Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5) Ikatlong Seksiyon
Ang Pang-unawa at Saloobin na Dapat Taglayin ng Isang Tao Tungkol sa Pagtataguyod at Paglilinang ng Sambahayan ng Diyos sa mga Tao
Ang pinagbahaginan natin ngayon lang ay ang mga pakay ng sambahayan ng Diyos sa pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento. Anuman ang uri ng gawaing ginagawa ng mga napiling iangat at linangin—ito man ay teknikal na gawain, ordinaryong gawain, o mga pangkalahatang usapin sa iglesia—sa madaling salita, ang lahat ng ito ay alang-alang sa pagbibigay-daan sa kanila na maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at makapasok sa katotohanang realidad, at upang magawa nila ang kanilang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan sa lalong madaling panahon para matugunan ang mga layunin ng Diyos—ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, at siyempre, ito rin ang kinakailangan para sa gawain ng iglesia. Nauunawaan mo na ba ngayon ang kahalagahan ng pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento? Mayroon pa rin bang anumang maling pagkaunawa? (Wala.) Sinasabi ng ilang tao, “Ngayong iniangat na ang taong ito bilang isang lider, at may katayuan, hindi na siya isang ordinaryong tao.” Tama ba o mali na sabihin ito? (Mali ito.) Maaaring sinasabi ng iba: “May katayuan ang mga nagiging lider, pero malungkot sa itaas. Kung gaano kataas ang lipad, gayon din ang lagapak pagbagsak!” Tama ba o mali na sabihin ito? Malinaw na mali ito. Sinong mga tao ang tinutukoy ng kasabihang “Kung gaano kataas ang lipad, gayon din ang lagapak pagbagsak”? Tumutukoy ito sa mga taong may mga ambisyon at pagnanais, tumutukoy ito sa mga anticristo. Kapag naging mga lider ang mga naghahangad sa katotohanan, hindi iyon mataas na pag-akyat—ito ay pagbibigay ng Diyos ng eksepsiyon sa pamamagitan ng pagtataas sa kanila, at ang pagpapala ng Diyos ang naglalagay ng pasaning ito sa kanila at nagpapahintulot sa kanila na gawin ang gawain ng pamumuno. Ang “Kung gaano kataas ang lipad, gayon din ang lagapak pagbagsak” ay isang kongklusyong ginawa ng mga walang pananampalataya, at inilalarawan nito ang mga kahihinatnan ng paghahangad ng mga walang pananampalataya ng isang propesyon sa pagiging opisyal. Walang pagkilatis ang mga hindi mananampalatayang iyon at ginagamit nila ang kasabihang ito sa mga positibong tao, na isang malubhang pagkakamali. Maaaring sinasabi ng ilang tao: “Ipinanganak siya sa probinsiya, at ngayon siya ay naging lider na ng iglesia—isang mataas na agilang nagmula sa hamak na kalagayan.” Tama ba o mali na sabihin ito? Ito ang mga maladiyablong salita ng mga walang pananampalataya at hindi maaaring gamitin sa hinirang na mga tao ng Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, pinagpapala ng Diyos ang mga naghahangad sa katotohanan, ang matatapat, ang mga may mabubuting kalooban, at ang mga nagtatanggol sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Sa sandaling maunawaan ng mga taong ito ang katotohanan at magkamit ng kaunting tayog, sila ay iaangat para sa paglilinang at pagsasagawa sa malao’t madali, para palitan iyong mga huwad na lider at anticristo. Sa sambahayan ng Diyos, ang mga positibong tao na sumailalim sa maraming pagsubok at tukso at patuloy na nagtatanggol sa gawain ng sambahayan Diyos ay mga taong nakatutugon sa pagsang-ayon ng Diyos, at hindi magiging akma na gamitin ang mga maladiyablong salita ng mga walang pananampalataya para ilarawan ang mga taong ito. Kaya, iyong mga palaging gumagamit ng mga maladiyablong salita ng mga walang pananampalataya para ilarawan ang mga usapin sa sambahayan ng Diyos at para ipahayag ang sarili nilang mga pananaw ay mga taong hindi nauunawaan ang katotohanan at may mga kakatwang pananaw sa mga bagay-bagay. Hindi man lang nagbabago ang mga pananaw nila sa mga bagay-bagay, at nananatiling mga pananaw ng mga walang pananampalataya, at ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, subalit wala man lang silang anumang nakamit na katotohanan, at hindi pa rin nila kayang tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos—kaya, ang mga taong ito ay mga hindi mananampalataya at mga walang pananampalataya. Kapag iniaangat ang isang tao para magsilbing lider o manggagawa, o nililinang siya para maging superbisor ng ilang uri ng teknikal na gawain, ito ay walang anuman kundi pagkakatiwala sa kanya ng sambahayan ng Diyos ng isang pasanin. Ito ay isang atas, isang responsabilidad, at siyempre, isa rin itong espesyal na tungkulin, isang espesyal na oportunidad, at ito ay isang natatanging pagtataas—walang anumang kapuri-puri tungkol sa kanya. Kapag ang isang tao ay iniaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos, hindi ibig sabihin niyon na mayroon siyang espesyal na posisyon o katayuan sa sambahayan ng Diyos, kaya maaari na siyang magtamasa ng espesyal na pagtrato at pabor. Sa halip, pagkatapos niyang natatanging maitaas ng sambahayan ng Diyos, binibigyan siya ng mga