Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Unang Bahagi) Ikaanim na Seksiyon

Kapag ikinukumpara ang pagiging mapanlinlang at pagiging mapaminsala sa disposisyon ng kabuktutan, ang antas ng mga ito ay mas magaan at mababaw. Kung mababaw ang antas, bakit Ko binabanggit ang mga ito rito? Kumikilos at nagsasalita nang mapanlinlang, hindi maipaliwanag, at hindi malinaw ang mga anticristo, na ipinararamdam sa iba na sila ay traydor at mapanlinlang, at hindi maarok ng mga ordinaryong tao ang buong katotohanan. Kumikilos at nagsasalita sila nang mapanlinlang at hindi nila makasundo ang mga taong taos-puso, matapat, at naghahangad sa katotohanan. Sa halip, madalas nilang pinaglalaruan at ginagamit ang gayong mga tao. Ganap na walang kamalayan ang mga taong ito na pinaglalaruan at dinadaya sila ng mga anticristo, at ginagamit pa nga. Siyempre, ang pag-uugali at pamamaraang ito na ginagamit ng mga anticristo ay hindi masyadong nakakapinsala sa mga tao. Ano ba ang nagdudulot ng sobrang pinsala sa mga tao? Iyon ay ang buktot na disposisyon ng mga anticristo, at ang paglilihis, pagkontrol, at pagsupil sa mga tao na nagmumula sa buktot na disposisyong ito na mas matindi pang nakakapinsala. Palaging may motibasyon at layunin ang mga anticristo na hindi nila masabi sa iba pagdating sa mga kilos nila. Hindi nila kailanman iaalay o igugugol ang anuman nang walang dahilan, ni gagawin nila ang anuman para sa sinuman o sa sambahayan ng Diyos nang walang dahilan o kabayaran. Sa likod ng bawat pagkilos at salita nila ay may motibasyon, may layunin, at sa sandaling malantad ang layunin at motibasyon nila, o masira ang kanilang mga ambisyon at pagnanais, naghahanap sila ng pagkakataong umatras. Sa puso nila, iniisip nila, “Labis na hindi sulit na ialay o igugol ang sarili ko nang walang dahilan, sayang lang ang oras ko. Kailangang may makuha ang isang tao sa pananampalataya sa diyos. Kung gugugulin ng isang tao ang kanyang sarili para sa diyos nang walang hinihinging gantimpala, katangahan lang iyon.” Ang lohika nila ay: “Walang libreng tanghalian.” Tinutukoy nila na ang konsensiya at katwiran, ang pag-uugali, at ang mabubuting gawa na dapat taglayin at gawin ng mga normal na tao bilang katangahan at kahangalan. Hindi ba’t buktot ito? (Oo.) Ito ay napakabuktot. Halimbawa, gumagawa ng ilang pagsasaayos ng gawain ang sambahayan ng Diyos at nagbibigay ng kaunting pangangalaga para sa buhay ng mga kapatid na ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, pero hinahadlangan sila ng mga anticristo mula sa loob. Ano ang layunin ng isang anticristo sa paghadlang sa kanila? Kung ang mga pagsasaayos ng gawain ay mula sa anticristo, at dahil alam ito ng mga kapatid ay makakaramdam sila ng utang na loob sa anticristo, kung magkagayon ay mangunguna ang anticristo. Kung hindi alam ng mga kapatid kung sino ang gumawa ng mga pagsasaayos ng gawain at iniisip nila na ang sambahayan ng Diyos ang gumawa sa mga iyon, at pinasasalamatan nila ang Diyos, sasang-ayon ba ang anticristo rito? Siguradong hindi. Ang mga pagsasaayos ng gawain ay titigil na sa anticristo at hindi maipapatupad. Kapaki-pakinabang sa mga kapatid na maglabas ang sambahayan ng Diyos ng mga pagsasaayos na ito ng gawain, at mas maayos na lalawak ang gawain ng ebanghelyo; ito ay isang malaking bagay na may kinalaman sa gawain ng Diyos, kaya paano dapat makipagtulungan dito ang mga namumuno? Dapat nilang gawin ang lahat ng makakaya nila para makipagtulungan nang maayos at ipatupad ang gawain. Gayumpaman, hinahadlangan ito ng ilang anticristo mula sa loob at hindi nila ipinatutupad ang gawain sa loob ng dalawang taon. Ano ang dahilan nito? Ito ay paghadlang at panggugulo ni Satanas. Ang ilang iglesia ay ginugulo at kinokontrol ng mga anticristo at ng masasamang tao, at hindi inaalagaan ang mga kapatid na ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Pinasasaya nito ang mga anticristo, at sa puso nila ay iniisip nila, “Sapat na para sa akin na maging benepisyaryo ng gayong kamangha-manghang bagay at ng gayong kalalaking pakinabang. Paanong magiging benepisyaryo ang lahat ng kapatid?” Paano maaapektuhan ang mga anticristo ng pakikinabang ng mga kapatid? Hindi sila nito maaapektuhan. Makikinabang sila, lahat ay makikinabang, at magiging maganda iyon! Isipin ninyo ang pangkalahatang sitwasyon: Hindi mo ito dapat hadlangan, ni dapat mo itong pigilan, kundi dapat ipatupad mo ito nang masaya. Hindi ba’t normal iyon? (Oo.) Ito ang tungkuling dapat gampanan ng isang tao, at responsabilidad mo ito. Ang isang aspekto ay iyong wala namang mawawala sa iyo rito, habang ang isa pang aspekto ay ito: Hindi ba’t hinihiling ng lahat na lumawak ang gawain ng ebanghelyo? (Hinihiling namin.) Kapag nakikita nila ang mga kapatid na tinatamasa ang biyaya ng Diyos, naiinggit ba sila? Anong kinaiinggitan nila? Hindi ba’t mga demonyo ang mga anticristo? Kung gayon, bakit hindi ipinapatupad ng mga anticristo ang gawain? Ito ay dahil naiinggit sila. Isinasaalang-alang ba nila na ang pagpapatupad sa gawain ay kapaki-pakinabang sa pagpapalawak ng gawain ng ebanghelyo? (Hindi.) Naaapektuhan ba nito ang mga interes nila? Anong kinalaman nito sa kanila? Wala naman itong kinalaman sa kanila, pero hindi nila ito ipinatutupad, at ito ay pagiging buktot nila. Mga buhay silang diyablo at dapat sumpain! Sa gayong bagay na may kinalaman sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa napakaraming taong ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, hindi man lang nila isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan. Kung mayroon silang kahit kaunting mabuting layon, hindi nila magagawa iyon. Bakit sila kumikilos nang ganito? Ito ay kasamaan, at ito ay kabuktutan. Ginagawa ba ninyo ang gayong mga bagay? Kung may kakayahan kayong gawin ang gayong mga bagay, wala kayong pinagkaiba sa mga anticristo, at mga buhay na diyablo rin kayo. Hindi ninyo dapat gawin ang gayong mga bagay! May ilan ding anticristo na nakikitang may masasamang tao sa iglesia na madalas na ginugulo ang gawain ng iglesia, na nagwawala sa iglesia, pero binabalewala nila ito. Kapag sinabi sa kanilang asikasuhin ang gayong mga tao, nag-aatubili sila at ipinagpapaliban nila ang pag-aasikaso sa mga iyon. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga interes ng mga kapatid; iniisip lang nila na huwag masira ang reputasyon nila, at iyon lang. Iniisip nila, “Ginawa akong lider kaya ako dapat ang magpapasya. Ako ang may ganap na kapangyarihan at awtoridad. Kung patatalsikin ko ang sinumang sabihin mo na patalsikin, magpapakita iyon na ganap akong walang kapangyarihan. Dapat kong siguraduhin na alam ng mga kapatid na ang mga taong ito ay nasa ilalim ng pangangalaga ko at mga nasasakupan ko.” Sino ang nilalabanan nila? (Ang Diyos.) Hindi ba’t buktot ang paglaban sa Diyos? Ito ay kabuktutan. Alam mo ba kung anong klaseng bagay ang isang tao? Ibinigay ng Diyos ang hininga mo, at kung hindi mo alam ang gayon kaimportanteng bagay, hindi ba’t ginagawa ka niyong tanga? Kayang tapusin ng Diyos ang buhay mo sa anumang sandali, pero desperado ka pa ring sumasalungat sa Diyos—buktot ito, at ikaw ay isang buhay na diyablo! Samakatwid, ang isang aspekto ay iyong dapat mong hangarin ang katotohanan at hindi sundan ang landas ng isang anticristo; bukod dito, dapat mong malaman kung paano kilatisin ang mga anticristo. Kung makaharap mo ang isang anticristo, dapat mo siyang obserbahan nang mabuti, at kung makita mong gagawa na siya ng masama, pigilan mo siya agad, at makipagkaisa ka sa mga kapatid para ilantad siya, himayin siya, tanggihan siya, at patalsikin siya. Kamakailan ay nabalitaan Ko na nagtipon ang ilang nakababatang kapatid sa iglesia para patalsikin ang isang huwad na lider. Sasabihin Kong ang mga kabataang ito ay may pagsulong na, hindi sila namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya, kaya nilang isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo, at mas maayos sila kaysa sa karamihan ng tao. Karamihan sa mga tao ay may mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, malubhang nalason ni Satanas, at hindi pa naaalis ang impluwensiya ni Satanas. Ang magawang alisin ang isang huwad na lider ay nagpapakita na nauunawaan ng isang tao ang kaunting katotohanan at kaya niyang protektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos—mabuting bagay ito. Ipinapakita nito na ang isang tao ay lumago na sa buhay at kayang gawin nang maayos ang kanyang tungkulin.

Sa pagbabahaginan at paglalantad ngayong araw sa mga aspekto ng diwa ng pagiging buktot, mapaminsala, at mapanlinlang ng isang anticristo, pati na rin sa lahat ng kanyang iba’t ibang pagpapamalas, makikita natin na ang mga anticristo ay likas na salungat sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Kahit na may disposisyon ako ng isang anticristo, wala akong kalikasang diwa ng isang anticristo, at hindi ako kailanman magiging isang anticristo.” Ano ang tingin mo sa saloobing ito? Kahit na wala kang diwa ng isang anticristo, pero may mga pagpapamalas at pagpapakita kang ito ng isang anticristo, isinasabuhay mo ang isinasabuhay ng isang anticristo, at mayroon kang disposisyon ng isang anticristo, kaya nanganganib kang sumunod sa landas ng isang anticristo. Kapag nagkaroon ka ng katayuan, impluwensiya, at kapital, ilang sandali lang ay magiging isa ka nang anticristo, at iyan ay isang katunayan. Ano ang layunin Ko sa pagsasabi nito? Sinasabi Ko ito para magbabala sa inyo at sabihin sa inyo ang isang katunayan: Sa sandaling magsimulang sumunod ang isang tao sa landas ng isang anticristo, may dalawang posibilidad. Ang isa ay matutuklasan mo ito nang nasa oras, magbabago ka ng direksyon, pagninilayan mo ang sarili mo, magsisisi ka, at magagawa mong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Ito ang pinakamagandang posibilidad, at magkakaroon ka ng pag-asang maligtas. Gayumpaman, kung hindi mo masusundan ang landas ng paghahangad sa katotohanan, sa sandaling makagawa ka ng maraming kasamaan at tukuyin ka bilang isang anticristo, hindi na kailangang pag-isipan pa ang mga kahihinatnan. Naiintindihan ba ninyo? (Oo.) Mabuting naiintindihan ninyo. Ano ba ang ibig sabihin Ko rito? Ang ibig sabihin Ko ay, kung mayroon kang mga pagpapamalas ng anticristo, may panahon ka pang kumilos at pagkakataong magsisi, pero sa sandaling maging isa ka nang anticristo, nanganganib ka na. Samakatwid, kapag natuklasan mong may mga pagpapamalas ka ng isang anticristo, dapat ay magbago ka na ng landas, hanapin mo ang katotohanan at lutasin mo ang problemang ito; huwag mong maliitin ang usaping ito. Kung hindi, kapag nagkaroon ka ng kapangyarihan at mga pagkakataon, walang ingat kang gagawa ng masasamang gawa at magdudulot ka ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia. Hindi mo magagawang tiisin ang mga kahihinatnan, at malamang na malamang ay maaapektuhan nito ang kalalabasan mo at ang hantungan mo.

