Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi) Ikatlong Seksiyon
Isang Paghihimay Kung Gaano Kabuktot, Kamapaminsala, at Kamapanlinlang ang mga Anticristo
Noong nakaraan ay pinagbahaginan natin ang ikapitong pagpapamalas ng mga anticristo—sila ay buktot, mapaminsala, at mapanlinlang. Dalawang beses nang napagbahaginan ang aytem na ito. Ang unang pagtalakay ay tungkol sa buktot na kalikasan ng mga anticristo—ano ang pinagtuunan ng diskusyon na iyon? (Ang pagkamapanlaban at pagkamuhi sa katotohanan.) Nanlalaban at namumuhi sa katotohanan ang mga anticristo, kinamumuhian nila ang lahat ng positibong bagay na umaayon sa katotohanan at sa Diyos, na siyang una at pangunahing pagpapamalas ng kabuktutan ng mga anticristo. Ang unang diskusyon ay tungkol sa kung ano ang kinasusuklaman ng mga anticristo. Kinasusuklaman ng mga ordinaryong tao ang mga negatibong bagay at buktot na puwersa; kinasusuklaman nila ang mga bagay na marumi, madilim, at buktot. Gayunman, sa kabaligtaran nito, ang pinakamatibay na ebidensiya ng unang pagpapamalas ng buktot na kalikasan ng isang anticristo, ay na hindi nito kinasusuklaman ang mga negatibong bagay kundi kinasusuklaman nito ang lahat ng positibong bagay na may kinalaman sa katotohanan at sa Diyos, na siyang unang matibay na ebidensiya ng kabuktutan nito. Ang ikalawang diskusyon natin ay tungkol sa ikalawang matibay na ebidensiya ng mga pagpapamalas ng kabuktutan ng isang anticristo. Kung kinasusuklaman nito ang mga positibong bagay, ano ang minamahal nito? (Ang mga negatibong bagay.) Ano ang minamahal ng mga taong may normal na pagkatao? Minamahal nila ang katarungan, kabaitan, at kagandahan, kasama na rin ang pag-ibig, pasensiya, at pagpaparaya na may kinalaman sa pagkatao, pati na rin ang sentido komun at kaalaman na positibo at kapaki-pakinabang sa mga tao, at lahat ng positibong bagay mula sa Diyos, kasama na ang mga kautusan at panuntunang itinatag ng Diyos para sa lahat ng bagay, ang mga kautusan at atas administratibo ng Diyos, at lahat ng katotohanan at paraan ng pamumuhay na ipinahayag ng Diyos, pati na rin ang ibang bagay na may kinalaman sa Diyos. Salungat dito ang buktot na kalikasan ng isang anticristo; ayaw niya ng mga ito—ano ang gusto niya? (Mga kasinungalingan at panlalansi.) Tama, gusto niya ang mga kasinungalingan at panlalansi, pati na rin ang mga pagsasabwatan, at mga pagpapakana, iba’t ibang pamamaraan para sa mga makamundong pakikitungo, pambobola sa mga tao, pagiging sipsip, pati na rin ang alitan, katayuan, at awtoridad. Minamahal niya ang lahat ng negatibong bagay na ito na sumasalungat sa katotohanan at sa mga positibong bagay, na mismong nagpapakita ng buktot na kalikasan ng mga anticristo. Hindi ba’t kapani-paniwala ang mga ebidensiyang ito? (Oo.) Kahit na pawang kapani-paniwala ang mga ebidensiyang ito, may dalawang bahagi lamang na hindi pa maituturing na kompleto. Ngayon itutuloy nating talakayin ang ikatlong bahagi ng kung gaano kabuktot, kamapaminsala, at kamapanlinlang ang mga anticristo. Siguradong iba ang ikatlong bahaging ito sa una at ikalawang bahagi, pero may kaugnayan ito sa mga iyon. Ano ang kaugnayan nito? Ang tatlong bahagi ay lahat tumatalakay sa diwang ito—ang buktot na kalikasan ng anticristo. Paano ito naiiba? Sa bahaging ito, ang mga minamahal at kinakailangan ng buktot na kalikasan nito, pati na rin ang mga kinamumuhian nito, ay iba mula sa dalawang bahaging natalakay na—iba ang nilalaman. Ang pagkakaibang ito ay hindi para sabihing gusto rin ng mga anticristo ang ilang positibong bagay o na kinamumuhian din ng mga ito ang ilang negatibong bagay; sa halip, binubuo ito ng isa pang bahagi, na hindi lamang tungkol sa kung ano ang minamahal o kailangan ng mga ito, kundi umangat ito sa kung ano ang pinahahalagahan ng buktot na puwersang ito ng mga anticristo—sa ibang salita, kung ano ang sinasamba o hinahangaan nila. Maaaring sabihin ng ilang tao na, “Ang mga salitang gaya ng ‘pinahahalagahan,’ ‘sinasamba,’ at ‘hinahangaan’ ay dapat gamitin para tumukoy sa mga positibong bagay, kaya paano magagamit ang mga iyon sa mga anticristo? Angkop ba ang mga salitang ito?” Ang mga salitang ito ay hindi pumupuri ni nanlalait—walang kinikilingan ang mga ito. Samakatwid, ang gamitin ang mga ito rito ay hindi paglabag sa anumang prinsipyo at ito ay pinahihintulutan.
