Ikaanim na Aytem: Kumikilos Sila sa mga Tusong Paraan, Wala Sila sa Katwiran at Diktatoryal Sila, Hindi Sila Kailanman Nakikipagbahaginan sa Iba, at Pinipilit Nila ang Iba na Sundin Sila (Ikatlong Seksiyon)
II. Isang Paghihimay sa mga Wala sa Katwiran at Diktatoryal na Pag-uugali ng mga Anticristo, at Kung Paano Nila Pinupuwersa ang mga Tao na Sundin Sila
Kumikilos ang mga anticristo sa isang pamamaraang wala sa katwiran at diktatoryal, hindi kailanman nakikipagbahaginan o nakikipagtalakayan sa iba, ginagawa ang anumang nais nila, at pinupuwersa ang iba na sundin sila. Puwedeng sabihin na anuman ang ginagawa ng mga anticristo, anumang pagsasaayos o desisyon ang ginagawa nila, hindi sila nakikipagbahaginan sa iba, wala silang napagkakasunduan, hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema, at hindi nila hinahanap ang mga prinsipyo na dapat gamitin sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Dagdag pa rito, hindi nila hinahayaan ang mga tao na maunawaan kung bakit nila ginagawa ang mga bagay sa isang partikular na paraan, kaya nalilito at naoobliga ang mga tao na makinig sa kanila. Kung may isang tao na hindi nakakaunawa at na nagtatanong sa kanila tungkol dito, ayaw ng anticristo na makipagbahaginan o magpaliwanag. Ano ang sitwasyong gustong panatilihin ng anticristo sa usaping ito? Walang sinuman ang puwedeng makaalam ng mga detalye; walang sinuman ang may karapatang makatanggap ng impormasyon. Ginagawa niya kung ano ang gusto niya, at ang iniisip niyang tama ang dapat na lubusang ipatupad. Walang karapatan ang iba na magtanong, lalo nang hindi kalipikado ang mga ito na magtrabaho nang may koordinasyon sa kanya; ang papel lang ng mga ito ay ang sumunod at magpasakop. Ano ang tingin dito ng anticristo? “Dahil pinili ninyo ako bilang lider, kayo ay nasa ilalim ng pamamahala ko at dapat kayong makinig sa akin. Kung ayaw ninyong makinig sa akin, dapat ay hindi ninyo ako pinili. Kung pipiliin ninyo ako, dapat makinig kayo sa akin. Ako ang may huling salita sa lahat ng bagay!” Sa mga mata niya, ano ang relasyon sa pagitan niya at ng mga kapatid? Siya ang nag-uutos. Hindi puwedeng suriin ng mga kapatid kung ano ang tama at mali, hindi sila puwedeng magtanong, at hindi sila pinapayagang mag-akusa, kumilatis, mag-usisa, o magduda sa kanya; ipinagbabawal ang lahat ng ito. Kailangan lang ng anticristo na magmungkahi ng mga plano, pahayag, at pamamaraan, at dapat pumalakpak ang lahat ng tao at sumang-ayon nang hindi nagtatanong. Hindi ba’t medyo mapilit ito? Anong uri ng taktika ito? Ito ay wala sa katwiran at diktatoryal. Anong uri ng disposisyon ito? (Malupit.) Sa panlabas, ang “wala sa katwiran” ay tumutukoy sa paggawa ng mga desisyon nang mag-isa, nang may huling salita; at ang ibig sabihin ng “diktatoryal” ay pagkatapos maghusga o magdesisyon nang mag-isa, dapat ipatupad ito ng lahat ng tao nang walang karapatang magkaroon ng mga naiibang opinyon o pahayag, o kahit magtanong. Ang ibig sabihin ng pagiging wala sa katwiran at diktatoryal ay kapag humaharap sa isang sitwasyon, pinag-iisipan at isinasaalang-alang niya mismo ito bago siya magpapasya kung ano ang gagawin. Nagsasarili siyang nagpapasya nang hindi nakikita ng iba tungkol sa kung paano dapat gawin ang mga bagay-bagay, nang walang mungkahi ng sinuman; maging ang mga katrabaho, mga katuwang o mga nakatataas na lider ay hindi puwedeng makialam—ito ang ibig sabihin ng pagiging wala sa katwiran at diktatoryal. Anumang sitwasyon ang harapin nila, ang mga kumikilos nang ganito ay palaging nagpapatuloy sa pamamagitan ng pagmumuni-muni sa mga bagay-bagay at maingat na pag-iisip, nang hindi kailanman nakikipagtalakayan sa iba. Iniisip nila ang ganito at ganyan sa mga utak nila, pero walang nakakaalam kung ano ba talaga ang iniisip nila. Bakit walang nakakaalam? Dahil hindi nila sinasabi. Puwedeng isipin ng ilang tao na ito ay dahil lang sa hindi sila madaldal, pero iyon ba talaga ang kaso? Wala itong kinalaman sa personalidad; ito ay intensyonal na pagpapasya na hindi malaman ng iba. Gusto nilang gawin ang mga bagay-bagay nang sila lang, may mga sarili silang kalkulasyon. Ano ang kinakalkula nila? Umiikot ang mga kalkulasyon nila sa mga sarili nilang interes, katayuan, kasikatan, pakinabang, at katanyagan. Pinag-iisipan nila kung paano sila makakakilos para sa sarili nilang kapakanan, kung paano nila mapoprotektahan mula sa kapahamakan ang katayuan at reputasyon nila, kung paano sila makakakilos nang hindi sila nahahalata ng iba, at ang napakahalaga, kung paano nila maitatago mula sa Itaas ang mga kilos nila, umaasa