Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (24) Ikaapat na Seksiyon
B. Pagkahilig na Manamantala
Ang ikalawang uri ng mga tao ay ang mga mahilig manamantala. Tiyak na may mga kuru-kuro ang ilang tao pagdating sa pagbabahaginan tungkol sa pagkahilig na manamantala, iniisip na, “Sino bang tiwaling tao ang hindi mahilig manamantala? Kalikasan ito ng tao; hangga’t hindi ito paggawa ng kasamaan, ano ba ang napakalubha sa kaunting pananamantala?” Ang pagkahilig na manamantala na pinagbabahaginan natin dito ay higit pa sa saklaw ng pagkahilig ng normal na tao na manamantala—umaabot ito sa punto ng kasamaan. Malamang na marami-rami ang ganitong uri ng tao sa iglesia, o kahit papaano ay isang bahagi man lang. Sa pagkukunwari na “lahat tayo ay magkakapatid,” nananamantala sila kung saan-saan, nananamantala sa mga kapatid, sa sambahayan ng Diyos, at sa iglesia. Ano ang mga ginagawa nilang pananamantala? Halimbawa, kung kinakailangang bumili ng bahay ng pamilya nila subalit wala silang sapat na pera, hindi sila lumalapit sa mga kamag-anak o kaibigan para manghiram ng pera, ni pumupunta sa bangko para mangutang; nangungutang sila sa mga kapatid, nang hindi binabanggit ang interes o kung kailan nila babayaran ang utang—inuutang lang nila ito. Ang sabihing “inuutang” nila ito ay pagsasabi nito nang maganda; ang katunayan ay kinukuha lang nila ito, dahil wala naman silang balak na ibalik ang pera o magbayad ng interes. Bakit nila pinupuntirya ang mga kapatid? Iniisip nila na dahil lahat sila ay mga kapatid, dapat silang tumulong sa oras ng pangangailangan, at kung may sinumang hindi tutulong ay hindi siya isang kapatid. Kaya, lumalapit sila sa mga kapatid para mangutang ng pera, nagdadahilan para maiparamdam sa mga kapatid na tama at wasto lang na magpautang sa kanila ng pera. Nakikita ng iba pang tao na nagmamay-ari ng kotse ang pamilya ng isang kapatid at lagi nila itong iniisip, palaging hinihiram ito kada ilang araw. Hinihiram nila ito subalit hindi ito isinasauli, at hindi ito nilalagyan muli ng gasolina, at minsan pa nga ay nayuyupi o nababangga nila ang kotse. Nagnanasa at nagpapakana sila matapos ang anumang masarap na pagkain, kapaki-pakinabang na bagay, o anumang bagay na makita nila na may halaga sa bahay ng iba, pinag-iimbutan ito para sa sarili nila. Kaninumang bahay sila magpunta, nagniningning sa kasakiman ng magnanakaw ang mga mata nila habang naghahanap at tumitingin sila kung saan-saan, naghahanap ng anumang bentaheng maaari nilang makamit o anumang bagay na maaari nilang makuha—hindi nila palalagpasin maging ang isang maliit na halaman sa paso. Kapag lumalabas o kumakain kasama ang iba, hindi sila kailanman nag-aalok na magbayad para sa transportasyon o pagkain. Tuwing may nakikita silang isang magandang bagay ay gusto nilang bilhin ito, subalit kapag oras na para magbayad, pinasasalo nila sa iba ang bayarin at pagkatapos ay hindi man lang nila binabanggit ang usapin ng pagbabayad sa mga ito; gusto lang nilang manamantala, kahit para makakuha lang ng barya-barya. Kung gusto mong magkaroon ng magagandang bagay, ikaw mismo ang dapat magbayad para sa mga ito; kung ayaw mong magbayad gamit ang sarili mong pera, huwag ka ring maghangad na manamantala ng iba, at huwag kang maging masyadong gahaman; dapat mayroon kang kaunting integridad para makuha mo ang paggalang ng ibang tao. Subalit walang integridad ang ganitong uri ng indibidwal, gusto lang na manamantala, at mas lalo silang sumasaya habang mas nakakapanamantala sila. Ang paglitaw ba ng gayong mga tao sa iglesia ay isang kahihiyan o isang kaluwalhatian? (Isang kahihiyan.) Isa itong kahihiyan. Masasabi ba ninyong kinakailangan ang pananamantala nila nang ganito? Dahil ba ito sa hindi nila kayang bumili ng pagkain o sa hindi nila kayang tustusan ang pagkain ng kanilang pamilya? Hinding-hindi. Ang totoo, may sapat silang pera para gastusin at sapat na pagkain para kainin; sadyang napakatindi lang ng kasakiman nila, hanggang sa puntong tinatanggalan na sila nito ng kanilang integridad, at hanggang sa puntong nag-uudyok na ito ng pagkamuhi at pagkasuklam sa iba. Mabuti ba ang gayong tao? (Hindi.) May ilang tao na palaging naghahangad na manamantala kapag gumagawa ng mga tungkulin nila, nakararamdam ng pagkaagrabyado kapag nadedehado sila kahit kaunti, at nakararamdam ng pangangailangang magsalita tungkol dito. Kapag itinalaga sila sa isang gampanin, palagi nilang binabanggit ang paksa ng pera: “Ang pamasahe para sa isang biyahe ay magiging ganito-at-ganyan, ang tutuluyan ay magkakahalaga ng ganito-at-ganyan, ang pagkain ay magkakahalaga ng ganito-at-ganyan, at iba pa.” Sinasabihan silang, “Huwag kang mag-alala sa pera, ang iglesia ang magbibigay nito.” Subalit pagkatapos matanggap ang pera, pinoproblema nila ito, sinasabing: “Hindi ito sapat. Ano ang magagawa ko roon gamit lang ang 200 yuan? May kasabihan, ‘Magtipid sa bahay subalit magdala ng maraming pera kapag naglalakbay.’ Kailangan kong magdala ng karagdagan pang reserbang pera; kung hindi ko iyon magagamit lahat, ibabalik ko ang matitira sa iglesia.” Pagbalik nila, wala silang binabanggit na anuman tungkol sa kung may natira pa bang pera, ni hindi nila iniuulat ang mga nagastos nila. Nangangahas pa nga silang manamantala sa iglesia; mangangahas ba silang lustayin ang mga handog sa Diyos? (Oo.) Anong uri ng mga nilalang sila? Wala silang integridad, gayundin ng konsensiya at katwiran. Sasang-ayunan ba ng Diyos ang gayong mga tao? May iba pa ngang pumupunta sa mga lugar ng pagtitipon o mga lokasyong nagpapatuloy sa bahay para maligo, maghugas ng buhok, at maglaba, gamit ang washing machine, water heater, shampoo, sabong panlaba ng iglesia, at iba pa; sinasamantala nila maging ang mga kagamitang ito, ginagamit ang mga pag-aari ng iglesia para makatipid sa sarili nilang mga gamit. Iniisip nila na dahil nananampalataya sila sa Diyos ay bahagi sila ng sambahayan ng Diyos, kaya anumang bagay na pagmamay-ari ng sambahayan ng Diyos ay malaya nilang magagamit, iniisip na sayang naman kung hindi ito gagamitin, o kung hindi ito kukunin, o kung hindi ito pakikinabangan; at kahit pa masira nila ito, wala silang balak na magbayad. Pagdating sa sarili nilang mga pag-aari, alam nilang tipirin ang paggamit ng mga ito at metikulosong pag-ingatan ang mga ito, subalit ginagamit nila ang mga kagamitan at aytem ng sambahayan ng Diyos paano man nila gustuhin, nang hindi nagbabayad kapag nasira nila ang mga ito. Mabubuting tao ba ang mga ito? Tiyak na hindi sila mabuti. Lalo na sa ilang pagkakataon kung saan kinakailangan ng iglesia na bumili ng ilang gamit, aktibo silang nagboboluntaryo, handang-handang asikasuhin ang gayong mga gampanin. Bakit sila masyadong masigasig? Naniniwala silang may pakinabang na makakamit, at mga kalamangan na makukuha; pagkatapos bilhin ang mga gamit, ibinubulsa nila ang anumang natitirang pera. Gusto nilang samantalahin ang anumang makakaya nila, iniisip na magiging sayang lang kung hindi nila ito gagawin; ito ang lohikang sinusunod nila. Kung hindi sila makakapanamantala, isinusumpa nila ang mga kapatid at isinusumpa ang sambahayan ng Diyos—isinusumpa nila ang lahat; sadyang sila ay masasamang demonyo, mababahong pulubi, mga ganap na manlilimos, iniaabot ang mangkok nila kung saan-saan para makapanlamang ng mga benepisyo at makapanamantala. Sinasabi ng mga tao na, “Palagi kang nanghihingi ng mga bagay-bagay; hindi ba’t isa ka lang mabahong pulubi?” Sumasagot sila, “Ayos lang, tawagin na ninyo ako ng kahit ano—kuripot, maramot, mabahong pulubi, manlilimos, dukha—ayos lang hangga’t makakalamang ako.” May anumang integridad ba ang mga ganitong tao? (Wala.) Hindi ba’t nagdudulot ng isang antas ng kaguluhan sa mga kapatid ang gayong mga tao? Lalo na sa mga pamilyang namumuhay sa mahihirap na sitwasyon, na kapos sa pananalapi, hindi ba’t nagdudulot sila ng isang antas ng kaguluhan at pinsala? (Oo.) Maaari ba nilang negatibong maapektuhan iyong mga mura pa ang tayog at labis na marupok? (Oo.) Nasusuklam ang mga tao makita pa lang sila; naiirita ang lahat ng nakakakita sa kanila, subalit masyadong nahihiya ang mga ito na tumanggi, kaya’t pumapayag ang mga ito na hayagang makikilan nila. Alam ng lahat na may masamang pagkatao at mababang karakter sila, subalit, kung isasaalang-alang na silang lahat ay mga kapatid, at dahil nakikitang minsan ay nakagagawa sila ng ilang tungkulin, na may kaunti silang pananampalataya, at paminsan-minsan ay medyo nagsisikap sila sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa bahay nila—para sa kapakanan ng mga bagay na ito, ang karamihan ng mga tao ay nagbulag-bulagan sa pag-uugali nila ng pananamantala saanman sila magpunta, at hindi ito sineseryoso. Gayumpaman, ang mga panggugulong idinudulot nila sa loob ng iglesia ay palala nang palala, sapat na para magdulot ng pagkabalisa sa karamihan ng mga tao; hindi ba’t problema ito? (Oo.) Ang mga indibidwal na ito, kahit pa hindi sila mga asong ulol na nangangagat ng mga tao kung saan-saan at maaaring makapatay sa pagkagat ng mga ito, ay parang nakakainis na mga langaw na hindi pinagpapahinga ang mga tao sa pangungulit ng mga ito. Kung hindi sila paaalisin, magdudulot sila ng walang katapusang kaguluhan. Ang pananatili nila sa iglesia ay patuloy na hahantong sa kapahamakan, na pagkakaitan ng kapayapaan ang mga tao. Pagkatapos magulo, nakararamdam ng matinding pagkainis ang mga tao, madalas na nagkikimkim ng pagtutol sa gayong mga indibidwal; subalit dahil walang solusyon, tinitiis na lang nila ito nang paulit-ulit. Anong uri ng mga indibidwal sila? Mayroon pa ngang gayong mga kasuklam-suklam na tampalasan sa mga tao; bakit ba nananampalataya pa sa Diyos ang gayong mga indibidwal? Sadyang hindi sila karapat-dapat na mabuhay! Nananamantala sila ng anumang makakayanan nila—sobrang kahiya-hiya! Tamasahin mo na lang ang pinakamaraming materyal na bagay na kaya mong tamasahin; kung wala kang kapabilidad, huwag kang magtamasa, o manglustay ng pagmamay-ari ng iba. Kung mananamantala ka sa isang maliit at di-makabuluhang paraan dahil may iba na mapagkawanggawa na nag-aalok ng isang bagay nang libre paminsan-minsan, o dahil mayroon kang partikular na pagkahilig sa isang bagay, o nahulog ang loob mo sa isang bagay, mapapatawad iyon ng lahat. Ayon nga sa isang kasabihan, “Nililimitahan ng kahirapan ang ambisyon”; hindi iyon isang malaking problema. Subalit kung palagi kang naghahangad ng mga kalamangan tulad nito, hanggang sa punto ng pagiging walang-hiya at walang pakundangan tungkol dito, at pagiging isang mabahong pulubi, o pagiging isang asong ulol o langaw sa paningin ng lahat, dapat kang kaagad na paalisin. Ang ganitong uri ng mga tao ay dapat ganap nang pangasiwaan para matuldukan na ang lahat ng isyung ito.
