Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (25) Ikatlong Seksiyon
E. Hindi Magawang Makontrol ang Sariling Dila
Sunod, magbabahaginan tayo tungkol sa ikalimang uri ng mga tao, iyong mga hindi kayang kontrolin ang dila nila. Isang seryosong problema ba ito? Kung titingnan ito mula sa literal na pananaw, tila hindi naman malaking isyu ang hindi magawang makontrol ang sariling dila. Maaaring may partikular na mga kaisipan ang ilan tungkol sa pagtukoy sa mga indibidwal na ito bilang masasamang tao: “Dahil may bibig ang mga tao, nakatakda silang magsalita anumang oras at saanmang lugar; maaari nilang talakayin ang mga usapin anumang oras at kahit saan. Hindi ba’t medyo kalabisan na ikategorya iyong mga hindi kayang kontrolin ang dila nila bilang masasamang tao na dapat paalisin?” Ano ang palagay ninyo tungkol dito? (Kung nagdudulot sila ng mga panggugulo at paggambala sa buhay iglesia o sa gawain ng iglesia, na humahantong sa masasamang kahihinatnan, sila rin ay paaalisin.) Ang problema sa gayong mga tao ay hindi tungkol sa hindi nila pagkontrol sa dila nila; problema ito sa kanilang pagkatao. Kung nagdudulot sila ng mga panggugulo sa mga kapatid, sa buhay iglesia, at sa gawain ng iglesia, o ang mga salita nila ay katumbas ng pagkakanulo at pagtataksil sa iglesia, at nagdudulot pa nga ng kahihiyan sa sambahayan ng Diyos at sa pangalan ng Diyos, dapat pangasiwaan ang gayong mga indibidwal. Talakayin muna natin ang mga pagpapamalas niyong mga hindi kayang kontrolin ang dila nila, at pagkatapos ay kung paano sila pangangasiwaan. Matatawag bang “madaldal” ang mga taong hindi kayang kontrolin ang dila nila? (Oo.) Ganoon ba? Katangian ba ito ng gayong mga tao? Ang pagiging madaldal ba ay nangangahulugan ng pagiging hangal at walang kamalayan sa kung ano ang dapat at hindi dapat sabihin, sinasabi ang anumang maisip nang hindi isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan? Ito ba ang ibig sabihin ng hindi pagkontrol sa dila ng isang tao? (Hindi.) May ilang tao na magaling sa pagsasalita at pakikipag-ugnayan; prangka sila, at medyo simple at matapat. Madalas silang magbahagi ng mga saloobin at ideya nila, ng mga pagbubunyag nila ng katiwalian, kung ano ang naranasan nila, at maging ang mga pagkakamali nila, sa iba. Gayumpaman, hindi nangangahulugan na ang mga indibidwal na ito ay hangal o hindi magawang makontrol ang dila nila. Tila nagsasalita sila tungkol sa lahat ng bagay at medyo simple at matapat; pero pagdating sa mahahalagang isyu, mga isyu na makapagdudulot ng kahihiyan sa Diyos o sa sambahayan ng Diyos, o mga isyu na maaaring kapalooban ng pagkakanulo nila sa mga kapatid o sa iglesia, sa gayon ay ginagawa silang mga Hudas, hindi sila umiimik. Ito ang tinatawag na pagkontrol sa dila nila. Samakatwid, hindi ibig sabihin na ang mga prangkang tao, mga madaldal, o iyong magagaling magsalita ay hindi kayang kontrolin ang dila nila. Ano ang ibig sabihin dito ng hindi magawang makontrol ang sariling dila? Ang hindi magawang makontrol ang sariling dila ay nangangahulugan ng pagsasalita nang walang prinsipyo, at pagsasalita nang walang ingat nang hindi isinasaalang-alang ang mga tagapakinig, ang okasyon, o ang konteksto. Bukod pa rito, kinapapalooban ito ng lubos na hindi pagkakaalam kung paano protektahan ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, o ng hindi talaga pagmamalasakit kung nakikinabang ba rito ang mga kapatid o ang buhay iglesia, at basta lang nagsasabi ng kung ano-ano. Ano ang kahihinatnan ng “basta lang nagsasabi ng kung ano-ano”? Ito ay ang di-sinasadyang pagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at sa mga interes ng mga kapatid. Hindi sinasadya, dahil sa walang ingat nilang pagsasalita at kawalang-kakayahan na kontrolin ang dila nila, binibigyan nila ng kalamangan ang mga walang pananampalataya laban sa sambahayan ng Diyos, hinahayaan ang mga walang pananampalataya na kutyain ang partikular na mga kapatid, at hinahayaan ang mga walang pananampalataya at mga tao na hindi nananampalataya sa Diyos na makaalam ng maraming bagay na hindi dapat nila malaman. Bilang resulta, ang mga taong ito ay malayang nagkokomento at nagbibigay ng mga walang galang na puna tungkol sa mga usapin ng sambahayan ng Diyos at sa mga panloob na usapin ng iglesia, at nagsasabi ng mga bagay na naninira at lumalapastangan sa Diyos. Maaari pa nga silang mag-imbento ng mga tsismis tungkol sa mga kapatid, sa iglesia, at sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na nagdudulot ng masasamang kahihinatnan. Ito ay katumbas ng panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos at katulad ng paggawa ng masama. May ilang indibidwal na nagbibigay ng partikular na pansin sa pag-alam at pag-iimbestiga sa kung sino ang mga lider at manggagawa sa iglesia, mga address ng pamilya nila, personal na impormasyon ng mga kapatid, gawaing pinansiyal at pagkukuwenta ng iglesia, mga tauhan sa pagkukuwenta, at mga tala ng mga taong pinaalis o pinatalsik sa iglesia. Partikular na nakatuon din sila sa pag-aaral ng tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain ng iglesia. Ang gayong pag-uugali ay lubhang kahina-hinala at maaaring magpahiwatig na sila ay mga tiktik o espiya ng malaking pulang dragon. Kung isisiwalat ang mga detalyeng ito sa mga di-nananampalatayang diyablo, pinahihintulutang malaman ng malaking pulang dragon ang tungkol sa kanila, magiging kahindik-hindik ang mga kahihinatnan. May ilan, dala ng kahangalan at kamangmangan, na maaaring magbahagi ng impormasyong ito o ng bahagi nito sa mga di-nananampalatayang kapamilya nila, na pagkatapos ay ipinapakalat o ipinapaalam sa mga ahente ng malaking pulang dragon. Maaari itong magdulot ng mga potensiyal na banta at magdala ng maraming problema sa gawain ng iglesia, na may mga di-maisip na kahihinatnan. Ang mga panloob na usaping ito ng iglesia ay madalas na di-sinasadyang naibabahagi sa mga di-nananampalatayang kapamilya ng ilang tao, na nagsisiwalat ng lahat ng bagay nang walang pasubali. At naibabahagi pa nga ang mga ito sa kanilang mga di-nananampalatayang kamag-anak at kaibigan. Humahantong ito sa patuloy na pagsisiwalat ng mga panloob na usapin ng iglesia sa mundo sa labas sa pamamagitan ng mga salita nila. Ano ang kahihinatnan ng mga pagsisiwalat na ito? Marami sa