Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5) Ikalimang Seksiyon

Karamihan sa mga huwad na lider ay may mahinang kakayahan. Bagaman tila magaling silang magsalita, wala talaga silang abilidad na makaarok sa katotohanan, hanggang sa puntong wala silang espirituwal na pang-unawa. Bulag ang kanilang mga mata at isipan, hindi nila makilatis ang anumang usapin at hindi talaga nila nauunawaan ang katotohanan, na isa nang malubhang problema. May isa pa silang mas malubhang problema, iyon ay na kapag nakaunawa at naging bihasa na sila sa ilang salita at doktrina at kaya na nilang isigaw ang ilang islogan, iniisip nilang mayroon na silang katotohanang realidad. Kaya, anumang gawain ang ginagawa nila at sinumang pinipili nilang gamitin, hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi sila nakikipagbahaginan sa iba, at lalong hindi nila sinusunod ang mga pagsasaayos sa gawain at ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Napakalaki ng tiwala nila sa sarili nila, palagi nilang pinaniniwalaan na tama ang mga ideya nila at ginagawa nila ang anumang gusto nila. Bilang resulta, kapag nahaharap sila sa isang suliranin o pambihirang pangyayari, hindi nila alam ang gagawin. Bukod pa rito, madalas silang nagkakamali sa paniniwala na, dahil maraming taon na silang gumagawa sa sambahayan ng Diyos at may sapat na karanasan na sila sa paglilingkod bilang lider doon, alam na nila kung paano patakbuhin at paunlarin ang gawain ng iglesia. Tila nauunawaan na nila ang mga bagay na ito, pero ang totoo, hindi talaga nila alam kung paano gumawa ng anumang gawain. Ginagawa nila ang gawain ng iglesia sa anumang paraang gusto nila, sinusunod nila ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, karanasan at mga nakagawian nila, at ang mga regulasyon nila. Ito ang nagdudulot ng kaguluhan at kalituhan sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, at pumipigil sa kanila na magbunga ng anumang tunay na resulta. Kung may ilang tao sa isang pangkat na nakakaunawa sa katotohanan at kayang gumawa ng kaunting tunay na gawain, kaya nilang mapanatili ang pagiging normal ng gawain ng pangkat na iyon. Pero, wala talaga itong kinalaman sa huwad na lider nila. Ang dahilan kung bakit puwedeng magawa nang maayos ang gawain ay dahil may ilang mabuting tao sa pangkat na kayang gumawa ng kaunting tunay na gawain at panatilihin ang gawain sa tamang direksyon; hindi ito nangangahulugan na gumawa ng tunay na gawain ang huwad na lider nila. Walang magagawang bahagi ng gawain kung walang ilang mabuting tao na gaya nito ang namamahala. Sadyang hindi kayang gawin ng mga huwad na lider ang trabaho nila, at wala talaga silang silbi. Bakit guguluhin ng mga huwad na lider ang gawain ng iglesia? Ang unang dahilan ay na dahil hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang katotohanan, hindi nila kayang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga problema, at hindi sila naghahanap ng paraan kung paano lutasin ang mga problema, kaya nagkakapatong-patong ang mga problema at humihinto ang gawain ng iglesia. Ikalawa, ang mga huwad na lider ay bulag, at hindi nila natutukoy ang mga indibidwal na may talento. Hindi nila magawan ng mga angkop na pagsasaayos ang mga tauhan ng superbisor ng pangkat, na nagreresulta sa kawalan ng naaangkop na tagapamahala sa ilang gawain, na humahantong sa pagkahinto ng gawain. Ikatlo, ang mga huwad na lider ay kumikilos nang masyadong katulad ng mga opisyal. Hindi nila pinapangasiwaan o pinapatnubayan ang gawain, at kung nasaan naroon ang kahinaan sa gawain, hindi sila maagap na nakikilahok o nagbibigay ng gabay sa mga detalye ng gawain. Halimbawa, ipagpalagay nang sa isang partikular na aytem ng gawain, ang ilang tao na gumaganap ng gawain ay mga bagong mananampalataya na walang masyadong pundasyon, hindi nila nauunawaan ang katotohanan, hindi sila masyadong pamilyar sa larangan ng gawain, at hindi pa nila masyadong naaarok ang mga prinsipyo ng gawain. Ang isang huwad na lider, dahil bulag siya, ay hindi nakikita ang mga problemang ito. Naniniwala siya na basta’t may isang taong gumagawa ng gawain, ayos na iyon; hindi mahalaga kung maayos o hindi ang pagkakagawa rito. Hindi niya alam na saanman may kahinaan sa gawain ng iglesia, dapat niya itong subaybayan, siyasatin, at patnubayan; na dapat siyang personal na makilahok sa paglutas ng mga problema at suportahan ang mga gumagawa ng kanilang mga tungkulin hanggang sa maunawaan ng mga ito ang katotohanan, makakilos ang mga ito ayon sa mga prinsipyo, at makapasok sa tamang landas. Kapag naabot na ang puntong ito, saka lang