Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi) Ikaapat na Seksiyon

Mahilig ang mga anticristo sa mga kasinungalingan at panlalansi—ano pa ang hilig nila? Mahilig sila sa mga taktika, pakana, at balak. Kumikilos sila ayon sa pilosopiya ni Satanas, na hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, ganap silang umaasa sa mga kasinungalingan at panlalansi at gumagamit ng mga pakana at masamang balak. Gaano ka man kalinaw na makipagbahaginan sa katotohanan, kahit na tumango-tango sila na kinikilala nila ito, hindi sila kikilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa halip, pipigain nila ang utak nila at kikilos sila gamit ang mga pakana at masamang balak. Hindi mahalaga kung gaano ka man kalinaw na makipagbahaginan sa katotohanan, parang hindi nila ito kayang maunawaan; basta lamang nilang ginagawa ang mga bagay sa paraang handa silang gawin ang mga iyon, sa paraang gusto nilang gawin ang mga iyon, at sa anumang paraan para sa sarili nilang interes. Mahusay silang nagsasalita, na itinatago ang kanilang tunay na mukha at kulay, niloloko at nilalansi ang mga tao, at kapag naloko nila ang iba, natutuwa sila, at natutupad ang mga ambisyon at pagnanais nila. Ito ang palagiang pamamaraan at pagharap ng mga anticristo. Tungkol sa matatapat na tao na diretsahan sa kanilang pananalita, na matapat na nagsasalita at hayagang nakikipagbahaginan tungkol sa sarili nilang pagkanegatibo, kahinaan, at mga mapanghimagsik na kalagayan, at na nagsasalita mula sa puso, sa loob-loob ng mga anticristo ay nasusuklam sila sa mga iyon at nagdidiskrimina sila laban sa mga iyon. Gusto nila ang mga tao na gaya nila ay nagsasalita sa isang baliko at mapanlinlang na paraan at hindi nagsasagawa ng katotohanan. Kapag nakakasalamuha nila ang gayong mga tao, sa puso nila ay natutuwa sila, na para bang nakahanap sila ng isang taong gaya nila. Hindi na sila nag-aalala na mas magaling ang iba kaysa sa kanila o may kakayahang kilatisin sila. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng buktot na kalikasan ng mga anticristo? Hindi ba’t maipapakita nito na buktot sila? (Oo, maipapakita nito.) Bakit naipapakita ng mga usaping ito na buktot ang mga anticristo? Ang mga positibong bagay at ang katotohanan ang dapat mahalin ng sinumang makatwirang nilikha na may konsensiya. Gayumpaman, pagdating sa mga anticristo, itinuturing nila ang mga positibong bagay na ito bilang isang pahirap sa kanila at isang tinik sa kanilang lalamunan. Nagiging kaaway nila ang sinumang sumusunod o nagsasagawa sa mga ito, at tinitingnan nila ang mga gayong indibidwal nang may pagkamapanlaban. Hindi ba’t kahawig ito ng kalikasan ng pagkamapanlaban ni Satanas kay Job? (Oo.) Ito ay katulad ng kalikasan, disposisyon, at diwa ni Satanas. Nagmumula kay Satanas ang kalikasan ng mga anticristo, at nabibilang sila sa kategorya na kapareho ng kay Satanas. Samakatwid, kakampi ni Satanas ang mga anticristo. Kalabisan ba ang pahayag na ito? Hindi naman; ganap na tama ito. Bakit? Dahil hindi mahal ng mga anticristo ang mga positibong bagay. Nasisiyahan silang makilahok sa panlalansi, gusto nila ang mga kasinungalingan, mapanlinlang na anyo, at pagpapanggap. Kung may isang tao na naglalantad ng tunay na mukha nila, kaya ba nilang magpasakop dito at tanggapin ito nang masaya? Hindi lang sa hindi nila ito kayang tanggapin, babatikusin pa nila ito nang sobra-sobra. Dahil sa mga taong nagsasabi ng katotohanan o naglalantad ng kanilang tunay na pagkatao, labis silang nagagalit at nagwawala sila. Halimbawa, maaaring may isang anticristo na napakabihasa sa pagkukunwari. Nakikita siya ng lahat bilang isang mabuting tao: mapagmahal, kayang makisimpatya sa mga tao, kayang maunawaan ang mga paghihirap ng iba, at madalas na sumusuporta at tumutulong sa mga mahina at negatibo. Tuwing may mga paghihirap ang ibang tao, nagagawa niyang magpakita ng pagsasaalang-alang at pagpaparaya. Sa puso ng mga tao, mas dakila ang anticristong ito kaysa sa Diyos. Tungkol sa taong ito na nagpopostura bilang isang mabuting tao, kung ilalantad mo ang kanyang pagkukunwari at pagpapanggap, kapag sinabi mo sa kanya ang katunayan, matatanggap ba niya ito? Hindi lang sa hindi niya ito tatanggapin, kundi paiigtingin pa niya ang kanyang pagkukunwari at pagpapanggap. Sabihin mo sa Akin, kung inilantad mo ang pagpapanggap ng mga Pariseo kapag dinadala nila ang kanilang mga kasulatan sa mga sulok ng kalsada para manalangin at basahin ito para marinig ng iba, at sinabi mo sa kanila na ginagawa nila ito para magpakitang-gilas, aaminin ba nila ang sinabi mo? Masaya ba nila itong tatanggapin? Pagninilay-nilayan ba nila ang mga salita mo? Kaya ba nilang aminin na pagpapanggap at panlalansi ang ginagawa nila? Kaya ba nilang magnilay-nilay, magsisi, at hindi na kailanman muling kumilos nang ganito? Hinding-hindi. Kung nagpatuloy ka sa pagsasabing, “Nanlilihis ng mga tao ang mga kilos mo at mapupunta ka sa impiyerno at maparurusahan,” hindi ba’t pagsasabi iyon ng katotohanan? (Oo.) Pagsasabi ito ng katotohanan. Tatanggapin ba nila ito? Hindi, manggagalaiti sila agad at sasabihin nila, “Ano? Sinasabi mong mapupunta ako sa impiyerno at maparurusahan? Ang galing mo naman! Nananampalataya ako sa diyos, hindi sa iyo! Walang kuwenta ang mga salita mo!” Doon na ba natatapos iyon? Ano ang susunod nilang gagawin? Magpapatuloy sila, sasabihin nila, “Nakapaglakbay na ako sa malalayong lugar, nagpalaganap na ako ng ebanghelyo sa napakaraming tao, namunga ng marami, nagpasan ng napakaraming krus, at sobrang nagdusa sa bilangguan—ikaw na bata ka, noong magsimula akong manampalataya sa panginoon, nasa sinapupunan ka pa ng nanay mo!” Nalalantad ang kalikasan nila, tama? Hindi ba’t ipinapangaral nila ang pagpapasensiya at pagtitiis—kung gayon, bakit hindi nila kayang matiis ang maliit na bagay na ito? Bakit hindi nila ito matiis? Dahil sinabi mo ang katotohanan, isiniwalat mo ang totoo nilang pagkatao, at wala silang kahahantungan. Matitiis pa