Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (17) Ikaapat na Seksiyon

Sa buhay iglesia, sino pa ang malamang na magbulalas ng pagkanegatibo? May ilang tao na gumagawa ng tungkulin nila nang walang mga resulta, palaging nagkakamali; hindi nila pinagninilayan ang sarili nila pero palagi nilang nararamdaman na hindi matuwid o patas ang Diyos, na palaging mabuti ang pagtrato ng Diyos sa iba pero sa kanila ay hindi, na minamaliit sila ng Diyos, at hindi sila kailanman binibigyang-liwanag, kaya naman, walang nagiging mga resulta kahit kailan ang paggampan nila sa tungkulin nila, at hindi nila kailanman naaabot ang layon nilang mamukod-tangi at mapahalagahan. Sa puso nila, nagkikimkim sila ng mga reklamo tungkol sa Diyos, at habang ginagawa nila ito, lumilitaw sa kanila ang pagkainggit, pagkasuklam, at pagkamuhi sa mga tapat na gumagawa ng mga tungkulin ng mga ito. Anong uri ng pagkatao mayroon ang gayong mga tao? Hindi ba’t makitid ang isip nila? At bukod pa roon, hindi ba’t nabibigo silang maunawaan kung paano hangarin ang katotohanan sa pananalig nila sa Diyos? Hindi nila nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng pananampalataya sa Diyos. Iniisip nila na ang pananampalataya sa Diyos at ang paggawa ng isang tungkulin ay parang pagsusulit sa unibersidad bilang isang estudyante, palaging kailangang ikumpara ang mga marka at ranggo. Kaya, pinapahalagahan nila nang husto ang mga bagay na ito. Hindi ba’t iyon ang kalagayan nila? Una sa lahat, mula sa perspektiba ng pagkaarok sa katotohanan, may espirituwal na pang-unawa ba ang gayong mga tao? Wala, at hindi nila nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos at hangarin ang katotohanan. Sa isang banda, pinapahalagahan nila nang husto ang ranggo nila kumpara sa iba; sa kabilang banda, palagi silang gumagamit ng pamamaraan ng pagmamarka para suriin kung gaano kahusay na ginagawa ng iba ang mga tungkulin ng mga ito at ang sarili nilang husay sa paggawa, para bang sinusuri nila ang mga mag-aaral sa paaralan, sinusukat ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos at ang paggampan ng mga ito sa mga tungkulin gamit ang pamamaraang ito. Hindi ba’t may mali rito? Dagdag pa rito, hindi ba’t mali rin ang masikap na paraan nila ng paggawa ng mga tungkulin nila? Hindi ba’t ginagawa nila ang mga tungkulin nila nang may pagsisikap ng pag-aaral at pagsusulit? (Oo.) Bakit natin nasasabi ito? Nauunawaan ba ng gayong mga tao kung paano hanapin ang mga prinsipyo kapag nananampalataya sa Diyos at gumagawa ng mga tungkulin nila? Kaya ba nilang hanapin ang mga prinsipyo? Sa isang aspekto, hindi nila alam kung paano hanapin ang mga prinsipyo. Kung paano dapat basahin ng mga tao ang mga salita ng Diyos, kung paano pagbahaginan ang katotohanan, at kung paano gawin nang wasto ang mga tungkulin nila—hindi nila nauunawaan ang mga usaping ito, ni pinapahalagahan ang mga ito. Ang alam lang nila ay dapat silang maghanap ng mga prinsipyo at kumilos ayon sa mga ito, pero sa kung ano ang hinihingi ng mga prinsipyo, ano ang hinihingi ng Diyos, o paano kumikilos ang iba ayon sa mga prinsipyo, wala silang pagkaunawa. Sadyang hindi nila ito naiintindihan. At sa isa pang aspekto, nagagawa ba nilang suriin ang paggampan sa isang tungkulin batay sa mga pamantayan ng Diyos para masukat kung pasok ba sa pamantayan ang paggampan ng mga tao sa tungkulin nila, at ang mga prinsipyong Kanyang hinihingi sa mga tao sa paggawa ng tungkulin nila? Kaya ba nilang maunawaan ang mga usaping ito mula sa mga salita ng Diyos at sa pagbabahaginan ng mga kapatid? Una sa lahat, hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos, ni nauunawaan ang mga usapin ng paggawa ng tungkulin. Matapos silang magsimulang manampalataya sa Diyos at gumawa