hindi na nila kailangang mag-alala nang labis. Hindi ganito gumawa ang mga huwad na lider. Kapag nakikita nilang may taong naroroon para gumawa ng gawain, hindi na nila ito pinapansin. Hindi sila nagtatanong, anuman ang kalagayan ng gawain. Kung saan may kahinaan sa gawain, o kung may isang superbisor na may mahinang kakayahan, hindi sila personal na nagbibigay ng gabay sa gawain, at hindi sila mismo nakikilahok sa gawain. At kapag ang isang superbisor ay may kakayahang pasanin ang trabaho, ang mga huwad na lider ay lalong hindi personal na nagsusuri sa mga bagay-bagay o nagbibigay ng gabay; nagpapasarap lang sila, at kahit na may mag-ulat ng isang isyu, hindi sila nagtatanong tungkol dito—iniisip nilang hindi na ito kailangan pa. Walang ginagawa ang mga huwad na lider na anuman sa partikular na gawaing ito. Sa pagbubuod, ang mga huwad na lider ay mga bulok na tao na hindi gumagawa ng kahit katiting na tunay na gawain. Naniniwala sila na sa anumang gawain, basta’t may isang taong namamahala at nakahanda ang lahat na akuin ang gawain, tapos na ang mga bagay-bagay. Iniisip nila na ang kailangan lang nilang gawin ay magdaos ng pagtitipon paminsan-minsan, at magtanong-tanong kung may lumitaw na isyu. Habang gumagawa sa ganitong paraan, naniniwala pa rin ang mga huwad na lider na mahusay ang kanilang ginagawa at nasisiyahan sila nang husto sa sarili nila. Iniisip nila, “Walang problema sa anumang aytem ng gawain. Ang lahat ng tauhan ay ganap nang naisaayos, at ang mga superbisor ay nakatalaga na. Napakagaling ko sa gawaing ito, talagang may talento ako!” Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Sobrang bulag ng mga mata at isipan nila na hindi nila nakikita ang anumang mga gampanin na dapat gawin at hindi nila natutuklasan ang anumang mga problema. Sa ilang lugar, tumigil na ang mga gawain, pero ayon sila, kontento, iniisip nila, “Bata pa ang lahat ng kapatid, mga baguhan silang lahat. Ganadong-ganado sila sa pagharap sa mga tungkulin nila; siguradong magagawa nila nang maayos ang gawain.” Ang totoo, mga baguhan ang mga kabataang ito, wala silang nauunawaan sa anumang mga propesyonal na kasanayan. Kailangan nilang matuto habang gumagawa sila. Naaangkop na sabihing hindi pa nila alam kung paano gawin ang anumang gawain: Ang ilan ay maaaring may kaunting maunawaan, pero hindi sila mga eksperto, at hindi nila naaarok ang mga prinsipyo, at kapag nakatapos sila ng isang gampanin, kailangan itong paulit-ulit na itama o madalas na ulitin pa nga. Mayroon ding ilang kabataang hindi pa nakapagsanay at hindi pa nakaranas ng pagpupungos. Labis silang salaula at tamad, at sakim sa kaginhawahan; hindi nila tinatanggap kahit katiting na katotohanan, at kapag nagdurusa sila nang kaunti, walang tigil ang kanilang paghihimutok. Karamihan sa kanila ay mga pabasta-bastang bulok na tao na nag-iimbot ng kaginhawahan. Sa ganitong uri ng mga kabataan, dapat talagang makipagbahaginan ka nang madalas sa kanila tungkol sa katotohanan, at lalong dapat mo silang pungusan. Dapat na may isang taong namamahala at nagbabantay sa mga kabataang ito. Dapat mayroong lider o manggagawa roon na personal na umako ng responsabilidad sa gawain nila at nagbibigay ng personal na pangangasiwa at paggabay. Sa ganoong paraan lang maaaring magbunga nang kaunti ang gawain nila. Kung ang lider o manggagawa ay aalis sa lugar ng gawain at hindi niya aasikasuhin ang gawain o hindi siya magtatanong tungkol dito, magkakagulo-gulo ang mga taong ito, at walang anumang magiging bunga ang pagganap nila sa kanilang tungkulin. Gayumpaman, walang kabatiran ang mga huwad na lider tungkol dito. Nakikita nila ang lahat bilang mga kapatid, bilang mga taong masunurin at mapagpasakop, kaya malaki ang tiwala nila sa mga ito, at binibigyan ang mga ito ng mga trabaho at pagkatapos ay hindi na iniintindi ang mga ito—ito ang pinakamainam na ebidensiya ng pagiging bulag ng mata at isipan ng mga huwad na lider. Hindi talaga nauunawaan ng mga huwad na lider ang katotohanan, hindi nila malinaw na nakikita ang mga bagay, at hindi nila kayang matuklasan ang anumang problema, pero iniisip nilang maayos ang ginagawa nila. Ano ang iniisip nila sa araw-araw? Iniisip nila kung paano kumilos na parang isang opisyal at tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan. Ang mga huwad na lider, tulad ng mga taong walang isip, ay hindi isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos kahit kaunti. Wala silang ginagawang tunay na gawain, pero naghihintay pa rin sila na purihin sila ng sambahayan ng Diyos at iangat sila nito. Talagang wala silang kahihiyan!