napakagandang kondisyon para makatanggap ng pagsasanay sa sambahayan ng Diyos, para makapagsanay sa paggawa ng ilang mahalagang gawain sa iglesia, at kasabay niyon, ang sambahayan ng Diyos ay magkakaroon ng mas matataas na hinihinging pamantayan para sa taong ito, na labis na kapaki-pakinabang sa kanyang buhay pagpasok. Kapag iniaangat at nililinang ang isang tao sa sambahayan ng Diyos, ibig sabihin ay magiging mahigpit ang mga hinihingi sa kanya at maigting siyang pangangasiwaan. Mahigpit na iinspeksiyonin, pangangasiwaan, at isusulong ng sambahayan ng Diyos ang gawaing ginagawa niya, at mauunawaan at bibigyang-pansin ang kanyang buhay pagpasok. Mula sa mga pananaw na ito, nagtatamasa ba ang mga taong iniaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ng espesyal na pagtrato, espesyal na katayuan, at espesyal na posisyon? Hindi talaga, at lalo nang hindi sila nagtatamasa ng anumang espesyal na posisyon. Para sa mga taong naiangat at nalinang, kung pakiramdam nila ay mayroon silang kapital na bunga ng medyo epektibong paggawa nila sa kanilang tungkulin, at kaya humihinto at tumitigil sa paghahangad ng katotohanan, kung gayon, manganganib sila kapag nahaharap sa mga pagsubok at kapighatian. Kung masyadong maliit ang tayog ng mga tao, malamang na mawawalan sila ng kakayahang manindigan. Sinasabi ng ilan, “Kung ang isang tao ay iniaangat at nililinang bilang isang lider, mayroon siyang posisyon. Kahit hindi siya isa sa mga panganay na anak, kahit papaano ay may pag-asa siyang maging isa sa mga tao ng Diyos. Hindi pa ako naiangat o nalinang kahit kailan, kaya wala ba akong pag-asang maging isa sa mga tao ng Diyos?” Maling mag-isip sa ganitong paraan. Para maging isa sa mga tao ng Diyos, dapat magkaroon ka ng karanasan sa buhay, at dapat kang maging isang taong nagpapasakop sa Diyos. Hindi mahalaga kung ikaw ay lider, manggagawa, o ordinaryong tagasunod, sinumang nagtataglay ng mga katotohanang realidad ay isa sa mga tao ng Diyos. Kahit isa kang lider o manggagawa, kung wala kang mga katotohanang realidad, isa ka pa ring trabahador. Sa katunayan, walang espesyal sa mga taong iniaangat at nililinang. Ang tanging bagay na naiiba sa iba ay ang pagkakaroon nila ng mas kanais-nais na kapaligiran, mas kanais-nais na pagkakataon, at mas maayos na mga kondisyon para gumawa ng partikular na gawaing may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo. Kahit na ang karamihan sa gawain mo ay may kinalaman sa isang partikular na propesyon, kung walang mga katotohanang prinsipyo na magkokontrol at magsusuri dito, hindi aayon sa mga prinsipyo ang tungkuling gagawin mo, at ikaw ay nagtatrabaho lamang, at tiyak na hindi mo matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Ano ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos para sa iba’t ibang taong may talento na iniaangat at nililinang? Upang maiangat at malinang ng sambahayan ng Diyos, sa pinakamababa, kailangang sila ay mga taong may konsensiya at katwiran, mga taong kayang tumanggap sa katotohanan, mga taong tapat na gumagawa sa kanilang tungkulin, at mga taong kayang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at sa pinakamababa, kailangang magawa nilang tumanggap at magpasakop kapag nahaharap sila sa pagpupungos. Ang resultang dapat makamit ng mga taong sumasailalim sa paglilinang at pagsasanay ng sambahayan ng Diyos ay hindi para maging mga opisyal o amo sila, o pamunuan ang grupo, at hindi para payuhan nila ang mga tao sa paraan ng kanilang pag-iisip, at siyempre, lalong hindi para magkaroon sila ng mas mahusay na mga propesyonal na kasanayan o mas mataas na antas ng edukasyon, o mas mataas na reputasyon, o na para maihalintulad sila sa mga sikat sa mundo dahil sa kanilang mga propesyonal na kasanayan o mga tagumpay sa politika. Sa halip, ang resultang dapat makamtan ay na maunawaan nila ang katotohanan at maisabuhay ang mga salita ng Diyos, at na sila ay mga taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Habang nagsasanay sila, nauunawaan nila ang katotohanan at naaarok ang mga katotohanang prinsipyo, at mas tumpak na nalalaman kung ano ang pananalig sa Diyos at kung paano sumunod sa Diyos—lubos itong kapaki-pakinabang para sa mga naghahangad sa katotohanan para makamit ang pagiging perpekto. Ito ang epekto at pamantayan na nais matamo ng sambahayan ng Diyos sa pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento, at ito rin ang pinakamalaking bungang naaani ng mga taong iniangat at ginamit.
