Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (23) Ikaapat na Seksiyon
G. Para Maghanap ng Tagasuporta
Ang ikapitong layon ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos ay para maghanap ng tagasuporta. Nakakita na ba kayo kahit kailan ng gayong mga tao? Medyo espesyal na sitwasyon ito; bagama’t hindi sila marami, tiyak na umiiral sila. Ito ay dahil hindi lang sa Tsina lumitaw ang mga iglesia ng Diyos, kundi pati na rin sa Asya, Europa, Amerika, at iba’t ibang bansa sa Africa, at kaya lilitaw kasama ng mga ito ang mga oportunista at mga hindi mananampalataya. Gaano man kataas ang posibilidad na lumitaw ang mga taong ito, sa anumang kaso, kapag lumitaw na sila, dapat ninyong harapin sila at kilatisin sila, at huwag hayaang makakuha ang mga hindi mananampalatayang ito ng anumang katayuan o lumikha ng mga kaguluhan sa iglesia. Kung akala ninyo na hindi umiiral ang mga problemang ito dahil hindi pa lumitaw ang mga ito o hindi pa ninyo nakatagpo ang mga ito, isa itong kahangalan. Kapag lumitaw ang mga problemang ito, kung wala kang pagkilatis at hindi mo alam kung paano lulutasin ang mga ito, magdadala ang mga ito ng malalaking nakatagong panganib sa iglesia, sa sambahayan ng Diyos, sa mga kapatid, at sa gawain ng iglesia. Kaya, bago pa may mangyaring anuman, kailangan mong malaman kung anong mga isyu ang dapat harapin at kung paano lutasin ang mga ito. Ito ang pinakamabuting paraan; nagsisilbi ito bilang di-nakikitang proteksiyon para sa iyo. Ang mga tao na binanggit sa ikapitong layon sa pananampalataya sa Diyos, iyong mga nananampalataya sa Diyos para maghanap ng tagasuporta, ay hindi lang iilan. Ang lipunang ito ay puno ng kawalang-katarungan, diskriminasyon, at pang-aapi kahit saan. Ang mga tao na namumuhay sa lahat ng antas ng lipunan ay puno ng pagkasuklam at pagkamuhi sa iba’t ibang kawalang-katarungan sa lipunan at puno rin sila ng galit. Gayumpaman, hindi madaling makatakas sa mga kawalang-katarungan ng mundo ng tao maliban kung maglalaho ka mula rito. Hangga’t namumuhay ang isang tao sa mundong ito, hangga’t namumuhay siya kasama ng mga taong ito, siya ay—humigit kumulang, at sa iba’t ibang antas—maaapi at mapapahiya, at maaari pa ngang tugisin at usigin ng ilang makapangyarihang puwersa. Ang iba’t ibang kawalang-katarungan at hindi pagkakapantay-pantay na ito ay nagdulot ng malaking stress sa isipan ng mga tao, nagdadala sa kanila ng matinding sikolohikal na presyur at, siyempre, ng maraming abala sa normal na pamumuhay ng mga tao. Bilang resulta, may ilang tao na hindi maiwasang makabuo ng isang partikular na ideya: “Para maitaguyod ng isang tao ang sarili niya sa lipunan, dapat magkaroon siya ng puwersa sa likod niya na masasandalan. Kapag nahaharap siya sa mga paghihirap at nangangailangan ng tulong, o kapag mag-isa siya at walang magawa, magkakaroon siya ng isang grupo ng mga tao na susuporta sa kanya at gagawa ng mga desisyon, para lutasin ang mga paghihirap at problema na kanyang kinakaharap, o para tiyakin ang mga pangangailangan niya sa buhay.” Samakatwid, nagsusumikap silang maghanap ng gayong suporta. Siyempre, nahahanap ng ilan sa mga taong ito sa kalaunan ang iglesia. Naniniwala sila na ang mga tao sa iglesia ay nagkakaisa sa puso at gumagawa para sa iisang layon, ang bawat isa ay may pananalig, nagtataglay ng mabubuting intensyon at nakikitungo nang mabuti sa iba, umiiwas sa mga tunggaliang panlipunan, at inilalayo ang sarili nila sa masasamang kalakaran ng lipunan. Para sa mga nananampalataya sa Diyos, walang duda na ang