Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (3) Ikalimang Seksiyon

III. Kung Paano Tinatrato ng mga Huwad na Lider ang mga Superbisor na Nagpapahirap sa Iba at Nakakagulo sa Gawain ng Iglesia

Ang ikatlong uri ng sitwasyon ay may kinalaman sa mga superbisor na nagpapahirap at pumipigil sa iba, nakagugulo sa gawain ng iglesia. Ang unang sitwasyong pinag-usapan natin kanina ay kung saan may ilang superbisor, na sa kabila ng pagkakaroon ng medyo mahusay na kakayahan at abilidad na akuin ang gawain ay hindi sineseryoso ang gawain, at umaasal lang sa isang pabasta-bastang paraan, habang ignorante rito ang mga huwad na lider at hindi sila agad na tinatanggal. Ang ikalawang sitwasyon ay may kinalaman sa ilang superbisor na mahina ang kakayahan at hindi nakakapagpasan ng gawain, pero hindi ito napapansin ng mga huwad na lider o hindi sila agad na pinapalitan. Ang ikatlong sitwasyong ito ay tungkol sa mga superbisor na, mahusay man o mahina ang sarili nilang kakayahan ay hindi nag-aasikaso ng gawain na marapat nilang gawin, at nagpapahirap at pumipigil lang sa iba, nakagugulo sa gawain ng iglesia. Mula sa oras na piliin sila bilang mga superbisor, hindi nila sinusubukang matutuhan o pag-aralan ang larangan nila, ni hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, at talagang hindi nila ginagabayan ang iba na gawin nang maayos ang mga tungkulin ng mga ito. Sa halip, sa tuwing makakakuha sila ng pagkakataon, may pinag-iinitan sila, at may iba silang tinutuya at inaalipusta; basta’t may pagkakataon sila, nagpapasikat sila, at anuman ang ginagawa nila, kailanman ay hindi sila praktikal. Isang araw ay sinasabi nila sa mga tao na gawin ang mga bagay-bagay sa isang paraan, at kinabukasan ay sinasabi nilang gawin ito sa ibang paraan; nakakaisip lang sila ng mga bagong panlilinlang, palaging nagnanais na mangibabaw. Dahil sa lahat ng ito, napupunta sa balisang kalagayan ang mga tao. Sa tuwing magsasalita sila, kumakabog ang dibdib ng ilang tao. Kapag nasupil na nila ang lahat, at naidulot na sa lahat na katakutan at sundin sila, natutuwa sila. Mga huwad na lider o anticristo man sila, at nasa kapangyarihan man sila o hindi, nasisira ng ganitong mga uri ng tao ang katahimikan ng iglesia. Bukod sa hindi na nila kayang gumawa ng tunay na gawain o gampanan nang normal ang tungkulin nila, naghahasik din sila ng hindi pagkakasundo at nagdudulot ng mga alitan sa pagitan ng mga tao, nakagugulo sa buhay ng iglesia. Bukod sa hindi na nila natutulungan ang iba na maunawaan ang katotohanan, madalas din silang nanghuhusga at nagkokondena ng mga tao, at pinasusunod ang mga tao sa kanila sa lahat ng bagay, pinipigilan ang mga ito hanggang sa puntong hindi na alam ng mga ito kung paano kumilos nang angkop. Lalo na pagdating sa paraan ng pamumuhay ng mga ito, hindi puwedeng matulog ang mga tao nang medyo mas maaga o mas huli. Anuman ang gawin ng mga ito ay kailangan ng mga ito na pagmasdan ang mga ekspresyon ng mukha ng mga tao na ito, kaya nagiging masyadong nakakapagod ang buhay. Kung magiging mga superbisor ang ganitong mga tao, mahihirapan ang lahat. Kung kakausapin mo sila nang matapat at ilalantad ang mga isyu nila, sasabihin nilang sadya mo silang pinupuntirya at inilalantad. Kung hindi mo sila kakausapin tungkol sa mga problema nila, sasabihin nilang minamaliit mo sila. Kung seryoso at responsable ka sa gawain at bibigyan mo sila ng kaunting payo, magiging mapanlaban sila, at sasabihin nilang inaatake mo sila at tatawagin ka nilang mapagmataas. Ano’t ano man, anuman ang gawin mo, hindi nila ito ikatutuwa. Palagi nilang iniisip ang pagpapahirap sa mga tao, at pinipigilan nila ang mga tao para maigapos ang mga kamay at paa ng mga ito at maramdaman ng mga ito na walang nagagawang tama ang mga ito. Nagugulo ng ganoong mga superbisor ang gawain ng iglesia.

