Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (29) Ikaapat na Seksiyon
C. Mga Prinsipyong Dapat Sundin Kapag Nagpapadala ng mga Tao Para Mangaral ng Ebanghelyo
Pagdating sa pagprotekta ng pananatiling ligtas ng mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin, may isa pang larangan ng gawain na dapat asikasuhin ng mga lider at manggagawa, ang protektahan ang pananatiling ligtas ng mga taong ipinapadala para gawin ang tungkulin nila. Ano ang mga prinsipyong dapat sundin kapag nagpapadala ng mga tao para lumabas at gawin ang tungkulin nila? Una, dapat bigyan ng pagsasaalang-alang ang edad at kasarian ng mga tao, gayundin ang kanilang malalim na pang-unawa at karanasan sa buhay—hindi dapat magkaroon ng magulong isip o maging kaswal ang mga lider at manggagawa sa bagay na ito. Halimbawa, kung nagpapadala ka ng mga manggagawa ng ebanghelyo para mangaral ng ebanghelyo sa isang di-pamilyar na lugar, anong uri ng mga tao ang angkop na ipadala? (Ang mga taong may kaunting malalim na pang-unawa at karunungan.) Kung ang isang partikular na iglesia ay walang maraming angkop na tao, na karamihan ay mga kabataan na kulang sa karanasan sa buhay at malalim na pang-unawa, na hindi marunong mangasiwa sa mga sitwasyon—lalo na sa mahihirap na problema—kapag nahaharap sila sa mga ito, na nagsasalita nang walang mga prinsipyo, at na wala ring karunungan, hindi nila magagawa ang gawain. Kung ang gayong uri ng mga tao ang ipadadala, hindi lang nila hindi malulutas ang mga problema, kundi maaaring makaapekto at makaantala pa sila sa gawain. Samakatwid, kapag nagpapadala ng mga tao para lumabas at gawin ang tungkulin nila, kinakailangang pumili ng mga taong may hustong pagkatao at karunungan—ang gayong mga tao lang ang angkop. Kung kulang ang mga angkop na tao, hayaang makipagtulungan ang mga kabataan sa mga mas nakatatanda para gawin ang tungkulin nila. Halimbawa, ipagpalagay na may isang nakababatang kapatid na babae na may edad 25 o 26 na taong gulang, sa kabila ng pananampalataya sa Diyos nang mahaba-habang panahon, nagtataglay ng pananalig at tayog, at matagal nang gumagawa ng tungkulin niya, ay hindi alam kung paano pananatilihing ligtas ang sarili niya kung ipadadala para gawin ang tungkulin niya sa isang di-pamilyar na lugar—sa gayong kaso, kinakailangang maghanap ng isang lokal na kapatid na may karanasan sa lipunan para makipagtulungan sa kanya para gawin ang tungkulin. Siyempre, kung ang lokasyon ng tungkulin ay isang pamilyar na lugar o lugar kung saan mayroon nang isang iglesia, maaaring pumunta ang mga nakababatang kapatid. Gayumpaman, kung pupunta ang mga tao sa isang di-pamilyar na lugar, lalo sa isang lugar na may mahinang pampublikong seguridad, para mangaral ng ebanghelyo o gumawa ng ibang gawain, dapat isaalang-alang ang kanilang personal na pananatiling ligtas. Para sa mga lider at manggagawa, sinuman ang ipinadadala nila para lumabas at gumawa ng gawain, ang pananatiling ligtas ang pangunahing konsiderasyon. Kung hindi malinaw kung anong uri ng mga tao ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, o kung maaaring gumawa ng hindi nararapat na mga bagay ang mga taong ito, dapat mag-ingat kapag nagpapadala ng mga tao para mangaral ng ebanghelyo. Dati, narinig ko na ang ilang lider at manggagawa ay madalas na nagpapadala ng mga nakababatang sister—humigit-kumulang 18 o 19 na taong gulang, o nasa 20 anyos—sa mga di-pamilyar na lugar para mangaral ng ebanghelyo, at ayon sa mga ulat, may ilang hindi kanais-nais na insidenteng naganap. Anuman ang aktuwal na nangyari, sa huli, may kinalaman ito sa hindi pagiging masusi ng mga lider at manggagawa sa pagsasaalang-alang nila kapag ginagawa ang gawain. Dapat isaalang-alang ng mga lider at manggagawa ang mga salik na ito sa kanilang gawain at hindi basta-bastang nagtatalaga sa napakababata pang kapatid sa mga hindi pamilyar at mapanganib na lugar para gawin ang tungkulin ng mga ito. May isang lider na minsang nagsaayos para sa dalawang sister, edad 18 o 19, na mangaral ng ebanghelyo. Nang may nagsabing masyado pang bata at hindi angkop ang mga ito para sa gawain, humanap ang lider ng isang 21-taong-gulang na sister para humalili, iniisip na, “Sinabi mong masyadong bata ang 19, kaya naghanap ako ng 21 taong gulang. Mas matanda na iyon, hindi ba?” Kumusta ang kakayahan ng lider na ito? May tendensiya silang mambaluktot, hindi ba? (Oo.) Ang pagiging mas matanda lang nang dalawang taon sa 19—maaari bang may karanasan siya sa buhay? Maaari bang may karanasan siya sa lipunan? Kapag nahaharap sa mga paghihirap o mapanganib na sitwasyon, maaari bang mapaiyak na lang siya? Bagaman mas matanda siya ng dalawang taon, pagdating sa edad, masyado pa rin siyang bata at wala pang kakayahan na akuin ang gawaing ito. Kahit papaano, kinakailangang maghanap ng isang kapatid na nasa edad 30 o 40, o kahit 50 o 60—mas nakatatanda sila at may karanasan sa