Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (15) Ikalimang Seksiyon

B. Ang mga Katangian ng Pagkatao ng mga Taong Madalas na Nambabatikos sa Iba

Ngayon, pinagbahaginan natin ang iba’t ibang aspekto na may kinalaman sa isyu ng pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa. Naarok ba ninyo ang kalikasan ng mga pagpapamalas na ipinakita ng iba’t ibang uri ng mga indibidwal na nabanggit sa mga aspektong ito? Magsimula tayo sa mga mahilig mambatikos sa iba—taglay ba nila ang katwiran ng normal na pagkatao? (Hindi.) Ano ang mga pagpapamalas ng kawalan ng katwiran nila? Ano ang kanilang mga saloobin at prinsipyo sa mga tao, pangyayari, at bagay? Sa pakikitungo sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, ano ang mga pamamaraan at saloobin na kanilang pinipili? Halimbawa, ang kanilang hilig sa pakikipagtalo tungkol sa tama at mali, hindi ba’t isa itong uri ng saloobin na pinanghahawakan nila sa mga tao, pangyayari, at bagay? (Oo.) Ang pagkahilig ng mga tao na pagtalunan ang tama at mali ay nangangahulugang sinusubukan nilang linawin kung tama ba o mali ang bawat isang bagay, hindi sila tumitigil hangga’t hindi nalilinaw ang usapin at naunawaan kung sino ang tama at kung sino ang mali, nakapako sila sa mga bagay na wala namang kabuluhan. Ano ba talaga ang silbi ng pagkilos nang ganito? Tama ba talagang pagtalunan ang tama at mali? (Hindi.) Nasaan ang pagkakamali? May koneksiyon ba sa pagitan nito at ng pagsasagawa ng katotohanan? (Walang koneksiyon.) Bakit mo nasasabing walang koneksiyon? Ang pagtatalo sa tama at mali ay hindi pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ito pagtalakay o pagbabahagi ng mga katotohanang prinsipyo; sa halip, laging pinag-uusapan ng mga tao kung sino ang tama at kung sino ang mali, kung sino ang nakagawa ng tama at kung sino ang nagkamali, kung sino ang nasa katwiran at kung sino ang hindi, kung sino ang may matinong katwiran, at kung sino ang wala, kung sino ang nagpahayag ng mas mataas na doktrina; ito ang sinusuri nila. Kapag sinusubok ng Diyos ang mga tao, lagi nilang sinusubukang makipagtalo sa Diyos, lagi silang nakakaisip ng ipapalusot. Tinatalakay ba ng Diyos ang gayong mga bagay sa iyo? Tinatanong ba ng Diyos kung ano ang konteksto? Tinatanong ba ng Diyos ang mga rason at dahilan mo? Hindi Niya itinatanong. Tinatanong ng Diyos kung may saloobin ka ng pagpapasakop o paglaban kapag sinusubok ka Niya. Tinatanong ng Diyos kung nauunawaan mo ba o hindi ang katotohanan, kung mapagpasakop ka ba o hindi. Ito lamang ang itinatanong ng Diyos, at wala nang iba. Hindi itinatanong sa iyo ng Diyos kung ano ang dahilan ng kawalan mo ng pagpapasakop, hindi Niya tinitingnan kung may maganda ka bang rason—talagang hindi Niya isinasaalang-alang ang gayong mga bagay. Tinitingnan lang ng Diyos kung naging mapagpasakop ka ba o hindi. Kahit ano pa ang kapaligirang tinitirhan mo at kung ano ang konteksto, ang masusing sinisiyasat lang ng Diyos ay kung may pagpapasakop ba sa iyong puso, kung mayroon ka bang saloobin ng pagpapasakop. Hindi nakikipagdebate sa iyo ang Diyos sa kung ano ang tama at mali; walang pakialam ang Diyos sa kung ano ang mga rason mo. Ang mahalaga lamang sa Diyos ay kung tunay kang mapagpasakop—ito lamang ang hinihingi sa iyo ng Diyos. Hindi ba’t isa itong katotohanang prinsipyo? Ang uri ng mga taong mahilig makipagtalo sa kung ano ang tama at mali, na gustong-gustong nakikipagbangayan—may mga katotohanang prinsipyo ba sa kanilang puso? (Wala.) Bakit wala? Kahit kailan ba ay pinagtuunan nila ng pansin ang mga katotohanang prinsipyo? Kahit kailan ba ay hinangad nila ang mga ito? Hinanap man lang