Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (28) Ikaapat na Seksiyon
M. Pagkakaroon ng Isang Komplikadong Pinagmulan
Tingnan natin ang susunod na pagpapamalas: ang pagkakaroon ng isang komplikadong pinagmulan. Anu-anong uri ng mga tao ang sa palagay ninyo ay may mga komplikadong pinagmulan? (May ilang tao na sangkot sa parehong kriminal na underworld at mga lehitimong pangkat, at medyo komplikado ang mga panlipunang pinagmulan nila—nabibilang ba sila sa kategoryang ito?) Kapag pinag-uusapan natin ang mga komplikadong pinagmulan, tiyak na tinutukoy natin ang mga taong maalam sa kalakaran ng mundo. Ano ang karaniwang ugali ng mga taong maalam sa kalakaran ng mundo? Ito ay na umuupo sila nang nakadekuwatro, at nagsisimulang magsalita nang walang tigil; paligoy-ligoy sila sa pagsasalita tungkol sa kung ano-ano, at nagagawang sandaling sumatsat tungkol sa mga pambansa at pandaigdigang usapin, pero wala ni isang salitang sinasabi nila ang totoo—ang lahat ng ito ay kayabangan na gawa-gawa o kathang-isip lang. Ang mga hambog ay hindi tiyak na ang may mga komplikadong pinagmulang panlipunan. Ang mga hambog ay maaaring mga tamad lang, at mga karaniwang tao lang—saanman sila magpunta, nagyayabang sila, nagsasalita tungkol sa matatayog at mga hindi makatotohanang bagay para ilihis ang mga tao at pataasin ang tingin ng mga tao sa kanila, at hindi nagtatagal bago masira ang reputasyon nila. Anong mga uri ng mga tao ang may mga komplikadong pinagmulan? Halimbawa, may mga taong sumasali sa isang partidong politikal sa lipunan, pero pagkatapos sumubok ng ilang taon, hindi sila nagkakamit ng anumang katayuan. Pagkatapos, sumasali sila sa ibang partido, at sa wakas ay nakakakuha sila ng posisyon bilang isang mababang lider o opisyal. Mayroon silang mga partikular na komplikadong koneksiyong panlipunan. Walang sinumang tiyak na makapagsasabi kung kaibigan o kaaway nila ang mga taong nakakasalamuha nila—hindi ito alam maging ng sarili nilang pamilya, sila lang ang nakaaalam. Hindi ba’t ang gayong mga tao ay may mga komplikadong pinagmulan? (Oo.) Ang mga taong ito ay may mga komplikadong pinagmulang politikal. Ngayon ay sinusuportahan nila ang partidong ito, bukas ay susuportahan nila ang isang iyon; ngayon ay sinusuportahan nila ang isang tao para sa halalan, at bukas ay susuportahan nila ang iba pa. Sa madaling salita, walang nakaaalam kung ano talaga ang iniisip nila. Hindi nila sinasabi sa mga karaniwang tao kung sino talaga ang sinusuportahan nila, o kung ano talaga ang paninindigang politikal o mga layong politikal nila; partikular na malihim sila tungkol sa mga bagay na ito, at hindi alam ng mga karaniwang tao—maging ng sarili nilang pamilya—ang mga bagay na ito tungkol sa kanila. Gayumpaman, partikular na maalab ang damdamin nila tungkol sa politika, at may ilan silang kakilala at ang ilang tao sa politikal na larangan ay kilala nila; hindi pa nga lang nila natutupad sa ngayon ang mga ambisyon nila. Pagkatapos pumasok ng ganitong uri ng tao sa iglesia, nakikita nila na ang mga kapatid ay mga ordinaryong tao lang na hindi nakauunawa o hindi nakikisangkot sa politika, at sa puso nila, hinahamak nila iyong mga tunay na nananampalataya sa Diyos. Gayumpaman, gusto nila palaging pakinabangan ang kasikatan ng iglesia sa relihiyosong mundo at sa lipunan, o samantalahin ang impluwensiya ng iglesia para gawin ang gusto nila, para tugunan ang mga labis na pagnanais nila o lubusang maisakatuparan ang mga ambisyong politikal nila—ibig sabihin, gusto nilang magtago sa loob ng iglesia at hintayin ang tamang pagkakataon, para magamit nila ang komunidad ng iglesia o mga partikular na tao, pangyayari, at bagay sa loob ng iglesia para tuparin ang mga pampolitikang layon nila. Maituturing ba ang ganitong uri ng tao na may komplikadong pinagmulan? (Oo.) Ang mga kaisipan, mga prinsipyo sa pangangasiwa ng mga usapin, iba’t ibang taktika, at ang mga estratehiya at pamamaraan sa pagsasalita na ginagamit niyong mga nakikilahok sa politika ay mga bagay na hindi makilatis ng mga karaniwang tao. Sa partikular, hindi talaga makilatis ang mga ito ng mga kabataan o niyong mga walang karanasang panlipunan. Para sa mga taong ito na may mga komplikadong pinagmulang politikal, mga laruan sa mga kamay nila iyong mga walang kaalaman sa politika, at lubos na mababa ang tingin nila sa gayong mga tao. Para magbigay ng isang hindi tumpak na halimbawa, sa kaharian ng mga hayop, ang mga pinakatusong nilalang ay mga ahas, soro, at tigre. Mula sa perspektiba ng mga ito, ang mga hayop tulad ng mga tupa, kuneho, usa, at aso ay mga hangal. Tinitingnan ng mga taong may mga politikal na pinagmulan