Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (28) Ikalawang Seksiyon

Anong iba pang mga pagpapamalas mayroon ang mga duwag na tao? Kayang ipagkaila at itanggi ng mga taong ito ang pangalan ng Diyos anumang oras, ipagkanulo ang Diyos anumang oras, at maging mga Hudas anumang oras. Ang mga duwag na tao ay hindi karapat-dapat na makapasok sa kaharian ng langit—hindi ba’t ito ang kaso? (Oo.) Ano ang napakalalang kahinaan ng mga duwag na tao? (Takot sila sa kamatayan at kaya nilang magkanulo.) Ang mga taong ito ay walang dangal na iniraraos lang ang buhay, pinag-iimbutan ang buhay at kinatatakutan ang kamatayan. Ang takot sa kamatayan ang pinakamalala nilang kahinaan. Basta’t hindi nila ikamamatay, handa silang gawin ang anumang bagay—kahit ito ay maging isang Hudas, maging anak ng pagkawasak, o maisumpa—handa silang gawin ang anuman, basta’t maaari silang mabuhay. Ang mabuhay ang pinakamataas nilang layon. Gaano ka man magbahagi na ang buhay at kamatayan ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos; na ang Diyos ang nagkokontrol, may kataas-taasang kapangyarihan, at namamatnugot sa kapalaran ng mga tao; at na dapat magpasakop ang mga tao sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, hindi nila pinaniniwalaan o tinatanggap ang mga salitang ito. Iniisip lang nila na isang bihirang pagkakataon ang maipanganak muli bilang isang tao, kaya’t hinding-hindi sila maaaring mamatay; iniisip din nila na kapag pumanaw sila at namatay ang kanilang laman, ang kaluluwa nila ay maaaring ipanganak muli bilang isang hayop o maging isang ligaw na kaluluwa, hindi na kailanman magkakaroon ng pagkakataong maipanganak muli bilang isang tao. Samakatwid, labis silang natatakot sa kamatayan. Para sa kanila, ang kamatayan ay isang malaking kapahamakan, hindi isang magandang pagkakataon para sa susunod na reengkarnasyon, ni isang bagong simula para sa panibagong kapanganakan. Samakatwid, ginagawa nila ang lahat para mapanatili ang buhay nila. Kahit nangangahulugan ito ng pagkakanulo sa iba o pagdudulot ng anumang uri ng pinsala sa gawain ng iglesia, hindi sila magdadalawang-isip na gawin ito; at kahit nangangahulugan pa ito ng pagtalikod sa pangalan ng Diyos, wala silang pakialam sa mga kahihinatnan—ang mahalaga lang sa kanila ay ang mabuhay nang ligtas. Anong uri ng mga tao ang mga ito? (Mga taong pinahahaba ang isang walang dangal na pag-iral.) Mga hamak sila na pinahahaba ang isang walang dangal na pag-iral! Namumuhay sila nang walang dignidad o integridad, handang gawin ang anumang bagay para lang manatiling buhay, nagpapakababa nang husto. May ilang tao na kinalkula na sa puso nila kung ano ang gagawin bago sila humarap sa isang mapanganib na kapaligiran: “Kung maaresto ako, magsasalita na lang ako. Kapag pinahihirapan, binabantaan, at tinatakot kayo ng malaking pulang dragon, pinupuwersa kayong ipagkanulo ang iglesia, tumatanggi kayong lahat na magsabi ng kahit isang salita. Puwes, hindi ako kasinghangal ninyo, na mas pipiliing magtiis ng pisikal na pasakit kaysa magsalita. Magsasalita ako kahit bago pa man bugbugin o takutin—tingnan ninyo kung gaano ako katalino! Ayon nga sa kasabihan, ‘Ang matalinong tao ay nagpapasakop sa mga sitwasyon.’ Ano bang napakasama sa pagkakanulo ko sa mga kapatid sa iglesia? Dapat maging makasarili ang lahat, tama? Hindi ba’t kahangalan lang na hindi alagaan ang sarili mo?” Bago pa man may mangyaring anuman, napagplanuhan na nila kung paano poprotektahan ang sarili nila. Napag-isipan na nila itong lahat matagal na. Ano ang kredo nila para sa kung paano sila umaasal? “Bakit pahihirapin ng tao ang buhay para sa sarili niya? Bakit magiging napakatigas ang ulo? Sa pagiging mabuti lang sa sarili mo na hindi magiging walang kabuluhan ang buhay na ito!” Ito ang kredo nila sa pag-asal. Wala silang mga moral na hangganan. Ano sa palagay ninyo ang dapat gawin sa mga taong gaya nito? (Kung matutuklasan ang gayong mga tao, dapat silang paalisin nang may karunungan—mga bomba silang sasabog.) Mismo, mga bomba silang sasabog. Lubos silang duwag, at kapag dumarating ang panganib, ipagkakanulo nila ang iglesia. Kung ang isang tao ay may normal na pagkatao, gagamitin niya ang matatalinong pamamaraan para tugunan ang mapapanganib na kapaligiran, at magkakaroon siya ng tunay na pananalig sa Diyos. Hindi niya hahayaang mahadlangan ang pagdalo sa mga pagtitipon o paggawa ng kanyang tungkulin, at gagawin niya ang lahat ng makakaya niya para gugulin ang kanyang sarili para sa Diyos batay sa kanyang tayog at mga kalagayan. Ito ang pagbubunyag ng normal na pagkatao. Pero partikular na pinahahalagahan ng mga duwag na tao ang buhay nila; pinag-iimbutan nila ang buhay at kinatatakutan ang kamatayan, pinahahalagahan ang buhay nila nang higit sa lahat ng iba pa. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos at hindi nila kayang makita na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Kaya, kapag naharap sa pag-uusig, natural silang nabubunyag bilang mga duwag na tao. Ang mga duwag na tao, para protektahan ang sarili nila, ay kayang maging mga Hudas. Ang gayong mga tao ay mapapanganib na elemento, mga nakatatakot na indibidwal sila. Hinding-hindi sila dapat italaga ng iglesia sa anumang gawain, ni pahintulutan silang gumawa ng anumang tungkulin. Kung hindi, kapag nagkanulo sila, ang pinsala sa gawain ng iglesia ay magiging napakalaki; magdudulot ito ng mas malaking pinsala kaysa kabutihan.