rin ba nila ito? Kung hindi sila mga anticristo, kung nasa landas sila ng mga anticristo pero kaya nilang tanggapin ang katotohanan, at nagpapakita rin sila ng pagpapamalas ng pagpapanggap, ano ang gagawin nila kung inilantad mo ang pagpapanggap nila? Maaaring hindi nila agad pagnilayan ang sarili nila, at maaaring hindi makatotohanan at hungkag na pakinggan ang sabihing ginagawa nila iyon. Gayumpaman, ang unang reaksyon ng karamihan sa mga normal na tao kapag narinig nila ito ay nakakaranas sila ng kirot sa puso nila. Ano ang ipinapahiwatig nitong kirot sa puso nila? Ibig sabihin nito ay apektado sila sa naririnig nila; hindi nila inaasahan na may maglalakas-loob na kumilos nang sobrang padalos-dalos, magsasabi ng katotohanan, at kokondena sa kanila nang ganito sa harap nila—hindi nila kailanman inasahan at hindi pa nila kailanman narinig dati ang mga salitang ito. Bukod dito, nahihiya sila at ayaw nilang mapahiya. Habang pinagmumunihan nila ang sinasabi mong nakakalihis ng mga tao ang pagtayo sa isang sulok sa kalsada para magdasal at magbasa ng kasulatan, natutuklasan nila pagkatapos ng pagsusuri sa kanilang sarili na ang paggawa nito ay talagang para ipakita sa mga tao kung gaano sila kadeboto, kung gaano nila kamahal ang Panginoon, at kung gaano nila kayang magdusa, na pagkukunwari ito, at totoo ang sinabi mo. Natutuklasan nila na kung magpapatuloy sila sa pagkilos nang ganito, hindi nila maipapakita ang mukha nila sa ibang tao. May kahihiyan sila, at sa kahihiyang iyon, maaaring medyo mapigilan nila ang kanilang sarili at itigil ang kanilang masasamang gawa o ang mga kilos nila na kahiya-hiya at magpapahiya sa kanila. Ano ang ibig sabihin kapag hindi na sila nagpapatuloy na kumilos nang ganito? Nagpapahiwatig ito ng kaunting pagsisisi. Hindi siguradong talagang magsisisi sila, pero kahit papaano ay may posibilidad ng pagsisisi, na mas mabuti naman kaysa sa mga anticristo at Pariseo. Bakit ito mas mabuti? Dahil may konsensiya at kahihiyan sila, kumikirot ang puso nila sa mga salita ng ibang tao na naglalantad. Bagama’t maaaring mahiya sila at masaktan ang kanilang dignidad, kahit papaano ay kaya nilang kilalanin na tama ang mga salitang ito. Kahit na hindi nila magawang makatakas sa kahihiyan, sa kaibuturan nila, kinilala na nila at nagpasakop na sila sa mga salitang iyon, na tinatanggap na nila ang mga iyon. Paano naiiba ang mga anticristo? Bakit natin sinasabing buktot ang mga anticristo? Ang kabuktutan ng mga anticristo ay nasa katunayan na kapag may narinig silang tama, hindi lang sa hindi nila magawang tanggapin ito, sa kabaligtaran ay kinamumuhian nila ito. Dagdag pa rito, ginagamit nila ang sarili nilang mga pamamaraan, naghahanap sila ng mga dahilan, katwiran, at ng iba’t ibang obhetibong salik para ipagtanggol at ipaliwanag ang kanilang sarili. Anong layon ang pakay nilang makamit? Pakay nilang gawing mga positibong bagay ang mga negatibong bagay at gawing mga negatibong bagay ang mga positibong bagay—gusto nilang baligtarin ang sitwasyon. Hindi ba’t buktot ito? Iniisip nila, “Gaano ka man katama, o gaano man kanaaayon sa katotohanan ang mga salita mo, kaya mo bang labanan ang husay kong magsalita? Kahit na malinaw na huwad, madaya, at nanlilihis ang lahat ng sinasabi ko, ikakaila at kokondenahin ko pa rin ang sinasabi mo.” Hindi ba’t buktot ito? Buktot nga ito. Sa tingin mo ba, kapag nakikita ng mga anticristo ang mabubuting tao ay hindi nila itinuturing ang mga ito na matapat sa puso nila? Talagang itinuturing nila ang mga ito bilang matatapat na tao at mga naghahangad sa katotohanan, pero ano ang depinisyon nila ng pagkamatapat at paghahangad sa katotohanan? Iniisip nila na hangal ang matatapat na tao. Nasusuklam, namumuhi, at mapanlaban sila sa paghahangad sa katotohanan. Naniniwala silang huwad ito, na walang sinuman ang puwedeng maging napakahangal para talikuran ang lahat ng bagay para sa paghahangad sa katotohanan, para magsabi ng kahit ano sa kaninuman, at ipagkatiwala ang lahat ng bagay sa Diyos. Walang ganoon kahangal. Sa tingin nila, huwad ang lahat ng kilos na ito, at hindi sila naniniwala sa kahit ano sa mga ito. Naniniwala ba ang mga anticristo na makapangyarihan sa lahat at matuwid ang Diyos? (Hindi.) Kaya, kinukuwestiyon nila ang lahat ng ito sa isipan nila. Ano ang ipinahihiwatig nito? Paano natin ipaliliwanag ang sangkaterbang katanungang ito? Hindi lang nila pinagdududahan o kinukuwestiyon ito; sa huli, kinakaila rin nila ito at nilalayon nilang baligtarin ang sitwasyon. Ano ang ibig Kong sabihin sa pagbabaligtad sa sitwasyon? Iniisip nila, “Ano bang silbi ng pagiging sobrang makatarungan? Kapag isanlibong beses inulit-ulit ang isang kasinungalingan, nagiging katotohanan ito. Kung walang nagsasabi ng katotohanan, ibig sabihin, hindi ito ang katotohanan at wala itong silbi—kasinungalingan lang ito!” Hindi ba’t pagbabaliktad ito sa tama at mali? Ito ang kabuktutan ni Satanas—binabaluktot ang mga katunayan at binabaligtad ang tama at mali—ito ang gusto nila. Magaling ang mga anticristo sa pagpapanggap at panlalansi. Siyempre, likas sa kaibuturan nila kung saan sila magaling, at kung ano ang likas sa kaibuturan nila ang mismong nasa kalikasang diwa nila. Lalo pa, ito ang kinasasabikan at minamahal nila, at ito rin ang panuntunan ng kung paano sila mabubuhay sa mundo. Naniniwala sila sa mga kasabihang gaya ng “Ang mabubuting tao ay namamatay nang maaga habang ang masasamang tao ay nabubuhay hanggang sa pagtanda,” “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Ang tadhana ninuman ay nasa kanyang sariling kamay,” “Mapagtatagumpayan ng tao ang kalikasan,” at iba pa. Umaayon ba ang alinman sa mga pahayag na ito sa pagkatao o sa mga likas na kautusan na kayang maarok ng mga normal na tao? Wala kahit isa. Kaya paanong napakahilig ng mga anticristo sa mga maladiyablong kasabihang ito ni Satanas at tinatrato pa ito bilang kanilang mga islogan? Masasabi lang na ito ay dahil napakabuktot ng kalikasan nila.