Ganap na walang silbi ang mga huwad na lider sa paggawa ng kanilang mga gawain, at walang anumang kapuri-puri tungkol sa kanila. Bigo silang maarok ang mga prinsipyo pagdating sa kabuuang sitwasyon, lalo na ang mga nauugnay sa partikular na detalyadong gawain. Halimbawa, may ilang tao na may mahuhusay na propesyonal na abilidad ngunit sobrang mahina ang pagkatao, samantalang may iba naman na walang problema sa kanilang pagkatao, pero may mahinang kakayahan at mahinang mga propesyonal na abilidad. Pagdating sa kung paano dapat gamitin at italaga ang mga taong ito sa makatwirang paraan, mas lalong kakaunti ang alam ng mga huwad na lider sa ganitong mga mas tiyak at detalyadong bagay. Kaya, sa tuwing tinatanong ang mga huwad na lider kung nakahanap sila ng sinuman na medyo may mahusay na kakayahan na puwedeng linangin, sinasabi nilang wala pa silang nahahanap na sinuman. Sobrang bulag ang mga huwad na lider—paano sila makakahanap ng sinumang tao? Kung tatanungin mo sila kung ano ang katangian ni Sister Ganito-at-ganyan, sasabihin nilang nag-iimbot ang sister na ito ng mga kaginhawahan ng laman; tanungin mo sila kung ano ang katangian ni Brother Ganito-at-ganyan, at sasabihin nilang madalas na negatibo ang brother na ito; tanungin mo sila kung ano ang katangian ng iba pang tao, at sasabihin nila sa iyo na matagal nang hindi nananampalataya sa Diyos ang taong iyon at walang pundasyon. Sa mga mata nila, walang sinuman ang sapat na mahusay. Tinitingnan lang nila ang mga kamalian, pagkukulang, at pagsalangsang ng ibang tao; hindi nila magawang suriin kung umaayon ba ang isang tao sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pag-aangat at paglilinang, o kung ang taong ito ba ay isang mabuting kandidato para sa pag-aangat at paglilinang. Hindi nila matukoy kung sino ang tunay na naaangkop na iangat at linangin, pero sobrang masigasig at mabilis nilang inaangat iyong mga hindi nakakatugon sa mga hinihingi at mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Inaangat nila ang lahat ng mayayamang babae, mayayamang lalaki, at mga anak ng mayayamang pamilya sa iglesia, pati na iyong nakapaglingkod bilang mga opisyal sa mundo sa labas, iyong mga magaling magsalita, at iyong mga marunong mandaya at manggantso—sa anumang kaso, inaangat nila ang sinumang kilala at respetado sa mundo sa labas at ang sinumang mahilig magpapansin. Naniniwala sila na ang mga taong ito ang tanging may talento, at wala silang natutukoy o inaangat kahit isang tao na talagang nagtataglay ng abilidad na umarok at kayang tumanggap ng katotohanan. Magiging mas mahirap para sa isang huwad na lider na magbigay ng isang tunay na kalipikadong talento para sa sambahayan ng Diyos kaysa sa maglakad siya papuntang buwan. Halimbawa, sabihin natin na kasalukuyang nangangailangan ang sambahayan ng Diyos ng mga indibidwal na may talento para sa gawaing nakabatay sa teksto—may ganitong uri ng indibidwal sa isang iglesia na pinamamahalaan ng isang huwad na lider, pero hindi inirerekomenda ng huwad na lider na iyon ang pangalan ng taong ito. Kapag tinanong ang huwad na lider kung bakit hindi niya iniangat o nilinang ang indibidwal na iyon, sasabihin niya: “Dalawang beses na nakiapid ang taong iyon habang nasa unibersidad, pero hindi na niya iyon inulit simula nang mag-asawa siya. Hindi ko alam kung dapat ba siyang iangat o hindi.” Anong klaseng pahayag ito? Magagarantiyahan mo ba na ang mga mayaman at makapangyarihang taong inaangat mo ay hindi kailanman nakiapid? Hindi ba’t mas lalo pa itong ginagawa ng mga taong iyon? Bakit hindi mo nakikita iyon? Ang mga huwad na lider ay sobrang huwad na espirituwal, ipinapalabas nilang may alam silang ilang prinsipyo, at naghahanap ng mga dahilan para pangatwiranan ang hindi nila pag-aangat sa mga dapat sanang iangat at linangin. Sa mga mata nila, ang lahat ay mas mababa sa kanila. Ano ang nangyayari sa huli? Nakapanindigan ba ang mga “elitista” at “taong may talento” na iniangat ng mga huwad na lider? Hindi naman sa sinasabi nating tiyak na hindi mabubuting tao ang mga taong ito. Ang pangunahing inilalantad natin ay na ang prinsipyo ng mga huwad na lider sa pagtrato sa mga tao ay ang gamitin ang mga kuru-kuro ng tao bilang kanilang sukatan, sa halip na ang katotohanan, at na ang prinsipyo nila sa pag-aangat at paglilinang sa mga tao ay ang sumunod sa sarili nilang mga kuru-kuro, imahinasyon, at kagustuhan, at sa ganap na pananaw ng mga walang pananampalataya, sa halip na gamitin ang mga hinihinging pamantayan ng sambahayan ng Diyos bilang kanilang sukatan. Bakit nagagawa ito ng mga huwad na lider? Dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos, nagagawa nilang iangat iyong mga sadyang hindi nakakatugon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, tumutuon sa paglilinang ng mga ito, at hinahayaan ang mga ito na humawak ng mahahalagang gawain sa sambahayan ng Diyos. Ganoon ang gawaing ginagawa ng mga huwad na lider. Tingnan ang mga huwad na lider sa paligid mo; hindi ba’t ganito sila gumawa at ganito nila tratuhin ang mga tao?