III. Isang Paghihimay sa mga Bagay na Sinasamba at Hinahangaan ng mga Anticristo
Ano ang sinasamba at hinahangaan ng mga anticristo? Una sa lahat, siguradong hindi nila sinasamba ang katotohanan, ang Diyos, o ang anumang maganda o mabuting bagay na may kinalaman sa Diyos. Kung gayon, ano mismo ang sinasamba nila? May naiisip ba kayong kahit na ano? Hayaan ninyong bigyan Ko kayo ng palatandaan. Ang mga taong nasa relihiyon na nananampalataya sa Panginoon, paano sila nalubog sa Kristiyanismo? Bakit sila itinuturing na ngayon na isang relihiyon, isang denominasyon, at hindi na ang iglesia ng Diyos, ang sambahayan ng Diyos, o ang pinagtutuunan ng gawain ng Diyos? May mga pagtuturo sila ng relihiyon; pinagsasama-sama nila sa isang aklat, sa mga materyales na panturo, ang gawaing minsang ginawa ng Diyos at ang mga salitang minsang binigkas ng Diyos, at pagkatapos ay nagbubukas sila ng mga paaralan, at kumukuha at nagsasanay sila ng iba’t ibang teologo. Ano ang pinag-aaralan ng mga teologong ito? Ang katotohanan ba? (Hindi.) Kung gayon ano ang pinag-aaralan nila? (Ang teolohikal na kaalaman.) Pinag-aaralan nila ang teolohikal na kaalaman at mga teorya, na wala namang kinalaman sa gawain ng Diyos o sa katotohanang sinabi ng Diyos. Pinapalitan nila ng mga teolohikal na kaalaman ang mga salita ng Diyos at ang gawain ng Banal na Espiritu, at sa ganoong paraan sila nalulubog sa Kristiyanismo o Katolisismo. Ano ang pinahahalagahan sa relihiyon? Kung pupunta ka sa isang simbahan, at may magtatanong sa iyo kung gaano katagal ka nang nananampalataya sa Diyos, at sasabihin mong kasisimula mo pa lamang manampalataya, hindi ka nila papansinin. Pero kung pupunta ka na may dalang Bibliya at sasabihin mong, “Katatapos ko lamang sa ganito at ganyang teolohikal na seminaryo,” aanyayahan ka nilang maupo sa marangal na puwesto. Kung karaniwang mananampalataya ka, hindi ka nila papansinin, maliban na lamang kung may prominenteng katayuan ka sa lipunan. Ganito ang Kristiyanismo, at ganito ang mundo ng relihiyon. Ang mga nasa simbahan na nangangaral at may katayuan, posisyon, at prestihiyo ay isang grupo ng mga taong sinanay sa mga teolohikal na seminaryo para magkaroon ng teolohikal na kaalaman at mga teorya, at sila ang pangunahing nagtataguyod sa Kristiyanismo. Sinasanay ng Kristiyanismo ang mga gayong tao na tumayo sa entablado at mangaral, na mag-ebanghelyo at gumawa ng gawain saanman. Naniniwala silang masisiguro ang pag-iral ng Kristiyanismo hanggang sa kasalukuyan sa pamamagitan ng mga talentong tulad ng mga estudyante ng teolohiya, nangangaral na pastor, at teologo na ito, at ang mga taong ito ang nagiging halaga at kapital sa pag-iral ng Kristiyanismo. Kung ang pastor ng isang simbahan ay nagtapos sa isang teolohikal na seminaryo, maayos na natatalakay ang Bibliya, nakabasa na ng ilang espirituwal na aklat, at may kaunting kaalaman at galing magsalita, dadami ang dumadalo sa simbahang iyon at magiging mas sikat ito kaysa sa ibang simbahan. Ano ang pinahahalagahan ng mga taong ito na nasa Kristiyanismo? Ang kaalaman, ang teolohikal na kaalaman. Saan nanggagaling ang kaalamang ito? Hindi ba’t ipinamana ito mula pa sa sinaunang panahon? May mga kasulatan na noon pang sinaunang panahon, na ipinamana ng bawat naunang henerasyon sa susunod, at sa ganitong paraan nababasa at natututunan ng lahat ang mga iyon hanggang ngayon. Hinahati ng mga tao ang Bibliya sa iba’t ibang seksiyon, nagtitipon sila ng iba’t ibang bersiyon, at hinihikayat nila ang pag-aaral at pagkatuto, pero ang pag-aaral nila sa Bibliya ay hindi para maunawaan ang katotohanan upang makilala ang Diyos, ni para maunawaan ang mga layunin ng Diyos upang matakot sila sa Diyos at umiwas sa kasamaan; sa halip ito ay para pag-aralan ang kaalaman at ang mga hiwaga ng Bibliya, para malaman