Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (24) Ikalawang Seksiyon
Ano ba dapat ang saloobin natin sa pagkamapanlaban at pagsubaybay ng mga satanikong rehimen? Dapat ba natin itong tanggihan at iwasan, o balewalain na lang? Una, pag-isipan ninyo ito: Natatakot ba ang iglesia sa pagsubaybay nila sa alinmang gawain nito? (Hindi.) Mayroon ba tayong anumang lihim na gawain? Gumagawa ba tayo ng anumang pahayag na kontra-estado o kontra-pamahalaan? (Hindi.) Maaari itong makumpirma. Hindi kailanman kasama sa pananampalataya sa Diyos ang pakikilahok sa politika. Karamihan sa inyo ay mahigit tatlong taon nang nananampalataya sa Diyos, ang ilan pa nga ay dalawampu o tatlumpung taon na. Sa lahat ng mga taong ito ng pakikinig sa mga sermon, may sinuman bang nakakita kahit kailan na gumawa ang iglesia ng mga pahayag na kontra-estado at kontra-lipunan? (Wala.) Wala ni katiting; hindi kailanman tinatalakay ng sambahayan ng Diyos ang politika. Bukod dito, ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay itinatag ng Diyos, patikim ito ng kaharian ng Diyos sa lupa, hindi isang organisasyong itinatag ng sinumang tao, hindi itinatag ng sinumang indibidwal. Kung gayon, ano ang gawain na itinatag ng Diyos para gawin ng iglesia? Hindi ito para makisali sa gawaing kontra-lipunan, kontra-relihiyon, o kontra-politika. Ano, kung gayon, ang gawain ng iglesia? Una, ang pangunahing gawain nito ay ang ipalaganap ang mabuting balita ng pagkakatawang-tao ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan sa mga huling araw, ang pahintulutan ang sangkatauhan na tanggapin ang lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos para bumaling sila sa Diyos at sumamba sa Kanya. Pangalawa, kinapapalooban ito ng pagdadala sa mga taong nananabik sa katotohanan sa harapan ng Diyos para matanggap nila ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at mapadalisay sila, at sa huli ay makamit nila ang kaligtasan. Ito ang gawaing isinasagawa ng iglesia ayon sa itinatag ng Diyos, at ito ang kabuluhan at kahalagahan ng pag-iral ng iglesia. Ang gawaing ito ay walang kaugnayan at hindi konektado sa politika, negosyo, industriya, teknolohiya, o anumang iba pang sektor ng lipunan; ito ay ganap na walang kaugnayan sa mga bagay na ito. Ano, kung gayon, ang diwa ng gawain ng pagliligtas ng Diyos sa loob ng iglesia? Sa pinakasimple at pinakamatalas na pananalita, ito ay ang pamamahala sa sangkatauhan. Ang partikular na nilalaman ng pamamahala sa sangkatauhan ay kinapapalooban ng pagdadala sa mga tao sa harapan ng Diyos, sa realidad ng mga salita ng Diyos, pagbibigay-daan sa kanila na matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos para madalisay sila at makamit nila ang kaligtasan. Ito ang partikular na gawain ng pamamahala sa sangkatauhan. Anumang gawain na ginagawa ng iglesia ay may kaugnayan sa pamamahala ng Diyos, sa plano ng Diyos, at siyempre, ay kinapapalooban ng mga salitang ipinahayag ng Diyos; wala itong anumang kaugnayan sa iba’t ibang trabahong isinasagawa ng mga makamundong tao. Kaya, ang anumang impormasyon tungkol sa iglesia, may kinalaman man ito sa mga katuruan nito, sa mga tauhan nito, sa mga administratibong estruktura nito, sa kalagayan ng gawain nito, o maging sa pinansyal na sitwasyon ng iglesia, ay ganap na walang kaugnayan sa anumang bansa, lipunan, lahi, relihiyon, o anumang grupo ng tao—walang kahit kaunting koneksiyon. Samakatwid, kung isasaalang-alang ang mga puntong ito, maging ito man ay ang naghaharing partido, mga grupong relihiyoso, o mga panlipunang grupo, ang pagkilos nila na magpadala ng mga tao para subaybayan ang iglesia ay ganap na maituturing bilang ano? (Isang di-kinakailangang pagkilos.) Ang “isang di-kinakailangang pagkilos” ay isang pormal na pagpapahayag. Ano ang karaniwang