpatuloy ang lalaki, “Xiaobao, magpakabait ka, kung sasabihin mo sa akin ang totoo, bibigyan kita ng kaunting kendi.” Sandaling nag-isip si Xiaobao pero sinabi pa rin niya na hindi niya alam. Nagbulay-bulay ang lalaki, “Paano ko ba siya mapapagsabi ng totoo?” Sandali itong nag-isip, pagkatapos ay sinabi nito kay Xiaobao, “Xiaobao, ang mga magulang mo ay nananampalataya sa Diyos, at ganoon din ako. Matalik na kaibigan ako ng mga magulang mo. Lahat kaming tatlo ay nananampalataya sa Diyos, at nananampalataya ka rin sa Diyos. Alam mo ba kung anong uri ng mga bata ang gusto ng Diyos?” Pinag-isipan ito ni Xiaobao at sinabi, “Hindi ko alam.” Sinabi ng lalaki, “Gusto ng Diyos ng mga matapat na bata, ng mga batang hindi nagsisinungaling. Kapag may alam silang isang bagay, sinasabi nilang alam nila, at kapag hindi nila alam, sinasabi nilang hindi nila alam. Iyon ang matatawag mong matapat na bata, at gusto ng Diyos ang ganitong mga bata.” Pinag-isipan ito ni Xiaobao at sinabi, “Sige.” Pagkatapos, tumigil na siya sa pagsasabing hindi niya alam. Nagpatuloy ang lalaki, “Kung sasabihin mo sa akin ang totoo, magiging isa kang matapat na bata, isang batang mahal ng Diyos.” Pinag-isipan ito ni Xiaobao at sinabi, “Sige na nga.” Tinanong ng lalaki, “Ano ang ibig sabihin ng ‘sige na nga’?” Sinabi ni Xiaobao, “Ibig sabihin nito ay may sinabi ang mga magulang ko tungkol sa iyo noon.” Pagkatapos, patuloy na nagtanong ang lalaki kung ano ang sinabi at paulit-ulit na sinabihan si Xiaobao na maging matapat na bata at huwag magsinungaling. Sinabi ni Xiaobao, “Sinabi ng nanay at tatay ko na hindi ka mabuting tao. Sinabi nila na hindi ka gaanong matapat, at dapat silang maging maingat kapag nakikipag-usap sa iyo.” Muling nagtanong ang lalaki, “Ano pa ang sinabi ng nanay at tatay mo?” Sumagot si Xiaobao, “Hindi ko matandaan.” “Maging mabait na bata ka!” sabi ng lalaki. Pagkatapos ay sumagot si Xiaobao, “Sinabi ng nanay at tatay ko na hindi nila dapat sabihin sa iyo ang lahat ng bagay.” Pagkatapos, patuloy siyang tinanong ng lalaki, at maraming sinabi rito si Xiaobao. Tumindi nang tumindi ang pagkabalisa ng lalaki at sinabi kay Xiaobao, “Xiaobao, napakabait mong bata, isa kang batang minamahal ng Diyos dahil isa kang matapat na tao at sinasabi mo sa akin ang lahat ng nalalaman mo.” Sa oras na ito, hindi na masyadong nag-iingat si Xiaobao laban sa lalaking ito gaya noong una, at hindi na siya sumasagot ng “Hindi ko alam” sa lahat ng tinatanong nito sa kanya. Gusto niyang sabihin sa lalaki ang lahat, sabihin dito ang anumang hindi nito alam—kailangan lang nitong tanungin si Xiaobao. Ibinunyag din ng lalaki kay Xiaobao, “Ang palayaw ko ay Dabao, kaya nakita mo, Xiaobao ang pangalan mo at Dabao naman ang pangalan ko. Hindi ba’t dapat tayong maging matalik na magkaibigan?” Sumagot si Xiaobao, “Oo.” Sa patuloy nilang pagtatalakayan, napag-usapan nila ang tungkol sa maraming bagay, at habang mas nag-uusap sila ay mas nasisiyahan sila. Nakakuha rin ng kaunting kendi si Xiaobao at hindi na siya naging maingat laban sa lalaki. Pagkatapos, hiningi ito ng lalaki kay Xiaobao: “Sa hinaharap, kung may sasabihin ulit ang nanay at tatay mo tungkol sa akin, puwede mo bang sabihin sa akin?” Sinabi ni Xiaobao, “Oo naman, dahil matalik tayong magkaibigan.” Hindi na nag-iingat si Xiaobao laban sa lalaking ito, at nakuha ng lalaking ito ang impormasyong kailangan nito mula sa kanya. Mula sa araw na iyon, naging matalik silang magkaibigan. Sa tuwing may sasabihin ang nanay at tatay ni Xiaobao tungkol sa lalaki, agad itong sasabihin ni Xiaobao sa lalaki. Nangako rin ang lalaki kay Xiaobao, “Talagang hindi ko sasabihin sa nanay at tatay mo ang tungkol sa ating dalawa—lihim natin ito. Sa hinaharap, kung kailanganin mo man ng masarap na pagkain o ng bagay na masayang laruin, tiyak na bibilhin ko ito para sa iyo. At kung mayroon kang ayaw ipaalam sa nanay at tatay mo, ililihim ko ito para sa iyo.” Kaya, lalo pang napalagay si Xiaobao at buong-pusong pinagkatiwalaan ang lalaki. Ipinagpatuloy niya ang sinserong pakikipag-ugnayan dito, at sila ay naging “tunay na matalik na magkaibigan.”