Paano naipamamalas ang pagiging mapaghinala ng mga taong duwag at mapaghinala? May ilang tao na hindi kailanman malinaw na nakikita ang iba’t ibang aspekto ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila alam kung anong gawain ang eksaktong ginagawa ng Diyos, o kung ang mga salitang binibigkas ng Diyos ay ang katotohanan. Wala silang tamang pag-arok o pananaw sa mga usaping ito, kaya hindi nila makumpirma kung ano ba talaga ang ginagawa sa gawain ng sambahayan ng Diyos, kung anong mga resulta ang nilalayong makamit ng gawaing ito, o kung ito ba ay ginawa para sa layon ng pagliligtas sa mga tao. Hindi nila malinaw na makita ang alinman sa mga bagay na ito. Hindi rin malinaw sa kanila ang tungkol sa kung ano ang iglesia. Gaano man karami ang mga sermong naririnig nila, hindi nila nauunawaan kahit ang kaunti ng katotohanan. Palagi silang may mga pagdududa tungkol sa mga kapatid na gumagampan sa mga tungkulin ng mga ito, iniisip nilang, “Ang mga taong ito ay palaging abala, araw-araw na umaalis at bumabalik—ano ba mismo ang ginagawa nila?” Partikular sa konteksto ng pananampalataya sa Diyos at paggawa ng mga tungkulin sa bansa ng malaking pulang dragon, ang mga lider at manggagawa ay nagbabahaginan at nagtatalakayan tungkol sa mga partikular na aytem ng gawain ng iglesia—gaya ng gawaing administratibo, gawain ng mga tauhan, gawain ng mga pangkalahatang usapin, at lalo na ang ilang gawain na may kinalaman sa pagharap sa mga panganib—nang hindi ipinaaalam sa mga ordinaryong kapatid ang tungkol sa mga bagay na ito. Pinoprotektahan sila nito, hindi sila pinipinsala nito. Gayumpaman, hindi ito nauunawaan ng ilang tao at palaging gustong magtanong tungkol sa mga bagay na ito. Halimbawa, nagtatanong sila tungkol sa kung saan iniimprenta ang mga aklat o kung saan pinatutuloy ang mga partikular na lider at manggagawa. Magiging kapaki-pakinabang ba sa iyo ang malaman ang mga bagay na ito? (Hindi.) May mawawala ba sa iyong anuman sa hindi pag-alam sa mga bagay na ito? (Wala.) Hindi nakaaapekto sa iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ang hindi mo pag-alam sa mga bagay na ito, hindi ito nakaaapekto sa pagkakamit mo ng katotohanan, at tiyak na hindi nito hinahadlangan ang iyong buhay pagpasok o ang pagbabago ng iyong disposisyon. Kaya, hindi ba’t hindi kinakailangan para sa iyo na tanungin at alamin ang tungkol sa mga usaping ito? May ilang tao na nagpapatuloy sa bahay ang palaging mapaghinala. Kapag hindi ipinaaalam sa kanila ng mga lider at manggagawa ang pagbabahaginan at talakayan ng mga ito tungkol sa gawain ng iglesia, iniisip nilang, “Bakit palaging nagtitipon at nagbabahaginan ang mga lider at manggagawa nang hindi ko nalalaman? Anong mga aktibidad ang ginagawa nila?” Hindi sa kanila ipinaaalam ang personal na impormasyon ng ilang lider at manggagawa, at nagsisimula silang magtaka, “Bakit hindi nila ipinaaalam ito sa akin? Hindi ko alam ang mga pangalan nila, kung saan sila nakatira, o kung ano ang aktuwal na sitwasyon nila. Maaari kaya nila akong linlangin o pinsalain habang inaakay nila ako sa aking pananampalataya sa diyos?” Mayroon ding ilang sensitibong uri ng gawain, gaya ng gawaing may kinalaman sa mga handog o ilang mapanganib na gawain—ito ang mga bagay na hindi dapat itanong sa simula pa lang, pero palaging gustong magtanong ng mga taong ito tungkol dito. Kapag hindi sila sinasagot ng iba, lalo silang nagiging mapaghinala. Sa partikular, may ilang tao na sa simula pa lang ay hindi naman talaga kailanman nagkaroon ng matibay na pananalig sa Diyos—pagkatapos manampalataya sa Diyos, nakikita nilang gumaganda ang takbo ng negosyo ng kanilang pamilya at malusog ang mga miyembro ng pamilya nila, at iniisip nilang ito ay biyaya at pagpapala ng Diyos. Dahil sa panandaliang kaligayahang ito, naghahandog sila ng kaunting pera, pero pagkatapos ay nagsisimula silang magtaka, “Saan ginamit ang perang inihandog ko? Ginamit ba ito para sa gawain ng iglesia? Ipinuhunan ba ito sa negosyo o ginamit sa mga ilegal na gawain?” Palagi nilang gustong tanungin at alamin ang tungkol sa mga bagay na ito, at palaging gustong malaman ang ugat ng mga bagay na ito. Mas malala pa ang pagdududa ng ilang tao. Halimbawa, kapag bumibili ang iglesia ng ilang kagamitan o aparato dahil sa mga pangangailangan ng gawain, o kapag nagkakaloob ito ng kaunting pag-aalaga at tulong para sa pang-araw-araw na buhay niyong mga gumagawa ng tungkulin nila, palaging naghihinala ang ganitong uri ng mapaghinalang tao, “Ginagastos ang pera sa napakaraming iba’t ibang larangan—saan ito nanggagaling? May ginagawa rin bang kung anong uri ng negosyo ang iglesia? Mayroon ba itong isang mayamang isponsor o isang uri ng makapangyarihang tagasuporta