Ginagawa ng ilang tao ang kanilang tungkulin nang medyo responsable at sinasang-ayunan sila ng mga hinirang ng Diyos, kaya’t nililinang sila ng iglesia para maging mga lider o manggagawa. Pagkatapos magtamo ng katayuan, nagsisimula silang makaramdam na namumukod-tangi sila sa karamihan at iniisip, “Bakit ako ang pinili ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t dahil mas mahusay ako kaysa sa inyong lahat?” Hindi ba’t parang ganito ang sasabihin ng isang bata? Ito ay pagiging isip-bata, katawa-tawa, at walang-muwang. Sa katunayan, ni katiting ay hindi ka mas mahusay kaysa sa ibang tao. Sadyang natutugunan mo lang ang mga pamantayan para malinang ng sambahayan ng Diyos. Makakaya mo mang pasanin ang responsabilidad na ito o hindi, ang gawin nang maayos ang tungkuling ito o tapusin ang ipinagkatiwalang ito ay ibang usapan. Kapag ang isang tao ay nahalal ng mga kapatid na maging lider, o iniangat ng sambahayan ng Diyos para gawin ang isang tiyak na gawain o gampanan ang isang tiyak na tungkulin, hindi ito nangangahulugan na mayroon siyang espesyal na katayuan o posisyon, o na ang mga katotohanang nauunawaan niya ay mas malalim at mas marami kaysa sa ibang mga tao—lalo nang hindi ito nangangahulugan na ang taong ito ay kayang magpasakop sa Diyos, at hindi Siya ipagkakanulo. Tiyak na hindi rin ito nangangahulugan na kilala niya ang Diyos, at isa siyang taong may takot sa Diyos. Sa katunayan, hindi niya natamo ang anuman dito. Ang pag-aangat at paglilinang ay pag-aangat at paglilinang lamang sa prangkang salita, at hindi katumbas nito na pauna na siyang itinalaga at sinang-ayunan ng Diyos. Ang pag-aangat at paglilinang sa kanya ay nangangahulugan lamang na iniangat na siya, at naghihintay na malinang. At ang huling kalalabasan ng paglilinang na ito ay depende sa kung hinahangad ng taong ito ang katotohanan, at kung kaya niyang piliin ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Samakatwid, kapag iniaangat at nilinang ang isang tao sa iglesia para maging lider, iniaangat at nilinang lamang siya sa literal na paraan; hindi ito nangangahulugan na pasok na siya sa pamantayan at mahusay bilang isang lider, na kaya na niyang gampanan ang gawain ng pamumuno, at kayang gawin ang tunay na gawain—hindi ganoon. Hindi malinaw na nakikilatis ng karamihan sa mga tao ang mga bagay na ito, at batay sa sarili nilang mga imahinasyon ay tinitingala nila ang mga iniangat. Isa itong pagkakamali. Kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, taglay nga ba talaga ng mga iniangat ang katotohanang realidad? Maaaring hindi. Nagagawa ba nilang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Maaaring hindi. Mayroon ba silang pagpapahalaga sa responsabilidad? Tapat ba sila? Kaya ba nilang magpasakop? Kapag may nakakaharap silang isang isyu, nagagawa ba nilang hanapin ang katotohanan? Walang nakakaalam sa lahat ng ito. Mayroon bang may-takot-sa-Diyos na puso ang mga taong ito? At gaano kalaki ang may-takot-sa-Diyos na puso nila? Nagagawa ba nilang iwasang sundin ang sarili nilang kalooban kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay? Magagawa ba nilang hanapin ang Diyos? Sa panahon na ginagampanan nila ang gawain ng pamumuno, nagagawa ba nilang madalas na humarap sa Diyos para hanapin ang mga layunin ng Diyos? Naaakay ba nila ang mga tao sa katotohanang realidad? Tiyak na wala silang kakayanan sa gayong mga bagay. Hindi pa sila nakakatanggap ng pagsasanay at wala pa silang sapat na mga karanasan, kaya wala silang kakayanan sa mga bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit ang pag-aangat at paglilinang sa isang tao ay hindi nangangahulugang nauunawaan na niya ang katotohanan, ni hindi nito sinasabi na kaya na niyang gawin ang kanyang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan. Kaya, ano ang pakay at kabuluhan ng pag-aangat at paglilinang sa isang tao? Ito ay na ang taong ito ay iniaangat bilang isang indibidwal, para makapagsagawa siya, at para siya ay espesyal na madiligan at magsanay, na nagbibigay-daan sa kanya na maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, at ang mga prinsipyo, kaparaanan, at sistema ng paggawa ng iba’t ibang bagay at ng paglutas sa iba’t ibang problema, gayundin kung paano pangasiwaan at harapin ang iba’t ibang uri ng kapaligiran at mga taong nakakaharap niya alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at sa paraan na pumoprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Batay sa mga puntong ito, ang mga taong may talento na iniaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ay mayroon bang sapat na kakayanang isagawa ang kanilang gawain at gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin sa panahon ng pag-aangat at paglilinang o bago ang pag-aangat at paglilinang? Siyempre wala. Samakatwid, hindi maiiwasan na, sa panahon ng paglilinang, mararanasan ng mga taong ito ang pagpupungos, paghatol at pagkastigo, paglalantad at maging ang pagtatanggal; ito ay normal, ito ay pagsasanay at paglilinang. Hindi dapat magkaroon ng anumang mataas na ekspektasyon ang mga tao o mga hindi makatotohanang hinihingi sa mga iniaangat at nililinang; hindi makatwiran iyan, at hindi patas sa kanila. Maaari ninyong pangasiwaan ang kanilang gawain. Kung may matuklasan kayong mga problema o bagay na labag sa mga prinsipyo habang gumagawa sila, maaari ninyong ipaalam ang isyu at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga bagay na ito. Ang hindi ninyo dapat gawin ay husgahan, kondenahin, atakihin, o ibukod sila, dahil