Magaling sa paimbabaw na gawain ang mga huwad na lider, ngunit hindi sila kailanman gumagawa ng tunay na gawain. Hindi nila iniinspeksiyon, pinapangasiwaan, o pinapatnubayan ang iba’t ibang propesyonal na gawain, o inaalam ang nangyayari sa iba’t ibang pangkat sa tamang oras, hindi nila iniinspeksiyon kung kumusta ang pag-usad ng gawain, kung ano ang mga problema, kung mahuhusay ba ang mga superbisor ng pangkat sa kanilang trabaho, at kung paano inuulat o sinusuri ng mga kapatid ang mga superbisor. Hindi nila sinusuri kung mayroong sinuman na pinipigilan ng mga lider ng pangkat o superbisor, kung tinatanggap ba ang mga tamang mungkahi ng mga tao, kung sinusupil o ibinubukod ba ang sinumang may talento o naghahangad sa katotohanan, kung naaapi ba ang sinumang taong totoo, kung inaatake, pinaghihigantihan, pinapaalis, o pinapatalsik ba ang mga taong naglalantad at nag-uulat ng mga huwad na lider, kung masasamang tao ba ang mga lider ng pangkat o superbisor, at kung mayroon bang sinumang pinahihirapan. Kung hindi ginagawa ng mga huwad na lider ang alinman sa kongkretong gawaing ito, dapat silang tanggalin. Halimbawa, may nag-ulat sa isang huwad na lider na may isang superbisor na madalas pumipigil at sumusupil sa mga tao. May ginawang ilang maling bagay ang superbisor ngunit hindi niya hinahayaan ang mga kapatid na magbigay ng mga mungkahi, at naghahanap pa nga siya ng mga dahilan para ipawalang-sala at ipagtanggol ang kanyang sarili, hindi niya kailanman inaamin ang kanyang mga pagkakamali. Hindi ba’t dapat na tanggalin kaagad ang gayong superbisor? Ito ay mga problema na dapat lutasin agad ng mga lider. Hindi pinapayagan ng ilang huwad na lider na malantad ang mga superbisor na itinalaga nila, anuman ang mga isyung lumitaw sa gawain ng mga ito, at tiyak na hindi nila pinapayagan na maulat ang mga ito sa mga nakatataas—sinasabihan pa nga nila ang mga tao na matutong magpasakop. Kung may maglalantad nga ng mga isyu tungkol sa isang superbisor, sinusubukan ng mga huwad na lider na ito na protektahan ang mga ito o itago ang mga katunayan, sinasabi nila, “Problema ito sa buhay pagpasok ng superbisor. Normal lang na magkaroon siya ng mayabang na disposisyon—mayabang ang lahat ng may kaunting kakayahan. Hindi ito malaking isyu, kailangan ko lang makipagbahaginan sa kanya nang kaunti.” Sa pamamagitan ng pagbabahaginan, ipinapahayag ng superbisor ang kanyang paninindigan, sinasabi niya, “Inaamin kong mayabang ako. Inaamin kong may mga pagkakataon na iniisip ko ang sarili kong banidad, pagpapahalaga sa sarili, at katayuan, at hindi ko tinatanggap ang mga mungkahi ng ibang tao. Ngunit hindi mahusay ang ibang tao sa propesyong ito, madalas silang nagbibigay ng mga walang kuwentang mungkahi, kaya may dahilan kung bakit hindi ko sila pinakikinggan.” Hindi sinusubukan ng mga huwad na lider na lubusang unawain ang sitwasyon, hindi nila tinitingnan ang mga resulta ng gawain ng superbisor, lalo na kung ano ang kanyang pagkatao, disposisyon, at hangarin. Ang ginagawa lang nila ay palabasing hindi seryoso ang mga bagay-bagay, sinasabi nila, “Iniulat ito sa akin kaya binabantayan kita. Binibigyan kita ng isa pang pagkakataon.” Pagkatapos ng kanilang pag-uusap, sinasabi ng superbisor na handa siyang magsisi, ngunit sa usapin ng kung talagang magsisisi siya pagkatapos, o kung nagsisinungaling lang siya at nanlilinlang, hindi ito binibigyang-pansin ng mga huwad na lider. Kung may magtatanong tungkol sa bagay na ito, sasabihin ng mga huwad na lider, “Nakausap ko na siya at nagbahagi pa nga ako ng maraming sipi ng mga salita ng Diyos sa kanya. Handa siyang magsisi, at nalutas na ang problema.” Kapag tinanong ng tao na iyon, “Kumusta ang pagkatao ng superbisor na iyon? Isa ba siyang tao na tumatanggap ng katotohanan? Binigyan mo siya ng pagkakataon, pero tunay ba siyang makapagsisisi at makapagbabago?” Dahil hindi nakikita ng mga huwad na lider ang totoo rito, sumasagot sila, “Inoobserbahan ko pa siya.” Sumasagot ang tao na iyon: “Gaano katagal mo na siyang inoobserbahan? Nagkaroon ka na ba ng anumang kongklusyon?” Sinasabi ng mga huwad na lider: “Mahigit anim na buwan na, at wala pa rin akong anumang kongklusyon.” Kung hindi sila nakakuha ng anumang resulta pagkalipas ng mahigit anim na buwan ng pag-oobserba, anong uri ng kahusayan sa gawain iyon? Naniniwala ang mga huwad na lider na epektibo ang isang beses ng pakikipag-usap sa superbisor at nalulutas nito ang isyu. Makatwiran ba ang ideyang ito? Iniisip nilang sa