Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (15) Ikaapat na Seksiyon
Tungkol sa paksa ng mga pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa na kakatapos lang nating pagbahaginan, nauunawaan na ba ninyo ngayon ang mga prinsipyo ng pagkilatis? Kaya na ba ninyong maipagkaiba kung anong mga sitwasyon ang maituturing na mga pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa? Ang mga pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa ay madalas na nangyayari sa mga grupo ng mga tao at maaaring madalas na maobserbahan ang mga ito. Ang mga pambabatikos sa isa’t isa ay pangunahing kinabibilangan ng sadyang pagpuntirya sa mga isyu ng isang tao para personal siyang batikusin, husgahan, kondenahin, at isumpa pa nga, nang may pakay na maghiganti, bumawi, magbulalas ng personal na galit, at iba pa. Ano’t anuman, ang mga pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa ay hindi tungkol sa pagbabahaginan sa katotohanan, ni hindi rin tungkol sa pagsasagawa sa katotohanan ang mga ito, at tiyak na hindi pagpapamalas ang mga ito ng matiwasay na pagtutulungan. Sa halip, ang mga ito ay pagpapamalas ng paghihiganti at pag-atake sa mga tao bunga ng pagkamainitin ng ulo at ng tiwaling disposisyon ni Satanas. Ang layon ng mga pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa ay tiyak na hindi para malinaw na mapagbahaginan ang katotohanan, lalong hindi para mangatwiran upang maunawaan ang katotohanan. Sa halip, ang layon ay para matugunan ang sariling mga tiwaling disposisyon, ambisyon, makasariling pagnanais, at kagustuhan ng laman ng isang tao. Malinaw na ang mga pambabatikos sa isa’t isa ay hindi tungkol sa pagbabahaginan sa katotohanan, at tiyak na ang mga ito ay hindi tungkol sa pagtulong o pagtrato sa mga tao nang may pagmamahal; sa halip, ang mga ito ay isa sa mga estratehiya at pamamaraan ni Satanas para pahirapan, paglaruan, at lokohin ang mga tao. Ang mga tao ay namumuhay sa loob ng mga tiwaling disposisyon at hindi nakakaunawa sa katotohanan. Kung hindi nila pipiliin na isagawa ang katotohanan, napakadali nilang mahuhulog sa gayong mga bitag at tukso at mapapasabak sa laban ng mga pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa. Nagtatalo sila hanggang mamula ang mukha nila at hindi man lang natatapos ang pagtatalo nila kailanman, lahat ng ito ay dahil sa isang salita, parirala, o tingin, ilang taon silang nag-aaway para higitan ang isa’t isa, hanggang sa humantong sa pagkatalo nilang pareho, dahil lang sa iisang bagay. Sa sandaling magkita sila, nagtatalo sila nang walang katapusan, at binabatikos, sinusumpa, at kinokondena pa nga ng ilan ang isa’t isa sa mga chat group sa kompyuter. Napakatindi na ng pagkamuhing ito! Hindi pa sapat ang murahan nila sa mga pagtitipon, hindi pa naibsan ang pagkamuhi nila, hindi pa nila nakamit ang mga layon nila, at pagkauwi nila, habang mas iniisip nila ito, lalo silang nagagalit, at doon ay patuloy nilang isinusumpa ang isa’t isa. Anong uri ng espiritu ito? Karapat-dapat ba itong iangat, karapat-dapat ba itong isulong? (Hindi.) Anong uri ito ng “matapang na espiritu”? Isa itong espiritu ng pagiging walang kinatatakutan, isa itong espiritu ng pagiging kawalang-batas, kinahinatnan ito ng pagtiwali ni Satanas sa tao. Siyempre, ang gayong mga pag-uugali at kilos ay nagdudulot ng malalaking kaguluhan at kawalan sa buhay pagpasok ng mga indibidwal na ito, at nagdudulot din ang mga ito ng mga kaguluhan at pagkagambala sa buhay iglesia. Samakatwid, kapag nahaharap sa ganitong mga sitwasyon, kung makikita ng mga lider at manggagawa na nambabatikos at nagbabangayan sa isa’t isa ang dalawang tao, at sumusumpa ang mga ito na mag-aaway hanggang sa huli, dapat nilang alisin kaagad ang mga ito, at hindi nila