Iyon ang buong kuwento. Kaunting tauhan lang ang sangkot dito; ang mga pangunahing tauhan ay sina Dabao at Xiaobao. Ang partikular na paksa ay umiikot sa kung paano sinubukan ni Dabao na ilihis, suyuin, at akitin ang batang si Xiaobao, hinihikayat itong sabihin sa lalaki ang mga partikular na impormasyong gusto niyang malaman. Iyon ang uri ng kuwento at diyalogong ito. Ano ang makikita natin mula sa simpleng balangkas at diyalogong ito? Kaninong mga katangian ang pangunahing tinalakay dito? Ang sa bata ba o sa matanda? (Sa matanda.) Kaya, ano ang inilalarawan dito? Ano ang pangunahing paksa ng kuwento? Ang pangunahing paksa ay may kinalaman sa kung paano gumagamit ang matandang ito ng iba’t ibang paraan upang maisakatuparan ang kanyang layon. Naunawaan ba ninyo kung ano ang paraang ginamit niya? (Ang pang-aakit at panlilihis.) Gumamit siya ng mga insentibo upang akitin ang bata at ng mga tamang salita upang ilihis ito, at naengganyo pa nga niya ito. Ano ang ginamit niya upang maengganyo ito? Mga pakinabang—naengganyo niya ang bata gamit ang mga pakinabang. Ang pang-aakit, pang-eengganyo, at panlilihis—binubuo itong pareho ng pang-eengganyo at panlilihis, paggamit ng mga tamang salita upang maengganyo, at pagdadala rin ng bahagyang nagbabantang kalikasan. Puwedeng tama sa pandinig ang mga salita, pero para saan niya ginamit ang mga salitang ito? (Para maisakatuparan ang sarili niyang adyenda.) Ginamit niya ang mga ito upang maisakatuparan ang sarili niyang mga lihim na pakay. Ang mga paraang ginamit niya ay talagang malinaw. Ito ba ang pag-uugaling taglay ng normal na pagkatao? (Hindi.) Kung ganoon ay sa anong aspekto ng tiwaling disposisyon ni Satanas nabibilang ang pag-uugaling ito? (Kabuktutan.) Bakit sinasabi nating sa kabuktutan sa halip na sa panlilinlang? Nasa mas malalim na antas ang kabuktutan kaysa sa panlilinlang; mas mapanira ito, mas malihim, mas mapanlihis, at mas mahirap arukin, at nakapaloob sa kabuktutan ang pang-eengganyo, panunuyo, pang-aakit, pagkuha ng loob, panunuhol, at panunukso. Ang mga kilos at pag-uugaling ito ay sobrang higit pa sa panlilinlang; ang mga ito ay buktot, walang duda. Hindi sinabi ng lalaki, “Kung hindi mo sasabihin sa akin, hahampasin kita, sisipain kita, o papatayin kita!” Hindi siya gumamit ng ganoong mga paraan, at sa panlabas, hindi lumitaw na siya ay may masamang hangarin. Gayumpaman, mas nakakatakot pa nga ito kaysa sa masamang hangarin—ito ay kabuktutan. Bakit Ko sinasabing ito ay kabuktutan? Ang panlilinlang ay karaniwang nahahalata ng karamihan ng tao, pero mas tuso ang paraan niya. Sa panlabas, gumagamit siya ng magalang na pananalita na umaayon sa pagkagiliw ng tao; pero sa realidad, sa kaibuturan, may mga bagay na mas nakatago. Ang mga kilos at paraan niya ay mas nakatago, mas mapanira kaysa sa panlilinlang na karaniwang nakikita at nakakaharap ng mga tao. Ang mga taktika niya ay mas sopistikado, mas mapanlansi, at mas mapanlihis. Ito ay kabuktutan.
Sa pang-araw-araw na buhay, kaya ba ninyong kilalanin ang pagkakaiba at kilatisin ang paghahayag ng buktot na disposisyon ng ibang tao at ang kanilang buktot na pag-uugali? Bagama’t puwedeng maging medyo mahusay makitungo ang mga mapanlinlang na indibidwal, pagkatapos makisalamuha sa kanila sa loob ng ilang panahon, mahahalata pa rin sila ng karamihan ng tao. Gayumpaman, hindi ganoon kadaling mahalata ang mga taong may buktot na disposisyon. Kung hindi mo makita ang diwa o ang mga kahihinatnan, wala kang paraan para mahalata sila. Ang mga buktot na indibidwal ay mas lalo pang mapanira kaysa sa mga mapanlinlang na tao. Wala kang paraan para mahalata sila mula lang sa isa o dalawang pangungusap. Pagdating sa mga taong may buktot na disposisyon, sa kaunting oras o sa maikling panahon ay puwedeng hindi mo mahalata o maunawaan kung bakit nila ginagawa ang partikular na bagay na iyon, kung bakit sila nagsasalita o kumikilos sa ganoong paraan. Isang araw, kapag sila ay lubusan nang nabunyag at ganap nang nailantad, sa wakas ay matutuklasan kung anong uri sila ng tao. Higit pa ito sa panlilinlang lamang—ito ay kabuktutan. Samakatwid, ang pagkilatis sa isang buktot na disposisyon ay nangangailangan ng ilang panahon, at minsan dapat munang makita ang mga kahihinatnan bago ito makikilatis ng isang tao—hindi ito isang bagay na makikilatis agad. Halimbawa, ilang dekada nang nanlilihis ng mga tao ang malaking pulang dragon, at ngayon lang nagkaroon ng kaunting pagkilatis ang kaunting tao. Ang malaking pulang dragon ay madalas na nagsasabi ng mga bagay na pinakamasarap pakinggan at pinakanaaayon sa mga kuru-kuro ng tao, itinataas ang bandera ng paglilingkod sa mga tao para manlihis ng mga tao at ang bandera ng katarungan para magpalayas ng mga taong tumututol, pumapatay ng hindi mabilang na mabubuting tao. Ngunit kaunti lang ang nakakakilatis nito dahil ang sinasabi at ginagawa nito ay mukhang tama sa mga tao. Iniisip ng lahat ng tao na ang lahat ng ginagawa nito ay makatarungan at nararapat, legal at makatwiran, at naaayon sa humanismo. Bilang resulta, nailihis nito ang mga tao sa loob ng ilang dekada. Kapag sa wakas ay nalantad at bumagsak na ito, makikita ng mga tao na ang tunay na mukha nito ay sa diyablo, at ang kalikasang diwa nito ay buktot. Ang malaking pulang dragon ay nanlihis ng mga tao sa loob ng napakaraming taon, at ang