ng mga tungkulin, nagninilay-nilay sila: “Noong nag-aaral pa ako, natuklasan ko ang isang panuntunan: Basta’t handa kang magsikap at higit pang mag-aral, makakakuha ka ng matataas na marka. Kaya, ganoon din ang gagawin ko sa pananalig ko sa diyos. Mas magbabasa ako ng mga salita ng diyos at mas magdarasal ako. Habang nagdadaldalan o kumakain ang iba, mag-aaral ako ng mga himno at magsasaulo ng mga salita ng diyos. Nang may gayong pagsusumikap, tiyak na pagpapalain ako ng diyos, batay sa aking pagsusumikap, pagkamasigasig, at pagkamasipag, tiyak na magiging mabunga ang paggampan ko ng tungkulin. Siguradong makakakuha ako ng mataas na marka kumpara sa iba, at pahahalagahan at iaangat ako.” Pero sa kabila ng paggawa nito, hindi pa rin nila makamit ang mga kahilingan nila: “Bakit hindi pa rin ako kasing-epektibo ng iba sa paggawa ng tungkulin ko? Paano ba ako kailanman maiaangat o magagamit para sa mahahalagang gampanin? Hindi ba’t nangangahulugan ito na wala nang pag-asa? Ipinanganak akong mahilig makipagkompetensiya, ayaw kong napag-iiwanan. Ganoon ako noong nag-aaral pa ako, at ganoon pa rin ako ngayon, sa pananampalataya ko sa diyos. Sinumang nakakahigit sa akin, determinado akong malampasan sila. Hindi ako titigil hangga’t hindi ko nagagawa ito!” Naniniwala sila na gamit ang tamang pamamaraan at diskarte—ang pagdala lang ng pagsusumikap sa pag-aaral nang mabuti para makapagbasa ng mas maraming salita ng Diyos at matuto ng mas maraming himno; ang pag-iwas sa pakikipagdaldalan; ang hindi pagtuon sa pagbibihis nang maganda; ang pagtulog nang kaunti at hindi masyadong pagsasaya; ang pagsupil sa katawan nila; at hindi pagpapasasa sa mga kaginhawahan ng laman—makakatanggap na sila ng mga pagpapala ng Diyos, at siguradong magkakamit sila ng mga resulta sa paggawa ng tungkulin nila. Gayumpaman, laging iba ang kinalalabasan ng mga bagay-bagay kaysa sa inaasahan nila: “Bakit palagi pa rin akong nagkakamali sa paggawa ng tungkulin ko, at bakit hindi ko pa rin ito magawa nang kasinghusay ng iba? Ginagawa ng iba ang mga bagay-bagay nang mabilis at mahusay, at palagi silang pinupuri at pinapahalagahan ng lider. Nagtiis ako ng napakaraming pagdurusa at paghihirap—bakit hindi pa rin ako nagkakamit ng mga resulta?” Habang pinagninilay-nilayan nila ito, sa wakas ay may mahalaga silang natuklasan: “Lumalabas na hindi matuwid ang diyos. Napakatagal ko nang nananampalataya sa diyos, pero ngayon ko lang ito nalaman! Mabuti ang diyos sa kung kanino niya gusto. Kaya, bakit ayaw niyang maging mabuti sa akin? Dahil ba hangal ako, dahil hindi ko kayang mambola at magsalita nang mahusay, dahil hindi ako mabilis mag-isip? O dahil ba masyadong ordinaryo ang hitsura ko, at wala akong masyadong pinag-aralan? Pagbubunyag ito ng diyos sa akin, hindi ba? Napakarami ko nang nabasang mga salita ng diyos—bakit hindi mabuti sa akin ang diyos, bagkus ay ibinubunyag pa niya ako?” Habang pinag-iisipan nila ito, nagiging negatibo sila: “Ayaw ko nang gawin ang tungkulin ko. Hindi ako pinagpala ng diyos habang ginagawa ko ang tungkulin ko, at nagbasa ako ng mas maraming salita ng diyos, pero hindi niya ako binigyang-liwanag. Sinasabi sa mga salita ng diyos na mabuti ang diyos sa kung kanino niya gusto at nagpapakita siya ng habag sa kung kanino niya gusto. Hindi ako isang taong pinapakitaan ng habag o kabutihan ng diyos. Bakit ko kailangang pagdusahan ang pagpapahirap na ito?” Habang mas nag-iisip sila, mas nagiging negatibo sila, at mas nararamdaman nila na wala na silang patutunguhan. Nalulunod na sila sa mga hinanakit nila, at ayaw na nilang gawin ang tungkulin nila; at kapag ginagawa ang tungkulin nila, iniraraos na lang nila ang gawain. Paano man pagbahaginan ng iba ang mga prinsipyo, hindi nila ito