iglesia ay isang simbolo ng dakilang katarungan sa lipunang ito at sa mundo; ang mga tao sa iglesia ay mayroon ding positibo, mabuti, at mabait na imahe sa isipan ng mga tao. May ilang pinipili na manampalataya sa Diyos dahil nasa pinakamababang antas sila ng lipunan, walang anumang kapangyarihan sa lipunan at ganap na walang magandang kaligiran ng pamilya. Nahaharap sila sa iba’t ibang paghihirap sa pagkuha ng edukasyon, pakikipagkaibigan, paghahanap ng trabaho, o paggawa ng iba’t ibang bagay, kaya naniniwala sila na para makaraos at maitaguyod ang sarili nila sa lipunan, kailangan nila ng ilang tao na tutulong sa kanila. Halimbawa, kapag naghahanap ng trabaho, kung aasa lang sila sa sarili nila, susuyurin ang bawat oportunidad sa trabaho nang walang tiyak na direksiyon, maaaring halos maubos nila ang kanilang ipon nang hindi naman nakahahanap ng angkop na trabaho. Subalit kung matutulungan sila sa kanilang paghahanap ng ilang maaasahang tao na taos-pusong tumutulong sa kanila, mas kaunti ang kailangan nilang pagdaanang mga suliranin, at mababawasan nang malaki ang oras na gugugulin nila sa paghahanap ng trabaho. Samakatwid, naniniwala sila na kung makahahanap sila ng gayong tagasuporta, pagdating sa lahat ng bagay na kailangan nilang harapin sa lipunan—pagkuha ng edukasyon, paghahanap ng trabaho, maging ang kanilang pang-araw-araw na buhay at pananatiling buhay—magkakaroon sila ng ilang tao na gagamit ng mga koneksiyon para sa kanila at susuporta sa kanila, isang grupo ng masisigasig na tao na tumutulong sa kanila nang hindi nakikita ng iba. Kaya naman, nang natagpuan nila ang iglesia, pakiramdam nila ay nahanap nila ang tamang lugar. Ang iglesia ay nagiging isang napakagandang pagpili para sa kanila para itaguyod ang sarili nila sa lipunan at magkamit ng mapayapang buhay. Halimbawa, kailangan man nilang magpatingin sa doktor, mamili, bumili ng insurance, bumili ng bahay, tumulong sa kanilang mga anak sa pagpili ng mga paaralan, o maging sa pangangasiwa ng anumang usapin, palagi silang makahahanap ng mga mapagmahal na tao sa iglesia na aalalay sa kanila at tutulong sa kanilang lutasin ang mga isyung ito. Sa ganitong paraan, nagiging mas magaan ang kanilang buhay, hindi na sila labis na nag-iisa sa lipunan, at mababawasan nang malaki ang mga paghihirap sa pag-aasikaso ng mga bagay-bagay. Samakatwid, para sa kanila, ang pagpunta sa iglesia para manampalataya sa Diyos ay talagang nagbibigay ng mga kongkretong benepisyo. Kahit kung pupunta sila sa doktor, maghahanap ang mga kapatid ng mga kakilala sa ospital para matulungan sila; magagamit nila ang mga ito para makakuha ng pinakamagagandang presyo sa mga bilihin, at makakabili pa nga sila ng mga bahay sa presyo na pribadong pinagkasunduan. Sa tulong ng mga kapatid sa iglesia, nalutas ang lahat ng problemang ito. Pakiramdam nila, “Napakabuting manampalataya sa diyos! Madali na lahat ngayon ang paghahanap ng trabaho, pag-aasikaso sa mga usapin, at pamimili! Tuwing may kailangan akong isang bagay, kailangan ko lang tumawag o magpadala ng mensahe sa grupo, at ang lahat ay nagsasanib-puwersa para tumulong. Napakaraming mabuting tao sa iglesia; napakadaling mag-asikaso ng mga bagay-bagay! Hindi madaling makahanap ng isang tagasuporta, kaya hindi ko iiwan ang iglesia anuman ang mangyari. Subalit ang mga pagtitipon sa sambahayan ng diyos ay palaging kinapapalooban ng pagbabasa ng mga salita ng diyos at pakikipagbahaginan sa katotohanan, na nagdudulot sa akin na maasiwa at malito. Ayaw kong kumain at uminom ng mga salita ng