Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (28) Ikatlong Seksiyon
L. Pagiging Mahilig Maghanap ng Gulo
Tingnan natin ang susunod na pagpapamalas: ang pagiging mahilig maghanap ng gulo. Alam ba ninyo kung anong uri ng mga tao ang mahilig maghanap ng gulo? Sa iglesia, nakatagpo na ba kayo ng ganitong uri ng tao na mahilig maghanap ng gulo? Anuman ang kanilang edad, kasarian, o propesyong mayroon sila sa mundo, kung palagi silang naghahanap ng gulo at palaging gumagawa ng mga bagay na lumalabag sa mga batas at regulasyon, na nagdudulot ng mga negatibong epekto sa iglesia at lumilikha ng malalaking hadlang sa gawain ng ebanghelyo, dapat kaagad na pangasiwaan ng iglesia ang mga taong ito. Una, bigyan sila ng babala, at kung masyadong malubha ang sitwasyon, patalsikin o paalisin sila. Hindi ninyo sila dapat pakitaan ng anumang paggalang. Anong uri ng mga tao iyong mahilig maghanap ng gulo? Halimbawa, ang ilang tao, habang nagnenegosyo o nagpapatakbo ng mga pabrika sa mundo, ay nakikisalamuha sa mga kahina-hinalang indibidwal at madalas na gumagawa ng mga bagay na lumalabag sa mga batas at regulasyon. Ngayon, hindi sila nagbabayad o kulang ang ibinabayad nilang buwis; bukas, nakikisali sila sa pandaraya at panlilinlang, o nasasangkot pa nga sa mga kasong legal dahil sa pagdudulot ng kamatayan. Dahil sa mga bagay na ito, madalas silang ipatawag ng korte, ginugugol ang mga araw nila sa mga kaso, at palaging nasasangkot sa mga alitan. Kaya bang manampalataya ng gayong mga tao sa Diyos nang taos-puso? Imposible iyon. May ilang tao ring nagsasabing nananampalataya sila sa Diyos pero kumikilos sa mga lubhang kakaiba at abnormal na paraan. Ngayon, nililigalig nila ang kasalungat na kasarian; bukas, maaaring mambastos sila ng isang tao nang seksuwal at maiulat. Masasabi mo bang mahilig maghanap ng gulo ang ganitong mga tao? (Oo.) Kung gayon, kaya bang manampalataya ng gayong mga tao sa Diyos nang taos-puso? (Hindi.) Ang mga taong ito na mahilig maghanap ng gulo, pagkatapos manampalataya sa Diyos, ay palagi pa ring nakikisalamuha sa mga kahina-hinalang indibidwal mula sa lipunan at patuloy na nagdudulot ng mga alitan, tulad ng mga alitan sa mga emosyonal na usapin, pananalapi, ari-arian, o mga pansariling interes. O, dahil sa ilang insidente na nagdudulot ng tensyon sa isa sa mga relasyon nila, o dahil sa hindi patas na paghahati ng mga nakaw na yaman nila, palaging may mga taong naghahangad na magdulot sa kanila ng kaguluhan. Kapag dumadalaw ang mga kapatid sa bahay nila paminsan-minsan, maaaring makasalubong nila ang mga kahina-hinalang tao na ito. Kahit kapag nasa mga pagtitipon sila o gumagawa ng tungkulin nila, paminsan-minsan ay sumusulpot ang mga kahina-hinalang taong ito sa pinto nila o nagpapadala ng mga nanliligalig na mensahe, kaya ang sinumang kasama ng mga taong ito na mahilig maghanap ng gulo ay malamang na madamay sa mga kaguluhan nila; sa partikular, ang gawain at reputasyon ng iglesia ay lalo pang malamang na maaapektuhan at mapipinsala ng mga taong ito. Sabihin mo sa Akin, mabuti ba para sa gayong mga tao na manatili sa iglesia? (Hindi.) Ang ganitong uri ng tao ay dapat ding paalisin at pangasiwaan.