ba nila ang mga ito? Hindi nila kailanman pinagtuunan ng pansin ang mga ito, o hinangad ang mga ito o hinanap ang mga ito, at lubhang wala ang mga ito sa kanilang mga puso. Bunga nito, nakakapamuhay lamang sila sa loob ng mga kuru-kuro ng tao, ang pawang laman ng kanilang mga puso ay tama at mali, matuwid at di-matuwid, mga palusot, mga dahilan, panlilinlang, at mga argumento, at pagkaraan naman nito ay babatikusin, huhusgahan, at kokondenahin nila ang isa’t isa. Ang disposisyon ng mga taong kagaya nito ay na gusto nilang pinagdedebatihan ang tama at mali at hinuhusgahan at kinokondena ang mga tao. Ang mga taong kagaya nito ay walang pagmamahal o pagtanggap sa katotohanan, malamang na susubukan nilang makipagtalo sa Diyos, at husgahan pa nga ang Diyos at sumuway sa Diyos. Sa huli, mapaparusahan sila.

Naghahangad ba sa katotohanan iyong mga mahilig makipagtalo sa kung ano ang tama at mali? Hinahanap ba nila ang mga layunin ng Diyos, ang mga hinihingi ng Diyos, o ang mga katotohanang prinsipyo na dapat isagawa sa mga sitwasyong ito sa pamamagitan ng mga tao, pangyayari, at bagay na nakakatagpo nila sa loob ng mga ito? Hindi. Kapag nahaharap sa mga sitwasyon, may tendensiya silang aralin kung “kumusta ang pangyayari” o kung “kumusta ang taong iyon.” Ano ang pag-uugaling ito? Hindi ba’t ito ang madalas na tinutukoy ng mga tao bilang walang tigil na pagkapako sa mga tao at bagay? Nagtatalo sila tungkol sa mga pangangatwiran ng mga tao at sa takbo ng mga pangyayari, ipinipilit nilang linawin ang mga bagay na ito, pero hindi nila binabanggit kung sa aling bahagi ng proseso ng masasalimuot na sitwasyong ito nila hinanap ang katotohanan, naunawaan ang katotohanan, o kung saang bahagi sila nabigyang-liwanag. Wala sila ng ganitong mga karanasan at pamamaraan ng pagsasagawa. Palagi lang nilang sinasabi: “Malinaw na pinupuntirya mo ako sa usaping iyon, iniinsulto mo ako. Sa tingin mo ba ay napakahangal ko na hindi ko mapapansin? Bakit mo ako iinsultuhin? Hindi ko naman napasama ang loob mo; bakit mo ako pupuntiryahin? Dahil pinupuntirya mo ako, hindi ako magpipigil! Matagal na akong nagpapasensiya sa iyo, pero may mga limitasyon ang pagpapasensiya ko. Huwag mong isiping madali akong api-apihin; hindi ako takot sa iyo!” Habang kumakapit sa mga isyung ito, walang tigil nilang ipinipresenta ang mga pangangatwiran nila, nakapako sa tama at mali at sa wasto at hindi wasto ng usapin, pero hindi talaga umaayon sa katotohanan ang mga diumano’y pangangatwiran nila, at wala ni isang salita sa mga ito ang umaayon sa mga hinihingi ng Diyos. Napapako sila sa mga tao, pangyayari, at bagay hanggang sa puntong nayayamot na ang iba at wala nang may gustong makinig sa kanila, pero sila mismo ay hindi kailanman nagsasawang magsalita tungkol sa mga bagay na ito, tinatalakay nila ang mga ito saanman sila magpunta, na parang sila ay sinapian. Ito ay tinatawag na walang tigil na pagkapako sa mga tao at bagay, at sadyang pagtanggi na hanapin ang katotohanan. Ang pangalawang katangian ng mga taong nambabatikos at nagbabangayan sa isa’t isa ay ang partikular nilang pagkahilig sa walang tigil na pagkapako sa mga tao at bagay. Nagmamahal ba sa katotohanan iyong mga walang tigil na nakapako sa mga tao at bagay? (Hindi.) Hindi nila minamahal ang katotohanan, halata ito. Kung gayon, nauunawaan ba ng mga indibidwal na ito ang katotohanan? Alam ba nila kung ano talaga ang katotohanang sinasabi ng Diyos? Kung susuriin ang panlabas nilang pag-uugali ng walang tigil na pagkapako sa mga tao at bagay, alam ba nila kung ano talaga ang katotohanan? Malinaw na hindi. Ano ang ideyang pinagpipitagan nila? Ito