Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi) Ikalawang Seksiyon
Nang mapangasiwaan na ang usapin tungkol sa anticristo sa iglesia sa Canada, may ilang taong nag-isip, “Maraming taon nang ginagawa ng mga taong ito ang tungkulin nila, pero dahil may lumitaw na anticristo at nagdulot ng kaguluhan, ibinukod sila.” Nakaramdam sila ng isang uri ng krisis, inisip na, “O, ito ang unang pagkakataong nakita kong nagalit ang Diyos at isinumpa ang mga tao. Hindi nakaligtas pati ang mga kasamahan, kasabwat, at tagasunod ng anticristo. Talagang walang konsiderasyon ang Diyos sa nararamdaman ng sinuman! Karaniwan, madalas sinasabi na ang Diyos ay nagmamahal at naaawa sa tao, pero ang galit Niya sa pagkakataong ito ay talagang hindi matitiis!” Nagsisimula silang makaramdam ng pagkabalisa sa mga puso nila. Sabihin ninyo sa Akin, tama bang mag-isip nang ganito ang mga tao? (Hindi.) Bakit hindi? Paano dapat harapin ng mga tao ang usaping ito? Ilang taon na ba kayong nakikinig ng mga sermon? Hindi ba’t mahigit limang taon na? At hindi ba’t dapat ay magkaroon tayo ng pagkakasunduan sa maraming usapin, lalo na sa ilang bagay kung saan malinaw ang mga prinsipyo? (Oo.) Ano ang ibig sabihin ng “pagkakasunduan”? Ito ay nangangahulugan ng isang uri ng hindi nahahayag na pagkakaunawaan. May ginagawa Akong bagay nang hindi Ko sinasabi sa inyo ang dahilan, at alam na alam ninyo kung bakit, kaya ninyo itong maintindihan, tanggapin, at arukin mula sa positibong perspektiba—ito ang ibig sabihin ng magkaroon ng hindi nahahayag na pagkakaunawaan. Paano nga ba nabubuo ang hindi nahahayag na pagkakaunawaang ito? Sabihin nating nakinig na kayo ng maraming sermon, nagkaroon na kayo ng isang antas ng pagkaunawa sa katotohanan, at mas nakilala na natin ang isa’t isa. Ipinaliwanag Ko na sa inyo ang maraming bagay, at sinabi Ko na sa inyo ang Aking mga pananaw, ang Aking mga ideya, ang Aking mga prinsipyo sa pagkilos, pati na rin ang mga bagay na kailangan ninyong maunawaan at magawa. Sinabi Ko na sa inyo ang lahat ng bagay na ito at kung ano ang Aking mga pananaw, at tinanggap na ninyo ang mga pananaw Ko, at hinarap ninyo ang bagay-bagay, ang inyong tungkulin, pananalig, buhay, at pakikitungo sa ibang tao nang ayon sa Aking mga pananaw. Hindi ba’t kung magkagayon ay lumaki na nang lumaki ang hindi nahahayag na pagkakaunawaan natin? (Oo.) Kung gayon, umabot na ba tayo sa ganitong uri ng hindi nahahayag na pagkakaunawaan pagdating sa pangangasiwa sa iglesia sa Canada? Kung hindi Ko ipinaliwanag ang usapin tulad ng ginagawa Ko ngayon, ano kaya ang magiging resulta ng ating hindi nahahayag na pagkakaunawaan? “Mahigpit na pagpaparusa sa mga tao upang magsilbing halimbawa para sa iba,” at “paggawang babala ang mga tao sa iba”—ito ba ang ating hindi nahahayag na pagkakaunawaan? (Hindi.) Ang mga taong ito ay nakinig na ng mga sermon sa loob ng maraming taon, kaya bakit sila nagkaroon ng ganitong reaksiyon sa ginawa Kong pagkilos? Sabihin mo sa Akin, ano ang naramdaman Ko nang marinig Kong sinabi nila ang gayong mga pananaw? Naramdaman Kong kalunos-lunos ito, na makakapagsabi ng ganitong mga bagay ang mga tao! Itatanong Ko sa iyo, dapat bang makaramdam Ako nang ganoon? (Oo.) Bakit mo sinasabi iyan? Ito ay dahil ang ganitong uri ng pahayag, ganitong uri ng perspektiba, ganitong uri ng pagkaunawa, at ganitong uri ng pagkaarok ay hindi dapat umiral o lumitaw. Ngayon, lumitaw sila at lumampas na sa Aking mga inaasahan. Sobrang layo nila sa Aking pagtatasa at mga inaasahan na nakakaramdam Ako ng kahihiyan sa