Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi) Ikalimang Seksiyon

Magpatuloy tayo sa pagtalakay tungkol kay Pablo. Sa anong klaseng pamilya isinilang si Pablo? Isinilang siya sa isang intelektuwal na pamilya, isang pamilyang may kaalaman. Isinilang siya sa gayong pamilya, at maituturing na mabuti ang kondisyon ng kanyang kapanganakan. Mataas ang pinag-aralan niya. Ayon sa mga kasalukuyang pamantayan, maaaring siya ang klase ng tao na pag-aaralan ang teolohiya o mag-aaral sa unibersidad. Kung ganoon, ang kaalaman at pinag-aralan ba niya ay mas mataas kaysa sa maraming tao? (Oo.) Kung huhusgahan ang kaalaman at pinag-aralan ni Pablo, magiging madali ba sa kanya na makilala na ang Panginoong Jesus ay ang Cristo? (Oo.) Napakadali lang niyon. Pero bakit hindi niya kinilala ang Panginoong Jesus bilang ang Cristo? (Sinamba niya ang kaalaman at nadama niyang ang Panginoong Jesus ay hindi niya kasingtalino, kaya hindi niya kinilala ang Panginoong Jesus.) Napakasimple lang na sabihin ito. Kung hindi niya kasingtalino ang Panginoong Jesus, hindi niya Siya makikilala. Kung talagang may kaalaman ang Panginoong Jesus, baka makilala Siya ni Pablo. Ito ay bahagyang lohikal na pagpapalagay. Ngayon, sinasabi lang natin na sinasamba ng mga anticristo ang kaalaman; na ibig sabihin, kapag nakikinig sila sa mga tao at hinaharap nila ang mga tao at usapin, mayroon silang pananaw na nagagawa ang iba na makitang sinasamba nila ang kaalaman at pinag-aralan. Halimbawa, kung ang mga salita mo ay napakalohikal, mataas ang antas, matalino, di-maarok, at abstrak, ito mismo ang gusto niya. Ang abstrak at naaayon sa lohika, pilosopiya, at maging sa isang partikular na pinag-aralan—ito mismo ang gusto niya. Ang Panginoong Jesus ay ang pagkakatawang-tao ng Diyos, at ang lahat ng sinasabi Niya ay mga salita ng Diyos at mga katotohanan. Kaya, kapag tiningnan ng mga taong may kaalaman at pinag-aralan ang mga salita at katotohanang ito, ano ang tingin nila rito? “Masyadong karaniwan at mababaw ang mga salitang sinasabi mo. Lahat ng iyon ay walang kuwentang bagay tungkol sa pananampalataya sa diyos. Hindi malalim ni di-maarok ang mga iyon. Walang mga hiwaga. Pero sinasabi mong mga katotohanan iyon. Ano ba ang napakataas sa katotohanan? Kaya ko ring sabihin ang mga ito!” Hindi ba’t ito ang pinaniniwalaan ng mga anticristo? (Oo.) Tinitimbang nila ito nang ganito, iniisip nilang, “Tingnan natin kung ang mga bagay na sinasabi mo ay mas mataas ba o mas mababa sa kaalaman ko.” Pagkarinig nila sa mga iyon, hinahamon nila ang mga iyon, sinasabing, “Para kang estudyante sa elementarya. Nasa kolehiyo na ako, kaya hindi kita kasinggaling!” Pagkatapos ay humahanap sila ng kamalian sa mga salita ng Diyos, sinasabing, “Parang hindi mo naiintindihan ang gramatika, at minsan ang mga salitang ginagamit mo habang nagsasalita ka ay hindi wasto. Parang hindi ka diyos.” Tinitingnan nila ang anyo Niya para makita kung Siya ba ang Diyos o hindi; hindi sila nakikinig sa nilalaman ng mga salita Niya, hindi sila nakikinig kung katotohanan ba ang ipinapahayag Niya, o kung ang mga salita ba ay galing sa Diyos. Hindi ba’t kawalan ito ng espirituwal na pang-unawa? (Oo, kawalan ito.) Kaya, may isa pang katangian ang mga anticristo: Wala silang espirituwal na pang-unawa. Dahil pinahahalagahan nila ang kaalaman at pinag-aralan, hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hindi nila kailanman mauunawaan ang katotohanan. Ang mga taong ito ay nakatakdang maging ang mga klase ng taong walang espirituwal na pang-unawa. Ginagamit nila ang kaalaman nila para timbangin ang bawat pangungusap na binibigkas ng Diyos. Kaya ba nilang maunawaan ang katotohanan? Kaya ba nilang malaman na ito ang katotohanan? Makararating ba sila sa wakas sa isang kongklusyon at masasabing ang lahat ng salitang sinabi ng Diyos ay ang katotohanan? Makikilala ba nila ito? Hindi nila ito makikilala. Kung gayon, sa mga mata nila, paano nila nakikita ang nagkatawang-taong Diyos? Iniisip nila, “Paano ko man ito tingnan, siya ay isang tao. Paano ko man ito tingnan, hindi ko makita ang kalidad ng diyos. Paano man ako makinig, hindi ko masabi kung alin sa mga salita niya ang naaayon sa katotohanan at kung alin sa mga iyon ang katotohanan.” Kaya, sa kaibuturan ng puso nila, iniisip nila: “Kung mayroon kang isang bagay na bago at sariwa, at makapagkakamit ako ng ilang