ay ang ideya na kung sinuman ang may mga salitang may pinakamatibay na katwiran ang siyang tama, kung sinumang may mga kilos na matapat at maipapakita sa lahat ang siyang nasa tama, at kung sinuman ang kumikilos nang alinsunod sa moralidad, etika, at tradisyonal na kultura, nagkakamit ng pagsang-ayon ng nakararami, ang siyang nasa tama. Sa pananaw nila, ang “tama” na ito ang kumakatawan sa katotohanan, para walang tigil silang mapako sa mga tao at bagay nang may masidhing kapangahasan, at hindi sila kailanman tumitigil sa pagkakapako sa mga usaping ito. Naniniwala sila na ang pagiging may katwiran ay katumbas ng pagtataglay ng katotohanan—hindi ba’t malaking problema ito? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko nagambala o nagulo ang gawain ng iglesia, hindi ko sinasamantala ang iba, ayaw kong magnakaw sa iba, at hindi ako nang-aapi; hindi ako isang masamang tao.” Ang ipinapahiwatig ba rito ay na isa kang taong nagsasagawa ng katotohanan, isang taong nagtataglay ng katotohanan? Karamihan sa mga walang tigil na nakapako sa mga tao at bagay ay naniniwalang matutuwid silang tao at dahil doon ay hindi na nila kailangang mag-alala tungkol sa mga tsismis, at itinuturing nila ang sarili nila bilang matutuwid at mararangal na tao na hindi kailanman mambobola ng iba. Samakatwid, kapag nahaharap sa mga sitwasyon, may tendensiya silang makipagtalo at makipagdebate, at piliting patunayan na tama ang pangangatwiran nila sa pamamagitan ng mga pamamaraang ito. Naniniwala sila na kung matibay ang pangangatwiran nila, at puwede itong ipresenta nang hayagan, at sumasang-ayon dito ang nakararami, sila ay isang taong nagtataglay ng katotohanan. Ano ang “katotohanan” nila? Sa anong pamantayan ito sinusukat? Sa tingin ba ninyo ay mauunawaan ng gayong mga tao ang katotohanan? (Hindi.) Samakatwid, palagi silang walang tigil na nakapako sa mga tao at bagay at buong katigasan silang nakatuon sa mga ito. Hindi nauunawaan ng mga taong ito ang katotohanan, kaya palagi nilang sinasabi, “Hindi ko naman napasama ang loob mo. Bakit palagi mo akong pinupuntirya? Mali ang ginagawa mong pagpuntirya sa akin!” Naniniwala sila, “Kung hindi ko napasama ang loob mo, hindi mo ako dapat tratuhin sa ganitong paraan. Dahil tinatrato mo ako sa ganitong paraan, gagantihan kita, maghihiganti ako, at ang paghihiganti ko ay lehitimong pagtatanggol sa sarili at naaayon ito sa batas. Ito ang katotohanang prinsipyo. Samakatwid, hindi umaayon sa mga katotohanang prinsipyo ang ginagawa mo, pero umaayon ang ginagawa ko. Kaya ipapako ko ang sarili ko sa usaping ito, palagi kong uungkatin ang isyung ito, at palagi kitang babanggitin!” Naniniwala silang ang walang tigil na pagkapako sa mga tao at bagay ay umaayon sa mga katotohanang prinsipyo, pero hindi ba’t isa itong malaking pagkakamali? Isa nga itong malaking pagkakamali, at mali sila ng pagkakaayon. Ang walang tigil na pagkakapako sa mga tao at bagay ay ganap na ibang usapin kaysa sa pagsasagawa ng katotohanan. Ito ang pangalawang problema sa pagkatao ng mga taong ito—walang tigil silang nakapako sa mga tao at bagay. Saan nauugnay ang mga problema ng pagkatao? Hindi ba’t nauugnay ang mga ito sa kalikasan ng isang tao? Maraming taon nang nananampalataya sa Diyos ang mga taong ito, pero hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at iniisip nila na ang mga terminong alam nila, gaya ng pagiging bukas at totoo, matuwid at matapat, prangka at walang pag-aalinlangan, diretsahan at marangal, at iba pa ay esensiyal sa kung paano umasal, at itinuturing nila ang mga bagay na ito bilang ang mga katotohanang prinsipyo. Maling-mali ang pananaw na ito.