na lingid sa kaalaman ng iba? May isang grupo ba na sumusuporta sa iglesia?” Lalo na kapag nalalantad sila sa ilang walang batayang tsismis at mga maladiyablong salita mula sa mga awtoridad na naninirang-puri sa iglesia—mga pahayag tulad ng si Ganito-at-ganyan mula sa iglesia ay pumatay ng tao at lumabag sa batas, si Ganito-at-ganyang tao ay isang kriminal na pinaghahanap ng estado, si Ganito-at-ganyan ay tumakas sa ibang bansa dala ang malaking halaga ng pera, at iba pa—lalo pang tumitindi ang pagdududa nila sa iglesia at sa gawain ng Diyos. May normal na pag-iisip ba ang gayong mga tao? Nakikita ba nila nang malinaw ang mga prinsipyo na dapat sundin ng mga mananampalataya? Para sa karamihan ng tao, kapag nakatitiyak silang ito ang gawain ng Diyos, wala na silang mga pagdududa tungkol sa Diyos. Anuman ang mga problema o anumang mga uri ng mga tao ang lumilitaw sa iglesia, nagagawa nilang harapin ang mga ito ayon sa mga salita ng Diyos. Kahit pa magdulot ng mga kaguluhan ang masasamang tao o mga anticristo, maaarok nila ito nang tama. Hindi sila kailanman nagkaroon ng mga paghihinala tungkol sa Diyos o sa gawain ng Diyos, o tungkol sa iglesia o sa sambahayan ng Diyos. Sa pinakamalala, maaaring magkaroon sila ng mga opinyon tungkol sa mga partikular na indibidwal o ilang kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos, pero kaya nilang unti-unting lutasin ang mga ito sa pamamagitan ng pamumuhay ng buhay iglesia. Pero iba ang mga mapaghinalang tao. Mula pa sa pinakasimula ng pananampalataya nila sa Diyos, mayroon silang mga paghihinala at lahat ng uri ng kuru-kuro. Hindi sila tiyak kung ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, hindi sila tiyak kung ang pagpapahayag ng Diyos ng mga salitang ito ay gawain ng Diyos, at lalo pang hindi sila tiyak kung ang pagtitipon nang magkakasama ng mga kapatid ay ang iglesia ng Diyos. Patuloy silang nagkikimkim ng mga paghihinala, at palaging naghahanap ng mga makatotohanang ebidensiya para patunayang tama ang mga hinala nila. Anong uri ng saloobin ito? Sa palagay mo ba ay kayang maunawaan ng mga tao na may ganitong uri ng saloobin ang katotohanan sa pananampalataya nila sa Diyos? (Hindi.) Hindi nila kailanman magagawang maunawaan ang katotohanan. Ano ang pinakapinagtutuunan nila sa puso nila? Palagi nilang pinagbubulay-bulayan, “Sino ang mga taong ito? Isa ba itong uri ng organisasyong panlipunan? Bagaman ang sambahayan ng diyos ang nagtutustos para sa mga gastusin sa pamumuhay ng mga taong ito habang pinatutuloy ko sila, humaharap pa rin ako sa panganib sa pagpapatuloy sa kanila. Kaya, maaalala kaya ng diyos ang aking mabubuting gawa? Kung hindi maaalala ng diyos ang mga ito, hindi ba’t masasayang lang ang paggawa ko ng pagpapatuloy?” Palagi silang may gayong mga pagdududa sa puso nila. Sa palagay mo ba ay kusang-loob nilang pinapatuloy ang mga kapatid? (Hindi.) Ginagawa nila ito dahil lang sa isang pagnanais na magkamit ng mga pagpapala, habang puno sila ng mga pagdududa. Lalo na kapag nakaririnig sila ng ilang bagay na hindi nila nakikita nang malinaw at itinuturing nilang negatibo ayon sa kanilang mga kuru-kuro, nadaragdagan ang mga pagdududa sa kanilang puso. Halimbawa, sa mga pagtitipon, maaaring may magbanggit ng mga paksang may kinalaman sa mga pagkilos ng rehimen ng malaking pulang dragon at sa mga pangit na mukha ng mga diyablong hari, o kung minsan ang pagbabahaginan sa katotohanan ay tumatalakay sa pang-aapi at mga pag-arestong isinasagawa ng malaking pulang dragon, at sa kalikasang diwa ng malaking pulang dragon, at iba pa. Hindi naman talaga kinasasangkutan ng politika ang mga paksang ito—tinutulungan lang ng mga ito ang mga tao na matutunang kilatisin ang malaking pulang dragon at makita nang malinaw ang mukha nito, para matutunan nilang kamuhian at tanggihan ang malaking pulang dragon at hindi na sila mapigilan o magapos ng impluwensiya ni Satanas. Pero kapag naririnig ng mga mapaghinalang tao ang gayong mga paksa, naduduwag sila at natatakot: “Pinag-uusapan ng mga taong ito maging ang politika! Hindi ba’t mga pampolitikang kriminal sila? Hindi ba’t mga kontra-rebolusyonaryo sila? Napakasensitibo ng mga paksang ito! Dali, isara ang mga bintana, ikandado ang tarangkahan, bunutin ang internet at mga linya ng telepono! Kung nakikinig dito ang pamahalaan, baka malagay tayo sa malaking panganib! Siguradong habambuhay na pagkakakulong ang aabutin natin!” Ayaw nilang makinig sa gayong mga paksa at susubukan nila ang lahat ng paraan para sumabad sa pagbabahaginan para matigil na matalakay ang mga ito. Iniisip nila, “Anong uri ng gawain ang mismong ginagawa ng mga taong ito? Sinasabing hindi nakikialam ang diyos sa politika ng tao, kaya bakit