Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi) Ikatlong Seksiyon
Isang Paghihimay Kung Gaano Kabuktot, Kamapaminsala, at Kamapanlinlang ang mga Anticristo
Noong nakaraan, pinagbahaginan natin ang ikapitong pagpapamalas ng mga anticristo—sila ay buktot, mapaminsala, at mapanlinlang. Anong aspekto ang pangunahin nating pinagbahaginan? Tinalakay natin kung paano nagiging buktot ang mga anticristo. Bakit natin sinasabing buktot sila? Anong espesyal na mga disposisyon, pagpapamalas, at karakter na nasa loob ng kanilang kalikasang diwa ang puwedeng magklasipika sa kanila bilang buktot, mapaminsala, at mapanlinlang? Ano ang mga halatang katangiang nagpapatunay sa pagkakaroon nila ng kabuktutan, at na tumutugma ito sa kanilang tunay na mga kalagayan? Ano ang mga pangunahing katangian ng kanilang kalikasang diwa na nagbibigay sa atin ng dahilan para sabihing buktot ang mga ganitong tao? Pakiusap, ibahagi ang mga naiisip ninyo. (Nauunawaan ng maraming anticristo ang katotohanan, pero tahasan silang sumasalungat dito. Matigas nilang iginigiit na piliing tahakin ang sarili nilang landas kahit na malinaw sa kanila kung ano ang tama. Napapamalas din ang kabuktutan ng mga anticristo sa kanilang walang batayang pagkamapanlaban sa mga tunay na naghahangad sa katotohanan at sa mga positibong indibidwal.) (Ayaw makita ng mga anticristo na maayos ang iba. Gusto nilang sila lang ang nagtatamasa sa mga pakinabang na ibinibigay ng sambahayan ng Diyos sa mga kapatid—ayaw nilang tinatamasa ng mga kapatid ang mga iyon, kaya hindi nila ipinapasa ang mga pakinabang na ito sa mga kapatid.) (O Diyos, nag-iwan ng malalim na impresyon sa akin ang pagbabahagi Mo noong nakaraan sa kung paano ginagamit ng mga anticristo ang Diyos at ang katotohanan bilang kagamitan para magkamit sila ng katayuan, pakiramdam ko ay napakabuktot nito.) Naaalala ng karamihan sa inyo ang ilang bagay, partikular na ang ilang halimbawang ibinigay Ko noong nakikipagbahaginan Ako tungkol sa buktot na diwa ng mga anticristo. Naaalala lang ninyo ang mga halimbawa, pero nakalimutan ninyo ang nilalaman ng Aking pagbabahagi at paghihimay sa buktot na kalikasang diwa ng mga anticristo. Kung gayon, gaano karaming katotohanan na tinalakay Ko habang nakikipagbahaginan at naghihimay Ako sa buktot na kalikasang diwa ng mga anticristo ang nagagawa ninyong maunawaan? Dahil hindi ninyo maalala ang mga bagay na ito, hindi ba’t ipinahihiwatig niyon na hindi ninyo nauunawaan ang anuman sa mga ito noong panahong iyon? Kung nag-iwan ng malalim na impresyon sa inyo ang pakikipagbahaginan Ko, hindi ba’t magagawa ninyong maalala ang mga iyon sa ilang antas? Hindi ba’t ang mga bagay na lumilitaw sa memorya ninyo ang mga naaalala ninyo? Hindi ba’t ang mga bagay na hindi ninyo maalala ay iyong mga bagay na sobrang nahihirapan kayong maunawaan, o na hindi ninyo talaga maintindihan? Nang marinig ninyo ang mga katotohanang iyon noong oras na iyon, akala ninyo ay tama ang mga iyon, at naaalala ninyo ang mga iyon sa usapin ng mga doktrina, at nangailangan ito ng matinding pagsisikap para magawa ninyo iyon. Gayumpaman, nang matulog na kayo, nakalimutan na ninyo ang mga iyon. Paglipas ng isang buwan, talagang nawala na ang mga ito sa isipan ninyo. Hindi ba’t ganoon ang nangyayari? Para makilatis ang isang usapin o ang diwa ng isang tao, kailangan mong maunawaan ang katotohanan. Kung nakakapit ka pa rin sa mga pananaw ng mga walang pananampalataya, at tinitingnan at isinasaalang-alang mo ang mga bagay batay sa mga pahayag ng mga walang pananampalataya, pinatutunayan nitong hindi mo nauunawaan ang katotohanan. Kung wala kang nakamit mula sa ilang taong pakikinig mo sa mga sermon at pakikipagbahaginan, at kapag nakikipagbahaginan sa iyo ang mga tao tungkol sa katotohanan, hindi mo ito mauunawaan, paano man nila ito ipaliwanag, ipinahihiwatig nito ang kawalan mo ng abilidad na maarok ang katotohanan, tinatawag itong mahinang kakayahan. Hindi ba’t ganoon ang nangyayari? (Oo.) Tungkol sa kabuktutan ng mga anticristo, walang nagbanggit sa inyo sa pinakamahalagang pahayag. Bakit hindi ninyo ito nabanggit? Sa isang banda, ito ay dahil matagal-tagal na rin ang lumipas, at nakalimutan na ninyo ito. Sa kabilang banda, ito ay dahil hindi ninyo napagtanto ang kahalagahan ng pahayag na ito; hindi ninyo alam na ang pahayag na ito ay ang pangunahing bagay na nagsisiwalat at naglalantad sa buktot na diwa ng mga anticristo. Ano ang pahayag na ito? Ito ay na pangunahing naipapamalas ang kabuktutan ng mga anticristo sa kanilang pagkamapanlaban at pagkamuhi sa lahat ng positibong bagay at sa lahat ng bagay na may kinalaman sa katotohanan. Bakit mapanlaban at namumuhi ang mga anticristo sa mga positibong bagay na ito? Napinsala ba sila ng mga positibong bagay na ito? Hindi. Nakanti ba ng mga ito ang mga interes nila? Siguro minsan ay oo, minsan naman ay hindi talaga. Kaya bakit walang batayan na mapanlaban at namumuhi ang mga anticristo sa mga positibong bagay? (Ito ang kanilang kalikasan.) Mayroon silang ganitong uri ng kalikasan, mapanlaban at namumuhi sila sa lahat ng positibong bagay at sa katotohanan. Pinatutunayan nito ang buktot na kalikasan ng mga anticristo. Mahalaga ba o hindi ang pahayag na ito? Wala kayong maalalang pahayag na kasinghalaga nito; naaalala lang ninyo ang mga bagay na hindi mahalaga. Bakit Ko kayo tinanong ng gayong mga katanungan? Para magsalita kayo, at para makita Ko kung hanggang saang antas ninyo naaarok ang mga ito, kung gaano karami ang maaalala ninyo