Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi) Ikawalong Seksiyon
Sabihin ninyo sa Akin, aling mga tao ang nagpapakita ng mga tanda at marka ng kabuktutan ng mga anticristo? (Ang mga taong may mga kaloob.) Sino pa? (Ang mga gustong magpakitang-gilas.) Iyong mga gustong magpakitang-gilas, hindi pa iyon ganoon kabuktot. Kahit na maaaring gusto nilang magpakitang-gilas, wala silang pagnanais na kontrolin ang iba, hindi pa sila ganoon kalala—ito ay isang tiwaling disposisyon. Isaalang-alang ninyo ito nang detalyado: Aling mga tao ang nagpapakita ng mga tanda at marka na nagbibigay-daan sa iyong matuklasan nang maaga mula sa iba’t ibang pag-uugali at pahiwatig nila na ang kaawa-awang taong ito ay isang anticristo? (Ang mga mapagmataas na tao na gustong-gusto ang katayuan.) Ang pagmamataas at pagkagusto sa katayuan ay may kaugnayan, pero hindi pa rin ito sapat. Hayaan ninyong may talakayin Akong isang bagay at pakinggan at tingnan ninyo kung mahalaga ba o hindi ang puntong ito. Ang ilang tao ay palaging naglalahad ng mga pananaw na naiiba sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Sa panlabas, maaaring para bang gusto nila palaging magpasikat at mamukod-tangi sa iba, pero hindi naman talaga ganoon. Maaaring ang mga pananaw nila ay nagiging sanhi ng gayong panlabas na pag-uugali. Sa katunayan, kung talagang ganoon ang kanilang mga pananaw, magkakaroon ng seryosong problema. Halimbawa, kapag magkakasamang nagbabahaginan ang lahat, at sinasabing, “Dapat nating tanggapin ang bagay na ito mula sa Diyos. Kung hindi tayo nakauunawa, dapat na magpasakop muna tayo,” at sumasang-ayon ang lahat dito, tama ba ang pananaw na ito? (Oo, tama ito.) Lihis ba ang prinsipyong ito ng pagsasagawa? (Hindi.) Kung gayon, anong klaseng mga salita ang sinasabi ng mga tao na nagpapakita ng mga tanda at marka ng tiwaling disposisyon ng isang anticristo? “Ang pagpapasakop ay isang bagay, pero hindi ba’t kailangan mong maunawaan kung anong nangyayari? Hindi ba’t kailangan mong seryosohin ang lahat ng bagay? Hindi ka puwedeng magpasakop nang may magulong pag-iisip; hindi hinihingi ng diyos na magpasakop tayo nang kaswal.” Hindi ba’t isang klase ito ng argumento? (Oo, ganoon nga.) Sinasabi ng ilang tao, “Kung may isang bagay tayong hindi nauunawaan, puwede tayong matiyagang maghintay, makipagbahaginan sa isang taong nakakaunawa. Sa ngayon ay wala sa atin ang nakakaunawa, at wala tayong makitang sinumang nakakaunawa na puwedeng makipagbahaginan. Kaya, magpasakop muna tayo.” Ano ang pananaw ng mga anticristo? “Kayong mahihinang tao, na nagpapasakop sa lahat ng bagay at nakikinig sa diyos sa lahat ng bagay. Makinig kayo sa akin! Bakit wala pang sinumang nagbanggit sa akin? Hayaan mong ilahad ko sa iyo ang isang malalim na opinyon!” Gusto nilang ibahagi ang matatayog nilang pananaw. Salungat sila sa mga taong nagsasagawa ng katotohanan, salungat sila sa pagsunod ng mga ito sa mga katotohanang prinsipyo. Palagi nilang gustong magmataas, magsimula ng away, gumamit ng masasamang panloloko, magbahagi ng kanilang matatayog na pananaw, at magbago ng tingin sa kanila ang mga tao. Hindi ba’t isa itong tanda ng buktot na disposisyon ng mga anticristo? Hindi ba’t ito ang marka nila? Bakit mali na magpasakop ang lahat ng tao? Kahit pa magpasakop sila nang may kahangalan—mali ba ito? Kokondenahin ba ito ng Diyos? (Hindi, hindi Niya ito kokondenahin.) Hindi ito kokondenahin ng Diyos. Anong karapatan nilang manligalig at magpasimuno ng kaguluhan? Kapag nakikita nilang nagpapasakop ang mga tao sa Diyos, nakakaramdam ba sila ng galit sa puso nila? Kapag nasasaksihan nilang nagpapasakop ang mga tao sa Diyos, sumasama ang loob nila, nadidismaya sila dahil wala silang anumang napapakinabangan, dahil ang mga tao ay hindi sumusunod sa kanila, hindi nakikinig sa kanila, hindi humihingi ng payo sa kanila, kaya nalulungkot