diyos, at nakararamdam ako ng pagtutol sa tuwing naririnig ko ang pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Subalit kung hindi ako makikinig, hindi iyon uubra—hindi ko sila maaaring iwan. Napakalaki ng itinutulong nila sa akin. Kung tatanggi akong makinig, mahihiya ako, at magiging nakakaasiwa ring sabihin na hindi na ako nananampalataya, kaya kailangan ko lang na sumabay sa agos at magsabi ng magagandang bagay.” Sa puso nila, hindi talaga nila gustong manampalataya, subalit wala silang magawa kundi itago ang damdaming ito. Sinasabi ng ilang tao na, “Nakikita Mo lang sila na palaging humihingi sa mga kapatid na asikasuhin ang mga bagay-bagay, at nagiging napakasaya nila kapag tumutulong ang mga kapatid—makikilatis Mo batay lang dito na ang layon nila sa pananampalataya sa Diyos ay para maghanap ng tagasuporta?” Maliban sa mga pagpapamalas na ito, tingnan mo kung madalas ba silang nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nakikipagbahaginan sa katotohanan, kung maisasakatuparan ba nila ang kanilang tungkulin at may anumang mga tunay na pagbabago; maipaaalam nito sa iyo kung taos-puso ba silang nananampalataya sa Diyos. Iyong mga naghahanap ng tagasuporta ay nananampalataya sa Diyos para lang gamitin ang iglesia at ang mga kapatid para asikasuhin ang mga bagay-bagay para sa kanila at lutasin ang mga paghihirap sa buhay nila. Subalit hindi nila kailanman binabanggit ang paggawa ng tungkulin nila, ni hindi sila kumakain at umiinom o nakikipagbahaginan ng mga salita ng Diyos. Sa sandaling marinig nila ang tungkol sa ilang mahusay na paraan para magawa ang mga bagay-bagay, labis silang nasasabik; nagsisimula silang dumaldal nang walang tigil at ni hindi mapahinto. Subalit pagdating sa paggawa ng tungkulin o pagiging matapat at hindi pagsisinungaling o panloloko sa iba, nananahimik sila. Hindi sila interesado sa mga bagay na ito sa kanilang puso—gaano ka man kaalab magsalita, wala silang tugon at hindi nakikilahok; patuloy pa nga nilang sinusubukang patigilin ka at ilihis ang paksa patungo sa isang bagay na interesado sila. Pinag-iisipan nilang mabuti kung paano mauudyukan ang mga kapatid na gumawa ng mga bagay-bagay para sa kanila at magsikap para sa kanila, ayaw bigyan ang mga kapatid ng pagkakataon na banggitin ang tungkol sa paggawa ng tungkulin o paggugol ng sarili para sa Diyos. Kung may sinumang magmumungkahi na gawin nila ang kanilang mga tungkulin at gugulin ang sarili nila para sa Diyos, mabilis silang nakahahanap ng sarili nilang agarang usapin para ialok bilang kapalit; habang inaasikaso ng mga kapatid ang usaping ito para sa kanila, labag sa loob silang nagsisikap nang kaunti para sa sambahayan ng Diyos, tinutugunan ang kahilingan ng mga kapatid kahit papaano, at kapag naayos na ang kanilang personal na usapin, nanlalamig na sila sa mga kapatid. Para mapanatili ang pakikipag-ugnayan sa iglesia, para hindi mawala ang tagasuportang ito na ang iglesia at ang mga katulong na ito na ang mga kapatid, pinananatili nila ang malapit na pakikipag-ugnayan sa lahat ng kapaki-pakinabang para sa kanila, madalas na may pagmamalasakit na nagtatanong tungkol sa mga ito, nagsasabi ng mga mapagsaalang-alang at hindi sinserong salita para panatilihin ang mga relasyon. Nagsasalita sila tungkol sa kung gaano sila nananampalataya sa pag-iral ng Diyos, kung gaano sila pinagpapala ng Diyos, kung gaano karaming biyaya ang ipinagkakaloob ng Diyos sa kanila, at kung gaano sila kadalas lumuluha, nakararamdam ng pagkakautang sa Diyos at handang suklian ang