Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (16) Ikalawang Seksiyon

2. Pagpapakalat ng mga Kuru-kuro Tungkol sa mga Salita at Gawain ng Diyos

Ang mga taong ito na nagpapakalat ng mga kuru-kuro ay gumagamit ng sarili nilang mga kuru-kuro para sukatin ang mga salita ng Diyos, ang gawain ng Diyos, pati na rin ang diwa at disposisyon ng Diyos. Nananampalataya sila sa Diyos sa loob ng mga kuru-kuro nila, tinitingnan ang Diyos sa loob ng mga kuru-kuro nila, at pinagmamasdan at sinisiyasat nila ang bawat salitang sinasabi ng Diyos, ang bawat aytem ng gawaing ginagawa ng Diyos, at ang bawat kapaligirang inihahanda ng Diyos sa loob ng mga kuru-kuro nila. Kapag umaayon ang ginagawa ng Diyos sa mga kuru-kuro nila, pinupuri nila nang malakas ang Diyos, sinasabing matuwid ang Diyos, tapat ang Diyos, at banal ang Diyos. Kapag hindi umaayon ang ginagawa ng Diyos sa mga kuru-kuro nila, at nagdurusa ng labis na kawalan ang mga interes nila, at nagtitiis sila ng matinding pasakit, kumikilos sila para itanggi ang mga salitang sinasabi ng Diyos at ang gawaing ginagawa Niya; nagpapakalat pa nga sila ng mga kuru-kuro para hikayatin ang mas maraming tao na magkaroon ng maling pagkaunawa at maging mapagbantay laban sa Diyos, sinasabi nila, “Huwag basta-bastang maniwala sa mga salita ng diyos, at huwag ding basta-bastang isagawa ang mga salita ng diyos; kung hindi, kung masasamantala ka at magdurusa ka ng mga kawalan, walang mananagot para dito,” at iba pa. Halimbawa, sabi ng Diyos, “Sa inyong taos-pusong gumugugol para sa Akin, tiyak na labis Ko kayong pagpapalain”—hindi ba’t ang mga salitang ito ay ang katotohanan? Ang mga salitang ito ay isandaang porsiyentong ang katotohanan. Wala itong pagkamainitin ng ulo o panlilinlang. Hindi mga kasinungalingan o mga ideyang matayog pakinggan ang mga ito, lalong hindi isang uri ng espirituwal na teorya ang mga ito—ang mga ito ay ang katotohanan. Ano ang diwa ng mga salitang ito ng katotohanan? Ito ay na dapat kang maging taos-puso kapag ginugol mo ang sarili mo para sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “taos-puso”? Kusang-loob at walang halong dumi; hindi nauudyukan ng pera o kasikatan, at tiyak na hindi para sa sarili mong mga intensyon, pagnanais, at layon. Ginugugol mo ang sarili mo hindi dahil pinilit ka, o dahil nahikayat, nakumbinsi, o nahatak ka, sa halip, nagmumula ito sa loob mo, nang kusang-loob; bunga ito ng konsensiya at katwiran. Ito ang ibig sabihin ng pagiging taos-puso. Sa usapin ng pagiging handang gumugol ng sarili para sa Diyos, ito ang kahulugan ng pagiging taos-puso. Kung gayon, paano naipapamalas ang pagiging taos-puso sa mga praktikal na paraan kapag gumugugol ka ng sarili mo para sa Diyos? Hindi ka nagsisinungaling o nandaraya, hindi ka nanlalansi para makaiwas sa gawain, at hindi mo ginagawa ang mga bagay nang pabasta-basta; inilalaan mo ang buong puso at isipan mo, ginagawa ang lahat ng makakaya mo, at iba pa—masyadong marami ang detalye rito! Sa madaling salita, ang pagiging taos-puso ay kinapapalooban ng mga katotohanang prinsipyo. May pamantayan at prinsipyo sa likod ng mga hinihingi ng Diyos sa tao. Sinasabi ng ilang tao, “Kung ihahandog ko ang pagiging taos-puso ko at