bagay na ito! May taong magsasabi, “Ganoon ba iyon kaseryoso? Hindi ba’t pinalalaki Mo lang ang isang maliit na bagay?” Hayaan ninyo Akong sabihin sa inyo, hindi ito isang napakalaking bagay, pero hindi rin ito maliit na usapin. Mula nang magsimula kang manampalataya sa Diyos, nang kilalanin mo na ang Diyos ang Diyos mo at Panginoon mo, nang gusto mong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, sumunod sa Diyos, tanggapin ang Kanyang mga pamamatnugot at mga pagsasaayos, at magpasakop sa lahat ng hinihingi ng Diyos sa iyo, mula sa araw na iyon, bumuo ka na ng isang ugnayan sa Diyos. Kapag nabuo mo na ang ugnayang ito, may isang napakahalagang problemang umiiral sa pagitan mo at ng Diyos. Ano ang problemang iyon? Ito ay kung hindi mo matanggap ang mga bagay na ginagawa ng Diyos at ang paraan ng pagkilos Niya, kung hindi mo maunawaan ang mga bagay na ito, at kung hindi ka makapagkusang hanapin at arukin ang mga ito, ay palaging nasa kalagayan ng krisis ang relasyon mo sa Diyos sa bawat sandali. At ano ang ibig sabihin ng kalagayang ito ng krisis? Kahit gaano pa karaming salita ng Diyos ang iyong kainin at inumin, kahit paano mo pa planuhing magpasakop sa Diyos, hangga’t umiiral ang ganitong kalagayan ng krisis kahit isang araw lang, ang katunayan ng kagustuhan mong sumunod sa Diyos at ang hangarin mong tanggapin ang pagliligtas ng Diyos ay puwedeng masira, maging marupok, at maging isa na lang na pantasya. Bakit Ko sinasabi ito? Hangga’t hindi normal ang relasyon mo sa Diyos at hangga’t umiiral ang ganitong kalagayan ng krisis, magagawa mo bang mapanatili ang isang normal na relasyon sa Diyos? Kung gayon, anong uri ng relasyon ang magkakaroon ka sa Diyos? Ito ba ay isang relasyon na pagiging magkaayon? Isang relasyong parang sa pamilya, o isang relasyon ng magkatrabaho? Anong klaseng relasyon nga ba ito? Hangga’t ang relasyon mo sa Diyos ay nasa kalagayan ng krisis, magagawa mong husgahan at maling maunawaan ang mga gawa at kilos ng Diyos kailanman at saanman, at magagawa mo pa ngang tutulan at tanggihan ang mga ginagawa ng Diyos. Hindi ba’t mapapasapanganib ka? Paano nagkakaroon ng ganitong panganib? Nagkakaroon nito dahil hindi mo kilala ang Diyos. Hindi tayo magsasalita mula sa positibong panig, kundi sa negatibong panig. Halimbawa, lagi mong nakikita ang Diyos sa isang partikular na paraan, at iniisip mo na ang Diyos ay isang hari sa lupa, isang napakahalagang opisyal, isang kataas-taasang taong may kapangyarihan sa lupa. Sa isipan mo, palagi mong iniisip na ang Diyos ay isang taong nasa ganitong posisyon, kaya batay rito, ano ang magiging perspektiba mo sa mga bagay na ginagawa at sinasabi ng Diyos? Bibigyan Ko kayo ng ilang halimbawa at baka maunawaan ninyo kung anong perspektiba ang tinutukoy Ko. May kasabihan sa mundo: “Ang pagiging malapit sa hari ay kasingmapanganib ng paghiga katabi ng tigre.” Kaya, mayroon bang mga taong inilalapat ang kasabihang ito sa relasyon nila sa Diyos? (Oo.) May mga ganitong tao, at maraming tao ang may ganitong perspektiba tungkol sa Diyos. Nariyan din ang kasabihang nabanggit natin kanina, “Paggawang babala ang mga tao sa iba.” Hindi ba’t ginagawa rin nito ang Diyos na parang isang hari sa lupa o isang taong may impluwensiya at katayuan? (Oo, ganoon nga.) May ganito silang pagkaunawa sa Diyos dahil may ganito silang pagtingin sa Diyos, at ito ay dahil may ganito silang uri ng relasyon sa Diyos, dahil ganito ang tingin nila sa Kanya, dahil ganito ang pagkakaunawa nila sa Kanyang pagkakakilanlan at katayuan, na itinuturing