Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (6) Unang Seksiyon

Ngayon, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa at sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider. Sa nakaraang pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa ikaanim na aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ano ang pangunahing nilalaman ng aytem na ito? (Ang ikaanim na aytem ay “Iangat at linangin ang lahat ng uri ng kalipikadong talento upang ang lahat ng naghahangad ng katotohanan ay magkaroon ng pagkakataon na magsanay at pumasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon.”) Noong nakaraan, pangunahin nating pinagbahaginan ang tungkol sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pag-aangat at paglilinang sa mga tao, at kung bakit iniaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Hinimay rin natin ang mga problemang umiiral sa mga huwad na lider pagdating sa pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng taong may talento. Kaya, ano ang mga pangunahing pagpapamalas ng mga huwad na lider sa loob ng dalawang aytem na ito? Bakit natin sinasabing mga huwad na lider sila? May dalawang pangunahing aspekto. Ang isang aspekto ay na hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang mga prinsipyo para sa pag-aangat, paglilinang, at paggamit sa iba’t ibang uri ng tao, ni hinahanap ang mga prinsipyong ito. Hindi nila alam kung anong mga aspekto ng kakayahan ang mahalagang taglayin ng mga tao o kung anong mga pamantayan ang mahalagang matugunan para maging lider o manggagawa. Dahil dito, walang ingat nilang ginagamit ang mga tao batay sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Ang isa pang seryosong isyu ay na pagkatapos iangat, linangin, at gamitin ang mga taong ito, hindi nila sinusubaybayan o sinusuri ang gawain ng mga ito, ni hindi nila inaalam kung gaano kahusay ang ginagawa ng mga ito, o kung gumagawa ng tunay na gawain ang mga ito, o kung natutupad ba ng mga taong ito ang kanilang mga responsabilidad, o kung ano ang kanilang karakter, o kung angkop ba sa mga taong ito ang mga tungkuling ginagawa nila, at hindi pinapansin ng mga huwad na lider kung ang mga tao ba na iniaangat, nililinang, at ginagamit nila ay pasok sa pamantayan at naaayon sa mga prinsipyo—hindi nila kailanman sinusuri ang mga bagay na ito. Iniisip ng mga huwad na lider na ito ay isang kaso lang ng pag-aangat sa mga tao, pagsasaayos ng gawain para sa mga ito, at wala nang iba pa, at na pagkatapos ay natupad na ang kanilang mga responsabilidad. Ganito ginagawa ng mga huwad na lider ang kanilang gawain, at ganito rin ang kanilang saloobin at pananaw habang gumagawa. Kaya mapatutunayan ba ng dalawang pangunahing pagpapamalas na ito ng mga huwad na lider na hindi nila ginagawa at hindi nila kayang tuparin ang kanilang mga responsabilidad pagdating sa pag-aangat, paglilinang, at paggamit sa mga tao? (Oo.) Hindi sinusuri ng mga huwad na lider ang gawain o inoobserbahan ang iba’t ibang uri ng tao, at lalong hindi sila nagiging metikuloso pagdating sa katotohanan at sa mga prinsipyo, kung ikukumpara ang mga pagpapamalas at kalagayan ng iba’t ibang uri ng tao batay sa mga katotohanang nauunawaan nila at sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos; hindi rin nila makilatis kung ang pagkatao at mga kalakasan ng iba’t ibang uri ng tao ay nakaaayon sa mga hinihinging prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa paggamit sa mga tao. Sa mga kadahilanang ito, talagang naguguluhan at hindi sila maingat pagdating sa pag-aangat at paggamit sa mga tao, at pagsasaayos ng gawain para sa mga ito, at ang ginagawa lang nila ay ang magraos lang at gumawa ng paimbabaw na gawain batay sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa ganitong kaso, kung hihilingin sa mga huwad na lider na gumamit ng iba’t ibang uri ng tao nang makatwiran at angkop batay sa pagkatao at mga kalakasan ng mga ito, magagawa ba ito ng mga huwad na lider? (Hindi, hindi nila ito magagawa.) Isantabi muna natin sa ngayon kung ano ang kakayahan ng mga huwad na lider. Sa pagtingin lang sa saloobin nila sa gawain at sa kanilang mga paraan at diskarte sa paggawa ng gawain, at ang katunayan na hindi man lang sila gumagawa ng anumang tunay na gawain, kundi nangangasiwa lang ng mga pangkalahatang usapin at gumagawa ng kaunting paimbabaw na gawain na naglalagay sa kanila sa sentro ng atensiyon, at ang katunayan na hindi man lang nila ginagawa ang gawain ng pagtutustos sa mga tao ng katotohanan, at hindi alam kung paano gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema—lahat ng ito ay sapat nang patunay na hindi kayang gawin ng mga huwad na lider ang tunay na gawain ng iglesia. Batay lang sa katunayan na hindi gumagawa ng tunay na gawain ang mga huwad na lider, o hindi lubos na nakikipag-ugnayan sa mga kapatid para lutasin ang tunay na mga problema, at sa halip ay kumikilos na parang nakatataas at nagbibigay ng mga utos, maaaring makumpirma na wala silang kakayahang gampanan nang maayos ang lahat ng aspekto ng gawain ng iglesia para maiangat at malinang ang mga tao para sa sambahayan ng Diyos.