May isang partikular na lider ng iglesia na ilang beses Kong nakaugnayan sa loob ng halos isang taon. Nagkaroon kami ng ilang pagkakataon na magkita, pero limitado ang mga naging pag-uusap namin dahil hindi siya palasalita. Ano ang ibig sabihin niyon—“hindi siya palasalita”? Ibig sabihin ay hindi siya masyadong magsasalita kahit na magtanong ka nang magtanong sa kanya. Ngayon, ganito ba siya sa mga pakikisalamuha niya sa ibang tao sa iglesia? May dalawang posibleng sitwasyon. Sa mga katulad niyang mag-isip, marami siyang nasasabi. Gayumpaman, sa mga hindi niya katulad mag-isip, naging mapagbantay siya at tipid magsalita. Kalaunan, nabuod Ko na sa pakikipag-ugnayan Ko sa kanya, nagsabi siya ng limang “klasikong” parirala sa kabuuan. Hindi siya palasalita, at kaya noong magsalita siya, naging isang “klasikong” parirala ito. Anong klaseng tao ito? Puwede ba natin siyang tawagin na isang “natatanging tao”? Normal naman para sa mga lider o manggagawa sa iglesia na makipag-ugnayan sa Akin at makipagtalakayan tungkol sa mga usapin, hindi ba? Gayumpaman, natatangi ang taong ito. Limang parirala lang ang sinabi niya, limang parirala na lubhang “klasiko.” Pakinggan ninyo kung bakit naging lubhang “klasiko” ang mga pariralang ito. May sariling konteksto at kaunting kuwento sa likod ng bawat parirala niyang ito. Simulan natin sa kung saan galing ang una niyang parirala.

Sa iglesiang pinamumunuan ng lider na ito, may isang masamang tao na gumawa na ng ilang masamang bagay at gumulo sa gawain ng iglesia. Nakita ng lahat na isa siyang masamang tao, kaya nagsimula silang pagbahaginan at pag-usapan siya. Kung patatalsikin at palalayasin siya, kailangan gumawa ng pagbibigay-alam sa iglesia tungkol sa kanya, para malaman ng lahat kung anong masasamang bagay ang ginawa niya at kung bakit siya ikinaklasipika bilang isang masamang tao at pinapalayas. Habang inilalantad ang ilang masamang bagay na ginawa ng masamang taong iyon, ang lider na ito, na karaniwang hindi masyadong nagsasalita, ay nagsalita at nagsabi, “Mabuti ang intensiyon niya.” Paano niya tiningnan ang masamang taong iyon na gumagawa ng masasamang bagay na iyon at gumugulo sa gawain ng iglesia? “Mabuti ang intensiyon ng taong ito.” Naniwala siyang naaayon sa katotohanan ang masasamang bagay na ginagawa ng isang masamang tao, basta’t mabuti ang intensiyon ng taong iyon. Para sa kanya, anuman ang kalikasan ng mga kilos nito, mabuti man o masama, o anuman ang kahihinatnan ng mga kilos nito, hangga’t mabuti ang intensiyon nito, naaayon sa katotohanan maski pa ang mga panggagambala at panggugulong dinudulot nito. “Mabuti ang intensiyon niya.” Iyon ang unang pariralang sinabi ng lider na ito. Nakarinig na ba kayo ng gayong pananalita? Malinaw na gumagawa ng masama ang isang masamang tao, pero sinasabi ng isang tao na nagkikimkim ng mabubuting layunin ang taong iyon habang ginagawa ang masasamang bagay na iyon. May pagkilatis ba ang lahat sa pariralang ito? Naniniwala Ako na maaaring mailigaw ng pariralang ito ang ilang tao dahil iniisip ng karamihan ng tao na basta’t mabuti ang intensiyon ng isang tao, hindi siya dapat pangasiwaan, at na kung gumagawa ng masama ang isang tao pero mabubuti ang layunin niya, hindi nito sinasadyang gumawa ng masama. Kaya, pagkatapos maudyukan at mailigaw ng lider na ito, posibleng kumampi sa lider na ito ang ilang tao, at magsimulang makisimpatya sa masamang tao. Kung wala ang lider na ito na naglilihis sa kanila, naunawaan sana nang tama ng karamihan ng tao ang usaping ito at naisip na dapat patalsikin at palayasin ang masamang taong iyon dahil sa paggawa ng masama. Gayumpaman, pagkatapos maudyukan at mailigaw ng lider na ito, naisip ng ilang tao, “Mabuti ang intensiyon niya, may katwiran iyon. Minsan ganoon din tayo. Kaya, kung gumagawa tayo ng masama pero may mabubuting layunin, paaalisin at palalayasin din ba tayo?” Dahil dito, kumampi sila sa lider na ito. Bakit? Iniisip nila ang mga sarili nilang kinabukasan. Hindi ba’t madaling tanggapin ng mga tao ang pariralang sinabi ng lider na ito? Ano ang mga kinahinatnan ng pagtanggap nila rito? Nagkaroon sila ng mga pagdududa sa Diyos, sa Kanyang matuwid na disposisyon at sa Kanyang mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Nagkaroon sila ng mga pagdududa sa mga prinsipyong mayroon ang sambahayan ng Diyos sa paggawa ng mga bagay-bagay, kinuwestiyon nila ang mga ito, at pagkatapos ay kinondena ang mga ito. Nagkimkim sila sa puso nila ng mga pagdududang ito. Sa realidad, hindi pinalalayas ang masamang taong ito dahil may nagawa siyang isang masamang bagay. Sa sambahayan ng Diyos, walang pinalalayas dahil lang nakagawa siya ng paminsan-minsang pagkakamali, gumagawa man siya ng mano-manong trabaho, ng isang espesyal na tungkulin, o ng isang tungkuling kinasasangkutan ng mga teknikal na kasanayan. Sumasailalim silang lahat sa sama-samang pagkaklasipika ng mga lider ng iglesia at ng mga kapatid sa kanilang palagiang pag-uugali, at saka sila pinapangasiwaan. Halimbawa, kung palaging tinatamad ang isang tao kung kailan siya dapat gumagawa at nagdadahilan siya para makaiwas sa gawain, angkop bang palayasin siya batay sa pag-uugaling ito? (Oo.) Tama, angkop ito. Halimbawa, kung nakatalaga kang maglinis, at madalas kang kumakain ng buto ng hirasol, umiinom ng tsaa, nagbabasa ng dyaryo, at basta inihahagis lang ang mga balat ng buto ng hirasol kung saan-saan, hindi ba’t pinababayaan mo ang mga tungkulin mo? Bukod sa hindi ka naglilinis, nagkakalat ka rin, na ang ibig sabihin ay pinapabayaan mo ang mga tungkulin mo. Kung hindi ka mahusay sa gawain mo, lubusang naaayon sa mga prinsipyo na palayasin ka, at hindi ka dapat makipagtalo tungkol dito. Gayumpaman, sinabi ng lider na ito ng iglesia na mabuti ang intensiyon ng taong iyon, na nagligaw sa mga tao. Pagkatapos udyukan at iligaw nang ganito ng lider na ito ang mga tao, sumunod ang ilan sa ginawa niya, at nagkasundo sila. Pero saan nila inilagay ang Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo nang kumilos sila sa ganitong paraan? Naging tulad sila ng isang pamilya, na nag-uusap-usap tungkol sa “ating iglesia” at sa “ating sambahayan ng Diyos.” Paano binibigyang kahulugan ang “iglesia” at ang “sambahayan ng Diyos”? Puwede bang magkaroon ng sambahayan ng Diyos kung saan walang Diyos? (Hindi.) Kung walang Diyos sa isang lugar, puwede bang umiral o maitatag ang isang iglesia roon? (Hindi puwede.) Kaya, ano ang ibig sabihin nang sinabi nilang “ating”? Ibig sabihin nito ay humiwalay na sila sa Diyos. Ang iglesia ay naging iglesia na ng lider na ito na magulo ang isip, siya ang naging panginoon ng iglesia, samantalang bumuo na ng isang pangkat kasama niya ang mga diumano’y kapatid na iyon at ang mga taong naguguluhan at umakto ang mga ito na parang mga kamag-anak niya. Inilayo nila ang mga sarili nila sa Diyos, kaya nasa labas na ng “sambahayan ng Diyos” ang naging papel ng Diyos. Ang mga ito ang mga kinahinatnan na nabuo nang sinabi ng lider na ito ang unang parirala sa mga sitwasyong ito. Talagang sinang-ayunan siya ng lahat, iniisip nila, “Patas ang lider ng aming iglesia, mapagsaalang-alang siya sa amin, pinatatawad niya ang mga kahinaan namin, at ipinagtatanggol pa niya kami. Kapag nagkakamali kami, palagi kaming inilalantad at pinupungusan ng Diyos. Pero palagi kaming pinoprotektahan ng lider namin, katulad ng pagprotekta ng isang inahing manok sa kanyang mga sisiw. Basta’t naririyan siya, hindi kami maaagrabyado.” Nagpapasalamat ang lahat sa kanya. Ito ang mga kinahinatnan ng unang sinabing parirala ng lider na ito.

