Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (12) Ikalawang Seksiyon
Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Kaugnay sa Pangangalaga sa mga Handog
I. Wastong Pangangalaga sa mga Handog
Sunod, titingnan naman natin kung ano mismo ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa pagdating sa pangangalaga sa mga handog. Sa mga handog, dapat munang maunawaan ng mga lider at manggagawa kung ano ang mga handog. Kapag naghahandog ang mga tao ng ikasampung bahagi ng kinikita nila, handog iyon; kapag malinaw nilang sinasabi na naghahandog sila ng pera o mga aytem sa Diyos, mga handog ang mga iyon; kapag malinaw nilang sinasabi na naghahandog sila ng isang aytem sa iglesia at sa sambahayan ng Diyos, isang handog iyon. Kapag naunawaan na nila ang depinisyon at konsepto ng mga handog, dapat magkaroon ang mga lider at manggagawa ng tiyak na pagkaarok at pamahalaan ang mga inihahandog ng mga tao, at magsagawa ng wastong pagbeberipika kaugnay nito. Una, dapat silang humanap ng mga maaasahang tao na may pagkataong pasok sa pamantayan para magsilbing mga tagapag-ingat na sistematikong magtatala ng mga handog at mangangalaga sa mga handog. Ito ang unang gampanin sa gawain na dapat gawin ng mga lider at manggagawa. Ang mga tagapag-ingat ng mga handog na ito ay maaaring may pangkaraniwang kakayahan at hindi nila kayang maging mga lider o manggagawa, pero maaasahan sila, at hindi nila lulustayin ang anuman, habang nasa pag-iingat nila, hindi mawawala o magkakahalo-halo ang mga handog, at mapangangalagaan ang mga ito nang maayos. May mga patakaran sa mga pagsasaayos ng gawain para dito. Walang ibang maaari kundi ang isang maaasahang tao na may pagkataong pasok sa pamantayan. Kapag may nakikitang isang magandang bagay ang mga taong may mababang pagkatao, pinag-iimbutan nila ito, at palagi silang naghahanap ng mga pagkakataon para kunin ito para sa sarili nila. Anuman ang mangyari, palagi nilang hinahangad na makalamang. Ang gayong mga tao ay hindi maaaring gamitin. Ang isang tao na may pagkataong pasok sa pamantayan ay dapat na isang matapat na tao man lang, isang taong pinagkakatiwalaan ng mga tao. Kung inatasang mangalaga ng mga handog o mamahala ng mga ari-arian ng iglesia, gagawin niya ito nang maayos, metikuloso, masigasig, at may labis na pangangalaga. Mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso at hindi niya maling ilalaan ang mga bagay na ito, ipahihiram ang mga ito, at iba pa. Sa madaling salita, makatitiyak kang kapag ipinagkatiwala mo ang mga handog sa kanya, walang sentimo ang mawawala at walang ni isang aytem ang mawawala. Dapat hanapin ang isang taong gaya nito. Bukod dito, may patakaran ang sambahayan ng Diyos na hindi lang isang taong gayon ang dapat hanapin; pinakamainam ang dalawa o tatlo—na ang ilan sa kanila ay nag-iingat ng mga tala at ang ilan ay nangangalaga. Kapag natagpuan na ang mga taong ito, dapat ikategorya ang mga handog, at dapat gumawa ng mga sistematikong tala ng kung sino ang nangangalaga ng aling kategorya ng bagay, at kung gaano karami ang pinangangalagaan niya. Kapag natagpuan na ang mga angkop na tao at ang mga bagay ay napangalagaan at nairehistro na sa mga kategorya, iyon na ba ang katapusan ng proseso? (Hindi.) Ano ang dapat sunod na gawin, kung gayon? Ang mga talaan ng mga pumapasok at lumalabas ay dapat masuri kada tatlo hanggang limang buwan para makita kung tama ang mga ito—ibig sabihin, kung naging tumpak ang tagapag-ingat ng tala sa kanyang mga tala, kung may nakaligtaan noong inirehistro ito, kung ang kabuuang halaga ay pareho sa mga talaan ng mga pumapasok at lumalabas, at iba pa. Ang gayong gawain ng pagkukuwenta ay dapat gawin nang metikuloso. Ang mga lider at manggagawa na hindi masyadong bihasa sa gayong gawain ay dapat isaayos na gawin ito ng isang tao na medyo mahusay rito, at pagkatapos ay magsagawa ng mga regular na inspeksyon at makinig sa mga ulat nito. Sa kabuuan, nauunawaan man nila o hindi ang gawain ng pagkukuwenta at pangkalahatang pagpaplano, hindi nila maaaring pabayaan ang gawain ng pangangalaga sa mga handog, ni hindi nila ito maaaring balewalain at basta hindi na lang magtanong tungkol dito. Sa halip, dapat silang magsagawa ng mga regular na inspeksyon, kinukumusta ang mga kuwentang nasiyasat na at kung nagtutugma ang mga ito, at pagkatapos ay biglaang sinisiyasat ang ilang talaan ng mga paggastos para makita kung ano ang sitwasyon ng paggastos kamakailan, kung may anumang pag-aaksaya, kung ano ang kondisyon ng bookkeeping, at kung tumutugma ang mga pumapasok sa mga lumalabas. Dapat may matatag na kontrol ang mga lider at manggagawa sa lahat ng pangyayaring ito. Ito ay isang gampanin na kabilang sa pangangalaga sa mga handog. Sasabihin ba ninyong madali ang gampaning ito? Medyo mahirap ba ito? Sinasabi ng ilang lider at manggagawa, “Ayaw ko sa mga numero; sumasakit ang ulo ko kapag nakikita ko ang mga ito.” Kung gayon ay maghanap ka ng isang angkop na tao para tumulong sa iyo sa mga pag-iinspeksyon at pangangasiwa; hayaan mong tulungan ka niyang kilatisin ang mga bagay na ito. Maaaring hindi mo gusto o hindi ka magaling sa gawaing ito, pero kung alam mo kung paano gamitin ang mga tao at gawin ito nang tama, magagawa mo pa rin nang maayos ang gawaing ito. Gumamit ka ng mga angkop na tao para gawin ito at maaaring makinig ka na lang sa mga ulat nila. Maaari din iyon. Sundin mo ang prinsipyong ito: Regular na suriin at itugma ang lahat ng pinangangalagaang ari-arian kasama ng taong namamahala sa gawaing iyon, at pagkatapos ay magtanong ng ilang katanungan tungkol sa mahahalagang paggastos—maisasakatuparan mo ba ito? (Oo.) Bakit dapat gawin ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito? Dahil ito ay pangangalaga sa mga handog—responsabilidad mo ito.