sa inyong puso, at kung gaano karami ang nagawa ninyong maunawaan noong oras na iyon. Gaya ng inaasahan, naaalala lang ninyo ang ilang hindi masyadong mahalagang bagay. Tinatrato ninyo ang lahat ng tinalakay Ko bilang walang kabuluhang satsat. Hindi Ako naparito para sumatsat—pumarito Ako para sabihin sa inyo kung paano kumilatis ng mga tao. Ang pahayag na sinabi Ko ang pinakamataas na katotohanang prinsipyo para sa pagkilatis ng buktot na kalikasan ng mga anticristo. Kung hindi ninyo kayang gamitin ang pahayag na ito, hindi ninyo makikilatis o malalaman ang buktot na kalikasan ng mga anticristo. Halimbawa, kapag tinukoy ang isang tao bilang isang anticristo, maaaring sabihin ng ilang tao, “Mabuti siya sa amin, mapagmahal siya, at tinutulungan niya kami. Bakit mo tutukuyin na anticristo ang gayong mabuting tao?” Hindi nila nauunawaan na kahit na sa panlabas ay mukhang mapagmahal sa iba ang mga anticristo, ginagambala at ginugulo ng mga ito ang gawain ng Diyos, at sa partikular, kumokontra pa nga sa Diyos ang mga ito. Hindi makita ng karamihan ng tao ang traydor at tusong bahagi na ito ng mga anticristo. Hindi talaga ito makilatis ng mga tao, at mali ang pag-unawa nila sa Diyos, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at kinokondena at inirereklamo nila ang Diyos dahil dito. Talagang mga buhong ang gayong mga tao at hindi nila matatanggap ang pagliligtas ng Diyos. Ito ay dahil nakikita lang nila ang mga paimbabaw na bagay, gaya ng kung paanong ang mga anticristo ay nanlilinlang, nang-aakit, at nagpapalakas sa mga tao, at hindi nila napapansin ang buktot na diwa ng mga anticristo, ni hindi nila nakikita ang mga paraan na ginagamit ng mga anticristo para labanan ang Diyos at magtatag ng mga nagsasariling kaharian. Bakit hindi nila makita ang mga bagay na ito? Dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi nila makilatis ang mga tao. Palagi silang naililigaw ng mga panlabas na pangyayari at hindi nila makilatis ang diwa at mga kahihinatnan ng problema. Palagi rin nilang ginagamit ang mga tradisyonal na kuru-kuro ng moralidad ng tao at ang mga paraan ng mundo para sukatin ang mga tao at husgahan ang mga ito. Bilang resulta, naililigaw sila ng mga anticristo, kumakampi sila sa mga anticristo, at nagkakaroon ng mga hidwaan at sagupaan sa pagitan nila at ng Diyos. Kaninong kasalanan ito? Paano nangyari ang pagkakamaling ito? Bunga ito ng hindi nila pagkaunawa sa katotohanan, hindi pagkaalam sa gawain ng Diyos, at ng palaging pagtingin sa mga tao at bagay batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon.
II. Isang Paghihimay sa Pagmamahal ng mga Anticristo sa mga Negatibong Bagay
Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan sa ika-pitong pagpapamalas ng mga anticristo: Sila ay buktot, mapaminsala, at mapanlinlang. Ang pokus ng pagpapamalas na ito ay sa kanilang kabuktutan, dahil sinasaklaw ng kabuktutan kapwa ang pagiging mapaminsala at mapanlinlang. Kinakatawan ng kabuktutan ang diwa ng mga anticristo, habang nasa ilalim nito ang pagiging mapaminsala at mapanlinlang. Noong nakaraan, pinagbahaginan at inilantad natin ang buktot na diwa ng mga anticristo. Pinagbahaginan natin ang ilang malawak na konsepto at ang ilang medyo mahalagang nilalaman, na tumatalakay sa ilang salita tungkol sa paglalantad sa aspektong ito ng diwa ng mga anticristo. Ngayon, ipagpapatuloy natin ang ating pagbabahaginan sa paksang ito. Maaaring magtanong ang ilan, “May mapagbabahaginan bang kahit na ano pagdating sa paksang ito?” Mayroon. May ilang detalye na kailangan pang pagbahaginan dito. Pagbabahaginan natin ngayon ang paksang ito sa ibang paraan at mula sa ibang perspektiba. Ano ang pangunahing katangian at pagpapamalas ng buktot na kalikasan ng mga anticristo na pinagbahaginan natin noong nakaraan? Mapanlaban at namumuhi sa lahat ng positibong bagay at sa katotohanan ang mga taong gaya ng mga anticristo. Ang pagkamapanlaban at pagkamuhi ng mga anticristo sa katotohanan at sa mga positibong bagay ay hindi nangangailangan ng katwiran, ni hindi rin ito nangyayari bilang resulta ng panunulsol ng sinuman, at siguradong hindi ito resulta ng pagsapi ng isang masamang espiritu. Sa halip, sadyang likas na ayaw nila sa mga bagay na ito. Mapanlaban at namumuhi sila sa mga ito; sa kanilang buhay at kaibuturan, nasusuklam sila kapag nakakaharap nila ang mga positibong bagay. Kung magpapatotoo ka sa Diyos o makikipagbahaginan tungkol sa katotohanan sa kanila, magkakaroon sila ng pagkamuhi sa iyo, at maaari pa ngang maisipan nilang atakihin ka. Natalakay na natin sa nakaraan nating pagbabahaginan ang aspektong ito ng pagkamapanlaban at pagkamuhi ng mga anticristo sa mga positibong bagay, kaya hindi na natin ito muling tatalakayin sa pagkakataong ito. Sa pagbabahaginang ito, tatalakayin natin ang isa pang aspekto. Ano ang isa pang aspektong iyon? Mapanlaban at namumuhi ang mga anticristo sa mga positibong bagay, kung gayon, ano ang gusto nila? Ngayon, susuriin at hihimayin natin ang buktot na kalikasan ng mga anticristo mula sa bahagi at perspektibang ito. Kailangan ba ito? (Oo.) Kailangan ito. Mapagtatanto ba ninyo ito nang kayo lang? (Hindi.) Buktot na kalikasan ng mga anticristo ang kanilang pag-ayaw sa mga positibong bagay at sa katotohanan. Kaya, batay rito, isaalang-alang ninyong mabuti kung ano ang gusto ng mga anticristo, at kung anong klaseng mga bagay ang gusto nilang gawin, pati na rin ang paraan at diskarte nila sa paggawa ng mga bagay, at ang uri ng mga taong gusto