Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (22) Ikalawang Seksiyon

III. Ang Depinisyon ng Isang Iglesia

Pagkatapos magbahaginan tungkol sa paksa ng kung ano ang isang iglesia, mayroon na kayo ngayong kaunting pang-unawa sa pagbuo ng isang iglesia, sa gawaing ginagawa ng isang iglesia, at sa mga resultang nakakamit nito. Kaya din ninyong maunawaan ang ilan sa kahalagahan at kabuluhan ng pag-iral ng isang iglesia. Kaya, makagagawa na ba tayo ngayon ng isang tumpak na depinisyon ng kung ano eksakto ang isang iglesia? Una sa lahat, ang isang iglesia ay hindi isang lugar para bigyan ang mga tao ng emosyonal na kaaliwan, ni hindi rin ito isang lugar para siguruhing may sapat na pagkain at damit ang mga tao o para bigyan sila ng kanlungan. Ang isang iglesia ay hindi isang lugar para siguruhin ang mga pisikal na karapatan at interes ng mga tao o para lutasin ang mga paghihirap na kinakaharap nila sa buhay. Hindi ito isang lugar para punan ang mga espirituwal na kakulangan ng mga tao at magbigay ng espirituwal na panustos. Dahil ang mga iglesia ay hindi ang kung ano ang inaakala ng mga tao batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, ano nga ba ang partikular na depinisyon ng isang iglesia? Ano nga ba mismo ang isang iglesia? Sa Bibliya, nagbigay ang Panginoong Jesus ng pundamental na paglalarawan sa kung ano ang pagtatalaga ng isang iglesia. Paano nga ba Niya ito ipinahayag? (“Sapagkat kung saan nagtitipon ang dalawa o tatlo sa Aking pangalan, ay naroroon Ako sa gitna nila” (Mateo 18:20).) Ang mga salitang ito ay nangangahulugan na gaano man karaming tao ang sama-samang nagtitipon, hangga’t nasa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu at nararamdaman nila na kasama nila ang Diyos, ang lugar na iyon ay isang iglesia—iyon mismo. Sa mga huling araw, nagpakita ang Diyos para gumawa at magpahayag ng katotohanan. Kapag ang mga tao ay nagsasama-sama para kumain at uminom, magdasal-magbasa at magbahaginan ng mga salita ng Diyos, naroroon ang Diyos, at gayundin ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, na nangangahulugang kinikilala ito ng Diyos bilang isang iglesia. Kung ang mga tao ay nagtitipon subalit hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, kung ginagaya lang nila ang mga hungkag na espirituwal na doktrina, at hindi nila maramdaman ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi ito isang iglesia, dahil hindi ito kinikilala ng Diyos, at kaya ay wala itong gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga pagtitipon kung saan naroroon ang Diyos ay pinagpapala at ginagabayan Niya, at kapag nagsasama-sama ang mga tao sa gayong mga pagtitipon, kumakain at umiinom man sila ng mga salita ng Diyos, nagbabahaginan sa katotohanan, o ginagamit ang katotohanan para lutasin ang mga problema, ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa mga hinihingi at pamumuno ng Diyos, at kaya pinagpapala Niya ang lahat ng ito. Kaya naman, hangga’t ang ganitong uri ng pagtitipon ay may gabay, pamumuno, at presensiya ng Diyos, matatawag itong isang iglesia. Ito ang pinakasimple at pinakapundamental na depinisyon ng isang iglesia, at ito ang depinisyon ng isang iglesia noong Kapanahunan ng Biyaya. Nabuo ito sa konteksto ng gawain ng Diyos sa panahong iyon, at kaya tumpak at totoo ito. Pero sa yugtong ito ng gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, dahil nagsalita ang Diyos ng mas maraming salita, at gumawa ng mas malaking gawain, ang depinisyon ng isang iglesia ay dapat na mas lumalim kaysa sa pundamental na depinisyon mula sa Kapanahunan ng Biyaya. Higit nang umusad ang gawain ng Diyos. Ang isang iglesia ay hindi na lang nagtatampok ng gawain ng Banal na Espiritu at ng presensiya ng Diyos. Ngayon ay personal nang gumagawa ang Diyos sa Kanyang mga iglesia, ginagabayan at pinapastol ang mga ito; ang hinirang na mga tao ng Diyos ay nakakakain at nakakainom ng mga kasalukuyan Niyang salita, at nakasusunod at nakapagpapatotoo kay Cristo. Samakatwid, ang depinisyon ng iglesia sa mga huling araw ay mas detalyado na kaysa sa depinisyon nito noong Kapanahunan ng Biyaya; ito ay isang mas malalim, mas tumpak, at mas partikular na paglalarawan kaysa sa dati, at siyempre ito ay hindi maihihiwalay sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Kaya ano ang pinakatumpak at pinakaangkop na paraan ng pagbibigay-depinisyon sa iglesia? Una, ang batayang depinisyon ay na dapat na isang grupo ng mga tao na taos-pusong sumusunod sa Diyos. Higit na partikular, ang isang iglesia ay isang grupo ng mga tao na taos-pusong sumusunod sa Diyos, na pinamamahalaan ng Kanyang mga salita, naghahangad sa katotohanan, nagsasagawa at dumaranas sa Kanyang mga salita, at kayang magpasakop at sumamba sa Diyos, sumunod sa Kanyang kalooban, at magtamo ng Kanyang pagliligtas. Ang mahalagang bahagi ng depinisyong ito ay “isang grupo ng mga tao.” Ang iglesia ay hindi isang lugar, o isang kolektibo, o isang komunidad, lalong hindi ito isang pagtitipon lang ng isang grupo ng mga tao na may pananalig. Ang “grupo” ay maaaring binubuo ng humigit-kumulang isang dosenang tao, o tatlumpu hanggang limampung katao, o siyempre, maaaring mas marami pa. Maaari silang magtipon nang sama-sama, o maaari silang mahati sa mas maliliit na grupo para magtipon; ito ay naibabagay sa mga pangyayari at nababago. Sa madaling salita, kapag ang mga tagasunod na ito ng Diyos ay dumadakila, nagpapatotoo, at sumasamba sa Kanya, at sumusunod sa Kanyang kalooban, sila ay isang iglesia. Gaano karami man silang nagtitipon nang sama-sama, isa pa rin silang iglesia. Halimbawa, ang 50 katao ay tinatawag na isang maliit na iglesia, at ang 100 katao ay tinatawag