na sa kalaunan ay makakatanggap sila ng pakinabang nang walang ibinubunyag na anumang kapintasan kaninuman. Iniisip nila, “Kung magkakaroon ako ng panandaliang pagkakamali at may masasabi akong mali, mahahalata ako ng lahat. Kung may isang taong magsasalita nang hindi inaasahan at isusumbong ako sa itaas, puwede akong palitan ng itaas, at mawawala sa akin ang katayuan ko. Bukod dito, kung palagi akong makikipagbahaginan sa iba, hindi ba’t mahahalata ng lahat ang limitado kong abilidad? Bababa kaya ang tingin ng iba sa akin?” Ngayon, sabihin ninyo sa Akin, kapag talagang nahalata sila, magiging mabuti ba iyon o masama? Sa totoo lang, para sa mga taong naghahangad sa katotohanan, para sa mga taong matapat, hindi gaanong mahalaga ang mahalata at medyo mapahiya o masiraan ng reputasyon. Parang hindi sila gaanong nag-aalala tungkol sa mga bagay na ito; parang hindi nila gaanong namamalayan ang mga ito at hindi nila masyadong binibigyan ng halaga ang mga ito. Pero ang mga anticristo ay ang eksaktong kabaligtaran; hindi nila hinahangad ang katotohanan, at itinuturing nila ang katayuan nila at ang pagtingin at saloobin ng iba tungkol sa kanila bilang mas mahalaga pa kaysa sa mismong buhay. Napakahirap hingin sa kanila na sabihin ang naiisip nila o ang katotohanan; baka hindi maging sapat kahit ang pag-aalok ng maraming pakinabang. Kung hihingin sa kanilang ibunyag ang mga sikreto nila o ang mga pribadong bagay, lalo nang mas mahirap iyon—baka nga hindi nila ito gawin kahit pa buhay nila ang maging kapalit. Anong uri ng kalikasan ito? Matatanggap ba ng ganitong tao ang katotohanan? Maliligtas ba sila? Talagang hindi. Kung tutuusin, “Hindi mababago ng isang leopardo ang mga batik nito.”
Binibigyan ng espesyal na importansya ng mga anticristo ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, katayuan, reputasyon, at ang anumang makakapagpanatili ng kapangyarihan nila. Nakikipagbahaginan ka sa kanila, sinasabi na, “Sa paggawa ng gawain ng iglesia, ito man ay mga usaping panlabas o panloob na pamamahala, pagbabago ng mga tauhan, o alinmang iba pa, dapat kang makipagbahaginan sa mga kapatid. Ang unang hakbang para matutong makipagtulungan sa iba ay ang matutong makipagbahaginan. Ang pakikipagbahaginan ay hindi walang saysay na usapan o pagpapahayag lang ng sarili mong pagiging negatibo o paghihimagsik laban sa Diyos. Hindi mo dapat ilabas ang negatibo o mga mapaghimagsik mong kalagayan para impluwensiyahan ang iba. Ang pangunahing punto ay ang magbahagi tungkol sa kung paano makakahanap ng mga prinsipyo sa mga salita ng Diyos at mauunawaan ang katotohanan.” Gayumpaman, gaano ka man magbahagi ng katotohanan, hindi sila nito matitinag at hindi nito mapapabago sa kanila ang kanilang mga prinsipyo at direksyon sa pagkilos at pag-asal. Anong uri ng disposisyon ito? Sa banayad na pananalita, ito ay pagiging matigas ng kalooban; sa marahas na pananalita, ito ay kalupitan. Sa katunayan, akma na tawagin itong malupit. Isipin ninyo ang isang lobo na may kagat na tupa, na tuwang-tuwa sa huli nito; kung makikipagtawaran ka rito, sasabihing, “Bibigyan nalang kita ng kuneho, at pakakawalan mo ang tupa, ayos ba?” hindi ito papayag. Sasabihin mo, “Bibigyan kita ng baka, puwede ba iyon?” Hinding-hindi ito papayag. Kakainin muna nito ang tupa, at isusunod nito ang baka. Hindi ito makokontento sa isa lang; gusto nito pareho. Anong uri ng disposisyon ito? (Gahamang walang kasiyahan at lubhang malupit.) Napakalupit talaga nito! Gaya nito, pagdating sa lubhang malupit na disposisyon ng mga anticristo, hindi epektibo ang pagbabahagi ng katotohanan, pagpupungos o pagpapayo sa kanila. Wala sa mga ito ang makakapagbago ng napakalalim nilang paghahangad ng katayuan o ng pagnanais nilang kontrolin ang iba, maliban na lang kung aakitin mo sila gamit ang mas mataas na katayuan o mas maraming pakinabang. Kung hindi, ang nasa bibig na nilang huli ay hinding-hindi nila pakakawalan. Ano ang ibig sabihin ng ganap na pagtangging ito na bumitaw? Ibig sabihin nito na sa sandaling may partikular na silang katayuan, gagamitin nila ang pagkakataong ito para puspusang gumanap at ipakita ang mga sarili nila. Ipakita ang ano? Ang iba’t iba nilang talento at kaloob, ang kanilang pinagmulan, pinag-aralan, halaga, at ang katayuan nila sa lipunan, ipinagyayabang at ipinangangalandakan kung gaano sila kagaling at kahusay, kung paanong kaya nilang paglaruan at manipulahin ang mga tao, kung paanong kaya nilang udyukan ang mga tao. Pagkarinig dito ng mga taong walang katotohanan o pagkilatis, nadarama nilang napakagaling ng ganitong mga anticristo; bumababa ang tingin nila mismo sa mga sarili nila, at kusang loob silang nagpapasakop sa kontrol ng anticristo.