kanilang mga di-nananampalatayang kapamilya, kamag-anak, at kaibigan ang makakaalam sa maraming panloob na usapin ng iglesia na maaaring hindi alam kahit ng mga kapatid, o sa mga address ng tirahan ng mga kapatid, sa mga tunay nilang pangalan, at mga pribadong usaping mag-asawa. Paano naisisiwalat ang mga usaping ito ng iglesia? Paano nalalaman ng mga walang pananampalataya ang mga ito? May mga “tagapag-ulat” sa loob ng iglesia! Ano ang tawag sa gayong mga tao? (Iyong mga hindi kayang kontrolin ang dila nila.) Mismo. Ibinabahagi nila ang lahat ng nangyayari sa pang-araw-araw na buhay iglesia o mga bagay na may kinalaman sa mga kapatid sa kanilang mga di-nananampalatayang kapamilya, tulad ng isang partikular na kapatid na nakikipagdiborsyo, isa pang kapatid na may asawang nawalan ng pera sa negosyo o may suwail na anak, o isa pang partikular na kapatid na bumibili ng bahay, at iba pa. Pinag-uusapan din nila ang tungkol sa mga kapatid na dinakip ng malaking pulang dragon at naging mga Hudas, o iyong mga nanindigan sa kanilang patotoo, at binanggit pa nga na pinungusan sila ng mga lider ng iglesia. Ang mga pag-uusap nila sa bahay ay ganap na umiikot lang sa mga paksang ito. Nagbibigay pa nga ang mga kapamilya nila ng mga payo at estratehiya para tulungan silang kumilos laban sa mga lider, mga kapatid, o sinuman sa iglesia na hindi nila nakakasundo, nagdudulot ng mga hamon, o naglantad sa kanila. Sa mga pagtitipon ng mga kapatid, ang gayong mga indibidwal ay tila partikular na masunurin at may mabuting asal, nagsasalita nang kaunti, hindi magaling makipag-usap, hindi kailanman nagsasalita ng tungkol sa kanilang mga sariling tiwaling disposisyon, hindi kailanman nakikipagbahaginan ng kanilang pagkaunawang batay sa karanasan, at bihira pa ngang magdasal. Tinatrato nila ang mga kapatid nang may pag-iingat, habang tinatrato ang mga di-nananampalatayang kapamilya nila na para bang ang mga ito ay mga miyembro ng sambahayan ng Diyos. Binibigkas nila ang lahat ng detalye tungkol sa iglesia sa mga kapamilya nila nang walang binabawas na detalye, ibinabahagi ang lahat sa mga ito, kasama maging ang pagpapalimbag ng iglesia ng mga aklat ng salita ng Diyos, kung sino ang may kung anong mga talento sa iglesia, at iba pa—ang lahat ng ito ay tinatalakay sa kanilang mga kapamilya at sa mga taong hindi nananampalataya sa Diyos. Anuman ang pakay nila sa paggawa nito, ang pinakahuling kahihinatnan ay na ipinagkakanulo nila ang gawain ng iglesia at ang mga kapatid. Alam nila ang sitwasyon ng bawat pangunahing miyembro ng iglesia. Siyempre, ang mga taong ito ay mga paksa rin sa mga talakayan at panghuhusga nila kapag nakatalikod ang mga ito, at maaari pa ngang maging ang mga tao na palihim nilang ipinagkakanulo. Kung may isang tao na may magandang ugnayan sa kanila, walang tigil nilang pupurihin ang taong iyon sa harap ng pamilya nila. Sa kabaligtaran, kung may isang tao na may hindi magandang ugnayan sa kanila, walang tigil silang magbibitiw ng masasakit na salita tungkol sa taong iyon sa harap ng pamilya nila, idinudulot pa nga na makisali ang pamilya nila sa pambabatikos, tinatawag ang mga kapatid na mga hangal o sinasabing hindi mabuti ang mga ito. Iniinsulto ng mga indibidwal na ito ang mga kapatid gamit ang anumang nakaiinsultong salitang ginagamit ng mga walang pananampalataya. Para silang mga walang pananampalataya; mga ganap silang hindi mananampalataya; hindi sila mabuti, at ang gayong mga indibidwal ay nararapat na kaagad paalisin.
Sa bansa ng malaking pulang dragon, ang impormasyon ng lahat ng nananampalataya sa Diyos ay dapat na panatilihing kumpidensiyal, at kahit kapag lumipat sa ibang bansa ang hinirang na mga tao ng Diyos, dapat manatiling pribado ang impormasyon nila. Ito ay dahil ang mga espiya ng malaking pulang dragon ay nakakalat sa bawat bansa sa mundo, nanghihimasok sa bawat lugar na may partikular na pakay na mangalap ng impormasyon tungkol sa mga nananampalataya sa Diyos. Sa mainland China, ang sitwasyon ng mga kapatid na sumusunod sa Diyos ay lubhang mahirap at mapanganib. Kahit na mangibang bansa sila, may partikular na antas ng panganib. Kung makakalap ng mga espiya ng malaking pulang dragon ang impormasyon nila, sa isang banda, may panganib ng ekstradisyon, at sa kabilang banda, kahit papaano, maaaring masangkot ang mga kapamilya at kamag-anak nila sa mainland China. Para sa mga kadahilanang pangkaligtasan at bilang paggalang sa mga indibidwal, ang personal na impormasyon ng mga kapatid ay dapat panatilihing kumpidensiyal ng lahat at hindi dapat ibahagi sa mga hindi nananampalataya sa Diyos. Kahit sa mga nananampalataya sa Diyos, ang personal na impormasyon ay hindi dapat na kaswal na isinisiwalat sa iba nang walang pahintulot ng indibidwal. Lubos na ipinagbabawal ang pagtrato sa anumang impormasyon tungkol sa mga kapatid, gawain ng iglesia, at mga tungkuling ginagampanan ng isang tao, mga karanasang isinasalaysay sa pagbabahaginan, o iba pang gayong mga detalye bilang mga paksa ng usapan para ikuwento sa mga walang pananampalataya sa oras ng pahinga ng isang tao. Ano ang mga kahihinatnan ng pagtalakay sa mga usaping ito sa kanila? Mayroon bang anumang positibong resulta? (Wala.) Ang kahihinatnan ng gayong mga talakayan ay na ang mga di-nananampalatayang diyablong ito ay mananamantala, mangungutya, at manghuhusga, at magmumura at maninirang-puri pa nga. Mabuti ba ito? (Hindi.) Dapat ninyong suriin kung may mga indibidwal sa loob ng iglesia na may mga natatagong motibo, na tumatalakay sa gayong mga detalye tulad ng mga aktuwal na sitwasyon ng gawain ng iglesia at buhay iglesia—gayundin kung sino ang tunay na nananampalataya sa Diyos, sino ang naghahangad sa katotohanan, sino ang gumagawa ng mga tungkulin nila, sino ang hindi gumagawa ng mga tungkulin nila, sino ang madalas na negatibo, sino ang may magulong pananalig, at maging ang personal na impormasyon at mga sitwasyon tungkol sa mga kapatid—sa mga walang pananampalataya at hindi nananampalatayang kapamilya, nang pawang walang pasubali. Hanapin ang gayong mga indibidwal. May mga usapin na hindi kailangang malaman maging ng mga tao sa loob ng iglesia, pero mas alam pa ng mga di-nananampalatayang kapamilya ng gayong mga indibidwal ang mga usaping ito kaysa niyong mga nasa loob ng iglesia—at