Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (7) Ikatlong Seksiyon

B. Ang mga Wastong Pananaw at Saloobin na Dapat Taglayin Kapag Nakakaranas ng mga Paghihirap

Ang kailangan Kong ipaliwanag sa inyo rito ay hindi lang nakadirekta sa mga lider at manggagawa, kundi sa lahat din ng naririto—ito ay isang napakahalagang prinsipyo. Saanman kayo nagsasagawa ng gawain ng iglesia, gumagampan ng mga tungkulin ninyo, o nangangaral ng ebanghelyo, palaging mayroong mga pagsubok. Kahit ang sariling gawain ng Diyos ay puno ng mga paghihirap—napansin na ba ninyong lahat ang katunayang ito? Bagama’t maaaring hindi ninyo alam o malinaw na nauunawaan ang mga detalye, batid ninyong lahat ang mga pangkalahatang sitwasyon. Hindi madali ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos, kaya dapat maging handa kayong lahat sa isipan at makilala ninyo ito. Nakalatag dito ang nakatakdang katunayang ito, kaya anong pinakamarapat, pinakamakatwiran, at pinakawastong saloobin ang dapat nating gamitin para sa mga ganitong bagay? Tama bang maging mahiyain at matatakutin sa loob natin? (Hindi.) Dahil hindi tama ang pagiging mahiyain at matatakutin, tama bang taglayin ang saloobin at pananaw na hindi ninyo kinatatakutan ang langit o lupa, na kayo ay mga kaaway ng buong mundo, na lumalaban kayo sa buong mundo hanggang dulo, at kumokontra kayo sa agos? (Hindi.) Ito ba ang pagkamakatwiran ng normal na pagkatao o pagkamainitin ng ulo? Ang mga maling pananaw na ito ay pawang pagsasalamin ng pagkamainitin ng ulo, hindi ng tunay na pananalig. Kung gayon, anong uri ng mga pananaw at saloobin ang tama? Hayaan ninyong ilista Ko ang ilan para sa inyo. Ito ang unang pananaw na dapat taglayin ng mga tao: Sa ibang bansa man o sa Tsina, ang buong-pusong paggugol ng sarili nila para sa Diyos at paggampan ng mga tungkulin nila ay ang pinakamakatarungang layunin sa gitna ng lahat ng sangkatauhan mula sa sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan. Ang paggampan natin ng tungkulin ay bukas at matapat, hindi patago, dahil ang ginagawa natin ngayon ay ang pinakamakatarungang layunin sa gitna ng sangkatauhan. Ano ang tinutukoy nitong “makatarungan”? Tumutukoy ito sa katotohanan, sa kalooban ng Diyos, sa mga pagsasaayos at atas ng Lumikha; ganap itong nakahihigit sa mga moralidad, etika, at batas ng tao, at isang layuning isinasakatuparan sa ilalim ng pamumuno at pangangalaga ng Lumikha. Hindi ba ito ang pinakawastong pananaw? Sa isang banda, ang pananaw na ito ay isang tunay na umiiral na katunayan; sa kabilang banda, ito rin ang pinakawastong pagkilala sa tungkuling ginagampanan ng isang tao. Ito ang ikalawang pananaw na dapat taglayin ng mga tao: Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at pangyayari. Lahat, kabilang ang mga pinuno ng mundo at anumang kapangyarihan, relihiyon, organisasyon, at etnisidad sa mundo ay pinamumunuan at kinokontrol ng kamay ng Diyos—walang sinuman ang may kontrol sa sarili niyang tadhana. Hindi tayo naiiba; ang tadhana natin ay pinamumunuan at kinokontrol ng kamay ng Diyos, at walang sinuman ang makakapagpabago sa direksyon kung saan tayo pupunta o kung saan tayo mananatili, ni sinuman ang makakapagpabago ng hinaharap at hantungan natin. Tulad ng sinasabi sa Bibliya, “Ang puso ng hari ay nasa kamay ni Jehova na parang mga batis ng tubig: ikinikiling Niya ito saanman Niya ibigin” (Kawikaan 21:1). Lalo na ang tadhana nating mga hamak na tao! Ang panuntunan at sistema ng pinuno ng bansang tinitirhan natin, pati na rin ang kapaligiran ng pamumuhay sa bansang ito, ang mga ito man ay nagbabanta, mapanlaban, o palakaibigan sa atin—ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at wala tayong dapat ipag-alala o ikabahala. Ito ang pananaw na dapat panghawakan ng mga tao at ang kabatirang dapat mayroon sila, pati na rin ang katotohanang dapat nilang taglayin at unawain. At ito naman ang ikatlong pananaw, na siyempre ang pinakamahalaga rin: Kahit saan man tayo manirahan, sa alinmang bansa, at anuman ang mga kapabilidad o kakayahan natin, isang parte lang tayo ng masa ng mga hamak na nilikha. Ang tanging responsabilidad at tungkulin na dapat nating tuparin ay ang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan, mga pagsasaayos, at mga pamamatnugot ng Lumikha; wala nang iba, ganoon lang iyon kasimple. Bagama’t kasalukuyan tayong nasa isang malayang bansa at isang malayang kapaligiran, kung isang araw ay magtataas ang Diyos ng isang mapanlabang puwersa para usigin at pinsalain tayo, dapat ay wala tayong anumang mga reklamo. Bakit hindi tayo dapat magreklamo? Dahil matagal na tayong inihanda; ang obligasyon, responsabilidad, at tungkulin natin ay ang magpasakop sa lahat ng ginagawa ng Diyos, sa lahat ng pinamamatnugutan ng Diyos. Ang pagpapasakop bang ito ang katotohanan? Ito ba ang saloobin na dapat taglayin ng mga tao? (Oo.) Kung isang araw, kokontra laban sa atin ang lahat ng sangkatauhan at ang buong kapaligiran, at haharap tayo sa kamatayan, dapat ba tayong magreklamo? (Hindi dapat.) Sinasabi ng ilan, “Hindi ba’t dinala tayo ng Diyos sa ibang bansa para hindi na tayo magdurusa sa malupit na pang-uusig ni Satanas? Hindi ba’t ito ay para malaya nating magampanan ang ating mga tungkulin at malanghap ang hangin ng kalayaan? Kung gayon, bakit nilalayon pa rin ng Diyos na harapin natin ang kamatayan?” Hindi tama ang mga salitang ito. Ang pagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ay isang saloobin, ang saloobin na dapat taglayin ng mga tao sa Diyos, sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ito ang saloobin na dapat taglayin ng isang nilikha.