May isang partikular na pananaw na madalas na nabubunyag sa mga huwad na lider: Iniisip nila na ang mga may kaalaman, may katayuan, at ang mga nakapagserbisyo bilang mga opisyal sa mundo sa labas ay pawang mga taong may talento, at na dapat linangin at gamitin ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao matapos silang magsimula na manampalataya sa Diyos. Talagang pinahahalagahan at sinasamba nila ang mga taong iyon—itinuturing pa nila ang mga ito na parang sarili nilang kamag-anak at kapamilya. Kapag ipinapakilala nila ang mga taong ito sa iba, madalas nilang ikinukuwento kung paanong sa mundo sa labas, ang mga taong ito ang boss ng isang kompanya, o ang lider ng isang departamento ng gobyerno, o editor ng ilang pahayagan, o direktor sa departamento ng pampublikong seguridad, o ikinukuwento nila kung gaano kayaman ang mga ito. Napakataas ng tingin ng mga huwad na lider sa gayong mga tao. Ano ang masasabi ninyo, may kakayahan ba ang mga huwad na lider? Hindi ba’t sila ay huwad na espirituwal, at hindi nakakikilatis sa mga bagay-bagay? Iniisip ng mga huwad na lider na sapagkat ang mga taong ito ay mga indibidwal na may talento sa lipunan, dapat silang linangin ng sambahayan ng Diyos at bigyan sila ng mahalagang papel na gagampanan sa pagpasok nila rito. Tama ba ang pananaw na ito? Naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Kung walang pagmamahal sa katotohanan ang mga taong ito kahit kaunti, at walang konsensiya at katwiran, maaari ba silang linangin at bigyan ng mahalagang tungkulin ng sambahayan ng Diyos? Hindi sila kalipikadong linangin. Ang katunayan na sila ay mga indibidwal na may talento sa gitna ng mga walang pananampalataya ay hindi nangangahulugan na sila ay mga taong may talento sa sambahayan ng Diyos, ngunit gustong-gusto ng mga huwad na lider na ito ang pagiging opisyal, at labis nilang sinasamba ang mga naging opisyal. Sa tuwing nakakakita sila ng mga taong naging opisyal o may katayuan sa mundo sa labas, labis-labis silang nagbibigay-galang at kumikilos nang sobrang mapagpalugod sa mga ito, parang mga alipin sa harap ng kanilang amo; desperado silang nagnanais na tawagin ang mga ito na nanay o tatay, o ate o kuya, at hinihiling din nilang maiangat ang mga taong ito para maging mga lider o manggagawa sa iglesia. Sabihin ninyo sa Akin, mga tao ba ito na naghahangad sa katotohanan? Ang pagkakaroon ba nila ng kaunting katayuan at pagtatamasa ng kaunting kabantugan sa mundo sa labas ay nangangahulugan na angkop silang magserbisyo bilang lider o manggagawa sa sambahayan ng Diyos? Kung hindi nila nauunawaan ang katotohanan at puno sila ng mayabang at palalong disposisyon, karapat-dapat ba silang maging lider o manggagawa sa sambahayan ng Diyos? Naaayon ba sa mga prinsipyo na iangat ang mga tao sa pamamagitan lang ng pagtutuon sa kanilang katayuan at kabantugan, at pagbabalewala sa kanilang karakter? Alam ba ng mga huwad na lider kung anong klaseng mga tao ang gusto ng Diyos, at anong klaseng mga tao ang inaangat at ginagamit Niya? Paulit-ulit na binibigyang-diin ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos na dapat iangat at linangin ang mga tao ayon sa tatlong pamantayan: Una, dapat nagtataglay sila ng pagkatao, konsensiya, at katwiran; pangalawa, dapat sila ay isang taong nagmamahal sa katotohanan at kayang tanggapin ang katotohanan; at pangatlo, dapat mayroon silang sapat na kakayahan at nagtataglay ng kapabilidad sa gawain. Tanging ang mga nakakatugon sa tatlong pamantayang ito ang maaaring iangat at linangin, at kalipikado na maging mga kandidato at maging mga lider o manggagawa. Talagang hindi sapat ang magtaglay lang ng kakayahan at talento. Karakter ang una, at pangalawa, mahalaga ang magawang tanggapin ang katotohanan—ang dalawang ito ang mga pinakamahalagang pamantayan. Kung iniaangat ang masasamang tao na walang pagmamahal para sa katotohanan, magiging kapinsa-pinsala ang mga kahihinatnan, kaya, ang mga walang pagkatao ay tiyak na hindi pahihintulutang maiangat. Pero binabalewala ng mga huwad na lider ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Kapag pumipili at gumagamit ng mga tao, palagi nilang pinagtutuunan kung mayroon bang katayuan sa lipunan ang isang tao, kung ano ang pinagmulan at posisyon nito, kung mataas ba ang antas ng pinag-aralan nito, at kung gaano kataas ang reputasyon nito sa lipunan—ito ang mga aspekto na kanilang pinagtutuunan kapag nag-aangat at naglilinang ng mga tao. Naaayon ba ito sa mga prinsipyong itinakda ng sambahayan ng Diyos? Naaayon ba ito sa katotohanan ng mga salita ng Diyos? Sino ang mga taong iyon na may katayuan sa lipunan? Masasabi na sila ay pawang mga taong nakikipaglaban para sa kapangyarihan at katayuan sa anumang paraan, at na sila ay kay Satanas. Kung hahawak sila ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos, magiging iglesia pa rin ba ito ng Diyos? Ano ang pakay ng mga huwad na lider sa pag-aangat ng mga taong kay Satanas para maging mga lider? Ang ganitong pagkilos ba ay naaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paglilinang at paggamit ng mga tao? Hindi ba’t hayagang panggugulo at pagsira ito sa gawain ng iglesia? Ang walang prinsipyong pag-aangat at paglilinang ng mga huwad na lider sa mga tao ay ang nagdudulot ng pinakamatinding pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia, at isang paraan ng paglaban sa Diyos.