kasabihan? Ito ay ang wala lang magawa, tama? Sa Aking pananaw, ito mismo iyon; ang mga araw nila ay puno ng sobrang kaginhawahan at kaalwanan, kaya’t ipinadadala nila ang ilang walang-magawang indibidwal na ito para subaybayan ang iglesia, itinuturing pa nga itong isang pampolitikang gampanin, isang seryosong trabaho—napakakakatwa nito! Gamit ang pagsisikap na iyon, higit na mas mabuting magbukas na lang ng mga institusyong pang-edukasyon o pangkawanggawa. Isa lang itong kaso ng sobrang kaginhawahan ng laman na nauuwi sa katamaran, hindi pagtuon sa mga wastong gampanin! Kung ang buong sangkatauhan ay katulad ng iglesia ng Diyos, na personal na pinapastol at pinangungunahan ng Diyos, ang mundong ito, ang sangkatauhang ito ay makatitipid nang malaki sa mga di-kinakailangang institusyon, gastusin, at suliranin. Kahit papaano man lang, ang mga ahensya tulad ng mga organisasyon sa pang-eespiya at mga kagawaran ng pulisya, ang mga sektor na ito ng seguridad, ay mawawalan ng silbi at kakailanganing buwagin at italaga sa ibang gawain.
Ang mga indibidwal na itinalaga para sumubaybay sa iglesia ay may misyon. Ang pangunahing gampanin nila pagkapasok sa iglesia ay ang iilang aspektong ito na pinagbahaginan na natin; pagkatapos nilang maarok ang ilang pangunahin at mahalagang sitwasyon sa loob ng iglesia, nag-uulat sila sa kanilang mga nakatataas. Anuman ang kanilang mga kaisipan, opinyon, o pakay sa gawain nila, ang presensiya ng mga tagasubaybay na ito sa loob ng iglesia ay dapat na magtulak sa mga kapatid na maging alerto at pangasiwaan ang mga ito nang may karunungan. Tama ba ang pamamaraang ito? (Oo.) Kung gayon, may anuman bang pangangailangan para sa labis na pagkaalarma? (Wala.) Paano natin dapat harapin ang pagsulpot ng gayong mga indibidwal? May dalawang prinsipyo, at napakasimple nito. Kung nag-iikot sila para magtanong at maghanap ng impormasyon, malinaw na ipinakikita nito na sila ay espiya o tiktik. Ang gayong mga indibidwal ay may napakasama at napakamapangahas na pagkatao; nagdudulot sila ng malalaking kaguluhan sa iglesia. Ang kanilang presensiya pa lang ay nagdudulot na ng kaligaligan sa mga tao, pinipigilan ang mga ito na magpunta sa harapan ng Diyos. Ang mga pagtitipon at ang pagganap ng mga tungkulin ay nagugulo at naaapektuhan din, at nakokompromiso ang seguridad. Paano dapat pangasiwaan ang gayong tao? (Paalisin sila sa iglesia.) Tama; kung nagdudulot sila ng mga kaguluhan sa buhay iglesia o sa gawain ng iglesia, dapat silang direktang alisin. Kung gayon, may anumang pangangailangan ba na magtago sa kanila o matakot sa kanila? (Wala.) Kapag nakatagpo ng mga espiya sa ibang bansa, may ilang tao na natataranta at nagtatago kung saan-saan, na para bang nakakita sila ng mga pulis sa mainland. Kapag may mga kapatid na lumalabas para mag-asikaso ng mga gawain at nakatatagpo sila ng mga espiya na nagtatanong sa kanila, at naririnig nila kung gaano nakatatakot ang tono ng pagtatanong, na para bang isang interogasyon ng pulis, labis silang natatakot kaya tumatakbo sila palayo nang hindi man lang nakokompleto ang mga gawain nila. Sinasabi Ko, “Paanong ganyan ka kadaling magpasindak? Bakit ka tumatakbo? Ano ba ang dapat katakutan? Sa bansa ng malaking pulang dragon, napakaraming kapatid ang nahuli subalit nanatiling hindi takot; hindi sila naging mga Hudas, nanindigan sila sa kanilang patotoo. Kaya bakit pagkatapos na makarating sa ibang bansa ay labis ka pa ring natatakot? Hindi ka naman lumabag sa anumang batas; ano ang dapat katakutan?” Sinasabi ng ilang tao na: “Palagi nilang tinatangkang lumapit sa akin, at palagi nila akong iniinteroga.” Hindi mo ba sila kayang tanungin din? Maaari mong sabihin na, “Anong karapatan mo para interogahin ako? Kilala ba kita? Opisyal ka ba ng malaking pulang dragon