Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (26) Ikatlong Seksiyon

Pagdating sa uri ng mga tao na nabubunyag at natitiwalag, malinaw na makikita ang mga pagpapamalas ng iba’t iba nilang masasamang gawa, pati na rin ang mga mapaminsalang salita at pagbigkas na ibinubunyag nila sa pang-araw-araw nilang buhay. Gayumpaman, walang kakayahan ang ilang lider at manggagawa na makilatis kung ano talaga ang masasamang taong ito, o na makilatis ang kalikasang diwa ng mga ito. Tila hindi batid ng mga lider at manggagawang iyon na ang mga ito ay masasamang tao at mga hindi mananampalataya, at sa gayon ay walang mga plano ang mga lider at manggagawang iyon na alisin ang mga taong ito sa iglesia, o na harapin ang mga ito nang naaangkop. Isa itong malubhang pagpapabaya sa responsabilidad sa parte nila bilang mga lider o manggagawa. Dilat na nakatingin ang mga lider at manggagawa na iyon habang hindi sumusunod sa anuman sa mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos ang mga taong ito na may malademonyong kalikasan, habang nag-aamok ang mga ito at walang pakundangang ginugulo at sinasabotahe ng mga ito ang gawain ng iglesia at ang kaayusan ng buhay iglesia; binibigyang-layaw pa nga ng mga lider at manggagawang iyon ang mga taong ito kapag ang mga ito ay kumikilos nang mapangahas at walang habas, umaasal nang tampalasan, at namiminsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos habang diumano’y gumagampan ng tungkulin ng mga ito. Sumasaklaw sa maraming bagay ang pamiminsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos: ang paninira sa makinarya at iba’t ibang kasangkapan ng sambahayan ng Diyos, ang paninira sa iba’t ibang kagamitan at suplay sa opisina, maging ang pagwawaldas ng mga handog para sa Diyos ayon sa gusto nila, at iba pa. Ang mas malubha, walang pakundangan silang naglalabas ng iba’t ibang maling pananampalataya at panlilinlang, na nagdudulot ng sobrang panggugulo na hindi magawa ng hinirang na mga tao ng Diyos na gampanan ang mga tungkulin nila nang mapayapa, labis na panggugulo na ang mga taong mahina at negatibo ay tinatalikuran ang mga tungkulin nila at nawawalan ng pananalig sa pagsunod sa Diyos. Ginagawa ng masasamang taong ito ang lahat ng masamang bagay na ito, ginagawa nila ang lahat ng masamang gawang ito na gumugulo at gumagambala sa gawain ng iglesia at nagdudulot ng pinsala sa mga kapatid, pero nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan ang mga lider at manggagawa; sinasabi pa nga ng ilan sa kanila, “Hindi ko alam, walang nagsabi sa akin!” Nagdulot ng malaking pinsala ang pangkat ng mga hayop at diyablong iyon, nagpapakawala ng kaguluhan sa iglesia, pero ganap na walang alam at kabatiran ang mga lider at manggagawa tungkol dito! Hindi ba’t basura sila? Nasaan ang puso nila? Ano ang ginagawa nila? Hindi ba’t nakikibahagi lang sila sa walang-kuwentang daldalan? Hindi ba’t pinapabayaan nila ang mga gampaning marapat nilang gawin? Sa bawat araw na nasa trabaho ang gayong mga huwad na lider ay isa pang araw para walang pakundangang guluhin ng lahat ng uri ng masasamang tao ang iglesia at pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos. Dahil sa hindi tumutupad ang mga huwad na lider sa mga responsabilidad nila kung kaya’t ang pangkat ng mga halimaw na iyon ay walang ginagawa buong araw, hindi gumagampan ng anumang mga tungkulin o sumusunod sa anumang mga panuntunan, nagiging palamunin ng sambahayan ng Diyos, malayang tinatamasa ang iba’t ibang materyal na pakinabang at kabutihan ng sambahayan ng Diyos—sadya pa nga nilang ginugulo ang gawain ng iglesia, sinisira ang mga makinarya at kagamitan ng sambahayan ng Diyos. Ganito sila kumilos, gayumpaman ay umaasa pa rin silang magkaroon ng masarap na buhay at gumawa ng anumang gusto nila sa sambahayan ng Diyos, nang walang sinuman ang puwedeng mang-abala o mang-inis sa kanila. Napakalubha ng isyung ito, pero isinasantabi ito ng mga lider at manggagawa, hindi ito nilulutas kahit pa iulat ito