nila ang Diyos na tulad ng isang taong may katayuan sa mundo—natural lang ito. May isa pang kasabihan na nagsasabing: “Paano ba matitiis ng isang tao ang panghihimasok sa kanyang nasasakupan?” Isa itong paraan para ilarawan ang mga makamundong hari at mga taong may katayuan at impluwensiya. Puwedeng kilala o dati nang nakasalamuha ng ilan sa inyo ang mga ganitong tao, at marahil ay inilalapat din ninyo ang kasabihang ito sa Diyos. Ibig sabihin, kapag may ginagawa o sinasabi ang Diyos, puwedeng iniuugnay mo ang mga kasabihang ito sa Kanya at ganito ang tingin mo sa Diyos. Kung ganito ang tingin mo sa Diyos at ganito ang perspektiba mo sa Kanya, ano nga ba ang magiging relasyon mo sa Diyos? Magiging pagsalungat ito. Kahit gaano mo pa hangaan o katakutan ang diyos sa isipan mo, gaano mo man kayang maging masunurin at gaano mo man kayang magpasailalim sa kanya, at kahit ano pa ang saloobin mo sa kanya, mananatiling pagsalungat ang relasyon mo sa Diyos. Puwedeng iniisip ninyo na sa pagsasalita nang ganito, ang mga sinasabi Ko ay parang medyo mahirap unawain, pero kung pag-iisipan ninyo ito nang mabuti, hindi ba’t nakikita ninyo na ganito nga ang mga bagay? Nang mapangasiwaan Ko na ang usapin tungkol sa anticristo sa iglesia sa Canada, hindi Ko ipinaliwanag nang maingat at detalyado sa inyo ang mga bagay, at hindi Ko sinabi sa inyo ang mga dahilan kung bakit Ko pinangasiwaan ang mga taong iyon, kaya maraming tao ang nag-alala tungkol sa kanilang kinabukasan at tadhana. Saan nagmula ang pag-aalalang ito? Nagmula ito sa maling pagkakaunawa ng mga tao sa Diyos at hindi pagkakilala sa Diyos—ito ang ugat na dahilan! Kung ang pagkaunawa ninyo sa Diyos ay umaayon sa diwa Niya—halimbawa, kung ang pagkaunawa mo sa pagiging matuwid, awtoridad, at karunungan ng Diyos ay naaayon sa katotohanan—kahit ano pa ang gawin ng Diyos, kahit pa hindi mo nauunawaan ang mga dahilan at hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, magiging mali ba ang pagkaunawa mo sa Diyos? Hindi, tiyak na hindi. Nang mapangasiwaan Ko na ang usapin sa iglesia sa Canada, may ilang taong nagsabi, “Ginawa ito para gawin silang babala at takutin kami.” Ano bang problema nila? Naaayon ba sa katotohanan ang sinabi nila? Nagpapakita ba ito ng tamang pagkaunawa? (Hindi.) Bakit hindi? Sasabihin Ko sa inyo ang isang napakasimpleng bagay: salungat sa tunay na sitwasyon ang pagkaunawa nila, hindi ganoon ang mga katunayan, at mali ang pagkaintindi nila. Hindi ba’t simpleng bagay lang na sabihin iyon? (Oo.) Kaya bakit kayo nagsisikap nang husto para maipaliwanag ang isyung ito? Hindi Ko kailanman naisip iyon, at hindi Ko kailanman ninais na takutin ang sinuman. Patuloy na pinapabuti ng karamihan ng tao ang pagiging epektibo nila sa tungkulin nila sa paglipas ng mga taon, kaya ginagawa ba nila ngayon ang kanilang tungkulin nang abot sa pamantayan? Hindi, hindi pa, pero ang mga taong ito ay nasa proseso na ng pag-abot sa pamantayan sa tungkulin nila, at kung may anumang maliliit na isyu, pinalalampas Ko na lang ito. Sa prosesong ito, puwedeng may mga taong nagdudulot ng kaguluhan, may mga nagpapaliban, o may maliliit na isyung lumilitaw sa ilang tao, pero sa pangkalahatan, maayos sila. Gayumpaman, may isang bagay na hindi ninyo dapat kalimutan: Pumarito kayo para gawin ang tungkulin ninyo. Kahit gaano pa kayo magpakahirap magtrabaho, o gaano man kayo magdusa, o gaano man kayo mapungusan, dapat ninyong pasalamatan ang Diyos. Ibinigay sa inyo ng Diyos ang pagkakataong ito para maranasan ninyo ang iba’t ibang uri ng sitwasyon at magkaroon kayo ng sari-saring personal na karanasan. Isang mabuting bagay ito, at lahat ng ito ay ginagawa para maunawaan ninyo ang katotohanan. Kaya, ano ba ang pinag-aalala ninyo? Laban kanino ba kayo nagbabantay? Hindi na kailangang maging ganoon. Normal lang ninyong hangarin ang katotohanan, hanapin mo ang tamang lugar para sa iyo, at gampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin at ang gawaing napupunta sa iyo, at sapat na iyon. Hindi masyadong malaki ang hinihinging ito sa inyo.