mas malinaw pa ngang nakakaalam tungkol sa mga ito. Paano ito nangyayari? Ito ang “ambag” ng isang tiktik sa loob. Tinatrato ng tiktik na ito ang kanyang mga kapamilya na parang mga lider ng iglesia, iniuulat sa bahay ang anumang makita niya sa iglesia sa kanyang mga “lider” sa pagtatangkang sumipsip at palalimin ang emosyonal na koneksiyon sa kanyang pamilya. Malinaw na ang lahat ng usaping ito sa iglesia ay ipinagkanulo ng mga tiktik na iyon na hindi kayang kontrolin ang dila nila. Hindi nila iginagalang ang mga kapatid, ni hindi nila pinoprotektahan ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Tinatrato nila ang sambahayan ng Diyos at ang iglesia na parang lipunan o isang pampublikong lugar, kaswal na nagkokomento at nanghuhusga sa mga kapatid na para bang mga walang pananampalataya sila, sumasali pa nga sa mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya sa malayang panghuhusga sa mga kapatid. Bukod pa rito, may ilang indibidwal na, pagkatapos mapungusan ng mga lider o pagkatapos ng mga alitan, di-pagkakaunawaan, at di-pagkakasundo sa mga kapatid, ay umuuwi at gumagawa ng eksena, sinisiguradong alam ng pamilya nila ang lahat ng tungkol dito. Ang kahihinatnan nito ay na ang pamilya nila ay naghihiganti sa mga lider o sa mga kapatid, nilalayong ipagkanulo at pabagsakin ang iglesia. Isang mabuting penomeno ba ito? (Hindi.) Ang pagbabahagi sa mga kapamilya, kamag-anak, at kaibigan nang walang pasubali ng tungkol sa mga panloob na usapin ng iglesia, at ng mga bagay gaya ng kung ilang kapatid ang namumuhay ng buhay iglesia, at kung anong mga tungkulin ang ginagawa ng lahat—anong uri ng mga buhong sila? Mga tunay na mananampalataya ba sila? (Hindi.) Mga miyembro ba sila ng sambahayan ng Diyos? Matatawag ba silang mga kapatid? (Hindi.) Ang pagpapanatili sa gayong mga tiktik at nakatagong taksil sa loob ng iglesia ay magdadala, maging sa nakaraan, kasalukuyan, o hinaharap, ng malaking problema sa sambahayan ng Diyos at sa mga kapatid. Kahit na parang wala silang gaanong nagagawang masasamang gawa sa buhay iglesia, ang mga kahihinatnan at epekto ng kanilang lihim na pagpapasa ng iba’t ibang detalye tungkol sa sambahayan ng Diyos sa mga walang pananampalataya, sa mga Satanas, at sa mga diyablo ay labis na nakapipinsala! Dapat bang pahintulutang manatili ang gayong basura sa iglesia? (Hindi.) Karapat-dapat ba silang tawaging mga miyembro ng sambahayan ng Diyos? Karapat-dapat ba silang tratuhin bilang mga kapatid? (Hindi.) Paano dapat pangasiwaan ang gayong mga tao? (Dapat silang paalisin sa lalong madaling panahon.) Dapat silang paalisin sa lalong madaling panahon! Patalsikin sila! Ito ang dahilan kung bakit kailangan silang paalisin: “Hindi mo kayang kontrolin ang dila mo, bigo kang makilala kung ano ang mabuti para sa iyo, kinakagat ang kamay na nagpapakain sa iyo. Nananampalataya ka sa Diyos at nagtatamasa ng Kanyang biyaya, pati na ng tulong, pagmamahal, pasensiya, at malasakit mula sa mga kapatid, pero ipinagkakanulo mo pa rin ang mga kapatid at ang iglesia nang ganito. Wala kang kuwenta; lumayas ka!” Ang mga usapin ng mga kapatid, ang mga usapin ng iglesia, at ang anumang gawain ng sambahayan ng Diyos ay hindi dapat na isiwalat sa mga walang pananampalataya, ni hindi rin dapat gamitin bilang mga paksa ng walang kabuluhang usapan nila. Hindi sila karapat-dapat dito! Sinumang nagpapakalat ng gayong impormasyon ay nagiging isang isinumpang tao, isang taong dapat paalisin ng iglesia, at dapat silang itakwil ng mga kapatid. Batay lang sa mga pagkilos nila ng pagkakanulo sa mga kapatid at sa iglesia, pagbabahagi ng mga panloob na usapin ng iglesia sa mga walang pananampalataya para sa kaswal na usapan, walang dudang sila ay mga taksil, tiktik, at masasamang tao na nararapat paalisin mula sa iglesia. Ang mga kapatid ay malayang makipagbahaginan at makipagdebate ayon sa pangangailangan tungkol sa anumang gawain na ginagawa sa loob ng iglesia—tulad ng kung sino ang dapat paalisin o ang naganap na mga partikular na pangyayari—pero hindi ito dapat ibahagi sa mga walang pananampalataya, at hindi ito maaaring pag-usapan kasama ng mga di-nananampalatayang kapamilya. Sa partikular, ang personal at pampamilyang sitwasyon ng mga bagong kapatid na may mababang tayog ay hindi dapat na isiwalat sa mga tagalabas. Kung mahirap para sa iyo na sarilinin ito, dapat kang manalangin sa Diyos at sumandig sa Kanya para matutunan ang pagpipigil sa sarili, at humayo at magsagawa ng ilang makabuluhang gawain. Kung talagang hindi mo makontrol ang sarili mo, dapat ka munang mag-ulat sa iglesia para humingi ng solusyon, para maiwasan ang masasamang kahihinatnan, dahil ang pagpapakalat ng gayong impormasyon ay pinakaposibleng magdulot ng mga problema. Halimbawa, ang mga personal na numero ng telepono, address ng tirahan, kung ilang taon nang nananampalataya ang isang tao sa Diyos, personal na kalagayan ng pamilya at mag-asawa, at iba pa, ay mga sensitibong paksa. Walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan o buhay pagpasok; tumutukoy ito sa personal na pribasiya. Ang mga ahente at tiktik lang ang partikular na nag-iimbestiga sa mga usaping ito. Kung nasisiyahan kang mag-aral at magpakalat ng gayong mga usapin, anong uri ng disposisyon ang ipinakikita nito? Medyo ubod ng sama ito! Ang hindi paghahangad sa katotohanan, kundi pagtuon sa tsismis, kumikilos bilang tiktik o espiya at nagseserbisyo sa malaking pulang dragon—hindi ba’t ubod ng sama at kasuklam-suklam iyon? Sinumang partikular na nagtatanong, nag-iimbestiga, at walang-ingat na nagpapakalat ng mga sensitibong paksa at pribadong usapin ng iba ay nagkikimkim ng mga natatagong motibo at isang hindi mananampalataya. Dapat na maging lalong maingat ang hinirang na mga tao ng Diyos sa gayong mga indibidwal. Kung hindi magsisisi ang gayong mga tao, dapat matigil ang kanilang buhay iglesia, dahil ang pagkakanulo sa mga kapatid ay ang pinakaimoral, kasuklam-suklam, at kahiya-hiyang pagkilos. Dapat iwasan ng hinirang na mga tao ng Diyos ang gayong mga indibidwal. Sa buhay iglesia, dapat pigilan ang mga tao sa pagtatanong at pagtalakay sa mga usaping ito, dahil walang kinalaman ang mga ito sa pagbabahaginan ng katotohanan, at ang pagtalakay sa mga ito ay hindi talaga nagdudulot ng anumang kapakinabangan sa iba.