na sumisiyasat ng mga ID? Sino ang kinakatawan mo? Kung patuloy mo akong tatanungin, idedemanda kita!” Kailangan bang katakutan sila? (Hindi.) May ilang tao na kapag nahaharap sa gayong mga espiya ay hindi naglalakas-loob na magsalita at kaagad na tumatakas sa takot. May mga taong magugulo ang isip na hindi man lang makakilatis, at sinusubukan pa ngang pangaralan ng ebanghelyo ang mga satanikong espiya at sunod-sunurang ito. Matapos ang ilang pagtatangka, napagtatanto nilang, “Hindi ito isang tao na naniniwalang umiiral ang Diyos. Bakit para siyang opisyal ng malaking pulang dragon?” Dahil pakiramdam nila ay may mali, sumusuko sila. Kalaunan, pinag-iisipan nila ito: “Pinoprotektahan ako ng Diyos; buti na lang at hindi ko naibunyag ang anumang personal na impormasyon sa kanila. Wala naman palang dapat ipag-alala!” Sa sobrang takot nila ay hindi na sila naglalakas-loob na basta na lang mangaral ng ebanghelyo sa sinumang makatagpo nila. Ang totoo, nagkaroon na talaga ng mga espiya na naipasok sa iglesia sa pamamagitan ng pangangaral. Sila ay mga tiktik na ipinasok sa iglesia ng malaking pulang dragon, sinadya silang isaayos ni Satanas. Para silang mga lobong nakasuot ng balat ng tupa, pumapasok sa iglesia nang hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos o nakikipagbahaginan sa katotohanan, palaging naniniktik ng impormasyon tungkol sa iglesia at nakikialam sa mga personal na detalye. Sa sandaling matuklasang kahina-hinala ang kilos nila o na nagdulot na sila ng mga kaguluhan sa loob ng iglesia, dapat kaagad silang alisin—ang mga tiktik ng malaking pulang dragon, ang mga alipin ni Satanas, ay hinding-hindi dapat pahintulutang manggulo sa iglesia. Paalisin ang bawat isang matatagpuan ninyo; huwag silang pakitaan ng anumang awa! Kung may sinumang nakakasundo ang isang espiya, na palaging handang tratuhin ito nang mabuti dahil sa pagmamahal, sinasagot ang anumang tanong, at nagiging parang sunod-sunuran sa espiya, ang gayong salot ay dapat direktang patalsikin! Ang mga kahina-hinalang indibidwal ay dapat mahigpit na bantayan at obserbahan; wala ni isang detalye tungkol sa iglesia ang dapat ipabatid sa kanila, lalong-lalo na ang tungkol sa kung sino ang mga lider at manggagawa. Kapag hinayaang makakuha ng anumang impormasyon ang espiya, maaari itong magdulot ng natatagong banta o kapahamakan sa iglesia at sa mga kapatid anumang oras. Kaya, kapag ang isang tao ay natukoy na kahina-hinala, hangga’t hindi siya kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos kailanman o kaya ay nakikipagbahaginan sa katotohanan, siya ay tiyak na isang hindi mananampalataya, at tama na kaagad siyang paalisin. Kahit pa ang gayong tao ay hindi isang espiya, hindi siya mabuting tao, at ang pagpapaalis sa kanya ay hinding-hindi kawalan ng katarungan. Kung may sinumang matutuklasang malapit na nakikipag-ugnayan sa isang espiya at may kakayahang ipagkanulo ang iglesia, dapat siyang paalisin kaagad sa anumang sitwasyon. Ang gayong salot at tampalasan ay makapagdadala lang ng kapahamakan sa iglesia at sa mga kapatid. Mas masahol pa siya kaysa sa mga bantay na aso; kahit pa hindi siya gumagawa ng masasamang gawa, dapat pa rin siyang paalisin. Ngayon, ang malaking pulang dragon ay malapit nang gumuho, subalit ayaw pa rin nilang tanggapin ang kanilang pagkatalo at pagkawasak. Patuloy silang nang-aaresto at nang-uusig ng hinirang na mga tao ng Diyos at nagsasagawa ng mga operasyon ng pang-eespiya para pasukin ang sambahayan ng Diyos. Ang panggugulo at pananabotahe nila sa gawain ng iglesia ay hindi kailanman tumigil. Ngayon, nailantad na ang ilang malinaw na kahina-hinalang indibidwal. Ang mga pagtatangka nilang mangalap ng impormasyon ay nagdulot ng kaguluhan, kaya’t naging madali para sa iba na makilatis sila. Kapag