May isa pang pinakamahalagang punto na dapat mapagtanto ng mga tao: Bagama’t medyo matatag at malaya sa ibang bansa, mahirap pa ring maiwasan ang madalas na pangliligalig ng malaking pulang dragon. Sa harap ng pangliligalig ng malaking pulang dragon, nag-aalala ang ilang tao: “Masyadong malakas ang kapangyarihan ng malaking pulang dragon. Kaya nitong suhulan ang mga makapangyarihang tao sa buong mundo para magserbisyo rito, para magtrabaho sa ngalan nito. Kaya, kahit tumakas tayo sa ibang bansa, nasa panganib pa rin tayo, nasa bingit pa rin ng kapahamakan! Ano ang magagawa natin?” Sa bawat pagkakataong naririnig ang ganitong mga balita, nag-aalala at natatakot ang ilan, gusto nang makipagkompromiso at tumakas, hindi alam kung saan sila dapat magtago. Sa tuwing nangyayari ito, iniisip ng ilan, “Napakalawak ng mundo, pero walang lugar para sa akin! Sa ilalim ng kapangyarihan ng malaking pulang dragon, nagdurusa ako sa pang-uusig nito, at kahit pa sa labas ng saklaw ng awtoridad nito, bakit nagugulo pa rin ako nito? Masyadong matindi ang kapangyarihan ng malaking pulang dragon; kahit tumakas ako hanggang sa dulo ng mundo, bakit nagagawa pa rin nitong hanapin ako?” Hindi maiwasan ng mga tao na matakot at maging hindi sigurado kung ano ang dapat gawin. Pagpapamalas ba ito ng pagkakaroon ng pananalig? Ano ang problema rito? (Kawalan ng pananalig sa Diyos.) Kawalan lang ba ito ng pananalig sa Diyos? Pakiramdam ba ninyo, sa kaibuturan ninyo, na mas mababa kayo kaysa sa iba? Pakiramdam ba ninyo ay medyo malihim kayo, tulad ng isang magnanakaw, sa pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos at sa paggampan ng tungkulin ninyo sa iglesia? Pakiramdam ba ninyo ay medyo mas mababa kayo kaysa sa mga taong nasa mundo ng relihiyon? “Tingnan ninyo ang kapangyarihan nila; mayroon silang mga opisyal na pastor at mga engrandeng katedral na kinikilala ng estado, napakarangya! Mayroon silang mga koro at mga negosyo sa iba’t ibang bansa. Pero tingnan ninyo tayo, palaging inaapi, itinatakwil tayo saan man tayo magpunta—bakit naiiba tayo sa kanila? Bakit hindi tayo puwedeng maging bukas tungkol dito saan man tayo magpunta? Bakit kailangan nating mamuhay nang napakamiserable? Lalo na, maraming negatibong propaganda online. Bakit hindi nagtitiis nito ang ibang mga simbahan, bakit palaging tayo ang kailangang magdusa ng mga bagay na ito? Hayagang ipinapahayag ng ibang mga mananampalataya sa Diyos ang pananalig nila sa Kristiyanismo kahit saan sila magpunta, pero tayong mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos ay hindi naglalakas-loob na magsalita nang hayagan, natatakot na baka isumbong tayo ng masasamang tao at pagkatapos ay maaresto.” Kamakailan, nabalitaan Ko na may isang tao na nagpakilala bilang isang opisyal ng pamahalaan na nagtanong ng ilang katanungan sa mga kapatid. Nang makita ng mga kapatid na tinatanong sila ng isang opisyal, natakot sila at isiniwalat nila ang lahat ng nalalaman nila, sinasagot ang anumang itinatanong sa kanila. Ano ang problema sa ganitong pagkilos nila? Isa kang mananampalataya sa Diyos—bakit mo katatakutan ang mga opisyal? Kung wala ka namang ginawang anumang ilegal, hindi mo kailangang matakot. Kung nasa iyo ang katotohanan, bakit ka matatakot sa mga diyablo at kay Satanas? Sa tingin mo ba, ang pananampalataya sa Diyos ay hindi ang tamang daan? Pakiramdam mo ba ay may nagawa kang ilegal? Kung gayon, bakit ka natatakot sa isang opisyal? Hindi ba’t hangal at mangmang ang gayong mga tao? Lubhang nagdusa ang ilang tao sa pagtugis at pang-uusig sa mainland; matapos makarating sa ibang bansa, nakokonsensiya ba sila tungkol sa pananampalataya sa Diyos? Nakakaramdam ba sila ng pagkapahiya dulot ng pang-uusig ng malaking pulang dragon? Nararamdaman ba nila na nawalan sila ng mukhang ihaharap sa mga ninuno nila at na nawalan sila ng karangalan dahil napilitan silang tumakas sa ibang bansa para manampalataya sa Diyos at gampanan ang tungkulin nila? Nakikita ba nila ang salungat na pagtrato ng satanikong rehimen at ng mundo ng relihiyon sa Diyos at sa iglesia, at nararamdaman ba nilang mas mababa sila, marahil ay mas lalo pang kahiya-hiya kaysa sa paggawa ng isang krimen? Mayroon ba kayo ng ganitong mga damdamin? (Wala.) Maaaring umiiling kayo sa panlabas, ayaw ninyong pansinin ang mga kaisipan at damdaming ito, pero kapag nahaharap sa mga aktuwal na sitwasyon, ang mentalidad ng isang tao, ang mga pag-uugali niya, at ang mga hindi sinasadyang pagkilos niya ay hindi maiiwasang maglalantad sa mga pinakamalalim, pinakatagong aspekto ng puso niya. Ano ang nangyayari dito? Kung wala ka ng mga ganitong bagay, bakit ka natatakot? Natatakot ba sa pulis ang isang taong hindi lumalabag sa batas? Kinatatakutan ba niya ang hukom? Hindi. Ang mga lumalabag lang sa batas ang pinakanatatakot sa pulis, at tanging ang mga Tsino, na nasanay na sa paniniil ng mga pulis, ang may pinakamatinding takot sa mga ito dahil walang batas ang mga pulis ng CCP at ginagawa ang anumang gusto ng mga ito. Samakatwid, nang unang makarating sa ibang bansa ang mga Tsino, natatakot na sila kapag nakakakita lang ng pulis. Resulta ito ng pagiging takot sa patakaran ng malaking pulang dragon, at isa itong bagay na naibubunyag sa loob ng di-malay nila. Sa mga bansa sa Kanluran, legal ang katayuan mo, mayroon kang mga karapatan sa paninirahan, wala kang nilabag na anumang mga batas, hindi mo binatikos ang pamahalaan, at wala kang ginawang anumang mga krimen. Gaano man karaming kontrobersiya ang maaaring pukawin ng pananalig mo sa mundo ng relihiyon, nananatiling tiyak ang isang katunayan: Legal na protektado ang pananalig mo, naaayon ito sa batas at malaya ito, at ito ang marapat mong karapatang pantao. Wala kang nilabag na anumang mga batas, kaya’t kung may magpapakilala bilang isang pulis at magtatanong sa iyo, “Nananampalataya ka ba sa Makapangyarihang Diyos? Ipakita mo sa akin ang ID mo! Taga saan ka? Ilang taon ka na? Ilang taon ka nang nananampalataya? Saan ka nakatira? Sabihin mo sa akin ang adres mo!” paano ka sasagot? Sa unang tanong na, “Nananampalataya ka ba sa Makapangyarihang Diyos?” paano ka sasagot? (Oo.) Bakit ninyo sasabihing “oo”? Batay ba ito sa katunayan? O responsabilidad mo ba ito bilang mamamayan, na dapat mong sabihing “oo” kung tinanong? O nagtagubilin ba sa iyo ang Diyos na magsabi ng “oo”? Ano ang basehan ninyo? Sa ikalawang hinihingi niya na, “Ipakita mo sa akin ang ID mo!” ipapakita ba ninyo