ng iba—hindi ba’t basura sila na hindi gumagawa ng tunay na gawain? Hindi ba’t isa itong malubhang pagpapabaya sa responsabilidad? (Oo.) Sinasabi ng ilan, “Hindi ko nalutas ang problema dahil abala ako sa ibang gawain. Hindi ko lang talaga mabigyan ng panahong gawin ito!” Nasa katwiran ba ang mga salitang ito? Ano ba talaga ang pinagkakaabalahan mo, kung hindi mo nilulutas ang gayon kalubhang problema? Mayroon bang halaga ang mga bagay na pinagkakaabalahan mo? Nagagawa mo bang unahin ang gawain mo? Hindi ba’t dapat unahin ang paglutas sa mga problema, gaano ka man kaabala sa gawain? Ang agarang pag-unawa at pagharap sa iba’t ibang uri ng mga tao na gumagambala at gumugulo sa gawain ng iglesia ay ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kung isasantabi mo ang mga tunay na problema at magpapakaabala ka sa ibang mga usapin, gumagawa ka ba ng tunay na gawain? Kung makakatuklas ka ng isang isyu o may mag-uulat ng isang isyu sa iyo, dapat mong isantabi ang gampaning ginagawa mo at agad kang pumunta sa lugar at tingnan mo kung ano ang pinagmulan ng problema. Kung ito ay isang masamang tao na gumugulo at gumagambala sa gawain ng iglesia, dapat mo munang alisin ang masamang taong ito. Pagkatapos, magiging madali na ang paglutas ng ibang mga problema. Kung makakatuklas ka ng isang problema at hindi mo ito aayusin, sinasabi na masyado kang abala, sa katunayan, hindi ba’t nagmamadali ka lang na parang isang ardilya sa isang hawla? Ano ba talaga ang pinagkakaabalahan mo? Ito ba ay tunay na gawain? Maaari mo bang ipaliwanag ito nang malinaw? Makatwiran ba ang mga dahilan at palusot mo? Bakit mo itinuturing na hindi mahalaga ang paglutas ng mga problema? Bakit hindi mo maagap na nilulutas ang mga problema? Bakit ka naghahanap ng mga dahilan at umiiwas sa mga bagay-bagay, sinasabing masyado kang abala para asikasuhin ang mga ito? Hindi ba’t pagiging iresponsable ito? Bilang isang lider sa iglesia, ang hindi pagbibigay-priyoridad sa paglutas ng mga problema, ang pagpapakaabala sa iba’t ibang di-mahalagang usapin, ang pagkabigong makilala ang pag-iral ng mga kritikal na problema, ang kawalan ng kakayahang mapag-iba ang kahalagahan at pangangailangan na gawin agad ang gawain at maarok ang mga napakahalagang punto—ang mga ito ang mga pagpapamalas ng isang napakahinang kakayahan, at ang gayong tao ay magulo ang isip. Kahit gaano karaming taon ka nang isang lider, hindi mo kayang gawin nang maayos ang gawain ng iglesia. Dapat kang tumanggap ng pananagutan at magbitiw. Kung napakahina ang kakayahan ng isang lider, walang silbi ang anumang pagsasanay; tiyak na hindi niya magagawang maisakatuparan ang anumang gawain—isa siyang huwad na lider, na dapat tanggalin at iayos ang tungkulin. Kapag gumagawa ang mga huwad na lider, ano ang mga kahihinatnan? Sa obhetibong pananalita, nagdudulot ng masasalimuot na kawalan sa iglesia ang lahat ng ginagawa ng mga huwad na lider. Sa isang banda, hindi nagagawa nang maayos ang mahalagang gawain ng iglesia, na direktang humahadlang sa pagiging epektibo ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Kasabay nito, napipinsala at naaapektuhan din nito ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang pinakamahalaga, naaapektuhan nito ang paglaganap ng ebanghelyo ng kaharian. May direktang kaugnayan ang lahat ng kahihinatnang ito sa mga huwad na lider na hindi gumagawa ng tunay na gawain. Sa mas malinaw na pananalita, ang lahat ng ito ay dulot ng hindi paggawa ng mga huwad na lider ng tunay na gawain. Kung magagawa ng ibang mga lider at manggagawa na aktibong makibahagi sa kaunting tunay na gawain, na nagpapabilis sa takbo at nagpapaikli sa panahon ng paglutas ng mga problema, hindi ba’t medyo maiibsan ang iba’t ibang kawalan na dulot ng mga huwad na lider sa sambahayan ng Diyos? Kahit papaano, mababawasan ang mga ito. Kahit na hindi hinihingi sa iyo ng sambahayan ng Diyos na pangasiwaan kaagad ang mga isyu kapag lumilitaw ang mga ito, kahit papaano man lang, sa sandaling