sandaling matapos silang makipag-usap sa isang tao, magagawa na ng taong iyon na magbago, at kung ipapahayag ng isang tao ang resolusyon nitong hindi na ito ulitin, ganap nila itong pinaniniwalaan nang hindi nagsasakatuparan ng anumang karagdagang pagtatanong o muling pagsisiyasat sa sitwasyon. Kung walang sinumang mag-uusisa tungkol sa bagay na iyon, baka ni hindi sila mag-abalang siyasatin o kumustahin ang gawain sa loob ng kalahating taon. Nananatiling walang malay ang mga huwad na lider kahit pa magulo ng superbisor na iyon ang gawain. Hindi nila kayang kilatisin kung paano sila nililinlang at pinaglalaruan ng superbisor. Ang mas nakakamuhi pa, kapag may nag-uulat sa mga isyu ng superbisor, binabalewala ito ng mga huwad na lider at hindi talaga sinisiyasat kung umiiral ang mga isyu o kung totoo ang mga isyung inulat nito. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga isyung ito—talagang masyadong malaki ang pananalig nila sa sarili nila! Anumang mga sitwasyon ang lumitaw sa gawain ng iglesia, hindi nagmamadali ang mga huwad na lider na harapin ang mga iyon; iniisip nilang hindi naman nila problema iyon. Masyadong makupad ang pagtugon ng mga huwad na lider sa mga problemang ito, gumagawa sila ng mga hakbang at gumagalaw nang napakabagal, patuloy silang nagpapaligoy-ligoy, at patuloy nilang binibigyan ang mga tao ng isa pang pagkakataong magsisi, na para bang napakahalaga at napakaimportante ng mga pagkakataong ibinibigay nila sa mga tao, na para bang kaya nilang baguhin ang kapalaran ng mga ito. Hindi alam ng mga huwad na lider kung paano makita ang kalikasang diwa ng isang tao sa pamamagitan ng namamalas dito, o husgahan kung anong landas ang tinatahak ng isang tao batay sa kalikasang diwa nito, o tingnan kung angkop ang isang tao na maging isang superbisor o gumawa ng gawaing pamumuno batay sa landas na tinatahak nito. Hindi nila nakikita ang mga bagay-bagay sa ganoong paraan. Dalawang bagay lang ang kayang gawin ng mga huwad na lider sa gawain nila: una, ang tawagin ang mga tao para sa mga pakikipagkuwentuhan at pagraraos ng gawain; ikalawa, ang bigyan ang mga tao ng mga pagkakataon, palugurin ang iba, at hindi pasamain ang loob ng sinuman. Gumagawa ba sila ng aktuwal na gawain? Malinaw na hindi. Pero naniniwala ang mga huwad na lider na ang pagtawag sa isang tao para makipagkuwentuhan ay aktuwal na gawain. Itinuturing nilang masyadong mahalaga at importante ang mga pag-uusap na ito, at masyadong makabuluhan ang tingin nila sa mga hungkag na salita at doktrinang binibigkas nila. Iniisip nilang nakalutas na sila ng malalaking problema sa pamamagitan ng mga pag-uusap na ito at nakagawa ng aktuwal na gawain. Hindi nila alam kung bakit hinahatulan at kinakastigo, pinupungusan, o sinusubok at pinipino ng Diyos ang mga tao. Hindi nila alam na tanging ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ang makalulutas sa mga tiwaling disposisyon ng tao. Masyado nilang pinasisimple ang gawain ng Diyos at ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan! Naniniwala silang ang pagsasabi ng ilang salita at doktrina ay isang panghalili sa gawain ng Diyos, na kaya nitong lutasin ang problema ng katiwalian ng tao. Hindi ba’t kahangalan at pagiging ignorante ito ng mga huwad na lider? Ang mga huwad na lider ay walang ni katiting na katotohanang realidad, kaya bakit napakalakas ng loob nila? Sa pagbigkas ba nila ng ilang doktrina ay makikilala ng mga tao ang sarili nila? Mabibigyang-daan ba nitong iwaksi ng mga tao ang mga tiwali nilang disposisyon? Paanong nagiging masyadong ignorante at walang muwang ang mga huwad na lider na ito? Ganoon ba talaga kasimple ang paglutas sa mga maling pagsasagawa at tiwaling pag-uugali ng isang tao? Napakadali bang lutasin ang isyu ng mga tiwaling disposisyon ng tao? Masyadong hangal at mababaw ang mga huwad na lider! Hindi lang isang pamamaraan ang ginagamit ng Diyos para lutasin ang isyu ng katiwalian ng tao. Gumagamit Siya ng maraming pamamaraan at namamatnugot Siya ng iba’t ibang kapaligiran para ibunyag, linisin, at gawing perpekto ang mga tao. Sa kabaligtaran, ginagampanan ng mga huwad na lider ang gawain sa isang nakababagot at paimbabaw na paraan: Kinakausap nila ang mga tao, pinapayuhan nila nang kaunti ang mga tao sa paraan ng pag-iisip ng mga ito, hinihikayat nila nang kaunti ang mga tao, at naniniwala sila na paggawa ito ng tunay na gawain. Paimbabaw ito, hindi ba? At anong isyu ang nakatago sa likod ng pagiging paimbabaw na ito? Hindi