Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (7) Unang Seksiyon
Ikapitong Aytem: Magtalaga at Gumamit ng Iba’t Ibang Uri ng Tao Nang Makatwiran, Batay sa Kanilang Pagkatao at mga Kalakasan, Upang ang Bawat Isa ay Magamit sa Pinakamainam na Paraan (Ikalawang Bahagi)
Sa huling pagbabahaginan, tinalakay ang ikapitong responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Magtalaga at gumamit ng iba’t ibang uri ng tao nang makatwiran, batay sa kanilang pagkatao at mga kalakasan, upang ang bawat isa ay magamit sa pinakamainam na paraan.” Pangunahin nating pinagbahaginan ang tatlong aspekto ng responsabilidad na ito. Ano ang tatlong aspektong ito? (Una ay ang makatwirang paggamit sa iba’t ibang uri ng tao batay sa kanilang pagkatao; pangalawa ay ang makatwirang paggamit sa iba’t ibang uri ng tao batay sa kanilang mga kalakasan; at ang pangatlo ay kung paano tratuhin at gamitin ang ilang natatanging uri ng tao.) Ang mga ito ang pangunahing tatlong aspekto. Sa pagsusuri sa tatlong aspektong ito, ginagamit ba ang bawat tao sa pinakamainam na paraan sa prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit ng mga tao? (Oo.) Tumpak ba ang prinsipyong ito? Patas ba ito para sa mga tao? (Patas ito.) Tungkol naman sa mga hangal na may mahinang pag-iisip, wala silang kakayanang gawin ang anumang bagay, at ni hindi nila kayang gumawa ng kaunting tungkulin. Kung magtatalaga ka sa kanila ng gawain, maging sa propesyonal, teknikal na aspekto o sa usapin ng pisikal na trabaho, hindi nila ito kayang tapusin. Talagang hindi puwedeng gamitin ang gayong mga tao, kahit sa pagseserbisyo. Sa usapin ito ng katalinuhan. Sa usapin naman ng pagkatao, ang mga may masamang pagkatao at masasamang tao, bagama’t kaya nilang gumawa ng kaunting gawain at gumampan ng kaunting tungkulin, dahil masyadong masama ang pagkatao nila, magdudulot sila ng mga kaguluhan at pagkagambala sa paggampan sa tungkulin nila, na hahantong sa mas malaking kawalan kaysa sa pakinabang, at wala silang anumang magagawa nang maayos. Hindi angkop ang gayong mga tao sa paggampan ng tungkulin at talagang hindi sila puwedeng gamitin. Kung may mga taong nagtataglay ng ilang partikular na kalakasan, hangga’t natutugunan nila ang lahat ng kondisyong hinihingi para sa gawain ng sambahayan ng Diyos—sa batayan ng pagkakaroon ng pagkatao na pasok sa pamantayan—maaari silang makatwirang italaga at gamitin. Noong nakaraan, nagbahaginan din tayo tungkol sa kung paano tratuhin at gamitin ang ilang natatanging uri ng tao. Ang unang uri ay ang mga taong gaya ni Hudas, na lubhang duwag. Batay sa lubha nilang karuwagan, sa sandaling mahuli sila ng malaking pulang dragon, may 100% na posibilidad na magiging Hudas sila; kung itatalaga sila sa isang mahalagang gawain, kapag may mangyari, ipagkakanulo nila ang lahat. Hindi ba mapanganib ang mga karakter na ito? Mayroon ding isang uri ng mga tao na katulad ng mga hindi mananampalataya, na tinatawag nating mga kaibigan ng iglesia. Tila naniniwala ang mga taong ito sa puso nila na may isang Matandang Lalaki sa langit, pero hindi nila alam kung talaga bang umiiral ang Diyos, kung nasaan ang Diyos, o kung tunay nga bang ginagawa na ng Diyos ang Kanyang bagong gawain, madalas nilang pinagdududahan ang pag-iral ng Diyos. Hindi sila tunay na nananampalataya at sumusunod sa Diyos. Samakatwid, hindi puwedeng gamitin ang gayong mga tao, hindi sila nababagay na gumampan ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kahit iyong mga tunay na nananampalataya ay hindi palaging nakakagampan ng tungkulin nila sa paraang pasok sa pamantayan, lalo na ang isang hindi mananampalataya, isang kaibigan ng iglesia! Ang isa pang uri ng mga tao ay iyong mga tinanggal; nahahati rin ang grupong ito sa ilang sitwasyon.