maiulat ang mga problema, dapat mong simulan ang agarang pagtugon sa mga ito: Mag-usisa ka tungkol sa sitwasyon mula sa mga kapatid, at makipagtalakayan at makipagbahaginan ka sa iba pang mga lider at manggagawa kung paano lulutasin ang mga problema. Kung malubha ang isyu at hindi mo alam kung paano ito lutasin, dapat mo itong iulat kaagad paitaas at dapat kang maghanap ng mga solusyon. Ito ang dapat makamit ng lahat ng lider at manggagawa. Ngunit ang kasalukuyang problema ay na ang mga lider at manggagawang ito, kahit pa hindi nila malutas ang mga problema, ay hindi nag-uulat paitaas. Labis silang nangangamba na mag-ulat paitaas sa takot na mabunyag nila ang sarili nilang kawalan ng kahusayan, lubhang mahinang kakayahan, at kawalan ng abilidad na gumawa ng tunay na gawain; nag-aalala sila na matatanggal sila. Ngunit, hindi sila nagkukusang gumawa; sila ay mapurol ang isip at manhid, at mabagal kumilos. Kung walang landas sa paglutas ng mga problema, iniraraos lang nila ang bagay-bagay, na humahantong sa pagkaipon ng napakaraming hindi pa nalulutas na isyu, na nagbibigay ng mga pagkakataon sa masasamang tao. Sa panahong ito, dahil nakikita nila na walang kuwenta ang mga huwad na lider, sinasamantala ng masasamang taong iyon at ng mga may ambisyon ang pagkakataon para walang pakundangang gumawa ng masasamang gawa, isinasadlak ang iglesia sa kaguluhan at kawalan ng kaayusan, pinaparalisa ang lahat ng aspekto ng gawain. Bagama’t dapat pasanin ng mga huwad na lider ang pangunahing responsabilidad, hindi rin natupad ng ibang mga lider at manggagawa ang mga responsabilidad nila. Hindi ba’t ito ay isang malubhang pagpapabaya sa responsabilidad ng mga lider at manggagawa? Sa katunayan, karamihan sa mga problemang lumilitaw sa iglesia ay direktang nauugnay sa mga panggugulong dulot ng masasamang tao at mga hindi mananampalataya. Kung hindi agarang matutukoy ng mga lider at manggagawa ang ugat ng mga problema, kung hindi nila mahahanap ang mga punong salarin na nagdudulot ng mga problema, at palagi silang maghahanap ng mga dahilan sa kung saanman, hindi nila payak na malulutas ang mga problema, at patuloy na lilitaw ang mga problema sa hinaharap. Kung mahuhuli at direktang mapananagot ang mga nanggugulo o mga gumagawa ng mga problema nang palihim, ang ganitong paraan ng pangangasiwa sa mga problema ang pinakamabisa. Kahit papaano man lang, tinitiyak nito na hindi mangangahas iyong mga hindi mananampalataya at masasamang tao na patuloy na mag-amok at magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan. Hindi ba’t ito ang dapat makamit ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Tiyak na masasabing ang pangunahing dahilan ng pagdami ng mga problema ng iglesia at ng hindi maagap na pagkalutas ng mga ito ay dahil sa pagiging iresponsable ng mga lider at manggagawa, o, dahil walang katotohanang realidad ang mga huwad na lider at hindi sila makagawa ng tunay na gawain. Kung hindi kayang lutasin ng mga lider at manggagawa ang iba’t ibang problemang lumilitaw sa iglesia, tiyak na hindi nila kayang gawin ang gawaing likas sa mga posisyon nila. Mayroong ilang sitwasyon at dahilan na dapat malinaw na maunawaan dito: Kung ang mga lider at manggagawa ay mga baguhang walang karanasan, dapat silang matiyagang tulungan, akayin para makalutas ng mga problema, at sa proseso ng paglutas ng mga problema, ay matuto ng ilang bagay at maarok ang mga katotohanang prinsipyo. Sa ganitong paraan, unti-unti silang matututong lumutas ng mga problema. Kung ang mga lider at manggagawa ay hindi ang mga tamang tao, ganap na tumatangging tanggapin ang katotohanan at sa halip ay ginagamit ang mga pananaw at pamamaraan ng mga walang pananampalataya para malutas ang mga problema, hindi ito umaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi angkop ang gayong mga tao na maging mga lider at manggagawa at dapat silang maagap na tanggalin at itiwalag; pagkatapos, dapat magdaos muli ng isang halalan para pumili ng mga angkop