teorya at makakakuha ako ng kaunting kapital mula sa iyo, susundan kita sa ngayon at tingnan natin kung ano ang magiging resulta.” Pero matatanggap ba nila ang Panginoong Jesus mula sa kaibuturan ng puso nila? (Hindi, hindi nila kaya.) Siguradong hindi nila Siya matatanggap. Bakit hindi nila Siya tinatanggap? Ano ang dahilan nito? Iyon ay dahil masyado nilang gusto ang kaalaman. Ang gusto nila at ang kaalamang naisangkap at natutuhan nila ay binulag ang mga mata at kaisipan nila, na humahadlang sa kanilang makita ang lahat ng ginawa ng Diyos. Kahit na kitang-kita namang katotohanan ang sinasabi ng Diyos, kahit na malinaw na ipinapahayag ng gawaing nagawa ng Diyos ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, hindi nila ito makita. Bakit hindi nila ito makita? Dahil ang kaalaman at natutuhan nila ay pinupuno sila ng mga kuru-kuro, imahinasyon, at paghusga sa Diyos. Sa huli, gaano man sila makinig sa mga sermon o makipag-ugnayan sa Diyos, hindi nila maunawaan ang sinasabi ng Diyos, lalo na ang matanggap na kayang baguhin ng sinabi ng taong ito ang mga tao o na ito ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Ito ay isang bagay na kailanman ay hindi nila matatanggap. Hindi nila ito kailanman matatanggap, na nagtatakda sa kanilang hindi maligtas, gaya ni Pablo. Inamin ba ni Pablo na ang Panginoong Jesus ay ang Cristo? Hindi niya ito inamin hanggang sa huli. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ba’t tumawag siya sa Panginoon nang pinabagsak siya sa daan papuntang Damasco? Siguro ay umamin siya. Paano masasabing hindi siya umamin?” May isang katunayang nagpapatibay na hindi kailanman kinilala ni Pablo ang Panginoong Jesucristo bilang ang kanyang Tagapagligtas. Iyon ay, kahit na pinabagsak siya, hinangad pa rin niyang subukang maging Cristo. Ang mga tao ba ay puwedeng maging Cristo na lang basta-basta? Si Cristo ay ang Diyos na nagkatawang-tao. Siya ay Diyos at walang sinuman ang puwedeng maging Siya dahil gusto lang nila. Sino ba ang ayaw maging Cristo, pero iyon ba ay isang bagay na puwedeng gawin ng mga tao? Hindi ito usapin ng kagustuhan ng mga taong gawin ito. Ginusto pa nga ni Pablo na maging Cristo. Kung titingnan ang paghahangad ni Pablo, kaya ba niyang makilala na ang Panginoong Jesus ay ang Cristo at ang Panginoon? (Hindi, hindi niya kaya.) Kung gayon, saan niya ipinosisyon ang pagkakakilanlan at katayuan ng Panginoong Jesus? Bilang ang Anak ng Diyos. Ano ang Anak ng Diyos? Iyon ay, “Hindi ka diyos, ikaw ay ang anak ng diyos, mas mababa ka kaysa sa diyos, ikaw ay katulad namin; kami ay mga anak ng diyos, at ikaw ay anak din ng diyos, pero binigyan ka ng diyos ng ibang atas at gumawa ka ng ibang gawain. Kung ibibigay sa akin ng diyos ang trabahong ito, kaya ko rin itong gawin at pasanin.” Hindi ba’t ang ibig sabihin nito ay hindi kinikilala ni Pablo ang katunayan na ang Panginoong Jesucristo ay ang Diyos? (Oo, ganoon nga.) Naniwala siya na ang diyos ng kanyang pananalig ay nasa langit, na ang Cristong ito ay hindi ang diyos, at na ang pagkakakilanlan at katayuan ng diyos ay walang kinalaman sa Cristong ito. Paano nabuo ang pagkaunawa at saloobin niya sa Panginoong Jesus? Nahinuha iyon mula sa kaalaman at mga imahinasyon niya. Paano niya nahinuha ang mga iyon? Saang pangungusap niya nakita ang mga iyon? Sinabi ng Panginoong Jesus, “Ang Ama Ko ay ganito at ganyan,” at “Ginagawa Ko ang ganito at ganyan sa pamamagitan ng Aking Ama na nasa langit,” at narinig niya ito at naisip na, “Tinatawag mo ring diyos ang diyos? Tinatawag mo ring ama ang diyos na nasa langit? Kung ganoon, ikaw ay anak ng diyos?” Hindi ba’t imahinasyon ito ng utak ng tao? Ito ay ang kongklusyong binuo ng mga taong may kaalaman: “Kung tinatawag mong ama ang diyos na nasa langit, at tinatawag din namin siyang ama, ibig sabihin magkakapatid tayo. Ikaw ang panganay na anak, kami ang ikalawang mga anak, at ang diyos na nasa langit ay ang diyos nating lahat. Kaya, hindi ikaw ang diyos, at magkakapantay tayong lahat. Samakatwid, hindi ang panginoong Jesucristo ang huling nagpapasya kung sino ang gagantimpalaan, kung sino ang parurusahan, at kung ano ang kalalabasan nila—ito ang diyos na nasa langit.” Ang mga kongklusyon at kakatwang pananaw na ito ni Pablo ay lahat natamo sa paggamit ng isip niya para humusga at sumuri pagkatapos pag-aralan ang teolohiya at kaalaman. Ito ang resulta.