Ang mga inihahandog ng mga tao sa Diyos ay para tamasahin ng Diyos, pero ginagamit ba Niya ang mga ito? May gamit ba ang Diyos sa perang ito at mga aytem na ito? Hindi ba nakaukol ang mga handog na ito sa Diyos para gamitin sa pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo? Hindi ba’t ang mga ito ay para sa lahat ng gastusin ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Dahil nauugnay ang mga ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos, ang pamamahala at paggastos ng mga handog ay parehong may kinalaman sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Sinuman ang naghandog ng perang ito o saanman nanggaling ang mga aytem na ito, basta’t pag-aari ang mga ito ng sambahayan ng Diyos, dapat mong pamahalaan ang mga ito nang maayos, at dapat mong subaybayan ang gawaing ito, inspeksiyonin ito, at alalahanin ang tungkol dito. Kung ang mga inihandog para sa Diyos ay hindi magamit nang maayos para ipalaganap ang gawain ng ebanghelyo ng Diyos, kundi sa halip ay walang habas na winawaldas at inaaksaya ang mga ito, o kinakamkam pa nga o inaangkin ng masasamang tao, naaangkop ba iyon? Hindi ba’t iyon ay isang pagpapabaya sa responsabilidad sa bahagi ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Isa itong pagpapabaya sa responsabilidad sa bahagi nila. Kaya, dapat gawin ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito. Ito ang tungkulin na hindi nila maaaring talikuran. Ang maayos na pamamahala ng mga handog, para magamit ang mga ito nang tama sa pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo at sa anumang gawaing may kaugnayan sa pamamahala ng Diyos, ay responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at hindi ito dapat kaligtaan. Maingat na nagsisikap ang mga kapatid na makaipon ng kaunting pera para ihandog sa Diyos. Ipagpalagay na, dahil sa pagiging pabaya at walang ingat ng mga lider at manggagawa sa mga tungkulin nila, ang perang ito ay napasakamay ng masasamang tao—lahat ito ay walang ingat na winaldas at inaksaya ng masasamang tao, o kinamkam pa nga ng mga ito. Dahil dito, walang sapat na pera ang mga lider at manggagawa para sa mga gastusin sa paglalakbay o para sa mga gastusin sa pamumuhay, at ni wala ring sapat na pera kapag oras na para mag-imprenta ng mga aklat ng mga salita ng Diyos o para bumili ng mga kinakailangang kagamitan at kasangkapan. Hindi ba’t inaantala nito ang gawain? Kapag ang perang inihandog ng mga kapatid ay napasakamay ng masasamang tao sa halip na magamit nang wasto, at kailangang gumastos ng pera para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, pero hindi sapat ang pera, hindi ba’t nahadlangan na ang gawain kung gayon? Hindi ba’t nabigo ang mga lider at manggagawa na tuparin ang responsabilidad nila? (Oo.) Dahil nabigo ang mga lider at manggagawa na tuparin ang responsabilidad nila at hindi napamahalaan nang mahusay ang mga handog, at hindi sila naging mabubuting katiwala o hindi nila inilagay ang puso nila sa pagtupad ng responsabilidad nila kaugnay sa gawaing ito, nagkaroon ng mga kawalan sa mga handog at naparalisa o natigil nang ilang panahon ang ilang gawain ng iglesia. Hindi ba’t may malaking pananagutan ang mga lider at manggagawa rito? Ito ay kasamaan. Maaaring hindi mo kinamkam, winaldas, o inaksaya ang mga handog na ito, at maaaring hindi mo ibinulsa ang mga ito, pero nangyari ang sitwasyong ito dahil sa iyong kapabayaan at pagwawalang-bahala sa responsabilidad. Hindi ba’t dapat mong pasanin ang pananagutan para dito? (Oo.) Ito ay isang napakalaking pananagutan na dapat pasanin!
