Ikaanim na Aytem: Kumikilos Sila sa mga Tusong Paraan, Wala Sila sa Katwiran at Diktatoryal Sila, Hindi Sila Kailanman Nakikipagbahaginan sa Iba, at Pinipilit Nila ang Iba na Sundin Sila (Ikalawang Seksiyon)

Isang Paghihimay sa Tuso, Wala sa Katwiran at Diktatoryal na Pag-uugali ng mga Anticristo at Kung Paano Nila Pinupuwersa ang mga Tao na Sundin Sila

I. Isang Paghihimay sa Tusong Pag-uugali ng mga Anticristo

Noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa ika-limang aytem ng pagpapamalas ng mga anticristo—nililihis, inaakit, pinagbabantaan, at kinokontrol nila ang mga tao. Ngayon, magbabahaginan tayo tungkol sa ika-anim na aytem—kumikilos sila sa mga tusong paraan, wala sila sa katwiran at diktatoryal sila, hindi sila kailanman nakikipagbahaginan sa iba, at pinipilit nila ang iba na sundin sila. May pagkakaiba ba sa aytem na ito at sa ikalimang aytem? Pagdating sa disposisyon, walang malaking pagkakaiba; lahat ng pagkilos ng dalawa ay tungkol sa pagsamsam ng kapangyarihan at pagkilos nang walang katwiran at maladiktador. Ang mga disposisyon ay parehong buktot, mapagmataas, pagiging matigas ng kalooban, at malupit; pareho ang mga disposisyon. Gayumpaman, itinatampok ng ika-anim na aytem ang isa pang prominenteng pagpapamalas ng mga anticristo, na ang mga kilos nila ay tuso—tinutukoy nito ang kalikasan ng mga pagkilos ng mga anticristo. Ngayon, una nating talakayin ang salitang “tuso.” Sa panlabas, ang “tuso” ay isa bang mapanghamak o mapagpuring salita? Kung may taong gumagawa ng isang tusong bagay, mabuting bagay ba iyon o masama? (Masama.) Kung may isang taong sinasabing kumikilos sa tusong paraan, mabuti ba o masama ang taong ito? Malinaw na ang mga impresyon at damdamin ng mga tao ay na ang isang taong kumikilos sa tusong paraan ay isang walang kuwentang tao. Kung makakatagpo ng isang tusong bagay ang isang tao, ito ba ay nakapagpapaligaya o nakakakilabot? (Nakakakilabot ito.) Ito ay sadyang hindi mabuting bagay. Sa madaling salita, sa panlabas, ang “tuso” ay isang mapanghamak na salita, ito man ay naglalarawan ng mismong kilos o ng paraan ng pagkilos ng isang tao, wala sa mga ito ang positibo; tiyak na negatibo ito. Ngayon, ipaliwanag muna natin kung ano ba ang mga pagpapamalas ng pagiging tuso. Bakit ito tinatawag na tuso at hindi mapanlinlang? Ano ang espesyal na implikasyon ng salitang “tuso” rito? Mas malalim ang pagiging tuso sa pagiging mapanlinlang. Hindi ba’t mas matagal at mas mahirap para sa mga tao na mahalata ang isang taong kumikilos sa tusong paraan? (Oo.) Malinaw ito. Kaya, gamitin ninyo ang mga salitang naaarok ninyong lahat para ipaliwanag ang terminong “tuso.” Dito, ang ibig sabihin ng “tuso” ay mapanira at mapanlinlang, at tinutukoy nito ang di-normal na pag-uugali. Ang pagiging di-normal na ito ay tumutukoy sa pagiging tagong-tago at hindi maintindihan ng normal na tao, na hindi nakikita kung ano ang iniisip o ginagawa ng mga ganitong tao. Sa madaling salita, ang mga pamamaraan, motibo, at panimulang punto ng mga pagkilos ng ganitong tipo ng tao ay partikular na mahirap maarok, at minsan mapagpanggap at palihim din ang pag-uugali niya. Sa madaling salita, may isang termino na makakapaglarawan ng aktuwal na pagpapamalas at kalagayan ng pagiging tuso ng isang tao, iyon ay ang “kawalan ng kalinawan,” dahil dito, ang mga ito ay nagiging mahirap maarok at hindi maunawaan ng iba. Ang mga pagkilos ng mga anticristo ay may ganitong kalikasan—ibig sabihin, kapag napagtanto mo at nadama mo na hindi direkta ang mga intensyon nila sa paggawa ng isang bagay, lubhang nakakatakot ito para sa iyo, pero sa maikling panahon o sa kung anong dahilan, hindi mo pa rin mahalata ang mga motibo at intensyon nila, at walang kamalayan mo lang na nadarama na tuso ang mga kilos nila. Bakit ka nagkakaroon ng ganitong uri ng pakiramdam sa kanila? Sa isang banda, ito ay dahil walang sinumang kayang makadama ng sinasabi o ginagawa nila. Isa pa ay palagi silang paligoy-ligoy magsalita, inililihis ka nila, sa kalaunan ay hindi ka na sigurado kung alin ba sa mga pahayag nila ang totoo at alin ang di-totoo, at kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng mga salita nila. Kapag nagsisinungaling sila, iniisip mong ito ang katotohanan; hindi mo alam kung aling pahayag ang totoo o di-totoo, at palagi mong nararamdaman na nilinlang at dinaya ka. Bakit umuusbong ang ganitong pakiramdam? Ito ay dahil ang mga ganitong tao ay hindi kailanman kumikilos nang malinaw; hindi mo malinaw na makikita kung ano ang ginagawa nila o kung ano ang pinagkakaabalahan nila, kaya hindi mo maiiwasang pagdudahan sila. Sa huli, nakikita mo na ang disposisyon nila ay mapanlinlang, mapanira, at buktot din. Ang salitang “tuso” ay malalim at kakaiba ang tunog sa mga tao, pero bakit ipinapaliwanag ito gamit ang simpleng parirala gaya ng “kawalan ng kalinawan”? May ipinapahiwatig na kahulugan sa pariralang ito. Ano ang ipinapahiwatig na kahulugan? Ito ay na ang mga anticristo ay kadalasang nagpapakita sa iyo ng huwad na imahe tuwing may gusto silang gawin, na nagpapahirap sa iyo na mahalata sila. Halimbawa, kung gusto ng isang anticristo na sampalin ka sa kaliwa mong pisngi, itututok niya ang sampal sa kanan mong pisngi. Kapag umiwas ka para protektahan ang kanan mong pisngi, matagumpay niyang masasampal ang kaliwa mong pisngi, at sa gayon ay makakamit niya ang kanyang layon. Ito ang pagiging tuso, at pagiging puno ng mga pakana—lahat ng taong nakikisalamuha at nakikitungo sa kanya ay kinakalkula niya. Bakit palagi siyang nagkakalkula? Maliban sa kagustuhang kumontrol ng mga tao at umokupa ng lugar sa puso ng mga ito, gusto rin niyang pakinabangan ang lahat ng tao. Dagdag pa rito, matutuklasan mo rin ang isang uri ng buktot na disposisyon sa mga ganitong tao: Partikular silang nasisiyahan sa pananamantala sa ibang tao o paggamit ng sarili nilang mga kalakasan para pagtawanan ang mga kahinaan ng iba, at natutuwa silang paglaruan ang mga tao. Ito ay isang pagpapamalas ng kanilang kabuktutan. Sa makamundong pananalita, ang mga ganitong tao ay itinuturing na matalino. Iniisip ng mga ordinaryong tao, “Ang mga nakakatanda lang ang puwedeng maging matalino. Ang kabataan ay walang karanasan o makamundong karunungan, kaya paano sila magiging matalino?” Tama ba ang pahayag na ito? Hindi, mali ito. Ang buktot na disposisyon ng mga anticristo ay hindi nakadepende sa edad; sila ay ipinanganak na taglay na ang disposisyong ito. Kaya lang noong mas bata pa sila at mas kaunti pa ang karanasan nila, ang paggamit nila ng mga ganitong pakana ay maaaring mas payak pa at hindi pa ganoon kapino. Habang tumatanda sila, sila ay nagiging di-natitinag, tulad ng matatandang haring diyablo na ang mga pagkilos ay mahigpit na natatago at ganap na hindi maiintindihan ng karamihan ng tao.