Para sa mga taong mahilig manamantala sa iba, hanggang saan ninyo sila kayang tiisin? Kung talagang hindi na ninyo sila kayang tiisin, at pakiramdam ninyo ay parang nakalunok kayo ng patay na langaw pagkatapos nila kayong masamantala—kung saan karamihan sa inyo ay hindi na makontrol ang galit at palaging nagrereklamo tungkol sa kanila kapag kayo ay magkakasama—sa puntong ito, hindi ba’t dapat ay napaalis na sila? (Oo.) Kapag hindi na ito matitiis pa, kapag umabot na ito sa sukdulan, dapat magtulungan ang lahat para paalisin sila. Ito ay pagtatanggal sa isang salot mula sa sambahayan ng Diyos, isa itong bagay na labis na nakapagpapalugod sa mga tao. Ang gayong tao ay isa lang mababang-uring tao, na nagdudulot ng kaguluhan sa karamihan ng mga tao. Maituturing ito na isang malubhang insidente na gumugulo at gumagambala sa buhay iglesia, pinupuwersa ang mga tao na magsama-sama para pagbahaginan at lutasin ang problema kaugnay sa taong ito. Makatarungan ang pagsasagawang ito, sapagkat ang kaguluhang dulot ng masamang tao na ito ay nakapinsala na sa ilang tao. Para mapigilan ang masamang tao sa patuloy na paggawa ng kasamaan, para mapanatili ang normal na kaayusan ng buhay iglesia, at para mapigilan ang hinirang na mga tao ng Diyos na mas lalong mapinsala, ang masamang tao ay dapat kaagad na mapangasiwaan at alisin. Kung maaari nilang iulat ang iglesia matapos silang paalisin, dapat matalinong maiparating sa kanila na: “Hindi ka pinaaalis o pinatatalsik. Umuwi ka para bumukod at magnilay sa iyong sarili. Kapag nakapagnilay ka na nang mabuti, magsulat ka ng liham ng pagsisisi, at pagkatapos ay maaari ka naming muling tanggapin sa iglesia. Sa ngayon, sikapin mo munang kumita ng mas maraming pera at magsaya sa buhay; bukod pa rito, pag-isipan mo ang usapin ng pananampalataya sa Diyos. Sa ganitong paraan, hindi mo mapababayaan ang parehong aspekto.” Ano ang tingin ninyo rito? (Mabuti.) Hindi natin sasabihing pinaaalis o pinatatalsik siya; iyon nga lang, mula sa araw na ito ay hindi na mananatili ang taong ito sa iglesia. Paano kung pangangasiwaan ito sa ganitong paraan? (Mabuti ito.) Mahusay ito! Walang pangangailangan para sa mga argumento o pagsasaayos ng mga atraso, isang simple at malinaw na solusyon lang, hayaan silang bumalik sa mundo para magtrabaho, kumita ng pera, at mamuhay ng sarili nilang buhay. Bilang pagbubuod, hindi naman ganoon kabuti ang pagkatao ng mahihilig manamantala ng iba. Bagama’t hindi masasabing masama ito, ang karakter nila ng pagkahilig na manamantala ay ginagawa silang lubhang nakaiinis at kasuklam-suklam. Sinasamantala nila ang bawat posibleng pagkakataon! Kahit pa hindi gumagawa ng mga ilegal o kriminal na gawain ang gayong mga tao, ang pangmatagalang panggagambala at panggugulong idinudulot ng mga kilos at pag-uugali nila sa buhay iglesia—ang mga kinahihinatnang ito—ay mas malala pa kaysa sa anumang masamang gawa; sapat na ang mga ito para ilarawan sila bilang mga hindi mananampalataya o bilang masasamang tao na paaalisin sa iglesia. Ang paggawa nito ay ganap na titigil sa mga panggugulo sa iglesia at sa panliligalig ng mga hindi mananampalataya sa mga kapatid.