ang karamihan sa mga kapatid sa parehong paraan na tinitingnan ng mga tusong hayop tulad ng mga soro at ahas ang mga walang muwang na hayop tulad ng mga tupa, usa, at aso. Nakikita nila nang malinaw ang mga kapatid, pero hindi sila makilatis ng mga kapatid. Kaya paano natin makikilatis ang mga taong may mga komplikadong pinagmulang politikal? Yaong mga nakikilahok sa politika ay nakatuon ang puso sa politika at kapangyarihan. Hangga’t gusto nila ang kapangyarihan at ang pakikilahok sa politika, sa malao’t madali ay makikilahok sila sa politika; hindi sila makapananatiling nakatago sa iglesia magpakailanman. Kapag inilantad nila ang sarili nila, mauunawaan mo: “Kung gayon, lumalabas na nananampalataya sila sa Diyos para sa mga pampolitikang layon! Mayroon silang politikal na pinagmulan at hindi sila taos-pusong nananampalataya sa Diyos. May iba silang adyenda sa pananampalataya sa Diyos!” Kapag unang pumapasok ang mga taong iyon sa iglesia, mahusay nilang itinatago ang sarili nila, dumadalo sa mga pagtitipon at ginagawa ang tungkulin nila nang normal. Pero kapag hinog na ang pagkakataon, susubukin nilang gamitin ang iglesia para gawin ang gusto nila, at ang mga labis nilang pagnanais at tunay na mukha ay natural na malalantad. Saka pa lang makikita ng mga kapatid na sila ay mga hindi mananampalataya. Kapag nalantad sila, nagiging napakadali nilang makilatis. Halimbawa, kapag ang isang lobo ay nagbabalatkayong tupa at humahalo sa kawan, maaaring hindi mo makilatis kung isa itong lobo o tupa, pero kapag nagsimula na itong kumain ng mga tupa, makikilatis mo na isa itong lobo. Iyong mga taong sangkot sa politika ay pawang mga hindi mananampalataya na pinasok ang iglesia. Kapag sinusubukan ng mga taong ito na ilihis at hikayatin ang mga kapatid na sumali sa isang partidong politikal at lumahok sa politika kasama nila, makikita mo na huwad ang pananampalataya nila sa Diyos, at na ang tunay na layon nila ay makilahok sa politika—gaano man kakomplikado ang pinagmulan nila, lilitaw ito at malalantad. Sa puntong ito, makikilatis sila ng mga tao. Isa itong uri ng tao na may komplikadong pinagmulan—mga tao na may mga komplikadong pinagmulang politikal.
May isa pang uri ng tao na nabibilang sa kategorya niyong mga may komplikadong pinagmulan. May ilang tao sa lipunan ang hindi marunong lumugar at hindi namumuhay nang disente, kundi sa halip ay mahilig makisalamuha sa mga kahina-hinalang indibidwal. Ang mga indibidwal na ito ay kinabibilangan, halimbawa, niyong mga gumagawa ng pamemeke at panlilinlang o mga kasapi ng kriminal na underworld; iyong mga may katayuan, kasikatan, at katanyagan sa lipunan, na sa panlabas ay mga opisyal ng pamahalaan o mga negosyante, pero palaging palihim na nagsasagawa ng mga ilegal at kriminal na aktibidad, nakikipagsabwatan sa mga partikular na opisyal o miyembro ng kriminal na underworld para magpuslit ng mga baril, droga, o iba pang mga kontrabandong ipinagbabawal ng estado; pati na rin iyong mga nahatulan at nakulong nang maraming beses at nakagawa ng ilang masamang gawa, tulad ng pagnanakaw sa mga libingan, panggagahasa, seksuwal na pang-aabuso, o mga taong sangkot pa nga sa human trafficking o human smuggling. Ang ganitong uri ng mga tao na may mga komplikadong pinagmulan ay nakikisalamuha sa ganitong mga uri ng mga indibidwal at mayroon pa silang partikular na malalapit na ugnayan sa mga ito—tinatawag nila ang isa’t isa na “mga brother,” at ginagamit nila ang isa’t isa at gumagawa ng mga bagay para sa isa’t isa. Sa panlabas, hindi gumagawa ng anumang halatang masasamang gawa ang mga taong ito, at hindi sila nang-uumit, nagnanakaw, pumapatay, o nanununog, pero ang mga grupong inuugnayan nila at ang mga pangkat na ginagalawan nila ay pawang binubuo ng mga hindi disenteng indibidwal na ito. Hindi ba’t labis na nakakatakot din ang ganitong uri ng tao? (Oo.) Nakikipagsosyo sila sa mga indibidwal na ito para mamuhunan sa negosyo, at kapag may ginagawang ilegal ang kasosyo nila at kinakailangan ang tulong nila, nagbibigay sila ng tulong. Bagaman maaaring hindi sila ang pangunahing maysala, mga kasabwat sila. Masasabi mo na madalas hinahamon ng ganitong uri ng tao ang mga hangganan ng batas. Ano ang ibig sabihin ng “sumasayad sa gilid ng batas”? (Ibig sabihin nito ay madalas silang gumagawa ng mga aktibidad na maaaring lumalabag sa batas.) Isang aspekto iyon. Bukod pa rito, madalas nilang samantalahin ang mga butas sa batas, at ang mga bagay na kinasasangkutan nila ay pawang malalaking usapin. Kung sakaling mahuli sila, kahit bilang isang kasabwat, maaari silang hatulan ng 10 o 20 taon ng pagkakabilanggo, o pagmultahin nang