lipunan; kapag nahaharap sa mga sitwasyon, mayroon silang karunungan para pangasiwaan ang mga ito, pinipigilang mangyari ang anumang mapanganib na sitwasyon. Ang mga kabataan ay hindi pa nakakita o nakaranas ng maraming bagay at hindi pa alam kung paano pangangasiwaan ang mga ito; kapag nakararanas ng panganib, maaaring hindi pa nga nila ito mapagtanto, kaya’t nagiging madali na mangyari ang mga insidente. Ang mga mas matanda, dahil nakakita na ng mas maraming kabuktutan sa lipunang ito at sa sangkatauhang ito, ay malimit na maging mas alerto sa mga tao. Batay sa kanilang karanasan sa lipunan at kaalaman mula sa tunay na buhay, makagagawa sila ng ilang makatwirang paghuhusga tungkol sa kung anong uri ng panganib ang maaaring lumitaw sa mga partikular na sitwasyon, kung gaano kataas ang antas ng panganib, kung aling mga indibidwal ang masasamang tao, at kung anong uri ng mga bagay ang maaaring gawin ng partikular na mga tao. Kapag nahaharap sa mapanganib na sitwasyon, mayroon din silang karunungan para umiwas sa panganib. Ang mga kabataan, sa kabilang banda, ay kulang sa karanasan. Kapag nahaharap sa mga sitwasyon, hindi nila makita ang mga posibleng mapanganib na kahihinatnan. Kaya, pagdating sa mga usaping pangkaligtasan, mas masusi ang mga nakatatanda sa mga pagsasaalang-alang nila kaysa sa mga kabataan. Kapag ang mga lider at manggagawa ay nagsasaayos para sa mga tao na lumabas at gawin ang tungkulin nila, dapat nilang isaalang-alang ang mga lokal na kondisyon at magsaayos para sa mas nakatatanda na may kaunting karunungan at karanasan na makipagtulungan sa mga kabataan para gawin ang tungkulin ng mga ito. Ang mga lider at manggagawa ay dapat na maging masusi sa mga pagsasaalang-alang nila sa mga usaping ito.
Saan mang bansa ginagawa ang gawain ng iglesia, ang pagtitiyak sa pananatiling ligtas ng mga gumagawa ng tungkulin nila ay isang aytem ng gawain na dapat pagtuunan ng pansin ng mga lider at manggagawa. Sinuman ang ipadala para gawin ang anumang gawain, dapat siyang magtaglay ng partikular na kakayahan at magkaroon ng kaunting kapabilidad para maging mahusay sa gawain at para matiyak ang pananatiling ligtas niya; sa partikular, lalong ganito ang kaso sa mga lugar o bansa na may mahinang pampublikong seguridad. Dapat isaalang-alang ng mga lider at manggagawa ang pananatiling ligtas ng mga gumagawa ng tungkulin ng mga ito bilang pangunahing pagsasaalang-alang, at huwag itong walang-ingat na balewalain. May ilang tao ang nagsasabing, “Ayos lang. Ang ginagawa natin ay ang pagganap ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos—may proteksiyon tayo ng Diyos, kaya walang sinumang mamamatay. Ano bang posibleng mangyaring hindi maganda?” Tama bang sabihin nila ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Ang ganitong pananalita ay iresponsable, at ang pananaw na ito ay napakalayo rin sa realidad.) Dapat gawin ng mga tao ang makakaya nila para tuparin ang mga responsabilidad na kaya nilang tuparin at asikasuhin ang kaya nilang isaalang-alang; hindi nila dapat subukin ang Diyos, o isugal ang pananatiling ligtas ng mga kapatid. Kayang protektahan ng Diyos ang mga tao, pero kung hindi mo isasaalang-alang ang mga problema na kaya mong isaalang-alang, at ginagamit mo ang pananatiling ligtas ng mga kapatid bilang pusta para subukin ang Diyos, ibubunyag ka ng Diyos—sino ang lubhang nagpahangal sa iyo, para gumawa ng gayong kamangmangan! Samakatwid, hindi dapat gamitin ng mga lider at manggagawa ang ganitong uri ng pananalita bilang palusot para gumawa ng mga iresponsableng bagay; ang pagtitiyak sa pananatiling ligtas ng mga gumagawa ng tungkulin nila ay responsabilidad mo, at dapat mong tuparin ang sarili mong responsabilidad. Matapos asikasuhin ang lahat ng kaya mong isaalang-alang at kayang gawin, para sa mga hindi mo naisaalang-alang, kung paano kikilos doon ang Diyos ay sariling usapin ng Diyos at walang kinalaman sa iyo. May ilang tao na walang pakundangang iniaatang ang lahat ng responsabilidad sa Diyos, sinasabing, “Responsable ang Diyos para sa pananatiling ligtas ng mga tao, hindi natin kailangang matakot; makapangangaral tayo sa anumang paraang gusto natin. Sa Diyos, ang lahat ay malaya at pinalaya; hindi natin kailangang mag-alala tungkol sa mga bagay na iyon!” Tama ba ang ganitong uri ng pahayag? (Hindi.) Ayon sa ganitong uri ng pahayag, hindi kailangan ng mga taong humanap ng mga prinsipyo kapag may nangyayaring mga bagay-bagay; kung ganoon ang kaso, ano ang magiging silbi ng katotohanang ipinahayag ng Diyos? Mawawalan ito ng silbi. Sa mga nakalipas na taong ito, matiyaga at maingat na nagpahayag ang Diyos ng napakaraming salita para turuan ang mga tao, na may pakay na bigyang-kakayahan ang Kanyang hinirang na mga tao na malaman kung paano manatiling buhay, kung paano hangarin ang katotohanan, at kung paano umasal sa masamang mundong ito at sa masamang sangkatauhang