Ikapitong Aytem: Magtalaga at Gumamit ng Iba’t Ibang Uri ng Tao Nang Makatwiran, Batay sa Kanilang Pagkatao at mga Kalakasan, Upang ang Bawat Isa ay Magamit sa Pinakamainam na Paraan (Unang Bahagi)

Makatwirang Paggamit sa Iba’t Ibang Uri ng Tao Batay sa Kanilang Pagkatao

Ano ang pagkaunawa ninyo tungkol sa kung paano isaayos at gamitin ang iba’t ibang uri ng tao? (May iba’t ibang hinihinging pamantayan ang sambahayan ng Diyos para sa iba’t ibang uri ng tao na iniaangat at nililinang, at dapat iangat at gamitin ang mga tao ayon sa mga prinsipyo at pamantayan ng sambahayan ng Diyos sa pag-aangat sa mga tao. Kung angkop ang ilang tao na maging mga lider o manggagawa, dapat silang linangin bilang mga lider, manggagawa, at superbisor; kung nagtataglay ang ilang tao ng mga propesyonal na kalakasan sa isang tiyak na larangan, ang tungkuling ginagawa nila ay dapat isaayos ayon sa kanilang mga propesyonal na kalakasan, upang maitalaga at magamit sila nang makatwiran.) May sinuman ba na may anumang idadagdag? (Ang isa pang bagay ay ang pagsukat sa mga tao batay sa kanilang pagkatao. Kung medyo mabuti ang pagkatao ng isang tao, at mahal niya ang katotohanan, at mayroon siyang abilidad na umarok, kandidato siya para sa pag-aangat at paglilinang. Kung ang pagkatao niya ay katamtaman, pero mayroon siyang mga kalakasan at kaya niyang gumawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos at magserbisyo, maaari ding italaga ang ganitong uri ng tao sa isang angkop na tungkulin batay sa kanyang mga kalakasan, para magamit siya sa pinakamainam na paraan. Kung isa siyang tao na mayroong medyo masamang pagkatao at maaaring magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, ang pagpapagawa sa kanya ng isang tungkulin ay magdudulot ng higit na problema kaysa sa pakinabang, kaya hindi nararapat na isaayos siya na gumampan ng isang tungkulin.) Kung ang mga tao ay pinag-iiba-iba batay sa kanilang pagkatao, basta’t hindi sila masasamang tao, hindi nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, at nagagawa nilang gumampan ng tungkulin, sila ay nakaaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit sa mga tao. Ang isa pang uri ng tao na hindi maaaring gamitin, bukod pa sa masasamang tao at masasamang espiritu, ay iyong mga kulang sa katalinuhan, ibig sabihin, iyong mga walang naisasakatuparan, na walang natatapos na anumang bagay, walang kakayahang matuto ng isang propesyon, hindi kayang mangasiwa ng mga simpleng pangkalahatang usapin, na hindi man lang kayang gumawa ng pisikal na trabaho—hindi maaaring gamitin ang mga taong kulang sa katalinuhan at pagkatao. Sino-sino ang mga taong kabilang sa kategoryang ito ng kakulangan sa katalinuhan? Iyong mga hindi nakakaunawa ng wika ng tao, na walang dalisay na pagkaarok, na palaging mali ang pagkaunawa sa mga bagay-bagay, nagkakamali, at nagbibigay ng mga walang kaugnayan na sagot sa mga tanong, at katulad ng mga taong mapurol ang isip o may kapansanan sa pag-iisip—lahat ng ito ay mga taong kulang sa katalinuhan. At mayroon ding mga lubhang kakatwang tao na iba ang pagkakaarok sa lahat ng uri ng mga bagay kumpara sa mga normal na tao—sila rin ay may problema sa katalinuhan. Kasama ba sa kakulangan sa katalinuhan ang kawalan ng kakayahang matuto ng anumang bagay? (Oo, kasama ito.) Kung gayon, ang kawalan ba ng kakayahang matutong magsulat ng mga artikulo ay maibibilang na kakulangan sa katalinuhan? (Hindi, hindi kabilang ito.) Hindi kabilang ang ganitong uri ng mga tao. Halimbawa, ang pagkatutong kumanta at sumayaw, pagkatuto ng mga kasanayan sa computer, o pagkatuto ng banyagang wika; ang kawalan ng abilidad na matuto ng mga bagay na ito ay hindi maibibilang na kakulangan sa katalinuhan. Kung gayon, ang kawalan ng kakayahang matuto ng aling mga bagay-bagay ang nagpapahiwatig ng kakulangan sa katalinuhan? Halimbawa, may kaunting kaalaman ang ilang tao, pero wala silang kakayahang matutong organisahin ang kanilang wika kapag nakikipag-usap sa iba. Kaya ba ng ganitong uri ng tao na magbahagi tungkol sa katotohanan, magdasal, at normal na makipag-usap sa iba kapag nananampalataya sila sa Diyos? (Hindi, hindi nila kaya.) Kapag mayroon silang ideya sa isipan nila o kapag nasa isang kalagayan sila, at gusto nilang magtapat at makipag-usap sa mga tao tungkol dito at maghanap ng landas tungo sa solusyon, nagninilay-nilay sila sa loob ng ilang araw nang tuloy-tuloy, at hindi nila alam kung saan magsisimula o kung paano ipapahayag ang kanilang sarili. Sa sandaling magsalita sila, nalilito sila at nagsasalita sa magulong paraan, tila tumututol ang bibig nila na gawin ang iniutos sa kanila at hindi sila makapag-isip nang maayos. Halimbawa, sasabihin mo sa kanila, “Maganda ang panahon ngayon at sumisikat ang araw,” at sasagot sila, “Umulan kahapon at nagkaroon ng aksidente ng sasakyan sa kalsadang iyon.” Hindi magkatugma ang sinasabi nila at ng kanilang mga kausap. Ang ganitong uri ba ng tao ay may kakulangan sa katalinuhan? (Oo, may kakulangan nga.) Halimbawa, kung masakit ang ulo nila at tatanungin mo sila kung ano ang problema, sasabihin nila na medyo hindi komportable ang pakiramdam ng puso nila. Walang kaugnayan ang sagot na ito sa katanungan, hindi ba? (Oo.) Ito ay pagiging labis na kulang sa katalinuhan. Napakaraming ganitong tao. Maaari ba kayong magbigay ng halimbawa? (May ilang tao na palaging lumilihis sa paksa kapag sumasagot sa mga katanungan, sadyang hindi sila makaunawa kung ano ang itinatanong ng ibang tao sa kanila.) Ang madalas na paglihis sa paksa habang nakikipag-usap—ito ay kakulangan sa katalinuhan. At mayroon ding mga tao na hindi nakikilala ang kaibahan ng mga tagaloob at tagalabas kapag nakikipag-usap sila, at minsan ay ipinagkakanulo nila ang kanilang sarili kapag nagsasalita, nang hindi man lang ito namamalayan—ito rin ay kakulangan sa katalinuhan. Halimbawa, may ilang kapatid na nakatira kasama ang mga di-nananampalatayang miyembro ng pamilya, na nagtatanong sa kanila, “Ano ang ipinagagawa sa inyo ng inyong diyos?” Sasagot sila: “Ang Diyos na sinasampalatayanan namin ay napakabuti. Tinuturuan Niya kami na maging matatapat na tao, at na hindi kami pinapayagang magsinungaling sa kahit kanino, at kailangan naming magsalita nang matapat sa lahat ng tao.” Sa panlabas, tila nagpapatotoo sila sa gawaing ginagawa ng Diyos, niluluwalhati