sila—sa puso nila ay lumalaban sila, iniisip na, “Kanino ka nagpapasakop? Nagpapasakop ka ba sa katotohanan? Ayos lang ang magpasakop sa katotohanan, pero kailangan natin itong pag-aralan. Kung gayon, ano ang katotohanan? Nagpapasakop ka ba sa tamang paraan? Hindi ba’t dapat kahit papaano ay nauunawaan mo muna ang pasikot-sikot nito?” Hindi ba’t ganito ang argumento nila? Anong sinusubukan nilang gawin? Gusto nilang manggulo, para iligaw ang mga tao. Ang ilang taong manhid, mapurol ang utak at hangal, pagkarinig nila rito ay naliligaw na sila, samantalang ang mga may pagkilatis ay pinabubulaanan ang mga ito, sinasabing, “Ano bang ginagawa mo? Nagseselos at naiinggit ka ba dahil nagpapasakop ako sa Diyos? Malungkot ka kapag nagpapasakop ako sa Diyos, pero natutuwa ka kapag sumusunod ako sa iyo? Tama lang ba kapag ang lahat ay sumusunod sa iyo, nakikinig sa iyo, at ginagawa ang anumang sinasabi mo? Umaayon ba sa katotohanan ang sinasabi mo?” Pagkakita nila rito, iniisip nila, “May pagkilatis ang ilang tao—sa ngayon ay maghihintay muna ako.” Sa madaling salita, kapag nagsasagawa ang lahat ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi sila makapaghintay na umalis. Habang ang lahat ay mas lalong sumusunod sa Diyos, nagpapasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, nagsasagawa nang ayon sa mga salita ng Diyos, nangangasiwa sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga pagsasaayos at prinsipyo ng gawain, mas lalo silang naaasiwa, naiinis at naliligalig. Isa itong tanda ng buktot na diwa ng mga anticristo. Basta’t ang lahat ng tao ay nakikinig sa mga salita ng Diyos, nagsasagawa ng katotohanan, at nangangasiwa sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo, naaasiwa sila at hindi mapakali. Hindi ba’t problema ito? (Oo, problema ito.) Kung walang sinumang nagbabasa ng mga salita ng Diyos, o kung nagbabasa sila pero hindi nila pinagbabahaginan ang mga iyon, kung sa mga anticristo lang sila nakikinig, natutuwa ang mga ito. Anong isyu ang inilalarawan nito? Hindi sila kailanman nagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos. Basta’t mahinahong pinagbabahaginan ng lahat ang mga salita ng Diyos, at nakikita ng mga anticristo na walang sinumang pumapansin sa kanila, na hindi sila pinakikinggan ng mga taong ito, na hindi nila mapasasamba sa kanila ang mga ito, na nanganganib ang katayuan nila, at nanganganib sila—doon sila nanliligalig para makapanggulo, nagmumungkahi sila ng mga maling paniniwala o panlilinlang para iligaw at guluhin ka, sinasanhi kang mag-alinlangan kung tama ba o mali ang katatalakay mo lang. Sa sandaling nauunawaan na sa wakas ng lahat ang isang bagay sa pamamagitan ng pagbabahagi, bibigkas sila ng ilang maladiyablong salita para manggulo. Hindi ba’t ito ang buktot na disposisyon ng mga anticristo? Sa aling pagpapamalas tumutugma ang buktot na disposisyong ito? (Sa pagsalungat sa katotohanan.) Mismo. Habang mas lalong nauunawaan ng lahat ng tao ang katotohanan, mas lalong naiinis ang mga ito. Hindi ba’t pagsalungat ito sa katotohanan? Hindi ba’t magkatugma ito? (Oo, magkatugma ito.) May nakasalamuha na ba kayong ganitong mga tao? Habang ang lahat ay may pinagbabahaginang isang bagay, matagal silang nananahimik. Sa huli, kapag may kalinawan sa pagbabahaginan, lumalabas sila, at pagkalabas nila ay naglalahad sila ng mapanghamong tanong para pahirapan ang mga taong ito. Ang layunin nila ay ang sabihing, “Hayaan ninyong ipakita ko sa inyo, ipapakita ko sa inyo ang kaya kong gawin! Pinagbabahaginan ninyo ang katotohanan, hindi kayo nakikinig sa akin, binabalewala ninyo ako, wala kayong pakialam sa akin, at hindi ninyo ako pinapansin, kaya magbibigay ako ng isang mahirap na katanungan sa inyo para pagbahaginan ninyo at malito kayo!” Hindi ba’t isang diyablo ito? (Oo, isa itong diyablo.) Isa itong diyablo, isang tunay na anticristo.