Ang ilang anticristo ay napakatuso at napakalalim magpakana. Kinakapitan nila ang isang kataas-taasang satanikong pilosopiya, na maging madalang magsalita sa anumang sitwasyon at huwag agad magpahayag ng paninindigan nila sa anumang sitwasyong kinakaharap nila, magsalita lang kapag talagang napilitang gawin ito. Buong ingat lang nilang inoobserbahan ang kilos ng lahat ng tao, na tila ba ang layon nila ay ang lubusang maunawaan at makita nang malinaw ang mga tao sa paligid nila bago sila magsalita o kumilos. Tinutukoy muna nila kung sino ang puwede nilang maging biktima at katulong, at kanino sila kailangang mag-ingat bilang kanilang “kalabang politikal.” Minsan ay hindi sila nagsasalita o naninindigan, nananatili silang tahimik, pero sa loob nila ay nag-iisip at nagkakalkula sila; ang mga indibidwal na ito ay tuso sa puso nila at madalang magsalita. Masasabi ba ninyong ang ganitong tao ay lubos na masama? Kung hindi sila madalas magsalita, paano mo sila makikilatis? Madali ba silang mahalata? Napakahirap nito. Ang puso ng mga ganitong tao ay ganap na puno ng satanikong pilosopiya. Hindi ba’t ito ay tuso? Naniniwala ang mga anticristo na kung masyado silang magsasalita, palaging magpapahayag ng mga paniniwala nila at makikipagbahaginan sa iba, mahahalata sila ng lahat ng tao; iisipin ng mga tao na walang kalaliman ang anticristo, na isang ordinaryong tao lang ito, at hindi nila siya igagalang. Ano ang ibig sabihin ng pagkawala ng paggalang sa anticristo? Ibig sabihin nito ay pagkawala ng kanyang iginagalang na katayuan sa puso ng iba, pagmumukhang pangkaraniwan, ignorante, at ordinaryo. Ito ang hindi nais makita ng mga anticristo. Samakatwid, kapag nakikita niya ang ibang tao sa iglesia na palaging nagtatapat at umaamin ng kanilang pagiging negatibo, paghihimagsik laban sa Diyos, mga pagkakamaling ginawa nila kahapon, o ang hindi matiis na sakit na nadarama nila sa hindi pagiging matapat ngayon, itinuturing ng anticristo ang mga taong ito na hangal at walang muwang, dahil hindi niya mismo kailanman inaamin ang mga ganitong bagay, itinatago niya ang mga kaisipan niya. Ang ilang tao ay hindi palaging nagsasalita dahil sa mahinang kakayahan o simpleng pag-iisip, dahil sa kakulangan ng mga komplikadong kaisipan, pero kapag hindi palaging nagsasalita ang mga anticristo, hindi ito para sa parehong dahilan; ito ay problema ng disposisyon. Madalang silang magsalita kapag nakikipagtagpo sa iba at hindi sila handang magpahayag ng mga pananaw nila sa mga usapin. Bakit hindi nila ipinapahayag ang mga pananaw nila? Una, tiyak na wala silang katotohanan at hindi nila makita nang malinaw ang mga bagay-bagay. Kapag nagsalita sila, puwede silang magkamali at mahalata mismo; natatakot sila na maging mababa ang pagtingin sa kanila, kaya nagpapanggap sila na tahimik at may malalim na kaunawaan, kaya nagiging mahirap para sa iba na timbangin sila, nagmumukha silang marunong at namumukod-tangi. Sa panlabas na ito, hindi nangangahas ang mga tao na maliitin ang anticristo, at dahil nakikita nilang mukhang kalmado at mahinahon ang panlabas ng anticristo, mas tumataas ang tingin nila rito at hindi sila nangangahas na insultuhin ito. Ito ang tuso at buktot na aspekto ng mga anticristo. Hindi sila handang ipahayag ang mga pananaw nila dahil ang karamihan sa mga pananaw nila ay hindi naaayon sa katotohanan, kundi pawang mga kuru-kuro at imahinasyon lang ng mga tao, hindi karapat-dapat na ilantad sa labas. Kaya, nananatili silang tahimik. Sa loob nila, nag-aasam silang makapagkamit ng kaunting liwanag na mailalabas nila para makapagkamit sila ng paghanga, pero dahil wala sila nito, tumatahimik sila at nagtatago tuwing ibinabahagi ang katotohanan, nagtatago sa dilim gaya ng isang multong naghihintay ng pagkakataon. Kapag nakita nila ang iba na nagsasalita ng liwanag, nag-iisip sila ng mga paraan para gawin itong kanila, ipinapahayag ito sa ibang paraan para magmayabang. Ganito katuso ang mga anticristo. Anuman ang gawin nila, nagsisikap silang mapansin at maging nakatataas, dahil doon lamang sila malulugod. Kung wala silang pagkakataon, hindi muna sila magpapapansin, at sasarilinin muna nila ang kanilang mga pananaw. Ito ang pagiging tuso ng mga anticristo. Halimbawa, kapag inilabas ng sambahayan ng Diyos ang isang sermon, ang ilang tao ay magsasabi na ito ay parang mga salita ng Diyos, at iisipin naman ng iba na ito ay mas tulad ng pagbabahagi mula sa Itaas. Sasabihin ng mga simple