nasa panahon pa lang sila ng paglilinang, at hindi dapat ituring na mga taong nagawang perpekto, lalo nang hindi mga taong walang kasalanan, o bilang mga taong nagtataglay ng katotohanang realidad. Gaya ninyo, sila ay nasa panahon pa lang ng pagsasanay. Ang pagkakaiba ay na mas marami silang gawaing ginagawa at responsabilidad kaysa sa mga ordinaryong tao. May responsabilidad at obligasyon silang gumawa ng mas maraming gawain; kailangang magbayad sila ng mas malaking halaga, higit pang magdusa ng paghihirap, mas magsumikap sa pag-iisip, lumutas ng mas maraming problema, magtiis sa mas maraming pamumuna ng mga tao, at siyempre, dapat silang gumugol ng higit na pagsisikap, at—kumpara sa mga ordinaryong taong gumagawa ng kanilang mga tungkulin—dapat mas kakaunti ang tulog nila, magtamasa sila ng mas kakaunti ng mabubuting bagay, at hindi sila masyadong makipagtsismisan. Ito ang espesyal sa kanila; maliban dito, katulad sila ng sinumang iba pa. Ano ang layunin ng pagsasabi Ko nito? Ito ay para ipaalam sa lahat na dapat nilang harapin nang tama ang iba’t ibang uri ng taong may talento na iniaangat at nililinang sa sambahayan ng Diyos, na hindi sila dapat maging malupit sa kanilang mga hinihingi sa mga taong ito, at, siyempre, na hindi rin sila dapat maging hindi makatotohanan sa kanilang pananaw tungkol sa mga ito. Kahangalan ang labis na paghanga at pagtingala sa kanila; hindi makatao at hindi makatotohanan ang malupit na humingi nang labis sa kanila. Kaya, ano ang pinakamakatwirang paraan ng pagtrato sa kanila? Ito ay ang ituring sila bilang mga karaniwang tao at, kapag kailangan mong kumonsulta sa isang tao tungkol sa isang problema, ang makipagbahaginan sa kanila at matuto mula sa mga kalakasan ng bawat isa at punan ang isa’t isa. Dagdag pa rito, responsabilidad ng lahat na pangasiwaan ang mga lider at manggagawa para tingnan kung gumagawa ba sila ng tunay na gawain, kung kaya ba nilang gamitin ang katotohanan upang lumutas ng mga problema; ito ang mga pamantayan at prinsipyo sa pagsukat kung ang isang lider o manggagawa ba ay pasok sa pamantayan. Kung ang isang lider o manggagawa ay kayang harapin at lutasin ang mga pangkalahatang problema, may kakayahan siya. Ngunit kung hindi man lang niya kayang harapin at ayusin ang mga ordinaryong problema, hindi siya angkop na maging lider o manggagawa, at dapat alisin kaagad sa kanyang posisyon. Kailangang may mapiling iba, at hindi dapat maantala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pag-antala sa gawain ng sambahayan ng Diyos ay pananakit sa sarili at sa iba; hindi ito makakabuti kahit kanino.
May ilang tao na iniaangat at nililinang ng iglesia, tumatanggap ng magandang pagkakataon na magsanay. Mabuting bagay ito. Masasabi na itinaas at biniyayaan sila ng Diyos. Kaya, paano nila dapat gawin ang kanilang tungkulin? Ang unang prinsipyo na dapat nilang sundin ay ang maunawaan ang katotohanan—kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan, dapat nilang hanapin ang katotohanan, at kung hindi pa rin nila nauunawaan matapos ang paghahanap nang mag-isa, maaari silang humanap ng isang taong nakauunawa sa katotohanan para makipagbahaginan at maghanap kasama nila, na gagawing mas mabilis at napapanahon ang paglutas sa problema. Kung magtutuon ka lang sa paggugol ng mas maraming oras sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos nang mag-isa, at sa paggugol ng mas maraming oras sa pagninilay sa mga salitang ito, para magkamit ng pagkaunawa sa katotohanan at malutas ang problema, napakabagal nito; ayon nga sa kasabihan, “Ang mga mabagal na lunas ay hindi kayang tumugon sa mga agarang pangangailangan.” Pagdating sa katotohanan, kung nais mong umunlad kaagad, dapat mong matutuhan kung paano makipagtulungan nang matiwasay sa iba, at magtanong ng mas maraming katanungan at mas maghanap pa. Saka lamang mabilis na lalago ang iyong buhay, at magagawa mong malutas ang mga problema nang agaran, nang walang anumang pagkaantala sa alinman. Dahil kaaangat mo pa lang at nasa probasyon ka pa rin, at hindi tunay na nauunawaan ang katotohanan o taglay ang katotohanang realidad—dahil wala ka pa rin ng tayog na ito—huwag mong isipin na ang pagkakaangat mo ay nangangahulugang taglay mo na ang katotohanang realidad; hindi iyon ganoon. Ito ay dahil lang sa ikaw ay may pagpapahalaga sa pasanin sa gawain at nagtataglay ng kakayahan ng isang lider kaya ka napiling iangat at linangin. Kailangan may ganito kang katwiran. Kung, matapos kang iangat at maging lider o manggagawa, sinimulan mong igiit ang iyong katayuan, at maniwala na isa kang taong naghahangad sa katotohanan at na taglay mo ang katotohanang realidad—at kung, kahit ano pa ang mga problemang mayroon ang mga kapatid, nagkukunwari kang nauunawaan mo, at na espirituwal ka—kung gayon ay isa itong kahangalan, at katulad ito ng mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Dapat magsalita at kumilos ka nang totoo. Kapag hindi mo nauunawaan, maaari kang magtanong sa iba o