Itinuring ni Pablo ang kaalaman bilang kanyang makakapitan upang maligtas ang kanyang buhay, bilang kanyang kapital, at lalo pa bilang layon ng paghahangad niya. Kung hindi sinamba ni Pablo ang kaalaman, at sa halip ay kaya niyang bitiwan ang kaalamang natutuhan niya dati, kung itinuring niya ang Panginoong Jesus bilang ang Panginoon, bilang ang Siyang maaaring sundan, ang Siyang makakapagpahayag ng katotohanan, at kung itinuring Niya ang mga salita ng Panginoong Jesus bilang ang katotohanang dapat sundin at isagawa—iba sana ang naging resulta. Sa isang banda, nagawang itatwa ni Pedro nang tatlong beses ang Panginoon dahil takot siya, at sa kabilang banda, nakita niya ang Panginoong Jesus bilang isang ordinaryong tao na inaresto at nagdurusa. May kahinaan sa puso ni Pedro—hindi iyon ang nakamamatay na kapintasan. Hindi rin isang nakamamatay na kapintasan na naitatwa niya nang sandali ang Panginoong Jesus. Hindi ito ang ebidensiya na tutukoy sa kalalabasan ng isang tao sa huli. Ano ba ang tumutukoy sa kalalabasan niya sa huli? Ito ay kung tinatrato ba niya ang mga salita ng Diyos bilang mga salita ng Diyos, kung kaya ba niyang tanggapin, sundin, at isagawa ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan. Sina Pablo at Pedro ay dalawang ganap na magkaibang halimbawa. Minsang naging mahina si Pedro, minsan niyang itinatwa ang Panginoon, at minsang pinagdudahan ang Panginoon, pero ang huling resulta ay ginawang perpekto si Pedro. Si Pablo ay gumawa para sa Panginoon at nagdusa sa loob ng maraming taon. Puwedeng makatwirang sabihin na nagawa sana niyang makatanggap ng korona, pero bakit nauwi siya sa pagtanggap ng parusa ng Diyos? Bakit magkaiba ang kinalabasan niya at ni Pedro? Nakadepende ito sa kalikasang diwa ng isang tao at sa landas na tinatahak niya. Ano ang kalikasang diwa ni Pablo? Sa pinakamababa ay may kaunting kabuktutan. May pagkahumaling siyang naghangad ng kaalaman at katayuan, hinangad niya ang mga gantimpala at isang korona, at nagpakaabala, gumawa, at nagbayad siya ng halaga para sa koronang iyon, nang hindi man lamang hinahangad ang katotohanan. Higit pa rito, sa kanyang paggawa, hindi siya kailanman nagpatotoo tungkol sa mga salita ng Panginoong Jesus, ni nagpatotoo na ang Panginoong Jesus ay ang Cristo, ang Diyos, o ang nagkatawang-taong Diyos, na kinakatawan ng Panginoong Jesus ang Diyos, at na ang lahat ng salitang sinasabi Niya ay mga salitang sinabi ng Diyos. Hindi maunawaan ni Pablo ang mga ito. Kaya, ano ang landas na tinahak ni Pablo? May pagkasutil niyang hinangad ang kaalaman at teolohiya, sinuway ang katotohanan, tinanggihang tanggapin ang katotohanan, at ginamit ang kanyang mga kaloob at kanyang kaalaman na gawin ang gawain para