nalantad na nila ang sarili nila, kaagad silang papaalisin ng iglesia. Subalit nalantad na ba ang lahat ng tusong espiya? Hinding-hindi. Posibleng mapasok ang mga iglesia kahit saan ng mga ahente ng malaking pulang dragon. Ang ilang indibidwal, matapos mahuli ng malaking pulang dragon, ay pinipilit sa pamamagitan ng mga pagbabanta, tukso, at iba’t iba pang paraan ni Satanas na kumilos para dito at pagkatapos ay pasukin ang iglesia. Ang mga ito ang mga natatagong espiya. Ang gayong mga tiktik ay taksil at mapanlinlang, may katusuhan at katalinuhan. Sa mga salita ng mga walang pananampalataya, may kaunti silang kapabilidad. Kapag sinusubaybayan ang iglesia, ginagawa nila ito nang hindi halata, tahimik at palihim silang kumikilos, hindi kailanman ibinubunyag ang mga tunay nilang intensyon sa kanilang mga pakikipag-ugnayan. Karamihan ng tao ay walang nararamdamang anuman kapag nakikipag-ugnayan sa kanila; hindi alam ng mga ito na ang espiya ay nangangalap ng impormasyon, hindi rin nararamdaman ng mga ito ang pagkasuklam ng espiya sa pananampalataya sa Diyos. Maaaring naarok na ng espiya ang batayang sitwasyon ng iglesia bago pa man mapagtanto ng karamihan na naroroon sila para subaybayan ang iglesia. Sa panlabas, ang gayong mga indibidwal ay hindi nagdudulot ng anumang kaguluhan sa iglesia o sa karamihan ng tao, kaya paano sila dapat pangasiwaan? Dapat ba tayong magpatupad ng mga hakbang o solusyon para tugunan ang kanilang pagsubaybay sa iglesia? Tulad ng nabanggit kanina, kinatatakutan ba ng iglesia ang pagsubaybay nila sa anumang aspekto? (Hindi.) Ang pag-iral ng ating iglesia at ng iba’t ibang aytem ng gawain na isinasagawa nito ay bukas at matapat; ang mga aytem na ito ng gawain ang pinakamakatarungan sa lahat ng layunin ng sangkatauhan. Kung gustong maunawaan ng anumang organisasyon ang anumang aspekto ng iglesia, ang mga patotoong batay sa karanasan ng iglesia ay pampublikong ipinalalabas online—maaaring panoorin ito ng lahat hangga’t gusto nila. Walang mga lihim, walang mga ilegal na gawain, at lalong walang mga panggugulo sa kaayusang panlipunan o salungat na pananalita o mga pagkilos. Kaya, kung lihim nilang iimbestigahan at susubaybayan ang sitwasyon ng iglesia, hayaan lang sila. Bakit Ko ito sinasabi? Ang mga indibidwal na ito na nagtatrabaho bilang mga ahente ay nagtataglay ng isang partikular na pamantayang propesyonal, at hindi kayang tukuyin ng mga ordinaryong tao kung ano ba mismo ang mga gampaning ginagawa nila kapag walang nakakakita. Kaya, hangga’t hindi sila nagdudulot ng mga kaguluhan, walang dahilan para mag-abala sa kanila; hayaan lang sila. Bukod pa rito, ang mga hindi mananampalataya, mga ateista, at mga indibidwal na ito na kasangkot sa politika ay hindi sanay at hindi interesado sa buhay iglesia. Sa iglesia, kung saan araw-araw, ang mga tao ay nagbabasa ng mga salita ng Diyos, tumatanggap ng paghatol at pagkastigo, at tinatalakay ang pagkilala sa sarili, pagkilala sa Diyos, at ang pagbabago ng disposisyon, paano sila hindi makararamdam ng pagkabalisa o na para bang dumaranas sila ng pagdurusa? Sa bawat pagtitipon, kasing-aligaga sila ng mga langgam na nasa mainit na kawali; ayaw nilang pilitin ang sarili nilang manatili sa iglesia. Nauunawaan nila sa kanilang puso na ang iglesia ay isang iglesia lang, at hinding-hindi isang organisasyong nakikisangkot sa politika. Sa pagsubaybay at pag-alam tungkol sa iglesia, at pagiging mulat sa kung ano talaga ang ginagawa nito, natututunan nila ang katunayang ang Diyos ang naghahari nang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at sa kapalaran ng sangkatauhan, na pinalalawak ang kanilang pananaw para hindi sila mamuhay nang napakamangmang. Sila rin ay mga nilikha, subalit ni hindi nila alam na ang tao ay nilikha ng Diyos, na nagpapakita