ito, para makaayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi mo dapat subukin ang Diyos, hindi ka rin dapat kumilos paano mo man gustuhin nang naaayon sa mga salita at doktrina at nang walang mga prinsipyo. Para magawa ng mga lider at manggagawa nang mabuti ang trabaho nila sa gawain ng pangangaral ng ebanghelyo, una sa lahat, dapat nilang magarantiya ang pananatiling ligtas ng mga tao. Para magawa ito, dapat muna nilang malaman at maarok ang mga partikular na sitwasyon ng mga gumagawa ng tungkulin nila, magpadala ng angkop na mga tao, at maunawaan din kung ano ang gagawin sa iba’t ibang sitwasyon para magarantiya ang pananatiling ligtas ng mga tao. Kung ang isang lokasyon ay partikular na magulo, walang mga may kakilala roon, at hindi matitiyak ang pananatiling ligtas ng sinumang pumupunta roon para mangaral ng ebanghelyo, huwag munang magpadala ng mga tao roon; huwag magbakasakali, huwag gumawa ng mga di-kinakailangang sakripisyo. Anuman ang tungkuling ginagawa o alinmang gawain ang isinasagawa, hindi nito kinakailangang lumabas ka sa mundo o ipagsapalaran ang buhay mo, ni hindi nito kinakailangang itaya mo ang pananatiling ligtas mo o buhay mo. Siyempre, sa kapaligiran ng Tsina, hindi maiiwasan ang pagharap sa mga panganib sa paggawa ng tungkulin ng isang tao. Inuusig ng pamahalaan iyong mga nananampalataya sa Diyos, at kahit na alam na alam mong may panganib, dapat ka pa ring manampalataya sa Diyos, sumunod sa Diyos, at gawin ang tungkulin mo; hindi mo puwedeng abandonahin ang tungkulin mo, at walang gawain ang maaaring itigil. Iba-iba ang sitwasyon sa mga dayuhang bansa—ang ilan ay mga awtoritaryang bansa katulad ng Tsina, habang ang iba naman ay may mga demokratikong sistema. Sa mga bansang may mga demokratikong sistema, ang gawain ng pangangaral ng ebanghelyo ay makauusad nang maayos, at ang iba’t ibang aytem ng gawain ay maisasakatuparan din nang mas maayos. Pero sa ilang bansa na may mga awtoritaryang katangian, ang mga tao ay parehong barbariko at paurong, at hindi madali para sa kanila na tanggapin ang tunay na daan. Kapag ipinangangaral sa kanila ang ebanghelyo, hindi lang nila hindi ito sinisiyasat, kundi maaari din nila itong bulag na kondenahin, at maaari pa ngang isumbong ang sitwasyon sa pulisya. Sa gayong mga kaso, huwag magpadala ng mga tao para mangaral ng ebanghelyo roon; sa halip, pumili ng mga lugar kung saan matitiyak ang pananatiling ligtas para maisagawa ang gawain. Ang lahat ng ito ay mga bagay na dapat maingat na isaalang-alang ng mga lider at manggagawa. Halimbawa, sa mga bansang tulad ng Malaysia, Indonesia, o India, na may mga napakakomplikadong relihiyosong pinagmulan, may partikular na mga relihiyosong denominasyon ang may malakas na impluwensiya at kontrol sa buong lipunan, hanggang sa punto na maging ang mga pamahalaan ay sumusuko sa impluwensiya ng mga relihiyong ito. Sa gayong mga bansa, kung gayon, huwag nang magpadala ng mga karagdagang tao para mangaral doon ng ebanghelyo; sapat na para sa mga lokal na iglesia lang na mangaral ng ebanghelyo. Sa ilang bansa, nag-iiba-iba ang mga sitwasyon sa iba’t ibang estado o probinsya, at ang mga lokal na batas at regulasyon ay naiiba sa mga pambansang batas at regulasyon. Halimbawa, may ilang rehiyon na may mga espesyal na relihiyosong pinagmulan, at sa mga rehiyong iyon, nagkakaisa ang iglesia at estado. Sa ilang kaso, ang mga relihiyosong lider ay may mas malaki pa ngang awtoridad kaysa sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan at hayagang lumalabag sa ilang pambansang polisiya. Kung mangangaral ka ng ebanghelyo sa gayong mga rehiyon, may mga potensiyal na panganib sa pananatiling ligtas. Ang mga potensiyal na panganib na ito ay hindi lang limitado sa pag-iimbento ng mga tsismis tungkol sa iyo o sa pagpapalayas sa iyo—maaari ka rin nilang arestuhin, ikulong nang walang kaso, at maging pahirapan, lumpuhin, o patayin ka, at hindi makikialam ang pamahalaan. Sa katunayan, namumuhi ang mga lider ng karamihan sa mga relihiyosong denominasyon sa mga panlabas na relihiyon. Dahil napakalakas ng impluwensiya nila at hindi talaga sila napipigil ng batas, walang nangangahas na papanagutin sila gaano man nila kalupit na inuusig ang mga manggagawa ng ebanghelyo, at maging ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ay ayaw silang salungatin. Kapag nagsimula ka nang mangaral ng ebanghelyo sa teritoryo nila, maaari ka nilang pahirapan sa anumang paraang gusto nila. Kaya, dapat na maging lalong maingat ang mga lider at manggagawa sa pagpapadala ng mga tao para mangaral ng ebanghelyo kung saan mang lugar. Una, dapat nilang imbestigahan at aralin ang tungkol sa sitwasyon sa lugar na iyon—kung may kalayaan ba sa pananampalataya, gaano kalakas ang mga puwersang panrelihiyon, at kung ano ang mga maaaring kahihinatnan kung maiulat ang mga taong nangangaral ng ebanghelyo roon. Ang mga usaping ito ay dapat