nauunawaan. Walang reaksyon sa loob nila. Kapag nasa ganitong uri ng kondisyon sila, mayroon ba silang anumang buhay pagpasok? Mayroon ba silang anumang katapatan sa paggawa ng tungkulin nila? Wala na, at nawala na rin ang kaunting pagsusumikap at pagkamasigasig na mayroon sila noon. Kaya, ano ang natitira sa puso nila? “Bahala na, at tatanggapin ko na lang kung ano ang mangyayari. Maaaring ibunyag at itiwalag ako ng diyos anumang araw mula ngayon, susukuan na niya ako. Kapag dumating ang araw na hindi na ako papayagang gumawa ng tungkulin ko, hindi ko na ito gagawin. Alam kong hindi ako sapat. Maaaring hindi pa ako itinitiwalag ng diyos ngayon, pero alam kong ayaw niya sa akin. Anumang oras ay ititiwalag na niya ako.” Umuusbong sa puso nila ang ganitong mga kaisipan at pananaw, at kapag nakikisalamuha sila sa iba, paminsan-minsan ay nadudulas at nababanggit nila ang gayong mga komento: “Ipagpatuloy ninyong lahat ang taimtim na pananampalataya. Tiyak na pagpapalain ng diyos ang pananalig at paggampan ninyo ng mga tungkulin ninyo. Wala na akong pag-asa. Hanggang dito na lang ako. Kahit gaano ako kamasigasig o kamasipag, wala itong silbi. Kung ayaw ng diyos sa isang tao, walang silbi ang anumang pagsisikap nito. Ginagawa ko ang tungkulin ko nang nagsusumikap ayon sa kaya ko; kung wala nang patutunguhan ang mga pagsisikap ko, wala nang magagawa tungkol doon. Puwede bang pilitin ng diyos ang mga tao na gawin ang lampas sa kakayahan nila? Hindi mapipilit ng diyos ang isang isda na mabuhay sa lupa!” Ano ang sinasabi rito? Ang ipinapahiwatig ay: “Ganito talaga ako. Paano man ako tratuhin ng diyos, ito ang magiging saloobin ko.” Sabihin ninyo sa Akin, bakit gugustuhin pa rin ng isang taong may gayong saloobin at intensiyon na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Puwede bang makaimpluwensiya sa iba ang ganitong kalagayan at saloobing mayroon sila? Madali silang magkakaroon ng negatibo at nakakasirang impluwensiya, na hihila sa iba patungo sa pagkanegatibo at kahinaan. Hindi ba’t panlilihis at pamiminsala ito sa iba? Ang mga taong may gayong antas ng pagkanegatibo ay mga diyablo, hindi ba? Hindi kailanman nagmamahal sa katotohanan ang mga diyablo.

Hindi nagbubulalas ang ilang tao ng pagkanegatibo nila sa mahahabang diskurso; nagbibigkas lang sila ng ilang parirala: “Mas mahusay kayong lahat kaysa sa akin. Labis kayong pinagpalang lahat. Wala na akong pag-asa. Kahit gaano pa ako magsumikap, wala itong silbi. Wala akong pag-asang makatanggap ng mga pagpapala ng Diyos.” Bagama’t simple at tila walang problema ang mga salita, na parang sinusuri nila ang sarili nila, hinihimay ang sarili nila, at tinatanggap ang mga katunayan tulad ng sarili nilang mahinang kakayahan at mga pagkukulang, sa totoo lang, nagbubulalas sila ng isang uri ng di-nakikitang pagkanegatibo. Ang mga salitang ito ay may panunuya at pangungutya, pati na rin paglaban, at siyempre, higit pa rito, mayroong kawalang-kasiyahan sa Diyos ang mga ito, kasama ng isang negatibo at malungkot na lagay ng loob. Maaaring kakaunti ang mga negatibong salitang ito, pero ang lagay ng loob na ito, tulad ng isang nakakahawang sakit, ay maaaring makaapekto sa iba. Bagama’t hindi nila hayagang sinasabi, “Ayaw ko nang gawin ang mga tungkulin ko, wala na akong pag-asa na maligtas, at nanganganib din kayong lahat,” dahil sa ipinapahiwatig nila, nararamdaman ng ibang tao na kung ang indibidwal na ito, sa kabila ng mga pagsisikap niya, ay wala nang pag-asa na maligtas, lalong wala nang pag-asa iyong mga hindi nagsisikap. Sa pagpapahayag ng pahiwatig na ito, sinasabi nila sa lahat, “Mahalaga ang pag-asa. Kung hindi ka bibigyan ng Diyos ng pag-asa, kung hindi ka pagpapalain ng Diyos, kahit gaano ka pa magsikap, walang saysay ang lahat