kung gaano sila kahangal at kawalang halaga! Mayroon bang anumang panganib sa pagpapahintulot sa kanilang manatili sa iglesia? Kung hindi sila banta o nanggugulo sa iglesia o sa mga kapatid, hayaan na lang sila. Sa sandaling gumawa sila ng isang bagay na nagdudulot ng kaguluhan, iyon na ang sandali nila ng pagkakalantad, at iyon na ang tamang oras para pangasiwaan sila. Batay sa mga katunayan at ebidensya, kaagad silang kilatisin at tukuyin—matatapos ang kanilang misyon, at natural na patatalsikin sila ng iglesia. Mabuti ba ang pamamaraang ito? (Oo.) May mga tao na nagtatanong, “Hindi ba’t ang gawain ng iglesia ay bukas at matapat? Bakit pipigilan ang pagsubaybay ng mga tao?” Ito ay pangunahing nakatuon sa rehimen ng malaking pulang dragon, kay Satanas. Ang pagsubaybay nito sa iglesia ay para sa pakay na supilin, arestuhin, at pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos; samakatwid, hindi pinahihintulutan ng sambahayan ng Diyos ang pagsubaybay nito para maprotektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa pag-uusig at pagpatay. Kung may mga indibidwal mula sa mga demokratikong bansa o mga relihiyosong grupo na dumating para mag-imbestiga tungkol sa tunay na daan, maaari nilang saliksikin ito online o kontakin ang iglesia. Tinatanggap ng iglesia ang sinumang taos-pusong naghahanap sa katotohanan. Subalit kung ang kabilang partido ay nagkikimkim ng masasamang intensyon at naghahangad na baluktutin ang tama at mali at siraan ang iglesia, paano mapahihintulutan ng sambahayan ng Diyos ang kanilang pagsubaybay? Hindi ba’t magiging malaking kahangalan kung pahihintulutan ang pagsubaybay nila? Hindi ba’t magiging kahangalan at kamangmangan ito? (Oo.) Palaging pinapapasok ng sambahayan ng Diyos iyong mga naghahanap sa katotohanan at malugod silang tinatanggap, na ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi ito nauunawaan ng mga tao, ito ay dahil sa kanilang kahangalan at kamangmangan. Ang panlabas na polisiya ng iglesia ay bukas at matapat, ganap na umaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at puno ng katalinuhan at karunungan. Kung may isang taong hindi kayang maarok ang mga positibong bagay na ito, siya ay isang kakatwang tao, isang taong magulo ang isip. May mga tao na nagsasabing, “Kung pumupunta ang mga tiktik o mga alipin ni Satanas para mag-alam tungkol sa iglesia, dapat ba tayong maging matatapat na tao at sagutin ang mga tanong nila nang totoo?” Ang pagsasabi ng katotohanan sa mga diyablo at Satanas ay kahangalan; hindi nito ginagawang matapat ang isang tao, kundi ginagawa siyang isang sunod-sunuran ni Satanas. Kapag nais ng mga kauri ni Satanas na malaman at maarok ang mga sitwasyon ng iglesia, walang responsabilidad ang hinirang na mga tao ng Diyos na sabihin ito sa kanila. Hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan at wala silang mabuting kalooban, kaya wala tayong sasabihin sa kanila! Ang paggawa nito ay hindi pagiging mainitin ang ulo, kundi pagiging marunong. May ilang taong nagtatanong, “Kung tatanungin nila ako, ‘Sino ang namumuno sa inyong iglesia? Ilang taon na siyang nananampalataya?’ maaari ko bang sabihin sa kanila?” Dapat mo silang tanungin, “Ano ang pakay mo sa pag-alam tungkol sa aming lider? Sabihin mo muna sa akin, pag-iisipan ko ito at saka ko pagdedesisyunan kung ipapaalam ko ba sa iyo o hindi.” May karunungan ba sa sagot na ito? (Oo.) Ito ay tinatawag na pagkilos ayon sa mga prinsipyo. Nauunawaan mo ba? Habang ang gawain ng ebanghelyo ay lumalaganap at ang bilang ng mga tao sa iglesia ay unti-unting dumarami, maaaring lumitaw ang mga tiktik at mga ahente sa mga iglesia sa iba’t ibang bansa at rehiyon paminsan-minsan. Para sa gayong mga indibidwal, sapat na ang simpleng pag-abiso sa hinirang na mga tao ng Diyos na pangasiwaan