na isang malaking iglesia—ang laki ng iglesia ay natutukoy batay sa bilang ng mga miyembro. May malaki, katamtaman, at maliit na mga iglesia, ang bilang ng mga tao sa isang iglesia ay hindi nakapirmi. Muli nating tingnan ang depinisyon ng isang iglesia: isang grupo ng mga tao na taos-pusong sumusunod sa Diyos, na pinamamahalaan ng Kanyang mga salita, naghahangad sa katotohanan, nagsasagawa at dumaranas sa Kanyang mga salita, at kayang magpasakop at sumamba sa Diyos, sumunod sa Kanyang kalooban, at magtamo ng Kanyang pagliligtas. Bakit ganito binibigyang-depinisyon ang isang iglesia? Dahil gusto ng Diyos na gumawa sa mga iglesia, at nais ng Diyos na iligtas ang grupong iyon ng mga tao. Tanging ang ganitong uri ng grupo ng mga tao ang matatawag na isang iglesia. At tanging kapag nagsasama-sama ang ganitong grupo ng mga tao, saka lang sila makakakain at makaiinom ng mga salita ng Diyos nang normal at makapagsasagawa ng mga ito, at tunay na makapagdarasal sa Diyos, makapagpapasakop sa Kanya, at makasasamba sa Kanya. Ang grupong iyon ng mga tao ay pinamamahalaan at inaakay ng mga salita ng Diyos; kaya, sa pamamagitan ng gayong grupo ng mga tao nalilikha ang depinisyon ng isang iglesia. Dahil hindi tinatanggap ng mga tao sa mga relihiyon ang katotohanan at hindi nila tinatanggap ang gawain ng Diyos, at hindi sila inililigtas ng Diyos, hindi sila isang iglesia, isa silang relihiyosong komunidad. Ito ang pinakamalinaw na pagkakaiba sa pagitan ng isang iglesia at relihiyon. Tanging ang isang iglesia ang pinamamahalaan ng mga salita ng Diyos, at tanging ang isang iglesia na personal na pinapastol ni Cristo ang pinamamahalaan ng mga salita ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pinamamahalaan ng mga salita ng Diyos? Kailangan ba nating banggitin ang gawain ng Banal na Espiritu, o ang gabay, kaliwanagan, at pagtanglaw ng Banal na Espiritu rito? (Hindi.) Sabihin mo sa Akin, alin ang mas praktikal: ang mapamahalaan ng mga salita ng Diyos, o ang magkaroon ng gawain ng Banal na Espiritu? (Ang mapamahalaan ng mga salita ng Diyos.) Ang mapamahalaan ng mga salita ng Diyos ay mas praktikal at mas kongkreto. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay nagbibigay lang sa mga tao ng kaunting kaliwanagan at pagtanglaw para tulungan silang maunawaan ang katotohanan at akayin silang hanapin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos. Ang nakamit na resulta ay na pinamamahalaan sila ng mga salita ng Diyos. Kung hindi gumawa ang Banal na Espiritu, makakaya pa rin ba ng mga tao na tuparin ang mga tungkulin nila sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga salita ng Diyos at pag-arok sa mga prinsipyo? (Oo.) Ngayon, ipinahayag na nang labis ang mga salita ng Diyos; madalas na nakikinig ang mga tao sa mga sermon at kaya nilang maunawaan ang mga salita ng Diyos. Kahit wala ang gawain ng Banal na Espiritu, alam ng mga tao kung ano ang dapat gawin. Iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay makapagsasagawa ng mga salita ng Diyos at makapagpapasakop sa gawain ng Diyos basta’t nauunawaan nila ang katotohanan. Iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi mauunawaan ang mga salita ng Diyos kahit marinig nila ang mga ito, at kahit na nakauunawa sila nang bahagya, hindi nila gugustuhing magsagawa, at sa gayon ay maaari lang silang maitiwalag. Sa mga huling araw, tuwirang ipinahahayag ng Diyos ang katotohanan para personal na akayin at ipastol ang mga tao. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay pantulong lang. Tulad ito ng kapag ang isang bata ay nag-aaral pa lang maglakad; minsan ay may isang matandang tutulong sa kanya. Kapag nakapaglalakad na nang maayos at nakatatakbo na ang bata, hindi na siya kailangang alalayan ng sinuman. Samakatwid, ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi absoluto, ni hindi ito napakahalaga. Kapag ang mga tao ay pinamamahalaan ng mga salita ng Diyos, ibig sabihin nito ay na nauunawaan nila ang mga salita ng Diyos, nauunawaan ang katotohanan, at alam nila kung ano ang ibig sabihin ng mga salita ng Diyos at kung ano ang mga prinsipyo at pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao, at na kaya nilang maunawaan at mailapat ang mga prinsipyo at pamantayang ito. Ito ang ibig sabihin ng pinamamahalaan ang puso ng mga tao ng mga salita ng Diyos. Nagsalita na ang Diyos tungkol sa mga bagay na ito nang may sapat na kalinawan at kaliwanagan, kaya’t hindi na kailangang banggitin pa ang gawain ng Banal na Espiritu rito. Sa mga huling araw, ang Diyos ay nagpahayag ng napakaraming katotohanan, ginagawang malinaw at kauna-unawa sa mga tao ang bawat katotohanan. Samakatwid, ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi ganoon kahalaga at ito ay pantulong lang. Tanging kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan o kapag hindi nagsalita ang Diyos ng napakaraming salita nang may gayong kahustuhan at kalinawan na gumagawa ang Banal na Espiritu ng ilang gawain na pantulong, may kalikasan na mapang-udyok, na nagbibigay sa mga tao ng ilang simpleng liwanag at nagsisilbi para himukin sila nang bahagya, tinutulungan silang gumawa ng mga tamang pagpili at tumahak sa tamang landas sa kanilang buhay at iba’t ibang kapaligiran. Ngayon ay ang kapanahunan ng mga salita ng Diyos, kung saan personal na nagsasalita ang Diyos para akayin ang sangkatauhan, at ang mga salita ng Diyos ang nangingibabaw sa lahat. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay pantulong lang. Kapag ang mga tao ay nauunawaan ang katotohanan, kayang isagawa ang mga salita ng Diyos, at namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, ang mga layunin ng Diyos ay natutugunan.