nila—hindi ba’t isa itong mas magandang perspektiba at bahagi para tingnan ang kanilang buktot na kalikasan? Nagbibigay ito ng mas partikular at obhetibong pananaw. Una, ayaw ng mga anticristo sa mga positibong bagay, na nagpapahiwatig na mapanlaban sila sa mga ito at gusto nila ang mga negatibong bagay. Ano ang ilang halimbawa ng mga negatibong bagay? Mga kasinungalingan at panlalansi—hindi ba’t negatibong bagay ang mga ito? Oo, mga negatibong bagay ang mga kasinungalingan at panlalansi. Kaya, ano ang positibong katapat ng mga kasinungalingan at panlalansi? (Pagkamatapat.) Tama, ito ay pagkamatapat. Gusto ba ni Satanas ng pagkamatapat? (Hindi.) Gusto nito ng panlalansi. Ano ang unang hinihingi ng Diyos sa mga tao? Sinasabi ng Diyos, “Kung gusto mong manampalataya sa Akin at sumunod sa Akin, una sa lahat, dapat maging anong klaseng tao ka?” (Isang matapat na tao.) Kaya, ano ang unang bagay na tinuturo ni Satanas sa mga tao? Ang magsinungaling. Ano ang unang ebidensiya ng buktot na kalikasan ng mga anticristo? (Panlalansi.) Oo, gusto ng mga anticristo ang panlalansi, gusto nila ng mga kasinungalingan, at napopoot at namumuhi sila sa pagkamatapat. Bagama’t positibong bagay ang pagkamatapat, ayaw nila rito, sa halip ay nasusuklam at namumuhi sila rito. Sa kabaligtaran, gusto nila ang panlalansi at mga kasinungalingan. Kung palaging nagsasalita nang totoo ang isang tao sa harap ng mga anticristo, nagsasabi ng, “Gusto mong gumagawa mula sa isang posisyon ng katayuan, at tamad ka minsan,” ano ang nararamdaman ng mga anticristo tungkol dito? (Hindi nila ito tinatanggap.) Isa sa mga saloobing taglay nila ang hindi pagtanggap dito, pero iyon lang ba? Ano ang saloobin nila sa taong ito na nagsasalita nang totoo? Nasusuklam sila at ayaw nila sa kanya. Sinasabi ng ilang anticristo sa mga kapatid, “Matagal-tagal ko na rin kayong pinamumunuan. Sige na, sabihin ninyong lahat ang opinyon ninyo tungkol sa akin.” Iniisip ng lahat, “Dahil napakasinsero mo, sasabihin namin sa iyo ang ilang puna.” Sinasabi ng ilan, “Napakaseryoso at napakamasigasig mo sa lahat ng ginagawa mo, at nagdusa ka ng maraming paghihirap. Hindi namin halos makaya na makita kang gayon, at nababagabag kami para sa iyo. Kailangan ng sambahayan ng Diyos ang mas maraming lider na gaya mo! Kung kinakailangan naming sabihin ang isang pagkukulang mo, iyon ay na masyado kang seryoso at masigasig. Kapag masyado kang mapapagod at mahahapo, hindi ka na makakagawa pa, hindi ba’t magiging katapusan na namin kung gayon? Sino ang mamumuno sa amin?” Kapag naririnig ito ng mga anticristo, nalulugod sila. Alam nilang kasinungalingan ito, na nagpapalakas ang mga taong ito sa kanila, pero handa silang makinig sa mga ito. Sa katunayan, tinatrato ng mga taong ito ang mga anticristo na parang mga hangal, pero mas pipiliin ng mga anticristong ito na magpanggap na hangal kaysa ibunyag ang totoong kalikasan ng mga salitang ito. Gusto ng mga anticristo ang mga taong sumisipsip sa kanila nang ganito. Hindi sinasabi ng mga indibidwal na ito ang mga kamalian, tiwaling disposisyon, at pagkukulang ng mga anticristo. Sa halip, lihim nilang pinupuri at itinataas ang mga ito. Kahit na malinaw naman na mga kasinungalingan at pambobola ang mga salita ng mga taong ito, masayang tinatanggap ng mga anticristo ang mga salitang ito, nakakagaan ng loob at nakakalugod ang tingin nila sa mga ito. Para sa mga anticristo, mas masarap ang mga salitang ito kaysa sa pinakamasasarap na espesyal na pagkain. Matapos marinig ang mga salitang ito, nagiging mayabang sila. Ano ang inilalarawan nito? Ipinapakita nito na may isang partikular na disposisyon sa loob ng mga anticristo na gustong-gusto ang mga kasinungalingan. Ipagpalagay na may magsasabi sa kanila, “Masyado kang mayabang, at hindi patas ang trato mo sa mga tao. Mabuti ka sa mga sumusuporta sa iyo, pero kapag may isang taong lumalayo sa iyo o hindi ka binobola, minamaliit at binabalewala mo siya.” Hindi ba’t totoo ang mga salitang ito? (Oo.) Ano ang nararamdaman ng mga anticristo pagkarinig nila rito? Nalulungkot sila. Ayaw nila itong marinig, at hindi nila ito matanggap. Sinusubukan nilang humanap ng mga palusot at maidadahilan para ipaliwanag ang mga bagay at ayusin ang mga bagay. Pagdating naman sa mga palaging nambobola sa mga anticristo nang harapan, na palaging nagsasabi ng mga salitang masarap pakinggan para palihim silang purihin, at malinaw pa ngang nilalansi sila gamit ang mga salita, hindi kailanman iniimbestigahan ng mga anticristo ang mga taong ito. Sa halip, ginagamit pa nga ng mga anticristo ang mga ito bilang mahahalagang tao. Naglalagay pa nga sila ng mga taong napakasinungaling sa mahahalagang posisyon, itinatalaga ang mga ito na gumawa ng mahahalaga at mga respetadong tungkulin, samantalang isinasaayos nila na ang mga palaging nagsasalita nang matapat, at madalas na nag-uulat ng mga isyu, na gumawa ng mga tungkulin sa mga hindi masyadong napapansing posisyon, na humahadlang sa mga ito na magkaroon ng ugnayan sa nakatataas na pamunuan o maging kilala o malapit sa karamihan ng tao. Hindi mahalaga kung gaano kahusay ang talento ng mga taong ito o anong mga tungkulin ang kaya nilang gawin sa sambahayan ng Diyos—binabalewala ng mga anticristo ang lahat ng iyon. Iniisip lang nila kung sino ang kayang manlansi at sino ang kapaki-pakinabang sa kanila; ito ang mga indibidwal na inilalagay nila sa mahahalagang posisyon, nang hindi isinasaalang-alang kahit kaunti ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.