ito? (Hindi.) At ang ikatlong tanong: “Saan ka nakatira? Isulat mo ang adres mo.” Isusulat mo ba ito? (Hindi.) Ang ikaapat na tanong: “Ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos? Sino ang nagpapasok sa iyo sa pananalig? Bakit ka nananampalataya? Ilang taon ka na sa ibang bansa?” Sasagutin mo ba ang mga ito? (Hindi.) Ang ikalimang tanong: “Anong tungkulin ang ginagampanan mo rito? Sino ang lider mo?” Sasagutin mo ba ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Wala akong obligasyong sabihin sa kanya.) Balikan natin ang unang tanong: Kung tinanong ka kung nananampalataya ka ba sa Makapangyarihang Diyos, nagkakaisa kayong lahat na sabihing sasagot kayo ng “oo.” Tama ba ang pagsagot nang ganito? (Hindi.) Bakit mali ito? (Dahil isang personal na kalayaan ang pananalig. Walang karapatan ang pulis na manghimasok. Kaya, may karapatan akong hindi magsabi sa kanya.) Kung gayon, bakit hindi mo sasabihin sa kanya? (Dahil kailangan ko munang linawin kung bakit niya ako tinatanong, sa anong kapasidad niya ito ginagawa, at kung alinsunod ba sa batas ang pagtatanong niya o hindi. Kung hindi malinaw ang pakay at pagkakakilanlan niya, wala akong obligasyong sagutin ang mga tanong niya.) Tama ang pahayag na ito. Sa simula, sinabi ninyong lahat na sasagot kayo ng “oo,” pero habang nagpapatuloy Ako sa pagtatanong, nararamdaman ninyo na may mali, na parang hindi tama ang sagot ninyo. Natukoy ba ninyo kung nasaan ang problema? Sa usaping ito, ito ang pagkaunawang dapat mayroon kayo: Wala tayong nilalabag na anumang mga batas sa pananampalataya sa Diyos, hindi tayo mga kriminal, mayroon tayong mga karapatang pantao at kalayaan. Hindi puwedeng kung sino-sino na lang ang mag-uusisa o magtatanong sa atin kung gugustuhin nila. Hindi ibig sabihin na kahit sino ang magtanong sa atin, kailangan nating sumagot nang matapat; wala tayong obligasyong gawin ito. Tama ba ang mga salitang ito? (Oo.) Ilegal para sa sinuman, kahit sino pa sila, na basta-basta na lang tayong usisahin; dapat nating maunawaan ang batas at matutunang gamitin ito para protektahan ang sarili natin. Ito ang karunungang dapat taglayin ng mga hinirang ng Diyos. Kaya, ano ang dapat mong gawin kung makakaranas ka ng gayong sitwasyon sa hinaharap? Kung may magtatanong sa iyo kung nananampalataya ka ba sa Makapangyarihang Diyos, paano ka sasagot, paano mo ito haharapin? Ang una mong sasabihin ay, “Sino ka? Ano ang karapatan mo para itanong sa akin ito? Kilala ba kita?” Kung sasabihin ng taong ito na isa siyang empleyado ng isang ahensiya ng pamahalaan, dapat mong hingin sa kanya na ipakita ang mga kredensiyal niya. Kung hindi niya ipapakita ang mga kredensiyal niya, sasabihin mo, “Hindi ka kalipikadong makipag-usap sa akin, at wala akong obligasyong sagutin ka. Maraming manggagawa sa pamahalaan; dapat ko ba silang sagutin lahat? May mga nakatalagang tao ang pamahalaan para mangasiwa sa mga partikular na gampanin—talaga bang ikaw ang may hawak sa usaping ito? Kahit pa ikaw nga ito, hindi ko nilabag ang batas, kaya, bakit kita dapat na sagutin? Bakit ko dapat na sabihin sa iyo ang lahat? Kung sa palagay mo ay may nagawa akong mali o nilabag ko ang batas, puwede kang magpakita ng ebidensiya. Pero kung gusto mong sagutin ko ang alinman sa mga katanungan mo, kausapin mo ang abogado ko. Wala akong obligasyong sagutin ka, at wala kang karapatang magtanong!” Ano ang tingin mo sa pamamaraang ito ng pagtugon? May dignidad ba ito? (Oo.) Ano ang ipinakita ng sagot ninyo kung gayon? May dignidad ba ito? (Wala.) Ang pagsagot ninyo sa sarili ninyong paraan ay nagpapakita ng kamangmangan sa batas. Sinasagot mo na lang ang anumang itinatanong ng iba, at ano ang nangyayari sa huli? Nagiging Hudas ka. Kaya mong sumagot nang walang pakundangan, at ito ang dahilan diyan: Ang mga tao sa bansa ng malaking pulang dragon ay naindoktrinahan at na-brainwash na isiping ang mga mananampalataya sa Diyos ay mangmang, nasa mas mababang antas, at inuusig ng estado, na dapat silang mamuhay nang walang mga karapatang pantao o dignidad sa bansang ito; kaya, ibinababa ng mga mananampalataya ang sarili nila sa mas mababang katayuan. Pagdating nila sa mga bansa sa Kanluran, hindi nila nauunawaan ang mga bagay tulad ng kung ano ang mga karapatang pantao, kung ano ang dignidad, o kung ano ang mga obligasyon ng isang mamamayan. Kaya, kapag may nagtatanong kung nananampalataya ka ba sa Diyos, nagmamadali kang aminin ito dahil sa takot, sinasabi sa kanya ang lahat ng nalalaman mo at talagang hindi nagpapakita ng anumang tayog. Sino ang may sanhi ng lahat ng ito? Ang indoktrinasyon at pamumuno ng malaking pulang dragon ang nagsanhi nito. Sa kailaliman ng di-malay ng lahat ng tao sa mainland, may isang ideya na kapag nananampalataya ka sa Diyos, nakapuwesto ka sa pinakamababang katayuan sa lipunan, sa gitna ng sangkatauhan; nahihiwalay ka sa lipunan at sangkatauhan. Kaya, ang mga taong ito ay walang dignidad, mga karapatang pantao, at kabatiran na protektahan ang sarili nila; sila ay mga hangal, mangmang, at walang kabatiran, hinahayaan nilang apihin at manipulahin sila ng iba kung gustuhin ng mga ito. Ganito ang mentalidad ninyo. Sa halip na manindigan sa patotoo mo para sa Diyos, ipinagkakanulo mo Siya sa anumang sandali, nagiging Hudas ka sa anumang sandali. Kaya, paano ka makakakilos nang may dignidad? Paano mo dapat harapin ang isang estrangherong nagtatanong sa iyo? Una, tanungin mo kung sino siya, pagkatapos, hingin mo sa kanya na ipakita ang mga kredensiyal niya. Ito ang tamang legal na pamamalakad. Sa mga bansa sa Kanluran, palaging nagpapakita muna ng mga kredensiyal nila ang mga pulis o sinumang iba pang mga manggagawa ng pamahalaan kapag nakikisalamuha sa publiko bilang mga kinatawan na nagtatrabaho sa ngalan ng pamahalaan. Matapos makumpirma ang pagkakakilanlan niya batay sa mga kredensiyal niya, magpapasya ka kung paano sasagutin ang mga tanong niya o kung paano haharapin ang mga hinihingi niya sa iyo. Siyempre, sa usaping ito, tiyak na may pagkakataon ka para gumawa ng mga pasya, ganap kang may awtonomiya, hindi ka isang tau-tauhan. Bagama’t isa kang Tsino at kasapi ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, isa ka ring legal at kinikilalang miyembro ng bansang iyong tinitirhan. Huwag mong kalimutan na mayroon kang awtonomiya; hindi ka isang alipin o bilanggo ng anumang bansa, isa kang taong puwedeng magtamasa sa mga batas, karapatang pantao, at sistema ng bansang iyon.