Ang nilalaman ng nakaraang pagbabahaginan tungkol sa ikapitong responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay simpleng sumasaklaw sa tatlong pangunahing puntong ito: Una ay ang makatwirang paggamit sa iba’t ibang uri ng tao batay sa kanilang pagkatao; pangalawa ay ang makatwirang paggamit sa iba’t ibang uri ng tao batay sa kanilang mga kalakasan; at pangatlo ay kung paano tratuhin at gamitin ang ilang natatanging uri ng tao. Ang tatlong pangunahing puntong ito ay ibinahagi batay sa ilang aspektong binanggit sa ikapitong responsabilidad, at malinaw na ibinahagi ang tungkol sa mga prinsipyo. Sinasabi ng ilang tao: “Bagama’t malinaw na ibinahagi ang tungkol sa mga prinsipyo, pagdating sa ilang partikular na usapin at espesyal na sitwasyon, hindi pa rin namin alam kung paano gamitin ang mga prinsipyong ito, kung paano tratuhin ang mga tao, o kung paano iangat at gamitin ang mga indibidwal; madalas pa rin naming hindi alam kung ano ang gagawin.” Umiiral ba ang gayong problema? (Oo.) Paano dapat lutasin ang problemang ito? Ang unang dapat isaalang-alang sa pag-aangat at paggamit ng mga tao ay ang mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pangalawang dapat isaalang-alang ay kung ang epekto ng paggamit sa isang indibidwal sa gawain ng sambahayan ng Diyos ay mas kapaki-pakinabang kaysa sa nakakapinsala, o kabaligtaran. Kung may kapintasan ang pagkatao ng isang indibidwal, pero mas kapaki-pakinabang ang paggamit sa kanya kaysa sa nakakapinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos, maaaring pansamantalang gamitin ang gayong indibidwal hanggang sa makahanap ng mas angkop na tao. Kung magreresulta ang paggamit sa taong ito sa mas higit na pinsala kaysa sa kabutihan, at sa mas higit na kawalan kaysa sa pakinabang, na humahantong lang sa pagkasira at palpak na paggawa sa gawain ng iglesia, talagang hindi puwedeng gamitin ang gayong tao. Ito ang prinsipyo ng pagtimbang ng mga kalamangan at kahinaan na dapat munang maarok sa mga sitwasyon kung saan walang angkop na mga kandidato, at ito rin ang prinsipyo para sa pansamantalang paggamit ng mga tao. Kapag walang mahanap na angkop na kandidato at hindi malinaw kung sino ang maaaring medyo mas mahusay, kapag hindi malinaw kung sino ang ganap na nababagay sa isang gampanin at tila pangkaraniwan lang ang lahat, ano ang dapat gawin? Ang tanging pagpipilian ay ang maghanap ng dalawang tao na medyo may espirituwal na pang-unawa, ibig sabihin, iyong mga dalisay ang pagkaarok sa katotohanan, para sama-samang magtulungan sa paggawa ng gawain. Habang ginagampanan nila ang mga tungkulin nila, dapat mas makipagbahaginan sa kanila ng tungkol sa katotohanan, at dapat obserbahan at unawain ang mga sitwasyon nila; sa ganitong paraan, posibleng matukoy kung sino ang mayroong medyo mas mabuting kakayahan, na magpapadali sa paghahanap sa marapat na kandidato. Kahit sino pa ang maisaayos na gumampan ng tungkulin, kailangang nakabatay ito sa kakayahan, mga kalakasan, at karakter niya; mahalaga ito. Kung hindi malinaw na nakikilatis ang mga aspektong ito at hindi nauunawaan kung anong mga kalakasan ang taglay ng isang tao, dapat muna siyang atasan ng isang simpleng tungkulin, o ilang pisikal na trabaho, o maisaayos sa pangangalap ng tatanggap ng ebanghelyo para pangaralan ng ebanghelyo. Pagkatapos ng isang panahon ng pagsubok, ginagawang posible ng pagsusubaybay at karagdagang obserbasyon na tumpak na masuri ang sitwasyon niya at mas madaling matukoy kung ano ang pinakaangkop na tungkulin para sa kanya. Kung masyadong mahina ang kakayahan niya at wala siyang mga kalakasan, sapat na ang pagtatalaga sa kanya ng kaunting pisikal na gawain. Kailangang maunawaan ng mga lider at manggagawa ang mga superbisor ng mahalagang gawain, ang mga direktor ng ebanghelyo, bawat lider ng pangkat, mga direktor ng mga pangkat na gumagawa ng pelikula, at iba pa, mula sa iba’t ibang sanggunian, at mas mahigpit na obserbahan at suriin ang mga taong ito bago sila makatiyak sa mga ito. Sa pamamagitan lamang ng maingat na pagtatalaga ng mga tungkulin sa mga tao sa ganitong paraan sila makatitiyak na angkop ang mga pagsasaayos, at na magiging epektibo ang mga tao sa tungkulin ng mga ito. Sinasabi ng ilang tao, “Maging ang mga walang pananampalataya ay nagsasabing, ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag mong kuhain sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.’ Bakit lubhang walang tiwala ang sambahayan ng Diyos? Lahat sila ay mga mananampalataya; maaari ba silang maging ganoon kasama? Hindi ba’t mabubuting tao silang lahat? Bakit sila kailangang unawain, pangasiwaan, at obserbahan ng sambahayan ng Diyos?” Tama ba ang mga salitang ito? May problema ba sa mga ito? (Mayroon.) Naaayon ba sa mga prinsipyo ang malalimang pag-unawa at pag-obserba sa isang tao, at pakikisalamuha sa kanila nang malapitan? Ganap na naaayon ito sa mga prinsipyo. Sa aling mga prinsipyo ito naaayon? (Ikaapat na aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Alamin palagi ang sitwasyon ng mga superbisor ng iba’t ibang gawain at ng mga tauhan na responsable sa iba’t ibang mahalagang trabaho, at agad na iayos ang tungkulin nila o tanggalin sila kung kinakailangan, para maiwasan o mabawasan ang mga kawalan na dulot ng paggamit sa mga taong hindi angkop, at matiyak ang kahusayan at maayos na pag-usad ng gawain.”) Magandang sanggunian ito, ngunit ano ang aktuwal na dahilan sa paggawa nito? Ito ay dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon. Ngayon, bagama’t maraming taong gumagawa ng tungkulin, iilan lamang ang naghahangad sa katotohanan. Napakakaunting tao ang naghahangad sa katotohanan at pumapasok sa realidad habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin; para sa karamihan, wala pa ring mga prinsipyo sa paraan ng paggawa nila ng mga bagay-bagay, hindi pa rin sila mga taong tunay na nagpapasakop sa Diyos; ipinapahayag lamang nila na mahal nila ang katotohanan, at handa silang hangarin ang katotohanan, at handa silang magsumikap para sa katotohanan, subalit wala pa ring nakakaalam kung hanggang kailan tatagal ang kanilang pagpapasya. Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay malamang na magbunyag ng kanilang mga tiwaling disposisyon anumang oras o saanmang lugar. Wala silang anumang pagpapahalaga sa responsabilidad sa kanilang tungkulin, madalas silang pabasta-basta, kumikilos sila ayon sa gusto nila, at ni wala silang kakayanang tumanggap ng pagpupungos. Sa sandaling sila ay maging negatibo at mahina, may tendensiya silang talikuran ang kanilang gawain—madalas itong mangyari, wala nang ibang mas karaniwan pa rito; ganoon kumilos ang lahat ng hindi naghahangad ng katotohanan. Kaya nga, kapag hindi pa nakakamit ng mga tao ang katotohanan, hindi sila maaasahan at hindi mapagkakatiwalaan. Ano ang ibig sabihin ng hindi sila mapagkakatiwalaan? Ang ibig sabihin nito ay na kapag nahaharap sila sa mga paghihirap o balakid, malamang na mabuwal sila, at maging negatibo at mahina. Mapagkakatiwalaan ba ang isang taong madalas maging negatibo at mahina? Talagang hindi. Ngunit iba ang mga taong nakakaunawa sa katotohanan. Ang mga taong tunay na nakakaunawa sa katotohanan ay malamang na mayroong may-takot-sa-Diyos na puso, at pusong nagpapasakop sa Diyos, at ang mga tao lamang na mayroong may-takot-sa-Diyos na puso ang mga taong mapagkakatiwalaan; ang mga taong walang may-takot-sa-Diyos na puso ay hindi mapagkakatiwalaan. Paano dapat harapin ang mga taong walang may-takot-sa-Diyos na puso? Siyempre, dapat silang bigyan ng mapagmahal na tulong at suporta. Dapat silang subaybayan nang mas madalas habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, at mas tulungan at turuan; saka lamang magagarantiyahan na magagawa nila nang epektibo ang kanilang tungkulin. At ano ang layon ng paggawa nito? Ang pangunahing layon ay ang itaguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pangalawa rito ay para agad na matukoy ang mga problema, para agad silang matustusan, masuportahan, o mapungusan, na itinatama ang kanilang mga paglihis, at pinupunan ang kanilang mga pagkukulang at kapintasan. Kapaki-pakinabang ito sa mga tao; walang mapaminsala dito. Ang pangangasiwa sa mga tao, pag-oobserba sa kanila, pagsisikap na maunawaan sila—lahat ng ito ay para tulungan silang pumasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, para bigyan sila ng kakayanang gawin ang kanilang tungkulin ayon sa hinihingi ng Diyos at ayon sa prinsipyo, upang hindi sila makapagdulot ng mga kaguluhan o pagkagambala, at upang pigilan silang gumawa ng walang saysay na gawain. Ang layon ng paggawa nito ay ganap na tungkol sa pagpapakita ng responsabilidad sa kanila at sa gawain ng sambahayan ng Diyos; walang masamang hangarin dito. Ipagpalagay na may nagsasabi, “Ang mga ito pala ang mga prinsipyo ng sambahayan ng diyos sa pagtrato sa mga tao, ito ang mga paraang ginagamit nila. Kailangan ko nang mag-ingat mula ngayon. Walang pakiramdam ng seguridad sa sambahayan ng diyos. Palaging may nakabantay sa iyo; mahirap gampanan ang tungkulin mo!” Tama ba ang pahayag na ito? Anong klase ng mga tao ang magsasabi ng ganitong bagay? (Mga hindi mananampalataya.) Mga hindi mananampalataya, mga kakatwang tao, at iyong mga walang espirituwal na pang-unawa—nakahiligan nilang magsalita nang magulo at walang katuturan, nang hindi inuunawa ang katotohanan. Ano ang isyu rito? Hindi ba mga salita ito na humuhusga at kumokondena sa gawain ng iglesia? Isa rin itong paghusga at pagkondena sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Ang mga taong may kakayanang magsabi ng gayong mga salita ay tiyak na mga taong naguguluhan, na hindi nakauunawa sa katotohanan, silang lahat ay mga hindi mananampalataya na hindi nagmamahal sa katotohanan.