ba’t kawalan ng muwang ito? Lubhang walang muwang ang mga huwad na lider, at tinitingnan din nila ang mga tao at mga bagay sa isang napakawalang muwang na paraan. Wala nang mas mahirap lutasin kaysa sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao—hindi mababago ng isang leopardo ang mga batik nito. Hindi talaga nakikilatis ng mga huwad na lider ang problemang ito. Samakatwid, pagdating sa mga uri ng superbisor sa iglesia na palaging nagdudulot ng kaguluhan, na palaging pumipigil at nagpapahirap sa mga tao, walang ginagawa ang mga huwad na lider kundi kausapin ang mga ito, at pungusan ang mga ito gamit ang ilang salita, at iyon na iyon. Hindi nila agad-agad na itinatalaga sa ibang tungkulin at tinatanggal ang mga ito. Nagdudulot ng matinding pinsala sa gawain ng iglesia ang pamamaraang ito ng mga huwad na lider, at madalas na humahantong sa pagkakabinbin, pagkaantala, at pagkasira sa gawain ng iglesia, at napipigilan ito na makapagpatuloy nang normal, maayos, at mahusay dahil sa mga panggugulo ng ilang masamang tao—na pawang isang malubhang kahihinatnan ng pagkilos ng mga huwad na lider batay sa kanilang mga damdamin, paglabag sa mga katotohanang prinsipyo, at paggamit ng mga maling tao. Sa panlabas na anyo, ang mga huwad na lider ay hindi sadyang gumagawa ng napakaraming kasamaan, o gumagawa ng mga bagay-bagay ayon sa kanilang sariling paraan at nagtatatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian, tulad ng ginagawa ng mga anticristo. Ngunit hindi nagagawang agad na lutasin ng mga huwad na lider ang iba’t ibang problema na lumilitaw sa gawain ng iglesia, at kapag nagkakaroon ng mga problema sa mga superbisor ng iba’t ibang pangkat, at kapag hindi kayang pasanin ng mga superbisor na iyon ang kanilang gawain, hindi kaya ng mga huwad na lider na maagap na ibahin ang mga tungkulin ng mga superbisor o tanggalin ang mga ito, na nagdudulot ng malubhang kawalan sa gawain ng iglesia. At ang lahat ng ito ay dulot ng pagpapabaya sa responsabilidad ng mga huwad na lider. Hindi ba’t labis na kasuklam-suklam ang mga huwad na lider? (Oo.)

IV. Kung Paano Tinatrato ng mga Huwad na Lider ang mga Superbisor na Lumalabag sa mga Pagsasaayos ng Gawain at Gumagawa ng mga Bagay sa Sariling Paraan ng mga Ito

Hindi agad napapangasiwaan ng mga huwad na lider ang masasamang gawang nangyayari sa iglesia katulad ng mga superbisor na nagpapahirap sa iba, naghihigpit sa mga ito, at nanggugulo sa gawain ng iglesia. Sa parehong paraan, kapag may ilang superbisor na lumalabag sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos at gumagawa ng mga bagay sa sarili nilang paraan, hindi makaisip ang mga huwad na lider ng mga angkop na solusyon para agad na lutasin ang mga isyung ito. Nagreresulta ito sa mga kawalan sa gawain ng iglesia at sa materyales at pondo ng sambahayan ng Diyos. Ang mga huwad na lider ay walang muwang at mababaw, hindi nakakaunawa sa mga katotohanang prinsipyo, at lalong hindi nakakakilatis sa mga kalikasang diwa ng mga tao. Dahil dito, madalas nilang ginagawa ang gawain nila sa isang mababaw na paraan, gumagawa sila nang pabasta-basta, sumusunod sa mga patakaran, at bumibigkas ng mga islogan, pero hindi sila pumupunta sa lugar ng gawain para suriin ang gawain, para mag-obserba at magtanong tungkol sa bawat superbisor, o para magtanong nang nasa oras tungkol sa kung ano na ang nagawa ng mga superbisor na ito, kung ano ang paglalarawan ng mga prinsipyong gumagabay sa mga kilos ng mga ito, at kung ano ang mga nagiging epekto pagkatapos. Bilang resulta, ganap silang ignorante kung sino talaga ang mga tao na ginagamit nila at kung ano na ang nagawa ng mga ito. Samakatwid, kapag palihim na lumalabag ang mga superbisor na ito sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos at gumagawa ng mga bagay sa sariling paraan ng mga ito, bukod sa hindi alam ng mga huwad na lider ang tungkol dito, sinusubukan pa nilang ipagtanggol ang mga superbisor. Kahit na mabalitaan nila ang tungkol dito, hindi nila ito agad na sinisiyasat at pinangangasiwaan. Sa isang aspekto ay walang kakayahan ang mga huwad na lider sa gawain nila, at sa isa pang aspekto, pabaya sila sa mga tungkulin nila. Magbigay tayo ng halimbawa. Pinili ng isang partikular na lider ang isang tao na natiwalag sa isa pang pangkat para maging isang teknisyan ng pagtatanim. Hindi niya sinuri kung may nauugnay na karanasan at kadalubhasaan ang tao na ito, kung kaya nitong gawin nang maayos ang trabaho, o kung seryoso at responsable