Tingnan natin ang unang parirala sa batayang depinisyon ng isang iglesia: “Taos-pusong sumusunod sa Diyos.” Ang “taos-puso” na ito ay may partikular na kahulugan. Hindi ito tumutukoy sa mga taong nagpapalipas lang ng oras, iyong mga masabi lang na nakikilahok sila, iyong mga nakikinabang hangga’t nais nila, iyong mga umaasa sa biyaya para sa kaligtasan, o iyong mga may anumang mga lihim na motibo at mga layon. Kaya, ano ang ibig sabihin ng “taos-puso”? Ang pinakapayak at pinakasimpleng paliwanag ay ito: Basta’t may naririnig ang isang tao tungkol sa Diyos, sa katotohanan, o sa Lumikha, siya ay nakararamdam ng pananabik sa puso niya, kusang-loob na tumatalikod, kusang-loob na nag-aalay ng sarili niya, kusang-loob na nagtitiis ng paghihirap, at handang lumapit sa Diyos para tanggapin ang tawag ng Diyos, at abandonahin ang lahat para sumunod sa Diyos. Basta’t mayroon siyang tapat na puso, sapat na iyon. Sinasabi ng ilang tao: “Bakit hindi Mo sabihin na ito ay isang grupo ng mga tao na puno ng pananalig na sumusunod sa Diyos?” Hindi kayang abutin ng mga tao ang antas na iyon. Sa mga gumagawa ngayon ng kanilang mga tungkulin, may ilang nanampalataya na nang may sampung taon, at may ilang nanampalataya na nang dalawampu o tatlumpung taon; ang pagiging ganito kataos-puso ay talagang sapat na. Ang pagtukoy rito bilang pagiging puno ng pananalig ay hindi tumpak. Ang depinisyon natin sa isang iglesia ay nakabatay sa isang batayan at partikular na sitwasyon, nang hindi hinahanapan ng mali ang mga salita o itinatakda ang depinisyon at pamantayan nang sobrang taas, dahil hindi iyon magiging praktikal. Sinasabi ng ilang tao, “Ang pagsasabi ng ‘taos-puso’ at ‘puno ng pananalig’ ay hindi sapat. Dapat itong tawaging isang grupo ng matutuwid na tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan—napakahusay niyon!” Kung itatakda natin ang pamantayan nang ganito kataas, ang mga sumusunod na pariralang, “naghahangad sa katotohanan, nagsasagawa at dumaranas sa Kanyang mga salita,” ay pawang hindi na kakailanganin. Ang pangunahing punto ay na ang lahat ng miyembro ng iglesia ay iyong mga gustong iligtas ng Diyos. Ang grupong ito ng mga tao ay puno ng mga tiwaling disposisyon ni Satanas at puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos. Sa mas makatotohanang pagsasalita, sila ay puno ng paghihimagsik, walang pagpapasakop, hindi nakauunawa sa katotohanan, at walang anumang kaalaman tungkol sa Diyos—ito ang pinakamakatotohanang sitwasyon. Samakatwid, sa mga mata ng Diyos, ang mga miyembro ng iglesia ay nasa gayong tunay na sitwasyon at aktuwal na katayuan. Ang pagpili ng Diyos ng mga tao ay nakabatay sa pangunahing kondisyong ito: kung kaya nilang taos-pusong sumunod sa Diyos, at tunay na gumugol ng sarili nila at tumalikod. Sinasabi ng ilang tao na, “Kung taos-puso sila, bakit mayroon pa rin silang mga labis-labis na pagnanais? Kung taos-puso sila, bakit nais pa rin nilang magkamit ng mga biyaya?” Ang mga ito ay unti-unting magbabago habang dinaranas ng mga tao ang gawain ng Diyos. Sa ngayon, binibigyang-depinisyon natin ang batayang konsepto ng isang iglesia. Ang batayang konseptong ito ay ang pinakamababang hinihingi at ang pinakamababang pamantayan para sa pagpili ng Diyos ng mga tao. Ang mga pamantayang ito ay hindi talaga hungkag o eksaherado; partikular na naaayon ang mga ito sa inyong tunay na sitwasyon. Sa madaling salita, kapag pinili kayo ng Diyos at nagpasya Siyang iligtas ang sinuman sa inyo, ang mga ito ang mga pamantayang tinitingnan ng Diyos. Kung matutugunan mo ang mga hinihinging ito, dadalhin ka ng Diyos sa sambahayan Niya at magiging miyembro ka ng iglesia. Ito ang aktuwal na sitwasyon. Samakatwid, ang unang parirala sa depinisyon ng isang iglesia ay “taos-pusong sumusunod sa Diyos”; ito ay medyo tumpak. Ang grupong ito ng mga tao ay kulang ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, kulang sila ng kakayahang kumawala mula sa madilim na impluwensiya, at kulang sila ng ganap na paghihimagsik laban sa mundo at sa malaking pulang dragon. Kulang sila ng lahat ng bagay na ito. Bakit? Dahil binanggit din ng depinisyon ang kakayahang hangarin ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Sa proseso ng paghahangad, dahil ang mga tao ay may pusong nagmamahal sa katotohanan at nananabik para sa katotohanan, magagawa nilang maranasan at maisagawa ang mga salita ng Diyos, at sa huli, makasasamba sila sa Diyos. Ang pagsamba sa Diyos ay kinabibilangan ng pagpapasakop sa Diyos, pakikinig sa mga salita ng Diyos, pagtanggap sa mga pamamatnugot ng Diyos, at pagtanggap sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Sa huli, ang grupong ito ng mga tao ay makapagkakamit ng kaligtasan. Ito ang aktuwal na estado ng mga miyembro ng iglesia sa mga mata ng Diyos. Hindi ba’t ito ang pinakabatayang kondisyon? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Hindi mo binanggit ang pagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon ni Satanas at ang pagkakamit ng pagdadalisay. Hindi kasama ang mga ito sa depinisyong ito ng isang iglesia.” Kasama ba ang mga ito sa depinisyong ito? (Oo.) Sa aling bahagi kasama ang mga ito? Ang paghahangad para isagawa ang mga salita ng Diyos. Kung kaya mong maghangad para isagawa ang mga salita ng Diyos, hindi ba’t unti-unting nalulutas ang iyong mga tiwaling disposisyon? Hindi ba’t nagagawa mong iwaksi ang mga tiwaling disposisyon ni Satanas at kamtin ang pagbabago sa disposisyon? (Oo.) Sa panahon ng pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon, unti-unti mong nauunawaan ang mga salita ng Diyos at nalulutas ang sarili mong mga tiwaling disposisyon. Habang nalulutas mo ang ilan sa iyong mga tiwaling disposisyon, nadaragdagan ba ang iyong pananalig sa Diyos at pagpapasakop sa Diyos? May koneksiyon ba sa pagitan ng mga ito? (Mayroon.) Habang mas sinasamba mo ang Diyos, mas magkakaroon ka ng pagpapasakop sa Diyos. Habang nadaragdagan ang pagpapasakop mo sa Diyos, hindi ba’t nalalapit ka sa pagkamit ng kaligtasan? (Oo.) Kaya, anong uri ng mga tao ang grupong ito? Sila iyong mga kayang magkamit ng kaligtasan. Ito ang aktuwal na sitwasyon ng mga miyembro ng iglesia. Sinasabi ng ilan, “Hindi binanggit ng depinisyong ito ng isang iglesia ang gawaing nilalahukan ng iglesia.” May anumang bahagi ba rito na may kaugnayan sa mahalagang gawaing nilalahukan ng iglesia? (Ang paghahangad sa pagkamit ng kaligtasan.) Ang bahaging ito ay malapit na nauugnay. Ang gawaing ginagawa ng isang iglesia, maging ito man ay ang pagpapakalat ng mga salita ng Diyos o pag-akay sa mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, pagtulong sa mga tao na makilala ang sarili nila at iwaksi ang mga tiwaling disposisyon ni Satanas, sa huli, ay naglalayong matulungan ang mga tao na makamit ang kaligtasan. Kaya, matatanggap na ba ninyo ngayon ang pinakapayak at pinakasimpleng konseptong ito ng isang iglesia? (Oo.) Ang depinisyong ito ay hindi eksaherado o hungkag, at hindi ito gumagamit ng magagarbong salita at parirala, kundi kinabibilangan ito ng mga pinakapangunahing pangangailangan para sa pagbuo o depinisyon ng isang iglesia.

Nauunawaan na ba ninyo ang pinagmulan ng depinisyon ng konsepto ng isang iglesia, ngayong naipaliwanag Ko na ito sa inyo? (Oo.) Kung hindi Ko ito ipinaliwanag sa ganitong paraan, iisipin ninyo na ang mahalagang gawain ng isang iglesia at ang depinisyon ng isang iglesia ay napakalalim. Ngayong nauunawaan na ninyo ang depinisyon ng isang iglesia, nararamdaman ninyong napakababaw ng inyong pagkaunawa sa isang iglesia. Ginawa nang malinaw ang depinisyon ng isang iglesia—ganoon lang ito kapraktikal. Kapag mas praktikal ang mga bagay, mas madalas na nararamdaman ng mga tao na mababaw ang mga ito. Sa katunayan, kung titingnan mo nang mabuti, ang bawat salita ng depinisyong ito ay nauugnay at malapit na konektado sa mga praktikal at partikular na sitwasyon, at hindi talaga ito mababaw. Ang unang parirala sa depinisyon ng isang iglesia ay “taos-pusong sumusunod sa Diyos.” Ang “taos-puso” na ito ay ang gusto ng Diyos. Ilang tao ang nagtataglay ng gayong pagiging taos-puso? Madali ba sa mga tao na magkaroon ng ganitong pagiging taos-puso? Hindi ito madali. Tungkol sa “pinamamahalaan ng Kanyang mga salita,” nakamit mo na ba iyon? Iniisip mong mababaw at madaling makamit ang pariralang ito. Kung sinasabi ng Diyos na, “Bumangon ka, sumunod ka sa Akin, at gawin mo ang iyong tungkulin,” at sumunod ang mga tao, ibig sabihin ba nito na pinamamahalaan sila ng mga salita ng Diyos? Ibig sabihin lang nito na ang mga tao ay handang manampalataya sa Diyos at sumunod sa Diyos, subalit hindi pa nila naaabot ang punto kung saan pinamamahalaan sila ng mga salita ng Diyos—malayo pa rin sila rito! Ano ang kailangan mong taglayin para mapamahalaan ka ng mga salita ng Diyos? Ang pinakamababang hinihingi ay na dapat mong maunawaan ang mga salita ng Diyos; kailangan mong malaman kung ano ang tinutukoy ng mga hinihingi sa mga salita ng Diyos, kung anong mga prinsipyo ang hinihingi ng mga salita ng Diyos, at, kapag nahaharap sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, kung paano ilalapat ang mga salita ng Diyos, at kung paano gagawing pagsasagawa mo ang mga salita ng Diyos para mapalugod ang Diyos. Hindi ito madali. Ang isang mahabang panahon ng pagkain at pag-inom, pagdarasal-pagbabasa, pagdanas, at pag-unawa sa mga salita ng Diyos, at pag-unawa sa mga layunin at disposisyon ng Diyos, ay kinakailangan para unti-unting medyo mapamahalaan ng mga salita ng Diyos. Samakatwid, ang pariralang “pinamamahalaan ng Kanyang mga salita” ay tila simple sa panlabas, na parang karamihan sa mga tao ay pinamamahalaan ng mga salita ng Diyos, subalit sa katunayan ay hindi ito ang kaso. Batay sa aktuwal na sitwasyon ng mga tao, malinaw na ang pariralang ito ay ang hinihingi lang ng Diyos sa mga tao, na hindi pa talaga nila nakakamit. Ang susunod na parirala, “hangarin na maisagawa ang Kanyang mga salita,” ay ang hinihingi ng Diyos para sa mga tao. Hindi mo pa nakakamit ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos; naghahangad ka pa lang na isagawa ang mga salita ng Diyos. Paano ka dapat maghangad? Kapag nakatatagpo ka ng mga sitwasyon, magsagawa ka ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Huwag kang