Sobrang hina ng kakayahan ng mga huwad na lider at wala silang abilidad na umarok sa katotohanan. Kahit gaano karaming sermon ang pinakikinggan nila o gaano karaming salita ng Diyos ang binabasa nila, hindi pa rin sila ganap na nakakaarok, o nakakaunawa sa katotohanan, at kahit ilang taon na silang nangangaral ng mga doktrina, hindi nila nauunawaan ang sinasabi nila, puro kalokohan lang ito, at imposibleng maintindihan! Kaya nilang makaalala at mangaral ng kaunting doktrina, kaya akala nila ay mayroon silang katotohanang realidad, pero wala silang ginagawang may kaugnayan sa katotohanan—ito ang mga pinakatipikal na halimbawa ng mga Pariseo. Sa panlabas, tila madalas silang nangangaral sa mga tao, at nagsasabi ng magagandang-pakinggang bagay, na parang nauunawaan nila ang katotohanan, ngunit ang ginagawa nila ay kontra sa katotohanan at kabaligtaran nito. Sinasabi rin nila na pinaglilingkuran nila ang Diyos at ginagawa ang gawain ng iglesia, samantalang sa katunayan, ang lahat ng ginagawa nila ay lubusang mapanlaban sa Diyos. Hindi kailanman inaangat ng mga huwad na lider ang mga taong may talento na kapaki-pakinabang sa sambahayan ng Diyos, at hindi nila pinapansin at nagbubulag-bulagan sila sa mga medyo matapat na tao na tunay na naghahangad sa katotohanan. Sa halip, inaangat at nililinang nila iyong mga nambobola, iyong mga tuso at mapanlinlang, at iyong may mga ambisyon at mga pagnanais na tumanggap ng gawain sa iglesia. Ang resulta ng lahat ng ito ay na, pagkalipas ng ilang panahon na nasa gawain ang mga taong iyon, ang iba’t ibang gawain sa iglesia ay humihinto at halos napaparalisa, at kaya, ang gawain ng iglesia ay nasisira sa mga kamay ng mga huwad na lider na ito. Hindi ba’t kasuklam-suklam sila, ang uri ng mga taong ito na mga huwad na lider? Dapat ba silang tanggalin? Dapat silang tanggalin! Ang bawat araw ng pagkaantala ay nakakaapekto sa gawain ng iglesia sa isang buong araw. Ayaw magbitiw nang kusa ng ilang huwad na lider kahit alam nilang wala silang kakayahang gumawa ng tunay na gawain, at patuloy na nahuhumaling sa mga pakinabang ng katayuan, at aabot pa sa puntong pipinsalain ang gawain ng iglesia. Mayroon bang kahit katiting na katwiran ang mga taong ito? Walang abilidad na umarok ang mga huwad na lider, o anumang tunay na talento at tunay na kaalaman, at hindi ang mga taong naghahangad sa katotohanan, at nag-iimbot din sila sa mga pakinabang ng katayuan—sila ay mga taong walang kahihiyan; kaya’t tiyak na hindi sila dapat iangat at linangin. Kung sa tingin mo ay napakahina ng iyong kakayahan, at na wala kang abilidad na makilala ang tama sa mali, at na wala kang abilidad na maarok ang katotohanan, kung gayon, anuman ang gawin mo, huwag kang magpasasa sa iyong mga ambisyon at mga pagnanais, at huwag mong pagbulayan kung paano magsumikap na maging isang opisyal sa iglesia—sa pagiging lider ng iglesia—hindi ganoon kadali ang maging lider. Kung hindi ka isang matapat na tao at walang pagmamahal sa katotohanan, sa sandaling maging isa kang lider, magiging isa kang anticristo o isang huwad na lider. Mga taong walang konsensiya at katwiran ang kapwa mga anticristo at mga huwad na lider, at mga taong kayang gumawa ng kasamaan at guluhin ang gawain ng iglesia. Bagama’t totoong masasabi na mga diyablo at Satanas ang mga anticristo, hindi rin mabubuting tao ang mga huwad na lider; sa pinakamababa, sila ay mga taong tahasang walang kahihiyan, na walang konsensiya at katwiran. Mayroon bang anumang marangal sa pagiging isang huwad na lider at sa pagkakatanggal? Nakakahiya iyon, isang mantsa, at talagang walang anumang ikinararangal tungkol dito. Kung may pagpapahalaga ka sa pasanin sa gawain ng iglesia, at nais makilahok doon, mabuti ito; ngunit dapat mong pagnilayan kung nauunawaan mo ba ang katotohanan, kung nagagawa mo bang magbahagi sa katotohanan para lutasin ang mga isyu, kung nagagawa mo bang tunay na magpasakop sa gawain ng Diyos, at kung nagagawa mo bang isagawa nang maayos ang gawain ng iglesia ayon sa mga pagsasaayos ng gawain. Kung nakakatugon ka sa mga pamantayang ito, maaari kang tumakbo upang maging lider o manggagawa. Ang ibig Kong sabihin sa pagsasabi nito ay na kahit papaano, dapat magtaglay ng kamalayan sa sarili ang mga tao. Tingnan muna kung nagagawa mo bang makilatis ang mga tao, kung kaya mo bang maunawaan ang katotohanan at magawa ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo. Kung natutugunan mo ang mga hinihinging ito, angkop kang maging lider o manggagawa. Kung wala kang kakayahang suriin ang sarili mo, maaari mong tanungin ang mga tao sa paligid mo na pamilyar sa iyo o malapit sa iyo. Kung sinasabi nilang lahat na hindi sapat ang kakayahan mo para maging isang lider, at na sapat na ang paggawa mo lang nang maayos sa kasalukuyan mong gawain, kung gayon ay dapat mong agad na kilalanin ang iyong