Pinangangasiwaan, inoobserbahan, at sinusubukang unawain ng sambahayan ng Diyos ang mga taong gumagawa ng tungkulin. Kaya ba ninyong tanggapin ang prinsipyong ito ng sambahayan ng Diyos? (Oo.) Isang magandang bagay kung matatanggap mong pangasiwaan, obserbahan, at subukang unawain ka ng sambahayan ng Diyos. Makakatulong ito sa pagtupad mo sa iyong tungkulin, sa pagkakaroon mo ng kakayahang magawa ang iyong tungkulin nang pasok sa pamantayan at para matugunan ang mga layunin ng Diyos. Kapaki-pakinabang at nakakatulong ito sa iyo, nang wala talagang negatibong epekto. Kapag naunawaan mo na ang prinsipyong ito, hindi ba’t hindi ka na makakaramdam ng paglaban o pagbabantay laban sa pangangasiwa ng mga lider, manggagawa, at mga taong hinirang ng Diyos? Bagama’t paminsan-minsan ay sinusubukan kang unawain ng isang tao, inoobserbahan ka, at pinangangasiwaan ang gawain mo, hindi mo ito dapat personalin. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil ang mga gampaning nasa iyo ngayon, ang tungkuling ginagampanan mo, at anumang gawaing ginagawa mo ay hindi mga pribadong gawain o personal na trabaho ng sinumang tao; may kinalaman ang mga ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos at may kaugnayan sa isang bahagi ng gawain ng Diyos. Samakatwid, kapag may sinumang gumugugol ng kaunting oras para pangasiwaan o obserbahan ka, o umuunawa sa iyo nang malalim, sumusubok na kausapin ka nang masinsinan at tuklasin kung ano ang naging kalagayan mo sa panahong ito, at kapag medyo mabagsik pa kung minsan ang kanilang saloobin, at pinupungusan, dinidisiplina, at pinagsasabihan ka nila nang kaunti, lahat ng ito ay dahil matapat at responsable sila sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi ka dapat magkaroon ng anumang negatibong saloobin o emosyon tungkol dito. Ano ang ibig sabihin kung kaya mo itong tanggapin kapag pinapangasiwaan, inoobserbahan, at sinusubukan kang unawain ng iba? Na sa puso mo, tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos. Kung hindi mo tinatanggap ang pangangasiwa, pag-oobserba, at pagtatangka ng mga tao na unawain ka—kung ayaw mong tanggapin ang lahat ng ito—magagawa mo bang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos? Ang pagsisiyasat ng Diyos ay mas detalyado, malalim, at tumpak kaysa kapag sinusubukan ng mga tao na unawain ka; ang mga hinihingi ng Diyos ay mas partikular, mahigpit, at malalim. Kung hindi mo matanggap ang mapangasiwaan ng hinirang na mga tao ng Diyos, walang kabuluhang mga salita lamang ba ang pahayag mo na kaya mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos? Para magawa mong tanggapin ang pagsisiyasat at pagsusuri ng Diyos, dapat mo munang tanggapin ang mapangasiwaan ng sambahayan ng Diyos, ng mga lider at manggagawa, o ng mga kapatid. Sinasabi ng ilang tao, “Mayroon akong mga karapatang pantao, may kalayaan ako, may sarili akong paraan ng paggawa. Ang mapasailalim sa pangangasiwa at inspeksyon sa lahat ng ginagawa ko, hindi ba’t nakakasakal ang ganitong paraan ng pamumuhay? Nasaan ang mga karapatang pantao ko? Nasaan ang kalayaan ko?” Tama ba ang pahayag na ito? Ang mga karapatang pantao at kalayaan ba ang katotohanan? Hindi katotohanan ang mga ito. Ang mga karapatang pantao at kalayaan ay mga medyo sibilisado at progresibong paraan lang ng pagtrato sa mga tao sa lipunan, pero sa sambahayan ng Diyos, ang salita ng Diyos at ang katotohanan ang nangingibabaw sa lahat—hindi maikukumpara ang mga ito sa “mga karapatang pantao” at “kalayaan.” Samakatwid, sa sambahayan ng Diyos, anuman ang ginagawa ay hindi nakabatay sa matatayog na teorya o kaalaman ng walang pananampalatayang mundo, kundi sa salita ng Diyos at sa katotohanan. Kaya, kapag sinasabi ng ilang tao na gusto nila ng mga karapatang pantao at kalayaan, ayon ba ito sa mga prinsipyo? (Hindi.) Talagang malinaw na hindi ito nakaayon sa prinsipyo ng paggampan sa tungkulin. Nasa sambahayan ka ng Diyos, ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha, hindi nagtatrabaho sa lipunan para kumita ng pera. Kaya, hindi kailangan ng sinuman na ipagtanggol ka para protektahan ang iyong mga karapatang pantao; hindi kinakailangan ang mga gayong bagay. Nagtataglay ba ng pagkilatis ang karamihan sa mga tao tungkol sa mga karapatang pantao at kalayaan? Nabibilang ang mga ito sa mga kaisipan at perspektiba ng tao at hindi puwedeng ikumpara sa katotohanan; hindi naaangkop ang gayong mga ideya sa sambahayan ng Diyos. Isang magandang bagay na pinangangasiwaan ng isang lider ang gawain mo. Bakit? Dahil nangangahulugan ito na umaako siya ng responsabilidad para sa gawain ng iglesia; ito ang tungkulin niya, ang responsabilidad niya. Ang magawang tuparin ang responsabilidad na ito ay nagpapatunay na siya ay isang mahusay na lider, isang mabuting lider. Kung binigyan ka ng ganap na kalayaan at mga karapatang pantao, at nagagawa mo ang anumang gusto mo, nasusunod ang mga pagnanais mo, at natatamasa ang buong kalayaan at demokrasya, at anuman ang ginawa mo o paano mo man ito ginawa, ang lider ay walang pakialam o hindi nangasiwa, hindi ka kailanman kinuwestiyon, hindi sinuri ang gawain mo, hindi nagsalita nang matuklasan ang mga isyu, at maaaring nanghikayat o nakipagkasundo lang sa iyo, maituturing ba siya na mabuting lider? Malinaw na hindi. Pinipinsala ka ng gayong lider. Kinukunsinti niya ang paggawa mo ng masama, pinapahintulutan kang lumabag sa mga prinsipyo at gawin ang nais mo—tinutulak ka niya patungo sa isang hukay ng apoy. Hindi ito isang lider na responsable at pasok sa pamantayan. Sa kabilang banda, kung nagagawa ng isang lider na regular kang pangasiwaan, tukuyin ang mga isyu sa gawain mo, at maagap kang paalalahanan o sawayin at ilantad ka, at ituwid at tulungan ka sa iyong mga maling paghahangad at paglihis sa maagap na paggampan sa tungkulin mo, at sa ilalim ng kanyang pangangasiwa, pagsaway, pagtustos, at pagtulong, nagbabago ang mali mong saloobin sa tungkulin mo, nagagawa mong iwaksi ang ilang kakatwang pananaw, unti-unting nababawasan ang sarili mong mga ideya at mga bagay na umuusbong mula sa pagkamainitin ng ulo, at nagagawa mong mahinahong tanggapin ang mga pahayag at pananaw na tama at ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ba’t kapaki-pakinabang ito para sa iyo? Napakalaki nga ng mga pakinabang!