ang Diyos, at binibigyan ang kanilang mga tagapakinig ng magandang impresyon tungkol sa mga mananampalataya at na pagkatiwalaan sila, pero ganito ba talaga ang kaso? Ano ang sasabihin ng mga walang pananampalataya kapag narinig nila ito? Sasabihin nila, “Dahil hiningi sa inyo ng inyong diyos na maging matatapat na tao, kung gayon, sabihin ninyo sa amin ang totoo: Gaano karaming pera mayroon ang iglesia ninyo? Sino ang pinakamaraming ibinibigay na mga handog? Sino ang lider ng iglesia ninyo? Ilang lugar ng pagtitipon ang mayroon kayo?” Mabibigla ka, hindi ba? Hindi ba’t mahina ang isip ng mga taong ganito? Bakit ka nakikipag-usap sa mga diyablo at walang pananampalataya tungkol sa pagiging matapat na tao? Sa katunayan, hindi ka naman ganoon kamatapat sa harap ng Diyos. Kaya, hindi ba’t ipinagkakanulo mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagiging masyadong seryoso tungkol dito sa mga walang pananampalataya? Hindi ba’t parang nilalagay mo ang sarili mo sa kapahamakan at naglalagay ka ng bitag para sa iyong sarili? Hindi ba’t ikaw ay taong mapurol ang isip? Kapag binubuksan mo ang iyong puso o matapat kang nakikipag-usap sa isang tao, kailangan mong isaalang-alang kung sino ang kausap mo—kung diyablo o Satanas, puwede mo bang sabihin sa kanila kung ano talaga ang nangyayari? Kaya, pagdating sa mga taong tulad nito, kinakailangang “mangagpakatalino nga kayong gaya ng mga ahas, at mangagpakatimtimang gaya ng mga kalapati”—ito ang turo ng Diyos sa sangkatauhan. Hindi alam ng mga taong mapurol ang isip na gawin ito. Marunong lang silang sumunod sa mga regulasyon, at magsabi ng mga bagay tulad ng, “Napakamatapat naming mga mananampalataya, hindi kami nandaraya sa sinuman. Tingnan ninyo kayong mga walang pananampalataya, puno kayo ng mga kasinungalingan, samantalang lahat kami ay nagsasalita nang matapat.” At pagkatapos nilang magsalita nang matapat, nagkakaroon ang mga tao ng magagamit laban sa kanila. Hindi ba’t ito ang pagkabigo nilang makilala ang kaibahan ng mga tagaloob at tagalabas? Hindi ba’t ito ay parang kahinaan sa pag-iisip? Nakakaunawa sila ng ilang doktrina pero hindi nila alam kung paano isagawa ang mga ito. Bumibigkas sila ng ilang islogan, at pagkatapos, pakiramdam nila ay talagang espirituwal sila, at inaakala na nakakaunawa sila sa katotohanan at nagtataglay ng katotohanang realidad, at nagpapakitang-gilas sila kahit saan, pero sa huli, sinasamantala ito ng mga Satanas at diyablo, at ginagamit ito laban sa kanila. Ito ay kakulangan sa katalinuhan.

Katatalakay lang natin tungkol sa ilang uri ng tao na kulang sa katalinuhan. Ang isang uri ay ang mga hindi nakakaunawa ng wika ng tao, at ang bigong makaunawa at makaarok sa pinakabuod at mahahalagang punto ng mga salita ng ibang tao; ang isa pang uri ay ang mga taong mapurol ang isip, na walang naisasakatuparang anumang bagay, at hindi nakakaarok sa mga prinsipyo o mahahalagang punto kahit na paano nila gawin ito; ang isa pang karagdagang uri ay iyong mga may sobrang panatiko at kakatwang pananaw sa lahat ng bagay. Pero ang isa pang uri ay iyong mga walang kakayahang matuto ng anumang bagay, ni walang kakayahang matuto kung paano magsalita o makipag-usap, o kung paano ipahayag ang kanilang mga iniisip at opinyon nang malinaw para maunawaan sila ng iba; bagama’t medyo may pinag-aralan sila, hindi nila ma-organisa ang wika nila sa kanilang isipan, o makapagsalita nang malinaw, ni makapagpahayag ng mga tamang pananaw, o makapagsakatuparan ng anumang bagay. Ang mga ito ay pawang mga taong kulang sa katalinuhan. Anumang likhang-sining o kasanayan ang aralin nila, patuloy nilang hindi naaarok ang mga prinsipyo at panuntunan. Kahit na nagagawa nila nang maayos ang isang likhang-sining o kasanayan paminsan-minsan, nagkataon lang ito; hindi nila alam kung paano nila ito nagawa nang maayos. Sa susunod na mabigo sila na magawa ito nang maayos, hindi rin nila alam kung bakit ganito ang kaso. Wala silang kakayahang matuto ng anumang bagay o maging bihasa rito. Kung hihilingin sa kanila na pag-aralan ang isang likhang-sining o teknikal na kasanayan, kahit gaano katagal nilang pag-aralan ito, teorya lang ang maaarok nila. Nakinig na sila sa mga sermon sa loob ng maraming taon, pero hindi pa nila naunawaan ang katotohanan. Kung hihilingin sa kanila na gawing prinsipyo at landas ng pagsasagawa ang mga salitang ito at mga espesipikong pahayag na madalas ibinabahagi ng sambahayan ng Diyos, hindi nila ito makakayang gawin kahit pa magpakahirap sila nang husto, at kahit paano pa sila turuan. Kinukumpirma nito na kulang sa katalinuhan ang mga taong ito. May ilang tao na, sa edad na 50 o 60, ay nakakakuha ng eksaktong kaparehong mga resulta sa paggawa ng isang bagay kagaya noong sila ay 30 pa lang, nang walang kahit anumang pag-usad. Wala ni isang bagay silang matagumpay na natutunan sa buong buhay nila. Hindi naman nila inaksaya ang oras nila, sobra silang maasikaso at nagsisikap, pero hindi sila nagtagumpay na matuto ng anumang bagay; ipinapakita nito na kulang sila sa katalinuhan. Batay sa pinagbahaginan natin, naging mas malawak na ang saklaw ng itinuturing na kakulangan sa katalinuhan, hindi ba? Kayo ba mismo ay maibibilang na kulang sa katalinuhan? (Oo.) Medyo, sa mas mataas o mas mababang antas. Bakit Ko sinasabi iyon? Karamihan sa mga tao ay nakinig na ng mga sermon sa loob ng limang taon, pero hindi pa rin nila nauunawaan kung ano ang katotohanan, o kung ano ang mga layunin ng Diyos; at may ilang tao na nakinig na ng mga sermon sa loob ng 10 taon, o 20 o 30 taon pa nga, at hindi pa rin nila nauunawaan kung ano ang katotohanang realidad at kung ano ang mga salita at doktrina, puno ng mga doktrina ang mga bibig nila, at napakahusay nilang inililitanya ang mga ito—isa itong problema sa kanilang katalinuhan. Isantabi muna natin sa ngayon ang tungkol sa pag-arok sa katotohanan, sabihin na lang natin na nagpapakita ang mga tao ng mga sumusunod na pagpapamalas sa ilang panlabas na bagay at mga usaping ayon sa sentido komun: Kahit ilang taon na nilang ginagawa ang isang bagay, nananatiling pareho ang kanilang sitwasyon, kalagayan, at pang-unawa gaya noong unang beses silang magsimulang matuto nito, at paano man sila gabayan, turuan, o paano man sila magsagawa, wala pa rin silang anumang pag-usad. Ito ay kakulangan sa katalinuhan.