ng ito.” Matapos tanggapin ng karamihan ng tao ang pahiwatig na ito, hindi maiiwasang humina ang pananalig nila sa Diyos sa kaloob-looban nila, at malaki ang nababawas sa katapatan at sinseridad na dapat nilang ipinapakita kapag ginagawa ang mga tungkulin nila. Bagama’t ibinubulalas nila ang pagkanegatibong ito nang walang malinaw na intensiyon para ilihis o hikayatin ang mga tao na kumampi sa kanila, ang negatibong lagay ng loob na ito ay mabilis na nakakaapekto sa iba, na nagpaparamdam sa mga ito ng isang krisis, nararamdaman na madaling nasasayang ang mga pagsisikap ng mga ito; ginagawa nitong mamuhay ang mga tao ayon sa mga damdamin nila, ginagamit ang mga damdamin para bumuo ng espekulasyon tungkol sa Diyos, at sinusuri at sinisiyasat ang saloobin at sinseridad ng Diyos sa mga tao batay sa mga paimbabaw na anyo. Kapag naipapasa sa iba ang negatibong lagay ng loob na ito, hindi nila maiwasang lumayo sa Diyos at magkaroon ng maling pagkaunawa at ng pagdududa sa sinabi ng Diyos, hindi na naniniwala sa Kanyang mga salita. Kasabay nito, wala na silang sinseridad sa mga tungkulin nila; ayaw na nilang magbayad ng halaga, at ayaw na nilang magkaroon ng anumang katapatan. Ito ang epekto ng mga negatibong komentong ito sa mga tao. Ano ang kahihinatnan ng epektong ito? Pagkatapos marinig ang mga salitang ito, hindi nagkakamit ng pagpapatibay ang mga tao, lalong hindi nila nakakamit ang kaalaman sa sarili, natutuklasan ang mga pagkukulang nila, o naisasagawa ang katotohanan at nagagawa ang mga tungkulin nila ayon sa mga prinsipyo—wala silang anumang nakakamit sa mga positibong resultang ito. Sa halip, dahil sa epektong ito, nagiging mas negatibo ang mga tao, naiisip nilang sukuan na ang paghahangad sa katotohanan, at nawawalan na sila ng kapasyahan sa mga tungkulin nila. Bakit nawalan na sila ng pananalig? (Pakiramdam nila ay wala na silang pag-asa na maligtas.) Tama, tinanggap mo ang mensaheng ito at nararamdaman mong wala ka nang pag-asa na maligtas, kaya ayaw mong magsikap na gawin ang tungkulin mo. Ipinapakita ng pag-uugaling ito na hindi ka taos-pusong naghahangad sa katotohanan, kundi palagi mong hinuhusgahan kung nalulugod ba sa iyo ang Diyos, kung may pag-asa ka bang maligtas, at kung sinasang-ayunan ba ng Diyos ang paggampan mo ng tungkulin mo batay sa mga damdamin, lagay ng loob, at hinuha. Kapag hinuhusgahan ng mga tao ang mga bagay na ito batay sa hinuha, wala silang masyadong motibasyon na isagawa ang katotohanan. Bakit ganito? Kaya ba ng mga tao na tumpak na husgahan ang Diyos kapag hinuhusgahan nila Siya batay sa hinuha? Kaya ba ng mga tao na bumuo ng mga tumpak na hinuha tungkol sa bawat kaisipan at ideyang mayroon ang Diyos? (Hindi.) Ang isipan ng tao ay puno ng panlilinlang, mga pakikipagtransaksiyon, mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, lohika ni Satanas, at iba pa. Ano ang mga kahihinatnan ng mga tao sa pagbubuo ng mga hinuha tungkol sa Diyos batay sa mga bagay na ito? Humahantong ito sa pagdududa sa Diyos, paglayo sa Diyos, at maging sa ganap na pagkawala ng pananalig sa Diyos. Kapag ganap na nawala ang pananalig ng isang tao sa Diyos, hindi maiiwasang mapapatanong siya nang husto sa puso niya kung umiiral ba ang Diyos. Sa oras na iyon, magtatapos ang panahon niya bilang isang mananampalataya sa Diyos—ganap na siyang nawasak. Dagdag pa rito, tama ba para sa mga tao na bumuo ng mga hinuha tungkol sa Diyos? Ito ba ang saloobing dapat mayroon ang isang nilikha ukol sa Lumikha? Malinaw na hindi. Hindi dapat bumuo ng mga hinuha ang mga tao tungkol sa Diyos, ni dapat na bumuo ng espekulasyon tungkol sa pag-iisip ng Diyos o sa Kanyang mga iniisip tungkol sa mga tao. Ito mismo ay mali; nagkaroon ng maling perspektiba at posisyon ang mga tao.