Kakabigay Ko lang sa inyo ng pahapyaw na paliwanag ng salitang “tuso,” kaya ngayon magbahaginan tayo tungkol sa mga partikular na kalagayan at pagpapamalas ng pagiging tuso. Hindi ba’t karapat-dapat itong pagbahaginan? Kung hindi tayo magbabahaginan tungkol dito, makikilatis kaya ninyo ang mga ito? Mahahalata ba ninyo ang mga ito? (Hindi.) Hindi sa ganap na hindi mo kayang makilatis o mahalata ang mga ito; paminsan-minsan mararamdaman mo ring talagang tuso ang isang partikular na tao—napakatuso na nauuwi kang sumunod sa kanya kahit pagkatapos ka niyang ipagkanulo—at na kailangan mong mag-ingat sa kanya. Kaya, anong mga bagay ang ginagawa ng mga anticristo, at anong pananalita at mga pagkilos ang ibinubunyag nila sa pagtrato nila sa mga kapatid at sa mga tao sa paligid nila na nagpapakita na ginagawa nila ang mga bagay sa isang tusong paraan at nang may buktot na disposisyon? Ito ay karapat-dapat pagbahaginan. Kapag ang salitang “tuso” lamang ang ipinapaliwanag, sa pangkalahatan ay simple lang ito para sa mga tao; malamang ay sapat na ang pagtingin sa diksyonaryo para maunawaan ang kahulugan nito. Pero pagdating sa kung aling mga pagkilos, pag-uugali, at disposisyon ng mga tao ang may kaugnayan sa salitang ito at ang mga kongkretong pagpapamalas at kalagayan ng salitang ito, ito ay mas nagiging nakakapagod at mahirap unawain, hindi ba? Una, isipin mo ang mga tao, o mga partikular na anticristo, na nakilala at nakatagpo ninyo. Anong mga pagkilos nila ang nagpadama sa iyo na ang kalikasan ng pagkilos na ito ay may kaugnayan sa pagiging tuso, o anong mga pang-araw-araw na salita, pagkilos, at pag-uugali nila ang may kaugnayan dito? (Isang beses, nakatagpo ako ng isang anticristo na malinaw na gustong makipagpaligsahan para sa katayuan at maging lider, pero sinabi niya sa mga kapatid, “Kailangan nating isumbong ang mga huwad na lider at huwad na manggagawa. Sa paggawa lang nito tayo magtataglay ng gawain ng banal na espiritu. Kung hindi natin isusumbong at ilalantad ang mga huwad na lider, hindi natin makakamit ang gawain ng banal na espiritu. Dapat tayong tumindig para sama-samang pangalagaan ang gawain ng iglesia.” Sa pagpapanggap na pinangangalagaan ang gawain ng iglesia, naghanap siya ng mga paraan para makalamang sa ibang mga lider at manggagawa, pinapalaki ang maliliit na isyu at inuudyukan ang mga kapatid na isumbong ang mga lider at manggagawa. Ang layon niya ay pabagsakin ang mga lider at manggagawa para siya mismo ay magkaroon ng pagkakataong maging lider. Hindi ito nakilatis ng maraming kapatid at nailigaw niya sila. Sa halip na kilatisin ang problema batay sa mga prinsipyo, sinunggaban nila ang ilang maliliit na isyu at inilantad ang mga katiwalian ng mga lider at manggagawa para kondenahin sila, uriin sila, at palakihin ang mga bagay-bagay, pinapagulo ang iglesia.) Sabihin ninyo sa Akin, pagiging tuso ba ito? (Oo.) Ito ay mismong pagiging tuso. Bakit ito tuso? Nagpanggap siyang nagpapahalaga sa katarungan para makamit niya ang mga inililihim niyang layon, kasabay ng pang-uudyok sa ibang tao na kumilos habang hindi niya ipinakita ang sarili niya at nagtago siya para pagmasdan ang mga kahihinatnan. Kung maaayos ang mga bagay, mas mabuti, at kung hindi, walang makakahalata sa kanya, dahil tagong-tago siya. Ito ay pagiging tuso—isa itong anyo ng mga pagpapamalas nito. Hindi niya hahayaang malaman mo ang tunay niyang mga kaisipan sa kaloob-looban niya, at kung mahuhulaan mo iyon kahit kaunti, dali-dali siyang magsasabi ng iba’t ibang palusot at argumento para itago ang mga ito at ipagtanggol ang sarili niya sa anumang paraan, natatakot na makikita ng mga tao ang katotohanan. Sadya niyang pinagulo ang mga bagay-bagay; ito ay pagiging tuso. Sino pa? (Ilang taon na ang nakalilipas, isang grupo ng mga anticristo ang lumitaw sa ating iglesia at kinuha ang kontrol, iniwang magulo ang gawain ng iglesia. Nagpadala ang Itaas ng isang taong mangangasiwa sa gawain pero nakabalat-kayong kumilos ang grupong ito ng anticristo, sinasabi, “May mga lider kami, at hindi kami tumatanggap ng mga lider na galing sa ibang lugar; kaya namin mismong pangasiwaan ang mga gawain.” Bilang bunga, maraming nailihis at nakinig sa mga anticristo, tumanggi silang tanggapin ang lider na isinaayos ng Itaas. Nilimita pa nga ng mga anticristong ito sa isang lugar ang lider na ipinadala ng Itaas, pinagbawalan siyang makisalamuha sa mga kapatid at ginawa nilang imposible para sa kanya na makatulong sa gawain ng iglesia o magpatupad ng anumang gawain.) Ito ay lubhang katusuhan ng mga anticristo—ano ang tinatago nilang motibo? Gusto nilang kontrolin ang iglesia at magtayo ng sarili nilang nagsasariling kaharian. Ito ay tuso; ito ang uri ng bagay na ginagawa ng mga anticristo.