II. Pagsusuri sa mga Akawnt
Sa gawain nila, bukod sa maayos na pagpapatupad ng iba’t ibang pagsasaayos ng gawain at kakayahang makipagbahaginan sa katotohanan para malutas ang mga problema, dapat pangalagaan nang mabuti ng mga lider at manggagawa ang mga handog. Dapat silang maghanap ng mga angkop na tao, ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, para isagawa ang sistematikong pamamahala ng mga handog, at paminsan-minsan, dapat nilang suriin ang mga akawnt. Tinatanong ng ilan, “Paano ko masusuri ang mga ito kung hindi ito pinahihintulutan ng mga pangyayari?” “Hindi ito pinahihintulutan ng mga pangyayari”—dahilan ba ito para hindi suriin ang mga akawnt? Masusuri mo ang mga ito kahit na hindi ito pinahihintulutan ng mga pangyayari; kung hindi ka mismo makapupunta, dapat kang magpadala ng maaasahan at angkop na tao para mangasiwa, at tingnan kung pinangangalagaan ng tagapag-ingat ang mga handog sa angkop na paraan, kung may anumang mga di-pagkakatugma sa mga akawnt, kung maaasahan ba ang tagapag-ingat, kung kumusta ang mga kalagayan niya kamakailan at kung naging negatibo ba siya, kung natakot ba siya nang humarap siya sa mga partikular na sitwasyon, at kung may posibilidad ba ng pagkakanulo. Ipagpalagay na narinig mong kapos sa pera ang pamilya niya—posible bang maaaring gamitin niya sa maling paraan ang mga handog? Sa pamamagitan ng pagbabahaginan at pagtingin sa sitwasyon, maaaring makita mo na medyo maaasahan ang tagapag-ingat, na alam niyang hindi dapat galawin ang mga handog, at na kahit gaano kakapos sa pera ang pamilya niya, hindi niya ginalaw ang mga handog, at sa pamamagitan ng mahabang panahon ng pagmamasid, maaaring mapatunayan na lubos na maaasahan ang tagapag-ingat. Bukod dito, dapat suriin kung ang kapaligiran sa paligid ng tahanan kung saan itinatago ang mga handog ay mapanganib, kung may mga kapatid bang naaresto ng malaking pulang dragon doon, kung ang tagapag-ingat ba ng mga handog ay naharap sa anumang panganib, kung ang mga handog ay nakatago ba sa isang angkop na lugar, at kung dapat bang ilipat ang mga ito o hindi. Ang kapaligiran at mga sitwasyon ng mga tahanan ng mga tagapag-ingat ay dapat madalas na inspeksiyonin, para makagawa ng mga angkop na tugon at plano anumang oras. Habang ginagawa mo ito, dapat ka ring magtanong paminsan-minsan tungkol sa kung aling mga pangkat ang nakakuha ng mga bagong kagamitan kamakailan, at kung paano nila nakuha ang mga kagamitang iyon. Kung binili ang mga iyon, dapat mong itanong kung may nagsuri ba ng mga aplikasyon at nagpahintulot sa mga ito bago binili ang mga ito, kung binili ba ang mga ito sa mataas na presyo o sa makatwirang presyo sa pamilihan, kung may hindi kinakailangang pera ba na nagastos, at iba pa. Sabihing walang nakitang mga isyu sa mga libro sa pagsusuri at pag-aaral ng mga akawnt, pero natuklasang may ilang tagabili ang madalas na nagwawaldas ng mga handog sa isang maluhong paraan. Gaano man kamahal ang isang bagay, bibilhin nila ito; bukod pa rito, kapag alam na alam naman nilang magse-sale ang isang produkto, na bababa ang presyo nito, hindi sila maghihintay, at sa halip ay bibilhin nila ito kaagad, at bibilhin nila ang magagandang bagay, ang mamahaling bagay, ang mga pinakabagong modelo. Gumagastos ang mga tagabiling ito ng pera nang walang mga prinsipyo at sa isang maluhong paraan, at ginagastos nila ang mga handog para bumili ng mga bagay para sa sambahayan ng Diyos na parang gumagawa sila ng mga bagay para sa kaaway nila. Hindi sila kailanman bumibili ng mga praktikal na bagay ayon sa mga prinsipyo, kundi naghahanap lang ng kahit anong tindahan at agad na bumibili ng mga bagay-bagay maging ano man ang halaga at kalidad ng mga ito. Kapag naiuwi na ang mga aytem, nasisira ang mga ito sa loob lang ng ilang araw ng paggamit, at hindi ito ipinaaayos ng mga tagabiling ito kapag nasira ang mga ito—bumibili sila ng mga bago. Kung sakaling sa pagsusuri ng mga akawnt at pag-aaral ng mga pinansyal na paggastos, natuklasang may ilang taong lubhang nagwawaldas at nag-aaksaya ng mga handog, paano ito dapat pangasiwaan? Dapat bang bigyan ang mga taong iyon ng babala bilang pagdidisiplina, o dapat ba silang pagbayarin ng danyos? Parehong kailangan ang mga iyon, siyempre. Kung matutuklasang wala sa tamang lugar ang puso nila, na sila ay sadyang mga walang pananampalataya, mga hindi mananampalataya, na mga diyablo sila, hindi malulutas ang isyu sa pamamagitan lang ng pagbibigay sa kanila ng babala bilang pagdidisiplina o pagpupungos sa kanila. Paano man pagbahaginan ang katotohanan, hindi nila ito tatanggapin; paano man sila pungusan, hindi nila ito seseryosohin. Kung hihingin sa kanilang magbayad ng danyos, gagawin nila ito, pero patuloy pa rin silang kikilos sa parehong paraan sa hinaharap, at hindi sila magbabago. Tiyak na hindi sila kikilos ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos; sa halip, kikilos sila nang sutil, walang ingat, at walang prinsipyo. Paano dapat pangasiwaan ang ganitong uri ng tao? Magagamit ba sila sa hinaharap? Hindi sila dapat gamitin; kung gagamitin pa rin sila, ang mga lider at manggagawa ay malalaking mangmang—sadyang napakahangal nila! Kapag natuklasan ang gayong mga hindi mananampalataya, dapat silang tanggalin, itiwalag, at alisin kaagad sa iglesia. Ni hindi sila karapat-dapat na magserbisyo—hindi sila angkop na gawin ito!