magsinungaling; maging isang matapat na tao. Magagawa mo ba iyon? Hindi ito madaling gawin. Kapag ikaw ay pinungusan, dapat magawa mong magpasakop at pagnilayan at kilalanin ang iyong sarili, at magsagawa ayon sa katotohanan. Kaya mo ba itong makamit? Kung tila nakapapagod ito o kung masyadong malakas ang sarili mong kalooban, at palagi mong gustong sumambulat ang iyong pagkamainitin ng ulo, kailangan mong hangaring pangasiwaan ang mga usapin ayon sa mga prinsipyo, at huwag ilantad ang iyong pagkamainitin ng ulo o kumilos nang ayon sa sariling kagustuhan at nang walang batayan; dapat mong gawin ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, tanggapin ang pagpupungos, kilalanin ang iyong mga pagsalangsang, at unawain kung saan ka nagkamali. Ito ang tinatawag na paghahangad na isagawa ang mga salita ng Diyos. Kapag nagsimula na ang isang tao na isagawa ang mga salita ng Diyos, ibig sabihin ba ay nagbago na siya? Hindi ito ganoon kasimple. Kung pinili ka bilang isang lider o manggagawa, mapipigilan mo ba ang iyong sarili na kumilos nang ayon sa sariling kagustuhan at nang walang batayan? Hindi ito madali; hinihingi nito sa iyong maunawaan mo ang katotohanan, makapagsagawa ng mga salita ng Diyos, at makaranas sa isang yugto ng panahon; saka mo lang ito makakamit. Kung sasabihin mong gusto mong isagawa ang mga salita ng Diyos subalit mayroon ka lang nitong kahandaan sa salita at walang motibasyon sa iyong puso, hindi iyon sapat. Kapag handa ang iyong puso, at gusto mo talagang isagawa ang katotohanan, maaari mong maisagawa ang katotohanan. Kapag ayaw mong isagawa ang katotohanan sa iyong puso, kahit na gumawa ka ng panunumpa o kahit na suportahan ka ng iba, wala itong silbi. Dapat mayroon kang determinasyon, ibig sabihin, dapat mayroon kang pusong may napakalaking pagnanais para sa Diyos. Kailangan mong malaman kung paano binibigyang-depinisyon ng Diyos ang isang usapin at kung ano ang hinihingi Niya kaugnay rito, hanapin at kolektahin ang lahat ng salita ng Diyos na nauugnay sa aspektong ito, at pagkatapos ay magdasal-magbasa at unawain ang mga ito. Isulat mo ang mga ito sa isang kuwaderno o ilagay ang mga ito kung saan madali mong makikita ang mga ito. Tuwing may libreng oras ka sa trabaho, tingnan mo ang mga ito, basahin mo ang mga ito, at sa paglipas ng panahon, makakabisado mo ang mga salitang ito ng Diyos at maiingatan mo ang mga ito sa iyong puso. Araw-araw, pagbulayan mo ang tunay na kahulugan ng mga salita ng Diyos at pagnilayan kung ano nga bang paraan ng pagsasalita at pagkilos ang maituturing na pagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Ito ang tinatawag na paghahangad na isagawa ang mga salita ng Diyos. Madali bang makamit ito? Hindi ito madali; hindi ito isang bagay na maisasakatuparan sa magdamagan o sa isang bugso ng pagsisikap. Sinasabi ng ilang tao, “Nanunumpa ako gamit ang dugo,” subalit wala itong silbi. Sinasabi mong, “Mag-aayuno ako at mananalangin nang hindi kumakain o umiinom,” subalit wala itong silbi. Sinasabi mong, “Buong gabi akong hindi matutulog at magdurusa,” subalit wala rin itong silbi. Dapat mong hangarin ang katotohanan; dapat mong taglayin ang mga pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan, at dapat magkaroon ka ng landas para sa paghahangad sa katotohanan; dapat magkaroon ka ng mga tamang pamamaraan at diskarte. Anumang uri ng mga pamamaraan o diskarte ang mayroon ka, hindi ka maaaring lumihis sa mga salita ng Diyos; dapat mong pagsikapan ang mga salita ng Diyos, ikumpara ang lahat sa mga salita ng Diyos, gamitin ang mga salita ng Diyos para lutasin ang mga problema sa bawat sitwasyon, at gawing pangunahing priyoridad mo ang mga salita ng Diyos. Ito ang tinatawag na paghahangad sa katotohanan. Halimbawa, sa pakikisalamuha sa iba, kailangan mong tingnan kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos tungkol dito at hanapin ang mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa pakikisalamuha sa iba. Para sa maayos na pakikipagtulungan, hanapin din ang mga salita ng Diyos kaugnay sa aspektong ito. Tungkol sa tapat na pagganap ng isang tungkulin, hanapin mo ang mga salita ng Diyos tungkol sa kung paano gampanan ang mga tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan at isaulo ang mahahalagang salita ng Diyos, iniingatan ang mga ito sa iyong puso. Tungkol naman sa kung ano ang isang huwad na lider, ano ang mga pagpapamalas na mayroon ang mga huwad na lider, kung may konsensiya at katwiran man sila, at kung paano inilalarawan ng Diyos ang mga huwad na lider, hanapin ang mga pangunahing salita ng Diyos na ito at isulat ang mga ito sa isang kuwaderno, ilagay ang mga ito sa kung saan madali mong makikita ang mga ito, at magdasal-magbasa ng mga ito tuwing may oras ka. Para sa bawat usaping nauugnay sa iyong buhay pagpasok at disposisyonal na pagbabago, magsagawa at magsikap sa ganitong paraan. Ito ang tinatawag na paghahangad sa katotohanan. Kung hindi umaabot sa ganitong antas ang iyong pagsisikap, hindi ito tinatawag na paghahangad sa katotohanan; tinatawag itong pagpapabasta-basta, mababaw na pagharap, at pagraos lang ng iyong mga araw.