May ilang tao rin, anuman ang propesyon nila sa lipunan, na palaging gustong sumalungat sa pamahalaan, sa mga opisyal ng pamahalaan, o sa mga partikular na grupong panlipunan at mga pampublikong personalidad. Ngayon, inilalantad nila ang mga hindi makatarungang pagkilos ng pamahalaan; bukas, nagsasampa sila ng kaso laban sa ilang grupo o organisasyon, humihingi ng kabayaran para sa mga pinsala; sa makalawa, inilalantad nila ang pribadong buhay ng isang pampublikong personalidad, na nagtutulak sa mga tao na hanapin sila. Paghahanap ba ito ng gulo? (Oo.) Kahit pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos, gusto pa rin nilang patuloy na makisangkot sa mga usaping panlipunan. Kapag may nakikita silang bagay na hindi nila ikinasisiya at ikinagagalit nila, palagi nilang gustong manindigan para sa katarungan para magpakitang-gilas, o magsulat ng isang komento o artikulo para husgahan ang mga tama at mali ng usaping iyon. Ano ang nangyayari sa huli? Wala silang naisasakatuparang anuman, kundi nauuwi sa pagdudulot ng sangkatutak na kaguluhan para sa sarili nila, nasasangkot sa mga kaso at nasisira ang reputasyon nila. At palaging may mga kahina-hinalang tao mula sa lipunan na naghahanap sa kanila, gustong maghiganti o kumilos laban sa kanila, kaya namumuhay sila sa matinding takot. Para makatakas sa ganitong uri ng buhay at maiwasan ang kaguluhan, bumibili sila ng ilang bahay, ipinaliliwanag na, “Sabi nga nila, ‘Ang isang tusong kuneho ay may tatlong lungga.’ Isa lang sa tatlong bahay ko ang alam ng publiko; walang nakakaalam sa dalawa pa. Pinananatili ko ang mga ito para sa paggamit ng iglesia at para matirhan ng mga kapatid.” Sa palagay mo ba ay magiging ligtas ang mga kapatid kung mananatili sila roon? (Hindi, hindi sila magiging ligtas.) Napakagandang pakinggan ang lahat ng salita nila, at mabuti ang intensyon nila sa paggawa nito, pero dahil sa karakter nila at kapintasan nila sa pagkahilig na maghanap ng gulo, sino ang maglalakas-loob na manatili sa bahay nila? Kung mananatili ka roon, maaaring isipin ng mga tao na bahagi ka ng pamilya nila. Kung may sinumang maghahanap para bugbugin sila pero hindi sila matagpuan, hindi ba’t ikaw na lang ang bubugbugin ng mga ito? May ilang tao na mahilig maghanap ng gulo. Kapag nagmamaneho sila nang ordinaryo at napadpad sa isang liblib na lugar, maaari silang harangin ng sinuman, na siya namang kakaladkad sa kanila palabas ng sasakyan, marahas na bubugbugin sila, at bibigyan sila ng babala. Alam nila na ito ay dahil nauna nilang napasama ang loob ng isang tao at nagdala ng kaguluhan sa sarili nila, at na sinumang napasama nila ang loob ay gusto silang pahirapan. Hindi ba’t iyon ang mismong nararapat sa kanila? Ang ganitong uri ng tao ay ang uri na mahilig maghanap ng gulo. Pagkatapos nilang magsimulang manampalataya sa Diyos, anumang usapin ang tinatalakay ng iglesia, palagi nilang gustong makisawsaw; gusto nilang magbigay ng opinyon tungkol sa usapin at magbigay ng ilang komento, sinusubukan ding kumbinsihin ang mga taong makinig sa kanila. Kung hindi tatanggapin ng iglesia ang mga mungkahi nila, labis silang hindi nasisiyahan at naghihinanakit, hindi alam ang sarili nilang mga abilidad. Gaano man karaming kawalan ang dinaranas nila, hindi nila kailanman natatandaan ang mga ito o kinapupulutan ng mga aral ang mga kabiguan nila. Ang gayong mga tao ay nagdudulot ng kaguluhan kahit kapag nananampalataya sila sa Diyos. Sa isang banda, hindi nila nauunawaan ang katotohanan pero palagi pa rin nilang gustong makibahagi sa gawain ng iglesia, sinusubukang makialam sa lahat ng bagay, na nagreresulta sa paggambala at panggugulo nila sa gawain ng iglesia. Sa kabilang banda naman, tuwing gumugugol sila ng maraming oras kasama ang sinumang kapatid, nagdudulot din sila ng kaguluhan sa mga ito. Ang ganitong uri ng mga tao na mahilig maghanap ng gulo ay isang malaking pasakit. Sa palagay mo ba, ang mga taong mahilig maghanap ng gulo ay mga taong hindi nagdudulot ng mga problema? Mga tao ba sila na marunong lumugar? (Hindi.) Tiyak na hindi sila mga taong marunong lumugar. Karaniwan, ang mga taong namumuhay ng disenteng buhay ay may tendensiyang matutong lumugar. Hangga’t walang kinalaman ang mga usaping panlipunan sa pananampalataya nila sa Diyos, ganap na hindi sila nakikibahagi o nagtatanong tungkol sa mga ito. Tinatawag itong pagiging makatwiran, pag-unawa sa panahon, at pag-unawa sa katuturan ng mga bagay-bagay. Ang lipunan at sangkatauhang ito ay napakabuktot at komplikado. Gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Sa magulong kapanahunan at magulong mundong ito, kailangang matutunan ng mga tao kung paano protektahan ang sarili nila.” Higit pa rito, palagi kang nagkokomento tungkol sa mga usaping panlipunan at gustong makibahagi sa mga ito, pero hindi iyon ang landas na dapat mong tahakin sa buhay. Ang paggawa ng mga bagay na iyon ay walang halaga at hindi ang tamang landas sa buhay. Kahit na nakapagsasalita ka nang patas, hindi pa rin iyon maituturing na makatarungang layunin. Bakit hindi? Dahil walang pagiging patas sa mundong ito; hindi ito pinahihintulutan ng masasamang kalakaran. Kung talagang makapagsasalita ka ng mga patas at matapat na salita sa sambahayan ng Diyos, may halaga at kabuluhan iyon. Pero kung magsasalita ka ng mga patas at matapat na salita sa masama, tiwali, at magulong mundong ito ng tao, ang gayong mga salita ay madaling mag-aanyaya ng gulo at magdadala ng panganib. Hindi ba’t