lason ng malaking pulang dragon ay nasa lahat ng tao—naging mga inapo na sila nito. May kakayahan ba ang sinuman sa inyong gawin ang mga uri ng bagay na nagawa ng malaking pulang dragon? May ilang taong katulad ng malaking pulang dragon kung magsalita, gumagamit ng napakagagandang salita pero hindi gumagawa ng tunay na gawain. Maganda ang lahat ng salita nila, pero hindi sila gumagawa ng tunay na gawain. Gayundin, partikular silang mapanira at buktot. Pagdating sa ganoong mga tao, kung may sasalungat sa kanila, hindi nila ito palalampasin. Sa malao’t madali, makakahanap sila ng angkop na pagkakataon para maisakatuparan ang layunin nilang maghiganti pero hindi sila bibigyan ng anumang kalamangan. Puwede pa nga nilang pangasiwaan ang usaping iyon nang hindi humaharap at nagpapakita ng kanilang mukha. Hindi ba’t buktot ito? Ang mga buktot na tao ay kumikilos nang may mga prinsipyo, paraan, layunin, motibo, at pakay na partikular na palihim at nakatago. Gumagamit ang mga buktot na indibidwal ng mga pakana upang maminsala ng iba, minsan ay gumagamit sila ng ibang tao upang pumatay para sa kanila, minsan ay pinahihirapan nila ang iba sa pamamagitan ng pang-aakit sa mga itong gumawa ng mga kasalanan, at minsan ay gumagamit sila ng mga kautusan o bumabaling sa lahat ng uri ng kasuklam-suklam na paraan para pahirapan ang iba. Ang mga ito ay pawang pagpapamalas ng kabuktutan, at wala sa mga ito ang mga makatarungan o matapat na paraan. Mayroon bang sinuman sa inyong nagpapakita ng mga pag-uugali o pagbubunyag na ito? Kaya ba ninyong kilatisin ang mga ito? Alam ba ninyong binubuo ng mga ito ang isang buktot na disposisyon? Ang panlilinlang ay kadalasang nakikita sa panlabas: May isang taong nagpapaligoy-ligoy o gumagamit ng mabulaklak na pananalita, at walang nakakabasa ng kanyang iniisip. Iyon ay panlilinlang. Ano ang pangunahing katangian ng kabuktutan? Ito ay na sadyang masarap sa pandinig ang kanyang mga salita, at ang lahat ng bagay ay parang tama sa panlabas. Mukhang walang anumang problema, at mukhang maayos ang mga bagay sa bawat anggulo. Kapag may ginagawa siya, hindi mo siya makikitang gumagamit ng anumang partikular na diskarte, at sa panlabas, walang anumang tanda ng mga kahinaan o kapintasan, pero naisasakatuparan niya ang kanyang layon. Ginagawa niya ang mga bagay sa isang masyadong palihim na paraan. Ganito inililihis ng mga anticristo ang mga tao. Ang ganitong mga tao at bagay ang pinakamahirap kilatisin. May ilang tao na madalas na nagsasabi ng mga tamang bagay, gumagamit ng mga magagandang palusot, at gumagamit ng mga partikular na doktrina, kasabihan, o kilos na umaayon sa pagkagiliw ng tao upang manlinlang ng mga tao. Nagkukunwari silang gumagawa ng isang bagay habang iba ang ginagawa upang maisakatuparan ang kanilang lihim na pakay. Ito ay kabuktutan, pero itinuturing ng karamihan ng mga tao ang mga pag-uugaling ito bilang mapanlinlang. Ang mga tao ay may medyo limitadong pang-unawa at paghimay sa kabuktutan. Ang totoo, mas mahirap kilatisin ang kabuktutan kaysa sa panlilinlang dahil mas palihim ito, at mas sopistikado ang mga paraan at kilos nito. Kung ang isang tao ay may isang mapanlinlang na disposisyon, kadalasan, nahahalata ng iba ang kanyang panlilinlang sa loob ng dalawa o tatlong araw ng pakikisalamuha sa kanya, o nakikita nila ang pagbubunyag ng kanyang mapanlinlang na disposisyon sa kanyang mga kilos at salita. Gayumpaman, ipagpalagay nating buktot ang taong iyon: Hindi ito isang bagay na makikilatis sa loob lang ng ilang araw, dahil kung walang anumang mahalagang pangyayari o espesyal na sitwasyong magaganap sa isang maikling panahon, hindi madaling makakilatis ng anumang bagay mula lang sa pakikinig sa kanyang magsalita. Palaging tama ang mga sinasabi at ginagawa niya, at naglalahad siya ng sunud-sunod na tamang doktrina. Pagkalipas ng ilang araw ng pakikisalamuha sa kanya, puwede mong isipin na ang taong ito ay medyo magaling, nagagawang tumalikod sa mga bagay-bagay at gumugol ng kanyang sarili, may espirituwal na pang-unawa, may mapagmahal-sa-Diyos na puso, at parehong may konsensiya at katwiran sa paraan ng kanyang pagkilos. Pero pagkatapos niyang mangasiwa ng ilang usapin, makikita mong ang kanyang pananalita at mga kilos ay nahahaluan ng napakaraming bagay, ng napakaraming mala-diyablong layunin. Napagtanto mong ang taong ito ay hindi matapat kundi mapanlinlang—isang buktot na bagay. Madalas siyang gumagamit ng mga tamang salita at magagandang parirala na naaayon sa katotohanan at nagtataglay ng pagkagiliw ng tao upang makisalamuha sa mga tao. Sa isang banda, itinatatag niya ang kanyang sarili, at sa isa pa, inililihis niya ang iba, nagkakamit ng katanyagan at katayuan sa mga tao. Ang ganoong