Ang mga taong nambabatikos sa isa’t isa at may tendensiyang makipagbangayan ay may hindi normal na pagkatao. Ang unang aspekto nito ay ang pagkahilig na makipagtalo sa kung ano ang tama at mali; ang pangalawa ay ang walang tigil na pagkapako sa mga tao at bagay. Ano ang ikatlong aspekto? Hindi ba’t ito ay ang ganap nilang pagtanggi na tanggapin ang katotohanan? Ni hindi nga nila matanggap ang iisang tamang pahayag. Iniisip nila, “Kahit na tama ang sinasabi mo, kailangan mo pa rin akong tulungan na hindi mapahiya, kailangan mong magsalita nang maingat at huwag akong saktan. Kung ang mga salita mo ay matalas at puwede kong ikapahiya, dapat sa pribado mo sabihin sa akin ang mga ito. Hindi mo ako dapat saktan sa harap ng maraming tao, nang walang pagsasaalang-alang sa pagpapahalaga ko sa sarili at hindi ako binibigyan ng tsansang makaalis sa nakakahiyang sitwasyong ito. Dagdag pa rito, mali ang sinasabi mo, kaya dapat akong gumanti!” Sa mas malulubhang kaso, nanlalaban ang ganitong mga uri ng tao: “Gaano man katama ang mga salita mo, hindi ko tatanggapin ang mga ito! Ayos lang kung magsasalita ka tungkol sa ibang tao, pero hindi ayos na puntiryahin mo ako, kahit na tama ka!” Kahit kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, kung nararamdaman nila na pinupuntirya o inilalantad sila ng mga salita ng Diyos, nakakaramdam sila ng pagtutol sa mga salitang iyon at ayaw nilang makinig sa mga ito—sadyang dahil nahaharap lang sila sa mga salita ng Diyos, hindi nila kayang makipagtalo sa Kanya. Kung harap-harapang tutukuyin sa kanila ng isang tao ang mga isyu o kalagayan nila, o hindi sinasadyang babanggitin sila nang walang intensiyong puntiryahin sila, kaya nilang gumanti at magsimula ng mga pagbabangayan. Hindi ba’t nangangahulugan ito na ganap na tumatangging tumanggap sa katotohanan ang gayong mga indibidwal? (Oo.) Ito ang pagkataong diwa nila—isang ganap na pagtangging tanggapin ang katotohanan. Kaya, anuman ang nilalaman ng mga pagbabangayan nila o saanman nangyayari ang mga pagbabangayang ito, malinaw ang pagkatao ng gayong mga tao. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at kahit na nauunawaan nila ang sinasabi sa mga sermon, hindi nila tinatanggap ang katotohanan; nambabatikos pa rin sila sa isa’t isa at patuloy na nakikipagbangayan, o madalas silang may tendensiyang batikusin ang iba. Kung susuriin ang mga pagpapamalas nilang ito, anong uri sila ng mga tao? Una, mga nagmamahal ba sila sa katotohanan? Sila ba ay mga indibidwal na kayang isagawa ang katotohanan kapag nauunawaan nila ito? (Hindi.) Kapag may natuklasan silang mga problema, kaya ba nilang hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito? (Hindi.) Kapag nagkimkim sila ng mga kuru-kuro, at mga pagkiling o personal na opinyon tungkol sa ibang mga tao, magagawa ba nilang magkusa na isantabi ang mga ito para hanapin ang katotohanan? (Hindi.) Hindi nila kayang gawin ang alinman sa mga bagay na ito. Kung titingnan ang lahat ng bagay na ito na hindi nila kayang gawin, malinaw na walang silbi ang lahat ng indibidwal na may tendensiyang mambatikos sa iba at makipagbangayan. Kung susuriin ang iba’t ibang pagpapamalas nila, hindi nila minamahal ang katotohanan at hindi sila handang hanapin ito. Sa mga usaping may kinalaman sa katotohanan, anumang mga pagkiling o maling pananaw ang mabuo sa