malaki. Hindi ba’t masasabi mo na mapanggulo ang ganitong uri ng tao? (Oo.) Hindi mo sila kailanman nakitang gumagawa ng mga halatang masamang gawa, at hindi mo sila nakitang pumatay ng mga tao, nagsimula ng mga sunog, o nandaya o nagdiin ng sinuman, pero kapag iyong mga tao na nangungurakot at lumalabag sa batas kapwa sa kriminal na underworld at mga lehitimong pangkat ay gumagawa ng mga ilegal na aktibidad para kumita ng malaking pera, ang ganitong uri ng tao ay kumukuha rin ng bahagi nila sa nakaw na yaman at nakikinabang. Masasabi ba ninyo na ang ganitong uri ng tao ay maibibilang na may komplikadong pinagmulan? (Oo.) Magiging mabuting bagay ba para sa gayong mga tao na manatili sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Nakikisalamuha sila kapwa sa kriminal na underworld at mga lehitimong pangkat, at hindi lang iyon, gumagawa pa sila ng mga ilegal na aktibidad—ito ay isang komplikadong pinagmulan. Kung nakikisalamuha sila sa ilang opisyal ng pamahalaan, at nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan sila sa mga ito sa normal na paraan, katanggap-tanggap iyon. Gayumpaman, kung ang mga taong inuugnayan nila ay mga negatibong karakter na sangkot sa iba’t ibang ilegal at kriminal na aktibidad, malaking problema iyon, at sa malao’t madali, may mangyayaring mali. Ang ganitong uri ng tao ay mahilig makisalamuha sa mga taong iyon; nakikisakay rin sila sa tagumpay ng mga iyon, umaasa sa impluwensiya ng mga iyon para kumita ng pera, yumaman, at mamuhay nang matiwasay. Maituturing ba silang mabuting tao, kung ganoon? (Hindi.) Madalas sinasabi ng mga tao, “Nagsasama-sama ang mga ibong magkakatulad ang balahibo”—nagagawa nilang makisalamuha kapwa sa mga miyembro ng kriminal na underworld at mga lehitimong pangkat, sa palagay mo, mga disenteng tao ba sila na marunong lumugar? (Hindi.) Tiyak na hindi. Nakikisalamuha sila sa mga indibidwal na iyon, sa isang banda, dahil marahil ay may silbi sila sa mga taong iyon—kaya nilang pangasiwaan ang ilang gampanin para sa mga taong nakakasalamuha nila. Sa kabilang banda naman, ito ay dahil gusto nila ang mga taong nakakasalamuha nila kapwa mula sa kriminal na underworld at mga lehitimong pangkat—ang mga kasanayan, abilidad, at impluwensiya ng mga taong iyon, at ang mga benepisyo na idinudulot ng mga iyon sa kanila, ay pawang mga bagay na kailangan nila at mga bagay na ikinasisiya nila. Kaya, anong uri nga ba sila ng tao? (Hindi sila disenteng tao.) Ganito lang natin ito mailalarawan. Kauri sila ng mga taong nakakasalamuha nila—ginagamit nilang lahat ang isa’t isa. Sa mundong ito, hindi marami ang mga tao na makagagawa ng mga bagay-bagay para sa iyo o ganap na magiging kapalagayang-loob mo at magiging mga kaibigan mo, pero umiiral talaga sila—hindi na kailangang makisalamuha sa gayong mga uri ng mga tao. Ang ganitong uri ng tao ay nakikisalamuha sa kanila, sa isang banda, dahil magkasundong-magkasundo sila dahil sa kanilang magkakaparehong ubod ng samang katangian at dahil magkakatulad sila. Sa isa pang banda, ito ay dahil gagawin ng taong ito ang lahat para sa kapakanan ng sarili niyang mga interes at sa pananatili niyang buhay sa sekular na mundo, at wala talaga siyang mga prinsipyo pagdating sa pakikisalamuha sa mga tao, ni wala siyang mga prinsipyo sa anumang ginagawa niya. Sinasabi pa nga ng mga walang pananampalataya, “Ang isang maginoo ay mahilig sa kayamanan pero kinakamit ito sa tamang paraan,” at sinusunod ito bilang isang pinakamababang pamantayan. Makapamumuhay man sila ayon sa pinakamababang pamantayan na ito o hindi, ano’t anuman, mabibilang ito bilang isang medyo marangal na pilosopiya para sa pananatiling buhay ng sangkatauhan. Gayumpaman, ang ganitong mga uri ng tao na may mga komplikadong pinagmulan, para sa kapakanan ng sarili nilang mga interes at pagtatamo ng pakinabang, ay walang prinsipyo at walang pinipili pagdating sa pakikisalamuha sa mga tao—basta’t magkakamit sila ng mga pakinabang mula rito, makikisalamuha sila sa sinuman. Higit pa rito, labis nilang ipinagmamalaki ang kakayahan nilang makisalamuha sa gayong mga tao, at iniisip na mahusay ang mga pamamaraang ginagamit mismo nila sa pakikisalamuha sa mga tao. Kaya, paano natin dapat tingnan ang ganitong uri ng tao? Sangkot sila sa parehong kriminal na underworld at mga lehitimong pangkat—ito ay isang komplikadong pinagmulan. Ang ganitong uri ng tao ay labis na nakakatakot! Totoo ba ang ipinakikita niyang mukha? Hindi, palagi siyang nakasuot ng maskara. Hinding-hindi mo siya makikilatis o malalaman ang iniisip niya sa loob. Nagsusuot siya ng maskara kapag nakikisalamuha siya sa iyo, at nagkukubli pa nga kasama ng mga