mga indibidwal ay labis na mapanlihis, at sa sandaling magkamit sila ng kapangyarihan at katayuan, kaya na nilang manlihis at maminsala ng maraming tao. Lubhang mapanganib ang mga taong may mga buktot na disposisyon. May ganoon bang mga tao sa paligid ninyo? Kayo ba mismo ay ganito? (Oo.) Kung ganoon ay gaano ito kaseryoso? Nagsasalita at kumikilos nang walang anumang katotohanang prinsipyo, lubos na sumasandig sa iyong buktot na kalikasan upang kumilos, palaging nagnanais na manlihis ng iba at mamuhay sa likod ng isang maskara, para hindi makita o makilala ng iba, at para igalang at hangaan nila ang iyong pagkatao at katayuan—ito ay kabuktutan. Ipinapakita ba ninyo ang mga buktot na pag-uugaling ito nang paminsan-minsan lang, o ganito ba kayo madalas? Ganito lang ba talaga kayo, at mahirap ba para sa inyong makawala? Kung paminsan-minsan lang kayo gumagamit ng ganitong mga paraan, puwede pa rin itong mabago. Gayumpaman, kung ganito lang talaga kayo, palaging kumikilos nang mataktika at may panlilinlang, at palaging sumasandig sa mga pakana, kung gayon kayo ang pinakatuso sa lahat ng diyablo. Sasabihin Ko sa inyo ang katotohanan: Ang ganitong mga tao ay hindi kailanman magbabago.
Sa kuwento, ginagamit ni Dabao ang mga paraang ito upang ilihis si Xiaobao at hikayatin ang batang lalaki na sabihin sa kanya ang totoo. Sabihin ninyo sa Akin, sino ang nagturo sa kanyang kumilos nang ganito? Walang nagturo sa kanya. Kaya, saan nagmula ang mga panlilinlang na ito? (Mula sa kanyang kalikasan.) Nagmula ang mga ito sa kanyang kalikasan, sa kanyang tiwaling diwa. Ganoong uri lang talaga siya ng tao. Hindi nga niya pinalagpas kahit ang isang bata—napakakasuklam-suklam! Kung gusto niyang malaman ang katotohanan, puwede niyang tanungin nang direkta ang mga magulang ng bata, o puwede niyang aktibong kilalanin ang kanyang sarili at ilantad ang kanyang puso sa kanila; pagkatapos ay maaari nilang sabihin sa kanya ang totoo. Hindi na kailangang gumamit ng ganoong mga paraan upang gawin ang mga kahiya-hiya at nakakaasiwang bagay na ito nang lingid sa kaalaman ng iba. Ito ang ginagawa ng mga taong may mga buktot na disposisyon. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t kasuklam-suklam ito? (Kasuklam-suklam ito.) Hindi nga niya pinalagpas ang isang bata; ang tingin niya sa bata ay madaling sindakin, lokohin, at dayain, kaya nagplano siya laban dito. Ngayon, kung makakakita siya ng isang taong nasa hustong gulang na matapat at mabait, paano niya ito tatratuhin? Hahayaan ba niya sila? Talagang hindi. Kung makakakita siya ng isang taong katulad niya, isang taong mahilig gumamit ng mga estratehiya sa mga salita at kilos nito, ano ang gagawin niya? (Alam niya na ang taong ito ay kasing-buktot lang niya at puwedeng mag-ingat laban dito, hindi agad nagbubunyag ng anumang bagay.) Bukod sa pag-iingat, ano pa ang puwede niyang gawin? (Makikipagkompetensiya siya.) Makikipagkompetensiya siya nang lantaran at palihim—iyon na iyon. Ito ang pag-uugali ng mga taong may mga buktot na disposisyon. Ang ganitong mga tao ay mahilig makipagkompetensiya sa iba nang lantaran at palihim, at sinasamantala nila ang bawat pagkakataon. Mayroon silang sikat na kasabihan, at kung makakaharap mo ang ganitong mga tao at maririnig mong sabihin nila ito, makakasiguro kang mayroon silang buktot na disposisyon. Ano ang sinasabi nila? Halimbawa, kapag iminungkahi mong makipagtulungan sila sa ibang tao para gawin ang kanilang tungkulin, sasabihin nila, “Oh, hindi ko kayang makipagkompetensiya sa kanya!” Palaging tungkol sa “kompetisyon” ang una nilang naiisip. Ang unang naiisip nila ay hindi tungkol sa kung paano makikipagtulungan sa iba para magawa nang maayos ang trabaho, kundi tungkol sa pakikipagkompetensiya sa kanila. Ito ang sikat na kasabihan nila. Sa anumang grupong panlipunan sila nabibilang, kasama man sila sa mga walang pananampalataya, kapatid, o miyembro ng pamilya, ano ang isang panuntunan nila? Ito ay kompetisyon, at kung hindi nila madadaig ang iba nang lantaran ay gagawin nila ito nang palihim. Ang ganitong uri ng disposisyon ay buktot. May ilang tao na sa panlabas ay puwedeng lumitaw na kaswal na nakikipagkuwentuhan sa iba, pero sa kanilang puso, palihim silang nakikipagkompetensiya, gumagamit ng iba’t ibang paraan at mga diskarte upang hindi tuwirang atakihin at maliitin ang ibang tao. Ang mga taong hindi nakakakilatis nito ay hindi makikita ang totoo sa kanilang mga taktika, at sa oras na makita nila, nagkaroon na ng resulta ang kanilang kompetisyon. Ito ay kabuktutan. Kapag nakikisalamuha sa iba ang mga buktot na tao, ang lahat ay tungkol sa pakikipagkompetensiya nang lantaran at palihim, paggamit ng iba’t ibang pakana, plano, o mga partikular na