Tinatrato ng sambahayan ng Diyos ang mga lider at manggagawa sa pamamagitan ng pangangasiwa, pagmamasid, at pag-unawa. Ano ang batayan sa pagtrato sa mga tao sa ganitong paraan? Bakit sila tinatrato sa ganitong paraan? Hindi ba ito isang pamamaraan at pagharap na nagmumula sa mga prinsipyo ng pagiging tapat, seryoso, at responsable sa tungkulin ng isang tao? (Oo.) Kung hindi kailanman nangangasiwa, nag-oobserba, o malalim na inuunawa ng isang lider ang mga taong responsabilidad niya sa paggawa niya ng kanyang mga tungkulin, maituturing ba siya na isang lider na tapat sa tungkulin niya? Malinaw na hindi. Nasuri ba ng mga lider, manggagawa, at superbisor ninyo ang gawain mo? Nakapagtanong ba sila tungkol sa pag-usad ng gawain mo? Nakapaglutas ba sila ng mga isyu na lumitaw sa gawain mo? Naitama ba nila ang anumang mga malinaw na kamalian o paglihis sa gawain mo? Nakapag-alok ba sila ng tulong, panustos, suporta, o pagpupungos kaugnay sa iba’t ibang pagpapamalas at pagbubunyag ng pagkatao mo at sa paghahangad mo ng buhay pagpasok? Kung, bukod sa hindi kailanman nagbibigay ng paggabay ang isang lider para sa mga gumagampan ng mga ordinaryong tungkulin ay hindi rin siya nagbibigay ng pagbabahaginan, tulong, o suporta para sa mga nakikibahagi sa makabuluhang gawain—bukod pa sa pangangasiwa, pag-oobserba, o malalim na pag-unawa—kung wala ang mga pagpapamalas at kilos na ito, maituturing ba ang lider na ito bilang isang lider na gumagawa ng kongkretong gawain? Pasok ba siya sa pamantayan bilang lider? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Nagdaraos lang ng mga pagtitipon para sa amin ang lider namin nang dalawang beses sa isang linggo, nagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos nang kaunti, at pagkatapos ay nagbabasa ng kaunting pagbabahagi mula sa ang Itaas, at minsan ay nagbabahagi siya tungkol sa personal niyang pagkaunawa batay sa karanasan. Pero hindi siya kailanman nag-alok ng anumang payo, panustos, o tulong kaugnay sa iba’t ibang kalagayan namin, pati na sa mga paghihirap na kinakaharap namin habang ginagampanan ang mga tungkulin namin o sa aming buhay pagpasok.” Ano ang masasabi mo tungkol sa lider na ito? (Hindi siya pasok sa pamantayan, isa siyang huwad na lider.) Kung walang pakialam ang isang lider sa sarili niyang trabaho o sa iba’t ibang kalagayan ng mga taong nasa ilalim niya, ni hindi niya tinutupad ang mga responsabilidad niya, hindi siya pasok sa pamantayan bilang lider. Hindi siya nangangasiwa, nag-oobserba, o sumusubok na unawain ang sinuman. Sa bawat pagkakataon, ganito ang pag-uusap ninyo: “Kumusta na ngayon ang taong ito?” “Inoobserbahan ko siya ngayon.” “Gaano mo na siya katagal na inoobserbahan? Pamilyar ka na ba sa kanya?” “Mga isa o dalawang taon ko na siyang inoobserbahan. Hindi pa ako masyadong pamilyar sa kanya.” “Paano naman ang taong iyon?” “Hindi pa rin ako masyadong nakatitiyak sa kanya, pero kaya niyang magtiis ng paghihirap sa paggampan sa tungkulin niya, may pagpapasya siya, at handang igugol ang sarili niya para sa Diyos.” “Paimbabaw lahat iyan. Kumusta naman ang paghahangad niya sa katotohanan?” “Kailangan ko rin bang alamin iyon? Sige, susuriin ko ito.” Lingid sa kaalaman kung gaano katagal mo pa kakailanganing maghintay sa mga resulta matapos niyang sabihing susuriin niya ito, wala itong katiyakan. Ang gayong huwad na lider ay hindi mapagkakatiwalaan sa gawain niya.