mananampalataya ng Diyos. Tulad lang ito ng isang diyablong nakikihalo sa isang grupo ng mga tao, o isang soro o lobo na sumasalisi sa kawan ng mga tupa. Nagpapadama ba iyon sa iyo ng pagiging ligtas? (Hindi.) Bakit mo iyon nasasabi? Batay ito sa kanyang tuso, malupit, at buktot na kalikasan; patuloy siyang nagpapakana laban sa iyo—para bang palaging may pares ng mga mapanlansi at buktot na mata sa likod mo, binabantayan ang bawat galaw mo—at naghihintay lang siya ng pagkakataon para sirain at lamunin ka. Hindi ba’t nakakatakot iyon? (Oo.) Hindi mo kailanman nararamdamang ligtas ka dahil sa ganitong uri ng tao, dahil ang kalikasan at pinagmulan niya ay palaging nagbibigay sa iyo ng pakiramdam na banta siya sa iyo. Anong uri ng banta? Ito ay na kapag nasa malapit siya, palagi mong nararamdamang maaari siyang magpakana laban sa iyo, paglaruan ka, at maglagay ng mga patibong para sa iyo sa anumang oras at lugar, at na hindi mo kailanman malalaman kung kailan ka niya maaaring gamitin o pinsalain, at humantong sa kamatayan sa mga kamay niya o masira dahil sa kanya. Iyon ang dahilan kung bakit ang gayong mga tao ay hinding-hindi dapat panatilihing malapit. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t ganito ang mga bagay-bagay? (Ganito nga.) Halimbawa, ang paglalagay ba ng lobo sa kawan ng mga tupa ay magpoprotekta sa mga tupa o magdudulot ng kapahamakan sa mga ito? (Magdudulot ito ng kapahamakan sa mga ito.) Ayon sa kalikasan ng isang lobo, hindi ito kailanman mananatili sa tabi ng mga tupa at poprotektahan ang kaligtasan ng mga ito, dahil sa isipan nito, pagkain nito ang mga tupa, at kapag nagutom ito kailanman o saanman, kakainin nito ang mga tupa; wala itong awa para sa mga tupa at hindi nito palalampasin ang mga ito. Ang isang lobo ay walang mga pakultad ng isang aso. Kung lumaki ang isang aso kasama ng mga tupa, ituturing nito ang mga tupa bilang isang bagay na dapat protektahan, at kapag dumating ang isang lobo para atakihin o kainin ang mga tupa, kikilos ang aso para lumaban, inaako ang responsabilidad ng pagprotekta sa mga tupa bilang tungkuling dapat nitong gampanan—sadyang may ganitong likas na katangian ang mga aso. Pero iba ang mga lobo; likas na katangian ng mga lobo ang gustuhing kumain ng mga tupa. Kapag ang ganitong uri ng tao na may komplikadong pinagmulan ay pinasok ang iglesia, katulad ito sa isang lobo na sumasalisi sa isang kawan ng mga tupa—kapag hindi gutom ang lobo, maaaring hindi ito magdulot ng panganib sa mga tupa, pero kapag nagutom na ito, tiyak na magiging pagkain nito ang mga tupa, at walang sinumang makapagbabago sa katunayang ito. Tinutukoy ito ng kalikasan nito. Para lutasin ang problema ng lobo na kumakain ng mga tupa, dapat magmadali kang tukuyin ang lobo. Kapag natukoy mo na kung sino ang lobo na nakadamit-tupa, dapat mong kaagad na alisin ito—huwag kang mag-atubili, at huwag itong pakitaan ng anumang awa. Ang ganitong uri ng mga tao na may mga komplikadong pinagmulan ay dapat tratuhin nang maingat. Kung matuklasan mo na gumagawa sila ng kasamaan at nanggugulo sa iglesia, hinding-hindi mo sila dapat pakitaan ng anumang paggalang. Dapat mong sabihin sa kanila: “Isa kang tao na maalam sa kalakaran ng mundo at hindi ka angkop sa pananampalataya sa Diyos. Pinili mo ang maling lugar sa pagpunta sa sambahayan ng Diyos; hindi tama ang lugar na ito para sa iyo. Dapat mong hangarin ang sarili mong kinabukasan sa lipunan. Ang mga mananampalataya ng Diyos ay nagbabasa lang ng mga salita ng Diyos, nagbabahaginan ng katotohanan, at gumagawa ng tungkulin nila para mapalugod ang Diyos; hindi sila nakikisali sa mga sabwatan at pakana o lumalahok sa politika. Dito, hindi ka makaaangat ng ranggo o yayaman, o makapamumuhay ng isang buhay na superyor kaysa sa iba. Kahit gaano ka pa katagal na manatili rito, magiging sayang na oras lang ito.” Sa ganitong paraan, mahihikayat silang umalis, tama? (Oo.) Ang ilang tao na may mga komplikadong koneksiyong panlipunan ay hindi naman talaga masasamang tao, ni hindi sila nakagawa ng malaking kasamaan, pero hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan at tunay na nabibilang sila sa kategorya ng mga hindi mananampalataya. Ang pagsubok na tunay na mapanampalataya ang gayong mga tao sa Diyos at mapaghangad ng katotohanan ay parang pagsubok na gawing tupa ang isang lobo—imposible ito. Gaano pa man katagal magsuot ng damit ng tupa ang isang lobo, mananatili itong lobo; hindi ito kailanman magiging isang tupa. Ganoon lang talaga ang mga bagay-bagay. Kaya, ang pananampalataya ng ganitong mga tao sa Diyos ay isang biro lang; maling landas ang tinatahak nila sa pagsampalataya sa Diyos!