dapat kunsintihin ang mga ito at lalong hindi nila dapat bigyang-layaw ang mga ito. Dapat nilang protektahan ang ibang mga kapatid at panatilihin ang normal na buhay iglesia, tinitiyak na nagkakamit ng mga resulta ang bawat pagtitipon, at hindi hayaang okupahin ng gayong mga indibidwal ang oras ng mga kapatid na para sana sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahaginan sa katotohanan, na nakagugulo sa normal na buhay iglesia. Kung matutuklasan sa mga pagtitipon na nambabatikos at nagbabangayan ang mga indibidwal na ito sa isa’t isa, dapat agaran itong mapatigil at malutas. Kung hindi ito malilimitahan, dapat na ilantad at himayin kaagad ang mga taong ito sa pamamagitan ng isang pagtitipon, at dapat silang alisin. Ang iglesia ay isang lugar para sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, para sa pagsamba sa Diyos; hindi ito isang lugar para sa pambabatikos sa isa’t isa o pagbabangayan para magbulalas ng personal na galit. Ang sinumang madalas na nanggugulo sa buhay iglesia, na nakakaapekto sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, ay dapat na alisin. Hindi bukas ang pintuan ng iglesia sa gayong mga tao, hindi nito tinutulutan ang mga panggugulo mula sa mga diyablo o ang presensiya ng masasamang tao—alisin ang mga taong ito, at malulutas ang problema.
Sa iglesia, kung matutuklasan na nambabatikos at nagbabangayan sa isa’t isa ang ilang tao, anuman ang mga palusot at dahilan nila, at anuman ang paksa ng talakayan nila—ito man ay isang bagay na may pakialam ang lahat o wala—basta’t nagdudulot ito ng mga pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia, dapat agarang lutasin ang isyung ito at nang walang pag-aatubili. Kung hindi posibleng pigilan o limitahan iyong mga nasasangkot, dapat silang alisin. Ito ang gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa kapag nahaharap sa gayong mga sitwasyon. Ang pangunahing prinsipyo ay hindi ang hikayatin mo ang masamang pag-uugali ng mga taong ito sa pamamagitan ng pagkunsinti o pagbibigay-layaw sa kanila, ni hindi rin ang kumilos ka bilang isang “matuwid na opisyal” na humahatol sa kung ano ang tama at mali para sa mga taong ito, kumikilatis kung sino ang wasto at ang hindi wasto, kung sino ang tama at ang hindi tama, malinaw na tinutukoy kung sino ang tama sa kung sino ang mali, at pagkatapos ay binibigyan ng pantay na kaparusahan ang magkabilang panig, o kaya ay pinaparusahan ang isang panig na sa tingin mo ay maysala at ginagantimpalaan naman ang kabilang panig—hindi ito ang paraan para malutas ang problema. Sa pangangasiwa sa usaping ito, hindi mo dapat ito sukatin kumpara sa batas, lalong hindi mo ito dapat sukatin at husgahan kumpara sa mga pamantayan ng moralidad, kundi sa halip ay dapat mo itong sukatin at husgahan nang ayon sa mga prinsipyo ng gawain sa iglesia. Tungkol sa magkabilang panig na sangkot sa pambabatikos sa isa’t isa, basta’t nagdudulot sila ng mga pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia, dapat tanggapin ng mga lider at manggagawa ng iglesia na obligasyon nilang pigilan at limitahan ang mga ito, o ibukod o paalisin ang mga ito, sa halip na pakinggan nang maigi ang paglalahad ng magkabilang panig tungkol sa nangyari at ang pagtatalakay ng bawat dahilan at palusot ng mga ito, at ang intensiyon, layon, at ugat na sanhi ng pambabatikos sa kabilang panig at pakikipagbangayan ng mga ito—hindi nila kailangang unawain ang buong kuwento, sa halip, dapat nilang lutasin ang problema, alisin ang mga pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia, at pangasiwaan iyong mga nagdulot ng mga ito. Ipagpalagay nang paimbabaw lang na inaayos ng mga lider at manggagawa ang mga bagay-bagay at humaharap sila nang “walang pinapanigan,” ipinagkakasundo