pagmamahal ng Diyos—ito ay para linlangin ang mga kapatid at makamit ang tulong ng mga ito. Kapag hindi na kapaki-pakinabang gamitin ang isang tao, kaagad nilang bina-block at binubura ang contact information nito. Masigasig silang sumisipsip, pumapabor, at lumalapit sa mga tao na pinakakapaki-pakinabang sa kanila, sa mga tao na pinakasulit na gamitin. Pagdating naman sa mga tao na hindi sulit na gamitin, iyong mga, katulad nila, ay wala ring impluwensiya o katayuan sa lipunan at nasa pinakamababang antas din ng lipunan na walang sinumang maaasahan, ni hindi nila tinitingnan ang mga ito. Eksklusibo silang nakikisalamuha sa mga taong sulit na gamitin at may mga koneksiyon sa lipunan, iyong mga sa tingin nila ay may kakayahan. Maaari lang silang magsikap at magtiis ng paghihirap para sa iglesia kapag may kailangan sila sa iglesia o sa mga kapatid. Sa katunayan, ang mga pagpapamalas ng mga hindi mananampalataya ng gayong mga tao ay halatang-halata. Sa bahay, hindi sila kailanman nagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi kailanman nananalangin sa Diyos kapag walang mga paghihirap, at nakikilahok sa buhay iglesia nang may labis na pag-aalangan. Hindi nila hinihinging gumawa ng mga tungkulin at hindi sila nagkukusa na isali ang sarili nila sa mga gawain ng iglesia; lalong hindi sila kailanman lumalahok sa mapanganib na gawain. Kahit pa pumayag silang gawin ito, nagpapakita sila ng matinding kawalang-pasensiya, at tanging kapag tinawag o inanyayahan lang sila atubiling nagsisikap nang bahagya. Ang mga ito ay mga pagpapamalas ng mga hindi mananampalataya. Ang hindi pagbabasa ng mga salita ng Diyos, ang hindi paggawa ng tungkulin—kahit na labag sa loob silang lumalahok sa buhay iglesia, ito ay para maiwasang mawala ang komunidad ng mga kapatid sa iglesia, ang isang malaking tagasuporta nila. Pinananatili nila ang mga relasyon nila sa mga taong ito para lang mapadali para sa kanila na asikasuhin ang mga bagay-bagay sa hinaharap. Sa sandaling ang gayong mga tao ay magkamit ng posisyon sa lipunan at magkaroon ng isang lugar para panirahan at simulan ang buhay nila, at kapag nagtagumpay na sila sa mundo at nagkamit ng impluwensiya at mga kinabukasan para sa isang maningning na hinaharap, mabilis at walang alinlangan na nilang iiwan ang iglesia, puputulin ang ugnayan sa mga kapatid, at hindi na makokontak. Kung may potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na may magandang relasyon sa kanila at gusto mong makipag-ugnayan sa kanila para ipangaral ang ebanghelyo sa taong iyon, hindi mo sila makokontak. Hindi lang nila pinuputol ang ugnayan nila sa iglesia kundi winawakasan rin nila ang mga pagkakaibigan nila sa mga partikular na indibidwal. Hindi ba’t malinaw na inilantad na nila ang sarili nila bilang mga hindi mananampalataya? (Oo.) Kaya paano dapat pangasiwaan ng iglesia ang gayong mga tao? (Paalisin sila.) Dapat ba natin silang bigyan ng pagkakataon, pakitaan ng pang-unawa sa kanilang kahinaan at sa mga paghihirap sa buhay nila, at higit pa silang suportahan at tulungan para magawa nilang manampalataya na umiiral ang Diyos, maging interesado sa katotohanan, at taos-pusong gugulin ang sarili nila para sa Diyos? Kailangan bang gawin ang gawaing ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil hindi naman talaga narito ang mga tao na ito para manampalataya sa Diyos.) Tama iyan, hindi sila naparito para manampalataya sa Diyos; napakalinaw ng layon nila—narito sila para maghanap ng tagasuporta. Kaya, magdudulot ba ng anumang resulta ang pakikipagbahaginan ng katotohanan sa gayong mga tao? (Hindi.) Hindi nila ito tatanggapin; hindi nila ito pinahahalagahan, hindi nila ito kailangan, at wala silang interes dito.