Ano ang mga pangunahing pagpapamalas ng mga anticristong kumikilos sa tusong paraan? Ang isa ay kawalan ng kalinawan, at ang isa pa ay palihim silang nagsasaalang-alang ng mga di-mabanggit na pakana. Kung isisiwalat nila sa lahat ng tao ang mga plano at intensyon nila, maisasakatuparan ba nila ang mga ito? Tiyak na hindi. Bakit ganito gumawa ng mga bagay-bagay ang mga taong gumagamit ng mga tusong pamamaraan? Ano ang balak sa likod ng mga pagkilos na ito? Hanggang ngayon, ang mga naisip ninyo ay pagkontrol lang sa iglesia, pero ang ilang bagay ay walang kinalaman sa pagkontrol sa iglesia o pagkontrol sa ibang tao. Ang panlilihis sa mga tao ng isang iglesia o ng isang rehiyon ay medyo malaking bagay, kaya ano ang balak sa likod ng mas maliliit na pag-uugali at pagkilos ng mga anticristo sa mga ordinaryong pagkakataon? Ito ay para samantalahin ang mga tao at udyukan ang mga taong gumugol ng lakas para sa kanila para matugunan ang mga interes nila at ang mga sarili nilang pakay. Habang pinamamatnugutan ng Diyos ang mga tao at pinamumunuan Niya ang mga kapalaran nila, nangangarap din ang mga anticristo na diktahan ang kapalaran ng mga tao at manipulahin ang mga ito. Pero kung direkta nilang sasabihin na gusto ka nilang manipulahin, papayag ka ba rito? Kung sinabi nilang gusto ka nilang utus-utusan na parang alipin, papayag ka ba? Kung sinabi nilang sila ang lider at dapat kang makinig sa kanila, papayag ka ba? Tiyak na hindi ka papayag. Samakatwid, kailangan nilang pumili ng ilang di-karaniwang pamamaraan para hindi mo mamalayang sinasamantala ka nila; ito ang tinatawag na pagiging tuso. Halimbawa, ang malaking pulang dragon ay kumikilos sa isang tusong paraan, gumagamit ng mga tila lehitimong dahilan para iligaw ang mga tao. Paano nito nakumpiska ang mga ari-arian ng mga may-ari ng lupa at ng mga kapitalista? May isinulat bang polisiyang naghahayag na dapat ibalik sa estado ang lahat ng ari-arian na higit sa isang partikular na halaga? Gagana ba ito kung ipinahayag ito nang hayagan? (Hindi ito gagana.) Dahil hindi ito gagana, ano ang ginawa nito? Kinailangan nitong humanap ng paraan na pinaniniwalaan ng lahat na tama para mapangatwiranan nito ang pagkumpiska at pagsamsam sa mga ari-arian ng mga may-ari ng lupa at mga kapitalista. Tinanggalan nito ng kapangyarihan ang mga may-ari ng lupa at ang mga kapitalista, pinayaman ang estado, at pinalakas ang pamumuno nito. Paano iyon ginawa ng malaking pulang dragon? (Sa pamamagitan ng pag-atake sa mga may-ari ng lupa at pamamahagi ng lupa sa iba.) Isinulong nito ang “pag-atake sa mga may-ari ng lupa at pamamahagi ng lupa sa iba” at “pagkakapantay-pantay ng lahat,” at pagkatapos ay gumawa ito ng mga kuwento gaya ng “Ang Batang Babaeng Puti ang Buhok” para pagmukhaing may sala at kondenahin ang lahat ng may-ari ng lupa at kapitalista. Ginamit nito ang kapangyarihan ng opinyon ng publiko at propaganda para indoktrinahin ang mga tao gamit ang mga nakalilinlang na ideyang ito, ipinapa-isip sa lahat ng taong hindi nakakaalam na ang mga may-ari ng lupa at kapitalista ay masasama at hindi kapantay ng masang nagtatrabaho, na ngayon, ang mga tao na ang nasusunod sa bansa nila, na ang estado ay pag-aari ng mga tao, na ang iilang indibidwal na ito ay hindi dapat magmay-ari ng napakalaking yaman, at na dapat itong kumpiskahin at ipamahagi sa lahat ng tao. Dahil sa pang-uudyok ng gayong tinatawag na mabubuti, tama, at mga para-sa-mahirap na ideolohiya at teorya, nailigaw at nabulag ang mga tao, at nagsimula silang lumaban sa mga lokal na negosyante at umatake sa mga may-ari ng lupa at kapitalista. At ano ang huling kinahinatnan? Ang ilan sa mga may-ari ng lupa at kapitalistang ito ay binugbog hanggang mamatay, ang ilan ay nabaldado, at ang ilan ay tumakas sa malayo. Sa madaling salita, ang huling kinahinatnan ay nakuha ng malaking pulang dragon ang gusto nito. Ang mga hangal at ignoranteng masang ito ay dahan-dahang ginabayan sa mga ganitong pakana para makamit ang mga layong gusto ng mga diyablong ito. Sa gayunding paraan, gumagamit din ang mga anticristo ng mga ganitong tusong pamamaraan kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay. Halimbawa, kapag ipinareha ang isang anticristo sa isang tao para sa tungkulin ng pamumuno, at nakita niyang ang taong ito ay may pagpapahalaga sa katarungan, nauunawaan ang katotohanan, at kaya siyang kilatisin, nagsisimula siyang mag-alinlangan: “Sisiraan kaya ako ng lalaking ito pagtalikod ko? May pinaplano ba siya nang palihim? Bakit hindi ko siya madiin? Nasa panig ko ba siya o hindi? Isusumbong kaya niya ako sa itaas?” Dahil may mga ganito siyang iniisip, nagsisimula siyang mangamba na hindi ligtas ang katayuan niya, hindi ba? Kaya ano ang sunod niyang gagawin? Direkta ba niyang paparusahan ang taong iyon? Ang ilang anticristo ay hayagang kikilos laban sa ganoong uri ng tao, pero ang tusong uri ay hindi ito gagawin ng direkta. Sa halip, magsisimula sila sa pagkausap sa ilang kapatid na kung ikukumpara sa iba ay mas mahina, magulo ang isip, at walang pagkilatis, tatanungin at susuriin sila nang maingat: “Si ganito-at-ganyan ay higit isang dekada nang mananampalataya, kaya dapat may kaunting pundasyon na ang pananampalataya niya, hindi ba?” Puwedeng tumugon ang isang tao: “Talagang may pundasyon siya. Sa lahat ng taong iyon ng pananampalataya sa Diyos, tinalikuran niya ang pamilya at propesyon niya; mas malakas ang pananalig niya kaysa sa atin. Makakabuti para sa iyo ang makapareha siya.” Sasabihin ng anticristo: “Oo, mabuti iyon, pero hindi siya kailanman nakikihalubilo sa ibang kapatid. Mukhang hindi siya palakaibigan.” Puwedeng idagdag ng isa pang tao: “Hindi iyan ang kaso—mas hinahangad niya ang katotohanan kaysa sa atin. Madalas tayong magkakasamang nag-uusap, pero kadalasan ay ginugugol niya ang oras niya sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pakikinig sa mga sermon, at pag-aaral ng mga himno, at kapag kasama natin siya ay nakikipagbahaginan siya ng mga salita ng Diyos.” Pagkarinig ng mga kanais-nais at sumasang-ayong komento tungkol sa taong ito, pakiramdam ng anticristo ay wala na siyang anumang masasabi pa, kaya iibahin na lang niya ang paksa, sasabihing: “Maraming taon na siyang nananampalataya sa diyos at mas may karanasan siya kaysa sa atin. Dapat lalo tayong makisalamuha sa kanya sa hinaharap at huwag siyang ihiwalay.” Pagkarinig nito, wala pa ring nakikilatis ang iba. Pagkakita na karamihan sa mga tao ay pumupuri sa indibidwal na iyon, ang anticristo, na hindi kayang makamit ang mga motibo niya, ay wala nang sinasabi tungkol sa paksa. Kalaunan, makakakita