Malinaw nating ipinaliwanag ngayon ang mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng buktot na disposisyon ng mga anticristo at ng buktot na disposisyon ng mga ordinaryong tao. Nauunawaan na ba ninyo ngayon? Ang mga tiwaling tao ay pawang nagtataglay ng isang buktot na disposisyon, at lahat sila ay may mga pagpapakita at pagpapamalas ng isang buktot na disposisyon. Gayunman, magkaiba ang buktot na disposisyon ng mga ordinaryong tao at ang buktot na disposisyon ng mga anticristo. Bagama’t may isang buktot na disposisyon ang mga ordinaryong tao, sa puso nila ay inaasam nila ang katotohanan at minamahal ang katotohanan, at sa proseso ng kanilang pananalig sa Diyos at paggampan sa kanilang mga tungkulin, nagagawa nilang tanggapin ang katotohanan. Bagama’t limitado ang katotohanang kaya nilang isagawa, kaya pa rin nilang isagawa ang ilan, kaya maaaring unti-unting madalisay at totoong mabago ang mga tiwaling disposisyon nila, at sa huli ay nagagawa naman nilang magpasakop sa Diyos at makamit ang kaligtasan. Sa kabilang banda, hindi man lang minamahal ng mga anticristo ang katotohanan, hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan, at hindi nila ito kailanman isinasagawa. Dapat ninyong subukang mag-obserba at kumilatis ayon sa sinasabi Ko rito; ito man ay isang lider ng iglesia o manggagawa, o isang ordinaryong kapatid, tingnan ninyo kung kaya ba niyang isagawa ang mga katotohanan sa loob ng saklaw ng kung ano ang kaya niyang maunawaan. Halimbawa, sabihin nating nauunawaan ng isang tao ang isang katotohanang prinsipyo, pero kapag oras na ng pagsasagawa rito, ito ay hindi man lang niya isinasagawa, at ginagawa niya ang anumang gusto niya at kumikilos siya nang pabaya—kabuktutan ito at mahirap iligtas ang gayong tao. Ang ilang tao ay hindi talaga nauunawaan ang katotohanan, pero sa puso nila ay gusto nilang hanapin kung ano ba mismo ang dapat gawin na nakaayon sa mga layunin ng Diyos at naaayon sa katotohanan. Sa kaibuturan ng puso nila, ayaw nilang sumalungat sa katotohanan. Dahil lamang sa hindi nila nauunawaan ang katotohanan kaya sila nagsasalita at kumikilos nang labag sa mga prinsipyo, nagkakamali, at gumagawa pa nga ng mga bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at pagkakagulo—ano ang kalikasan nito? Ang kalikasan nito ay hindi tumutukoy sa paggawa ng masama; ito ay nangyayari dahil sa kahangalan at kamangmangan. Ginagawa nila ang mga ito dahil lamang sa hindi nila nauunawaan ang katotohanan, dahil hindi nila nagagawang kamtin ang mga katotohanang prinsipyo, at dahil, ayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, iniisip nilang tamang gawin ang gayong mga bagay, kaya kumikilos sila sa ganoong paraan, kung kaya’t tinutukoy sila ng Diyos bilang hangal at mangmang, walang kakayahan; hindi dahil sa nauunawaan nila ang katotohanan at sinasadya nilang sumalungat dito. Pagdating naman sa mga lider at manggagawa na palaging gumagawa ng mga bagay-bagay nang ayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon at madalas na ginagambala ang gawain ng sambahayan ng Diyos dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, dapat ninyong isagawa ang pagpapatupad ng pangangasiwa at mga paghihigpit, at isagawa ang mas maraming pagbabahaginan sa katotohanan para lutasin ang mga problema. Kung walang-walang kakayahan ang isang tao at hindi niya maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, panahon na para tanggalin siya bilang isang huwad na lider. Kung nauunawaan niya ang katotohanan pero sinasadya niyang sumalungat sa katotohanan, dapat siyang pungusan. Kung patuloy niyang hindi magawang tanggapin ang katotohanan sa buong panahong iyon at hindi siya nagpapahayag ng pagsisisi, dapat na siyang ituring bilang isang masamang tao, at dapat siyang paalisin. Gayumpaman, mas malala ang kalikasan ng mga anticristo kaysa sa masasamang tao o mga huwad na lider, dahil sinasadyang guluhin ng mga anticristo ang gawain ng iglesia. Kahit pa nauunawaan nila ang katotohanan, hindi nila ito isinasagawa, wala silang pinakikinggan, at kung makinig man sila, hindi nila tinatanggap ang naririnig nila. Kahit na sa labas ay mukhang tinatanggap nila ito, nilalabanan nila ito sa kaibuturan ng puso nila, at kapag oras na para kumilos, kumikilos pa rin sila nang ayon sa gusto nila nang walang anumang pagsasaalang-alang man lang sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kapag kasama sila ng ibang tao, nagsasalita sila ng ilang salita ng tao at may kaunti silang wangis ng tao, pero kapag kumikilos sila nang hindi nakikita ng mga tao, lumilitaw ang malademonyong kalikasan nila—ito ang mga anticristo. Kapag nagkakamit sila ng katayuan, gumagawa ang ilang tao ng lahat ng klase ng kasamaan at nagiging mga anticristo sila. Walang katayuan ang ilang tao, pero ang kanilang kalikasang diwa ay katulad ng sa mga anticristo—masasabi mo bang mabubuti silang tao? Sa sandaling magkamit sila ng katayuan, ginagawa nila ang lahat ng klase ng kasamaan—mga anticristo sila.