May responsableng saloobin ba sa gawain ninyo ang mga lider ninyo sa iglesia at mga superbisor ninyo? Tunay ba nilang naaarok at nauunawaan ang mga kalagayan ninyo kaugnay sa gawain? Maayos bang natugunan ang aspektong ito ng gawain? (Hindi.) Wala sa kanila ang maayos na nakapagtugon sa aspektong ito; walang sinumang umabot sa punto ng pagiging tapat sa tungkulin niya at pagiging seryoso at responsable para sa gawain. Kung gayon, madali bang makamit ito? Mahirap ba ito? Hindi ito mahirap. Kung talagang may kakayahan ka, tunay mong nauunawaan ang mga propesyonal na kasanayang saklaw ng iyong responsabilidad, at hindi ka isang tagalabas sa iyong propesyon, isang parirala lamang ang kailangan mong sundin, at magagawa mo nang maging tapat sa iyong tungkulin. Aling parirala? “Isapuso mo ito.” Kung isinasapuso mo ang mga bagay-bagay, at isinasapuso mo ang mga tao, magagawa mong maging tapat at responsable sa iyong tungkulin. Madali bang isagawa ang pariralang ito? Paano mo ito isasagawa? Hindi ito nangangahulugan ng paggamit ng iyong mga tainga para makinig, o ng iyong isipan para mag-isip—ibig sabihin nito ay paggamit ng puso mo. Kung tunay na magagamit ng isang tao ang puso niya, kapag may nakita ang mga mata niya na isang tao na ginagawa ang isang bagay, kumikilos sa isang paraan, o may partikular na pagtugon sa isang bagay, o kapag naririnig ng kanyang mga tainga ang mga opinyon o argumento ng ilang tao, sa paggamit ng kanyang puso para pagnilayan at pag-isipan ang mga bagay na ito, papasok sa kanyang isipan ang ilang ideya, pananaw, at saloobin. Ang mga ideya, pananaw, at saloobing ito ay bibigyan siya ng malalim, partikular, at tamang pagkaunawa sa tao o bagay na iyon, at kasabay nito, magpapausbong ito ng mga angkop at tamang paghusga at prinsipyo. Tanging kapag may mga pagpapamalas ang isang tao ng paggamit sa kanyang puso ay nangangahulugan na siya ay tapat sa kanyang tungkulin. Pero kung hindi mo isasapuso ang mga bagay-bagay, kung wala kang malasakit para dito, hindi tutugon ang mga mata mo sa anumang nakikita mo, at hindi tutugon ang mga tainga mo sa anumang naririnig mo. Hindi kailanman inoobserbahan ng mga mata mo ang mga tao, pangyayari, at bagay; hindi nito inoobserbahan ang mga impormasyon na iyong natatanggap. Sa puso mo, hindi mo kikilatisin ang iba’t ibang tinig at argumentong naririnig mo, at hindi mo rin makikilatis ang mga impormasyong naririnig mo. Para ka na ring bulag kahit nakabukas ang iyong mga mata. Kapag bulag ang puso ng isang tao, bulag din ang kanyang mga mata. Kaya, ano ang nagiging dahilan para mabuo ang mga ideya, pananaw, at saloobin mula sa pag-oobserba sa mga bagay-bagay gamit ang mga mata at pagtanggap ng mga impormasyon gamit ang mga tainga? Nakadepende ang lahat ng ito sa pagsasapuso sa mga bagay-bagay at paghahanap sa katotohanan. Kung isinasapuso mo ang mga bagay-bagay, sa tuwing tumatanggap ka ng impormasyon, nakita man o narinig, makakabuo ka ng mga pananaw at makakapagkamit ng mas malalim na pagkaunawa sa isang tao o bagay. Pero kung hindi mo isasapuso ang mga bagay-bagay, walang halaga ang dami ng impormasyong natatanggap; kung hindi mo isasapuso ang pagkilatis dito o pag-unawa nang malinaw rito, wala kang makakamit, ikaw ay magiging walang kuwenta, at walang silbi. Ano ang tinutukoy sa isang taong walang silbi? Tumutukoy ito sa isang tao na hindi isinasapuso ang paggawa sa kanyang tungkulin—may mga mata at tainga siya, pero walang silbi ang mga ito. Ang isang tao na walang puso ay hindi magiging tapat sa kanyang tungkulin at hindi rin makakapagkamit ng isang seryoso at responsableng saloobin sa kanyang gawain.