Batay sa nilalaman na ibinahagi Ko, paano ninyo dapat harapin ang mga biglaang sitwasyon at di-inaasahang pangyayari? Ito ang ikaapat na punto na pagbabahaginan natin—huwag maging matatakutin. Tinatanong ng ilang tao, “Nangangahulugan ba ang hindi pagiging matatakutin ng pagkilos lang sa paraang hangal na mapangahas?” Hindi, nangangahulugan ang pagiging hindi matatakutin na hindi pagkatakot sa anumang kapangyarihan dahil hindi tayo mga kriminal, hindi tayo mga alipin; tayo ay ang marangal na mga hinirang ng Diyos, mga marangal na nilikha sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Sa pagharap ninyo sa usaping ito, una sa lahat, huwag maging matatakutin; dagdag pa rito, aktibong panatilihin ang tungkulin ninyo at ang kapaligiran kung saan ninyo ginagampanan ang tungkulin ninyo, at harapin din ang iba’t ibang kapaligiran at mga pahayag, kilos, at ang iba pang mga bagay ng iba’t ibang kapangyarihan na pumupuntirya sa atin nang may aktibong saloobin. Ang aktibong pagharap sa mga ito at pagiging hindi matatakutin—ano ang tingin ninyo sa saloobing ito? (Mabuti ito.) Marangal ang ganitong pamumuhay, tulad ng isang tao; hindi ito pamumuhay nang walang dangal para lang makaraos. Pumunta tayo sa ibang bansa para gampanan ang tungkulin natin, hindi para lang magpakabusog o magsikap kumita ng ikabubuhay; wala tayong nilabag na anumang batas, hindi tayo nagdulot ng anumang problema sa alinmang bansa, at tiyak na hindi tayo mga alipin ng anumang bansa. Ginagampanan natin ang tungkulin ng mga nilikha sa loob ng sambahayan ng Diyos; sinusuportahan natin ang ating sarili, nang hindi nakadepende sa iba; ito ay ganap na legal.

Sa apat na puntong katatalakay lang natin, mahalaga ang bawat isa. Ano ang unang punto? (Sa ibang bansa man o sa Tsina, ang buong-pusong paggugol ng sarili ng isang tao para sa Diyos at paggampan ng mga tungkulin niya ay ang pinakamakatarungang layunin sa gitna ng lahat ng sangkatauhan mula sa sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan. Ang paggampan natin ng tungkulin ay bukas at matapat, hindi patago, dahil ang ginagawa natin ngayon ay ang pinakamakatarungang layunin sa gitna ng sangkatauhan.) At ang ikalawa? (Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at pangyayari. Lahat, kabilang ang mga pinuno ng mundo at anumang kapangyarihan sa mundo ay pinamumunuan at kinokontrol ng kamay ng Diyos—walang sinuman ang may kontrol sa sarili niyang tadhana. Hindi tayo naiiba; ang tadhana natin ay pinamumunuan at kinokontrol ng kamay ng Diyos, at walang sinuman ang makakapagpabago sa direksyon kung saan tayo pupunta o kung saan tayo mananatili. Kung ano ang panuntunan at sistema ng pinuno ng bansang tinitirhan natin, kung ano ang sitwasyon ng pamumuhay sa bansang ito, at ang mga ito man ay nagbabanta, mapanlaban, o palakaibigan sa atin—ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at wala tayong dapat ipag-alala o ikabahala.) Ang ikatlong punto? (Kahit saan man tayo naroroon at anuman ang mga kapabilidad o kakayahan natin, isang parte lang tayo ng masa ng mga hamak na nilikha. Ang tanging responsabilidad at tungkulin na dapat nating tuparin ay ang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan, mga pagsasaayos, at mga pamamatnugot ng Lumikha. Bagama’t kasalukuyan tayong nasa isang malayang bansa, kung isang araw ay magtataas ang Diyos ng isang mapanlabang puwersa para usigin at pinsalain tayo, dapat ay wala tayong anumang mga reklamo. Ito ay dahil ang obligasyon, responsabilidad, at tungkulin natin ay ang magpasakop sa lahat ng ginagawa ng Diyos, sa lahat ng pinamamatnugutan ng Diyos.) Ang ikaapat na punto ay ang aktibong harapin ang lahat ng panlabas na tao, pangyayari, at bagay, nang walang pagkamatatakutin. Ang apat na puntong ito ay ang mga saloobin at pagkaunawa na dapat taglayin ng lahat ng gumagampan ng tungkulin nila, at ang mga ito rin ang mga katotohanan na dapat maunawaan ng lahat ng gumagampan ng tungkulin nila. Bagama’t ang apat na puntong ito ay hindi gaanong nauugnay sa ikawalong responsabilidad ng mga lider at manggagawa na pinagbabahaginan ngayon, dahil pinag-uusapan natin ang mga paghihirap sa gawain, kailangan pa rin nating talakayin ang mga usaping ito; hindi ito para lang sa wala.