Mayroon ba sa inyo na nalaman ninyo mismo na kayo ay isang lumalaking anticristo at nararamdaman ninyong kapag nagkamit kayo ng katayuan, garantisadong siyento por siyentong kayo ay magiging isang anticristo? Kung ganoon, kapag pinili ka ng iba na maging isang lider, huwag na huwag mo silang hahayaang piliin ka at dapat mong sabihin, “Ayaw kong sumali. Pakiusap huwag ninyo akong piliin. Kung gagawin ninyo iyon, katapusan ko na.” Ito ay tinatawag na pagkakaroon ng pagkakilala sa sarili. Proteksyon mo ang hindi pagkakaroon ng katayuan. Bilang isang ordinaryong tagasunod, maaaring hindi ka kailanman magkakaroon ng pagkakataong makagawa ng matinding kasamaan, at maaaring wala kang tsansang maparusahan. Gayumpaman, sa sandaling magkamit ka ng katayuan, ang tsansang makagawa ka ng kasamaan ay isandaang porsiyento, na katulad din ng tsansang ikaw ay maparusahan, at kung magkagayon ay katapusan mo na, at labis mong masisira ang anumang pagkakataong mayroon ka sana para makamit ang kaligtasan. Kung may mga ambisyon at pagnanais ka, dapat ay magmadali kang manalangin sa Diyos, hanapin mo ang katotohanan upang lutasin ang problema, magtiwala ka sa Diyos at isagawa mo ang pagpipigil sa sarili, at huwag mong igiit ang katayuan mo, at kung magkagayon ay magagawa mong gampanan nang normal ang tungkulin mo. Kung pagtutuunan mo palagi ang mga opisyal na titulo at igigiit mo ang katayuan mo, at hindi mo pagtutuunan ang paggampan sa iyong tungkulin, isa kang mandaraya at dapat kang itiwalag. Kapag tumanggap ka ng isang tungkulin, huwag mong pagtuunan ang katayuan; gampanan mo lang dapat nang maayos ang tungkulin mo—mas tunay ang pangangasiwa nang maayos sa mga bagay-bagay kaysa anumang iba pa. Kung magagampanan mo nang maayos ang tungkulin mo, hindi ba’t mapalulugod mo ang Diyos? Pagdating sa inyo, ito ang huling paraan na makakaiwas kayo sa paggawa ng masama. Mabuti o masamang bagay ba ang palagi kayong limitahan at huwag kayong pabayaang magkamit ng katayuan? (Ito ay isang mabuting bagay.) Kung gayon, bakit masyado pa ring nagsisikap ang ilan na makipagkompetensiya para sa katayuan tuwing eleksyon? Masyadong maraming ambisyon ang gayong mga tao. Hindi normal para sa mga tao na magkaroon ng masyadong maraming ambisyon—pagiging buktot nila ito. Maraming batang sister, lahat ay nasa mga bente anyos, na gustong magkaroon ng opisyal na posisyon at gustung-gusto ang katayuan. Kapag hindi sila napili para maging mga lider, nagtatampo sila at hindi kumakain. Bagama’t para silang mga bata, pagdating sa kanilang determinasyon, magiging masyadong seryoso ang mga bagay-bagay habang tumatanda sila, at magiging mga eksperto sila, tama? Naririnig ng ilang babae na noong unang panahon ay may isang babae na naging emperatris at masyado silang naiinggit, hinihiling nila na sana ay puwede silang maging ang babaeng iyon. Ayaw nilang maging ordinaryo, at sa kanilang pananalig sa Diyos ay ayaw nilang maging mga ordinaryong tagasunod lamang. Patuloy na nag-aalab ang pagnanais nila sa kanilang puso, at sa sandaling dumating ang tsansang makapagpakitang-gilas sila, sinusunggaban nila ito agad. Ayaw nilang gampanan ang mga tungkulin nila sa maayos na paraan, gampanan ang mga responsabilidad nila, ilaan ang puso nila sa paghahangad sa katotohanan, o magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Ayaw nilang hangarin ang katotohanan at gawin ang mga tungkulin nila sa ganitong paraan, at ayaw nilang mamuhay ng gayon kapayak na buhay—nakaliligalig ito para sa kanila. Mayroon bang ganito sa inyo? Halimbawa, may isang babae na gustong magpapalit-palit ng kapareha; gaano man kabuti ang asawa niya sa kanya o gaano man karami ang pera nito, hindi mapanatili ng lalake ang pagmamahal ng babaeng ito. May ilang babae na marami nang anak pero tinatangka pa rin nilang mang-akit ng mga lalake nang walang pag-iingat, at hindi sila mabantayan ng sinumang lalaki—ito ay pagiging buktot. Saan nagmumula ang buktot na enerhiyang ito? (Nagmumula ito sa loob ng kanilang kalikasan.) At paano lumilitaw ang kalikasan nilang ito? May maruruming espiritung nabubuhay sa loob nila, at sila ay mga reinkarnasyon ng maruruming espiritu. Bagama’t komplikado ang mga bagay sa espirituwal na mundo, gaano man kakomplikado ang mga ito, basta’t nauunawaan ng isang tao ang katotohanan at kaya niyang tingnan ang mga bagay na ito nang ayon sa mga salita ng Diyos, puwede siyang magkaroon ng pagkilatis, at kilala ito bilang direktang pagpasok sa espirituwal na mundo. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, puwede mong makita nang malinaw at tumpak ang mga bagay-bagay, nagiging maliksi at malinaw din ang pag-iisip mo, at umaaliwalas ang puso mo. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, magiging palaging magulo ang puso mo, hindi mo malalaman sa puso mo ang anumang ginagawa mo, at magiging gaya ka ng isang tangang tao, na takot bumaling kahit saan. Matatakot ka na nagpapakitang-gilas ka kung gagawa ka ng higit pa, at matatakot ka na hindi mo tinutupad ang mga responsabilidad mo kung hindi mo ito gagawin; palagi kang nasa ganoong kalagayan. Ito ay dahil masyadong kakaunti ang pagkaunawa mo sa katotohanan. Ano ang unang pagpapamalas ng isang taong masyadong kakaunti ang pagkaunawa sa katotohanan? Namumuhay siya ng isang masama at walang kuwentang buhay. Pagkatapos paglaruan, apihin, at alipustahin ng mga anticristo, sa araw na mamulat siya, napagtatanto niya kung paanong nakisama siya dati sa mga anticristo, naglilingkod at gumagawa para sa kanila, pero sinasabi pa rin na nagmamahal at tapat ang mga anticristo sa Diyos. Ngayon lang nila nakikita na ginamit nila nang mali ang lahat ng salitang ito. Hindi ba’t napakawalang-kuwenta nito? (Oo.) Bakit ito walang kuwenta? Dulot ito ng hindi niya pagkaunawa sa katotohanan at nararapat ito sa kanya! Kung nauunawaan mo ang katotohanan, magkakaroon ka ng pagkilatis sa mga anticristo at mahahalata mo sila, at pagkatapos ay mailalantad at mapapaalis mo sila. Patuloy ka pa rin ba nilang maililigaw at susunod sa kanila kapag nagkagayon? Siguradong hindi na. Bukod pa rito, nakinig ka sa napakaraming sermon, diniligan ka ng sambahayan ng Diyos at nilinang ka sa loob ng napakaraming taon, kaya kung hindi mo nauunawaan ang anumang katotohanan, kung hindi mo makilatis ang mga anticristo at ni hindi mo tinutupad ang mga responsabilidad na dapat mong tuparin, at sa huli ay nakikisama ka sa mga anticristo at nagiging kasabwat nila, hindi ba’t ginagawa ka niyong walang kuwenta? Hindi ba’t nakakaawa ang mga ganitong tao? Kung sumusunod ka sa Diyos sa panlabas pero naililigaw at nahihila ka ng mga anticristo, kung sinusundan mo ang landas ng isang anticristo sa loob ng ilang taon, at gusto mong bumalik pero wala kang lakas ng loob para harapin ang mga kapatid, hindi ba’t iyon ay isang walang kuwentang paraan ng pamumuhay? Gaano ka man kalungkot, wala itong silbi. Kaninong kasalanan ba na hindi mo nauunawaan ang katotohanan? Wala kang ibang puwedeng sisihin kundi ang sarili mo.

Sa kabuuan ay pitong iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo ang pinagbahaginan natin. Pagdating naman sa mga detalyadong pagpapamalas na pinag-usapan natin tungkol sa bawat isang iyon, sa diwang hinimay natin, pati na rin sa iba’t ibang sitwasyong tinalakay natin, wala sa mga ito ang gawa-gawa lamang, kundi may batayan at base sa mga katunayan. Gayunman, may isang punto: Kung pagkatapos ninyong makinig sa mga ito ay sadyang hindi ninyo maikumpara ang mga ito kapag nahaharap kayo sa mga tunay na bagay, ano ang ipinapakita nito? Una sa lahat, ipinapakita nito na wala kayong espirituwal na pang-unawa, at kahit pa minsan ay mayroon kayong kaunting espirituwal na pang-unawa, ito ay magiging bahagyang pang-unawa lamang, hindi ganap na espirituwal na pang-unawa; pangalawa, ipinapakita nito na hindi ninyo minamahal at sineseryoso ang katotohanan; ikatlo, ipinapakita nito na masyado kayong kulang sa kakayahan at ganap kayong walang kakayahang makaarok. Marami na Akong nasabi na naglalantad sa mga anticristo, pero wala kayong naunawaang kahit ano rito. Maaaring isipin mong nauunawaan mo ito noon, pero kalaunan ito ay nagiging malabo, at ipinapakita nito na hindi mo pa rin ito nauunawaan. Bakit hindi mo ito nauunawaan? May kinalaman ba ito sa pagkaarok? Kapag ipinaliwanag Ko na ang mga bagay-bagay sa antas na ito at hindi mo pa rin ito naunawaan, ibig sabihin ay sobrang wala kang kakayahang makaarok at hindi ka talaga nagtataglay ng anumang kakayahan na maarok ang katotohanan. Tumpak ba ang sinasabi Ko? Ganito iyon. May ilang tao sa inyo na 10 o 20 taon nang nakikinig sa mga sermon pero hindi pa rin ninyo nauunawaan ang katotohanan. Paano natin ito maipaliliwanag? May dalawa lamang posibilidad: Ang isa ay iyong wala kayong espirituwal na pang-unawa, wala kayong kakayahan, at wala kayong abilidad na maunawaan ang katotohanan; ang isa pa ay iyong, kahit na mayroon kayong espirituwal na pang-unawa, hindi ninyo minamahal ang katotohanan at hindi kayo interesado sa katotohanan. Kung mayroon kayo ng isa sa dalawang posibilidad na ito, wala kayong kakayahang maunawaan ang katotohanan. Kung mayroon kayo ng parehong posibilidad na ito, hindi na kayo maililigtas pa, at wala nang pag-asa. Kung hindi pa rin ninyo angkop na maikumpara ang mga sarili ninyo kapag natapos na Akong magbahagi at hindi ninyo alam kung ano ang ibig Kong sabihin, ano ang sinasabi niyon tungkol sa kakayahan ninyong makaarok? Hindi ba’t walang-wala ito? Kung kayo ay mas tamad, nag-iimbot ng kaginhawahan, walang pagmamahal para sa katotohanan, may mga personal na gusto, at nagagambala ng mga panlabas na usapin, ang mga salitang ito ay unti-unting magiging walang epekto sa inyo, at labis na mababawasan ang epekto ng mga ito—ganito iyon. Ang totoo, napakadaling