Magpatuloy tayo sa ikalawang pariralang sinabi ng lider na ito. May ilang gawain sa labas ng iglesia na hindi magampanan ng karamihan ng tao o masyado silang abala sa kanilang mga inaasikasong tungkulin. May ilang mananampalataya sa pangalan lang na mahusay sa pag-aasikaso ng mga panlabas na usapin, kaya naglaan ng kaunting pera ang sambahayan ng Diyos para kumuha ng ganitong tao para asikasuhin ang mga gampaning ito, at minsan ay gumagastos pa nang kaunti ang sambahayan ng Diyos para maasikaso ng taong ito ang ilan pang gampanin para sa sambahayan ng Diyos. Sabihin ninyo sa Akin, labag ba sa mga prinsipyo na gumastos ang sambahayan ng Diyos ng karagdagang 200 RMB para asikasuhin ang mga ganitong bagay? Ito lang ang paraan para pangasiwaan ang mga bagay na iyon, at nagbunga ito ng magagandang resulta, kaya ganoon pinangasiwaan ang mga iyon. Dahil sa pagbibigay sa taong iyon ng dagdag na 200 RMB, naging magaan para sa sambahayan ng Diyos na pangasiwaan ang mga bagay na ito, at maraming isyu ang nalutas. Sulit bang gumastos ng dagdag na 200 RMB? (Sulit ito.) Talagang sulit ito. Angkop na gawin nang ganito ang mga bagay. Kung ibinigay ng sambahayan ng Diyos ang 200 RMB na iyon sa isang taong hindi kayang pangasiwaan ang mga gampaning iyon, masasayang lang ito. Ang pagbibigay ng 200 RMB sa kanya ay nangangahulugang magagawa nang maayos ang mga gampaning iyon—kung gayon, naaayon ba sa mga prinsipyo na pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang bagay-bagay sa ganitong paraan? (Naaayon ito sa mga prinsipyo.) Kung gayon, naaayon ba sa mga prinsipyo na hindi ito talakayin o sabihin sa mga kapatid? (Naaayon ito sa mga prinsipyo.) May karapatan ba ang Itaas na pangasiwaan ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? (Mayroon.) Mayroon, sigurado iyon. Pero sinabi ng lider ng iglesia na ito, “Sinabi ng mga kapatid na binigyan pa uli ng 200 RMB ang taong iyon…. Tinatanong ko lang ang tungkol sa usaping ito para sa mga kapatid. Hindi nila nauunawaan ang prinsipyong ito, at gusto naming alamin kung paano pagbahaginan ang aspektong ito ng katotohanan.” Kalahating mga pangungusap lang ang sinabi niya. Ito ang pangalawang parirala niya. Halata naman na tanong ang pariralang ito, ibig sabihin, “Sinasabi mong naaayon sa mga prinsipyo ang lahat ng ginagawa mo, pero ang bagay na ito ay hindi, at may mga opinyon at kuru-kuro ang ilang kapatid tungkol dito, kaya kailangan kitang tanungin tungkol dito para sa kanila. Paano mo ipapaliwanag ang usaping ito? Magpaliwanag ka sa akin.” Hindi ba’t katanungan iyon? Ngayon, sige, suriin ninyo kung ilang mensahe ang laman nito—ano ang pananaw ninyo kapag narinig ninyo ang ganitong bagay? Paano ninyo nakikita ang taong ito batay sa usaping ito? (O Diyos, may tono ng pagtatanong sa parirala niyang ito. Kinukuwestiyon niya ang Diyos. Sa katunayan, may sarili siyang mga kuru-kuro sa usaping ito. Hindi niya ipinahayag ang mga totoo niyang iniisip, sa halip, sinabi niyang ang mga kapatid ang hindi makatanggap sa desisyon ng Itaas, na may mga opinyon sila tungkol dito. Bilang isang lider ng iglesia, noong may mga kuru-kuro ang mga kapatid, nakipagbahaginan sana siya sa kanila tungkol sa katotohanan para malutas ang isyung ito, pero bukod sa hindi niya ito nilutas, kinuwestiyon pa niya ang Diyos gamit ang mga kuru-kurong ito. May isang mapanlinlang at buktot na disposisyon sa kanya.) Dalawang punto ang nabanggit: Ang isa ay na kinukuwestyon niya ang Itaas, at ang isa pa ay ang katunayang may mga kuru-kuro na siya sa loob niya, pero sinabi niya, “Hindi nauunawaan ng mga kapatid ang mga prinsipyo, at gusto nilang hanapin ang mga iyon.” May problema ba sa pariralang ito? Ganoon ba kahalaga sa kanya ang mga kapatid? Dahil itinuturing niyang napakahalaga ang buhay pagpasok ng mga kapatid, noong magkaroon sila ng gayon katinding mga kuru-kuro, bakit hindi niya nilutas ang mga iyon? Hindi ba’t nagiging pabaya siya sa kanyang mga tungkulin? Nagiging pabaya siya. Hindi niya nilutas ang isyu, at hindi pa nga siya nahiyang dalhin ang mga kuru-kuro ng mga kapatid para tanungin ang Itaas. Kaya, ano ang silbi niya? Anong nagbigay-kakayahan sa kanyang magtanong? Hindi ba’t may mga kuru-kuro din siya? Hindi ba’t may mga iniisip din siya tungkol sa desisyon ng Itaas? Hindi ba’t pakiramdam din niya ay hindi angkop na pinangasiwaan ang usaping ito? Hindi ibinigay ang 200 RMB sa kanya, kaya pakiramdam niya ay nawala sa kanya ang pagkakataon, hindi ba? Inisip niya, “Ako dapat ang tumanggap ng dagdag na 200 RMB, nararapat ito sa amin. Hindi mananampalataya ang lalaking iyon, hindi siya ang dapat nakakuha niyon. Tunay kaming nananampalataya sa diyos at mga tao kami ng sambahayan ng diyos, samantalang siya ay hindi.” Hindi ba’t iyon ang ibig niyang sabihin? (Oo.) Iyon mismo ang ibig niyang sabihin. At hindi niya ito diretsahang sinabi; nautal siya sa pagsasabi nito. Pagkatapos ninyo itong marinig, nauunawaan ba ninyo ito o hindi? Ano ang pananaw ninyo sa usaping ito ng paggasta ng pera? Kayang maunawaan ng karamihan ng tao ang maliit na usaping ito. Kung isasaalang-alang ang malaking gawain ng sambahayan ng Diyos, talagang kailangan bang pansinin ng lider na iyon ang ginastos na dagdag na 200 RMB? Bukod dito, hindi naman ito galing sa bulsa niya, kaya bakit labis siyang nababagabag dito? Hindi ba’t naiinggit lang siya nang makita niyang nagiging mabuting tao ang iba? Hindi ba’t iyon ang ibig niyang sabihin? Nauunawaan ba ninyo ang kapapaliwanag Ko lang sa inyo? Mayroon ba sa inyong hindi sumasang-ayon, at nagsasabi, “Hindi! Ang paggasta ng dagdag na 200 RMB nang hindi namin nalalaman—kahindik-hindik na wala kaming karapatang malaman ito. Hindi ba’t paglulustay ito sa mga handog sa sambahayan ng Diyos?” Ano ang konsepto ng sambahayan ng Diyos? Ano ang konsepto ng mga handog? Hayaan mong sabihin Ko sa iyo, hindi pagmamay-ari ng lahat ng tao ang mga handog, hindi pagmamay-ari ng mga