pamahalaan, panatilihin, at patatagin ang katayuan niya. Ano ang huling kinalabasan niya? Siguro ay hindi mo makita mula sa labas kung anong kaparusahan ang tinanggap niya bago siya mamatay, o kung mayroon ba siyang abnormal na pagpapamalas, pero ang huling kinalabasan niya ay naiiba kay Pedro. Saan nakadepende ang “pagkakaibang” ito? Ang isa ay sa kalikasang diwa ng isang tao, at ang isa pa ay sa landas na tinatahak niya. Pagdating sa saloobin ni Pablo at pananaw sa Panginoong Jesus, paano naiiba ang paglaban niya sa paglaban ng mga normal na tao? Gayundin, ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pagtatwa at pagtanggi ni Pablo sa Panginoon, at pagtatwa nang tatlong beses ni Pedro sa pangalan ng Diyos at pagkabigo nitong kilalanin ang Panginoon dahil sa kahinaan at takot? Ginamit ni Pablo ang kaalaman, pagkatuto, at ang mga kaloob niya para gawin ang kanyang gawain. Hindi niya man lang isinagawa ang katotohanan, ni sinundan ang daan ng Diyos. Samakatwid, makikita mo ba ang kahinaan niya sa panahong iginugol niya sa pagpapakaabala at paggawa, o sa mga sulat niya? Hindi mo makikita, hindi ba? Paulit-ulit niyang tinuruan ang mga tao kung ano ang gagawin at hinikayat ang mga tao na hangarin na magkamit ng mga gantimpala, korona, at magandang destinasyon. Wala siyang karanasan, pagkaunawa, o pagpapahalaga sa pagsasagawa sa katotohanan. Sa kabaligtaran, hindi magarbo ang mga kilos ni Pedro. Wala siyang malalalim na teorya o mga sulat na masyadong sikat. Mayroon siyang kaunting tunay na pagkaunawa at pagsasagawa sa katotohanan. Bagama’t nakaranas siya ng kahinaan at katiwalian sa buhay niya, pagkatapos ng maraming pagsubok, ang relasyong nabuo niya sa Diyos ay relasyon sa pagitan ng tao at Diyos, na ibang-iba kay Pablo. Bagama’t gumawa si Pablo, walang kahit ano sa ginawa niya ang may kinalaman sa Diyos. Hindi siya nagpatotoo tungkol sa mga salita ng Diyos, sa Kanyang gawain, sa Kanyang pagmamahal, o Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, at lalong hindi tungkol sa mga layunin ng Diyos sa mga tao o sa mga hinihingi Niya. Sinabi pa nga ni Pablo sa mga tao na ang Panginoong Jesus ang Anak ng Diyos, na sa huli ay nagdulot sa tao na tingnan ang Diyos bilang isang Trinidad. Ang salitang “Trinidad” ay galing kay Pablo. Kung walang bagay gaya ng “Ama at Anak,” magkakaroon ba ng “Trinidad”? Hindi. Masyado lang “malawak” ang mga imahinasyon ng tao. Kung hindi mo maunawaan ang pagkakatawang-tao ng Diyos, huwag kang basta humusga o gumawa ng mga basta-bastang paghusga. Makinig ka lang sa mga salita ng Panginoong Jesus at tratuhin mo Siya bilang Diyos, bilang Diyos na nagpapakita sa katawang-tao at nagiging isang tao. Mas obhetibo na tratuhin ito nang ganito.