ang magkabilang panig na nambatikos sa isa’t isa, tinutulutan silang walang habas na magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia nang hindi namamagitan o nang hindi ito pinapangasiwaan—patuloy nilang binibigyang-layaw ang mga taong ito. Hinihimok at pinapayuhan lang nila ang mga ito sa bawat pagkakataon, at hindi nila magawang masinsinang lutasin ang problema. Pabaya sa mga responsabilidad nila ang gayong mga lider at manggagawa. Kung lilitaw sa iglesia ang problema ng mga pambabatikos at pagbabangayan ng mga tao sa isa’t isa, na nagdudulot ng malulubhang kaguluhan at pinsala sa buhay iglesia, kaya umuusbong ang sama ng loob at pagkasuklam ng karamihan ng tao, dapat mabilis na kumilos ang mga lider at manggagawa, ibinubukod o pinapaalis ang parehong panig ayon sa mga pagsasaayos ng gawain at sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pag-aalis mula sa iglesia. Hindi sila dapat kumilos bilang “matutuwid na opisyal” na humahatol sa kaso ng mga sangkot at gumagawa ng mga paghusga tungkol sa mga personal na pagtatalong ito, hindi sila dapat makinig nang mabuti sa mga taong ito na naglilitanya ng mga bulok, mahaba at paliko-likong kalokohan para makita kung sino ang tama at sino ang mali, kung sino ang wasto at sino ang hindi wasto, at pagkatapos husgahan ang mga bagay na ito, manghikayat ng mas maraming tao para magtalakayan at magbahaginan tungkol sa mga bagay na ito, na nagiging dahilan para mas maraming tao ang magkimkim ng pagkasuklam at pagkapoot sa puso nila. Aaksayahin nito ang oras na dapat sana ay ginagamit ng mga tao para sa pagkain, pag-inom, at pagbabahaginan ng mga salita ng Diyos. Mas higit pang pagpapabaya ito sa responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at hindi wasto ang ganitong prinsipyo ng pagsasagawa. Kung magsisisi balang araw ang mga panig na nalimitahan, at hindi na nila gagamitin ang oras ng pagtitipon para sa mga pambabatikos at pagbabangayan nila sa isa’t isa, maaari nang tapusin ang pambubukod na ipinataw sa kanila. Kung napaalis sila bilang masasamang tao, at ipinahayag ng isang tao na nagbago at mas mabuti na siya, kailangang makita kung nagpapakita siya ng mga aktuwal na pagpapamalas ng pagsisisi, at kailangan ding konsultahin ang opinyon ng nakararami tungkol sa usapin. Kahit na tanggapin siyang muli, dapat mahigpit siyang bantayan, at dapat mahigpit na limitahan ang oras niya sa pagsasalita, at kalaunan, dapat siyang pangasiwaan nang naaangkop batay sa mga pagpapamalas niya. Ang mga ito ang mga prinsipyong dapat unawain at bigyang-pansin ng mga lider at manggagawa ng iglesia. Siyempre, ang pangangasiwa sa usaping ito ay hindi puwedeng ibatay sa mga subhetibong palagay; dapat na may kalikasan ng pagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa mga pambabatikos sa isa’t isa ng parehong panig. Ang mga tao ay hindi dapat pagbawalang magsalita at hindi dapat ibukod dahil lang may panandaliang nasabi ang isa sa kanila na nakasakit sa kabilang panig, at gumanti naman ang kabilang panig gamit ang sarili niyang komento. Ang pangangasiwa sa mga tao sa ganoong paraan ay hindi talaga naaayon sa mga prinsipyo! Dapat maarok nang wasto ng mga lider at manggagawa ang mga prinsipyo, tinitiyak na sumasang-ayon ang nakararami na naaayon sa mga prinsipyo ang mga ikinikilos nila, sa halip na mag-amok habang gumagawa ng masasamang bagay o pinapalaki nang husto ang kalubhaan ng isyu. Pagdating sa aspektong ito ng gawain, sa isang banda, dapat matutong kumilatis ang nakararami sa kung ano ang maituturing na pambabatikos, at sa kabilang banda, kailangan ding malaman ng mga lider at manggagawa ng iglesia ang mga prinsipyo na dapat maarok at ang mga responsabilidad na dapat matupad sa paggampan sa gawaing ito.