Hindi dapat tratuhin ng mga tao ang Diyos nang may hinuha, espekulasyon, pagdududa, o paghihinala, ni dapat Siyang husgahan batay sa mga iniisip at pananaw ng tao, mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, o akademikong kaalaman. Kaya, paano dapat tratuhin ng mga tao ang Diyos? Una, dapat maniwala ang mga tao na ang Diyos ang katotohanan. Ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, ang Kanyang mga layunin sa kanila, ang Kanyang pagmamahal at pagkamuhi sa mga tao, at ang Kanyang mga pagsasaayos, kaisipan, at ideya para sa iba’t ibang uri ng tao, at iba pa, ay hindi nangangailangan ng espekulasyon mo; may mga malinaw na paliwanag at kahulugan sa mga salita ng Diyos ang mga usaping ito. Kailangan mo lang manampalataya, maghanap, at pagkatapos ay magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos—ganoon lang ito kasimple. Hindi hinihiling ng Diyos na husgahan mo kung ano ang layon Niyang gawin sa iyo o kung paano ka Niya tinitingnan batay sa mga damdamin. Kaya, iniisip mo na wala kang pag-asa na maligtas—ito ba ay isang damdamin o isang katunayan? Sinabi ba ito ng mga salita ng Diyos? (Hindi.) Kung gayon, ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos? Sinasabi ng Diyos sa mga tao kung paano hanapin ang katotohanan para sa mga solusyon at hanapin ang landas para isagawa ang katotohanan sa tuwing nahaharap sila sa anumang problema o nagbubunyag sila ng mga tiwaling disposisyon. Pinapatunayan nito ang isang bagay: Totoo na gusto ng Diyos na iligtas ang mga tao at baguhin ang mga tiwaling disposisyon nila; hindi ka nililinlang ng Diyos, at hindi ito hungkag na pananalita. Iniisip mo na wala kang pag-asa na maligtas, pero pansamantalang lagay ng loob lang iyan, isang damdaming nabuo sa ilalim ng isang partikular na kapaligiran. Ang mga damdamin mo ay hindi kumakatawan sa mga pagnanais o layunin ng Diyos, lalong hindi sa Kanyang mga kaisipan, at hindi rin kumakatawan sa katotohanan ang mga ito. Samakatwid, kung mamumuhay ka ayon sa damdaming ito, kung bumubuo ka ng mga hinuha tungkol sa Diyos batay sa damdaming ito, gamit ang damdamin mo para palitan ang mga pagnanais ng Diyos, kung gayon, nagkakamali ka nang husto at nahulog ka sa patibong ni Satanas. Ano ang dapat gawin ng isang tao sa ganitong sitwasyon? Huwag umasa sa mga damdamin. Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi tayo dapat umasa sa mga damdamin, saan tayo dapat umasa?” Walang silbi ang umasa sa anumang bagay na nasa iyo; hindi kumakatawan sa katotohanan ang mga damdamin ng tao. Sino ang nakakaalam kung paano nabuo ang mga damdamin mo, kung saan talaga ito nagmula—kung bunga ito ng panlilihis ni Satanas, problema ito. Sa anumang kaso, paano man nabuo ang damdamin, hindi ito kumakatawan sa katotohanan. Kapag mas matindi ang mga damdamin at kutob ng isang tao, mas kailangan niyang hanapin ang katotohanan, lumapit sa Diyos at pagnilayan ang sarili. Ang mga damdamin ng tao, at ang mga katunayan at ang katotohanan, ay dalawang magkaibang bagay. Maibibigay ba sa iyo ng mga damdamin ang katotohanan? Maibibigay ba sa iyo ng mga ito ang isang landas ng pagsasagawa? Hindi. Tanging ang mga salita ng Diyos, tanging ang katotohanan, ang makakapagbigay sa iyo ng isang landas ng pagsasagawa, ang makakapagbigay sa iyo ng pagtutuwid, at makakapagbukas ng daan palabas. Samakatwid, ang dapat mong isagawa ay hindi ang hanapin ang sarili mong mga damdamin—hindi mahalaga ang mga damdamin mo. Ang dapat mong gawin ay lumapit sa Diyos para hanapin ang katotohanan, para maunawaan ang mga layunin ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Habang mas umaasa ka sa mga damdamin, mas mararamdaman mong wala kang patutunguhan, mas malalim kang mahuhulog sa pagkanegatibo, at mas paniniwalaan mo na hindi patas ang Diyos, na hindi ka pinagpala ng Diyos. Sa kabaligtaran, kung isasantabi mo ang mga damdaming ito para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, para makita kung aling mga kilos sa proseso ng paggawa