C. Ang mga Prinsipyong Dapat Isagawa ng mga Lider at Manggagawa Kapag Nakakaranas ng mga Paghihirap

Nakakaranas ang ilang lider at manggagawa ng medyo mahihirap pangasiwaan na isyu sa mga panlabas na usapin at sa huli hindi nila malaman kung ano ang gagawin, hindi nila makilatis ang ugat ng problema, ni malaman kung paano ito haharapin. Basta na lang nila itong binabalewala, na nagdudulot na maantala ang usapin. Anong problema ito? Ito ay ang kawalan ng kakayahan ng mga huwad na lider na gumampan ng gawain at pagdudulot lang ng mga pagkaantala. Walang katwiran ng isang normal na tao ang mga huwad na lider; dahil hindi nila kayang mangasiwa sa mga problema, bakit hindi nila iniuulat ang mga ito sa ang Itaas? Kung iuulat mo ang isang problema sa ang Itaas, maaari nating harapin ito nang magkasama, at sa huli ay malulutas ang problema. May ilang bagay na hindi ninyo kayang makilatis; tutulungan Ko kayong suriin ang mga ito. Hangga’t hindi natin nilalabag ang batas o ang mga regulasyon ng pamahalaan, walang problemang hindi kayang lampasan. Para sa mga isyung may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, tayo mismo ang lulutas sa mga ito; para naman sa mga isyung may kinalaman sa batas, puwede tayong humingi ng legal na payo para matulungan tayo at malutas ang mga ito sa legal na pamamaraan. Anuman ang sadyang ginagawang panggugulo at pananabotahe ng masasamang puwersa sa gawain ng sambahayan ng Diyos, tandaan ninyo ang isang bagay: Hangga’t hindi natin nilalabag ang batas o mga regulasyon ng pamahalaan, walang magagawa sa atin ang sinuman. Ito ay dahil demokratiko at pinamamahalaan ng batas ang karamihan sa mga bansa sa ibayong dagat; kahit kumikilos laban sa batas ang masasamang puwersa, natatakot din sila sa paglalantad at mga legal na parusa. Ito ay isang katunayan. Paano man guluhin at isabotahe ng madidilim na kamay ng malaking pulang dragon ang gawain ng sambahayan ng Diyos, o manligalig ng mga normal na buhay natin, o bayaran ang isang tao para gumawa ng masasamang bagay, dapat tayong kumuha ng mga larawan at gumawa ng mga makatotohanang video, seryosong magtago ng mga tumpak na rekord, at malinaw nating itala ang oras, lugar, at mga taong sangkot. Kapag dumating na ang panahon, lulutasin natin ito sa mga legal na pamamaraan, at hindi natin ito kailangang katakutan. Sa kabila ng matinding pagsupil ng malaking pulang dragon, hindi tayo natatakot dito dahil ang Diyos ang suporta natin, at isang araw ay magpapadala ang Diyos ng mga sakuna para wasakin ito, direktang magpapataw ng ganting-parusa ang Diyos sa malaking pulang dragon, at wala tayong anumang kailangang gawin. Minsan, may ilang isyu na hindi ninyo malinaw na nakikilatis; sa ganoong kaso, dapat ninyo itong iulat kaagad paitaas, at ipapakita sa inyo ng ang Itaas ang isang landas, gagawing maliliit ang malalaking isyu, at malulutas ang maliliit na isyu. Sa katunayan, para sa maraming isyu, hindi ninyo alam kung paano suriin ang mga ito at hindi ninyo makilatis ang diwa ng mga ito, at iniisip ninyo na makabuluhan at seryoso ang isang sitwasyon, pero pagkatapos ng pagsusuri mula sa ang Itaas, mapagtatanto ninyo na halos wala lang ito; hindi ito dapat ikatakot at hindi ito makabuluhan—pabayaan na lang ito, at kusa itong malulutas makalipas ang ilang panahon. Ang mga panggugulo ng masasamang puwersa ay hindi makakapagdulot ng malaking kaguluhan; pinakakinatatakutan nila ang hayagang malantad, kaya hindi sila nangangahas na lumampas sa mga hangganan nila. Kung mangangahas na lumampas sa mga hangganan ang iilang hangal, maaari natin itong lutasin sa legal na paraan, gamit ang mga legal na hakbang. Isa itong bagay na dapat makilatis ng lahat ng lider at manggagawa. Anuman ang sitwasyong nararanasan ninyo, talagang hindi kayo dapat kumilos nang naguguluhan o hangal. Kung hindi mo makilatis ang isang sitwasyon o mapangasiwaan ito, dapat mo itong iulat kaagad paitaas at hayaan ang ang Itaas na bigyan ka ng payo at mga estratehiya. Ang tanging tunay na takot ay na hindi kaya ng mga huwad na lider na makilatis o mapangasiwaan ang mga isyu ngunit hindi rin nila iniuulat o ipinapaalam ang mga ito sa ang Itaas; naghihintay pa sila hanggang sa lumala ang sitwasyon at maantala nito ang gawain bago ito iniuulat paitaas, malamang na mawawala ang pinakamainam na pagkakataon para mapangasiwaan ang problema. Ito ay tulad ng isang tao na may kanser pero hindi nagpapasuri o nagpapagamot agad, at nagpapatingin na lang sa ospital kapag nasa huling yugto na ang kanser, pero sa puntong iyon, huli na ang lahat at wala na siyang magagawa kundi maghintay ng kamatayan. Kaya, ang mga huwad na lider ang pinakamalamang na sanhi ng pagkaantala ng mga bagay-bagay sa gawain nila. May kapansanan sa pag-iisip ang mga huwad na lider, mga tampalasan sila, hindi responsable ni nagtataguyod sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Bakit sinasabing ang mga huwad na lider ay mga hamak, tagapagbabala ng kapahamakan, at hangal na pinakamalubhang walang katwiran? Iyan ang dahilan. Ang sinumang huwad na lider na may gayon kahinang kakayahan na hindi man lang niya kayang pangasiwaan ang mga panlabas na usapin ay dapat na tanggalin at itiwalag kaagad, hindi na muling gagamitin kailanman, upang maiwasan ang karagdagang pagkaantala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang paggawa ng mga huwad na lider ang pinakamabigat na hadlang. Madalas, kapag may lumitaw na isang problema, maaari itong malutas sa pamamagitan ng napapanahong pagkonsulta sa lahat; ang tanging alalahanin ay na may kapansanan sa pag-iisip ang namamahalang huwad na lider, na hindi niya mismo magawang lutasin ang problema pero hindi rin niya ito tinatalakay sa grupo ng mga tagapagpasya o iniuulat ito sa ang Itaas, at gumagamit siya ng isang saloobin ng kapabayaan, pinagtatakpan at pinipigilan ang problema—ito ang pinakanag-aantala sa mga bagay-bagay. Kung naaantala ang isyu at nagbabago ang mga sitwasyon, maaari itong humantong sa pagkawala ng inisyatiba na pangasiwaan ang problema, humahantong sa isang pasibong sitwasyon. Ano ang pinapatunayan nito? Hindi puwedeng maantala ang ilang bagay at dapat na agarang harapin ang mga ito, sa unang pagkakataon. Gayumpaman, hindi batid ng mga huwad na lider ang tungkol dito, kaya, talagang hindi dapat mamuno ang mga indibidwal na may lubhang mahinang kakayahan. Marunong lang maglitanya ng ilang salita at doktrina ang mga huwad na lider at hindi nila kayang lumutas ng anumang aktuwal na problema; ang nagagawa lang nila ay pinsalain ang mga tao o magdulot ng mga pagkaantala. Tanging sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga huwad na lider na ito at pagpili ng mga indibidwal na may pasanin at pagpapahalaga sa responsabilidad na maging mga lider at manggagawa, magagawang makausad nang normal ang gawain ng iglesia. Kahit ano pa ang mga problemang kinakaharap, hangga’t kaya mong hanapin ang katotohanan, may paraan para malutas ang mga ito. Ang mga panlabas na usapin at mga panggugulo na dulot ng malaking pulang dragon ay maaaring malutas sa pamamagitan ng legal na pamamaraan kung kinakailangan, hindi ito malaking bagay. Hangga’t hindi natin nilalabag ang batas o ang mga regulasyon ng pamahalaan, walang magagawa sa atin ang sinuman, at sa pagtitiwalang ito, hindi natin kailangang matakot sa anumang mga panggugulo mula kay Satanas o sa mga diyablo.