ang saloobin nito, at pagkatapos niya itong ilagay sa posisyong iyon, iniwan niya itong ganap na hindi nasusuri, sinasabing, “Sige, simulan mo nang magtanim ng mga gulay. Puwede kang pumili ng mga buto, at aaprubahan ko ang anumang halagang magagastos mo. Basta gawin mo ang gawaing ito kung paano mo gusto!” Sinabi ito ng lider, kung kaya’t sinimulan ng superbisor na ito ang gawain kung paano niya gusto. Ang unang gampanin niya ay ang pumili ng mga buto. Nang magtingin siya online, natuklasan niya, “Masyado talagang maraming uri ng mga gulay—puno ng pambihirang bagay ang malawak na mundong ito! Medyo masayang mamili ng mga buto. Kailanman ay hindi ko pa nagagawa ang trabahong ito, at hindi ko alam na magiging masyado akong interesado rito. Dahil masyado akong interesado rito, lulubos-lubusin ko na!” Binuksan muna niya ang seksiyon tungkol sa mga buto ng kamatis, at talagang namangha siya. Maraming iba’t ibang uri at sari-saring klase ng laki, at pagdating sa kulay ay may mga pula, dilaw, at berde. Sari-sari pa nga ang kulay ng isang uri—ngayon lang siya nakakita ng ganito, at talagang napalawak nito ang kaalaman niya! Pero paano siya pipili ng tamang mga buto? Napagpasyahan niyang magtanim ng tig-iilan ng bawat uri, lalo na ang uring sari-sari ang kulay na talagang kakaiba ang itsura. Pumili ang superbisor ng mahigit 10 uri ng kamatis na may iba’t ibang laki, kulay, at hugis. Pagkatapos pumili ng mga buto ng kamatis, oras na para gawin ang parehong bagay para sa talong. Karaniwan, ang mga uri ng talong na kinakain ng mga tao ay mga mahaba at kulay lila na talong o puting talong, pero naisip niya, “Hindi dapat maging limitado ang mga talong sa dalawang uri lang na ito. May mga berde, may disenyo, mahaba, bilugan, at hugis-itlog. Pipili ako ng tig-kakaunti ng bawat uri, para mapalawak ang isip ng lahat at makakain sila ng lahat ng uri ng iba’t ibang talong. Bilang isang superbisor, tingnan ninyo kung gaano ako kabihasa at katapang sa pagpili ng mga buto, kung gaano ko isinasaalang-alang ang mga kapatid, tinutugunan ang mga panlasa ng lahat.” Pagkatapos, pumili siya ng mga buto ng sibuyas. May kabuuang 14 na uri ng sibuyas sa lugar na iyon, at pinili niya ang lahat ng iyon, at nang matapos siya, medyo nasiyahan siya. “Matapang” ba ang superbisor na ito? Sinong mangangahas na pumili ng napakaraming uri? Kalaunan, patuloy Kong hinimay ang usaping ito, at may nagsabi pa nga na, “Hindi lang 14 ang uri sa lugar na iyon; may ilan pa siyang hindi pinili!” Ang ibig sabihin nito ay hindi masyadong marami ang 14 na uri, at na may iba pang hindi pinili ang superbisor, kaya wala siyang anumang maling ginawa. Hindi ba’t mahinang umintindi ang tao na nagsabi nito? Mahinang pag-intindi ito, hindi pag-unawa sa wika ng tao, at pagiging ignorante kung bakit hinihimay Ko ang usaping ito. Pagkatapos pumili ng mga buto ng sibuyas, pumili rin ang superbisor ng hindi bababa sa walong uri ng patatas. Ano ang layunin niya sa pagpili ng napakaraming uri? Ang palawakin ang kaalaman ng lahat at hayaan silang makatikim ng iba’t ibang lasa. Naniwala ang superbisor na ang pagpili ng buto ay dapat na nakabatay sa prinsipyo ng pagbibigay ng pakinabang sa mga kapatid. Ano ang palagay ninyo sa motibasyon niya? Ang prinsipyo bang hinihingi ng sambahayan ng Diyos ay pagkilos batay sa isang saloobin ng pag-iisip para sa lahat at pagseserbisyo sa lahat? (Hindi.) Kung ganoon, ano ang prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pagpili ng buto? Huwag magtanim ng kakaiba at bihirang uri na hindi natin karaniwang kinakain. Para naman sa mga uring karaniwang kinakain, kung hindi pa natin naitatanim ang mga iyon at hindi natin alam kung angkop ang mga iyon sa lupa at klima ng lugar, pumili ka ng isa o dalawang uri, pinakamarami na ang tatlo o apat. Una, dapat na angkop ang mga iyon sa lupa at klima ng lugar; ikalawa, dapat ay madaling patubuin ang mga iyon at hindi madaling kapitan ng mga sakit at peste; ikatlo, dapat ay magbigay ang mga iyon ng mga buto para sa susunod na taon; at panghuli, dapat ay magbunga ang mga iyon ng magandang ani. Kung masarap ang mga iyon pero kakaunti naman ang ibubungang ani, hindi angkop ang mga iyon. Batay sa paraan ng pagpili ng buto, kumilos ba ang superbisor na ito ayon sa mga prinsipyo? Naghanap ba siya? Nagpasakop ba siya? Nagpakita ba siya ng pagsasaalang-alang sa sambahayan ng Diyos? Kumilos ba siya nang may saloobing nararapat niyang taglayin sa paggampan sa isang tungkulin? (Hindi.) Malinaw