maghanap ng pagbabahagi mula sa ang Itaas—walang nakakahiya tungkol sa alinman dito. Kahit hindi ka magtanong, malalaman pa rin ng ang Itaas ang totoo mong tayog, at malalaman na wala sa iyo ang katotohanang realidad. Ang marapat mong gawin ay ang maghanap at makipagbahaginan; ito ang katwiran na dapat makita sa normal na pagkatao, at ang prinsipyo na dapat sundin ng mga lider at manggagawa. Hindi ito isang bagay na dapat ikahiya. Kung iniisip mo na kapag naging lider ka na ay nakakahiyang hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo, o ang palaging magtanong sa ibang tao o sa ang Itaas, at natatakot kang mamaliitin ka ng ibang tao, at kaya nagkukunwari ka dahil dito, nagpapanggap na nauunawaan mo ang lahat, na alam mo ang lahat, na mayroon kang kapabilidad sa gawain, na kaya mong gawin ang anumang gawain ng iglesia, at hindi mo kailangan ang sinuman para magpaalala o magbahagi sa iyo, o sinuman para tustusan o suportahan ka, kung gayon, mapanganib ito, at masyado kang mayabang at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, masyadong walang katwiran. Ni hindi mo alam ang sarili mong sukat—hindi ka ba nito ginagawang isang tao na magulo ang isip? Ang gayong mga tao ay hindi talaga natutugunan ang mga pamantayan ng pag-aangat at paglilinang ng sambahayan ng Diyos, at sa malao’t madali ay tatanggalin at ititiwalag sila. At kaya, dapat malinaw sa bawat lider o manggagawa na kaaangat pa lang na wala silang katotohanang realidad, dapat mayroon silang ganitong kamalayan sa sarili. Ikaw ngayon ay isa nang lider o manggagawa hindi dahil itinalaga ka ng Diyos, kundi dahil ikaw ay iniangat ng ibang mga lider at manggagawa, o dahil inihalal ng hinirang na mga tao ng Diyos; hindi ito nangangahulugan na mayroon kang katotohanang realidad at tunay na tayog. Kapag nauunawaan mo ito, magkakaroon ka ng kaunting katwiran, na siyang katwiran na dapat taglayin ng mga lider at manggagawa. Naiintindihan mo na ba ngayon? (Oo.) Kung gayon, paano mismo kayo dapat gumawa ng gawain? Paano ninyo dapat isagawa ang maayos na pakikipagtulungan? Paano ninyo dapat hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema sa tuwing nahaharap kayo sa mga ito? Dapat na maunawaan ang mga bagay na ito. Kung nabunyag ang mga tiwaling disposisyon, hanapin ninyo ang katotohanan at lutasin ang mga ito sa lalong madaling panahon. Kung hindi nalutas ang mga ito sa tamang oras at nakaapekto sa gawain ninyo, problema ito. Kung hindi kayo pamilyar sa isang propesyon, dapat din kayong mag-aral agad-agad. Dahil nangangailangan ng propesyonal na kaalaman ang ilang tungkulin, kung nauunawaan lang ninyo ang katotohanan nang walang pagkakaarok sa anumang propesyonal na kaalaman, maaapektuhan din nito ang mga resulta ng inyong gawain. Kahit papaano, dapat may naaarok at nauunawaan kayong kaunting pangunahing propesyonal na kaalaman, para maging epektibo kayo sa pagsusubaybay at pagpapatnubay sa gawain ng mga tao. Kung dalubhasa lang kayo sa isang propesyon pero hindi nakakaunawa sa katotohanan, magkakaroon din ng mga kakulangan sa gawain ninyo, kaya, kakailanganin din ninyong hangarin ang katotohanan at makipagtulungan sa mga taong nakakaunawa sa katotohanan para magawa ninyo nang maayos ang inyong tungkulin. Dahil lang sa dalubhasa ka sa mga propesyonal na kasanayan o sa isang partikular na larangan ng kaalaman, hindi ito nangangahulugang nakakagawa ka ng mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, kaya mahalagang makipagbahaginan sa mga taong nakauunawa sa katotohanan—ito ay isang prinsipyong dapat ninyong sundin. Anuman ang ginagawa ninyo, hindi kayo dapat magpanggap. Nasa panahon ka ng pagsasanay at paglilinang, at mayroon kang tiwaling disposisyon, at hindi mo talaga nauunawaan ang katotohanan. Sabihin mo sa Akin, alam ba ng Diyos ang mga bagay na ito? (Oo.) Kaya, hindi ba’t magmumukha kang hangal kung magpapanggap ka? Gusto ba ninyong maging hangal na mga tao? (Ayaw namin.) Kung ayaw ninyong maging hangal na mga tao, anong uri ng mga tao dapat kayo? Maging mga tao na may katwiran, mga taong kayang mapagpakumbabang hanapin ang katotohanan at tanggapin ang katotohanan. Huwag magpanggap, huwag maging mapagpaimbabaw na mga Pariseo. Kaunting propesyonal na kaalaman lang ang alam mo, hindi ito ang mga katotohanang prinsipyo. Dapat kang maghanap ng paraan upang angkop na magamit ang iyong mga propesyonal na kalakasan at magamit ang iyong natamong kaalaman at natutunan batay sa pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba’t isa itong prinsipyo? Hindi ba’t isa itong landas ng pagsasagawa? Kapag natutuhan mo nang gawin ito, magkakaroon ka ng landas na susundan at makakapasok ka sa katotohanang realidad. Anuman ang iyong gawin, huwag maging matigas ang ulo, at huwag magpanggap. Ang pagiging matigas ang ulo at pagpapanggap ay hindi makatwirang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Bagkus, ito ang pinakahangal na paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Ang mga taong namumuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon ang mga pinakahangal na tao. Tanging ang mga taong naghahanap sa katotohanan at nangangasiwa sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo ang pinakamatatalinong tao.