Kapag sinusuri ng mga lider at manggagawa ang mga akawnt at paggastos, maaaring hindi lang nila matagpuan ang mga kaso ng pagwawaldas at pag-aaksaya o ilang hindi makatwirang paggastos—maaari din nilang matuklasan na ang ilang taong gumagawa ng gawaing ito ay may mababang karakter, na ang mga ito ay napakababa at makasarili, at na nagdudulot ang mga ito ng mga kawalan sa gawain ng iglesia. Kung matutuklasan mo ang ganitong uri ng sitwasyon, paano mo ito dapat asikasuhin? Madali itong asikasuhin: Dapat mo itong pangasiwaan at lutasin agad-agad—tanggalin ang mga taong iyon, pagkatapos ay pumili ng mga angkop na tao para gawin ang gawain. Ang mga angkop na tao ay nangangahulugang mga tao na ang pagkatao ay pasok sa pamantayan, na nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at na kayang pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Kapag namimili sila para sa sambahayan ng Diyos, bibili sila ng matitipid na bagay na medyo praktikal at matibay rin, mga bagay na mahalagang bilhin. Hindi naman sa nakatuon sila sa pagbili ng mga mumurahing bagay, pero hindi rin nila nararamdaman ang pangangailangang bilhin ang mga pinakamahal na bagay; sa isang grupo ng magkakatulad na produkto ay pipiliin nila ang mga may medyo magandang pagsusuri at reputasyon, pati na rin ang may mga angkop na presyo, at siyempre, kung mas mahaba ang warranty ng mga ito, lalong mas mabuti. Ito ang uri ng tao na dapat mong hanapin para gawin ang pamimili para sa sambahayan ng Diyos. Dapat tama ang puso niya, at dapat isaalang-alang niya ang sambahayan ng Diyos sa mga pagkilos niya, at pag-isipan nang mabuti ang mga bagay-bagay; dapat din niyang pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, kumikilos at umaasal nang maayos, nang walang pagpapaligoy-ligoy at nang may kalinawan. Kapag nahanap mo na ang gayong tao, ipangasiwa mo sa kanya ang ilang bagay para sa sambahayan ng Diyos at obserbahan siya. Kung tila medyo angkop siya, maaari siyang gamitin. Pero hindi dito nagtatapos ang kuwento kapag naisaayos na iyon—sa hinaharap, dapat kang makipagkita sa kanya, makipagbahaginan sa kanya, at inspeksiyonin ang gawain niya. May ilang nagtatanong, “Dahil ba iyon sa hindi siya dapat pagkatiwalaan?” Hindi ito ganap na dahil sa kawalan ng tiwala—minsan, kahit na mapagkakatiwalaan siya, dapat pa ring magsagawa ng mga inspeksyon. At ano ang dapat inspeksiyonin? Tingnan kung nagkaroon ng mga paglihis sa pagsasagawa niya sa mga sitwasyon kung saan hindi niya naunawaan ang mga prinsipyo o kung nagkimkim siya ng baluktot na pagkaarok. Kinakailangan mo siyang tulungan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagbeberipika. Halimbawa, ipagpalagay na sinabi niyang may isang napakapopular na aytem sa pamilihan, pero hindi niya alam kung may gamit ba ito sa sambahayan ng Diyos, at nag-aalala siya na kung hindi niya ito bibilhin ngayon, maaaring hindi na ito mabibili sa hinaharap. Tinanong ka niya kung paano ito pangangasiwaan. Kung hindi mo alam, dapat mong ipatanong sa kanya sa isang taong may kaugnayan sa propesyonal na gawaing iyon. Sinasabi pagkatapos ng propesyonal na iyon na ang aytem ay isa lang panibagong uso na hindi madalas na magagamit, at na hindi kailangang gumastos ng pera para dito. Gamit ang opinyon ng propesyonal bilang sanggunian, napagpasyahang hindi kailangang bilhin ang aytem, na ang pagbili nito ay isang pag-aaksaya, at ang hindi pagbili nito ngayon ay hindi magiging kawalan. Dapat gawin ng mga lider at manggagawa ang gawain nila hanggang sa ganitong antas. Gaano man kahalaga o kawalang-kuwenta ang isang bagay, kung nakikita nila ito, naiisip ito, o natutuklasan ang tungkol dito, dapat pare-pareho nilang subaybayan at inspeksiyonin ito, at gawin ito sa itinakdang paraan ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagtupad sa responsabilidad ng isang tao.
May ilang tao na madalas na nag-aaplay para bumili ng ilang aytem, hinihingi sa sambahayan ng Diyos na bilhin ang mga produktong ito, at sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri at pagsisiyasat, karaniwang natutuklasan na isa lang sa limang hiniling na bagay ang kailangang bilhin, at hindi na kailangang bilhin ang apat na iba pa. Ano ang dapat gawin sa gayong mga kaso? Ang mga aytem na iniaaplay nila ay dapat suriin at isaalang-alang sa isang mahigpit na paraan, hindi dapat magmadaling bilhin ang mga ito. Hindi dapat bilhin ang mga ito dahil lang sinabi ng mga taong iyon na hinihingi ito ng gawain—hindi dapat pahintulutan ang mga taong iyon na arbitraryong mag-aplay para sa mga bagay nang basta-basta sa pagkukunwaring para ito sa gawain nila. Anuman ang gamiting pagkukunwari ng mga taong ito, at gaano man ang kanilang pag-aapura, ang mga lider at manggagawa o ang mga taong namamahala sa mga handog ay dapat na ganap na may matatag na puso. Dapat maingat nilang suriin at siyasatin ang mga bagay na ito; hindi maaaring magkaroon ng kahit kaunting pagkakamali. Ang mga bagay na talagang dapat bilhin ay dapat na saliksikin at aprubahan ng mga lider, at kung ang pagbili sa mga ito ay opsiyonal, dapat itong tanggihan, hindi aprubahan. Kung gagawin ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito nang metikuloso, kongkreto, at