Ang sambahayan ng Diyos ay may iba’t ibang atas administratibo at regulasyon na dapat sundin ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang mga bagay tulad ng mga panloob na usapin sa iglesia, mga pag-aayos ng tauhan sa mga lider at manggagawa, ang gawain ng pag-aalis mula sa iglesia, at ang mga pagsasaayos mula sa ang Itaas, at iba pa, ay hindi dapat kaswal na ipinapakalat sa loob ng iglesia para maiwasan na ang mga ito ay maipagkanulo kay Satanas ng mga hindi mananampalataya at masasamang tao. Ito ay dahil iba ang sambahayan ng Diyos sa lipunan; hinihingi ng Diyos na hangarin ng mga tao ang katotohanan, higit pang magbasa ng mga salita ng Diyos, higit pang magnilay at makipagbahaginan. Tanging ang pagpapakalat ng mga salita ng Diyos at pagpapatotoo sa Diyos ang makabubuo ng tamang atmospera; tanging ang pagbabahagi ng mas maraming patotoong batay sa karanasan ang makabubuo sa gayong atmospera. Bukod pa rito, maraming bagong mananampalataya sa sambahayan ng Diyos na saglit pa lang nananampalataya sa Diyos. Hindi maiiwasan na may ilang hindi mananampalataya na hindi pa nabubunyag. Sa partikular, ang unang lima o sampung taon ng pananampalataya ay ang panahon para sa pagbubunyag ng tunay na sarili ng mga tao; sa panahong ito, hindi pa tiyak kung sino ang makapaninindigan at kung sino ang hindi, o kung ilang masamang tao na may kakayahang guluhin ang iglesia ang umiiral pa rin. Ang palaging walang ingat na pagpapakalat ng personal na impormasyon at gayong mga panlabas na usapin, pati na rin ang mga usaping hindi nauugnay sa pagbabahaginan ng katotohanan, ay maaaring magdulot ng maraming masamang kahihinatnan. Halimbawa, maaaring magtanong ang isang tao, “Saan galing ang isang partikular na lider? Saan siya nakatira?” Ang sensitibong impormasyong ito ay hindi ang kailangang malaman ng hinirang na mga tao ng Diyos. May iba pang maaaring magtanong, “Magkano ang nagagastos ng sambahayan ng Diyos sa pagpapalimbag ng isang aklat ng mga salita ng Diyos?” Kapaki-pakinabang ba na malaman ito? (Hindi.) May kinalaman ba sa iyo ang gastos sa paglilimbag? Siningil ka ba para dito? Tila wala naman itong kinalaman sa iyo, tama? Maaaring itanong ng ilan, “Sino ang mga nakatataas na lider sa sambahayan ng Diyos ngayon?” Kung hindi ka naman nila direktang pinamumunuan, nakakaapekto ba sa iyo kung hindi mo ito alam? (Hindi.) Sa mainland China, maaaring maging problema ang pagkaalam sa mga bagay na ito. Kung mahuli ka ng malaking pulang dragon at isailalim sa matinding pagpapahirap, kung hindi mo alam ang mga bagay na ito, kahit gaano ka man nila bugbugin, wala kang anumang maisisiwalat, at hindi ka hahantong sa pagiging isang Hudas. Pero kung alam mo at hindi mo makakayanang tiisin ang matinding pambubugbog nila sa iyo, maaari kang mauwi sa pagsasalita, nagiging isang Hudas. Sa sandaling iyon, maaaring maisip mo, “Bakit walang-ingat kong itinanong ang mga iyon noon? Lalong mas mabuti sana kung wala akong alam. Kahit bugbugin pa hanggang mamatay, magiging ignorante pa rin ako sa mga bagay na iyon; kahit ginusto ko pang mag-imbento ng mga sagot, hindi ako makabubuo ng anuman. Sa ganoong kaso, hindi ako magiging isang Hudas. Natutunan ko na ang aking leksiyon ngayon; pinakamabuti na ang walang masyadong alam tungkol sa mga usaping walang kinalaman sa katotohanan. Ang pagtatanong tungkol sa gayong mga bagay ay walang kapakinabangan; mas mabuti nang walang alam.” At may ilan ding maaaring magtanong, “Ilang pangkat ang naroroon sa sambahayan ng Diyos na gumagawa ng mga espesyalisadong gawain?” Anong pakialam mo roon? Gawin mo na lang ang anumang gawaing itinalaga sa iyo ng sarili mong pangkat. Ang hindi pag-alam dito ay hindi makakaapekto sa abilidad mong gawin nang normal ang iyong tungkulin, hangarin ang katotohanan sa iyong pananalig, o ipamuhay ang buhay iglesia; hindi ito nakaaapekto sa anuman. Ang hindi pag-alam dito ay hindi humahadlang sa iyo sa paghahangad ng katotohanan o pagkakamit ng kaligtasan bilang isang mananampalataya, kaya bakit pa magtatanong? “Karamihan ba sa mga kapatid ay mula sa mga lugar sa kalunsuran o mga lugar sa kanayunan? Edukado ba sila o hindi?” Kapaki-pakinabang ba na malaman ang mga bagay na ito? (Hindi.) Ano ngayon kung galing silang lahat sa mga lugar sa kanayunan? At ano naman kung galing lahat sila sa mga lungsod? Wala itong kinalaman sa katotohanan. Maaaring itanong ng ilan, “Paano lumalaganap ngayon ang gawain ng ebanghelyo?” Ayos lang ang magtanong nang kaunti tungkol dito, pero may ilang tao, dala ng pagkamausisa, ang nagtatanong nang detalyado tungkol sa kung ilan eksakto ang mga bansa na naabot ng gawain ng ebanghelyo, na hindi naman kinakailangan. Kahit na alam nila ito, ano ang magiging epekto nito sa kanila? Ano ang magiging pakinabang ng pag-alam sa gayong mga detalye? Kung wala kang katotohanang realidad, patuloy kang hindi magkakaroon nito kahit na malaman mo; hindi talaga makatutulong ang kaalamang ito sa iyo para magawa ang iyong mga tungkulin nang maayos o makapagbibigay ng tulong sa iyong buhay pagpasok. Ayos lang na hindi magtanong tungkol sa mga pangkalahatang usapin; sa katunayan, mas mabuti pang hindi malaman ang mga ito. Isang pasanin ang masyadong maraming nalalaman. Kapag nakalabas ang gayong impormasyon, nagiging isang problema at pagsalangsang ito. Hindi mabuti ang pag-alam sa mga bagay na ito: Kapag mas marami kang nalalaman, mas maraming problema ang maidudulot nito. Alam ng mga nakauunawa sa katotohanan kung ano ang dapat at hindi dapat sabihin. Ang mga tao na magulo ang isip, na walang espirituwal na pang-unawa, ay bigong makita ang kaibahan sa pagitan ng mga tagaloob at tagalabas kapag nagsasalita sila, nagsasalita lang ng kalokohan. Samakatwid, ang mga usaping ito ay hindi dapat iulat sa mga tao sa iglesia na hindi nakauunawa sa katotohanan. Ang pag-alam sa mga bagay na ito ay hindi naghahatid ng anumang mga kapakinabangan sa anumang paraan. Una, hindi makatutulong ang mga taong ito sa paglutas ng mga problema. Pangalawa, hindi nila kayang protektahan ang gawain ng iglesia. At pangatlo, hindi nila kailangang magsalita nang mabuti tungkol sa sambahayan ng Diyos. Ang lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, at ang lahat ng pagkilos ng Diyos ay matuwid—may anuman bang pangangailangan para sa paninipsip at pambobola mula sa mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya na walang espirituwal na pang-unawa? Wala. Kahit na walang ni isang nilalang sa buong mundo ang sumusunod sa Diyos o sumasamba sa Kanya, mananatiling hindi nagbabago ang katayuan at diwa ng Diyos. Ang Diyos ay Diyos, hindi magbabago magpakailanman, hindi mababago ng anumang alterasyon sa mga sitwasyon. Ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos ay hindi magbabago magpakailanman. Ang mga ito ay ang mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga nananampalataya sa Diyos. Iyong mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya ay nagsasalita at kumikilos nang hindi pinag-iiba ang mga tagaloob at mga tagalabas—kapaki-pakinabang ba sa gawain ng sambahayan ng Diyos kung masyado silang maraming nalalaman? Kinakailangan ba nilang malaman ang tungkol sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Hindi sila karapat-dapat sa kaalamang ito! Maaaring itanong ng ilan, “Lihim ba ang lahat ng usaping ito, at kaya hindi ito maaaring malaman?” Matapos manampalataya sa Diyos hanggang sa puntong ito, iniisip ba ninyo na naglalaman ng mga lihim ang mga usaping ito? (Hindi.) Pero nagtataglay ng integridad at dignidad ang hinirang na mga tao ng Diyos; hindi sila dapat gawing paksa ng talakayan o pangungutya ng mga walang pananampalataya. Ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, at ang mga kapatid, bilang isang grupo man o mga indibidwal, ay pawang may dignidad; lahat sila ay positibo, at walang sinuman ang dapat magtangkang dungisan sila. Ang sinumang kumikilos sa paraang nagpapahintulot sa mga Satanas at diyablo na walang pakundangang dungisan at kaswal na siraan o pinsalain ang reputasyon ng sambahayan ng Diyos, o pinsalain ang reputasyon ng mga kapatid, ay isinumpa! Samakatwid, ganap na hindi pinahihintulutan ng iglesia ang pag-iral niyong mga hindi kayang kontrolin ang dila nila. Kapag natukoy, dapat silang paalisin! Ang pamamaraang ito ba ay naaayon sa mga prinsipyo? (Oo.)