ang anticristo ng isa pang grupo ng tao at magtatanong: “Kahit kailan ba ay nakikita ninyo si ganito-at-ganyan na nagbabasa ng mga salita ng diyos? May impresyon ako na palagi siyang nakikipagbahaginan sa iba at mukhang abala sa panlabas; bakit hindi siya kailanman nagbabasa ng mga salita ng diyos?” Mas nakakaunawa ang grupong ito, at nakukuha nila ang ipinapahiwatig at iniisip, “Mukhang may alitan sa pagitan ng dalawang ito; sinusubukan niya tayong udyukan na siraan at ihiwalay ang taong iyon.” Kaya, tumutugon sila: “Oo, palagi siyang abala sa mga hindi importanteng gampanin, palaging sobrang binibigyang-kahulugan ang mga tao at bagay-bagay. Bihira siyang magbasa ng mga salita ng diyos, at sa pagkakataong ginagawa niya iyon, nakakatulog lang siya; ilang beses ko na itong napansin.” Mula sa mga pakikipag-usap niya sa una at pangalawang grupo ng mga tao, anong uri ng disposisyon ang naroroon sa mga salita ng anticristo? Hindi ba’t ito ay buktot? (Oo.) Ano ang kalikasan at pamamaraan ng mga kilos niya? Tuso ang mga ito. Hindi napagtanto ng unang grupo ng mga tao kung ano ang sinusubukang gawin ng anticristo, habang napansin ng pangalawang grupo kung ano ang nangyayari, at pagkatapos ay sinang-ayunan na lang nila ang sinabi nito. Nang makita ng anticristo na sumunod ang pangalawang grupo sa sinabi niya at puwedeng mahikayat ang mga ito, gusto ng anticristo na gamitin ang grupong ito para mapaalis ang kapareha niya. Tuso ang pag-iisip nang ganito. Pagkatapos ng lahat ng uri ng panghihikayat, ang pangalawang grupo ay nailigaw at nahikayat, at nagsasabi: “Dahil hindi natutugunan ng taong iyon ang mga prinsipyo at kondisyon sa pagiging lider ng iglesia, sa tingin ko ay hindi natin siya dapat iboto bilang lider sa susunod, tama?” Napakamandaraya ng grupong ito, at pagkatapos nilang magsalita, inoobserbahan nila ang saloobin ng anticristo. Sinasabi ng anticristo: “Hindi puwede iyan; hindi patas iyan. Ito ay sambahayan ng diyos, hindi lipunan!” Pagkarinig nito, nagtanong sila: “Hindi ba talaga iyan puwede? Kung gayon ano ang dapat naming gawin? Iboboto namin siya sa susunod, kung gayon.” Agad na sasabihin ng anticristo, “Hindi rin makakatulong ang pagboto sa kanya.” Nakikita ninyo? Anuman ang sabihin nila, hindi ito tama; problema ito. Sa katunayan, gusto lang ng anticristo na akayin ang mga taong ito sa landas niya, hinuhukay ang bangin na kalalaglagan nila. Sa huli, pagkatapos makinig sa ganito at ganyan, napagtatanto ng mga taong ito ang mga intensyon ng anticristo: “Magkaroon na lang tayo ng patas na eleksyon. Wala naman siyang masyadong kalamangan, kaya puwede rin namang hindi siya mapili.” Natutuwa ang anticristo. Tingnan ninyo: Narito ang isang lobo at ilang soro, at mahigpit silang nagsasama-sama sa pagkilos. Ito ang prinsipyo at kalikasan ng mga pagkilos na ginagawa ng anticristo at ng mga puwersang sumusunod sa kanya sa iglesia; ito ang pagpapamalas niya. Sinasabi ng mga taong sumusunod sa mga anticristo, “Bumoto tayo. Bukod dito, hindi rin naman siya ganoon kagaling; kung boboto tayo, puwede namang hindi siya mapili.” May kaduda-duda ba rito? May pinaplano ba sila? May mga nakita na silang pahiwatig sa mga salita ng isa’t isa, pero walang sinumang direktang nagsasabi kung ano ang dapat gawin; may tahimik na pagkakaunawaan sa pagitan nila, at naiintindihan ito ng lahat. Sa panlabas, hindi direktang tinuturuan ng anticristo ang sinuman na hindi piliin ang kapareha niya, at hindi rin sinasabi ng mga nakakababa sa kanya na, “Hindi namin siya pipiliin; pipiliin ka namin.” Bakit hindi nila ito masabi nang tahasan? Ito ay dahil wala sa dalawa ang gustong magbigay ng lamang sa kabila. Hindi ba’t tuso ito? Ito ay pawang kabuktutan. Nakikinig sila sa tono ng pananalita ng isa’t isa, pero walang direktang nakikipag-usap, at sa huli, maaabot nila ang pag-uunawaan. Ito ay tinatawag na satanikong diyalogo. Sa kanila, may isang “hangal” na, pagkatapos makinig, ay hindi pa rin nakakaunawa at nagtatanong pa rin sa iba kung iboboto ba nila ang taong iyon o hindi. Paano tutugon ang anticristo? Kung sasabihin niya, “Gawin mo kung ano ang sa tingin mo ay tama,” masyadong mahahalata ito. Ang ganitong sagot ay may dalang pananakot at pang-uudyok; hindi nagsasalita nang ganito ang mga buktot na tao. Sa halip, sinasabi nila: “Hindi ba’t may mga pagsasaayos ng gawain ang sambahayan ng diyos? Iboto ninyo kung sino ang dapat iboto; kung hindi dapat piliin ang isang tao, huwag ninyo siyang iboto.” Hindi ba’t pagsasalita ito nang malabo? Gumagamit sila ng tila lehitimong dahilan, sinasabi: “Dapat kang kumilos ayon sa mga prinsipyo; hindi ka puwedeng makinig sa akin. Hindi mahalaga ang sinasabi ko. Hindi ako ang mga prinsipyo; ang mga salita ng diyos ang mga prinsipyo.” Maririnig ito ng “hangal” at iisipin niya, “Kung dapat kaming kumilos ayon sa mga prinsipyo, iboboto ko siya.” Nang makita na hangal ang taong ito at puwedeng makasira sa mga plano nila, sama-sama siyang pinaalis ng grupo, hindi nila hinahayaan ang “hangal” na manatili kasama nila. Sa huli, kapag patuloy na nagtatanong ang “hangal” kung dapat ba nilang iboto ang taong iyon o hindi, sasabihin ng isang tao: “Pag-usapan natin ito mamaya. Pagpapasyahan natin ito batay sa kanyang pagganap.” Mayroon bang anumang kapasyahan sa mga salitang ito? Mayroon bang anumang pagkamatapat? (Wala.) Kung gayon, ano ba talaga ang nasa mga salitang ito? Ipinaparating ng mga salitang ito ang kanilang buktot na disposisyon, pati na rin ang mga inililihim nilang motibo, intensyon, at layunin. Isinasama nila ang lihim na pagsasabwatan nila—ng lobo at mga soro—para tanggalin ang taong mainit sa mata ng anticristo. Bakit nagagawang kumilos nang ganito ng grupong ito ng mga tao? Maliban sa pinamamahalaan sila ng kanilang buktot na disposisyon, ang dahilan kung bakit nila ito nagagawa ay dahil hindi gusto ng nakakataas sa kanila, ng anticristo, ang taong iyon. Kung iboboto nila siya, at nalaman ito ng anticristo, hindi mabuti ang kahihinatnan. Kaya, para sa kanila, ang pinaka-kinakailangan at pinakamahalagang gawin, ang pinakamainam na gawin, ay ang hindi iboto ang taong iyon. Nakikinig silang lahat sa anticristo; anuman ang sabihin ng anticristo, sa anumang direksyon gumawi ang mga salita nito, susunod ang mga taong ito, isasantabi nila ang mga katotohanang prinsipyo at salita ng Diyos. Nakikita mo, hangga’t lumilitaw ang isang anticristo, hindi maiiwasan na may mga susunod dito. Hangga’t kumikilos ang isang anticristo, sasamahan at susundan ito ng ilang tao—walang anticristo na kumikilos nang mag-isa at nang nakahiwalay.