May isa pang uri ng tao na may komplikadong pinagmulan. Bagaman nananampalataya sila sa Diyos, may malalapit silang relasyon sa ilan sa mga relihiyosong lider, mga opisyal, o mga taong may katayuan mula sa iba’t ibang denominasyon. Mahilig silang makisalamuha sa mga taong ito at madalas silang dumadalo sa mga aktibidad na panrelihiyon ng iba’t ibang denominasyon; bumubuo sila ng mga koneksiyon at pakikipagkaibigan sa mga taong ito, at ginagamit nila ang isa’t isa at gumagawa ng mga bagay-bagay para sa isa’t isa. Paminsan-minsan, sinasadya man o hindi sinasadya, nagsisiwalat pa nga sila sa mga indibidwal na ito ng partikular na gawain sa pangkalahatang usapin o gawain ng mga tauhan na panloob sa iglesia. Malaking problema ang isyung ito. Kung nakikisalamuha ka lang sa mga tao sa relihiyon o nahihirapang ihiwalay ang sarili mo sa mga relihiyosong lugar na iyon, at mahilig ka ring makibahagi sa iba’t ibang aktibidad ng mga relihiyosong pagdiriwang at mga relihiyosong seremonya, katanggap-tanggap iyon. Gayumpaman, hindi mo dapat isiwalat ang gawain ng iglesia o impormasyon tungkol sa mga kapatid sa ganitong mga tagpo. Halimbawa, hindi mo dapat isiwalat ang mga usapin tulad ng pagtanggap ng isang partikular na tao sa “Kidlat ng Silangan,” kung anong tungkulin ang ginagawa niya sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, saan siya nakatira, at kanino siya madalas na nakikisalamuha—kung isisiwalat mo ang mga bagay na ito, ipinakikita nito na ikaw ay napakaimoral. Kung may isang tao na mag-uulat ng impormasyong ito sa pamahalaan, hindi maipaliliwanag ang mga magiging kahihinatnan nito. Kung napakalapit ng loob mo sa mga tao sa relihiyon, o may mga kaugnay na interes sa kanila o nakipagpalitan ng pabor sa kanila, sa sukdulan, maituturing ito na pagkakaroon mo ng komplikadong pinagmulan. Gayumpaman, kung palihim kang gumagawa ng ibang bagay, tulad ng pagsisiwalat ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, o pagsisiwalat ng mga panloob na usapin ng sambahayan ng Diyos o ang personal na impormasyon ng mga kapatid, ang kalikasan nito ay nagiging isang kalikasan ng pagkakanulo, at ito ay kinokondena. Sa partikular, may ilang kapatid na ayaw malaman ng iba ang sitwasyon nila o maisiwalat ito, dahil naaresto na sila dati o kasalukuyang nasa listahan ng pinaghahanap, pero tinitingnan ng ganitong uri ng tao na may komplikadong pinagmulan ang impormasyong ito bilang isang bagay na ipagpapalit para sa ilang kapakinabangan o tinitingnan lang ito bilang hindi mahalaga, at isinisiwalat niya ito, na nagdudulot ng problema para sa mga kapatid na iyon. Kung matutuklasan ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga usapin, hinding-hindi talaga nito palalampasin ang taong iyon; dapat kaagad alisin ang gayong mga tao. Sa kontekstong panlipunan kung saan ang mga tao ay inuusig dahil sa pananampalataya sa Diyos, mahirap para sa mga mananampalataya na makuha maging ang pagkakataon para gawin ang isang tungkulin, at talagang pinahahalagahan ito ng bawat tao. Walang sinumang may gusto na magkaroon ng mga potensyal na panganib sa pagganap nila ng tungkulin nila dahil sa iba o dahil sa sarili nilang kamangmangan. Kaya, kung may sinumang magdadala ng mga potensyal na panganib sa pagganap ng mga kapatid sa mga tungkulin nila o sa pansariling seguridad nila, o kung may sinumang maglalagay ng mga hadlang sa landas ng iba sa pananampalataya sa Diyos, hindi sila palalampasin basta-basta ng sambahayan ng Diyos. Kapag natuklasan sila ng sambahayan ng Diyos, kaagad silang paaalisin o patatalsikin nito, hinding-hindi ito magpipigil! Kung ipagtatanggol nila ang sarili nila, lumilikha ng mga katwiran at palusot sa pagsasabing, “Panandaliang pagkadulas lang ito ng dila dahil hindi ako nag-iingat,” hinding-hindi mo dapat paniwalaan ito—walang katuturan ang ganitong mga palusot. Bakit hindi nila sinabi sa mga tao ang tungkol sa sarili nilang mga usapin sa pamilya? Bakit sa halip ay tinatalakay nila ang tungkol sa mga usapin ng mga kapatid? Malinaw na nagkikimkim sila ng masasamang intensyon. Isinisiwalat nila ang gawain ng iglesia at impormasyon tungkol sa mga kapatid; kung magdudulot ito ng problema sa mga kapatid, dapat silang isumpa! Hindi ba’t dapat sumpain ang ganitong mga tao? (Oo.) Sa panahon ng pagpapalaganap ng iglesia ng gawain ng ebanghelyo, hindi maiiwasang may ilang ganitong tao na sasali sa iglesia. Wala silang pag-aalinlangan sa pagtataksil sa iglesia, pagtataksil sa mga kapatid, at maging sa pagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nakikisalamuha sila sa iba’t ibang uri ng tao sa pribado, at ang pakay nila sa pakikisalamuha sa mga ito ay hindi dalisay. Kapag nakikipag-ugnayan sa mga taong iyon, napakarami pa nga nilang sinasabi, sinasabi sa mga iyon ang lahat ng nalalaman nilang panloob na impormasyon tungkol sa iglesia, walang inililihim na kahit ano, at sa huli ay nagdudulot ito ng problema sa mga kapatid at sa iglesia. Dapat sisihin dito ang mga taong napakaraming sinasabi. Maaaring sabihin ng ilan sa kanila na hindi nila ito sinasadyang gawin, pero kahit hindi ito sinasadya, hindi niyon ito ginagawang katanggap-tanggap. Kung hindi ito sadya, bakit hindi na lang sarili mo ang pininsala mo? Bakit iba lang ang sinaktan mo? Nagdulot ka ng problema sa iglesia at sa mga kapatid, ito ay isang tinatanggap na katunayan. Kaya, nasa iyo dapat ang sisi. Kung may pinatay kang isang tao at pagkatapos ay sinabi mo, “Hindi ko ito sinasadyang gawin; hindi ko kailanman intensyon na patayin siya—wala akong gayong kaisipan,” idedeklara ka bang inosente ng batas dahil sa pahayag na iyon? (Hindi.) Kahit pa nagsasabi ka ng totoo, magiging walang silbi ito. Ang katunayan ay pumatay ka ng isang tao, at legal na may matibay na ebidensya nito, kaya dapat kang ideklarang nagkasala batay sa mga katunayan. Nagkasala ka ng krimen ng pagpatay, kaya isa kang mamamatay-tao, at walang dami ng pagbibigay-katwiran sa sarili ang makatutulong sa iyo. May ilang tao na madalas magdulot ng kaguluhan sa iglesia sa pamamagitan ng mga pagkilos nila, at minsan malaki ang kaguluhang ito, hindi lang nagreresulta sa pagkakaaresto at pagkakakulong ng mga kapatid, kundi seryoso ring nakaaapekto sa gawain ng iglesia. Tiyak na hindi palalampasin ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao; patatalsikin nito ang bawat isa na mahuhuli nito, at susumpain nito ang mga ito—hinding-hindi talaga magpipigil ang sambahayan ng Diyos! Kung nangyari ang mga bagay na ito sa Kapanahunan ng Kautusan, kinaladkad at binugbog na ang mga taong gumagawa ng masama hanggang kamatayan gamit ang mga pamalo o pinagbabato hanggang kamatayan; ganoon kinailangang pangasiwaan ang gayong mga kaso. Ngayon, dahil hindi ito bahagi ng mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, patatalsikin sila, at magkakasama silang susumpain ng mga kapatid. Wala silang pagkakataon na tumanggap ng mga pagpapala o kaligtasan—dapat silang ipadala sa impiyerno at parusahan!