Ngayon, kailangang mahimay at maunawaan ang isyu ng mga huwad na lider. Napakahalaga nito para maisakatuparan nang maayos ang gawain ng iglesia! Magbahaginan tayo ngayon tungkol sa kung bakit hindi pa rin iniuulat ng mga huwad na lider ang mga isyu sa ang Itaas kapag nahaharap sila sa mga isyung hindi nila kayang lutasin sa sarili nila. Paano natin ito dapat tingnan? Puwede ninyong lahat na suriin ito at makikinabang kayo rito. Ang problema ng hindi paggampan ng aktuwal na gawain ng mga huwad na lider ay malubha na, pero mayroong higit na mas malubhang isyu: Kapag nakakaranas ng mga panggugulo mula sa masasamang tao at mga anticristo ang iglesia, hindi lang sa hindi ito pinapangasiwaan ng mga huwad na lider; ang mas malala pa, bigo rin silang iulat ito sa ang Itaas, hinahayaan ang masasamang tao at mga anticristo na guluhin ang iglesia—matiwasay lang silang nanonood mula sa isang tabi, hindi sumasalungat sa sinuman. Hanggang saan man ang panggugulo sa gawain ng iglesia, walang pakialam ang mga huwad na lider. Ano ang problema rito? Masyado bang malaki ang kawalan sa moralidad ng gayong mga huwad na lider? Ang katunayang ito lang ay sapat na para patalsikin ang gayong mga huwad na lider. Ang pagpapahintulot ng mga huwad na lider sa masasamang tao at mga anticristo na malayang guluhin ang iglesia ay katumbas ng pagpapasa ng iglesia at ng mga hinirang ng Diyos sa masasamang tao at mga anticristong ito, na nagsisilbing pananggalang para sa masasamang tao at mga anticristo. Masyadong malaking kawalan ang idinudulot nito sa gawain ng iglesia! Sa puntong ito lamang, ang tanong ay hindi kung dapat bang tanggalin ang mga huwad na lider, kundi kung dapat na silang paalisin. Alin ang may mas malubhang kalikasan: ang hindi paggawa ng aktuwal na gawain ng mga huwad na lider o ang pagpapahintulot ng mga huwad na lider sa masasamang tao at mga anticristo na guluhin ang iglesia? Makakaapekto ang hindi paggawa ng aktuwal na gawain sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos at sa pag-usad ng gawain ng iglesia; nagdudulot na ito ng mga pagkaantala sa mga makabuluhang usapin. Gayumpaman, kapag pinapahintulutan ng mga huwad na lider ang masasamang tao at mga anticristo na basta-bastang guluhin ang iglesia, nang hindi naghahanap ng solusyon o iniuulat ito sa ang Itaas, magiging napakalubha ng mga kahihinatnan. Sa pinakamababang antas, nababalot ang buhay iglesia sa ganap na kaguluhan at kawalan ng kaayusan dahil sa mga masasamang tao at mga anticristo, at dagdag pa rito, palpak at hindi umuusad ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t direktang naaapektuhan nito ang pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo? Totoo ngang napakalubha ng mga kahihinatnan! Samakatwid, kung gagawa ang mga huwad na lider ng ganitong pagkakamali, dapat silang patalsikin. Maraming lider at manggagawa ang palaging may naiibang kaisipan at kuru-kuro tungkol sa pag-uulat ng mga isyu sa ang Itaas. Sinasabi ng ilan, “Kahit iulat pa ang mga isyu sa ang Itaas, baka hindi pa rin malulutas ang mga ito.” Ito ay kakatwang pananalita! Ano ang ibig mong sabihin sa “baka hindi pa rin malulutas ang mga ito”? Dahil lang sa hindi mo ito kayang lutasin ay hindi nangangahulugang hindi rin ito kaya ng ang Itaas. Kung bibigyan ka ng ang Itaas ng isang landas, sa totoo lang, halos ganap nang nalutas ang problema; kung walang landas na ibibigay ang ang Itaas, wala ka nang ibang natitirang solusyon. Hindi mo nga makilatis maging ang maliit na isyung ito; masyado kang mayabang at mapagmagaling! Sinasabi rin ng ilan, “Kapag nakakaranas tayo ng mga paghihirap o isyu, kailangan muna nating magbulay-bulay nang ilang araw, at saka lang ito iulat kung talagang wala tayong mahanap na solusyon.” Maaaring tila may kaunting katwiran iyong mga nagsasabi nito, pero hindi ba’t malamang na makakapagdulot ng mga pagkaantala ang ilang araw ng pagbubulay na ito? Makakasiguro ka ba na makakalutas sa isyu ang ilang araw ng pagbubulay? Magagarantiyahan mo ba na hindi ito magdudulot ng karagdagang pagkaantala? Sinasabi ng iba, “Kung agad naming iuulat ang isang isyu, hindi ba’t iisipin ng ang Itaas na hindi man lang namin kayang makilatis ang maliit na isyung ito? Hindi ba’t tatawagin nila kaming mga hangal at mangmang, at pupungusan kami?” Mali sila na sabihin ito—iulat mo man o hindi ang isyu, kitang-kita na ang kalidad ng kakayahan mo; alam ng ang Itaas ang lahat ng ito. Sa tingin mo ba ay pahahalagahan ka ng ang Itaas kung hindi mo iuulat ang isang isyu? Kung talagang iuulat mo ang isyu, at hindi ito nagdulot ng mga pagkaantala sa mga makabuluhang usapin, hindi ka papanagutin ng sambahayan ng Diyos. Gayumpaman, kung hindi mo ito iuulat at hahantong ito sa mga pagkaantala, direkta kang mananagot, at agad kang tatanggalin, hindi na muling gagamitin kailanman. Ituturing ka rin ng mga hinirang ng Diyos bilang isang mangmang, hangal, mahina ang isipan, at nahihibang, at kamumuhian ka nila, at habambuhay ka nilang kasusuklaman. Iyong mga palaging natatakot na mapungusan o maliitin ng ang Itaas dahil sa pag-uulat ng mga problema, ay may mahinang kakayahan at ang mga pinakahangal; dapat silang tanggalin, at hindi na muling gagamitin kailanman. Ang pagkakaroon ng gayon kahinang kakayahan at may kagustuhan pa ring hindi mapahiya—hindi ba’t lubos na walang kahihiyan iyon? Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t kasuklam-suklam ang mga huwad na lider na bukod sa hindi ginagawa nang maayos ang gawain nila ay nagdudulot rin ng mga pagkaantala sa mga makabuluhang usapin? Dapat ba silang tanggalin? (Oo.) Kung mahaharap sila sa isang malaking isyu at kaya nila itong agarang iulat nang hindi nagdudulot ng mga pagkaantala o malubhang kahihinatnan, paano dapat tingnan ang gayong mga lider? Kahit papaano, itinuturing sila na may katwiran at kayang magtaguyod sa gawain ng iglesia. Dapat bang patuloy na gamitin ang gayong mga lider? Dapat silang gamitin. Tanging ang mga lider na pinakamay-kapansanan sa pag-iisip ang iiwas sa pag-uulat ng mga isyu dahil sa takot na mapungusan. Puwede pa rin bang gamitin ang gayong mga lider sa hinaharap? Sa tingin Ko, hindi na sila puwedeng gamitin pa dahil nagdudulot ng sobra-sobrang pagkaantala ang paggamit sa kanila. Sa puntong ito, dapat malinaw nang nauunawaan ng lahat sa inyo ang ganitong mga uri ng mga problema, tama ba? Kapag nakakaranas kayo ng mga isyung hindi ninyo kayang pangasiwaan, iulat ang mga ito kaagad at makipagbahaginan sa grupo ng mga tagapagpasya para makahanap ng mga solusyon. Kung hindi kayang pangasiwaan ng grupo ng mga tagapagpasya ang mga ito, agad itong iulat sa ang Itaas; huwag mag-alala sa kung ano-anong bagay, ang pinakamahalaga ay ang agaran na magawang lutasin ang isyu. Ang halimbawang nabanggit ngayon lang ay nangyayari sa lahat ng iglesia; lilitaw ang ganitong mga paghihirap at problema. Kumpara sa ilang panloob na paghihirap ng iglesia, mayroong mas malulubhang kahihinatnan ang mga panlabas na isyung ito. Kaya naman, medyo mas mahirap ang mga panlabas na isyu kumpara sa mga panloob na isyu ng iglesia. Kung mahaharap kayo sa mga panlabas na isyu, dapat ninyong lutasin kaagad ang mga ito sa pamamagitan ng pagkonsulta o iulat ang mga ito sa ang Itaas; ito ay kinakailangan. Tanging ang pagsasagawa sa ganitong paraan ang makakasiguro sa normal na pag-usad ng gawain ng iglesia at makakagarantiya na hindi nahahadlangan ang pagpapalaganap sa ebanghelyo ng kaharian. Iyan na ang lahat para sa pagbabahaginan natin tungkol sa mga prinsipyo ng pangangasiwa sa mga panlabas na isyu ng iglesia.

Sa bawat iglesia, may ilang tao na mahina ang kakayahan, at palagi silang nakakaranas ng mga paghihirap sa paggampan ng mga tungkulin nila, hindi sila makahanap ng mga prinsipyo ng pagsasagawa kahit paano man makipagbahaginan sa kanila ng katotohanan, bulag lang nilang ginagamit ang mga regulasyon nang walang anumang tunay na bisa. Sa gayong mga kaso, kailangang iayos ang mga tungkulin ng mga taong ito. Ang pag-aayos na ito ay ang muling pagtatalaga ng mga tauhan. Halimbawa, may isang taong itinalaga sa isang importanteng trabaho, pero may ilang isyu siya sa gawain niya na hindi malutas kahit paano ka pa makipagbahaginan sa kanya. Hindi mo makilatis kung ano ang diwa ng problema o kung maaari pa bang gamitin ang taong ito o hindi, at hindi rin nagbubunga ng mga resulta ang pag-oobserba o karagdagang pagbabahaginan. Bagama’t hindi naman nagdudulot ng masyadong maraming pagkaantala sa gawain ang taong ito, hindi kailanman nalulutas ang mga kritikal na isyu, na palaging nagiging dahilan kung bakit medyo hindi ka mapalagay. Ano ang dapat mong gawin kapag nahaharap ka sa ganito? Ito ay isang napakahalagang isyu. Kung hindi mo ito kayang lutasin nang mag-isa, dapat mo itong dalhin sa isang pagtitipon ng mga lider at manggagawa para pagbahaginan, himayin, at suriin. Kung maaabot ang isang pagkakasundo, malulutas ang problema. Kung hindi malulutas ng pagsasagawa sa ganitong paraan ang problema, habang tumatagal ito, makakapagdulot ba ito ng mga pagkaantala sa mga makabuluhang usapin? Kung oo, dapat mo itong iulat sa ang Itaas at maghanap ka ng solusyon sa lalong madaling panahon. Sa madaling salita, anuman ang mga kalituhan o paghihirap na nararanasan mo sa gawain mo, hangga’t nakakaapekto ang mga ito sa mga hinirang ng Diyos sa paggampan sa mga tungkulin nila o nakakahadlang sa normal na pag-usad ng gawain ng iglesia, dapat agarang malutas ang mga isyu. Kung hindi mo kayang lutasin ang isang isyu nang mag-isa, dapat kang humingi ng tulong sa ilang taong nakakaunawa sa katotohanan para makasama sila sa paglutas nito. Kung kahit ito ay hindi gagana, dapat mong isulong ang isyu at iulat ito sa ang Itaas para makahanap ng solusyon. Ito ang responsabilidad at obligasyon ng mga lider at manggagawa. Dapat na seryosohin ng mga lider at manggagawa ang anumang mga paghihirap o kalituhan na nararanasan nila, hindi lang kaswal na nangangaral ng ilang salita at doktrina, sumisigaw ng mga islogan para pasiglahin ang mga kapatid, o pinupungusan ang mga ito at saka itinuturing ito na tapos na kasunod ng pagkatuklas sa mga isyu o paghihirap. Minsan, ang pagbigkas ng mga salita at doktrina ay maaaring makalutas sa ilang mababaw na isyu, ngunit sa huli, hindi nito malulutas ang ugat ng mga problema. Ang mga isyung may kinalaman sa ugat, mga tiwaling disposisyon, at mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ay dapat na lutasin sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan batay sa mga salita ng Diyos. Mayroon ding mga indibidwal na paghihirap ng mga tao, mga isyu sa kapaligiran, at mga problemang kaugnay sa propesyonal na kaalaman na kinakailangan para sa paggampan ng mga tungkulin; ang lahat ng praktikal na isyung ito ay nangangailangan ng mga solusyon mula sa mga lider at manggagawa. Sa mga