Mula nang lumitaw ang anticristong iyon sa iglesia sa Canada at magsimulang magdulot ng mga kaguluhan, hanggang sa marating ng mga taong iyon ang kalagayan nila ngayon, gaano katagal Ko silang pinagtimpian? Hindi Ako lubos na walang alam sa mga nangyayari sa kanila, matagal Ko itong pinagtimpian. Gaano Ko sila pinagtimpian? Sa mahabang panahon, hindi sila nakatapos ng mga gawain, wala silang pagsulong sa gawain nila, at wala sa kanila ang nag-asikaso ng mga nararapat nilang asikasuhin; lahat sila ay arbitraryo at pabaya, imoral at walang kontrol, at dapat sana ay matagal na silang napangasiwaan. Kung kayo rin ay may kakayahang maging arbitraryo, pabaya, at hindi nag-aasikaso ng mga nararapat ninyong asikasuhin, huwag na kayong maghintay na pangasiwaan Ko kayo. Sa halip, kusang-loob na lang kayong umalis; mas magiging marangal pa iyon. Iyon ba ang tamang gawin? Hindi, hindi rin iyon ang tamang gawin. Huwag ninyong patuloy na isipin ang pag-alis, kailangan ninyong buong-pusong mag-ugat dito at gampanan nang maayos ang tungkulin ninyo. Kaya man ninyo o hindi na gawin nang maayos ang inyong tungkulin, kahit paano man lang ay isapuso ninyo ang inyong ginagawa, at siguraduhing natapos ninyo ang lahat ng inyong gampanin sa huli. Huwag kayong maging isang tumatakas. May ilang taong nagsasabi, “Mahina ang kakayahan ko, hindi ako gaanong nakapag-aral at wala akong talento. May mga depekto sa aking personalidad at palagi akong nahaharap sa mga paghihirap sa tungkulin ko. Ano ang gagawin ko kung hindi ko magawa nang maayos ang tungkulin ko at matanggal ako?” Ano ba ang ikinakatakot mo? Kaya mo bang tapusing mag-isa ang gawaing ito? Ginagampanan mo lang ang isang bahagi, hindi naman hinihingi na ikaw ang gumampan ng lahat. Gawin mo lang ang mga bagay na dapat mong gawin, sapat na iyon. Hindi ba’t natupad mo na ang mga responsabilidad mo kapag nagkagayon? Napakasimple lang nito; bakit ba laging sobra kang mapaghinala? Natatakot kang malaglagan ng dahon ang ulo mo at mabiyak ito, at inuuna mong isipin ang sarili mong mga plano para sa maaaring mangyari—hindi ba’t wala itong kuwenta? Ano ang ibig sabihin ng “walang kuwenta”? Ibig sabihin nito ay hindi pagsusumikap para sumulong, hindi pagiging handang ibigay ang lahat, kagustuhan na palaging makalibre at magtamasa ng magagandang bagay—mga basura ang ganitong mga tao. May ilang taong napakakitid ng isip. Paano natin mailalarawan ang mga ganitong tao? (Sobrang babaw nila.) Ang taong sobrang kitid ng utak ay isang taong ubod ng sama, at ang sinumang ubod ng sama ay sinusukat ang pagkatao ng isang maginoo ayon sa sarili niyang ubod ng samang pamantayan at itinuturing niya ang iba bilang kasingmakasarili at kasimbaba niya. Ang mga ganitong tao ay mga walang kuwenta, at kahit pa nananampalataya sila sa Diyos, hindi magiging madali para sa kanila na tanggapin ang katotohanan. Ano ang dahilan kung bakit napakaliit ng pananalig ng isang tao? Dahil ito sa hindi niya pagkaunawa sa katotohanan. Kung masyadong kakaunti lang ang mga