Tuwing naririnig ng ilang tao na negatibo at mahina ang isang tao, natutuwa talaga sila. Lalo na kapag may nakikita silang tao na gumugulo sa buhay iglesia, na gumagawa ng masasamang bagay para guluhin ang gawain ng iglesia, o may nasasaksihan silang isang taong pikit-matang nanggugulo—masayang-masaya sila, sabik na sabik na magsindi ng mga paputok at magdiwang. Anong problema sa mga ganoong tao? Bakit masyado silang tuwang-tuwa sa kasawiang-palad ng iba? Bakit, sa mahalagang sandaling ito, ay hindi nila kayang kumampi sa Diyos, na ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t mga hindi mananampalataya ang mga gayong tao? Hindi ba’t mga alipin sila ni Satanas? Dapat ay pagnilayan ninyong lahat kung nagpapakita ba kayo ng mga gayong pag-uugali at tingnan din ninyo kung may mga ganito ring tao sa paligid ninyo at tingnan ninyo kung paano makikilatis ang mga gayong tao, lalo na kapag nakakakita kayo ng masasamang tao na gumagawa ng masasamang gawa—ano ang saloobin ninyo? Mga istambay lang ba kayo na nasisiyahan sa napapanood ninyo, o magagawa rin ba ninyong tahakin ang landas na ito? Ganoon ba kayong tao? Hindi pagninilayan ng ilang tao ang kanilang sarili sa ganitong paraan. Ayaw nilang makita ang kabutihan sa mga tao; mas gusto nila kapag mas masama kaysa sa kanila ang lahat ng tao—doon sila nagagalak. Halimbawa, kapag nakita nilang pinupungusan ang isang taong ginugugol ang kanyang sarili para sa Diyos, o kapag sumasalangsang ang isang taong tunay na nananampalataya sa Diyos, palihim silang nagsasaya at nagsasabing, “Hmph, dumating na rin ang araw mo. Ginugol mo ang sarili mo para sa diyos—kumusta naman ang kalagayan mo ngayon? Hindi ba’t naagrabyado ka? Hindi ba’t nagdusa ka ng kawalan? Anong saysay ng paggugol mo ng sarili mo? Palaging totoo ang sinasabi mo, at ngayon ay pinupungusan ka, hindi ba? Mabuti nga sa iyo!” Bakit sila masayang-masaya? Hindi ba’t natutuwa sila sa kasawiang-palad ng iba? Hindi ba’t nasa maling posisyon ang puso ng mga gayong tao? Kapag may nakita silang isang taong nagdudulot ng mga kaguluhan sa gawain ng sambahayan ng Diyos, masaya sila. Kapag nakikita nilang nagdurusa ng kawalan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, masaya sila. Ano ang nagpapasaya sa kanila? Iniisip nila, “Sa wakas, may isang tao na, gaya ko, ay hindi minamahal ang katotohanan, na nagdulot ng kawalan sa mga interes ng sambahayan ng diyos, at hindi man lang niya sinisisi ang kanyang sarili.” Iyon ang nagpapasaya sa kanila. Hindi ba’t buktot ito? (Oo.) Napakabuktot nito! May mga ganito bang tao sa inyo? May ilang tao na kadalasan ay ayaw umawit nang tahimik, pero kapag nakakita sila ng isang taong nagkakamali, bigla silang nagsisimulang kumanta, iniindak ang kanilang katawan, na mukhang tuwang-tuwa, at iniisip na, “Ngayon, sa wakas ay may maganda na akong balita. Ang saya ko, kakain ako ng dalawang ekstrang mangkok na kanin!” Anong klaseng disposisyon ito? Kabuktutan. Ni hindi sila luluha o malulungkot nang kahit isang segundo dahil nagdusa ng kawalan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila sinisisi ang kanilang sarili, wala silang kalungkutan o pasakit. Sa halip, natutuwa at kontento sila dahil nauwi sa kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos ang kamalian ng isang tao at nagdala ito ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos. Hindi ba’t kabuktutan ito? Hindi ba’t isa itong tanda ng pagtataglay ng buktot na kalikasan ng mga anticristo? Isa rin itong tanda.