na maunawaan nang malinaw bago magpasya kung magpapadala ba o hindi ng mga tao roon. Kung, matapos matutunan ang tungkol sa isang lugar, natukoy na hindi ito angkop para sa pangangaral ng ebanghelyo, walang sinuman ang pinahihintulutang magpadala ng mga tao roon para mangaral. Bahagi rin ito ng gawain na dapat gawin para matiyak ang pananatiling ligtas ng mga manggagawa ng ebanghelyo. May ilang lider at manggagawa na may baluktot na pagkaarok, at sinasabing, “Ayos lang; poprotektahan tayo ng Diyos. Kapag mas mahirap ang hamon, mas dapat natin itong harapin. Napakaraming tao na nananampalataya sa Panginoon sa lugar na iyon, kaya bakit hindi tayo dapat mangaral ng ebanghelyo roon?” May nagsasabi sa kanila, “May mga pribadong bilangguan doon. Kapag pumunta tayo roon para mangaral ng ebanghelyo, hindi lang tayo makukulong, kundi maaari pa tayong mamatay roon. Hindi tayo maaaring pumunta!” Pinag-iisipan ito ng mga hangal na huwad na lider na iyon, “Napakaraming bilangguan ng malaking pulang dragon, pero hindi tayo natatakot dito—kaya bakit tayo matatakot sa isang kumpol ng mga pribadong bilangguan doon? Maaaring ipiit ng mga bilangguan ang ating katawan pero hindi ang mga puso natin! Huwag matakot—pumunta ka na lang!” Pagkatapos ay sunod-sunod nilang ipinadadala ang mga tao, at sa huli, wala ni isa sa mga ito ang nakababalik; lahat ng mga ito ay nakulong. Napapatulala ang mga huwad na lider. Ano ang problema rito? (Mga hangal ang mga huwad na lider na ito.) Ang gayong mga huwad na lider ay mga salbahe; mga iresponsable sila, nagpapadala ng mga tao sa panganib. Bakit hindi sila mismo ang pumunta? Tutal hindi naman sila takot sa panganib, dapat sila ang maunang pumunta. Kung pupunta sila, makababalik nang ligtas, at makapagkakamit ng mga tao, saka maaaring sumunod ang iba sa kanila. Anuman ang mangyari, ang pananatiling ligtas ng mga tao ay dapat magarantiya sa pangangaral ng ebanghelyo. Huwag na huwag magbakasakali sa mga lugar na mapanganib at hindi angkop para sa pangangaral ng ebanghelyo. Huwag ipagpalagay na ligtas ang anumang lugar sa labas ng mainland China; ito ay isang ilusyon, isang baluktot na pagkaunawa. Ang mga mangmang na tao lang ang nag-iisip nang ganito—masyadong kaunti ang nauunawaan ng gayong mga tao tungkol sa mundong ito! Huwag ipagpalagay na dahil karamihan sa mga bansang Kanluranin ay may kalayaan sa pananampalataya at medyo maraming tao ang nananampalataya sa Panginoon, maaari kang lantarang mangaral ng ebanghelyo at lantarang magsabi ng iba’t ibang pahayag na naglalantad sa kung gaano kadilim at kasama ang relihiyosong mundo; kung gagawin mo ito, hindi mo lubos na maiisip ang mga kahihinatnan nito. Kailangan mong maunawaan na kapag nangangaral ng ebanghelyo, sa mga relihiyosong tao man o sa mga walang pananampalataya, humaharap ka sa tiwaling sangkatauhan, sangkatauhan na lumalaban sa Diyos. Huwag mong isipin na masyadong simple ang usaping ito.
Kung gustong magarantiya ng mga lider at manggagawa ang pananatiling ligtas ng mga manggagawa ng ebanghelyo, dapat nilang masusing isaalang-alang ang lahat ng aspekto ng isyu, at sakaling may lumitaw na anumang problema, dapat itong agarang pangasiwaan, at pagkatapos, dapat na ibuod ang mga karanasan at aral para mahanap ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa, tinutukoy kung paano magsasagawa sa hinaharap—isang mahalagang aytem rin ito ng gawain na kailangang magawa. May ilang usapin na hindi pa naisasaalang-alang o nakahaharap dati ng mga lider at manggagawa; matapos lumitaw ang mga problema, dapat nilang ibuod: “Dapat pa rin ba tayong pumunta sa ganoong uri ng lugar? Tama ba ang paraang ito ng pagpapadala sa mga tao? Dapat ba nating ayusin ang mga plano, estratehiya, o direksiyon para sa mga susunod na hakbang sa pangangaral ng ebanghelyo o sa paggawa ng anumang iba pang mahalagang gawain?” Sa patuloy na proseso ng pagbubuod, dapat na unti-unting matukoy ng mga lider at manggagawa ang mga pamamaraan at prinsipyo ng gawain, para habang mas ginagawa nila ang gawain, mas nagiging partikular ito at mas naaabot nito ang inaasahang pamantayan, na may mas kakaunting hindi inaasahang pangyayari na nagaganap, o walang hindi inaasahang pangyayari na nagaganap, o maging, nang walang anumang panganib na kinahaharap ang mahahalagang tauhan sa gawain. Para makamit ang ganitong resulta, ang mga lider at manggagawa ay dapat madalas na magbuod ng mga karanasan at magkamit ng pag-unawa sa iba’t ibang kapaligiran at sitwasyon na kinahaharap sa bawat rehiyon kapag pinapangaral ang ebanghelyo. Kapag mas maraming impormasyon ang nakukuha nila at kapag mas tumpak ito, mas magiging tumpak ang mga prinsipyo at plano para sa pangangasiwa sa mga usapin, sa huli ay magkakamit sila ng resulta para sa pagtitiyak sa pananatiling ligtas ng mga tao. Sa ganitong paraan, matitiyak na ang gawain ng pangangaral ng ebanghelyo ay makauusad nang maayos.