4. Mga Basta-Bastang Pagkondena sa mga Tao
May isa pang pagpapamalas ng mga pambabatikos sa isa’t isa. Alam ng ilang tao ang ilang espirituwal na termino, at palagi silang gumagamit ng ilan sa mga ito sa pananalita nila, tulad ng “diyablo,” “Satanas,” “hindi pagsasagawa sa katotohanan,” “hindi pagmamahal sa katotohanan,” “Pariseo,” at iba pa—ginagamit nila ang mga terminong ito para basta-bastang husgahan ang ilang tao. Hindi ba’t may kaunting kalikasan ito ng pambabatikos? Noon, may isang taong gustong murahin ang sinumang hindi kumilos ayon sa mga kahilingan niya nang makisalamuha siya sa mga kapatid. Pero naisip niya sa sarili niya: “Ngayong nananampalataya na ako sa diyos, tila hindi disente ang pagmumura sa mga tao. Pinagmumukha ako nitong hindi umaasal na tulad ng isang banal. Hindi ako puwedeng magmura o gumamit ng masamang wika, pero kung hindi ako magmumura, hindi ako mapapakali, hindi ko maiibsan ang pagkamuhi ko—palagi kong gugustuhing murahin ang mga tao. Kung gayon, paano ko sila dapat murahin?” Kaya nag-imbento siya ng bagong termino. Ang sinumang makapagpasama ng loob niya, makasakit sa kanya dahil sa mga kilos nito, o hindi makikinig sa kanya, ay minumura niya nang ganito: “Masamang diyablo!” “Isa kang masamang diyablo!” “Si ganito at ganyan ay isang masamang diyablo!” Idinagdag niya ang “masama” bago ang salitang “diyablo”—hindi Ko pa talaga narinig ang sinuman na gumamit ng pariralang ito dati. Hindi ba’t bagong-bago ito? Kaswal niyang minumura ang mga kapatid bilang “masasamang diyablo”—sino naman ang magiging komportable pagkarinig niyon? Halimbawa, kung hiniling niya sa isang kapatid na bigyan siya ng isang basong tubig, pero masyadong abala ang kapatid na iyon kaya sinabihan siya nitong siya na lang ang gumawa nito, mumurahin niya ito: “Masamang diyablo ka!” Kung nakabalik na siya mula sa isang pagtitipon at nakita niyang hindi pa inihanda ang pagkain niya, magagalit siya: “Masasamang diyablo kayo, napakatamad ninyong lahat. Lumalabas ako para gampanan ang tungkulin ko, at wala man lang nakahandang pagkain para sa akin pagkabalik ko!” Ang sinumang makasalamuha niya ay posibleng mamura bilang isang “masamang diyablo.” Anong uri ng tao ito? (Isang masamang tao.) Paano siya naging masama? Sa mata niya, ang sinumang nakakapagpasama ng loob niya o hindi umaayon sa mga kahilingan niya ay isang masamang diyablo—Siya mismo ay hindi, pero ang lahat ng iba ay masasamang diyablo. May anumang batayan ba siya sa pagsasabi nito? Wala talaga; basta-basta lang siyang pumili ng salitang gagamitin para murahin ang mga tao na magtutulot sa kanya na maibsan ang pagkamuhi niya at maibulalas ang mga emosyon niya. Naniniwala siya na kung talagang mumurahin niya ang isang tao, sasabihin ng iba na tila hindi siya isang mananampalataya sa Diyos, pero iniisip niya na kung tatawagin niya ang isang tao na isang diyablo, hindi iyon pagmumura, at dapat na magmukhang makatwiran ito para sa iba, tinutugunan ang sarili niyang mga pagnanais habang hindi hinahayaan ang iba na makakita ng kamalian sa kanya. Ang lalaking ito ay napakatuso at napakasama, ginagamit niya ang pinakamapaminsalang wika, isang uri ng wika na hindi malalabanan ng mga tao, para gantihan at kondenahin sila, pero hindi siya maakusahan ng mga tao ng pagmumura o pagsasalita nang hindi makatwiran. Kapag nahaharap sa gayong tao, iiwasan ba siya, o lalapitan ba siya ng karamihan ng tao? (Iiwasan nila siya.) Bakit? Hindi nila siya puwedeng galitin, kaya ang puwede lang nilang gawin ay iwasan siya; ito ang gagawin ng matatalinong tao.