kanila, nananatili silang mapagmagaling at hindi talaga nila hinahanap ang katotohanan, at kahit na malinaw na naibahagi sa kanila ang katotohanan, tumatanggi silang tanggapin ito, at lalong ayaw nila itong isagawa. Kasabay nito, nagpapakita ng higit pang kasuklam-suklam na pagpapamalas ang mga indibidwal na ito: Matapos magkamit ng pagkaunawa sa ilang salita at doktrina, ginagamit nila ang mga engrandeng doktrinang ito na nauunawaan nila para basta-bastang batikusin, husgahan, at kondenahin ang iba, at pigilan at kontrolin pa nga ang iba. Kung hindi nila nagagawang supilin ka gamit ang mga paghusga at pagkondena nila, mag-iisip sila ng kung ano-anong paraan para pigilan ka gamit ang mga hungkag na teorya. Kung hindi ka pa rin tatalima, gagamit na sila ng mga higit pang kasuklam-suklam at kahindik-hindik na pamamaraan para batikusin ka, hanggang sa tumalima ka sa kanila, hanggang maging mahina at negatibo ka, o magsimula kang hangaan sila at mamanipula nila—saka sila masisiyahan. Kaya, batay sa mga pag-uugali, mga pagpapamalas, at saloobin sa katotohanan ng mga indibidwal na ito, anong uri ng mga tao sila? Ganap silang tumatangging tanggapin ang katotohanan—ito ang saloobin nila sa katotohanan. Paano naman ang pagkatao nila? Ang karamihan sa mga indibidwal na ito ay masasamang tao; sa konserbatibong pananalita, higit 90% sa kanila ang masama. Hilig ng masasamang tao na linawin ang tama at mali sa bawat usapin, kung hindi, hindi nila ito bibitiwan, at palagi silang may ganitong uri ng tendensiya. Dagdag pa rito, kapag nahaharap sa mga sitwasyon, ang masasamang indibidwal ay nakapako sa mga tao at bagay, at walang tigil na nakapako sa mga ito, palaging ipinipresenta ang sarili nilang mga pangangatwiran, palaging kinukumbinsi ang lahat na sumang-ayon at sumuporta sa kanila, at sabihin na tama sila, at hindi tinutulutan ang sinuman na magsabi ng anumang masama tungkol sa kanila. Dagdag pa rito, kapag nahaharap ang masasamang tao sa mga sitwasyon, palagi silang naghahanap ng mga pagkakataon para ikulong at kontrolin ang mga tao. Anong pamamaraan ang ginagamit nila para kontrolin ang mga tao? Kinokondena nila ang lahat, pinapapaniwala ang bawat tao na hindi siya sapat, na may mga problema at kapintasan siya, at na siya ay mas mababa kaysa sa masasamang taong ito, at pagkatapos nito ay nalulugod at nasisiyahan ang masasamang tao. Kapag napabagsak na nila ang lahat, at sila na lang ang nakatayo, hindi ba’t napasailalim na nila ang lahat sa kontrol nila? Ang layong nakakamit nila sa pagkontrol sa mga tao ay ang kondenahin at pabagsakin ang lahat, pinapapaniwala ang lahat na walang kakayahan ang mga ito, ginagawang negatibo at mahina ang mga ito, nagsasanhing mawalan ng pananalig sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan ang mga ito, at mawalan ng pananalig sa Diyos at mawalan ng landas na susundan ang mga ito—pagkatapos nito, natutuwa at nasisiyahan ang masasamang taong ito. Kung titingnan ang mga aspektong ito, hindi ba’t malinaw na binubuo ng masasamang tao ang karamihan sa ganitong mga uri ng mga indibidwal? Tingnan ninyo kung aling mga uri ng mga tao ang palaging may tendensiyang batikusin ang iba kapag nasa grupo sila, harap-harapan man o nakatalikod man ang mga tao, gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan para batikusin ang iba—masasama ang gayong