III. Paano Pangasiwaan ang mga Lider at Manggagawa na Hindi Binibigyang-pansin ang Gawaing Pangkaligtasan
May ilang lider at manggagawa na may mahinang kakayahan at walang pagpapahalaga sa responsabilidad; hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain at masyado rin silang tamad para gumawa ng tunay na gawain. Sa mga lugar na responsable sila, madalas nahaharap sa mga panganib sa pananatiling ligtas iyong mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin, hinihinging lumikas o lumipat sila, kaya hindi nila magawa ang tungkulin nila nang may payapang isipan. Maging ang mga usapin na hindi dapat mangyari ay madalas na nagaganap. Halimbawa, may ilang lider o manggagawa na nakahahanap ng bahay na nagpapatuloy na nasa mababang lugar. Kapag inaasahan ang malakas na pag-ulan at pagbaha, sa takot na baka malubog ang bahay, kailangang lumikas nang maaga ang mga kapatid na naninirahan doon—bitbit ang mga kagamitan sa gawain, kaldero, kawali, at lahat ng iba pa, lumilikas sa loob ng dalawang magkasunod na araw. Dahil dito, labis na napapagod ang lahat, nakayuko ang kanilang ulo sa kawalang-pag-asa. Sinasabi nila, “Nagpapalipat-lipat tayo kada ilang araw, palaging tumatakas. Kailan ba ito matatapos? Hindi ba tayo makahahanap ng isang ligtas at maaasahang bahay kung saan normal nating magagawa ang tungkulin natin?” Ni hindi kayang pasanin ng gayong mga lider at manggagawa ang kaunting gawaing ito; ang mga kapatid na nasa ilalim nila ay hindi makakain o makatulog nang maayos, ni wala silang maayos na matutuluyan. Ang mga kondisyon ng paninirahan nila ay palaging pansamantala, na handa ang lahat na lumikas anumang oras. Sa sandaling matapos nilang gamitin ang mga pang-araw-araw na aytem nila, kaagad nila itong ineempake, dahil maaaring mangyari ang isang sitwasyon anumang oras kung saan ipinahahayag ang pagsisiyasat ng rehistrasyon ng pamamahay. Sa katunayan, alam ng lahat na ang ibig sabihin nito ay sinisiyasat kung sino iyong mga nananampalataya sa Diyos, kaya dapat palagi silang maging handa na lumipat anumang oras. Dahil dito, iyong mga gumagawa ng tungkulin nila ay palaging takot at hindi nakararamdam ng seguridad. Hindi ba’t naaapektuhan nito ang mga resulta ng tungkulin nila? Hindi ba’t nauugnay ito sa gawaing ginagawa ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Kumusta ang paggawa nila ng gawaing ito? (Hindi nila ito ginagawa nang maayos, hindi tinutupad ang responsabilidad nila.) May ilang lider at manggagawa na iresponsable at kulang sa dedikasyon. Sila mismo ay walang mataas na mga pamantayan para sa mga kondisyon sa paninirahan; basta’t may lugar na pananggalang nila sa hangin at ulan, sapat na iyon. Kaya, hindi rin nila ginagawa ang lahat ng makakaya nila para humanap ng isang ligtas at matatag na lugar para tirhan ng mga kapatid. May ilang lider at manggagawa na may mahinang kakayahan; hindi nila alam kung anong uri ng kapaligiran ang tahimik at angkop sa paninirahan, o angkop para magawa ng mga kapatid ang tungkulin nila. Nangungupahan sila sa bahay sa mababang lugar na hindi gustong upahan ng iba, at pagkatapos lumipat dito ang mga kapatid, sa loob ng ilang araw ay nagkakaroon na sila ng eczema, nangangati ang buong katawan. Ano ang nangyayari? Masyadong basa ang bahay, na may tubig na tumatagas mula sa sahig. Kaya bang tumira ng sinuman sa ganitong lugar? Hindi man lang kayang lutasin ng gayong mga lider at manggagawa ang problemang ito, hindi sila makahanap ng bahay na angkop para sa paggawa ng tungkulin—anong uri ng kakayahan ito? May iba pang lider at manggagawa na nangungupahan sa mga bahay na palaging tumutulo ang ulan, pinapasukan ng malamig na hangin, walang soundproofing, o walang internet, tubig, o kuryente—paano makapaninirahan ang sinuman doon? Isinasantabi nila ang maaayos na bahay at iginigiit na upahan ang mga depisyenteng bahay na ito—hindi ba’t hinahadlangan nito ang mga bagay-bagay? Bagaman hindi nagkakampo sa labas ang mga kapatid, wala ang marami sa mga pangunahing pasilidad ng bahay; mas mabuti pang manirahan sa isang tolda. Kahit pa ang karamihan sa mga kapatid ay sanay sa paghihirap, iniisip na hindi kalabisan ang pagtitiis sa ganitong antas ng paghihirap, at na kaya nila itong tiisin, hindi ba’t ang patuloy na paghihirap nang ganito kada ilang araw ay nakaaapekto sa pagganap nila ng tungkulin? Samakatwid, kung may mahinang kakayahan at walang pagpapahalaga sa responsabilidad ang mga lider at