ang lahat ng kakarampot na ipon ko sa pananampalataya sa diyos, magkakamit ba ako ng higit pa? Kung magkakamit ako ng higit pa, sulit na ihandog ang lahat!” Pagkatapos nilang maghandog, nakikita nilang hindi sila pinagpapala ng Diyos at pinagbubulayan nila ito, iniisip nila: “Marahil hindi pa sapat ang inihandog ko, kaya maghahandog ako ng higit pa. Lalabas ako at ipapangaral ko ang ebanghelyo.” Kapag nakakaranas sila ng mga paghihirap habang nangangaral ng ebanghelyo, nagdarasal sila. Minsan, kapag hindi sila nakakakain o nakakatulog nang maayos, patuloy pa rin sila sa pagdarasal. Iniisip nila, “Sinabi ng Diyos na ang mga taong taos-pusong gumugugol ng sarili nila para sa Diyos ay tiyak na labis na pagpapalain. Siguro ay hindi pa sapat ang pagiging taos-puso ko, kaya mas magdarasal pa ako.” Sa pagdarasal, nagkakamit sila ng pananalig at hindi nila alintana ang pagtitiis ng kaunting paghihirap. Nagsisimula talaga silang makakita ng ilang resulta mula sa pangangaral ng ebanghelyo at iniisip nila: “Ngayon ay medyo taos-puso na ako. Magmamadali akong umuwi para tingnan kung gumanda na ba ang buhay ng pamilya ko, kung gumaling na ba ang sakit ng anak ko, at kung maayos na ba ang takbo ng negosyo ng pamilya ko—kung may mga pagpapala ba mula sa diyos o wala.” Ito ba ay taos-pusong paggugol ng sarili para sa Diyos? (Hindi.) Ano ito? (Isang transaksiyon.) Ito ay paggawa ng kasunduan sa Diyos. Ginagamit nila ang sarili nilang mga pamamaraan at ang itinuturing nilang pagiging “taos-puso” na batay sa mga kuru-kuro nila para gawin ang gusto nila, at para matamo ang ninanais nila mula roon. Patuloy nilang ginagamit ang pagiging “taos-puso” na nauunawaan nila para patunayan ang mga salitang ito na sinabi ng Diyos, palaging inuusisa kung ano ba ang balak na gawin ng Diyos, kung ano na ang Kanyang nagawa, at ano ang hindi pa Niya nagagawa, at palagi nilang hinuhulaan kung pagpapalain ba sila ng Diyos o hindi, at kung nais ba Niyang pagpalain sila nang lubos. Patuloy nilang kinakalkula ang inihandog nila at kung gaano karami ang dapat nilang makamit, kung ibinigay na ba iyon ng Diyos sa kanila at kung natupad na ba ang mga salita ng Diyos. Palagi silang naghahanap ng mga katunayan para masubok ang pahayag ng Diyos. Habang ginugugol ang sarili nila para sa Diyos, palagi nilang gustong patunayan kung totoo ba ang mga salita ng Diyos. Ang layon nila ay alamin kung makakamit nila ang mga pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng paggugol ng sarili nila para sa Diyos. Palagi nilang sinusubok ang Diyos, palaging gustong makita ang mga pagpapala ng Diyos sa kanila para makumpirma ang Kanyang mga salita. Kapag nakita nila na hindi madaling natutupad ang mga salita ng Diyos gaya ng inakala nila, at mahirap patunayan ang pagiging totoo ng mga salita ng Diyos, lalo pang lumulubha ang mga kuru-kuro nila tungkol sa Diyos. Kasabay nito, nagsisimula silang maniwala nang husto na hindi lahat ng salitang sinasabi ng Diyos ay tiyak na ang katotohanan. Dahil nakatago ito sa puso nila, sinisimulan nilang pagdudahan at kuwestiyunin ang Diyos, madalas silang nagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya. Paminsan-minsan, ang mga taong ito, na puno ng