Paano natin dapat ilarawan iyong mga nananampalataya sa Diyos para lang maghanap ng tagasuporta? Napakaangkop na ilarawan sila bilang mga tao na inuuna ang sarili nilang mga interes kaysa sa anumang bagay. Hangga’t nakikita nilang may silbi at may pakinabang ang isang tao sa kanila, gagawin nila ang anumang hinihingi ng taong iyon; susundin pa nga nila ang anuman at lahat ng utos na ibinibigay nito. Inuuna nila ang sarili nilang mga interes higit sa lahat; hangga’t natutugunan ng isang bagay ang mga interes nila, ayos lang iyon. Kung sasabihin mo sa kanila na ang pananampalataya sa Diyos ay magdadala sa kanila ng mga pagpapala at benepisyo, tiyak na mananampalataya sila sa Kanya at gagawin ang anumang ipagagawa mo sa kanila. Hangga’t ang abilidad mo na mag-asikaso ng mga bagay-bagay sa lipunan ay tumutugon sa mga pangangailangan nila at nagpapahintulot sa kanilang makinabang, tiyak na makikisalamuha sila sa iyo. Gayumpaman, ang pakikisalamuha nila sa iyo ay hindi nangangahulugan na tunay silang makakapanampalataya sa Diyos, o na taos-puso nilang gugugulin ang sarili nila para sa Diyos tulad ng ginagawa mo. Kahit nakakasundo mo sila at mayroon kayong partikular na magandang relasyon, hindi talaga ibig sabihin nito na pareho kayo ng pananaw, sumusunod sa parehong landas, o may mga parehong hinahangad. Kaya, hindi kayo dapat mailihis ng gayong mga tao. Ang mga taong ito ay tuso at may mga taktika para sa pakikisalamuha sa ibang tao. Ang layon nila sa pananampalataya sa Diyos ay para maghanap ng tagasuporta, at hindi para hangarin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan. Ipinapakita nito kung gaano kababa at kadilim ang karakter nila! Nagtutungo sila sa iglesia para maghanap ng mga tao na masasamantala nila, nakikipagsabwatan para makamit ang iba’t ibang benepisyo para sa sarili nila. Hindi ba’t ibig sabihin nito na ang gayong mga tao ay may kakayahang kumilos nang walang pag-aalinlangan at gumawa ng iba’t ibang uri ng kahiya-hiyang bagay? (Oo.) Batay lang sa katunayan na ang layon nila sa pananampalataya sa Diyos ay para maghanap ng tagasuporta at magkaroon ng kabuhayan, malinaw na hindi mabuti ang mga taong ito, at mababa ang kanilang karakter, sila ay makasarili, kasuklam-suklam, at karumal-dumal, namumuhay sa matinding kadiliman. Samakatwid, ang prinsipyo ng iglesia sa pangangasiwa sa kanila ay ang kilatisin din sila at pagkatapos ay paalisin o patalsikin sila. Kapag nakilatis mo na hindi sila mga totoong mananampalataya, na nagtungo sila sa iglesia para maghanap ng daan palabas at manamantala, nagnanais na abusuhin ang mga kapatid para asikasuhin ang mga bagay-bagay at magserbisyo sa kanila, kung gayon, sa gayong mga kaso, dapat agaran at tumpak na pangasiwaan ng mga lider at mga manggagawa at ng mga kapatid ang sitwasyon. Nang hindi inilalagay sa panganib ang kaligtasan ng iglesia o ng mga kapatid, paalisin sila o patalsikin sila sa lalong madaling panahon. Hindi sila dapat pahintulutang magpatuloy na magtago sa gitna ng mga kapatid. Hindi sila ang mga layon ng pagliligtas ng Diyos. Kapag nagtatago sa gitna ninyo ang gayong mga tao, palagi silang nagpapanatili ng mapag-imbot at mapagmatyag na tingin sa lahat para makita kung sino ang kapaki-pakinabang na samantalahin. Palagi silang nagkakalkula kung may mga tao sa iglesia na magagamit nila—sino ang may mga kamag-anak na