Gusto ng mga anticristo ang panlalansi at mga kasinungalingan. Halimbawa, ipagpalagay na ang mga iglesiang pinangangasiwaan nila ay hindi binibigyang-pansin ang gawain ng ebanghelyo, at hindi nakatuon sa pagsasanay sa mga tao sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at bilang resulta, hindi maganda ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo, at iilan ang mga nakamit na tao. Gayumpaman, natatakot ang mga anticristo na maaaring iulat ng mga tao ang aktuwal na sitwasyon. Namumuhi sila sa sinumang nagsasalita nang matapat, at gusto nila ang mga nakakapagsinungaling, nakakapanlansi, at nakakapagtago ng mga nakakasirang impormasyon. Kung gayon, anong klaseng pagsasalita ang pinakagustong marinig ng mga anticristo? “Kayang magpatotoo ng lahat ng nagpapalaganap ng ebanghelyo sa ating iglesia, at eksperto ang bawat isa sa kanila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo.” Hindi ba’t ang intensyon ng mga salitang ito ay ang makapanlansi ng mga tao? Pero nasisiyahan ang mga anticristong marinig ang mga gayong bagay. Paano tumutugon ang mga anticristo pagkatapos itong marinig? Sinasabi nila, “Mabuti, patuloy na bumubuti ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo ng ating iglesia, mas mabuti ito kaysa sa ibang mga iglesia. Bihasa ang lahat ng taong nagpapalaganap ng ebanghelyo sa ating iglesia.” Nagpupurihan ang mga anticristo at ang mga nambobola sa kanila sa ganitong paraan, at hindi inilalantad ng mga anticristo ang kanilang walang kahihiyang pambobola. Gumagawa sa ganitong paraan ang mga anticristo: Kapag nilalansi sila ng mga nasa ilalim nila, kusa silang nagpapaloko. Nakikipaglokohan lang nang ganito ang mga anticristo. Kung may nakakaalam ng tunay na sitwasyon at titindig ito para magsabi, “Hindi ito tumpak. Sa 10 indibidwal na pinalaganapan natin ng ebanghelyo, tinukoy natin na dalawa sa kanila ang hindi tumatanggap sa katotohanan, at sinukuan na nila ang pagsisiyasat. Tatlo lang sa ibang walo ang tunay na nananampalataya sa Diyos. Gawin natin ang pinakamakakaya natin para mapabalik-loob ang tatlong iyon.” Kapag nalantad na ang realidad ng sitwasyon, ano ang nagiging reaksiyon ng mga anticristo? Iniisip nila, “Hindi ko alam ang tungkol sa mga bagay na iyon!” Kapag may nagsalita nang totoo tungkol sa tunay na sitwasyon ng mga bagay na hindi alam ng mga anticristo, sumasang-ayon ba sila o hindi sa taong iyon, masaya ba sila o malungkot? Malungkot sila. Bakit sila malungkot? Mga lider sila, pero wala silang kamalay-malay at hindi nila naaarok ang mga bagay at mga katunayan tungkol sa gawain ng iglesia—kailangan pa nga nila ang isang taong nakakaunawa sa kung ano talaga ang nangyayari para ipaliwanag sa kanila ang lahat ng ito. Kapag ang isang taong nakakaunawa sa sitwasyon at nagsasalita nang matapat ay nilinaw ang mga usaping ito, ano ang unang nararamdaman ng mga anticristo? Pakiramdam nila ay ganap silang napahiya, at guguho ang kanilang katanyagan. Batay sa buktot na kalikasan ng mga anticristo, anong gagawin nila? Uusbong ang pagkamuhi sa loob nila, at iisipin nila, “Madaldal ka! Kung hindi ka sana nagsalita, wala sanang makakapansin nito. Dahil sa iyo, alam na ito ng lahat, at baka hangaan ka na nila imbes na ako. Hindi ba’t nagmumukha akong walang kakayahan dahil dito, na parang hindi ako gumagawa ng anumang aktuwal na gawain? Tatandaan kita. Sinasabi mo ang katotohanan, sinusubukan at sinasalungat mo ako sa bawat pagkakataon. Sisiguraduhin kong pagsisisihan mo ito!” Pag-isipan ninyo ito, paano nila tinitingnan ang mga gumagawa nang may konsensiya, nagsasalita nang matapat, at tapat na ginagawa ang kanilang mga tungkulin? Nakikita nila ang mga ito bilang mga kalaban. Hindi ba’t pagbabaluktot ito sa mga katunayan? Bukod sa nabibigo silang makipagtulungan agad at bumawi sa mga pagkakamali sa kanilang gawain, nagpapatuloy rin silang pabayaan ang mga tungkulin nila. Nagkikimkim pa nga sila ng pagkamuhi sa mga nagsasabi ng totoo at sa mga maingat at responsable sa kanilang gawain. Maaari pa nga nilang subukang pahirapan ang mga ito. Hindi ba’t ganito ang pag-uugali ng mga anticristo? (Oo.) Anong klaseng disposisyon ito? Kabuktutan ito. Nalalantad sa ganitong paraan ang kabuktutan ng mga anticristo. Tuwing nagpapakita ang isang matapat na tao, tuwing nagsasabi ng mga matapat, totoong salita ang isang tao, at tuwing sumusunod ang isang tao sa mga prinsipyo at nagsisiyasat sa totoong kalikasan ng usapin, nasusuklam at napopoot sa kanya ang mga anticristo, at sumasabog at nabubunyag ang kanilang buktot na kalikasan. Tuwing may panlalansi, at tuwing nasasabi ang mga kasinungalingan, natutuwa ang mga anticristo, nagsasaya sila rito, at nakakalimot sila sa kanilang sarili. May nakabasa na ba sa inyo ng “Ang mga Bagong Kasuotan ng Emperador”? Medyo kapareho nito sa kalikasan ang pag-uugali ng mga anticristo. Sa kuwentong iyon, pumarada nang nakahubad sa kalsada ang emperador, at sumigaw ang libo-libong tao, “Talagang napakaganda ng mga bagong damit ng emperador! Kahanga-hanga ang itsura ng emperador! Napakadakila ng emperador! Talagang mahiwaga ang mga bagong damit ng emperador!” Nagsisinungaling ang lahat. Alam ba ng emperador? Ganap siyang nakahubad, paanong wala siyang kamalay-malay sa katunayan na wala siyang suot na kahit anong damit? Tinatawag itong kahangalan. Kaya, walang karunungan ang mga buktot na anticristong ito, sa kabila ng pagiging mapaminsala at mapanlinlang. Bakit Ko sinasabing wala silang karunungan? Dahil katulad sila ng nakahubad na emperador na iyon. Wala siyang pagkilatis sa mga salita na naglayong lansihin siya. Kaya pa nga niyang lumakad-lakad nang nakahubad, inilalantad ang kapangitan niya. Hindi ba’t kahangalan ito? Kaya, ano ang madalas na ibinubunyag ng kabuktutan ng mga anticristo? Ang kanilang kahangalan.