May isa pang uri ng tao na may komplikadong pinagmulan; pumupunta siya sa iglesia na may mga espesyal na misyong isasakatuparan. May ilang ganitong uri ng tao ang ipinadadala ng mga pamahalaan, habang ang iba naman ay binibigyan ng mga misyon ng mga partikular na grupong relihiyoso o panlipunan. Halimbawa, ang mga misyong ito ay maaaring kapalooban ng pagmamatyag sa mga kapatid, pagmamatyag sa iglesia, o ang pagsisiyasat sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia at ang mga pagsasaayos ng gawain nito mula sa iba’t ibang panahon. Anuman ang misyon nila, sa anumang kaso, mula sa ating perspektiba ang ganitong uri ng tao ay may komplikadong pinagmulan. Ang karamihan ng mga taong ito na may mga komplikadong pinagmulan ay mga hindi mananampalataya; sila iyong mga hindi talaga tumatanggap sa katotohanan. Naiiba sila sa mga may maliit na pananalig, mahinang kakayahan, o maraming kuru-kuro—ang mga taong iyon ay tunay na nananampalataya, samantalang may isang seryosong problema ang mga taong ito na may mga komplikadong pinagmulan. Una, isaalang-alang natin: Anong uri ng pagkatao mayroon ang gayong mga tao? (Mayroon silang masamang pagkatao, buktot sila, at mga miyembro sila ng lupon ni Satanas.) Kaya, anong uri ng mga tao sila? (Mga diyablo sila.) Tama iyan, tumpak ang pagkakasabi mo—mga diyablo sila na pinasok ang iglesia. Mga tao sila na pinasok ang iglesia at namumuhay nang hindi napapansin habang nagkikimkim ng iba’t ibang pakana at pakay. Mga diyablo ang gayong mga tao. Mula sa simula kapag pumapasok ang mga taong ito sa iglesia, hindi sila nagkikimkim ng mabubuting intensyon. Sinuman ang nag-atas sa kanila—ang iba ay maaaring inatasan ng mga pamahalaan o mga partikular na grupo, samantalang ang iba ay maaaring hindi talaga inatasan ng sinuman at gusto lang na pumasok sa iglesia sa sarili nilang pagpapasya—ang gayong mga tao ay pawang mga indibidwal na maalam sa kalakaran ng mundo. Nakikisalamuha sila sa maraming uri ng mga tao, at mayroon silang mga komplikadong relasyon sa ibang tao at koneksiyong panlipunan—mayroon silang mga komplikadong pinagmulan. Ang “mga komplikadong pinagmulan” ay nangangahulugan na ang kanilang mga panlipunang koneksiyon, relasyon sa ibang tao, at mga kapaligirang pinamumuhayan ay partikular na hindi dalisay at malayo sa pagiging simple; hindi sila katulad ng mga ordinaryong tao na nagsisikap lang na kumita ng pera at mamuhay nang maayos. Ang mga papel na ginagampanan ng mga taong ito sa lipunan ay sa mga namumukod-tangi, mga lider, o mga medyo pambihirang indibidwal sa loob ng iba’t ibang pangkat at grupo—sila ang mga uri ng mga tao na tinutukoy ng mga walang pananampalataya na “mahuhusay na indibidwal” o mga “guru.” Nasaan man sila, hindi sila mga tao na marunong lumugar, at hindi sila mga disenteng tao. Naghahanap man sila ng mga pagkakataon para magkamit ng personal na pakinabang, o kapangyarihan, o kontrol sa iba sa loob ng iba’t ibang grupo at pangkat, ito ang pakay nila, at ito ang layon ng kanilang pag-iral. Saanmang iglesia sila naroroon, ang pag-iisip nila ay tulad ng sa isang diyablo, palaging nangangating gumawa ng hakbang, gustong kontrolin ang mga sitwasyon, kontrolin ang mga tao, kontrolin ang pera, gumamit ng impluwensiya, at gumamit ng kapangyarihan. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng ganitong uri ng tao. Kaya, may misyon man ang gayong mga tao, o inatasan man sila ng pamahalaan o ng anumang panlipunang grupo, hindi posibleng makapanatili sila sa nararapat nilang lugar pagkarating nila sa iglesia. Kahit na wala silang misyon, at kahit na ang iglesia o ang mga kapatid ay hindi mga puntirya ng pananamantala nila, hindi sila mga tao na tunay na gustong manampalataya sa Diyos, at tiyak na hindi sila mga tao na naniniwala sa pag-iral ng Diyos. Ang pakay nila sa pagsali sa iglesia ay hindi talaga dalisay—kahit papaano, isang bagay ang lubhang makatotohanan para sa kanila, ang “pakikisakay sa tagumpay ng iglesia” at paghihintay ng pagkakataon para maisakatuparan ang sarili nilang mga adyenda. Kung mabigo silang makamit ang mga layon nila at mabigo ang mga pagnanais nila, malamang sa iiwan nila ang iglesia anumang oras. Naghahanap sila ng mga pagkakataon sa pamamagitan ng paghihintay sa tamang sandali para kumilos—kung may isang tao na masasamantala nila o isang angkop na sandali na magpapahintulot sa kanilang maisakatuparan ang mga layon, ambisyon, o adhikain nila, hinding-hindi nila hahayaang mapalampas ang tao o sandaling iyon. Kung patuloy silang mabibigo na makahanap ng isang pagkakataon, panghihinaan sila ng loob at madidismaya sila, at gugustuhin nilang iwan ang iglesia. Samakatwid, ang ganitong uri ng tao ay isa ring uri ng mapanganib na indibidwal sa loob ng iglesia, at dapat siyang makilatis at layuan. Ang isa pang mas mahalagang prinsipyo ay na kung hindi ka sigurado tungkol sa