makilatis ang mga anticristo. Ang isang aspekto ay ang linawin ang mga pamamaraang ginagamit nila sa paggawa ng mga bagay, habang ang isa pang aspekto ay ang tingnan kung ano ang disposisyon nila, kung ano ang direksyon nila sa buhay at ang mga pananaw nila sa pag-iral, kung ano ang mga saloobin nila sa mga kapatid, sa tungkulin, sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, sa Diyos, sa katotohanan, at sa mga positibong bagay, at kung ano ang mga prinsipyo ng pagkilos nila. Sa paggamit sa mga aspektong ito, magagawa ninyong iklasipika sila. Kakailanganin pa rin bang pagmasdan at pag-aralan sila nang mas matagal? Hindi na. Hindi lamang papalit-palit ng kapareha ang mga anticristo, o nang-aapi ng mga tao. Mayroon silang isang satanikong kalikasan at kaya nilang gawin ang anumang bagay. Kung pagkatapos mong makinig sa mga sermong ito ay hindi mo talaga magawang kilatisin ang disposisyon ng isang anticristo at hindi mo masabi na ang ipinapakita nila ay disposisyon ng isang anticristo, may naunawaan ka bang kahit na ano? Natatandaan mo ang doktrina, pero hindi mo ito maikumpara sa anumang bagay, at kapag nahaharap ka sa mga katunayan ay mahina at walang bisa ang doktrina mo, at pinatutunayan nito na hindi ka pa nakauunawa. Kung nauunawaan mo ito noon at kalaunan ay nagdasal-nagbasa ka nang kaunti, kung madalas kang nakikipagbahaginan tungkol dito kasama ng mga kapatid, kung tinatandaan at pinagbubulayan mo ang mga katotohanang ito, at madalas kang nananalangin sa harap ng Diyos, mas marami kang matatamo. Gayumpaman, kung ikaw ay nag-iimbot ng kaginhawahan sa iyong tungkulin, pabaya, walang pasanin, may mga personal na kagustuhan, mapusok, hindi talaga nagmamahal sa katotohanan, sumusunod sa mga makamundong kalakaran, at naaakit ng mga panlabas na usapin, hindi mo magagawang gampanan nang maayos ang tungkulin mo. Sa huli, ang mga katotohanang ito na pinagbahaginan natin ay mawawalan ng saysay sa iyo, ang matitira lamang ay mga salita at doktrina, at mangangahulugan iyon na mawawalang saysay ang pakikinig mo. Pagkatapos ba nito ay nakikinig ba kayong muli sa mga pagbabahaging ito? (Oo.) Ilang beses ninyo kayang makinig sa mga ito? May iba’t ibang epekto ba ang mga ito sa bawat pagkakataon na nakikinig kayo sa mga ito? Pagkatapos ba ay pinagbubulay-bulayan ninyo ang mga ito? Ano ang impresyon ninyo pagkatapos ninyong pagbulayan ang mga ito? Pagdating sa iyo, puwede bang maging mga prinsipyo ng pagsasagawa at pamantayan ang mga sermong ito para makilatis mo ang mga tao at bagay sa buhay mo? (Kaya kong ikumpara sa sarili ko mismo ang ilang halatang disposisyon at pagpapamalas ng mga anticristo, ibig sabihin, ang mga bagay na sinasabi at ginagawa ko na malinaw na may pakay na mabitag ang puso ng iba, at iisipin ko ang mga naglalantad na salita ng Diyos at malalaman kong ang kalikasan ng aking mga kilos ay ang bitagin ang puso ng iba at na may gusto akong makamit na layon. Gayunman, kulang pa rin ako pagdating sa pagkilatis sa mga tao, at hindi ko sinasadyang ikumpara sa mga salita ng Diyos ang mga tao sa palibot ko.) Sabihin mo sa Akin, kung gusto mong makita nang malinaw ang sarili mo, gumagamit ka ba ng salamin o ng maputik na tubig? (Salamin.) Ano ang pakinabang ng pagtingin sa salamin? Puwede mong makita nang mas malinaw ang sarili mo. Samakatwid, napakalimitado kung kaya mo lang kilatisin ang sarili mo; kailangan mo ring matutuhan na kilatisin ang iba. Ang pagkilatis sa iba ay hindi para sadyaing iklasipika sila bilang mga anticristo, kundi para magkaroon ng mga prinsipyo sa pagsukat at pagkilatis sa pananalita at mga kilos ng iba’t ibang klase ng mga tao. Kapaki-pakinabang ito sa isang tao mismo, at sa paggawa nito ay matatrato rin ng isang tao nang tama ayon sa mga prinsipyo ang mga tao, na kapaki-pakinabang sa pagkakamit ng matiwasay na pagtutulungan kapag ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin kasama ng iba. Gayumpaman, mga limitadong resulta lang ang makakamit ng isang tao kapag umaasa lamang ito sa pagkilala sa sarili. Hindi puwedeng tumuon ka lamang sa pagkilala sa sarili mo kapag naghahangad sa katotohanan. Kailangan mo ring tumuon sa pagsasagawa sa katotohanan para makamit ang epekto ng pagpapasakop sa Diyos. Sa pagtuon lamang sa isang aspekto, hindi ka kailanman magkakamit ng ganap na pagkaunawa sa katotohanan o papasok sa katotohanang realidad, ni hindi ka lalago sa buhay. Katulad na katulad lang din ito ng pagkaunawa lamang sa mga salita at doktrina, at hindi mo magagawang makilala ang Diyos. Ang mga talagang nauunawaan ang katotohanan ay makikilatis ang lahat ng bagay. Bukod sa kilala nila ang sarili nila, kaya rin nilang makilatis ang iba, at kaya nilang makilatis ang lahat ng klase ng tao, pangyayari, at bagay. Sa ganitong paraan lamang magagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin nang ayon sa pamantayan at na puwede siyang gamitin ng Diyos.