sarili. Dahil mahina ang kakayahan mo, huwag gugulin ang lahat ng oras mo sa pagnanais na maging lider—gawin mo lamang ang kaya mo, gawin nang maayos ang iyong tungkulin nang praktikal, upang magkaroon ka ng kapayapaan ng isipan. Mabuti rin ito. At kung kaya mong maging lider, kung talagang taglay mo ang gayong kakayahan at talento, kung taglay mo ang kapabilidad sa gawain, at mayroong pagpapahalaga sa pasanin, ikaw ay tiyak na uri ng tao na may talento na kulang sa sambahayan ng Diyos, at siguradong maaangat at malilinang; ngunit may oras ang Diyos sa lahat ng bagay. Ang hiling na ito—ang hiling na maiangat—ay hindi ambisyon, ngunit dapat mayroon kang kakayahan, at natutugunan ang mga pamantayan, para maging lider. Kung mahina ang iyong kakayahan subalit ginugugol mo pa rin ang lahat ng oras mo sa kagustuhan na maging lider, o tumanggap ng ilang mahahalagang gampanin, o maging responsable sa pangkalahatang gawain, o gumawa ng isang bagay na nagtutulot sa iyo na maitangi ang iyong sarili, sinasabi Ko sa iyo: Ito ay ambisyon. Maaaring magdala ng sakuna ang ambisyon, kaya dapat kang mag-ingat dito. Lahat ng tao ay may pagnanais na umusad at handang magpunyagi tungo sa katotohanan, na hindi naman problema. Ang ilang tao ay may kakayahan, nakatutugon sa mga pamantayan ng pagiging mga lider, at nagagawang magpunyagi tungo sa katotohanan, at mabuting bagay ito. Ang iba ay walang taglay na kakayahan, kaya dapat silang tumuon sa sarili nilang tungkulin, gampanan nang maayos ang tungkuling nasa harapan nila mismo at gawin ito ayon sa prinsipyo, at ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos; para sa kanila, mas mabuti iyon, mas ligtas, mas makatotohanan.

Ang mga inihalal bilang mga lider at manggagawa, o mga iniangat at nilinang ay hindi dapat nangangarap nang gising, sa pamamagitan ng pag-aakalang, “Pinili ako ng mga kapatid mula sa napakaraming tao, iniangat ng sambahayan ng Diyos, kaya talagang mayroon akong kaunting talento, at mas magaling ako kaysa sa mga ordinaryong tao; sa kalaunan, ang tunay na ginto ay nakatadhanang kuminang.” Mabuti bang mag-isip nang ganito? Hindi ba’t pagbubunyag ito ng tiwaling disposisyon? (Oo.) Ang maiangat at malinang ay isang mabuting bagay at isang magandang oportunidad, pero kung kaya mo ba o hindi na tahakin ang landas na ito nang maayos ay nakadepende sa kung paano mo haharapin ang oportunidad na ito at kung kaya mo ba itong pahalagahan. Binigyan ka ng Diyos ng pagkakataong ito, pero hindi iyon nangangahulugan na mas magaling ka talaga kaysa sa iba; maaaring mas mahusay nang kaunti ang kakayahan mo kaysa sa iba o na mayroon kang ilang kaloob, pero mahirap sabihin kung ano ang iyong buhay pagpasok at kung taglay mo ba ang katotohanang realidad—dahil magkakapareho ang mga tiwaling disposisyon ng lahat ng tao, at isa ka ring miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Kung mapagtatanto mo ito, magagawa mong harapin nang tama ang pag-aangat at paglilinang sa iyo ng sambahayan ng Diyos. Hindi mo dapat ituring ang iyong sarili bilang isang taong may talento, ni isipin na taglay mo ang katotohanang realidad. Sadyang mayroon ka lang kaunting kakayahan at kayang magsumikap tungo sa katotohanan, kaya nabigyan ka ng pagkakataong sanayin ang sarili mo. Panahon ito ng probasyon, at hindi pa tiyak kung ikaw ba talaga ay isang taong naghahangad sa katotohanan, o kung karapat-dapat ka bang linangin. Mahirap sabihin kung magagawa mo bang manindigan pagkatapos mabigyan ng pagsubok sa panahong ito. Maaaring panatilihin ka para patuloy na linangin, o maaaring itiwalag ka—nakadepende ang lahat ng ito sa kung gaano ka magsisikap. Ito ang tungkol sa pag-aangat sa mga tao para maging mga lider at manggagawa, at dapat mong maunawaan iyon. Walang saysay na ikaw mismo ay nag-iisip na isa kang taong may talento. Kung hindi ka inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos, isa kang walang kuwenta. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at ayaw mong gamitin ka ng sambahayan ng Diyos, wala kang anumang maisasakatuparan. Kung sasabihin mong, “Hindi ako ginagamit ng sambahayan ng Diyos, lalabas ako tungo sa lipunan,” sige kung gayon, lumabas ka tungo sa lipunan at subukan mo, tingnan mo kung sino ang mag-aangat sa iyo, at tingnan mo kung ano ang kaya mong maisakatuparan. Ang ibig Kong sabihin sa pagsasabi nito sa inyo ay na dapat mayroon kayong tamang pag-unawa at pagharap sa pag-aangat at paglilinang sa inyo ng sambahayan ng Diyos. Ang mga may mahina o katamtamang kakayahan at hindi nakatutugon sa pamantayang hinihingi para sa pag-aangat at paglilinang sa sambahayan ng Diyos ay kailangan lang tuparin ang kanilang tungkulin nang masunurin at matatag. Basta’t ginagawa mo ang iyong tungkulin nang buo mong puso at isipan, hindi ka tatratuhin ng Diyos nang hindi patas. Kaya, huwag kayong makipag-away tungkol