kapatid ang mga ito; kung may mga kapatid lang at walang Diyos, hindi ito matatawag na sambahayan ng Diyos. Kapag nagpapakita at gumagawa ang Diyos, kapag tinatawag Niya sa harap Niya ang mga tao at nagtatatag Siya ng iglesia—iyon ang sambahayan ng Diyos. Kapag naghahandog ng ikapu ang mga kapatid, hindi ito inihahandog sa sambahayan ng Diyos, ni sa iglesia, at siguradong hindi ito inihahandog sa sinumang indibidwal. Sa Diyos nila inihahandog ang ikapung ito. Sa madaling salita, sa Diyos ibinibigay ang perang ito; pribado Niyang pag-aari ito. Ano ang ipinahihiwatig ng pribado Niyang pag-aari ito? Na puwede itong ilaan ng Diyos sa paraang gusto Niya, at na hindi kalipikado ang lider na makisangkot dito. Hayaan mong sabihin Ko sa iyo, medyo kalabisan na at hindi kinakailangan ang mga pagtatanong at ang kagustuhang hanapin ang katotohanan dahil sa usaping ito; pagiging peke at mapagpanggap niya iyon! Napakaraming mahalagang usapin na hindi pa hinahanapan ng katotohanan ng lider na ito, pero pinili niya itong hanapin sa usaping ito. Bakit hindi niya pinangasiwaan ang masamang taong iyon? Bakit hindi siya naghanap, na nagsasabi, “Nagpakita ang taong ito ng ilang pagpapamalas ng paggawa ng masama; nasusuklam sa kanya ang lahat ng kapatid. Hindi ba’t dapat ko itong pangasiwaan?” Hindi nagtanong ang lider tungkol doon; ganap siyang bulag sa masamang taong ito. Hindi ba’t problema iyon? Ano ang unang pariralang sinabi ng lider na ito? (Mabuti ang intensiyon niya.) “Mabuti ang intensiyon niya.” Tingnan ninyo kung gaano “kabuti” ang taong ito; napakamapagpaimbabaw! Buktot siya, pero puno ng kabutihan at moralidad ang mga salita niya; napakatamis ng mga salita niya, pero may mga patalim sa puso niya, at hindi siya kumikilos gaya ng isang tao. Ano ang pangalawa niyang parirala? “Nagbigay ang sambahayan ng diyos ng dagdag na 200 RMB sa isang tao para tapusin ang isang gampanin. Gusto kong malaman, para sa mga kapatid, kung paano namin dapat maunawaan at maarok ang prinsipyo sa usaping ito.” Ibinigay Ko ito bilang isang kumpletong pahayag; siyempre, hindi niya sinabi ito nang ganoon. Nagsalita siya nang may pag-aalinlangan, kaya naging mahirap na maunawaan kung ano ang ibig niyang sabihin. Ganoon lang talaga siya magsalita. Ito ang pangalawang pariralang sinabi ng lider na iyon.

Ngayon makinig kayo sa pangatlong pariralang sinabi ng lider na iyon. Tulong-tulong na gumagawa ang lahat, naghuhukay. Itinalaga ang bawat tao na magpuno ng isang basket ng lupa. May isang taong mabilis gumawa at unang natapos, pagkatapos ay naupo at uminom ng kaunting tubig at nagpahinga, hinihintay niya ang iba. Pagkatapos, may hindi magandang nangyari. Ano ang hindi magandang nangyari? Lumitaw ang ikatlong problema. Muling lumapit ang lider na ito para tanungin ang Itaas, sinabi niya, “May isang tao rito na mabilis gumawa at mabilis kumilos, pero may mali sa kanya. Pagkatapos niyang gumawa, umuupo lang siya at hindi tumutulong sa iba, kaya nagsisimulang bumuo ng mga opinyon ang iba tungkol sa kanya.” Nagtanong ang Itaas na brother, “Karaniwan ba siyang tamad kapag gumagawa?” Sumagot ang lider na ito, “Hindi naman. Mabilis lang siyang gumawa, at pagkatapos gumawa, umuupo lang siya habang naghihintay, at hindi siya tumutulong sa iba, kaya may mga opinyon ang mga kapatid tungkol sa kanya, sinasabi nilang wala siyang awa.” Nang binanggit ito ng mga kapatid, nabagabag dito ang lider na ito. Inisip niya, “Hay naku, tingnan ninyo kung gaano kasama ang taong iyon! Pagod na sa paggawa ang mga kapatid ko, mabagal silang gumawa, at walang tumutulong sa kanila.” Masama ang loob ng buong grupo, kaya masama rin ang loob niya. “Napakamaawain” naman niya! Dinala niya ang “pasaning” ito para iulat sa Itaas. Ang unang tinanong niya ay, “Puwede bang parusahan ang ganitong tao?” Sabihin ninyo sa Akin, sa tingin ninyo, puwede bang parusahan ang ganitong tao? (Hindi.) Kung gayon, ano ang reaksiyon ninyo pagkarinig dito? Halo-halo ba ang nararamdaman ninyo tungkol dito? Masama ba ang loob ninyo? (Oo.) Palaging ibinabahagi ng sambahayan ng Diyos na dapat maunawaan ng mga tao ang katotohanan at tratuhin nang patas ang iba, pero hindi niya magawa maski ang maliit na bagay na ito. Naniwala siyang magiging patas na parusahan ang taong iyon. Hindi ba’t buktot ito? (Oo, buktot ito.) Inisip niya, “Nagdurusa ang mga kapatid ko, at iniulat nila sa akin na walang awa ang taong ito. Bilang isang lider, paano ko makukuha ang loob ng mga taong ito, paano ko sila mapapasaya, mapoprotektahan, mapipigilang maagrabyado o makaramdam na napabayaan sila?” Ang una niyang tugon ay ang parusahan ang taong iyon, inaakala niya na sa pagpaparusa rito, huhupa ang galit ng lahat, at magiging patas at pantay ang lahat ng bagay. Hindi ba’t gusto niyang gawin ito? (Oo.) Inisip niya, “Kumakain tayong lahat ng parehong pagkain, nakatira sa parehong lugar, at pareho ang pagtrato sa ating lahat. Anong karapatan mong gumawa nang napakabilis? Kung mabilis kang gumawa, bakit hindi mo tulungan ang iba?” Sabihin ninyo sa Akin, ano ang nararamdaman ng mga tao pagkarinig dito? “Kasalanan ang gumawa nang mabilis. Para bang hindi tayo dapat gumawa nang mabilis kailanman—wala itong magandang idudulot sa atin sa ilalim ng lider na ito. Hindi mabuti ang gumawa nang mabilis, ni ang pagiging maagap. Makatwirang maging mabagal!” Tinanong ng Itaas ang lider, “Paano naman ang mga gumagawa nang mabagal? Ginagantimpalaan mo ba sila?” Hindi nakapagsalita ang lider, pero hindi magulo ang isip niya. Sinabi niya, “Hindi, hindi ko sila puwedeng gantimpalaan. Gayumpaman, dapat parusahan ang lalaking iyon na gumagawa nang mabilis. Sinasabi ng lahat ng kapatid na kailangan niyang maparusahan.” Iyon ang pariralang binigkas niya. Sabihin ninyo sa Akin, talaga bang kumakatawan sa mga kapatid ang pariralang ito, o kumakatawan ba ito sa mismong lider? (Kumakatawan ito sa mismong lider.) Isantabi natin ang mga