mo ng tungkulin ang lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, kung aling mga kilos ang ginawa ayon sa sarili mong kalooban at ganap na walang kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon, sa proseso ng paghahanap, matutuklasan mo na masyadong marami ang sarili mong kalooban, masyadong marami ang imahinasyon. Sa paglalapat lang ng kaunting pagkataimtim na ito, matutuklasan mo ang maraming problema: “Masyado akong mapanghimagsik, masyadong sutil, masyadong mayabang! Hindi ito dahil wala akong pag-asa na maligtas; hindi tumpak ang mga damdamin ko. Ito ay dahil hindi ko sineryoso ang mga salita ng Diyos, at hindi ako nagsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Palagi akong nagrereklamo na hindi ako pinagpapala ng Diyos, na hindi Niya ako ginagabayan, at na may kinikilingan Siya, pero ang totoo, hindi ko kinilala na ako ay pabasta-basta, sutil, at wala akong pakundangan sa paggampan ko ng tungkulin—kasalanan ko ito. Napagtanto ko na ngayon, walang kinikilingan ang Diyos. Kapag hindi naghahanap sa katotohanan o lumalapit sa Diyos ang mga tao, nagiging mabuti na ang Diyos sa kanila sa pamamagitan ng hindi pagbawi sa kalipikasyon nila na gumampan ng tungkulin; napakaluwag na ng Diyos sa aspektong ito. Gayumpaman, pakiramdam ko ay puno pa rin ako ng mga hinanakit, nakikipagkompetensiya at nakikipagtalo pa nga ako sa Diyos. Dati, inisip ko na napakabuti ko, pero nakikita ko na ngayon na hindi talaga totoo iyon. Hindi nakabatay sa mga prinsipyo ang anumang ginawa ko; biyaya ng Diyos na hindi Niya ako dinisiplina—nakita Niya na mababa ang tayog ko!” Sa gayong paghahanap, mauunawaan mo ang ilang katotohanan at magagawa mong magkusa na aktibong magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Unti-unti, mararamdaman mong may ilang prinsipyo ka na sa pag-asal mo at sa paggawa ng tungkulin mo. Sa oras na ito, hindi ba’t mas mapapanatag na ang konsensiya mo? “Dati, pakiramdam ko ay wala akong pag-asa na maligtas, pero ngayon, bakit lalong humihina ang damdaming ito, ang kamalayang ito? Paanong nangyari na nagbago ang kalagayang ito? Dati, inakala ko na wala akong pag-asa; hindi ba’t pagkanegatibo at paglaban lang iyon, at pakikipagtalo sa Diyos? Masyado akong mapaghimagsik!” Pagkatapos magpasakop, nang hindi namamalayan, sa proseso ng paggawa ng tungkulin mo, magsisimula kang maunawaan ang ilang prinsipyo, at hindi mo na ikukumpara ang sarili mo sa iba; tutuon ka lang sa kung paano iiwas sa pagiging pabasta-basta at kung paano gawin ang mga tungkulin mo ayon sa mga prinsipyo. Nang hindi namamalayan, hindi mo na mararamdaman na hindi ka maililigtas, at hindi ka na makukulong sa negatibong kalagayang iyon; gagawin mo ang mga tungkulin mo ayon sa mga prinsipyo, at mararamdaman mong naging normal na ang ugnayan mo sa Diyos. Kapag naramdaman mo ito, iisipin mo, “Hindi ako inabandona ng Diyos; nararamdaman ko ang presensiya ng Diyos, at nararamdaman ko ang paggabay at mga pagpapala ng Diyos kapag hinahanap ko Siya habang ginagawa ang mga tungkulin ko. Sa wakas, nararamdaman ko na pinagpapala ng Diyos ang iba at pinagpapala Niya rin ako, at na walang kinikilingan ang Diyos; mukhang may pag-asa pa rin ako na maligtas. Lumalabas na mali ang landas na tinahak ko noon; palagi kong iniraraos lang ang mga bagay-bagay at gumagawa ako ng mga walang pakundangan na maling gawa sa paggawa ng tungkulin ko, at inisip ko pa nga na ayos lang ako, namumuhay sa sarili kong munting mundo at hinahangaan ang sarili ko. Ngayon, nakikita ko na isang malaking pagkakamali ang paggawa niyon! Ang ganap na pamumuhay sa isang kalagayan ng pagpoprotesta at paglaban sa Diyos—hindi nakapagtataka na hindi ko natanggap ang kaliwanagan ng Diyos. Paano ko matatanggap ang kaliwanagan ng Diyos kung hindi ako kumikilos ayon sa mga prinsipyo?” Tingnan mo, dalawang ganap na magkaibang paraan ng pagsasagawa, dalawang ganap na magkaibang paraan ng pagharap sa sariling mga ideya, ay humahantong sa magkakaibang resulta sa huli.