katotohanang nauunawaan mo at napakababaw ng pagkakaunawa mo sa mga ito, at dahil dito ay hindi mo maunawaan ang bawat gawaing ginagawa ng Diyos, ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at ang bawat hinihingi ng Diyos sa iyo, kung hindi mo kayang matamo ang ganitong pagkaunawa, magkakaroon ka ng iba’t ibang uri ng pagdududa, imahinasyon, maling pagkaunawa, at kuru-kuro tungkol sa Diyos. Kung ang puso mo ay puno ng walang iba kundi ganitong mga bagay, magkakaroon ka ba ng tunay na pananalig sa Diyos? Wala kayong tunay na pananalig sa Diyos, kaya palagi kayong hindi mapakali, at nag-aalala na hindi ninyo alam kung kailan kayo matatanggal. Natatakot kayo at iniisip ninyo, “Baka biglang pumarito ang Diyos anumang oras para magsagawa ng isang inspeksyon.” Huminahon lang kayo. Hangga’t ginagawa ninyo nang maayos ang mga gawaing ipinagkatiwala sa inyo ng sambahayan ng Diyos, kahit pa medyo kulang kayo sa inyong paghahangad sa katotohanan at sa buhay pagpasok, palalampasin Ko na iyon. Pagdating naman sa kung paano ang pagdalo ninyo sa mga pagtitipon, pakikinig sa mga sermon, ang buhay iglesia ninyo, at ang pagkain at pag-inom ninyo ng mga salita ng Diyos, hindi Ko tututukan ang mga bagay na iyon, at hindi Ko kayo aabalahin pagdating sa inyong gawain. Bakit hindi Ko kayo aabalahin? May ilang mga dahilan. Una, mas pamilyar kayo kaysa sa Akin pagdating sa iba’t ibang kasanayang propesyonal. Sa proseso ng gawain nitong mga nakaraang taon, dapat ay humusay na kayo pagdating sa inyong karanasan o mga kasanayang propesyonal at nakabuo na kayo ng programa para sa gawain ninyo. Maging ito man ay nakasulat o pasalita, dapat ay nakapagbuod na kayo ng ilang alituntunin at regulasyon. Hindi Ko alam kung anong paraan ng paggawa ang ginagamit ninyo, at wala Akong balak guluhin ang inyong mga plano sa paggawa at pamamaraan ng paggawa. Maaari ninyong sundin ang mga sarili ninyong estilo o pattern, o mga alituntunin at regulasyon, at gawin ang trabaho sa paraang madali at maginhawa, na magpaparamdam sa lahat ng kalayaan at kaluwagan, at magdudulot ng mataas na antas ng kahusayan. Ibig sabihin, binibigyan Ko kayo ng buong kalayaan sa inyong gawain. Kahit minsan ay umiikot Ako sa mga iglesia, iniiwasan Kong makaharap kayo, para hindi ninyo Ako makita—sinisikap Kong gawin ang lahat para makaramdam kayo ng kalayaan at kaluwagan. Bakit Ko ito ginagawa? Wala sa inyo ang masyadong pamilyar sa mga kasanayang propesyonal; kailangan ninyong dahan-dahang matutuhan ito bilang bahagi ng proseso ng pag-aaral. Sa pagkatuto man ng mga kasanayang propesyonal o sa pagpasok sa katotohanan, lahat ng tao ay may kani-kanilang bilis ng pagsulong at antas ng kahusayan. Hindi mo puwedeng pilitin ang mga tao na gawin ang mga bagay na lampas sa kanilang kakayahan. Kailangang dumaan ang mga tao sa isang proseso, makaranas ng kabiguan, mga dagok, o matuto ng ilang aral mula sa mga pagkakamali nila at dahan-dahang bumuo ng isang paraan ng pasulong at maging dalubhasa sa ilang prinsipyo sa lahat ng larangan. Sa ganitong paraan sila susulong. Mayroon kayong sari-sariling estilo ng paggawa at sari-sariling pamamaraan—hindi magiging angkop kung aabalahin Ko pa kayo sa mga usaping ito. Kaya bihira Akong sumali sa mga talakayan tungkol sa mga bagay na ito na may kinalaman sa inyong gawain. Ito ang dahilan na may kaugnayan sa inyo. Mayroon ding pangunahing dahilan na may kinalaman sa Akin. Magiging matapat Ako sa inyo, ang lahat ng kaya ninyong makita at isipin sa mga kasanayang propesyonal man o sining, at lalo na