sila nang may karunungan. Kung matutuklasang nagdudulot sila ng kaguluhan o paggambala, dapat silang kaagad na paalisin. Karamihan ng tao ay dapat may kaunting pang-unawa at pagkilatis sa paraan ng pananalita at pagkilos ng mga ahenteng ito, o sa ugali ng mga ito, at tiyak na magkakaroon sila ng kamalayan o pakiramdam kapag nakikipag-ugnayan sa mga ito. Kung iilang kapatid lang sa isang iglesia ang nakapapansin ng gayong mga indibidwal subalit hindi sila sigurado kung espiya o tiktik ba ang mga ito, dapat tratuhin ang mga ito nang maingat at may karunungan. Kung karamihan ng tao ang nakapansin, maaari nilang ipaalam sa isa’t isa at maaari silang magpatupad ng mga hakbang sa pag-iingat. Kung ang mga pinaghihinalaang espiya ay hindi nagpapakita ng pagkamagiliw sa iglesia o sa mga kapatid, palaging nagtatangkang bitagin ang mga kapatid at guluhin ang iglesia, at palaging naghahanap ng ebidensya para siraan ang iglesia, nagagawa pa ngang kumuha ng mga larawan o recording ng mga kapatid, o gumamit ng tukso at pang-aakit para makakuha ng impormasyong gusto nilang malaman, ang gayong mga indibidwal, kapag natuklasan, ay hindi maaaring hayaang magpatuloy—dapat silang agad na paalisin sa iglesia. Maaaring hindi pa ninyo nararanasan ang mga ganitong sitwasyon, kaya binibigyan Ko kayo ng abiso nang maaga. Tungkol ito sa pagpapalawak ng inyong pang-unawa, tungkol ito sa pagkilala sa sangkatauhan, lipunan, politika, at mundo—sadyang ganoon ito kadilim at ganoon ito kasama.
Pagdating sa ikasiyam na layon ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos—ang subaybayan ang iglesia—dito nagtatapos ang pagbabahaginan tungkol sa pangunahing nilalaman. Malinaw bang napagbahaginan ang lahat? (Oo.) Ano ang mga nilalaman na nilalayong subaybayan niyong mga sumusubaybay sa iglesia? (Ang mga katuruan ng iglesia, mga sitwasyon ng mga tauhan, mga kondisyon sa gawain, at kalagayang pinansyal.) Sa madaling salita, ang apat na aspektong ito ang pinakaikinababahala nila. Ano ang kinapapalooban ng apat na aspektong ito? Kinapapalooban ito ng mga bagay na pinakaikinababahala nila: ang epekto ng presensiya ng iglesia sa lipunan, sa bansa, at sa relihiyosong mundo. Nangangamba rin sila na baka gamitin ng iglesia ang relihiyon bilang balatkayo para makisangkot sa politika at pabagsakin ang pamahalaan, itinuturing ito bilang ang pinakamalaking natatagong panganib. Kaya, sinusupil, inuusig, at ipinagbabawal nila ang iglesia, at inaaresto ang mga miyembro nito. Sa bansa ng malaking pulang dragon, ipinagbabawal ang lahat ng relihiyosong pananampalataya; sa ilang bansa, ipinagbabawal ang ilang pananampalataya, at sa karamihan ng mga bansa, natatakot silang magtaglay ng kapangyarihan ang katotohanan at tanggapin ito ng mga tao, na magiging banta sa kanilang pamumuno. Sa madaling salita, kapag mas gumagawa at nagpapahayag ng katotohanan ang Diyos sa isang lugar, at kapag mas tinataglay ng isang iglesia ang gawain ng Banal na Espiritu, mas malamang na ito ay susubaybayan at titingnan nang may pagkamapanlaban ng iba’t ibang pamahalaan. Kaya, madalas magpadala ang mga gobyerno ng mga ahente na nakabalatkayong mga tao na nag-iimbestiga sa tunay na daan para alamin at arukin ang sitwasyon ng iglesia, para subaybayan ang lahat ng dinamika nito. Bukod dito, sinisikap nilang maarok ang mga kalakaran ng gawain ng iglesia, na makita kung ito ba ay may kinalaman sa politika, kung ito ba ay nakikilahok sa mga pampolitikang gawain habang nagpapanggap na nagsasakatuparan ito ng gawain ng iglesia, o kung ito ba ay may anumang kaugnayan sa mga relihiyosong puwersa sa ibang bansa, at iba pang alalahanin. Ito ang mga bagay na nais nilang maarok at ikinababahala nila. Bukod pa rito, ang kalagayang pinansyal ng iglesia ay isa ring bagay na gusto nilang