na nagwawala siya sa paggawa ng masasamang bagay, lantarang lumalabag sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos at gumagawa ng mga bagay sa sarili niyang paraan! Nilustay niya ang mga handog sa Diyos sa ganitong paraan para tugunan ang personal niyang kuryosidad at kagustuhang mag-aliw, at tinrato niyang parang isang laro ang isang napakahalagang gampanin, pero hinayaan siya ng huwad na lider niya na gawin ang gusto niya nang hindi kumukuwestiyon o namamagitan. Nang tanungin ito, “Talaga bang gumawa ng anumang gawain ang superbisor na pinili mo? Ano ang mga resulta? Tinulungan mo ba siya sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagsusuri pagdating sa pagpili ng buto?” Hindi nito binigyang-pansin ang mga usaping ito, at sinabi lang, “Naitanim na ang mga buto; binisita namin ang lugar noong panahon ng pagtatanim.” Wala itong pakialam sa iba pang isyu. Paano ba natuklasan ang isyu ng superbisor na ito sa huli? Nagtanim siya ng ilang strawberry, at ayon sa mga nauugnay na teknikal na detalye, hindi dapat takpan o hayaang mamunga ang mga halaman ng strawberry sa unang taon, at dapat na tanggalin ang lahat ng bulaklak; kung hindi, hindi magkakaroon ng anumang bunga sa ikalawang taon, at kahit na magkaroon ng bunga sa unang taon, magiging napakaliliit nito. Kahit na sinabi ito ng mga eksperto sa superbisor, ayaw niyang makinig. Ang pangangatwiran niya ay batay sa impormasyon online na nagsasabing puwedeng takpan ng manipis na plastik ang mga halaman ng strawberry sa unang taon at hayaan ang mga ito na mamunga. Ang resulta nito ay nagbunga ang mga ito ng iba’t ibang depormadong maliliit na strawberry na puno ng buto—maasim ang ilan, matamis ang ilan, at walang lasa ang ilan—may iba’t ibang klase. Naging ganoon na kalubha ang problema, pero ganap itong binalewala ng mga huwad na lider doon. Bakit? Dahil naisip nilang hindi rin naman nila makakain ang mga strawberry na iyon, kaya pinili nilang balewalain ang isyu. Dahil ba hindi nila makakain ang isang bagay ay nangangahulugang hindi na nila ito dapat alalahanin? Paano naman ang mga patatas at sibuyas na makakain nila—inalala ba nila ang mga iyon? Wala sa mga huwad na lider na ito ang may pakialam; nanonood lang sila habang ginagawa ng superbisor ang gusto nito. Isang araw, binisita Ko sila, at may nag-ulat na sobra na sa gulang ang letsugas, at kung hindi nila ito aanihin kaagad, walang makakakain nito at masasayang lang. Gayumpaman, ipinagpilitan ng superbisor na hayaan na lang ito, at sinabing kung aanihin nila ito ay kakailanganin nilang magtanim ng ibang gulay, na nakakayamot para sa kanya. Sa kabila ng kaalaman tungkol dito, walang ginawa ang mga huwad na lider. Kalaunan, kinailangan silang utusan ng ang Itaas na agad na anihin ang letsugas at pangasiwaan ang sitwasyon; kung hindi, masasakop ng letsugas ang lupa at hindi maitatanim ang mga gulay na pantag-init. Sa kabila ng ganoon kalaking problemang lumilitaw sa gawain, walang sinuman sa mga huwad na lider ang may ginawa tungkol dito, masyado silang natatakot na mapasama ang loob ng mga tao. Dahil isang huwad na lider ang nag-angat sa superbisor, at kailanman ay hindi sinuri ang gawain niya pagkatapos siya nitong iangat, hinayaan siyang kumilos nang malaya, at binigyan siya ng suporta at inalalayan siya, at hindi nangahas na mamagitan ang ibang lider, at nakipagtulungan sa kanila, napakaraming problemang lumitaw kalaunan. Ito ang gawaing ginawa ng mga lider. Matatawag pa rin ba silang mga lider? Sa kabila ng ganoon kalubhang isyung nangyayari sa mismong harapan nila, hindi nila ito natukoy bilang isang problema, lalong hindi ito nalutas. Hindi ba’t mga huwad na lider ang mga ito? (Oo, ganoon nga.) Sa isang banda, mga mapagpalugod sila ng mga tao at takot silang mapasama ang loob ng iba. Sa kabilang banda, hindi nila alam kung gaano kalubha ang problema, wala silang tumpak na paghusga, at hindi nila alam na isyu ito, at hindi nila alam na nasa saklaw ng mga responsabilidad nila ang gawaing ito. Hindi ba’t mga walang kwenta at bulagsak sila? Hindi ba’t pagpapabaya ito sa responsabilidad? (Oo.) Ito ang ikaapat na sitwasyon: ang paglabag ng mga superbisor sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos at paggawa ng mga bagay sa sarili nilang paraan. Nakapagbigay na tayo ng isang halimbawa, na naglalantad sa pagpapamalas ng mga huwad na lider ng pagiging pabaya sa mga responsabilidad nila sa bagay na ito at naglalantad sa kalikasang diwa ng mga huwad na lider.