Ang kakatalakay lang natin ay isa sa mga pagpapamalas ng kung paano kumikilos sa tusong paraan ang mga anticristo. Ang pagiging tuso na nabanggit dito ay tumutukoy sa pagkakaroon ng mga anticristo ng mga sarili nilang balak at motibasyon sa ginagawa nila, pero hindi nila sasabihin sa iyo o hahayaang makita mo ang mga ito. Kapag natuklasan mo ito, gagawin nila ang lahat para pagtakpan ito, gagamit sila ng iba’t ibang paraan para iligaw ka, para baguhin ang tingin mo sa kanila. Ito ang tusong aspekto ng mga anticristo. Kung ang kanilang mga motibo ay madaling malantad, malawak na isapubliko, at ibahagi sa lahat ng tao, ipapaalam sa mga tao, magiging tuso ba iyon? Hindi iyon magiging tuso; magiging ano iyon? (Hangal.) Hindi hangal—ito ay magiging kayabangan sa puntong wala nang katwiran. Tuso ang pag-uugali ng mga anticristo. Paano sila naging tuso? Lagi silang kumikilos sa paraang nakasalalay sa panlilinlang, at ang kanilang mga salita ay walang katuturan, kaya nahihirapan ang mga tao na maarok ang kanilang mga intensyon at layon. Iyon ay tuso. Hindi sila madaling nakakapagdesisyon sa anumang sinasabi o ginagawa nila; hinahayaan nilang maramdaman ng kanilang mga nasasakupan at taga-pakinig ang kanilang intensyon, at ang mga taong iyon, matapos maunawaan ang anticristo, ay kumikilos ayon sa kanilang plano at mga motibasyon at isinasagawa ang kanilang mga utos. Kapag natapos ang isang gampanin, masaya na ang anticristo. Kung hindi pa, walang sinumang makakahanap ng anuman laban sa kanya, o makakaarok sa mga motibasyon, intensyon, o layon sa likod ng ginagawa niya. Ang pagiging tuso ng ginagawa ng mga anticristo ay nasa mga tagong pakana at mga lihim na layon, na pawang para linlangin, paglaruan, at kontrolin ang lahat ng iba pa. Ito ang diwa ng tusong pag-uugali. Ang pagiging tuso ay hindi simpleng pagsisinungaling o paggawa ng masamang bagay; sa halip, kinasasangkutan ito ng mas malalaking intensyon at layon na hindi maarok ng mga ordinaryong tao. Kung may nagawa kang isang bagay na ayaw mong malaman ng sinuman, at nagsinungaling ka, maituturing bang pagiging tuso iyon? (Hindi.) Pagiging mapanlinlang lamang iyon, at hindi umaabot sa antas ng pagiging tuso. Paano naging mas matindi ang pagiging tuso kaysa sa pagiging mapanlinlang? (Hindi ito maarok ng mga tao.) Nahihirapan ang mga tao na maarok ito. Isang bahagi nito iyon. Ano pa? (Walang masasabing masama ang mga tao laban sa isang tusong tao.) Tama iyan. Mahirap para sa mga tao na makakita ng anumang masamang masasabi laban sa kanya. Kahit alam ng ilang tao na nakagawa ang taong iyon ng masasamang bagay, hindi nila matukoy kung siya ba ay isang mabuti o di-mabuting tao, isang masamang tao o isang anticristo. Hindi siya nahahalata ng mga tao, kundi iniisip nila na mabuting tao siya, at maaari niya silang mailihis. Pagiging tuso iyon. Ang mga tao ay karaniwang mahilig magsinungaling at mag-plano ng mga munting pakana. Pagiging mapanlinlang lamang iyon. Ngunit mas mapanira ang mga anticristo kaysa sa mga karaniwang mapanlinlang na tao. Para silang mga haring diyablo; walang sinumang makaarok sa ginagawa nila. Kaya nilang gumawa ng maraming masasamang bagay sa ngalan ng katarungan, at pumipinsala sila ng mga tao, pero pinupuri pa rin sila ng mga tao. Ito ay tinatawag na pagiging tuso.

May insidente noong nakaraan kung saan ang isang lider, habang nakikipag-usap at nakikipagbahaginan sa Itaas, ay sinabihan tungkol sa ilang plano ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Noong panahong iyon, hindi pa pormal na inilabas ang pagsasaayos ng gawain. Pagbalik niya, nagsimula siyang magpakitang-gilas, pero hindi mo masabi kung ito ay pagpapakitang-gilas. Napakaseryoso ng pakikipag-usap niya sa pagtitipon, at sa gitna ng pagbabahagi niya, bigla na lang niyang sinabi ang isang bagay na wala pang nakakarinig dati: “Hanggang ngayon, nakompleto na ang bawat hakbang ng gawain ng diyos, at naging matatag ang mga tao. Simula sa susunod na buwan, palalawakin natin ang pangangaral ng ebanghelyo, kaya kailangan nating magtatag ng mga pangkat ng mga taga-ebanghelyo. Paano dapat itatag ang mga pangkat ng mga taga-ebanghelyo? May ilang detalye rito….” Nang marinig ito ng iba, inisip nila, “Saan galing ang mga salitang ito? Hindi pa naglalabas ng anumang pagsasaayos ng gawain ang Itaas. Paano niya nalaman? Siguro ay nahuhulaan niya ang mangyayari sa hinaharap!” Sila ay sumasamba sa kanya, hindi ba? Agad na nagbago ang saloobin ng mga tao sa kanya. Ang tanging ginawa niya ay banggitin ang pagtatatag ng mga pangkat ng mga taga-ebanghelyo pero wala siyang ginawang anumang partikular na gawain pagkatapos—sumigaw lang siya ng mga walang kabuluhang islogan. Siyempre, may layon siya sa pagsigaw ng mga walang kabuluhang islogan; nagpapakitang-gilas siya, gusto niyang mataas ang tingin sa kanya ng mga tao, na sambahin siya. Hindi nagtagal, inilabas ang pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas. Nang makita ito ng mga kapatid, namangha sila at nagsabing, “Ang galing! Hindi ba’t mala-propesiya ito? Paano mo nalaman ang tungkol dito? Mas nauunawaan mo ang katotohanan kumpara sa amin; mas mataas ang tayog mo. Napakababa ng tayog namin. Noong panahon nang ipalaganap ang ebanghelyo, nasabi mo na sa amin, samantalang manhid kami at walang kamalay-malay. Tingnan mo, hindi ba’t umaayon ang ibinahagi mo sa pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas? Nagkataong tumugma ito, at ngayon pinatunayan na.” Sa pamamagitan ng insidenteng ito, lalo pa siyang sinamba ng lahat ng tao, at hindi sa ordinaryong paraan, kundi nang may ganap na pagpapasakop, halos abot na sa punto ng pagluhod at pagyuko sa harap niya. Karamihan ng tao ay hindi alam ang bagay na ito; kung hindi siya mismo ang nagsalita, walang makakaalam, ang Diyos lang ang may alam. Ito ay napakalinaw na bagay, at hindi niya ito ibinunyag kaninuman, sa halip pinili niyang linlangin sila nang walang pakundangan. Maituturing bang tuso ang pag-uugaling ito? (Oo.) Bakit niya nilinlang nang ganito ang iba? Bakit niya nagawang umasal at kumilos nang ganito? Ano ba talaga ang iniisip niya sa kanyang puso? Gusto niyang makita siya ng mga tao bilang naiiba, na isipin nila na hindi siya ordinaryong tao. Ito ba ay isang bagay na dapat matagpuan sa normal na pagkatao? (Hindi.) Ang mga kilos ng ganitong tao ay kasuklam-suklam at walang kahihiyan. Maituturing mo ba itong tuso? (Oo.) Bukod pa sa pagiging tuso, ito rin ay medyo kasuklam-suklam.