sa katotohanan, ay mukhang napakababaw para sa Akin. Makakayanan ba ninyo kung susubukan Kong pilitin kayong makagawa ng mas mabilis na pagsulong? Hindi, hindi ninyo kakayanin. Kung kikilos Ako kasama ninyo ayon sa nais Ko, malalampasan ng mga hinihingi Ko sa inyo ang kasalukuyan ninyong tunay na antas ng mga kasanayang propesyonal at ang tunay na tayog ninyo pagdating sa buhay pagpasok. Ayaw Ko itong gawin, dahil magiging sobrang nakakapagod iyon para sa Akin, at magiging masyadong mabigat iyon para sa inyo. Pareho tayong malalagay sa isang alanganing sitwasyon, at hindi iyon mabuti; hindi ito ang nais Kong makita. Ito ang mga naiisip Ko tungkol sa bagay na ito, at ganito ang lagay ng bagay-bagay. Dahil sa dalawang dahilan: isang may kaugnayan sa inyo, at isang may kinalaman sa mga naiisip Ko sa bagay na ito, kaya’t ganito Ko pinangasiwaan ang bagay-bagay. Ang pangangasiwa nang ganito sa mga bagay ay angkop para sa inyong unti-unting paglago. Pagdating naman sa buhay pagpasok, mayroon kayong mga aklat ng mga salita ng Diyos, may iba’t ibang uri ng pagtitipon at sermon, at mayroon ding mga lider at manggagawang nagdidilig at sumusuporta sa inyo; napakaraming bagay ang puwede ninyong kainin, inumin, at pagkunan ng pagtustos. Ang isa pang aspekto ay na ang proseso ng paglago ng buhay ng mga tao ay tulad ng isang binhing itinanim sa lupa, dinidiligan at pinatatabaan, at unti-unting tumutubo at lumalago hanggang sa ito ay magbunga sa wakas. Isa itong napakabagal na proseso. Siyempre, ang mabagal na prosesong pinagdadaanan ninyo ay puwedeng mas mabagal pa kaysa sa paglaki ng isang binhi mula sa pagtubo hanggang sa pamumunga. Bakit ganoon? Maraming praktikal at obhetibong dahilan para dito na nakapaloob sa mga tao. Una, ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, pero hindi natin pag-uusapan iyon. Isa pa, ang mga tao ay makupad at madalas nagiging negatibo. Sila ay tamad, at manhid at mabagal pagdating sa katotohanan at mga positibong bagay. Bukod pa rito, hindi mahal ng mga tao ang mga positibong bagay. Kaya naman, kapag sinusubukan ng mga taong pumasok sa katotohanan at makamit ang buhay pagpasok, napakahirap nito para sa kanila, at sila ay sumasalungat sa agos. Para sa mga tao, ang pagsunod sa agos, pag-asa sa iba para makalibre, paghahangad sa sekular na mundo, at pagsunod sa mga kalakaran, ay pagpapaanod sa agos, na madali lang gawin, at mula sa subhetibong perspektiba, talagang gusto ng mga tao na kumilos nang ganito. Gayumpaman, ang paghahangad sa katotohanan, paggawa ng kung ano ang makatarungan, at pagiging mga taong may pagpapahalaga sa katarungan na kayang mag-asikaso ng kanilang nararapat na gampanin, ay napakabigat para sa kanila. Kailangan nilang maghimagsik laban sa mga personal nilang ninanasa, sarili nilang damdamin, sarili nilang mga kuru-kuro, at kailangan din nilang maghimagsik laban sa kanilang katamaran at iba pang masasama at negatibong bagay. Kapag humaharap sila sa mga tao, kapareha sa gawain, o mga kapaligirang hindi ayon sa inaasahan nila, o kahit kapag nakakarinig sila ng nakakainis o hindi kaaya-ayang mga bagay, dapat silang umasa sa pagdarasal para mapagtagumpayan ito, kaya’t nakakatagpo sila ng matinding paglaban sa landas ng paghahangad sa katotohanan sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Kung sila ay talagang desidido at napakamasigasig na naghahangad sa katotohanan, makakakita sila ng kaunting pagsulong pagkatapos ng isa o dalawang taon ng karanasan. Kung hindi naman, kung kikilos lang sila ayon sa gusto nila