na lider at manggagawa. Tanging ang pamamaraang ito ang lubusang makakalutas sa problema. Ang pagiging isang lider ng iglesia ay hindi isang madaling gampanin, at hindi maiiwasan na may ilang problemang hindi mapangangasiwaan. Gayumpaman, kung mayroong katwiran ang isang tao, kapag nahaharap sa mga problemang hindi niya kayang lutasin, hindi niya dapat itago o supilin ang mga problema at balewalain ang mga ito. Sa halip, dapat siyang kumonsulta sa ilang tao na nakakaunawa sa katotohanan para sama-samang makahanap ng solusyon, na maaaring makalutas sa pitumpu hanggang walumpung porsiyento ng mga problema, pinipigilan kahit papaano ang pansamantalang pag-usbong ng malalaking isyu. Isa itong mabisang landas. Kung talagang hindi malulutas ang mga problema, dapat siyang humanap ng mga solusyon mula sa ang Itaas, na isang matalinong pasya. Kung itatago at hindi mo iuulat ang mga problema dahil natatakot kang mapahiya o natatakot kang pungusan ka ng ang Itaas dahil sa kawalan mo ng kahusayan, ito ay pagiging ganap na pasibo. Kung kikilos ka na tulad ng isang manhid at mapurol ang isip na hangal, na hindi alam kung ano ang gagawin, maaantala nito ang mga bagay-bagay. Madaling nagbibigay ng mga pagkakataon ang gayong mga sitwasyon sa masasamang tao at mga anticristo, na nagpapahintulot sa kanila na samantalahin ang kaguluhan para kumilos. Bakit sinasabing sinasamantala nila ang kaguluhan para kumilos? Dahil naghihintay sila ng mismong pagkakataong ito. Kapag hindi kaya ng mga lider at manggagawa na pangasiwaan ang anumang mga problema, at ang hinirang na mga tao ng Diyos ay nakakaramdam ng pagkabalisa at pagkabagabag at nawalan na ng tiwala sa kanila, nilalayon ng masasamang tao at mga anticristo na samantalahin ang puwang na ito. Inaakala nila na ang iglesia ay nasa kalagayan ng kawalan ng pamumuno o pamamahala. Gusto nilang samantalahin ang pagkakataong ito na magpakitang-gilas ng mga abilidad nila para ang hinirang na mga tao ng Diyos ay tingalain sila, suportahan sila, at maniwala na, kumpara sa mga lider at manggagawa, mas mahusay ang kakayahan nila, mas may kakayahan silang lutasin ang mga problema at umakay sa daan palabas, at mas kaya nilang ayusin ang sitwasyon sa gitna ng kaguluhan. Hindi ba’t ito ang pinakagustong gawin ng masasamang tao at mga anticristo? Sa panahong ito, kapag walang magawa ang mga lider at manggagawa, at tumitindig ang masasamang tao at mga anticristo at lumulutas ng mga problema, umaakay pa nga sa daan palabas, kanino maniniwala ang hinirang na mga tao ng Diyos? Natural, maniniwala sila sa masasamang tao at sa mga puwersa ng mga anticristo. Ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita nito na ang mga lider at manggagawa ay walang silbi at wala silang naisasakatuparan, nabibigo sa mga napakahalagang sandali. Karapat-dapat pa rin ba ang gayong mga tao na maging mga lider at manggagawa? Bagama’t walang katotohanang realidad ang mga anticristo at hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain, nagtataglay silang lahat ng ilang kaloob sa iba’t ibang antas at medyo mas matalino sila pagdating sa mga usaping panlabas, na mismong bumubuo sa kalamangan nila at kung paano nila maililihis ang mga tao. Pero kung magiging mga lider at manggagawa sila, magagamit ba talaga nila ang katotohanan para lutasin ang mga problema ng hinirang na mga tao ng Diyos? Maaakay ba talaga nila ang hinirang na mga tao ng Diyos para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, maunawaan ang katotohanan, at pumasok sa katotohanang realidad? Hinding-hindi. Bagama’t mayroon silang ilang kaloob at mahusay silang magsalita, wala silang anumang katotohanang realidad. Nararapat ba silang maging mga lider at manggagawa ng iglesia? Talagang hindi! Ito ay isang bagay na dapat makilatis ng hinirang na mga tao ng Diyos; hindi sila dapat kailanman mailihis o makuha ng masasamang tao at mga anticristo. Hinding-hindi hinahangad ng mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristo ang katotohanan at wala sila ni katiting na katotohanang realidad. Kaya sabihin mo sa Akin, masasabi ba nila ang isang bagay nang may konsensiya at katwiran, gaya ng, “Bagama’t walang namamahala sa iglesia ngayon, dapat tayong kumilos nang kusa. Hindi puwedeng baliin ang mga regulasyon ng sambahayan ng Diyos, hindi puwedeng baguhin ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Dapat nating gawin kung ano ang nararapat; dapat manatili ang lahat sa mga tungkuling dapat nilang gampanan, gampanan ang mga responsabilidad nila, at hindi makagambala sa kaayusan”? Masasabi ba nila ang ganitong bagay? (Hindi.) Hinding-hindi! Anong mga pagkilos ang gagawin ng mga hindi mananampalataya at masasamang taong ito? Kung walang pangangasiwa at pagsubaybay, hindi man lang nila ginagampanan ang mga tungkulin nila, nagpapasasa sila sa pagkain, pag-inom, paglalaro, at pagpapakasaya, nakikibahagi sila sa walang kuwentang daldalan, nakikipagbiruan, at nakikipaglandian pa nga. Ginugugol ng ilan ang buong gabi sa panonood ng mga video ng mundong walang pananampalataya, at pagkatapos ay ginagamit ang pagdadahilan na napuyat sila sa paggampan ng mga tungkulin nila upang magpakatamad at matulog nang labis-labis. Ang mga ito ang mga pagkilos ng masasamang tao, iyong sa mga diyablo. Kapag ginagawa nila ang masasamang gawang ito, nakakaramdam ba sila ng anumang pagkakasala? Bigla ba silang magkakaroon ng konsensiya at magkukusang tuparin ang ilang responsabilidad ng tao at gumawa ng isang bagay na kapaki-pakinabang para sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia, at sa mga kapatid? Hinding-hindi. Kapag may nanonood, atubili silang gumagawa ng kaunting gawain na pinagmumukha silang mabuti para lang kumayod para sa pagkain. Ito ang tanging bagay na magagawa nila; bukod dito, walang kahit isang kapuri-puring katangian ang mga taong ito. Kaya, mayroon bang anumang saysay ang pananatili ng mga taong ito sa sambahayan ng Diyos? Walang anumang saysay. Hindi kinakailangan ang gayong mga tao at dapat silang alisin.

Paano ninyo sinusukat kung minamahal ng isang tao ang katotohanan? Hayaan ninyo Akong magbigay ng isang halimbawa para maunawaan ninyo. Nasasangkot sa isang propesyon ang ilang tao, at habang mas natututo sila, habang mas isinusulong nila ang pag-aaral nila, habang mas nakakaunawa sila, mas nagiging handa silang gawin itong propesyon at nababawasan ang pagnanais nilang lisanin ang propesyon. Anong uri ng pagpapamalas ito? Nangangahulugan ba ito na talagang gusto nila ang propesyong ito? (Oo.) Gaano man karaming paghihirap ang tinitiis nila, anuman ang halaga, gaano man katindi ang pagsisikap nila, nagpapatuloy sila sa propesyon nang walang pagsisisi, hindi nasisiraan ng loob. Ito ay tunay na pagmamahal, isang malalim at taos-pusong pagkagiliw. Ipagpalagay nang mayroong nagsasabing gusto niya ang isang partikular na trabaho pero hindi siya handang magtiis ng paghihirap o magbayad ng halaga sa proseso ng pag-aaral ng mga propesyonal na kasanayan, at kapag maraming problema ang lumilitaw sa gawain, hindi siya naghahanap ng mga solusyon, natatakot siya sa problema, at madalas pa nga niyang nararamdaman na ang pagkakaroon ng propesyong ito ay isang abala o pasanin. Gayumpaman, hindi madali ang pagbabago ng propesyon, at matapos isaalang-alang ang mga materyal na pakinabang na maidudulot ng propesyong ito, atubiling ginagawa ng taong ito ang propesyon niya, pero hindi siya kailanman mamumukod-tangi sa propesyong ito. Kung gayon, gusto ba talaga niya ang propesyong ito? (Hindi.) Malinaw na hindi. May isa pang uri ng tao, isang taong pasalitang nagpapahayag ng pagmamahal para sa isang partikular na propesyon at ginagawa ang propesyong ito, pero hindi siya kailanman nagtitiis ng paghihirap o nagbabayad ng halaga para mag-aral nang mabuti ng mga propesyonal na kasanayan. Maaari pa nga siyang magkaroon ng pagkasuklam o pagkapoot sa propesyon na ito habang nasa proseso ng pag-aaral, kaya lalong nababawasan ang