kapatid—maraming klase ng mga taong magulo ang isip sa kanila: ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan, ang mga nagsasalita sa balikong paraan, ang mga makasarili at naghahanap ng pakinabang para sa kanilang sarili, ang mga nag-uudyok ng mga pagtatalo, ang mga nagsasalita nang walang mga prinsipyo, at ang mga kumikilos nang walang moral na batayan. Anong klaseng tao ang hindi makikita sa kanila? Kaya, ano ang responsabilidad niya bilang isang lider ng iglesia? Responsabilidad ba niyang magsalita para sa mga maimpluwensiyang kapatid, na ipagtanggol ang mga buktot na kalakaran at masasamang pagsasagawang ito? (Hindi.) Kung gayon ano ang responsabilidad niya? Nang matuklasan niya ang mga isyu ng pagkabaluktot at paglihis sa mga kapatid, responsabilidad niyang lutasin ang mga isyung ito gamit ang katotohanan, para maunawaan ng mga taong iyon kung nasaan ang mga problema, at ang mga isyu sa mga kalagayan nila, para makilala nila ang sarili nila at maunawaan ang katotohanan, at dalhin sila sa harap ng Diyos. Hindi ba’t ito ang responsabilidad ng isang lider ng iglesia? (Oo.) Tinupad niya ba ito? Bukod sa nabigo siyang tuparin ito, pinamayani pa niya ang mga buktot na kalakaran at masasamang pagsasagawang iyon, pinoprotektahan, inuudyukan, at pinahihintulutan ang pagdami at paglaganap ng mga ito sa iglesia. Hindi ba’t buktot ito? (Oo.) Sabihin ninyo sa Akin, pagkatapos pungusan at ilantad ng Itaas ang isang tao na may ganitong buktot na disposisyon, magiging tutol ba siya sa puso niya? (Oo.) Siguradong magiging tutol siya. Tatratuhin ba niya nang patas ang mga tao ayon sa mga prinsipyong ibinigay ng Itaas sa kanya? Hinding-hindi. Makikita mo sa mga salitang sinabi niya na ganap siyang mapanlinlang. Kalaunan, naisip Ko: “Kung parurusahan ang mga mabilis gumawa, sino ang mangangahas na gumawa nang mabilis? Magiging kasimbagal ng pagong ang lahat, hindi makaahon sa pampang ng ilog kahit na magkakampay ito sa loob ng tatlong araw.” Hindi ba’t magiging ganoon ang mga bagay-bagay? Bukod sa kawalan niya ng abilidad na tratuhin nang patas ang mga tao, ang pinakamapanganib at matinding aspekto ng lider na ito, at ang pinakamagliligaw sa mga tao, ay na anumang masasamang bagay ang ginawa ng mga kapatid o anumang mali at katawa-tawang pananaw ang ipalaganap nila, bukod sa nabigo siyang kilatisin at iwasto sila, binigyang layaw pa niya sila, kinanlong sila, at sinubukan pang mapalugod sila. Hindi ba’t isa siyang mapanganib na indibidwal? (Oo.) Napakamapanganib niya! Ito ang pangatlong pariralang sinabi ng lider na iyon.

Magpatuloy tayo sa ikaapat na parirala. Madalas Kong dinadalaw ang iglesia kung saan namamahala ang lider na iyon, at nag-aalaga siya ng ilang manok doon. Tuwing dumadalaw Ako, nagkakatay siya ng manok. Sa isang araw, maglalaga siya ng manok; sa susunod na araw, mag-aadobo siya ng manok; sa makalawa, mag-iinasal naman siya ng manok. Naisip Ko na kung araw-araw Akong pupunta roon, mauubos na ang lahat ng manok doon sa loob lang ng ilang araw. Bakit ganoon? Kapag naluto na ang isang manok, minsan kumukuha Ako ng isang piraso, at minsan naman ay ayaw Kong kumain nito, pero kinakain pa rin ito ng mga tao, at nauubos pa rin ang isang buong manok sa bawat pagkakataon. Kalaunan, isinaalang-alang Ko ito: Kung nauubos ang isang buong manok sa tuwing dumadalaw Ako, gaano man karami ang manok nila, hindi magtatagal ang mga ito kapag kinakain ang mga iyon nang ganoon. Kaya, sinabi Ko sa lider na hindi na siya puwedeng magkatay ng manok. Hindi ba’t ito ang tamang gawin? (Oo.) Ngayon, talagang pinroblema niya ito. Nagtanong siya, “Kung hindi kami makakapagkatay ng manok, kung gayon …” Hindi mo aakalain ang sunod niyang tinanong. Ano ang sinabi niya sa huli? “Kung gayon, ano ang gusto mong kainin?” Sinabi Ko, “Hindi ba’t may iba pang makakain bukod sa mga manok? Hindi ba’t puno ng mga gulay ang hardin? Ayos lang sa Akin na kumain ng kahit ano sa mga iyon.” Ang ibig niyang sabihin ay kung hindi siya puwedeng magkatay ng mga manok, kailangan Ko pa ring kumain ng kaunting karne. “Mapagsaalang-alang” siya, hindi ba? Sinabi Ko, “Anong karne! Kung may mga gulay ka, hindi na Ako kakain ng karne. Kung hindi Ko sinasabing magkatay ka ng mga manok, huwag mong kakatayin ang mga iyon!” Madali lang dapat itong maunawaan, hindi ba? (Oo.) Pero sa kaso niya, naging problema ito. Hindi siya naging komportable na hindi na siya makakapagkatay ng mga manok; nagsimula na siyang kumilos nang labis na kakatwa, na parang isang taong nasasapian. Dahil hindi siya makakain ng manok noong pagkakataong iyon, nang sumunod na dumalaw Ako, nagtanong pa uli siya, na magdadala naman sa atin sa ikalimang parirala. Pakinggan ninyo kung paano mas lalong nagiging katawa-tawa ang mga tanong niya. Ano ang tanong? Sinabi niya, “Dahil hindi kami puwedeng magkatay ng manok, at nag-aalaga rin naman tayo ng mga kuneho—iyon na lang ba ang kakainin mo?” Talagang nagalit Ako dahil doon. Sinabi Ko, “Nakakatuwa ang maliliit na kunehong inaalagaan natin, maliliwanag na pula ang mga mata ng mga ito at purong puti ang balahibo ng mga ito. Masayang naglalaro ang mga ito. Bakit ba palagi mong iniisip ang pagkain ng karne? Hindi mo ba kaya kapag walang karne?” Hindi Ko naunawaan. Hindi nauubusan ng karne ang kusina nila; hindi maubos-ubos ang mga hita ng manok at karne ng baboy. Hindi naman parang wala na siyang makakaing karne, kaya bakit tanong siya nang tanong tungkol sa pagkatay sa mga kuneho at pagkain sa karne ng mga ito? Isinagot Ko na lang ang mga salitang ito: “Hindi mo sila puwedeng katayin! Para saan ba ang lahat ng pagkatay na ito?” Nang makita niya Akong tumugon nang ganito, natakot siyang mapungusan at hindi na nangahas na magtanong pa. Anong mga pagkain ang inihanda niya pagkatapos niyon? Kapag buwan ng Hunyo at Hulyo, sari-sari ang nasa hardin; sagana ang madadahon at namumungang gulay. Isang araw, naghanda ang lider na iyon ng napakaraming lutong pagkain. Ano ang inihanda niya? Ginisang toge, sinabawang toge, nilagang tokwa na may isda, ginisang gisantes at itlog, ginisang taingang-daga—wala ni isang dahong gulay sa mesa. Tiningnan Ko ang lahat ng walang kabuhay-buhay na pagkaing iyon. Maganda ang panahon para sa mga sariwang pagkain, pero ganap na wala sa panahon ang mga pagkaing inihanda niya. Inisip Ko, hindi ba’t buktot ang taong ito? May iba’t ibang klase ng gulay sa hardin; bakit hindi siya naghanda ng gulay? Sa huli, sinabi Kong dapat siyang palayasin agad. Kung ang gaya niya ang namamahala sa pagluluto, hindi kailanman makakakain ang mga tao ng mga pagkaing napapanahon. Sa halip, palagi silang kakain ng mga pagkaing wala sa panahon. Normal ba iyon? Siguradong hindi ito normal!