Ang pagpili at paggamit sa mga tao batay sa kung mayroon silang pagkatao o wala ay naaayon sa mga prinsipyo; kaya sabihin mo sa Akin, dapat ba nating linangin at gamitin ang mga taong may mahinang pagkatao, kulang sa katalinuhan, o may gawain ng masasamang espiritu? Tiyak na hindi iyon maaari. Bukod pa sa ilang uring ito ng mga tao na hindi umaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit sa mga tao, karamihan sa iba pang mga tao ay magagamit nang makatwiran batay sa kanilang pagkatao. Para sa mga taong may katamtamang pagkatao, na hindi matatawag na masama o mabuti, maaari lang silang maging mga karaniwang miyembro ng pangkat. Para sa mga taong medyo may mabuting pagkatao, na medyo makatwiran at nagtataglay ng konsensiya, na nagmamahal sa mga positibong bagay, na partikular na marangal, may pagpapahalaga sa katarungan, at kayang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang pagbibigay-diin ay maaaring ituon sa paglilinang at paggamit sa mga taong ito. Tungkol naman sa kung lilinangin at gagamitin sila bilang mga lider o lider ng pangkat, o para gumawa ng ilang mahalagang gawain, nakadepende ito sa kanilang kakayahan at mga kalakasan. Ito ay pagtitimbang kung paano gamitin ang iba’t ibang uri ng tao batay sa kanilang pagkatao.

Makatwirang Paggamit sa Iba’t Ibang Uri ng Tao Batay sa Kanilang mga Kalakasan

Higit pa nating pag-usapan kung paano gamitin ang iba’t ibang uri ng tao batay sa kanilang mga kalakasan. Bukod sa kakayahan, may ilang tao na mayroon ding ilang propesyonal na kasanayan kung saan mahusay sila. Ano ang ibig sabihin ng salitang “mga kalakasan”? (Ang pagkakaroon ng kasanayan sa isang pinagkadalubhasaang larangan, tulad ng kakayahang kumatha ng musika, tumugtog ng instrumentong pangmusika, o magpinta ng mga larawan.) Ang pag-unawa sa teorya ng musika, sining, at gayundin sa sayaw at pagsulat—lahat ito ay mga kalakasan. Ang pag-arte at pagdidirek ay mga kalakasan na may kinalaman sa paggawa ng pelikula, ang pagsasalin ay isang kalakasan sa wika, at ang paggawa ng video at special effects ay mga kalakasan din sa loob ng mga partikular na larangan. Kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa mga kalakasan, tinutukoy natin ang mga propesyonal na kasanayang nauugnay sa pinakamahalagang gawain ng iglesia. Ang ilang tao ay may pangunahing antas na ng kahusayan, at ang ilang tao ay nag-aaral ng mga bagay na ito pagkatapos nilang dumating sa sambahayan ng Diyos. Kung ang isang tao ay may pangunahing kahusayan pero hindi pasok sa pamantayan ang kanyang pagkatao, at isa siya sa mga taong kulang sa katalinuhan, isang masamang tao, o masamang espiritu, hindi siya puwedeng gamitin. Kung pasok sa pamantayan ang pagkatao ng isang tao at nagtataglay siya ng isang kalakasang kinakailangan ng sambahayan ng Diyos, maaari siyang iangat, linangin, gamitin, at italaga sa isang pangkat na angkop sa kanyang mga kalakasan, o na may kaugnayan sa kanyang taglay na mga propesyonal na kasanayan, at itakdang magtrabaho kaagad. May ilang tao na hindi pa nagtataglay ng propesyonal na kalakasan, pero handang matuto, at mabilis na nakakaintindi. Kung pasok sa pamantayan ang kanilang pagkatao, puwede silang linangin ng sambahayan ng Diyos at magsaayos ng mga kondisyon para matuto sila, at maaari ding gamitin ang gayong mga tao. Sa kabuuan, ang pagtatalaga ng mga tungkulin ay nakabatay sa kakayahan at mga kalakasan ng mga tao, at hangga’t maaari, ang mga taong may iba’t ibang kalakasan ay dapat isaayos na gumawa sa loob ng kanilang larangan ng kadalubhasaan, para magamit nila ang mga kalakasang ito. Kung hindi na kailangan ng sambahayan ng Diyos ang mga kalakasan nila, maaari silang isaayos na gumawa ng anumang bagay na kaya nilang gawin, batay sa kanilang kakayahan at pagkatao; ito ay tinatawag na makatwirang paggamit sa mga tao. Kung kailangan pa rin ng sambahayan ng Diyos ang mga kalakasan nila, dapat silang pahintulutang magpatuloy sa paggawa ng kanilang tungkulin sa larangang ito, at hindi sila puwedeng basta-bastang ilipat, maliban na lang kung napakaraming tao ang nagtatrabaho sa propesyong ito, na kung saan sa gayong kaso ay dapat bawasan ang bilang ng mga tao ayon sa sitwasyon, sa pamamagitan ng muling pagtatalaga ng mga hindi mahusay sa kanilang propesyon sa ibang mga tungkulin; ito ay makatwirang paggamit sa mga tao.