paraan upang talunin ang iba, pasukuin ang mga ito, at sa huli ay hikayatin ang lahat na sumunod sa kanila. Mula nang umiral ang sangkatauhan hanggang sa ngayon, ang buong kasaysayan ng sangkatauhan ay napuno na ng “kompetisyon.” Sa isa mang malawak na antas sa pagitan ng mga bansa, sa isang mas maliit na antas sa pagitan ng mga pamilya, o sa isang indibidwal na antas sa pagitan ng mga tao, walang grupong hindi puno ng alitan; kung hindi ito lantarang kompetisyon ay palihim ito, kung hindi ito salitang komprontasyon ay pisikalan ito. Ang panahong may pinakamadalas na mga digmaan sa iba’t ibang pangkat etniko sa kasaysayan ng Tsina ay ang Panahon ng Tagsibol at Taglagas at ang Panahon ng Mga Naglalabanang Estado. Karamihan ng mga tanyag na aklat tungkol sa estratehiyang militar ay ginawa noong dalawang panahong iyon, tulad ng mga taktikang nakapaloob sa Ang Sining ng Pakikidigma ni Sun Tzu—ang lahat ng ito ay ginawa noong panahong iyon. Nariyan din ang aklat na Ang Tatlumpu’t Anim na Panlilinlang, na nagdodokumento ng iba’t ibang taktika na ginagamit sa pakikidigma. Ang ilan sa mga estratehiya at taktikang militar na ito ay ginagamit pa rin sa panahon ngayon. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang ilan sa mga estratehiya nito? (Ang Estratehiyang “Pananakit sa Sarili.”) (Ang Estratehiyang “Panlilihis.”) (Ang Estratehiyang “Kontra-espiya,” Estratehiyang “Siyudad na Walang Tao,” at Estratehiyang “Patibong ng Pulot-pukyutan.”) Ang lahat ng tanyag na estratehiyang ito, nagtatapos man sa “Patibong ng Pulot-pukyutan,” “Siyudad na Walang Tao,” o “Panlilihis,” ay nagsisimula sa “Estratehiya.” Ano ang ibig sabihin ng “estratehiya”? (“Taktika” o “pakana.”) Ipinahihiwatig nito ang mga partikular na mapanira, mapanlinlang, nakatago, o lihim na taktika. Ang mga “taktika” na ito ay walang kinalaman sa pagpaplano—tungkol ang mga ito sa pagpapakana. Ano ang nakikita natin sa likod ng mga taktikang ito? Ang kanila bang mga kilos, kanilang pag-uugali, at ang mga taktika at kaugaliang ito na ginagamit nila sa pakikidigma ay naaayon sa pagkatao at sa katotohanan? (Hindi.) Sa ganitong paraan ba gumagawa ang Diyos? (Hindi.) Talagang hindi. Kaya, kanino kumakatawan ang mga kaugaliang ito? Kumakatawan ang mga ito kay Satanas at sa buktot na sangkatauhang ito. Saan nagmumula ang mga estratehiyang ito ng buktot na sangkatauhan? (Kay Satanas.) Nanggagaling ang mga ito kay Satanas. Puwedeng mahirapan ang ilan na unawain ito, kaya dapat Kong sabihin na nanggagaling ang mga ito sa mga haring diyablo—pagkatapos ay mauunawaan ito ng mga tao. Sino ang mga haring diyablo? Sila ang mga demonyo at si Satanas na muling nagkatawang-laman sa mundo para maghasik ng hindi pagkakasundo at magdulot ng kaguluhan sa sangkatauhan—binuo nila ang mga estratehiyang ito. Sa mga talaan ng gawain ng Diyos, kahit kailan ba ay nakita ninyo Siyang gumamit ng Estratehiyang Siyudad na Walang Tao o ng Estratehiyang Panlilihis? Kasama ba ang mga estratehiyang ito sa plano ng pamamahala ng Diyos? Kailanman ay hindi gumamit ang Diyos ng ganoong mga estratehiya upang pamahalaan ang Kanyang gawain. Ang mga estratehiyang ito ay ginagamit ng kabuuan ng buktot na sangkatauhan. Mula sa isang bansa o isang dinastiya sa isang mas malaking antas, hanggang sa isang tribo o pamilya sa isang mas maliit na antas, at maging hanggang sa mga ugnayan sa pagitan ng mga indibidwal, saan ka man makakita ng tiwaling sangkatauhan, makakakita ka ng alitan. Ano ang pinag-aawayan nila? Ano ang pinagkokompetensiyahan nila? Ano ang layon nila? Ang lahat ng ito ay para sa kapangyarihan, katayuan, at pakinabang—upang makamit ang mga bagay na ito. Naglalaban-laban ang mga bansa para sa kontrol sa mas maraming tao. Naglalaban-laban ang mga tribo para sa teritoryo, mga tao, at soberanya. Naglalaban ang mga indibidwal para sa superyoridad at pakinabang. Saanman may sangkatauhan, may alitan, dahil saanman may sangkatauhan, naroon ang katiwalian ni Satanas. Ang buong sangkatauhan ay nagawang tiwali ni Satanas, kaya ang mundo ay puno ng alitan at pagdanak ng dugo. Sa anumang ginagawa nito, hindi kayang takasan ng tiwaling sangkatauhan ang mga gapos ng disposisyon ni Satanas. Samakatwid, ang buong kasaysayan ng sangkatauhan, sa Kanluran man o sa Silangan, ang bawat bahagi ng kasaysayan nito ay isang napakasamang pagsasalaysay ng buktot na tunggalian ng sangkatauhan. Itinuturing pa nga ng sangkatauhan ang mga bagay na ito bilang maluwalhati. Pinag-aaralan pa rin ng ilang tao ang Tatlumpu’t Anim na Estratehiya ng Tsina sa panahon ngayon. Pinag-aaralan ba ninyo ang mga ito? (Hindi.) Kung sadya mong pag-aaralan ang mga bagay na ito, matututunan ang mga karanasan, aral, diskarte, paraan, at teknik na nilalaman