Tingnan natin ang “pagsamba sa Diyos.” Ang pagsamba sa Diyos ay kinabibilangan ng tunay na pangamba, pagkatakot, paggalang, at pagiging taos-puso, pati na rin ng pagturing sa Diyos bilang Diyos, pagkakaroon ng puwang para sa Diyos sa puso ng isang tao, makatwirang pagharap sa mga kapaligirang inihanda ng Diyos at sa mga atas na ibinigay ng Diyos, at seryoso at responsableng tinatrato ang bawat salitang sinabi ng Diyos, atbp. Ang lahat ng pagpapamalas na ito ay tinatawag na pagsamba. Ito man ay mga salitang sinabi sa iyo nang harapan ng Diyos o lahat ng salitang Kanyang ipinahayag, hangga’t alam at naaalala mo ang mga ito, at hangga’t nauunawaan at pinagtitibay mo ang mga ito sa iyong puso, dapat mong tratuhin ang mga ito bilang ang pamantayan mo sa pag-asal, pamumuhay, atbp.—ito ang pagpapamalas ng pagsamba sa Diyos. Kapag nahaharap sa mga usapin, umaayon man ang mga ito sa iyong sariling mga panlasa, pagnanais, o kuru-kuro, dapat magawa mo pa ring mapatahimik ang iyong puso at isaalang-alang, “Ginawa ba ito ng Diyos? Nagmula ba ito sa Diyos? Bakit ginawa ito ng Diyos? Ano ang gustong pinuhin sa akin ng Diyos, ano ang gusto Niyang baguhin sa akin? Ano ang mismong layunin ng Diyos? Paano ako dapat magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos? Paano ko dapat tugunan ang layunin ng Diyos? Paano ko dapat gampanan ang aking responsabilidad bilang isang tao?” Ang lahat ng pagpapamalas na ito, kasama ang iba pang mga katulad nito, ay mga pagpapamalas ng pagsamba sa Diyos. Kahit na hindi mo nauunawaan ang mas maraming katotohanan, bilang isang normal na tao, bilang isang taong naniniwala sa pag-iral ng Diyos, bilang isang taong taos-pusong sumusunod sa Diyos, ito ang saloobing kahit papaano ay dapat mong taglayin para sa Diyos. Ang lahat ng may kinalaman sa Diyos, ang lahat ng nauukol sa mga salita ng Diyos, ang lahat ng tungkol sa atas ng Diyos sa iyo, sa iyong tungkulin, at sa iyong responsabilidad, dapat mong tratuhin ang lahat ng ito nang may pangangalaga at pag-iingat, hindi nang walang ingat, hindi nang pabaya, hindi nang may pang-aalipusta—ito ang tinatawag na pagsamba sa Diyos. Ang mangasiwa sa lahat ng bagay na may kinalaman sa Diyos nang may maingat, maasikaso, may-takot-sa-Diyos, at may pangamba-sa-Diyos na puso—ito ang tinatawag na pagsamba sa Diyos. Madali ba itong makamit? Hindi ito madali. Kung walang tunay na karanasan, kahit ang pag-unawa sa tatlong salitang “pagsamba sa Diyos” ay mahirap, lalo na ang aktuwal na pagsasagawa ng pagsamba sa Diyos. Ang huling parirala ng depinisyon ng isang iglesia ay “magtatamo ng Kanyang pagliligtas.” Paano ito dapat maunawaan? Mahaba ang landas sa pagkakamit ng kaligtasan, at mas marami pa ang hinihingi rito. Una, dapat tama ang landas na tinatahak mo; dapat magawa mong tanggapin ang lahat ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, at maging isang tao ka na naghahangad na isagawa ang mga salita ng Diyos at nagpapasakop sa Diyos. Dapat mapamahalaan ang iyong buhay ng mga salita ng Diyos. Hindi mo lang dapat kilalanin ang pag-iral ng Diyos kundi dapat mo ring mahalin ang katotohanan at kumilos ka ayon sa katotohanan; dapat mayroon kang tunay na pagkatakot at pagpapasakop sa Diyos, madalas na manalangin sa Diyos sa iyong puso, at unti-unting magbago tungo sa pagsamba sa Diyos. Sa gayon ikaw ay isang tao na nagmamahal sa katotohanan at nagpapasakop sa Diyos; ikaw mismo ang uri ng tao na gustong iligtas ng Diyos. Ang isang taong taos-pusong nananampalataya sa Diyos ay dapat na isang tamang tao. Ano ang benepisyo ng pagiging isang tamang tao? Ang benepisyo ay na ang pagkakamit ng kaligtasan ay hindi magiging masyadong mahirap para sa iyo; magkakaroon ka ng pag-asang makamit ito. Ito na ang lahat ng pagbabahaginan na isinagawa natin sa mga partikular na detalye ng depinisyon ng isang iglesia.