Sa pamamagitan ng pagbabahaginang ito, mayroon na ba kayong wastong pagkaunawa at pananaw tungkol sa pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento sa sambahayan ng Diyos? (Oo.) Ngayong mayroon na kayong wastong pananaw ukol dito, magagawa ba ninyong harapin nang tama ang mga taong ito? Dapat ninyong harapin nang tama ang mga kalakasan nila, pati na rin ang mga pagkukulang at kahinaan na mayroon sila pagdating sa kanilang pagkatao, gawain, propesyon, at iba’t iba pang aspekto—dapat harapin nang tama ang lahat ng bagay na ito. Higit pa rito, kayo man ay iniangat o nilinang bilang mga lider o manggagawa, o kayo man ay mga indibidwal na may talento sa iba’t ibang propesyon, lahat kayo ay ordinaryo, lahat kayo ay nagawang tiwali ni Satanas, at wala ni isa sa inyo ang nakakaunawa sa katotohanan. Kaya, wala ni isa sa inyo ang dapat magbalatkayo o magtago ng inyong sarili; sa halip, dapat matuto kayong maging bukas sa pakikipagbahaginan. Kung hindi ninyo nauunawaan, aminin ninyong hindi ninyo nauunawaan. Kung hindi ninyo alam gawin ang isang bagay, aminin ninyong hindi ninyo alam gawin ito. Anuman ang mga problema o paghihirap na lumitaw, lahat ay dapat sama-samang magbahaginan at maghanap ng katotohanan para makahanap ng solusyon. Sa harap ng katotohanan, ang bawat tao ay katulad ng isang sanggol, bawat tao ay naghihikahos at kahabag-habag at lubos na walang-wala. Ang kailangang gawin ng mga tao ay maging mapagpasakop sa harap ng katotohanan, magkaroon ng mapagpakumbaba at nananabik na puso at hanapin at tanggapin ang katotohanan, at pagkatapos ay isagawa ang katotohanan at matamo ang pagpapasakop sa Diyos. Sa paggawa nito, makakapasok ang mga tao sa katotohanang realidad ng mga salita ng Diyos habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin at sa kanilang tunay na buhay. Lahat ay pantay-pantay sa harap ng katotohanan. Ang mga iniaangat at nililinang ay hindi gaanong nakahihigit sa iba. Ang lahat ay naranasan ang gawain ng Diyos sa loob ng halos parehong panahon. Ang mga hindi pa naiaangat o nalilinang ay dapat ding maghangad sa katotohanan habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin. Walang sinumang maaaring magkait sa iba ng karapatang hangarin ang katotohanan. Ang ilang tao ay mas masigasig sa paghahangad nila ng katotohanan at may kaunting kakayahan, kaya sila iniaangat at nililinang. Ito ay dahil sa mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Bakit may gayong mga prinsipyo ang sambahayan ng Diyos sa pag-aangat at paggamit sa mga tao? Dahil may pagkakaiba-iba sa kakayahan at karakter ng mga tao, at pumipili ang bawat tao ng magkakaibang landas, ito ay humahantong sa magkakaibang kahihinatnan sa pananalig ng mga tao sa Diyos. Iyong mga naghahangad sa katotohanan ay naililigtas at nagiging mga tao ng kaharian, habang iyong mga hindi talaga tinatanggap ang katotohanan, na hindi tapat sa paggawa ng kanilang tungkulin, ay itinitiwalag. Nililinang at ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang mga tao batay sa kung hinahangad nila ang katotohanan, at sa kung tapat sila sa paggawa ng kanilang tungkulin. Mayroon bang pagkakaiba sa herarkiya ng iba’t ibang tao sa sambahayan ng Diyos? Sa ngayon, walang herarkiya pagdating sa iba’t ibang posisyon, halaga, katayuan o kalagayan ng iba’t ibang tao. Kahit man lang sa panahon na gumagawa ang Diyos para iligtas at gabayan ang mga tao, walang pagkakaiba ang mga ranggo, posisyon, halaga, o katayuan sa pagitan ng iba’t ibang tao. Ang tanging mga bagay na nagkakaiba ay nasa paghahati ng gawain at sa mga tungkuling ginagampanan. Siyempre, sa panahong ito, ang ilang tao, bilang eksepsiyon, ay iniaangat at nililinang para gumawa ng ilang espesyal na trabaho, samantalang ang ilang tao ay hindi nakakatanggap ng gayong mga oportunidad dahil sa iba’t ibang kadahilanan tulad ng mga problema sa kanilang kakayahan o kapaligiran ng pamilya. Ngunit hindi ba inililigtas ng Diyos ang mga hindi pa nakakatanggap ng gayong mga oportunidad? Hindi iyon ganoon. Mas mababa ba ang kanilang halaga at posisyon kaysa sa iba? Hindi. Lahat ay pantay-pantay sa harap ng katotohanan, lahat ay may oportunidad na hangarin at makamit ang katotohanan, at tinatrato ng Diyos ang lahat nang patas at makatwiran. Sa anong punto mayroong kapansin-pansing pagkakaiba sa mga posisyon, halaga, at katayuan ng mga tao? Ito ay kapag dumating ang mga tao sa dulo ng kanilang landas, at natapos ang gawain ng Diyos, at sa wakas ay nabuo ang isang kongklusyon tungkol sa mga saloobin at pananaw na ipinapakita ng bawat tao sa proseso ng paghahangad ng kaligtasan at habang ginagawa ang kanilang tungkulin, pati na rin sa iba’t ibang mga pagpapamalas at saloobin nila tungkol sa Diyos—ibig sabihin, kapag may kompletong