ng mga ito para pagyamanin ang utak mo, at gagawin ang mga itong bahagi ng iyong mga kasanayan upang mabuhay, talagang mali iyon. Hindi maiiwasang mas mapapalapit ka kay Satanas, nagiging lalo pang buktot, lalo pang masama. Gayumpaman, kung kaya mong baguhin ang iyong perspektiba at himayin, kilatisin, at ilantad ang mga ito alinsunod sa mga salita ng Diyos, anong uri ng resulta ang makakamit mo? Lalo mo pang kapopootan si Satanas, at lalo mo pang mauunawaan at kapopootan ang iyong sarili. Ano pa ang mas magandang kalalabasan? Ito ay ang tanggihan si Satanas at maging desididong sumunod sa Diyos. Ginagamit ni Satanas ang mga tinatawag na tradisyonal na kulturang ito at ang lahat ng uri ng kaalaman at teorya na naipon ng sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon para ituro at itanim sa mga tao, naglalayong gawing tiwali at kontrolin ang mga ito sa isang mas malalim na antas. Kung magiging dalubhasa ka sa mga bagay na ito at malalaman mo kung paano gamitin ang mga ito, magiging isa kang nabubuhay na Satanas, at lubusan kang ititiwalag ng Diyos.
Kapag nagbabahagi tungkol sa pag-unawa sa sarili sa mga nakaraang pagtitipon, karamihan ng mga tao ay madalas magbanggit sa usapin ng isang mapagmataas na disposisyon, na siyang pinakakaraniwang tiwaling disposisyon, at laganap ang pag-iral nito. Ano pang ibang tiwaling disposisyon ang medyo karaniwan? (Ang panlilinlang at pagiging mapagmatigas.) Ang panlilinlang, pagiging mapagmatigas, pagtutol sa katotohanan, at kalupitan—ang mga ito ang mga bagay na madalas makaharap ng mga tao. Ang kabuktutan ay mas madalang makita, at hindi ito masyadong kinikilala. Masasabi na ang isang buktot na disposisyon ang pinakamahirap na makilala, at isa itong malalim na nakatago at medyo malihim na uri ng tiwaling disposisyon, hindi ba? Halimbawa, ipagpalagay nating may dalawang taong nakatira nang magkasama, at walang sinuman sa kanila ang nagmamahal sa katotohanan o naghahangad dito, hindi rin sila tapat sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Sa panlabas, ang dalawa sa kanila ay puwedeng lumitaw na magkasamang nabubuhay nang magkasundo nang wala talagang mga isyu. Gayumpaman, sa kaibuturan, walang sinuman sa kanila ang naghahangad sa katotohanan, at umiiral pa rin ang iba’t ibang tiwaling disposisyon, bagama’t hindi mo nakikita ang mga iyon. Bakit hindi mo nakikita ang mga iyon? Ito ay dahil ang parehong indibidwal na ito ay partikular na mapanlinlang at tuso sa kanilang mga kilos. Dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan at wala kang anumang pagkilatis, hindi mo makita ang tunay na diwa ng kanilang mga problema. Kaunti lang ang mga katotohanang nauunawaan mo, masyadong mababa ang tayog mo, kaya maraming masalimuot na usapin na wala kang paraan upang maarok, at wala kang magawa upang tulungan ang ibang tao na lutasin ang kanilang mga isyu. Bilang mga lider, ano ang dapat ninyong gawin kapag nakakatagpo kayo ng ganitong mga tao? Kung ilalantad at kikilatisin mo sila, agad ba nila iyong matatanggap? Hindi, hindi nila ito agad matatanggap. Kaya, paano mo dapat pakitunguhan ang ganoong mga tao? May paraan ba para gawin ito? Ano ang prinsipyo sa pakikitungo sa ganoong mga tao? Kung nagtataglay sila ng ilang teknikal o propesyonal na kasanayan para magtrabaho alang-alang sa sambahayan ng Diyos, dapat mo silang tratuhin bilang mga kapatid at humingi sa kanila gaya nito. Gayumpaman, dahil hindi hinahangad ng ganoong mga tao ang katotohanan, kaya ba nilang maging tapat sa paggawa ng kanilang mga tungkulin? (Hindi.) Anong pag-uugali ang nagpapahiwatig na wala silang katapatan? Hindi ba’t mahusay ang ganitong mga tao sa paggawa ng mga bagay para magpakitang-tao? Kapag walang tao sa paligid, hindi sila nagseseryoso at hindi nagmamadali. Sa sandaling may makita silang paparating, binibilisan nila ang pagkilos. Puwede pa nga silang maglabas ng maraming tanong, nagtatanong kung katanggap-tanggap ang ganito o ganyan. Sa sandaling umalis ang taong iyon, tumitigil sila sa paggawa, walang ginagawa, wala talagang isyung ilalabas, at sinasabi pa nga sa puso nila, “Niloloko lang naman kita; hindi ako ganoon kahangal!” Ang lahat ng ginagawa ng ganitong mga tao ay para magpakitang-tao; talagang sanay sila sa pagpapakita ng isang huwad na imahe at mahusay sa pagkukunwari, binibigyan ng huwad na impresyon ang mga tao. Maraming tao ang ilang taon nang nakikisalamuha sa kanila ang hindi pa rin nakakakita sa kanilang tuso at mapanlinlang na diwa. Kapag may ibang nagtatanong tungkol sa kanila, sinasabi pa nila, “Ang taong ito ay medyo mahusay, tinatrato ang lahat nang maayos, hindi kailanman namiminsala ng sinuman, mapagpalugod ng mga tao lang. Kahit na may ginagawang mali ang