nagtatrabaho sa ospital, sino ang marunong magpagaling ng mga sakit o may mga lihim na lunas, sino ang makakukuha ng mga mas murang presyo sa mga tindahan, aling pamilya ng kapatid ang nagpapatakbo ng tindahan ng kotse, sino ang makakukuha ng mga presyo sa mga bahay na pribadong pinagkasunduan—partikular nilang iniimbestigahan ang mga bagay na ito. Metikuloso ang mga taong ito sa kanilang mga kalkulasyon! Kinakalkula nila maging ang maliliit na bagay, at gusto rin nilang magpakana laban sa mga kapatid, at magplano na samantalahin ang mga ito. Iniimbestigahan nila ang kaligiran ng pamilya ng lahat at pinananatili ang lahat sa loob ng saklaw ng kanilang mga pakana at pakikipagsabwatan. Mapapayapa ba ang inyong puso kapag nakikipag-ugnayan sa gayong mga tao? (Hindi.) Ano ang dapat gawin kung walang kapayapaan? Dapat kayong mag-ingat laban sa gayong mga tao. Ang mga taong ito ay nananampalataya sa Diyos nang may mga lihim na motibo; hindi sila naririto para hangarin ang katotohanan o ang kaligtasan, kundi para maghanap ng tagasuporta, ng kabuhayan, at ng isang daan palabas para sa sarili nila. Ang gayong mga tao ay partikular na makasarili, kasuklam-suklam, at mapanlinlang. Hindi sila gumagawa ng anumang tungkulin o gumugugol ng sarili nila para sa Diyos. Kapag kailangan sila ng iglesia para sa isang bagay, hindi sila matagpuan kahit saan, subalit muli silang lumilitaw kapag tapos na ang usapin. Alam lang ng mga taong ito na manamantala, at walang silbi na hayaan silang manatili sa iglesia; dapat gamitin ang iba’t ibang paraan para alisin sila sa lalong madaling panahon. Sinasabi ng ilang tao na, “Kinakailangan ba talaga ang iba’t ibang paraan para pangasiwaan ang isang tao?” Ang iglesia ay may lahat ng uri ng mga tao; marami sa kanila ang nananampalataya sa Diyos para lang maghanap ng tagasuporta at ng daan palabas, para magtamo ng mga pagpapala, o para maiwasan ang mga sakuna. Ang kalubhaan lang ng mga motibong ito ang nag-iiba-iba; may ilang tao na nagpapakita ng isang uri ng pag-uugali, habang ang iba ay nagpapakita ng iba pa. Samakatwid, ang iba’t ibang tao ay dapat tratuhin nang magkakaiba; ito lang ang umaayon sa mga prinsipyo. Para sa mga hindi nananampalataya na ito na naghahanap ng tagasuporta, dapat silang agarang alisin. Huwag silang hayaang maging palamunin sa iglesia. Hinihingi nila sa mga kapatid na asikasuhin ang mga bagay-bagay para sa kanila—dahil talagang nangangailangan lang ng kaunting pagsisikap para tulungan silang asikasuhin ang mga bagay-bagay, bakit hindi sila dapat bigyan maging ng kaunting tulong na ito? Ang unang punto ay, mahalaga, na ang mga taong ito ay mga hindi totoong mananampalataya; sila ay mga ganap na hindi mananampalataya. Ang ikalawang punto ay na ang mga taong ito ay hindi maaaring magbago mula sa hindi pananampalataya tungo sa pagiging mga totoong mananampalataya. Hindi sila ang mga taong paunang itinadhana at pinili ng Diyos; hindi sila ang mga layon ng Kanyang pagliligtas—sa halip, sila ay mga taong gumagawa ng masama na nakapasok sa iglesia. Ang ikatlong punto ay na nagkukumahog ang mga taong ito sa buong iglesia, palaging humihingi ng tulong mula sa mga kapatid gaano man kalaki ang isyu na kanilang kinakaharap, na di-halatang nanliligalig sa mga kapatid at kasabay nito ay lumilikha ng isang lubhang negatibong kapaligiran sa iglesia na nakasasama sa lahat. Samakatwid, pinakamabuti na alisin sa lalong madaling panahon ang mga diyablong ito na nananampalataya sa Diyos para lang maghanap ng tagasuporta. Kung hindi mo pa sila