Pinagbahaginan natin kanina ang tungkol sa isang espesyal na paraan ng pangangasiwa sa mahihilig manamantala, isang pamamaraan na binuo batay sa mga espesyal na sitwasyon ng pang-uusig sa mainland. Sa mga iglesia sa ibang bansa, ayos lang na direkta silang paalisin. Gayumpaman, anumang uri ng mga tao ang puntirya ng isang paraan ng pangangasiwa, kinakailangang tiyakin na ito ay parehong may prinsipyo at matalino. Ang iglesia ay may mga atas administratibo at alituntunin, na pawang naglalayong protektahan ang normal na buhay iglesia para sa mga kapatid at ang normal na kaayusan sa paggawa ng mga tungkulin. Kung may sinumang gumugulo sa buhay iglesia o sa paggampan ng tungkulin ng mga kapatid, hindi ito pinahihintulutan; ang taong iyon ay itataboy ng Diyos. Tiyak na ang anumang panliligalig o panghihimasok sa pang-araw-araw na buhay ng mga kapatid ay hindi pinahihintulutan. Ito ay isang isyu na responsabilidad ng mga lider at manggagawa na lutasin. Maaaring may mga indibidwal na kamag-anak, kaibigan, o kakilala ng mga kapatid, na habang nagkukunwaring sila ay “mga kapatid,” ay naghahangad na akitin at ilihis ang mga kapatid, hinahadlangan silang gawin ang kanilang mga tungkulin. Ang mga lider at manggagawa, o ang mga kapatid, ay may obligasyon at responsabilidad na pangasiwaan ang gayong mga indibidwal. Ang pag-uugali at mga pagkilos nila ay humahadlang sa paggawa ng iba ng mga tungkulin nito at pagsunod sa Diyos, at nagdudulot din ng mga kaguluhan sa gawain ng iglesia, kaya dapat na manguna ang mga lider at manggagawa para lutasin ang sitwasyon at magpatupad ng mga paghihigpit. Siyempre, may mga naaangkop tayong pamamaraan sa pagharap at pangangasiwa sa gayong mga indibidwal. Hindi na kinakailangang manakit o manermon; kailangan lang nating gawing malinaw sa kanila ang diwa ng problema nila, at ang mga akusasyon at paratang laban sa kanila ng karamihan ng hinirang na mga tao ng Diyos, at sa huli ay sabihin sa kanilang: “Ang pagpapaalis sa iyo ay isang desisyon na ginawa at sinang-ayunan ng karamihan. Sumasang-ayon ka man o hindi, may awtoridad ang iglesia na gawin ang desisyong ito at pangasiwaan ka nang naaayon. Dapat kang sumunod.” Sa gayon ay nalulutas ang isyung ito, at ang gayong pangangasiwa ay ganap na may prinsipyo. Para sa mga taong mahilig manamantala, dapat silang tratuhin at pangasiwaan nang ayon sa mga prinsipyo. Kung gusto nilang manghiram ng isang bagay para samantalahin ka, maaari mo itong ipahiram sa kanila kung gusto mo, o maaari kang tumanggi kung ayaw mo; nasa sa iyo ang desisyon. Ang pagpapahiram sa kanila ay isang kabutihang-loob; ang pagtanggi ay karapatan mo. Kung sasabihin nilang, “Hindi ba’t magkakapatid tayong lahat? Napakakuripot mo naman, ni ayaw mong magpahiram ng isang bagay!” maaari kang sumagot ng: “Pag-aari ko ito, at may karapatan akong hindi ito ipahiram. Ito ay naaayon sa mga prinsipyo. Huwag mo akong pilitin gamit ang ‘magkakapatid tayong lahat’; ang sinasabi mo ay hindi ang katotohanan. Maliban na lang kung sabihin ng Diyos na, ‘Kailangang ipahiram mo ito sa kanila,’ saka ko lang ito ipahihiram sa iyo.” Walang sinuman ang may karapatang mangikil o manghiram ng personal na pag-aari sa ngalan ng iglesia o sa ideya na “Lahat tayo ay mananampalataya at lahat magkakapatid.” Ito ba ang katotohanan? (Oo.) Ito ang katotohanan. Tanging sa pagsunod sa katotohanang ito maaaring matiyak ang pagiging patas para sa lahat, at makapagtatamasa ang lahat ng kanilang mga tunay na karapatan. Subalit kung ginagamit ng isang tao ang mga palusot na “ang mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos,” “ang mga pangangailangan ng gawain ng iglesia,” o “ang mga pangangailangan ng mga kapatid” para mangikil o manghiram ng mga personal na gamit, naaayon ba ito sa katotohanan? (Hindi ito naaayon.) May karapatan ka bang tanggihan ang mga kahilingang hindi naaayon sa katotohanan? (Oo.) At kung may isang taong tatawag sa iyo na kuripot o maramot dahil sa pagtanggi mo, matatakot ka ba? (Hindi.) Kung palalakihin masyado ng isang tao ang usaping ito, sasabihing hindi mo sinusuportahan ang gawain ng iglesia o na wala kang pagmamahal sa mga kapatid, na nagdudulot na tanggihan at ibukod ka ng mga kapatid, matatakot ka ba? Magpapaubaya ka. Sa sandaling iyon, maiisip mong, “Ano ba ang malaking usapin sa pagpapahiram ng sasakyan? Ayos lang kung hiramin ito ng iglesia, ng sambahayan ng Diyos, o ng mga kapatid. Mas mabuting huwag mapasama ang loob ng mga kapatid. Hindi nakakatakot na mapasama ang loob ng isang tao, subalit kung sasama ang loob ng lahat ng kapatid, at manlalamig ang puso nila sa akin, iiwan akong nakabukod, ano ang gagawin ko?” Dahil nananampalataya ka sa Diyos, ano ang dapat ikatakot? Ang pagbubukod nila sa iyo ay hindi nangangahulugang nagtataglay sila ng katotohanan o na naaayon ang mga kilos nila sa katotohanan. Ang katotohanan ay palaging ang katotohanan. Ito ang katotohanan, sinasang-ayunan man ito ng iilan o ng nakararami. Kung wala ang katotohanan, kahit pa magpasakop ang iilan sa nakararami, hindi ito ang katotohanan. Ito ay isang katunayan na hindi maipagkakaila ninuman. Kung nagtataglay ba ang isang tao ng katotohanang realidad ay hindi nakabatay sa kung gaano siya kaaya-aya magsalita, kundi sa kung kaya ba niyang isagawa ang katotohanan at kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo. Halimbawa, bumili ka ng isang bagong kompyuter para sa pagsasagawa ng iyong tungkulin, at may isang tao na nais itong hiramin, sinasabing ito ay para sa gawain ng iglesia. Tumanggi kang ipahiram ito sa kanya, at sinabi niyang: “Wala kang pagmamahal, hindi mo mahal ang Diyos, hindi ka nagsasakripisyo ng sarili mo. Kahit ang kaunting sakripisyong ito ay hindi mo magawa.” Tama ba ang mga salitang ito? Naaayon ba ang mga ito sa katotohanan? (Hindi.) Dapat kang sumagot ng: “Ang kompyuter na ito ay para sa paggawa ng aking tungkulin. Kasalukuyan kong ginagawa ang aking tungkulin, kaya hindi puwedeng mawalay sa akin ang kompyuter ko. Kung hihiramin mo ang kompyuter ko, hindi ba’t maaapektuhan niyon ang pagganap ko ng aking tungkulin? Aayon ba iyon sa katotohanan? Para saan mo ba mismo kailangan ang kompyuter? Sinasabi mong para ito sa gawain ng iglesia; kung ganoon ang kaso, kailangan mong humanap ng isang taong makapagpapatunay nito. Bukod pa roon, kahit pa para iyon sa gawain ng iglesia, hindi ka dapat manghiram sa akin. Ano ang gagamitin ko sa paggawa ng aking tungkulin kung kukunin mo ang kompyuter ko? Napakamakasarili mo! Huwag mong gawing dahilan ang mga pangangailangan ng gawain ng iglesia bilang palusot para manamantala, hindi ako maloloko niyan. Huwag mong isipin na ako ay isang taong magulo ang isip at walang pagkilatis; hinahangad mong manamantala, subalit hindi iyon mangyayari!” Kailangang magsalita nang ganito sa gayong mga tao, para maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas. Madali bang lutasin ang isyung ito? Sa sandaling maunawaan mo ang katotohanan at kumilos ka nang naaayon sa mga prinsipyo, hindi mo kailangang matakot sa sasabihin ninuman. Huwag mong pansinin ang maling bansag nila sa iyo; hinding-hindi makakukumbinsi ng sinuman ang katiting na doktrinang iyon na binibigkas nila. Sa gayon, ang mga pagpapamalas ng pagkatao ng mga taong mahihilig manamantala at ang mga prinsipyo sa pangangasiwa sa kanila ay simple nang napagbahaginan.
Pagdating naman sa mga tao sa iglesia na mahilig manamantala, sa isang banda, kailangan silang mas tumpak at mas praktikal na kilatisin ng mga tao, at sa isa pang banda, kailangang maunawaan ng mga tao ang katotohanan; dapat maging malinaw sa puso nila ang dapat nilang maging paninindigan sa pananampalataya sa Diyos, ang gawaing dapat nilang gawin, ang mga prinsipyo na dapat nilang itaguyod, at ang saloobin na dapat mayroon sila sa mga tao, pangyayari, at bagay. Huwag sumunod sa karamihan, o matakot na mapasama ang loob ng mga tao, at lalo nang huwag isuko ang mga prinsipyo at paninindigang dapat mayroon ka para mapalugod ang ilang indibidwal, na hahantong sa pagpapasaya sa mga tao subalit makasasakit sa puso ng Diyos, na magdudulot na kasuklaman ka ng Diyos. Kung isa itong pagkilos na naaayon sa mga prinsipyo, kahit na ang paggawa nito ay nagpapasama sa loob ng mga tao o nagsasanhi na makastigo ka habang ikaw ay nakatalikod, hindi iyon masyadong mahalaga; subalit kung isa itong pagkilos na hindi naaayon sa mga prinsipyo, kahit pa sa paggawa nito ay nagkakamit ka ng pagsang-ayon at suporta ng lahat, at nakakasundo mo ang lahat—pero ang isang bagay ay hindi mo ito mapangangatwiranan sa harap ng Diyos—ikaw ay nawalan. Kung pinapanatili mo ang magandang ugnayan sa karamihan, pinapasaya at pinapalugod sila at nakakatanggap ka ng kanilang papuri, pero sinasalungat mo ang Diyos, ang Lumikha, kung gayon ay isa kang dakilang hangal. Kaya, anuman ang gawin mo, dapat malinaw mong maunawaan kung ito ba ay naaayon sa mga prinsipyo, kung ito ba ay nakalulugod sa Diyos, kung ano ang saloobin ng Diyos dito, kung ano dapat ang maging paninindigan ng mga tao, kung anong mga prinsipyo ang dapat itaguyod ng mga tao, kung paano nagtagubilin ang Diyos, at kung paano mo ito dapat gawin—dapat malinaw muna sa iyo ang tungkol dito. Ang iyong mga ugnayan sa iba at ang iyong mga materyal na pakikipagpalitan at transaksiyon sa iba—binuo ba ang mga ito sa pundasyon ng pag-ayon sa mga prinsipyo? Binuo ba ang mga ito sa pundasyon ng pagpapalugod sa Diyos? Kung hindi, ang lahat ng ginagawa mo, gaano kahusay man ang pagpapanatili mo rito, gaano kaperpekto mo mang ginagawa ito, o gaano karaming papuri man ang natatanggap mo mula sa iba, hindi ito tatandaan ng Diyos. Kaya, ang mga prinsipyo ng iyong mga ugnayan at pakikisalamuha sa kahit kanino ay hindi dapat na may kinalaman sa kung nananamantala ba sila sa iyo o kung nananamantala ka ba sa kanila—hindi dapat binuo ang mga ito sa ganitong pundasyon. Sa halip, ang mga prinsipyong ito ay dapat na may kinalaman sa kung ang ginagawa ninyo ay naaayon ba sa mga katotohanang prinsipyo. Sa ganitong paraan lang ito maituturing na “ayon sa ating pananampalataya sa Diyos”; sa gayon mo lang masasabing, “Lahat tayo ay mananampalataya, lahat tayo ay magkakapatid”; sa gayon mo lang magagamit ito bilang isang saligan. Maliban sa mga bagay na may kaugnayan sa buhay pagpasok, tungkulin, at gawain ng iglesia, ang iba pang anumang ugnayan ay hindi dapat nakabatay sa saligan na “mga kapatid.” Kung wala itong kinalaman sa tungkulin, buhay pagpasok, o normal na pakikipag-ugnayan ng mga tao, subalit palaging ginagamit na palusot ng isang tao ang “mga kapatid” para makamit ang isang partikular