kung aling mga pangyayari sa kung anong panahon ang tumupad sa kung anong propesiya sa Pahayag, at kung kailan mangyayari ang malalaking kalamidad at ang milenyo—pinag-aaralan nila ang mga ito. May kinalaman ba sa katotohanan ang pag-aaral nila? (Wala, wala itong kinalaman.) Bakit nila pinag-aaralan ang mga bagay na wala namang kinalaman sa katotohanan? Ito ay dahil habang mas nag-aaral sila, mas nadarama nilang nakakaunawa sila, at habang mas nasasangkapan sila ng mga salita at doktrina, nagiging mas kalipikado sila. Habang mas kalipikado sila, mas nadarama nilang mas maabilidad sila, at mas lalo silang naniniwala na sa wakas ay pagpapalain sila sa kanilang pananampalataya, na pupunta sila sa langit pagkamatay nila, o na dadalhin sa himpapawid ang mga buhay para salubungin ang Panginoon. Ito ang kanilang mga kuru-kuro sa relihiyon, na hinding-hindi naaayon sa mga salita ng Diyos.
Ang mga pastor at elder ng mundo ng relihiyon ay pawang mga taong pinag-aaralan ang biblikal na kaalaman at teolohiya; sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo na lumalaban sa Diyos. Kung gayon paano sila naiiba sa mga anticristong nakakubli sa iglesia? Kasunod nito, pag-usapan natin ang koneksiyon ng dalawang ito. Ang mga nasa Kristiyanismo at Katolisismo ba na pinag-aaralan ang Bibliya, teolohiya, at maging ang kasaysayan ng gawain ng Diyos ay mga tunay na mananampalataya? Naiiba ba sila sa mga mananampalataya at tagasunod ng Diyos na tinutukoy ng Diyos? Sa mga mata ng Diyos, mga mananampalataya ba sila? Hindi, pinag-aaralan nila ang teolohiya, pinag-aaralan nila ang Diyos, pero hindi sila sumusunod sa Diyos o nagpapatotoo sa Kanya. Ang pag-aaral nila sa Diyos ay kapareho ng sa mga nag-aaral ng kasaysayan, pilosopiya, batas, biyolohiya, o astronomiya. Hindi nga lang nila gusto ang siyensiya o ang iba pang paksang-aralin—partikular nilang gustong pag-aralan ang teolohiya. Ano ang kinalabasan ng paghahanap nila sa maliliit na bakas ng gawain ng Diyos para pag-aralan ang Diyos? Matutuklasan ba nila ang pag-iral ng Diyos? Hindi, hindi kailanman. Mauunawaan ba nila ang mga layunin ng Diyos? (Hindi.) Bakit? Dahil nabubuhay sila sa mga salita, sa kaalaman, sa pilosopiya, sa isip ng tao at sa mga kaisipan ng tao; hindi nila kailanman makikita ang Diyos o matatamo ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Paano sila inilalarawan ng Diyos? Bilang mga hindi mananampalataya, bilang mga walang pananampalataya. Ang mga walang pananampalataya at hindi mananampalatayang ito ay nakikihalubilo sa diumano ay komunidad ng mga Kristiyano, kumikilos bilang mga mananampalataya sa Diyos, bilang mga Kristiyano, pero sa realidad, may tunay ba silang pagsamba sa Diyos? May tunay ba silang pagpapasakop? (Wala.) Bakit ganoon? Isa lang ang sigurado: Marami sa kanila ay hindi naniniwala sa puso nila na umiiral ang Diyos; hindi sila naniniwalang nilikha ng Diyos ang mundo at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at lalo nang hindi sila naniniwalang puwedeng maging tao ang Diyos. Ano ang ibig sabihin ng di-paniniwalang ito? Nangangahulugan itong magduda at magkaila. Nagkakaroon pa nga sila ng isang saloobing hindi umaasang matutupad o mangyayari ang mga propesiyang binigkas ng Diyos, lalo na iyong tungkol sa mga kalamidad. Ito ang saloobin nila sa pananampalataya sa Diyos, at ito ang diwa at totoong mukha ng kanilang diumano ay pananalig. Pinag-aaralan ng mga taong ito ang Diyos dahil partikular silang interesado sa paksang-aralin at sa kaalaman sa teolohiya, at sa mga katunayan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos; sila ay talagang isang grupo ng mga intelektuwal na pinag-aaralan ang teolohiya. Hindi naniniwala ang mga intelektuwal na ito sa pag-iral ng Diyos, kaya paano sila tumutugon kapag gumagawa na ang Diyos, kapag