V. Kung Paano Tinatrato ng mga Huwad na Lider ang mga Superbisor na mga Anticristo at Nagtatatag ng mga Nagsasariling Kaharian

Ang isa pang sitwasyon ay kapag naghihimagsik ang mga superbisor laban sa mga nakatataas sa kanila at nagtatatag ng mga nagsasariling kaharian—mga anticristo ang mga superbisor na ito. Hindi nagagampanan ng mga huwad na lider ang papel ng mga tagapamahala pagdating sa mga isyung tulad ng pagkakaroon ng mga superbisor ng mahinang kakayahan, pagtataglay ng masamang pagkatao, o pagwawala sa paggawa ng masasamang bagay. Hindi rin sila nakakapagsuri at nakakapagtanong agad tungkol sa gawaing ginagawa ng ganitong mga uri ng superbisor at sa mga problema ng mga ito para matukoy ang pagiging angkop ng mga ito. Sa parehong paraan, lalo pang walang kakayahan ang mga huwad na lider na kilatisin ang kalikasang diwa ng mga anticristo, na masasama at malulupit na tao. Bukod sa wala na silang kakayahang kilatisin ito, kasabay nito ay medyo takot pa sila sa mga tao na ito, at medyo wala silang magawa at inutil, hanggang sa puntong, kadalasan, nakokontrol na sila ng mga anticristo. Gaano kalubha ang kalalabasan nito? Puwedeng bumuo ang mga anticristo ng mga grupo sa loob ng mga lugar ng gawain ng mga huwad na lider, nangangalap ng sarili nilang mga puwersa at nagtatatag ng mga nagsasariling kaharian, at kalaunan, puwede nilang agawin ang kontrol, simulang magdesisyon, at gawing mga tau-tauhan ang mga huwad na lider. Sa kung anong paraan ay nananatiling walang kamalay-malay ang mga huwad na lider sa mga bagay na pinagpapasyahan at nalalaman ng mga anticristo, at wala silang alam tungkol sa mga iyon. Nalalaman lang nila ang mga bagay na ito kapag may nangyari at may nag-ulat nito sa kanila, pero sa oras na iyon, huli na ang lahat. Tinatanong pa nga ng mga huwad na lider ang mga anticristo kung bakit hindi sila sinabihan, at ang tugon ng mga ito, “Ano ang saysay ng pagsasabi sa iyo? Hindi ka makapagdesisyon sa kahit na ano, kaya hindi na ito kailangang talakayin sa iyo, kami na mismo ang nagdesisyon. Kahit pa ipaalam namin ito sa iyo, tiyak na sasang-ayon ka. Ano naman kaya ang maaaring naging opinyon mo?” Walang magawa ang mga huwad na lider sa ganoong mga bagay. Kung hindi mo kayang kilatisin, lutasin, o harapin ang mga anticristong ito, dapat mo silang iulat sa ang Itaas, pero ni hindi ka naglalakas-loob na gawin iyon—hindi ba’t wala kang kuwenta? (Oo.) Kapag nahaharap sa ganoong mga bagay, lumalapit lang sa Akin ang mga sobrang walang kuwentang ito para magsumbong habang umiiyak, nagmamaktol na, “Hindi ko kasalanan ito; hindi ako ang nagdesisyon niyon. Wala akong kinalaman kung tama man o mali ang desisyon niya, dahil hindi niya ipinaalam o sinabi sa akin ang tungkol dito nang gawin niya ito.” Ano ang ibig nilang sabihin dito? (Tumatakas sila sa responsabilidad.) Bilang isang lider, dapat mong malaman at maarok ang mga bagay na ito; kung hindi ipapaalam sa iyo ng mga anticristo ang mga bagay-bagay, bakit hindi ka mismo maagap na pumunta at magtanong? Bilang isang lider, dapat mong isaayos, pamunuan, at pagdesisyunan ang bawat usapin; kung wala silang anumang ipapaalam sa iyo at magdedesisyon sila sa sarili nila, pagkatapos ay padadalhan ka ng mga resibo para pirmahan, hindi ba’t inaagaw nila ang awtoridad mo? Sa sandaling makaharap ng mga huwad na lider ang mga anticristong nanggugulo sa gawain ng iglesia, natitigilan sila; wala silang magawa na para bang mga hangal na kaharap ang isang lobo, at nakatayo lang na walang magawa habang ginagawa silang mga tau-tauhan at inaagaw ang awtoridad nila. Wala silang kahit anong magawa tungkol dito—isang grupo sila ng mga walang silbing kasuklam-suklam na tao! Hindi nila kayang lutasin ang mga isyu, hindi nila kayang kilatisin o ilantad ang mga anticristo, at talagang hindi nila kayang pigilan ang mga ito sa paggawa ng anumang masamang gawa. Kasabay nito, hindi nila inuulat ang mga isyung ito sa ang Itaas. Hindi ba’t mga walang kuwenta sila? Ano ang silbi ng pagpili sa iyo bilang isang lider? Nagwawala ang mga anticristo sa paggawa ng masasamang bagay, lantarang naglulustay ng mga handog, at bumubuo sila ng mga puwersang pinamumunuan nila at nagtatatag ng mga nagsasariling kaharian sa loob ng iglesia; samantala, ganap kang nabibigong pangasiwaan, ilantad, pigilan, o harapin sila, pero lumalapit ka sa Akin para magreklamo. Anong klaseng lider ka? Talagang wala kang kuwenta! Anuman ang ginagawa nila, itong mga grupong pinamumunuan ng mga anticristo ay palihim na nagdaraos ng mga pag-uusap nang sila-sila lang at pagkatapos ay nagdedesisyon nang walang pahintulot. Ni hindi nila binibigyan ang