at hahayaan na lang ang mga bagay na mangyari ayon sa natural na proseso, magiging napakabagal ng pagsulong nila. Marahil, pagkatapos ng ilang panahon, makakaranas sila ng isang natatanging pangyayari, isang may pambihirang kabuluhan para sa kanila, at sila ay matututo ng isang aral, mapupungusan, at sa kaibuturan ng kanilang puso ay makakaranas sila ng matinding pasakit at labis silang maaapektuhan, at saka lang sila magkakaroon ng kaunting mabuting pagbabago pagdating sa kanilang buhay pagpasok. Magiging sanhi ba ng pagsulong ang pagbabagong ito? Hindi. Nakasalalay ang pagsulong nila sa kung paano nila hinahanap ang katotohanan sa panahong ito. Kung sila ay mga taong puro palusot lang ang ginagawa, na nagpapakasasa sa kaginhawahan ng laman, at hindi naman talaga mahal ang katotohanan, ang makukuha lang nila mula sa pangyayaring ito ay isang mababaw na aral, at hindi nila makakamtan ang pagkaunawa sa katotohanan. Ayon sa mabagal na pagsulong na ito ng inyong buhay, pinapanatili Ko ang ganitong distansiya sa pakikisalamuha Ko sa inyo at ginagamit Ko ang ganitong paraan. Sa tingin ninyo, angkop ba ito? (Oo.) Lubos itong kapaki-pakinabang para sa inyo; kahit papaano, nakakaramdam kayo ng ginhawa. Hindi Ko kayo bibigyan ng karagdagang mga pasanin, hindi Ko kayo babantayan at tututukan buong araw, nang hindi hinahayaang magpahinga sa loob ng 24 na oras sa isang araw, at hindi Ko kayo pipiliting magtrabaho nang masigasig at walang kapaguran. Hindi Ko gugustuhing gawin iyon, kundi hahayaan Ko ang mga bagay na mangyari sa inyo ayon sa natural na paraan. Ibig bang sabihin nito ay puwede kayong magpakalunod sa sarili ninyong layaw? (Hindi.) Kung gayon paano Ako nakakapagdesisyon nang may kumpiyansa na huwag kayong bantayan? Dahil may pagsisiyasat ng Banal na Espiritu. Bukod pa rito, kung ang isang tao ay naghahangad sa katotohanan, may ganitong pangangailangan, at handang hangarin ang katotohanan sa kaibuturan ng kanyang puso, kahit hindi mo siya bantayan, patuloy pa rin niyang hahangarin ang katotohanan—siya ay disenteng taong nag-aasikaso ng mga nararapat niyang gawin. Kung hindi siya disenteng tao, walang silbi kahit bantayan mo pa siya. Kapag binabantayan mo siya, kumikilos lang siya sa isang partikular na paraang pakitang-tao para pabasta-basta kang tratuhin, at kapag hindi mo siya binabantayan nang saglit lang, kumikilos lang siya gaya ng normal niyang ginagawa at bumabalik siya sa kung paano siya dati. Ang paghahangad sa katotohanan ay hindi isang bagay na puwedeng bantayan ng mga tao. Ito ay isang bagay na lubos Kong nauunawaan, kaya naman ginagamit Ko ang paraang ito sa pakikisalamuha at pakikitungo sa inyo. Ganap na naaangkop para sa Akin na gawin ito.
Hindi ba’t naipaliwanag na nang malinaw ang usapin tungkol sa iglesia sa Canada? At may naunawaan ba kayong ilang katotohanan mula sa usaping ito? Kung muli kayong mahaharap sa ganitong usapin sa hinaharap, sasabihin pa rin ba ninyo na ito ay isang kaso ng mahigpit na pagpaparusa sa mga tao upang magsilbing halimbawa para sa iba at parusahan sila para maging babala sa iba? Bago nangyari ito, pakiramdam mo ay walang sinumang makasisira sa iyong relasyon sa Diyos at na ikaw ay kaayon na ng Diyos. Pero, nang makaharap mo ang usaping ito, ang katiting na tayog mo ay nabunyag. Anong tayog? Akala mo ay kaya mong magdala ng mabibigat na pasanin at magtiis ng hirap, na ang iyong determinasyon at pananalig ay mas malaki na kaysa dati, at na malapit ka nang maperpekto; ito ang maling pananaw na kinikimkim mo sa puso mo. At