natutupad na ang mga salita ng Diyos? Ano ang una nilang reaksiyon kapag narinig nilang ang Diyos ay naging tao at nagsimula na ng isang bagong gawain? “Imposible!” Ang sinumang nangangaral ng bagong pangalan ng Diyos at ng bagong gawain ng Diyos ay kinokondena nila, at gusto pa nga nilang patayin o paslangin ito. Anong klase ng pagpapamalas ito? Hindi ba’t pagpapamalas ito ng isang tipikal na anticristo? Anong pagkakaiba nila sa mga sinaunang Pariseo, punong pari, at mga eskriba? Mapanlaban sila sa gawain ng Diyos, sa paghatol ng Diyos sa mga huling araw, sa pagiging tao ng Diyos, at bukod pa roon, mapanlaban sila sa pagsasakatuparan ng mga propesiya ng Diyos. Naniniwala silang, “Kung hindi ka naging tao, kung nasa anyo ka ng isang espirituwal na katawan, ikaw ay diyos; kung nagkatawang-tao ka at ikaw ay naging isang tao, ibig sabihin ay hindi ka diyos, at hindi ka namin kinikilala.” Ano ang ipinahihiwatig nito? Ibig sabihin nito ay hangga’t narito sila, hindi nila hahayaang maging tao ang Diyos. Hindi ba’t ganito ang isang tipikal na anticristo? Isa itong tunay na anticristo. May ganitong klaseng argumento ba ang mundo ng relihiyon? Maingay at lubhang malakas ang tinig ng argumentong ito, na nagsasabing, “Mali at imposible na nagiging tao ang diyos! Kung nagkatawang-tao siya, ibig sabihin ay huwad siya!” May mga tao ring nagsasabing, “Malinaw na nananalig sila sa isang tao; mga nailigaw lang sila!” Kung nasasabi nila ito, kung naroroon sila noong nagpakita at gumawa ang Panginoong Jesus dalawang libong taon na ang nakakaraan ay hindi sila mananampalataya sa Panginoong Jesus. Nananampalataya sila ngayon sa Panginoong Jesus, pero sa katunayan, nananampalataya lamang sila sa pangalan ng Panginoong Jesus, sa dalawang salitang, “Panginoong Jesus,” at nananampalataya sila sa isang malabong diyos na nasa langit. Samakatwid, hindi sila mga mananampalataya sa Diyos, sila ay mga hindi mananampalataya. Hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, sa pagkakatawang-tao ng Diyos, sa gawain ng paglikha ng Diyos, at lalong hindi sa gawain ng pagtubos ng Diyos para sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pagkakapako sa krus. Ang teolohiyang pinag-aaralan nila ay isang uri ng teorya o tesis ng relihiyon, na walang iba kundi mga tila makatwirang panlilinlang na inililigaw ang mga tao. Ano ang hindi maiiwasang koneksiyon ng mga diumano ay teolohikal na intelektuwal na ito ng Kristiyanismo sa mga anticristong nasa ating iglesia? Ano ang koneksiyon ng kanilang iba’t ibang pag-uugali sa kalikasang diwa ng mga anticristo na tinatalakay natin? Bakit kailangan silang pag-usapan? Huwag muna nating pag-usapan sa ngayon ang mga tao sa Kristiyanismo; sa halip, tingnan natin kung paano tinatrato ng mga inilalarawan na anticristo ang katotohanan, at mula sa saloobin nila sa katotohanan, tingnan natin kung ano ba talaga ang pinahahalagahan nila. Una sa lahat, pagkatapos nilang maarok ang ilang katotohanan, paano nila nauunawaan ang mga katotohanang ito? Paano nila tinatrato ang mga katotohanang ito? Ano ang saloobin nila sa mga katotohanang ito? Tinatanggap ba nila ang mga salitang ito bilang kanilang landas ng pagsasagawa, o ginagamit ba nila ang mga ito bilang isang uri ng teorya, at pagkatapos ay humahayo sila at ipinangangaral ang mga ito sa iba? (Tinatrato nila ang mga iyon bilang isang klase ng teorya para ipangaral.) Tinatrato nila ang mga iyon bilang isang klase ng teoryang dapat matutuhan, suriin, at pag-aralan, at pagkatapos pag-aralan, natututuhan nila ang mga iyon sa isip nila at sa kanilang mga kaisipan; natatandaan nila ang mga iyon, kaya nilang talakayin ang mga iyon, at mahusay nilang nasasabi ang mga iyon, at pagkatapos ay ipinagmamalaki nila ang mga iyon kung saan-saan. Gaano man sila kahabang magsalita, may