mga lider ng karapatang malaman kung ano ang nangyayari, lalong hindi ng karapatang magdesisyon. Direkta nilang pinapawalang-saysay ang mga lider, hinahawakan ang lahat ng kapangyarihan at nagdedesisyon sa lahat ng bagay. Sa gitna ng lahat ng ito, ano naman ang ginagawa ng mga lider na may gampaning pamahalaan ang mga tao na ito? Lubos silang nabibigong magsuri, mangasiwa, mamahala, o magdesisyon tungkol sa gawaing ito. Sa huli, hinahayaan nila ang mga anticristo na agawin ang kontrol at pamahalaan sila mula sa itaas. Hindi ba’t lumilitaw ang problemang ito mula sa gawain ng mga huwad na lider? Ano ang diwa ng problemang ito? Saan ito nagmumula? Nagmumula ito sa pagkakaroon ng mga huwad na lider ng mahinang kakayahan, sa kawalan ng kapabilidad sa gawain, at talagang kawalan ng paggalang sa kanila ng mga anticristo. Iniisip ng mga anticristo, “Ano ang kaya mong gawin bilang lider? Hindi pa rin ako makikinig sa iyo, at patuloy kitang aapakan para gumawa ng mga bagay-bagay. Kung iuulat mo ito sa ang Itaas, pahihirapan ka namin!” Hindi naglalakas-loob ang mga huwad na lider na iulat ang ganoong mga bagay. Bukod sa wala nang kapabilidad sa gawain ang mga huwad na lider, wala rin silang lakas ng loob na itaguyod ang mga prinsipyo, natatakot silang mapasama ang loob ng mga tao, at ganap na wala silang katapatan—hindi ba’t isa itong malubhang problema? Kung talagang may kaunting kakayahan sila at nauunawaan nila ang katotohanan, kapag nakita nilang masama ang mga tao na ito, sasabihin nila, “Hindi ako maglalakas-loob na ilantad sila nang mag-isa, kaya makikipagbahaginan ako sa ilang kapatid na mas naghahangad at nakakaunawa sa katotohanan para lutasin ang mga isyung ito. Kung, pagkatapos makipagbahaginan sa kanila, hindi pa rin namin kayang harapin ang mga anticristo, iuulat ko ang problema sa ang Itaas at hahayaan silang lutasin ito. Wala akong ibang magagawa, pero dapat ko munang ingatan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos; talagang hindi dapat hayaang patuloy na umusad ang mga isyung nakilatis ko at ang mga problemang natuklasan ko.” Hindi ba’t isa itong paraan para tugunan ang problema? Hindi ba’t maituturing din itong pagtupad sa responsabilidad ng isang tao? Kung kaya mo itong gawin, hindi sasabihin ng ang Itaas na mahina ang kakayahan mo at wala kang kapabilidad sa gawain. Gayumpaman, ni hindi mo kayang iulat ang mga problema sa ang Itaas, kaya nailalarawan ka bilang walang kuwenta at isang huwad na lider. Bukod sa mahina na ang kakayahan mo at wala kang kapabilidad sa gawain, ni wala ka pang pananalig at lakas ng loob na umasa sa Diyos para ilantad at labanan ang mga anticristo. Hindi ba’t wala kang kuwenta? Kaawa-awa ba ang mga tao na naagawan ng awtoridad ng mga anticristo? Siguro ay parang kaawa-awa sila; wala silang anumang masamang nagawa, at sa gawain nila ay maingat na maingat sila, takot na takot na magkamali, mapungusan, at mahamak ng mga kapatid. Pero sa huli, ganap silang naaagawan ng awtoridad ng mga anticristo nang harap-harapan, walang anumang nagiging epekto ang anumang sabihin nila, at hindi talaga mahalaga kung nandoon sila o wala. Siguro ay parang nakakaawa sila sa panlabas, pero sa totoo ay medyo kasuklam-suklam sila. Sabihin ninyo sa Akin, kaya bang lutasin ng sambahayan ng Diyos ang mga problemang hindi kaya ng mga tao? Dapat bang iulat ng mga tao ang mga problema sa ang Itaas? (Oo, dapat.) Sa sambahayan ng Diyos, walang problemang hindi kayang lutasin, at kayang lutasin ng mga salita ng Diyos ang anumang isyu. May tunay ka bang pananalig sa Diyos? Kung ni wala ka ng kaunting pananalig na ito, paano ka naging kalipikadong maging isang lider? Hindi ba’t isa kang walang silbing kasuklam-suklam na tao? Hindi lang ito tungkol sa pagiging isang huwad na lider; wala ka kahit ng pinakasimpleng pananalig sa Diyos. Isa kang hindi mananampalataya at hindi ka karapat-dapat na maging isang lider!

Tungkol sa ikaapat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa, nakapaglista tayo ng limang sitwasyon para ilantad kung paano hinaharap ng mga huwad na lider ang iba’t ibang aytem ng gawain at ang mga superbisor. Batay sa limang sitwasyong ito, hinimay natin ang iba’t ibang pagpapamalas ng masyadong mahinang kakayahan, kawalan ng kahusayan, at kawalan ng kakayahang gumawa ng tunay na gawain ng mga huwad na lider. Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa ganitong paraan, medyo mas malinaw na ba sa inyo kung paano kilatisin ang mga huwad na lider? (Oo.) Sige, tapusin na natin dito ang pagbabahaginan natin sa araw na ito. Paalam!

Enero 23, 2021

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.