May ilang tao na lalong maingat at hindi padalos-dalos kapag sila ay nagsasalita, nakikipag-usap, nakikipag-ugnayan, o nakikisalamuha sa mga kapatid, pero pagkauwi nila, nagiging madaldal sila, isinisiwalat ang lahat, maging ang mga personal na impormasyon ng mga kapatid, sa gayon ay nalalaman ng mga miyembro ng pamilya nila, mga walang pananampalataya na walang pananalig, at iyong mga nananampalataya lang sa pangalan ang maraming bagay tungkol sa mga usapin ng iglesia. Ang gayong uri ng tao ay isang tiktik, isang taksil—isang Hudas—at mismong ang uri ng indibidwal na dapat paalisin ng iglesia. Habang mas nagtatagal sila sa iglesia, mas maraming impormasyon ang malalaman nila tungkol sa mga kapatid, mas makikilahok sila sa pagkakanulo, at magkakaroon ng mas maraming usapin na susunggaban ng mga walang pananampalataya para magamit bilang kalamangan at para sa paninirang-puri. Kung hindi ka natatakot na ipagkakanulo nila ang impormasyong ito sa mga walang pananampalataya, panatilihin mo sila; kung ayaw mong kumalat ang iyong personal na impormasyon at mga panloob na usapin ng iglesia mula sa bibig nila, dapat mong paalisin ang mga tiktik na ito sa lalong madaling panahon. Angkop ba ito? (Oo.) Walang dapat ipakitang kaluwagan sa gayong mga indibidwal; wala silang kinikimkim na mabubuting intensiyon at hindi sila mabuti. Paano maikukumpara ang gayong mga tao sa dalawang uring iyon ng mga tao na naunang nabanggit, iyong mga mahilig sa paghihiganti at iyong mga bulagsak at walang pagpipigil? Mas mabuti ba sila o mas masama? (Mas masama.) Maaaring gawin din ng mga indibidwal na ito ang mga tungkulin nila, magsumikap nang kaunti, at magtiis nang kaunting paghihirap; maaaring gawin ang anumang ipag-uutos ng sambahayan ng Diyos sa kanila at hindi sila tatanggi, pero may isang problema: Isinisiwalat nila ang lahat ng tungkol sa sambahayan ng Diyos sa mga walang pananampalataya. Ginagampanan nila ang papel ng isang taksil, isang tiktik, araw-araw. Dahil lang dito, hindi sila maaaring hayaan ng iglesia at dapat silang paalisin. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Masaya man sila o hindi sa iglesia, sinuman ang gumagalit sa kanila, sinuman ang nakakasundo nila, inihalal man sila bilang mga lider ng iglesia o tinanggal—anuman ang mangyari, palagi nilang dapat ibahagi ang bawat detalye sa mga di-nananampalatayang kapamilya nila. Tinitiyak nila na naipaaalam ito kaagad sa mga di-nananampalatayang kapamilya nila at sa mga walang pananampalataya at na kaagad na naaarok ng mga ito ang panloob na sitwasyon ng iglesia. Para sa gayong mga indibidwal, hinding-hindi ka dapat magpakita sa kanila ng anumang kaluwagan o anumang awa; kapag natuklasan ang isa, paalisin siya. Kumusta ang ganitong pamamaraan? (Naaangkop.) Malupit ba ang paggawa nito sa ganitong paraan? (Hindi.) Hindi ito pagiging malupit. Tinatrato mo sila bilang mga kapatid, pero hindi talaga nila pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ang mga interes ng mga kapatid. Sa halip, ipinagkakanulo nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ng mga kapatid sa bawat pagkakataon. Itinuturing mo sila bilang pamilya, pero itinuturing ka ba nilang kapamilya? (Hindi.) Kaya huwag kang magpakita sa kanila ng kaluwagan; kung kailangan silang paalisin, paalisin sila. Hanggang sa puntong ito, may nakatagpo na ba kayong gayong mga indibidwal? (Oo. Ibinahagi nila ang lahat ng tungkol sa mga kapatid sa kanilang mga kapamilya, at minsan ay ipinapaalam din nila sa mga kapamilya nila ang tungkol sa mga partikular na usapin at mga partikular na pagsasaayos sa loob ng iglesia sa unang pagkakataon. Pagkatapos ay nag-iipon ng bala ang mga kapamilya nila para pagtsismisan ang iglesia sa likod nito.) Napaalis na ba ang mga indibidwal na ito? (Oo.) Matapos silang mapaalis, nagreklamo ba sila? Maaaring maramdaman nilang hindi ito patas, iniisip na, “Wala akong ginawang anuman; hindi ito maituturing na paglabag sa mga atas administratibo, ni hindi ako nagdulot ng mga panggugulo o paggambala, kaya bakit ako pinaalis?” Sa palagay ba ninyo ay mas malala ang kalikasan ng mga pagkilos nila kaysa sa pagdudulot ng mga panggugulo at paggambala? (Oo.) Matutubos ba ang gayong mga tao? Madali ba para sa kanila ang magbago? (Hindi.) Bakit mo nasabing hindi ito magiging madali? Anong aspekto ang nagpapakita na mahirap para sa kanila ang magbago? (Hindi sila bahagi ng sambahayan ng Diyos, hindi sila mga kapatid; ang diwa nila ay sa mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya.) Ito ang diwa nila. Kaya, paano mo masasabi na sila ay mga walang pananampalataya at hindi mananampalataya? (Anumang emosyon ang mayroon sila sa iglesia, ibinubulalas nila ito sa kanilang pamilya, nagpapakita na anuman ang mangyari, hindi nila ito tinatanggap mula sa Diyos, at lalong hindi sila natututo ng anumang aral. Ang gayong mga tao ay hindi nakararanas ng gawain ng Diyos at hindi tumatanggap sa katotohanan, kaya ang diwa nila ay sa mga hindi mananampalataya.) Itong diwa nila ay ginawa nang malinaw. Ibinubulalas nila ang mga emosyon nila sa kanilang pamilya at tinatrato ang lahat ng bagay batay sa mga emosyon nila. Paano mo masasabi na hindi sila bahagi ng sambahayan ng Diyos, kundi mga walang pananampalataya na pinasok ang sambahayan ng Diyos? (Dahil kaya nilang ipagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kumikilos bilang mga taksil at tiktik, at dahil pundamental na hindi sila mga tao na nagpoprotekta sa gawain at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kaya, ang mga indibidwal na ito ay hindi kaisa sa puso ng sambahayan ng Diyos.) Hindi akma ang paliwanag na ito. Hayaan mo Akong magpaliwanag. Bagaman lumalahok ang mga indibidwal na ito sa buhay iglesia at ginagawa ang tungkulin nila, kailanman ba ay itinuring nilang pamilya ang mga kapatid? Sa simpleng salita, itinuring ba nila ang mga kapatid na ito bilang sarili nila? (Hindi.) Kung ganoon, ano ang turing nila sa mga kapatid? (Mga tagalabas.) Tama, bilang mga tagalabas, bilang mga kalaban. Kung ganoon, ano ang turing nila sa sambahayan ng Diyos at sa iglesia? Hindi ba’t lugar ng trabaho lang ito para sa kanila? (Oo.) Itinuturing nila ang sambahayan ng Diyos at ang iglesia na parang mga kompanya o organisasyon