Dahil may buktot na kalikasan ang mga anticristo, dahil gustung-gusto nila ang panlalansi at mga kasinungalingan pero ayaw nila sa pagkamatapat, at dahil nasusuklam sila sa makatotohanang pananalita, kaya, sa mga iglesiang nasa ilalim ng pamumuno ng mga anticristo, madalas na pinahihirapan ang mga taong matapat o naghahangad na maging matapat, ang mga nagsasagawa sa katotohanan at ayaw manlansi o magsinungaling. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? Habang lalo kang nagsasabi ng totoo, lalo kang pahihirapan ng anticristo, at habang lalo kang nagsasabi ng totoo, lalo ka nilang aayawan. Sa kabaligtaran, pinapaboran at nagugustuhan ng mga anticristo ang mga nambobola at nanlalansi sa kanila. Hindi ba’t buktot ang mga anticristo? May mga nakapalibot ba sa inyong mga gayong buktot na anticristo? Nakaharap na ba ninyo sila? Hindi nila pinapayagan ang mga tao na magsabi ng totoo; pinatitikom ang bibig ng sinumang nagsasabi ng totoo. Kung magagawa mong magsinungaling at umayon sa sinasabi nila, nagiging kasabwat nila, hindi ka na nila magiging kalaban. Kung magpipilit kang magsabi ng totoo at pangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, sa malao’t madali, pahihirapan ka nila. May napahirapan na ba sa inyo? Dahil lamang sa inilantad mo ang masasamang gawa ng mga huwad na lider at anticristo, pinahirapan ka, at sa huli, pinahirapan ka hanggang sa puntong hindi ka na nangangahas na magsabi ng anumang bagay kahit na gusto mo pa. Nangyari na ba ito? Pinahirapan ka dahil sa pagsasalita mo nang totoo at pag-uulat sa mga isyu. Sa iba’t ibang iglesia, may napahirapan na ba sa inyo dahil sa pag-uulat ng mga isyu? Kapag pinupungusan ang isang taong nagsisinungaling at nanlalansi sa iglesia, pinapahirapan ba sila? (Hindi.) Normal itong pagdidisiplina; hindi ito katulad ng pagpapahirap. Nangyayari ito dahil pabaya ka sa iyong tungkulin, nilalabag mo ang mga prinsipyo, at kumikilos ka nang may mga maling layunin, nagsisinungaling at nanlalansi ka, na humahantong sa pagkakapungos. Kaya, sa presensiya ng Diyos, hindi ka kailanman magdurusa ng kahit anong kahihinatnan sa pagsasalita nang totoo. Gayumpaman, sa presensiya ni Satanas at ng mga anticristo, dapat kang maging mas maingat. Sinasalamin nito ang kasabihang, “Ang pagiging malapit sa hari ay kasingmapanganib ng paghiga katabi ng tigre.” Kapag nakikipag-usap ka sa kanila, kailangan mong palaging isaalang-alang ang lagay ng loob nila, sinusukat ang kanilang kasiyahan at kung malungkot o masaya ba ang itsura nila, saka ka magpasya kung ano ang sasabihin mo para maging naaayon sa kanilang mga iniisip. Halimbawa, kung sinasabi ng isang anticristo, “Hindi ba’t uulan ngayon?” kailangan mong sabihin, “Sinasabi sa ulat panahon na uulan ngayon.” Sa realidad, kapag sinabi ng anticristo na maaaring umulan ngayon, ito ay dahil ayaw niyang lumabas at gawin ang kanyang tungkulin. Kung sasabihin mo, “Sinasabi sa ulat panahon na magiging maaraw ngayon,” magagalit siya. Kailangan sabihin mo kaagad, “Ay, nagkamali ako. Uulan ngayon.” Sasabihin ng anticristo, “Kasasabi mo lang na hindi uulan. Paano mo nasabi ngayon na uulan nga?” Kailangan mong sumagot na, “Hindi ibig sabihin na dahil maaraw ngayon ay magpapatuloy ito hanggang mamaya. Gaya ng sinasabi ng mga sinaunang tao, ‘May mga di-inaasahang bagyo ang langit.’ Hindi palaging tumpak ang mga ulat panahon, pero tumpak ang paghusga mo!” Kapag narinig ito ng anticristo, nalulugod siya at pupurihin ka sa pagiging may katuturan mo. Umasal na ba kayo nang ganito? Oo, hindi ba? Kaya ba ninyong gawin ang madalas na ginagawa ng mga anticristo, ang hindi pagpayag na magsalita nang totoo ang mga tao at pinahihirapan ang sinumang gumagawa niyon? Hindi ba’t nakapanood na kayong lahat ng mga drama tungkol sa palasyo? Ano ang relasyon sa pagitan ng emperador at ng kanyang mga ministro sa korte? Maaaring hindi madaling sabihin sa isang pangungusap ang kanilang relasyon, pero may isang penomeno sa kanila, iyon ay na hindi basta-basta tinatanggap ng emperador ang mga sinasabi ng kahit sino. Sinusuri at sinisiyasat niya ang lahat ng sinasabi ng kanyang mga ministro, hindi niya ito kailanman tinatanggap bilang ang katotohanan. Ito ang prinsipyo niya sa pakikinig sa sinasabi ng kanyang mga ministro. Para naman sa mga ministro, kailangan nilang maging mga may kasanayan sa pakikinig sa mga hindi sinasabing implikasyon. Halimbawa, kapag sinabi ng emperador, “May sinabi si Prime Minister Wang ngayon,” at ganito at ganoon, nakikinig ang lahat dito at nag-iisip na, “Parang gusto ng emperador na itaas ang ranggo ni Prime Minister Wang, pero ang pinakakinatatakutan niya ay ang bumuo ng mga paksyon ang mga tao, na maghahangad ng pansariling pakinabang, at maghihimagsik, kaya hindi ko puwedeng lantarang suportahan si Prime Minister Wang. Kailangan gumitna lang ako, hindi sumasalungat ni sumusuporta sa kanya, para hindi makilatis ng emperador ang mga totoo kong layunin—pero hindi ko rin sinasalungat ang kalooban ng emperador.” Tingnan mo, sa isip nila, kinasasangkutan ng napakaraming kaisipan maging ang isang pahayag lang, na may mga paliko-liko na mas masalimuot pa kaysa sa landas ng isang ahas. Nananatiling mahirap intindihin, malabong-malabo ang pinakakahulugan ng sinasabi nila. Kinakailangan ng ilang taon na naipong karanasan para masuri kung aling mga pahayag ang totoo o huwad, at kailangan mong unawain ang kanilang ibig sabihin batay sa kanilang karaniwang ugali at salita. Sa madaling salita, walang kahit isang totoong pahayag sa pananalita nila, at mga kasinungalingan ang lahat ng sinasabi nila. Naglalaman