Nagsasagawa ng pangangasiwa ang sambahayan ng Diyos sa mga lider at manggagawa sa lahat ng antas, malalim silang inoobserbahan at inuunawa, na may layong mapabuti ang gawain ng iglesia at magabayan ang mga hinirang ng Diyos tungo sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos sa lalong madaling panahon. Samakatwid, mahalaga ang pangangasiwa at pag-oobserba sa mga lider at manggagawa, at kailangang isagawa ang mga ito sa ganitong paraan. Sa pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos, kung matutuklasan na hindi gumagawa ng tunay na gawain ang mga lider at manggagawa, at maagap silang papakitunguhan at haharapin, nakabubuti ito sa pag-usad ng gawain ng iglesia. Ang pangangasiwa sa mga lider at manggagawa ay ang responsabilidad ng mga hinirang ng Diyos, at ganap na umaayon sa mga layunin ng Diyos ang paggawa nito. Dahil nagtataglay ng mga tiwaling disposisyon ang mga lider at manggagawa, kung hindi sila papangasiwaan, hindi lang ito makakasama sa kanila kundi direkta rin nitong maaapektuhan ang gawain ng iglesia. Sa anong mga sitwasyon hindi na kinakailangan ng mga lider at manggagawa ang pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos? Ito ay kapag ganap nang nauunawaan ng mga lider at manggagawa ang katotohanan, nakapasok sa katotohanang realidad, at kumikilos nang may mga prinsipyo, nagiging mga taong ginawang perpekto at ginamit ng Diyos. Sa gayong mga kaso, hindi na kinakailangan ang pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos, at hindi na bibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos ang usaping ito. Gayumpaman, nakatitiyak ba na ang isang taong ginawang perpekto ng Diyos ay ganap nang malaya sa mga pagkakamali at paglihis? Hindi naman. Kaya naman, kinakailangan pa rin ang pagsisiyasat ng Diyos, gayundin ang pangangasiwa ng mga nakakaunawa sa katotohanan; ang pagsasagawang ito ay ganap na umaayon sa mga layunin ng Diyos. Dahil may mga tiwaling disposisyon ang lahat ng tao, sa pamamagitan lang ng pangangasiwa ay mahihikayat ang mga lider at manggagawa na akuin ang responsabilidad sa gawain nila at maging tapat sa mga tungkulin nila. Kung walang pangangasiwa, kikilos ang karamihan sa mga lider at manggagawa nang sadyang walang pakundangan, at magpapakita ng pabasta-bastang pag-uugali—isa itong obhetibong katunayan. Kung isa kang lider o manggagawa, at madalas kang pinapangasiwaan at inoobserbahan ng mga kapatid sa paligid mo, sinusubukang unawain kung ikaw ba ay isang taong naghahangad sa katotohanan o hindi, mabuting bagay ito para sa iyo. Kung may matutuklasan silang problema sa iyo at magagawa mong lutasin ito sa lalong madaling panahon, makakabuti ito sa paghahangad mo sa katotohanan at sa buhay pagpasok mo. Kung matutuklasan ka nilang gumagawa ng kasamaan, at na palihim kang nagpapakita ng maraming masamang pag-uugali, at tiyak na hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan, ilalantad ka nila at tatanggalin ka mula sa posisyon mo, na mag-aalis ng isang salot para sa mga hinirang ng Diyos, at magbibigay-daan din sa iyo na makaiwas sa mas matinding kaparusahan: Kapaki-pakinabang ang gayong pangangasiwa para sa sinuman. At kaya naman, dapat magkaroon ng tamang tugon ang mga lider at manggagawa sa pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos. Kung isa kang taong natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, mararamdaman mo na kailangan mo ang pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos, at na mas higit pa roon, kailangan mo ang tulong nila. Kung isa kang masamang tao, at inuusig ka ng iyong konsensiya, matatakot kang mapangasiwaan at magtatangka kang iwasan ito; hindi ito maiiwasan. Samakatwid, walang duda na ang lahat ng lumalaban at tumututol sa pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos ay may itinatago, at tiyak na hindi sila matatapat na tao; walang mas higit pang natatakot sa pangangasiwa kaysa sa mga mapanlinlang na tao. Kaya, anong saloobin ang dapat panghawakan ng mga lider at manggagawa tungkol sa pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos? Dapat bang ito ay pagiging negatibo, mapagbantay, mapanlaban, at puno ng hinanakit, o dapat bang ito ay pagsunod sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at mapagpakumbabang pagtanggap? (Mapagpakumbabang pagtanggap.) Ano ang tinutukoy ng mapagpakumbabang pagtanggap? Nangangahulugan ito ng pagtanggap sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos, paghahanap sa katotohanan, paggamit ng tamang saloobin, at hindi pagiging mainitin ang ulo. Kung talagang may matutuklasang problema sa iyo ang isang tao at ipapaalam ito sa iyo, tinutulungan kang makilatis at maunawaan ito, tinutulungan kang malutas ang isyung ito, sila ay nagiging responsable para sa iyo, at nagiging responsable para sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos; ito ang nararapat na bagay na dapat gawin, at ganap itong likas at may katwiran. Kung may mga tao na ang tingin sa pangangasiwa ng iglesia ay isang bagay na nagmumula kay Satanas, at mula sa mga mapaminsalang intensiyon, mga diyablo at Satanas sila. Sa gayong maladiyablong kalikasan, tiyak na hindi nila tatanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Kung tunay na mahal ng isang tao ang katotohanan, magkakaroon siya ng tamang pag-unawa sa pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos, magagawa niya itong ituring bilang isang bagay na ginagawa dahil sa pagmamahal, bilang isang bagay na nagmumula sa Diyos, at matatanggap niya ito mula sa Diyos. Tiyak na hindi siya magiging mainitin ang ulo o kikilos nang pabigla-bigla, at lalong hindi lilitaw sa puso niya ang paglaban, pagiging mapagbantay, o paghihinala. Ang pinakatuwid na saloobin na gamitin para harapin ang pangangasiwa ng mga hinirang ng Diyos ay ito: Ang anumang mga salita, kilos, pangangasiwa, pag-oobserba, o pagtutuwid—maging pagpupungos—na makakatulong sa iyo, ay dapat mong tanggapin mula sa Diyos; huwag maging mainitin ang ulo. Nagmumula ang pagiging mainitin ang ulo kay Satanas, na ang masama, hindi ito mula sa Diyos, at hindi ito ang saloobin na dapat taglayin ng mga tao tungkol sa katotohanan.