Sa pagbabahaginan ngayon sa mga pagpapamalas ng buktot na disposisyon ng mga anticristo, anong mas malalim at mas bagong pang-unawa ang naabot ninyo pagdating sa buktot na disposisyon? Magbahagi kayo tungkol dito. (Diyos ko, ang bagay na pinakapumukaw sa akin ngayon ay ang sinasabi ng Diyos na kung aakto tayo gaya ng mga anticristo at sadya nating hahadlangan at guguluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, tayo ay mga buhay na diyablo. Nagsalita ang Diyos tungkol sa ilang tao na hindi makatiis na may ibang mas magaling kaysa sa kanila, at pinagnilayan ko ang aking sarili at napagtanto ko na mayroon akong matinding mapagkompetensiyang espiritu, at kapag nakikita kong mas maraming kalakasan kaysa sa akin ang isang taong kasama ko sa paggampan ng aking tungkulin, naaasiwa ako, at gusto ko laging higitan siya. Nararamdaman ko na ang kalagayan ko ay gaya ng sa mga buhay na diyablong inilantad ng Diyos, at nakikita ko na ang kalikasan ng bagay na ito ay mas malala pa sa inaakala ko, at natatakot ako rito. Hindi ko ito kailanman naunawaan nang napakalalim, at ngayong nakikita ko na kung gaano kalala ang tiwaling disposisyon kong ito, talagang nababagabag ako.) Nabatid mo na ito ngayon. Ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao ay hindi kasing simple ng isang pansamantalang paghahayag; may pangunahing sanhi at mga bagay ito na pinahihirapan kang maiwaksi ang mga ito, palagi kang kinokontrol, nagdudulot na magpakita ka ng sobrang katiwalian, na hindi mo magawang kontrolin ang sarili mo. Hindi maipaliwanag ng mga tao kung bakit sila ganito, at hindi nila ito makontrol—ito ang mga disposisyon ng mga tao. Ang malinaw na maunawaan ng isang tao ang ganitong uri ng tiwaling disposisyon ay isang aspekto ng pagsulong. Pagdating sa ganitong uri ng tiwaling disposisyon, kung kaya mong hanapin ang katotohanan at makilatis ang diwa nito, kung kaya mong tanggapin ang paghatol, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos, kung sa paggawa mo ay kaya mong makamit ang isang kalagayan kung saan naisasagawa mo ang katotohanan at talagang nagpapasakop ka sa Diyos, kung magkagayon ay puwedeng magbago ang tiwaling disposisyon na ito—ito ay pagsisimula mong isagawa ang katotohanan batay sa pagkaunawa sa katotohanan. Napakahirap ngayon para sa karamihan sa inyo na pigilan ang inyong sarili kapag nagpapakita kayo ng inyong mga tiwaling disposisyon, at ibig sabihin nito ay hindi pa kayo nagsisimulang isagawa ang katotohanan; ang kaunting ginagawa ninyo sa paggampan ng inyong tungkulin ay kadalasang batay sa inyong personal na interes, kagustuhan, at maging kapusukan, at wala itong ganoong kaugnayan sa pagbabago ng disposisyon, tama? (Tama.) Napakahusay, napupukaw na kayo. Sino pa ang gustong magsalita? (Pagkatapos makinig sa pagbabahagi ng Diyos ngayon, sobra akong napukaw. Inakala ko noon na ang ibig sabihin ng kabuktutan ay pagsasalita nang mapanlinlang, hindi pagsasalita nang diretsahan at palaging pagkukunwari at panlilinlang ng iba. Ang pakikinig sa Diyos na nagbibigay ng paghihimay ngayon sa kung ano ba ang isang buktot na disposisyon, gayumpaman, alam ko na ngayon na ang ibig sabihin ng kabuktutan ay paglaban at pagsalungat sa katotohanan at sa mga positibong bagay, at na kung ang isang tao ay sumasalungat at lumalaban sa katotohanan at sa mga positibong bagay, iyon ay ang kanyang buktot na disposisyon. Dati ay may ganoon akong mababaw na pagkaunawa sa buktot na disposisyon, pero ngayong narinig ko na ang pagbabahagi ng Diyos, mayroon na akong bagong pagkaunawa. Bukod dito, ang sobrang yumanig sa akin ay ang pagsasabi ng Diyos na ang Pangkat ng mga Gumagawa ng Pelikula sa Canada ay ikaklasipika bilang Grupo B sa loob ng isang taon. Talagang nagulat ako nang marinig ko ito, at mula sa pangangasiwa ng Diyos sa usaping ito ay nakikita ko ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Nakikita kong wala ni isang tao sa grupong iyon ang nagsasagawa sa katotohanan at nagdulot ito ng napakatitinding hadlang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at talagang ginagalit ako nito. Kamakailan lang ay nasa parehong kalagayan din ang mga tao sa grupo namin, na ibig sabihin ay walang pasanin para sa aming tungkulin. Nang mas gumaan ang gawain namin kaysa dati, hindi kami nagplano nang malinaw para sa tungkulin namin at naging makupad kami sa aming tungkulin, pinalilipas na lang ang mga araw. Sa pakikinig sa pagbabahagi ng Diyos ngayon, nakikita ko na kung hindi isinasagawa ng isang tao ang katotohanan o hinahangad ang pag-usad sa kanyang tungkulin, at kung hindi seryoso ang isang tao sa katotohanan, kinasusuklaman ng Diyos ang ganitong uri ng saloobin sa paggampan ng isang tao sa kanyang tungkulin. Nabatid ko rin na kailangan nating pahalagahan ang oras at ang pagkakataong gampanan ang ating tungkulin. Kung hindi natin pinahahalagahan ang ating tungkulin, kapag ang oras na hinihintay tayo ng Diyos at ang mga pagkakataong ibinibigay ng Diyos sa atin ay nasayang na, mapopoot ang Diyos sa mga