kung ano ang pinagmulan ng isang tao, o kung may malabo kang pakiramdam na napakakomplikado ng pinagmulan nila, bilang isang lider o manggagawa, dapat mong malaman kahit papaano na ang taong ito ay hindi maaaring maitalaga sa mahahalagang posisyon, o mapahintulutang magkaroon ng katayuan o kapangyarihan, o mapahintulutang gumanap ng anumang mahalagang gawain sa loob ng iglesia. Kung hindi mo sila makilatis, maaari mo silang obserbahan, pero hinding-hindi ka dapat kumilos nang padalos-dalos o wala sa panahon. Kung bibigyan mo sila ng katayuan o gagawin pa nga silang responsable para sa isang mahalagang bahagi ng gawain bago mo sila nakilatis, nagiging sobrang hangal ka! Habang mas hindi mo sila makilatis, mas hindi mo sila dapat pagkatiwalaan ng mahalagang gawain, mas maingat ka dapat, at mas dapat mo silang matyagan at mahigpit silang bantayan. Sa katunayan, may misyon man sila o wala, ang ganitong uri ng mga tao na may mga komplikadong pinagmulan ay hindi nagtatagal sa iglesia sa huli. Ito ay dahil, sa puso nila, nasusuklam ang mga hindi mananampalatayang ito sa mga usapin ng pananalig. Hindi naniniwala ang mga ateista na umiiral ang Diyos, at hindi sila interesado sa anumang bagay na may kinalaman sa Diyos, sa gawain ng Diyos, o sa pagpapahayag ng Diyos ng katotohanan. Palagi silang nag-iimbestiga: “May kita bang makukuha sa pananampalataya sa diyos? Maaari ba akong kumita ng malaking pera at yumaman mula rito? Magagamit ko ba rito ang mga pakana at panlilinlang ko gaya ng ginagawa ko sa mundo?” Dahil nakikita nilang hindi isinusulong ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay na ito, kundi sa halip ay palaging nagsasalita tungkol sa pagiging isang matapat na tao, at na ang sinuman na pabasta-basta o walang sigla sa paggawa ng tungkulin niya ay madalas na pinupungusan, nasusuklam sila, at pakiramdam nila ay hindi sila masaya at wala silang kalayaan sa sambahayan ng Diyos, at gusto nila palaging maghanap ng pagkakataon para umalis. Kung ang isang tao ay tunay na isa sa mga tupa ng Diyos, isa sa mga hinirang ng Diyos, hindi siya magsasawang makinig sa mga katotohanan na madalas na tinatalakay sa panahon ng pananampalataya sa Diyos kahit talakayin pa ito sa loob ng 20 o 30 taon; kaya niyang makinig sa mga ito sa buong buhay niya at mananatili pa ring sariwa sa kanya ang mga ito. Habang mas nakikinig siya, mas nagiging malinaw ang mga katotohanang ito sa kanya; habang mas nakikinig siya, mas napagyayaman ang puso niya; habang mas nakikinig siya, mas nananabik siya sa katotohanan. Kahit pa makinig siya sa mga salitang ito araw-araw, handa siyang gawin ito. Sa partikular, kapag naririnig niya ang mga patotoong batay sa karanasan na nakatutulong sa kanya, nakararamdam siya ng kaligayahan at kaluguran na para bang nasiyahan siya sa isang malaking piging—mas masaya pa kaysa kung nakapulot siya ng isang piraso ng ginto. Para naman sa mga hindi mananampalatayang ito, sa mga diyablong ito—lalo na ang mga taong ito na may mga komplikadong pinagmulan—habang mas nakaririnig sila ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, mas naiinis sila; habang mas nakikinig sila, mas nababalisa at nasusuklam sila sa loob. Kapag naririnig nila ang mga salitang ito, para sa kanila ay nakababagot, malamlam, at nakapapagod ang mga ito. Kung sasabihin mo sa kanilang umupo at makinig sila ng mga sermon, pakiramdam nila ay pinahihirapan sila. Sinasabi nilang, “Paanong masyado kayong nasisiyahan lahat na marinig ang mga salitang ito, na para bang kumain kayo sa isang malaking piging? Bakit labis akong nasusuklam kapag naririnig ko ang mga ito?” Pagkatapos makinig nang mahabang panahon, hindi na sila mapirmi ng upo. Kung hindi sila magiging isang lider, ayaw nilang gawin ang tungkulin nila o magtiis ng paghihirap, at sa paglipas ng panahon, walang silbi na ang lahat ng ito para sa kanila; nagsisimulang lumitaw ang mga kaisipan ng pagsuko sa kanilang pananalig. Ganito nabubunyag ang mga hindi mananampalataya. Para naman sa mga taong ito na may mga komplikadong pinagmulan, kung sa pagmamasid mo sa kanila ay natuklasan mo na mayroon silang kaduda-dudang pinanggalingan at mga komplikadong pinagmulan, subukan mo ang lahat ng posibleng paraan para maghanap ng pagkakataon para hikayatin silang umalis. Para sa gayong mga tao na hindi talaga tumatanggap sa katotohanan, mahalagang gumamit ng kaunting karunungan. Maaari mong sabihin sa kanila, “Gusto mong yumaman, at nangangarap kang maging isang opisyal—talagang magiging kawalan sa iyo kung ipagpapatuloy mo ang buong buhay mo na hindi nagiging isang opisyal! Dapat kang maging isang opisyal, yumaman, at hangarin ang mundo—naroroon ang mga kongkretong kapakinabangan. May talino ka para sa pagnenegosyo at angkop na maging isang opisyal—kung hahangarin mo ang mundo, tiyak na yayaman ka at magiging isang opisyal.” Kapag narinig