sa mga usapin ng pag-aangat at paglilinang, pero huwag din ninyong tanggihan ang mga ito; hayaan lang ang lahat na dumaloy nang natural; sa isang banda, dapat ninyong sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at sa kabilang banda, dapat kayong magkaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos—ito ang tamang daan. Madali ba itong gawin? (Oo, madali.) Mayroon bang anumang pakinabang sa isang taong may mahinang kakayahan na maging isang lider? Sa huli, kapag nailarawan siya bilang isang huwad na lider at naitiwalag, ano ang mararamdaman niya tungkol dito? Iyon ba ang ginusto ninyo? (Hindi.) Dadalhin ninyo ang titulong “huwad na lider” sa inyong ulo, at kahit saan kayo magpunta, sasabihin ng mga tao na, “Minsang naging huwad na lider ang taong ito.” Mabuti ba iyon o masama? Hindi iyon mabuti, at hindi iyon isang bagay na marangal. Ang mga tao ay dapat magkaroon ng tamang pag-unawa at saloobin sa pag-aangat at paglilinang; sa mga bagay na ito, dapat nilang hanapin ang katotohanan, at hindi sila sumunod sa sarili nilang kalooban, o magkaroon ng mga ambisyon at mga pagnanais. Kung pakiramdam mo ay mahusay ang kakayahan mo ngunit hindi ka pa inangat ng sambahayan ng Diyos kahit kailan, ni walang anumang planong linangin ka, huwag kang madismaya o magsimulang magreklamo, tumuon ka lamang sa paghahangad sa katotohanan at pagpupunyaging sumulong. Kapag mayroon kang kaunting tayog at kaya mong gumawa ng tunay na gawain, natural na pipiliin kang maging lider ng hinirang na mga tao ng Diyos. At kung pakiramdam mo ay mahina ang kakayahan mo, at na wala kang tsansang maiangat o malinang, at na imposibleng makamtan ang iyong mga ambisyon, hindi ba mabuting bagay ito? Poprotektahan ka nito! Dahil mahina ang iyong kakayahan, kung makatagpo ka ng isang grupo ng mga bulag na magulo ang isip na pinili kang maging kanilang lider, hindi ba’t malalagay ka sa panganib? Hindi mo kayang gumawa ng anumang gawain at bulag ang iyong mga mata at isipan. Lahat ng ginagawa mo ay panggagambala; bawat galaw mo ay paggawa ng masama. Mas mabuti pang gawin mo nang maayos ang gawain ng kasalukuyan mong tungkulin; kahit papaano ay hindi mo maipapahiya ang iyong sarili, at mas mabuti iyon kaysa maging isang huwad na lider at maging puntirya ng kritisismo sa likod ng mga eksena. Bilang isang tao, dapat mong sukatin ang iyong sarili, dapat kang magkaroon ng kaunting kamalayan sa sarili; kung magkagayon, maiiwasan mong tumahak sa maling landas at gumawa ng malulubhang pagkakamali.

Gusto ba ninyong maging huwad na lider, o isang ordinaryong tagasunod? (Isang ordinaryong tagasunod.) Kung ihahalal ka ng mga kapatid, subukan mo ito; baka mas tumpak ang pananaw nila sa iyo kaysa sa pakiramdam mo tungkol sa iyong sarili. Kung sa tingin ng mga kapatid ay kaya mo, dapat mong ibigay ang lahat ng makakaya mo. Kung talagang sinubukan mong gawin ang lahat ng iyong makakaya pero nabibigo ka pa rin sa iyong gawain, at ang puso mo ay nag-aalab sa pagkabalisa na hindi ka makakain o makatulog nang dahil dito, at talagang hindi mo alam kung paano ito gawin nang maayos, kung gayon, tumigil ka sa pagiging lider o manggagawa—masyadong mahirap ito para sa iyo. Kung magpapatuloy ka, malamang na magiging isa kang huwad na lider, kaya dapat kang kaagad na sumulat ng isang liham ng pagbibitiw, na nagdedeklarang: “Dahil mahina ang kakayahan ko at walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain, kung ipagpapatuloy ko ang pagiging lider, hindi magtatagal ay tiyak na magiging isa akong huwad na lider sa huli, kaya, hinihiling ko na magbitiw, at kusang-loob na talikuran ang posisyon.” Ito ang pinakamatalinong paraan ng pagkilos, at ang pinakaangkop na gawin! Ito ay makatwiran, at mas mainam kaysa sa manatili sa posisyon at maging isang huwad na lider. Kung alam na alam mo na may mahina kang kakayahan at wala kang kakayahang maging lider pero hindi mo matiis na bitiwan ang katayuan, at sinasabi sa iyong sarili, “Bakit hindi ko ito kayang gawin? Sino ang makakatulong sa akin? Napakaganda kung mapapanatili ko ang katayuan ko bilang lider habang may iba na nag-iisip ng lahat ng plano at estratehiya para sa akin! Sa ngayon, walang ibang naaangkop na pumalit sa puwesto ko, kaya’t maaari lang akong magpatuloy sa pagiging isang lider at magpakasaya rito sa bawat araw na nasa tungkulin ako; kahit na hindi ko magawa ang gawain, ako pa rin ang lider, at mas mainam ang maging isang lider kaysa sa maging isang ordinaryong kapatid. Kung hindi ako tatanggalin ng sambahayan ng Diyos at hindi ako aalisin ng mga kapatid, hindi ako magbibitiw.” Tama ba ito? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? (Hindi ito makatwiran; kung wala akong kakayahang gumawa ng tunay na gawain at hindi pa rin ako magbibitiw, maaantala lang nito ang gawain ng iglesia.) Ang ganitong pagkilos ay nakakaantala sa gawain ng iglesia—nasasaktan nito ang iba at ang iyong sarili. Alam mo ba kung ano ang kahulugan ng maging lider? Nangangahulugan ito na may tuwiran kang ugnayan sa buhay pagpasok ng maraming tao, at may tuwirang ugnayan ang pamumuno mo sa kung paano nila tatahakin ang landas na nasa kanilang harapan. Kung namumuno ka nang maayos at inaakay mo sila sa tamang landas, magagawa nilang tumahak sa tamang landas. Kung hindi ka namumuno nang maayos at inaakay mo sila sa kapahamakan, at naging Pariseo sila kagaya mo, malaki ang iyong kasalanan! At pagkatapos mong gawin ang malaking kasalanan na ito, iyon na ba ang magiging katapusan nito? Itatala ito ng Diyos! Alam na alam mo na mahina ang iyong kakayahan, na isa kang huwad na lider, at walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain, subalit hindi ka umaamin sa iyong mga kamalian at nagbibitiw, kundi walang pakundangang kumakapit sa iyong posisyon, at ayaw mo itong isuko sa iba. Isa itong kasalanan, at tatandaan ito ng Diyos. At makakabuti ba o makakasama sa iyong hinaharap na tinatandaan Niya ito? Manganganib ka! Tapatan Kong sasabihin sa iyo ang katotohanan: Tinatandaan ng Diyos ang gayong mga bagay para sa bawat isang tao, at bawat aytem ay nakasulat nang malinaw. Kung may napakatinding bagay na mangyayari sa iyong landas tungo sa kaligtasan, malaki ang magiging epekto nito sa iyo! Anuman ang gawin mo, huwag mong tahakin ang landas na ito, at huwag kang maging ganitong klase ng tao.

Maikli nating napagbahaginan ang ilan sa mga pagsasagawa at pagpapamalas ng mga huwad na lider kaugnay sa pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento. Sa kabuuan, ang uri ng tao na isang huwad na lider ay hindi gumagawa ng tunay na gawain, at walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain. Mahina ang kakayahan niya, bulag ang mga mata at isipan niya, wala siyang kakayahang tumuklas ng mga problema, at hindi siya nakakakilatis sa iba’t ibang uri ng tao, kaya’t hindi niya magawang pasanin ang mahalagang gawain ng pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento. Samakatwid, wala siyang paraan na magawa nang maayos ang gawain ng iglesia, at magdudulot siya ng maraming suliranin para sa hinirang na mga tao ng Diyos sa kanilang buhay pagpasok. Batay sa mga salik na ito, malinaw na hindi angkop na maging mga lider ng iglesia ang mga huwad na lider. Mayroong ibang huwad na lider na hindi gumagawa ng partikular na gawain ng iglesia at hindi nakikipag-ugnayan sa mga superbisor ng partikular na gawain, kaya’t hindi nila alam kung aling mga indibidwal na may talento ang may kakayahang gumawa sa kung anong gawain, ni kung sino ang angkop sa kung anong gawain, ni kung naaayon ba sa mga prinsipyo ang paggawa ng mga ito. Dahil dito, hindi nila maiangat at malinang ang mga taong may talento. Kung gayon, paano magagawa nang maayos ng gayong mga tao ang gawain ng iglesia? Ang pangunahing dahilan kung bakit hindi kayang gumawa ng tunay na gawain ang mga huwad na lider ay dahil mahina ang kakayahan nila; wala silang kabatiran sa anumang bagay at hindi alam kung ano ba ang tunay na gawain. Humahantong ito sa madalas na pagkahinto o pagkaparalisa sa gawain ng iglesia. Direktang nauugnay ang mga ito sa kabiguan ng mga huwad na lider na gumawa ng tunay na gawain. Sa nakalipas na ilang taon, paulit-ulit na binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos na kailangang alisin ang masasamang tao at mga hindi mananampalataya, at tanggalin ang mga huwad na lider at mga huwad na manggagawa. Bakit kailangang alisin ang iba’t ibang masamang tao at hindi mananampalataya? Dahil matapos ang maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, hindi pa rin tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan kahit kaunti, at umabot na sa puntong wala na silang pag-asa sa kaligtasan. At bakit kailangang tanggalin ang lahat ng huwad na lider at huwad na manggagawa? Dahil hindi sila gumagawa ng tunay na gawain, at hindi nila kailanman inaangat o nililinang ang mga taong naghahangad sa katotohanan; sa halip, nagpapakapagod lang sila sa mga walang kabuluhang pagsisikap. Nagsasanhi ito ng pagkagulo at pagkaparalisa sa gawain ng iglesia, na nagpapanatili sa mga kasalukuyang problema, hindi nalulutas, at pinapabagal din nito ang buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos. Kung tatanggalin ang lahat ng huwad na lider at manggagawa na ito, at kung paaalisin ang lahat ng masamang tao at hindi mananampalataya na gumugulo sa iglesia, likas na magiging maayos ang takbo ng gawain ng iglesia, likas na lalago nang mas mabuti ang buhay iglesia, at normal na makakakain at makakainom ng mga salita ng Diyos ang mga hinirang ng Diyos at makakagawa ng kanilang mga tungkulin, at makakapasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Ito ang gustong makita ng Diyos.

Pebrero 27, 2021