ng mundong walang pananampalataya, tinitingnan ang mga kapatid bilang mga tagalabas, bilang iyong mga taong dapat bantayan, bilang mga kalaban. Kaya, madali para sa kanila na isiwalat ang iba’t ibang uri ng impormasyon at iba’t ibang aktuwal na sitwasyon ng mga kapatid sa mga taong pundamental na hindi nananampalataya sa Diyos. Alam nilang walang sasabihing mabuti ang mga di-nananampalatayang ito, at maaari pa nga nilang siraan ang mga kapatid, at siraan ang sambahayan ng Diyos—alam nila ang lahat ng ito, subalit walang-ingat pa rin nilang isinisiwalat ang mga sitwasyon ng mga kapatid at ng iglesia sa mga di-nananampalatayang ito nang walang kahit katiting na pag-aalinlangan. Malinaw na tinitingnan nila ang mga kapatid bilang mga tagalabas, bilang mga kalaban, at tuwing may lumilitaw na anumang di-kasiya-siya, agad silang nakikipagsanib-puwersa sa mga walang pananampalataya para kutyain, siraan, at kumilos laban sa mga kapatid sa likod ng mga ito, sa gayon ay natutugunan ang mga sarili nilang pagnanais. Pakiramdam nila na hindi maaaring husgahan ang sinumang kapatid sa loob ng iglesia dahil kung tatalakayin nila ang mga usapin ng iglesia o ng mga kapatid sa harap mismo ng mga ito, pakiramdam nila ay kakailanganin nilang pasanin ang mga kahihinatnan, na hindi magiging paborable para sa kanila. Pero ang pagtalakay sa mga usaping ito sa pamilya nila ay ganap na nakatutugon sa sarili nilang pagkamainitin ng ulo, mga pagnanais, at mga emosyon, nang hindi kinakailangang pasanin ang anumang kahihinatnan, dahil ang pamilya, kung tutuusin, ay pamilya, na hindi sila ipagkakanulo. Gayumpaman, hindi ito katulad sa mga kapatid, na maaaring mag-ulat sa kanila, maglantad sa kanila, at magpungos sa kanila, at maging dahilan pa nga para mawalan sila ng mga tungkulin at posisyon sa anumang oras o lugar. Kaya, hindi talaga mali na sabihing itinuturing nila ang mga kapatid bilang mga kalaban nila. Ang isang kalaban ay isang taong dapat bantayan. Kaya, hindi sila nakikipag-usap sa mga kapatid, hindi nakikipagbahaginan sa mga ito o naglalantad ng anuman sa mga ito. Sa halip, sila ay “namumuhay ng buhay iglesia” kasama ng kanilang mga di-nananampalatayang kapamilya sa bahay, kung saan ibinabahagi nila ang lahat at ibinubuhos ang nasa puso nila. Walang pasubali nilang ipinahahayag ang kanilang mga iniisip, opinyon, pagkabigo, pagkadismaya, at lahat ng baluktot nilang pananaw nang walang anumang konsiderasyong moral, at nakararamdam sila ng ginhawa at kasiyahan sa paggawa nito. Hindi sila hinahamak ng mga kapamilya nila kundi sa halip ay tinutulungan sila at nakikipagtulungan sa kanila. Kung ganito sila magsasalita sa iglesia, ganap na malalantad ang tunay nilang kalikasan bilang mga hindi mananampalataya, at kakailanganin silang paalisin ng iglesia. Kaya, hindi nila tinitingnan ang mga kapatid bilang pamilya kundi bilang mga kalaban. Ito ay isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay na hindi nila kailanman itinuturing ang sarili nila bilang bahagi ng iglesia, kaya anumang mangyari sa iglesia, paninirang-puri at panlalapastangan man ito mula sa relihiyosong mundo, mga walang batayang tsismis at pangungutya mula sa mga walang pananampalataya, o pagdidiin at pag-uusig ng pambansang pamahalaan, personal na wala itong kinalaman at kabuluhan sa kanila. Ipagpalagay na ganito talaga ang nararamdaman nila: “Kung masira ang imahe ng iglesia, at malapastangan ang karangalan ng Diyos, ang dignidad natin bilang mga mananampalataya ay seryosong hinahamon. Dahil dito, hinding-hindi ko tatalakayin ang mga usapin ng iglesia o ang mga usapin ng sambahayan ng Diyos sa mga walang pananampalataya, hinahayaan ang mga itong pagtsismisan at pagtawanan ang tungkol dito. Kahit para protektahan ang sarili ko, hindi ako kaswal na magsasalita ng tungkol sa mga usapin ng sambahayan ng Diyos kasama ng aking mga di-nananampalatayang kapamilya”—kung mayroon silang gayong kamalayan, hindi ba’t magagawa nilang kontrolin ang dila nila? Kaya bakit hindi nila ito magawa? Malinaw na pundamental nilang hindi itinuturing ang sarili nila bilang bahagi ng sambahayan ng Diyos, ni hindi nila itinuturing ang sarili nila bilang mga mananampalataya. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi tama ang iyong mga salita. Kung hindi nila itinuturing ang sarili nila bilang bahagi ng sambahayan ng Diyos, bakit dumadalo pa rin sila sa mga pagtitipon?” Sa mga nananampalataya sa Diyos, may lahat ng uri ng mga tao. Hindi ba’t napagbahaginan na natin ito noon? Maraming tao ang nananampalataya sa Diyos nang may iba’t ibang di-tamang motibo at pakay, at ito ay isa sa gayong uri. Ang pananampalataya sa Diyos para sa katuwaan, para malibang, o para makahanap ng espirituwal na panustos—hindi ba’t karaniwan ang gayong mga hindi mananampalataya? Hindi ba’t maraming matatagpuan na gayong mga tao? (Oo.) Hindi man lang nila kinikilala ang sarili nila bilang mga mananampalataya sa Diyos. Siyempre, wala silang pakialam sa lahat ng gawain ng iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos na gumagawa ng mga tungkulin nila, hindi nila pinapansin ang mga ito. Kaya, kaswal at magaan nilang natatalakay ang sitwasyon ng gawain ng iglesia, ang mga panloob na usapin ng iglesia, at maging ang anumang isyu na nangyayari sa mga kapatid, sa mga walang pananampalataya. Pagkatapos nilang magsalita, nagsisimulang magtsismis, manira, at mangutya ang mga walang pananampalataya, pero hindi sila nababahala rito kahit kaunti. Baka nga makisali pa sila sa mga walang pananampalataya sa pagsasalita ng masama laban sa mga kapatid, sa panghuhusga sa sambahayan ng Diyos, at sa pagkokomento sa gawain at mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Mga mananampalataya ba sila ng Diyos? (Hindi.) Hindi kailanman kikilos nang ganito ang isang tunay na mananampalataya. Kahit pa para ito sa kapakanan ng pagprotekta sa sarili niyang dignidad at mga interes, hindi niya kailanman kakagatin ang kamay na nagpapakain sa kanya at papanig sa mga nasa labas ng iglesia. Hindi ba’t ganito ito? (Oo.) Samakatwid, ang gayong mga indibidwal ay masasamang tao at mga hindi mananampalataya, na dapat paalisin. Kapag mas maagang mapapaalis ang mga ito, mas mabilis na magkakaroon ng kapayapaan ang iglesia.