Hanggang dito na lang ang idadagdag at pagbabahaginan natin tungkol sa ikapitong responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kaya, ibig bang sabihin nito ay ganap nang naibahagi ang tungkol sa responsabilidad nang wala nang anumang partikular na nilalaman na idaragdag? Hindi, ang bawat responsabilidad ay mayroon pa ring mas espesipiko at detalyadong nilalaman. Ang ibinahagi Ko ay tungkol sa mga pangkalahatang prinsipyo; ang iba pa, kung paano ipapatupad ang mga espesipikong detalye, at isasagawa at gagamitin ang mga prinsipyong ito, ay nakasalalay sa kusa ninyong pagdanas. Kung hindi pa rin ninyo malinaw na nakikilatis ang mga prinsipyong ito o alam kung paano gamitin ang mga ito, maghanap at magbahaginan kayo nang sama-sama. Kung wala pa ring mga resulta mula sa sama-samang pagbabahaginan, magtanong kayo sa mga nakakataas sa inyo. Sa madaling salita, kung may kinalaman man ito sa pakikitungo sa anumang uri ng tao o sa pagpapasya kung sino ang iaangat o gagamitin, kailangang sumunod ang lahat ng ito sa mga prinsipyo. Para sa ilang indibidwal na may talento, sa mga sitwasyon kung saan walang sinuman ang lubos na nakakakilatis o nakakaunawa sa kanila, maaari silang paunang iangat at gamitin ayon sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia—huwag ipagpaliban ang gawain, at huwag ipagpaliban ang paglilinang sa mga tao; ito ang susi. Nagtatanong ang ilang tao, “Paano kung pumalpak sila sa gawain matapos silang gamitin? Sino ang mananagot?” Kapag ginagamit mo ang isang tao, para ba itong inilalagay mo siya sa isang liblib na isla na walang paraan para makipag-ugnayan ang sinuman sa kanya? Hindi ba’t marami rin talagang iba sa paligid niya ang sangkot sa mga partikular na gampanin? May mga paraan para malutas ang mga usaping ito; gaya ng pangangasiwa, pag-oobserba, at pag-unawa sa kanila, at, kung pahihintulutan ng mga kondisyon, sa pamamagitan ng malapit na pakikipag-ugnayan. Ano ba mismo ang kalakip ng malapit na pakikipag-ugnayan? Kalakip nito ang pakikipagtulungan sa kanila; ang proseso ng paggawa ay ang proseso ng pag-unawa sa kanila. Hindi ba’t unti-unti mo silang mauunawaan sa pamamagitan ng ganitong uri ng pakikipag-ugnayan? Kung may pagkakataon kang makipag-ugnayan pero hindi mo ginagawa, at tumatawag ka lang sa telepono para magtanong ng ilang bagay at hanggang doon na lang iyon, imposible na maunawaan mo sila. Dapat kang makipag-ugnayan sa mga taong kaya mong maka-ugnayan para malutas ang mga problema. Samakatwid, hindi dapat maging tamad sa gawain nila ang mga lider at manggagawa. Kaya, kung nais mong obserbahan at maunawaan ang isang tao, paano mo ito dapat gawin? (Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanya.) Hindi ba? Ang susi ay ang isapuso ito! Ang impormasyong kaya ninyong panghawakan sa mga isipan ninyo ay maihahalintulad sa isang unggoy na pumipitas ng mais—pumipitas habang nagpapatuloy, binibitawan ang anumang napipitas, at sa huli, isang uhay na lang ng mais ang natitira, ginagawang walang saysay ang lahat ng pagsisikap. Matapos makinig sa isang sermon, hindi ninyo matandaan ang unang nilalaman na ibinahagi; ano ang dahilan nito? (Hindi namin ito isinasapuso.) Kadalasan ay hindi kayo nakatuon sa pagsasagawa sa katotohanan, kaya hindi nakatuon ang mga puso ninyo sa mga usaping ito. Tungkol sa kung paano maunawaan ang katotohanan at makapasok sa realidad, kung paano makilala ang sarili ninyo, at kung paano matukoy ang diwa ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay gamit ang katotohanan, wala kayong anumang pagpasok; kaya, walang pundasyon ang mga usaping ito sa puso ninyo. Tungkol naman sa mga bagay na may kinalaman sa pagpasok sa katotohanang realidad, palagi kayong nalilito. Ngayon, dumadalo pa rin kayo sa mga pagtitipon bawat linggo para makinig sa mga sermon. Kung hindi kayo makikinig sa mga sermon, hindi ba’t kumukupas ang kaunting pananalig sa Diyos sa mga puso ninyo, unti-unting naglalaho? Isa itong mapanganib na senyales! Kaya ba ninyo itong isapuso o hindi? Sinabi Ko na sa inyo ang lahat ng detalye; kung mayroon ka talagang puso, magagawa mo ito. Kung wala kang puso, kahit paano Ako magsalita, hindi mo ito mauunawaan. Iyan lang ang lahat para sa pagbabahaginan natin tungkol sa paksang ito.