Ang ganitong pangyayari kung saan ang isang tao ay basta-bastang kinokondena, binabansagan, at pinapahirapan ay madalas na nangyayari sa bawat iglesia. Halimbawa, may ilang tao na nagkikimkim ng pagkiling laban sa isang partikular na lider o manggagawa, at para makaganti, nagkokomento sila tungkol dito habang nakatalikod ito, inilalantad at hinihimay ito habang nagkukunwaring nakikipagbahaginan sila tungkol sa katotohanan. Mali ang intensiyon at mga layon sa likod ng mga gayong kilos. Kung tunay na nakikipagbahaginan ang isang tao tungkol sa katotohanan para magpatotoo sa Diyos at para makinabang ang iba, dapat siyang makipagbahaginan tungkol sa sarili niyang mga totoong karanasan, at magbigay ng pakinabang sa iba sa pamamagitan ng paghihimay at pagkilala sa sarili niya. Ang gayong pagsasagawa ay nagbubunga ng mas magagandang resulta, at sasang-ayunan ito ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kung ang pakikipagbahaginan ng isang tao ay naglalantad, bumabatikos, at nanghahamak sa ibang tao para saktan o gantihan ito, mali ang intensiyon ng pakikipagbahaginan, ito ay hindi makatarungan, kinapopootan ng Diyos, at hindi nakakapagpatibay sa mga kapatid. Kung ang intensiyon ng isang tao ay ang kondenahin ang iba o pahirapan ang mga ito, isa siyang masamang tao at gumagawa siya ng masama. Ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos ay dapat na may pagkilatis sa masasamang tao. Kung sadyang inaatake, inilalantad, o minamaliit ng isang tao ang mga tao, dapat siyang tulungan nang may pagmamahal, dapat makipagbahaginan sa kanya at himayin siya, o pungusan siya. Kung hindi niya matanggap ang katotohanan at matigas siyang tumatangging baguhin ang mga gawi niya, ganap na iba nang usapin ito. Pagdating sa masasamang tao na madalas na basta-bastang kinokondena, binabansagan at pinapahirapan ang iba, dapat silang ilantad nang lubusan, para matutuhan ng lahat na makilatis sila, at pagkatapos, dapat silang pigilan o patalsikin sa iglesia. Mahalaga ito, dahil ginugulo ng mga gayong tao ang buhay iglesia at ang gawain ng iglesia, at malamang na ilihis nila ang mga tao at magdulot sila ng kaguluhan sa iglesia. Sa partikular, madalas na binabatikos at kinokondena ng ilang masamang tao ang ibang tao, para lang makamit ang layon nila na makapagpakitang-gilas at tingalain sila ng iba. Ang masasamang taong ito ay madalas na ginagamit ang pagkakataon ng pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan sa mga pagtitipon para di-tuwirang ilantad, himayin, at supilin ang iba. Binibigyang-katwiran pa nga nila ito sa pamamagitan ng pagsasabing ginagawa nila ito para makatulong sa mga tao at para lutasin ang mga problema sa iglesia, at ginagamit nila ang mga palusot na ito bilang panakip para makamit nila ang kanilang mga layon. Sila ang klase ng mga tao na nambabatikos at nagpapahirap sa iba, at malinaw na masasamang tao sila. Lahat ng bumabatikos at kumokondena sa mga taong naghahangad sa katotohanan ay lubhang malupit, at tanging ang mga naglalantad at naghihimay sa masasamang tao para maprotektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos ang may pagpapahalaga sa katarungan at sinasang-ayunan ng Diyos. Ang masasamang tao ay madalas na napakamapanlinlang sa kanilang paggawa ng kasamaan; bihasa silang lahat sa paggamit ng doktrina para bigyang-katwiran ang sarili nila at para makamit ang layon nila na ilihis ang iba. Kung ang hinirang na mga tao ng Diyos ay walang pagkilatis sa masasamang tao at hindi nila mapigilan ang ganitong mga tao, ang buhay iglesia at ang gawain ng iglesia ay lubhang mawawala sa ayos—o magiging sobrang magulo pa nga. Kapag nakikipagbahaginan ang masasamang tao tungkol sa mga problema at naghihimay ng mga ito, palagi silang may intensiyon at layon, at palagi itong nakatuon sa isang tao. Hindi nila hinihimay o kinikilala ang sarili nila, hindi rin sila nagtatapat at lubos na naghahayag ng sarili