mga kuru-kuro ang puso, ay nagbubunyag ng ilang kuru-kuro nila tungkol sa Diyos habang namumuhay ng buhay iglesia at nakikisalamuha sa mga kapatid. Nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa mga salita ng Diyos at ginagamit din nila ang mga kuru-kuro nila para sukatin ang gawain ng Diyos. Kapag ang gawain ng Diyos ay palaging hindi umaayon sa mga kuru-kuro nila at ganap na taliwas sa mga inaasahan nila, ipinapakalat nila ang mga kuru-kuro nila para ibulalas ang kawalang-kasiyahan nila sa Diyos. Halimbawa, sinasabi ng Diyos na malapit nang matapos ang Kanyang gawain, at dapat talikuran ng mga tao ang lahat ng bagay para sumunod sa Diyos at gugulin ang sarili nila para sa Kanya, makipagtulungan sa gawain ng Diyos, at huwag nang maghangad ng mga makamundong kinabukasan, ng isang matiwasay na sambahayan, at iba pang mga gayong bagay. Pagkatapos sabihin ng Diyos ang mga salitang ito, patuloy na gumagawa ang Diyos ng maraming gawain. Lumilipas ang tatlo, lima, pito, o walong taon, at nakikita ng ilang tao na tuloy-tuloy pa ring umuusad ang gawain ng Diyos, nang walang mga senyales na malapit nang matapos ang Kanyang gawain o na parating na ang malalaking kalamidad at nakasumpong na ng kanlungan ang lahat ng mananampalataya. Iyong mga gumagamit ng mga kuru-kuro nila para sukatin ang gawain ng Diyos ay hindi na makapaghintay na matapos agad ang gawain ng Diyos para makabahagi ang mga mananampalataya sa magagandang pagpapala ng Diyos. Pero hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan; hindi Niya isinasakatuparan ang usaping ito ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Iyong mga hindi makapaghintay ay hindi mapakali at nagsisimulang mag-alinlangan, sinasabi nila: “Hindi ba’t malapit nang matapos ang gawain ng diyos? Hindi ba’t dapat ay matapos na ito sa madaling panahon? Hindi ba’t sinabi ng diyos na parating na ang malalaking kalamidad? Bakit gumagawa pa rin ng napakaraming gawain ang sambahayan ng diyos? Kailan ba mismo matatapos ang gawain ng diyos? Kailan ba ito magwawakas?” Ang mga taong ito ay wala ni katiting na interes sa katotohanan o sa mga hinihingi ng Diyos. Wala silang interes sa pagsasagawa ng katotohanan, pagpapasakop sa Diyos, o pagtakas mula sa impluwensiya ni Satanas para makamit ang kaligtasan. Partikular lang silang interesado sa mga bagay tulad ng kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos, kung buhay o kamatayan ba ang kalalabasan nila, kung kailan sila makakapasok sa kaharian para magtamasa ng mga pagpapala, at kung ano ang magiging hitsura ng magagandang tanawin ng kaharian. Ang mga ito ang pinakainaalala nila. Samakatwid, pagkatapos magtiis sa loob ng ilang panahon at makita na hindi pa rin nagbabago ang langit at lupa, at na nagpapatuloy nang normal ang mga bansa sa mundo, sinasabi nila, “Kailan ba magkakatotoo ang mga salitang ito ng diyos? Ilang taon na akong naghihintay—bakit hindi pa nagkakatotoo ang mga ito? Talaga bang magkakatotoo ang mga salita ng diyos? Tapat ba ang diyos sa kanyang salita o hindi?” At kaya ang mga taong ito ay nawawalan ng pasensiya, hindi mapakali, at nagsisimulang maghanap ng mga pagkakataong bumalik sa mundo para mamuhay ng sarili nilang mga buhay.