May isang partikular na uri ng tao na walang anumang espesyal na kasanayan—kaya niyang magsulat ng mga artikulo nang kaunti, kaya niyang kumanta sa tono, at matutong gumawa ng anumang bagay, ngunit hindi siya ang pinakamahusay sa mga bagay na ito. Saan siya pinakamahusay? Mayroon siyang kaunting kakayahan, medyo nagtataglay ng pagpapahalaga sa katarungan, at mayroon siyang kaunting kakayahan kung paano husgahan at gamitin ang mga tao. Bukod pa roon, nagtataglay siya higit sa lahat ng mga kasanayan sa pag-oorganisa. Kung bibigyan mo ang taong ito ng isang gampanin o trabaho, kaya niyang mag-organisa ng mga taong gagawa nito. Kasabay niyon, nagtataglay siya ng kapabilidad sa gawain; ibig sabihin, kung bibigyan mo siya ng trabaho, may abilidad siyang gawin ito nang maayos at tapusin ito. Mayroon siyang plano sa isipan, nang may mga hakbang at istruktura. Marunong siyang gumamit ng mga tao, kung paano maglaan ng oras, at kung sino ang gagamitin para sa gampaning ito. Kung may lumitaw na problema, alam niya kung paano talakayin sa lahat ang solusyon. Alam niya kung paano ibalanse at lutasin ang lahat ng bagay na ito. Hindi lamang nagtataglay ng kapabilidad sa gawain ang taong katulad nito, medyo mahusay rin siyang magsalita. Ang kanyang mga salita ay malinaw at maayos, at hindi niya nililito ang mga tao. Kapag nagtalaga siya ng gawain, nauunawaan ng lahat nang malinaw at alam nila kung ano ang dapat na ginagawa ng bawat tao; walang sinumang nakatunganga lang at walang mga kapabayaan sa gawain. Medyo malinaw at maayos din ang paliwanag niya sa mga detalye ng gawain, at lalo na para sa mga komplikadong isyu, nag-aalok siya ng pag-aanalisa, pagbabahagi, at inililista ang mga detalye para maunawaan ng lahat ang mga isyu, malaman kung paano gawin ang gawain, at malaman kung paano magpatuloy. Bukod pa roon, kaya rin niyang magbahagi tungkol sa kung anong mga paraan ng pagkilos ang maaaring may depekto, kung anong mga pamamaraan ng paggawa ang makakaapekto sa kahusayan, kung ano ang dapat pagtuunan ng pansin ng mga tao habang ginagawa nila ang kanilang gawain, at iba pa. Ibig sabihin, mas nag-iisip ang taong ito kaysa sa iba bago siya magsimulang gumawa—nag-iisip siya nang mas detalyado, mas makatotohanan, at mas komprehensibo kaysa sa iba. Sa isang banda, may utak siya, at sa isa pang banda, mahusay siyang magsalita. Ang pagkakaroon ng utak ay nangangahulugan na ginagawa niya ang mga bagay-bagay sa organisadong paraan, nang may mga hakbang at naaayon sa isang plano, at nang may malaking kalinawan. Ang kahusayan sa pagsasalita ay nangangahulugan na maaari siyang gumamit ng wika para ipahayag, nang malinaw at nauunawaan, ang mga ideya, plano, at kalkulasyon sa isipan niya, at na marunong siyang magsalita nang simple at maikli, para hindi malito ang mga nakikinig sa kanya. Ipinapahayag niya ang kanyang sarili sa wikang partikular na malinaw, tumpak, makatotohanan, at angkop. Ito ang ibig sabihin ng pagiging mahusay magsalita. Ang mga taong ganito ay mahusay magsalita, nagtataglay sila ng kapabilidad sa gawain, mga kasanayan sa pag-oorganisa, at dagdag pa rito, may pagpapahalaga sa responsabilidad, at medyo nagtataglay ng pagpapahalaga sa katarungan. Hindi sila mapagpalugod ng mga tao o mga tagapanatili ng kapayapaan. Kapag nakakakita sila ng masasamang tao na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia, o ng mga taong mapurol ang isip at hamak na mga tao na hindi nag-aasikaso sa mga nararapat nilang gawain at kumikilos sa tusong paraan, nagagalit sila, naiinis, at kaya nilang maagap na lutasin at pangasiwaan ang mga problemang ito, at protektahan ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad at katarungan—hindi ba’t ang mga pagpapamalas na ito ay ang mga prominenteng katangian ng ganitong uri ng pagkatao? (Oo.) Maaaring hindi mahusay makisalamuha sa iba ang mga taong gaya nito, o maaaring hindi sila gaanong mahusay sa anumang partikular na propesyonal na kasanayan, pero kung taglay nila ang mga katangiang inilalarawan Ko pa lang, maaari silang linangin bilang mga lider at manggagawa. Ang mga katangiang ito ay mga kalakasan din nila, ibig sabihin, mahusay silang magsalita, nagtataglay ng kapabilidad sa gawain, mga kasanayan sa pag-oorganisa, at medyo nagtataglay ng pagpapahalaga sa katarungan. Napakahalaga ng pagkakaroon ng pagpapahalaga sa katarungan. Mayroon bang pagpapahalaga sa katarungan ang masasamang tao at mga anticristo? (Wala.) Ang mga anticristo ay may buktot na kalikasan; imposible para sa kanila na magkaroon ng pagpapahalaga sa katarungan. Ang isa pang napakahalagang bagay ay na ang ganitong uri ng tao ay may espirituwal na pang-unawa at abilidad na umarok sa katotohanan; may kaugnayan ito sa kanyang kakayahan. Ang mga kalakasan ng ganitong uri ng tao ay tumutukoy sa mga katangian ng pagkatao at mga talento na kababanggit Ko lang ngayon, kasama na ang tatlong pamantayan sa pagkakaroon ng abilidad na umarok sa katotohanan, pagbubuhat ng pasanin para sa iglesia, at pagtataglay ng kapabilidad sa gawain. Maaaring linangin bilang mga lider ang gayong mga tao; walang problema roon. Bukod sa pagkakaroon ng utak at kakayahan, dapat may abilidad na umarok sa katotohanan ang isang lider, at may mga kasanayan sa pag-oorganisa at kapabilidad sa gawain sa kanyang trabaho, at kahusayan din sa pagsasalita. May ilang tao na may napakahusay na kakayahan, nagtataglay sila ng espirituwal na pang-unawa, pero kapag oras na ng pagbabahaginan sa mga