Noong unang patotohanan ang pagkakatawang-tao ng Diyos bilang babae sa yugtong ito ng Kanyang gawain, hindi ito matanggap ng maraming tao at hindi sila makausad dahil dito. Nadama nila na “Ang mga salitang sinasabi ay pawang katotohanan, ang gawaing ginagawa ay ang paghatol sa pamamagitan ng mga salita—ang mga ito ay tila gawain ng Diyos, at kaya kong aminin na ang taong ito ang nagkatawang-taong Diyos—hindi nga lang ganoon kadaling tanggapin ang kasariang ito.” Pero dahil ang mga salitang ito ay pawang katotohanan, atubili pa rin nila Siyang tinanggap, at iniisip nila sa puso nila na, “Susunod muna ako sa ngayon at titingnan ko kung Siya talaga ang Diyos”—maraming taong sumunod nang ganito. Ang paglikha ng Diyos sa sangkatauhan ay sa dalawang kasarian na lalaki at babae, at hindi eksepsiyon ang pagkakatawang-tao ng Diyos, puwedeng lalaki ito o babae ito. Isang araw biglang may nagtanong sa Akin, “Paano mauunawaan na sa pagkakataong ito ay babae ang pagkakatawang-tao?” Sumagot Ako, “Ah, paano mo ba ito tinitingnan? Hindi kumikilos ang Diyos nang naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao: Kung sigurado kang ginagawa ito ng Diyos, hindi mo dapat saliksikin ang ginagawa ng Diyos, at kung hindi mo ito nauunawaan, maghintay ka dapat. Kung naghahanap ka at wala ka pa ring nakukuhang mga resulta, tingnan mo na lang kung kaya mo bang magpasakop. Kung kaya mong magpasakop, may katwiran ka, pero kung hindi ka makausad dahil dito at itinatatwa mo ang lahat ng ginawa ng Diyos, hindi ka makatwiran, hindi ka totoong mananampalataya sa Diyos. Sampung bagay ang ginagawa ng Diyos na sa pananaw mo ay tama at naaayon sa iyong mga kuru-kuro, pero kapag ang isang bagay ay hindi naaayon sa iyong mga kuru-kuro, binabalewala mo ang lahat ng sampung bagay—anong klaseng kasamaan ito? Hindi ba’t ito ay isang diyablo?” Nang magbahagi Ako nang ganito, sinabi niya, “Oo, kung gayon dapat ko na itong tanggapin.” Pagkatapos Kong tapusin ang pagbabahaginan Ko, naunawaan at tinanggap niya ito agad—hindi ba’t mahusay ang kakayahan niya? Sabihin na nating ganoon nga. Nagpatuloy siya sa pagsasabing, “Nilikha ng diyos ang lalaki at babae, at noong unang naging tao ang diyos siya ay isang lalaki, ang anak na lalaki ng diyos. Sa pagkakataong ito naman ay naging tao siya bilang isang babae—hindi ba’t anak na babae iyon ng diyos? Sabihin mo sa akin kung tama ba ang pagkakaintindi ko. Kapag nagkakaanak ang mga tao hinihiling nila na magkaroon sila ng isang anak na lalaki at isang babae—gusto rin ba ng diyos na magkaroon ng pareho nito?” Paano Ko siya dapat sinagot at pinaliwanagan tungkol sa usaping ito? Hindi ba’t dapat na seryosohin ang usaping ito? Hindi ba’t dapat itong iwasto? May problema ba sa sinasabi niya? May problema roon. Sinabi niyang, “May anak na lalaki ang diyos, ang panginoong Jesus, at sa pagkakataong ito ang pagkakatawang-tao ay babae, kung gayon ito ay ang kanyang anak na babae. Kaya, ang diyos ay may anak na lalaki at anak na babae, mayroon siya ng pareho, kaya walang pangangailangan para sa banal na espiritu. May banal na ama, banal na anak na lalaki, at banal na anak na babae, ang Trinidad na ito—napakaakma at napakarangal nito! Kung walang anak na babae, hindi ito makukompleto.” Ano ang pakiramdam mo pagkatapos mong marinig iyon? Hindi mo alam kung matatawa ka ba o maiiyak. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t katatawanan ito? (Oo, ganoon nga.) May pagkakaiba ba sa pagkaunawa niya sa pagkakatawang-tao at iyong kay Pablo? (Wala.) Walang pagkakaiba. Kung palaging umaasa ang mga tao sa kanilang katalinuhan, mga imahinasyon, at mga kuru-kuro para gumawa ng hinuha at deduksiyon tungkol sa mga usapin ng pagkaunawa sa Diyos, lalo na sa pagharap sa mga usapin ng pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at gagamitin nila ang mga iyon sa ilang pananaw, magiging magulo ito, at makakagawa sila ng mga kamalian at mahaharap sa mga isyu. Kung gayon, ano ang pinakaangkop na paraan para harapin ang usaping ito? Ang ilang bagay ay mas malalim at abstrak, hindi madaling maunawaan ng mga tao ang mga iyon, at hindi madaling makilatis ang diwa at pinakasanhi ng problemang ito; kung ang mga bagay na ito ay walang kinalaman sa katotohanan, o hindi nakakaapekto sa iyong paghahangad sa katotohanan, ano ang gagawin mo? Bitiwan mo muna ang mga ito. Ano ang silbi ng pananaliksik sa mga ito? Ang mga ito ay hindi para saliksikin mo. Ang kailangan mo lang gawin ay ang tumuon sa buhay pagpasok at maayos na gawin ang tungkulin mo. Isang araw, natural mong mauunawaan ang mga usaping ito. Sinasabi ng ilang tao na hindi nila kayang bitiwan ang mga ito at gusto nilang saliksikin ang mga ito, na magulo naman. Hindi mo dapat saliksikin ang mga ito. Hindi dapat harapin ng mga tao ang mga usaping may kinalaman sa pagkakakilanlan ng Diyos, diwa ng Diyos, at katayuan ng Diyos nang may saloobin ng pananaliksik. Kung patuloy kang magsasaliksik, magsasanhi ito ng mga seryosong kahihinatnan. Sa mga seryosong kaso, lalapastanganin mo ang Diyos. Paano dapat harapin ng mga tao ang mga usaping may kinalaman sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos? Maging simple ka, at kahit pa hindi malinaw sa iyo ang usaping ito, isa lang ang sigurado: Kaya Niyang katawanin ang Diyos, Siya ang pagpapakita ng Diyos, ang ipinapahayag Niya ay ang katotohanan, ang dapat tanggapin ng mga tao ay ang katotohanan, at sapat na na matamo ang katotohanan.