manggagawa, hindi nila kayang pasanin ang gawaing ito; dapat kaagad silang magbitiw at magrekomenda ng isang taong kayang gawin nang maayos ang gawaing ito para humalili, nang hindi nila maapektuhan ang mga buhay at pagganap ng tungkulin ng karamihan ng mahahalagang tauhan sa gawain. Ang pagsasaayos sa tirahan para sa mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin ay hindi nangangailangan ng pagsasaalang-alang sa bawat isang aspekto, pero dapat matiyak kahit papaano ang pangunahing kapaligirang paninirahan. Kapag may katiyakan sa aspektong ito, saka lang hindi maaapektuhan ang gawain ng iglesia. Madali bang gawin ang gawaing ito? (Oo.) Simple lang sabihin na madali itong gawin, pero kung ang mga lider at manggagawa ay mga tao na may magulong isip na may mahinang kakayahan at walang anumang pagpapahalaga sa responsabilidad, sadyang hindi nila magagawa ito. Kapag hindi kayang gawin ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito o hindi kayang gawin ito nang maayos, napakaraming tao ang nagdurusa ng mga kahihinatnan, namumuhay araw-araw na parang tumatakas sila mula sa taggutom—paano nila magagawa ang tungkulin nila nang ganito? May ilang huwad na lider na hindi nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo pero gusto pa ring maging sentro ng atensyon. Hindi nila kayang gawin nang maayos ang gawain pero tumatangging magbitiw, kumakapit sa posisyon nila at hindi umaalis. Paano dapat pangasiwaan ang gayong mga lider? (Dapat silang tanggalin.) Madali ang pagtatanggal sa kanila; ang problema ay kung may mas mahusay na tao bang hahalili sa gawain nila. Kung wala, kaya ba ninyong pasanin ang gawaing ito? Magagarantiya ba ninyo na may matatag na kapaligirang paninirahan ang mahahalagang tauhan sa gawain? Kung hindi ito kayang pangasiwaan ng isang tao, kaya ba ng tatlo o lima sa inyo na magkakasamang magtulungan para pasanin ang gawaing ito? Kung hindi rin ninyo kayang pamahalaan ang gawaing ito—kung hindi man lang ninyo magawa ang gayong kasimpleng gampanin, hindi magawa maging ang matiyak ang pangunahing kapaligirang paninirahan—dapat pansamantala kayong magtiis ng medyo higit pang paghihirap at pagdurusa. Kung makapagpapatuloy pa rin kayo sa paggawa ng inyong tungkulin, at ang Diyos, matapos makita na sapat na matatag ang inyong determinasyong magtiis ng paghihirap, ay magpadala ng isang taong maaasahang mangasiwa sa mga bagay-bagay at kayang lumutas ng mga problema para magawa ang gawain, matatapos ang mga araw ninyo ng paghihirap at mapapalitan ng masasayang araw. Kung walang ganitong tao na dumarating para lutasin ang mga problemang ito, dapat ninyong tanggapin ang kapalaran ninyo—itinadhana kayong magtiis ng paghihirap, itinakda kayo na tiisin ito; dapat ninyong gawing matatag ang inyong puso at tiisin ito. Sa katunayan, makabuluhan ang pagtitiis sa ganitong kaunting paghihirap; higit na mas mabuti ito kaysa sa pagkabilanggo at pagdurusa ng pagpapahirap. Kahit papaano ay hindi kayo isinasailalim sa pagpapahirap o interogasyon; maaari pa rin kayong magbasa ng mga salita ng Diyos, gumawa ng inyong tungkulin, at mamuhay ng buhay iglesia kasama ang mga kapatid. Bagaman may kaunting takot, kabiguan, at balakid sa daan, at madalas ay kinakailangan ninyong lumipat, isa pa rin itong pambihirang karanasan sa buhay ninyo, kung saan maaari kayong matuto ng mga aral at magkamit ng isang bagay. Hindi ba’t napakabuti nito? (Oo.) Dapat magkaroon ang mga tao ng determinasyong magtiis ng paghihirap, at hayaan ang Diyos na mamatnugot ayon sa Kanyang kalooban. Kung talagang hindi ninyo kayang tiisin ang paghihirap na ito, maaari kayong taimtim na manalangin sa Diyos sa inyong puso: “O Diyos, hinihiling namin na tingnan Mo kaming mga nagdurusa—lubos kaming kahabag-habag! Sumusunod kami sa Iyo nang walang pagrereklamo o pagsisisi! Hinihiling namin sa Iyo, alang-alang sa di-natitinag naming katapatan sa Iyo, na wakasan ang buhay na ito ng paghihirap! Hinihiling namin sa Iyo na magpadala ng angkop na lider o manggagawa na maghahanap ng angkop na lugar para sa amin! Palagi kaming nagtitiis sa labas, nagpapalipat-lipat ng lugar araw-araw, at hindi namin alam kung hanggang kailan ito magpapatuloy. Ayaw na naming mawalan pa ng matutuluyan—pakiusap, bigyan Mo kami ng matatag na matutuluyan!” Angkop bang manalangin nang ganito? Maaari kayong manalangin nang ganito; batay sa mga pangangailangan ng kapaligiran, dapat kayong manalangin nang ganito.