Hindi makakapamuhay ang mga tao ayon sa mga damdamin nila sa pananampalataya nila sa Diyos. Ang mga damdamin ng mga tao ay mga panandalian lang na lagay ng loob—may anumang kinalaman ba ang mga ito sa mga kalalabasan nila? Sa mga katunayan? (Wala.) Kapag lumalayo ang mga tao mula sa Diyos, kapag namumuhay sila sa isang mentalidad na mali ang pagkaunawa nila sa Diyos, o tumututol, lumalaban, at nagpoprotesta sila sa Diyos, lubos na nilang nilisan ang pangangalaga at proteksiyon ng Diyos, at wala na silang puwang para sa Diyos sa kanilang puso. Kapag ganito ang kalagayan ng pamumuhay ng mga tao, hindi nila mapipigilang mamuhay ayon sa sarili nilang mga damdamin. Ang maliit na kaisipan ay maaaring makapagpasama ng loob nila na hindi na sila makakain o makatulog, ang isang walang-ingat na komento mula sa isang tao ay maaaring magpasadlak sa kanila sa paghihinuha at pagkalito, at kahit ang iisang masamang panaginip ay maaari silang gawing negatibo at maging dahilan para magkamali sila ng pagkaunawa sa Diyos. Sa sandaling mangyari ang ganitong uri ng malupit na siklo, matutukoy ng mga tao na tapos na ang lahat para sa kanila, na nawala ang lahat ng kanilang pag-asang maligtas, na tinalikuran na sila ng Diyos, at na hindi sila ililigtas ng Diyos. Habang mas nag-iisip sila nang ganito, at mas nadarama nila ito, lalo silang nasasadlak sa pagkanegatibo. Ang tunay na dahilan kaya may ganitong damdamin ang mga tao ay dahil hindi sila naghahanap sa katotohanan o nagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag may nangyayari sa kanila, hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan, hindi isinasagawa ang katotohanan, at palagi nilang ginagawa ang gusto nilang gawin, namumuhay sa gitna ng sarili nilang mga walang-kuwentang pagkamautak. Ginugugol nila ang bawat araw sa pagkukumpara sa kanilang sarili sa iba at pakikipagpaligsahan sa mga ito, kinaiinggitan at kinamumuhian ang sinumang sa tingin nila ay mas mahusay kaysa sa kanila, at nililibak at kinukutya ang sinumang iniisip nila na mas mababa sa kanila, namumuhay sa disposisyon ni Satanas, hindi ginagawa ang mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at tumatangging tanggapin ang payo ng sinuman. Dahil dito, sa huli ay nagkakaroon sila ng kung ano-anong delusyon, espekulasyon, at mga panghuhusga, at palagi silang nababalisa. At hindi ba’t nararapat ito sa kanila? Sila lang ang makapagtitiis sa gayong kapait na bunga—at iyon ang nararapat talaga sa kanila. Ano ang nagsasanhi ng lahat ng ito? Ito ay dahil hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan, masyado silang mayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, palagi silang kumikilos ayon sa sarili nilang mga ideya, lagi silang nagpapakitang-gilas at nagkukumpara ng kanilang sarili sa iba, palagi silang nagsisikap na maitangi ang kanilang sarili, palagi silang humihingi ng mga hindi makatwirang bagay sa Diyos, at iba pa—lahat ng bagay na ito ay nagiging dahilan para unti-unting mapalayo ang mga tao sa Diyos, na labanan ang Diyos at labagin ang katotohanan nang paulit-ulit. Sa huli, sinasadlak nila ang kanilang sarili sa kadiliman at pagkanegatibo. At sa gayong mga pagkakataon, walang tunay na pagkaunawa ang mga tao sa kanilang sariling pagrerebelde at pagkontra, lalong imposible na maharap nila ang mga bagay na ito nang may tamang saloobin. Sa halip, nagrereklamo sila tungkol sa Diyos, nagkakamali sila ng pag-unawa sa Diyos, at bumubuo sila ng espekulasyon tungkol sa Diyos. Kapag nangyayari ito, natatanto ng mga tao sa wakas na napakalalim ng kanilang katiwalian at na sobrang nakababahala ang mga ito, kaya natutukoy nila na sila ang uring kumokontra sa Diyos, at hindi nila mapigilang masadlak sa pagkanegatibo, hindi nila magawang makaalpas. Ang pinaniniwalaan nila ay, “Itinataboy ako ng Diyos, ayaw ng Diyos sa akin. Masyado akong mapaghimagsik, nararapat lang sa akin ito, siguradong hindi na ako ililigtas ng Diyos.” Naniniwala sila na ang lahat ng ito ay katunayan. Tinutukoy nila ang mga hula sa puso nila bilang mga katunayan. Sino man ang nagbabahagi ng katotohanan sa kanila, wala itong silbi, hindi nila ito matanggap. Iniisip nila, “Hindi ako pagpapalain ng Diyos, hindi Niya ako ililigtas, kaya bakit pa ako mananampalataya sa Diyos?” Kapag umabot na sa puntong ito ang landas ng kanilang pananampalataya sa Diyos, may kapabilidad pa bang manampalataya ang mga tao? Wala na. Bakit hindi na sila makakapagpatuloy? May isang katunayan dito. Kapag umabot sa isang partikular na punto ang pagkanegatibo ng mga tao na ang kanilang puso ay puno ng paglaban at pagrereklamo, at nais nilang ganap na putulin ang ugnayan nila sa