mga tao. Hinding-hindi tinatanggap ng mga indibidwal na ito ang katotohanan, ni pinagbabahaginan ang katotohanan, at madalas nilang sinasamantala ang isang sitwasyon para ipagyabang na mabubuti silang tao, na may katwiran at batayan ang anumang ginagawa nila, at na kumikilos sila sa isang matuwid at matapat na paraan—palagi nilang ipinagyayabang na sila ay mga disente at marangal na tao, at mga diretsahan at makatarungang indibidwal. Hindi kailanman nagpapatotoo sa katotohanan ang mga taong ito, ni nagpapatotoo sa mga salita ng Diyos, mahilig lang sila na walang tigil na mapako sa mga tao at bagay, at ipresenta ang sarili nilang mga pangangatwiran. Ang intensiyon at layon nila ay mapaniwala ang mga tao na mabubuti silang tao, at na nauunawaan nila ang lahat ng bagay. Tungkol sa mga nasa iglesia na madalas mambatikos at magbangayan sa isa’t isa, ito man ay ang mga nagpapasimula ng mga pambabatikos o iyong mga nababatikos, kung nagagambala at nagugulo ang buhay iglesia, dapat tumindig ang karamihan ng tao para bigyan sila ng babala at limitahan sila. Hindi dapat bigyan ng oras ang mga taong ito na mag-amok at gumawa ng masasamang bagay, ni dapat tulutan na makaapekto sa iba sa pamamagitan ng pagbubulalas ng personal nilang galit at paghahangad ng paghihiganti dahil sa mga personal nilang sama ng loob at pansamantalang galit. Siyempre, dapat masigasig ding tuparin ng mga lider ng iglesia ang mga responsabilidad nila, epektibong nililimitahan ang mga taong ito mula sa paggambala at panggugulo sa buhay iglesia, at pinoprotektahan ang karamihan ng tao mula sa pagkabagabag. Kapag nambabatikos at nagbabangayan ang mga tao sa isa’t isa, dapat maagap na pigilan at limitahan ng mga lider ng iglesia ang mga ito. Kung hindi makakalutas sa problema ang pagtatangkang pigilan at limitahan ang mga ito, at patuloy na mambabatikos at magbabangayan sa isa’t isa ang mga ito, ginugulo ang iba, at patuloy na pinipinsala ng mga ito ang buhay iglesia, dapat na paalisin o patalsikin ang gayong mga indibidwal. Ito ang responsabilidad ng mga lider ng iglesia.

Nagbahaginan tayo nang marami-rami tungkol sa mga pag-uugali at pagpapamalas niyong mga nambabatikos at nagbabangayan sa isa’t isa. Maikli rin nating hinimay at pinagbahaginan ngayon lang ang tungkol sa pagkatao nila, na magbibigay-kakayahan sa inyo na magkamit ng higit na pagkilatis sa kanila, at magbibigay-kakayahan sa karamihan sa inyo na malaman kung ano ang nangyayari at maagap silang makilatis kapag nagsasalita at kumikilos sila. Kapag mas lubusan ninyong nauunawaan at nalalaman ang diwa ng mga taong ito, mas mabilis ninyo silang makikilatis, at dahil dito ay mababawasan nang mababawasan ang panggugulo nila sa inyo. Dapat maging malinaw sa karamihan sa inyo ang tungkol sa pinsalang idinudulot sa buhay iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos niyong mga nambabatikos at nagbabangayan sa isa’t isa. Ang ganitong mga uri ng tao ay tiyak na hindi pagninilayan ang sarili nila at hindi titigil sa pakikipag-away. Kung hindi sila agarang pangangasiwaan at papaalisin, magdudulot sila ng patuloy na mga pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia. Samakatwid, ang pangangasiwa at pagpapaalis sa gayong mga tao ay isang napakahalagang aytem ng gawain para sa mga lider ng iglesia at hindi ito dapat kaligtaan.

Hunyo 5, 2021