nila para lutasin ang sarili nilang mga problema—sa halip, sinusunggaban nila ang pagkakataon para ilantad, himayin, at batikusin ang iba. Madalas nilang sinasamantala ang pagkakataong makipagbahaginan tungkol sa pagkilala nila sa sarili para himayin at kondenahin ang iba, at sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, inilalantad, minamaliit, at sinisiraan nila ang mga tao. Partikular silang nakadarama ng pagkasuklam at pagkamuhi sa mga naghahangad sa katotohanan, sa mga nagdadala ng pasanin para sa gawain ng iglesia, at sa mga madalas na gumagawa ng mga tungkulin ng mga ito. Ang masasamang tao ay gagamit ng iba’t ibang katwiran at palusot para sirain ang motibasyon ng mga taong ito at pigilan ang mga itong isagawa ang gawain ng iglesia. Parte ng nararamdaman nila para sa mga ito ay selos at pagkamuhi; ang isa pang parte ay takot, na ang pagtindig para gumawa ng gawain ng mga taong ito, ay magiging banta sa kasikatan at pakinabang at katayuan nila. Kaya balisa silang subukan ang lahat ng posibleng paraan para balaan, supilin, at pigilan ang mga ito, umaabot pa nga sa puntong naghahanap sila ng mga bala para idiin ang mga ito at baluktutin ang mga katunayan para kondenahin ang mga ito. Ganap na ibinubunyag nito na ang disposisyon ng masasamang taong ito ay disposisyong namumuhi sa katotohanan at sa mga positibong bagay. May partikular silang pagkamuhi sa mga taong naghahangad sa katotohanan at nagmamahal sa mga positibong bagay, at sa mga taong totoo, disente, at matuwid. Maaaring hindi nila ito sinasabi, pero ito ang uri ng mentalidad na mayroon sila. Kaya, bakit partikular nilang pinupuntirya ang mga naghahangad sa katotohanan, at ang mga taong disente at matuwid, para ilantad, maliitin, supilin, at ibukod? Malinaw na isa itong pagtatangka sa parte nila na pabagsakin at talunin ang mabubuting tao at ang mga naghahangad sa katotohanan, upang yurakan ang mga ito, para makontrol nila ang iglesia. Hindi naniniwala ang ilang tao na ganito ang nangyayari. Mayroon Akong isang tanong para sa kanila: Kapag nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, bakit hindi inilalantad o hinihimay ng masasamang taong ito ang sarili nila, at sa halip, palagi nilang pinupuntirya at inilalantad ang iba? Maaari nga kayang hindi sila nagbubunyag ng katiwalian, o na wala silang mga tiwaling disposisyon? Tiyak na hindi. Kung gayon, bakit pinipilit nilang puntiryahin ang iba para sa paglalantad at paghihimay? Ano ba ang mismong sinusubukan nilang makamit? Ang tanong na ito ay nangangailangan ng malalim na pagninilay-nilay. Nararapat ang ginagawa ng isang tao kung inilalantad niya ang masasamang gawa ng masasamang tao na nanggugulo sa iglesia. Pero sa halip, inilalantad at pinapahirapan ng mga taong ito ang mabubuting tao, habang nagkukunwaring nakikipagbahaginan sila tungkol sa katotohanan. Ano ang intensiyon at layon nila? Galit ba sila dahil nakikita nilang inililigtas ng Diyos ang mabubuting tao? Iyon ang totoo. Hindi inililigtas ng Diyos ang masasamang tao, kaya namumuhi ang masasamang tao sa Diyos at sa mabubuting tao—labis na natural ang lahat ng ito. Hindi tinatanggap o hinahangad ng masasamang tao ang katotohanan; sila mismo ay hindi maliligtas, pero pinapahirapan nila ang mabubuting taong naghahangad sa katotohanan at maaaring maligtas. Ano ang problema rito? Kung ang mga tao na ito ay may kaalaman sa sarili nila at sa katotohanan, maaari silang magtapat at makipagbahaginan, pero palagi nilang pinupuntirya at ginagalit ang iba—palagi silang may tendensiyang batikusin ang iba—at lagi nilang itinuturing ang mga naghahangad sa katotohanan bilang mga kaaway nila sa kanilang imahinasyon. Ang mga ito ang mga tanda ng masasamang tao. Ang mga may kakayahang gumawa ng