pagtitipon, hindi nila masabi nang maayos ang gusto nilang iparating, lubos silang walang abilidad na i-organisa ang kanilang pananalita, at ang sinasabi nila ay ganap na walang lohika. Maaari bang linangin bilang mga lider ang gayong mga tao? (Hindi maaari.) May mga tao na halos kaya lang makipag-usap sa napakakaunting bilang ng mga tao; kaya nilang magbahagi tungkol sa ilang kalagayan, mga opinyon, at pagkaarok sa katotohanan, at kaya nilang sumuporta, magtustos, at tumulong sa iba, pero sa paligid ng mas maraming tao, hindi sila naglalakas-loob na magsalita, at natatakot sila, at maaari pa ngang nerbiyosin hanggang sa puntong maiiyak na. Maaari bang linangin ang gayong mga tao? Para sa isang tao na medyo may mahina at matatakutin na pagkatao, at may tendensiyang kabahan sa harap ng maraming tao, kung taglay niya ang pagkatao, mga kalakasan, at abilidad na umarok upang maging isang lider, maaari siyang linangin para maging lider ng isang pangkat o lider ng iglesia. Una, linangin at sanayin muna siya; matapos siyang makaranas sa loob ng ilang panahon, magkakamit siya ng kabatiran at kaya magiging mas matapang siya nang kaunti, at hindi na siya matatakot na magsalita o humarap sa maraming tao. Sa kabuuan, pagdating sa mga taong mayroong mga katangian ng pagkatao at kalakasan na katatapos pa lang natin pagbahaginan ngayon, maaari silang linangin para maging mga lider basta’t pasok sa pamantayan ang kanilang pagkatao. Kagaya ng napag-usapan natin noong nakaraan, para malinang ang isang tao bilang lider, hindi niya kinakailangang maunawaan ang lahat ng katotohanan, makapagpasakop sa Diyos, magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso, at iba pa. Hindi kailangang lubos na matugunan ang lahat ng pamantayang ito. Kung ang isang tao ay nagtataglay ng partikular na kakayahan, may espirituwal na pang-unawa, at kayang tumanggap sa katotohanan, maaari siyang iangat at linangin. Hindi ba’t ito ay makatwirang paggamit sa mga tao? (Oo.) Ang pinakamahalagang pamantayan ay kung pasok ba sa pamantayan ang pagkatao ng isang tao o hindi.

Pakiramdam ng ilang tao, matapos marinig ang sinabi Ko, na natutugunan na nila ang mga pamantayan para sa pagiging isang lider at na dapat silang iangat. Isa itong maling pagkaunawa sa parte nila, hindi ba? Ganoon ba kasimpleng usapin ang pagiging lider? Iniisip nila, “Talagang mapamaraan ako, mayroon akong mga kasanayan sa pag-oorganisa, at mahusay akong magsalita, kaya kong ipaliwanag nang malinaw maging ang mga pinakakomplikadong usapin, kaya bakit hindi ako inaangat ng sambahayan ng Diyos? Bakit hindi ako pinipili ng mga kapatid na maging lider? Paanong hindi napapansin ng mga nakatataas na lider na may talento ako?” Huwag kang mag-alala. Kung talagang natutugunan mo ang mga pamantayan para maging lider o manggagawa, sa malao’t madali, ikaw ay iaangat at pahihintulutang magsanay. Ang mahalaga ngayon ay na kailangan mong magsanay nang husto sa pagsasagawa ng katotohanan at pangangasiwa ng mga usapin ayon sa mga prinsipyo, at aktibong tumulong sa iba, at lumutas ng mga tunay na problema para sa hinirang na mga tao ng Diyos. Kapag nakikita ng hinirang na mga tao ng Diyos na mayroon kang mahusay na kakayahan at kaya mong lumutas ng mga tunay na problema, irerekomenda at ihahalal ka nila. Kung hindi ka magkukusang gumawa ng kaunting tunay na gawain, at maghihintay ka lang sa araw na bigla kang ihahalal bilang lider o iaangat bilang eksepsiyon ng ang Itaas, hindi kailanman mangyayari iyon. Kailangan mong gumawa ng ilang tunay na gawain para makita ito ng lahat; sa sandaling personal na makita ng lahat ang mga kalakasan mo at pakiramdam nila na isa kang taong dapat na iangat, linangin, at gamitin, natural na irerekomenda at ihahalal ka nila. Kung sa ngayon ay pakiramdam mo na angkop kang maging isang lider, pero walang naghalal sa iyo, at hindi ka pa inaangat ng sambahayan ng Diyos, bakit kaya ganoon? Isang bagay ang sigurado: Hindi ka pa nakikilala sa mga mata ng mga kapatid. Maaaring ito ay dahil sa pagkatao mo, maaaring dahil sa paghahangad mo, o maaaring dahil sa mga kalakasan o kakayahan mo. Kung hindi nakikilala o sinasang-ayunan ng mga kapatid ang isa sa mga aspektong ito, hindi ka nila ihahalal o irerekomenda. Kaya, kailangan mong patuloy na magsikap, patuloy na maghangad at magsanay, at kapag tunay mo nang nauunawaan ang katotohanan at kayang pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, natural na irerekomenda at ihahalal ka ng mga tao; ito ay isang sitwasyon kung saan natural na nangyayari ang mga bagay-bagay kapag nasa tamang kondisyon ang lahat. Hindi mo kailangang palaging asamin na maging lider o isipin ito sa lahat ng oras; isa itong maluhong pagnanais. Dapat kang magkaroon ng ordinaryong puso, maging isang tao na naghahangad sa katotohanan, maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at matutong magpasakop at magpasensiya. Hindi ka puwedeng bulag na maghangad na maging lider; isa iyong ambisyon, at hindi ito ang tamang landas. Hindi ka dapat palaging mayroong ganitong ambisyon at pagnanais. Kahit pa mayroon ka talagang kakayahan, kailangan mong maghintay hanggang sa makapasok ka sa katotohanang realidad bago ka maging pasok sa pagseserbisyo bilang isang lider o manggagawa. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan at hindi mo alam kung paano isagawa ang katotohanan, kahit pa pinili kang maging lider o manggagawa, hindi ka makakagawa ng anumang tunay na gawain at matatanggal at matitiwalag ka lang, na isang bagay na madalas mangyari. Kung ang tingin mo sa sarili mo ay nababagay kang maging isang lider, nagtataglay ng talento, kakayahan, at pagkatao para sa pamumuno, subalit hindi ka inaangat ng sambahayan ng Diyos at hindi ka inihahalal ng mga kapatid, paano mo dapat harapin ang bagay na ito? May landas ng pagsasagawa rito na maaari mong sundan. Dapat lubusan mong kilalanin ang iyong sarili. Tingnan mo kung ang talagang isyu ay na may problema ka sa iyong pagkatao, o na ang pagbubunyag ng ilang aspekto ng iyong tiwaling disposisyon ay nakakasuklam sa mga tao; o kung hindi mo ba taglay ang katotohanang realidad at hindi ka kapani-paniwala sa iba, o kung hindi ba pasok sa pamantayan ang paggampan mo sa iyong tungkulin. Dapat mong pagnilayan ang lahat ng bagay na ito at tingnan kung saan ka mismo nagkukulang. Matapos mong magnilay-nilay nang ilang sandali at mahanap kung nasaan ang problema mo, dapat mong hanapin kaagad ang katotohanan para lutasin ito, at pumasok sa katotohanang realidad, at sikaping magbago at umunlad, nang sa gayon kapag nakita ito ng mga nakapaligid sa iyo, sasabihin nila, “Nitong mga nagdaang araw, naging mas mahusay siya kaysa dati. Matatag siyang nagtatrabaho at nagseseryoso sa kanyang propesyon, at nakatuon siyang mabuti sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi niya ginagawa ang mga bagay-bagay nang padalos-dalos o nang pabasta-basta, at mas maingat at responsable na siya sa kanyang gawain. Dati, mahilig siyang magyabang, at palagi siyang nagpapakitang-gilas, pero ngayon higit na siyang mas simple at hindi na hambog. Kahit nagagawa niya ang ilang bagay, hindi niya ito ipinagyayabang, at kapag may natapos siyang isang bagay, paulit-ulit niyang pinagninilayan ito, sa takot na may magawang mali. Mas maingat na siyang kumilos kaysa dati, at nang may-takot-sa-Diyos na puso—at higit sa lahat, kaya niyang magbahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang ilang problema. Totoo ngang umunlad na siya.” Ang mga nasa paligid mo na nakasalamuha mo nang ilang panahon ay makikita na dumaan ka sa di-mapagkakailang pagbabago at paglago; sa iyong buhay bilang tao, sa iyong sariling asal at pangangasiwa ng mga usapin, at sa saloobin mo sa iyong gawain, at gayundin sa pagtrato mo sa mga katotohanang prinsipyo, mas nagsisikap ka kaysa dati, at mas mabusisi sa iyong pananalita at mga pagkilos. Nakikita ng mga kapatid ang lahat ng ito at isinapuso nila ito. Kung gayon, baka sakali ay magawa mong tumakbo bilang kandidato sa susunod na halalan, at magkakaroon ka ng pag-asang mahalal bilang lider. Kung talagang kaya mong gawin ang ilang mahalagang tungkulin, makakamit mo ang pagpapala ng Diyos. Kung tunay kang may pasanin at may gayong pagpapahalaga sa responsabilidad, at nais pumasan ng pananagutan, magmadali ka at sanayin ang iyong sarili. Tumutok sa pagsasagawa ng katotohanan at kumilos nang may mga prinsipyo. Sa sandaling may karanasan ka na sa buhay at kaya mo nang magsulat ng mga artikulo ng patotoo, tunay ngang umunlad ka na. At kung kaya mong magpatotoo para sa Diyos, tiyak na maaari mong makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung gumagawa ang Banal na Espiritu sa iyo, ibig sabihin ay pinapaboran ka ng Diyos, at kapag ginagabayan ka ng Banal na Espiritu, nalalapit na ang pagdating ng oportunidad mo. Maaaring may pasanin ka ngayon, pero hindi sapat ang iyong tayog at masyadong mababaw ang karanasan mo sa buhay, kaya kahit maging lider ka pa, malamang na matutumba ka. Dapat mong hangarin ang buhay pagpasok, lutasin muna ang maluluho mong pagnanais, bukal sa loob na maging tagasunod, at tunay na magpasakop sa Diyos, nang walang salita ng pagrereklamo sa kung anuman ang pinamamatnugutan o isinasaayos Niya. Kapag taglay mo ang ganitong tayog, darating ang oportunidad mo. Isang mabuting bagay na nais mong humawak ng mabigat na pananagutan, at na mayroon ka ng pasaning ito. Ipinapakita nito na mayroon kang maagap na puso na naghahangad na makausad at na gusto mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at sumunod sa kalooban ng Diyos. Hindi ito isang ambisyon, kundi isang tunay na pasanin; responsabilidad ito ng mga naghahangad ng katotohanan at ang pakay ng kanilang paghahangad. Wala kang mga makasariling motibo at hindi ka naghahangad para sa sarili mong kapakanan, kundi para magpatotoo sa Diyos at mapalugod Siya—ito ang pinakapinagpapala ng Diyos, at gagawa Siya ng mga angkop na pagsasaayos para sa iyo. Sa ngayon, asikasuhin mo lang ang paghahangad sa buhay pagpasok, unahin mo ang pagsasakatuparan ng iyong tungkulin nang maayos, at pagkatapos ay magsulat ka ng ilang artikulo ng patotoong batay sa karanasan para magpatotoo sa Diyos. Kung tunay at praktikal ang mga patotoo mo, hahangaan at magugustuhan ka ng mga taong makakabasa ng mga ito, at gugustuhin nilang makisalamuha sa iyo, at irerekomenda ka nila, kaya darating ang oportunidad mo. Samakatwid, tiyak na kailangan mong sangkapan ang sarili mo ng katotohanan bago dumating ang oportunidad. Una, dapat magkaroon ka ng praktikal na karanasan, at pagkatapos, natural kang magkakaroon ng tunay na patotoo; gaganda nang gaganda ang mga resulta ng iyong tungkulin, sa panahong iyon, hindi mo magagawang magtago kahit na gustuhin mo, at irerekomenda ka ng mga kapatid sa paligid mo. Dahil hindi lamang sa sambahayan ng Diyos kailangan ang mga taong may katotohanang realidad, kailangan din sila ng hinirang na mga tao ng Diyos; gustong