Sinasabi na ang ilang nasa mga pangkat ng taga-ebanghelyo ay mga bihasang magsalita. Ilang taon na silang nakapakinig ng mga sermon at nakapagbuod na sila ng mga doktrina, saan man sila pumunta ay makakapagmalaki sila, hindi sila nauubusan ng sasabihin kapag nangangaral sila, na ganap na nagpapakita ng kanilang mga kaloob at galing sa pagsasalita. Ang ilang tao ay nakikita ang mga gayong tao bilang mga may kakayahan at nagpapasyang sumunod sa mga ito. Anong sinasabi nila sa huli? “Nakikinig kami sa pagbabahagi ng taong iyon, kaya hindi na namin kailangang makinig sa mga sermon mula sa itaas; hindi na rin namin kailangang makinig sa mga salita ng diyos. Ang pagbabahagi ng taong iyon ang kapalit ng mga iyon.” Hindi ba’t nasa panganib ang mga taong ito? (Oo.) Nasa matinding panganib ang mga taong ito. Gustong-gusto nila ang mga kilos at pag-uugali ng mga anticristo, pati na ang kawalang-hiyaan, kalupitan, at kabuktutan ng mga ito. Gustong-gusto nila ang mga gustong-gusto ng mga anticristo at ayaw nila sa mga ayaw ng mga anticristo. Minamahal nila ang kaalaman, pag-aaral, mga doktrina, at iba’t ibang teolohikal na teorya, maling paniniwala, at mga panlilinlang na ipinangangaral ng mga anticristo. Sinasamba nila ang mga ito. Hanggang saang antas nila sinasamba ang mga ito? Kahit sa panaginip nila sa gabi, sinasabi nila ang mga salitang ito. Seryoso ba ito? Kapag umabot na ang pagsamba nila sa antas na ito, kaya pa rin bang sumunod ng mga taong ito sa Diyos? Maaaring sabihin ng ilan, “Mali iyon. Nasa iglesia pa rin sila, nananampalataya pa rin sila sa Diyos.” Wala pa silang pagkakataon. Kapag nakakita na sila ng tao o bagay na gusto nilang sambahin, kaya nilang iwan ang Diyos anumang oras. Hindi ba’t tanda ito ng pagtataglay ng buktot na diwa ng mga anticristo? (Oo.) Kaya ba ninyong kilatisin ang mga gayong tao kapag nakita ninyo sila? (Oo, kaya namin.) Dati, maaaring hindi ninyo pa nalalaman ang matinding kalikasan ng mga gayong bagay. Ngayon, kapag nakaharap na ninyo muli ang mga gayong tao, magkakaroon pa rin kaya kayo ng mga katanungan sa isip ninyo tungkol sa kanila? Babalewalain ba ninyo sila? (Hindi.) Kung gayon, nagkaroon na ba kayo ng kaunting pagkilatis sa mga gayong tao? (Oo, mayroon na ako.) Ito ang ilang tanda at impormasyong ibinubunyag nila. Ibig sabihin, kapag may oportunidad o katayuan na ang mga taong ito, o kapag iniligaw sila ng isang tao, kaya nilang ipagkanulo ang Diyos anumang oras, kahit saan. Kaya bang makita ng mga tao ang kanilang mga pagbubunyag at ang kanilang buktot na diwa? May ilan bang bakas na kayang makita ng mga tao? (Oo, mayroon.) Mayroon dapat. Kung hindi Ko ito nabanggit, maaaring isipin ninyo, “Sino ba ang nagpapakita ng ganitong mga marka? Sino ba ang nagpapakita ng mga tandang ito? Walang sinuman, wala pa akong nakitang sinuman.” Dahil sa pagtalakay Ko ng mga tandang ito, hindi ba’t natuklasan ninyo na may mga gayong tao? Ang ilan sa kanila ay mga tagasunod, at ang ilan ay mga lider at manggagawa. Ito ang ikatlong tanda ng pagtataglay ng buktot na diwa ng mga anticristo.