malaliman, mababawasan nito ang mga pagkakataon na nawawaldas at naaaksaya ang mga handog, at higit pa rito, siyempre, mababawasan nito ang mga hindi makatwirang paggastos. Ang paggawa ng gawaing ito ay hindi lang usapin ng maingat na pagtingin sa kung ano ang mga naitalang pumapasok at lumalabas sa mga libro, sa kung ano ang mga numero. Pangalawa lang iyon. Ang pinakamahalagang punto ay na dapat nasa tamang lugar ang iyong puso, at na tinatrato mo ang bawat paggastos at bawat tala na para bang tala ito sa sarili mong bank account. Pagkatapos ay titingnan mo ang detalye ng mga ito, at matatandaan mo ang mga ito, at mauunawaan mo ang mga ito—at kung may pagkakamali o problema, masasabi mo ito. Kung titingnan mo ito bilang mga akawnt ng ibang tao o mga pampublikong akawnt, tiyak na magiging bulag ka sa mata at isipan, walang kakayahang matuklasan ang anumang mga problema. May ilang tao na nag-iipon ng kaunting pera sa bangko, at kada buwan, binabasa nila ang mga statement nila at tinitingnan ang interes, pagkatapos ay sinusuri nila ang mga akawnt—sinusuri nila kung magkano ang ginagastos nila kada buwan, kung ilang withdrawal ang ginagawa nila, at kung magkano ang idinedeposito nila. Ang bawat tala ay nakarekord sa isipan nila, alam nila ang bawat numero na parang sarili nilang adres ang mga ito, at malinaw ang mga ito sa isipan nila. Kung may lumilitaw na problema saanman, makikita nila ito kaagad, at hindi nila pinalalampas maging ang pinakamaliit na pagkakamali. Maaaring maging napakaingat ng mga tao sa sariling pera nila, pero nagpapakita ba sila ng parehong pag-aalala sa mga handog sa Diyos? Sa Aking opinyon, hindi ito ipinakikita ng 99.9% ng mga tao, kaya kapag ang mga handog sa Diyos ay ipinagkakatiwala sa mga tao para sa pangangalaga, madalas na may mga kaso ng pagwawaldas at pag-aaksaya at iba’t ibang uri ng hindi makatwirang paggastos, pero walang nakararamdam na ito ay isang problema, at ang mga taong responsable para sa gawaing ito ay hindi rin kailanman nakararamdam ng pagkakonsensiya. Mawalan man sila ng isang daang yuan—kahit mawalan pa sila ng isang libo, sampung libo, wala silang nararamdamang pag-uusig ng konsensiya, pagkakautang, o pag-aakusa sa puso nila. Bakit masyadong magulo ang isip ng mga tao pagdating sa usaping ito? Hindi ba’t ipinakikita nitong wala sa tamang lugar ang puso ng karamihan ng tao? Paanong masyadong malinaw sa iyo kung magkano ang naipon mong pera sa bangko? Kapag pansamantalang idineposito ang pera ng sambahayan ng Diyos sa iyong akawnt, para pangalagaan mo ito, hindi mo ito sineseryoso o inaalala ang tungkol dito. Anong mentalidad ito? Hindi ka man lang tapat pagdating sa pangangalaga ng mga handog sa Diyos, kaya mananampalataya ka pa rin ba sa Diyos? Ang saloobin ng mga tao sa mga handog ay patunay ng saloobin nila sa Diyos—ang saloobin nila sa mga handog ay labis na nagsisiwalat ng marami. Walang pakialam ang mga tao sa mga handog at hindi sila nagmamalasakit tungkol sa mga ito. Hindi nila ikalulungkot kung mawawala ang mga handog; hindi nila inaako ang responsabilidad, at wala silang pakialam. Kaya, hindi ba’t pareho lang ang saloobin nila sa Diyos? (Oo.) May sinuman bang nagsasabing, “Ang mga handog sa Diyos ay sa Kanya. Hangga’t hindi ko pinag-iimbutan o kinakamkam ang mga iyon, ayos lang ang lahat. Ang sinumang kumakamkam sa mga ito ay parurusahan—usapin nila iyon, at nararapat lang ito sa kanila. Wala itong kinalaman sa akin. Wala akong obligasyong mag-alala tungkol dito”? Tama ba ang pahayag na ito? Malinaw na hindi. Saan ito nagkamali, kung gayon? (Hindi tama ang puso niya; hindi niya ipinagtatanggol ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi niya pinoprotektahan ang mga handog.) Ano ang pagkatao ng ganitong uri ng tao? (Makasarili at mababang-uri ito. Masyado niyang inaalala ang sarili niyang mga bagay at pinoprotektahan ang mga ito nang napakabuti, pero hindi siya nagmamalasakit o nagtatanong tungkol sa mga handog sa Diyos. Napakababa ng kalidad ng pagkatao ng mga ganoong tao.) Unang-una, makasarili at mababang-uri ito. Hindi ba’t walang puso ang ganitong uri ng mga tao? Sila ay makasarili at mababang-uri, walang puso, at walang damdamin ng tao. Maaari bang mahalin ng gayong mga tao ang Diyos? Makapagpapasakop ba sila sa Kanya? Maaari ba silang magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso? (Hindi.) Para saan ang pagsunod sa Diyos ng gayong mga tao, kung ganoon? (Para magkamit ng mga pagpapala.) Hindi ba’t kawalan ng kahihiyan ito? Kung paano tratuhin ng isang tao ang mga handog sa Diyos ay lubos na nagbubunyag sa kung ano ang kalikasan niya. Hindi naman talaga kayang gawin ng mga tao ang kahit anong bagay para sa Diyos. Kahit na kaya nilang gumawa ng kaunting tungkulin, napakalimitado niyon. Kung hindi mo man lang magawang tratuhin ang mga handog—na pag-aari ng Diyos—nang tama o pangalagaan ang mga ito nang maayos, kung nagkikimkim ka ng ganoong uri ng pananaw at saloobin, hindi ba’t ikaw ay isang taong pinakawalang pagkatao? Hindi ba’t kasinungalingan ang sabihin mong mahal mo ang Diyos? Hindi ba’t mapanlinlang ito? Napakamapanlinlang nito! Wala talagang pagkatao sa ganitong uri ng tao—ililigtas ba ng Diyos ang gayong walang-kwentang tao?