Diyos, kung gayon, hindi na ito kasingsimple ng kawalan nila ng takot sa Diyos, hindi pagpapasakop sa Diyos, hindi pagmamahal sa katotohanan, at hindi pagtanggap sa katotohanan. Sa halip ay ano ito? Sa puso nila, aktibo nilang pinipiling isuko ang kanilang pananalig sa Diyos. Iniisip nila na nakakahiya na pasibong maghintay na matiwalag, at na mas may dignidad sa pagpili na sumuko, kaya sila na mismo ang nagkukusa na palagpasin ang pagkakataon nila, tapusin na ang mga bagay-bagay. Kinokondena nila ang pananalig sa Diyos bilang masama, kinokondena nila ang katotohanan bilang walang kakayahang baguhin ang mga tao, at kinokondena nila ang Diyos bilang hindi matuwid, nagrereklamo tungkol sa hindi Niya pagligtas sa kanila: “Napakasipag ko, mas marami akong pinagdusahang paghihirap kaysa sa iba, at mas higit na malaki ang ibinabayad ko kaysa sa sinuman, sinsero kong ginagawa ang aking tungkulin, pero hindi pa rin ako pinagpala ng Diyos. Ngayon ay malinaw kong nakikita na ayaw sa akin ng Diyos, na hindi patas ang pagtrato ng Diyos sa mga tao.” Ang kapal ng mukha nilang gawing pagkondena at paglapastangan sa Diyos ang kanilang mga pagdududa sa Diyos. Kapag nangyayari ang gayong mga katunayan, maaari pa ba silang magpatuloy sa landas ng pananalig sa Diyos? Dahil naghihimagsik sila laban sa Diyos at kumokontra sa Diyos, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan o hindi man lamang nila pinagninilayan ang kanilang sarili, nawasak na sila. Hindi ba’t hindi makatwiran na talikuran ng isang tao ang Diyos nang kusa at pagkatapos ay magreklamo na hindi siya pinagpapala o binibiyayaan ng Diyos? Ang bawat tao ay pumipili ng sarili niyang landas at tumatahak dito; walang sinuman ang maaaring gumawa nito para sa kanya. Ikaw ang pumili ng isang landas na walang patutunguhan, ikaw na tumalikod sa Diyos at nagtakwil sa Kanya. Mula sa simula hanggang sa huli, kailanman ay hindi sinabi ng Diyos na ayaw Niya sa iyo, o na sumuko na Siya sa iyo, o na tumatanggi Siyang iligtas ka; ikaw mismo ang naglimita sa Diyos batay sa mga hula mo. Kung tunay kang nananampalataya sa Diyos, at mananampalataya ka pa rin sa Diyos kahit na ayaw Niya sa iyo, at mananampalataya ka pa rin sa Diyos, at patuloy na magbabasa ng Kanyang mga salita, at tatanggapin pa rin ang katotohanan at gagawin ang mga tungkulin mo nang normal, kahit pa kinamumuhian ka Niya, sino ang makakapaglimita o makakapigil sa iyo? Hindi ba’t ang lahat ng ito ay tungkol sa sarili mong mga pagpili at paghahangad? Ikaw mismo ay walang pananalig pero nagrereklamo ka tungkol sa Diyos; ito ay pagiging hindi makatwiran. Hindi mo pinapanatili ang ugnayan mo sa Diyos at pilit mo itong winawasak; sa sandaling nagkaroon na ng lamat, maibabalik pa ba ito? Ang nabasag na salamin ay mahirap nang buuing muli, at kahit pa mabuo ito, mananatili pa rin ang pagkabasag nito. Ngayong nasira na ang ugnayan, hindi na ito kailanman maibabalik sa orihinal nitong kalagayan. Dahil dito, anumang uri ng kapaligiran ang maranasan nila sa pananampalataya nila sa Diyos, dapat matutong magpasakop ang mga tao at dapat nilang hanapin ang katotohanan—saka lang sila makakapanindigan. Kung gusto mong sumunod sa Diyos hanggang sa dulo ng daan, napakahalaga na hangarin ang katotohanan; sa paggawa man ng mga tungkulin mo o sa paggawa ng anumang iba pang bagay, ang pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo at pagsasagawa at pagpapatupad sa mga ito ay mahalaga, sapagkat sa proseso ng pag-unawa sa katotohanan at pagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, makikilala mo ang Diyos, mauunawaan ang Diyos, maaarok mo Siya, at maaarok mo ang mga layunin ng Diyos at magiging katugma mo Siya, magkakamit ka ng pagkaarok at pagtanggap sa diwa ng Diyos. Kung hindi mo isasagawa ang mga katotohanang prinsipyo at kumikilos ka o ginagawa mo lang ang mga tungkulin mo ayon sa sarili mong kalooban, hindi mo kailanman mararanasan ang katotohanan. Ano ang ibig sabihin ng hindi kailanman mararanasan ang katotohanan? Ibig sabihin nito ay hindi mo kailanman mararanasan ang saloobin ng Diyos sa lahat ng bagay, ang Kanyang mga hinihingi, o ang Kanyang mga iniisip; at mas malamang na hindi mo mararanasan ang disposisyon at diwa ng Diyos na nabubunyag sa Kanyang gawain. Kung bigo kang maranasan ang mga katunayang ito ng gawain ng Diyos, ang pagkaarok mo sa Diyos ay mananatiling limitado magpakailanman sa mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao. Mananatili ito sa saklaw ng mga imahinasyon at kuru-kuro at hinding-hindi ito aayon sa diwa at tunay na disposisyon ng Diyos. Sa ganitong paraan, hindi mo makakamit ang isang tunay na pagkaarok sa Diyos.