Ang pagtitiis ng paghihirap, kapag tiningnan mula sa ibang anggulo, ay hindi naman masyadong masamang bagay; ang pagtitiis ng kaunting paghihirap ay makapagpapatibay sa iyong kalooban. Ano ang ibig sabihin ng pagtibayin ang iyong kalooban? Nangangahulugan ito na sa pamamagitan ng patuloy na pagtitiis ng paghihirap, nagiging manhid ka na rito at hindi mo na tinitingnan ito bilang paghihirap; gaano karaming hirap man ang tinitiis mo, hindi ka na nasasaktan. Gayumpaman, kapag nahaharap sa iba’t ibang sitwasyon, dapat kang matuto ng ilang aral, magkamit ng kaunting malalim na pang-unawa, at matutong kumilatis ng mga tao. Kung ang isang lider o manggagawa ay may napakahinang kakayahan at hindi man lang magawa nang maayos ang gawain ng pagsasaayos ng mga tirahan, paano nila matutustusan at maaakay ang hinirang na mga tao ng Diyos? Ang gayong mga tao ay hindi angkop na maging mga lider o manggagawa. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi naman walang pera para mangupahan ng mga bahay, at ayaw rin nitong makita ang mga kapatid na palaging walang permanenteng lugar na matitirhan. Hindi itinataguyod ng sambahayan ng Diyos na palaging magtiis ng paghihirap o mamuhay nang mahirap na buhay araw-araw ang mga tao, bagaman siyempre hindi rin ito umiiwas sa mga taong nagtitiis ng anumang paghihirap. Pero kung ang mga lider at manggagawa ay hindi man lang magawang pangasiwaan ang gawain ng pagsasaayos ng mga tirahan, at ang paggawa ng anumang tama ay tunay na pahirapan para sa kanila, ano pa ang maipagyayabang nila? Bawat isa sa kanila ay mukhang presentable, may mga diploma, at isang taong may katayuan, pero ang pangangasiwa sa ganito kaliit na usapin ay napakahirap para sa kanila. Sa ganoong kaso, wala nang magagawa—magagawa mo na lang itong tanggapin mula sa Diyos. Ito ang paghihirap na nararapat tiisin ng mga tao; dapat mong hayaang mamatnugot ang Diyos nang naaayon sa Kanyang kalooban. Ito ang tama. Marahil darating ang araw, ang paghihirap na ito ay masusundan ng mas masasayang araw, at ang ganitong uri ng buhay ay hindi na magpapatuloy. Anumang uri ng kapaligiran ang kinaroroonan mo, dapat kang magpanatili ng isang saloobin ng pagpapasakop at iwasang magreklamo. Kung ang isang partikular na lider o manggagawa ay hindi maaasahan at hindi nagagawa nang maayos ang gawain, huwag hayaang maapektuhan nito ang iyong sinseridad at katapatan sa Diyos, at huwag hayaang maapektuhan nito ang pagpapasakop mo sa Diyos at ang saloobin mo ng pagpapasakop sa Diyos. Sa ganitong paraan, makakapanindigan ka sa usaping ito. Ang mga lider at manggagawa ay mga karaniwang tao lang. Kung may mahina silang kakayahan at hindi makagawa ng gawain, o kung mga huwad na lider sila na hindi tumutupad sa responsabilidad nila, iyon ay personal na problema na nila at walang kinalaman sa sambahayan ng Diyos. Hindi ang sambahayan ng Diyos ang nagturo sa kanila na kumilos nang ganito; nabunyag lang sila dahil sa kanilang pagiging iresponsable. Hindi nila matapos ang gawaing ipinagkatiwala sa kanila ng sambahayan ng Diyos, at kaya maaari lang silang tanggalin at itiwalag. Sa gayong mga sitwasyon, kapag ang hinirang na mga tao ng Diyos ay nagdurusa ng paghihirap na ito, kailangan nilang tanggapin ito mula sa Diyos at hayaan ang Diyos na mamatnugot ayon sa kalooban Niya. Kahit pa hindi nagawa nang maayos ng mga lider at manggagawa ang gawain o may anumang mga problema sila, ang katunayang ang Diyos ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay ay hindi nagbabago magpakailanman. Ang pagsunod mo sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, at pagtanggap sa mga salita ng Diyos ay hindi dapat magbago kailanman. Ang mga ito ay mga walang hanggang katotohanan. Habang ginagawa ang tungkulin mo, anuman ang hindi kaaya-ayang mga pangyayari na lumitaw, dapat mong tanggapin ang mga ito mula sa Diyos at matutunan ang mga aral na nakapaloob dito. Dapat mong patahimikin ang sarili mo sa harap ng Diyos at manalangin sa Kanya, at huwag hayaang maapektuhan ka ng mundo sa labas. Dapat matuto kang umangkop sa iba’t ibang kapaligiran at matutong danasin ang gawain ng Diyos sa lahat ng uri ng kapaligiran. Sa ganitong paraan ka lang makapagkakamit ng buhay pagpasok. Ang ilang tao ay may maliit na tayog; kapag may lumilitaw na paghihirap, nagrereklamo sila at nag-aalala, nababalisa at nawawalan ng pananalig sa Diyos—labis na kahangalan at kamangmangan ito! Ang mga lider at manggagawa na hindi gumagawa ng tunay na gawain ay nabunyag at natiwalag na, pero ano ang kinalaman niyon sa iyo? Bakit ka magiging negatibo at malayo sa Diyos dahil lang sa hindi maayos na pagsasaayos nila ng mga bagay-bagay? Hindi ba’t lubos na mapaghimagsik ito? (Oo.) Kapag may ginagawang mali ang mga tao, maaari mo silang kilatisin at