pinag-uusapan ng mga taong ito ang tungkol sa politika? Hindi ba’t ang dapat lang na pag-usapan ng mga mananampalataya ay ang mga usapin ng pananampalataya sa diyos? Bakit nila tinatalakay ang mga bagay na ito? Hindi ba’t naghahanap lang sila ng gulo? Kung gusto nilang pag-usapan ang mga bagay na ito, maaari naman nila itong gawin kahit saan, pero hindi nila ito dapat gawin sa bahay ko. Ayaw kong madamay rito!” Hindi nila makita nang malinaw ang anuman. Kapag naririnig nila ang ilang tsismis na gawa-gawa ng pamahalaan, hindi lang sila bigong makilatis ang mga ito, kundi lalo pang tumitindi ang mga pagdududa nila. Kung palagi silang mapaghinala at mapag-alinlangan sa grupo ng masasamang demonyong nasa kapangyarihan o sa mga puwersa ng anticristo at sa mga sekta ng masasamang espiritu sa relihiyon, makatutulong pa nga talaga iyon para maprotektahan nila ang sarili nila. Pero sa iglesia kung saan gumagawa ang Diyos, nagpahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan, pero hindi pa rin nila ito maunawaan at hindi nila matukoy na ito ang tunay na daan. Pagkatapos makinig sa mga sermon sa loob ng napakahabang panahon, at makitang napakaraming sinasabi ng Diyos, nananatiling hindi nalulutas ang pagiging mapaghinala nila, at hindi napuksa ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila. Malinaw na napakahina ng kakayahan nila, na wala silang anumang abilidad na makaarok, at na hindi sila mga taong naghahangad ng katotohanan. Mula pa sa simula ng pananampalataya nila sa Diyos, hindi sila kailanman naniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at hindi sila kailanman naniwala na ang lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan; lalong hindi sila naniwala na ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay ganap na pinangungunahan ng Banal na Espiritu. Bilang resulta, ang lahat ng bagay ay nagdudulot sa kanilang maging mapagduda. Halimbawa, kapag nagbabahaginan tungkol sa pagkilatis sa iba’t ibang uri ng tao sa mga pagtitipon, maaari nating pag-usapan ang tungkol sa kung paanong inililihis ng mga anticristo ang mga tao; o kung paanong hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain ang ilang tao sa kabila na ang lahat ng kinokonsumo at tinatamasa nila ay ipinagkakaloob gamit ang mga handog sa Diyos, na katumbas ng pagiging palamunin ng iglesia; o kung paanong ninanakaw o winawaldas ng ilang tao ang mga handog; o kung paanong may mga partikular na indibidwal sa iglesia na nakikibahagi sa mahahalay na aktibidad; o kung paanong may ilang tao na gumagawa ng mga bagay na nagdudulot ng kahihiyan sa Diyos habang nangangaral ng ebanghelyo. Tinatalakay natin ang mga usaping ito para matutunan ng mga tao kung paano kilatisin ang iba, at sa gayon ay magawa nilang tingnan ang mga tao at usapin ayon sa mga salita ng Diyos at mga katotohanang prinsipyo, makakuha ng mga aral at matuto mula sa mga bagay na ito, at maiwasang mailihis o mapigilan ng iba. Gayumpaman, kapag naririnig ng mga mapaghinalang tao ang mga bagay na ito, sinasabi nilang, “Hay naku! Ito ang sambahayan ng diyos, ang lugar kung saan ginagawa ang gawain ng diyos—paanong nangyayari ang gayong mga bagay rito? Mukhang tama nga ako na maging mapaghinala noon. Kailangan kong maging lalo pang maingat simula ngayon. Masyadong hindi maaasahan ang lahat ng tao, at hindi rin maaasahan ang sambahayan ng diyos. Maaasahan ba ang diyos, kung gayon? Sino ang nakaaalam—baka hindi rin maaasahan ang diyos.” Kita mo, hindi nila nauunawaan ang katotohanan, ni hindi nila ito kayang arukin. Anumang aspekto ng katotohanan ang pinagbabahaginan ng sambahayan ng Diyos, anong kongklusyon ang palagi nilang nararating sa huli? Na tamang naging mapaghinala sila sa lahat ng taon na iyon, at na hindi ito hindi kinakailangan. Kung maririnig niyong mga naghahangad sa katotohanan at may pag-iisip ng normal na pagkatao ang mga bagay na ito, matatrato nila ang mga ito nang tama. Sa isang banda, lumalawak ang pananaw nila at nagkakamit sila ng pagkilatis mula sa mga bagay na ito. Sa kabilang banda, makapupulot sila ng mga aral at matututo mula sa mga bagay na ito, at mauunawaan na hindi maaaring sumunod ang mga tao sa iba pang mga tao, na kailangan nilang makilatis ang iba at mas maunawaan ang katotohanan, at na maaaring mailihis ang sinuman sa anumang oras at sa anumang lugar kung hindi niya nauunawaan ang katotohanan, at na kapag naunawaan na niya ang katotohanan at nagkaroon siya ng tayog, hindi na siya mapipigilan, maililihis, o makokontrol ng iba. Gayumpaman, ang mga mapaghinalang tao ay hindi kailanman mag-iisip nang ganito. Habang mas nagbabahagi ang sambahayan ng Diyos tungkol sa pagkilatis sa iba’t ibang uri ng mga tao at usapin, mas