Kung titingnan ang kalikasang diwa ng mga anticristo, ano ang pinakasinasamba nila? Ang matataas, hungkag, at abstrak na diumano ay mga teolohikal na teorya. Para sa kanila, napakahalaga ng mga teoryang ito. Masyado nilang pinahahalagahan at minamahal ang mga bagay na ito, at nag-iisip sila ng lahat ng klaseng paraan para makuha ang mga ito, para maging angat sa maraming tao. Isinasapuso nila ang mga ito at tinitingnan ang mga ito bilang kapital, bilang mga pamamaraan para matupad ang mga pansariling layon nila sa buhay, nang hindi nalalaman na hindi katotohanan ang mga ito. Pero gusto nilang sangkapan ang mga sarili nila ng mga teolohikal na teoryang ito, na kanilang mga nagiging pauna nang nabuong mga ideya, at itinuturing nila ang mga iyon na katotohanan. Ginagamit nila ang teolohikal na kaalamang ito para pag-aralan ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos. Kapag nakikita nilang ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay hindi umaayon sa mga teolohikal na teoryang isinusulong nila, hindi nila mapigilan ang sarili nilang husgahan at kondenahin ang mga salita ng Diyos. Wala silang takot sa puso nila, dahil naniniwala silang may biblikal silang batayan sa paggawa niyon. Kinokondena pa nga ng ilan sa kanila ang mga salita ng Diyos, sinasabing, “Masyadong nakakapagod ang mga salita ng diyos. Ang ilan sa mga iyon ay hindi lohikal, ang ilan ay hindi tama ang gramatika, at maging ang ilan sa mga bokabularyong ginagamit niya ay hindi gaanong akma.” Palagi lang silang nag-iisip, ginagamit ang kaalaman at pinag-aralan nila para suriin at pag-aralan ang mga salita ng Diyos. Marami sa kanila ay ginagamit pa nga ang mga imahinasyon at paghusga nila para hanapin, sa mga salita ng Diyos, kung paano binibigyang-kahulugan ng Diyos ang ilang tao o kung anong destinasyon ang ipinapasya Niya para sa ilang tao, at pagkatapos ay sinusuri at kinokondena nila ang mga iyon ayon sa kung ano ang sinasabi ng Bibliya, at sa gayon ay sinisimulan nilang itatwa ang mga salita ng Diyos. Habang sinusuri at kinokondena nila ang mga salita ng Diyos, may isang teribleng bagay ang nangyayari. Alam ba ninyo kung ano iyon? Kapag sinusuri at pinag-aaralan ng mga tao ang Diyos, at kapag umuusbong sa mga tao ang mentalidad ng pagkondena, itinataboy ng Banal na Espiritu ang mga taong ito at hindi gumagawa sa kanila. Hindi ba’t teribleng bagay ito? At alam ninyo kung ano ang ipinahihiwatig ng hindi paggawa ng Banal na Espiritu. Kapag hindi gumagawa ang Banal na Espiritu, iniiwasan Niya ang mga taong ito, na katumbas ng pag-abandona sa kanila. Sa ibang salita, hindi sila ililigtas ng Diyos. Kaya nating suriin ang dahilan. Saan ba galing ang mga teolohikal na teoryang ito na isinangkap nila sa sarili nila sa kalahati ng buhay nila? Sino ang kinakatawan ng mga iyon? Hindi malinaw sa puso nila ang tungkol dito. Ang totoo, ang mga ito ay hinding-hindi mula sa Diyos, ni dalisay na pagkaunawa ng mga tao. Ang mga ito ay mga nakalilinlang na pagpapakahulugan ng mga tao, at dahil doon, puwedeng sabihin ng isang tao na galing ang mga iyon kay Satanas at lubusang kumakatawan kay Satanas. Ano pa ang kasama sa teolohikal na kaalamang ito? Bukod sa mga nakalilinlang na pagpapakahulugan sa Bibliya, kasama rin dito ang lohika at pangangatwiran ng mga tao, ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, pati na rin ang mga karanasan, etika, moralidad, at pilosopikal na ideya ng mga tao. Kapag ginagamit nila ang mga ito para timbangin ang sinasabi ng Diyos at ang gawain Niya, halata namang kakampi sila ni Satanas sa pagtrato nila sa Diyos. Samakatwid, itinatago ng Diyos mula sa kanila ang Kanyang mukha, at inaabandona sila ng Banal na Espiritu. Naranasan na ba ninyo ito? Dati, tinalakay