tanggihan, pero huwag mong tanggihan ang Diyos o tanggihan ang katotohanan. Ang katotohanan ay hindi mali, ang Diyos ay hindi mali. Ang orihinal na intensiyon ng Diyos ay hindi para magtiis ng gayong paghihirap ang mga tao; pero para sa tiwaling sangkatauhan, ang pagtitiis ng kaunting paghihirap ay talagang kinakailangan. Ang pagtitiis ng kaunting paghihirap ay kapaki-pakinabang sa iyo; ang pakinabang ay na matututo ka ng mga aral at matututong hanapin ang katotohanan para malutas ang mga problema. Kung nagagawa mong tiisin ang iba’t ibang paghihirap, nagkakamit ka ng kaunting tibay, at nagkakaroon ng kakayahang manindigan sa patotoo mo sa lahat ng uri ng kapaligiran. Ang kakayahang magtiis ng hirap ay nagpapatibay ng iyong determinasyon na magpasakop sa Diyos. Ito ang orihinal na intensiyon ng Diyos at ang resulta na gustong makita ng Diyos sa iyo. Kung kaya mong maunawaan ang mga layunin ng Diyos at kumilos at magsagawa nang naaayon sa mga layunin ng Diyos; kung kaya mong huwag talikuran ang Diyos anumang uri ng mga tao o kapaligiran ang nakahaharap mo; at kung kaya mong matutong magsagawa ng katotohanan, magkaroon ng pagpapasakop sa Diyos, magkaroon ng tamang pagkaarok at saloobin, magpanatili ng hindi nagbabagong pananalig sa Diyos, at umiwas mula sa pagrereklamo tungkol sa Diyos o paglayo ng sarili mo sa Kanya sa puso mo, gaano karami mang pagdurusa ang tinitiis ng iyong laman; mayroon kang tayog.
Dapat protektahan ng mga lider at manggagawa ang pananatiling ligtas ng mga gumagawa ng mahahalagang tungkulin, pinangangalagaan sila mula sa mga pang-aabala ng mundo sa labas. Ang gawaing ito ay kinapapalooban ng maraming detalye. Sa isang banda, kailangang maunawaan ng mga lider at manggagawa kung paano partikular na ipatupad ang mga detalyadong gampanin na ito. Bukod pa rito, kapag nahaharap sa partikular na mga espesyal na sitwasyon, dapat silang gumawa ng mga tumpak na paghuhusga, pagkatapos ay humanap ng angkop na mga prinsipyo at bumuo ng mga partikular na plano para sa pangangasiwa sa mga sitwasyon. Ang pinakahuling layon ay para matiyak ang pananatiling ligtas ng iba’t ibang mahalagang tauhan sa gawain. Sa ganitong paraan lang magagarantiya na ang gawain ng pangangaral ng ebanghelyo ay nakauusad sa maayos na paraan. Ang pagsunod sa prinsipyong ito ay tama; ito ang layon at prinsipyo ng mga lider at manggagawa sa paggawa ng gawaing ito. Kung ang mga lider at manggagawa ay tumpak na sumusunod sa layon at prinsipyong ito, masasabing pasok sila sa pamantayan sa paggawa ng gawaing ito. Ano pang ibang mga problema ang sangkot sa gawaing ito? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi pa ako naging lider o manggagawa dati, ni hindi pa ako nakaranas ng mga ganitong uri ng usapin. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin sa gawaing ito, at hindi ko alam kung paano ito gagawin. Kaya, hindi ko ito kailangang gawin—ano ang pakialam ko kung ligtas ka o hindi? Kayo na mismo ang mangasiwa nito.” Katanggap-tanggap ba para sa kanila na basta na lang maghugas-kamay sa isyu? (Hindi, hindi ito katanggap-tanggap.) Ang gayong mga lider at manggagawa ay dapat tanggalin. Kung hindi ka gumagawa ng tunay na gawain, anong silbi mo? Pinananatili ka ba namin bilang isang dekorasyon dahil maganda ka? Ang mga ganitong lider at manggagawa ay dapat tanggalin at itiwalag; hindi sila dapat pahintulutang umokupa sa isang posisyon nang walang ginagawang anumang gawain. Ang mga huwad na lider ay hindi gumagawa ng tunay na gawain—wala silang konsensiya at katwiran, tama ba? Kung talagang may konsensiya at katwiran sila, bakit hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema kapag lumilitaw ang mga ito? Walang ipinanganak na alam ang lahat ng bagay; natututo ang lahat habang nagpapatuloy sila. Kung kaya mong hanapin ang katotohanan, mahahanap mo ang paraan para magawa ang gawain nang maayos. Kung mayroon kang pagpapahalaga sa responsabilidad, mag-iisip ka ng paraan para gawin nang maayos ang gawain. Ang paggawa ng gawain sa pamumuno ay hindi naman talaga mahirap; basta’t kayang hanapin ng isang tao ang katotohanan, madaling gawin nang maayos ang gawain. Bukod pa rito, may kapareha ang mga lider at manggagawa; basta’t may iisang puso at isipan ang dalawa o tatlong tao, madaling matupad ang anumang gawain. Sa kasalukuyan, maraming lider at manggagawa ang nagsasanay; nagsasanay sila sa paghahanap ng katotohanan sa lahat ng bagay para malutas ang mga problema. Sa puntong ito, kahit papaano ay may ilang lider at manggagawa na mahusay sa gawain sa pamumuno at ganap na may kakayahang gawin ang tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo nang maayos, tama? (Tama.) Hanggang dito na muna ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito. Paalam!
Hulyo 20, 2024