pagnanais niyang matuto. Kapag umabot na sa isang partikular na antas ang pagkasuklam niya, nagbabago siya ng karera, at pagkatapos ay ayaw na niyang banggitin ang anumang proseso, kuwento, o ano pa man mula sa panahon na naroon pa siya sa propesyong iyon. Gusto ba talaga ng gayong mga tao ang propesyong iyon? (Hindi.) Hindi nila iyon gusto. Madali silang sumuko sa propesyon, nasusuklam sila at nagpapalit pa nga sila ng karera, na nagpapatunay na hindi talaga nila gusto ang propesyong iyon. Ang dahilan kung bakit kaya nilang abandonahin ang propesyong iyon ay na, pagkatapos gumugol ng napakaraming panahon, lakas, at gastos, hindi sila pinahintulutan ng propesyon na mamuhay ng ninanais nilang marangyang buhay o na magtamasa ng magandang materyal na pagtrato. Nagiging tutol sila sa propesyong iyon at isinusumpa nila iyon sa puso nila, pinagbabawalan pa nga ang iba na banggitin ito, sila mismo ay hindi na ito binabanggit, at nahihiya pa nga sila na naging dati nila itong propesyon at na itinuring nila ito bilang kanilang adhikain at pinakamataas na layon na hahangarin nila sa buhay. Nang isinasaalang-alang ang antas na kayang abutin ng pagtutol nila sa propesyon, tunay ba ang naging una nilang pagpapakita ng pagmamahal para sa propesyon? (Hindi.) Isang uri lang ng tao ang talagang gusto ang propesyon—nagbibigay man o hindi sa kanya ang propesyon ng magandang materyal na buhay o malalaking pakinabang, at gaano man karami ang paghihirap na nararanasan niya o gaano man karaming pagdurusa ang tinitiis niya sa propesyong ito, kaya niyang magtiyaga rito nang hindi nasisiraan ng loob, hanggang sa kadulu-duluhan. Ito ay tunay na pagmamahal. Ganoon din sa kung minamahal ba ng isang tao ang katotohanan. Kung tunay mong minamahal ang mga positibong bagay, umuusad mula sa pagmamahal sa mga positibong bagay patungo sa pagmamahal sa katotohanan, anuman ang mga sitwasyong daranasin mo, magpupursigi ka sa paghahanap at paghahangad sa katotohanan, nang hindi binabago ang layon ng buhay mo. Kung basta-basta mong magagawang isuko ang pananampalataya sa Diyos at abandonahin ang landas ng kaligtasan, hindi ito tunay na pagmamahal sa katotohanan. Para naman sa mga hindi hinahangad ang katotohanan pero hindi rin sumusuko, mayroon lang isang dahilan para sa pagtitiyaga nila: Iniisip nila na hangga’t may katiting na pag-asa para magkaroon ng isang magandang kalalabasan at destinasyon, isang magandang kinabukasan, sulit na sumugal, at dapat silang magtiyaga hanggang sa wakas. Naniniwala sila na kinakailangan ang pagtitiyagang ito; nagkataon lang na tumitindi na ang mga sakuna at wala nang ibang lugar na mapupuntahan, kaya mabuti pang manatili na lang sila rito at subukan kung papalarin sila. Mayroon bang kahit katiting na pagmamahal para sa katotohanan ang gayong mga tao sa puso nila? (Wala.) Wala sila nito. Nang una silang magsimulang manampalataya sa Diyos, nagsasalita rin ang mga taong ito tungkol sa pagkamuhi sa mundo, pagkamuhi kay Satanas, pagkamuhi sa mga negatibong bagay, pagmamahal sa mga positibong bagay, at pag-aasam ng liwanag. Pero ano ang pag-uugali nila kapag pumasok na sila sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia? Ano ang saloobin nila kapag natuklasan nila na mga trabahador sila, kapag napagtanto nila na ang mga kilos, mga pag-uugali, at kalikasan nila ay hindi nakakalugod sa Diyos? Anong klase ng mga pag-uugali ang ipinapakita nila? Masasabing kapag nakikinita, nararamdaman, o naiisip nila na hindi na sila pinapaboran sa sambahayan ng Diyos, na ititiwalag sila, pinipiling lumisan ng ilan. Ang iba naman, bagama’t nag-aatubili silang manatili sa iglesia, ay nasasadlak sa kawalan ng pag-asa, at sa huli ay napipilitan silang lumisan. Talagang hindi nagmamahal sa katotohanan ang gayong mga tao; kapag nasira ang pagnanais nila para sa mga pagpapala, maaari nilang ipagkanulo ang Diyos at talikuran Siya. Ipinapakita ng iba’t ibang pagpapamalas na ito ang mga saloobin ng iba’t ibang tao sa katotohanan.