isang tao, hindi niya ito pinupungusan; patuloy niyang hinihikayat at pinapagaan ang loob ng iba.” Anong mga diskarte at paraan ang ginagamit ng mga taong ito sa kanilang pakikisalamuha sa iba? Gumaganap sila ng papel para ibagay sa pangyayari, kaaya-aya at tuso sila, at karamihan sa mga tao ay nagsasabing mabuti silang tao. May ganito bang mga tao sa paligid ninyo? (Oo.) Ang lahat ng tao ay may tendensiyang magbunyag ng mga sarili nilang tiwaling disposisyon, pero labis na ikinukubli ng mga indibidwal na ito ang kanilang sarili, ginagawang imposible para sa sinuman na matukoy ang kanilang mga isyu. Hindi ba’t isa itong problema? Sa kasaysayan, may ilang emperador na gumawa ng maraming masamang gawa, pero tinatawag pa rin silang mga matalinong tagapamahala ng mga sumunod na henerasyon. Bakit ganoon ang mga pananaw ng mga tao sa kanila? Hindi ba’t nagsikap sila at gumawa ng mga bagay-bagay para maingatan ang sarili nilang reputasyon? Sa isang banda, gumawa sila ng ilang mabuting bagay alang-alang sa sarili nilang mga tagumpay sa politika, habang sa kabilang banda, binaluktot nila ang kasaysayan at pinatay ang mga taong nagsulat ng katotohanan at mga katunayan tungkol sa kanila para itago ang mga ginagawa nilang masama. Gayumpaman, kahit paano pa nila sinubukang pagtakpan ang mga iyon, walang duda na may mga tala ng kanilang mga gawa. Hindi nila kayang patayin ang lahat ng taong nakaalam ng katotohanan. Kalaunan, ang mga bagay na iyon ay paunti-unting isiniwalat ng mga sumunod na henerasyon. Nang malaman ito ng mga tao, pakiramdam nila ay nadaya sila. Sa pamamagitan ng pagsisiwalat sa mga historikal na katunayang ito, dapat magkaroon ang mga tao ng bagong pang-unawa sa katotohanan tungkol sa buong sangkatauhan. Anong uri ng pang-unawa? Mula sa mga monarka hanggang sa mga karaniwang tao, ang buong sangkatauhan ay nasa mga kamay ng buktot, ginawang tiwali ni Satanas para ang bawat tao ay mas buktot kaysa sa kasunod. Walang sinumang hindi masama, walang sinumang hindi marumi. Lahat sila ay nakagawa ng maraming masamang bagay; medyo buktot silang lahat, walang sinuman sa kanila ang mabuti. Sinasabi ng ilan, “Sa bawat dinastiya, may ilang matuwid na opisyal. Maituturing bang buktot ang mga matuwid na opisyal na ito?” Kung nananampalataya ka sa Diyos sa ilalim ng awtoridad ng mga matuwid na opisyal na ito, tingnan mo kung aarestuhin ka nila o hindi. Kung magpapatotoo ka sa kanila tungkol sa Diyos, obserbahan mo ang saloobin nila. Malalaman mo agad kung buktot sila o hindi. Ang pagpapakita at gawain ng Diyos, pati na ang katotohanang Kanyang ipinapahayag, ay nagbubunyag ng tunay na pagkatao ng mga tao higit sa anupaman. Maaaring nagkamit na ng mga partikular na tagumpay sa politika ang ilang namumuno at opisyal at nakagawa na ng ilang mabuting kilos, pero ano ang kalikasan ng mabubuting kilos na ito? Sino ang nakikinabang sa mga ito? Ang mga ito ay mabubuting kilos na hinihingi ng namumunong uri. Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang mabubuting kilos na ginagawa nila? Ang mga “tagumpay sa politika” bang ito ay pagsasagawa sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos? Talagang hindi. Ang kanilang mga tagumpay sa politika at mabubuting kilos ay talagang walang kaugnayan lahat sa katotohanan o sa pagpapasakop sa Diyos. Kung anong mabubuting kilos at tagumpay sa politika mayroon sila ay udyok lahat ng kanilang mga layunin at motibo; ginawa ang lahat ng ito para habambuhay silang maging tanyag at purihin ng iba. Samakatwid, kahit gaano pa karaming kilos ang gawin nila o gaano karaming tagumpay sa politika ang maipon nila, hindi ito makakapagpatunay na sila ay mabubuting tao na may mabuting puso, o na kailanman ay hindi sila nakagawa ng masama o na hindi sila nagtataglay ng buktot na kalikasan. Malinaw ba sa iyo kung anong uri ng tao ang mga taong ito sa paningin ng Diyos? Magagamit ba ninyo ang mga usaping ito para maunawaan ang inyong sarili? Nakikisali ba kayo sa ganoong mga gawain, kung saan gusto ninyong magpasikat sa sandaling makagawa kayo ng mabuti, tinitiyak na alam ito ng lahat, pagkatapos sa panlabas ay sinasabing hindi dapat maging mayabang o mapagmataas ang isang tao, na dapat na umasal ang isang tao nang may pagpapakumbaba? Halimbawa, pumunta ka sa isang bagong iglesia para gumawa, at hindi alam ng mga tao na nasa posisyon ka ng pamumuno, kaya kailangan mong subukan ang bawat paraan upang ipaalam sa mga tao na isa kang lider, at buong gabi kang nag-iisip nang labis, sa wakas ay nakaisip ng magandang solusyon. Ano ang solusyon? Titipunin mo ang lahat para sa isang pulong at sasabihin, “Sa pagtitipon ngayong araw, magbahaginan tayo tungkol sa kung ako, bilang isang lider, ay kalipikado o hindi. Kung hindi ako kalipikado, puwede ninyo akong ilantad at tanggalin. Kung kalipikado ako, magpapatuloy ako sa papel na ito.” Kapag narinig ito ng lahat, agad nilang malalaman na isa kang lider. Hindi ba’t naisakatuparan mo ang layon mo sa pamamagitan nito? Saan nanggaling ang layong ito? Nagmumula ito sa iyong buktot na kalikasan. Ang pagkakaroon ng mga ambisyon ay isang karaniwang katangian ng tao, pero bagama’t lahat ng tao ay may mga ambisyon, gumagamit ang ilan ng iba’t ibang wika, paraan, at estratehiya sa iba’t ibang pagkakataon at sa iba’t ibang lugar para maisakatuparan ang mga ninanais nilang layon. Kabuktutan ito.