ang puso kung ano ang nasa isip nila, pero itatago ito ng mga anticristo, kahit na may opinyon sila tungkol dito. Magmamasid sila at maghahandang sumunod sa pananaw ng nakararami, pero sa katunayan sila mismo ay hindi talaga nakauunawa nito. Mauunawaan ba ng mga ganitong tuso at mandarayang tao ang katotohanan o magkakaroon ba sila ng tunay na pagkakilatis? Ano ang malinaw na makikita ng isang taong hindi nakakaunawa sa katotohanan? Wala siyang anumang malinaw na makikita. Ang ilang tao ay hindi nakakaunawa ng mga bagay-bagay pero nagpapanggap na malalim; sa totoo lang, wala silang pagkakilala at natatakot silang mahahalata sila ng iba. Ang tamang saloobin sa ganitong sitwasyon ay: “Hindi namin maunawaan ang bagay na ito. Dahil hindi namin alam, dapat hindi kami magsalita nang hindi nag-iingat. Ang maling pagsasalita ay puwedeng magkaroon ng negatibong epekto. Maghihintay muna ako at titingnan ko kung ano ang sasabihin ng Itaas.” Hindi ba’t iyan ay pagsasalita nang matapat? Ito ay simpleng wika lang, pero bakit hindi ito sinasabi ng mga anticristo? Hindi nila gustong mahalata, dahil alam nila ang sarili nilang mga limitasyon; pero sa likod nito ay may kasuklam-suklam na intensyon—ang hangaan. Hindi ba’t ito ang pinakanakasusuklam? Pagkatapos magsalita ng lahat ng tao, matapos makita na sinasabi ng karamihan na ito ay mga salita ng Diyos at may ilang nagsasabing hindi, nadarama rin ng anticristo na ang sermon ay maaaring hindi mga salita ng Diyos, pero hindi niya ito sasabihin nang tahasan. Sasabihin niya, “Hindi ko puwedeng madaliin ang paghusga sa bagay na ito; sasang-ayon ako sa nakakarami.” Hindi niya aamining wala siyang kabatiran, sa halip ay gagamitin niya ang pamamaraang ito para magpanggap at magtago, habang iniisip na napakarunong niya, na napakagaling ng kanyang mga pamamaraan. Pagkatapos ng dalawang araw, kapag inanunsyo ng sambahayan ng Diyos na ang sermon ay mga salita ng Diyos, agad na sasabihin ng anticristo, “Tingnan mo, ano bang sinabi ko sa iyo? Alam ko nang mga salita iyon ng diyos, pero nag-alala ako sa kahinaan ng ilan sa inyo na hindi nakakilala sa mga iyon, kaya hindi ko iyon masabi. Kung sinabi kong mga salita iyon ng diyos, hindi ba’t kinokondena ko kayo? Malulungkot kayo! Mapapanatag ba ako gayong alam ko kung gaano kayo kahina? Anong uri ako ng lider kung nagkagayon?” Isang eksperto sa pagpapanggap! May mga intensyon at pakay sa likod ng lahat ng sinasabi ng mga anticristo; tuwing ibinubuka nila ang mga bibig nila, ito ay para magyabang tungkol sa mga sarili nila, para ipagmayabang ang mga naabot nila, ang mga nagawa nilang mabubuting gawa dati, at ang mga nakalipas nilang tagumpay. Tuwing nagsasalita sila, tungkol iyon sa mga bagay na ito. Iniidolo sila ng mga taong hindi nakakahalata sa kanila, habang ang tingin sa kanila ng mga nakakahalata sa kanila ay lubhang mapanganib at mapanlinlang—hindi kailanman aamin ang anticristo sa mga pagkukulang nito. Palihim na kumikilos ang mga anticristo at malabo sila kung magsalita; karamihan sa mga sinasabi nila ay walang kabuluhan, at hindi nila mahalata ang anumang bagay o maunawaan ang anumang katotohanan. Ang mas masahol pa, nagpapanggap sila na nauunawaan nila ang katotohanan kahit na wala silang nauunawaan at gusto nilang makisali sa lahat ng bagay, gusto nilang sila ang magpasya at ang magkaroon ng huling salita sa lahat ng usapin, na iniiwan ang mga tao sa paligid nila na walang anumang karapatang makaalam. Anong sitwasyon ang kahihinatnan nito sa huli? Nadarama ng lahat ng taong nakikipagtulungan sa kanila o gumaganap ng tungkulin kasama nila na bagama’t mukha silang tapat at handang magbayad ng halaga sa panlabas, hindi talaga iyon ang kaso. Kahit ang mga naging malapit sa anticristo nang ilang taon ay hindi nakikilatis ang iniisip niya o hindi nalalaman kung ano talaga ang kaya niyang gawin—karamihan ng tao ay hindi siya nahahalata. Pawang mga kasinungalingan at walang kabuluhang salita ang sinasabi niya, mga salitang sinungaling at mapanlinlang. Gusto niyang makilahok sa lahat ng bagay at gumawa ng lahat ng desisyon, pero sa sandaling makapagpasya siya, hindi niya inaako ang anumang responsabilidad para sa mga posibleng resulta, at naghahanap siya ng mga dahilan para mapalusot ang pag-uugaling ito. Pagkatapos magpasya, sa iba niya ipagagawa ang gawain, habang sunod naman niyang pakikialaman ang ibang bagay. Pagdating naman sa kung nasusubaybayan ba ang orihinal na usapin, kung ito ba ay naipatutupad, kung epektibo ba ang pagpapatupad nito, kung may anumang opinyon ba ang karamihan tungkol sa