magiging napakahangal sabihin ang gayong mga salita kung ganoon? Ang paggawa nito ay hindi lang hindi magpapahintulot sa iyo na mamuhay nang may kabuluhan, kundi magdadala rin ito sa iyo ng walang katapusang kaguluhan. Kaya, nakikita ng matatalinong tao na ang mga usaping panlipunang ito ay isang salot at lumalayo at umiiwas sila sa mga ito, samantalang lumalapit sa mga ito ang mga hangal na tao, nagdadala ng napakalaking kaguluhan sa sarili nila. May ilang tao sa partikular, matapos magsanay ng martial arts nang ilang araw, ang natututo ng ilang magarbong teknik at nagkakamit ng kaunting kasikatan, at pagkatapos ay gustong makipaglaban para sa katarungan at nakawan ang mayayaman para tulungan ang mahihirap. Gusto nilang gampanan ang papel ng isang kabalyerong lagalag o mandirigma, naglilibot para itama ang mga mali, at nangunguna pa nga sila para tumulong tuwing nakakakita sila ng kawalang katarungan. Bilang resulta, humahantong ito sa kaguluhan—hindi nila napagtatanto kung gaano kakomplikado ang lipunan. Sabihin mo sa Akin, kapag kumikilos ka para tumulong, hindi ba’t mauuwi ka sa pagpapasama ng loob ng ilang tao? Hindi ba’t masisira mo ang maiingat na plano na ginawa ng ilang tao? (Oo.) Kapag nasira mo ang maiingat na plano na mayroon ang mga tao, palalampasin ka ba ng mga ito? (Hindi.) Maaaring sabihin mong, “Ang isinasagawa ko ay isang makatarungang layunin,” pero kahit isa pa itong makatarungang layunin, hindi iyon puwede—hindi ka pahihintulutan ng mundong ito na magsagawa ng mga makatarungang layunin. Kung gagawin mo ito, maghahanap ka ng gulo. Hindi ito nauunawaan ng mga hangal, hindi nila makilatis ang mundo. Palagi nilang iniisip na, dahil mga kabalyerong lagalag sila, dapat silang kumilos para tulungan ang iba. Pero sa huli, sinisira nila ang maiingat na plano ng isang tao, at ang taong iyon ay naghahangad na maghiganti sa kanila at tumatangging huminto. Ganito sila naghahanap ng sakuna. Palihim na sinisimulang alamin ng ibang tao ang pangalan nila, kung saan sila nakatira, kung ano ang sitwasyon ng pamilya nila, kung sinu-sino ang miyembro ng pamilya nila, kung may anumang impluwensiya ba sila sa lugar na iyon, at kung paano pinakamainam na kumilos laban sa kanila. Kapag may malinaw nang pang-unawa ang taong iyon tungkol sa lahat ng ito, saka siya nagsisimulang kumilos laban sa “kabalyerong lagalag,” na ang buhay ay nagiging mahirap mula noon. Ang ganitong uri ng mga tao ay palaging naghahanap ng gulo at, gaano kalaki man ang mga kawalang dinaranas nila, hindi nila kailanman natututunan ang leksiyon nila. Kapag nakakatagpo sila ng isang bagay na sa tingin nila ay hindi makatarungan, gusto pa rin nilang makipaglaban para sa katarungan, at kumilos para tumulong. Hindi lang sila nagdadala ng kaguluhan sa sarili nila, kundi inilalagay rin nila ang pamilya nila sa panganib, at minsan pa nga ay isinasangkot dito maging ang mga kaibigan o kasamahan nila sa trabaho. Kung nananampalataya sila sa Diyos at pumapasok sa iglesia, maaari din nilang mailagay sa panganib ang mga kapatid. Halimbawa, kung masangkot sila sa kaguluhan sa lipunan at may isang taong gustong maghiganti sa kanila, at alam ng taong iyon na dumadalo ka sa mga pagtitipon kasama nila, maaari itong lumapit sa iyo para sa impormasyon tungkol sa sitwasyon nilang personal at sa pamilya. Kaya, sasabihin mo ba sa taong iyon o hindi? Kung sasabihin mo, parang ipinagkanulo mo sila, na magdudulot ng kaguluhan sa kanila; kung hindi mo sasabihin, maaaring pahirapan ka ng taong iyon. Masyadong maraming masamang tao sa mundong ito, at ang masasamang tao ay pawang walang katwiran. Kung may magpapasama ng loob nila, gagamitin nila ang lahat ng paraan para maghiganti. Hindi ba’t iyon ang kaso? (Oo.) Anuman ang uri ng kaguluhan na kinasasangkutan ng mga taong mahilig maghanap ng gulo, palagi itong nagdudulot ng kaguluhan at panggugulo sa pagganap ng kanilang tungkulin at maaari ding makaapekto sa gawain ng iglesia sa iba’t ibang antas. Kung ang isang tao ay palaging naghahanap ng gulo, sa palagay ba ninyo na ang pagbabahagi ng katotohanan sa kanya ay makalulutas sa problemang ito? (Hindi.) Ang ganitong uri ng mga tao ay kadalasang walang tamang katwiran. Kahit kapag nasasangkot sila sa kaguluhan, hindi nila ito nakikita bilang isang kaguluhan; maaaring isipin pa nga nila na may pagpapahalaga sila sa katarungan. Sa gayong mga kaso, walang silbi ang pagbabahagi sa kanila ng katotohanan dahil may baluktot na pagkaarok sila, mga kakatwang indibidwal sila. Hindi madaling tumanggap ng katotohanan ang mga kakatwang indibidwal. Maaaring sabihin ng ilang tao na, “Nahaharap sila sa paghihirap; paano natin sila ipagsasawalang-bahala? Paanong hindi natin sila pakikitaan ng awa? Dapat natin silang tratuhin nang may pagmamahal.” Ayos lang ang pagtrato sa kanila nang may pagmamahal, pero matatanggap ba nila ito? Kung hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan at patuloy na pinanghahawakan ang sarili nilang mga pananaw, angkop ba para sa iyo na patuloy na magbahagi sa kanila ng katotohanan nang walang katapusan? (Hindi.) Bakit hindi ito angkop? (Ang ganitong uri ng mga tao ay hindi taos-pusong nananampalataya sa Diyos. Ang diwa nila ay sa mga hindi mananampalataya. Kahit magbahagi pa tayo ng katotohanan sa kanila, hindi nito malulutas ang problema, at makapagdadala pa rin sila ng maraming kaguluhan sa iglesia.) Kaya, dapat bang paalisin ang ganitong uri ng mga tao? (Oo, dapat silang paalisin.)