Ang gawain ng Diyos at ang mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay palaging lampas sa mga imahinasyon ng tao at palaging higit pa sa mga kuru-kuro ng tao. Gaano man subukan ng mga tao, hindi nila maarok o masukat ang mga ito. Hindi nila alam kung ano eksakto ang mga pamamaraan ng gawain ng Diyos o kung ano ang mga layon na nais nitong makamit, kaya sa huli, nagsisimula nang magduda ang ilang tao: “Talaga bang umiiral ang diyos? Nasaan ba talaga ang diyos? Patuloy na nagpapahayag ang diyos ng mga katotohanan, pero hindi ba’t masyado nang marami ang kanyang ipinapahayag? Hindi ba’t sinabi ng diyos na dadalhin niya tayo sa kaharian niya? Kailan ba tayo makakapasok sa kaharian ng langit? Paanong hindi pa nagkakatotoo o natutupad ang mga bagay na ito? Ilang taon pa kaya ang bibilangin? Palaging sinasabi na nalalapit na ang araw ng diyos, pero ilang taon nang binabanggit ang ‘nalalapit na’ na ito—bakit napakalayo pa nito at tila walang katapusan?” Hindi lang sila nag-iisip sa ganitong paraan, kundi ipinapakalat pa nila ang mga pagdududang ito kung saan-saan. Anong problema ang ipinapahiwatig nito? Bakit, pagkatapos makinig sa napakaraming sermon, hindi pa rin nila nauunawaan ang katotohanan kahit kaunti? Bakit palagi nilang ginagamit ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao para limitahan ang gawain ng Diyos? Bakit hindi nila magawang tingnan ang mga bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos? Makukumpirma ba nila ang pag-iral ng Diyos at makakapagtukoy ba sila ng landas tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos? Nauunawaan ba nila na ang lahat ng salitang ito na sinasabi ng Diyos at ang lahat ng Kanyang ginagawa ay para iligtas ang mga tao? Nauunawaan ba nila na tanging sa pagkamit sa katotohanan at kaligtasan maaaring makamit ng mga tao ang lahat ng pagpapalang ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan? Batay sa mga sinasabi nila at sa mga kuru-kurong ipinapakalat nila, malinaw na hindi nila nauunawaan sa diwa kung ano ba talaga ang ginagawa ng Diyos o kung ano ba talaga ang layon ng Diyos sa paggawa sa lahat ng gawaing ito at sa pagsasabi sa lahat ng salitang ito. Sadyang sila ay mga hindi mananampalataya! Matapos makinig sa mga sermon sa loob ng napakaraming taon at iraos lang ang mga bagay sa loob ng sambahayan ng Diyos nang napakaraming taon, ano ba ang nakamit nila? Hindi pa nga nila nakukumpirma kung umiiral ba ang Diyos, wala silang tiyak na sagot dito. Anong papel ba ang ginagampanan nila sa iglesia? Matapos magtrabaho nang ilang sandali nang hindi nagkakamit ng mga pagpapala, walang konsensiya silang nagpapakalat ng mga kuru-kuro para ilihis at guluhin ang iba. Ang mga bagay na kaswal nilang sinasabi ay mga paghusga laban sa Diyos at sa Kanyang gawain. Sinasabi ng ilan sa kanila, “Inakala ko noon na matatapos ang gawain ng diyos sa loob ng tatlo hanggang limang taon; hindi ko inasahan na hindi pa rin ito matatapos kahit sampung taon na ang lumipas. Kailan matatapos ang gawaing ito? Patuloy na isinusulat ang mga artikulo ng patotoo; patuloy ang paggawa ng mga video ng mga pagtatanghal ng himno at mga pelikula; patuloy na ipinapangaral ang ebanghelyo—kailan ito matatapos?” Tinanong pa nila ang iba: “Hindi ba’t ganito rin ang naiisip ninyo? Buweno, kahit ano pa ang iniisip ninyo, ganoon ang iniisip ko. Isa akong matapat na tao; sinasabi ko ang anumang nasa isipan ko, hindi tulad ng ilang tao na hindi sinasabi ang nasa isipan nila, at kinikimkim lang nila ang lahat ng ito.” Sobrang “matapat” naman pala nila, ang lakas ng loob nilang sabihin ang kahit ano! Ang mas malala pa, sinasabi nila, “Kung hindi pa matatapos agad