pamamaraang ito, kung nakapipinsala ba ito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o kung may pagkilatis ba rito ang mga kapatid, wala siyang pakialam, kumikilos siya na para bang hindi niya ito inaalala, na wala itong kinalaman sa kanya—wala siya ni katiting na pakialam. Ano ang nag-iisang bagay na inaalala niya? Inaalala lang niya ang mga bagay kung saan siya makakapagpakitang-gilas at makakakuha ng paghanga mula sa iba; hindi niya kailanman pinalalampas ang pagkakataong gawin iyon. Sa gawain niya, wala siyang ginagawa kundi ang mag-utos at magpatupad ng mga regulasyon. Kaya lang niyang makipagtunggalian para sa kapangyarihan at magmanipula ng mga tao, habang nalulugod sa sarili niya at nag-iisip na mahusay siya sa kanyang gawain. Ganap siyang walang kamalayan sa mga kahihinatnan ng kanyang paraan ng paggawa—na napipinsala niya ang hinirang na mga tao ng Diyos, na nagdudulot siya ng mga paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Hinahadlangan niya ang pagpapatupad ng kalooban ng Diyos, at sinusubukan niyang magtatag ng kanyang nagsasariling kaharian.
“Ang pagiging wala sa katwiran at diktatoryal, hindi kailanman pakikipagbahaginan sa iba, at pagpuwersa sa iba na sundin sila”—ano ang pangunahing ipinapahiwatig ng diwa ng pag-uugaling ito ng mga anticristo? Ang disposisyon nila ay buktot at malupit, at nagtataglay sila ng napakatinding pagnanais na kontrolin ang iba, na higit pa sa hangganan ng normal na pagkamakatwiran ng tao. Dagdag pa rito, ano ang pagkaunawa o pananaw at saloobin nila sa tungkuling ginagampanan nila? Paano ito naiiba sa mga taong tunay na gumaganap ng tungkulin nila? Ang mga tunay na gumaganap ng tungkulin nila ay naghahanap ng mga prinsipyo para sa ginagawa nila, na isang pangunahing hinihingi. Pero ano ang pagkaunawa ng mga anticristo sa tungkuling ginagampanan nila? Anong disposisyon at diwa ang nabubunyag sa pagganap nila ng tungkulin? Isang mataas na posisyon ang kinatatayuan nila at minamaliit nila ang mga nasa ibaba nila. Sa sandaling piliin silang mamuno, nagsisimula silang makita ang mga sarili nila bilang mga indibidwal na may katayuan at pagkakakilanlan. Hindi nila tinatanggap ang tungkulin nila mula sa Diyos. Sa sandaling makamit nila ang isang partikular na posisyon, nararamdaman nila na importante ang katayuan nila, na malaki ang kapangyarihan nila, at kakaiba ang pagkakakilanlan nila, kung kaya’t nagagawa nilang maliitin ang iba mula sa mataas nilang posisyon. Kasabay nito, iniisip nila na makapag-uutos sila at makakikilos sila ayon sa sarili nilang kaisipan, at na ni hindi nila kailangang magkaroon ng anumang pag-aalinlangan na gawin ito. Iniisip nila na puwede nilang gamitin ang pagkakataon na gumanap ng tungkulin para matugunan nila ang pagnanais nila sa kapangyarihan, para matugunan ang pagnanais at ambisyon nilang mamahala at mamuno sa iba nang may kapangyarihan. Puwedeng sabihin na pakiramdam nila ay sa wakas may pagkakataon na silang hindi hamunin ninuman ang awtoridad nila. Sinasabi ng ilan: “Ang mga pagpapamalas ng mga anticristo ay pagiging wala sa katwiran at diktatoryal, at hindi kailanman pakikipagbahaginan sa iba. Kahit na may disposisyon at pagpapakita din ng mga anticristo ang aming lider, madalas siyang nakikipagbahaginan sa amin!” Ibig sabihin ba niyan ay hindi siya anticristo? Minsan, kayang magpanggap ng mga anticristo; pagkatapos ng isang beses na pakikipagbahaginan sa lahat ng tao at pag-unawa at pag-arok sa mga kaisipan ng lahat ng tao—pagtukoy kung sino ang umaayon sa kanila at sino ang hindi—kinakategorya nila ang mga ito. Sa mga usapin sa hinaharap, makikipag-usap lang sila sa mga nakakasundo at nakakaayon nila. Madalas ay hindi nila ipinapaalam sa mga hindi umaayon sa kanila ang tungkol sa karamihan ng mga bagay, at baka ipagkait pa nga nila sa mga ito ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Kailanman ay kumilos na ba kayo nang ganito, naging wala sa katwiran at diktatoryal, hindi nakikipagbahaginan sa iba kailanman? Tiyak na nangyayari ang pagiging wala sa katwiran at diktatoryal, pero hindi nangangahulugan na ito ang kaso ng hindi kailanman pakikipagbahaginan sa iba; paminsan-minsan ay maaari kang makipagbahaginan. Gayumpaman, pagkatapos ng pagbabahaginan, magpapatuloy pa rin ang mga bagay-bagay gaya ng sinabi mo. Iniisip ng ilang tao: “Sa kabila ng ating pagbabahaginan, sa totoo lang ay matagal na akong nakagawa ng plano. Nakipagbahaginan ako sa iyo bilang pormalidad lang, para lang ipaalam sa iyo na may mga prinsipyo ako sa ginagawa ko. Akala mo ba ay hindi ko alam ang sukat mo? Sa