makisalamuha ng lahat sa mga taong may katotohanang realidad, at gustong makipag-ugnayan ng lahat sa mga kaibigang mayroong katotohanang realidad. Kung makararanas ka hanggang sa ganitong antas, at makikita ng lahat na tunay ang patotoo mo at kikilalanin nila na mayroon kang katotohanang realidad, hindi mo maiiwasan ang maging isang lider kahit gustuhin mo, at igigiit ng mga kapatid na ihalal ka. Hindi ba’t ganoon ang mangyayari? Kapag bumalik sa Diyos ang alibughang anak, ang Diyos ay nalulugod, natutuwa, at napapanatag ang puso Niya. Bilang isang taong may katotohanang realidad, paanong hindi ka gagamitin ng Diyos? Imposible iyon. Ang layunin ng Diyos ay ang magkamit pa ng mas maraming tao na maaaring magpatotoo para sa Kanya; ito ay para gawing perpekto ang lahat ng nagmamahal sa Kanya, at para gawing ganap ang isang grupo ng mga taong kaisa Niya sa puso at isip sa lalong madaling panahon. Samakatwid, sa sambahayan ng Diyos, may magagandang kinabukasan ang lahat ng naghahangad sa katotohanan, at ang kinabukasan ng mga taos-pusong nagmamahal sa Diyos ay walang limitasyon. Dapat maunawaan ng lahat ang layunin ng Diyos. Isang positibong bagay talaga ang magkaroon ng pasaning ito, at ito ay isang bagay na dapat taglayin ng mga may konsensiya at katwiran, pero hindi ibig sabihin na ang lahat ay magagawang humawak ng mabigat na pananagutan. Saan ito nagkakaiba? Anuman ang iyong mga kalakasan o kakayahan, at gaano man kataas ang iyong IQ, ang pinakamahalaga ay ang iyong paghahangad at ang landas na tinatahak mo. Kung pasok sa pamantayan ang pagkatao mo at mayroon kang partikular na kakayahan, pero hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan, at mayroon ka lang mabuting pagkatao at kaunting pagpapahalaga sa pasanin, magagawa mo ba nang maayos ang gawain ng pamumuno ng iglesia? Magagarantiya mo ba na kaya mong lutasin ang mga problema gamit ang katotohanan? Kung hindi mo ito magagarantiya, hindi ka pa rin mahusay sa gawain mo. Kahit na inihalal ka o itinalaga kang maging lider, hindi ka pa rin magkakaroon ng kakayahang gawin ang gawain, kaya ano pa ang silbi niyon? Bagama’t matutugunan nito ang banidad mo, makakapinsala naman ito sa mga kapatid at makakaantala sa gawain ng iglesia. Kung matutugunan mo ang mga pamantayan para maging isang lider o manggagawa, at isa kang taong naghahangad sa katotohanan, at mayroon ka ring ilang patotoong batay sa karanasan, tiyak na magagawa mo nang mahusay ang trabaho sa gawain ng pamumuno, dahil mayroon kang mga patotoong batay sa karanasan, isa kang taong nakakaunawa sa katotohanan, at kayang magbuhat ng mabigat na pasanin ng pagiging isang lider ng iglesia. Ang pagkakaroon mo ng pagkataong pasok sa pamantayan at mga partikular na kalakasan ay mga pangunahing pamantayan lang para maiangat, malinang, at magamit ng sambahayan ng Diyos, pero kung magagawa mo ba nang mahusay ang trabaho sa gawain ng pamumuno ay nakadepende sa kung mayroon ka bang tunay na karanasan at ng katotohanang realidad—ito ang pinakamahalaga. Ang ilang tao ay mga tamang tao at naghahangad sila sa katotohanan, pero mga tatlo hanggang limang taon pa lang silang nananampalataya at wala silang praktikal na karanasan. Magagawa ba nang maayos ng gayong mga tao ang gawain ng pamumuno ng iglesia? Nangangamba Ako na hindi sila magiging mahusay sa gawain. Saan sila nagkukulang? Wala silang praktikal na karanasan at hindi pa nila nauunawaan ang katotohanan. Kahit na kaya nilang magbigkas ng maraming salita at doktrina, hindi pa rin nila kayang lumutas ng mga problema gamit ang katotohanan. Samakatwid, hindi pa rin sila mahusay sa gawain ng pamumuno at kailangan pa nilang magpatuloy sa pagsasanay para matamo ang pagkaunawa sa katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad. Ipagpalagay, halimbawa, ang isang tao na pasok sa pamantayan ang pagkatao at na medyo matapat, at na bihirang magsinungaling at mandaya, at na ginagawa ang kanyang tungkulin nang hindi nagdudulot ng pagkagambala o kaguluhan, pero mahina siya sa paghahangad sa katotohanan; maaari bang linangin para maging isang lider o manggagawa ang gayong tao? Magiging napakahirap nito. Makakaya ba ng isang taong nakakatugon sa mga pamantayan ng pag-aangat, paglilinang, at paggamit, pero hindi naghahangad sa katotohanan, na maging isang taong naghahangad sa katotohanan kung iaangat siya bilang lider o manggagawa? Masisimulan ba niyang hangarin ang katotohanan? Makakapasok ba siya sa katotohanang realidad pagkatapos gumawa bilang isang lider o manggagawa sa loob ng ilang panahon? Magiging imposible iyon. Anuman ang mga pamantayang natutugunan ng isang tao, hangga’t hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan, tiyak na hindi siya maaaring ihalal o iangat bilang isang lider o manggagawa. Kung ang isang tao ay nagtataglay ng pagkatao at kakayahan na pasok sa pamantayan, at kaya ring tumanggap ng katotohanan at sumailalim sa ilang pagbabago, maaari siyang iangat, linangin, at gamitin, at dahil dito, makukuha niya ang oportunidad na makapagsanay, makapasok sa katotohanang realidad, at makatahak sa landas tungo sa kaligtasan at pagiging perpekto. Samakatwid, sinuman ang iangat ng sambahayan ng Diyos para maging lider, manggagawa, o superbisor, ang layon nito ay hindi para tugunan ang mga personal mong pagnanais at ambisyon, ni hindi rin para tuparin ang iyong mga adhikain, kundi para mabigyan ka ng kakayahang tumahak sa landas ng kaligtasan at maging isang taong naperpekto.