May isa pang uri ng mga tao na mahilig maghanap ng gulo. Sa iglesia, palagi nilang inuudyukan ang mga kapatid na gumawa ng mga partikular na bagay. Halimbawa, sinasabi nilang: “Ang hakbang na iyon na isinagawa ng pamahalaan at ang polisiyang binalangkas nila ay hindi makatwiran. Bilang mga Kristiyano, dapat tayong magsagawa ng pagiging matuwid, dapat tayong magsalita at hindi maaaring mabahag ang ating buntot tulad ng mga duwag. Kailangan nating magmartsa sa mga kalsada nang may mga bandera at magprotesta, ipinaglalaban ang kapakanan ng mga kapatid, ng ating iglesia, at ng lahat ng sangkatauhan!” At ano ang resulta nito? Bago pa man sila makapagmartsa, natuklasan na ito ng pamahalaan, at ipinatatawag na sila ng hukuman. Sabihin mo sa Akin, mapalad ba o hindi mapalad para sa iglesia na magkaroon ng gayong mga tao? (Hindi mapalad.) Sinasabi ng ilang tao: “Lumalabas na may gayong mga taong may talento ang ating iglesia—may potensiyal ang taong ito na maging lider! Tingnan mo ang mga tao sa ating iglesia; lahat sila ay mababang-loob at sumusunod, walang impluwensiya sa lipunan. Mahina ang loob nila at hindi nangangahas na pangasiwaan ang anumang malalaking isyu, at sobrang natatakot sila na maghanap ng gulo. Iba ang taong ito—siya ay matapang, may kabatiran, at mapagpasya; may impluwensiya rin siya sa lipunan, may kapabilidad, at kapag nakakakita siya ng kawalang katarungan, nangangahas siyang manindigan at kumilos. Kahit kapag nahaharap sa kasong legal, hindi siya natataranta o nababalisa. Ang kakayahan ng kanyang pag-iisip ay likas na angkop sa pagiging isang opisyal. Kung ang taong ito ay masasangkot sa politika, magiging isang kinatawan siya o kahit papaano ay gobernador ng isang probinsya. Hindi tayo sapat na mahusay. Kaya, dapat piliin siya ng iglesia na maging lider. Kung pamumunuan niya tayo, tiyak na magkakamit tayo ng kaligtasan!” May ilang hangal na tao na partikular na mataas ang pagtingin sa mga taong mahilig maghanap ng gulo sa lipunan at iniidolo ang mga ito, ginugusto pa ngang ihalal ang mga ito bilang mga lider ng iglesia. Sa palagay ba ninyo ay naaangkop ito? (Hindi.) Bakit hindi ito naaangkop? Hindi ba’t kailangan ng iglesia ang gayong “mga taong may kapabilidad”? (Hindi kailangan ng iglesia ang gayong mga tao. Dapat pamunuan ng mga lider ng iglesia ang hinirang na mga tao ng Diyos para magkakasamang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon, hangarin ang katotohanan, at gawin ang tungkulin nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Bagama’t tila may diumano’y tapang, pananaw, at pagiging mapagpasya ang gayong mga tao sa panlabas, hindi nila kayang gawin ang ganitong uri ng gawain at magdudulot sila ng walang katapusang kaguluhan sa iglesia. Samakatwid, hindi sila nararapat na maging mga lider ng iglesia.) Hayaan mong sabihin Ko sa iyo, isang pagkakamali para sa ganitong uri ng tao na manatili sa iglesia, at magiging mas mapaminsala pa nga ang ihalal ang gayong mga tao bilang lider. Saan nila aakayin ang iglesia? Gagawin nilang isang relihiyosong grupo ang iglesia! Ito ay dahil kapag nakikita nila ang mga kawalang katarungan sa lipunan, magsasampa sila ng mga kaso; kapag nakikita nila ang masasamang tao na inaapi ang mahihirap, ipaglalaban nila ang mga ito; kapag nakikita nila ang mga tiwaling opisyal na brutal na nananakit sa mga tao, gugustuhin nilang ipaglaban ang katarungan sa ngalan ng Langit. Dahil dito, kayong lahat ay unti-unti ring magiging mga kabalyerong lagalag na lumalaban para sa katarungan. Sa ganitong paraan, maaari pa rin ba kayong magtamo ng kaligtasan? Sa panlabas, maaaring tila medyo may kapabilidad ang mga taong mahilig maghanap ng gulo, pero sa huli, ano ang nangyayari? Lahat sila ay itinitiwalag dahil sa paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, dahil ang landas na tinatahak nila ay hindi ang tamang landas. Anumang uri ng gulo ang hinahanap nila, hindi sila tumatahak sa tamang landas, ni hindi sila sumusunod sa kalooban ng Diyos. Wala sa mga ginagawa nila ang may anumang kaugnayan sa iglesia, sa gawain ng Diyos, o sa mga layunin ng Diyos; lahat ng ginagawa nila ay malayo sa mga layunin ng Diyos at lumilihis sa tamang landas. Ang kalikasan ng paghahanap nila ng gulo ay na nakikisalamuha at nasasangkot sila sa mga diyablo; pinahihirapan sila ng mga diyablo. Samakatwid, dapat malinaw na humiwalay ang sambahayan ng Diyos sa gayong mga tao. Kung