huli, kailangan mo pa ring makinig sa akin at sumunod sa paraan ko.” Sa katunayan, matagal na silang nakapagpasya sa mga puso nila. Naniniwala sila na, “Magaling akong magsalita at kaya kong paikutin ang anumang argumento para pumabor sa akin; walang sinumang hihigit sa pagsasalita ko, kaya natural lang na susunod sa akin ang takbo.” Napakaaga nilang ginawa ang mga kalkulasyon nila. May umiiral bang ganitong sitwasyon? Ang pagiging wala sa katwiran at diktatoryal ay hindi pag-uugali na aksidenteng naibubunyag paminsan-minsan; ito ay kinokontrol ng isang partikular na disposisyon. Maaaring hindi ito mukhang pagiging wala sa katwiran at diktatoryal sa kanilang paraan ng pananalita o pagkilos, pero mula sa disposisyon nila at kalikasan ng mga kilos nila, talagang wala sa katwiran at diktatoryal sila. Dumadaan sila sa mga pormalidad at “nakikinig” sa mga opinyon ng iba, pinahihintulutang magsalita ang iba, ipinapaalam sa kanila ang mga detalye ng sitwasyon, tinatalakay kung ano ang hinihingi ng salita ng Diyos—pero gumagamit sila ng isang partikular na retorika o parirala para gabayan ang iba na magkaroon ng kasunduan sa kanila. At ano ang pinakahuling resulta? Nabubuo ang lahat ng bagay ayon sa plano nila. Ito ang kanilang mapanirang aspekto; ito rin ay tinatawag na pagpuwersa sa iba na sundin sila, ito ay isang uri ng “banayad” na pamimilit. Iniisip nila, “Hindi ka nakikinig, tama? Hindi mo nauunawaan, tama? Hayaan mo akong magpaliwanag.” Sa pagpapaliwanag, hinahabi at pinaiikot-ikot nila ang mga salita nila, inaakay nila ang iba sa lohika nila. Pagkatapos akayin ang mga tao kung saan-saan, nakikinig ang mga ito at iniisip na, “Tama ang sinasabi mo; magsasagawa kami gaya ng sinasabi mo, hindi na kailangan pang maging masigasig,” at nalulugod ang anticristo. Hindi makilatis ng karamihan sa mga tao ang mga salita nila. May pagkilatis ba kayo? Ano ang dapat ninyong gawin kapag naharap kayo sa ganitong sitwasyon? Halimbawa, kapag naharap ka sa isang bagay, nadarama mong may problema; hindi mo matukoy ang mismong problema sa panahong iyon, pero nadarama mong pinupuwersa kang sumunod. Ano ang dapat mong gawin kung gayon? Dapat kang humanap ng mga nauugnay na prinsipyo, humanap ng paggabay mula sa Itaas, o makipagbahaginan sa tinutukoy na indibidwal. Dagdag dito, ang mga nakakaunawa sa katotohanan ay puwedeng sama-samang talakayin at pagbahaginan ang usaping ito. Minsan, papahintulutan ka ng gawain at gabay ng Banal na Espiritu na maunawaan ang mga problema sa mga mungkahi o teoryang inilalabas ng mga anticristo o ng mga tumatahak sa landas ng mga anticristo, at ang mga itinatago nilang motibo. Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa isa’t isa, puwede kang makaunawa. Pero baka hindi ka nakikipagbahaginan, sa halip ay iniisip mong, “Hindi ito malaking isyu, hayaan mo siyang gawin ang gusto niya. Tutal, hindi naman ako ang pangunahing responsable, hindi ko kailangang mag-abala sa mga bagay na ito. Hindi ako mananagot kung may mangyaring mali; siya ang papasan nito.” Anong uri ng pag-uugali ito? Ito ay pagiging hindi tapat sa iyong tungkulin. Hindi ba’t ang pagiging hindi tapat sa tungkulin ay pagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ito ay parang si Hudas! Kapag nahaharap sa mapang-aping kapangyarihan, maraming tao ang nauuwi sa pakikipagkompromiso at pakikisama sa mga nagtataglay ng kapangyarihang ito, na isang pagpapamalas ng pagiging hindi tapat sa kanilang tungkulin. Nahaharap ka man sa isang anticristo o sa isang taong walang ingat na kumikilos at pumupuwersa sa iyong sumunod sa kanya, ano ang mga prinsipyong dapat mong piliing itaguyod? Anong landas ang dapat mong tahakin? Kung nadarama mong ang ginagawa mo ay hindi tumataliwas o lumilihis sa mga salita ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng gawain, dapat kang manindigan. Ang pagkapit sa katotohanan ay tama at sinasang-ayunan ng Diyos, pero ang pagyuko at pakikipagkompromiso kay Satanas, sa mga buktot na puwersa, sa masasamang tao, ay ugali ng pagkakanulo, ito ay masamang gawa, na kinamumuhian at isinusumpa ng Diyos. Kapag nakaharap ng mga anticristo ang isang taong nakikipagtalo sa kanila, madalas nilang sinasabi, “Ako ang may huling salita sa usaping ito, at dapat itong gawin sa paraan ko. Kapag may maling nangyari, ako ang aako ng responsabilidad!” Anong disposisyon ang kinakatawan ng pahayag na ito? Maaari bang magkaroon ng normal na pagkatao ang taong nagsasalita at nagsasagawa nang ganito? Bakit nila pinupuwersa ang iba na sundin sila? Bakit hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga isyu kapag lumilitaw ang mga ito? Bakit hindi nila matukoy ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan? Pinatutunayan nito na wala silang katotohanan. Natutukoy ba ninyo ang problema sa pahayag na ito? Ang pagsasabi ng mga ganitong bagay ay sapat na para patunayan na taglay nila ang disposisyon ng isang anticristo; ito ay pag-uugali ng isang anticristo. Gayumpaman, ang mas tusong anticristo, sa takot na makilatis ng iba, ay dapat magsalita ng ilang bagay na sinasang-ayunan ng lahat at na mukhang tama para makamit nito ang layon nitong ilihis ang mga tao at magkaroon ng mapanghahawakan. Pagkatapos, pag-iisipan nito kung paano kontrolin ang hinirang na mga tao ng Diyos.
Dapat marami ang mga pagpapamalas ng mga anticristo ng pagiging wala sa katwiran at diktatoryal, dahil ang ganitong uri ng pag-uugali, disposisyon, at kalidad ay makikita sa bawat tiwaling tao, lalo na sa mga anticristo. May naiisip ba kayong ilang halimbawa kung saan naging wala sa katwiran at diktatoryal kayo? Halimbawa, kung sasabihin ng isang tao na bagay sa iyo ang maikling buhok, at sasabihin mong, “Ano ang maganda sa maikling buhok? Mas gusto ko ang mahabang buhok, at gagawin ko kung anong gusto ko,” wala sa katwiran at diktatoryal ba ito? (Hindi.) Iyan ay personal na kagustuhan lang, isang parte ng normal na pagkatao. Gusto ng ilang tao na magsuot ng salamin kahit na hindi naman malabo ang paningin nila sa malayo. Kung may mga taong manghuhusga sa kanila, magsasabi sa kanila na, “Gusto mo lang pumorma, hindi mo naman talaga kailangan ng salamin!” at tutugon sila, “Ano naman kung ganoon nga ako? Susuotin ko pa rin ito!”—wala sa katwiran at diktatoryal ba ito? Hindi, personal na kagustuhan ito, at sa pinakamalala na ay pagiging sutil, at walang anumang problema sa kanilang disposisyon; maaaring tumigil silang magsuot ng salamin pagkatapos ng ilang araw kung gugustuhin nila. Kung gayon, ano ang pangunahing bumubuo sa pagiging wala sa katwiran at diktatoryal? Pangunahing may kinalaman dito ang landas na tinatahak ng isang tao, ang disposisyon niya, at ang mga prinsipyo at motibasyon sa likod ng mga kilos niya. Halimbawa, sa pagsasama ng mag-asawa kung saan mahilig ang asawang lalaki sa mga kotse at may 20,000 yuan lang ang pamilya, at humiram ang asawang lalaki ng pera mula sa kung saanman puwede para bumili ng kotseng hindi naman nila kailangan sa halagang 200,000 yuan, kung kaya’t hindi na makakabili ng pagkain ang pamilya, at hindi man lang alam ng asawang babae ang tungkol sa binili, ang asawang lalaki ba ay naging wala sa katwiran at diktatoryal? Ito nga ay pagiging wala sa katwiran at diktatoryal. Ang ibig sabihin ng pagiging wala sa katwiran at diktatoryal ay hindi pagsasaalang-alang sa mga damdamin, kaisipan, opinyon, saloobin, o pananaw ng iba, pagtutuon lang sa sarili. Sa madaling salita, sa pang-araw-araw na buhay, ibig sabihin nito ay pagpapalugod sa mga kasiyahan at pagnanais ng laman, pagpapalugod ng pagiging makasarili ng isang tao, at kapag may kasangkot nang tungkulin, tumutukoy ito sa pagpapalugod ng ambisyon at pagnanais ng isang tao na maghangad ng katayuan at kapangyarihan. Narito ang isang halimbawa: May isang bahay ang iglesia, at kailangang magtayo ng kalye katabi nito. Ang tamang lapad ng kalye ay dapat batay sa sukat ng bahay at bakuran, parehong nilalayon ang kagandahan nito at ang praktikalidad nito. Sa lawak ng espasyo ng bahay at bakurang ito, kailangang hindi bababa sa dalawang metro ang lapad ng kalye. Sinabi ng nangangasiwa: “Nagpasya na ako, gagawin natin itong isang metro ang lapad.” Sinabi ng iba, “Maraming taong pumapasok at lumalabas dito araw-araw, at minsan may mga dala kaming bagay; hindi puwede ang isang metro, masyadong makipot.” Pero ipinilit ng nangangasiwa ang sarili niyang pananaw, at hindi siya bukas sa talakayan. Pagkatapos nito, nakita ng lahat ng tao na napakakipot ng kalye; hindi ito akma sa bahay at bakuran at hindi praktikal—kailangan itong ulitin, na nauwi sa pag-ulit ng gawain. Pagkatapos ay nagreklamo ang lahat tungkol sa taong ito. Ang totoo, bago magsimula ang paggawa ng kalye, may ilang tao nang tumutol, pero hindi sumang-ayon ang taong ito at ipinilit niya ang sarili niyang pananaw, pinupuwersa ang iba na gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga kagustuhan niya, na nagdulot ng mga ganitong kahihinatnan. Bakit hindi matanggap ng taong ito ang mga mungkahi ng iba? Kapag may mga nagkakaibang opinyon, bakit hindi niya maisaalang-alang ang lahat ng aspekto at mahanap ang tamang pamamaraan? Kung walang sinumang