Ang mga taong nagtataglay ng buktot na diwa ng mga anticristo ay may isa pang natatanging tanda, isang bagay na mayroon silang lahat. Ang mga taong ito, sa ilalim ng pagkukunwari na minamahal ang katotohanan at inaasam ang tunay na daan, ay dumadalo sa mga sermon, natututo ng iba’t ibang kaalaman at nilalamang may kaugnayan sa katotohanan, at nagsasangkap ng mga teolohikal na teorya at kaalaman, pagkatapos ay ginagamit nila ang mga teorya at kaalamang ito para makipagtalo nang pasalita sa mga lider at manggagawa, ginagamit ang mga iyon para kondenahin ang ilang tao, para iligaw at hikayatin ang iba, at para pa nga magbigay ng diumano ay panustos, tulong, at pagdidilig sa ilang tao. Gayumpaman, isang punto ang nagbibigay linaw na hindi nila minamahal ang katotohanan. Ano ang puntong iyon? Iyon ay na kahit gaano pa sangkapan ng mga taong ito ang sarili nila at mangaral, nagsasalita at bumibigkas lamang sila ng mga bagay-bagay, sinasangkapan lang ang sarili nila, pero hindi nila kailanman pinangangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ano ang ibig sabihin ng “hindi kailanman”? Nangangahulugan itong hindi nila kayang magsalita ng kahit isang totoong salita, hindi sila kailanman naging tapat, at hindi kailanman nagbayad ng halaga na bitiwan ang mga kapakinabangan ng katayuan. Anuman ang okasyon, habang nagsasalita at gumagawa sila, palagi silang nagsisikap nang todo alang-alang sa pansarili nilang katanyagan, pakinabang, at katayuan. Kahit na sa panlabas ay tila nagbabayad sila ng halaga at nagmamahal sa katotohanan, hindi pa rin nagbabago ang tiwaling diwa nila. Anong isyu rito? Sa isang banda, hindi kailanman hinahanap ng mga taong ito sa kanilang mga kilos ang mga katotohanang prinsipyo. Sa kabilang banda, kahit pa alam nila ang mga katotohanang prinsipyo at ang landas ng pagsasagawa, hindi nila isinasagawa ang mga iyon. Ito ay isang tanda na nagtataglay sila ng buktot na diwa ng mga anticristo. May katayuan man sila o wala, at ginagawa man nila ang kanilang tungkulin na ipalaganap ang ebanghelyo o mga lider at manggagawa sila, ano ang katangian nila? Kaya lang nilang bigkasin ang mga tamang doktrina, pero hindi nila kailanman ginagawa ang mga tamang bagay. Iyon ang katangian nila. Mas malinaw sila magsalita ng mga doktrina kaysa sa iba, pero gumagawa sila ng mga bagay na mas masasama kaysa sa ginagawa ng iba—hindi ba’t buktot ito? Ito ang ikaapat na tanda ng pagtataglay ng buktot na diwa ng mga anticristo. Tingnan ninyo mismo ito, at suriin ninyo kung marami bang taong nakapalibot sa inyo ang may buktot na diwa ng mga anticristo. Pagkatapos Kong ilista ang mga ito, maaari ninyong timbangin kung marami ba o wala gaanong ganoong taong nakapalibot sa inyo. Ilang porsiyento sila? Mas marami bang mga lider o mga ordinaryong mananampalataya? Hindi ba’t inisip ng ilan sa inyo dati na mga lider lang ang may pagkakataong maging mga anticristo? (Ganoon dati.) Kung gayon, nagbago na ba ngayon ang pananaw na ito? Ang mga anticristo ay hindi nagiging mga anticristo dahil may katayuan sila; ganito na sila kamiserable kahit na wala pa silang katayuan. Dahil lang sa suwerte, kaya napabilang sila sa hanay ng mga lider, at mabilis na nalalantad ang kanilang mga totoong katangian bilang mga anticristo, gaya ng fungus na, dahil sa tamang temperatura at lupa, ay mabilis na nagfe-ferment, kaya nabubunyag ang totoong hitsura nito. Kung walang angkop na kapaligiran, maaaring mas tumagal pa nang kaunti bago mabunyag ang kalikasang diwa nila, pero ang mas mabagal na pagbubunyag na ito ay hindi nangangahulugang wala silang ganoong kalikasan. Kapag may ganoong kalikasan, hindi maiiwasang kikilos ang mga tao at magbubunyag ng mga bagay-bagay, at ang mga nabunyag na pag-uugaling ito ay mga tanda at marka ng buktot na diwa ng mga anticristo. Kapag may mga tanda at marka na sila, maaari na silang maklasipika bilang mga anticristo.