Sa mga anticristo, may isang uri ng tao na hindi kailanman naringgang magsabi ng anumang mali o nakitaang gumawa ng anumang mali; ang ginagawa nila at ang paraan ng pagkilos nila ay itinuturing na mabuti at sinasang-ayunan ng lahat. Madalas silang nakangiti, may mukhang tulad ng isang maawaing santo, hindi nagpupungos ng sinuman. Anuman ang mga maling ginagawa ng mga tao, palagi silang nagpaparaya sa kanila na may pusong mapagpatawad gaya ng sa isang mapagmahal na ina. Hindi nila kailanman hinaharap ang mga nasa iglesia na lumalabag sa mga atas administratibo, nanggugulo at nanggagambala, o gumagawa ng masasamang gawa. Ito ba ay dahil hindi nila nakikita o nakikilala ang mga bagay na ito? Hindi, parehong hindi; nakikita at nakikilatis nila ang mga ito, pero sa puso nila, naniniwala sila na kapag nilinis ang mga taong ito at naging mapayapa ang iglesia, napuno lang ng matatapat na taong naghahangad sa katotohanan at tunay na ginugugol ang mga sarili nila para sa Diyos, sila mismo ay madaling makikilatis at baka hindi na magkaroon ng mapanghahawakan sa iglesia. Kaya, pinananatili nila ang mga taong ito sa paligid nila, pinapahintulutan nilang patuloy na gumawa ng masama ang masasamang tao, patuloy na magsinungaling ang mga sinungaling, at patuloy na manggulo ang mga nanggugulo, tinitiyak nilang sa pamamagitan ng mga panggugulong ito ay hindi kailanman magiging payapa ang iglesia, at sa gayon ay sinisiguro nila ang sarili nilang katayuan. Kaya, sa sandaling may taong patatalsikin, pakikitunguhan, ihihiwalay, o tatanggalin sa posisyon nila, ano ang sinasabi nila? “Dapat bigyan natin ang mga tao ng pagkakataong magsisi. Sino ba ang walang pagkukulang o katiwalian? Sino ba ang hindi nakagawa ng mga pagkakamali? Dapat matuto tayong magparaya.” Pag-iisipan ito ng mga kapatid at sasabihin nila, “Nagpaparaya kami sa mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos at may mga pagsalangsang o na mga hangal at ignorante, pero hindi kami nagpaparaya sa masasamang tao. Masamang tao siya.” Tutugon ang anticristo, “Paano siya naging masamang tao? Paminsan-minsan lang ay nagsasabi siya ng masasakit na salita; hindi iyon kasamaan. Ang mga taong pumapatay at nanununog sa mundo, sila ang tunay na masasamang tao.” Pero ano ba talaga ang iniisip ng anticristo? “Masamang tao siya? Kasingsama ko ba siya? Hindi mo pa nakikita kung ano ang ginawa ko, hindi mo alam kung ano ang nasa aking isipan. Kung alam mo, hindi ba’t aalisin ninyo ako? Iniisip ba ninyong alisin siya? Hindi puwede! Hindi kita hahayaang harapin siya. Sinumang mangangahas, magagalit ako sa kanila, papahirapan ko sila! Sinumang mangangahas na harapin siya, patatalsikin ko!” Pero sasabihin ba nila ito nang malakas? Hindi, hindi nila sasabihin. Ano ang gagawin nila kung gayon? Pakakalmahin muna nila ang sitwasyon, paaayusin nila ang kalagayan ng mga usapin, ipapakita nilang may kakayahan silang mamuno ng iglesia at kaya nilang balansehin ang iba’t ibang puwersa, upang hindi kaya ng iglesia na mawala sila. Sa ganitong paraan, hindi ba’t sigurado ang posisyon nila? Sa sandaling sigurado na ang posisyon nila, hindi ba’t napapanatili na rin ang kanilang kabuhayan? Ito ang tinatawag na pagiging tuso. Kaya hindi mahalata ng karamihan ng tao ang mga ganitong indibidwal. Bakit hindi? Hindi sila kailanman nagsasabi ng katotohanan, ni basta-basta kumikilos. Anumang hingin ng Itaas na gawin nila, iraraos lang nila; anumang libro ang dapat ipamahagi, ipapamahagi nila ito; pinapanatili nila ang ilang pagtitipon sa isang linggo, at hindi nila sinosolo ang pagbabahaginan sa mga pagtitipon. Sa panlabas, mukhang perpekto at walang kapintasan ang lahat ng bagay, walang masasabing puna. Pero may isang bagay na matutukoy ninyo: Hindi sila kailanman humaharap sa masasamang tao. Sa kabaligtaran, pinoprotektahan nila ang mga ito, palagi nilang pinagtatakpan at pinagtatanggol. Hindi ba’t tuso ito? Ano ang tuso na aspekto ng pag-uugali nila rito, ano ang pinagtutuunan? Dapat maging malinaw ang mga ito. Hindi sila kailanman nagsasabi ng katotohanan, palaging nagsisinungaling para linlangin ang sambahayan ng Diyos. Nakikita nilang gumagawa ng masama ang masasamang tao pero hindi nila hinaharap ang mga ito, palagi nilang pinapalampas ang mga bagay-bagay at palagi silang nagpapasensya at nagpaparaya. Ano ang motibo nila sa paggawa ng mga bagay na ito? Ito ba ay talagang para tulungan ang mga taong mapunan ang kalakasan ng isa’t isa at magparaya sa isa’t isa? (Hindi.) Kung gayon ano ang pakay nila? Gusto nilang pagtibayin ang sarili nilang impluwensiya, patatagin ang katayuan nila. Alam nila na sa sandaling alisin ang masasamang tao, sila na ang susunod na aalisin; ito ang kinakatakutan nila. Kaya, hinahayaan nila ang masasamang tao sa paligid nila; hangga’t nariyan sila, ligtas ang katayuan ng anticristo. Kung aalisin ang masasamang tao, katapusan na ng anticristo. Ang masasamang tao ang pumoprotekta sa kanila, ang pananggalang nila. Kaya, sinuman ang naglalantad sa masasamang tao o nagmumungkahi na alisin ang mga ito, hindi sila sumasang-ayon, sinasabi nila, “Kaya pa rin naman nilang gawin ang mga tungkulin nila, kaya pa rin nilang maghandog ng pera; kahit papaano ay kaya pa rin nilang maglingkod!” Humahanap sila ng mga dahilan at palusot para ipagtanggol ang masasamang tao, at, karaniwan, hindi nakikita ng mga taong walang pagkakilatis ang mga mapaminsalang intensyong natatago sa loob nila, hindi nila kayang kilatisin ito.

May iba pa bang pagkakataon kung saan may iniwang malalim na marka sa inyo ang mga tuso na kilos ng isang anticristo? Magbahagi ang isa sa inyo. (May isang kapatid na lider ng pangkat ng mga taga-ebanghelyo, at buwan-buwan nakakakamit siya ng ilang tao, ang ilan sa mga ito ay walang pananampalataya. Binigyang kahulugan ng anticristo ang pagsasaayos ng gawain nang wala sa konteksto, sinasabi na ang dapat na pangunahing target ng pangangaral ng ebanghelyo ay ang mga tao sa denominasyon, na pangalawa lamang ang mga walang pananampalataya at na kung ang pangunahing pagtutuunan ay ang mga walang pananampalataya, ito ay isang seryosong paglabag sa pagsasaayos ng gawain. Ginamit niya pa ang mga salita ng Diyos mula sa “Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan” para himayin ang pag-uugaling ito. Pagkatapos, pinaboto niya ang lahat ng tao, nagtatanong, “Puwede pa bang mamuno ang ganitong tao?” Noong panahong iyon, marami sa iglesia ang mga bagong mananampalataya na isa o dalawang taon pa lang nananalig at hindi pa nakakakilatis, kaya pakiramdam nila ay seryoso ang paglabag sa pagsasaayos ng gawain at nagkasundo silang palitan ang kapatid. Naging napakanegatibo ng kapatid noong panahong iyon; pagkatapos siyang himayin at kondenahin ng anticristong ito, nadama niyang siya mismo ay isang anticristo, na tiyak na ititiwalag siya ng Diyos, at naging lubhang negatibo siya, hindi na niya gustong mabuhay pa. Dagdag pa rito, ipinagkait din ng anticristong ito ang ilang sermon at pagbabahagi mula sa Itaas, hindi kami hinahayaang makinig. Sinabi niyang napakasakit pakinggan ng pagbabahagi mula sa Itaas at kami, bilang mga bagong mananampalatayang mababa ang tayog, ay magkakaroon ng mga kuru-kuro pagkatapos makinig. Sa panlabas, mukhang pinangangalagaan niya kami, pero sa katunayan, natatakot siya na kapag nakinig kami sa mga sermon mula sa Itaas, makikilatis namin siya, at hindi na niya kami makokontrol. Ginamit niya ang mga tila makatwirang pamamaraan na ito para magmanipula at manlinlang ng mga tao, pinapalabas na ang ginawa niya ay lohikal at naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos.) Ang insidenteng ito ay tiyak na mailalarawan na tuso. Palaging pareho ang patuloy na pagsasagawa ng sinumang maituturing na anticristo, hindi nagkakaiba ni katiting, pare-pareho ang intensyon at pare-pareho ang pakay sa anumang ginagawa nila. Hindi ba’t pinatutunayan nito na ang mga anticristo ay mga demonyo at masasamang espiritu talaga? (Oo.) Talagang-talaga. Ang paglalarawan sa mga kilos ng mga anticristo—ng mga demonyo at masasamang espiritung ito—bilang tuso ay talagang akma at talagang hindi pagmamalabis.