Pag-usapan natin ang tungkol sa inyong sarili. Halimbawa, kung hindi nananampalataya sa Diyos ang mga magulang mo, o kung hindi nananampalataya sa Diyos ang mga kapatid mo o matatalik na kaibigan, pero hindi nila sinasalungat ang pananampalataya mo at medyo sinusuportahan pa nga ito, sasabihin mo ba sa kanila ang lahat ng nangyayari sa iglesia? Ipagpalagay na nagtanong ang isa sa mga kaibigan mong babae, “May mga lalaki ba sa inyong iglesia na naghahanap ng makakapareha? Mayroon bang sinuman na partikular na taong totoo, at matangkad, mayaman, at guwapo?” May ilang disenteng tao sa mga walang pananampalataya na gusto ring makahanap ng isang disenteng makakapareha para makasama nila sa buhay. Gusto ng kaibigan mong babae na makahanap ng isang taong nananampalataya sa Diyos, kaya handa ka bang sabihin ito sa kanya? (Hindi.) Dapat mong sabihin sa kanya, “Walang silbi ang pagkagiliw mo sa mga mananampalataya. Isa kang walang pananampalataya at pundamental na hindi kaayon ng mga mananampalataya. Wala kayong iisang lengguwahe; magkaibang landas ang tinatahak ninyo! Tingnan mo ang sarili mo, nakadamit nang napakatingkad—sinong kapatid sa aming iglesia ang magkakagusto sa iyo?” Hindi mataas ang tingin mo sa kanya, kaya makakausap mo ba siya tungkol sa mga usapin ng iglesia? (Hindi.) Ilang salita pa lang at masisira ang usapan, na may ganap na magkakaibang pananaw. Kahit pa may mabuting impresyon sa mga mananampalataya ang ilang walang pananampalataya, at kahit pa napanatili nila ang pagkakaibigan nila sa iyo matapos kang maging isang mananampalataya, magiging handa ka bang ibahagi sa kanila ang mga panloob na usapin ng iglesia o ang mga paghihirap na nararanasan mo sa paggawa ng iyong mga tungkulin? (Hindi.) Kahit sinusuportahan pa nila ang pananampalataya mo sa Diyos, ano ang silbi na talakayin sa kanila ang mga usapin ng iglesia? Halimbawa, may ilang kapatid na napagtiisan ang pagpapahirap at interogasyon ng malaking pulang dragon nang hindi nagiging mga Hudas. Isa itong patotoo na hinahangaan maging ng mga walang pananampalataya—magiging handa ka bang ibahagi ito sa kanila? (Hindi.) Bakit hindi ka magiging handang talakayin ito? (Walang kaugnayan sa kanila ang gayong mga usapin, at hindi nila maunawaan ang mga patotoong batay sa karanasan na ito.) Hindi sila makauunawa. Anong mga negatibong epekto ang maaaring idulot ng pagtalakay sa mga usaping ito? (Sa halip ay maaaring mauwi sila sa panghuhusga sa iglesia.) Manghuhusga sila: “Bakit pinahihirapan ninyo ang sarili ninyo nang ganito? Bakit sumasalungat kayo sa pambansang pamahalaan?” Tingnan mo, ang isang komento ay makapaglalantad sa kalikasan nila. Paano masasabing pagsalungat ito sa pambansang pamahalaan? Malinaw na ang mga diyablong hari na namumuno sa bansa ay labis na pumipinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos, iniiwan silang walang paraan para mabuhay. Kahit kapag nasasaksihan nila ito, nagkukunwari silang hindi nila ito alam. Malinaw na nagsasalita sila sa paraang binabaligtad ang katotohanan at binabaluktot ang mga katunayan. Ano pa ba ang maaari mong talakayin sa kanila? Hindi mo sila maaaring kausapin tungkol sa anumang nauugnay sa pananalig sa Diyos; hindi mo maaaring ipaalam sa kanila ang anumang tungkol dito. Kayang sabihin niyong mga hindi kayang kontrolin ang dila nila ang lahat ng bagay tungkol sa iglesia sa mga walang pananampalataya. Halatang sila ay mga hindi mananampalataya; mga diyablo sila na nagpupunta sa sambahayan ng Diyos para magpabasta-basta lang, mga hayop na nangangagat sa kamay na nagpapakain sa kanila nang walang katiting na konsensiya o katwiran. Para sa kanila, ang anumang pinsala sa mga interes o reputasyon ng sambahayan ng Diyos o ng iglesia ay hindi talaga nakaaapekto sa kanila, hindi nakaaapekto sa anumang interes nila, at wala silang nararamdamang kahit katiting na kalungkutan; kaya, walang-ingat silang nakapagsasalita ng tungkol sa mga panloob na usapin ng iglesia sa mga walang pananampalataya at sa mga taong hindi nananampalataya sa Diyos, nang walang anumang pag-aalinlangan. Kamuhi-muhi ba ang gayong mga tao? (Oo!) Kaya ba ng isang hindi mananampalataya, na hindi itinuturing ang mga kapatid bilang pamilya pero itinuturing ang mga walang pananampalataya bilang pamilya nila, na tanggapin ang katotohanan? (Hindi.) Kaya ba nilang kilalanin na ang Diyos ang katotohanan? (Hindi.) Kaya ba ng isang tao na hindi itinuturing ang sarili niya bilang miyembro ng iglesia, kapag naririnig ang mga salita ng pagliligtas ng Diyos sa tao, na isantabi ang sarili niyang mga interes para hangarin ang katotohanan at pumasok sa katotohanang realidad? (Hindi.) Ang mga pang-araw-araw na aktibidad niya ay binubuo lang ng pagkakanulo sa mga interes ng iglesia, pagkampi sa mga tagalabas, at pagsisilbing tiktik, Hudas, at taksil, na para bang misyon niya ito. Hindi siya tumatahak sa tamang landas kundi nabubuhay para gumawa ng kasamaan; nararapat siyang mamatay at sumpain! Ang mga Hudas, taksil, at alipin ni Satanas na ito na nangangagat sa kamay na nagpapakain sa kanila ay mga negatibong kaawa-awa, nakapipinsala sila sa sangkatauhan, at kinamumuhian sila ng lahat. Kaya, hindi ba’t lubos na nararapat para sa iglesia na pangasiwaan sila at paalisin sila? (Oo.) Lubos itong nararapat! Hindi ba’t aayawan ninyo ang maipagkanulo? Kung ipinagkanulo ang iglesia o ang sambahayan ng Diyos, maaaring hindi masyadong makisimpatiya o mabagabag ang karamihan; magiging medyo balisa lang sila sa loob dahil, kung tutuusin, miyembro sila nito. Pero paano kung ipinagkanulo ka ng isang tao sa iglesia sa mga walang pananampalataya, at dahil sa pagkakanulo nila sa iyo, binaluktot ng mga walang pananampalataya ang mga katunayan, siniraan, kinutya, hinusgahan, at kinondena ka? Ano ang mararamdaman mo kung ganoon? Hindi ba’t mararanasan mo kung ganoon ang pagkapahiya at kahihiyan na dinanas ng iglesia at ng sambahayan ng Diyos? (Oo.) Mula sa pananaw na ito, angkop ba na paalisin ang gayong mga indibidwal? (Oo.) Dapat silang paalisin; hindi sila kailangang pakitaan ng kaluwagan. Tungkol sa mga taong hindi kayang kontrolin ang dila nila, batay sa iba’t ibang pagpapamalas kung paano sila umaasal at kung ano ang isinasabuhay nila, sila ay mga hindi mananampalataya sa loob ng iglesia, isang uri ng masamang tao na dapat paalisin. Palihim o hayagan man ang pagkilos nila, kapag natuklasan na hindi kaya ng isang tao na kontrolin ang dila niya at ang pagkataong diwa niya ay sa isang ganap na hindi mananampalataya, dapat siyang kaagad na iulat sa mga lider at manggagawa, at ipaalam sa mga kapatid. Dapat magawa ang maagap at tumpak na pagkilatis sa gayong mga indibidwal, at dapat silang paalisin mula sa iglesia sa lalong madaling panahon. Huwag silang hayaang magkaroon ng anumang pakikilahok sa iglesia, sa gawain nito, o sa mga kapatid; ang ganap na pagpapaalis sa kanila ang tamang aksiyon. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan tungkol sa pagpapamalas na ito ng pagkatao—ang hindi magawang makontrol ang sariling dila.