IV. Ang mga Kuru-kuro at Pananaw na Kinikimkim ng mga Tao Tungkol sa Iglesia

Ngayon lang, nagbahaginan tayo tungkol sa kung ano ang isang iglesia, ang mahalagang gawaing ginagawa ng isang iglesia, at kung ano ang iniisip ng mga tao tungkol sa isang iglesia at ang hinihingi nila mula rito sa kanilang mga kuru-kuro. Sa wakas, nagbigay tayo ng depinisyon para sa konsepto ng isang iglesia. Ngayong nabigyang-depinisyon na ito, mayroon ka na dapat ngayong tumpak na pagkaunawa sa katawagang “iglesia”; mayroon ka na dapat batayang pagkaunawa sa gawain na dapat gawin ng isang iglesia, sa papel na ginagampanan ng iglesia sa pagtulong sa mga tao na makamit ang katotohanan at matamo ang kaligtasan, at sa kabuluhan ng isang iglesia para sa lahat ng sumusunod sa Diyos. Daglian din tayong nagsagawa ng representatibong paghihimay at paglalantad sa kung ano ang pinaniniwalaan ng mga tao tungkol sa kahalagahan ng pag-iral ng isang iglesia at sa gawaing dapat gawin ng isang iglesia sa kanilang mga kuru-kuro. Mayroon bang anumang hindi ninyo makilatis o maarok tungkol sa mga pagkaunawa at interpretasyong mayroon ang mga tao sa kanilang mga kuru-kuro kaugnay sa mga iglesia? Iniisip ng ilang tao na dapat na makilahok ang isang iglesia sa ilang uri ng gawain sa lipunan o magkaroon ng ilang uri ng papel sa lipunan, tulad ng pagtataguyod sa katarungan. Sa mga kuru-kuro ng mga tao, kinakatawan ng iglesia ang isang positibong imahe, kaya bakit hindi nito maitaguyod ang katarungan? May anumang kinalaman ba sa gawain ng isang iglesia o sa mga hinihingi ng Diyos ang pagtataguyod sa katarungan? (Wala.) Ano ang tinutukoy nitong “pagtataguyod sa katarungan” na sinasabi ng mga tao? (Ang tinatawag ng mga tao na pagtataguyod sa katarungan ay hindi tunay na katarungan. Ito ay pangangalaga lang sa mga interes ng laman at hindi ito naaayon sa katotohanan.) May anumang kaugnayan ba ang katarungang ito sa katotohanan? (Wala.) Ito ang tinatawag ng sangkatauhan na katarungan. Halimbawa, ang pagsupil sa ilang masamang puwersa, ang pagtutuwid sa ilang kawalang-katarungan at mga pagkakataong ginawan ng masama at ipinahiya ang mga tao, o ang pagbibigay ng nararapat na parusa sa masasamang tao, at pagpapanumbalik at pangangalaga sa mga interes ng mahihinang grupo, at iba pa—ang mga ito ang tinatawag ng mga tao na pagtataguyod sa katarungan. Ano ang pangunahing pakay ng pagtataguyod na ito sa katarungan? May anumang kaugnayan ba ito sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan? May anumang kaugnayan ba ito sa pagkakaligtas ng mga tao? (Wala.) Ito ay isang kasabihan lang na lumilitaw batay sa moral na katarungan at etika; ganap na wala itong kinalaman sa katotohanan. Masasabi ba nating hindi ito umaabot sa antas ng katotohanan? (Oo.) Masasabi ba natin? (Hindi; walang kaugnayan ang dalawa.) Tama, ganap na walang kaugnayan ang mga ito; dalawang magkaibang bagay ang mga ito. Anong uri ng katarungan ang itinataguyod ng sangkatauhan? Ito ay ang uri kung saan, matapos na ang isang karaniwang tao na medyo may mas mababang katayuang panlipunan ay inapi o pinagkaitan ng anumang mga karapatan o interes ng masasamang tao, naparurusahan ang masasamang tao tulad nang nararapat, at ang karaniwan o ordinaryong tao ay hindi na nagdurusa ng pang-aabuso. Tungkol ito sa pagpapanumbalik at paggarantiya sa mga interes ng mga tao sa laman, sa pagkamit ng relatibong pagkakapantay-pantay sa pagitan ng mga tao, sa pagtatanggal ng mga agwat sa mga antas sa lipunan, at sa pagtitiyak na hindi nagtatagumpay ang masasamang tao sa kanilang masasamang gawa, at na ang mga hinaing ng mga taong ginawan ng masama ay maitutuwid. Ito ang tinatawag ng sangkatauhan na pagtataguyod sa katarungan, at ganap na wala itong kinalaman sa katotohanan. Paano pa rin ninyo nasasabi na hindi ito umaabot sa antas ng katotohanan? May kaugnayan ba ito sa katotohanan? Wala, wala itong kaugnayan. Sabihin mo sa Akin, tiyak bang ang mga ordinaryo at karaniwang tao na iyon na nagdusa ng pang-aabuso ay mabubuting tao? (Hindi.) Ang pigilan silang magdusa ng mga pang-aabuso—iyon ba ay katarungan? Naaayon ba iyon sa katotohanan? Maliligtas ba kung gayon ang mga taong iyon? Malinaw na ang mga ito ay dalawang magkaibang usapin—paano mapagsasama ang mga ito? Walang kuwestiyon sa pag-abot nito sa antas ng katotohanan; talagang hindi ito kapareho ng katotohanan. Kung mayroon kayong mga pagtutol tungkol sa isyung ito, marahil ay hindi makilatis ng karamihan sa inyo ang usapin ng pagtataguyod sa katarungan at medyo nakakapit