III. Pagsusubaybay, Pagsusuri, at Pag-iinspeksiyon sa Lahat ng Uri ng Gastos, Pagsasagawa ng Mahigpit na Pagbeberipika
Para maging mabuting katiwala ng sambahayan ng Diyos ang mga lider at manggagawa, ang unang gawain na dapat nilang gawin nang maayos ay ang pamahalaan nang tama ang mga handog. Higit sa tamang pangangalaga sa mga handog, dapat silang magsagawa ng mahigpit na pagbeberipika sa mga paggastos ng mga handog. Ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa ng mahigpit na pagbeberipika? Ang pangunahing ibig sabihin nito ay ganap na wakasan ang mga hindi makatwirang paggastos, at pagsikapang gawing makatwiran at epektibo ang bawat paggastos ng mga handog, sa halip na nawawaldas at nasasayang ang mga handog. Kung may matutuklasang mga kaso ng pag-aaksaya o pagwawaldas, hindi lang dapat agarang pahintuin ng mga lider at manggagawa ang mga ito, kundi dapat ding papanagutin ang mga ito, at tukuyin din ang mga angkop na tao para gawin ang gawain. Dapat alam ng mga lider at manggagawa kung saan eksaktong napupunta ang bawat paggastos at kung para saan ang bawat paggastos sa loob ng saklaw ng pamamahala nila—dapat nilang suriin nang mahigpit ang mga bagay na ito. Halimbawa, kung kulang sa bentilador ang isang silid, dapat magbigay sila ng mga pamantayan para sa kung sino ang bibili nito, magkano ang gagastusin dito, at anong mga gamit ang pinakaangkop na mayroon ito. Sinasabi ng ilang lider at manggagawa, “Abala kami; wala kaming oras na sumama para bumili nito.” Hindi hinihingi sa iyo na ikaw mismo ang pumunta at bumili nito. Dapat kang kumuha ng isang mabuting tao, isang taong may kakayahan para pangasiwaan ang gampaning ito. Huwag kang kumuha ng isang mangmang o masamang tao na ang puso ay nasa maling lugar para bumili nito. Alam ng mga taong may normal na pagkatao na dapat silang bumili ng mga bagay na may mga angkop na panksyon at angkop na presyo—walang-kuwenta ang labis-labis na mga panksyon, at mas mahal ang halaga ng mga ito. Ang mga naghahanap ng kasiyahan na ang mga puso ay wala sa tamang lugar, sa kabaligtaran, ay bumibili ng mga hindi praktikal na bagay na may halo-halong iba’t ibang uri ng mga panksyon, na mas mahal ang halaga. Dapat magtaglay ng katwiran ang mga tagabili; dapat nilang maunawaan ang mga prinsipyo. Ang mga biniling aytem ay dapat na praktikal nang hindi nagkakahalaga nang malaki, at ituring na angkop ng lahat. Kung kukuha ka ng isang iresponsableng tao na mahilig gumastos nang walang habas at magwaldas ng pera para gawin ang pagbiling ito, magbabayad lang siya nang mahal para sa pinakamagandang klase ng air conditioner, na sampung beses na mas mahal kumpara sa halaga ng pagbili ng isang bentilador. Naniniwala siya na bagaman mas mahal ito, ang mga tao ang dapat na pangunahin nating prayoridad—ang air conditioner na iyon ay hindi lang sumasala ng hangin, maaari din nitong baguhin ang halumigmig at temperatura, at mayroon itong iba’t ibang timer at setting. Hindi ba’t pag-aaksaya iyon? Pag-aaksaya at pagwawaldas ito. Ang taong iyon ay naghahanap ng kasiyahan, at gumagastos siya ng pera para sa katuwaan, para magpasikat, hindi para bumili ng mga praktikal na bagay. Nasa maling lugar ang puso ng gayong mga tao. Kung tagabili sila para sa sarili nila, maghahanap sila ng mga paraan para makatipid ng pera, maghahanap ng mga aytem na may deskuwento, at susubukang makipagtawaran. Magtitipid sila kung kaya nila—mas mura, mas mabuti. Pero kapag namimili sila para sa sambahayan ng Diyos, gaano man kalaki ang perang ginagastos nila, wala silang pakialam. Ni hindi man lang sila nag-aabalang tingnan ang mga murang bagay; gusto lang nilang bumili ng mamahalin, de-kalidad, at pinakabagong kagamitan. Ibig sabihin nito ay wala sa tamang lugar ang puso nila. Puwede bang gamitin ang mga tao na nasa maling lugar ang puso? (Hindi.) Kapag nangangasiwa ng mga gampanin para sa sambahayan ng Diyos, ang mga tao na nasa maling lugar ang puso ay gumagawa lang ng mga kakatwa at walang kuwentang mga bagay. Hindi nila ginagastos ang pera sa mga tamang bagay; inaaksaya at winawaldas lang nila ang mga handog, at bawat isa sa mga paggastos nila ay hindi makatwiran.
May ibang tao na may kaisipan ng karukhaan at naniniwala silang dapat nilang bilhin ang mga pinakamurang bagay kapag namimili sila para sa sambahayan ng Diyos, mas mura mas mabuti. Iniisip nila na ito ay pagtitipid ng pera ng sambahayan ng Diyos, kaya eksklusibo silang bumibili ng mga lipas na at mababang kalidad na mga bagay. Bilang resulta, binibili nila ang mga pinakamurang makina na mahinang klase. Nasisira ang mga makinang ito sa oras na ginagamit na ang mga ito, at hindi na makukumpuni at hindi na magagamit ang mga ito. Kung gayon ay kinakailangang bumili ng iba pa na sapat ang kalidad, at na magagamit nang normal, at kaya dagdag na pera na naman ang ginagastos. Hindi ba’t kahangalan ito? Dapat tawaging kuripot ang gayong mga tao, at nagtataglay sila ng kaisipan ng karukhaan. Palagi nilang gustong tipirin ang pera ng sambahayan ng Diyos, at ano ang ibinubunga ng lahat ng paghihigpit at pagtitipid nila? Nauuwi ito sa pag-aaksaya, sa pagwawaldas ng pera. Nagpapalusot pa nga sila: “Hindi ko iyon sinadya. May mabuti akong intensyon—sinusubukan ko lang tipirin ang pera ng sambahayan ng Diyos—hindi ko ginustong gumastos ng pera nang walang pakundangan.” May anumang silbi ba ang hindi nila pagkagustong gawin iyon? Sa katunayan, walang pakundangan silang gumagastos ng pera, nagdudulot sila ng pag-aaksaya, at kumukonsumo talaga ito ng pera at lakas-tao. Hindi rin maaaring gamitin ang gayong mga tao—mga mangmang sila, hindi sila sapat na madiskarte. Sa madaling salita, hindi dapat gamitin ang mga taong ang puso ay nasa maling lugar para mamili para sa sambahayan ng Diyos, at gayundin ang mga mangmang. Iyong mga dapat gamitin ay mga madiskarteng tao na may partikular na dami ng karanasan sa pamimili at isang