gayong kasamaan ang tunay na mga diyablo at Satanas, ang mga sukdulang anticristo, na dapat pigilan, at kung gumagawa sila ng napakaraming kasamaan, kailangan silang agarang pangasiwaan—patalsikin sila sa iglesia. Lahat ng umaatake at nagbubukod sa mabubuting tao ay mga bulok na mansanas. Bakit Ko sila tinatawag na mga bulok na mansanas? Dahil malamang na magdulot sila ng mga hindi kinakailangang alitan at sigalot sa iglesia, na nagiging dahilan para lumala nang lumala ang kalagayan ng mga bagay-bagay roon. Pinupuntirya nila ang isang tao ngayon at iba na naman ang pupuntiryahin nila bukas, at palagi nilang pinupuntirya ang iba, ang mga nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Malamang na makagambala ito sa buhay iglesia at makaapekto sa normal na pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ng hinirang na mga tao ng Diyos, gayundin sa normal na pakikipagbahaginan nila tungkol sa katotohanan. Madalas na sinasamantala ng masasamang taong ito ang pamumuhay ng buhay iglesia para batikusin ang iba sa ngalan ng pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan. May pagkamapanlaban sa lahat ng sinasabi nila; nagsasabi sila ng mga nakakagalit na komento para batikusin at kondenahin ang mga naghahangad sa katotohanan at ang mga gumugugol ng sarili nila para sa Diyos. Ano ang mga kahihinatnan nito? Magagambala at magugulo nito ang buhay ng iglesia, at dahil dito ay mababalisa ang puso ng mga tao at hindi nila magagawang tumahimik sa harap ng Diyos. Sa partikular, ang mga imoral na bagay na sinasabi ng masasamang taong ito para kondenahin, atakihin, at saktan ang iba ay puwedeng magdulot ng paglaban. Hindi ito nakakatulong sa paglutas ng mga problema; sa kabaligtaran, nagdudulot ito ng takot at pagkabalisa sa iglesia at pinapahina nito ang mga relasyon sa pagitan ng mga tao, na nagiging sanhi na magkaroon ng tensiyon at alitan sa pagitan nila. Ang pag-uugali ng mga taong ito ay hindi lang nakakaapekto sa buhay iglesia, nagdudulot din ito ng sigalot sa iglesia. Puwede pa nga itong makaapekto sa gawain ng iglesia sa kabuuan at sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Samakatwid, ang mga lider at manggagawa ay kailangang magbigay ng babala sa ganitong uri ng tao, at kailangan din nilang limitahan at pangasiwaan ang mga ito. Sa isang banda, ang mga kapatid ay kailangang maglagay ng mahihigpit na limitasyon sa masasamang taong ito na madalas na bumabatikos at kumokondena sa iba. Sa kabilang banda, dapat agarang ilantad at pigilan ng mga lider ng iglesia ang mga basta-bastang umaatake at kumokondena sa iba, at kung hindi sila nagbabago, alisin sila sa iglesia. Ang masasamang tao ay dapat pigilan sa panggugulo sa buhay ng iglesia sa mga pagtitipon, at kasabay nito, ang mga taong magulo ang isip ay kailangang pigilang magsalita sa paraang nakakaapekto sa buhay iglesia. Kung natuklasan ang isang masamang tao na gumagawa ng masama, kailangan siyang ilantad. Hinding-hindi siya dapat pahintulutan na kumilos nang sutil, na gumawa ng masama ayon sa kagustuhan niya. Kinakailangan ito para mapanatili ang normal na buhay iglesia at matiyak na ang hinirang na mga tao ng Diyos ay puwedeng magtipon, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at magbahaginan nang normal tungkol sa katotohanan, na magtutulot sa kanila na tuparin ang mga tungkulin nila nang normal. Saka lang maisasakatuparan ang kalooban ng Diyos sa iglesia, at sa ganitong paraan lang makakaunawa sa katotohanan, makakapasok sa realidad, at makakapagtamo ng mga pagpapala ng Diyos ang Kanyang hinirang na mga tao. Natuklasan na ba ninyo ang ganitong mga uri ng masasamang tao sa iglesia? Palagi silang nagkikimkim ng naiinggit na pagkamuhi sa mabubuting tao, at palagi nilang pinupuntirya