isyung ito, ang anumang kalituhan at paghihirap na hindi malutas ng mga lider at manggagawa ay maaaring dalhin sa pagtitipon ng mga lider at manggagawa para himayin, suriin, at lutasin, o maaari nila itong direktang iulat sa ang Itaas upang hanapin ang katotohanan para sa solusyon. Ito ay tinatawag na paggawa ng tunay na gawain, at tanging sa pagsasanay na gumawa ng tunay na gawain sa ganitong paraan ay maaaring lumago ang tayog ng isang tao at maaaring magampanan niya nang maayos ang mga tungkulin niya. Ang mga lider at manggagawa, hangga’t may pagpapahalaga sila sa responsabilidad, ay makakatukoy ng mga problema sa anumang oras at lugar; mayroong mga problemang dapat nilang lutasin araw-araw. Halimbawa, kababanggit Ko lang sa isang insidente kung saan may isang taong nagtatanong kung nananampalataya ka ba sa Makapangyarihang Diyos, at nalito kayong lahat. Sa simula, sinabi ng lahat na sasagot sila ng “oo,” pero kalaunan, may ilan na nagsabing hindi iyon ang tamang tugon, at ang iba naman ay nagsabing hindi nila alam; nagkaroon ng sari-saring tugon. Sa huli, nalito pati na ang mga lider at manggagawa, iniisip na, “Ang pagsasabi ng ‘hindi’ patungkol sa pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos ay pagtatatwa sa Diyos sa harap ng iba, at sa gayon ay hindi tayo kikilalanin ng Diyos—pero ano ba ang mga kahihinatnan ng pagsasabi ng ‘oo’ patungkol sa pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos? Parang mali ang alinman sa dalawang sagot.” Hindi alam ng mga lider at manggagawa kung paano ito lutasin at hindi sila makapagdesisyon; kaya, kapag muling makakaranas ang mga kapatid ng gayong mga sitwasyon, wala pa rin sila ng mga tamang pananaw at saloobin, at hindi pa rin malulutas ang problema, na ang ibig sabihin, hindi natupad ng mga lider at manggagawa ang mga responsabilidad nila—nabigo silang gampanan ang mga responsabilidad nila. Ang pagkabigong gampanan ang mga responsabilidad ay isang problema ng abilidad at ng kakayahan, pero kapag lumitaw ang gayong mga isyu, ano ang dapat mong gawin kung alam mong hindi nalutas ang mga ito? Hindi mo dapat balewalain ang mga ito o pigilan ang usapin para palamigin ito, hinahayaan ang lahat na kumilos nang malaya at gawin ang anumang gusto nila. Sa halip, dapat mo itong iulat sa ang Itaas, hinahanap ang mga angkop na kilos at ang landas ng pagsasagawa na dapat tahakin sa gayong mga sitwasyon. Sa huli, dapat na ipaunawa sa lahat kung ano ang mga layunin ng Diyos sa mga sitwasyong ito, kung anong mga prinsipyo ang dapat itaguyod ng mga tao, at kung anong mga saloobin at paninindigan ang dapat nilang gamitin. Sa gayon, kung muling mahaharap sa gayong mga sitwasyon sa hinaharap, mauunawaan nila ang mga katotohanang prinsipyo at magkakaroon sila ng landas ng pagsasagawa. Sa ganitong paraan, natutupad ng mga lider at manggagawa ang mga responsabilidad nila. Kaya, bakit ninyo sinabi lahat noong una na sasagot kayo ng “oo” kapag tinanong kung nananampalataya ba kayo sa Makapangyarihang Diyos? May dahilan ito: Hindi kailanman nakipagbahaginan sa inyo ang mga lider at manggagawa tungkol sa kung paano lutasin ang gayong mga isyu. Itinuturing nilang maliliit na usapin ang mga ito kung saan may kanya-kanyang pagkaarok ang lahat, kung saan maaari itong arukin ng lahat kung paano nila gusto at maaari silang magsagawa ayon sa tingin nilang tama. Kaya, nang ibinato sa inyo ang katanungang ito, samu’t sari ang mga tugon. Kung gayon, may kongklusyon na ba kayo ukol sa usaping ito? Ano ang dapat mong gawin kung may magtatanong sa iyo kung nananampalataya ka ba sa Makapangyarihang Diyos? Una, tanungin mo kung sino siya. Ikalawa, hilingin mo sa kanya na magpakita ng mga kredensiyal. Kung tatanungin ka niya ng iba pang personal na impormasyon, huwag magbigay ng sagot. Kahit na magpakita siya ng mga kredensiyal, huwag mong sabihin sa kanya, dahil ito ay iyong pribadong buhay. Kung ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos, kung sino ang nangaral ng ebanghelyo sa iyo, kung saan ka gumagawa ng mga tungkulin mo, kung gaano kalakas ang pananalig mo, kung paano mo pinipili ang landas mo sa hinaharap, kung paano mo hinahangad at kinakamit ang katotohanan—masyadong mahalaga ang mga usaping ito para basta na lang isiwalat sa sinumang hindi mo kilala. Wala siyang karapatang usisain ang gayong mahahalagang impormasyon. Kung hindi kayang lutasin ng mga lider at manggagawa ang gayong mga isyu, dapat nilang iulat kaagad ang mga ito sa ang Itaas para maghanap ng mga solusyon at humingi ng mga angkop na paraan ng pagtugon. Hindi ka kukutyain ng ang Itaas; ang pinakamasamang maaaring mangyari ay sasabihin lang nilang masyado kang hangal. Ano’t anuman, ang magawang lutasin ang problema ay ang pinakamainam na resulta.

Ngayon, tungkol sa ikawalong responsabilidad ng mga lider at manggagawa—ang agarang pag-uulat at paghahanap kung paano lutasin ang mga kalituhan at paghihirap na nararanasan sa gawain—pangunahin nating pinagbahaginan ang tungkol sa kung ano ang bumubuo sa mga kalituhan at paghihirap, pati na rin kung paano dapat pangasiwaan at lutasin ng mga lider at manggagawa ang mga isyung ito kapag kinakaharap nila ang mga ito, at kung paano harapin ang mga usaping ito. Tungkol naman sa kung ano ang mga pagpapamalas ng mga huwad na lider kapag nakakaranas sila ng mga ganitong isyu, tatalakayin natin ang parteng iyon sa susunod na pagbabahaginan.

Marso 27, 2021