ng sarili nitong paraan ng pagsasalita ang sinasabi ng lahat ng tao, may mababa o mataas na ranggo man ang mga ito. Nagsasalita sila mula sa sarili nilang pananaw, pero ang sinasabi nila ay hindi kailanman ang literal na kahulugan ng naririnig mo—mga kasinungalingan lamang ang mga ito. Paano lumilitaw ang mga kasinungalingan? Dahil may ilang partikular na layunin, layon, at motibasyon ang mga tao sa kanilang pananalita at mga kilos, kapag nagsasalita sila, maingat sila sa kanilang mga salita at sa mga ipinahihiwatig ng kanilang mga salita, paligoy-ligoy sila, at may sarili silang pamamaraan ng pagsasalita. Kapag nagkaroon sila ng isang pamamaraan, makatotohanang pananalita pa rin kaya ito? Hindi na. Naglalaman ng maraming patong-patong na kahulugan ang mga salita nila, pinaghalong katotohanan at kasinungalingan—totoo ang ilan, huwad ang ilan—at may intensyong manlansi ang ilan. Ano’t anuman, hindi totoo ang mga ito. Tingnan ninyo ang halimbawa kay Prime Minister Wang na kababanggit lang. May isang taong lantarang sumasalungat kay Prime Minister Wang sa korte. Hindi agad halata kung totoo o huwad ang pagsalungat niya. Kailangan mong mas magsuri pa. Sa kasunod na eksena, umiinom siya sa sekretong silid sa bahay ni Prime Minister Wang. Lumalabas na magkasabwat pala silang dalawa. Kung papanoorin mo lang ang eksena kung saan sinasalungat ng taong ito si Prime Minister Wang, paano mo makikitang magkasabwat silang dalawa? Bakit niya sinasalungat si Prime Minister Wang? Para makaiwas sa paghihinala at gamitin ito para hindi maging masyadong mapagbantay ang emperador, para hindi paghinalaan ng emperador na magkasabwat sila. Hindi ba’t isa itong taktika? (Oo, ganoon nga.) Namumuhay ang mga taong ito sa grupong iyon kung saan hindi sila naglalakas loob na magsalita ng kahit isang salita ng katotohanan. Kung sobrang nakakapagod ang pagsasabi ng mga kasinungalingan araw-araw, bakit hindi na lang sila umalis? Dinadalaw pa nga nila ang puntod ng isang katunggaling namatay na—ano bang ibig sabihin niyon? Napakahilig lang talaga nilang makipag-away; kapag walang pag-aaway, pakiramdam nila ay nakakabagot ang buhay. Kung walang pag-aaway, iniisip nila na masyadong nakakayamot ang buhay na ito. Sa dami ng balak at pakanang ito sa isip nila na wala nang mapaggamitan, kailangan nila ng katunggaling lalabanan, para makita kung sino ang mas nakahihigit. Doon nila nararamdaman na may halaga ang buhay. Kung namatay ang kalaban nila, pakiramdam nila ay wala nang kabuluhan pa ang kanilang buhay. Sabihin ninyo sa Akin, kaya bang mabago ang ganitong tao? (Hindi.) Kalikasan nila ito. May ganitong uri ng kalikasan ang mga anticristo: Araw-araw silang nakikipag-away sa iba at sa mga lider at manggagawa. Kinakalaban pa nga nila ang Diyos, nagsisinungaling at nanlalansi araw-araw, ginagambala at ginugulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi sila mapakali kahit isang sandali. Hindi nila matanggap ang katotohanan, paano man ito ibahagi sa kanila. Katulad ng malaking pulang dragon, hindi sila titigil hanggang sa ganap na mawasak ang mga ito.
Ayaw ng mga anticristo sa mga nagsasalita nang totoo, ayaw nila sa matatapat na tao. Nasisiyahan sila sa panlalansi at mga kasinungalingan. Kaya, ano ang saloobin nila sa Diyos? Halimbawa, ano ang saloobin nila sa paghingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao? Una, hinahamak nila ang katotohanang ito. Talagang nagpapahiwatig sa kanilang problema ang abilidad nila na hamakin ang mga positibong bagay, at pinatutunayan na nito na buktot ang kalikasan nila. Gayunman, hindi ito ang kumpleto o buong larawan. Kung susuriin pa nang mas malaliman, paano nauunawaan ng mga anticristo ang hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao? Maaaring sabihin nila, “Ang pagiging isang matapat na tao, ang pakikipag-usap sa diyos tungkol sa lahat ng bagay, pagsasabi ng lahat ng bagay sa kanya, at ang hayagang pagbabahagi ng lahat ng bagay sa mga kapatid—hindi ba’t nangangahulugan iyon ng pagkawala sa dignidad ko? Nangangahulugan ito ng kawalan ng dignidad, kawalan ng sarili, at tiyak na kawalan ng pribadong buhay. Kahindik-hindik ito; anong klaseng katotohanan ito?” Hindi ba’t tinitingnan nila ito nang ganito? Hindi lamang hinahamak ng mga anticristo sa puso nila ang mga salita ng Diyos at ang hinihingi Niya na maging matapat, kundi maaaring kinokondena pa nila ito. Kung kaya nila itong kondenahin, kaya ba nilang maging matatapat na tao? Hinding-hindi, siguradong hindi nila kayang maging matapat. Ano ang reaksyon ng mga anticristo kapag nakikita nila ang ilang tao na inaamin na nagsabi sila ng mga kasinungalingan? Mula sa kaibuturan ng kanilang puso, hinahamak at kinukutya nila ang gayong pag-uugali. Naniniwala sila na masyadong hangal ang mga taong nagtatangkang maging matapat. Hindi ba’t buktot na tukuyin nilang mga hangal ang matatapat na tao? (Oo, buktot nga ito.) Buktot ito. Iniisip nila, “Sino ba sa lipunan ngayon ang nagsasabi ng katotohanan? Hinihingi sa iyo ng diyos na maging matapat, at sinusubukan mo talagang maging matapat—nagsasalita ka pa nga nang matapat tungkol sa gayong mga usapin. Talagang napakahangal mo!” Ang paghamak na nararamdaman nila sa kaibuturan ng kanilang puso para sa matatapat na tao ay nagpapatunay na kinokondena at kinasusuklaman nila ang katotohanang ito, at hindi nila ito tinatanggap at hindi sila nagpapasakop dito. Hindi ba’t ito ang kabuktutan ng mga anticristo? Malinaw na isang positibong bagay ang katotohanang ito, at isang aspekto ng pagsasabuhay sa normal na pagkatao na dapat taglayin ng mga tao sa usapin