IV. Ang Iba’t Ibang Kalalabasan ng Tatlong Uri ng mga Taong Ito

Ngayon lang, nagbahaginan tayo tungkol sa mga katangian ng tatlong uri ng mga tao: mga trabahador, mga upahang manggagawa, at mga tao ng Diyos. Mula sa mga katangian nila, malinaw na ang mga kalalabasan nila sa huli ay hindi natutukoy ng mga obhetibong kapaligiran o kondisyon, kundi ng sarili nilang mga paghahangad at ng kalikasang diwa nila. Siyempre, sa obhetibong pananalita, ang Diyos ang nagpapasya ng mga kapalaran ng mga tao, pero ginagawa ng Diyos ang mga pagpapasyang ito batay sa kung minamahal ba ng mga tao ang katotohanan at kung kaya ba nilang tanggapin ang katotohanan. Ipinapahayag din ng mga trabahador na minamahal nila ang katotohanan at mga positibong bagay, pero sa huli, kapag natapos na ang gawain ng Diyos, nananatiling hindi nagbabago ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila tungkol sa Diyos, ang mga labis na kahilingan nila sa Diyos, at ang pagkakanulo nila sa Diyos. Ito ay dahil, sa panahon ng gawain ng Diyos, sa proseso ng pagsunod sa Diyos at paggampan ng mga tungkulin nila, hindi nila kailanman malulutas ang mga tiwali nilang disposisyon. Ang ugat na sanhi ng hindi nila pagtugon sa mga tiwali nilang disposisyon ay na hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan. Bagama’t mayroon sila ng pagnanais na magpasakop sa Diyos, ang tunay na ipinapamalas nila ay tanging isang abilidad na tumalikod at isang kahandaang magbayad ng halaga, nang hindi hinahanap kailanman ang mga katotohanang prinsipyo o ang paraan ng pagpapasakop sa Diyos. Ang panghuling resulta ay na sa kabila ng labis nilang pagsisikap, wala silang kahit katiting na kaalaman tungkol sa Diyos. May kakayahan pa rin silang ipagkanulo ang Diyos at ipahayag ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila tungkol sa Kanya at ang mga di-makatwiran nilang kahilingan sa Diyos sa harap ng ibang mga tao at ni Satanas. Kapag natapos na ang gawain ng Diyos, itinuturing pa rin nila ang sarili nila bilang “mayroong mabuting pagkatao, tunay na nananampalataya sa Diyos, mayroong kakayahang tumalikod at magtiis ng paghihirap, at tiyak na maililigtas,” at dahil dito, nakakaramdam sila ng kapayapaan. Ang totoo, palagi na nilang tinatahak ang landas ng isang trabahador, nang hindi talaga hinahangad ang katotohanan; kaya, palagi nilang pinapanatili ang pagkakakilanlan ng isang trabahador. Para naman sa isa pang kategorya ng mga tao, ang mga upahang manggagawa, hindi natin sila tatalakayin. Ang isa pang kategorya ay ang mga tao ng Diyos, na kakabanggit lang natin. Sa panahon ng pagsunod sa Diyos, tulad ng mga trabahador, ginugugol nila ang sarili nila para sa Diyos, inilalaan nila ang oras at lakas nila, at maging ang kabataan nila, at dumaranas sila ng matinding pagdurusa at nagbabayad ng malaking halaga. Katulad ito ng mga trabahador. Kung gayon, ano ang naiiba? Ito ay na kapag natapos na ang gawain ng Diyos, matutugunan na ang napakarami nilang kuru-kuro, imahinasyon, at labis na kahilingan sa Diyos. Maiwawaksi na ang mga pagpapamalas, kalagayan, at pagbubunyag ng katiwalian na malinaw na lumalaban sa Diyos sa loob ng mga tiwaling disposisyon nila. Maglalaho ang mga hindi