makakausap, ayos lang na gumawa ng sariling desisyon, pero ngayon na may mga taong makakausap at may mas magagandang mungkahi, bakit hindi niya matanggap ang mga ito? Anong uri ng disposisyon ito? May dalawa o higit pang posibilidad: Ang isa ay na hindi nag-iisip ang taong iyon o magulo ang kanyang isip; ang isa pa ay na masyadong mayabang at nagmamagaling ang disposisyon niya, palagi niyang nararamdaman na tama siya, hindi niya kayang tanggapin ang sinasabi ng iba gaano man ito katama—napakayabang nito na nagdudulot ito ng pagkawala ng katwiran. Ibinunyag ng ganito kasimpleng usapin ang disposisyon niya. Ang labis na kayabangan ay nagdudulot ng pagkawala ng pagkamakatwiran. Ano ang ibig sabihin ng pagkawala ng pagkamakatwiran? Anong uri ng bagay ang walang pagkamakatwiran? Walang pagkamakatwiran ang mga hayop. Kung walang pagkamakatwiran ang isang tao, hindi siya naiiba sa isang hayop; walang kakayahan ang isip niya na humusga, at wala itong pagkamakatwiran. Kung naging napakayabang na ng isang tao na nawalan na siya ng katwiran, at wala na siyang pagkamakatwiran, hindi ba’t kapareho lang siya ng mga hayop? (Oo.) Ganoon nga talaga siya; ang ibig sabihin ng kawalan ng pagkamakatwiran ng tao ay hindi siya tao. May taglay bang ganitong pagkamakatwiran ang mga anticristo? (Wala.) Lalo nang wala nito ang mga anticristo; mas masahol pa sila sa mga hayop, mga diyablo sila. Gaya nga nang tanungin ng Diyos si Satanas, “Saan ka nanggaling?” Ang tanong ng Diyos ay talagang napakalinaw; anong mensahe ang ipinarating ng Diyos? (Tinanong Niya si Satanas kung saan ito nanggaling.) Kitang-kita naman na nagtatapos ang pangungusap na ito sa isang tandang pananong; tanong ito, na tumutukoy kay “Satanas” na may paksang “ka”: “Saan ka nanggaling?” Angkop ang gramatika, at madaling unawain ang tanong ng Diyos. Paano tumugon si Satanas? (“Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon” (Job 1:7).) Ito ang kilalang kasabihan ni Satanas. Nagpapakita ba ng anumang pagkamakatwiran ang sagot ni Satanas? (Hindi.) Wala itong pagkamakatwiran. Nang tanungin muli ito ng Diyos kung saan ito nanggaling, inulit lang nito ang parehong sagot, na para bang hindi nito nauunawaan ang mga salita ng Diyos. Kaya bang maunawaan ng mga tao ang sinabi ni Satanas? May anumang pagkamakatwiran ba ang pananalita nito? (Wala.) Wala itong pagkamakatwiran—kung gayon, nakakaunawa ba ito ng katotohanan? Kahit sa ganito kasimpleng tanong mula sa Diyos, tumugon ito nang ganoon; lalo nang hindi nito kayang maunawaan ang mga katotohanang sinasabi ng Diyos. Puwedeng sabihin na wala ring pagkamakatwiran ang mga anticristo; ang lahat ng kumikilos nang tuso, hindi nakakaunawa sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan ay hindi makatwiran. Gaano karami man ang sinasabi mo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan, pagkilos nang ayon sa mga prinsipyo, at paghahanap ng mga prinsipyo at pakikipagbahaginan sa iba habang gumaganap ng tungkulin—na sinasabi nilang nauunawaan at nalalaman nila—pagdating sa pagkilos, hindi nila isinasapuso ang mga salita mo at ginagawa lang nila ang gusto nila. Ito ay makademonyong kalikasan! Ang mga may ganitong makademonyong kalikasan ay hindi nakakaunawa sa katotohanan at walang pagkamakatwiran. Ano ang pinakahindi makatwiran at walang kahihiyang aspekto nila? Nilikha ng Diyos ang mga tao, at pinipili ng Diyos ang mga tao at dinadala Niya sila sa harap Niya para sa anong layunin? Ito ay para ipaintindi at ipaunawa sa mga tao ang mga salita ng Diyos, para ipatahak sa kanila ang tamang landas sa buhay gaya ng idinirekta ng Diyos, at sa huli ay matukoy nila kung alin ang tama at mali, kung alin ang mga positibo at negatibong bagay. Ito ang nilalayon ng Diyos; sa ganitong paraan, ang mga sumusunod sa Diyos ay bumubuti nang bumubuti. At saan aabot ang pagiging di-makatwiran ng mga anticristo? Iniisip nila, “O diyos, dinadala mo ang mga tao sa harapan mo, kaya iyan din ang gagawin ko; puwede kang pumili ng mga tao, at mamatnugot at mamuno sa kanila, kaya ganyan din ang gagawin ko; napapasakop mo ang mga tao at napapakinig mo sila sa iyo, nakakapagbigay ka ng mga direktang utos at napapasunod mo sila sa sinasabi mo, kaya ganyan din ang gagawin ko.” Hindi ba’t di-makatwiran ito? (Oo.) Hindi ba’t ang ibig sabihin ng pagiging di-makatwiran ay wala silang kahihiyan? (Oo.) Sa iyo ba ang mga tao? Dapat ka ba nilang sundin? Bakit sila dapat makinig sa iyo? Isa ka lang sa mga napakaliliit na nilikha, bakit ka nangangarap maging higit sa lahat? Hindi ba’t pagiging di-makatwiran ito? (Oo.)