ang mga ito. Ngayon ay ayaw nila sa isang mabuting tao, bukas ay iba naman ang aayawan nila; kaya nilang punahin ang sinuman at hanapan ito ng napakaraming kamalian, at higit pa rito, tila may batayan talaga at makatwiran ang sinasabi nila, at sa huli ay nagdudulot sila ng matinding pagkagalit ng nakararami, nagiging salot sila sa grupo. Ginugulo nila ang iglesia hanggang sa puntong nagkakagulo-gulo na ang puso ng mga tao, nagiging negatibo at mahina ang maraming tao, wala nang pakinabang o pagpapatibay na nakakamit mula sa mga pagtitipon, at nawawala pa nga ang pagnanais ng ilan na dumalo sa mga pagtitipon. Hindi ba’t mga bulok na mansanas ang gayong mga tao? Kung hindi pa nila naabot ang antas na dapat na silang paalisin, dapat silang ibukod o limitahan. Halimbawa, sa panahon ng mga pagtitipon, paupuin sila nang nakahiwalay sa iba para maiwasang maimpluwensiyahan nila ang iba. Kung pilit silang maghahanap ng mga pagkakataon para magsalita at mambatikos ng mga tao, dapat silang limitahan—pagbawalang magsabi ng mga walang kuwentang bagay. Kung magiging imposible na limitahan sila at malapit na silang sumabog o manlaban, dapat silang agarang paalisin. Ibig sabihin, kapag ayaw na nilang malimitahan, at sinabi nila, “Ano ang batayan ng paglilimita mo sa pananalita ko? Bakit puwedeng magsalita ang iba sa loob ng limang minuto, samantalang may isang minuto lang ako?”—kapag palagi nilang tinatanong ang ganitong mga katanungan, ibig sabihin ay manlalaban sila. Kapag malapit na silang manlaban, hindi ba’t nagiging masuwayin sila? Hindi ba’t sinusubukan nilang magdulot ng problema, na manligalig? Hindi ba’t malapit na nilang guluhin ang buhay iglesia? Malapit na nilang ibunyag kung sino talaga sila; oras na para pangasiwaan sila—dapat silang alisin kaagad. Makatwiran ba ito? Oo, makatwiran nga ito. Talagang hindi madali na tiyakin na makakapamuhay ng normal na buhay iglesia ang karamihan, nang may kung ano-anong masasamang tao, masasamang espiritu, maruruming demonyo, at “mga espesyal na talento” na naghahangad na sirain ang mga bagay-bagay. Maaatim ba nating hindi sila limitahan? Ang ilang “mga espesyal na talento” ay nagsisimulang maliitin at batikusin ang iba sa sandaling ibuka nila ang bibig nila—kung nakasuot ka ng salamin o kung manipis ang buhok mo, babatikusin ka nila; kung ibinabahagi mo ang iyong patotoong batay sa karanasan sa panahon ng mga pagtitipon o kung aktibo at responsable ka sa paggampan ng mga tungkulin mo, babatikusin at huhusgahan ka nila; kung may pananalig ka sa Diyos sa panahon ng mga pagsubok, kung mahina ka, o kung mapagtatagumpayan mo ang mga paghihirap sa pamilya gamit ang pananalig mo nang hindi nagrereklamo tungkol sa Diyos, babatikusin ka nila. Ano ang ibig sabihin dito ng pambabatikos? Ibig sabihin, anuman ang gawin ng iba, hindi ito kailanman ikinasisiya ng mga taong ito; palagi nila itong hindi gusto, palagi silang naghahanap ng mga kamaliang hindi naman umiiral, palagi nilang hinahangad na akusahan ang ibang mga tao ng kung ano-ano, at sa tingin nila ay wala nang ginawang tama ang ibang mga tao. Kahit na makipagbahaginan ka tungkol sa katotohanan at tugunan mo ang mga isyu ayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, mambubusisi at mamumuna sila, naghahanap ng kamalian sa lahat ng ginagawa mo. Sadya silang nagdudulot ng problema, at pinupuntirya nila ang lahat sa mga pambabatikos nila. Sa tuwing nagpapakita sa iglesia ang ganitong tao, dapat mo siyang pangasiwaan; kung dalawa sa ganitong tao ang magpapakita, dapat pareho mo silang pangasiwaan. Ito ay dahil malaki ang pinsalang idinudulot nila sa buhay iglesia, nagdudulot sila ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia, at malubha ang mga kahihinatnan nito.