partikular na kakayahan, at na tumitingin sa lahat ng bagay sa isang hindi baluktot na paraan. Anuman ang binibili, dapat praktikal ito, at dapat makatwiran ang presyo nito, at kahit masira ito, dapat madali itong makukumpuni, at dapat madaling makabibili ng mga piyesa nito. Makatwiran iyon. Pagkatapos na bumili ng isang bagay ang ilang tao, makikita nilang may isang buwang palugit ito para maibalik at magmamadali sila para subukan ito, at makukuha nila ang mga resulta sa loob ng buwang iyon. Kung may kaunti itong depekto at hindi gumagana nang maayos, ibabalik nila ito kaagad, at pipili ng iba, binabawasan ang mga kawalan. Ang mga taong ito ay may medyo mabuting pagkatao. Ang mga taong walang pagkatao ay bumibili ng isang bagay, pagkatapos ay isasantabi ito. Hindi nila sinusubukang tingnan kung may anumang mali rito o kung matibay ito, ni hindi nila tinitingnan kung gaano katagal ang warranty nito o kung gaano katagal nila ito dapat ibalik—wala silang pakialam sa alinman dito. Kapag isang araw ay bigla silang nagkaroon ng interes sa aytem na iyon, kukuhanin nila ito at susubukan ito, at saka lang nila matutuklasang sira ito. Susuriin nila ang resibo at makikitang lumampas na ang panahon para maibalik ito, at hindi na maibabalik pa ang aytem. Sasabihin nila pagkatapos, “Bumili na lang tayo ng isa pa kung ganoon.” Hindi ba’t pag-aaksaya iyon? “Bumili na lang tayo ng isa pa”—sa pariralang iyon, kailangang maglabas ang sambahayan ng Diyos ng panibagong halaga ng pera. Ang pag-aaplay para bumili ng isa pa sa panlabas ay tila para sa kapakanan ng gawain ng iglesia, at isang makatwirang gastusin, gayong sa katunayan, sa kaibuturan ng lahat ng ito, dahil ito sa pagiging pabaya nila sa mga tungkulin nila sa pamamagitan ng hindi agarang pagsusuri sa aytem pagkatapos nila itong bilhin. Naaksaya ang isang halaga ng mga handog, at binayaran ang isa pa, at wala pa ring isang mabuting tao para mangalaga sa bagong aytem, kaya ito rin ay nagamit lang sa maikling panahon bago ito masira. Nakagugulat na walang namamahala sa mga bagay na ito, walang nangangasiwa sa mga problemang lumilitaw—ano ang ginagawa ng mga lider at manggagawa? Ganap silang naging pabaya sa mga responsabilidad nila kaugnay ng gawaing ito—hindi nila nagampanan ang tungkulin nila ng pangangasiwa, pag-iinspeksiyon, at pagsasagawa ng pagbeberipika, kaya’t nawaldas at naaksaya nang ganito ang mga handog. Kung mga responsableng tao ang mga tagabili, kaagad nilang ibabalik ang isang aytem na binili nila kapag nakita nilang hindi ito praktikal. Binabawasan nito ang kawalan at pag-aaksaya. Kung mga iresponsableng tao sila na nasa maling lugar ang puso, bibili sila ng mga bagay na may mababang kalidad, sa gayon ay naaaksaya ang mga handog. Kung gayon, kanino ba talaga dapat isisi ang kawalan ng perang ito? Hindi ba’t may responsabilidad dito ang tagabili at gayundin ang mga lider at manggagawa? Kung maingat, kongkreto, at masusing pinangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang usaping ito, hindi ba’t natuklasan na dapat ang mga problemang ito? Hindi ba’t naiwasto na dapat ang mga kamaliang ito? (Ganoon na nga.) Kung madalas na pumupunta ang mga lider at manggagawa sa mga iglesia sa iba’t ibang lugar para inspeksiyonin ang estado ng paggastos ng mga handog, magagawa nilang makita ang mga problema, at mawawakasan ang ganitong uri ng pagwawaldas at pag-aaksaya. Kung ang mga lider at manggagawa ay tamad at iresponsable, ang mga kasong ito ng hindi makatwirang paggastos at ng pagwawaldas at pag-aaksaya ay paulit-ulit na lilitaw—patuloy itong darami. Ano ang nagdudulot ng pagdaming ito? Hindi ba’t may kinalaman ito sa hindi paggawa ng mga lider at manggagawa ng tunay na gawain, at sa halip ay iniaangat nila ang sarili nila sa iba at kumikilos na parang mga walang silbing opisyal? (Oo.) Ang gayong mga lider at manggagawa ay walang konsensiya o katwiran, at wala silang pagkatao. Dahil ang lahat ng perang ginagastos ng iglesia ay pag-aari ng sambahayan ng Diyos, at lahat ito ay mga handog sa Diyos, at naniniwala silang wala itong kinalaman sa kanila, hindi sila nagmamalasakit o nagtatanong tungkol dito, at binabalewala nila ito. Naniniwala ang karamihan ng tao na dapat gastusin ang pera ng sambahayan ng Diyos, na ayos lang na gastusin ito sa anumang paraan, na basta’t hindi nila ito ibinubulsa o nilulustay, hindi mahalaga kung masayang ito, at na mga tao lang ito na kumukuha ng karanasan at nagpapalawak ng kanilang pananaw. Nagbubulag-bulagan lang ang mga lider at manggagawa rito: “Maaaring gastusin ninuman ang perang iyon paano man niya gusto, at bilhin anuman ang gusto niya. Hindi mahalaga kung gaano karami ang naaaksaya—sinumang nag-aaksaya ng pera ang siyang may pananagutan dito, at haharap siya sa pagganti at kaparusahan sa hinaharap—wala itong kinalaman sa akin. Hindi naman ako ang gumagastos nito, at hindi ko pera ang ginagastos.” Hindi ba’t ito ang parehong pananaw at saloobing kinikimkim ng mga walang pananampalataya sa paggastos ng mga pampublikong pondo? Para bang ginagastos lang nila ang pera ng mga kaaway nila. Kapag nagtatrabaho ang mga walang pananampalataya sa isang pabrika, kung maluwag ang pamamahala, ang mga aytem na para dapat sa lahat ay palaging mananakaw at mauuwi sa mga tahanan nila o nasisira nang basta-basta, at kung may nasira, hihingin nila sa pabrika na bumili ng bago. Kapag namimili sila para sa pabrika, eksklusibo silang bibili ng magaganda at mga mamahaling bagay. Sa anumang kaso, arbitraryong magagastos ang pera, at nang walang anumang mataas na limitasyon. Kung ang mga mananampalataya sa Diyos ay mayroon ding gayong mentalidad sa mga handog, maliligtas ba sila? Gagawa ba ang Diyos sa gayong grupo ng mga tao? (Hindi.) Kung may ganitong saloobin ang mga tao sa mga handog sa Diyos, dapat malaman mo nang hindi Ko sinasabi sa iyo kung anong uri ng saloobin mayroon ang Diyos sa mga taong iyon.