paulit-ulit silang maghahanap ng gulo, tumatangging makinig sinuman ang magtangkang magpayo sa kanila, at sila ay naghahanap ng gulo nang hindi natututo mula sa mga pagkakamali nila, gumagawa pa nga ng mga walang ingat na maling gawain, dapat silang hikayating umalis. Maaari mong sabihin: “Tingnan mo ang lahat ng kaguluhang hinanap mo, kung gaano kalaking hadlang ito sa gawain ng iglesia, at kung gaano karaming pagganap ng tungkulin ng mga tao ang naapektuhan. Paanong hindi mo ito napagtatanto? Ang lawak ng iyong pag-iisip ay sobra-sobra—sapat ang lawak nito para saklawan ang buong mundo. Ang isang taong tulad mo ay dapat makipagsapalaran sa mundo; dapat mong linangin ang iyong sarili at pamunuan ang bansa, nagdadala ng kapayapaan sa mundo. Nababagay ka sa pakikisalamuha sa matataas na opisyal; saka ka lang makaaangat sa pangkaraniwan at magagawang makipagsapalaran at magtagumpay. Ang pananatili kasama ng mga taong nananampalataya sa Diyos araw-araw—hindi ba’t hahadlangan ka lang niyon sa iyong malalaking ambisyon at lilimitahan ang iyong kakayahang makipagsapalaran at magtagumpay? Tingnan mo kami—wala sa amin ang may malalaking adhikain. Nakatuon lang kami sa pananampalataya sa Diyos, sa pagbabasa ng mas maraming salita ng Diyos para maunawaan ang ilang katotohanan, at sa paggawa ng mas kaunting kasamaan, at pagkatapos marahil ay matatamo namin ang pagsang-ayon ng Diyos—iyon lang iyon. Kaming lahat ay mga taong siniraan at ininsulto ng mga makamundong tao, tinanggihan ng mundo, kaya hindi ka nararapat na makisalamuha sa mga katulad namin. Mas makabubuti sa iyo kung babalik ka sa mundo at magsisikap doon; marahil ay makakamit mo ang malaking tagumpay at maisasakatuparan ang iyong mga ambisyon.” Naaangkop ba ang panghihikayat sa kanilang umalis sa ganitong paraan? Mabuting paraan ba ito para lutasin ang isyu? (Oo.) Ganito dapat pangasiwaan ng iglesia ang gayong mga hindi mananampalataya; ang paglutas sa usapin sa ganitong paraan ay ganap na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo.
Anong iba pang mga uri ng mga tao ang mahilig maghanap ng gulo? May isang uri ng tao na partikular na popular sa kasalungat na kasarian at palaging nakikipaglandian sa mga kahina-hinalang indibidwal. Hindi sila naghahangad ng isang wastong romantikong relasyon; sa halip, nagpapanatili sila ng mga napakalapit at hindi wastong relasyon sa maraming tao sa kasalungat na kasarian. Dahil hindi nila maayos na mapangasiwaan ang mga relasyon na ito, posible na magselos at maghiganti pa nga sa isa’t isa ang mga taong nilalandi nila. Kaguluhan ba ito para sa kanila? (Oo.) Isa rin itong malaking kaguluhan. Maaaring walang pakialam ang ilang tao tungkol sa mga usaping ito, pero ang gayong mga bagay ay madalas na nagdudulot ng problema sa kanilang personal na buhay at sa kanilang pananalig, at maaari pa nga itong makaapekto sa kanilang personal na kaligtasan. Ang mga kaguluhang ito ay patuloy na sumusunod sa kanila, at iyong mga madalas na makisalamuha sa kanila ay hindi maiiwasang madadamay rin. Nasa tunay na romantikong relasyon man sila sa mga indibidwal na ito sa kasalungat na kasarian o nakikipaglandian lang at ginagamit ang isa’t isa, wala tayong pakialam sa gayong mga usapin. Ano ang inaalala natin? Inaalala natin kung ang mga kaguluhang idinudulot nila ay may anumang masamang epekto sa mga kapatid o sa iglesia. Kung may epekto ito, dapat makialam ang iglesia para ayusin at pangasiwaan ang isyu, pinapayuhan silang asikasuhin nang maayos ang mga kaguluhang ito. Sa kung paano nila aasikasuhin ito, hindi tayo makikialam. Kung, gaano man sila payuhan, tumatanggi pa rin silang makinig at hindi inaasikaso o nilulutas ang mga kaguluhang ito, dapat silang ibukod at bigyan ng babala: “Kailangan mo munang asikasuhin ang mga personal mong kaguluhan. Kapag naayos na ang mga ito, maaari ka nang magpatuloy sa paggawa ng iyong tungkulin. Kung hindi mo aasikasuhin ang mga ito nang maayos, mananatili kang nakabukod.” Bagaman mga mananampalataya sila at maaaring gumagawa pa nga ng kanilang tungkulin—marahil isang mahalagang tungkulin pa nga—dahil sa mga seryosong problema sa kanilang personal na buhay at dahil ang kaguluhang hinahanap nila ay maaaring makaapekto sa gawain ng iglesia, hindi ito maaaring balewalain ng mga lider ng iglesia, sapagkat ang mga kaguluhang ito ay nagdudulot ng mga potensyal na panganib. Halimbawa, maaaring malaman mula