nila ito, iisipin nila na nakahanap sila ng isang kasangga at sasabihing, “Tama ka talaga! Nararamdaman kong wala na talagang punto sa pananampalataya sa diyos—talagang nangungusap sa akin ang sinabi mo. May sikolohikal na epekto lang talaga ang pananalig; hindi talaga mahalaga kung mayroon ka nito o wala. Maigsi ang buhay—lumilipas ang ilang dekada sa isang kisapmata lang. Ang palaging pagsasayang ng oras ko rito kasama ang mga taong nananampalataya sa diyos ay wala namang naibigay sa aking anuman, at palagi akong hindi nasisiyahan. Hindi ba’t nagkakasala lang ako sa sarili ko sa paggawa nito? Ang paglabas para kumita ng malaking pera ang talagang mahalaga!” Sasang-ayon sila sa sinabi mo. Kapag sumang-ayon sila, marahil isang araw ay kusa na lang silang aalis dahil mararamdaman nilang walang kabuluhan ang manatili sa iglesia, at dahil, bukod pa rito, may mga bagay na nagiging mali para sa kanila, o nakararanas sila ng ilang kabiguan at dagok, at kaunting pagpupungos. Hindi ba’t mahusay iyon? (Oo. Isa itong matalinong pamamaraan.) Madaling paalisin ang mga diyablo sa iglesia: Kapag natukoy mo na ang pag-iisip nila, kung may isang bagay na gusto nila, hikayatin mo silang hangarin ito. Sa ganitong paraan, mahihikayat mo silang umalis. Sumabay ka sa agos para gabayan silang umalis. Ganito ang pangangasiwa sa ganitong uri ng hindi mananampalataya.
Kung ang gayong mga tao na may mga komplikadong pinagmulan ay matagpuan sa iglesia, dapat silang hikayating umalis o paalisin kaagad; huwag mong subuking hikayatin silang manatili. Bakit hindi? Sa isang banda, wala silang magandang papel na ginagampanan sa iglesia; sa kabilang banda, hinding-hindi sila kabilang sa hinirang na mga tao ng Diyos. Bukod pa rito, kahit manatili pa sila sa iglesia, sa huli, magiging imposible pa rin para sa kanila na tanggapin ang mga salita ng Diyos, ang gawain ng Diyos, o ang pagkastigo at paghatol ng Diyos para makamit ang kaligtasan. Kung mananatili sila sa iglesia, makasasama ito sa gawain ng iglesia, at maaari nilang ilihis at impluwensiyahan ang ilang kapatid na may maliit na tayog. Hindi sila kalugod-lugod para sa mga tao sa sambahayan ng Diyos, at sila rin, ay hindi nalulugod sa mga kapatid sa sambahayan ng Diyos. Sa puso nila, palagi nilang tinitingnan ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, at ang mga kapatid nang may pagkamapanlaban. Kaya, sabihin ninyo sa Akin, kung may gayong kaaway, gayong kalaban, sa iglesia, mababagabag ba kayo? (Oo.) Samakatwid, pinakamainam na huwag hikayatin ang gayong mga tao na manatili. Kapag natuklasan sila, kaagad silang hikayating umalis, paalisin sila, o patalsikin sila. Paano dapat pangasiwaan ang gayong mga tao kung makatagpo mo sila sa proseso ng pangangaral ng ebanghelyo? (Iwasan lang sila at huwag silang pansinin.) Kapag nakatagpo mo ang ganitong uri ng tao, hindi mo dapat ipangaral ang ebanghelyo sa kanila. Nagsasalita sila sa gayong magarbo at walang batayang paraan at may kadaldalan sila, pero wala talaga silang talento. Hindi kailangan ng sambahayan ng Diyos ang ganitong uri ng mga tao na may mga komplikadong pinagmulan; hindi sila kabilang sa mga hinirang ng Diyos. Kahit magbalik-loob pa sila ngayon, sa malao’t madali, kailangan pa rin silang alisin. Samakatwid, kapag nakatagpo niyong mga nangangaral ng ebanghelyo ang gayong mga tao, dapat na lang nilang sukuan ang mga ito. Hindi gusto o tinatanggap ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. Ito ang paraan para pangasiwaan ang mga tao na may mga komplikadong pinagmulan, at ito ang prinsipyo. Siyempre, sa pangangasiwa sa isyung ito, hindi kailangang palakihin ang mga bagay-bagay; kailangang malinaw ninyong maunawaan kung ang isang tao ay kabilang sa kategorya ng mga tao na may komplikadong pinagmulan. Kung ang mga pagpapamalas niya ay tumutugma sa ganitong uri ng tao, dapat siyang isama sa hanay ng grupong ito. Pero, kung ang isang tao ay paminsan-minsan lang na nagyayabang o nagsasalita ng walang kabuluhan at dahil sa labis niyang pagmamayabang ay napagkakamalan siyang may isang komplikadong pinagmulan, pero sa katunayan, tunay ang pananampalataya niya sa Diyos at hindi siya kabilang sa kategoryang ito, kinakailangan ng sitwasyong ito ng ibang pagtrato para maiwasang maling maakusahan ang isang mabuting tao.
III. Batay sa Saloobing Mayroon ang Isang Tao Habang Ginagampanan ang Kanyang Tungkulin
Halos tapos na tayong magbahaginan tungkol sa pamantayan ng pagkilatis sa mga tao batay sa pagkatao nila. May isa pang pamantayan—ang pagkilatis sa mga tao batay sa saloobing mayroon sila habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Medyo marami na tayong napag-usapan tungkol sa pamantayang ito sa mga naunang sermon, kaya hindi na kinakailangang magsabi pa ng anuman tungkol dito.
Sige. Diyan nagtatapos ang pagbabahaginan natin ngayon. Paalam!
Hulyo 6, 2024