ng ilang tao ang mga karanasan nila tungkol dito, sinabing, “Noong nagsisimula pa lang akong manampalataya sa Diyos, masigasig akong pag-aralan ang Diyos; pinag-aralan ko kung ano ang sinasabi Niya, ang paggamit Niya ng salita, kung paano Niya tinatrato ang mga tao, kung kanino Siya mabuti, at kung anong uri ng tao ang gusto Niya o kinamumuhian Niya. Bilang resulta ng lahat ng pag-aaral na ito, naging madilim ang puso ko, hindi ko maramdaman ang Diyos sa mga panalangin ko, nawala na sa puso ko ang pagiging malaya at maginhawa, at hindi ko na nadarama ang kapayapaan o kagalakan. Para bang may batong nakadagan sa puso ko.” Nakaranas na ba kayo ng ganoon? (Oo.) Ang mga taong palaging pinag-aaralan ang Diyos ay walang nakakamit na kaliwanagan o pagtanglaw mula sa Banal na Espiritu. Kahit ang pagbabasa sa mga salita ng Diyos ay hindi nagdadala ng anumang liwanag. Bihasa ang mga anticristo sa pag-aaral sa Diyos, pero hindi naman nila tinatanggap ang katotohanan. Sa iglesia ay wala silang kahit anong normal na relasyon sa ibang tao, palagi nilang ipinoposisyon ang mga sarili nila na mas mataas sa iba para pangaralan ang mga ito. Madalas nilang ipinagyayabang ang kaalaman nila at minamaliit ang mga ordinaryong kapatid. Kapag nakisalamuha sa iyo ang isang anticristo at nalamang hindi ka nakapag-aral, hindi ka niya iintindihin. Kahit pa maabot mo ang pamantayan para maging isang lider ng iglesia o lider ng pangkat, hindi ka niya gagamitin. Anong klase ng mga tao ang ginagamit niya? Hinahanap niya ang mga taong may katayuan sa lipunan, kapangyarihan, kaalaman, at mga kaloob at na kayang magsalita nang mahusay—itinutuon niya ang pansin sa gayong mga tao, at kumikilos siya para gamitin ang mga ito. Kung nakadepende sa kanya ang pagpili sa mga tao at ang paggamit sa mga tao, pipiliin lang niya ang mga taong mahusay magsalita, mataas ang pinag-aralan, maraming alam, at may katayuan sa lipunan. Kahit pa ang gayong mga tao ay hindi naghahangad sa katotohanan o hindi makagawa ng kahit anong gawain, gusto pa rin niya ang mga iyon. Ano ang ipinahihiwatig nito? Pare-pareho silang nabibilang sa iisang kategorya. Tutal, ang mga magkakapareho ang gusto ay nagsasama-sama. Nauunawaan ng ilang anticristo ang ilang salita at doktrina at pagkatapos ay nag-iisip sila ng lahat ng uri ng paraan para makapagsanay silang mangaral ng mga sermon. Hanggang sa anong antas sila nagsasanay? Hanggang sa antas na kaya na nilang magsalita nang mahusay at malawak, na makakaakyat na sila sa entablado nang walang dalang mga tala at makakapagsalita na sila nang ilang oras. Inaakala nilang ito ay paggawa ng gawain, na ito ang pinakamaluwalhating sandali nila, ang pinakamagandang oras kung kailan makakapagpakitang-gilas sila. Sinusunggaban nila ang mga ganoong pagkakataon at hindi kailanman pinalalagpas ang mga iyon. Gayumpaman, pagdating sa mga paksang madalas na pinagbabahaginan ng Diyos, mga bagay na may kinalaman sa normal na pagkatao, sa konsensiya at katwiran ng mga tao, at sa mga bagay na may pinakamalaking kaugnayan sa pagkatao sa mga tunay na buhay ng mga normal na tao—bagama’t tila ba maliit at walang halagang mga detalye ang mga ito sa mga tao, sa realidad, malaki ang kaugnayan nito sa pagpasok sa katotohanang realidad. Paano itinuturing ng mga anticristo ang mga ito? Mula sa puso nila ay hinahamak nila ang mga ito, hindi nila sineseryoso ang mga salitang ito, at kinokondena nila ang mga bagay na ito sa kanilang puso, dahil sa tingin nila ay walang kabuluhan ang mga ito. Gaano ka man magbahagi tungkol sa katotohanang realidad, tulad ng pagiging isang matapat na tao, isang taong may katapatang-loob, o isang taong praktikal at may pagpapahalaga sa tungkulin, gaano ka man magbahagi tungkol