sa kanila ng mga taong nakakarelasyon nila ang ilan sa mga sitwasyon ng iglesia o mga personal na impormasyon tungkol sa mga kapatid. Kung isisiwalat nila ang impormasyong ito sa mga taong may masamang intensyon o sa malaking pulang dragon, makasasama ito kapwa sa iglesia at sa mga kapatid. Kaya, para sa iglesia, ang mga kaguluhang ito o mga potensyal na panganib ay dulot nilang lahat, kaya dapat ipalutas muna sa kanila ng iglesia ang mga personal na kaguluhan nila. Kung ganap nilang maaasikaso ang mga kaguluhan, maaaring magdesisyon ang sambahayan ng Diyos na tanggapin silang muli batay sa kanilang mga sitwasyon. Pero kung patuloy nilang hindi lulutasin ang mga kaguluhan nila at gusto pa ring gawin ang tungkulin nila, ano ang dapat gawin? (Hindi sila dapat pahintulutang gawin ang tungkulin nila.) Sa kasong iyon, dapat silang hikayating umalis o paalisin. Sa madaling salita, maging ito man ay mga lider ng iglesia o mga kapatid, kapag natuklasan nila na may mga tao sa iglesia na mahilig maghanap ng gulo, dapat nilang harapin ang usapin nang naaayon sa mga prinsipyo at kaagad itong pangasiwaan. Hindi nila dapat hintayin na magdala ng panganib ang mga indibidwal na ito sa mga kapatid o magdulot ito ng kaguluhan sa gawain ng iglesia bago ito pangasiwaan at lutasin.
May ilang tao na mabilis magdulot ng kaguluhan at makipag-away at makipagbasag-ulo. Pakiramdam nila palagi na malakas sila sumuntok, palaging gustong talunin ang lahat sa mundo, o, kung marunong sila ng kaunting magarang martial arts, gusto nila palaging gumamit ng dahas at puwersa laban sa iba. Hindi ba’t ang ganitong klaseng tao ay mahilig ding maghanap ng gulo? (Oo.) Mayroon ding mga hindi marunong lumugar saanman sila magpunta. Hindi sila sumusunod sa mga patakaran o sa kaayusang pampubliko at palaging gustong maging hindi pangkaraniwan. Kapag nagmamaneho, ipinipilit nilang tumakbo kahit pula ang ilaw, o iginigiit na lumiko sa kaliwa kung saan hindi ito pinahihintulutan, at kapag pinara at pinagmulta ng pulis, tumatanggi silang tanggapin ito at gustong iulat ang opisyal. Kita mo, nangangahas silang iulat ang sinuman. Kahit pa kumikilos ayon sa batas ang pulis, gusto pa rin nilang ireklamo ito—binabalewala nila ang batas. Hindi ba’t ang mga hangal na ito ay mahilig maghanap ng gulo? (Oo.) Iniisip ng ganitong uri ng tao na mahilig maghanap ng gulo na mayroon silang Diyos na masasandigan dahil nananampalataya sila sa Kanya, at na ang iglesia ay may maraming bilang ng tao at malaking impluwensiya, at kaya wala silang kinatatakutang anuman. Gumagawa sila ng mga walang ingat na maling gawain saanman para ipagyabang ang kanilang mga kapabilidad at para ipakita kung gaano sila kabigatin. Kahit pagkatapos masangkot sa legal na problema, hindi nila alam kung paano baguhin ang landas nila. Sa huli, ano ang sinasabi nila? “Talagang masama ang mundong ito. Inaresto ako dahil lang sa paninindigan para sa katarungan. Talagang hindi patas ang mundong ito!” Tumatanggi pa rin silang aminin ang mga pagkakamali nila. Nang-uudyok at nagdudulot sila ng kaguluhan sa sarili nila, pero nagrereklamo sila na hindi ito patas sa kanila. Hindi ba’t sobrang kakatwa nito? (Oo.) Gaano man kasama o kadilim ang mundo, hindi matalino para sa kanila ang mag-udyok ng kaguluhan. Hindi kailanman hiningi ng Diyos sa sinuman na mag-udyok ng kaguluhan, ni hindi Niya hiningi sa sinumang gamitin ang bandera ng pananampalataya sa Diyos para makipaglaban para sa katarungan at magpatupad ng katarungan sa ngalan ng Langit. Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga batas ng mundong ito ay hindi ang katotohanan, kaya hindi kailangang sundin ang mga ito.” Kahit na ang batas ay hindi ang katotohanan, hindi kailanman sinabi sa iyo ng Diyos na maaari mong labagin ang batas ayon sa iyong kagustuhan, ni hindi Niya sinabi sa iyo na maaari kang pumatay o manunog. Hinihingi sa iyo ng Diyos na sundin ang batas at sumunod sa kaayusang pampubliko sa lipunan, na matutong sundin ang mga moral na pamantayan at sundin ang mga patakaran saan ka man magpunta, na huwag galitin ang mga tao, at huwag maghanap ng gulo. Kung lalabagin mo ang batas, ikaw mismo ang magpapasan ng mga kahihinatnan—huwag mong asahan na aakuin ng sambahayan ng Diyos ang responsabilidad para sa iyo, dahil ito ay personal na pag-uugali at kumakatawan lang sa iyo bilang isang indibidwal; hindi ka kailanman sinabihan ng sambahayan ng