Pagkatapos ng mga halimbawang ito, dapat may nakamit na kayong kaunting kabatiran; nagsimula na ba kayong magkaroon ng kaunting pagkakilatis sa mga tuso na kilos ng mga anticristo? Ang anumang may kasamang tuso na pag-uugali, na may mga nakatagong intensyon at motibo, ay hindi kilos ng isang normal na tao, hindi kilos ng isang matapat na tao, at lalong hindi kilos ng isang taong naghahangad sa katotohanan. Ang mga bagay bang ginagawa nila ay pagsasagawa ng katotohanan? Itinataguyod ba nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kung gayon, ano ang ginagawa nila? Ginagambala at sinisira nila ang gawain ng iglesia, gumagawa sila ng masama; hindi nila sinusunod ang landas ng Diyos, ni itinataguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi gawain ng iglesia ang ginagawa nila; nagpapanggap lang sila na gumagawa ng gawain ng iglesia para mapagsikapan nila ang mga sarili nilang hinahangad, pangunahing pinangangalagaan ang mga personal nilang interes at iyong mga kay Satanas. May iba pa bang halimbawa? (Noong 2015, naglabas ng pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas, sinasabihan kaming gamitin ang artikulo mula sa “ang Nagising” para pagbahaginan ang pagkakilatis sa mga huwad na lider at pagtukoy sa mga tunay at huwad na iglesia. May isang lider sa iglesia na napalitan palang, na nagsabi na bago pa lang kami sa pananampalataya sa Diyos at mababa ang tayog namin, at masyadong mababaw ang pagkaarok namin sa pagsasaayos ng gawain ng Itaas—hindi maaarok ang mga kilos ng Diyos, at inilabas ng Itaas ang pagsasaayos na ito nang may mas malalim na kahulugan. Sinabi rin niya, “Tungkol naman sa mga katotohanan ng pagkilala sa mga huwad na lider at mga anticristo, dati nang nagbigay ang itaas ng maraming pagbabahagi at ipinaliwanag ito nang napakalinaw. Kung ito ay tungkol lang sa pagkilala sa mga huwad na lider at anticristo, kailangan pa bang maglabas ng isa pang pagsasaayos ng gawain?” Pagkatapos, kinuha niya nang wala sa konteksto ang ilang bahagi mula sa mga nakaraang pagsasaayos ng gawain, sermon, at pagbabahagi mula sa Itaas, pinagsama-sama ang libo-libong salita ng materyal para ilihis ang mga kapatid, at sa halip ay inakay kaming kilatisin “ang Nagising.” Sa panahong iyon, nailihis kami at hindi nakatuon sa pagkilatis sa mga huwad na lider at anticristo. Sa kalaunan, nabunyag na ang taong ito ay isang anticristo. Natakot siya na kung magsisimulang kumilatis ang lahat ng tao ng mga huwad na lider at anticristo, malalantad nila ang masasama niyang gawa at makikilatis nila siya, kaya sa halip ay sinadya niyang ilihis kami na kilatisin “ang Nagising.”) Ito ay mabilis na galaw ng kamay, isang taktika ng panlilito, isang panlilihis para maibaling ang atensyon mo para walang pumansin sa kanya. Hindi ba’t pamilyar ang pamamaraang ito? Kapag may kinakaharap na krisis ang malaking pulang dragon, gaya ng panloob na kaguluhan sa sistemang politikal nito o ng pagpaplano ng publiko ng mga pag-aaklas o paghihimagsik, ginagamit nito ang parehong taktikang ito—ang paglilihis ng atensyon. Madalas nitong ginagamit ang pamamaraang ito. Tuwing may dumarating na krisis, nag-uudyok ito ng takot tungkol sa giyera, na pinapalakas ang pagkamakabayan, at pagkatapos ay walang tigil na nagpapalabas ng mga pelikulang tungkol sa giyerang dulot ng pakikipaglaban at pagkamakabayan, o nagpapalaganap ng mga pekeng balita para pukawin ang sentimyento ng mga nasyonalista para ilihis ang atensyon. Ginagawa ng malaking pulang dragon ang mga ito nang may natatagong motibo, nagkikimkim ng mga lihim na pakay—ito ay tinatawag na tusong pag-uugali. Sino ba ang ninuno ng mga anticristo? Ito ay ang malaking pulang dragon, ang diyablo. Parehong-pareho ang kalikasan ng mga kilos nila, na para bang magkasabwat sila. Saan nanggaling ang mga pakana at pamamaraan ng mga anticristo? Tinuruan sila ng mga ninuno nila, ng mga diyablo at ni Satanas. Nananahan si Satanas sa kalooban nila, kaya ang pagkilos nila sa tuso na pamamaraan ay normal lang para sa kanila; ibinubunyag nito nang buong-buo na mayroon silang kalikasan ng isang anticristo.

(Diyos, gusto kong magbahagi ng isang halimbawa. Ang kasong ito ng isang anticristo ay nangyari sa kanayunan ng Jijin. Tagsibol noon ng taong 2012. Ang isang anticristong nagngangalang An ay nagpalaganap ng maraming nakalilinlang na paniniwala sa iba’t ibang iglesia at sumulat pa nga siya ng maliit na aklat na may titulong “Ang Pinakapinahahalagahan ng Diyos Bago Lisanin ang Mundo,” na pribado niyang ipinamahagi sa lahat ng iglesia. Ipinahayag niya na ang pinakapinahahalagahan ng Diyos bago lumisan ay kung makikinig ba ang mga taong hinirang ng Diyos sa taong ginamit ng Banal na Espiritu pagkatapos Niyang lumisan, kaya dapat naming maunawaan ang mga layunin ng Diyos; at na ngayon, sapat na ang pagbabasa lang ng mga sermon, pagbabahaginan, at pagsasaayos ng gawain ng taong ginamit ng Banal na Espiritu, pinapalitan ang pangangailangang kainin at inumin ang mga salita ng Diyos. Bilang resulta, maraming kapatid ang nailigaw; tumigil silang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, na mismong ang layong gustong makamit ng anticristo. Nariyan ang pagiging mapanira ng anticristo, sa ilalim ng pagbabalat-kayo niya na nagpapatotoo siya sa taong ginamit ng Banal na Espiritu, inilayo niya ang mga tao mula sa mga salita ng Diyos, inabandona ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos, habang ipinaparamdam din sa mga tao na nauunawaan niya nang lubusan ang puso ng Diyos. Inisip niya kung ano ang pinakapinahahalagahan ng Diyos bago lumisan, kaya mataas ang tingin ng mga tao sa kanya at sinamba nila siya.) Bakit niya itinaas ang taong ginamit ng Banal na Espiritu? Tao ang taong ginamit ng Banal na Espiritu, at gayon din siya. Sa pagtaas niya sa taong ginamit ng Banal na Espiritu, sa totoo lang ay pinapasamba at pinapataas niya ang sarili niya sa mga tao; iyon ang layon niya. Hindi natin puwedeng husgahan lang kung tama ba o mali ang sinabi niya; kailangan nating tingnan ang mga kahihinatnan at layuning nakamit ng mga salita niya; iyon ang susi. Kaya, ang balak niya sa pagtataas ng taong ginamit ng Banal na Espiritu ay talagang para pataasin ang sarili niya; iyon ang pakay niya. Alam niya na ang pagtataas sa taong ginamit ng Banal na Espiritu ay tiyak na hindi tututulan ninuman, at sasang-ayunan siya ng mga tao at itataas siya. Pero kung direkta niyang itataas at patototohanan ang sarili niya, puwede siyang ilantad, kilatisin, at itaboy ng mga tao. Samakatwid, ginamit ng anticristo ang taktika ng pagtataas sa taong ginamit ng Banal na Espiritu para makamit ang pagtataas sa sarili at pagpapatotoo sa sarili; ito ang pagiging tuso ng anticristo. Talagang tuso ang mga ikinilos ng anticristong si An, madaling nailigaw ng mga ito ang mga tao—ito ay karaniwang insidente ng anticristo. Dapat na ang mga hinirang na tao ng Diyos ay matutong kumilatis sa kasong ito ng anticristo, maunawaan ang mga tuso na aspekto ng mga anticristo, gayundin ang mga karaniwang pamamaraang ginagamit ng mga ito para makamit ang kahihinatnan na pagliligaw sa mga tao. Ang pagkaunawa sa mga ito ay malaki ang pakinabang para makilala ng mga tao ang mga anticristo. Sino pa ang may halimbawang ibabahagi?