sa mga ito, mananatiling hindi nagbabago ang pananaw nila. Gusto nilang maging isang taong mahusay magsalita, na mukhang punong-puno ng talento at may mga espesyal na abilidad, o maging isang tao pa nga na may mga kahima-himalang abilidad, tulad ng pagsasalita ng ibang wika, pagbabasa nang may ekstraordinaryong bilis, pagkakaroon ng photographic memory, at kung anu-ano pa. Kung taglay rin nila ang mga abilidad na ito, magiging puno ng kasiyahan ang puso nila. Sa kaibuturan ng puso nila, hinahangad at pinahahalagahan nila ang mga ito. Halimbawa, katatapos Ko lang sabihin ang isang bagay, at ilang sandali lang, nakalimutan Ko na ito. Kapag tinanong ko ang lahat, wala ring sinumang nakakaalala. Kasi, pare-parehong lahat ang mga memorya natin, hindi ba? (Oo.) Pero kapag nakita ito ng mga anticristo, sinasabi nila, “Hindi rin matalas ang memorya mo! Tingnan mo ang espirituwal na taong si ganito at ganyan; kaya niyang magbasa nang mabilis at mayroon siyang photographic memory. Ikaw ang cristo—ilang linya ang kaya mong basahin sa isang tingin lang?” Sinasabi Ko, “Wala Akong ganoong kahima-himalang abilidad. Minsan hindi Ko naaalala ang isang pangungusap pagkatapos Ko itong mabasa, at kailangan Ko ulit itong basahin.” Sinasabi nila, “Hindi ba’t dapat ay makapangyarihan sa lahat ang diyos?” Ganito sila nagsisimulang bumuo ng mga kuru-kuro. Sa kaibuturan ng puso nila, ano ang tingin nila sa nagkatawang-taong Diyos? “Ang nagkatawang-taong diyos ay isa lamang ganap na ordinaryo at lubusang normal na tao. Hindi matalas ang memorya niya, ang pangangatawan niya ay hindi ganoon kahusay; hindi siya mukhang diyos sa anumang aspekto.” Kaya, kapag narinig nilang ipinangangaral ng isang tao ang tungkol sa pagmamahal sa Diyos, iniisip nila, “Kung ang espirituwal na taong si ganito at ganyan o ang sikat na taong si ganito at ganyan ay diyos, matatanggap ko siya at magagawang mahalin. Pero kung ang kasalukuyang cristo na ito ang diyos, hindi ko siya kayang mahalin dahil hindi naman siya mukhang diyos.” Sa puso nila, para maging diyos ay kailangang mukhang diyos ang isang tao; dapat siyang magsalita, kumilos, at magmukhang diyos, para kapag nakita siya ng mga tao, wala silang anumang kuru-kuro—ito ang iniisip nila. Bakit? Iniisip nila, “Una, wala kang mga kahima-himalang abilidad. Ikalawa, wala kang mga espesyal na talento. Ikatlo, wala kang mga kaloob kagaya ng sa mga tao sa mundo na may mga isinasakatuparang dakilang bagay. Hindi ka eksepsiyonal sa anumang paraan, kaya bakit ako makikinig sa sinasabi mo? Bakit kita kailangan irespeto? Bakit ko kailangang magpasakop sa iyo? Hindi ko kayang magpasakop.” Anong problema ito? Anong klaseng disposisyon ito? Kahit pa hindi nila nauunawaan ang katotohanan, dapat pa rin silang magkaroon ng konsensiya at katwiran ng isang normal na tao. May mga kuru-kuro ang mga tao, at hindi sila kinokondena ng Diyos dahil doon, pero kapag nagkakaroon ang mga tao ng mga kuru-kuro at pagkatapos ay sadyang nilalabanan at kinokondena ang Diyos, madali niyong nasasalungat ang disposisyon ng Diyos. Dahil sa buktot na kalikasan ng mga anticristo kaya malaya nilang nakokondena at nalalabanan ang Diyos. Pagkatapos magkamit ng kaalaman, mayroon silang mas mayaman, mas malawak, at mas komprehensibong mga imahinasyon tungkol sa Diyos at sa Kanyang kataasan, diwa, awtoridad, at pagkamakapangyarihan-sa-lahat. Pagkatapos, sinusubukan nilang pagtugmain ang mga imahinasyong ito sa Diyos na kaya nilang makita at makasalamuha. Mapagtutugma ba nila ang mga iyon? Hindi nila kailanman mapagtutugma ang mga iyon. Habang mas lalo nilang pinag-aaralan ang Diyos, lalo nilang itinatatwa sa puso nila ang Diyos, at kaya nilang kondenahin at labanan ang Diyos; hindi ito maiiwasan.