Tungkol sa paksang ito ng buktot na kalikasan, ipagpapatuloy natin ang pagtalakay rito nang madalas. Sa ganitong paraan, magkakamit kayo ng mas masusing pang-unawa sa aspektong ito ng katotohanan at tiwaling disposisyon. Sa isang banda, magagawa ninyong maunawaan ang inyong sarili, at sa isa pa, magagawa ninyong makilatis ang iba’t ibang uri ng tao. Magkakaroon din kayo ng mas malalim na pagpasok sa katotohanan. Kung magbabahagi lang Ako tungkol sa isang pangkalahatang konsepto o sa isang aspekto ng depinisyon, magiging medyo mababaw ang inyong pang-unawa. Gayumpaman, sa pamamagitan ng paggamit sa mga partikular na katunayan at pagbibigay ng mga halimbawa para sa ating pagbabahaginan, puwedeng mas lumalim ang inyong pang-unawa. Halimbawa, ipagpalagay nating may dalawang batang nag-uusap. Tinanong ng isa sa kanila, “Ginawa mo ba ang takdang aralin mo sa araw na ito?” Sumagot ang isa, “Hindi, hindi ko ginawa.” Pagkatapos ay sinabi ng una, “Hindi ko rin ginawa.” Pareho ba silang nagsasabi ng totoo? (Oo.) Nagkakamali ka; nagsisinungaling ang isa sa kanila. Ano ang iniisip niya sa kanyang puso? “Hangal, iniisip mo bang hindi ko talaga ito nagawa? Hindi ako ganoon kahangal! Kung hindi ko gagawin ang takdang aralin ko, mapaparusahan ako. Paanong hindi ko ito ginawa? Sinadya kong ipaisip sa iyo na hindi ko ito ginawa para hindi mo rin ito gawin. Sa huli, mapaparusahan ka, at mapapagtawanan kita.” Masama ba ang batang ito? (Masama siya.) May sinuman ba sa inyong nakagawa na nang ganito? Narito pa ang isang halimbawa: Sa klase noong Lunes, sinabi ng isang estudyante na namili siya noong Linggo, habang sinabi naman ng isa pa na bumisita siya sa mga kaibigan. Sa realidad, pareho silang nag-aaral sa bahay. Lalo na sa isang kapaligirang matindi ang kompetisyon na gaya ng Tsina, sinasabi ang mga bagay na ito para hindi masyadong maging maingat ang kalaban mo at para mahigitan mo siya. Ito ang tinatawag na estratehiya. Pangkaraniwan ang ganitong mga bagay sa pang-araw-araw na buhay. Minsan ang mga magulang at mga anak ay nakikisali sa mga katulad na pag-uusap at nagbubunyag ng mga katulad na disposisyon, na puwede ring ibunyag ng mga magkakaibigan sa isa’t isa. Ang mga pagbubunyag ng disposisyong ito ay mapapansin sa lahat ng dako, kailangan mo lang maging mapagmatyag sa mga iyon. Bakit kailangan mong magmatyag? Hindi ito para sa pangangalap ng materyal, walang katuturang pagdadaldalan, pakikipagtsismisan, o paggawa ng mga kuwento. Sa halip, ito ay upang mapabuti ang iyong pagkilatis, na magpapahintulot sa iyong ihambing ang iyong sarili sa ginagawa ng iba at sa ibinubunyag at ipinapakita nila, para makita mo kung nagpapakita ka ng mga parehong pag-uugali. Kapag nakakita ka ng isang taong nagpapakita ng ganitong uri ng pag-uugali, mauunawaan mong taglay niya ang disposisyong ito. Gayumpaman, kapag nagpapakita ka rin ng ganitong mga pag-uugali, magagawa mo bang makilala na nagtataglay ka rin ng disposisyong ito? Kung hindi mo ito kayang makilala, ang iyong pang-unawa sa kanyang disposisyon ay huwad: Hindi mo ito tunay na naunawaan, o sa ibang salita, wala kang espirituwal na pang-unawa, at hindi mo ito tumpak na naunawaan. Ang mga paksang ito ay hindi lubos na matatalakay sa loob ng ilang araw. Ang pagtalakay ng kaunti rito ay makakatulong sa inyong magkamit ng kaunti, at medyo lalalim ang inyong pang-unawa sa katotohanan. Kung tunay mong minamahal ang katotohanan, magkakaroon ka ng mas malalim na antas ng pagpasok. Ang lalim ng iyong karanasan at pagpasok ay hindi maihihiwalay sa iyong pang-unawa. Ang lalim ng iyong karanasan at pagpasok ay tiyak na magtatakda sa lalim ng iyong pang-unawa. Sa katulad na paraan, maipapakita rin ng lalim ng iyong pang-unawa kung gaano ka kalalim na nagdanas at nakapasok. Magkaugnay ang dalawang ito. Ito ang landas ng pagpasok sa katotohanan, at sa pamamagitan lang ng pagpasok sa katotohanan na makakapagtaglay ka ng realidad. Dito na natin tatapusin ang paksang ito at dadako na tayo sa pangunahing paksa ng pagbabahaginan sa araw na ito.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.