Diyos na gumawa ng anumang ilegal. Saanmang bansa mo pinangangasiwaan ang mga usapin, ipinag-uutos ng sambahayan ng Diyos na suriin mo ang batas at kumonsulta ka sa abogado. Anumang sinasabi ng abogado ay naaangkop, iyon ang dapat mong gawin. Kung hindi ka pinayuhan ng abogado na kumilos sa isang partikular na paraan, at kumilos ka nang walang alam, ginawang palpak ang mga usapin, at nilabag ang batas, ikaw mismo ang magpapasan ng mga kahihinatnan—huwag kang magdala ng kaguluhan sa sambahayan ng Diyos. Kahit na ang iminumungkahing paraan ng abogado ay hindi ang pinakamainam na pagpipilian, kailangan mo pa ring sundin ang payo ng abogado. Basta’t legal ito at hindi magdudulot ng malaking pinsala sa sambahayan ng Diyos, maaari itong gawin. Palaging sinasabi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao na kumonsulta sa mga abogado at pangasiwaan ang mga usapin ayon sa batas. Gayumpaman, iniisip ng ilang tao, “Hindi nabibilang sa mundo ang sambahayan ng Diyos, kaya hindi natin dapat sundin ang mga kalakaran ng mundo! Hindi kumakatawan sa katotohanan ang batas—ang Diyos lang ang katotohanan, at ang Diyos ang pinakamataas. Nagpapasakop lang tayo sa katotohanan at sa Diyos!” Bagaman tama ang pahayag na ito, namumuhay ka pa rin sa mundong ito at kailangang pangasiwaan ang maraming makatotohanang isyu. Samakatwid, hindi mo maaaring labagin ang batas, at hindi mo maaaring labagin ang mga katotohanang prinsipyo. Ang pagiging pinakamataas ng Diyos ay tumutukoy sa Kanyang pagkakakilanlan at katayuan; hindi ito isang dahilan para makilahok sa mga ilegal na aktibidad o maghari-harian sa lipunan, gawin ang anumang gusto mo, at maghanap ng gulo sa lahat ng dako. Hindi kailanman hinikayat o hiningi ng Diyos sa sinuman na labagin ang batas sa paggawa ng anumang bagay, kundi sinasabi sa iyong sundin ang batas at sumunod sa mga panlipunang panuntunan, na kapag nilabag mo ang batas at naparusahan ka, dapat mong tanggapin ang parusa, at na hindi ka dapat magdulot ng isyu o maghanap ng gulo. Kung palagi kang naghahanap ng gulo, palaging iniisip na dahil nananampalataya ka sa Diyos ay sinusuportahan ka ng Diyos, at kaya wala kang kinatatakutan, sasabihin Ko sa iyo, mali ka! Hindi sinusuportahan ng Diyos ang iyong kawalang takot sa harap ng lahat ng bagay, at hindi magbabayad ang sambahayan ng Diyos para sa lohika mong tulad ng sa isang tampalasan. Huwag na huwag mong iisipin na dahil lang maraming tao sa sambahayan ng Diyos at may malaking impluwensiya ito, maaari mong gawin ang anumang gusto mo. Kung ganito ka mag-isip, mali ka. Ito ang lohika ni Satanas. Hindi kailanman sinabi ng sambahayan ng Diyos ang gayong bagay, at hindi rin ng Diyos. Hindi hinihikayat ng sambahayan ng Diyos ang sinuman na kumilos nang ganito. Totoo na maraming tao ang sambahayan ng Diyos, pero ang bilang ng mga tao—marami man o kaunti—ay hindi para suportahan ang sinuman, palakasin ang loob ninuman, o protektahan ang sinuman mula sa kaguluhan at ayusin ang lahat. Pinipili ng Diyos ang mga tao para sumunod sila sa Kanya at sundin ang kalooban Niya, para maging pasok sila sa pamantayan bilang mga nilikha at matupad ang tungkulin ng mga nilikha. Hindi ito para kalabanin mo ang mundo, hindi ito para magsabi ka ng magagarbong ideya sa mundo, at tiyak na hindi ito para turuan mo ng leksyon ang mundo. Ang pananampalataya sa Diyos ay hindi tungkol sa pagsalungat sa agos; wala itong kinalaman sa pagsalungat sa agos o paghamak sa mundo. Kaya, huwag kang magkamali ng pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos para sa tao, at huwag mong bigyan ng maling pakahulugan o maling pag-unawa ang kabuluhan ng pananampalataya sa Diyos. Ano ang pakay ng Diyos sa pagpili sa mga tao? (Ito ay para sumunod ang mga tao sa Diyos, sumunod sa kalooban ng Diyos, at gawin ang tungkulin ng mga nilikha.) Hinihirang ng Diyos ang mga tao para makamit ang mga ito, para makamit ang tunay na mga nilikha, para makamit ang mga tao na tunay na sumasamba sa Diyos; ito ay para lumitaw ang isang bagong sangkatauhan, isang sangkatauhan na makasasamba sa Diyos. Ang pakay ng Diyos sa pagpili ng mga tao ay hindi para kalabanin ng mga ito ang mundong ito o ang sangkatauhan. Samakatwid, hangga’t maaari ay dapat ilayo iyong mga mahilig maghanap ng gulo mula sa iglesia at sa mga lugar kung saan ginagawa ng mga tao ang tungkulin nila, para maiwasang maapektuhan ang pagganap ng tungkulin ng iba.