ng kanilang pag-asal, pero kinokondena ito ng mga anticristo. Buktot ito. Sa iglesia, madalas may mga tao na “pinupungusan” ng ilang lider—pinapahirapan sila, dahil iniuulat nila ang mga problema o inilalarawan ang totoong kalagayan sa Itaas. Minsan, kapag tinatanong ng Itaas ang sitwasyon sa iglesia, inuulat lamang ng ilang lider ang mga positibong bagay at hindi nila binabanggit ang mga negatibong bagay. Kapag naririnig ng ilang tao na hindi totoo ang mga ulat ng mga lider na ito, at hinihingi nila sa mga itong sabihin ang katotohanan, isinasantabi sila ng mga lider, at pinipigilan sila na sabihin ang katotohanan. Hindi tinatanggap ng ilang tao ang paraan ng mga anticristo sa paggawa ng mga bagay. Iniisip nila, “Dahil ayaw mong magsalita nang matapat, hindi kita tatratuhin gaya ng isang lider. Sasabihin ko ang katotohanan sa Itaas. Hindi ako natatakot na pungusan nila ako.” Kaya, tapat nilang iniuulat sa Itaas ang tunay na sitwasyon. Kapag ginagawa nila ito, naisisiwalat ang iglesia. Paano nangyari iyon? Dahil inilantad ng mga taong ito ang mga katunayan tungkol sa mga anticristong iyon—inilantad nila ang totoong kalagayan. Sumasang-ayon ba ang mga anticristo rito? Mapapahintulutan ba nila ito? Siguradong hindi nila palalampasin ang mga taong nag-ulat ng isyu. Anong gagawin ng mga anticristo? Pagkatapos niyon, agad silang magpapatawag ng pulong tungkol sa usaping ito, hihilingin nila sa mga tao na talakayin ito at pagmasdan ang mga reaksyon nila. Isinasaalang-alang at iniisip ng karamihan ng tao, na madaling maimpluwensiyahan na, “May isang taong nag-ulat sa mga katunayan, at nanganganib ang lider na ito ngayon. Hindi namin iniulat ang nangyayari—kung magpapasya ang Itaas na parusahan ang lider na ito, hindi ba’t madadamay kami sa kanya?” Kaya, humahanap ng mga paraan ang mga taong ito para ipagtanggol ang mga lider, at bilang resulta, naibubukod ang mga taong nag-ulat ng katotohanan. Sa ganitong paraan, nagagawa ng mga anticristo ang anumang gustuhin nila, dahil anumang masasamang bagay ang gawin nila, walang naglalakas-loob na iulat ang sitwasyon sa Itaas, kaya nakakamit nila ang kanilang mga layon. Samakatwid, para sa ilang tao, nagdudulot ng maraming aktuwal na suliranin ang pag-uulat ng sitwasyon sa Itaas. Alam nila ang mga katunayan, pero palagi silang gustong patahimikin ng mga anticristo. Dahil sa takot at pagkakimi, nakikipagkompromiso sila, at sa paggawa ng ganoon, hindi ba’t nagiging biktima sila ng panggigipit ng mga anticristo? Sa huli, kapag nabunyag at tinanggal ang mga anticristong ito, ano sa tingin mo ang nararamdaman ng mga taong nakipagkompromiso? Pinagsisisihan ba nila ito? (Oo, pagsisisihan nila ito.) Natutuwa sila pero nagsisisi rin sila, iniisip nila, “Kung alam ko lang sana na ganito ang mangyayari sa bagay-bagay, hindi sana ako sumuko. Ipinagpatuloy ko sana ang paglalantad sa kanila at pag-uulat sa kanilang mga isyu hanggang sa matanggal sila.” Pero hindi iyon kayang gawin ng karamihan ng tao; masyado silang duwag.
Gusto ng mga anticristo ang panlalansi at mga kasinungalingan at kinasusuklaman nila ang pagkamatapat; ito ang unang halatang pagpapamalas ng buktot nilang kalikasan. Kita mo, palaging nagsasalita ang ilang tao sa paraang mahirap maintindihan ng mga tao. Kung minsan ay may simula pero walang katapusan ang kanilang mga pangungusap, kung minsan ay may katapusan pero walang simula. Hindi mo talaga masasabi kung ano ang ibig nilang sabihin, wala silang sinasabing may anumang katuturan sa iyo, at kung hihilingan mo silang magpaliwanag nang malinaw, hindi nila ginagawa iyon. Madalas silang gumagamit ng mga panghalip sa kanilang pananalita. Halimbawa, mayroon silang iniuulat na isang bagay, at sinasabing, “Ang lalaking iyon—um, iniisip niyang, tapos ang mga kapatid ay hindi gaanong …” Maaari silang magpatuloy nang ilang oras nang hindi pa rin naipapahayag nang malinaw ang kanilang sarili, nang pautal-utal at patigil-tigil, nang hindi tinatapos ang mga pangungusap nila, nagsasabi lamang ng ilang pare-parehong salita na walang kaugnayan sa isa’t isa, na iniiwan kang walang natutuhan matapos marinig iyon—at balisa pa nga. Sa katunayan, nagsagawa na sila ng maraming pag-aaral at may magandang pinag-aralan—kaya bakit hindi nila kayang bumigkas ng isang kompletong pangungusap? Ito ay isang problema sa disposisyon. Napakadaya nila kaya kailangan ng matinding pagsisikap para makapagsalita ng kahit kaunting katotohanan. Walang pinagtutuunan ang anumang sinasabi ng anticristo, laging may simula pero walang katapusan; binibigkas nila ang kalahating pangungusap pagkatapos ay nilululon ang natitira, at palagi nilang gustong malaman muna ang mangyayari, dahil ayaw nilang maunawaan mo ang ibig nilang sabihin, gusto nilang manghula ka. Kung sasabihin nila sa iyo nang deretsahan, matatanto mo kung ano ang sinasabi nila at mahahalata mo sila, hindi ba? Ayaw nila iyon. Ano ang gusto nila? Gusto nilang manghula ka sa sarili mo, at masaya silang paniwalain ka na ang hula mo ay totoo—kung ganoon nga, hindi sila ang nagsabi niyon, kaya wala silang anumang responsabilidad. Higit pa roon, ano ang napapala nila kapag sinasabi mo sa kanila ang hula mo sa ibig nilang sabihin? Ang hula mo ang mismong gusto nilang marinig, at sinasabi niyon sa kanila ang iyong mga ideya at pananaw tungkol sa usapin. Mula roon, mapili silang magsasalita, pinipili ang sasabihin at hindi sasabihin, at kung paano iyon sasabihin, at pagkatapos ay gagawa sila ng sunod na hakbang sa kanilang plano. Bawat pangungusap ay nagtatapos sa isang bitag, at habang nakikinig sa mga iyon, kung palagi