na layon, walang dudang hinahangad niya na magamit ang gayong mga pahayag, pamamaraan, at nakalalamang na kondisyon bilang dahilan para manamantala at magpakana para sa mga pansarili niyang kapakinabangan. Dapat maging mapagmatyag ang hinirang na mga tao ng Diyos laban dito, at tugunan ang gayong mga isyu nang may karunungan para maiwasang maloko. Ito ay dahil karamihan ng mga tao sa iglesia ay hindi nakauunawa sa katotohanan, at ang ilan pa nga ay mga hindi mananampalataya, kumikilos nang walang prinsipyo at gumagawa ng mga pabaya at masasamang gawa. Ang paggawa nila ng mga bagay-bagay sa pagkukunwaring “mga kapatid” ang pinakamadaling nakaiimpluwensiya at nakagugulo sa gawain ng iglesia. Ano ang layon sa pagsasabi ng lahat ng ito ngayon? Ito ay para linawin na sa komunikasyon o pakikisalamuha man sa iba, ang pundasyon ay dapat na nakabatay sa mga katotohanang prinsipyo. Pinipigilan nito ang mga di-wastong pakikitungo sa pagitan ng mga tao; siyempre, pinipigilan din nito ang mga mahilig manamantala na makahanap ng mga butas na masasamantala, at kasabay nito ay pinipigilan iyong mga taong labis na nag-aalala sa kanilang dangal o na may mahinang pagkatao na palaging masamantala ng iba, palaging nadadaya, at palaging magdusa ng mga kawalan. May ilang tao—sa kabila ng hayagang mahirap na kalagayan ng sarili nilang pamilya—ay nauuwi sa “pagtatapang-tapangan” kahit mapinsala pa sila, ipinauutang ang pinaghirapan nilang kitaing pera dahil inuutang ito ng isang taong mahilig manamantala, sinasabing pinili niya ang mga taong ito dahil mataas ang pagtingin niya sa kanila. Ano ang nangyayari pagkatapos maipahiram ang pera? Naglalaho ang nanghiram. Pagkatapos, nagrereklamo ang nagpautang tungkol sa Diyos dahil sa hindi pagprotekta sa kanila. Pagkakaroon ba ito ng katwiran? Inakala mo ba na ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugang hindi mo na kailangang mag-isip kapag gumagawa ng isang bagay, na ang Diyos ang mag-aasikaso ng lahat? Hindi ba’t ginagawa ka niyong inutil? Hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat, marunong, at na kumilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi mo ba ito nauunawaan? Kung hindi ka kikilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyong ito, nararapat sa iyo na palaging magdusa ng mga kawalan at madaya. Sa huli, kapag wala ka nang matatakasan sa iyong buhay, sino ang puwede mong sisihin? Ikaw mismo ang nagdulot nito sa sarili mo. Ang iyong mga pagkilos ay hindi dahil sa pagmamahal; kahangalan ang mga iyon! Nagpahiram ka ng pera sa isang manggagantso para mapalugod siya, subalit kapag ikaw ang may kailangan ng pera, mahihingi mo ba ito mula sa sambahayan ng Diyos? Dapat bang akuin ng sambahayan ng Diyos ang responsabilidad na ito para sa iyo? Sa pag-asa na babayaran ng sambahayan ng Diyos ang gastusing ito, hindi ba’t nagkakautang ka sa Diyos? Kung walang daan palabas sa buhay, paano mo magagawa ang iyong tungkulin? Kung magdarasal ka sa Diyos, maaaring hindi ka Niya palugurin; magiging isang kaso ito ng pag-ani ng iyong itinanim, at nararapat lang ito. Sino ba ang nagsabi sa iyo na maging sobrang hangal! Sinabi ba sa iyo ng Diyos na magtiwala sa taong iyon? Sinabi ba Niya sa iyo na pautangin mo iyon ng pera? Hindi Niya ito sinabi; ito ay personal mong pagkilos, hindi kinakatawan ang layunin ng Diyos. Kung ang iyong mga personal na pagkilos ay mali at nagdudulot ng masasamang kahihinatnan, ikaw lang ang maaaring umako ng responsabilidad. Bakit mo ipapasa ang responsabilidad sa sambahayan ng Diyos o pananagutin ang Diyos para sa iyo? Bakit ka magrereklamo tungkol sa Diyos sa hindi pagprotekta sa iyo? Nasa hustong gulang ka na; bakit wala ka pa rin ng tamang panghusga na inaasahan mula sa isang taong nasa hustong gulang na? Magpapautang ka ba ng pera mo sa kahit kanino na humihingi sa lipunan? Kakailanganin mo itong pag-isipan, hindi ba? Bakit ka magpapautang ng pera sa isang tao dahil lang binanggit niya ang titulo ng “mga kapatid” sa kanyang kahilingan? Hindi ba’t ipinapakita nito na ikaw ay hangal? Hindi ka lang hangal, mangmang ka pa; napakamangmang! Akala mo ba na lahat ng kapatid ay tunay na nananampalataya sa Diyos, at na lahat sila ay nakauunawa sa katotohanan? Hindi bababa sa sangkatlo sa kanila ang hindi nagmamahal sa katotohanan, at mga hindi mananampalataya. Hindi mo ba ito makilatis? Akala mo ba na lahat ng kapatid ay layon ng pagliligtas ng Diyos, tunay na pag-aari ng Diyos? Hindi mo ba alam na “Marami ang tinawag, datapuwa’t kakaunti ang nahirang”? Sino ang kinakatawan ng mga kapatid? Kinakatawan nila ang tiwaling sangkatauhan! Kung magtitiwala ka sa kanila, hindi ba’t mangmang ka? Anuman ang masasamang kahihinatnan ng iyong mga personal na pagkilos, huwag mong hanapin ang sambahayan ng Diyos o ang mga kapatid; walang sinumang makatutulong sa iyo, ni walang obligasyon ang sinuman na umako ng responsabilidad para sa iyo. Ikaw ang nagdulot ng paghihirap na ito, ikaw ang magdusa nito; nasa iyo ang pananagutan. Gayundin, huwag mong dalhin ang mga usaping ito sa buhay iglesia para pagbahaginan o talakayin; walang gustong makinig dito, at walang obligasyon ang iba na asikasuhin ang magugulo mong usapin. Kung may isang tao na gusto talagang tumulong sa iyo, maaari ninyong lutasin ito nang pribado. Nauunawaan mo ba?