talaan sa aklat ng Diyos—sa panahong iyon, dahil iba-iba ang kalalabasan at hantungan ng mga tao, magkakaroon din ng pagkakaiba sa kanilang halaga, mga posisyon, at katayuan. Saka lamang mahihinuha at halos matitiyak ang lahat ng bagay na ito, samantalang sa ngayon, pare-pareho ang lahat. Nauunawaan ba ninyo? Inaabangan ba ninyo ang araw na iyon? Inaabangan ba ninyo ito nang may kasamang takot? Ang inaabangan ninyo ay na sa araw na iyon, magkakaroon na ng resulta sa wakas, at mararating na ninyo ang araw na iyon sa wakas sa kabila ng lahat ng paghihirap; at ang kinatatakutan ninyo ay na baka hindi ninyo natahak nang tama ang landas, at na madadapa kayo sa daan at mabibigo, at na hindi magiging kasiya-siya ang huling kalalabasan, mas masahol pa kaysa sa iniisip at inaasahan ninyo—kay lungkot, kay sakit at sobrang nakakadismaya iyon! Huwag mag-isip nang masyadong malayo pa, hindi iyon praktikal. Tingnan mo muna kung ano ang nasa harap ng mga mata mo, tahakin nang maayos ang landas sa ilalim ng iyong mga paa, gawin nang maayos ang hawak mong gawain, at tuparin ang mga tungkulin at responsabilidad na ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo. Ito ang pinakakritikal at pinakamahalaga. Unawain ang katotohanan at ang mga prinsipyo sa paggawa ng tungkulin ninyo na dapat maunawaan ngayon, at pagbahaginan ang mga ito hanggang sa maging malinaw na malinaw ang mga ito—para lubos ninyong maunawaan nang malinaw ang mga ito sa inyong isipan, at malinaw at tiyak ninyong alam kung ano ang mga prinsipyo sa bawat ginagawa ninyo—at tiyaking hindi ninyo nalalabag ang mga prinsipyo, o hindi nalilihis mula rito, o hindi magdudulot ng mga pagkagambala o kaguluhan, o hindi gagawa ng anumang makakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ang lahat ng ito ang dapat ninyong pasukin ngayon mismo. Hindi natin kailangang pag-usapan pa ang tungkol sa anumang bagay sa hinaharap, at hindi rin ninyo ito kailangang itanong o pag-isipan. Walang silbi ang pag-iisip nang masyadong malayo—hindi iyon ang dapat mong pinag-iisipan. Maaaring itinatanong ng ilan: “Bakit hindi namin ito dapat pag-isipan? Napakalubha na ngayon ng kalagayan ng sakuna, hindi ba’t panahon na para pag-isipan namin ang gayong mga bagay?” Panahon na ba? Nakakaapekto ba sa iyong pagpasok sa katotohanan ang katunayan na malubha ang sakuna? (Hindi, hindi ito nakakaapekto.) Naging napakalubha na ng kalagayan ng sakuna, ngunit kailan ba Ako nagdaos ng mga pagtitipon o nangangaral ng mga sermon partikular tungkol sa sakuna? Hindi Ako kailanman tumutuon sa usapin ng sakuna, palagi lang Akong nagsasalita tungkol sa katotohanan, para maunawaan ninyo ang katotohanan at maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at para maunawaan ninyo kung paano gawin nang maayos ang inyong tungkulin at paano makapasok sa katotohanang realidad. Sa panahon ngayon, hindi man lang nauunawaan ng ilang tao kung ano ang katotohanang realidad at kung ano ang mga doktrina. Naglilitanya lang sila ng ilang magkakaparehong salita at doktrina, at walang kabuluhang usapan araw-araw, ngunit pakiramdam nila ay nakapasok na sila sa katotohanang realidad. Nag-aalala Ako para sa kanila, pero hindi sila nag-aalala para sa sarili nila. Iniisip pa rin nila iyong mga malayong bagay sa hinaharap—hindi praktikal ang pag-iisip tungkol sa mga bagay na iyon.
Ang pakay ng pag-aangat at paglilinang sa iba’t ibang uri ng mga taong may talento ay hindi para gawin silang aktibong tao, ni para planuhin na sila ay maging isang uri ng sandigan sa hinaharap, kundi para bigyan ang ilang tao na, kung ikukumpara, ay higit na naghahangad sa katotohanan at nakakatugon sa mga pamantayan ng pag-aangat at paglilinang, ng pagkakataon na magsanay sa mga angkop na kapaligiran at sa ilalim ng mas kanais-nais na mga kondisyon. Ang pinakamahalaga ay na maunawaan nila ang mga salita ng Diyos, maunawaan ang katotohanan at makapasok sa katotohanang realidad. Hindi ba’t ito ang dapat na matamo ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t ito ang dapat na makamit ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos? Para makapasok sa katotohanang realidad, ano ang pangunahing bagay na dapat ninyong hangarin sa ngayon? Mayroon ba kayong anumang plano o hakbang sa paggawa nito? Ituturo Ko sa inyo ang isang simpleng diskarte, madali at mabilis. Sa simpleng pananalita, ang pagpasok sa katotohanang realidad ay talagang pagsasagawa sa katotohanan. Para maisagawa ang katotohanan, kinakailangan munang harapin ang sariling mga tiwaling disposisyon. Ano ang pinakamabilis na panimulang punto sa paglutas ng mga tiwaling disposisyon ng isang tao? Para sa inyo, ang pinakasimple, pinakamabilis at pinakamadaling paraan ay ang lutasin muna ang problema ng pagiging pabaya sa paggawa ng inyong tungkulin, isa-isang nilulutas ang inyong mga tiwaling disposisyon. Gaano kaya katagal bago ninyo ito malutas? May plano ba kayo? Karamihan sa mga tao ay walang plano, patuloy lang nila itong pinag-iisipan, nang