Sabihin ninyo sa Akin, ang pagsasagawa ba ng katotohanan at pangangasiwa sa mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo ay nangangailangan ng iba’t ibang dahilan at pangangatwiran? (Hindi, hindi ito nangangailangan.) Basta’t ang isang tao ay may matapat na puso, kaya niyang isagawa ang katotohanan. Ang mga tao bang hindi nagsasagawa ng katotohanan ay naghahanap ng iba’t ibang maidadahilan? Halimbawa, kapag sila ay may ginagawang mali, sumasalungat sa mga prinsipyo, at iwinawasto ng iba, kaya ba nilang makinig? Hindi sila nakikinig. Ang katunayan bang hindi sila nakikinig ang nag-iisang isyu? Paano sila naging buktot? (Nag-iisip sila ng maidadahilan para mahikayat ka, para paniwalain kang tama sila.) Hahanap sila ng pagpapakahulugan na naaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo, pagkatapos ay gagamit sila ng mga espirituwal na teorya na kaya mong kilalanin at tanggapin at na naaayon sa katotohanan para kumbinsihin ka, pasunurin ka sa kanila, at tapat kang paniwalain na tama sila, para lang makamit ang layon nilang iligaw at kontrolin ang mga tao. Hindi ba’t kabuktutan ito? (Oo.) Kabuktutan nga ito. Malinaw na sila ay may nagawang mali, sumalungat sa mga prinsipyo at katotohanan sa kanilang mga kilos, at nabigong isagawa ang katotohanan, pero nakakabuo sila ng isang set ng mga teoretikal na pangangatwiran. Talagang buktot ito. Parang lobo ito na kumakain ng isang tupa; nasa orihinal na kalikasan ng isang lobo na kumain ng tupa, at nilikha ng Diyos ang ganitong uri ng hayop para kumain ng tupa—tupa ang pagkain nito. Pero pagkatapos itong kainin, naghahanap pa rin ng iba’t ibang maidadahilan ang lobong ito. May mga naiisip ba kayo tungkol dito? Iniisip ninyo, “Kinain mo ang tupa ko, at ngayon naman ay gusto mong isipin ko na dapat mo itong kainin, na makatwiran at naaangkop na kainin mo ito, at dapat pa nga kitang pasalamatan.” Hindi ba’t nakakainis? (Oo, naiinis ako.) Habang naiinis ka, anong naiisip mo? Iniisip mo, “Masyadong buktot ang taong ito! Kung gusto mo itong kainin, sige gawin mo, ganoon ka naman; isang bagay ang kainin ang tupa ko, pero gumagawa ka pa ng maraming pangangatwiran at pagdadahilan, at hinihingi mong maging mapagpasalamat ako sa iyo bilang kapalit. Hindi ba’t panggugulo ito sa tama at mali?” Ito ay kabuktutan. Kapag gustong kainin ng isang lobo ang tupa, ano ang nagiging pagdadahilan nito? Sasabihin ng lobo, “Maliit na kordero, ngayon ay dapat kitang kainin dahil gusto kong maghiganti sa iyo sa pang-iinsulto sa akin noong nakaraang taon.” Ang kordero, na naagrabyado, ay sasabihing, “Hindi pa nga ako ipinapanganak noong nakaraang taon.” Nang mapagtanto ng lobo na nagkamali ito sa pagsasalita at pagbibilang sa edad ng kordero, sasabihin nitong, “Kung gayon hindi ko na bibilangin iyon, pero kailangan pa rin kitang kainin dahil noong uminom ako sa ilog na ito, dinumihan mo ang tubig, kaya gagantihan kita.” Sasabihin ng kordero, “Nasa bandang ibaba ako ng ilog, at ikaw ang nasa itaas. Paano ko marurumihan ang tubig sa itaas? Kung gusto mo akong