nararamdaman nila na tama at kumpirmado ang mga paghihinala nila: “Kita ninyo, ako ang matalino! Buti na lang nanatili akong maingat. Palaging sinasabi ng mga tao na mapaghinala ako at walang pagtitiwala, pero pinatutunayan ng mga katunayan na tamang naging mapaghinala ako. Tingnan ninyo kung gaano kayo kahangal lahat—sa pananampalataya ninyo sa diyos, alam lang ninyong gawin ang inyong mga tungkulin at magsalita tungkol sa inyong kaalamang batay sa karanasan. Ano ang silbi niyon? Mapoprotektahan ka ba niyon? Hindi! Anuman ang mga sitwasyong kinahaharap mo, mapoprotektahan mo lang ang sarili mo kung magiging mas maingat ka at mas kukuwestiyunin ang mga bagay-bagay. Kailangan mong magbantay laban sa lahat. Hindi ka dapat umasa sa sinuman tulad ng pag-asa mo sa sarili mo, kahit na sa sarili mo pang mga magulang!” Sabihin mo sa Akin, anong mga uri ng mga tao sila? Mga mananampalataya ba sila sa Diyos? (Hindi.) Anumang uri ng gawain ang ibinabahagi ng sambahayan ng Diyos o aling mga uri ng mga tao ang kinikilatis nito, at anuman ang mga kapaligirang inihahanda ng Diyos para sa mga tao, ang layon nito ay para matuto ang hinirang na mga tao ng Diyos ng mga aral mula sa mga bagay na ito, para makatanggap sila ng pagsasanay sa kaharian sa mas praktikal na paraan, at para—sa pamamagitan ng mga praktikal na aral na ito—maunawaan nila ang katotohanan at magkamit sila ng pagkilatis sa mga tao, makita nang malinaw ang mga tao at iba’t ibang usapin, at sa gayon ay higit na maunawaan kung aling aktuwal na mga tao, pangyayari, at bagay-bagay ang tinutukoy ng mga salita at katotohanang ipinahahayag ng Diyos. Pero hindi lang hindi magawang matutunan ng mga mapaghinalang tao ang anumang aral mula sa mga bagay na ito, at sa halip ay lalo pa silang nagiging mapaghinala at tuso.

Ang ilang mapaghinalang tao, tuwing nagsasabi o gumagawa sila ng anumang bagay sa sambahayan ng Diyos, ay palaging sobrang maingat, palaging natatakot na pupungusan o pahihirapan pa nga sila ng mga kapatid o ng mga lider at manggagawa. Sinasabi nilang, “Kung titigil ako sa pananampalataya sa diyos at iiwan ko ang iglesia, gaganti ba laban sa akin ang iglesia?” Hindi sila dapat mag-alala tungkol dito. Kung iiwan ng isang hindi mananampalataya ang iglesia, isa itong masayang okasyon para sa lahat ng panig—kapaki-pakinabang ito para sa lahat. Kaya, kung gusto mong iwan ang iglesia o bitiwan ang tungkulin mo para bumalik sa iyong bahay at ipamuhay ang iyong buhay, dapat buong tapang mo itong banggitin nang walang anumang mga inaalala. Maaari ka ring magsulat ng isang pahayag na nagsasabing: “Simula sa ganito-at-ganyang petsa, opisyal ko nang iiwan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos at aalis mula sa hanay ng mga gumagawa ng tungkulin nila.” Ganap itong pinahihintulutan. Bukas ang mga pintuan ng sambahayan ng Diyos, at maaari kang umalis nang buong tapang nang walang inaalala na may sinumang gaganti laban sa iyo. Hindi kailangang matakot o maghinala. May nakikita ka bang sinumang masasamang tao sa mga taong ito na nasa iglesia? Talagang wala. Kahit pa may masasamang tao, dapat silang alisin. Karamihan ng tao ay medyo may mabuting asal at gustong tumahak sa tamang landas sa buhay. Ang pagganti o pamiminsala sa iba ay lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, at hinding-hindi nila magagawa ang gayong bagay. Ano sa palagay ninyo ang mali sa kung paano umaasal ang mga mapaghinalang tao? Mayroon lang silang hindi mapagtiwalang isipan pero walang katalinuhan. Naniniwala sila na ang kanilang tuso, mapanlinlang, at hindi mapagtiwalang isipan ay ang pinakamataas na anyo ng karunungan pagdating sa kung paano sila umaasal. Hindi sila interesado sa mga katotohanang prinsipyo ni sa gawain at mga salita ng Diyos—hindi sila nakauunawa o nagsisikap na makaunawa. Sa halip, namumuhay sila ayon lang sa mga pilosopiya ni Satanas, iniisip na, “Anuman ang mangyari sa akin, dapat kong kuwestiyunin pa ang mga bagay-bagay. Bukod dito, sa palagay ko ay sinuman ang paghinalaan ko, makatwiran para sa akin na gawin iyon, at tumugma man o hindi ang aking mga hinala sa mga katunayan, may katwiran ito. Sa kabuuan, ang mas paghihinala kapag nahaharap sa mga sitwasyon ay kapaki-pakinabang para sa akin.” Bilang resulta, ilang taon man silang nananampalataya sa Diyos, hindi sila kailanman naghahanap ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, ni hindi nila hinahanap ang mga sagot sa mga salita ng Diyos para lutasin ang iba’t ibang problema at mga pagdududa nila. Sa halip, umaasa sila sa sarili nilang isipan, hindi mapagtiwalang mentalidad, mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, o sarili nilang mga karanasan sa buhay para suriin at pangasiwaan