isang bagay na hindi mo kayang makita, na gaano man karaming doktrina ang sabihin nila, gaano man sila kagaling magsalita, gaano man karaming tao ang kausapin nila, gaano man kahusay, gaano man karaming nilalaman, o kung alinsunod ba ito sa katotohanan, hindi mo makikita ang anumang resulta sa kanila—hindi mo makikita ang kanilang pagsasagawa. Ano ang ipinahihiwatig nito? Hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Ano ang turing nila sa katotohanan? Isang kasangkapan para magpakitang-gilas. Halimbawa, sinasabi ng Diyos sa mga tao na maging matapat at ipinaliliwanag Niya sa kanila kung ano ang mga pagpapamalas ng isang matapat na tao, kung paano dapat magsalita, kumilos, at gumawa ng tungkulin nito ang isang matapat na tao. Pagkatapos makinig dito, ano ang reaksiyon nila? Anong epekto ng mga salitang ito sa kanila? Una, hindi nila kailanman tinatanggap ang mga salitang ito. Ano ang saloobin nila? “Naiintindihan ko na: Hindi nagsisinungaling ang matatapat na tao, sinasabi ng matatapat na tao ang katotohanan sa iba at kaya nilang ipagtapat ang nasa puso nila, ang matatapat na tao ay ginagawa ang kanilang mga tungkulin nang matapat, hindi nang pabasta-basta.” Tinatandaan nila ang mga salitang ito bilang teorya. Kaya ba silang baguhin ng ganitong klaseng teorya, kapag nagkaugat na ito sa mga puso nila? (Hindi.) Kung gayon bakit pa rin nila tinatandaan ito? Gusto nila ang pagiging tama ng mga salitang ito, at ginagamit nila ang mga tamang teoryang ito para balutin ang sarili nila, kaya tumataas ang tingin sa kanila ng iba. Ano ba ang tinitingala ng mga tao? Iyon ay ang kakayahan nilang mahusay at mahabang magsalita ng mga tamang salita—iyon ang gusto ng mga taong ito. Pagkatapos nilang marinig ang mga salitang ito, seryoso ba nilang tinanggap ang mga ito? (Hindi, hindi pa.) Bakit hindi? Paano ninyo nasabi? (Hindi nila isinasagawa ang mga iyon.) Bakit nila hindi isinasagawa ang mga iyon? Sa puso nila, iniisip nila, “Ito ba ang mga salita ng diyos? Simple lang, natatandaan ko ang mga iyon pagkarinig ko sa mga iyon nang minsan. Kaya kong sabihin kung paano dapat kumilos ang isang matapat na tao matapos kong minsang marinig ito; kailangan pa ninyong lahat na magsulat at pagbulayan ito, pero ako, hindi na!” Itinuturing nila ang mga salita ng Diyos na isang uri ng teorya o kaalaman; hindi nila pinagbubulayan sa puso nila kung paano maging isang matapat na tao, hindi nila ikinukumpara ang sarili nila rito, hindi nila sinusuri ang kanilang mga kilos para makita nila kung gaano sila kalayo sa pagiging isang matapat na tao o kung anong mga kilos ang ginagawa nila na sumasalungat sa mga prinsipyo ng pagiging isang matapat na tao, at hindi nila kailanman iniisip na, “Mga salita ito ng Diyos, kaya katotohanan ang mga ito. Dapat maging matapat ang mga tao, kaya paano dapat kumilos ang isang tao upang maging isang matapat na tao? Paano ako kikilos sa paraang mapapalugod ang Diyos? Ano ba ang nagawa ko na hindi matapat? Aling mga pag-uugali ang hindi sa matatapat na tao?” Ganito ba sila mag-isip? (Hindi, hindi ganito.) Kung gayon ano ang iniisip nila? Iniisip nila, “Ganito pala ang isang matapat na tao? Ito ba ang katotohanan? Hindi ba’t teorya lamang ito, isang islogan? Kailangan lang magmukhang may mataas na moralidad, hindi na ito kailangang isagawa.” Bakit hindi nila ito isinasagawa? Pakiramdam nila, “Kung sasabihin ko sa iba ang nasa puso ko, hindi ba’t ilalantad ko ang sarili ko? Kung ilalantad ko ang sarili ko at makikilatis ako ng iba, titingalain pa rin ba nila ako? Kung magsasalita ako, makikinig pa rin ba ang iba sa akin? Ang ibig sabihin ng mga salita ng diyos ay na hindi puwedeng magsinungaling ang isang taong matapat; kung hindi magsisinungaling, hindi ba’t wala nang matitirang pagkapribado sa puso ng mga tao? Hindi