Tungkol naman sa mga mahilig maghanap ng gulo, anuman ang uri ng kaguluhan ang hinahanap nila, kung nagdudulot ito ng kaguluhan sa iglesia at nakaaapekto sa pagganap ng tungkulin ng mga kapatid, ang mga lider at manggagawa ay dapat kumilos at lutasin ang isyu. Ganap na hindi ito dapat pabayaan. Dapat kaagad nilang maunawaan at maarok ang sitwasyon, linawin ang ugat ng problema, at pagkatapos ay maglabas ng makatwirang solusyon at pangasiwaan ito. Bakit dapat itong pangasiwaan? Sa isang banda, ang mga kaguluhang ito ay makaaapekto sa gawain ng iglesia, buhay iglesia, o sa pagganap ng tungkulin ng mga kapatid. Sa kabilang banda, nakikita man ng iba ang mga indibidwal na ito na mahilig maghanap ng gulo bilang may talento o bilang mga tamad at tampalasan, basta’t nagdudulot sila ng kaguluhan, dapat kaagad silang pangasiwaan. Kaya paano sila dapat pangasiwaan? Hindi ito tungkol sa pangangasiwa sa kaguluhan, kundi sa pangangasiwa sa mga taong responsable sa pagdudulot nito. Sa pamamagitan ng pag-aalis sa kanila sa iglesia, ang ugat ng kaguluhan ay malulutas, at ang isyu sa gayon ay mapangangasiwaan. Hinding-hindi ka dapat maging maluwag dahil lang sa tingin mo ay may kapabilidad o may talento ang ilang tao na mahilig maghanap ng gulo. Kung kaya mong maging maluwag sa kanila, isa ka talagang tao na napakagulo ang isip at hindi angkop na maging lider sa iglesia, at dapat kang alisin ng mga kapatid mula sa iyong posisyon. Kung hindi mo pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at hindi pinoprotektahan ang mga kapatid, kundi sa halip ay pinoprotektahan mo ang masasamang tao at mga gumagawa ng kaguluhan, iniidolo pa nga sila nang sobra, tinatrato sila bilang mararangal na panauhin at mahuhusay na indibidwal, iniisip na sila ay mga taong may talento na bihira makita sa iglesia, ginagamit sila sa mahahalagang gampanin, at inaayos pa nga ang mga kaguluhan para sa kanila—ganap na hindi ka karapat-dapat para sa papel ng lider ng iglesia. Isa kang tao na naguguluhan at isang huwad na lider, at dapat kang tanggalin at itiwalag. Kung ang isang lider ng iglesia ay tumangging makinig sa payo at iginigiit na protektahan ang isang masamang tao na mahilig maghanap ng gulo o ginagamit ang mga ito sa mahahalagang gampanin, hindi lang dapat alisin ng mga kapatid ang lider kundi isama rin ito sa taong iyon na mahilig maghanap ng gulo at paalisin sila pareho. Hindi ba’t iniidolo mo ang tao na naghahanap ng gulo? Pakiramdam niya ay protektado mo rin siya, at magkasundong-magkasundo kayo—puwes kung ganoon, pasensya na, pero pareho kayong kailangang umalis. Hindi kailangan ng sambahayan ng Diyos ang sinuman sa inyo! Kung may mga tao sa iglesia na mahilig maghanap ng gulo, at walang alam ang mga nakatataas na lider, habang ang lider ng iglesia ay magulo ang isip at walang pagkilatis, ang mga kapatid na nakauunawa sa katotohanan ang dapat kumilos para lutasin ang isyu. Una, dapat nilang kaagad na iulat ang usapin sa mga nakatataas na lider. Bukod dito, dapat silang makiisa sa iba pang mga kapatid para magbahaginan at kilatisin ang huwad na lider. Kapag nakumpirma nang ito ay isang huwad na lider, dapat itong tanggalin o alisin, at dapat maghalal ng isang bagong lider—isang taong kayang pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang buhay iglesia. Angkop ba ang ganitong pagsasagawa? (Oo.) Magkasamang alisin ang lider ng iglesiang ito at ang taong mahilig maghanap ng gulo. Hindi ba’t sila ay dalawang tao na magkasundong-magkasundo dahil sa kanilang magkaparehong mga ubod ng samang katangian, kinaiinggitan at hinahangaan ang isa’t isa? Kung gayon, pagbigyan ang kahilingan nila at hayaan silang bumalik sa mundo nang magkasama—ayaw ng sambahayan ng Diyos sa mga taong kagaya nila. Kung mananatili sila sa iglesia, maghahanap at lilikha lang sila ng kaguluhan, magdudulot ng malaking pinsala sa gawain ng iglesia. Dapat silang alisin. Saanman nila gustong pumunta at gaano kalaking gulo man ang gusto nilang hanapin ay sarili na nilang problema. Sa anumang kaso, wala itong kaugnayan sa iglesia at hindi madadamay ang iglesia. Hindi ba’t malulutas niyon ang isyu? (Oo.) Medyo mabuti ang solusyong ito. Diyan nagtatapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa ikalabindalawang pagpapamalas, hinggil sa mga taong mahilig maghanap ng gulo.