Masasabi bang mas malulubhang kaso ang tatlong uri ng tao na napagbahaginan ngayon kaysa sa dalawang uri na nauna nang napagbahaginan? (Oo.) Mas malala ang mga kalagayan nila, mas ubod ng sama at mas kasuklam-suklam ang pagkatao nila, at mas malaki ang pinsala at epekto nila sa mga interes ng iglesia at lahat ng kapatid. Samakatwid, huwag maliitin ang tatlong uri ng taong ito; dapat silang bantayan nang mabuti at huwag bigyang-layaw. Kung matukoy ang sinuman bilang isa sa tatlong uri na ito, dapat silang ilantad at kilatisin kaagad, at pagkatapos ay tanggalin sa lalong madaling panahon. Kung gumagawa sila ng mahalagang tungkulin, maghanap kaagad ng isang taong aako sa tungkulin nila, at pagkatapos ay tanggalin sila sa tungkuling iyon at paalisin sila. Naunawaan ba? (Naunawaan.) Ang iba’t ibang kalagayan ng mga kapatid sa iglesia, ang iba’t iba nilang pagpapamalas sa iba’t ibang panahon, ang gawain ng iglesia, at maging ang ilan sa mga panloob na usapin nito ay pinahihintulutan lang na mapag-usapan at mapagbahaginan sa mga kapatid. Ito ay para bigyang-kakayahan ang hinirang na mga tao ng Diyos na magkaroon ng mas malinaw na mga pang-unawa at kabatiran sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, sa gayon ay nakakamit nila ang abilidad na kumilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Gayumpaman, dapat maging malinaw ang isang prinsipyo: Maging ito man ay mga katotohanan o mga prinsipyo kaugnay sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, o ito man ay ang mga regulasyon para sa mga pangkalahatang usapin, ganap na hindi ito pinahihintulutang sabihin sa mga walang pananampalataya, na magreresulta sa pagkokomento at paninisi ng mga walang pananampalataya. Ganap itong ipinagbabawal. Maaaring sabihin ng ilan, “Kung ganap itong ipinagbabawal, ibig sabihin ba niyan na ito ay isang atas administratibo?” Maaaring sabihin ito nang ganito; sinumang magsiwalat ng impormasyon ay magpapasan ng mga kaukulang kahihinatnan. Bakit kakailanganin nilang pasanin ang mga kahihinatnan? Dahil iyong mga nagsisiwalat ng mga panloob na usapin ng iglesia ay hindi nagpoprotekta sa iglesia o sa mga kapatid, at madali nilang maipagkakanulo ang iglesia at ang mga kapatid. Dahil kumikilos sila bilang mga taksil at mga Hudas, hindi na sila dapat pakitaan ng kaluwagan o ituring bilang mga kapatid o pamilya. Dapat silang tanggalin bilang mga taksil at mga Hudas at dapat direktang paalisin sa iglesia. Sinasabi ng ilang tao, “Dati ay may masama akong ugali ng pagiging madaldal, mahilig akong magsalita nang walang-ingat. Ngayon na nakita ko na ang kahihinatnan ng gayong mga pagkilos, hindi na ako nangangahas na magsalita nang walang-ingat.” Mabuti. Dahil sinabi mo ito, oobserbahan ang iyong pag-uugali. Kung tunay kang nagbago at nagbalik-loob, hindi na walang-ingat na nagpapasa ng impormasyon o nagkakanulo sa mga interes ng mga kapatid, at kayang kontrolin ang dila mo, bibigyan ka ng isa pang pagkakataon ng sambahayan ng Diyos. Kung muling matutuklasan na ginawa mo ito, na ikaw ang nagkalat ng ilang impormasyon, hindi ka pakikitaan ng anumang kaluwagan—magkakaisa ang mga kapatid sa iglesia para paalisin ka. Kapag nangyari iyon, huwag kang umiyak o magreklamo na hindi ka binalaan nang maaga. Ngayong naipaliwanag na ang mga bagay-bagay nang malinaw, kung mangyari ulit ito, ang sambahayan ng Diyos ay ganap na hindi magiging maluwag. Naunawaan ba? (Naunawaan.) Kung makita ninyo ang sinuman na hindi nakaunawa, ipaliwanag ninyo ito sa kanila; bigyan sila ng mga paalala gamit ang mga napagbahaginan natin ngayon. Kung mapansin ninyo ang sinuman na nagpapakita ng mga palatandaan ng ganitong pag-uugali o sinumang kumilos nang ganito dati, makipag-usap kayo sa kanila, bigyan sila ng babala, at ipaalam sa kanila ang kalikasan at mga kahihinatnan ng gayong mga pagkilos, pati na ang saloobin ng sambahayan ng Diyos sa mga usapin at taong ito. Pagkatapos mabigyang-linaw ang mga bagay-bagay, obserbahan sila para makita kung kaya nilang magsisi at kung ano ang gagawin nila sa hinaharap. Kung magbabago sila at hindi na muling kikilos sa gayong paraan, maaari silang tanggapin muli at tratuhin bilang mga kapatid. Pero kung mananatili silang matigas ang ulo na hindi nagsisisi at patuloy na palihim na kumikilos nang ganito, paalisin ninyo sila kapag nakakita kayo ng gayong tao. Kung makakita kayo ng dalawa, paalisin silang dalawa; kung makakita kayo ng isang grupo, paalisin ang buong grupo. Huwag kayong magpakita ng anumang kaluwagan. Tinatanong ng ilang tao, “Maaari ko bang kausapin ang mga kapamilya ko na dating nanampalataya pero napaalis kinalaunan?” Tila nahihirapan iyong mga mahilig dumaldal at magtsismis na kontrolin ang sarili nila, palaging matigas ang ulo na nagtatanong kung pinahihintulutan iyon. Ano sa palagay ninyo, pinahihintulutan ba ito? (Hindi.) Hindi pinahihintulutan na magsalita sa sinuman, dahil madali itong humantong sa mga kahihinatnan. Ang gayong mga tao ay dapat tanggalin bilang mga Hudas. Iyong mga walang pananampalataya, iyong mga pinaalis, iyong malalapit sa iyo, iyong mga mapagkakatiwalaan, iyong mga sumusuporta sa pananampalataya mo sa Diyos, iyong may mga paborableng impresyon sa pananampalataya sa Diyos, at iyong mga nananampalataya sa Diyos sa pangalan lang, na namumuhay lang ng buhay iglesia at nagbabasa ng kaunting salita ng Diyos pero hindi talaga ginagawa ang kanilang tungkulin, ay hindi dapat kausapin—kung gagawin ito ng isang tao, tatanggalin siya bilang Hudas. Naunawaan ba? (Naunawaan.) Sino pa ang kabilang sa mga hindi gumagawa ng mga tungkulin nila? Kasama ba ang mga karaniwang miyembro ng iglesia? (Oo.) Huwag kalimutan ang usaping ito; huwag maging hangal. Dapat ninyong arukin nang maayos ang mga prinsipyo. Huwag kayong magpatuloy sa pananampalataya para lang mauwi sa pagiging Hudas at pagkakanulo sa sambahayan ng Diyos, ipinagkakanulo ang mga kapatid nang hindi man lang ito namamalayan, at ipinagmamalaki pa nga ito. Ang hindi magawang makontrol ang sariling dila at ipinagkakanulo pa nga ang gawain ng iglesia at ang mga kapatid ay isang mabigat na pagsalangsang. Itinatala ng Diyos ang sinumang gumagawa ng gayong kasamaan. Ngayong malinaw na itong naipaliwanag sa iyo, at naunawaan mo na ito, kung gagawin mo ito ulit, hindi na ito simpleng pagsalangsang; isa na itong paglabag sa atas administratibo, na ginagawa kang puntirya sa pagpapaalis, at mapagkakaitan ka ng karapatan sa kaligtasan. Naunawaan mo ba? (Naunawaan.)
Disyembre 11, 2021