ba’t pagpapahintulot iyon na makilatis ka ng iba? Hindi ba’t ang pamumuhay nang gayon ay kahangalan?” Ito ang pananaw nila. Nangangahulugan iyon na kapag tinanggap nila ang isang teoryang itinuturing nilang tama, nagkakaroon sila ng mga ideya sa puso nila. Ano ang mga ideyang ito? Bakit Ko sinasabing buktot sila? Sinusuri muna nila ang mga epekto ng mga salitang ito sa kanila, ang mga pakinabang at kawalan na madadala nito sa kanila. Kapag nasuri na nila ang mga salita at nalaman nilang walang pakinabang sa kanila ang mga iyon, iniisip nila, “Hindi ako puwedeng magsagawa nang ganito, hindi ko ito gagawin, hindi ako ganoon kahangal, hindi ako magiging kasinghangal at kasingsimple ninyo! Kahit kailan, kailangan ko palaging manatili sa sarili kong mga ideya at panatilihin ang mga pananaw ko. Maaaring mayroon kang isang libong plano, pero mayroon akong isang patakaran; hindi ko puwedeng ilantad ang pakanang nasa puso ko—ang pagiging isang taong matapat ay para sa mga hangal!” Sa isang banda, ikinakaila nila na katotohanan ang mga salita ng Diyos; sa kabilang banda, tinatandaan nila ang ilang mahahalagang parirala para balutin ang sarili nila, para ipakita sa mga tao na mukha silang tunay na mananampalataya sa Diyos, na mukha silang espirituwal na tao. Ito ang pinag-iisipan nila sa puso nila.
Madalas ding nakikinig ng mga sermon ang mga anticristo, pati na rin ng pagbabahaginan ng iba tungkol sa katotohanan, pero tila wala silang anumang reaksiyon sa katotohanan. Gaano man karaming sermon ang pakinggan nila, para bang hindi sila kailanman nakinig, at patuloy silang gumagawa ng masasamang gawa nang walang ingat ayon sa sarili nilang mga kagustuhan tulad ng dati. Pinatutunayan nito na hindi sila interesado sa katotohanan at hindi nila ito minamahal. Anong minamahal nila? Minamahal nila ang tama, bago, at medyo mas pinong teoretikal na kaalaman na makakapagbalot sa kanila nang mas perpekto, mas kagalang-galang, na mas may dignidad, at mag-uudyok sa mga taong mas sambahin sila. Hindi ba’t buktot ito? (Oo.) Ano ang buktot dito? Anumang aspekto ng katotohanan ang ibahagi ng isang anticristo, kaya niya palaging gumawa ng mga tila kapani-paniwalang teorya o tamang salita para iligaw ang mga tao at pasunurin ang mga ito sa kanya, na kasingbuktot lang ni Satanas. Ang kabuktutan ng isang anticristo ay naipapamalas sa kanyang mga buktot na pakana, mga pagbabalak, at isang kompletong grupo ng mga plano, gustong magpanggap na nagbabasa ng mga salita ng Diyos para makahanap ng isang teoretikal na batayan para isagawa ang kanyang kabuktutan; ito ang kabuktutan ng anticristo. Sinisipi nila ang mga salita ng Diyos nang wala sa konteksto para lamang iligaw ang mga tao at magpakitang-gilas. Kapag nakikinig sila sa mga pagbabahaginan at mga sermon at nakakarinig sila ng bagong parirala na puwede nilang magamit, isinusulat nila ito agad. Nakikita ng mga hangal na tao ang gayong pag-uugali at inaakala nilang, “Gaano sila kagutom at kauhaw sa pagiging matuwid, nagsusulat sila tuwing nakikinig sila sa sermon, at siguradong marami silang espirituwal na pang-unawa, dahil isinusulat nila ang bawat mahalagang punto!” Ang pagsusulat ba nila ng tala ay katulad ng sa ibang tao? Hindi. Nagsusulat ang ilang tao dahil iniisip nila, “Magandang pahayag ito. Hindi ko ito nauunawaan, kaya kailangan ko itong isulat at gamitin kalaunan sa pagsasagawa, para may landas at mga prinsipyo ako sa aking pagsasagawa.” Ganito ba mag-isip ang anticristo? Ano ang motibasyon nila? Iniisip nila, “Itinala ko ang isang aytem ng katotohanan ngayon na hindi pa ninyo naririnig, at hindi ko ito sasabihin kaninuman o ibabahagi sa iba—nakamit ko ito, at isang araw ay sasabihin ko sa inyong lahat ang tungkol dito at magpapakitang-gilas ako para maipaalam sa inyo na talagang nauunawaan