natutukoy o nakikilala na ganitong klaseng tao sila, maaari mo silang panatilihin para sa obserbasyon. Kapag nakilatis at naunawaan mo nang malinaw na sila ay kabilang sa iba’t ibang masamang tao na kailangang paalisin ng sambahayan ng Diyos, huwag mag-atubili o magpakita sa kanila ng anumang paggalang. Pagkatapos makipagtalakayan sa lahat at makaabot sa isang konsensus, maaari mo silang paalisin. Kung hindi pinapansin ng mga lider at mga manggagawa sa iglesia ang usaping ito, basta’t kinukumpirma ng nakararami sa mga kapatid na ang mga ito ay ang klase ng tao na nananampalataya sa Diyos para maghanap ng tagasuporta at daan palabas, may karapatan kayong direktang paalisin ang mga ito nang hindi dumaraan sa mga huwad na lider. Ang paggawa nito ay tama at ganap na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ay karapatan ninyo, obligasyon ninyo, responsabilidad ninyo; ito ay para sa sarili ninyong proteksiyon. Siyempre, kapag ang mga kapatid na mga totoong mananampalataya ay nahaharap sa mga paghihirap, may responsabilidad at obligasyon tayo na gawin ang lahat para tulungan sila sa abot ng ating makakaya, sa pamamagitan man ng mapagmahal na tulong at suporta, o sa pamamagitan ng materyal na tulong. Ito ang pagmamahalan ng magkakapatid, ang pagmamahal niyong mga nananampalataya sa Diyos. Gayumpaman, wala tayong responsabilidad o obligasyon na magsagawa ng pagtulong sa mga hindi mananampalataya dahil hindi sila mga kapatid at hindi karapat-dapat sa biyayang ito o sa gayong tulong. Ito ay ang pagtrato sa mga tao ayon sa mga prinsipyo. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa ikapitong layon sa pananampalataya sa Diyos. Hindi na kailangang magbigay pa ng mas partikular na mga halimbawa tungkol sa mga ganitong uri ng tao. Sa madaling salita, ang sinumang ang layon sa pananampalataya sa Diyos ay para maghanap ng tagasuporta ay isang taong dapat paalisin o patalsikin sa iglesia. Kapag nakilatis ng mga lider at mga manggagawa na may gayong mga tao sa iglesia, dapat agaran nilang paalisin ang mga ito. Paalisin ang bawat isang mahahanap mo, walang iiwang sinuman. Kung ang karamihan sa mga kapatid ay naligalig na hanggang sa puntong wala na silang magawa at hindi na makayanan pang tiisin ito, at patuloy pa rin silang ipinagtatanggol ng mga lider at manggagawa sa pagsasabing, “Mayroon silang mga paghihirap; dapat natin silang tulungan,” ang gayong mga lider ay dapat sabihan na: “Hindi talaga sila mga totoong mananampalataya ng Diyos. Binabalewala nila ang sinumang nakikipagbahaginan sa kanila ng mga salita ng Diyos at tumatangging gawin ang kanilang tungkulin kapag sinabihan. Hindi sila kailanman nagkaroon ng anumang intensyon na gugulin ang sarili nila para sa Diyos, at gusto lang nilang gamitin ang mga kapatid para asikasuhin ang mga usapin nila. Wala tayong responsabilidad o obligasyon na tulungan ang gayong mga hindi mananampalataya!” Kahit na hindi sumasang-ayon ang lider ng iglesia, may karapatan kayong sumama sa karamihan para paalisin ang mga hindi mananampalataya sa iglesia. Kung hindi pa rin sumasang-ayon ang lider ng iglesia sa puntong ito, iulat pataas ang usaping ito; ibukod ang lider at hayaan siyang magnilay. Maaari ninyong muling tanggapin ang kanyang pamumuno kapag sumang-ayon na siya. Kung patuloy siyang hindi sasang-ayon, maaari ninyo siyang tanggalin sa puwesto at muling maghalal ng isang bagong lider. Ito ang ikapitong layon sa pananampalataya sa Diyos: para maghanap ng tagasuporta.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.