Ang pagbabahaginan tungkol sa mga usaping ito ay nagsisilbing paalala sa mga tao, nagpapalawak ng kanilang kaalaman, at nagbababala sa kanila, nililinaw na sa mga nananampalataya sa Diyos, may iba’t ibang uri ng mga tao. May isang mahalagang punto na dapat ninyong tandaan, na ilang beses Ko nang nabanggit dati: Ang mga nananampalataya sa Diyos ay pinili mula sa tiwaling sangkatauhan. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ipinahihiwatig nito na bawat indibidwal ay ginawa nang tiwali ni Satanas, ang lahat ay may mga tiwaling disposisyon at kayang gumawa ng kasamaan sa iba’t ibang antas, at, sa tamang konteksto, ay makagagawa ng mga bagay na lumalaban sa Diyos. Ang pangbabaluktot sa mga katunayan at kasinungalingan, at ang pagkahilig na manamantala, na kakatapos lang nating pagbahaginan, ay ginagawa ng mga mananampalataya; walang kaugnayan sa atin ang mga walang pananampalataya, kaya hindi natin sila babanggitin dito. Ang mga pagpapamalas na ito ng pagkatao na pinagbahaginan na natin ay mismong ang mga pagpapamalas ng mga nananampalataya sa Diyos. Kaya, huwag ninyong ituring ang titulong “mga kapatid” bilang isang bagay na dakila, marangal, o banal at hindi nalalabag. Kung gagawin mo iyon, kamangmangan mo na iyon. Hindi kailanman sinabi ng Diyos na, “Mahalaga ang mga kapatid. Sa sandaling maging mga kapatid sila, sila ay nagiging banal, nagiging mga katapatang-loob sila ng Diyos, ganap na mapagkakatiwalaan; ganap mo silang mapagkakatiwalaan, at anuman ang sinasabi o ginagawa nila ay ang katotohanan.” Hindi ito kailanman nangyari; ang mga ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon mo. Kung hanggang ngayon ay hindi mo pa nakikita ang aktuwal na kahulugan sa likod ng titulong “mga kapatid,” mangmang ka nga talaga; walang kabuluhan ang iyong pakikinig ng mga sermon nitong mga nakalipas na taon. Hindi mo pa nga nalalaman kung anong uri ka ng tao, subalit sobra ka nang nagtitiwala sa iba, itinuturing sila—ang mga kapatid—bilang banal at dakila, paulit-ulit na nagsasalita sa kung paanong “ayaw ito ng mga kapatid,” “nagagalit ang mga kapatid,” “nagdurusa ang mga kapatid,” “ganito at ganyan ang mga kapatid,” nagsasalita tungkol sa mga kapatid nang may gayong pagkagiliw. Nakita mo na ba kahit saan sa mga salita ng Diyos na sinasabing ang mga kapatid ay napakamarangal at napakabanal, at labis na mapagkakatiwalaan? Wala ni isang pangungusap, tama? Kung gayon, bakit ganoon ang magiging tingin mo sa kanila? Ipinapakita niyon na isa kang tunay na hangal. Samakatwid, gaano man kalaki ang pagkadehado o kawalan ang pinagdurusahan mo mula sa mga kapatid, ganap na sarili mo iyong kasalanan. Sa huli, ituring mo ang mga kawalan at pagkadehadong naranasan mo bilang matrikula. Isa itong leksiyon na dapat mong matutunan. Dapat ninyong palaging tandaan: Ang mga kapatid ay hindi kumakatawan sa katotohanan, lalong hindi sila kumakatawan sa Diyos; hindi sila katumbas ng malalapit sa Diyos, mga saksi ng Diyos, o mga minamahal na anak ng Diyos. Sino ba ang mga kapatid? Sila ay mga tiwaling tao, tulad mo rin; may mga kuru-kuro sila tungkol sa Diyos, hindi nila minamahal ang katotohanan, tutol sila sa katotohanan, mayroon silang mapagmataas na disposisyon, mayroon silang malulupit at buktot na mga disposisyon, may kakayahan silang itakda ang sarili nila bilang mga kaaway ng Diyos sa bawat aspekto, ginagawa ang mga tungkulin nila nang pabasta-basta, at nananamantala pa nga ng ibang mga kapatid gamit ang pagpapanggap na nananampalataya sa Diyos. Ano ang layon sa pagsasabi ng lahat ng ito? Hindi ito para maghasik ng sigalot sa pagitan mo at ng mga kapatid, kundi para tulungan kang makita nang malinaw ang tunay na kulay ng lahat ng tao, tratuhin nang tama ang titulong “mga kapatid,” tratuhin nang tama ang mga tao sa paligid mo, at bumuo ng mga tamang ugnayan sa lahat ng tao. Huwag mong subukang magtatag o magpanatili ng mabuting relasyon sa iba sa pamamagitan ng mga personal na pabor, materyal na palitan, pambobola, pagpapasiklab, pagpaparaya, o iba pang mga gayong pamamaraan, na may layong maisama ang iyong sarili sa mga kapatid. Hindi ito kinakailangan, at ang lahat ng ginagawa mo sa aspektong ito ay nakaririmarim at kasuklam-suklam sa Diyos. Ano, kung gayon, ang pinakamainam na paraan ng pamumuhay, ang pinakamainam na saloobin at prinsipyo sa pamumuhay na dapat taglayin ng mga tao? Ito ay ang salita ng Diyos. Ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos? Sinasabi ng mga ito na magtatag ng mga tama at normal na relasyon sa ibang tao. Paano itinatatag ang mga relasyong ito? Makipag-ugnayan, makipag-usap, at makisalamuha sa iba batay sa mga salita ng Diyos. Halimbawa, kung may isang tao na lilipat at nagtatanong siya kung may oras ka bang tumulong, kung gusto mo, maaari kang tumulong; kung ayaw mo naman dahil natatakot kang maaapektuhan nito ang iyong tungkulin, maaari kang tumanggi. Ito ay iyong karapatan at, siyempre, ang prinsipyo rin na dapat mong sundin. Hindi mo kailangang magparaya, nag-aalangan at naguguluhan ang isip na sumasang-ayon sa takot na mapasama mo ang loob niya o magambala ang pagkakaisa ng mga kapatid, at pagkatapos ay nakararamdam ng pag-ayaw sa puso mo, na negatibong nakaaapekto sa pagganap mo ng iyong mga tungkulin. Alam na alam mo na ang paggawa niyon ay salungat sa mga prinsipyo, subalit hinahayaan mo pa rin na kikilan ka ng iba at utus-utusan ka na parang isang alipin alang-alang sa pagpapalugod sa kanila at pagpapanatili ng magandang relasyon. Ang pagpapalugod mo sa ibang tao ay hindi isang mabuting gawa, at hindi ito tatandaan ng Diyos. Ang ginagawa mo ay para lang mapanatili ang mga ugnayan sa ibang tao; hindi ito pagkilos para sa kapakanan ng gawain ng iglesia o para gawin ang iyong tungkulin, lalong hindi mo ito responsabilidad o obligasyon. Hindi kailanman tatandaan ng Diyos ang gayong mga pagkilos, at kahit pa gawin mo ang mga ito, mawawalan ng kabuluhan ang iyong paggawa. Kaya, kapag nahaharap sa gayong mga usapin, hindi ba’t dapat na seryoso at maingat mong isaalang-alang kung paano pipili? May mga tao na hinihingan ng tulong, subalit talagang lubos silang ginagawang abala ng mga tungkulin nila, at nakapagsingit lang sila ng oras para dumalo sa isang pagtitipon o gumawa ng kaunting espirituwal na debosyon. Malinaw na hindi nila gustong pumunta, at ayon sa mga prinsipyo, hindi rin sila dapat pumunta. Subalit, dahil labis silang nag-aalala tungkol sa kanilang dangal, hindi nila magawang humindi. Sa huli, ano ang nangyayari? Pinahihintulutan nila ang mabababa at mapagsamantalang mga indibidwal na iyon na samantalahin sila, sinasayang ang oras na dapat sana ay inilaan sa kanilang buhay pagpasok. Hindi ba’t isang kawalan iyon? Karapat-dapat lang ang kawalang iyon! Ang pagdurusa ng gayong kawalan ay hindi talaga karapat-dapat sa simpatiya o awa mula sa iba. Bakit sinasabing karapat-dapat na kawalan ito? Sino ba ang nag-udyok sa iyo na balewalain ang mga salita ng Diyos? Sino ang nagtulak sa iyo na matakot na mapasama ang loob ng mga tao? Kung mas pinipili mo na huwag mapasama ang loob ng mga tao kaysa pakinggan ang mga salita ng Diyos, nararapat lang sa iyo ang kawalang ito! May ilang nagsasabing, “Hindi nabubuhay ang mga tao nang hiwalay sa iba; may mga pakikipag-ugnayan dapat sa pagitan ng mga tao.” Ang mahalaga ay kung paano ka makipag-ugnayan. Alin ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, naaayon sa mga layunin ng Diyos, at higit na kapaki-pakinabang sa iyong buhay pagpasok: ang mga pakikipag-ugnayang batay sa mga prinsipyo, o mga pakikipag-ugnayang walang prinsipyo, pagiging mapagpalugod ng mga tao na sinusubok na ayusin ang lahat? Alam mo kung alin ang dapat piliin, hindi ba? Kung alam mo kung paano pipili subalit patuloy ka pa ring nasasadlak sa putik, ikaw lang ang magpapasan sa pinakahuling kahihinatnan. Hindi ba’t malinaw iyon? (Oo.)
Marami pa ring pagpapamalas ng pagkatao ng masasamang tao, at ang pagbabahaginan ngayon ay limitado, nakatuon lang sa mga aspekto ng pagkahilig na mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan at pagkahilig na manamantala sa iba. Pagkatapos marinig ang tungkol sa dalawang aspektong ito ay saka lang nagsisimulang magkaroon ng kaunting pakiramdam at pagkilatis ang karamihan ng mga tao, sinasabing, “Ganito pala ang masamang pagkatao!” Subalit talagang umiiral nga ang gayong mga tao sa iglesia, kaya ano ang dapat gawin? Hindi malaking isyu ang kanilang presensiya, dahil may mga prinsipyo at regulasyon ang iglesia; makapagpapatupad ito ng mga naaangkop na hakbang para pangasiwaan ang gayong mga indibidwal. Ang layon ng pagbabahaginan ngayon sa mga usaping ito ay para bigyang-kakayahan ang karamihan ng mga tao na magkaroon ng isang malinaw na pagkaunawa at pagkilatis sa dalawang uring ito ng masasamang tao, at pagkatapos ay magtulungan para mapaalis ang mga ito.
Nobyembre 20, 2021