ko ang katotohanan, at ipapakita ng lahat ang pagsang-ayon nila.” Maaaring isipin mong nagmamahal at nauuhaw ang mga anticristo sa katotohanan dahil nagsusulat sila nang ganito at tumpak ang mga isinulat nila, pero anong nangyayari pagkatapos nilang magsulat? Isinasara nila ang kanilang kuwaderno, at iyon na iyon. Kapag isang araw ay naging mangangaral na sila at hindi nila alam kung ano ang ipangangaral, mabilis nilang titingnan ang kuwaderno nila, aayusin ang laman ng sermon nila, babasahin ito, mememoryahin ito, at isusulat ito mula sa memorya nila hanggang sa maging malinaw na itong lahat sa isip nila. Saka lamang sila makadarama ng “kumpiyansa sa sarili nila,” inaakalang sa wakas ay taglay na nila ang “katotohanan” at puwede na silang mangaral ng mga hungkag na salita saanman sila pumunta. Ang isang katangian ng sinasabi ng mga taong ito ay na pawang hungkag na doktrina, argumento, at patakaran ito. Kapag may mga partikular kang paghihirap o nakakatuklas ka ng mga isyu at naghahanap ka ng mga solusyon mula sa kanila, bibigyan ka pa rin nila ng isang tambak lang na doktrina, habang nagsasalita nang malinaw at lohikal. Kung tatanungin mo sila kung paano ito isasagawa, wala silang masabi. Kung hindi nila ito masabi, ibig sabihin ay may seryosong problema, at pinatutunayan nito na hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Ang mga taong hindi nauunawaan ang katotohanan at hindi minamahal ang katotohanan ay madalas na tinatrato ito bilang isang klase lang ng kasabihan o teorya. At anong nangyayari sa huli? Pagkatapos ng maraming taong pananampalataya sa Diyos, kapag may nangyayari sa kanila, hindi nila ito nakikilatis, hindi nila kayang magpasakop, at hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan. Kapag may nakikipagbahaginan sa kanila, mayroon silang “sikat na kasabihan” na ipinangsasagot nila: “Huwag ka nang magsabi sa akin ng kahit ano, nauunawaan ko ang lahat. Noong nangangaral pa ako, ni hindi mo pa nga natututuhang maglakad!” Ito ang kanilang “sikat na kasabihan.” Sinasabi nilang nauunawaan nila ang lahat, pero bakit hindi sila makasulong tuwing may mga lumilitaw na isyu? Bilang isang taong nakakaunawa, bakit hindi ka makaaksiyon? Bakit ka nahahadlangan at nalilito nito? Nauunawaan mo ba ang katotohanan o hindi? Kung nauunawaan mo ito, bakit hindi mo ito matanggap? Kung nauunawaan mo ito, bakit hindi ka makapagpasakop? Ano ang unang bagay na dapat gawin ng mga tao kapag naunawaan na nila ang katotohanan? Dapat silang magpasakop; wala nang iba. Sinasabi ng ilang tao, “Nauunawaan ko ang lahat ng bagay—huwag ka nang makipagbahaginan sa akin, hindi ko kailangan ang tulong ng iba.” Wala namang problema kung hindi nila kailangang tulungan sila ng ibang tao, pero ang nakakahinayang ay na kapag mahina sila, ang mga doktrinang nauunawaan nila ay walang anumang silbi. Ni ayaw nga nilang gawin ang mga tungkulin nila, at umuusbong din sa kanila ang masamang pagnanais na abandonahin ang pananampalataya nila. Pagkatapos ng napakaraming taon ng pangangaral ng mga teolohikal na teorya, bigla na lang silang titigil sa pananampalataya, at bigla na lang silang aalis—may anumang tayog ba sila? (Wala, wala silang tayog.) Kung walang tayog, wala ring buhay. Kung may buhay ka, bakit hindi mo mapagtagumpayan ang gayon kaliit na usapin? Hindi ba’t magaling kang magsalita? Kung gayon, kumbinsihin mo na ang sarili mo. Kung hindi mo nga makumbinsi ang sarili mo, ano ba mismo ang nauunawaan mo? Ang katotohanan ba? Kayang lutasin ng katotohanan ang aktuwal na mga paghihirap ng mga tao, at kaya rin nitong lutasin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Bakit ang “mga katotohanang” nauunawaan mo ay hindi kayang lutasin maging ang sarili mong mga problema? Ano ba mismo ang nauunawaan mo? Mga doktrina lamang iyon.