kainin, sige kainin mo ako. Huwag ka nang magdahilan pa ng kung ano-ano.” Iyon ang kalikasan ng lobo. Hindi ba’t kabuktutan ito? (Oo.) Ang kabuktutan ba ng lobo ay kapareho ng sa malaking pulang dragon? (Oo.) Ang paglalarawang ito ay pinakaangkop sa malaking pulang dragon. Gustong arestuhin ng malaking pulang dragon ang mga taong nananampalataya sa Diyos; gusto nitong kasuhan ng krimen ang mga taong ito. Kaya, lumilikha muna ito ng mga pagkukunwari, gumagawa ng mga tsismis, at pagkatapos ay ipinapaalam sa mundo para patindigin ang buong mundo at kondenahin ka. Nagsasampa ito ng maraming akusasyon sa mga nananampalataya sa Diyos, gaya ng “panggugulo sa kaayusan ng lipunan,” “pagkakalat ng mga lihim ng estado,” at “pagpapabagsak sa kapangyarihan ng estado.” Nagpapakalat din ito ng tsismis na nakagawa ka ng iba’t ibang krimen at inaakusahan ka nito. Ayos lang ba na tumanggi kang aminin ang mga iyon? Ito ba ay usapin ng pag-amin mo o hindi sa mga ito? Hindi. Kapag desidido na itong arestuhin ka, katulad ng isang lobo na desididong kumain ng isang tupa, naghahanap ito ng iba’t ibang maidadahilan. Lumilikha ng iba’t ibang pagkukunwari ang malaking pulang dragon, sinasabing gumawa tayo ng masama, samantalang ang katunayan naman, ibang tao ang gumawa niyon. Inililipat nila ang sisi at idinidiin ang iglesia. Kaya mo bang makipagtalo rito? (Hindi.) Bakit hindi mo kayang makipagtalo rito? Puwede bang magkaroon ka ng malinaw na argumento rito? Sa tingin mo ba, sa pakikipag-argumento rito at pagpapaliwanag sa sitwasyon, ay hindi ka na aarestuhin? Masyadong maganda ang tingin mo rito. Bago ka pa matapos magsalita, sasabunutan ka na nito, iuuntog ang ulo mo sa pader, at pagkatapos ay tatanungin ka, “Kilala mo ba kung sino ako? Isa akong diyablo!” Kasunod niyon, magkakaroon ng matitinding pambubugbog, pati na ng ilang araw at gabi ng halinhinang interogasyon at pagpapahirap, at pagkatapos ay magsisimula ka nang kumilos nang tama. Sa puntong ito, matatanto mo, “Walang lugar para sa pangangatwiran dito; isa itong patibong!” Hindi nakikipagtalo ang malaking pulang dragon sa iyo—akala mo ba ay hindi nito sinasadyang lumikha ng pagkukunwari, na nagkataon lang iyon? May pagsasabwatan sa likod nito, at planado na ang susunod nitong pagkilos. Simula pa lang ito ng mga pagkilos nito. Maaaring isipin pa rin ng ilang tao, “Hindi nila nauunawaan ang mga usaping may kinalaman sa pananampalataya sa Diyos; kung ipapaliwanag ko ito sa kanila, magiging maayos ang lahat.” Maipapaliwanag mo ba ito nang malinaw? Idiniin ka nito sa isang bagay na hindi mo naman ginawa—kaya mo pa rin bang ipaliwanag nang malinaw ang mga bagay-bagay? Noong idiin ka nito, hindi ba nito alam na hindi ikaw ang gumawa niyon? Hindi ba nito alam kung sino ang gumawa niyon? Alam na alam nito! Pero bakit ikaw ang sinisisi nito? Ikaw ang gustong bihagin nito. Sa tingin mo ba, kapag isinisi niya ito sa iyo ay hindi nito alam na hindi ka nito tinatrato nang makatwiran? Gusto nitong tratuhin ka nang hindi makatwiran at arestuhin at usigin ka. Iyon ay kabuktutan.