(Diyos, mayroon din akong kaso ng anticristong ibabahagi. Nangyari ang insidenteng ito sa kanayunan ng Henan. Mga taong 2011, ang anticristong si Yu, na isang huwad na lider na pinalitan, ay itinalaga ng iglesia na mamahala sa gawain ng pag-aalis dahil may ilang kaloob at karanasan siya sa gawain. Sa panahong iyon, inilabas ang pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas para tuluyang ilantad at tanggalin ang mga huwad na lider at anticristo. Nakita ito ni Yu, na mahilig sa katayuan, bilang isang oportunidad para makabalik. Sa pagpapanggap niyang nagpapatupad siya ng pagsasaayos ng gawain, patuloy siyang nakipagbahaginan sa mga kapatid para masundan ang daloy ng gawain at pagtuon ng Banal na Espiritu sa pagkilala sa mga huwad na lider at anticristo. Gayumpaman, hindi siya nagbahagi ng mga prinsipyo ng pagkilala sa mga ito at sa halip ay ibinaling niya ang atensyon namin sa mga lider at manggagawa. Sa bawat pagtitipon, hihilingin niya sa mga kapatid na magsalita tungkol sa pagganap ng mga lider at manggagawa. Pagkatapos naming magsalita, susunggaban niya ang ilang paglihis at ibubunyag niya ang mga tiwaling disposisyon sa gawain nila, palalalain niya ang kalikasan ng mga isyung ito, direkta niya silang tatawagin na mga huwad na lider, at papalitan sila. Pagkatapos, patuloy siyang magpapatotoo sa mga kapatid tungkol sa pagtanggal niya sa mga huwad na lider at manggagawang ito, na nagpaparamdam sa kanila na marunong siyang kumilatis at may kakayahan siya sa trabaho niya. Ang totoo, pakay niyang gamitin ang pagtanggal sa mga lider at manggagawang ito bilang oportunidad na makabalik at magpatuloy bilang lider. Dahil iniligaw sila ni Yu, pagkatapos nilang makita ang mga ibinunyag na katiwalian at paglihis ng mga lider at manggagawa sa gawain nila, nagsimulang mag-isip ang mga kapatid kung huwad na lider ba ang mga ito, at kinuwestiyon pa nga nila ang mga lider ng iglesia sa lahat ng antas, bigong normal na makipagtulungan sa gawain ng mga lider at manggagawa. Maraming lider at manggagawa na mababa ang tayog ang labis ding napigilan, nabubuhay sa kalagayan ng pagiging pasibo at pag-iingat, hindi normal na magampanan ang mga tungkulin nila, na nagdulot ng kaguluhan sa iglesia. Sa panahong iyon, maraming taong sumamba sa anticristong ito, at mga isang dosenang iglesia ang nailigaw at nakontrol ng anticristong ito. Kahit pagkatapos malantad ang anticristong ito, may ilang tao pa rin na hindi makakilala sa kanya, naniniwalang itinataguyod niya ang gawain ng iglesia, at may ilan pang ipinaglaban siya.) Anong nangyari kalaunan sa mga kapatid na nailigaw? (Sa pamamagitan ng pagbabahaginan at tulong, nagkaroon ang ilan ng pagkakilatis sa mga anticristo at nailigtas sila, habang ang ilan ay nanatili pa ring matigas at determinadong sundin ang anticristo gaano man makipagbahaginan ang iba sa kanila, at kalaunan ay itiniwalag ang mga taong ito.) Nakikilala na ba ngayon ng karamihan ng tao ang anticristong ito? (May kaunting pagkakilala na sila ngayon.) Ang mga nananatiling matigas ang ulo at hindi nagbabago ay karapat-dapat mamatay; ito ang kahihinatnan ng pagsunod sa isang anticristo.

Nagbahaginan lang tayo tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga tusong kilos ng mga anticristo. Ngayon, gumawa tayo ng pagbubuod: Ano ang diwa at disposisyong ipinapahayag ng ganitong pag-uugali ng mga anticristo? (Kabuktutan.) Ito ay disposisyong pangunahing inilalarawan ng kabuktutan. Kung gayon, puwede ba natin sabihing ang mga taong may buktot na disposisyon ay karaniwang kumikilos sa tusong paraan, at ang mga kumikilos sa tusong paraan ay may napakabuktot na disposisyon? (Oo.) Lohikal na pangangatwiran ba ito? Kahit na medyo mukhang pangangatwiran ito sa panlabas, sa katunayan, ganito talaga ang mga bagay-bagay—ang mga taong may buktot na disposisyon ay madalas kumikilos sa mga pamamaraang tuso. Ang kalikasang diwa ng tusong pagkilos ng mga anticristo ay nanggaling kay Satanas; sadyang malinaw na katulad sila ng mga diyablo at ni Satanas. Sa pagsubaybay sa pagkilos ng mga anticristo, mauunawaan mo kung paano kumikilos ang mga diyablo at si Satanas. Ang mga totoong diyablo at Satanas, ang malaking pulang dragon, ay kumikilos nang mas masahol pa rito. Maging ang isang simpleng anticristo ay maaaring kumilos nang napakatuso, gamit ang mga tusong taktika, nagsasalita nang walang iniiwang butas, ginagawang imposible para kaninuman na makahanap ng kapintasan o mahuli sila. Lalo pa ang matatandang diyablo at si Satanas! Kung titingnan mula sa perspektiba ng tusong pag-uugali ng mga anticristo, ang mga ordinaryong taong walang katayuan, na madalang makipag-usap o magtapat sa iba, na kumikilos nang hindi hayagan at ayaw ipaalam sa iba kung ano ang iniisip nila o ang pinag-iisipan nilang gawin sa kaloob-looban nila at ang mga intensyon nila sa pagkilos, na malalim na itinatago at mahigpit na binabalutan ang kanilang mga sarili—hindi ba’t magkakaroon din ng bahid ng pagiging tuso ang kanilang pananalita at pagkilos? Kung hindi makaklasipika na anticristo ang mga ganitong tao, tiyak na tinatahak nila ang landas ng anticristo. Ito ay tiyak. Ang mga tumatahak sa landas ng isang anticristo, kung hindi nila tatanggapin ang pagpupungos, o pakikinggan ang mungkahi ng iba, at lalo na kung hindi nila tatanggapin ang katotohanan, sa sandaling magkamit sila ng katayuan, ay tiyak na magiging anticristo sila; hindi ito magtatagal. Kung may ganitong buktot na disposisyon ang ilang tao at minsan na nilang tinahak ang landas ng isang anticristo, nagpapakita ng ilang pagkakapareho sa isang anticristo, pero pagkatapos tumanggap ng pagpupungos ay nagsisisi sila, tumatanggap sa katotohanan, tumatalikod sa dating landas, at lubusang nagbabago at nagsasagawa ng katotohanan, ano ang magiging resulta? Ang ganitong pagbabago ay lalong maglalayo sa kanila mula sa landas ng isang anticristo, kaya mas madali para sa kanilang pumasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at pagkatapos ay magkakaroon sila ng pag-asang maligtas. Diyan nagtatapos ang pagbabahagi tungkol sa mga pagpapamalas ng kung paano kumikilos sa tusong paraan ang mga anticristo; ang susunod na pagpapamalas na pagbabahaginan ay tungkol sa kung paanong sila ay wala sa katwiran at diktatoryal.