pa nalulutas habang unti-unti nilang nauunawaan ang katotohanan sa pamamagitan ng karanasan. Bagama’t hindi pa maiwawaksi nang ganap ang mga tiwaling disposisyon nila, sasailalim sa ilang pagbabago ang mga buhay disposisyon nila. Kadalasan, magagawa nilang magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyong nauunawaan nila, at lubhang mababawasan ang mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon nila. Bagama’t hindi totoo na hindi nila ipapakita ang mga ito sa anumang kapaligiran, matutugunan na ng mga taong ito ang isang pangunahing kahingian: Matutugunan na nila ang kahingian ng Diyos na maging matapat sila; sa pangkalahatan, magiging matatapat silang tao. Dagdag pa rito, kapag ang mga taong ito ay nagpakita ng mga tiwaling disposisyon, o gumawa ng mga pagsalangsang, o nagkimkim ng mga kuru-kuro at pagrerebelde laban sa Diyos, saanmang kapaligiran nila iyon gawin, magkakaroon sila ng isang saloobin ng pagsisisi. At mayroon pang isang puntong napakahalaga: Anumang mga partikular na pagkilos ang gawin ng Diyos at paano man Siya kumilos sa gawain ng paghatol sa mga huling araw, anuman ang layon Niyang gawin sa hinaharap, paano man Niya isasaayos ang kapalaran ng sangkatauhan, at paano man sila mismo mamumuhay sa kapaligirang isasaayos Niya, magkakaroon silang lahat ng isang mapagpasakop na puso at isang saloobin ng pagpapasakop, nang walang mga personal na pasya at walang mga personal na plano at balak. Dahil sa iba’t ibang positibong pagpapamalas na ito, magiging uri na sila ng taong hinihingi ng Diyos, isang taong sumusunod sa daan ng Diyos, at ito ay ang matakot sa Kanya at umiwas sa kasamaan. Bagama’t magiging malayo pa rin sila mula sa tunay na pamantayan—“ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at maging isang perpektong tao”—gaya ng sinabi ng Diyos, pagsapit sa kanila ng mga pagsubok ng Diyos, magagawa nilang maghanap at magpasakop, at sapat na ito. Hindi sila magrereklamo; maghihintay at magpapasakop lang sila. Bagama’t ang mga kasalukuyan ninyong sitwasyon ay maaaring malayo pa rin sa gayong resulta, at para sa ilan, maaari itong magmukhang napakalayo at hindi maaabot, kung magagawa ninyong tanggapin ang katotohanan at tratuhin ang mga salita ng Diyos bilang prinsipyo at pundasyon ninyo para sa pag-iral, maniwala kayo na isang araw, ikaw, o kayong lahat, ay hindi na magiging malayo mula sa pagiging mga tunay na tao ng Diyos, na Kanyang minamahal—maniwala kayong ang araw na iyon ay abot-tanaw na. Kung ito man ay kasalukuyang ipinropesiya o abot-tanaw na, ang panghuling resulta ay hindi isang pantasya sa alinmang kaso, kundi isa itong katunayan na magkakatotoo at matutupad na. Kung kanino mismo matutupad ang katunayang ito, kung sa aling mga tao ito matutupad, ay nakasalalay sa kung paano ninyo aktuwal na hinahangad ang katotohanan. Sa madaling salita, kung tunay mo bang minamahal ang katotohanan sa antas na kaya mong hangarin at isagawa ito, o mayroon ka lang bang kaunting pagmamahal para sa katotohanan pero hindi mo ito magawang tanggapin at isagawa nang buo, ang panghuling resulta ang magbibigay ng sagot sa iyo. Sige, tatapusin natin dito ang pagbabahaginan natin tungkol sa paksang ito.