maarok. Pinagbubulay-bulayan nila: “Dumami na ang mga tao sa iglesiang ito at mabilis ang pag-unlad nito—saan nanggagaling ang pondo nito? Aling mga organisasyon o mayayamang indibidwal ang nagbibigay ng donasyon sa kanila?” Sa madaling salita, wala tayong maiisip na hindi pa nila naisaalang-alang. Bakit? Sapagkat sila ay masama; sila ay masasamang tao. Ang kanilang mga pagtatangkang arukin ang sitwasyon ng iglesia ay bunga ng kanilang matinding pangamba tungkol sa pag-iral ng iglesia, natatakot na maimpluwensiyahan ng iglesia ang mas maraming tao, na maaaring maging banta sa kanilang pamumuno; ito mismo ang ikinababahala nila tungkol sa iglesia. Gaano man kamakatarungan o kalehitimo ang gawain ng iglesia, hindi pa rin sila naniniwala. Bakit? Dahil sila ay mga hindi mananampalataya, mga ateista, at mga materyalista—ito lang ang kayang gawin ng mga materyalista. Ito ang apat na sitwasyong ikinababahala nila. Katatapos lang natin pagbahaginan ang dalawang prinsipyo kaugnay sa tamang paraan ng pangangasiwa sa gayong mga indibidwal pagkatapos nating maunawaan ang mga dahilan at layunin sa likod ng kanilang mga pag-aalala sa apat na sitwasyong ito. Magbigay kayo ng simpleng buod ng mga prinsipyong ito at magsalita tungkol sa mga ito. (Kung nagdudulot sila ng mga kaguluhan sa iglesia, alisin sila; kung hindi sila nagdudulot ng mga kaguluhan, hindi kailangang mag-abala pa sa kanila.) Kung nagdudulot sila ng mga kaguluhan, naniniktik kung saan-saan at nagdudulot ng pagkataranta, alisin sila nang walang awa; kung hindi sila nagdudulot ng mga kaguluhan at karamihan ng tao ay hindi sila napapansin o hindi sila makilatis, huwag silang pansinin. Sa sandaling makita nilang ito ay tunay ngang gawain ng iglesia, pawang mga relihiyosong gawain, at walang anumang kinalaman sa politika, ang pagkumpirma lang sa puntong ito ay magpapaalis na sa kanila nang kusa. Ito ang paraang ginagamit ng mga demokratikong bansa para maunawaan ang mga relihiyosong sitwasyon. Kanina, nabanggit din na ang sangkatauhan ay napakakomplikado. Ano ang dahilan sa pagiging komplikado ng sangkatauhan? Hindi ba’t nagmula ito sa kasamaan ng sangkatauhan? (Oo.) Paano nagsimula ang kasamaan ng sangkatauhan? Bakit sinasabi na ang sangkatauhan ay masama? Ito ay dahil labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Paano ito masasabi sa simpleng salita? Ito ay na ginawa nang mga demonyo ni Satanas ang mga tao; ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng pamumuno ng mga diyablo, na may napakaraming malalaki at maliliit na diyablo, kaya ang mga lugar kung saan nagtitipon ang mga tao ay naging mga lungsod na ng mga demonyo. Kapag maraming demonyo ang sama-samang nagtitipon, nagiging komplikado ito; may kakayahan silang gumawa ng lahat ng uri ng masasamang gawa at magsagawa ng lahat ng uri ng karumal-dumal na gawain. Dahil lahat ng diyablo ay masama, at palaging may mga alitan sa pagitan nila, at hindi sila kailanman magkakatugma sa isa’t isa, ginagawa nitong komplikado ang mga usapin. Kapag nagsasama-sama ang mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos, mas simple ito; handa silang lahat na magbasa ng mga salita ng Diyos at mamuhay ng buhay iglesia, at lahat sila ay nasisiyahang gumawa ng kanilang mga tungkulin at magsagawa ng mga wastong gampanin. Hindi sila nakikilahok sa mga baliko at karumal-dumal na gawain—ang pinakamalala na, baka magpakita sila ng kaunting katiwalian. Tanging ang gayong mga tao ang makapagkakamit ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos. Ang mga diyablo ay hindi kailanman maliligtas sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos dahil hindi mababago ng isang leopardo ang mga batik nito. Kahit manampalataya pa ng ilang dekada o siglo ang mga diyablo, hindi sila magbabago, na isang