Ang pinakadirektang paraan kung paano naipamamalas ng isang tao ang saloobin niya sa Diyos ay sa saloobin niya sa mga handog. Anuman ang saloobin mo sa mga handog, iyon ang saloobin mo sa Diyos. Kung tinatrato mo ang mga handog tulad ng pagtrato mo sa mga transaksyon sa iyong sariling bank account—masusi, mabusisi, maingat, mahigpit, responsable, at maasikaso—halos katulad nito ang saloobin mo sa Diyos. Kung ang saloobin mo sa mga handog ay tulad ng iyong saloobin sa pampublikong ari-arian, sa mga gulay sa palengke—kaswal na bumibili ng kaunti ng anumang kailangan mo at hindi man lang tinitingnan ang anumang gulay na hindi mo gusto, hindi pinapansin ang mga ito saan man nakasalansan ang mga ito, walang pakialam kung may kumukuha at gumagamit sa mga ito, nagkukunwaring hindi nakikita kapag nahulog ang mga ito sa lupa at may nakatapak dito, naniniwalang ang lahat ng ito ay walang kinalaman sa iyo—nagbabadya iyon ng problema para sa iyo. Kung ganoon ang uri ng saloobin na mayroon ka sa mga handog, isa ka bang responsableng tao? Magagawa ba ng isang taong tulad mo ang isang tungkulin nang maayos? Malinaw kung anong uri ng pagkatao ang mayroon ka. Sa madaling salita, sa gawain ng pamamahala sa mga handog, ang pangunahing responsabilidad ng mga lider at manggagawa, bukod sa pangangalaga sa mga ito nang maayos, ay na dapat nilang subaybayan ang kasunod na gawain—ang pinakamahalaga, dapat nilang regular na suriin ang mga akawnt, pati na rin subaybayan, suriin, at inspeksiyonin ang lahat ng uri ng gastos, at magsagawa ng mahigpit na pagbeberipika. Dapat ganap nilang wakasan ang mga hindi makatwirang gastos bago ito magresulta sa pagwawaldas at pag-aaksaya; at kung humantong na ang mga hindi makatwirang gastos sa mga bagay na iyon, dapat nilang panagutin ang mga responsable, bigyan ng babala ang mga ito, at pagbayarin ng kompensasyon ang mga ito. Kung hindi mo man lang magawa nang maayos ang gawaing ito, magmadali ka at magbitiw—huwag mong okupahin ang posisyon ng isang lider o manggagawa, dahil hindi mo kayang gawin ang gawain ng isang lider o manggagawa. Kung hindi mo man lang kayang pangasiwaan ang gawaing ito at hindi mo ito magawa nang maayos, anong gawain ang magagawa mo? Sabihin mo sa Akin nang sistematiko: Ilang gampanin ang naroroon, sa kabuuan, na dapat gawin ng mga lider at manggagawa kaugnay sa mga handog? (Ang una ay ang pangangalaga sa mga ito. Ang pangalawa ay ang pagsusuri sa mga akawnt. Ang pangatlo ay ang pagsusubaybay, pagsusuri, at pag-iinspeksiyon sa lahat ng uri ng gastos, at pagsasagawa ng mahigpit na pagbeberipika; dapat wakasan ang mga hindi makatwirang gastos, at sino man ang nagdudulot ng pagwawaldas o pag-aaksaya, dapat silang panagutin at pagbayarin ng kompensasyon.) Madali bang gumawa alinsunod sa mga hakbang na ito? (Oo.) Ito ay isang malinaw na tinukoy na paraan ng paggawa. Kung hindi mo man lang magawa ang gayong simpleng gawain, ano ang magagawa mo bilang isang lider o manggagawa—bilang isang katiwala ng sambahayan ng Diyos? May mga pangyayari na nawawaldas at naaaksaya ang mga handog sa bawat pagkakataon, at kung, bilang isang lider o manggagawa, wala kang kamalayan dito at hindi ka talaga nababagabag tungkol dito, nasa puso mo man lang ba ang Diyos—may puwang man lang ba sa puso mo para sa Kanya? Kaduda-duda ito. Sinasabi mo na dakila ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso at na mayroon ka talagang may-takot-sa-Diyos na puso, pero kapag nawawaldas at naaaksaya ang mga handog Niya nang ganito, parang wala kang kamalayan dito at hindi ka talaga nababagabag tungkol dito—hindi ba’t nagiging kaduda-duda ang pagmamahal at takot mo sa Diyos? (Ganoon nga.) Maging ang pananalig mo ay kaduda-duda, lalo na ang iyong pagmamahal at takot sa Diyos. Hindi matatag ang pagmamahal at takot mo sa Diyos—hindi ito mapaninindigan! Ang maayos na pangangalaga sa mga handog ay isang obligasyon na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa, at ito rin ay kanilang hindi matatakasang responsabilidad. Kung hindi mapangangalagaan ang mga handog nang maayos, ito ay kapabayaan sa responsabilidad sa bahagi nila—masasabi na ang lahat ng hindi maayos na nangangalaga sa mga handog ay mga huwad na lider at mga huwad na manggagawa.