pa rin kayo rito, iniisip na, “Paanong mali ito? Paanong hindi ito ang gawaing dapat gawin ng isang iglesia?” Sa katunayan, wala itong kinalaman sa gawain ng isang iglesia. May ilang tao rin na nag-iisip na ang isang iglesia ay dapat na maging isang lugar kung saan pinarurusahan ang kasamaan at isinusulong ang kabutihan, na dapat gampanan nito ang serbisyong ito, pinarurusahan ang masasamang gawa at ang masasama, at madidilim na puwersa, habang isinusulong ang mabubuti at matutuwid na bagay. Ito ba ang kaso? Maaari bang umabot sa antas ng katotohanan ang pagpaparusa sa kasamaan at pagsusulong sa kabutihan? Pagdating sa kung ano ang masama at kung ano ang mabuti, hindi kayang malinaw na mapagbukod ng mga tao ang mga bagay na ito. Ano ang ibig sabihin ng mga tao sa pagpaparusa sa kasamaan at pagsusulong sa kabutihan? May kaugnayan ba ito sa pagpaparusa sa kasamaan, pagbibigay-gantimpala sa kabutihan, at pagbubukod-bukod ng lahat ayon sa sariling uri ng mga ito na sinasabi ng Diyos? (Wala.) Wala itong kaugnayan. Ano ang pamantayan ng sangkatauhan sa pagbibigay-depinisyon sa masama at mabuti? Ayon sa depinisyon ng mga Tsino, ano ang masama at ano ang mabuti? Ano ang batayan ng kanilang depinisyon ng masama at mabuti? Ito ay kulturang Budista. Binabanggit ng Budismo ang mga konsepto tulad ng pagtulong sa mundo at pagliligtas sa mga tao, pag-iwas sa pagpatay, at iba pa—itinuturing ang mga ito na mabuti, habang ang pagkain ng manok, isda, baka, o tupa ay itinuturing na masama at ang mga taong gumagawa nito ay dapat parusahan. Walang karne na dapat kainin, at walang mga nabubuhay na nilalang ang dapat patayin. Ang pagpatay ay itinuturing na kasamaan, at iyong mga pumapatay ay dapat mangumpisal at humingi ng tawad sa harap ni Buddha. Ito ang Budistang depinisyon ng kasamaan; pareho ba ito sa kasamaang binabanggit ng Diyos? (Hindi.) Dalawang magkaibang bagay ang mga ito, kaya ang depinisyon na iyon ng kasamaan ay ganap na walang kinalaman sa katotohanan at tiyak na hindi ito makaaabot sa antas ng katotohanan. Kaya, ano ang ibig sabihin ng mabuti sa Budismo? Mas kakatwa, mababaw, at mapagpaimbabaw pa nga ito. Naniniwala ang mga Budista na ang hindi pagpatay sa anumang mga nabubuhay na nilalang ay mabuti at ang pagpapalaya sa mga nakakulong na hayop ay mabuti. Gaano man karaming tao ang pinatay ng isang masamang tao o gaano man karaming kasalanan ang ginawa niya, kung titigil siya sa pagpatay, maaari siyang maging isang Buddha kaagad—itinuturing ito na mabuti. Mayroon ding kasabihang, “Ang pagliligtas ng isang buhay ay higit pa sa pagbuo ng isang pitong-palapag na pagoda,” na ang ibig sabihin ay ang pikit-matang pagliligtas sa mga tao nang walang kondisyon at walang mga prinsipyo—maging ang pagliligtas sa mga demonyo, masasamang tao, mga sanggano, mga maton, at sino pa man—ay itinuturing na mabuti. Anong uri ng kabutihan ito? Ang gayong mga tao ay mga hangal, walang anumang pagkilatis, paninindigan, o mga prinsipyo. Ang pagliligtas sa sinuman at pagpapatawad sa sinuman—maituturing ba iyong mabuti? Ni hindi ito karapat-dapat sa salitang iyon; isa itong pagpapanggap ni Satanas at ng mga diyablo. Hindi sila pumapatay ng mga hayop subalit nilamon na nila ang di-mabilang na kaluluwa. Ito ang kanilang tinatawag na kabutihan, na sa katunayan ay isang pagpapanggap lang. Kaya, makatwiran ba ang kuru-kuro ng tao na dapat gampanan ng iglesia ang papel ng pagpaparusa sa kasamaan at pagsusulong sa kabutihan? (Hindi.) Anuman ang kultural na konteksto ng anumang lahi o relihiyon, ang pagpaparusa sa kasamaan at pagsusulong sa kabutihan ay walang kinalaman sa gawain ng isang iglesia o sa patotoo ng isang iglesia. Huwag isipin na dahil ang mga terminong ito ay tila makatarungan at kapuri-puri, dapat konektado ang mga ito sa gawain ng isang iglesia o na ito ang papel na dapat gampanan ng isang iglesia sa lipunan. Ito ay isang kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Bukod sa “pagtataguyod sa katarungan” at “pagpaparusa sa kasamaan at pagsusulong sa kabutihan,” ang iba pang magagandang termino ayon sa mga kuru-kuro ng tao tulad ng “pakikipaglaban para sa mga karapatan at interes ng mga tao” at “pag-ibsan ng mga alalahanin at paglutas ng mga paghihirap” ay wala ring koneksiyon sa gawain ng isang iglesia o sa patotoo ng isang iglesia. Dapat maunawaan ninyong lahat ito. Ang depinisyon ng isang iglesia, ang gawaing dapat gawin ng isang iglesia, at ang kahalagahan at kabuluhan ng pag-iral ng isang iglesia ay halos napagbahaginan na nang malinaw.