ang mga usaping ito. Sa huli, habang mas nakararanas sila ng iba’t ibang sitwasyon at habang mas maraming iba’t ibang uri ng impormasyon ang naririnig nila, hindi lang nananatiling hindi nagbabago ang mapaghinalang kalikasan nila, kundi lalo pang tumitindi ang mga pagdududa nila. Halimbawa, kapag ang ganitong uri ng mapaghinalang tao ay nanampalataya na sa Diyos nang isa o dalawang taon at narinig ang tungkol sa Insidente sa Zhaoyuan na inimbento ng CCP para siraan ang sambahayan ng Diyos, iniisip nilang, “Siguro ginawa nga ito ng sambahayan ng diyos. Kahit hindi ito iniutos ng sambahayan ng diyos, malamang na ginawa ito ng ilang kapatid sa ibaba, at hindi lang ninyo ito inaamin.” Matapos manampalataya sa Diyos ng tatlo hanggang limang taon, naniniwala pa rin sila sa bersiyon ng mga pangyayari ng malaking pulang dragon. Kahit makalipas ang walo hanggang sampung taon, nananatiling hindi nalulutas ang mga pagdududa nila tungkol sa sambahayan ng Diyos. Hindi sila naniniwala na ang malaking pulang dragon ang nagdidiin at naninira sa iglesia; sa halip, ipinagpapalagay lang nilang ginawa ito ng mga tao sa sambahayan ng Diyos. Kita mo, kapag tinitingnan nila ang ilang bagay, hindi nila ito ginagawa kailanman batay sa mga salita ng Diyos o sa mga katotohanang prinsipyo—naniniwala sila sa bersiyon ng malaking pulang dragon at tinitingnan ang usapin mula sa pananaw ng mga diyablo at ni Satanas. Kahit gaano pa apihin at pahirapan ni Satanas ang hinirang na mga tao ng Diyos, pakiramdam nila ay kauna-unawa ito, pero hindi nila kailanman pinaniniwalaan na inosente ang sambahayan ng Diyos o na walang kasalanan ang mga kapatid na nagdurusa ng pag-uusig dahil sa pananampalataya sa Diyos. Kahit pa nakikita nila mismo na ang mga kapatid sa sambahayan ng Diyos ay may mabubuting asal at marunong lumugar, sa puso nila ay palagi silang naniniwala, nang walang anumang pagdududa, sa mga bagay na ginawa ng malaking pulang dragon para siraan ang iglesia. Bagaman, sa pananampalataya sa Diyos, kayang magtiis ng paghihirap ng gayong mga tao, magbayad ng halaga, at magbigay pa nga ng mga handog, sa huli, sila pa rin ay mga hindi mananampalataya. Sa katunayan, ang mga mapaghinalang tao ay mas mapanggulo pa kaysa sa mga hindi nagmamahal o tumatanggap sa katotohanan. Sa anong paraan sila mas mapanggulo? Iyong mga hindi interesado sa katotohanan ay ganap na walang pakialam at hindi interesado sa gawain ng iglesia at sa paggampan sa mga tungkulin; gaano man sumusunod sa Diyos ang mga mananampalataya o gumagampan sa mga tungkulin nila, hindi ito mahalaga sa mga taong ito. Bilang resulta, wala silang mga pagdududa tungkol sa mga usapin ng pananampalataya sa Diyos o paggampan sa tungkulin, at hindi talaga sila kailanman nagtatanong tungkol sa mga usapin ng iglesia. Pero ang mga mapaghinalang tao ay ang eksaktong kabaligtaran—mahilig silang magtanong tungkol sa mga sabi-sabi. Bakit gusto nilang magtanong tungkol sa mga bagay na ito? Isa sa mga layon nila ay tiyak na: “Kung mas magtatanong ako at maraming malalaman, matutulungan ako nito para maghanda ng reserbang plano nang maaga, at para makapagpasya anumang oras kung mananatili ako o aalis.” Tumutuon din sila sa pagtatanong tungkol sa mga partikular na usapin, tulad ng kung ano ang tunay na pangalan ng isang partikular na lider o manggagawa, kung saan ito nakatira, kung anong uri ng propesyon mayroon ito sa sekular na mundo, o kung bakit nito iniwan ang tahanan nito para gawin ang tungkulin nito. Maaari din silang magtanong tungkol sa mga nangangaral ng ebanghelyo, tulad ng kung kanino nangaral ang mga ito, sino sa mga miyembro ng pamilya ng mga ito ang nananampalataya sa Diyos, ilang taon nang nangangaral ang mga ito ng ebanghelyo, ilang tao na ang nakamit ng mga ito, at iba pa. Nagtatanong sila tungkol sa mga bagay na ito nang napakadetalyado. Mahilig mangalap ng ganitong uri ng impormasyon ang mga mapaghinalang tao, at kapag nakalap na nila ito, napapanatag sila, iniisip na labis na kailangang malaman ang mga bagay na ito, at na magagamit nila ang impormasyong ito sa mahahalagang oras. Masyadong maraming nalalaman ang mga mapaghinalang tao. Sila ay mga “database ng impormasyon,” at alam nila maging ang ilang bagay na hindi alam ng mga lider at manggagawa, tulad ng kung sino ang pumunta sa ibang bansa para gawin ang tungkulin ng mga ito at sa kung aling bansa nagpunta ang mga ito—alam nila maging ang mga bagay na ito tungkol sa mga taong pumupunta sa ibang mga bansa. Pero kung tatanungin mo sila kung aling yugto ng mga sermon ang pinakahuling inilabas, hindi nila ito masasabi sa iyo. Hindi nila kailanman binibigyang-pansin ang mga usapin ng buhay pagpasok, pero pagdating sa personal na impormasyon