Tungkol naman sa ikapitong pagpapamalas ng mga anticristo—na sila ay buktot, mapaminsala, at mapanlinlang—katatalakay Ko lang sa ikatlong bahagi ng pagpapamalas na ito: Pinahahalagahan nila ang kaalaman at pag-aaral. Pinahahalagahan ng mga anticristo ang kaalaman at pag-aaral—ano rito ang makakapagpakita ng kanilang buktot na disposisyon? Bakit sinasabing ang pagpapahalaga nila sa kaalaman at pag-aaral ay nangangahulugang may buktot silang diwa? Siguradong kailangan nating pag-usapan ang mga katunayan dito, dahil kapag tinalakay lamang natin ang mga hungkag na salita o teorya, baka magkaroon ang mga tao ng hindi balanse at hindi ganap na pagkaunawa rito. Una, simulan natin sa mas matagal nang nangyari sa kasaysayan. Habang nagsasalita Ako, ikumpara ninyo ang mga salita Ko sa mga kilos at pag-uugali ng mga anticristo, at ikumpara ninyo ang mga ito sa mga pagpapamalas at diwa ng mga anticristo. Pag-usapan muna natin ang mga Pariseo dalawang libong taon na ang nakalilipas. Noong panahong iyon, mga mapagpaimbabaw na tao ang mga Pariseo. Noong ang Diyos ay nagkatawang-tao, nagpakita, at gumawa sa unang pagkakataon, bukod sa hindi tinanggap ng mga Pariseo ang kahit katiting na katotohanan, masigasig pa nilang kinondena at nilabanan ang Panginoong Jesus, kaya isinumpa sila ng Diyos. Kaya nitong patunayan na ang mga Pariseo ay klasikong kinatawan ng mga anticristo. Ang “mga anticristo” ang naging isa pang pangalan ng mga Pariseo, at sa diwa, ang mga Pariseo ay kaparehong klase ng mga tao gaya ng mga anticristo. Samakatwid, ang simulan sa mga Pariseo ang paghihimay ng buktot na kalikasan ng mga anticristo ay isang mas mabilis na paraan. Kaya, ano ang ginawa ng mga Pariseo na nagpakita sa mga tao na nagtataglay ang mga ito ng buktot na kalikasan ng anticristo? Kababanggit Ko lang ngayon na pinahahalagahan ng mga anticristo ang kaalaman at pag-aaral; sa aling mga tao may malapit na kaugnayan ang kaalaman at pag-aaral? Sino ang mga pagsasakatawan ng mga ito? Tumutukoy ba ito sa mga masteral at doktoral na estudyante? Hindi, masyado nang malayo iyon—tumutukoy ang mga ito sa mga Pariseo. Ang dahilan kung bakit mapagpaimbabaw ang mga Pariseo, ang dahilan kung bakit sila buktot, ay dahil tutol sila sa katotohanan pero minamahal nila ang kaalaman, kaya pinag-aaralan lamang nila ang Kasulatan at hinahangad ang kaalaman sa kasulatan pero hindi kailanman tinatanggap ang katotohanan o ang mga salita ng Diyos. Hindi sila nananalangin sa Diyos kapag nagbabasa sila ng Kanyang mga salita, ni hinahanap o pinagbabahaginan nila ang katotohanan. Sa halip, pinag-aaralan nila ang mga salita ng Diyos, pinag-aaralan kung ano ang sinabi at ginawa ng Diyos, at sa gayon ay ginagawa nilang teorya ang mga salita ng Diyos, isang doktrinang ituturo sa iba, na tinatawag na akademikong pag-aaral. Bakit sila gumagawa ng akademikong pag-aaral? Ano ang pinag-aaralan nila? Sa mga mata nila, hindi ito mga salita ng Diyos o pagpapahayag ng Diyos, at lalong hindi ito ang katotohanan. Sa halip, isa itong klase ng pag-aaral, o maaari pa ngang sabihin na ito ay isang teolohikal na kaalaman. Sa pananaw nila, ang ipalaganap ang kaalamang ito, ang pag-aaral na ito, ay ang ipakalat ang daan ng Diyos, ang ipakalat ang ebanghelyo—ito ang tinatawag nilang pangangaral, pero ang ipinangangaral nila ay pawang teolohikal na kaalaman.