hindi nila nalalaman kung kailan nila ito pormal na sisimulan. Bagama’t alam nila na pabaya sila, sadyang hindi nila sinisimulang lutasin ito at wala silang anumang partikular na solusyon. Ang pagiging tamad sa paggawa ng tungkulin, at hindi metikuloso, iresponsable, at hindi pagseseryoso rito—ang lahat ng ito ay pagpapamalas ng pagiging pabaya. Ang unang hakbang ay lutasin ang problema ng pagiging pabaya. Ang ikalawang hakbang ay lutasin ang problema ng pagkilos ayon sa sariling kalooban. Para naman sa iba pang bagay tulad ng paminsan-minsang pagsasalita nang hindi matapat, o pagbubunyag ng mga mapanlinlang o mapagmataas na disposisyon, huwag ninyong alalahanin ang mga bagay na iyon sa ngayon. Hindi ba’t mas praktikal at epektibo na harapin muna ang pagiging pabaya at pagkilos ayon sa sariling kalooban? Hindi ba’t ang dalawang isyung ito ang pinakamadaling makita? Hindi ba’t madaling lutasin ang mga ito? (Oo.) Namamalayan mo ba kung kailan ka nagiging pabaya? Napagtatanto mo ba kung kailan mo naiisip na maging tamad? Napagtatanto mo ba kung kailan mo naiisip na manlansi o makipagsabwatan at magserbisyo sa sarili mo sa pamamagitan ng panlalansi? (Oo.) Kung napagtatanto mo nga ito, madali itong lutasin. Magsimula sa paglutas ng mga problemang madali mong matukoy at na namamalayan mo sa loob-loob mo. Ang pagiging pabaya sa tungkulin ay isang halatang-halata at karaniwang problema, pero isa rin itong hindi mawala-walang problema na talagang mahirap lutasin. Kapag gumagawa ng tungkulin, kailangang matutuhan ng isang tao na maging maingat, masusi, metikuloso, at responsable, at gawin ito nang matatag, ibig sabihin, sa pamamagitan ng paisa-isang hakbang. Dapat ibuhos ng isang tao ang kanyang buong lakas para gawin nang maayos ang tungkuling iyon, hanggang sa masiyahan siya sa kung paano niya ginampanan ito. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, dapat niyang hanapin ang mga prinsipyo, at kumilos siya ayon sa mga ito at ayon sa mga hinihingi ng Diyos; dapat handa siyang higit na magsumikap na gawin nang maayos ang kanyang tungkulin, at hindi kailanman ito gawin sa pabasta-bastang paraan. Sa ganitong paraan lang ng pagsasagawa makakaramdam ng kapayapaan sa kanyang puso ang isang tao, nang hindi sinusumbatan ng kanyang konsensiya. Madali bang lutasin ang pagiging pabasta-basta? Hangga’t may konsensiya at katwiran ka, malulutas mo ito. Una, dapat kang manalangin sa Diyos: “O Diyos, sisimulan ko ang tungkulin ko. Kung pabaya ako, hinihiling ko na disiplinahin Mo ako at sawayin Mo ako sa puso ko. Hinihiling ko rin na gabayan Mo ako na magawa nang maayos ang tungkulin ko at hindi maging pabaya.” Magsagawa ka sa ganitong paraan sa araw-araw at tingnan mo kung gaano katagal bago malutas ang problema ng pagiging pabaya mo, bago mabawasan ang pagiging pabaya mo, bago mabawasan ang mga karumihan sa tungkulin mo, at bago mapabuti ang mga tunay mong resulta at madagdagan ang kahusayan mo sa paggampan ng iyong tungkulin. Ang paggampan sa tungkulin mo nang hindi nagpapabaya—matatamo mo ba ito sa pamamagitan ng pagsandal sa sarili mo? Kapag nagiging pabaya ka, kaya mo bang kontrolin ito? (Hindi ito madali.) Mahirap, kung gayon. Kung talagang mahirap para sa inyo na kontrolin ito, malaki ang problemang hawak ninyo! Aling mga bagay, kung gayon, ang kaya ninyong gawin nang hindi nagiging pabaya? Ang ilang tao ay sobrang maselan sa kinakain nila; kung hindi nila gusto ang isang pagkain, buong araw na magiging masama ang lagay ng loob nila. May ilang babae na mahilig magbihis at maglagay ng kolorete; hindi nila pinapalampas ang kahit isang hibla ng buhok. May ilang tao na magaling magnegosyo; maingat nilang kinakalkula ang bawat sentimo. Kung kumikilos kayo nang may ganitong klase ng maingat na saloobin, maiiwasan ninyong maging pabaya. Una, lutasin ang problema ng pagiging pabaya, pagkatapos, lutasin ang problema ng pagkilos ayon sa sariling kalooban. Ang pagkilos ayon sa sariling kalooban ay isang karaniwang problema, at isa pa itong bagay na madaling makita ng mga tao sa sarili nila. Nang may kaunting pagninilay-nilay sa sarili, mapagtatanto ng isang tao na kumikilos siya ayon sa sarili niyang kalooban, na hindi alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Madaling lutasin ang mga problemang nakikilala ng mga tao. Pagtuunan mo munang lutasin ang dalawang isyung ito, una, ang problema ng pagiging pabaya, at ang isa pa ay ang pagkilos ayon sa sarili mong kalooban. Magsikap, sa loob ng isa o dalawang taon na magtamo ng mga resulta, na hindi maging pabaya, o kumilos ayon sa sarili mong kalooban, o nang may mga karumihan sa iyong kalooban sa anumang ginagawa mo. Kapag nalutas na ang dalawang problemang ito, hindi na kayo malayo sa paggampan ng tungkulin ninyo sa paraan na pasok sa pamantayan. At kung hindi man lang ninyo malutas ang mga ito, malayo pa rin kayo sa pagpapasakop sa Diyos o sa pagsasaalang-alang sa mga layunin Niya—hindi pa talaga ninyo lubusang nauunawaan ang bagay na ito.