ano na ang iniisip mo ngayon? Medyo wala pa sa gulang ang pag-iisip mo! Tingnan mo Ako: ganito ang itsura Ko sa panlabas, nahahawakan Ako at nakikita—ang personalidad Ko ba ay maituturing na bukas at malinaw? Batay sa personalidad Ko, hindi Ako ang tipo ng taong gagawa nang palihim sa likod ninyo kapag may isyu at hindi kayo sasabihan ng anuman, lihim na kumikilos at pinapahulaan sa inyo kung ano ang mga layunin Ko. Hindi Ako ganoong klaseng tao. Kahit ano pa ang isyung lumitaw, palagi Ko itong ipinapaliwanag nang malinaw sa inyo, gayumpaman, nagagawa pa rin ninyong bumuo ng mga gayong teorya at sabihing, “Ito ang pinakamataas kong pagkaunawa sa Diyos.” Ano sa tingin ninyo ang pagkaunawang ito? Natuto na kayo ng aral ngayon, hindi ba? Masasabi bang ito ang naging pinakamalaking kabiguan sa pag-unawa ninyo sa Diyos? Naririnig ninyo ang mga salitang sinasabi Ko at nakikita ninyo ang Aking anyo, at Ako ay isang taong may laman at dugo na mahahawakan at makikita. Ginawa Ko iyon at wala ni isa man sa inyo ang nakaarok dito, at hindi tayo nagkaroon ng isang pinagkasunduan—wala man lang tayong kahit kaunting hindi nahahayag na pagkakaunawaan. Napakalayo mo sa Diyos! Malayo ka pa sa pagkaunawa sa Diyos! Ito ay mga tunay na salita; ito ang tunay na sitwasyon. Huwag mong isipin na dahil kaya mong gumanap ng kaunting tungkulin, maraming taon ka nang nananampalataya sa Diyos, at kaya mong magsalita tungkol sa ilang doktrina, ay nauunawaan mo na ang Diyos. Sasabihin Ko sa iyo, wala pa sa gulang ang pag-iisip mo! Huwag mong isipin na talagang may alam ka na. Sa totoo lang, malayo ka pa sa pagkaunawa sa Diyos; wala ka pa nga sa bingit ng pagkaunawang ito. Puwedeng mabunyag ang mga tao sa anumang bagay, at may ilang taong nabunyag na ng usaping ito ng pangangasiwa sa iglesia sa Canada. Kailangang patuloy na lumago ang mga tao, at patuloy na maunawaan ang kanilang sarili at ang Diyos sa pamamagitan ng iba’t ibang sitwasyon at pangyayaring ito para matutuhan nila ang mga gawa at disposisyon ng Diyos, maunawaan ang kanilang paghihimagsik, maunawaan kung ano ba talaga ang relasyon nila sa Diyos, at malinaw na makita kung nasa anong antas na ang kanilang pagkaunawa at kaalaman sa katotohanan at pagkaunawa sa Diyos. Sa pamamagitan ng mga usaping ito, masusukat ang tunay mong tayog at ang tunay mong kalagayan. May natutuhan ba kayong aral sa pagkakataong ito? Sikapin ninyong huwag magkaroon ng ganitong uri ng pagkaunawa sa susunod. Sobrang nakakasakit ito, sobrang hindi ito kapani-paniwala! Sa tingin ninyo, sulit bang gumugol ng napakahabang oras para ipaliwanag ang usaping ito? Hindi na sana dapat kailangan. Bakit Ko sinasabing hindi na sana dapat kailangan? Ayon sa mga salita at doktrina na naarok ninyo, dapat ay nalampasan na ninyo ang pagsagabal ng usaping ito; sa pamamagitan ng pagmumuni-muni ninyo mismo rito at pakikipagbahaginan sa isa’t isa tungkol dito, dapat ay naunawaan na ninyo ito nang medyo dalisay, nang hindi nagiging sobrang tindi ang inyong pagkaunawa. Pero ang kinalabasan, lumitaw ang matitinding pagkaunawa, kaya kinailangan Kong makipagbahaginan tungkol sa ilang partikular na detalye. Hindi ba’t naliwanagan na ngayon ang inyong puso matapos ninyong makinig sa pagbabahaginang ito? Wala na dapat kayong mga iba pang ideya ngayon tungkol sa usaping ito, tama? Kaya, sa tingin ba ninyo ay naging labis ang paraan Ko ng pangangasiwa sa mga taong iyon? (Hindi.) Tapusin na natin dito ang talakayan tungkol sa usaping ito, at sisimulan Ko na ang pagbabahaginan sa pangunahing paksa.