ang gawain ng diyos, maghahanap na lang ako ng trabaho, kikita ng kaunting pera, at mamumuhay ng sarili kong buhay. Sa lahat ng taon na ito ng pananampalataya sa diyos, napalampas ko ang napakaraming masarap na pagkain, magandang lugar, at materyal na kasiyahan! Kung hindi ako nanampalataya sa diyos, nakatira na sana ako sa isang mansiyon, may sariling kotse, at marahil ay nalibot ko na ang mundo nang ilang beses sa mga nagdaang taon. Kung magbabalik-tanaw ako, maganda naman ang buhay noong hindi pa ako nananampalataya sa diyos; napakasaya ko noon. Kahit medyo walang kabuluhan ito, natatamasa ko ang mga kasiyahan ng laman, nakakakain at nakakainom ako nang maayos, at nagagawa ko ang anumang gusto ko, nang walang anumang mga limitasyon. Sa mga taon na ito ng pananampalataya sa diyos, nagdusa ako nang husto, at masyado akong naging malupit sa sarili ko! Bagama’t nakamit ko ang kaunting katotohanan at mas nararamdaman ko ang kaunting kapanatagan sa puso ko, hindi mapapalitan ng mga katotohanang ito ang mga kasiyahan ng laman na iyon! Bukod dito, hindi kailanman natatapos ang gawain ng diyos, at hindi kailanman nagpapakita ang diyos sa mga tao, kaya hindi ko kailanman nararamdaman ang tunay na kapanatagan. Sinasabi nilang ang pag-unawa at pagkamit sa katotohanan ay nagdadala ng kapayapaan at kagalakan, pero ano ang silbi ng pagkakaroon ng kapayapaan at kagalakan? Wala pa rin akong kasiyahan ng laman!” Napakaraming beses nang sumagi sa isipan nila ang mga kaisipang ito, at inulit-ulit na nila ang mga ito sa sarili nila nang maraming beses. Kapag naniniwala silang may sapat na katwiran ang mga kuru-kuro nila para makapanindigan at nararamdaman nilang tama na ang panahon at sapat na ang kalipikasyon nila para hanapan ng kung ano-anong kapintasan ang gawain ng Diyos, hindi nila mapigilang ipakalat ang mga komento at kuru-kurong binanggit sa itaas. Ipinapakalat nila ang kawalang-kasiyahan nila sa Diyos at ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa nila tungkol sa gawain ng Diyos, sinusubukan nilang ilihis ang mas maraming tao para magkaroon ng maling pagkaunawa sa Diyos at sa Kanyang gawain. Siyempre, may ilan ding may mga lihim na motibo na gustong pigilan ang mas maraming tao na igugol ang sarili nila para sa Diyos, gusto nilang talikuran ng mga ito ang mga kasalukuyang tungkulin ng mga ito at itakwil ang Diyos; kung mabubuwag ang iglesia, para sa kanila ay ito ang pinakamainam na bagay sa lahat. Ano ang layon nila? “Kung hindi ako magkakamit ng mga pagpapala, wala ring sinuman sa inyo ang dapat na umasa pa. Guguluhin ko ang mga bagay-bagay para sa inyong lahat para wala sa inyo ang magkaroon ng pag-asa na makamit ang katotohanan o ang mga pagpapalang ipinangako ng diyos!” Dahil wala silang nakikitang pag-asa na magkakamit sila ng mga pagpapala, nawawalan na sila ng pasensiya na maghintay pa nang mas matagal. Hindi nila mismo nakakamit ang mga pagpapala, at ayaw rin nilang makamit ng iba ang mga ito. Samakatwid, kapag nagpapakalat sila ng mga kuru-kuro, sa isang banda ay ibinubulalas nila ang kawalang-kasiyahan nila, nagrereklamo sila na walang anumang aspekto ng gawain ng Diyos ang umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at na ang pamamaraan ng Diyos sa paggawa ay walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng mga tao. Kasabay nito, gusto nilang ilihis at himukin ang mas maraming tao na magkamali ng pagkaunawa at magreklamo tungkol sa Diyos, magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at mawalan ng pananalig. Gusto nilang mas maraming tao ang tumalikod sa Diyos dahil sa mga maling pagkaunawa at kuru-kuro nila tungkol sa Kanya, tulad ng ginagawa nila.