mong tinatapos ang pangungusap nila, lubusan ka nang nahulog sa bitag. Hindi ba sila napapagod na magsalita palagi nang ganito? Ang disposisyon nila ay buktot—hindi sila napapagod. Lubos na natural iyon para sa kanila. Bakit gusto nilang lumikha ng mga bitag na ito para sa iyo? Dahil hindi nila makita nang malinaw ang iyong mga pananaw, at natatakot sila na mahahalata mo sila. Kasabay ng pagsubok nilang patigilin ka sa pag-unawa sa kanila, sinusubukan naman nilang unawain ka. Gusto nilang palabasin mula sa iyo ang mga pananaw, ideya, at pamamaraan mo. Kung magtagumpay sila, ibig sabihin gumana ang mga bitag nila. Nagpapatagal ang ilang tao sa pamamagitan ng madalas na pagsasabi ng “hmm” at “ha”; hindi nila ipinapahayag ang isang partikular na pananaw. Nagpapatagal ang iba sa pamamagitan ng pagsasabi ng “gaya ng” at “baka naman …,” na pinagtatakpan ang talagang iniisip nila, ginagamit ito sa halip na ang talagang gusto nilang sabihin. Maraming walang-silbing pandiwa, pang-abay, at mga pandiwang pantulong sa bawat pangungusap nila. Kung itatala mo ang kanilang mga salita at isusulat ang mga ito, matutuklasan mo na wala sa mga iyon ang naghahayag ng kanilang mga pananaw o saloobin tungkol sa usapin. Lahat ng kanilang salita ay naglalaman ng nakatagong mga bitag, tukso, at pang-aakit. Ano ang disposisyong ito? (Buktot.) Napakabuktot! Mayroon bang sangkot na panlalansi? Ang mga bitag, tukso, at pang-aakit na ito na kanilang nililikha ay tinatawag na panlalansi. Ito ay isang karaniwang katangian ng mga taong may buktot na diwa ng mga anticristo. Paano naipapamalas ang karaniwang katangiang ito? Inuulat nila ang magandang balita pero hindi ang masama, nagsasalita lang sila sa nakalulugod na mga pagpapahayag, patigil-tigil silang magsalita, itinatago nila ang bahagi ng tunay na kahulugan ng kanilang sinasabi, nakakalito silang magsalita, malabo silang magsalita, at ang kanilang mga salita ay may kasamang mga tukso. Lahat ng bagay na ito ay mga bitag, at lahat ng ito ay mga paraan ng panlalansi.
Nagpapakita ng mga pagpapamalas na ito ang karamihan ng anticristo at nagsasalita at kumikilos sila sa ganitong paraan. Makikilatis ba ninyo ito kung nakaugnayan ninyo sila nang mahabang panahon? Makikilatis ba ninyo sila? Una, kailangang matukoy ninyo kung matatapat silang tao. Gaano man nila hingin sa iba na maging matapat at magsalita nang totoo, kailangan mong makita kung sila mismo ay matatapat na tao, kung nagsisikap silang maging matapat, at kung ano ang pananaw at saloobin nila sa matatapat na tao. Tingnan mo kung namumuhi, nasusuklam at nagdidiskrimina sila sa kaibuturan ng puso nila laban sa matatapat na tao, o kung gusto rin nila sa kaibuturan nila na maging matatapat na tao, pero nahihirapan at nagiging hamon sa kanilang gawin ito, kaya hindi nila ito makamit. Kailangan mong malaman kung alin sa mga ito ang sitwasyon nila. Makikilatis mo ba ito? Sa loob ng maikling panahon, maaaring hindi mo ito magawa, dahil kung mautak ang mga tusong pamamaraan nila, maaaring hindi mo sila makilatis. Gayumpaman, paglipas ng panahon, magagawang makilatis ng lahat ang mga ito; hindi nila kayang itago magpakailanman ang katotohanan tungkol sa sarili nila. Gaya ito ng madalas na pagsasabi ng malaking pulang dragon na ito ay “naglilingkod sa mga tao” at “umaakto bilang lingkod publiko ng mga tao.” Pero sa panahon ngayon, sino ba ang naniniwala pa rin na partido ito ng mga tao? Sino pa rin ang naniniwalang nagpapasya ito sa ngalan ng mga tao? Wala nang naniniwala roon, tama? Noong una, may mga optimistikong inaasahan ang mga tao, inaakala nilang sa pamamagitan ng Partido Komunista, mababago nila ang mga kapalaran nila at magiging mga panginoon sila, na maglilingkod ito sa mga tao at kikilos bilang lingkod publiko. Pero sa panahon ngayon, sino ang naniniwala pa rin sa mga maladiyablong salita nito? Paano ito sinusuri ng mga tao ngayon? Naging kaaway na ito ng publiko. Kaya, mula sa pagiging lingkod publiko, paano ito naging kaaway ng publiko? Sa pamamagitan ng mga kilos nito, at sa pamamagitan ng pagkukumpara sa mga kilos nito sa mga salita nito, natuklasan ng mga tao na ang lahat ng sinasabi nito ay mga mapanlinlang na kasinungalingan, huwad na impormasyon, at mga salitang naglalayong pagmukhaing malinis ang sarili nito. Sinabi nito ang pinakamagagandang pakinggang salita pero ginawa nito ang pinakamasasamang bagay. Ganito rin ang mga anticristo. Halimbawa, sinasabi nila sa mga kapatid, “Dapat ninyong gawin nang tapat ang mga tungkulin ninyo—huwag ninyong hayaang mahaluan ang mga ito ng mga personal na karumihan.” Pero isipin ninyo ito, sila ba mismo ay kumikilos nang ganito? Kapag nagmumungkahi ka sa kanila, kapag nagbunyag ka ng kaunting opinyon mo, hindi nila sasang-ayunan o tatanggapin ito. Kapag bumabangga ang kanilang mga personal na interes sa kanilang mga tungkulin o sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, ipinaglalaban nila ang bawat katiting na pakinabang at hindi sila magpapaubaya kahit kaunti. Isipin ninyo ang kanilang pag-uugali, pagkatapos ay ikumpara ninyo ito sa sinasabi nila. Ano ang napapansin mo? Magandang pakinggan ang mga sinasabi nila pero huwad na impormasyon ang lahat ng iyon na naglalayong lansihin ang mga tao. Kapag nagpapakana at nakikipaglaban sila para sa kanilang mga interes, tunay ang lahat ng kanilang pag-uugali, pati na rin ang kanilang mga layunin, gawi, at paraan ng kanilang mga kilos—hindi peke ang mga ito. Batay sa mga bagay na ito, puwede kang magtamo ng kaunting pagkilatis sa mga anticristo.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.