Sinumang may buktot na diwa ng mga anticristo ay tutol at namumuhi sa katotohanan sa diwa nila. Sa puso nila, ni katiting man ay hindi nila tinatanggap ang katotohanan at wala silang layuning isagawa ito. Kung sa tingin mo ay wala silang pagkaunawa sa katotohanan at magtatangka kang makipagbahaginan sa kanila tungkol dito, anong magiging resulta? Walang mangyayari—dahil maling tao ang nakaharap mo. Hindi sila ang klase ng taong tumatanggap sa katotohanan, at hindi ka dapat makipagbahaginan sa kanila; sa halip, dapat mo silang turuan ng aral at paghigpitan, sabihan na, “Gaano katagal mo na bang ginagawa ang tungkulin mo? Paano mo naituturing na maliit na bagay lang ang tungkulin mo? Gawain mo ba ito mismo? Sino ang hinahamon mo? Hindi ako ang nilalabanan mo, nilalabanan mo ang Diyos at ang katotohanan!” Hindi ba’t kailangan mo siyang turuan ng aral? Kapaki-pakinabang ba na magbahagi sa kanya tungkol sa katotohanan? Hindi. Bakit hindi ito kapaki-pakinabang? Mga lobo sila, hindi mga nawawala o naliligaw na tupa. Kaya bang isagawa ng lobo ang katotohanan? Hindi. Ano ang kalikasan ng isang lobo? (Kabuktutan.) Kapag nakakita ito ng tupa, naglalaway na ito, puno na ng mga imahe ng masarap na pagkain ang paningin nito, at nakatakda na ang tupa na maging pagkain nito. Iyon ang kalikasan nito; iyon ay kabuktutan. Kung sasabihan mo ito na, “Ang tupa ay sobrang nakakaawa at maamo; pakiusap huwag mo itong kainin. Pumili ka na lang ng ibang mabangis na hayop para kainin, ha?” Makakaintindi ba ito? Hindi. Iyon ang kalikasan nito. Ang ilang tao ay hindi nagsasagawa ng katotohanan at humahanap sila ng iba’t ibang maidadahilan—iyon ang kalikasan nila. Ano ang kalikasang ito? Ito ay kabuktutan. Gaano man kasama, kamapaghimagsik, o lantarang laban sa mga prinsipyo ang mga pagkilos nila, ayaw pa rin nilang mapahiya; kahit pa sumalungat sila sa katotohanan, gusto nilang gawin ito sa isang engrande at marangal na paraan. Hindi ba’t kabuktutan ito? Positibo o negatibong bagay ba ang paglabag sa katotohanan? (Negatibo.) Paanong ang isang negatibong bagay ay magagawa sa isang engrande, marangal at kagalang-galang na paraan? Hindi ba’t medyo nakakaasiwang subukan na pagsamahin ang dalawang aspektong ito? Ito ay kabuktutan: Ito ang pag-uugali at pagpapamalas ng mga may buktot na diwa ng mga anticristo. Parang magkasalungat ito, pero ganoon lang talaga sila kumilos, iyon ang disposisyon nila at ang nabubunyag sa kanila. Nagkikimkim sila ng pagkamuhi sa katotohanan, hindi kailanman ito tinatanggap—anticristo ang mga ito, ito ang buktot na kalikasang diwa ng mga anticristo. Ilang aytem ang nasa buktot na diwa ng mga anticristo? (Apat na aytem.) Apat sa kabuuan. Hindi ba’t sapat na ang apat na tandang ito para makakilatis kayo? Ang kabuktutan ay likas na nagtataglay ng mga tuso at mapanlinlang na elemento, at kapag umabot na sa sukdulan ang mga tuso at mapanlinlang na elementong ito, maikakategorya ito bilang isang buktot na disposisyon. Naisasakatawan ng mga anticristo ang ganitong uri ng buktot na disposisyon.
Setyembre 3, 2019