Sa pamamagitan ng mga tanong ng lider na ito at ng paraan ng pagluluto niya, napagmasdan Ko na una, mababa ang karakter niya; ikalawa, mayroon siyang isang buktot at mapaminsalang disposisyon; at ikatlo, hindi niya hinangad ang katotohanan. Gayumpaman, may isang hindi inaasahang bagay; matatawag mo pa nga itong kakatwa. Dati, tuwing may halalan sa iglesiang ito, siya ang nakakatanggap ng pinakamaraming boto, at kahit sa mga muling halalan, siya pa rin ang nakakatanggap ng pinakamaraming boto. Ano ang nangyayari? Bakit paulit-ulit na nakakatanggap ang gayong tao ng pinakamaraming bilang ng boto? Hindi ba’t may mga dahilan dito sa parehong panig? (Mayroon.) May mga dahilan para dito sa parehong panig. Ano ang mga pangunahing dahilan? Sa isang banda, hindi hinahangad o nauunawaan ng karamihan ng kapatid ang katotohanan, at wala silang pagkilatis sa mga tao. Sa kabilang banda, sobrang galing ng lider ng iglesia na ito sa panlilihis sa mga tao. Hindi ninyo alam kung sino ang taong ito, hindi pa ninyo nakita ang ginawa niya, at hindi ninyo alam kung anong klaseng tao siya kapag walang nakakakita. Pero batay pa lang sa mga bagay na sinabi Ko, kasama na ang limang pariralang sinabi niya, sa tingin ninyo, anong klaseng tao siya? Angkop ba siyang maging isang lider ng iglesia? (Hindi.) Kung gayon, bakit siya palaging inihahalal ng mga kapatid na iyon? Dahil may mga estratehiya siya at inililigaw niya ang mga taong ito. Talagang hindi siya kasingtaos-puso at kapraktikal gaya ng ipinapakita niya sa panlabas; tiyak na may mga estratehiya siya. Kalaunan, sinabi Kong walang mga tao sa iglesiang iyon na angkop na umakto bilang isang lider at dapat na may ibang italagang tao para maglingkod sa posisyong ito. Pero hindi naunawaan ng ilang tao; sa tingin nila, hindi hinirang ng mga kapatid ang lider na ito. Paano dapat tukuyin ang “mga kapatid”? Kumakatawan ba sa katotohanan ang mga kapatid? Ganito ba sila tinutukoy? (Hindi.) Kapag nagsama-samang gumawa ng kahilingan, regulasyon, o ng isang opinyon at isang argumento ang mga kapatid, naaayon na ba agad sa katotohanan ang mga ito? Dapat bang isaalang-alang ng Diyos ang mga isyu nila at unahin muna sila? Magagawa ba ito ng Diyos? (Hindi.) Kung gayon, paano sila dapat tratuhin? Paano dapat tukuyin ang mga kapatid na ito? Handa ang karamihan sa kanila na gawin ang kanilang mga tungkulin, magtrabaho, at gumawa, pero hindi nila hinahangad ang katotohanan. Wala silang abilidad at kakayahang maarok ang katotohanan, sila ay hangal, manhid, at mapurol ang utak nila, hindi nila makilatis ang mga tao o ang mga usapin, at makasarili sila at iniisip lang ang pakinabang sa sarili nila. Bagama’t nagtataglay sila ng ilang mabuting layunin at handa silang talikuran ang mga bagay, gugulin ang sarili nila, at magpakapagod para sa Diyos, ano ang mapanganib nilang kahinaan? Hindi nila nauunawaan ang katotohanan o tinatanggap ito. Sumusunod sila sa “Sinuman ang nagpapakain sa akin ay aking ina, at sinuman ang nagbibigay sa akin ng pera ay aking ama.” Sinumang mabuti sa kanila o kapaki-pakinabang sa kanila, sinumang nagsasalita para sa kanila at nagpoprotekta sa kanila, iyon ang taong pinipili nila. Kung hahayaan ang gayong mga tao na pumili ng sariling lider nila, makakapaghalal ba sila ng isang mabuting lider? Hindi. Magagawa ba nilang makausad sa kanilang buhay pagpasok? Kung hahayaan sila ng Itaas na maging napakasutil, at hahayaang patuloy na kumilos nang walang ingat, hindi ba’t magiging iresponsable iyon? (Oo.) Magulo ang isip nila, pero hindi magulo ang isip ng Itaas, kaya ang lider na hinirang ng mga taong ito ay inalis at pinalitan ng ibang tao. Kahit na ayaw ng mga taong ito na tanggapin ang bagong lider, basta’t kayang gawin ng taong iyon ang ilang tunay na gawain, mas mainam na siya kaysa sa huwad na lider na iyon na iniligaw ang mga tao. Kahit na hindi nauunawaan ng mga kapatid ang pagsasaayos ng Itaas, balang araw ay maaarok nila ang ilang katotohanan at mauunawaan nila nang kaunti ang mga bagay, at pagkatapos ay malalaman nila kung sino ang mabuti at sino ang masama. Sa pagkilos nang ganito, ganap silang pinananagutan ng Itaas. Angkop ba ang paggawa nito? (Angkop ito.) Kahit na hindi nila nauunawaan, hindi sila puwedeng hayaan na gawin na lang ang gusto nila sa paghahalal ng kung sino ang gusto nila. Gusto ba nilang maghimagsik? Kung gusto nilang gumawa ng masama, maging mga kasabwat ni Satanas, ganap silang mawawasak. Kaya, nagpasya na ang Itaas para sa kanila at pumili ng ibang lider. Pero hindi nila ito tinanggap; iginiit nilang angkop ang taong pinili nila. Hindi ba’t pagiging buktot ito? Bakit palagi nilang iniisip na mabuti siya? Ano ang napakabuti sa kanya? Bakit napakadeterminado nilang panatilihin siya? May problema roon: Nailigaw at napinsala na sila ng huwad na lider na ito nang hindi nila namamalayan. Talagang mga hangal sila. Tapos na Ako sa pagtatalakay sa usaping ito. Itinuturing natin ang mga taong gaya ng huwad na lider na ito bilang isang tipikal na halimbawa para maghimay at magsuri sa loob ng paksang ito—wasto ang paggawa nito. Kung tutuusin, tipikal ang mismong kabuktutan sa disposisyon nila.