ng mga kapatid at ng ilan sa kalagayan ng iglesia, malinaw na malinaw sa kanila ang mga bagay na iyon. Isa sa mga pakay nila sa madalas na pagtatanong tungkol sa mga bagay-bagay ay para malaman ang tungkol sa iba’t ibang uri ng mga kalagayan, pagkatapos ay makapaghahanda sila ng daan palabas para sa sarili nila anumang oras. Naniniwala sila na magiging sobrang kahangalan ang hindi pag-isipan ang daan nila palabas—para gamitin ang mga salita ng mga walang pananampalataya, para bang sila ay “tumutulong sa iba matapos silang ipagkanulo nito.” Sa totoo lang, para silang bulok na lumang pagkain, walang halaga, pero nakikita nila ang sarili nila na napakahalaga. Ano sa palagay ninyo, mga mapaghinalang tao ba ang mga ito? (Oo.) Mga mapaghinalang tao nga ang mga ito. Ang mga mapaghinalang tao ay may napakatuso at napakamapanlinlang na pagkatao. Nakikita ng ilang tao ang pagiging tuso at mapanlinlang bilang mga tanda ng mataas na katalinuhan, pero mali ito. Sa totoo lang, ang mga tuso at mapanlinlang na tao na ito ay napakahangal at walang anumang kakayahan. Napakahina ng kakayahan nila, at mahirap nang baguhin ito; ang pagiging tuso rin nila ay nangangahulugan na mas mahirap pa silang gamutin. Kung ang isang tao ay may mahinang kakayahan lang pero medyo matapat at hindi tuso, at kaya niyang taos-pusong gumampan sa tungkulin niya, baka mayroon pa siyang kaunting pag-asang maligtas. Kung may mahinang kakayahan siya at medyo mapanlinlang, pero kaya niyang tanggapin ang katotohanan at kilalanin ang sarili niya, marahil ay may kaunti pa siyang pag-asang maiwaksi ang mapanlinlang niyang disposisyon. Kung kaya niyang maunawaan ang katotohanan at unti-unting malaman ito at makapasok dito, maaaring unti-unting mawala ang pagiging mapaghinala niya. Pero sa kasamaang-palad, ang mga taong ito ay kapwa walang kakayahan, at mapanlinlang at tuso, at napakahangal din nila. Ito ay tulad ng isang taong bulag na dumaranas ng problema sa mata—wala nang lunas, tama? (Tama.) Hindi na matutubos ang gayong mga tao. Dahil ang mga taong ito ay mapaghinala sa antas na hindi na sila matutubos, sa palagay ninyo paano ba sila dapat tratuhin? (Kung matutuklasan ang gayong mga tao, dapat silang bantayan. Kaya nilang ipagkanulo ang iglesia para protektahan ang sarili nila; mapapanganib na indibidwal sila. Maaari tayong humanap ng mga pagkakataon para ilantad sila at paalisin, o kung hindi tayo makahanap ng pagkakataong gawin ito, maaari natin silang hikayating umalis sa matalinong paraan.) Kapag sigurado na kayo na ang isang tao ay mapaghinalang tao, huwag nang makisalamuha sa kanya. Ang pakikisalamuha sa kanya ay magdudulot lang ng problema. Kung makikisalamuha ka sa kanya, palagi ka niyang susubukang kilatisin. Kung aalis ka, babantayan ka niya, palaging nagtatanong, “Saan ka pupunta? Ilang araw kang mawawala? Ano ang gagawin mo?” Pagbalik mo, tatanungin niya, “Kanino ka nakipagkita? Naisakatuparan mo ba ang gampanin mo? Ano ang pinag-usapan ninyong lahat?” Kung hindi mo siya sasagutin, magrereklamo siya: “Hindi nila ipinaaalam sa akin ang kahit ano. Hindi nila ako pinagkakatiwalaan, tama? Hindi nila ako tinatrato na tulad ng isang miyembro ng sambahayan ng diyos! Sinabi nilang gagawa sila ng gawain ng iglesia, pero bakit inililihim nila ito sa akin? Tiyak na umalis sila para gumawa ng ilegal na bagay.” Palagi siyang mag-eespiya sa iyo nang hindi mo nalalaman. Talagang mapanggulo ang gayong mga tao. Nagtatanong sila tungkol sa maraming bagay, gustong malaman ang lahat. Pero kapag nalaman na nila ang mga bagay na iyon, hindi nila maarok ang mga iyon nang wagas o matrato ang mga iyon nang tama, at sinusubukan din nilang hanapan ang mga iyon ng mga kahina-hinalang bahagi, na nagiging sanhi para lalo pang lumaki ang mga pagdududa nila. Ipagpalagay na pinayuhan mo sila, sinasabing, “Dahil may gayong kalaki kang mga pagdududa tungkol sa Diyos, at dahil hindi mo pinaniniwalaan na ang mga salita ng Diyos ay mga katotohanan, at na kaya ng mga itong dalisayin at iligtas ang mga tao, dapat tumigil ka na lang sa pananampalataya sa Diyos!” Aayawan nilang gawin iyon—gugustuhin pa rin nilang manampalataya at gugustuhin pa rin nilang magkamit ng mga pagpapala. Hindi ba’t mapanggulo ang ganitong mga tao? (Oo.) Madaling pangasiwaan ang ganitong mga tao. Kung makapagdadala sila ng malaking problema sa iglesia, kaagad silang hikayating umalis. Ang mga taong ito ay hindi mapagkakatiwalaan, wala silang abilidad na arukin ang katotohanan, at kahit pa kaya nilang gumawa ng kaunting tungkulin, magdudulot lang sila ng malaking problema sa sambahayan ng Diyos—mas malaki ang pinsalang idinudulot nila kaysa mabuti. Kaya, ang paghihikayat sa kanilang umalis ay kinakailangan.