tao, at masyado nang huli para manghinayang.) Mukhang kailangan pa ninyong sumailalim sa presyur, tama? (Oo.) Mabuti. Totoong problema ito, at kapag nagtitipon kayo ay kailangan ninyong pagbahaginan kung paano lutasin ang problemang ito. Dapat kayong magbahaginan nang regular at makagawa ng buod at makahanap ng isang bagong plano. Bawat tao ay may misyon sa buhay na ito, kasama na Ako, at kung hindi sila nabubuhay para sa kanilang misyon, walang halaga na ipamuhay nila ang buhay na ito. Kung walang halaga na mabuhay ka, ang buhay mo ay walang kabuluhan. Bakit Ko sinasabing walang kabuluhan ito? Mamumuhay ka ng isang buhay na parang naglalakad na bangkay; hindi ka nararapat mabuhay. Kung hindi mo tutuparin ang mga responsabilidad mo at isasagawa ang misyon mo, hindi mo nararapat tamasahin ang lahat ng bagay na ibinibigay sa iyo ng Diyos. Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na kayang alisin ng Diyos ang lahat ng bagay sa iyo anumang sandali. Kayang magbigay ng Diyos, at kaya ring mag-alis ng Diyos—ganoon iyon. Sa katunayan, ang lahat ng naririto ay may misyon, lahat kayo ay magkakaiba lang ang gampaning gagampanan. Ang mga walang pananampalataya ay may isang misyon din. Ang misyon nila ay ang guluhin ang mundong ito at guluhin ang lipunan, para humirap nang humirap ang pamumuhay ng mga tao at mamatay sila sa gitna ng mga sakuna. Ang misyon ninyo ay ang makipagtulungan sa gawain ng Diyos, ipalaganap ang ebanghelyo at bagong gawain ng Diyos, at kasabay nito ay maunawaan din ang katotohanan at makamit ang kaligtasan—ito ang pinakamasaya. Wala sa kasaysayan ng tao ang mas masaya o mas mapalad pa kaysa rito. Walang mas mahalaga kaysa rito; ito ang pinakadakilang bagay sa buhay, at ito ang pinakadakilang bagay sa kasaysayan ng tao. Kung iwawaksi mo ang misyon mo at tatanggalin ang iyong tungkulin at mga responsabilidad, ang buhay mo ay magiging walang halaga, at magiging walang kahulugan sa iyo ang pamumuhay mo. Maaaring hindi ka pa patay at maipamumuhay mo sa mundong ito ang nalalabing buhay mo, pero ang pamumuhay mo ay magiging walang kahulugan o halaga para sa iyo. Sabihin nating may isang taong hindi pa kailanman narinig ang katotohanan o ang daan ng Diyos, at may isang taong minsang nalaman kung ano ang plano ng pamamahala ng Diyos at naunawaan ang daan ng Diyos, pero sa huli ay hindi nakamit ang katotohanan o buhay, sabihin ninyo sa Akin, sa pamumuhay ng dalawang taong ito sa mundo, pareho ba ang mararamdaman nila sa kaibuturan ng puso nila? (Hindi.) Hindi alam ng mga walang pananampalataya ang misyon nila; wala silang nadaramang misyon. Alam mo kung saan galing ang misyon mo, alam mo na ang Diyos ang Lumikha, ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, alam mong galing sa Diyos ang mga tao at dapat na bumalik sa Kanya—dahil alam mo ang lahat ng ito, kaya mo pa rin bang mabuhay nang payapa sa mundong ito? Kaya mo pa rin bang iraos nang maalwan ang buhay? Hindi, hindi mo na kaya. Dahil ibinigay sa iyo ng Diyos ang misyong ito, dapat ay pasanin mo ang responsabilidad sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, magpatotoo ka sa iba tungkol sa Diyos, tuparin mo ang lahat ng responsabilidad na dapat tuparin ng tao, ilaan mo ang katotohanang nauunawaan mo at ang patotoo mong batay sa karanasan para makinabang ang lahat, at pagkatapos ay mapalulugod ang Diyos. Ang totoo, ang kaya ng mga tao ay ang mga bagay lang na ito. Basta’t ikaw ay makakapagdusa nang kaunti, makakapagbayad ng kaunting halaga, at medyo magbabawas ng pagpapakasasa sa kaginhawahan, makakamit mo ang mga bagay na ito. Sa ganitong paraan, ang kalalabasan mo ay magiging iba sa mga walang pananampalataya, at iba ang pagsukat sa iyo ng Diyos—napakabihira nito! Binibigyan ka ng Diyos ng ganitong pagpapala, at kung hindi mo alam pahalagahan ito, masyado kang mapaghimagsik. Dahil pinili mo ang landas na ito ng pananalig sa Diyos, huwag ka nang magdalawang-isip pa rito, kundi tumuon ka lang sa pagpapatahimik ng puso mo at gampanan mo nang maayos ang tungkulin mo. Huwag kang manghinayang. Kahit pa hindi mo kayang abutin ngayon ang tayog ni Pedro at hindi mo kayang gampanan ang matutuwid na gawa ni Job, pagsikapan mong magampanan ang tungkulin mo nang pasok sa pamantayan. Ano ang ibig sabihin ng “magampanan ang tungkulin mo nang ayon sa pamantayan”? Ibig sabihin nito na gampanan mo ang iyong tungkulin nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo at mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, nang hindi nagiging tuso o nagpapakatamad, nang walang kinikimkim na anumang natatagong motibo o ipinagkakait na anuman, kundi nang ginagawa ang lahat ng makakaya mo—kung magkagayon ay magagampanan mo ang tungkulin mo nang pasok sa pamantayan. Walang masyadong hinihingi ang Diyos sa mga tao, tama? (Tama.) Madali ba itong makamit? Ito ay isang bagay na nasa saklaw ng pagkatao at dapat na makamit mo ito. May mga tanong pa ba? Kung wala na, puwede na nating tapusin ang pagbabahaginang ito rito sa ngayon.

Hulyo 10, 2019