Pagdating sa pagbabahaginan natin sa kabuktutan sa loob ng ikapitong pagpapamalas ng mga anticristo, sa pamamagitan ng pagsasama-sama sa mga partikular na halimbawang ito, at pagsusuri at paghahambing sa mga ito, naging mas malinaw na ba ang paksang ito sa inyo? Hindi sigurado kung magagawa ba ng taong ito, na katatalakay Ko lang sa inyo, na hangarin ang katotohanan sa hinaharap, hindi ito malinaw, at hindi tayo bubuo ng anumang kongklusyon sa ngayon. Gayumpaman, isang bagay ang sigurado: Pawang buktot ang kanyang disposisyon, diwa, at kalikasan. Kaya, ano ang minahal niya? Minahal niya ba ang pagiging patas at matuwid? Minahal niya ba ang iba’t ibang katotohanang sinabi ng Diyos? Minahal niya ba ang pagiging isang matapat na tao, ang pagtrato nang patas sa iba, ang pagkilos nang may mga prinsipyo, at paghahanap sa katotohanan? Minahal niya ba ang mga bagay na ito? Hindi niya minahal ang anuman sa mga ito—isandaang porsiyento ang katiyakan nito. Sa pamamagitan ng ilang pariralang ito na sinabi niya at sa ilang katanungang tinanong niya, nalantad ang mga bagay na minahal niya sa kailaliman ng kanyang puso at sa kanyang kaibuturan. Walang kahit isang bagay sa mga ito ang alinsunod sa mga positibong bagay. Sino ang mga taong gusto niya at handa siyang protektahan? Pinrotektahan niya ang mga gumawa ng masama, ang mga gumulo sa gawain ng iglesia, ang mga ganap na walang katapatan at gumawa ng maraming masamang gawa sa pagganap sa kanilang mga tungkulin. Hindi niya tiningnan ang gayong mga tao nang may galit o pagkamuhi; nagsalita pa nga siya para sa kanila at ipinagtanggol sila. Ano ang ipinahihiwatig nito? Na magkauri sila: Pareho ang kanilang mga interes at diwa. Likas silang nagkakasundo, at pareho silang bulok. Nang patuloy na nagkikimkim ng mga kuru-kuro at maling pag-unawa ang mga kapatid tungkol sa mga salita at kilos ng Diyos, ano ang naramdaman ng lider na ito? Nagdala ba siya ng pasanin pagdating sa paglutas sa mga isyung ito? (Hindi.) Hindi siya nagdala ng pasaning ito; hindi niya tinugunan ang mga isyung ito o binigyang-pansin ang mga ito—nagpikit-mata siya sa mga ito. Kapag may nagpahiya sa pangalan ng Diyos, o ginambala at ginulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kapag may taong walang katapatan at pabaya sa paggawa ng kanyang tungkulin, o pininsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at nagdala ng kaguluhan at pagkawasak habang ginagawa ang kanyang tungkulin, o nagpapahayag ng pagkanegatibo at nagkakalat ng mga kuru-kuro, kaya ba niyang matukoy ang mga ito bilang mga problema? Hindi niya matukoy ang mga ito bilang mga problema; inisip niya, “Normal na umiral ang mga isyung ito; sino ba ang walang pagbubunyag ng katiwalian?” Ano ang ipinahihiwatig niya? Ipinahihiwatig niya na dapat kumilos nang ganito ang mga taong iyon, nang sa gayon ay hindi siya magmumukhang napakasama—puwede siyang “magtago” at “maprotektahan.” Hindi ba’t buktot ito? Patuloy na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan ang mga taong ito, at hindi niya pinangasiwaan ang mga ito. Batay rito, sabihin ninyo sa Akin, may pagpapahalaga ba siya sa katarungan? Minahal niya ba ang katotohanan? Anong klaseng lugar ang turing niya sa sambahayan ng Diyos? Ayaw niyang mapuno ng matatapat na tao ang sambahayan ng Diyos, ng mga taong tapat sa Diyos, ng mga sumusunod sa daan ng Diyos at alam ang kanilang lugar habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin. Ayaw niyang magtapat at magbahaginan ang lahat tungkol sa mga salita ng Diyos, na magpasakop sa Diyos at magpatotoo sa Kanya. Ayaw niyang maging ganoon ang lahat ng nasa sambahayan ng Diyos. Kung gayon, ano ang gusto niya? Gusto niyang gumawa ang lahat ng mga koneksiyon na kapaki-pakinabang sa kanilang sarili, pinoprotektahan ang interes ng isa’t isa, hindi pinipinsala ng iba, o isinisiwalat ang lihim ng sinuman. Gusto niyang pinoprotektahan at kinakanlungan ng lahat ang isa’t isa, itinatago sa mga tagalabas ang anumang masasamang bagay na ginawa ng iba, at kumikilos bilang isang nagkakaisang puwersa. Iyon ang gusto niya. Nang isiniwalat at isinapubliko ng isang tao ang mga maling ginagawa at totoong sitwasyon ng ibang tao, diretsahang nagsasalita at ipinapaalam sa lahat ang tungkol sa mga ito, kinamuhian at kinasuklaman niya ang gayong mga pagkilos. Gusto niya kapag nananatiling tago at lihim ang mga maling gawain, kapag hindi nalalantad ang mga kasinungalingan, at kapag hindi napapangasiwaan ayon sa mga prinsipyo ang sinumang gumagawa ng mga panlalansi o pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sa iglesiang pinangasiwaan niya, ano ang nangyari sa mga salita ng Diyos at sa mga atas administratibo at pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Naging mga salitang walang kabuluhan ang mga ito, at hindi naipatupad ang mga ito. Bakit hindi naipatupad ang mga ito? Dahil hinarang niya ang mga ito; naging pader siya na pumipigil sa mga ito. Ito ang buktot na disposisyon na ibinubunyag ng mga anticristo sa pamamagitan ng pagbabaluktot sa mga katunayan, paggamit ng mga partikular na taktika at paggawa ng mga partikular na pakana at panlilinlang na nanloloko at nanlalansi sa iba para makamit ang sarili nilang mga layon.