Ang mga duwag na tao ay mapanggulo, at ang mga mapaghinalang tao ay mapanggulo rin. Pero ang mga taong parehong duwag at mapaghinala ay lalo pang mapanggulo. Ang mga tao na ito ay lubhang duwag at takot sa kamatayan, at mapaghinala sila tungkol sa lahat ng bagay, palaging nagdududa tungkol sa kung maloloko ba sila dahil sa pananampalataya sa Diyos. Natatakot silang baka mahadlangan ang kinabukasan nila at iniisip na ang maaresto at mausig, na hahantong sa kamatayan nila, ay hindi magiging sulit. Kung ganito kalala ang pagiging mapaghinala nila, ano ang silbi ng pananampalataya nila sa Diyos? Hindi ba’t pagpapahirap lang ito sa sarili nila? Mapagbantay sila laban sa mga kapatid at sa bawat pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos na para bang nagbabantay sila laban sa mga manloloko, tulad lang ng pagbabantay nila laban sa malaking pulang dragon o mga diyablo at Satanas. May ilang tao na sumusubok pa ring magpayo sa kanila, sinasabing, “Siguraduhin mo lang na manampalataya ka sa Diyos nang masigasig, hangarin ang katotohanan, at gawin ang tungkulin mo nang maayos, at sasang-ayunan ka ng Diyos.” Pero ano ang iniisip nila sa loob-loob nila? “Gusto mong gawin ko nang maayos ang tungkulin ko, pero kapag naging tanyag na ako at inaresto ng malaking pulang dragon, hindi ba’t magiging katapusan ko na iyon?” Kung ganito talaga ang pag-iisip nila, wala nang silbing subukan pang payuhan sila. Lubha silang duwag, at palaging takot sa kamatayan. Kapag naririnig nilang naaresto ang mga mananampalataya sa Diyos, sobra silang natatakot na napapaihi sila sa pantalon nila. Pero pagdating sa panloloko at pandaraya sa mga tao sa negosyo, gaano man kalaki ang gulong kinasasangkutan nila, hindi talaga sila natatakot—lubos na buo ang loob nila sa ganitong bagay. Pero, kapag kinasasangkutan ito ng mga usapin ng pananampalataya sa Diyos, lubha silang duwag. Puno sila ng iba’t ibang uri ng mga pagdududa tungkol sa mga kapatid, tungkol sa sambahayan ng Diyos, at lalo na tungkol sa Diyos at sa mga salita at gawain ng Diyos, at walang anumang dami ng pagbabahaginan ang makalulutas sa mga pagdududang ito. Gaano karaming taon man silang nananampalataya, hindi pa rin nila alam kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos o kung bakit kailangan nilang magtipon at gawin ang tungkulin nila. Malinaw na ang mga taong ito ay may kakulangan sa pag-iisip, at sila ay labis na tuso at mapanlinlang. Ang gayong mga tao ay dapat hikayating umalis kaagad. Kung titigil sila sa pagdalo sa mga pagtitipon at ayaw nang gawin ang tungkulin nila dahil sa pagiging duwag nila o para sa ano pa mang ibang dahilan, mabuti iyon—nakaiiwas ito sa istorbo ng pagpapaalis sa kanila at nakaiiwas sa abala. Kung isang araw ay magiging interesado silang muli na manampalataya sa Diyos at gustong bumalik sa pananampalataya sa Diyos, maaari mong sabihin sa kanila, “Bilang isang mananampalataya sa Diyos, maaari kang maaresto at makulong anumang oras, at may panganib pa ngang makitil ang iyong buhay. Pero kung hindi ka mananampalataya sa Diyos at sa halip ay magnenegosyo ka sa mundo at kikita ng maraming pera, baka maaaring matamasa mo ang ilang maginhawang araw.” Pagkarinig nito, lubos na mapapanatag ang puso nila, at hindi na nila iisipin ang tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Iisipin nilang, “Sa wakas, tapos na ang mga taon ng aking pag-aalala at takot. Hindi ko na kailangang pagdudahan ang iglesia, ang mga kapatid, o ang sambahayan ng diyos. Sa wakas ay nakalaya na ako.” At nang ganoon-ganoon lang, ang mga duwag at mapaghinalang tao ay nahikayat na umalis. Nalulutas nito ang malaking problema, tama? (Oo.) Napakagandang paraan ito para malutas ang usapin.