katunayang nakikita ng lahat. Ngayon, inalis na ng maraming iglesia iyong mga diyablo, at ito ay isang mabuting bagay at ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos. Sa ilang iglesia, kalahati ng mga tao ay mga diyablo, samantalang sa iba, ang minorya ay mga diyablo. Madali bang isagawa ang gawain ng iglesia sa gayong mga iglesia? Tiyak na hindi. Kung aalisin ang mga diyablo, at maiiwan lang ang tiwaling sangkatauhan, magiging mas madaling gawin ang gawain ng iglesia. Ang pinakakahabag-habag na sitwasyon ay kapag ang mga huwad na lider o mga anticristo ang may kapangyarihan sa ilang iglesia, at ang mga diyablo ang nasa posisyon ng pamumuno; talagang nagdurusa ang hinirang na mga tao ng Diyos sa gayong mga iglesia. Sabihin ninyo sa Akin, makapagdadala ba ng kapayapaan at kagalakan sa hinirang na mga tao ng Diyos ang pagkakaroon ng mga huwad na lider o mga anticristo ng kapangyarihan? Ang mga kaisipan at ideya ng mga huwad na lider at mga anticristo ay ganap na masama at salungat sa katotohanan. Kung may sampu o dalawampung buhay na demonyong sumusuporta sa kanila, ang pamumuhay sa gayong iglesia ay katulad ng pamumuhay sa isang lugar kung saan nagtitipon ang mga demonyo, sa isang pugad ng mga demonyong kontrolado ng isang haring diyablo; para itong pamumuhay sa loob ng isang gilingan ng karne, na nagdudulot ng pagkabalisa sa iyong isipan at espiritu. Araw-araw, ang naiisip mo ay mga bagay tulad ng kung kanino makikipaglaban o makikipagtunggali, kung kanino makikipagkaibigan o makikipaglapit, kung kanino iiwas at mag-iingat, at iba pa; ni wala kang kapaligirang may kapayapaan, namumuhay ka na palaging takot at nangangamba, nang wala ni katiting na katahimikan. Hindi ba’t katulad ito ng pamumuhay sa loob ng isang gilingan ng karne? (Oo.) Tinatrato ng masamang lipunang ito, ng masamang sangkatauhang ito, ang lahat ng tao at lahat ng grupo o organisasyon nang magkakapareho, inilalapat ang parehong opinyon at pananaw para sa lahat. Gayundin, nababalisa sila maging sa iglesia, isang institusyon na medyo positibo, hindi ito pinalalampas. Gayumpaman, ang paraan ng pakikitungo natin sa kanila ay may prinsipyo, tama?
Ang ikasiyam na layon ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos—ang pagsubaybay sa iglesia—ay ganap nang napagbahaginan ngayon, at ang lahat ng nilalaman ng unang kategorya ng ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay sa pangkalahatan ay napagbahaginan na rin. Ang buod ng mga layon ng mga hindi mananampalataya at mga ateistang ito sa pananampalataya nila sa Diyos ay pangunahing sumasaklaw sa mga puntong ito. Ang huling layon na pinagbahaginan ay bahagyang naiiba ang nilalaman sa mga nauna. Kapag pumapasok sa iglesia ang mga sumusubaybay sa iglesia, hindi sila naghahangad ng pagkakakitaan, katayuan, o mga kaginhawahan sa buhay at trabaho, kundi may mga pampolitikang layon sila. Anuman ang layon nila, sa sandaling mahalata at makilatis natin sila, dapat tayong kaagad na gumawa ng nararapat na pagkilos, paalisin o patalsikin ang mga indibidwal na ito, at hinding-hindi sila pahintulutang manatiling nakakubli sa iglesia nang matagal. Ito ay isang mahalagang gampanin ng mga lider at manggagawa. Batay sa layon nila sa pananampalataya sa Diyos, kilatisin at tukuyin kung sino ang mga totoong kapatid—ang hinirang na mga tao ng Diyos—at kung sino ang iba’t ibang uri ng masasamang tao na dapat paalisin o patalsikin ng iglesia; agad na tukuyin ang masasamang taong ito at pagkatapos ay kaagad na ipatupad ang isang nararapat na pamamaraan para paalisin o patalsikin sila. Ito ang unang kategorya ng pagkilatis at pagkategorya sa iba’t ibang uri ng masasamang tao: ang layon ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos. Natapos na natin ang pagbabahaginan tungkol dito.